P. 1
Sagisag Kultura Ng Filipinas 002

Sagisag Kultura Ng Filipinas 002

|Views: 2,822|Likes:
Published by F.A. Buenaventura

More info:

Published by: F.A. Buenaventura on Sep 22, 2012
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

09/16/2013

pdf

text

original

Federico Caballero

Ipinagkaloob kay Federico Caballero (Fe·de·rí·ko Ka·bal·yé·ro) ng Calinog, Iloilo ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2000 dahil sa kaniyang pagsusumikap na mapanatili ang mga paniniwala, tradisyon, at panitikang Panay-Bukidnon sa pamamagitan ng paghimok sa mga mananaliksik at tagapagtaguyod ng kultura na isulat ang mga ito upang maituro sa mga nakababatang miyembro ng kanilang komunidad. Sampu ang pangunahing epikong-bayan ng Gitnang Panay na tinatangkang isalba ni Caballero. Kabilang dito ang Humadapnon at Labaw Dunggon na binibigkas sa wikang Ligboc, ang lengguwaheng nalalapit sa Kinaray-a ngunit hindi na ginagamit. Ang mga epikong-bayan ang nagsilbing pampatulog nilang magkakapatid habang lumalaki. Tuwing gabi, inaawit ng kanilang ina o ng kanilang lola sa talampakan na si Anggoy Omil ang mga epiko ng kanilang mga ninuno. Sa kanilang magkakapatid, tanging siya ang nagpatuloy sa pagpapalaganap ng kanilang panitikan. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho bilang kawani ng Bureau of Nonformal Education si Caballero. Dumadalaw siya sa iba’t ibang barangay at hinihikayat ang mga nakatatandang mag-aral na magsulat at magbasá. Bagaman kinikilala siyá bílang isang manughusay o tagapamagitan sa mga hidwaan at isang bantugan o iginagálang na indibidwal sa kanilang komunidad, hindi pa rin madali para sa kaniya ang himukin ang mga nakatatanda. Sa kabila nitó, ipinaaalala pa rin niya ang tungkulin ng kanilang henerasyon na isalin sa mga nakababatàng miyembro ng komunidad ang panitikan at kulturang ipinamana rin sa kanila ng kanilang mga ninuno. Nagbubunga naman ang kaniyang mga pagsisikap. Bukod sa mga iskolar, akademiko, at mga tagapagtaguyod ng kultura, kinikilala na rin ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang tatlong anak ang kagandahan at kahalagahan ng isinusulong niyang adhikain. (GB) (ed GSZ)

cabeza de barangay
Ang cabeza de barangay (kabésa de ba·ra·ngáy) ang pinuno ng baryo noong panahon ng Espanyol na humalili sa mga pinunòng datu at katumbas ngayon ng posisyong kapitan ng barangay. Ang pinunòng ito ay maaari lámang magmula sa mga prinsipalya o mag-anak ng mga datu at mayayamang pamilyang mestisong Tsino at Espanyol. Ang mga cabeza de barangay ang pangunahing tagapamahala sa mga nayon, tagakolekta ng mga buwis at tributo, at tagatipon ng mga polista o trabahador mula sa mga karaniwang tao para sa pamahalaang Espanyol. Siya rin ang tanging nakalalahok sa paghalal ng gobernadorsilyo o pinunò ng bayan noong siglo 19. Bilang kapalit sa kaniyang katapatan at paninilbihan sa pamahalaang Espanyol, binibigyan ang cabeza de barangay ng mga pribilehiyo gaya ng paggamit ng titulong “Don,” ang hindi pagbabayad ng tributo o buwis ng kaniyang pamilya, at ang pagiging malaya niyá at ng kaniyang mga anak na lalaki sa sapilitang paggawâ o polo y servicio. Ang termino ng isang cabeza de barangay ay hindi bababa sa tatlong taon ngunit maaari niyang matamasa nang panghabambuhay ang mga nasabing pribilehiyo kung siyá ay makapagsisilbi sa pamahalaang Espanyol nang hindi bababa sa sampung taon. (MBL) (ed GSZ)

Benedicto R. Cabrera (Bencab)
(10 Abril 1942—) Itinanghal si Benedicto R. Cabrera (be·ne·dík·to ka·bré·ra) na Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 2006. Mas kilala siya bilang Bencab na siya ring lumilitaw na lagda sa kaniyang mga pintura. Natatangi ang kaniyang sining sa larangang ng pinturang Filipino dahil sa pagbibigay niya ng diin sa pagguhit kaysa kulay. Kinakatawan ng mga pintor na sina Leonardo da Vinci at Michelangelo ng Italya ang ganitong estilo ng pagpipinta. Ang Filipino, noon at ngayon, gamit ang iba’t ibang hulagway, ang pinakatampok na paksa sa mga obra ni Bencab. Sinasabing ang kakulangan ng kulay sa kaniyang mga obra ay napupunuan ng karakter ng kaniyang mga paksa. Unang eksibit niya sa gulang na 24 anyos ang ginawa sa Indigo Gallery noong 1966. Mula sa isang larawan ng isang marungis na babaeng kinunan ng retrato mismo ng pintor noong dekada 1960, iniluwal ang hulagway na tinawag niyang Sabel. Sinisimbolo ng hulagway ng Sabel ang hikahos na kalagayan ng maraming Filipino. Ang Larawan Series naman ay nagmula sa mga larawan ng mga Filipino na hango sa mga mapang antigo at mga librong kinolekta ng mag-asawang Bencab at Caroline noong sila ay nasa London. Sa mga pinturang Larawan, nahuli ng pintura ni Bencab nang buhay na buhay ang mga pigura sa mga retrato na animo’y reproduksiyon nito. Subalit dahil sa husay at kasiningan ng pintor, nagmimistulang mga bagong larawan ang pintura. Noong 1986, bumalik sa Filipinas ang pintor matapos ang diborsiyo. Muling sinalamin ng kaniyang pintura ang panibagong yugto ng kasaysayan ng bansa sa kaniyang ikalawang bersiyon ng Two Filipinas—ang EDSA Event. Sa Baguio City na namalagi si Bencab kapiling ang iba pang manlilikha ng sining na bumubuo sa Baguio Arts Guild gaya nina Kidlat Tahimik at Santiago Bose. Ipinanganak si Bencab noong 10 Abril 1942 kina Democrito Cabrera, isang empleado ng gobyerno at Isabel Reyes. Sa kaniyang mga naunang likha makikita ang mga imahen ng lugar na kinalakhan niya sa Bambang at Mayhaligue sa Tundo. Napangasawa niya si Caroline Kennedy, isang manunulat na British. Nag-aral siya ng Fine Arts, major sa Commercial Arts sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959-1963. Naging ilustrador siya ng Liwayway at Sunday Times Magazine ng Manila Times noong 19651968. Pagkaraan, iniukol na niya ang buo niyang panahon sa pagpipinta. (RVR) (ed GSZ)

Camiguin
Ang Camiguin (Ka·mí·gin) ay isang pulông bulubundukin sa dakong timog ng Dagat Mindanao. Matatagpuan ito sa hilaga ng Misamis Oriental at sa timog ng pulô ng Bohol. Karatig nitó ang mga look ng Macalajar at Gingoog sa Mindanao. Ito ang pangalawa sa pinakamaliit na lalawigan batay sa populasyon at kalupaan. Mayroon lámang itong limang bayan: Guinsiliban, Catarman, Sagay, Mahinog, at Mambajao. Ang pinakamalaking bayan ay ang Mambajao na siyá ring kabisera ng lalawigan. Ang pangalang Camiguin ay nagmula diumano sa katutubong salitâng “kamagong”, isang maitim at matigas na punongkahoy. Ang mga unang nanirahan dito ay ang mga Manobo. Ang isla ay nabuo mula sa pagsabog ng mga bulkan. Ang Bulkang Hibok-Hibok ang huling bulkang pumutok dito noong 1953, na nananatiling isang aktibong bulkan. Makikita rin sa pulo ang iba pang mga bulkan, gaya ng Bundok Vulcan na may 671 metrong taas sa hilagang-kanluran ng Bulkang Hibok-Hibok., ang Bulkang Mambajao (1,552 metro) na nása gitnang Camiguin, ang Bulkang Guinsiliban (581 metro) sa dulong timog ng pulo, at ang Bullkang Butay na nása hilaga ng Bulkang Guinsiliban. Makikita rin dito ang mga simboryo ng Campana Hill, Minokol Hill, Tres Marias Hill, Bulkang Carling, Bulkang Tibane, at ang Piyakong Hill. Ang mga mamamayan dito ay nabubuhay sa pangingisda at pagsasaka. Kopra ang pangunahing pinanggagalingan ng malaking kita ng lalawigan, ngunit kilalá rin ito sa mga produktong abaka, mangga, at lansones. Kabilang sa mga tanawing panturismo na makikita dito ay ang matandang simbahan ng Santo Rosario sa bayan ng Sagay, ang simbahan ng Baylao, at ang simbahan ng Gui-ob sa bayan ng Catarman, na natabunan nang pumutok ang Vulcan mula 1871 hanggang 1875. Tanging ang nasirang simbahan at kampanaryo nitó ang natira sa bayan ng Catarman. Ang mga sinauna at matatandang bahay na mula pa sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano ay nanatiling nakatayô at makikita sa kahabaan ng mga kalsada ng Camiguin. May dalawang magandang maliit na pulo dito, ang White Island at Mantigue Island. Magandang pasyalan din ang Talong Katibawasan at Talong Tuasan. Makikita naman sa bayan ng Bonbon ang itinayông malaking krus noong 1982 bilang pag-alala sa lumubog na sementeryo ng bayan, ang Sunken Cemetery. (AMP) (ed VSA)

Paulo C. Campos
(27 Hulyo 1921-2 Hunyo 2007) Pambansang Alagad ng Agham, si Paulo Campos (Pá·u·ló Kám·pos) ang kinikilálang “Ama ng Medisinang Nuklear sa Filipinas.” Malaki ang kaniyang naging kontribusyon sa pagsisimula at pagpapalakas ng komprehensibong programang pangkalusugan para sa mga komunidad. Dahil sa mga natatangi at makabuluhang ambag niya sa larangan ng siyensiyang pangkalusugan, iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham noong 1989. Si Campos ang namunò sa pagtatatag ng kauna-unahang Radioisotope Laboratory sa Filipinas. Siya rin ang pundador ng unang Medical Research Laboratory sa bansa. Bukod sa mga pasilidad na ito, itinayô rin niya ang unang Thyroid Clinic sa Philippine General Hospital. Subalit napansin ni Campos ang sobrang pagbibigay pansin ng pamahalaan sa paghahanap ng lunas sa sakit samantalang nagkukulang ng atensiyon ang pagpapahalaga sa pag-iwas sa sakit at pagpapataas ng kalidad ng kalusugan ng mamamayan. Pinasimulan niya, katulong ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Departamento sa Kalusugan, ang pagtatayô ng unang Comprehensive Community Health Program (CCHP) sa Bai, Laguna. Ang programa ay tumugon sa mga batayang pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan ng Bai at karatig munisipyo. Si Campos ay isa sa mga pundador ng National Academy of Science in the Philippines (NAST) at nagsilbing tagapangulo nitó mula 1978 hanggang 1989. Si Campos ay isa ring masipag na mananaliksik. Ang kaniyang mga pagaaral hinggil sa paghahanap ng lunas sa bosyo (goiter) ay nakatulong nang malaki hindi lamang sa Filipinas kundi sa buong daigdig. Kasama ang iba pang mananaliksik, sinimulan ni Campos ang pagtuturok ng iodized oil sa mga pasyenteng may bosyo. Ang bagong prosesong ito ay pinagtibay ng World Health Organization bilang batayang paraan upang labanan ang sakít na bosyo. (SMP) (ed VSA)

Candaba Viaduct
Limang kilometrong tulay ang Candaba Viaduct (Kan·dá·ba Va·yá·dak) na tumatawid sa pinak (marshland) ng Candaba, isa sa mga pangunahing pinak ng bansa at may lawak na 32,000 ektarya. Ang viaduct ay uri ng mahabàng tulay o serye ng mga tulay. Isa ang Candaba Viaduct sa mga pinakamahabàng tulay sa Filipinas at bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) na nagdurugtong ng Kamaynilaan at mga lalawigan ng Gitnang Luzon. Tinatahak nitó ang daan sa pagitan ng mga interchange ng Pulilan, Bulacan at ng San Simon, Pampanga. Pinananatili nitóng nakabukás ang daloy ng trapiko sa NLEX kahit binabahâ ang latian tuwing panahon ng tag-ulan. Mayroon itong apat na lane (dalawang pahilaga at dalawang patimog) at gawa sa aspalto at kongkreto. Idinisenyo ang Candaba Viaduct ng kompanyang Aas-Jakobsen ng Norway at pinangangalagaan ng Manila North Tollways Corporation, ang gumawa at concessionaire ng NLEX. (PKJ) (ed VSA)

Carriedo
Kilalá lámang ang Carriedo (Kar·yé·do) sa kasalukuyan bilang isa sa mga estasyon ng Light Rail Transit o LRT-1. Ngunit bago pa man takpan ng mataas na daanan ng nasabing tren ang Carriedo, ito ay dáting maningning na lugar sa distrito ng Sta. Cruz, Maynila na paboritong pasyalan ng mga tao. Dito, ang maykaya at karaniwang tao ay nagkakasalamuha sa isa’t isa upang mamili o kahit mamasyal lámang. Ang Carriedo ay bahagi ng dating sentro ng kalakalan sa Maynila. Sa paligid nitó, matatagpuan ang simbahan ng Quiapo na kilalá sa selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno, ang Escolta na dating sentro ng negosyo, at ang Ongpin na para sa mga kalakal ng mga negosyanteng Tsino. Bago pa man nagsulputan ang naglalakihang malls, ang Carriedo ay nauna nang tahanan ng mga department stores na tulad ng ShoeMart, Plaza Fair, Fair Mart, at Isetann. Ang Carriedo ay ipinangalan kay Don Francisco Carriedo y Peredo, isang Espanyol mula Santander na nanirahan sa Filipinas noong ika-18 siglo at naging bantog sa kaniyang kawanggawa o obras pias. Sa kaniyang hulíng habilin at testamento, iniwan niya ang malaking halaga para sa pagtatayô ng sistema ng gawaing-pantubig sa Maynila. Ang inisyatibang ito ay kilalá bilang “Carriedo Legacy.” Bago ang taóng 1878, walang sistema ng gawaing-pantubig sa siyudad. Ang mga estero at ilog ang pinagkukunan ng tubig para inumin, ipanlaba, at ipanligo. Mula sa pondong iniwan ni Don Francisco, itinatag ng noo’y gobernador na si Domingo Moriones ang sistema ng patubig nitong ika20 siglo na tinawag na Manila Waterworks. Bilang pag-alala dito, isang puwente o fountain ang itinayô sa panulukan ng kalye Legarda, Nagtahan, at Magsaysay sa Sampaloc. Noong hulíng bahagi ng dekada sitenta, inilipat ang puwente sa Balara, Lungsod Quezon kasabay ng paglilipat ng tanggapan ng Manila Waterworks and Sewerage Authority. Sa panahon ng panunungkulan ni Alfredo Lim bilang alkalde, naibalik ang puwente sa Maynila at kasalukuyang nakatayô sa harap ng simbahan ng Sta. Cruz. (LN) (ed VSA)
Ang Carriedo sa Balara, Lungsod Quezon

Casa Gorordo
Báhay-na-bató ang Casa Gorordo (Ká·sa Go·rór·do) na itinayô noong kalagitnaan ng siglo 19 at matatagpuan sa Kalye Lopez Jaena, Barangay Parian sa Lungsod Cebu. Sa kasalukuyan, nagsisilbi itong museo at isa sa mga tampok na lugar panturista ng lungsod. Tulad ng ibang bahay-na-bato na itinayô noong panahon ng Espanyol, gawa ang Casa Gorordo sa mga tipak ng batong korales, sahig na mulawin, bubong na yari sa tisang terracotta, at mga bintanang yari sa kapis. Makikita sa museo ang mga antigong muwebles, kasangkapan sa pagluluto, pananamit, pintura, at aklat. Ipinagawa ni Alejandro Reynes y Rosales ang bahay sa makasaysayang distrito ng Parian, tirahan ng mga tanyag at maykayang angkan ng Cebu. Binili ito ni Juan Isidro de Gorordo, mangangalakal na Espanyol noong 1863. Mula 1863 hanggang 1979, apat na henerasyon ng pamilya Gorordo ang nanirahan sa bahay. Kabilang sa kanila si Juan Bautista Perfecto Gorordo (mas kilala bilang Juan Gorordo) na siyáng nagsilbing unang obispong Filipino ng Cebu mula 1910 hanggang 1932. Binili ang bahay ng Ramon Aboitiz Foundation, Inc. noong 1980 at sumailalim sa restorasyon bago buksan sa publiko bilang museo. Noong 1991, itinanghal ang Casa Gorordo bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark). (PKJ) (ed VSA)s

Gelia T. Castillo
(3 Marso 1928—) Pambansang Alagad ng Agham, si Gelia T. Castillo (Gél·ya Ti Kas·tíl·yo) ay isang tanyag na sosyologo ng kanayunan. Ang kaniyang mga pananaliksik ay nakaimpluwensiya nang malaki sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa kanayunan dito sa Filipinas at sa ibang panig ng daigdig. Bilang pagkilala sa mga natatangi niyang kontribusyon sa larangan ng sosyolohiya lalo na sa pagsisikap na maitaas ang kalidad ng teorya at praktika ng kaunlarang pampamayanan, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1999. Naniniwala si Castillo na ang agham ay dapat magsilbi sa sangkatauhan lalo na sa mas nakararaming mahihirap. Sa librong All in a Grain of Rice, sinuri ni Castillo ang sosyolohikong epekto ng bagong teknolohiyang pansakahan sa pag-unlad ng pamayanan at kung paano nakatutugon ang Filipinong magsasaka sa mga pagbabago. Kinilala naman ng mga dalubhasa ang Beyond Manila: Philippine Rural Problems in Perspective bilang isa sa pinakamahalagang literatura na tumatalakay sa dinamismo ng pag-unlad sa kanayunan. Isinasabúhay ni Castillo ang kaniyang isinusulat sa pamamagitan ng pagtuturo at pangangasiwa ng iba’t ibang ahensiya at institusyong nagpapatupad ng kagalingang panlipunan. Mahigit apatnapung taon siyáng nagturo ng sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas. Gumanap siyá ng mahahalagang tungkulin sa Kagawaran ng Agrikultura, National Economic Development Authority, Philippine Rice Research Institute, Development Academy of the Philippines, Philippine Institute for Development Studies, at naglingkod ding tagapangulo o tagapayo sa mga internasyonal na ahensiyang pangkaunlarang kagaya ng International Potato Center, World Health Organization, International Development Research Center, at International Fund for Agricultural Development. Isinilang si Castillo noong 3 Marso 1928 sa Pagsanjan, Laguna at anak nina Antonio Castillo at Constancia Tagumpay. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Sikolohiya sa UP noong 1948. Nagtungo siyá sa Estados Unidos upang magpakadalubhasa sa Sosyolohiyang Pangkanayunan. Nakapagtapos siyá ng master sa Siyensiya sa Pennsylvania State University noong 1958 at doktorado sa Sosyolohiya sa Cornell University noong 1960. Ipinagkaloob sa kaniya ang Rizal Pro-patria Award noong 1976, Distinguished Alumnus Award ng UP noong 1975, at isa sa Ten Outstanding Filipinos noong taóng 2004. (SMP) (ed VSA)

Levi Celerio
(30 Abril 1910-2 Abril 2002) Isang pambihirang manunulat ng lirika ng mga awit, tula, at palindromo si Levi Celerio (Lé·vi Se·lér·yo) kayâ tinaguriang “makata ng musikang Filipino.” Ang kaniyang mahigit sa 4,000 obra na pumapaksa sa halos lahat ng aspekto ng buhay ng Filipino ay patunay sa kaniyang sining at kahusayan bilang isang premyadong lyricist. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Musika noong 1997. Ang mga obra ni Celerio ay tumalakay sa masaklaw na mga paksa ng pagibig: “Saan Ka man Naroroon” (Restie Umali), “Lagi Kitang Naaalala” at “Dahil sa Isang Bulaklak” (Leopoldo Silos), at “Ikaw” (Tony Maiquez); kalikasan: “Ang Pipit” (R. Alinsod), “Bulaklak at Paru-paro” (S. Suarez), “Masaganang Kabukiran” (J.Cenizal); at karaniwang bagay: “Batya’t Palo-palo” (J.Silos Jr.) at “Kalesa” (E. Cuenco). Marami ring awit para sa pelikula ang kaniyang nilikha na umani ng papuri mula sa mga kritiko: “Sapagkat Kami’y Tao Lamang” (T. Maiquez); “Diligin mo ng Hamog ang Uhaw ng Lupa” (E. Cuenco); “Kahit Konting Pagtingin” (GomezHammond); at “Kapag Puso’y Sinugatan” (T. Maiquez). Ang isa sa pinakapopular na likha ni Celerio at bahagi na ng tradisyong Filipino ay ang “Ang Pasko ay Sumapit” (ang musika ay sa isang di nakilalang Sebwanong kompositor). Bukod sa mga lirika para sa orihinal na komposisyon, may mga isinalin at naisulat rin si Celerio na para sa maraming katutubong himig. May nailathala ring dalawang libro si Celerio, ang Filipino Palindromes, kalipunan ng mga salita o parirala na pabalik mang basahin ang mga titik ay nanatili ang ispeling, at Take it from Levi, koleksiyon ng kaniyang mga tula. Ipinanganak siyá noong 30 Abril 1910 sa Tundo, Maynila kina Cornelio Cruz at Juliana Celerio. Sa edad na 11, nag-aral siyá ng biyolin sa isang kagawad ng Philippine Constabulary Band at kalaunan ay naging miyembro siyá nitó. Napansin siya ni Alexander Lippay at inirekomendang iskolar sa Academy of Music sa Maynila. Subalit maagang naudlot ang pangarap niyang maging mahusay na violinist nang mapilay ang kamay dahil sa pagkahulog sa punongkahoy. Si Celerio ay nagkaroon ng 12 anak mula sa apat na naging karelasyon. Namatay si Celerio noong 2 Abril 2002 sa edad na 91.

Umani ng mga pagkilala at parangal ang prolipikong si Celerio: Humanities doctorate, honoris causa, Unibersidad ng Pilipinas (1991); Gawad Urian mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino (1993); Film Academy of the Philippines Lifetime Achievement Award; Gawad CCP para sa Sining. Nakatala rin si Celerio sa Guiness Book of World Records para sa kaniyang natatanging kakayahan na lumikha ng musika mula sa dahon. (RVR) (ed GSZ)

Chinatown
Ang Chinatown (Tsáy·na·tawn) ay tawag sa mga pamayanang Tsino sa maraming lugar, gaya sa Maynila. Nakasentro ito sa mga distrito ng Binondo at San Nicolas. Hinango ang pangalang Binondo sa salitâng Tagalog na “binundok,” na tumutukoy sa dáting maburól na kalupaan ng lugar. Noong panahon ng Espanyol, isla ang Binondo sa gawing hilaga ng Ilog Pasig. Dati namang nakatira ang mga Tsino sa Parian (ngayo’y Mehan Garden); pero sa pagdami nila at ibang dahilang politikal, inilipat sila sa Binondo noong 1594, sa kautusan ni Gobernador Luis Perez Dasmarinas bilang permanenteng pamayanan ng mga dayuhang Tsino na nagpabinyag sa relihiyong Katoliko. Ang tawag ng mga Espanyol sa mga Tsinong ito ay “sangleys.” Kinikilala rin ito bilang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo. Kalye Rosario ang pangunahing kalye noon sa Binondo. Tinutumbok nito ang Plaza Calderon de la Barca at ang matandang Simbahang Binondo na itinayo noong 1596. Nakahanay ngayon sa Rosario ang pinakamalalaking bangko sa Filipinas. Sa gawing kaliwa ng Plaza Calderon ang Kalye San Fernando. Dito itinayo ang Alcaiceria de Binondo, dating lugar ng adwana at mga tindahan ng pakyaw. Sa kasalukuyan, ang Alcaiceria ay museo at aklatan. Nasa púsod ng Chinatown ang Kalye Ongpin. Nakahilera rito ang mga tindahan ng alahas, talyer ng platero, mga puwesto ng ipinagbibiling halamang-gamot, prutas, alagang-hayop, panregalo, restoran ng pagkaing Tsino, at iba pang panindang hindi makikita sa ibang lugar sa Maynila. Nasa tapat ng kalyeng Ongpin ang Simbahan ng Santa Cruz na itinayo noong 1608. Dinarayo rin sa Chinatown ang Templo ng Sampung Libong Buddha at ang mga pistang Tsino. Isang pagdiriwang ang Bagong Taon ng mga Tsino, ginaganap sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 19 at tinatampukan ng mga sayaw-dragon, tula, at handaan. Isa pa ang Pista ng Buwang Agosto na tinatampukan din ng sayaw, nakaugaliang parada, at eksibisyon ng kung fu. Noong dekada 80 nang magkaroon ng krisis pampinansiya sa bansa, binansagan itong “Binondo Central Bank” dahil malakihang nagpapalit dito ng dolyar ang mga Tsinong negosyante na siyang nakapagdidikta ng presyo ng piso sa dolyar. (AMP) (ed GSZ)

Chocolate Hills
Ang Chocolate Hills (Tsó·ko·léyt Hils) ay isang pambihira at kamanghamanghang likás na pormasyong heolohiko at matatagpuan sa lalawigan ng Bohol. Binubuo ito ng may 1,268 hanggang 1776 hugis apang burol na may magkakahawig na anyo at simetrikong agwat sa pagitan ng bawat isa na waring sinadya. Nasa 30 hanggang 120 metro ang taas ng bawat burol nito. Ang mga burol ay nababalutan ng damong kulay berde tuwing tag-ulan at nagiging kulay tsokolate naman kapag panahon ng tagtuyot. Ang anyo ng mga burol tuwing tag-init ay inihahalintulad sa tanyag na tsokolateng “Chocolate Kiss” na pinaghalawan ng pangalan nito. Ang Chocolate Hills ay nasasakop ng tatlong bayan sa Bohol: ang Batuan, Carmen at Sagbayan. Sinasakop nito ang may 50 kilometro kuwadradong lawak ng lupain. May ilang paliwanag tungkol sa pagkabuo ng mga burol na ito. May nagsasabi na resulta ito ng paggalaw ng bulkan na nasa ilalim ng lupa o sa mga pagsabog maraming taon na ang nakalilipas. Subalit ayon sa mga heologo, maaaring nagmula ito sa mga naipong deposito ng coral limestone na umangat mula sa dagat bunsod ng malawakang pagbabago ng kalupaan at nahubog ang mga burol mula sa libo-libong taóng erosyon ng lupa. Bukod sa mga siyentipikong paliwanag na ito, ipinanganak din ang mga alamat na nagsasalaysay ng pagkabuo ng mga burol. May nagsasabing ginawa ito ng mga nilalang na galing sa ibang planeta. Ayon naman sa kuwento ng matatanda sa lugar, ang mga burol ay nabuo mula sa mga luha ni Arogo, isang higanteng binata na umibig sa isang mortal na babaeng si Aloya. Nang mamatay si Aloya, lubos na namighati ang higante at umiyak nang umiyak, Ang mga pumatak nitong luha sa lupa ang siyang naging dahilan ng pagtubo ng maliliit na burol. Ang Chocolate Hills ay idineklara ng National Committee on Geological Sciences bilang Ikatlong Pambansang Monumentong Heolohiko noong 18 Hunyo 1988, bilang pagkilala sa pambihirang katangian nito, kahalagahan sa siyentipikong pananaliksik, at potensiyal sa larangan ng turismo. At dahil dito, ang Chocolate Hills ay nabibilang na rin sa mga protektadong lugar sa Filipinas. (AMP) (ed GSZ)

Mercedes B. Concepcion
(10 Hunyo 1928—) Pambansang alagad ng Agham, si Mercedes Concepcion (Mer·sé·des Kon·sep·syón) ang tinaguriang “Ina ng Demograpiya sa Asia.” Kinilála siyá ng Philippine American Foundation bilang kauna-unahang demograpo sa Filipinas. Ang kaniyang mga gawa, publikasyon, at pananaliksik ay nakatulong sa pagpapaunlad ng mga patakaran at paraan sa pagpaplano ng pamilya sa Asia at ibang panig ng daigdig. Malaki ang naging kontribusyon niya sa pagsisikap na gawing mas moderno at masinop ang pag-aaral ng demograpiya sa Filipinas. Iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham noong 14 Enero 2010. Siyá ang unang Filipino na naging kagawad ng United Nations Statistical Training Center noong 1955 at unang direktor ng Population Institute sa Unibersidad ng Pilipinas na itinatatag noong 1965. Siyá rin ang tanging naging kinatawan ng bansa sa UN Population Commission at unang babae sa buong Asia na naging tagapangulo ng International Union for the Scientific Study of Population. Malaki ang naitulong ni Concepcion sa pagbabalangkas ng Population Act of 1971. Ang batas na ito ang nagtakda ng pambansang patakaran sa populasyon at nagbigay direksiyon sa pagpapatupad ng mga programa para sa pagpaplano ng pamilya. Pinangunahan din niya ang pagrepaso sa sistemang pang-estadistika ng Filipinas at nagbigay daan upang itatag ang National Statistical Coordination Board, National Statistics Office, Bureau of Agricultural Statistics, Bureau of Labor and Employment Statistics, at Statistical Research and Training Center. Si Concepcion ay isinilang noong 10 Hunyo 1928. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Agham sa Kemistri sa UP noong 1951. Nakatanggap siyá ng Colombo Plan Fellowship noong 1953 upang makapag-aral sa University of Sydney ng Biyoestadistika. Natapos niya ang doktorado sa Demograpiya sa University of Chicago noong 1963. Nagturo si Concepcion ng estadistika at demograpiya sa UP habang gumaganap ng tungkuling pang-administrasyon sa Population Institute at iba’t ibang ahensiya ng UN. Naglilingkod siya ngayon bilang kasapi ng lupon ng Komisyon sa Populasyon at tagapangulo ng Committee on Population and Housing Statistics ng NSCB. (SMP) (ed VSA)

Manuel Conde
(9 Oktubre 1915-11 Agosto 1985) Manuel Pabustan Urbano ang buong pangalan, si Manuel Conde (Man·wél Kón·de) ay isang aktor, manunulat ng iskrip, direktor, at prodyuser ng pelikula. Iniangat niya ang kalidad ng pelikulang Filipino sa pandaigdigang nibel. Natatangi siyá sa kaniyang mga likha na inaliw, kiniliti, at niliwanagan ang mga manonood habang pinauunlad ang sining ng paggawa ng pelikula. Tampok na mga katha ni Conde ang Genghis Khan at seryeng Juan Tamad. Nominado siyáng maging Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 2009. Ang Genghis Khan ang kauna-unahang pelikulang Filipino na ipinamahagi sa buong mundo ng United Artists. Lahok din ito ng Filipinas sa 1952 Venice Film Festival at doon ay umani ng atensiyon at papuri ng mga kritiko. Testimonya sa pagiging auteur ni Conde ang kaniyang seryeng Juan Tamad na epektibong satira sa lipunan at politikang Filipino. Limang pelikula ang bumubuo sa seryeng ito: Si Juan Tamad (1947); Juan Daldal: Anak ni Juan Tamad (1948?); Juan Goes to Congress (1959); Juan Tamad Goes to Society (1960); at, Juan Tamad at Juan Masipag sa Pulitikang Walang Hanggan (1963). Si Conde ang direktor, sumulat at gumanap na rin bilang Juan Tamad. Sa mga pelikulang Maginoong Takas (1940) at Villa Hermosa (1941), sa ilalim ng LVN Studio, una niyang inihasa bilang direktor ang talim at lalim ng kaniyang komedya na malayò at taliwas sa nakagawiang slapstick. Nagsimula siyáng magdirihe sa pelikulang Sawing Gantingpala (1940) para sa LVN Picture, nang pumalya si direktor Carlos Vander Tolosa na tapusin ang pelikula. Tagapanguna rin si Conde sa mga pelikulang aksiyon, gaya ng Prinsipe Paris (1949) na iprinodyus na niya mismo sa pamamagitan ng kaniyang itinayông Manuel Conde Productions. Nananatili sa kolektibong memorya ng manonood na Filipino ang mga isinapelikula niyang mga awit at korido: Ibong Adarna (1941), Prinsipe Teñoso (1942), at Siete Infantes de Lara (1950). Ang mga nakaaaliw na Pilipino Kostum, No Touch (1955); Ikaw Kasi (1955); Handang Matodas (1956); at Bahala Na (1956). Ipinanganak siyá noong 9 Oktubre 1915 sa Daet, Camarines Sur kina Dionisio Urbano at Lucia Pabustan. Napangasawa niya si Julita Salayan

at nagkaroon silá ng pitóng anak. Nag-aral siyá sa Adamson University ng kursong heolohiya at nagtrabaho sa kompanya sa pagmimina. Marahil isang laro ng tadhana o sadyang angkop lámang na isang minerong naging direktor ang maglinang ng mga ituturing na diyamante sa pinilakangtabing. (RVR) (ed GSZ)

Onofre D. Corpuz
(1 Disyembre 1926—) Pambansang Alagad ng Agham, kinikilála si Onofre D. Corpuz (O·nóf·re Di Kór·pus) sa kaniyang makabuluhang ambag sa larangan ng ekonomiyang pampolitika, historyograpiya, agham panlipunan, at at pampublikong pamamahala. Siyá ang may-akda ng librong An Economic History of the Philippines na naging batayang sanggunian sa pag-aaral ng ebolusyon ng ekonomiya ng bansa at pag-usbong ng makabagong lipunang Filipino. Nagsilbi si Corpuz bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Dahil sa lalim ng impluwensiya niya sa larangan ng agham panlipunan at pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 2004. Kabilang sa kaniyang natatanging mga akda ang The Roots of Filipino Nation, Saga and Triumph: The Filipino Revolution Against Spain, The Events of 1872, at ang The Bureaucracy in the Philippines: Studies in Public Administration. Ang mga sulating ito ay nagpalawak ng kaalaman ng mga Filipino at nagpalalim sa pag-unawa ng kakayahan ng Filipinas bilang nagsasariling lipunan. Bilang administrador sa Kagawaran ng Edukasyon at sa UP, nag-ambag din si Corpuz sa pagpapaunlad ng pampublikong pamamahala. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, itinalaga ang UP Manila at UP Visayas bilang mga nagsasariling yunit. Naitatag rin sa panahon ng kaniyang panunungkulan ang Asian Institute of Tourism, Third World Studies Center, Creative Writing Center, National Engineering Center, UP Extension Program in San Fernando, at ang National Center for Transportation Studies. Isinilang si Corpuz noong 1 Disyembre 1926 sa Camiling, Tarlac. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte sa UP noong 1950 at Master sa Arte sa University of Illinois noong 1953. Nag-aral siyá ng Master sa Pampublikong Pangangasiwa sa Harvard University at nakapagtapos noong 1955. Sa Harvard niya rin tinapos ang doktorado sa Ekonomiyang Pampolitika at Pamamahala noong 1956. Ginawaran siya ng doktorado ng Royal Chulalongkorn University (honoris causa) noong 1976 at Doktorado sa Batas (honoris causa) sa UP Diliman noong 27 Enero 2004. (SMP) (ed VSA)

Corregidor
Ang Corregidor (Ko·re·hi·dór) ay isang pulo sa bukana ng Look Maynila na may lawak na siyam na kilometro kuwadrado. Mula sa salitang Espanyol na corregir, na may kahulugang iwasto, ang Corregidor ay dating pook para siyasatin ang mga barkong dumadaong sa Maynila. Tanyag ang Corregidor bilang pangunahing kuta at huling tanggulan ng mga Amerikano at Filipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyan, ang nasabing isla ay kilalang pasyalan ng mga Filipino at banyagang turista. Matatagpuan dito ang Eternal Flame of Freedom, isang mataas na bantayog na gawa ni Aristedes Demetrio, gayundin ang mga makasaysayang pook at bagay gaya ng Malinta Tunnel, mga kanyon, baraks ng mga sundalo, at museo. Ang pagbagsak ng Corregidor sa kamay ng mga Hapon pagkatapos ng limang buwan, mula 29 Disyembre 1941 hanggang 6 Mayo 1942, nang walang humpay na pananalanta at pagbobomba ay nangahulugang malaya nang makapapasok ang mga Hapon sa Look Maynila. Ang pagsuko ni Heneral Jonathan Wainwright at ng mahigit sa 12,000 sundalong Filipino-Amerikano noong 6 Mayo 6, 1942 ang hudyat ng pagkatalo ng organisadong pagtatanggol sa Filipinas. Ang nasabing pagsuko ng isla ang simula rin ng malawakang kilusang gerilya laban sa mga mananakop na Hapon hanggang mapaalis ang huli sa bansa noong 1945. Corregidor din ang titulong ibinigay sa mga tagapangasiwa ng kaayusan sa mga corrigimiento o mga lalawigan na di pa gaanong mapayapa noong panahon ng Espanyol. (MBL) (ed GSZ)

Apolinario de la Cruz
(22 Hulyo 1814-4 Nobyembre 1841) Kilalá si Apolinario de la Cruz (A·po·li·nár·yo de la Krus) sa bansag na “Hermano Pule” bilang pinunò at tagapagtatag ng Cofradia de San José. Pinamununan niya ang isang pag-aaklas laban sa mga Espanyol na nakabatay sa kalayaang panrelihiyon at pagkakapantay-pantay ng mga Espanyol at Indio sa kaparian. Isinilang siya noong 22 Hulyo 1814 sa Barrio Pandac sa bayan ng Lucban, Tayabas (ngayon ay lalawigan ng Quezon) kina Pablo de la Cruz at Juana Andres, pawang mula sa pamilyang maykaya at debotong Katoliko. Pinangarap niyang magpari, at sa edad na 15 ay sumubok sumali sa orden ng mga Dominiko sa Maynila. Ngunit hindi pa noon tumatanggap ng mga Indio ang mga ordeng Romano Katoliko, kung kaya naging donado na lamang muna siya sa Ospital ng San Juan de Dios at nagtrabaho sa Cofradia de San Juan de Dios. Sa panahong ito pinag-aralan ni de la Cruz ang Bibliya at iba pang banal na kasulatan. Nagbalik siya sa Lucban noong 1832 at itinatag ang Cofradia de San José, isang kapatirang binubuo lamang ng mga Indio. Hindi pinahihintulutang sumapi ang mga Espanyol at mestiso nang walang pagsang-ayon ni de la Cruz, na siya namang tinawag ng kaniyang mga tagasunod bilang “Hermano Pule” (o “Hermano Puli”). Ninais niyang maging legal ang Cofradia dahil sa paglaki ng kasapian ngunit binatikos ito ng mga paring Espanyol, sa pangunguna ni Arsobispo Jose Segui. Naghinala ang pamahalaan ni Gobernador-Heneral Marcelino Oraa na isang samahang mapanghimagsik ang Cofradia. Sinalakay ng mga sundalo ang kampo ng Cofradia sa Majayjay, Laguna noong19 Oktubre 1840. Nagkataóng nasa Maynila noon si Hermano Pule kaya nakaligtas. Nagsimulang mamuhay na parang rebelde ang mga kasapi ng Cofradia. Sa isang malaking labanan sa Alitao, isang lugar na malapit sa Tayabas, ganap na nalansag ang hukbo ni Hermano Pule. Nakatakas siya ngunit nasundan at nadakip. Madalian siyang nilitis at binitay sa bayan ng Tayabas noong 4 Nobyembre 1841. Pinagputol-putol ang kaniyang katawan. Tinuhog ang kaniyang ulo at itinanghal sa daan patungong Majayjay upang huwag sundan ng taumbayan ang tinawag nilang “Hari ng mga Tagalog.” (PKJ) (ed VSA)

Lourdes J. Cruz
(19 Mayo 1942—) Pambansang Alagad ng Agham, si Lourdes J. Cruz (Lúr·des Jey Kruz) ang natatanging dalubhasa ng Filipinas sa pag-aaral ng nakalalasong peptides mula sa mga susông dagat. Ang kaniyang pananaliksik ay nagbunga sa pagkakatuklas ng 50 bagong uri ng peptides ng susong Conus geographus na matatagpuan sa karagatan ng Filipinas. Pinangunahan niya ang pagpapaunlad ng conotoxins na ginagamit ngayon bilang biyokemikal na instrumento sa pagsusuri ng utak. Malaki din ang naging kontribusyon ni Cruz sa pag-aaral ng epekto ng nakapaparalisang lason mula sa tahong at ang paggamit ng mga organismo sa dagat upang labanan ang tuberkulosis. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Nobyembre 2006. Nagsimulang pag-aralan ni Cruz ang kamandag ng susong Conus geographus noong kalagitnaan ng dekada 1970. Natuklasan ni Cruz na ang kamandag ng susô ay nagtataglay ng maraming uri ng peptides na nagdudulot ng sari-saring epekto sa kilos ng utak. Napapakinabangan ngayon ang mga natuklasan ni Cruz sa medisina lalo na sa larangan ng neuromedicine. Hindi siyá nakontento sa apat na sulok ng laboratoryo. Noong 2001, itinatag niya ang Rural Livelihood Incubator (Rural LINC) sa Morong, Bataan. Nilalayon ng kaniyang organisasyon na masawata ang laganap na kahirapan sa kanayunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, kabuhayan, at pangangalaga ng kalikasan. Nagbigay siyá ng pagsasanay sa mga komunidad ng katutubong Ita upang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Maningning na halimbawa si Cruz ng isang siyentistang may malaking malasakit sa kapuwa. Isinilang si Cruz noong 19 Mayo 1942 sa Tanza, Cavite. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Agham ng Kemistri noong 1962 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nagtungo siyá Estados Unidos upang magpatuloy ng pag-aaral at natapos niya ang master sa agham (1966) at doktorado sa biyokimika (1968) sa University of Iowa. Nagsilbing mananaliksik si Cruz sa International Rice Research Institute at propesor sa biyokimika. Pinamunuan niya ang Departamento ng Biyokimika at Biolohiyang Molekular ng UP. Siyá ay hinirang na Outstanding Young Scientist noong 1981 at Outstanding ASEAN Scientist and Technologist noong 2001. (SMP) (ed VSA)

Ernani Joson Cuenco
(10 Mayo 1936-11 Hunyo 1988) Si Ernani Joson Cuenco (Er·ná·ni Hó·son Ku·wéng·ko) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1999. Isa siyang kompositor at propesor ng musika, at naging tanyag at premyado sa kaniyang mga komposisyon para sa pelikula. Bahagi na ng kasaysayan ng musikang Filipino at ng popular at kolektibong kamalayan ang marami sa kaniyang mga piyesa. Kabilang dito ang “Bato sa Buhangin” (1976); “Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa” (1975); “Ang Bakya Mo Neneng” (1977); “Ang Babaeng Pinagtaksilan ng Panahon” (1980), “Gaano Ko ikaw Kamahal” (1979). Ang mga awiting ito ay kinilala ng mga samahang pampelikula gaya ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) at ng Urian. Napatanyag din si Cuenco sa daigdig ng pelikula. Ang unang gawad na nakamit niya para sa musical scoring sa pelikulang El Vibora noong 1972 ay nasundan ng marami pang pagkilala mula sa Metro Manila Film Festival, FAMAS, Urian, at Aliw. Batikang manunugtog din si Cuenco. Mula 1960 hanggang 1968 ay naging biyolonselista siya ng Manila Symphony Orchestra sa baton ni Dr. Herbert Zipper, at mula 1966 hanggang 1970, ng Manila Chamber Soloist na inorganisa nina Prop. Oscar Yatco at Basilio Manalo. Nagtanghal din siya sa mga konsiyerto sa Estados Unidos at Japan. Ang kaniyang mga magulang na sina Felix Cuenco ng Calumpit, Bulacan at si Maria Joson ng Tikay, Malolos, Bulacan ay kapuwa mga guro sa pampublikong paaralan. Maagang nalantad si Cuenco sa musika dahil isang mahusay na biyolinista ang kaniyang ama. Nagsimula siyang magaral ng musika noong anim na taong gulang pa lamang siya. Pumasok siya sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos ng Batsilyer sa Musika (1956), medyor sa piyano at biyolin. Nakamit niya ang digring masteral sa edukasyon sa musika sa Kolehiyo ng Santa Isabel. Nakilala niya sa UST si Magdalena Marcial, isa ring musiko, na kaniyang naging kabiyak. Biniyayaan sila ng dalawang anak. Nanatiling propesor sa Konserbatoryo ng Musika ng UST si Cuenco nang may tatlong dekada hanggang bawian siya ng buhay noong 1988. Habang siya ay nagtuturo sa UST, naging direktor siya para sa musika sa kolehiyo ng Santa Isabel, Holy Spirit, at San Beda. Kabilang sa kaniyang mga natanggap na gawad ay ang CCP Centennial Honors for the Arts, 1999; Gawad Siglo ng Aliw, mula sa Aliw Awards Foundation, Inc; Ika-12 Aliw Awards, Gallery of Distinction, 1988; Outstanding Thomasian Awardee, 1986; at Outstanding Bulakenyo Award, 1980. (RVR) (ed GSZ)

daglî
Tinawag na daglî ang mga kuwento na mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin noong panahon ng Amerikano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunáng pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingáw sa Tagalog dahil nagpapahayag lámang ng pagsinta. Katumbas ito ng tinatawag na rápidá, instantanéa, o rafága sa Espanyol. Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Espanyol. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pagkakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile. Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Espanyol. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Amerikano. May mga dagli na sinulat sa Espanyol at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento. (VSA)

Francisco Dagohoy
(c. 1744-1829) Si Francisco Dagohoy (Fran·sís·ko Da·gó·hoy) ang bayani ng Bohol na namunò ng pag-aalsa laban sa mga Espanyol mula 1744 hanggang 1829, ang pinakamatagal na himagsik sa kasaysayan ng Filipinas. Isinilang si Dagohoy sa Inabangan, Bohol. Walang malinaw na ulat tungkol sa kaniyang buhay noong batà pa. Naging cabeza de barangay siyá ng kaniyang bayan paglaki. Isinilang siyáng Francisco Sendrijas ngunit nakuha ang pangalang “Dagohoy” mula sa pinaikling “Dagon sa huyuhoy” sa wikang Boholano. Ang isa sa dalawang kapatid ni Dagohoy, si Sagarino, ay naging sundalo sa hukbong Espanyol, at namatay ito sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng ipinahuhúli ng kura ng Inabangan. Nang dalhin ni Dagohoy ang bangkay ng kapatid sa simbahan upang mabasbasan, tumanggi ang kura. Ayon daw sa batas ng simbahan, hindi binibendisyunan ang namatay sa duwelo. Dahil dito, tinalikuran niya ang simbahan at nagtatag ng kilusan laban sa mga Espanyol. Nagkuta siyá sa bundok ng Inabangan. Dahil sa nagtagumpay sa maraming pagsalakay sa kampo ng mga Espanyol ay lalong dumami ang mga mamamayang sumáma sa kaniyang kilusan. Napaslang din ni Dagohoy ang kurang tumangging magbasbas sa kaniyang kapatid. Nagtayò siyá ng mga pamahalaan sa mga bayang napalaya sa mga Espanyol. Sa mga kabundukan sa labas ng bayan, nagtayò siyá ng maliliit na pamayanan. Walang makatiyak kung paano at kailan siyá namatay. Pero kahit wala na siyá’y nagpatuloy pa rin ang kaniyang kilusan na tumagal nang 85 taon at 20 gobernador-heneral ang nakapanungkulan. Itinatag at ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Bohol noong 1956. (PKJ) (ed VSA)

dalág
Karaniwang matatagpuan sa tubig tabáng ang dalág (Chana striata). Naninirahan ang isdang ito sa lugar na maputik ngunit maaari ding mabúhay ito sa tubig na madumi at may mabagal na agos. Sa kasalukuyan, inaalagaan ang dalág sa mga palaisdaan sa mga bansang tulad ng Thailand, Vietnam at Filipinas. Sa Katagalugan, bulíg ang tawag sa batàng dalág. May mabilog na katawan ang dalág, may malaki at paimpis na ulo tulad sa isang ahas, at may bilugang buntot. Mapusyaw na tila kayumanggi ang kulay nitó at may parang grasa sa ibabaw. May mga itim na batik sa palikpik sa may dibdib nitó. Maitim ang buntot ng dalág na may tila anyong lungtiang tanso. Maitim at may batik na kulay itim at magkahalòng kahel at dilaw ang balát sa likod at tagiliran, samantalang maputî naman ang tiyan. Sa loob ng dalawang taon maaaring lumaki hanggang 30-36 sentimetro ang isdang ito. May bigat na tatlong kilo ang naitalâng pinakamalaking dalág na nahúli sa Filipinas. Bagaman matatagpuan din ang dalág sa tubig alat, namumuhay ang karamihan ng isdang ito sa tubig tabáng na tulad ng lawa, ilog, batis, at kanal na kalimitang nása lalim na 1-2 metro. May kakayahan ding mabuhay nang wala sa tubig ang isang dalág sa loob ng 3-4 na araw basta basâ ang lugar. Malimit sa bukid at palayan nahuhúli ang mga dalág, lalo na tuwing umuulan. Kapag tag-init naman, pumapailalim ang dalag sa putik ng lawa at sa mga kanal upang mapanatiling basâ ang balát at kasangkapan sa paghinga. Namumuhay mag-isa ang dalág, maliban sa panahon ng pangingitlog. Maaaring kumain ang dalág ng mga hayop tulad ng uod, maliliit na hipon, palaka, at ibang isda. Sa Filipinas, may panahong ginamit ang dalág upang sugpuin ang pagdami ng tilapya sa palaisdaan. Kilalá kasing agresibo ang isdang ito, madalîng dumami, at káyang ubusin ang mga isdang makasáma sa isang pook. Ngunit dahil na rin dito, dapat ingatan at pag-aralan ang pagpapapasok ng dalág sa iba’t ibang lugar at klase ng tubigan. (MA) (ed VSA)

Retrato ni Neal Oshima, mula sa Memories of Philippine Kitchen

dalágambúkid
Kabilang sa pamilya Caesionidae ang isdang tinatawag na dalágambúkid o dalágang-búkid. Kadalasang makikita ang isdang ito sa tropikong bahagi ng Indo-Pasipiko. Maraming uri ng dalágambúkid pero pinakamarami ang nása grupo ng Caesio. Nagkakawan ang mga ito sa kalagitnaang lalim ng dagat o kayâ naman ay sa malapit sa tangrib. Manipis at bahagyang palapad ang katawan ng isdang ito. Maaaring may guhit sa tagiliran nitó at kulay dilaw ang buntot na may itim na guhit o mantsa sa dulo. Dumaraan sa matá papuntang buntot ang pahabâng ikiran nitó magmula sa nguso. Kapansin-pansin din na nakalitaw ang maliit na bibig ng dalágambúkid. Bagama’t may maliliit at mahihinang ngipin ang karamihan, hindi ito hadlang para sagpangin ang maliliit na hayop na kinakain. Kulay dilaw o abuhing asul ang itaas na bahagi ng katawan samantalang putî o rosas naman ang bandáng ibabâ at tiyan nitó. Putî o rosas din ang mga palikpik nitó samantalang malaki at dilaw ang buntot. Marami at nananatiling palutang-lutang (o planktonic) ang mga itlog na inilalabas ng dalágambúkid. Natatagpuan ang dalágambúkid sa dagat tropiko sa lalim na 60 metro. Hindi ito gumagalà sa ibang lugar. Ang sáma-sámang paglangoy ng isang kawan ng dalágambúkid ay tanda ng pag-iwas na makain ng ibang mas malaking isda. Kapag walang panganib, naghihiwa-hiwalay ang mga dalágambúkid upang manginain. Hinuhúli ang isdang ito sa pamamagitan pamimingwit, bitag, pante, at muro-ami. Sa Filipinas, isa ang dalágambúkid sa mga importanteng nahuhúli ng mga maliit na mangingisda. (MA) (ed VSA)

Dalágang Búkid
Ang Dalágang Búkid ang pinakatanyag na sarsuwela at sinulat ni Hermogenes Ilagan at may musika ni Leon Ignacio. Unang itinanghal ito noong 1919 at humigit-kumulang 1000 beses pang itinanghal sa buong kapuluan, kahit sa isang pangkat ng mga Ita, bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umiikot ang Dalágang Búkid kay Angelita, isang dalagang nagbebenta ng bulaklak sa may kabaret. Dahil sa angking kagandahan niya, maraming lalaki ang umibig, at isa na rito si Don Silvestre. Ngunit, lihim na mahal ni Angelita si Cipriano, isang binatang nag-aaral ng abogasya. Dahil sa dami ng pera ni Don Silvestre, nagawa niyang paghiwalayin ang magkasintahan at umasang lalapit ang loob ni Angelita sa kaniya. Ngunit hindi nagtagumpay si Don Silvestre sa kaniyang plano. Kalaunan, nagpakasal si Angelita at Cipriano nang may basbas ng lahat ng mga tao sa dula. Una itong itinanghal sa Teatro Zorilla sa Maynila ng Compania de Zarzuela Ilagan. Ang nasabing grupo ay pagmamay-ari ng manunulat. Si Atang dela Rama, tinaguriang Reyna ng Kundiman, ang gumanap na Angelita. Pinakapopular na awit dito ang “Nabasag ang Banga” na inaawit nang may kasaliw na tap dance at hitik sa pahiwatig na seksuwal. Naisapelikula na rin ang dulàng ito at si Luis Nepomoceno ang siyáng nagprodyus. (SJ) (ed VSA)

dalít
Sang-ayon kay Fray Gaspar de San Agustin (1703), ang dalít ang isa sa dalawang pinakapopular na anyo ng matulaing pahayag sa buong Katagalugan. Ang isa pa ay ang talingdáw na isa diumanong tulang dramatiko at inaawit nang sagutan. Ngunit sa dalít “ipinahahayag ng mga Tagalog ang kanilang matatayog na kaisipan at mabibigat na damdamin.” Sa pamamagitan ng mga halimbawa ni San Agustin at ibang dokumento ay lilitaw na may isang tiyak na anyo ang dalít. Isang tula ito na maaaring mabuo sa isang saknong, gaya ng tanága at diyóna, at binubuo ng apat na taludtod na may sukat na wawaluhin ang bawat taludtod. Narito ang isang mapagpatawang dalít noon: Isda akong gagasapsap, Gagataliptip kalapad, Kaya nakikipagpusag, Ang kalaguyo’y apahap. Totoong popular ang dalít dahil nakasulat sa anyong ito ang mga unang nalathalang tula sa panahon ng mga Espanyol. Isang mahusay na makatang misyonero, si Fray Pedro de Herrera, ang naglathala ng isang koleksiyon ng tula noong 1645 at tinawag niyang mga “dalit” ang 185 saknong na mga tula tungkol sa kamatayan at pag-akyat sa Langit. Marami sa mga patulang awit na panrelihiyon ang gumamit ng saknungang dalít, gaya ng “Panunuluyan” kung Pasko at “Pangangaluluwa” kung Todos los Santos. Ang awit sa huwégo de prénda kung lamayan ay gumagamit ng anyong dalít, gaya sa sumusunod na koro: Sa Diyos natin ialay Kaluluwa ng namatay; Patawari’t kaawaan Sa nagawang kasalanan. Ito rin ang anyo ng saknong na ginamit sa pasalaysay na korído. Sa kasamaang palad, pagdating ng ika-19 siglo, higit na naging popular ang naturalisadong sukat na lalabindalawahin na ginamit sa pasalaysay na awít, gaya sa Florante at Laura ni Balagtas. Bihira na ang gumamit ng anyong dalít sa mga makata ng ika-20 siglo. (VSA)

dambanà
Ang dambanà ay ang katutubong tawag sa altar o alta. Tumutukoy ito noon sa isang pook sa bakuran o sa komunidad na itinuturing na banal at pinagdadausan ng panalangin at ibang ritwal. Tumutukoy ito ngayon sa mesa o estante sa pinakabanal na bahagi ng simbahan, sinagoga, o templo. Maaari din itong bloke ng bato, bunton ng lupa o nakataas na pook na pinag-aalayan sa diyos. Sa loob ng simbahan ng mga Katoliko, ito ang kinalalagyan ng Banal na Sakramento, ng santong poon ng isang parokya, ng imahen ng Birheng Maria o ng patron ng simbahan. Hindi gaanong gamitin ang salitang dambana dahil malimit altar ang ginagamit na salita sa katagalugan. Subalit nang itinayo ang Dambana ng Kagitingan sa Bundok ng Samat sa Pilar, Bataan, mas naging gamitin sa konteksto ng kagitingan at pagtatanggol sa bayan sa halip na relihiyoso. Ang naturang dambana ay isang pag-aalaala at parangal sa mga Filipino at Amerikanong sundalong lumaban noong Ikawalang Digmaang Pandaigdig. Itinayo ang dambanang ito noong 1966 kasabay ng paggunit sa ika-25 anibersaryo ng Digmaan. Tampok dito ang isang malaking krus na alay sa mga sundalong nagbuwis ng buhay sa Labanan sa Bataan. Sa maraming panig ng Filipinas ay matatagpuan ang iba’t ibang dambanang kumikilala sa kabayanihan ng ilang magigiting na Filipino. (JCN) (ed GSZ)

Dambana ng Holy Cross Parish, Krus na Ligas

Dambanàng Aguinaldo
Isa sa mga pambansang dambana ng Filipinas, ang Dambanàng Aguinaldo (A·gi·nál·do) na matatagpuan sa Kawit, Cavite at pook na pinangyarihan ng pagpapahayag ng kalayaan noong 12 Hunyo 1898 sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo. Dito nasaksihan ang unang opisyal na pagwagayway ng bandila ng Filipinas na tinahi sa Hong Kong ni Marcela Agoncillo sa tulong nina Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza. Dito rin unang narinig ng publiko ang tugtuging naging Pambansang Awit na nilikha ni Julian Felipe. Ang nasabing komposisyon ay may orihinal na titulong Marcha Filipina Magdalo. Gayunman, matapos italaga ito bilang opisyal na martsa ng Filipinas, pinalitan ni Felipe ang titulo ng Marcha Nacional Filipina. Ang deklarasyon ay halaw diumano sa Deklarasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos. Inihanda ito ni Ambrosio Rianzares Bautista at siyá ring nagbasá nitó sa harap ng madla. Upang makuha ang pagkilála ng Estados Unidos sa pagpapahayag ng kalayaan ng Filipinas, inimbitahan ni Aguinaldo si Commodore George Dewey ngunit tumanggi ang hulí. Gayunman, kabilang sa 98 tao na pumirma sa pahayag si Koronel L.M. Johnson, isang Amerikanong opisyal. Sentro ng dambana ang tahanang ansestral ni Aguinaldo na ipinatayô noong 1845. Sa bahay na ito isinilang ang nasabing heneral. Sa balkonahe nitó naganap ang pagwawagayway ng bandila at pagpoproklama ng kalayaan. Sa kasalukuyan, bilang pag-alaala sa makasaysayang pangyayaring ito, may mga mataas na pinunò ng pamahalaan na nagtataas ang watawat ng Filipinas dito tuwing umaga ng Hunyo 12. Isang monumento ni Aguinaldo ang itinayô sa harapan ng bahay bilang paggalang at parangal. Ang dambana ay isa na ring museo ngayon na bukás sa lahat na nagnanais na balikan at sariwain ang bahaging ito ng ating kasaysayan. (LN) (ed VSA)

dapdáp
Ang dapdáp ay isang uri ng punongkahoy na kabilang sa pamilya ng Leguminaceae at ito ay may botanikong pangalan na Erythrina variegata. Ito ay tumataas ng 15 hanggang 20 metro. Ang mga bulaklak nitó ay kulay matingkad na kahel at ang mga dahon nitó ay berde. Ang katas ng mga dahon nitó ay ginagamit upang lunasan ang ilang karamdaman tulad ng hika at ubo. Marami pang ibang gamit ang dapdap bukod sa pagiging gamot. Ito rin ay magandang pananim. Nagsisilbi itong gapangan ng mga halaman tulad ng paminta at banilya. Ginagamit din ito sa mga taniman ng kape at kakaw at nagbibigay ng lilim sa mga pananim na nangangailangan nitó para sa magandang pagtubò. Nagsisilbi din itong tagabasag ng malalakas na hangin kayâ nagdudulot ng proteksiyon sa mga taniman. Marahil, ito ang nása isip ng lumikha ng sumusunod na tulang pambata: Nasaan ang alitaptap? Nása punò ng dapdap. Bakit di makalipad? Balî-balî ang pakpak. Madilim marahil ang gabi, at isang musmos ang naghahanap ng alitaptap. Sinagot siyá ng magulang (ng ina o ama) at sinabi na nagtatago ang alitaptap sa punò ng dapdap dahil nasira ang pakpak at hindi maaaring lumaban sa malakas na hangin. (SAO) (ed VSA)

dapò
Ang dapò ay isang uri ng halaman na kabilang sa pamilya ng Polypodiaceae at may botanikong pangalan na Asplenium nidus. Ito ay may mapusyaw na berdeng kulay at may pahabâng dahon. Ang mga dahon ay tumutubòng paikot mula sa gitna ng halaman. Bukod sa pangalang dapo tinatawag din itong pakpák láwin ng ibang Filipino. Ito ay karaniwang tumutubò kahit nakasabit lámang sa ilalim ng mga punongkahoy o malalaking bato. Ginagamit ito bilang halamang ornamental para sa landscaping. Inilalagay ito sa loob ng mga gusali o establisimyento bilang halamang dekorasyon. Ang maliliit na klase naman nitó ay ginagawang halamang nakasabit. Ipinantatawag din ang dapò katumbas ng orkídya (mula sa Espanyol na orquidea). Maraming katutubong uri nitó sa ating kagubatan, at pinakapopular ang sanggúmay at wáling-wáling. Kinagigiliwang itanim ang mga uring ito dahil sa iba’t ibang kulay at hugis ng bulaklak. May malalaking taniman ng dapò sa iba’t ibang pook ng bansa, bagaman bantog ang mga orchid farm sa Davao, at nagbebenta ng mga bulaklak para sa iba’t ibang pangangailangan ng mga lungsod. (SAO) (ed VSA)

darángan
Ang darángan o darángen ay salitâng Maranaw at pangkalahatang tawag sa kanilang pag-awit. Ngunit naging pamagat itong Darángan sa napakahabàng epikong-bayan ng mga Maranaw. Ang guro at misyonerong si Frank Laubach ang unang nakapagtalâ at nakapaglathala ng Darángan noong 1930. Nakuha niya ang epikong-bayan hábang nakasakay sa barko kasáma ang may 35 Maranaw. Hábang nagbibiyahe, kinanta ng mga kasáma niya ang Darángan maghapon. Nang dumaong ang sinasakyang barko, naghanap si Fr. Laubach ng mga táong may kakayahang kantahin ito. Ayon sa mismong talâ niya, inaabot nang halos 11 oras ang pagkanta nitó. Kalahati lámang ang naisalin niya sa Ingles. Si Bantúgan (o Bantogen), kapatid ng hari ng Bembaran (o Bumbaran), ang pangunahing tauhan ng Darángan. Hinahangaan siyá sa tapang at lakas. Sa isang bahagi ng epikong-bayan, hinarap niyang mag-isa ang isang hukbong lumulusob sa kaharian hábang nakasakay sa kaniyang mahiwagang kalasag. Sa kasalukuyan, may 17 bahagi ng Darángan ang nasaliksik na at nailathala. Ilan sa mga naidokumentong episodyo ang Ang Unang Pinuno: Diwata Ndaw Gibon ng Illiyan a Bembaran, Ang Kuwento ni Madali, Paano Namatay si Bantogen sa Ilalim ng Bundok sa Tabing-Dagat, Paano Bumalik si Bantogen mula Langit, at Ang Labanan sa Bagombayan. (SJ) (ed VSA)

Darháta Sawábi
Ipinagkaloob kay Darháta Sawábi ng Barangay Parang, Jolo, Sulu ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2005. Para ito sa dedikasyon niyang mapanatili ang sining ng paghahabi ng pis syabit sa pamamagitan ng patuloy na paggawa nito at ng pagtuturo sa mga nakababatang Tausug. Ang pis syabit ang tradisyonal na telang tapiseriya na ipinambabalot sa ulo ng mga Tausug ng Jolo. Hinahabi ito ng kababaihan at ipinapasa ang kaalamang ito sa kanilang mga anak na babae. Hindi madali ang paghabi ng pis syabit. Katunayan, ang paggawa lamang ng balangkas ng tapiseriya ay inaabot ng tatlong araw. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng itim at pulang sinulid sa balangkas na gawa sa saging at kawayan. Bukod sa pula at itim, gumagamit din ng ibang kulay si Sawabi, ayon sa pangangailangan ng napiling disenyo. Tumatagal ng tatlong buwan ang paghahabi ng isang pis syabit na may sukat na 39 x 40 pulgada. Kompara sa habi ng iba, higit na mahal ang presyo ng mga likha ni Sawabi dahil sa galing niya sa sining na ito at sa hirap ng kaniyang mga disenyo. Kinikilala ang kaniyang kahusayan sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay, kapinuhan ng kaniyang paglala, at ang katapatan sa tradisyonal na disenyo ng kanilang pangkat pangkultura. Bukod sa hirap na dulot ng mekanikal na paglikha ng pis syabit, naging pagsubok din para sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang paglalabanan sa kanilang lugar. Noong dekada 70, dalawang beses nilang kinailangang iwan ang kanilang tahanan. Sa pagkakataong iyon, kinailangan din niyang iwan ang hinahabi. Noong mga panahong naipit sila sa labanan, ang kaniyang kinikita sa patuloy na paghahabi ang tumustos sa kanilang pangangailangan. At ang kaniyang mga parokyano—ang mga nakikipaglaban na dumaraan sa kanilang nayon. Binuksan niya rin ang kaniyang buhay at bahay sa pagtuturo ng paghahabi sa kababaihan ng kanilang komunidad. Dahil sa dedikasyon ito sa sining ng paghahabi ng pis syabit—sa panahon man ng kapayapaan at kaguluhan— patuloy na hahangaan at mapag-aaralan ilang henerasyon ang tradisyonal na disenyo ng mga Tausug. Pumanaw si Darhata Sawabi noong 12 Marso 2005. (GB) (ed GSZ)

Dárna
Ang Dárna ay ang pangunahing tauhan sa nobelang pangkomiks na nilikha ni Mars Ravelo noong 1947 para sa Pilipino Komiks. Nakasuot si Darna ng headband na may sagisag na pakpak at may itim na takip sa dibdib na may mga bituing kulay dilaw. Nakasuot din siya ng botang mataas at telang mahaba na nakalaylay sa harap ng sinturon niya. Si Darna at si Narda ay iisa. Ang kapangyarihan ni Darna ay nagmula sa isang bulalakaw na bumagsak sa paanan ni Narda noong minsang nakipaglaro si Narda ng taguan. Nangamba si Narda na maagaw sa kaniya ng mga kalaro niya ang anting-anting kaya itinago niya ang bato sa kaniyang bibig. Nalulon niya ang bato nang di-sinasadya. Naalala niya ang salitang nakasulat sa bato. Binigkas niya ito—DARNA! Si Narda ay naging si Darna. Si Narda naman ay isang sampung taong gulang na ulilang bata.Nakatira siya at ang kapatid niyang si Ding sa lola nila. Namamalimos lang sila. Kapag nagiging Darna si Narda, nababaligtad ang pangalan niya. Nababaligtad din ang kapalaran niya. Mula sa pagiging mahirap at mahina, nagiging malakas at tagapagtanggol si Darna ng mga naaapi. May interpretasyon na ang popularidad ni Darna sa kulturang Filipino ay sumasalamin sa pangarap ng mga Filipino na lumakas pa ang kapangyarihan ng mga babae sa lipunang Filipino. Ngunit karaniwang babae rin ang mga kaaway ni Darna. Halimbawa, si Valentina na punong-puno ng ahas ang ulo at napapasunod sa lahat ng kaniyang utos ang mga ahas sa lupa. Maaaring tingnan ito na may pagaatubili sa lipunang Filipino sa pagkakaroon ng makapangyarihang babaeng tulad ni Darna kung kaya’t babae rin ang ginawang kalaban niya. Si Darna ay isa sa pinakapopular na superhero sa Filipinas. Hindi tulad sa maraming bansa na lalaki lang ang kilalang superhero, may tanyag na babaeng superhero rin ang mga Filipino. Simula noong isilang si Darna, may 15 pelikula na tungkol sa buhay ng Pinay na superhero. (GSZ)

Dasalan at Tocsohan
Ang Dasalan at Tocsohan (Dá·sá·lan at Tok·só·han) ay koleksiyon ng mga akdang nagpaparodiya o gumagagad sa mga dasal at katekismong itinuro ng mga paring Espanyol. Sinulat ito ni Marcelo H. del Pilar bilang malikhain at matapang na pagsisiwalat ng ipokrisya ng mga alagad ng simbahan. Halimbawa rin ito ng mabisang pagkasangkapan ni del Pilar ng mga popular na anyong pampanitikan bilang lunsaran ng pagtuligsa sa awtoridad. Palihim itong inimprenta at pinakalat sa taumbayan. Naging napakalaganap nito kung kaya’t kinondena ito ni Arsobispo Bernardino Nozaleda. Kabilang sa mga dasal na ginagad ni del Pilar ay ang “Ang Tanda ng Cara-icruz,” “Panginoon Kong Fraile,” “Amain Namin,” “Aba Guinoong Barya.” Ang bahaging “Tocsohan” ay parodiya sa anyong tanong-sagot ng pagtuturo ng katekismo sa bagong nananampalataya. Makikita sa “Ang mga Biyaya ng Fraile” na hinuwad ito sa katekismong nagpapaliwanag sa apat na biyayang matatamo mula sa regular na pagdalo sa misa. Sa “Ang mga Utos nang Fraile,” madaling makita ang pagkakatulad nito sa Sampung Utos ng Diyos. Narito ang “Aba Guinoong Barya” na gumagagad sa orihinal na panalangin para kay Birheng Maria: Aba ginoong Baria, nakapupuno ka nang alkansiya, ang Fraile’y sumasainyo, bukod ka niyang pinagpala’t pinahigit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Baria, Ina nang Deretsos, ipanalangin mo kaming huwag anitan ngayon at kami ipapatay. Siya nawa. Ang mga akdang tulad nito ay ambag noon sa tinatawag na Kilusang Propaganda na isa si Marcelo H. del Pilar sa unang lider. (GSZ)

Death March
Ang Death March (det marts) ay tumutukoy sa sapilitang pagpapalakad sa humigit-kumulang na 76,000 na bihag na sundalong Filipino at Amerikano ng halos 100 kilometro mulang Bataan patungong Capas, Tarlac. Ang mga nasabing kawal ang mga tagapagtanggol ng Bataan na sumuko sa mga Hapon noong 9 Abril 1942. Pinamartsa ang mga bilanggo ng ilang araw nang walang pagkain o tubig hábang sila ay tumatanggap ng pang-aabuso sa kamay ng mga sundalong Hapon. Lampas diumano sa 10,000 Filipino at 1,200 Amerikano ang nasawi sa gútom, sakít, at pahirap kung kayâ’t itinawag ang insidente na Martsa ng Kamatayan na kinikilala bilang isa sa pinakakarumal-dumal na halimbawa ng pagmamalupit noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagdating ng San Fernando, isinakay sa mga tren ang mga natirang nagmartsa hanggang makarating sila sa Kampo O’Donnell sa Tarlac upang doon ibilanggo. Sinasabing hindi daw handa ang mga Hapon na tumanggap ng ganoon karaming bilanggo, ngunit sanhi din marahil ng kanilang pagmamalupit ay ang mababa nilang tingin sa mga sundalong sumusuko. Bukod sa pagpatay sa mga sundalong nagbalak na uminom ng tubig-kanal na malapit sa pinagdadaanan nila at sa hindi pagbibigay ng tubig at pagkain, ang mga nagmartsa ay paulit-ulit na nakaranas ng mga sumusunod: (1) ang pagpalo sa kanilang ulo ng mga Hapon ng walang kadahilanan, (2) ang sadyang pagbilad sa kanila sa init ng araw ng ilang oras, (3) ang biglaang pagsagasa sa kanila ng mga trak at tangke, at (4) ang pagbaril at pagpugot sa ulo ng mga bihag na hindi makasabay sa pagmartsa. (MBL) (ed VSA)

Martín Delgádo
(11 Nobyembre 1858-12 Nobyembre 1918)

Si Martín Delgádo ay guro, pinunòng-bayan, at heneral sa Himagsikang Filipino. Pangalawang anak ng nakaririwasang sina Jacinto Delgado at Gabriela Permejo, ipinanganak siyá sa Santa Barbara, Iloilo noong 11 Nobyembre 1858, at nagsimulang mag-aral sa Sta. Barbara at sa Jaro sa naturang lalawigan. Sa Ateneo Municipal de Manila siyá nagtapos ng pagkaguro. Nagbalik siyá sa Sta. Barbara at nagturo sa mga paaralangbayan. Nahirang siyang tenyente mayor, at nang lumaon ay naging kapitan munisipal at hukom sa bayang ito. Hinirang siyáng kapitan ng mga boluntaryo sa Sta. Barbara ng gobernador ng Iloilo nang buuin ito noong Mayo 1898. Namunò siyá sa pagtatayô ng pamahalaang mapanghimagsik sa Iloilo noong 17 Nobyembre 1898. Nilusob ng mga Amerikano ang Iloilo noong Pebrero 11 at magiting na ipinagtanggol nina Delgado ang lalawigan gayong mahinang uri ang kanilang mga sandata. Sumuko siyá sa mga Amerikano noong 1901 sa tulong ng isang paring Filipino. Bilang pagkilala sa pagiging mahusay na pinunò, hinirang siyá ng mga Amerikano na gobernador ng lalawigan ng Iloilo nang magtatag ng pamahalaang sibil noong 11 Abril 1901. Noong 1902 ginanap ang unang lokal na halalan, at nahalal si Delgado bilang gobernador ng Panay. Naging presidente naman siyá ng munisipyo nang magbalik sa Santa Barbara. Namatay siya noong 12 Nobyembre 1918, isang araw pagkatapos ng kapanganakan ng kinikilalang magiting na heneral ng rebolusyong Filipino. (PKJ) (ed VSA)

delikadésa
Bagaman mula sa wikang Espanyol ang salitâ, isang kapuri-puring hálagáhang Filipino ang delikadésa. Tumutukoy ito sa wastong pagiingat ng dangal at pangalan sa pamamagitan ng kilos at pasiya na hindi sumusuway sa kagandahang-asal at mahusay na pakikipagkapuwa-tao. Pinakamababaw na mukha nitó ang pagpilì ng angkop na kasuotan para sa isang okasyon. Sinasabi ring may delikadésa ang marunong makisáma sa lipunan. Ang táong may delikadésa ay hindi mahalay kumilos at magsalitâ sa harapan, marunong magtimpi ng gálit at gútom, at hindi kailangang pagbawalan. Ngunit higit na nasusubok ang delikadésa sa mga maseselang gawaing panlipunan at pampolitika. Tatak ng delikadésa na tumanggi ang isang hukom na dinggin ang isang kaso na kinasasangkutan ng kamaganak o may personal siyáng kinalaman. Tatak ng delikadésa na huwag sumali sa timpalak, kahit kalipikado, kung may kamag-anak sa hurado o sariling pamilya ang tagapagtaguyod. Wika nga, ang delikadésa ay pag-iwas gumawa ng isang bagay na “hindi maganda sa tingin” ng iba. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng wastong katwiran upang pigilin ang sarili na gawin ang hindi bawal kung makasisira sa sariling puri at karangalan. (DRN) (ed VSA)

Mestizas en traje de paseo ni Jose Honorato Lozano

Diariong Tagalog
Makabayang peryodiko ang Diariong Tagalog (Di·yár·yong Ta·gá·log) na itinatag ni Marcelo H. del Pilar at ni Don Francisco Calvo, isang mayamang Espanyol na may liberal na kaisipan. Bilingguwal ito dahil naglalathala ng mga artikulo sa wikang Tagalog at sa wikang Espanyol. Lumabas ito noong 1882 ngunit may nagsasabing unang lumabas noong Marso 1882 at may ulat namang Agosto 1882 ang unang isyu. Tatlong buwan lámang ang naging búhay ng diyaryong ito. Sa isyung Agosto 1882 magkasabay na nalathala ang sanaysay na “Amor Patrio” ni Rizal at ang salin nitó sa Tagalog ni M.H. del Pilar. Itinatag ang Diariong Tagalog upang maging boses sa paghingi ng reporma at upang ipabatid sa nakararaming mamamayan ang mga nangyayari sa bansa. Ang isang repormang hiningi ng pahayagan ay ang pagpapatupad ng rehistrasyong sibil dahil nang mga panahong iyon, ang lahat ng pagpapatalâ ay sa simbahan lámang. Hindi nagtagal ang pahayagan dahil ang mga tagasuporta at mambabasá ay agad pinaghihinalaang kontra sa pamahalaang Espanyol. (AEB) (ed VSA)

Digmáang Filipíno-Amerikáno
Sa ganap na ikawalo at kalahati ng gabi noong 4 Pebrero 1899, pinaputukan ni Private Willie W. Grayson ang isang kawal na Filipino sa kanto ng mga kalyeng Sociego at Silencio sa Santa Mesa, Maynila. Gumanti ng putok ang mga sundalong Filipino. Sa loob ng isang oras, ang dalawang hukbo ay ganap na humanda sa simula ng Digmaang Filipino-Amerikano. Hindi naman maikakaila na dumating sa Filipinas ang mga Amerikano upang sakupin ito. Idinahilan lamang ng pagpunta dito noong 1898 ng plota ni George Dewey ang pakikidigma laban sa Espanya. Ngunit hindi ito umalis kahit nagapi na ng mga rebolusyonaryong Filipino sa halos lahat ng dako ng bansa ang puwersang Espanyol. Sa halip, dumating pa ang hukbong katihan ng mga Amerikano at nagkaroon ng pakunwang paglusob sa Intramuros upang hindi ito mapasakamay ng mga Filipino. Simula pa lamang ay pabor na ang digmaan sa mga Amerikano. Samantalang kunwa’y kaalyado ng mga Filipino, binili ng Estados Unidos sa Espanya ang Filipinas sa Tratadong Paris noong 10 Disyembre 1898 sa halagang $20 milyon. Hindi naman lingid kay Heneral Emilio Aguinaldo ang superyoridad ng hukbong Amerikano. Sa gayon, patuloy siyáng nakipag-ugnayan kay Heneral Elwell Otis sa pag-aakalang mapipigilan pa ang labanan. Hindi pinansin ni Otis ang inisyatiba ni Aguinaldo, bagkus sumagot siyáng “nagsimula na ang labanan, at dapat matapos hanggang sa huli.” Bunga nitó, walang nagawa si Aguinaldo kundi magdeklara ng digma sa Estados Unidos noong Pebrero 5. Sapagkat matagal nang nakahanda, mabilis na nagtagumpay ang mga Amerikano sa paglusob sa mga posisyong Filipino pahilaga. Sa Labanang La Loma, natalo ang hukbo ni Medyor Jose Torres Bugallon at doon siyá namatay. Gumanti ng atake si Heneral Antonio Luna at noong Marso 22 ay nakarating hanggang Azcarraga, Maynila. Gayunman, umatras din ang mga Filipino pahilaga dahil sa lakas ng puwersang Amerikano. Nahati pa ang gabinete ni Aguinaldo dahil sa politika, lalo na sa alitan ni Mabini at ng pangkating awtonomista nina Pedro Paterno. Nadawit sa intriga pati si Heneral Luna na pinaslang sa Cabanatuan noong 5 Hunyo 1899. Sa pag-atras, nakarating sa Palanan, Isabela si Aguinaldo at doon nadakip. Dinalá siyá sa Maynila at nanumpa ng pagsuko sa mga Amerikano noong 1 Abril 1901. Ipinagpatuloy ng iba ang pakikibaka. Ngunit unti-unting nagapi sina Heneral Miguel Malvar,

Heneral Vicente Lucban, at iba pang lider gerilyang gaya nina Simeon Ola, Roman Manalan, Manuel Tomines, at Macario Sakay. Opisyal na idineklara ni Presidente Theodor Roosevelt noong 4 Hulyo 1902 ang wakas ng Digmaang Filipino-Amerikano bagaman nagpapatuloy ang pakikibaka sa maraming pook sa Kapuluan. (VSA)

dílis
Ang dílis ay isdang nabibilang sa pamilya Engraulidae. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pasipiko. Madalas na makikitang sáma-sáma sa paglangoy ang mga dílis sa mababaw na bahagi ng baybaying dagat at wawa, sa malalamig at maiinit na rehiyon. Maliit na isda ang dilis na karaniwang lumalaki lámang ng hanggang 15 sentimetro, bagama’t ang pinakamahabàng naitalâ ay umabot ng 50 sentimetro. Bahagyang nanganganinag ang katawan nitó na may kulay pilak na linya o guhit sa ibabâng tagiliran. Mapusyaw na dilaw ang mga palikpik nitó na minsan ay parang kulay kahel tulad ng bibig. Kadalasang mahabà at payat ang ibabâng panga nitó, malalaki ang mga matá, at may talukap na halos takpan na ang buong matá. Maraming uri ng dílis sa mundo. Isa ang uri na natatagpuan sa Look Maynila sa Filipinas—ang Encrasicholina oligobranchus. Iba ang dílis na ito na may katawan at tiyang mabilog at may limang matalas na tinik na hugis karayom malapit sa palipik sa baywang, may mababàng bibig, at matutulis na mga ngipin sa panga. Lumalaki ito ng humigit-kumulang sa 6.2 sentimetro. Hinuhúli ang dílis sa pamamagitan ng pangulong at galadgad. Sa Filipinas, malaking pakinabang ang panghuhúli ng dílis sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ginagamit itong sangkap sa paggawa ng bagoong at patis, at pain sa panghuhúli ng malalaking isdang tulad ng tuna, apahap, banak, at lapulapu. (MA) (ed VSA)

dinuguán
Lutuin itong ginagawa sa dugo ng baboy kayâ tinawag na dinuguán. May bersiyon itong tinatawag na tinúmis. Ang dugo ay hinahaluan ng mga maliit na piraso ng karne at mga hiniwang lamáng-loob (bitúka, puso, bagà) ng baboy. (Karaniwang ang lamáng-loob ay mula sa niletsong baboy. Hindi kasáma ang atay dahil iniihaw at dinidikdik para gawing sarsa ng letson.) Nilalahukan ang lutuin ng sukà upang umasim at siling habâ upang umanghang. Ang tinúmis ay maaaring iluto nang walang dugo ng baboy. Maaari ding gamiting pampaasim sa tinúmis ang bunga ng kamyas o ang muràng dahon ng sampalok. May tinatawag na tinúmis sa sukà na mga piraso ng karne ng baboy, atay, at bagà na pinakuluan sa sukà. Ang dinuguán ay kinakaing ulam sa kanin. Gayunman, mabigat din itong meryenda kasáma ng pútong putî. Isinasawsaw nang todo ang púto sa umuusok na dinuguán o kayâ kinakagat ang púto kasunod ang sangkutsarang dinuguan. (GCA) (ed VSA)

Divisoria
Ang Divisoria (Di·vi·sór·ya) ay kilalang pamilihan sa Maynila hindi lamang dahil sa bagsak-presyong mga bilihin kundi dahil dito rin matatagpuan ang halos lahat ng produktong hanap ng isang mamimili— mula sa isang tumpok ng kalamansi na hanap ng magtitingi hanggang sa kaing-kaing na mangga na hanap ng mamamakyaw. Ito rin ang lugar na nagtatagpo ang lahat ng uri sa lipunan—ang mayayaman upang mamili ng mga materyales para sa kanilang luho at ang mahihirap upang makatipid para sa kanilang mga pangangailangan. Ang Divisoria ay umusbong bilang isang komersiyong distrito sa pusod ng Maynila. Nagkakanlong ito sa Tundo, Binondo, at San Nicolas at hinahati ng Abenida Claro M. Recto. Mula sa pangunahing kalsadang ito, lumitaw ang iba’t ibang pamilihan sa mga sanga-sangang daanang tulad ng Juan Luna, Ylaya, Asuncion, Sto. Cristo, Tabora, atbp at ang bawat isa ay kilalá para sa isang partikular ng kalakal. Sa katunayan ang kalye Ylaya ay masasabing isang pinaliit na Divisoria dahil sinasalamin nitó ang nasabing pamilihan. Panahon pa ng Espanyol, ang Divisoria ay sikat na bilang isang lugar ng kalakalan. Hindi ito nakapagtataka ito dahil ang lokasyon ay akma sa ganitong aktibidad. Malapit ito sa Look Maynila na daungan ng mga barko at kalakal galing sa ibang bansa. Dito rin nagtatapos ang linya ng tren na Maynila-Dagupan (kilala ngayon bilang Tutuban) kayâ ang mga produkto galing sa karatig probinsiya ay ibinabagsak sa Divisoria. Sa kasalukuyan, umusbong na din dito ang iba’t ibang malls gaya ng Tutuban, Meisic, Divisoria, at 168. Makasaysayan din ang pook na ito sapagkat sa Tutuban ipinanganak ang La Liga Filipina at Katipunan gayundin si Andres Bonifacio. Ito ang dahilan kung bakit may nakatayông monumento ang hulí sa harap mismo ng Tutuban Mall. Ang kinatitirikan ng mall ang siyá mismong dating kinatatayuan ng bahay ng Supremo ng Himagsikang 1896. (LN) (ed VSA)

diwatà
Ang diwatà, batay sa mitolohiyang Filipino, ay tumutukoy sa sinaunang babaeng bathala, o kaya’y nilalang, nasa anyong babae, na nagsisilbing tagapangalaga ng mga likas na yaman at kaligiran. May iba’t ibang mahiwagang kapangyarihan ang mga ito at ginagamit upang magligtas ng pinangangalagaan o magparusa sa nagkasala. Laganap sa bansa ang paniniwala sa mga diwata at patunay nito ang iba’t ibang terminong tumutukoy sa mga ito. Kabilang dito ang engkantáda, nímpa, at diyósa (lahat ay mula sa Espanyol), aribaí (Iluko), at biradári (Maranaw). Kadalasan namang tinatawag na lambíno o kaya nama’y engkanto ang lalaking diwata. Malapit sa tunog at pakahulugan ng diwata ang deváta na hango sa mga paniniwalang Hinduismo at Budismo sa India kung kaya’t marami ang nagsasabing mula sa Sanskrit ang terminong diwata. Ayon sa mga salaysay, ang diwata ay may pambihirang kagandahan at tila hindi tumatanda. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit tinatawag ding diwata ang babaeng may angking kagandahan, lalo na sa panlabas na anyo. Ilan sa mga bantog na diwata sa Filipinas ay sina Maria Makiling (Laguna), Maria Sinukuan (Pampanga), at Maria Cacao (Cebu). (GAC) (ed GSZ)

Mula sa Aklat Adarna

Doctrína Christiána
Ang Doctrína Christiána en lengua española y tagala (Dok·trí·na Kris·ti·yá·na) ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas. Inilathala ito noong 1593 sa imprenta ng mga Dominiko sa Maynila at malinaw ang layunin na maging kasangkapan sa pagtuturo ng mga pangunahing doktrinang Kristiyano. Nilalamán nitó ang mga dasal na “Ang Ama Namin,” “Ang Aba Ginoong Maria,” “Ang Sumampalataya,” at “Ang Aba Po,” ang mga aral na “Ang Sampung Utos,” “Ang Utos ng Santa Iglesya,” “Ang Pitong Sakramento,” at “Ang Pitong Punong Kasalanan at kaukulang Pakikinabang,” at ang “Tanungan” para sa pangungumpisal. Nakasulat ang mga ito sa wikang Espanyol at may salin sa Tagalog sa alpabetong Romano ngunit may bersiyon din ang Tagalog sa katutubong baybayin. Nagkakaisa ang mga historyador na kay Fray Juan de Plasencia, isang Pransiskano, ang salin sa Tagalog at inaprobahan ng lupong binuo ni Obispo Salazar noong 1582. Ipinalalagay ding halos kasabay ng “Doktrina Kristiyana” sa mga wikang Espanyol at Tagalog ang Doctrina Christiana en letra y lengua China. Paglaon, may ganito ring libro na lumabas at may salin sa ibang mga wika ng Filipinas. (IPC) (VSA)

Damian Domingo

(Sirka 1800-1834) Pangunahing pintor sa unang hati ng ika-19 siglo si Damian Domingo (Dam·yán Do·mín·go) at kilalá sa paglikhang minyaturista. Unang nakilála si Domingo sa pagpipinta ng maliliit na obra sa garing. Noong 1823, tunay na siyáng bantog at binuksan ang tahanan para sa mga nais mag-aral ng pintura. Naging Academia de Debujo y Pintura ang kaniyang palihan. Nagkaroon ng kauna-unahang eksaminasyon sa kaniyang paaralan noong 9 Abril 1829. Noong kalagitnaan ng dekada 20 ng siglo 19, sinasabing nagpagawa ang isang negosyanteng Hindu kay Domingo ng mga album na nagpapakita ng kasuotan at gawain ng iba’t ibang mamamayan ng Filipinas. Matatagpuan ang isang album sa Newberry Library sa Estados Unidos. Apat na pintura ang natitiyak na obra ni Domingo: Nuestra Señora del Rosario dando el Santissimo Rosario al Santo Domingo y Santa Catalina, La Sagrada Familia, La Catedra de San Pedro, at La Inmaculada Concepcion. Pawang minyatura ang mga naturang likha. Naisagawa niya ito sa paggamit ng limang brotsang Tsino, na ang ila’y mayroon lamang iisang balahibo. Higit na nagiging pino ang hagod ni Domingo kapag gumamit ng gouache o water-based na tempera sa papel. Malamang na Tsino ang angkan ni Domingo dahil sa dobleng pangalan ng santo ng kaniyang mga magulang na sina Domingo Macario at Erminigilda Gabriela. Napangasawa niya si Lucia Casas at nagkaroon silá ng sampung anak. (RPB) (ed VSA)

Ernesto O. Domingo
Pambansang Alagad ng Agham, si Ernesto Domingo (Er·nés·to Do·mín·go) ay kilaláng espesyalista sa atay, edukador sa larangan ng medisina, at mahusay na administrador. Sinaliksik niya ang katangian ng schistosome granuloma at epekto nitó sa atay at lapay, ang Schistosomiasis japonica, at ang pisiyolohiya at katangian ng hepatocellular carcinoma. Ang kaniyang pananaliksik sa hepatitis ay ginamit na batayan ng Kagawaran ng Kalusugan upang magbalangkas ng mga patakaran at programa sa pagbabakuna laban sa hepatitis B. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 14 Enero 2010. Itinatag ni Domingo ang Liver Study Group ng Kolehiyo ng Medisina sa Unibersidad ng Pilipinas noong hulíng bahagi ng 1960. Pinamunuan niya ang grupo upang pag-aralan ang iba’t ibang uri ng hepatitis at kung paano mabisang malalabanan ang sakit na ito. Pinangunahan ni Dr. Domingo ang pag-aaral sa schistosomiasis, at itinatag ang laboratoryo para sa pananaliksik ukol dito. Pinamunuan din ni Domingo ang pag-oorganisa sa unang Clinical Epidemiology Unit (CEU) sa bansa. Ang paghahanap niya ng lunas para sa kanser ng atay ang isa sa pinakamahalagang ambag ni Domingo sa larangan ng medisina. Gumawa rin siyá ng mga pag-aaral upang suriin ang sakit na cirrhosis sa atay at peptic ulcer. Nagtapos ng kursong medisina si Domingo sa UP Manila noong 1961. Nagsanay siyá sa pagiging espesyalista sa internal na medisina sa Philippine General Hospital at kumuha ng karagdagang pagsasanay upang magpakadalubhasa sa Gastroenterology Hepatology sa Case Western Reserve University ng Cleveland, Ohio. Itinalaga siyáng Chancellor ng UP Maynila at nagsilbing direktor ng Post-Graduate School of Medicine ng pamantasan. Naging tagapayo siya ng World Health Organization at iba’t ibang internasyonal na organisasyon na nagsasaliksik ng mga sakit sa atay. Isinusulong ni Domingo sa kasalukuyan ang adhikain na magkaroon ng pangkalahatang kalingang pangkalusugan sa Filipinas. Tumulong siyá sa pagtatatag ng Universal Clinical Health Care Advocacy Group. (SMP) (ed VSA)

dráma simboliká
Tinawag na dráma simboliká ang mga dulàng alegoriko’t sedisyoso na itinanghal sa bungad ng ika-20 siglo at pagkatapos ideklara ng mga Amerikano ang wakas ng Digmaang Filipino-Amerikano. Para itong dulaang gerilya at may adhikang gisingin ang damdamin ng manonood laban sa pananakop. Alegoriko ito sapagkat ang mga tauhan at ang salaysay ay sumasagisag sa kasaysayan ng Filipinas; at sedisyoso sapagkat sumusuway sa Act No. 202 (Batas Sedisyon) na pinairal noong 4 Nobyembre 1901 at mahigpit na nagbabawal sa pagtataguyod ng kalayaan ng Filipinas. Pinakabantog sa mga dráma simboliká ang Tanikalang Ginto ni Juan Abad na itinanghal sa Teatro Libertad noong 7 Hulyo 1902, ang Hindi Aco Patay ni Juan Matapang Cruz na itinanghal sa Teatro Nueva Luna sa Malabon noong Mayo 1903, ang Kahapon, Ngayon, at Búkas ni Aurelio Tolentino na itinanghal sa Teatro Libertad noong 14 Mayo 1903, at marami pa. Nagkaroon din ng ganitong mga palabas sa Batangas at sa Ilocos. Isinalaysay ni Arthur Riggs (1905) ang ginawang panggugulo at pagpapatigil sa pagtatanghal, at pagdakip at pagbibilanggo sa mga mandudulà. Sa unang malas, tila isang kuwento lámang ng pag-ibig ang mga dulà nina Abad at Tolentino. Ngunit ang Kahapon, Ngayon, at Búkas ay tila pagsasalin sa tanghalan ng kasaysayan ng Filipinas alinsunod sa Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog ni Bonifacio. May gayunding balangkas ang Tanikalang Ginto ngunit naglalaro ang “tanikalang ginto” sa handog ng kontrabida sa bidang babae (na simbolo ng Inang Bayan) na isang mamahaling pulseras ngunit isa paláng posas. May pagkakataon din, kapag inaakalang ligtas, na nagtitipon ang mga gumaganap sa gitna ng entablado at nakabubuo ng watawat ng Filipinas ang mga kulay ng kanilang kasuotan. Sa dulà ni Tolentino, may eksena na hinablot ng bida ang isang agila at tinapaktinapakan ang bandilang Amerikano. (VSA)

dúgong
Ang dúgong o Dugong dugon ay isang mammal na matatagpuan sa karagatan. Ito na lámang ang nabubuhay sa pamilyang Dugongidae. Malaki ang isang dugong, nabubuhay ito nang mahabà (kung hindi nahuhúli), at naglalaan ng panahon sa mga anak. Lusay ang paboritong pagkain ng dugong. Hinuhukay nitó ang buong halaman at pagkatapos ay susunggaban at bubunutin ito sa pamamagitan ng mga labì. Kakaiba ang ulo at bibig ng isang dugong. May bungo ito na makikitahan ng isang nakausli na pababâ sa dakong harapan kayâ’t ang bibig ay nakagawi sa tiyan. May karugtong sa may labas ng bibig nitó na hugis lapad at malakas na labì na pansunggab.. Lumalangoy ito sa pamamagitan ng mala-lumba-lumbang buntot samantalang ginagamit nitóng parang timon ang palikpik sa harap. Lumalaki hanggang tatlong metro ang isang dugong at may bigat itong umaabot sa 600 kilo. Umaabot hanggang 70 taón ang buhay nitó. Maaari nang manganak sa edad na 13-17 taón ang isang dugong. May isang anak lámang bawat panganganak. Naglalaan ang babaeng dugong ng mahabàng panahon at lakas sa pag-aalaga ng anak. Nagaganap ang panganganak na ito sa tuwing ikalima hanggang ikapitong taón. Sa nakalipas na panahon, mabilis na bumabà ang populasyon ng dugong at isa sa mga hayop na nanganganib nang maubos. Maiuugnay ito sa pagkawala ng mga lusay sa baybaying dagat, sa pagkamatay ng mga dugong nasasalabid sa mga lambat, at sa tradisyonal na panghuhúli nitó. (MA) (ed VSA)

dulà
Tinatawag na dulà ang anyong pampanitikan na naglalarawan ng búhay o nilikha sa pamamagitan ng kilos at pagsasalitâ at isinulat para itanghal sa entablado o teatro, radyo, telebisyon, at pelikula. Isang lumang salitâ ang dulà ngunit bago ang kahulugan nitóng itinumbas sa dráma ng mga wikang Espanyol at Ingles. Sa mga lumang bokabularyo, naitalâ ni Francisco de San Antonio noong 1624 ang dolà sa kahulugang “juntarse para algún convite” (“magtipon para sa isang ipinag-anyayang piging o okasyon”). Bunga ito ng pangyayaring walang matatawag na dulà sa Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. May mga pangyayaring tulad ng ritwal, pangkatang awitan at sayawan, at katulad, na maaari lámang ituring na maládulà (protodrama) dahil kulang sa mga kailangang sangkap ng dramang Kanluranin. Ipinasok ng mga Espanyol sa Filipinas ang dulà bilang anyong pampanitikan. Pinakaunang naiulat ang isang pagtatanghal sa isang kolehiyo sa Cebu noong 1598. Ito ang tipo ng dulà na tinatawag na komédya (comedia) at maituturing na unang pambansang dulà dahil lumaganap sa mga pook na Kristiyano sa buong bansa. Tinawag din itong móro-móro at nagkaroon ito ng mga sanga sa senakuló, tibág, panunulúyan, at iba pang dulang panrelihiyon. Sa ika-19 siglo pumasok ang zarzuela, opera, at iba pang panoorin mulang Europa. Kinagiliwan sa lahat ang anak ng zarzuela na sarsuwéla at naging pambansang dulà sa bungad ng ika-20 siglo. Sa panahon ding nabanggit ipinasok ng mga Amerikano ang “drama” na walang kantahan at ang uri ng dulà na gumagamit ng mga imbensiyong teknolohiko sa radyo, pelikula, at telebisyon. (VSA)

Isang eksena sa komedya, 1886

dúlang
Sa isang matandang bokabularyo, may lahok na dúlang at may pakahulugang “mesa baja en que comen.” Isa itong mababàng mesa, may sapat na espasyo para sa isang munting pamilya, at ginagamit sa pagkain. Mababàng-mababà ang mga paa ng dúlang kung ikokompara sa mga mesa ngayon kayâ nakasalagmak sa sahig ang mga kumakain sa paligid nitó. Yari ito sa tablang kahoy, at ikinaiba nitó sa hapág, isang mesa na yari sa tinilad na kawayan. Dahil maliit, limitado ang bilang ng maaaring magsálo-sálo sa dúlang. Mula sa pangyayaring ito ang kasabihang “mahabàng dúlang” na tumutukoy sa pagkakaroon ng isang mesa na di-karaniwan ang habà. Nangangahulugan ito ng isang piging o salusálo ng maraming tao. Na sa wakas ang ibig sabihin ay isang malaking handaan kapag may kasal. Kayâ ang laging tanong sa magkasintahan, “ O, kelan ang mahabàng dúlang?” Parinig iyon na hinihintay na nilá ang handaan sa kasal. (LJS) (ed VSA)

dúng-aw
Salitâng Iluko ang dúng-aw na nangangahulugang pagtangis at tumutukoy sa pagpapahayag ng dalamhati dahil nawalan ng mahal sa búhay. Para sa mga Ilokano, nakatutulong ang dúng-aw sa paglalabas ng kanilang saloobin at nakapagpapagaan ng kanilang kalooban. Sa burol, nagsisimula ang dúng-aw sa mahinàng pag-iyak ng namatayan hanggang sa lumakas nang lumakas ang kaniyang boses. Sinuman ay maaaring magdúng-aw, babae man o lalaki. Maaaring sabayan ito ng iba pang nagnanais maglabas ng hinanakit dahil sa pagkaulila. Minsan, nagmimistulang isang buong koro ang nagdudúng-aw na nadaragdagan ng mga tili at tindi ng paglalabas ng emosyon. Sinasabayan din ang pagbigkas ng nararamdamang pighati ng kakaibang gawain, gaya ng pagtalon sa mabababang bintana o kayâ’y paghampas ng kamay sa dibdib. Kadalasan, natatapos ang dung-aw sa mahinàng pananalita. Ngunit, lingid sa kaalaman ng iba, ang pagtatapos ng dúng-aw ay sanhi ng kapaguran at kung minsan ay nawawalan pa ng malay-tao ang mga gumagawa nitó. Para sa mga mamamayan naman ng Sagada, kinakanta ang dúng-aw hábang nása sangadil o upuang nakalaan sa patay ang yumao. (SJ) (VSA)

Dung-aw, kuha ni Shubert Ciencia (2008)

duryán
Ang duryán (Durio zibethinus) ay isang malaking punongkahoy na may puting bulaklak, biluhaba ang bunga na balót ng mga tinik. Ngunit kilala at natatangi ang duryan dahil sa bunga nitong may amoy ngunit itinuturing na masarap ng mga sanáy kumain nito. Dahil sa pambihirang lasa ng duryan, kinikilala itong hari ng mga prutas sa Timog-silangang Asya. Ang puno ng duryan ay tumataas nang hanggang 20 metro o mahigit pa. Karamihan sa mga puno nito ay matatagpuan sa Mindanao na pinagmulan nito. Ang bunga nito ay kulay berde, matigas, at nababalutan ng maraming malalaking tinik. Ang laman naman nito ay mapusyaw na dilaw hanggang dilaw na may malalaking buto. Malambot ang laman nito na parang natutunaw na malinamnam na keso. Ginagawang kendi ang laman nito at ginagamit na sangkap ng iba’t ibang minatamis at panghimagas tulad ng sorbetes, keyk, pastilyas, at iba pa. Bukod sa nakakain ang laman ng prutas nito, may iba pang gamit ang prutas ng duryan. Ang balat nito, bagaman matigas, ay dinidikdik nang pino at ginagawang papel. Ginagamit din ang balát mismo na lalagyan ng tubig at hugasan ng kamay o mumugan upang maalis ang kapit ng amoy ng prutas sa kamay at bibig pagkatapos kumain nito. Nagagamit din ang mga dahon bilang alternatibong gamot. Ang katas ng dahon nito ay ipinapaligo sa ulo ng táong may lagnat upang gumaling. (SAO) (ed GSZ)

dyípni
Ang dyípni (jeepney sa Ingles) ang pinakaginagamit na uri ng sasakyang panlupa at uri ng pampublikong transportasyon sa bansa. Tinaguriang “hari ng lansangan” at kadalasang may pahiyas ng makukulay na pinta, istiker, at signboard, ang dyipni ang sagisag ng transportasyong Filipino. Hango ang salitang “jeepney” mula sa pinagsamang “jeep” at “jitney.” Ang mga unang dypni ay ginawa mula sa mga military jeep ng Estados Unidos na naiwan mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinira ng digmaan ang pampublikong transportasyon ng bansa, at ang mga naglipanang military jeep ang nagsilbing múrang paraan upang muli itong mabuo. Pinahabaan ang mga jeep upang makapagsakay ng mas maraming pasahero. Sa kasalukuyan, likha ng mga lokal na pagawaan ang karamihan sa mga dyipni. Ang tipikal na dyipni sa Kamaynilaan ay káyang magsakay ng 14-18 katao sa dalawang magkatapat na upuan sa loob ng pahaba nitong katawan, at dalawa pang pasahero sa harap, sa tabi ng nagmamaneho (na tinatawag na “tsuper,” mula sa “chauffeur”). Bukod sa disenyong hango sa mga US military jeep, mayroon ding mga dyipning gawa sa mga surplus na minivan at cargo truck mula sa bansang Hapon (tulad ng makikita sa Cebu), at mga dyipning kamukha ng mga pickup truck (tulad ng mga “passad” sa Iloilo). May mga dyipning aircon, o kaya naman ay pinapatakbo ng koryente sa halip na gasolina, ngunit sa kasalukuyan ay hindi pa popular ang mga ito. Taglay ng mga tsuper ng pampasaherong dyipni ang natatanging lisensiya, at kailangan nilang bumiyahe sa nakatakdang ruta (hal. Quiapo-Fairview, UP Ikot) at maningil ng pamasaheng hindi lalabis sa itinakda ng pamahalaan. Bahagi ng kultura at etiketa ng pagsakay sa dyipni ang walang-pagaatubiling pag-abot ng bayad sa tsuper o sukli sa mga kasámang pasahero, at ang pagsabi (o pagsigaw) ng “pára” (Espanyol ng “tigil”) kapag bababâ. Kapag punô na ang dyipni, madalas ding kumapit sa mga bakal na hawakán sa walang-pintong likuran ang ilang pasahero; sa mga lalawigan, hindi nakagugulat ang dyipning may mga pasaherong nakaupo sa bubong nito. (PKJ) (ed VSA)

Victorio E. Edades
(23 Disyembre 1895-7 Marso 1985) Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura si Victorio Edades Edades (Vik·tór·yo E·dá·des E·dá·des) noong 1976. Tinagurian siyang “Ama ng Modernong Pintura” sa Filipinas dahil sa pagpapakilala niya ng modernismo sa larangan ng sining sa bansa. Naging malaking impluwensiya kay Edades ang kaguluhang pansining sa Estados Unidos at Europa na pinangunahan nina Cezanne, Gauguin, Renoir, Matisse, Picasso, Duchamp, at ng iba pang surealista at dadaista. Makikita sa mga likhang Edades ang mga sinirang hugis ng katawan ng tao, magaspang at makapal na guhit at hagod, at matingkad subalit madidilim na kulay. Ang kaniyang unang eksibisyon noong 1928 ay sinalubong ng pagkagulat at pagkasuklam ng mga taong nasanay sa likha ni Amorsolo. Walang nabenta sa eksibit na ang The Sketch (pinamagatan ding The Artist and His Model), The Builders, Salmon Cannery Worker, My Sweetheart, The Negro Football Player, The American Meztisa, The Market, at Mother and Daughter ay itinuturing ngayong mga pambansang yaman. Taong 1934 nang gumawa siya ng isang mural para sa lobby ng Capitol Theater sa Escolta. Pinamagatang The Rising Philippines ang naturang mural na kinomisyon ni Juan Nakpil. Kinuha ni Edades si Carlos “Botong” Francisco bilang katuwang at ipinakilala naman ni Francisco si Galo B. Ocampo. Kalaunan, ang tatlo ay kinilala bilang unang triunvirato ng modernong sining sa Filipinas at mga tagapasimuno sa pagpapasigla ng pinturang mural sa bansa. Ang tatlo rin ang tumuligsa sa tinutukoy ni Edades na idealismo ng mga konserbatibo at ayaw ng pagbabago. Ang tunggaliang konserbatibo-modernista ay tumagal hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sina Edades, Ocampo at Diosdado Lorenzo ay nagtayo ng Atelier of Modern Art noong 1937. Nagbigay ng mga pagsasanay ang Atelier na siya ring nagluwal ng Thirteen Moderns. Lalong pinatibay ang modernismo sa larangan ng sining sa pagkakatatag ng Art Association of the Philippines (AAP) noong 1948 at Philippine Art Gallery (PAG) noong 1951. Isinilang si Edades sa Dagupan, Pangasinan kina Hilario Edades at Cecilia Edades. Ikinasal siya kay Jean Garrot, isang Amerikano na nagturo ng Ingles at drama sa Unibersidad ng Pilipinas. Nag-aral siya sa University of Washington, Seattle ng Arkitektura at Fine Arts. Nagtrabaho rin siya sa isang cannery ng salmon sa Alaska. Pagbalik sa Filipinas, nagturo siya sa Mapua Institute of Technology at UST. (RVR) (ed GSZ)

El filibusterísmo
Ikalawang nobela ni Jose Rizal ang El filibusterísmo na nalathala noong 1891 sa Gent, Belgium at karugtong ng Noli me tangere. Tinagurian niya itong nobelang Filipino at inihandog sa alaala ng tatlong paring Filipinong ginarote sa Bagumbayan noong 1871—sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Noong panahon ni Rizal, gamit na pantakot at bintang dito sa Filipinas laban sa bawat maghayag ng malayang pag-iisip ang “filibustero,” sa pakahulugang kaaway ng pamahalaan. Unang gamit ang “filibustero” bilang masamâng taguri laban sa mga pirata. Sa paggamit ng kataga na ginawang “ismo” ng awtor, ipinahahayag niya sa porma ng nobela ang mga kaisipang gagabay sa isang malayang nasyon. Naganap ang kuwento 13 taon makalipas ang mga pangyayari sa Noli me tangere nang tumakas si Crisostomo Ibarra. Nagbalik siya sa Filipinas na si Simoun, ang mag-aalahas. Dalawa ang pakay niya: iligtas ang kanyang kasintahang si Maria Clara sa kumbento at padaliin ang pagkabulok ng pamahalaan sa pamamagitan ng kaniyang alahas upang mapabagsak ito. Taliwas kay Simoun, may grupo naman ng mga estudyante na naniniwala sa asimilasyon. Humihiling sila sa mga awtoridad na magkaroon ng akademya ng wikang Espanyol. Sa ganang kay Simoun, isa itong kahibangan at lalong naglulubog sa kanila sa pagkaalipin. Gayunman, maging ang ganitong matahimik na kahilingan ay tinutulan ng pamahalaan. Ayaw ng Espanya ng kahit anong kilos ng mga Filipino na may bakás ng pagnanais ng dagdag na kaalaman. Samantala, nabigo rin ang dalawang pagtatangka ni Simoun sa himagsikan. Sa una, nawala sa loob ni Simoun ang paghuhudyat sa himagsikan nang mabalitaan niyang patay na si Maria Clara. Sa ikalawa, pinigil ni Isagani ang pagsabog ng lampara dahil nais niyang iligtas ang mahal na si Paulita Gomez. Inihagis niya ang lampara sa ilog at nakaligtas ang mga pinuno ng gobyerno na target sanang puksain ni Simoun. Sa pagkabigo ng pangarap na asimilasyon at ng dali-daling insureksiyon, nawalan ng gamit ang mga hiyas ni Simoun. Ipinaubaya na lamang ng mayakda ang mga hiyas sa pagdating ng panahong uusbong na ang hangaring mas banal at dakila.(MIM) (ed VSA)

Gabriel “Flash” Elorde
(25 Marso 1935-2 Enero 1985) Kinikilala si Gabriel “Flash” Elorde (gab·ri·yél flash e·lór·de) bilang isa sa pinakamatatagumpay na boksingero sa Asia-Pasipiko at pinakamahusay na boksingerong Filipino ng kaniyang panahon. Nagsimulang maging boksingero ni Elorde dahil sa pagtuturo sa kaniya nito ng kaibigan niyang dati ring boksingero na si Lucio Laborte. Una niyang karangalan ang panalo niya laban kay “Kid” Gonzaga noong 1951. Noong 1953, nakuha niya ang mga kampeonatong national bantamweight sa Maynila at kampeonatong oriental bantamweight sa Tokyo sa laban niya kay Hiroshi Horiguchi. Sumunod, natalo niya si Tommy Romulo at napanalunan ang korona ng junior lightweight ng Filipinas. Naungusan din niya sa puntos sa loob ng sampung duwelo sa labang walang titulo ang featherweight king na si Sandy Saddler. Bagama’t walang nadagdag na titulo kay Elorde sa loob ng mahabàng panahong kasunod, itinuring pa rin siyang malakas na kalaban sa mga pambansa at panrehiyong kampeonato sa kategoryang lightweight. Noong Marso 1960, muli siyang nagwagi at nakuha niya ang kampeonatong world junior lightweight mula kay Harold Gomes matapos ang labanang tumagal nang pitong round na ginanap sa Maynila. Sa loob ng walong taóng paghahari sa nabanggit na titulo, sampung laban pa ang kaniyang napagwagian kasama na rito ang dalawang ulit na pagkapanalo at pagkaagaw kay Carloz Ortiz ng lightweight belt. Nagretiro si Elorde noong 1974 na may rekord na 87 panalo (33 Kos), 27 talo, 2 tabla at pagkilalang “pinakamahusay na boksingerong kampeon sa world junior lightweight sa kasaysayan ng WBC.” Tubòng-Bogo, Cebu si Elorde. Ipinanganak siya noong 25 Marso 1935 sa isang mahirap na pamilya. Ikatlong baitang lamang sa elementarya ang naabot niyang edukasyon. Naging tagapulot siya ng mga bola sa bolingan at nagtrabaho sa konstruksiyon sa murang edad pa lamang. Namatay si Elorde noong 2 Enero 1985 sa sakit sa bagà. (RGA) (ed GSZ)

Jose Encarnacion Jr.
(17 Nobyembre 1928-5 Hulyo 1998) Pambansang Alagad ng Agham, si Jose Encarnacion Jr. (Ho·sé Eng·kar·nas·yón) ay isang batikang teorista sa larangan ng ekonomiya at kinikilála hindi lamang sa Asia kundi sa buong daigdig. Pinangunahan niya ang modernong pag-aaral ng ekonomiya sa pamamagitan ng kaniyang mga sulatin at bilang pinunò ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa mahigit dalawampung taon ng kaniyang paninilbihan sa naturang institusyon, naging balon ito ng mahahalagang kaalaman at teorya hinggil sa ekonomiya. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1987. Pinagtuunan ng pansin ni Encarnacion ang kahalagahan ng masusing pagaaral sa ekonomiya na nakabatay sa matibay na datos at malinaw na teorya. Ang dedikasyon niya sa siyentipikong imbestigasyon ay nagbunsod sa kaniya na magsulat ng mahigit 70 pananaliksik. Nalathala ang kaniyang mga akda sa mga internasyonal na publikasyon, kabilang ang “A Note on Lexicographical Preferences” (1964), “On Decisions Under Uncertainty” (1965), “On Independence Postulates Concerning Choice” (1966). Noong 1992, nalathala pa ang kaniyang sanaysay na “Group Choice with Lexicographic Utility” sa European Journal of Political Economy. Isa siyá sa mga mga namunò at nakibahagi sa pagsusulat ng bantog na White Paper na nalathala noong 1984. Matalim na sinuri ng pag-aaral na ito ang mga kahinaan at pang-aabuso ng diktadurang Marcos sa larangan ng ekonomiya. Isinilang si Encarnacion noong 17 Nobyembre 1928 sa Maynila, at panganay na anak nina Jose Encarnacion Sr. at Teofila Concepcion. Ang kaniyang ama ay isang doktor sa medisina at dalubguro sa UP hábang dentista naman ang kaniyang ina. Natapos ni Encarnacion ang kaniyang batsilyer at master sa pilosopiya sa UP. Subalit noong huling bahagi ng dekada 50, nagpasiya siyáng mag-aral ng ekonomiya at kumuha ng doktorado sa Princeton University. Ipinagpatuloy niya ang pagtuturo sa UP pagbalik niya sa Filipinas. Naging dekano siyá ng School of Economics mula 1966 hanggang 1994. Nagsilbi rin siyáng tagapangulo o tagapayo ng iba’t ibang institusyong pang-ekonomiya sa Filipinas at ibang bansa. Ilang taón matapos magretiro sa UP, yumao siyá noong 5 Hulyo 1998. (SMP) (ed VSA)

Epifanio de los Santos Avenue (EDSA)
Ang Epifanio de los Santos Avenue (E·pi·fá·nyo de los Sán·tos á·ven·yú) o mas kilala sa pinaikling pangalang EDSA ay isang mahaba at malapad na lansangan na nag-uugnay sa hilaga at katimugang bahagi ng Kalakhang Maynila. Sa kasalukuyan, tinatayang 23.8 kilometro ang haba nito, mula sa Monumento sa Lungsod Caloocan hanggang sa Mall of Asia sa Lungsod Pasay, at sampung lane o daan naman ang lapad. Sa kahabaan nito, pinaguugnay ng EDSA ang limang lungsod: Pasay, Makati, Mandaluyong, Quezon, at Caloocan. Tinatayang 2.34 na milyong pasahero ang dumadaan sa pangunahing lansangang ito araw-araw. Ang nasabing daan ay ipinangalan kay Epifanio de los Santos, isang kilalang manananggol, historyador, peryodista, at manunulat at naging Direktor ng Kawanihan ng Aklatan at Museo noong panahon ng Amerikano. Bago bansagang EDSA, may dalawa pa itong naunang pangalan. Nang matapos ito noong Panahon ng Komonwelt, pinangalanan itong “19 de Junio” bilang paggunita sa kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Pagkaraan, tinawag naman itong “Highway 54.” Ngunit sa bisa ng Batas Republika 2140, sinimulan itong tawaging “Epifanio de los Santos Avenue” noong 1959. Kinikilala ng maraming Filipino ang EDSA hindi lamang bilang pangunahing lansangang naghahatid sa kanila sa mahahalagang destinasyon sa Kamaynilaan, kundi bilang saksi rin ng kanilang kamulatang pampolitika. Dito naganap ang makasaysayang EDSA Revolution noong Pebrero 1986, ang pagtitipon ng libo-libong Filipino para iprotesta ang pinaniniwalaan nilang malawakang pandaraya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa halalan sa pagkapangulo noong 7 Pebrero 1986. Humantong ito sa pagpapabagsak sa pamahalaan ni Marcos at ang pagpapatalsik sa tinaguriang diktador patungong Hawaii. Sinundan pa ito ng isa pang malawakang kilos-protesta laban naman kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong Enero 2001. Ang binansagang EDSA Dos ay paninindigan ng ilang sektor ng lipunan laban sa pinaniniwalaang korupsiyon ni Estrada. (MBL) (ed GSZ)

epikóng-báyan
Si E. Arsenio Manuel ang nagpangalang epikóng-báyan o folk epic sa sinauna’t mahahabàng patulang salaysay sa Filipinas. Sa isang lektura noong 20 Hunyo 1962, sinuri ni E.A. Manuel ang mga epikong-bayan na naitalâ na noon ng mga etnolingguwista at antropologo. Inuri niya ang mga epikong-bayan alinsunod sa mga may-aring pangkating etniko. Una, ang epikong-bayan ng mga Kristiyano at pangunahing halimbawa ang Biag ni Lam-ang ng mga Ilokano at siyá ring kauna-unahang epikong-bayang naitalâ sa Filipinas. Ikalawa, ang epikong-bayan ng mga pangkating pagano at siyáng lumilitaw na pinakamarami. Kabílang sa sinuri ni E.A. Manuel ang Hudhúd ng mga Ifugaw, Ullálim ng mga Kalinga, Hiniláwod ng mga Sulod, Tuwáang ng mga Bagobo, Gúman ng mga Subanun, Agyú ng mga Bukidnon. Ikatlo, ang epikong-bayan ng mga Muslim at kabílang dito ang Darángan ni Bantugan ng mga Maranaw. Inilatag ni E.A. Manuel ang sumusunod na mga pangunahing katangian ng isang epikong-bayan: “(1) salaysay na may sustenidong habà, (2) batay sa tradisyong pabigkas, (3) umiikot sa mga sobrenatural na pangyayari o mga gawaing pambayani, (4) nása anyong patula, (5) na inihihimig o inaawit, (6) may layuning seryo sa pagtitipon o pagpapatibay ng mga kapaniwalaan, mga kaugalian, mga mithi, o mga hálagáhan sa búhay ng sambayanan.” Sa pamamagitan ng mga naturang pamantayan ay natalakay ni E.A. Manuel ang ilang maselang isyu hinggil sa mga napapabalitang epikong-bayan noon. Tinukoy niya halimbawa ang problema sa itinuturing na epiko ng mga Bikolano, ang Ibalon o Handiong na hanggang ngayon ay walang bersiyon sa Bikol; ang kontrobersiyal na Maragtas sa Panay; at ang mga malîng pagtuturing sa ilang ritwal at mito bilang epikong-bayan. Sa paglalahad ni E.A. Manuel, lumilitaw na may pinakamayamang bilang ng epikong-bayan ang mga pangkating etniko na nakaligtas sa panlulupig ng mga Espanyol. Bago matapos ang ika-20 dantaon, marami pang epikongbayan ang nairekord ng mga mananaliksik. Pumasok sa pananaliksik ang káta-káta at kíssa sa Tawi-Tawi at Sulu na nagkukuwento sa maalamat na paghahanap ng asawa, pakikipagtunggali laban sa kalikásan at pagtatanggol laban sa mananakop. Kabilang dito ang epikong-bayang Párang Sabíl ng mga Tausug at Silúngan Baltápa ng Sama. Ayon sa ulat nitóng 2000 ng isang etnologong Pranses, si Dr. Nicole Revel, nakatipon ang kaniyang labinsiyam na iskolar ng 66 epikong-bayan. Si Revel mismo ay sumuot sa kabundukan ng Palawan at nakapagrekord ng mga epikongbayang Palawanon. Isa sa mga ito, ang Kudaman, ang isinalin sa Filipino at inilathala nitóng 1993. (VSA)

Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

Josefa Llanes Escoda
(20 Setyembre 1898-Enero 1945) Si Josefa Llanes Escoda (Ho·sé·fa Lyá·nes Es·kó·da) ay bantog na lidersibiko, guro, at tagapanguna ng mga proyekto para sa ikauunlad ng mga kabataan at kababaihang Filipino. Isinilang siyá noong 20 Setyembre 1898 sa Dingras, Ilocos Norte at panganay sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba. Nagtapos siyá bilang guro sa Philippine Normal School noong 1918 at tinanggap sa Unibersidad ng Pilipinas ang katibayan ng pagiging guro sa hay-iskul noong 1922. Naging pensiyonada siyá sa Amerika, nagpakadalubhasa sa gawaing panlipunan, at nagtapos noong 1925 sa Columbia University. Pagbalik sa Filipinas, naging aktibo siyá sa iba’t ibang gawaing sibiko: naging tagapangasiwa ng sangay sa bansa ng American Red Cross; kalihimtagapagpaganap ng Samahan Laban sa Ketong (1928-1932) at Komisyon Laban sa Tuberkulosis ng Kawanihan ng Kalusugan (1932-1941); isa sa mga tagapagtatag ng Girl Scouts of the Philippines; at noong panahon ng Hapones, pangulo ng National Federation of Women’s Clubs. Tumulong siyá sa kaniyang asawang si Antonio Escoda, patnugot ng Manila Daily Bulletin, sa mga bilanggong Filipino noong panahon ng Hapones. Pinaghinalaan bilang mga gerilya, dinakip ang mag-asawa at pinatay ng mga Hapones noong Enero 1945. Makikita ang imahen ni Escoda sa 1000 pisong papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas. (PKJ) (ed VSA)

Pedro B. Escuro
(2 Agosto 1923—) Pambansang Alagad ng Agham, si Pedro Escuro (Péd·ro Es·kú·ro) ang itinuturing na pinakamahusay na Filipinong siyentista sa larangan ng paghahalaman. Isa siyáng geneticist, plant breeder, mananaliksik, at administrador. Lumikha siyá ng mga bagong uri ng palay na káyang labanan ang mga karaniwang peste at sakít sa halaman. Ang kaniyang mga pananaliksik ay naging susi sa pagpapaunlad at pagtaas ng produksiyon ng bigas sa Filipinas. Naging batayang panuntunan ng maraming bansa sa Asia ang mga natuklasan ni Escuro hinggil sa bagong paraan ng pagpapalahi ng halaman. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1994. Sinimulan niya ang tinatawag na Modified Pedigree Method na nagpabilis sa pagpili ng pinakamainam na uri ng butil. Ginamit niyang pamantayan ang kakayahan ng halaman na lumaban sa sakít at peste at kalidad ng anyo ng butil. Pinamunuan ni Escuro ang paglilinang ng bagong uri ng palay na kung tawagi’y C-varieties. Ang mga binhing ito ay pinayabong sa laboratoryong sakahan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. Ang uri ng palay na tinawag na C4-63 ay sinimulang gamitin sa komersiyal na produksiyon noong 1968. Mula 1960 hanggang 1986, naglathala siyá ng 18 pangunahing akda ukol sa pagtatanim, pagpapaunlad ng mga bagong uri ng butil, pagpapalahi ng halaman, at iba pa. Iginawad sa kaniya ang iba’t ibang parangal at pagkilála, kabilang na ang Presidential Plaque of Merit, Rizal Pro Patria Award, Diploma in Recognition for Scientific Achievements ng World Cultural Council, at marami pang iba. Isinilang si Escuro noong 2 Agosto 1923 sa Nabua, Camarines Sur. Ikalawa siyá sa pitóng anak nina Lucio at Aurea Escuro. Namulat siyá sa gawaing pagsasaka sapagkat ito ang kabuhayan ng kaniyang pamilya. Natapos niya ang Batsilyer sa Agronomiya (magna cum laude) sa UP Los Baños noong 1952. Nagtungo siyá sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang mas mataas na pag-aaral. Natapos niya ang master sa Siyensiya (Plant Breeding) sa Cornell University noong 1954. Matapos ang limang taón, nakamit niya ang doktorado sa Genetics at Plant Breeding sa University of Minnesota. (SMP) (ed VSA)

Espanyól
Retrato ng huling pangkat ng mga sundalong Espanyol na sumuko sa Baler, Aurora.

Tumutukoy sa wika, mamamayan, at kultura ng bansang Espanya ang Espanyól (Español sa orihinal). Sa Filipinas, ito rin ang ibig tukuyin ng “Kastilà,” isang katawagang nakamihasnan noon at bunga ng pangyayari na Castilla ang pangunahing rehiyon sa pagbubuklod ng Espanya at ang wikang Castellano ang batayan ng wikang Espanyol. Katulad ito ng pangyayaring may tumutukoy na “Tagalog” sa “Filipino” ngunit dapat iwasan dahil maraming ibang wika at rehiyon sa Filipinas na hindi maaaring katawanin ng Tagalog.

Balmori, Claro M. Recto, Manuel Bernabe, Leon Ma. Guerrero, at marami pang sumikat nitóng bungad ng ika-20 siglo.

Marami ring mga salitâ at tunog mulang Espanyol na naging bahagi na ng mga wika ng Filipinas. Mapapansin din na ang mga hiram na salitâ mulang Espanyol ay nása mga bahagi ng kulturang Filipino na higit na Hispanisado, gaya sa relihiyon (sakramento, kampana, altar, kumpisal, kandila, pari, atbp), kusina (kubyertos, plato, adobo, embutido, prito, gisado, atbp), at kasangkapan (muwebles, silya, mesa, kuwadro, asarol, piko, pala, Hanggang noong unang panahon ng mga Amerikano, isa sa mga araro, atbp). May mga salita na higit pang ginagamit kaysa katumbas na pangunahing wika sa edukasyon at pamahalaan ang wikang Espanyol. katutubo, gaya ng “pero” sa halip na “ngunit,” “subalit,” at “datapwat.” Sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, ito at ang wikang Ingles ang May mga anyo namang halos napakalayò na sa orihinal na Espanyol, gaya opisyal na wika ng talakayan. Noong panahon ng mga Espanyol, ginamit ng “komang” (manco) at “silahis” (celaje+s). Na nagpapatunay lamang sa sa Kilusang Propaganda ang wikang Espanyol upang ipahayag ang mga mayamang pamanang pangkultura sa Filipinas ng matagal na panahon ng hangaring panreporma. May nasulat ding panitikan sa wikang ito, at pananakop ng Espanya. (JGP) (ed VSA) pinakatanyag ang mga nobela ni Rizal, gayundin ang mga akda nina Jesus

Ignacia del Espiritu Santo
(1 Pebrero 1663-10 Setyembre 1748) Si Madre Ignacia del Espiritu Santo (Ig·nás·ya del Es·pi·rí·tu Sán·to) ay isang kagálang-gálang at banal na Filipino ng Simbahang Katoliko. Nagsimula ang kaniyang buhay pananampalataya noong 1684. Siyá ang tagapagtatag ng Beaterio de la Compañia de Jesus na mas kilalá ngayon bilang Congregation of the Sisters of the Religious of the Virgin Mary (RVM), ang kauna-unahang kongregasyon ng mga relihiyosa sa Filipinas. Ipinanganak siya noong 1 Pebrero 1663 at bininyagan noong 4 Marso 1663. Si Madre Ignacia ang pinakamatandang anak nina Jusepe Incua at Maria Jeronima. Si Incua ay isang Tsino mula sa Amoy, Tsina na naging Katoliko noong 1652 at nanirahan sa Binondo, Maynila Noong dalawampu’t isang taón na si Madre Ignacia, nais ng kaniyang mga magulang na ipakasal siyá kay Kapitan Ricardo de Lodero y Salvacion. Ngunit tinatawag na siyá ng búhay sa pananampalataya. Humingi siyá ng payo mula kay Fray Paul Klein, isang Heswita mula sa Bohemia, na nagbigay sa kaniya ng gawaing espiritwal batay kay San Ignacio. Pagkatapos ng kaniyang pagdarasal at pag-iisa, nagpasiya siyáng ipagpatuloy ang búhay sa pananampalataya. Umalis siyá sa kanilang bahay dalá lámang ang isang karayom at gunting at nanirahang mag-isa sa isang bahay sa likod ng kolehiyong Heswita sa Maynila. Nahikayat ng kaniyang halimbawa ang ibang babae ngunit bawal pa noong magtayô ng kongregasyon. Tinatawag noong beáta ang mga babaeng inilaan ang búhay sa pagdarasal at paglilingkod sa simbahan at beatéryo naman ang kanilang tahanan. Sa hulíng araw ni Madre Ignacia, ipinasiya niyang mamuhay bilang isang ordinaryong kasapi ng beateryo hanggang mamatay noong 10 Setyembre 1748. Ngunit kinikilála na noon ang kaniyang halimbawa. Bago siyá namatay, noong 19 Hulyo 1748 ay inirekomenda ng arsobispo ng Maynila kay Haring Fernando na bigyan ng patronato real at proteksiyon ang kaniyang beateryo. Noong 12 Enero 1948 kinilála ng Papa ang kongregasyon ng Religious of the Virgin Mary (RVM), ang una at tanging samahang Filipino ng mga relihiyosa. Tinatayàng umaabot sa 1,000 ang RVM sister at nangangasiwa sa 11 kolehiyo, at sa 63 sekundarya at 30 elementaryang paaralan. (IPC) (ed VSA)

Joseph Ejercito Estrada
(19 Abril 1937—) Isang napakapopular na artista sa pelikula ang katangian ni Joseph Ejercito Estrada (Jó·sef E·hér·si·tó Es·trá·da) nang pumasok sa politika at hanggang maging pangulo ng Republika ng Filipinas noong 1998. Gayunman, ipinagmamalaki niya ang matagumpay na paglilingkod bilang alkalde ng San Juan, Metro Maynila at pagiging senador gayundin ang mga gawaing gaya ng pagtatatag sa Mowelfund. Pinutol ang kaniyang pamumunò ng isang kasong impeachment na nauwi sa Pag-aalsang EDSA II at nagpatalsik sa kaniya noong 20 Enero 2001. Isinilang si Erap, binaligtad na “pare” at paboritong palayaw kay Estrada ng mga kaibigan at tagahanga, noong 19 Abril 1937 sa Tundo, Maynila at pangwalo sa sampung anak nina Emilio Ejercito at Mary Marcelo. Nagulat na lámang ang kaniyang pamilya nang mabalitaang lumabas siyá sa pelikulang Kandilang Bakal noong 1954. Sinundan pa ito ng ibang pelikula at naisip ng ama na ipasok sa trabaho ang anak. Naging drayber siyá ng ambulansiya sa National Mental Hospital. Dito niya nakilála ang pinakasalang si Dr. Luisa (Loi) Pimentel, na naging isang senadora din. Ngunit hindi napigil ang hilig mag-artista ni Erap at hindi rin mapigil ang kaniyang pagsíkat. Pumatok sa takilya ang Asiong Salonga (1961), tumanggap siyá ng gawad FAMAS na best actor para sa Markang Rehas (1962), muling nagka-FAMAS sa Gerong Busabos (1964), at sa tatlo pa. Tumanggap din siyá ng limang parangal bilang prodyuser ng mga pelikula. Pinasok ni Erap ang politika noong eleksiyong 1967 at naging alkalde ng San Juan. Samantala, itinatag niya ang Mowelfund (Movie Workers Welfare Fund) upang tulungan ang mga ordinaryong mangagawa sa pelikula. Nagwagi siyang senador noong 1986 at pangalawang-pangulo noong 1992. Dahil sa magandang rekord sa tungkulin at mataas na popularidad, ibinoto siyá sa pagkapangulo noong 1998. Ngunit noong Oktubre 2000, ibinunyag ni Luis (Chavit) Singson, gobernador ng Ilocos Sur at kaibigan ni Erap, na tumanggap ang pangulo ng milyon-milyong suhol sa huweteng at buwis sa tabako. Kumalat na rin noon ang anomalya hinggil sa kaniyang hilig sa babae, paglalasing, pagsusugal, at mamahaling ari-arian. Nakapasá ang kasong impeachment laban sa kaniya sa Mababàng Kapulungan at nilitis siyá sa Senado. Gumulo ang paglilitis at nauwi sa isang People Power. Ito ang tinatawag ngayong EDSA Dos at nagpatalsik kay Erap noong 20 Enero 2001. Naparusahan si Erap, napiit sa Kampo Capinpin, ngunit binigyan ng pardon. Nitóng eleksiyong 2010, kumandidato siyáng pangulo ngunit natálo. (VSA)

Raul V. Fabella
(12 Abril 1949—) Pambansang Alagad ng Agham, si Raul V. Fabella (Ra·úl Vi Fa·bél·ya) ay isang batikang ekonomista, dalubguro, mananaliksik, lider sibiko, at mahusay na administrador. Isinusulong niya ang paggamit ng mga makabagong konsepto upang mas malalim na maintindihan ang mga suliranin sa ekonomiya. Ang kaniyang pananaliksik at pag-aaral ay nakatulong nang malaki sa pagbalangkas ng ilang mahalagang pambansang patakaran sa ekonomiya at pananalapi at intelektuwalisasyon sa pagtalakay ng mga suliraning pambayan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 27 Hulyo 2011. Sinuri niya ang panlipunang karanasan ng mga bansa sa Silangang Asia at inihambing ito sa ekonomiyang pampolitika ng Filipinas. Sa pamamagitan ng kaniyang teoryang Debt Adjusted Real Exchange Rate, naipaliwanag at luminaw ang pag-intindi sa naganap na krisis pinansiyal sa Asia noong 1997. Kilalá din siyáng mahusay na dalubguro at administrador. Nagtuturo siya sa Unibersidad ng Pilipinas at tatlong beses naging dekano ng Paaralan ng Ekonomiya noong 1998-2000; 2001-2003; at 2004-2006. Si Fabella ay masugid na tagasunod ng kaisipang ‘publish or perish’ na nauna nang itinaguyod ng Pambansang Alagad ng Agham Jose Encarnacion Jr. Kayâ naman naglathala si Fabella ng maraming siyentipikong artikulo at sanaysay hinggil sa teorya at praktika ng ekonomiyang pampolitika at pandaigdigang pinansiya. Iginawad sa kaniya noong 1993 ang Outstanding Publication Award ng UP para sa artikulong “Rawlsian-Nash Solutions” at International Publication Award noong 2002 para sa artikulong “The Welfare and Political Economy Dimensions of Private Versus State Enterprise.” Isinilang si Fabella noong 12 Abril 1949 sa Bacolod, Negros Occidental at anak nina Estelito Fabella ng Romblon at Magdalena Villaseñor ng La Carlota, Negros. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Pilosopiya sa SeminarioMayor Recoletos sa Lungsod Baguio noong 1970. Nakuha niya ang master sa Ekonomiya noong 1975 sa Paaralan ng Ekonomiya sa UP at doktorado sa Ekonomiya noong 1982 sa Yale University. Matapos magaral ay nagbalik siya sa UP upang ituloy ang pagtuturo at pananaliksik. (SMP) (ed VSA)

Anselmo Jorge de Fajardo
(1785-1845) May tumatawag kay Padre Anselmo Jose de Fajardo (An·sél·mo Hór·he de Fa·hár·do) na “ Ama ng Panitikang Kapampangan” at marahil, dahil siyá ang unang mahalagang manunulat sa kasaysayan ng wikang Kapampangan. Malimit ihambing ang kaniyang panulat sa tagumpay ni Francisco Balagtas sa pagsulat ng komédya. Obra maestra niya ang komédyang Comedia Heroica de la Conquista de Granada, o Sea Vida de Don Gonzalo de Cordoba llamado El Gran Capitan (Isang Pambayaning Komedya hinggil sa Pagsakop sa Granada o tungkol sa Búhay ni Don Gonzalo de Cordoba na tinaguriang Ang Dakilang Kapitan). Ito na yata ang pinakamahabàng naisulat na komedya sa bansa. Sa pagkalimbag, binubuo ito ng 31,000 linya sa 832 pahina ng tatlong tomong libro na kumakatawan sa tatlong jornada ( hor·ná·da, literal na “tatlong araw na paglalakbay” ngunit sa komédya ay tatlong yugto). Itinanghal ito nang pitóng gabi sa Bacolor noong Pebrero 1831. Ipinanganak si Anselmo Jorge Pajardo sa Bacolor, Pampanga sa isang mariwasang pamilya noong 1785. Nag-aral siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas ng teolohiya at naging pari. Naglingkod siyáng diputádo o kinatawan sa Cortes sa Cadiz sa mga unang dekada ng ika-19 siglo. Sinasabing naisulat niya ang Don Gonzalo de Cordoba hábang naglilibot sa Cordoba, Toledo, at Granada. Ang totoong si Gonzalo de Cordoba (1453-1515) ay heneral sa hukbo ni Reyna Isabela at isa sa mga nanguna upang mabawi ang Granada mula sa pitóng dantaóng pananakop ng mga Morong Muslim. Ngunit dinagdagan ni Padre Fajardo at binago ang mga pangyayari sa búhay ng Dakilang Kapitan. Una, ipinasok ni Padre Fajardo ang pag-iibigan nina Don Gonzalo at Zulema, anak na prinsesa ni Haring Muley Hassem. Ikalawa, ipinasok ang kontrabidang si Boabdil, anak ni Muley Hassem at sakim sa kapangyarihan. Ikatlo, ang pag-ibig ni Boabdil sa pinsang si Zoraida na nang lumaon ay naging kasintahan ni Conde de Lara, kaibigang matalik ni Don Gonzalo. Ang agawan sa pag-ibig at korona sa kaharian ni Muley Hassem ang higit na naging sanhi ng pag-agaw ni Don Gonzalo sa Granada. Kapag sinuri pa, maaaring ihambing ang balangkas nitó sa Orosman at Zafira ni Balagtas. (SJ) (ed VSA)

Guhit ni Caña

FAMAS
Ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) ang pinakamatandang tagagawad ng parangal sa mga pinakamahusay na aspekto ng pelikulang Filipino, at isa sa pinakamatanda sa buong Asia. Itinatag ito noong 1952 at binubuo ng mga premyadong manunulat at kolumnistang pampelikula. Ang FAMAS ang nagtataguyod ng taunang FAMAS Awards at itinuturing na tugatog na parangal ng isang tagaindustriya ng pelikula. Ipinadron ito sa Oscars sa Estados Unidos. Mula 1952 hanggang 1976, ang FAMAS ang nag-iisang tagagawad ng parangal sa industriya ng pelikulang Filipino. Sa kasalukuyan, kinikilála ang FAMAS Awards bilang isa sa pinakamahahalagang premyo sa industriya, kasáma ng Luna Awards ng Film Academy of the Philippines, Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, at ang Star Awards for Movies and Television ng Philippine Movie Press Club. Ilan sa mga itinanghal sa Hall of Fame ng FAMAS Awards ay sina Joseph Estrada, Fernando Poe Jr., Christopher De Leon, Eddie Garcia para sa Best Actor; Charito Solis, Vilma Santos, Nora Aunor para sa Best Actress; at sina Eddie Garcia at Lino Brocka para sa Best Director. (PKJ) (ed VSA)

fátek
Katutubong tatô (tattoo sa Ingles) sa Kordilyera: fátek sa Bontok, bátek sa Kalinga, at fátok sa Ibaloy. Lahat ng salitâng ito ay mula sa tunog ng pagtiktik ng patpat sa instrumentong ginagamit sa pagtatatô na karaniwang yari sa sungay ng kalabaw na may mga tinik o karayom sa isang dulo. Mabusising trabaho ang pagtatatô. Maaari itong tumagal mula isang araw hanggang isang linggo depende sa disenyo. Karaniwang nilalagyan ng tatô ang kamay, bisig, dibdib, binti, at paa. Laganap sa Filipinas noong bago dumating ang mga Espanyol, buháy hanggang ngayon ang sinaunang kaugaliang ito sa mga lalawigan ng Kordilyera, lalo na sa Kalinga. Dito matatagpuan ang pinakamaraming manfátek (eksperto sa pagtatatô) at ang pinakakomplikadong mga tatô na kamamalasan ng heometrikong disenyo, at ng mga makahulugang motif tulad ng butiki at mga markang-x na kung tawagin ay lin-lingao. Hindi malinaw kung ano ang orihinal na katuturan ng fatek, ngunit ayon sa ilang ulat mula sa panahong kolonyal, ang pagtatatô sa Kordilyera ay kaugnay ng káyaw o pamumugot ng ulo ng kaaway na laganap sa rehiyon noon. Sa Kalinga, mga mandirigma na lumahok at nagtagumpay sa mga pakikipaglaban sa mga kaaway ng kanilang ili ang may pinakamaraming tatô. Hanggang ngayon, nananatili ang mahigpit na kaugnayan ng tatô sa kagitingan sa pandirigma. Hindi lamang ang mga lalaking mandirigma, bagkus pati na rin ang ilang babae sa kanilang angkan, ang maaaring magtaglay ng tatô bilang tanda ng kanilang mataas na ranggo sa lipunan. Sa pagdaraaan ng panahon, nagkaroon ng iba pang kahulugan ang fatek. Ngayon, tinitingnan ito bilang tanda ng kahandaan sa pagtanggap ng responsabilidad, o sagisag ng katutubong konsepto ng kagandahan. Higit sa lahat, dumarami ngayon ang nagpapatatô ng tradisyonal na disenyo upang ipagmalaki ang kanilang etnikong identidad. (DLT) (ed GSZ)

Filipínas
Filipínas ang unang pangalang ibinigay sa sa ating republika. Ang pangalang ito ay ibinigay ni Ruy Lopez de Villalobos, isang Espanyol na manlalakbay, nang marating niya ang mga pulo ng Samar at Leyte noong 1542 bilang parangal sa noo’y prinsipe ng Espanya at kalaunan ay naging Haring Felipe II. Nanatili ang pangalang ito hanggang sa Republikang Malolos. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang Filipinas ay tinawag nilang “Philippines.” Dahil sa abakadang walang F, ang Filipinas ay isinulat na “Pilipinas” nitong ika-20 siglo. Ang buong kapuluan ay binubuo ng mahigit 7,100 isla. May 966 kilometro ang layo nito sa timugang baybayin ng lupalop ng Asia, mataas nang bahagya sa ekwador, sa pagitan ng 40°23’ at 21°25’ hilagang latitud at ng 116° at 127° silangang longhitud. Dagat Timog Tsina ang hanggahan nito sa kanluran, Karagatang Pasipiko sa silangan, Dagat Sulu at Celebes sa timog, at Kipot ng Bashi sa hilaga. Humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kuwadrado ang kabuuang saklaw ng lupain nito na ang mahigit 93 porsiyento ay nasa 11 malalaking pulo. Sa 7,100 pulo, 2,773 lamang ang may pangalan at 1,192 lamang ang may naninirahan. Ang mga pangunahing pulo ay pinangkat sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Itinuturing na pinakamahaba sa daigdig ang magkakasanib na sukat ng mga baybayin nito na umaabot sa 34,600 kilometro. Ang kabuuang sukat ng lupaing saklaw ng bansa ay kapantay ng Italya, malaki nang kaunti sa Gran Bretanya, at maliit nang bahagya sa Hapon. Napailalim ito sa kapangyarihang kolonyal ng tatlong bansa, ang Espanya (1521-1898), ang Estados Unidos ng Amerika (1898-1935), at ang Japan (1941-1945). Ang relihiyong Katoliko, na dala ng mga Espanyol, ang relihiyon ng mayorya ng populasyon kaya tinagurian ito bilang nag-iisang Katolikong bansa sa buong timog-silangang Asia. (AMP) (ed VSA)
Lumang mapang Pranses, 1595-1730

Filipíno
Filipíno (fi-li-pí-no) ang tawag sa pambansang wika ng Filipinas, ayon sa 1987 Konstitusyon, at kasalukuyang pambansang lingua franca. Alinsunod sa tadhana ng Artikulo XIV, seksiyong 6 ng 1987 Konstitusyon: Ang pambansang wika ng Filipinas ay Filipino. Hábang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Filipinas at iba pang wika. Nakabatay ito sa wikang Tagalog na siyáng napilìng batayan ng wikang pambansa noong 1937. Mula Tagalog, pinalawak ang konsepto ng wikang Filipino bilang wikang nakabukás na tumatanggap at umuunlad mula sa lahat ng mga wikang katutubo ng bansa pati na ang mga wikang banyaga. Larawan ang Filipino ng makulay at sari-saring pambansang kultura at karanasan. Mula ditto, maaaring itawag ang “Filipino” sa mga mamamayan at kabuuang kultura ng Filipinas. Filipino ang pambansang lingua franca o wikang tulay ng iba’t ibang rehiyon sa bansa para magkaunawaan. Ito ang ginagamit ng sinumang dalawang tao na may magkaibang wikang kinagisnan sa Filipinas. Halimbawa, isang Ivatan at isang Tausug o isang Ilonggo at isang Kapampangan ang nais mag-usap. Filipino din ang wika ng komunikasyon na pinalalaganap ng pambansang mass media at ng pamahalaan. Bahagi ng modernisasyon ng Filipino ang bagong alpabeto na may 28 titik. Idinagdag sa lumang abakadang Tagalog ang mga titik na C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z upang maidagdag ang mga tunog ng mga ito sa mga salitâng hinihiram mula sa ibang wikang katutubo at banyaga. Ang mga tunog ng F, J, V, at Z ay matatagpuan sa mga wikang katutubo (halimbawa, fagfagtó ng Ifugaw at fákang ng Tiruray, lají ng Ivatan at jumigí ng Ibanag, vákul ng Ivatan at vuláwan ng Ibanag, zízzing ng Ivatan). Ang nabanggit na apat at ang C, Q, at X (gaya sa cheese, caña, fan, faux pas, jam, jaywalking, jog, quota, I.Q., veto, ivy, zigzag, pizza, exit, x-ray) ay ginagamit sa mga bagong hiram mula sa Ingles at ibang wikang banyaga. Ang Ñ (gaya sa niño, añonuevo) ay mula sa alpabetong Espanyol. (VSA)

Florante at Laura
Ang Florante at Laura (Flo·rán·te at Láw·ra) ang obrang isinulat ni Francisco Baltazar. Ang kompletong pamagat ng akda ay Pinagdaanang Buhay ni Florante at Laura sa Cahariang Albania—Quinuha sa Madlang Cuadro Historico o Pinturang Nagsasabi nang manga nangyayari nang Unang Panahon sa Imperio nang Grecia—at Tinula nang Isang Matouain sa Versong Tagalog. Tinatayang sinulat ito noong 1838. Nagkaroon ito ng maraming edisyon sa Tagalog at mababása rin sa Pampanggo, Bikol, Pangasinense, Ingles, Espanyol, at Aleman. Ang akda ay isinulat sa anyo ng isang awit—lalabindalawahin ang sukat, may apat na taludtod bawat saknong, at may isahang tugma. Sa kabuuan, binubuo ito ang 399 saknong. Ang awit ay kuwento ng pag-ibig nina Florante at Laura. Si Florante ay anak ng tagapayo sa Haring Linceo ng Albania. Umalis siya para mag-aral, bumalik sa Albania, hinirang na heneral, nakipaglaban sa mga Moro, at umibig kay Laura, ang anak ng Hari. Ngunit may kaagaw si Florante kay Laura—si Adolfo, ang kamag-aral na minsan nang nagtangka sa buhay ng bayani. Sa isang tusong pakana, pinasimulan ni Adolfo ang isang pagaalsa at inagaw ang kaharian. Pinatay niya ang hari at ama ni Florante. Mula sa bilangguan, ipinatapon ni Adolfo si Florante sa gubat para doon mamatay. Iniligtas si Florante ng isang Persiyanong mandirigma, si Aladin, na tumakas sa kaniyang amang sultan na ibig agawin ang kaniyang kasintahang si Flerida. Sa gubat rin muling nakapiling ni Florante si Laura at napatay ni Flerida si Adolfo. Nagtatagpo sa awit na nilikha ni Baltazar ang mga tradisyong katutubo at Europeo. Ang paggamit ng katutubong sangkap ng tula tulad ng isahang tugma at sukat, at ang malasalawikaing katangian ng maraming saknong ay maaaring ituring na pagpapatuloy ng katutubong tradisyon. Maituturing naman na bagong katangian ang pagpapakilala ng tema ng di maabot na pag-ibig, pati na ang iba’t ibang tayutay na kakabit nito. Bagaman kuwento ito ng pag-ibig, marami ang bumabása sa Florante at Laura bilang talinghaga ng masamang kalagayan ng Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. (GSZ)

Fort Pilár
Ang Fort Pilár ay isang moog sa Lungsod Zamboanga na itinayo ng Heswitang paring si Padre Melchor de Vera kasama si Kapitan Juan de Chaves noong 23 Hunyo 1635. Una itong tinawag na Real Fuerza de San José at nagsilbing tanggulan ng mga Kristiyano laban sa pagsalakay ng mga Muslim, Olandes, at Tsino. Noong 1663, iniwan ito ng mga sundalong Espanyol nang magpunta sila sa Maynila upang kalabanin at paalisin ang mga piratang Tsino. Muli itong ipinagawa ng inhenyerong Espanyol na si Juan Sicarra noong 1719 at tinawag na Fuerza de Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza na alay sa patrong si Nuestra Señora del Pilar. Ilang pagsalakay ang nalampasan ng Fort Del Pilar. Taóng 1720, sinalakay ito ng hukbo ni Dalasi, Hari ng Bulig kasama ang 3,000 Muslim at noong 1798, binomba naman ito ng mga British. Naging bilangguan din ito ng 70 tao noong 1872, inabandona ng mga Espanyol noong 1898 at inokupa ng mga Amerikano noong 1899 ngunit sinakop ng mga Hapon noong 1942. Noong 4 Hulyo 1946 inilipat sa Filipinas ang pamamahala sa moog. Kinilala ang Fort Pilar bilang Pambansang Yamang Pangkultura noong 1 Agosto 1973 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 260. Sinimulan ang restorasyon dito noong1980 na pinamahalaan ng Pambansang Museo ng Filipinas. Pagkaraan ng anim na taon, binuksan ang Fort Pilar bilang isang Museo na nagtampok ng mga Kontemporaneong Sining ng Filipinas. Noong 1987, binuksan din ang ikalawang palapag ng Museo na nagtampok ng eksibit ng mga yamang-dagat ng Zamboanga, Basilan, at Sulu. Mahigit 400 species ng yamang-dagat ang ipinakita sa pamamagitan ng mga diyorama. Sa pang-ilalim na palapag ng Fort Pilar ay matatagpuan ang eksibit ng relikya ng barkong Griffin na lumubog noong ika-18 siglo Ang Museong Fort Pilar ngayon ang isa sa paboritong pasyalan sa Lungsod Zamboanga. (EGN) (ed VSA)

Fort Santiago
Ang orihinal na pangalan ng Fort Santiago (Fort San·ti·yá·go) ay Fuerza Santiago, isang tanggulang moog na sinimulang itayô noong 1590 at natapos noong 1739 sa dating lugar na kinalalagyan ng matandang Maynilad na matatagpuan sa bunganga ng Ilog Pasig. Bahagi ito ng mga estrukturang bumubuo sa siyudad ng Intramuros, ang itinuturing na “Lungsod Maynila” noong panahon ng mga Espanyol. Pinangalanan ito ni Gobernador Santiago de Vera bilang parangal sa kaniyang patron na si Santiago. Ang pader na nakapalibot dito at nagsisilbing proteksiyon ay may kapal na walong talampakan at taas na dalawampu’t dalawang talampakan. Hindi maikakaila ang kahalagahan nitó sa kasaysayan ng Filipinas. Sa panahon ng kolonisasyon, ito ang nagsilbing pangunahing tanggulang moog ng gobyernong Espanyol. Ginawa din itong bilangguan. Dito ikinulong at ginugol ni Jose Rizal, ang pambansang bayani, ang kaniyang mga hulíng araw bago siyá bitayin noong 30 Disyembre 1896. Mula sa kanyang selda, sinulat niya ang kaniyang hulíng tula na Ultimo Adios. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Fort Santiago ang nagsilbing punòng himpilan ni Heneral Douglas MacArthur at mula dito niya pinamunuan ang hukbong Filipino-Amerikano laban sa mga mananakop na Hapones. Sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, ang Fort Santiago ay naging kasingkahulugan ng kamatayan para sa mga Filipino. Dito isinagawa ng mga kempeitai, pulis-militar ng mga Hapon, ang matinding pagpapahirap o parusa sa mga napaghihinalaang miyembro ng gerilya. Maraming Filipinong namatay sa mga selda nitó. Sa liberasyon ng Maynila noong 3 Pebrero 1945, dumanas ng matinding pinsala ang moog sa bombahan ng magkalabang puwersa. Sa kasalukuyan, ang moog at ang mga selda nitó ay isa nang pambansang dambana. Mula sa imahen nito ng pagpapahirap at kamatayan, ito ngayon ay larawan ng kagandahan at kapayapaan para sa mga nais lumaya sa magulong buhay siyudad. (LN) (ed VSA)

Carlos V. Francisco
(4 Nobyembre 1912-31 Marso 1969) Si Carlos V. Franciso ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1973. Mas kilala siya pangalang Botong, isa siya sa bumubuo ng triunvirato ng modernismo na nagpabago sa larangan ng sining sa Filipinas noong namamayani ang impluwensiya ni Amorsolo. Kasama rin siya sa mga nagtatag ng Thirteen Moderns noong 1938 at nagpaunlad at nagtaguyod ng mga likhang miyural. Ang mga obra niya ay nagtampok ng mga makabagong hulagway ng mga Filipino, mula sa kanilang mga mga kaugalian at pagdiriwang (Musikong Bumbong, Bayanihan, Fiesta, Sandugo at Moriones Unmasked) hanggang sa mga pangkaraniwang tanawin at gawain sa kanilang paligid (Planting Corn, Rice Threshers, Siesta Under the Mango Tree at Lost in the Forest). Ngunit hindi tulad ng kay Amorsolo, ang mga likha ni Francisco ay higit na nagtampok ng disenyo at ritmo, makabagong idyoma sa pamamagitan ng matitingkad na kulay ng karaniwang tao at pakurbadang linyang nagpapanagpo at pumupuno sa bawat espasyo. Bilang mahusay na muralist, ang dingding ng mga kilalang institusyon ay nagsilbing malaking kambas para sa sining ni Francisco. Ilan sa pinakatanyag niyang likha ay ang History of Medicine para sa Philippine General Hospital; Bayanihan para sa Philippine Bank of Commerce; paglalarawan sa buhay ni Sto. Domingo para sa Simbahan ng Sto. Domingo; at Stations of the Cross para sa Far Eastern University Chapel. Sa kaniya ang ginamit na gahiganteng miyural (88 metro ang taas at 8 metro ang lapad) sa entrada ng kauna-unahang International Fair na inilunsad ng Filipinas noong 1953. Maituturing na pangunahing obra ni Francisco ay ang miyural para sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall na may pamagat na Filipino Struggles Through History (kalaunan ay tinawag na Maharnilad) na nagtatampok sa kasaysayan ng Maynila mula sa panahon ng mga Raha hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Isinilang si Francisco noong 4 Nobyembre 1912 sa Angono, Rizal sa magasawang Felipe Francisco at Maria Vilaluz. Ikinasal siya kay Rosalina at nagkaroon sila ng tatlong supling. Nagtapos siya sa School of Fine Arts. Ng Unibersidad ng Pilipinas. Sinasabing ang tawag na Botong ay mula sa katawagan sa isa ring popular na karakter sa Cainta, Rizal na kasing-itim niya ang kulay. Nagsimula siyang magtrabaho bilang lay-out artist sa The Philippines Herald at Tribune. Namatay siya sa edad na 57 noong 31 Marso 1969 at inilibing sa kaniyang bayang sinilangan, sa Angono, Rizal. Ang Camote-eaters ang pinakahuli at hindi niya natapos na obra. (RVR) (ed GSZ)

Francisco M. Fronda
(22 Disyembre 1896-17 Pebrero 1986) Pambansang Alagad ng Agham, si Francisco M. Fronda (Fran·sís·ko Em Frón·da) ang itinuturing na tagapanguna ng makabagong siyensiya ng pagmamanukan sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 19 Hulyo 1983. Sa pamamagitan ng kaniyang pananaliksik, lumikha siyá ng mas mahusay na lahi ng manok at bibe upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at mapaunlad ang produksiyon ng industriya ng manukan. Una niyang pinaunlad ang lahi ng manok na kung tawagi’y Cantonese. Ang bagong lahi ng Cantonese ay di hamak na mas malaki at marami kung mangitlog. Nagsagawa rin ng pag-aaral si Fronda upang mapahusay ang kalidad ng karne ng bibe. Ang husay sa paghahayupan ni Fronda ay napakinabangan din ng ibang bansa sa Asia. Itinuturing siyáng ama ng industriya ng manukan sa Thailand. Tinuruan rin niya ng makabagong paraan ng pagmamanukan ang mga magsasaka ng Burma at Hongkong. Ang kaniyang librong Poultry Science and Production ay naging batayang aklat ng mga mag-aaral at nagsilbing gabay ng industriya ng pagmamanukan. Binalangkas rin niya ang unang maikling kurso sa siyensiyang pang-agrikultura para sa mga magsasakang Filipino. Naging punòng patnugot siyá ng Better Poultry and Livestock Magazine (19591969). Isinilang si Fronda noong 22 Disyembre 1896 sa Aliaga, Nueva Ecija at anak nina Victor Fronda at Teodora Mamaclay. Bagaman hindi pa siyá nakatapos ng segundarya ay tinanggap siyá sa Kolehiyo ng Agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas. Pagkatapos makamit ang kaniyang Batsilyer sa Agrikultura, ipinadala kaagad siyá sa Cornell University sa New York bilang pensiyonado ng pamahalaan. Natapos niya ang master at doktorado sa siyensiya sa naturang unibersidad. Nang makabalik sa Filipinas, ipinagpatuloy niya ang pagtuturo at pinamunuan ang Departamento ng Paghahayupan sa UP. Naging opisyal siyá ng United Nations Food and Agricultural Office at tagapangulo ng Dibisyon sa Agrikultura ng National Research Council of the Philippines. Yumao siyá noong 17 Pebrero 1986. (SMP) (ed VSA)

Jovita Fuentes
(15 Pebrero 1895-7 Agosto 1978) Si Jovita Fuentes (Ho·ví·ta Fu·wén·tes) ang tinaguriang prima donna ng musika at kauna-unahang babae na nagkamit ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Pinakamaringal siyáng mang-aawit sa opera na kinilála sa Filipinas at sa ibang bansa. Ang kaniyang natatanging pagganap sa mga pinakabantog na mga tanghalan sa daigdig ay nagdala ng karangalan sa Filipinas at mataas na respeto sa talento ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1976. Bagaman kumukuha pa lamang ng karagdagang pagsasanay sa Italya ay maagang sinakop ng sining ni Fuentes ang mga bantog na tanghalan sa Europa, Amerika, at Asia. Kinilála siyá sa kaniyang di malilimutang pagganap sa mga pangunahing karakter sa ilalim ng pinakamagagaling na direktor: Bilang si Cio Cio San sa Madame Butterfly ni Giacomo Puccini; Liu Yu sa Turandot at Mimi sa La Boheme ni Puccini; Iris sa Iris ni Pietro Mascagni; at bilang Salome sa Salome ni Richard Strauss. Sa kaniyang pagbabalik sa Filipinas ay ginugol niya ang panahon upang ibahagi naman ang kaniyang sining sa pagsusulong ng opera at musika sa Filipinas. Itinatag niya ang Music Promotion Foundation of the Philippines at ang Opera Foundation of the Philippines at Artists Guild of the Philippines. Naging guro siyá sa musika sa College of the Holy Spirit, Sta. Isabel College, University of the Philippines, at Centro Escolar University. Ang kaniyang pag-awit ay ginagamit rin niya upang makalikom ng pinansiya para sa mga mapagkawanggawang institusyon at sosyo-sibikong gawain, gaya ng San Lazaro Hospital para sa mga may ketong, at para sa pagpapagawa ng UP Catholic Chapel. Bukod sa mga palakpak at standing ovation, si Fuentes ay nagkamit ng “Embahadora de Filipinas a su Madre Patria” mula sa Espanya; Presidential Medal of Merit (1958); Diwa ng Lahi mula sa Lungsod Maynila (1975); Phi Kappa Phi Honor ng Unibersidad ng Pilipinas. Ipinanganak siyá noong 15 Pebrero 1895 sa bayan ng Capiz (ngayon ay Lungsod Roxas) kina Canuto at Dolores Fuentes. Ikatlo sa 13 anak, siyá ay Manang Inday sa mga kapatid, Vitang sa kababatà, at Tata sa mga kaanak. Batà pa lamang ay umaawit, sumasayaw, tumutugtog ng piyano, at gumaganap na sa mga dula at sarsuwela si Fuentes. Pumunta siya sa Milan, Italya upang kumuha ng karagdagang pagsasanay sa pag-awit. Wala pang siyam na buwan ay natuklasan siyá ng naghahanap ng soprano para sa Madame Butterfly. Pagkatapos ng halos kalahating siglo ng ambag sa musikang Filipino, binawian siyá ng buhay noong 7 Agosto 1978. Ang aklat na Jovita Fuentes: A Lifetime of Music ay inilathala sa taon ding iyon. (RVR) (ed GSZ)

gabbáng
Ang gabbáng ay siloponong blade o tekladong gawa sa kawayan. Binubuo ito ng mga nakahanay na teklado ayon sa sukat, maliliit mula kaliwang bahagi at papalaki papunta sa kanang bahagi. Nakapatong ang mga ito sa isang rektanggulong kuwadro na gawa sa kahoy. Tinutugtog ito sa pamamagitan ng pagpalo ng dalawang patpat na yari sa kahoy. Ang bilang ng teklado ay sang-ayon sa nakagawiang tradisyon ng etnolingguwistikong grupo na tumutugtog nito: mula 3-9 para sa Yakan, 14-24 sa Tausug, at 17 naman para sa Palawan. Ang kaayusan ng tono ng mga teklado ay nakabatay sa eskalang septatonic o pitong tono. Ginagamit ang gabbang bilang panimulang musika sa awitan kung ito ay tinutugtog nang walang kasaliw. Sa Tausug, ang gabbang ay tinutugtog ng kababaihan bilang saliw sa mga sekular na awit na tinatawag na liyangkit at sindil. Ito ay ginagawa bilang libangan sa kasalan at pagdiriwang ng anibersaryo. Ang melodiya ay nahahati sa ina (mataas na tono) at anak (mababang tono). Mahalaga itong kasaliw ng biyola. Ang Yakan ay may maliit na bersiyon ng gabbang. Mayroon lamang itong limang teklado na maaaring tugtugin ng isa (ngwintang) o dalawang tao (neruwe o kajali). Kung dalawa ang tumutugtog dito, ang isa ay tumutugtog ng kombinasyon ng mga tono sa tatlong teklado; ang isa naman ay bumubuo ng regular na ritmo sa natitirang dalawa pang teklado. Mga lalaki rin ang tumutugtog ng gabbang ng Samal bilang saliw sa mga awit na may temang pag-ibig. Ang gabbang ng Magindanaw, ang tamlang, ay gumagamit ng mas makapal na kawayan para sa teklado at nakapatong ang mga ito sa mas mabigat na kuwadro. Ginagamit itong sanayan sa pagtugtog ng kulintang ng mga bata at matanda. Ang iba pang pangalan ng gabbang ay agung gabbang ng Yakan, gambang ng Samal, kwintangan batakan ng Yakan, at tamlang ng Magindanaw. (RCN) (ed GSZ)

Gabinéte
Sa isang presidensiyal na sistemang kagaya ng umiiral sa Filipinas, ang Gabinéte (Cabinet) ang kapulungan ng mga pinunò ng iba’t ibang mahalagang kagawaran ng gobyerno at mga ahensiyang direktang pinamamahalaan ng Opisina ng Pangulo. Ang mga kasapi ng Gabinéte ay tinatawag na kalíhim o sekretaryo at nananagot lámang sa nakaluklok na Pangulo na siyáng nagtalaga sa kanila. May kapangyarihan ang Pangulo ng Filipinas na pumilì ng sinumang naisin niya na manungkulan sa Gabinéte. Subalit kailangang pagtibayin ng Komisyon ng Paghirang ng Kongreso ng Filipinas ang nominasyon ng isang naitalagang kalihim upang maging opisyal ang kaniyang panunungkulan. Ang prinsipyo ng pagbubuo ng Gabinéte ay pinasimulan sa Inglatera noong hulíng bahagi ng ika-16 siglo. Nagsisilbi itong impormal na lupon ng tagapayo ng hari. Nang maitatag ang modernong parlamentaryong demokrasya, pormal na ginamit ang konsepto ng gobyerno ng Gabinéte upang magsilbing komiteng tagapagpaganap ng parlamento. Dahil dito, ang mga kasapi ng Gabinéte ay kasapi rin ng parlamento. Malaki ang pinagkaiba ng Gabinéte sa isang presidensiyal na sistema. Sa gobyernong presidensiyal, walang nagsasariling kapangyarihan ang Gabinéte at ang mga kagawad nitó ay hindi halal ng mamamayan. Nagsisilbi ang Gabinéte bilang tagapagpaganap ng mga opisyal na patakaran at gumaganap lámang ng mga administratibong tungkulin upang mas epektibong makapamunò ang Pangulo. Ganito ang modelo ng sistemang Gabinéte na sinusunod ng gobyerno ng Filipinas. Mayaman ang praktika ng Filipinas sa pagbubuo ng Gabinéte. Noong panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol, nag-organisa na ang Katipunan ng isang pormal na Gabinéte na tumayông lihim na rebolusyonaryong gobyerno. Nagtalaga rin si Emilio Aguinaldo ng kaniyang Gabinéte upang pangasiwaan ang iba’t ibang tungkuling panggobyerno noong Republikang Malolos. Hanggang sa kasalukuyan, ang sistemang Gabinéte pa rin ang pangunahing instrumento ng Pangulo ng Filipinas upang mas mahusay na mapamahalaan at maipatupad ang mga tungkulin ng gobyerno. (SMP) (ed VSA)

gadyá
Ang gadyá ay ang pinakamalaki at pinakamabigat na nabubuhay pang hayop sa lupa. Mayroon itong napakahabàng ilong, malalaking tainga, at dalawang tila sungay na ngiping nakausling palabas ng bibig. Mas kilala ito sa tawag na elepánte. Tatlo lang ang uri ng gadyang kinikilala sa kasalukuyan: ang African Bush Elephant (Loxodonta Africana) at African Forest Elephant (Loxodonta cyclotis) na parehong matatagpuan sa Aprika; at ang Asian Elephant (Elephas maximus) na nabubuhay lámang sa katimugang bahagi ng Asia– mula sa India hanggang Borneo. Gayunman, mayroong mga pag-aaral na nagsasabing may isa pang hiwalay na uri ng gadya na matatagpuan naman sa kanlurang Aprika. Sa Asia, tanyag na simbolo ng karunungan ang mga gadya. Kinikilala ang mga ito dahil sa umano’y taglay na talas ng memorya at talino ng mga ito na itinutumbas sa antas ng kaisipan ng mga lumba-lumbá at ibang primate. Bagaman walang natural na predator ang malalaki nang gadya, nanganganib pa ring malipol ang mga ito. Bukod sa unti-unting pagkaubos ng mga gubat na tirahan, mabilis ang pagbaba ng populasyon ng mga gadya dahil sa ilegal na panghuhuli at pagpaslang. Ibinebenta kasi ang garing mula sa mga nakausling pangil ng elepante. Dito sa Filipinas ay nabuhay rin ang mga sinaunang uri ng gadya. Sa Lambak Cagayan sa Hilagang Luzon, halimbawa, ay may nahukay na fossilized molars o bagang ng Elephas sp. at Stegodon. Ayon sa mga pagaaral, ang mga ito ay umiral 750,000 taon na ang nakararaan o sa panahon pa ng Pleistocene. Ang mga elephas lalo na ang stegodon ay may mas malalaking bungo at mas mahahabàng pangil na mistulang sungay kaysa mga kasalukuyang uri ng gadya. (BVN) (ed GSZ)

-Mula sa Aklat Adarna

galunggóng
Ang galunggóng ay nabibílang sa pamilya Carangidae at ang pinakamaraming uri ay nása grupo ng Decapterus. Matatagpuan ang isdang ito sa kanluran ng Indo-Pasipiko at sa silangang bahagi ng Pasipiko at Aprika. Nagsasáma-sámang nananahan malapit sa ilalim ng dagat ang mga galunggóng at nanginginain ang mga ito sa ibabaw ng bahura at sa mga mabuhanging lugar. Payat at medyo pabilog na tila hugis tabako ang katawan ng galunggóng. Malaberde o kumikinang na asul ang kulay ng likod nitó, samantalang kulay pilak o maputî ang tiyan. Malimit na may maliliit at itim na batik ang talukap ng hasang, may mga tinik ang palikpik sa likod at puwit, at kadalasang may dilaw na linya sa katawan mula ulo hanggang buntot. Kapag nása tamang gulang para magparami, maaari itong mangitlog pagkalipas ng 10-12 buwan. Nangingitlog ito sa buong taon at ang mga itlog ay nagpapalutang-lutang bago mapisa. Maraming uri ng galunggóng at ang isa sa mga kilalá at ginagamit sa komersiyo ay ang Decapterus macrosoma. May karaniwang habà na 25 sentimetro ang ganitong uri ng galunggóng at ang pinakamalaking naitalâ ay umaabot ng 35 sentimetro. Nakalukong palikod ang hulihan ng ibabaw ng panga nitó at may nakausling pabilog. Mas payat ito kompara sa ibang uri ng galunggóng. Hinuhúli ito sa pamamagitan ng basnig, pangulong, pante, galadgad, at bundak. Sa Filipinas, ang mga tradisyonal na lugar para manghúli ng galunggóng ay sa mga dagat at look ng Sulu, Kabisayaan, Sibuyan, Lamon, Ragay, at Babuyan. Kadalasan itong ibinebenta nang sariwa o ginagawang daeng at tinapa. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isda. (MA) (ed VSA)

Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon?
Idinirihe ng Pambansang Alagad sa Sining sa Pelikulang si Eddie Romero ang pelikulang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? (1976) at sa panulat nina Eddie Romero at Roy C. Iglesias. Ilan sa gumanap sa pelikula sina Christopher de Leon, Gloria Diaz, Eddie Garcia, Rosemarie Gil, Jaime Fabregas, Dranreb Belleza, E.A. Rocha, Leopoldo Salcedo, at Tsing Tong Tsai. Umiinog ang kuwento kay Kulas, isang probinsiyanong may simpleng pangarap sa buhay—ang maglakbay. Kasabay ng kaniyang pakikipagsapalaran ang pagsalubong ng mga Filipino sa siglo 20, panahon ng rebolusyong Filipino laban sa mga Espanyol. Pahapyaw ding itinampok ng pelikula ang pakikipaglaban ng ilang Filipino sa mga Amerikanong pumalit sa mga Espanyol bilang mananakop. Nagsimula ang kakaibang pakikipagsapalaran ni Kulas nang masangkot siya sa isang di-pagkakaunawaan kasama ang isang paring Espanyol. Pinakiusapan siyá ng pari na hanapin ang nawawala nitóng anak. Sa pagtugon ni Kulas sa hiling ng fraile, nakilála niya si Diding, isang sarsuwelista. Sa pagkahulog ng loob niya sa dalaga, tuluyang naiba ang kaniyang landas. Bukod sa kantahan, katatawanan, romansa, at digmaan, itinatampok sa pelikula ang suliranin ng mga Filipino sa pagtuklas at pagkamit ng sariling kaakuhan. Makikita rin dito ang iba’t ibang mukha ng mga Filipino noong panahong iyon: mandirigma, manlalakbay, tulisan, artista, amo, alipin, preso, pobre, at iba pa. Kinilala ang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? bilang isa sa pinakamahusay na pelikula ng dekada 70. Tumanggap ito ng mga parangal tulad ng Best Direction, Best Picture, Best Screenplay, at Best Production Design sa Gawad Urian Awards; Best Actor, Best Music, at Best Supporting Actor sa FAMAS Awards; Best Director, Best Art Direction, Best Film, Best Screenplay, Best Music, at Best Actor sa Metro Manila Film Festival. (RPB) (ed VSA)

Carlos P. Garcia
(4 Nobyembre 1896-14 Hunyo 1971) Pumalit na pangulo ng Republika ng Filipinas si Carlos P. Garcia (Kár·los Pi Gar·sí·ya) noong 1953 at biglang mamatay si Pangulong Magsaysay. Nagpatuloy siyáng pangulo nang magwagi sa pambansang eleksiyon noong 1957. Pangunahing tatak ng kaniyang administrasyon ang patakarang “Filipino Muna” (Filipino First) sa kabuhayan at ang kaniyang programa sa pagtitipid na “Austerity Program.” Gayunman, nabatikos siyá sa malimit na pangingibang-bansa, paggamit ng mamahaling yate’t eroplano, at sa mga nabulgar na nakawan sa People’s Homesite and Housing Corporation (PHHC) at Government Service Insurance System (GSIS). Malinaw itong sanhi ng pagkatálo niya sa eleksiyong 1961. Isinilang si Garcia noong 4 Nobyembre 1896 sa Talibon, Bohol kina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Dahil sa matinding hilig magaral ay pumunta siya ng Cebu para sa mataas na paaralan, sa Silliman University sa Dumaguete, at Sa Philippine Law School sa Maynila. Nagturo muna siyá sa mataas na paaralan sa Bohol pumasok sa politika. Mahilig din siyáng tumula at isang kinikilalang mambibigkas sa wikang Boholano. Naging asawa niya si Leonila Dimataga ng Cebu. Noong 1925, nagwagi siyáng kinatawan sa Asamblea at humawak ng gayong tungkuling hanggang1931. Naging gobernador siyá ng Bohol noong 1931-1940. Noong 1941 nagwagi siyang senador at nakasáma sa Senado sina Claro M. Recto, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Jose Yulo, at Quintin Paredes. Naggerilya siyá noong panahon ng Pananakop ng mga Hapones. Noong 1946, kabilang siyá sa mga kasapi ng Partido Nacionalista na nagwaging senador. Siyá ang napiling kandidatong pangalawang-pangulo at katiket ni Magsaysay sa halalang 1953. Nang manalo, naglingkod siyáng kalihim ng suliraning panlabas. Nasa isang pulong siyá sa Australia nang mamatay sa aksidente si Pangulong Magsaysay. Nagwagi siyáng pangulo sa eleksiyong 1957 ngunit natálo sa eleksiyong 1961. Hulíng aktibidad niyang politikal ang pagkandidatong delegado sa 1971 Kumbensiyong Konstitusyonal. Nagwagi siyáng kintawan ng Bohol at nahalal pang pangulo ng kumbensiyon. Ngunit tatlong araw matapos manumpang pangulo ay inatake siyá sa puso at namatay noong 14 Hunyo 1971. (VSA)

Gáwad Manlilikhâ ng Báyan
Itinuturing na katumbas ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining, ang Gáwad Manlilikhâ ng Báyan o National Living Treasures Award ay ipinagkakaloob sa mga indibidwal o pangkat na nagpapamalas ng mataas na antas ng teknikal at artistikong kahusayan sa sining na taal na Filipino. Pinagtibay ng pamahalaan noong 5 Pebrero 1992 sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7355, ang Gawad Manlilikha ng Bayan o Gamaba ay halaw sa National Folk Artist Award na iginawad ng Rotary Club of Makati-Ayala noong 1998. Layunin ng gawad na: kilalanin ang kahalagahan ng mga tradisyonal na manlilikhang-bayan; muling payabungin ang katutubong sining ng mga komunidad pangkultura; magtakda ng mga mekanismo sa pagkilala at pagtulong sa mga kalipikadong manlilikhang-bayan upang maituro nila ang kanilang kaalaman sa komunidad; at lumikha ng mga oportunidad upang makilala ang kanilang mga likha sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa mga sining na kinikilala sa gawad na ito ay ang katutubong arkitektura, paglalayag, paghahabi, paglililok, pagtatanghal, panitikan, grapiko at plastik na sining, paggawa ng mga palamuti, paghabi ng tela, pagpapalayok, at iba pa. Ang pagpili sa mga Manlilikha ng Bayan ay ipinatutupad ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), ang pangunahing tagapag-ugnay ng lahat ng mga ahensiyang pangkultura at pansining ng bansa. Bago ito ipagkaloob, ipinaaalam muna sa indibidwal o pangkat ang kanilang mga tungkulin at karapatan. Kabílang sa kanilang tungkulin ang: isalin ang kanilang kasanayan sa mga nakababatàng kasapi ng komunidad; itaguyod at palaganapin ang kanilang sining; at magkaloob sa Pambansang Museo ng mga halimbawa, kopya, o dokumentasyon ng kanilang likha. Ang mga nagawaran ay pinagkakalooban ng plake o medalya, inisyal na pondo, at buwanang salapi habang sila ay nabubuhay upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin. Ang pagkilalang ito ay iginagawad ng Pangulo ng Filipinas sa isang pampublikong seremonya. (GB) (ed GSZ)

Gáwad Pambansâng Alagád ng Aghám
Ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham o National Scientist ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng pamahalaan ng Filipinas sa natatanging siyentistang Filipino. Ipinagkakaloob ang karangalang ito sa isang dalubhasang Filipino na nagpakita ng katangi-tanging husay at nagbigay ng makabuluhang ambag sa larangan ng matematika, pisikal na agham, inhenyeriya, biyolohiya, agham pang-agrikultura, agham panlipunan, o agham pangkalusugan. Ang pangkalahatang kapulungan ng National Academy of Science and Technology (NAST), na binubuo ng mga Pambansang Siyentista at Akademisyan, ang may katungkulang magrekomenda sa Pangulo ng Filipinas ng di-hihigit sa 10 indibidwal na karapat-dapat kilalanin bilang Pambansang Alagad ng Agham. Upang maendoso sa Pangulo, ang isang nominado ay kailangang makakuha ng 60 porsiyentong boto ng buong kapulungan ng Pambansang Akademya. Pormal na ipagkakaloob sa isang nominado ang Gawad matapos pagtibayin ng Pangulo ang proklamasyon ng paghirang at pagkilala. Ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay pinagtibay sa bisà ng Presidential Decree 1003-A (Creating the National Academy of Science and Technology) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 16 Disyembre 1976. Sa bisà ng Executive Order No. 236 (Establishing the Honors Code of the Philippines to Create an Order of Precedence of Honors Conferred and for Other Purposes) na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 19 Setyembre 2003, ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay binigyan ng halaga at prestihiyong katulad ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) at Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA). Ang mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Agham ay nakatatanggap ng gantimpalang pinansiyal, medalyon, at parangal. Pinagkakalooban siyá ng mga prebilihiyong katulad sa tinatamasa ng Pambansang Alagad ng Sining. Kabilang sa mga prebilihiyong ito ang buwanang pensiyon mula sa gobyerno, benepisyong medikal, tulong pangkalusugan, at iba pang benepisyong maaaring itakda. Binibigyan din siyá ng kaukulang karangalan at pagkilála sa mga mahalagang pagtitipong pang-estado. Ang mga yumaong Pambansang Alagad ng Agham ay pinararangalan ng estado sa pamamagitan ng isang opisyal na libing. Mula 1978 hanggang 2011, mayroon nang 37 Pambansang Alagad ng Agham sa Filipinas. (SMP) (ed VSA)

Gáwad Pambansâng Alagád ng Síning
Ang Gáwad Pambansâng Alagád ng Síning (National Artist Award) ay sumasagisag sa tugatog na naabot ng Filipino sa larang ng sining at panitikan. Isa itong pinakamataas na pagkilala sa mga natatanging ambag sa sayaw, musika, teatro, sining biswal, literatura, pelikula, sining brodkast, arkitektura, disenyo, at iba pang kaugnay na sining. Ang sining at panitikan ay makabuluhang bukal ng pag-unlad ng kultura at pagkabansa. Ang gawad ay isang tugon sa tungkulin na hikayatin at linangin ang mga pagsisikap para dito. Itinatag sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1001 na may petsang 27 Abril 1972, ang kategoryang Pambansang Alagad ng Sining ay “pambansang pagpapahayag ng utang-na-loob at pagkilala.” Idineklarang isang Ordeng Pangkultura ng Kautusang Tagapagpaganap Blg 236 na may petsang 19 Setyembre 2003, “pang-apat sa banghay ng mga orden at dekorasyong bumubuo sa mga Karangalan sa Filipinas, at kapantay ng Orden ng mga Pambansang Siyentista, Orden ng mga Pambansang Alagad ng Agham Panlipunan at Gawad Manlilikha ng Bayan.” Ang Pambansang Komisyon Para sa Kultura at mga Sining (NCCA) at Sentrong Pangkultura ng Filipinas ang naatasang tagapangasiwa sa gawad at sa Orden. Sang-ayon sa batas ay opisyal na idedeklara ng Pangulo ng Republika ng Filipinas ang nahirang na Pambansang Alagad ng Sining. Ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay ipinagkakaloob sa: (1) Nabubuhay na mga alagad ng sining na may sampung taon nang mamamayang Filipino bago ang nominasyon pati na yaong yumao makaraang maitatag ang gawad noong 1972 ngunit mga mamamayang Filipino sa panahon ng kanilang pagpanaw; (2) Mga alagad ng sining na nakapag-ambag sa pamamagitan ng nilalaman at anyo ng kanilang mga obra, sa pagbubuo ng kamalayang makabansa ng mga Filipino; (3) Mga alagad ng sining na nagpapakilala sa isang anyo ng malikhaing pagpapahayag o estilo na naging natatangi at naging impluho sa mga susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining; (4) Mga alagad ng sining na nakalikha ng kainaman at makabuluhang katipunan ng mga obra at/o palagiang nagpapakita ng kahusayan sa paglikha ng anyong-sining na nagpayaman sa artistikong pagpapahayag at estilo; at (5) Mga alagad ng sining na may malawak na pagtanggap sa pamamagitan ng: (a) bukod tanging pagkilalang pambansa at/o pandaigdigan; (b) mapanuring pagtanggap at/o rebyu ng kanilang mga obra; (c) paggalang at pagtingin ng mga kasamahan.

Kabilang sa mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa mga nagawaran ay ang ranggo at titulo ng Pambansang Alagad ng Sining, ang medalyon at pagkilala, panghabambuhay na mga kaloob na materyal, pinansiyal, at iba pang mga benepisyong pangkalusugan, na katumbas ng tinatanggap ng pinakamataas na pinuno ng bansa, luklukang pandangal ayon sa ayos ng protokol sa mga pambansang pagtitipon ng estado, pagkilala sa mga gawaing kultural, at libing na pang-estado. (RVR) (ed GSZ)

gayúma
Ang gayúma ay kapuwa tumutukoy sa kapangyarihang mang-akit o magpaibig sa isang tao at sa anumang bagay na ginagamit para makapagpaibig. Pinaniniwalaang nakakamit ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng mga inumin o pagkaing hinaluan ng mga yerba o iba pang bahagi ng halaman, punongkahoy, at maging hayop, na pinaiinom o pinakakain sa táong nais na akitin. Bukod dito, nakapanggagayuma rin ang pagsasagawa ng ritwal at orasyon gamit ang isang retrato ng taong nais na akitin. Dahil sa ang gayuma ay kinasasangkutan ng kapangyarihang nakatuon sa ibang tao, marami ang naniniwalang isa itong anyo ng pangkukulam, kung hindi ma’y kathang-isip lamang. Ayon sa mga siyentista, ang inaakalang bisa ng gayuma ay maipapaliwanag sa pamamagitan ng mga susing sangkap nito. Napatunayan nang may mga naidudulot na pagbabagong kemikal sa katawan ng tao na dulot ng partikular na pheromone o amoy gaya ng sa pawis ng tao o kayâ naman ay sanhi ng tiyak na elemento sa pagkaing gaya ng tsokolate, talaba, at paminta. Masamâ man o mabuti, maaaring ituring ang gayuma bilang anyo ng pagpapahalaga ng mga Filipino sa pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa kapuwa tao. Tinatawag din itong lumáy sa Sebwano, panagáyat at diká sa Pangasinan, salindúgok sa Hiligaynon, lémay sa Maranaw, at amáyat sa Ibanag. (GAC) (ed GSZ)

Gimokúdan
Para sa mga katutubong Bagobo ng Mindanao, isang mundo sa ilalim ng lupa ang Gimokúdan. Itinuturing itong tirahan ng kaluluwa ng mga yumao. Matatagpuan daw rito ang isang mahiwagang punò ng dayap na ang bawat pagyugyog ay katumbas ng isang táong mamamatay sa lupa at patutungo sa Gimokudan. Dito umano nananahan si Mebuyan, ang diwatang nagtataglay ng napakaraming súso sa buo niyang katawan. Pinasusúso niya ang kaluluwa ng mga sanggol at batàng namatay bago pa man maawat sa gatas hanggang sa marating nila ang edad na maaari na silang kumain ng kanin. Sa gayon ay maililipat na sila sa bahagi ng Gimokudan kung saan nila makakapiling ang kaluluwa ng kanilang mga yumaong kaanak. May mga talâng nagsasabing nahahati sa dalawang rehiyon ang Gimokudan: ang puti at ang pula. Sa putîng rehiyon daw karaniwang napupunta ang espiritu ng halos lahat ng mamamayan. Samantala, ang kaluluwa ng mga mandirigmang namatay dahil sa giyera ay napupunta naman sa rehiyong pula. Ayon sa mga kuwento, ang mga kaluluwa raw rito ay nagpapahinga sa umaga at naglilibot naman tuwing gabi. Pinatutunayan ng Gimokudan na may konsepto na ng ilalim ng lupa ang mga katutubong Filipino bago pa man masakop ng mga Espanyol ang Filipinas. Malaki ang kaibahan nito sa Kristiyanong pananaw na nagsasabing ang ilalim ng lupa o impiyerno ay lunan ng walang hanggang kaparusahan para sa mga kaluluwang makasalanan. Kayâ naman kaiba sa kanluraning nosyon ng ilalim ng lupa na iniiwasan at kinatatakutan, ang Gimokudan ay tinitingnan bílang isa na namang yugto ng panibagong pag-iral pagkatapos ng kamatayan. Sa dimensiyong ito, nagpapatuloy ang buhay ng kaluluwa nang hindi na nakatali sa katawang idinisenyo para sa ibabaw ng lupa. (BVN) (ed GSZ)
Likha ni Agnes Arellano (1995)

Gínaw Bílog
Ipinagkaloob kay Gínaw Bílog at sa mga makata ng ambahan ng Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taóng 1993 para sa masigasig na pagtataguyod ng eleganteng sining ng surat Mangyan at ng ambahan. Ang ambahan ang tula ng mga Hanunuo Mangyan na binubuo ng pipituhing pantig, at nagtataglay ng mga imahen at metapora. Kabilang sa mga paksa nito ang panliligaw, pagbibigay ng payo sa kabataan, pagtatanong ng matutuluyan, pamamaalam ng isang kaibigan, at iba pa. Ang mga tulang ito ay inuukit sa kawayan. Surat Mangyan naman ang tawag sa paraan ng pagsulat ng ambahan na gumagamit ng sinauna at timog-silanganing iskrip. Ayon kay Ginaw Bilog, ang ambahan ang susi upang makilala ang kaakuhan ng mga Mangyan. Dahil dito, itinago niya ang mga naitalang halimbawa ng mga ambahan, hindi lamang ang mga nakaukit sa kawayan kundi pati na rin ang mga nakasulat sa mga naninilaw na pahina ng kuwadernong ibinigay sa kaniya ng mga kaibigan. Pinakaiingat-ingatan niya sa koleksiyong ito ang mga minana pa niya sa kaniyang ama at lolo, ang mga itinuturing niyang batis ng inspirasyon at patnubay para sa kaniyang malikhaing pagpupunyagi. Bukod dito, masugid rin niyang ibinabahagi ang mga tula, lalong-lalo na sa mga kapuwa Mangyan, sa lahat ng pagkakataon. Pumanaw si Ginaw Bilog noong taóng 2003. (GB) (ed GSZ)

Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan
Ang kandít ay sinaunang paha na ikinakabit nang paikot sa baywang na tulad ng sinturon. Bahagi ngayon ng koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ng Pilipinas at nakatanghal sa Metropolitan Museum of Manila sa Malate, Maynila ang mga kandít at sinturon na gawa sa ginto. Nahukay ang mga ito sa Butuan, Surigao at tinatayàng ginawa noong ika-10 hanggang ika13 siglo. Isa sa kandít ang may súkat na 150.00 x 2.70 x 2.40 sentimetro at may timbang na 3,860.00 gramo. Ang isang sinturon ay 68.20 x 4.90 sentimentro at tumitmbang nang 575.10 gramo. Katangi-tangi din ang mga piyesang ito dahil sa marikit na disenyong hindi pa nakikita sa ibang piraso ng ginintuang artifact sa Asia. Itinuturing ng mga arkeologo na mahalaga ang Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan dahil nagpapatunay ang mga ito sa dalawang bagay. Una, na may sinauna’t masiglang industriya ng ginto sa Filipinas; ikalawa, na sentro ang Butuan ng aktibong kalakalang rehiyonal. Ginto ang isang pangunahing kalakal ng mga Filipino at dindayo ng mga manlalakbay na Tsino noong ika-10 siglo. Sinasabing ang pinunò ng Butuan noong ika-11 na si Kiling ay nakipagkasundo ng direktang kalakalan sa korteng imperyal ng Tsina. Ang koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ay may iba pang sinaunang hiyas at ornamentong ginto. Kabílang dito ang gintong hebilya mulang Hilagang Silangang Mindanao. May mala-korona ding pútong ng babae, hikaw, kuwintas, mga pulseras sa bisig at binti, balaraw, at puluhan ng kampilan. (VSA)

gitára
Ang modernong gitára ay may anim na kuwerdas na kinakalabit o ginamitan ng puwa o pick. Ang mga kuwerdas nito ay maaaring gawa sa naylon o asero. Ang tradisyon ng pagtugtog ng gitara ay dala ng mga Espanyol sa Filipinas kung kayâ mahihiwatigan ang orihinal na pangalang Espanyol sa mga katawagan sa iba’t ibang wika sa Filipinas: gitara ng Tagalog, gitada ng Aeta, at gi’taha ng Dumagat (Casiguran). Sa taguring cinco-cinco na isang katutubong gitara sa Bisaya, makikita pa rin ang impluwensiyang Espanyol sa pangalan nito. May mga katutubong bersiyon din ang gitara: kutibeng (sa Ilocos), sista (Samar at Leyte), kabungbung (sa Negrito ng Bataan at Zambales), at buktot nga sista (Iloilo). Noon pa mang panahon ng Espanyol ay may mga komentaryo na ang mga mananakop tungkol sa katutubong bersiyon ng instrumento at sa pagtugtog ng mga Filipino. May komentaryo si Padre Diego de Bobadilla tungkol sa alpa at gitara. Aniya, “ang kuwerdas na ginagamit ng katutubo ay gawa sa pinulupot na sutla. Ang tunog nito ay nakawiwili katulad ng sa atin ngunit naiiba ang kalidad.” Ayon naman kay Antonio de Morga, sa kaniyang Sucesos de las islas Filipinas (1609), tinuruan ng mga fraile na tumugtog ng mga instrumento ang mga katutubo. Kabilang sa mga instrumentong ito ang alpa, gitara at iba pa. Mahusay na natuto ang mga katutubo sa mga ito. At banggit ni Ramon Lala sa kaniyang aklat na The Philippine Islands (1898), patungkol sa mga Filipino, “lahat sila ay ipinanganak na musiko; maging ang maliliit na bata na may edad na lima at anim na taon ay nakatutugtog ng alpa, gitara at/o piyano na tila likas sa kanila ang kakayahang ito.” Maituturing na ang gitara ay ang pinakaabot-káyang instrumento para sa maraming Filipino. Sa gayon, marami ang nakatutugtog nitó at naging bahagi ng maraming gawain ng mga Filipino: sa harana, saliw sa pag-awit, sayawan, paglilibang, at pagtugtog ng rondalya, ng modernong bánda, at ng klasikong pagtatanghal sa pormal na entablado. (RCN) (ed GSZ)

gobernadór
Gobernadór o governor ang tawag sa kasalukuyang pinunòng tagapagpaganap ng isang lalawigan sa Filipinas. Katungkulan niyang siguruhin na mayroong mahusay at epektibong pamamahala sa kaniyang nasasakupan, ipatupad ang mga ordenansa na binalangkas ng Sangguniang Panlalawigan, at pamunuan ang lahat ng programa, serbisyo, at proyekto ng panlalawigang pamahalaan. Ang isang gobernadór ay direktang halal ng mga mamamayan. Magsisilbi siya ng tatlong taon at maaaring mahalal muli ng hanggang tatlong termino. Isa sa pinakamahalagang tungkulin ng gobernador ang pagbuo ng komprehensibong programang panggobyerno at planong pangkaunlaran para sa lalawigan. Kailangan niyang pulungin at makipagtulungan sa Panlalawigang Lupong Pangkaunlaran upang mabigyang pansin ang mga pangangailangan at kahilingan ng iba’t ibang sektor. Ang mga programang panggobyerno ay kailangang ilahad ng gobernador sa unang pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan. Matapos pagtibayin ng Sanggunian ang mga panukala, responsabilidad ng gobernador na direktang pamunuan ang pagpapatupad sa mga ito. Sa kasaysayan ng pamahalaang lokal, sinimulang tawaging gobernadór ang punòng panlalawigan noong panahon ng Amerikano. Noong panahon ng Espanyol, alkálde mayór (alcalde mayor) ang tawag sa namamahala ng probinsiya. May dalawang uri ng probinsiya noon, alinsunod sa estado ng pamamahala. Ang mapayapang probinsiya ay tinatawag na alcaldia at nása ilalim ng alkálde mayór; ang magulong probinsiya ay nakapailalim sa isang pamahalaang militar. Tinatawag noong gobernadorsílyo o munting gobernadór ang pinunò ng munisipalidad. Samantala, ang buong pamahalaang kolonyal ay nása ilalim ng kapangyarihan ng gobernadórhenerál na ipinadadalá ng Hari ng Espanya. (SMP) (ed VSA)

Kapitolyo ng Camarines Sur

gobernadór-henerál
Tanatawag na gobernadór-henerál ang pinakamataas na opisyal sa Filipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Nagtataglay siyá ng tatlong titulo: gobernador-heneral, presidente, at kapitan-heneral. Bilang kapitán-henerál, siyá ang pinunò ng hukbong katihan at hukbong-dagat. Siyá rin ang presidénte ng audiencia, ang kataas-taasang hukuman noon. Gayunman, sa kaniyang kapasidad bilang presidente, tanging pagdalo lámang sa mga deliberasyon bílang kinatawan ng hari ang kaniyang maaaring gawin. Wala siyáng kapangyarihang makisali sa mga diskusyon at impluwensiyahan ang desisyon ng mga oidores—ang mga miyembro o tagadinig ng mga kaso sa audiencia. Bukod sa mga nabanggit, may kapangyarihan din siyá bilang vice-real patron na magtalaga ng mga misyonero o fraile sa simbahan. Sa teorya, ang gobernador-heneral ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng viceroy ng Mexico, ngunit sa praktika, ang kaniyang pananagutan ay direkta sa hari ng Espanya at sa Consejo de las Indias, isang tanggapan na nangangasiwa at katuwang ng hari sa pamamahala ng kaniyang mga kolonya. Ilan sa kaniyang mga tungkulin ay ang pangangasiwa sa pagbebenta ng mga lupaing publiko at distribusyon ng residensiyal na lupain; pagsasagawa ng sensus at tiyaking sapat ang pagkain at ibang mga probisyon; pamahalaan ang gawaing-pambayan; panatilihin ang kapayapaan at kaayusan; at tingnan ang gawain ng mga mas mababàng opisyal. Kapalit ng kaniyang mga serbisyo, tumatanggap siyá ng suweldo, na may panahong umaabot sa 40,000 piso santaon. Si Miguel Lopez de Legazpi ang unang nanungkulang gobernador-heneral. Gobernador-heneral din (governor-general sa Ingles) ang tawag sa pinakamataas na pinunò ng pamahalaang Amerikano sa Filipinas simulang 6 Pebrero 1905. Bago ito, nagdaan ang Filipinas sa isang pamahalaang militar sa ilalim ng isang gobernador militar. Nanungkulang gobernador militar sina Hen. Wesley Merritt, Hen. Elwell Otis, at Hen. Arthur MacArthur hanggang 1901 nang itatag ang gobyernong sibil. Si William H. Taft ang unang gobernador sibil. Si Luke Edward Wright ang unang gobernador-heneral na Amerikano. Hawak ng gobernador-heneral ang pinakamataas na kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Napunta ang kapangyarihang lehislatibo sa Philippine Assembly, na binubuo ng mga inihalal na delegadong Filipino, nang itatag ito noong 16 Oktubre 1907. Samantala, nawala ang gobernador-heneral nang itatag ang Komonwelt noong 15 Nobyembre 1935. (LN) (ed VSA)

Miguel Lopez de Legazpi

gobernadorsílyo
Ang gobernadorsílyo ang katumbas ngayon ng posisyon ng alkalde ng isang bayan o lungsod. Ito ang pinakamataas na katungkulang maaaring makamit ng isang Filipino noong panahon ng mga Espanyol. Nagmumula ang gobernadorsilyo sa uring principalia at karaniwang isa siya sa mga nakaupong cabeza de barangay ng kaniyang bayan. Tungkulin ng gobernadorsilyo na magpatunay sa kapanganakan ng isang mamamayan, magsilbing hukom sa mga kasong sibil na hindi tataas sa P44, panatilihing maayos ang kondisyon ng bilangguan, at tiyaking sapat ang tauhan at kagamitan sa casa tribunal. Katuwang niya ang mga cabeza de barangay sa pagkolekta ng tributo at pagkuha ng mga polistang magtatrabaho sa proyekto ng pamahalaan at cura parroco. Bagama’t mababà ang kaniyang suweldo, hindi naman kailangang magbayad ng tributo ang kaniyang pamilya o manilbihan ang mga ito bílang polista. Higit pa dito, ang kaniyang posisyon ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataóng magpayaman. Dahil dito, inaasahan din siyang magsumite ng ulat ng kaniyang mga gawain sa panahon ng kaniyang panunungkulan. (MBL) (ed GSZ)

N.V.M. Gonzáles
(8 Setyembre 1915-28 Nobyembre 1999) Si Nestor Vicente Madali Gonzales o mas kilalang N.V.M Gonzáles ay isa sa mga pinagpipitaganang prolipikong awtor ng panitikan sa wikang Ingles, propesor, at peryodista. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1993. Ang kaniyang mga akdang nobela, maikling kuwento, at sanaysay ay naghayag, sumalamin, at nag-ambag sa paghubog ng kultura at sensibilidad ng ating bansa sa paraang hindi madali dahil sa hiniram na dayuhang wika ang kaniyang naging kasangkapan at sa de-kalibreng estilo ng prosa na bihira at kaniya lámang. Ang kaniyang mga nailimbag na pamana sa bayan ay ang mga nobela: The Winds of April (1941); The Bamboo Dancers (1957); A Season of Grace (1974); mga kalipunan ng maikling kuwento: Seven Hills Away (1947); Children of the Ash-Covered Loam and Other Stories (1954); Look, Stranger, on this Island Now (1963); Selected Stories (1964); Mindoro and Beyond: Twenty-One Stories (1989); Bread of Salt and Other Stories (1993); at mga sanaysay: Work on the Mountain (1991); at The Novel of Justice: Selected Essays (1996). Itinanghal niya ang saysay at salaysay ng kaniyang Mindoro, ang migrante sa kaniyang pakikipagsapalaran at sakripisyo, at, ang pangarap-pagpupunyagi-at-pag-asa sa kalikasan ng ikid ng pagsilang at pagpanaw. Kinilala ang kaniyang galíng sa maraming parangal gaya ng Commonwealth Literary Award (1941); Republic Award of Merit para sa Literatura (1954); Republic Cultural Heritage Award (1960); Jose Rizal Pro Patria Award (1961); Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas para sa Sining sa Literatura (1990); Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng UMPIL (1991); at Gawad Diwa ng Lahi ng Lungsod Maynila (1996). Isinilang siyá sa Romblon, Romblon noong 8 Setyembre 1915. Ang kaniyang amang si Vicente Gonzales ay superbisor ng paaralan at ang ina niyang si Pastora Madali ay guro. Mula Romblon ay lumipat siláng maganak sa Wasig, Mindoro nang siyá ay lima taóng gulang. Napangasawa niya si Narita Manuel at may apat siláng supling, sina Nestor Ibarra, Selma, Michael, at Lakshmi. Nag-aral siya sa Mindoro mula 1927 hanggang 1930, at sa National University noong 1933, ngunit hindi siyá nagkaroon ng digri sa kolehiyo. Gayunman, nagawa niyang makapagturo sa Unibersidad ng Santo Tomas, Philippine Women’s University, at sa loob ng 18 taon sa

Unibersidad ng Pilipinas. Nagturo din siya sa Estados Unidos at nagkamit ng mga writing at travel grants. Mula sa kanayunan ng Mindoro ay narating niya ang rurok ng katanyagan sa panitikang Filipino bago sumakabilangbuhay noong 28 Nobyembre 1999. (RVR) (ed GSZ)s

Wilfrido Ma. O. Guerrero
(22 Enero 1911-28 Abril 1995) Isang batikang mandudula, aktor, at direktor sa teatro si Wilfrido Ma. O. Guerrero (Wil·frí·do Mar·yá O Ge·ré·ro). Nagsilbi siyáng katuwang na propesor sa drama sa Unibersidad ng Pilipinas (1947) dahil sa natatanging husay niya sa larangan kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ang Teatrong Wilfrido Ma. Guerrero ng UP Diliman ay ipinangalan sa kaniya habang siyá ay nabubuhay pa. Postumong iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1997. Ang UP Mobile Theater na binuo at idinirihe niya mula noong 1962 ay nakapagtala ng mahigit 2000 pagtatanghal sa iba’t ibang dako ng Filipinas. Nailantad ang bansa sa de-kalibreng dulaan at nagpasulpot ng mga artista, direktor, at mga alagad ng entablado at puting-tábing na tatangan ng papel bilang mahalagang bahagi ng ubod ng teatro at pelikulang Filipino. Nagsimula siyáng magsulat ng dula sa wikang Ingles noong 1934 hábang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang “Half an Hour in a Convent” ang kaniyang unang dulang Ingles. Mahigit sa 100 dula ang naisulat ni Guerrero, kabilang ang: “Women are Extraordinary” (1937), “Hate Begins” (1938), “Romance in B. Minor” (1939), “Movie Artists” (1940), “Forever” (1941), “Condemned” (1944), “Frustrations” (1944), “Wow These Americans” (1946), “Perhaps” (1947), “Three Rats” (1948), “Deep in My Heart” (1951), “In Unity” (1953), at “Our Strange Ways” (1953). Ginawaran siya ng Gawad Rizal Pro-Patria (1961), Gawad Araw ng Maynila (1969), at ng Republic Cultural Heritage Award (1972). Nagmula sa angkang Guererro na prominente sa kultura sa Filipinas, ipinanganak siya noong 22 Enero 1911 kina Dr. Manuel S. Guerrero at Eliza Ocampo. Ang kaniyang ama ay doktor ng mayayamang pamilya sa Maynila at isa sa mahuhusay na manunulat ng sanaysay. Tiyuhin niya ang makatang si Fernando Ma. Guerrero na itinuturing na prinsipe ng lirikong tula sa Espanyol. Pinsan niya sina Leon Ma. Guererro III, ang magkapatid na makatang sina Nilda Guerrero-Barranco at Evangelina GuerreroZacarias, at manunulat na si Carmen Guerrero-Nakpil. Namatay siyáng retirado sa isang bahay sa UP Diliman noong 28 Abril 1995. (RVR)(ed GSZ)

Gúhit-Bató ng Angóno
Ang kauna-unahang natagpuang gúhit-bató o petroglyph (pé·tro·glíf) sa Filipinas ay nása isang yungib sa Angono, lalawigan ng Rizal. Tinatayàng may 127 guhit ng tao ang makikita sa pader ng mababaw na kuweba. Natuklasan at pinag-aralan ito ng mga kinatawan ng Pambansang Museo ng Filipinas noong 1965. Batay sa arkeolohikong pag-aaral, iginuhit ng mga katutubong Filipino ang mga ito sa kuweba sa magkakaibang pagkakataón sa loob ng mahabàng panahon. Wala ring patunay na may kaugnayan ang mga guhit sa isa’t isa, manapa’y posibleng umuukit ng bagong likha ang mga tao kung saan may libreng espasyo. Ang mga guhit ay inukit sa pader ng kuweba gamit ang piraso ng bato. Iba’t iba ang kalagayan ng mga ito: may mga ukit na may lalim na 10 sm at mayroon din namang mababaw at malabò na. Gayunman, makikita na ang dominanteng disenyo ng mga katutubong Filipino ay ang bilugang ulo na mayroon o walang leeg at nakapatong sa katawan na parihaba o “V”. Kadalasang iginuguhit ang braso at binti na nakabaluktot. Bukod dito, nakaukit din ang iba’t ibang hugis katulad ng tatsulok, parihaba, at bilog. Ang sining sa bato ay iniugnay sa paniniwala ng isang natatanging grupo ng tao. Ito ay simbolo na maaaring may kinakatawan o mas malalim na kahulugan kaysa simpleng dekorasyon lamang. Napaulat na may petroglyph din sa kuweba ng Peñablanca sa Cagayan; sa mga nakausling bato sa Alab, Bontoc sa Mt. Province; at sa kuweba sa Singnapan sa Ransang, Palawan. Bagama’t iilan pa lamang ang natutuklasang ganitong mga likha, patunay ito ng sinaunang kamalayan sa sining ng katutubong Filipino. (JM) (ed VSA)

guláman
Ang guláman, sa lutuing Filipino, ay tumutukoy sa mga bára ng halamangdagat, isang talampakan ang habà ng bawat piraso, at ginagamit sa paggawa ng jelly at ibang minatamis. Pinakakaraniwang iprosesong halamang-dagat ang agar-ágar (Gelidium corneum) at karaniwang kinukulayan ng berde o pula ang mga pinatuyông bára. Ang jelly ng guláman ay ginagamit sa pampalamig na guláman at sago, búko pandan, at sa halùhalò, bukod sa mga salad. Ang guláman at helatína o gelatine ay ginagamit na magsingkahulugan sa Filipinas bagaman magkaibang produkto ang mga ito. Ang helatina ay protina samantalang, tulad ng nabanggit na, ang guláman ay karbohaydeyt mulang halamang-dagat. Mahalaga ang pagkakaibang ito para sa mga tao na hindi maaaring kumain ng helatina bunga ng dahilang panrelihiyon o pangkultura, gaya ng mga Muslim. Nalulusaw ang helatina sa mainit na tubig ngunit kailangan ng guláman ang kumukulong tubig para malusaw. Ang guláman ay nagiging matigas at madulas kapag ginamit sa pampalamig at halúhalò. (YA) (ed VSA)

gúlay
Ang salitâng gúlay (Ingles: vegetable; Espanyol: verdura) ay karaniwan nang tumutukoy sa nakakaing halaman o sa mga bahagi nitó bukod sa matamis na bunga o matamis na buto. Nangangahulugan ito ng mga dahon, katawan, sanga, at ugat ng isang halaman. Ngunit hindi siyentipiko ang salitâ, at ang kahulugan sa pangkalahatan ay nakabatay lámang sa tradisyong pangkultura at sa mga bagay na may kinalaman sa pagluluto. Dahil dito, dapat maging maingat sa paggamit ng salitâng “gúlay” upang maging tama o tiyak ang kahulugan nito. Halimbawa, para sa ibang tao, ang kabute ay itinuturing na gúlay kahit sa katotohanan ay hindi naman ito isang tunay na halaman. Sa pang-araw-araw na búhay, sa pamilihang bayan o maging sa mga usapang pagluluto, ang mga salitâng “prutas” at “gúlay” ay magkahiwalay at talagang magkaiba. Ang mga bagay na nása klasipikasyong prutas ay hindi maaaring isáma sa grupo ng gulay, at ganoon din sa kabilâng panig. Para sa mga siyentista, ang salitâng “prutas” ay may tiyak na botanikong kahulugan—isang bahagi na nagmula sa obaryo ng isang halamang nagbubulaklak—na lubhang kakaiba sa karaniwang kahulugan ng salitâng ito. Dahil dito, maraming produkto na karaniwan nang tinatawag na gulay —tulad ng talong, capsicum (bell pepper) at kamatis–ay prutas palá sa deskripsiyong teknikal. Lahat naman ng mga butil ay maaaring ituring na gulay o prutas, kasáma na rin ang mga pampalasa tulad ng paminta at sili. Ang ibang halaman tulad ng mais at kadyos ay maaaring ituring na gulay kapag hilaw pa. Gayunman, gúlay ang tawag (at mahirap nang iwasto) sa petsay, letsugas, mustasa, labanos, sitaw, kalabasa, patola, atbpang nása awit na “Bahay Kubo.” Mahalaga namang pagkain ang mga ito dahil sa idinudulot na sustansiyang pampalusog sa katawan. Ipinapayo din itong lagi ng mga doktor upang makaiwas sa mga sakít na dulot ng sobrang karne sa mesa. (SSC) (ed VSA)

gumaméla
Ang gumaméla ay isang halamang namumulaklak na karaniwang matatagpuan sa Mt. Banahaw dito sa Filipinas at itinuturing ding pambansang bulaklak ng Malaysia. Isa ito sa mga halamang may kompletong bahagi. Kabilang ito sa pamilya ng halamang Malvaceae at may siyentipikong pangalang Hibiscus rosasinensis. Karaniwang may taas itong 1-4 metro. Ang dahon nito ay makintab na berde at may bulaklak na may iba’t ibang kulay tulad ng puti, dilaw, pula, at kahel. Humigit-kumulang sa 300 ang uri ng gumamela na matatagpuan sa buong mundo at tumutubò ang mga ito sa mga lugar na hindi masyadong malamig o mainit. Iba-iba ang tawag sa gumamela sa Filipinas: antolanga o antolangan (Tagalog, Bisaya), tapuranga o tapurang (Bisaya), tarokanga (Bisaya, Pampango), arotangan (Pampango), taukangga (Sulu), gomamela (Tagalog), gumamela (Tagalog, Bisaya, Pampango), kayanga (Iloko, Bikol, Bisaya), saysaya (Bontok), tapolanga (Tagalog, Pampango). Sa Filipinas, ang gumamela ay pinakikinabangan din bílang halamanggamot. Ang nilagang tuyong ugat ng halaman ay pangontra sa bisà ng lason. Ang nilagang talulot naman nito ay maaari ding ipanggamot sa ubo at lagnat. Sa Tsina, kinikilala rin ang pangmedisinang gamit ng halamang gumamela gaya ng makikita sa Chinese Herbology. (ACAL) (ed GSZ)

gúman
Ang gúman ay tawag ng mga Suban-on ng bulubundukin ng Zamboanga sa kanilang epikong-bayan. Ito rin ang pamagat ng epikong-bayan na naitalâ ni Esterlinda Mendoza-Malagar noong 1971 at inawit ni Pilar Talpis. Hábang kinakanta ang Gúman ng Dumalinao, nakatakip ang mukha ni Talpis at nakasara ang mga bintana ng bahay. Nagsimula ang Gúman ng Dumalinao sa pagpapakilala ng naghaharing pamilya sa Bundok Dliyagn, sina Datu Pombnwa, ang kaniyang asawang si Baysalaga, sina Sampliakn at Tinayobo na bahagi rin ng kanilang kabahayan. Isang araw, may dumating na mga mananakop. Kahit na patuloy na tumataas ang tinitirhang bundok ng kaharian ni Pombnwa, naabot din ito ng mga kalaban. Nagkaroon ng digmaan at natálo ang pamilya ni Pombnwa. Isang lalaki ang dumating, si Sakandal, nang maláman ang nangyari sa Dliyagn. Tinulungan niya ang anak ng datu na si Ba-e ri Dliyagn na bumalik ang lakas at nang malakas na ang anak ng datu, pumunta silá sa bahay ni Pombwa at lumakas ang datu at si Sampliakn. Nang magdalaga na ang anak ng datu, binago ang kaniyang pangalan at tinawag na Pailalm ri Bolak. Samantala, nakipaglaban si Sakandal sa kaharian ng Tomanong. Halos mamatay si Sakandal sa pagod sa pakikipaglaban kung kayâ tinulungan siyá ni Bolak na lumakas sa pamamagitan ng mahiwagang pamaypay. Isang araw, nakatanggap ng balita si Pailalim ri Bolak na may parating na mga kalaban. Sinabi ni Sakandal sa mensahero na dalhin ang isang singsing ngunit bago pa man dumating ang mensahero sa lugar, nauna na ang mga kalaban. Natanggal ang pagkakabuhol ng singsing sa panyo at lumabas si Salilayan, na siyáng lumaban sa mga bagong mananakop. Nang matapos ang labanan, tinanong ni Salilayan kung ano pa ang kaniyang mapaglilingkod sa kaniyang among. Sinabi ni Pailalam ri Bolak na ibigay sa kaniya ang kapangyarihan nitó. May gúman na tungkol sa ibang kaharian ngunit katulad din ng nangyari sa Dliyagn ang salaysay. Isang lalaki namang nagngangalang Madlawe ang tumulong sa pamilyang natálo. (JGP) (ed VSA)

Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

gurò
Mula ang gurò sa guru ng wikang Hindi, na nangangahulugang “iginagalang.” Sa relihiyong Hinduismo, ang isang guru ay táong banal at kinikilálang espiritwal na gabay ng komunidad. Ang gurò ay pangkalahatang tawag sa isang tao na ang propesyon ay pagtuturo, anumang antas ng pagaaral ang kaniyang tinuturuan. Gayunman, kadalasang iniuugnay ang terminong ito sa mga nagtuturo sa batayang edukasyon (mababà at mataas na paaralan) samantalang “propesor” naman ang preperensiyang tawag sa mga nagtuturo sa kolehiyo. Noong panahon ng Espanyol at hanggang noong mga unang taón ng pananakop ng mga Amerikano, maestro o maestra ang palasak na tawag ng paggálang sa mga gurò. Maestro/maestra rin ang tawag sa nagbibigay ng di-pormal na edukasyon kaniyang sariling bahay, na katulad ngayon ng mga klaseng tutorial na nagtuturo ng panimulang kaalaman sa pagbása at pagkukuwenta, bago pumasok ang batà sa unang baitang. Ngayon, palasak nang ginagamit ang salitâng titser (mula sa Ingles na teacher) ngunit ang “gurò” ay nananatiling gamitin sa mga aklat at sa mga pormal na talakayan. (AEB) (ed VSA)

Guhit ni Joanne de Leon

Habágat
Habágat ang tawag sa simoy na nagmumula sa timog-kanluran at nagdadala ng malakas na ulan na karaniwang bumabagsak sa kanlurang bahagi ng bansa. Ito ay kadalasang nagsisimula sa panahon ng tag-init sa hilagang hemisphere, sa panahong ang kalupaan ng kontinente ng Asia ay nagiging mas mainit kaysa mga nakapalibot na karagatan. Nagreresulta ito sa pagkakaroon ng mababàng presyur ng hangin sa lugar at ang hanging dalá nitó mula sa karagatan ay imiihip papuntang kalupaan ng Asia. Ang simoy na ito ay may daláng init at alinsangan na dumadaan sa kalupaan ng Filipinas at siyang nagiging pangkalahatang klima ng bansa. Ang pag-iral ng simoy ito ay nagsisimula mula Mayo o Hunyo at tumatagal hanggang Oktubre. Sa ilang alamat, malimit ilarawan si Habagat na isang mabagsik na nilaláng at nagnanasà sa magandang diwatang si Amihan. Ang pagsisikap ni Habagat na dakpin si Amihan ang lumilikha ng pagpupuyos ng hangin at pagtaas ng alon na kinatatakutan ng mga magdaragat. (AMP) (ed VSA)

Hája Amína Áppi
Si Hája Amína Áppi ng Ungos Matata, Tandabas, Tawi-Tawi ay pinagkalooban ng Gawad Manlilikha ng Bayan noong 2005 para sa kaniyang kahusayan sa paglalála ng makukulay na banig ng Sama na nagtataglay ng komplikadong heometrikong padron na nagpapamalas ng kaniyang kagalingan sa disenyo, proporsiyon at simetriya, at sensitibidad sa kulay. Ang sining ng paglalála ng banig ay itinuturo ng kababaihang Sama sa kanilang mga anak na babae. Isinasagawa ng mga babae ang mga proseso mula sa pag-aani ng pandan hanggang sa aktuwal na pagdidisenyo. Matagal at komplikado ang mga prosesong ito na nangangailangan ng tiyaga at sigla ng katawan. Bukod sa mga ito, kailangan din silang marunong sa pagtutugma ng kulay, mapunahin sa mga detalye, at mahusay sa matematika. Natatangi ang mga likha ni Haja Amina dahil bagaman pinananatili pa rin niya ang tradisyonal na paggawa sa mga ito, hindi siya nangingiming lahukan ito ng kaniyang higit na modernong mga disenyo. Makikita ito sa banig na ang gitnang bahagi ay nagtataglay ng hanggang walong kulay at tila pinoprotektahan ng animo’y balangkas na walang disenyo sa mga gilid. Tumatagal ng halos tatlong buwan ang paggawa ng obrang ito. Kumapal at napunô na ng kalyo ang mga kamay ni Haja Amina dahil sa matagal na panahon ng pag-aani at pagkukulay. Sa kabila nito, ibayong paggalang pa rin ang isinusukli ng kaniyang komunidad hindi lamang dahil sa natatangi niyang disenyo, katuwiran ng kaniyang mga tabig (edging), at kapinuhan ng kaniyang sasa at kima-kima kundi dahil sa mga itinuro niya sa kanila. Dalawang henerasyon na ng mga Sama—ang kaniyang mga anak at apo—ang napagsalinan ni Haja Amina ng kaniyang sining at kaalaman sa paglikha ng makukulay na banig ngunit patuloy pa rin niya itong ibinabahagi sa kababaihan ng kaniyang komunidad hindi lámang upang matiyak na hindi malilimutan ang sining na minana rin niya kundi dahil ipinagmamalaki niya ang kaniyang kultura. (GB) (ed GSZ)

halùhalò
Kapag katindihan ng tag-init, nakahanay noon sa gilid ng lansangan ang mga munting ponda na nag-aalok ng pampalamig na halùhalò. Ang ponda ay isang pansamantalang tindahan na may silungang bubong na kugon, may isang mahabàng bangkô na kaharap ng isang mesa. Sa mesa’y may mga garapon ng panghalòng minatamis at mga prutas, sakâ isang gadgaran ng yelo. Nasa likod ng tindera ang isang munting patungan ng mga baso’t kutsarita, garapon ng asukal, láta ng gatas na ebaporada, at iba pang gamit. Nakabálot ng sako o nakabaón sa ipa ang isang bloke ng yelo. Ang panghalò ay karaniwang binubuo ng sariwang prutas (kinudkod na milon, kinudkod na makapunô, kinutsarang mangga at kaimito) at minatamis (munggo, garbansos, kamote, rimas o langka, gulaman, kaong, saging na saba). Nangangalahati ang baso sa mga ito. Isinisiksik sa ibabaw ang ginadgad na yelo, nilalagyan ng asukal, at pinatutuluan ng gatas. Kung minsan, tinatampukan ang halùhalò sa ibabaw ng haleang ube, letse plan, o pinipig. May halùhalò na sabaw ng búko sa halip na de-látang gatas ang ginagamit. Sa Tiwi, may halùhalòng kinagigiliwan ang naiibang lasa dahil sabaw ng búko ang pinatitigas upang gawing yelo. Maraming restoran sa siyudad ang naghahandog ng halùhalò na may higit na maraming panghalò. Ngunit malimit na walang lasa ang minatamis; kung minsan, panis ang saging; puro food coloring ang sago. Sa mga ponda noon sa nayon, matitiyak na bagong luto ang minatamis at bagong ani sa bakuran ang prutas. At di-matatawaran ang matamis na ngiti ng dalagang tindera. (DRN) (ed VSA)

harána
Ang harána ay tumutukoy sa tradisyonal na pag-awit ng isang binata sa tapat ng bahay ng dalagang napupusuan. Madalas, may kasáma ang binata— mga kaibigang lalaki na tumutugtog ng gitara para saliwan ang pag-awit ng naghaharana. Karaniwang idinaraos ito sa pagitan ng ikapito at ikasampu ng gabi. Nahahati ito sa tatlong bahagi: pagpapakilala, pagtumbok, at pamamaalam. Ginagawa ito ng mga Tagalog, Kapampangan, Bikolano, Ilokano, at Pangasinan. Ang pagbubukás ng maliit na siwang ng bintana at pakikinig sa harana ng binata ay sapat nang kapalit sa pagod at puyat para sa isang masugid na manliligaw. Kung susuwertihin at kung may pagtingin din sa binata ang dalagang hinaharana, maaaring paakyatin sa bahay ang nananapatan upang sila ay makapagkuwentuhan. Ang harana ay hindi palaging nagtatapos sa magandang kapalaran. Kung minsan ay sinasabuyan ng likidong mula sa arinola ang nananapatan, at kung minsan, sa mas mainam na kamalasan, ay hindi ito pinapansin ng hinaharana. Isang sikat na awit para sa harana ang “Dungawin Mo Hirang” na likha ni Santiago Suarez. Narito ang mga titik ng harana: Irog ko’y pakinggan, awit na mapanglaw Na nagbuhat sa isang pusong namamanglaw. Huwag mong ipagkait, awa mo’y ilawit Sa abang puso kong naghihirap sa pag-ibig. Dungawin mo, hirang, ang nanambitan, Kahit sulyap mo man lamang, iyong idampulay. Sapagkat ikaw lamang ang tanging dalanginan Ng puso kong dahil sa ‘yo nabubuhay. Sa mga probinsiya, ang harana ay maaari ring magsilbing paraan upang tanggapin ang isang baguhan sa lugar, o sariwain ang mga nakalipas na pagkakaibigan katulad sa mga nangingibang-bayan at nagbabalik. May iba pang layunin ang harana bukod sa panliligaw. May tinatawag na harana sa manok o harana sa bigas. Dito, ang naghaharana ay humihingi ng manok at bigas o iba pang makakain para sa mga darating na pagdiriwang katulad ng binyag at kasal. (RCN) (ed GSZ)

Hári Ráya Háji
Tinatawag na “Pista ng Peregrinasyon,” ang Hári Ráya Háji ang wakas ng pagdalaw ng mga debotong Muslim sa banal na lungsod ng Mecca sa Saudi Arabia. Kinikilala din itong “Pista ng Sakripisyo” dahil ginugunita ang kusang-loob na kahandaan ni Propetang Ibrahim na isakripisyo ang anak na si Ismael bilang pagtalima sa utos ng Diyos. Gayunman, isang lalaking tupa ang lumitaw at pumalit bilang sakripisyo. Sa araw na ito, ginugunita ang naturang pangyayari sa buong mundong Muslim sa pamamagitan ng pagkatay sa isang tupa, báka, o kamel bilang handog sa relihiyon at sa komunidad. Pumapatak ang Hari Raya Haji sa 10 Zulhijjah, ang ika-10 araw ng ika12 buwan sa kalendaryong Muslim. (Ang kalendaryong Muslim, na may halinhinang mga buwang may 29 at 30 araw, ay maikli nang 11 araw sa kalendaryong Gregorio na may 365 araw.) Lahat ng Muslim ay namamanatang makarating sa Mecca dahil ito ang ikalimang haligi ng Islam. Ang seremonya ng pagkatay ay ginagawa ng mga boluntaryo sa masjid pagkatapos ng maramihang panalangin para sa Hari Raya Haji. Ang seremonya ng pagkatay ay tinatawag na kórban at isinasagawa alinsunod sa tuntuning hálal. Ang karne ay ipinamumudmod sa komunidad, mga kapitbahay at mga kamag-anak, lalo na sa mga dukha at nangangailangan. Isang pagunita ito na ibahagi sa iba ang anumang kayamanan. (GCA) (ed VSA)

Amádo V. Hernández
(13 Setyembre 1903-24 Marso 1970) Si Amádo V. Hernández ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1973. Mas kilala siya bilang Ka Amado sa kaniyang mga kaibigan at kasáma sa kilusang paggawa. Kinilala siya dahil sa mga akdang makabayan at nakikisangkot sa mga problemang panlipunan at dahil sa kaniyang totoong paglahok sa organisasyong pampolitika. Nagsimula siya bílang manunulat at editor bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkaraan ng digma, naging kinatawan siya ng Newspaper Guild of the Philippines sa pamunuan ng Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo siya ng CLO noong 1947 at nahalal ding Konsehal ng Maynila noong 1945 at 1947. Nang sumiklab ang pag-aalsang Huk, isa siya sa pinaghinalaang Komunista at dinakip. Kahanga-hanga ang pangyayaring marami siyang nasulat na akdang pampanitikan habang nakabilanggo at nililitis. Napawalang-sala siya noong 1964 at nagpatuloy sa pakikilahok pampolitika hanggang mamatay noong 24 Marso 1970. Itinuturing na pinakamahalagang aklat niya ang kalipunan ng tulang Isang Dipang Langit (1961), ang mga nobelang Luha ng Buwaya at Ibong Mandaragit (1969), tulang pasalaysay na Bayang Malaya (1969), at mga dulang “Muntinglupa” (1957), “Hagdan sa Bahaghari” (1958), “Ang mga Kagalang-galang” (1959) at “Magkabilang Mukha ng Isang Bagol” (1960). Paborito namang binibigkas ang kaniyang mga tulang “Kung Tuyo na Luha mo Aking Bayan,” “Panata sa Kalayaan,” “Inang Wika,” at “Makalawang Namatay.” Nagtamo ng karangalang banggit ang kaniyang “Kayumanggi” sa Commonwealth Literary Contest noong 1938, at nabigyan siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa Isang Dipang Langit noong 1962. Kinilala rin siyang Makata ng Ilaw at Panitik noong 1925, Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila noong 1964, at Tanglaw ng Lahi ng Ateneo De Manila noong 1970. Isinilang siya sa Tondo, Maynila noong 13 Setyembre 1903 kina Juan Hernandez at Clara Vera. Napangasawa niya ang Reyna ng Sarsuwela at Kundiman at kapuwa Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro na si Atang de la Rama. (RVR) (ed GSZ)

Felix Resurreccion Hidalgo
(21 Pebrero 1855-13 Marso 1913) Dakilang pintor ng siglo 19 si Felix Resureccion Hidalgo (Fé·liks Re·su·rek·syón I·dál·go) at itinuturing na kaagaw ni Juan Luna sa unang hanay. Ang kaniyang Las virgenes Cristianas expuestas al populacho (Mga Birheng Kristiyano na Nakalantad sa Madla) ay nagtamo ng medalyang pilak sa Exposicion General de Bellas Artes sa Madrid noong 1884. Noong 1887, sa Exposicion General de las Islas Filipinas na ginanap sa Madrid, nagwagi ng gintong medalya ang kaniyang La Laguna estigia. Noong 1904, nagawaran ng gintong medalya ang kalahatang paglahok ni Hidalgo sa Universal Exposition sa St Louis, Missouri. Nakatanggap rin ng indibidwal na gintong medalya ang kaniyang obrang El violinista. Isinilang siyá sa Binondo, Maynila noong 21 Pebrero 1855, ikatlo sa pitong anak nina Eduardo Resurreccion Hidalgo at Maria Barbara Padilla. Nagtapos siyá ng pilosopiya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1871 habang nag-aral din sa Escuela de Dibujo y Pintura sa ilalim ng pintor na Espanyol na si Agustin Saez. Nagwagi siyá ng gantimpalang pilak sa patimpalak sa paggawa ng dibuho para sa pabalat ng Flora de Filipinas ni Padre Manuel Blanco. Nagpakadalubhasa sa pagpipinta si Hidalgo sa Europa at nagpalipat-lipat ng pag-aaral sa Madrid, Paris, at Roma. Marami siyáng malaking obrang nilikha para sa pamahalaang Espanyol kapalit ng pagtataguyod sa kaniyang pag-aaral. Nanirahan sa Pransiya si Hidalgo at dumalaw sa kaniyang mga kamaganak sa Maynila noong 1912. Nais siyáng makapiling kaniyang ina ngunit hindi siyá nakapagtagal sa Filipinas sapagkat kailangang magbalik sa Paris. Pumanaw si Hidalgo 13 Marso 1913 sa Sarrea, Espanya. Naibalik sa Filipinas ang mga labí niya at nakahimlay sa Cementerio del Norte. (RPB) (ed VSA)

Self-Portrait (1901)

hílot
Ang hílot ay ang tradisyonal na paraan ng panggagamot sa Filipinas. Bahagi nito ang paghagod o pagmasahe sa mga kasukasuan para mapasigla ang sirkulasyon ng dugo, mapaginhawa ang pagod na kalamnan, o di kayâ’y malunasan ang anumang uri ng pilay. Bagaman walang pormal na kasanayan sa siyensiyang pangmedisina ang mga manghihilot, maraming Filipino ang naniniwala sa bisa ng hilot upang lunasan ang anumang karamdaman. Praktikal na alternatibo ito sa panggagamot ng mga doktor na nagpakadalubhasa sa kanluraning medisina lalo’t karaniwang walang ospital o malayò sa mga sentrong pangkalusugan ang karamihan sa mga mamamayang Filipino. Kung may ospital naman, hindi sila makapagpagamot dahil walang sapat na pambayad. Gayunman, mayroong mga pagkakataóng negatibo ang turing sa hilot dahil bumabangga ito sa interes ng komersiyal at Kanluraning medisina. Karaniwan ding tinatawag na hilot ang mga komadronang nagpapaanak sa kababaihan at tumutulong sa pangangalaga ng mga sanggol. (SABP) (ed GSZ)

Himagsíkang 1896
Ang Himagsikang 1896 ang pambansang paghihimagsik ng mga Filipino laban sa kolonyalismong Espanyol at sumiklab noong Agosto 1896 sa pangunguna ng Katipunan. Itinatag ang Katipunan o Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong gabi ng 7 Hulyo 1892 pagkatapos mapabalita ang pagdakip at pagdestiyero kay Jose Rizal. Inisip ng mga tagapagtatag na sina Andres Bonifacio, Teodoro Plata, Valentin Diaz, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at dalawa pa na walang saysay ang kilusang repormista. Ang Katipunan ay isang lihim na samahan para ibagsak ang gobyernong dayuhan. Unti-unti itong kumalat sa mga bayan sa paligid ng Maynila at nagkaroon ng mga sanga hanggang Ilokos sa hilaga, Kabikulan, Aklan, Cebu, Palawan, at hanggang Mindanao bago natuklasan noong Agosto 1896. May ulat na si Padre Mariano Gil ng Tondo ang nagsuplong sa Katipunan. Nalaman niya ito mula sa isang Katipunero, si Teodoro Patiño, na hinimok ng kapatid na relihiyosang ipagtapat sa pari ang lihim na kilusan. Noon ding gabi ng 19 Agosto 1896 ay dinakip ng pulisya ang maraming Filipino na pinaghihinalaang kasapi ng Katipunan. Nása Kalookan noon si Bonifacio at dagliang nag-atas na magtipon ang mga Katipunero sa Balintawak. Sa naganap na pagtitipon, ipinasiya niláng lumaban para sa kalayaan. Noong Agosto 28, nagpalabas ng manipesto si Bonifacio na gumaganyak sa sambayanan na lumahok sa himagsikan. Ang unang malaking labanan ay naganap noong Agosto 30 sa San Juan del Monte. Samantala, nagsipagalsa din ang mga Katipunero sa mga karatig lalawigan. Sa gayon, noon ding Agosto 30 ay nagdeklara ng batas militar si GobernadorHeneral Ramon Blanco sa unang walong probinsiyang naghimagsik—ang Cavite, Maynila, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Nueva Ecija. Nagpatuloy ang maramihang pagdakip sa mga Filipino. Malimit na pinaparusahan ng kamatayan ang mga bilanggo nang walang paglilitis. Noong 4 Setyembre, apat na Katipunero ang binaril sa Bagumbayan. Walong araw matapos iyon, binitay sa Cavite ang 13 bilanggong tinatawag ngayong “Trece Martires.” Noong Enero 1897, 12 patriyotang Bikolano ang binitay at 19 pa ang binitay sa Kalibo. Binitay din si Rizal noong 30 Disyembre 1896 sa hinalang tagapagsulong ng rebolusyon. Ngunit sa halip matakot ay sumapi ang marami sa himagsikan. Isang masaklap na pangyayari sa Himagsikang 1896 ang pagpaslang kay Bonifacio sa Cavite noong 10 Mayo 1897. Napunta kay Heneral Emilio Aguinaldo ang liderato. Dumanas ng mga pagkatalo ang mga manghihimagsik sa iba’t ibang pook. Upang hindi mapikot sa Cavite,
Guhit ni E. Liwanag

umatras ang hukbo ni Aguinaldo hanggang makarating at humimpil sa yungib ng Biyak-na-Bato, San Miguel de Mayumo, Bulacan. Nagkaroon ng negosasyong pangkapayapaan at noong Disyembre 15 pinirmahan ang hulíng dokumento sa tinatawag na Kasunduang Biyak-na-Bato. Sa mga aklat, itinuturing na ito ang wakas ng Himagsikang 1896 bilang unang yugto ng Himagsikang Filipino. Gayunman, maraming pangkating Katipunero ang hindi nagsuko ng sandata. Bumuo ng bagong gobyernong mapaghimagsik si Heneral Francisco Makabulos sa Tarlac dahil iyon diumano ang mas nais ng taumbayan. (VSA)

Hiniláwod
Tinatawag na Hiniláwod ang epikong-bayan ng mga Sulod na nakatira sa bulubunduking bahagi ng Panay. May dalawa itong pangunahing tauhan, sina Labaw Donggon at Humadapnon, at may mga sariling salaysay. Sa saliksik ni F. Landa Jocano, kaniyang naitalâ ang Labaw Donggon noong 1956 mula kay Ulang Udig, isang Sulod sa Iloilo. Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siyá sa tatlong mala-bathalang anak nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap. Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon. Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapagalaga ng araw. Dahil may agimat din si Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon. Ibinilanggo ni Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya. Samantala, nanganak ng dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan. Hiananap ng magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng kapangyarihan ni Saragnayan kayâ napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling. Pinawalan ng magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat. Sina Humadapnon at Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi at lubhang matatakutin. Gayunman, pinagtulungan siyáng gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa Sinagmaling. Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng kani-kanilang asawa. Sa ulat ni E. Arsenio Manuel (1963), may epikong-bayan tungkol kay Humadapnon na anak nina Munsad Burukalaw at Anggay Ginbitinan at ang pakikipagsapalaran nitó upang makuha si Nagmalitong Yawà Nagmaling Diwatà. Naipit ang kaniyang ginintuang biray sa dalawang nag-uumpugang malaking bato ngunit iniligtas siyá ng mga kaibigang espiritu. Pagkaraan, naengkanto naman siyá nang pitóng taon sa pulo ng magagandang babae. Isang mahiwagang lalaki ang nagligtas sa kaniya (si

Nagmalitong Yawà na nakabalatkayo) at muling naglaho. Nagpatuloy sa paghahanap si Humadapnon at dumanas ng marami pang hirap. Sa wakas, natagpuan niya ang Ilog Halawod at nakasal kay Nagmalitong Yawà. Sa pagdiriwang, isang lalaki ang dumagit kay Nagmalitong Yawà. Sakay ng kalasag, humabol si Humadapnon at naglaban silá ng lalaki nang pitóng taon. Sa dulo, namagitan si Launsinà, diwata ng langit, at ipinaliwanag na kapatid ni Humadapnon ang lalaki—si Amurutha. Hinati ni Launsinà si Nagmalitong Yawà, na nabuhay muling dalawang magandang babae, at naging mga asawa nina Humadapnon at Amurutha. (VSA)

hiyâ
Isang katutubong hálagáhang Filipino ang hiyâ at naipapahayag sa iba’t ibang paraan at maaaring magkaroon ng mabuti o masamâng kahulugan. Karaniwang nakaugnay ito sa pagpapahalaga at paggálang sa sarili at sa kapuwa. Umiiral ito kapag nag-aalinlangan ang tao sa sariling katayuan o inaakala niyang hindi tatanggapin ng iba ang kaniyang gagawin. Nangangahulugan din ito ng pagtupad sa kasunduan at sa inaasahan ng pamilya, komunidad, at kaibigan. Ang hiyâ ay isang nakapanliliit na pakiramdam kapag nagkulang sa inaasahan. Isang simpleng halimbawa ang pangyayaring nakahihiyâ sa isang ninong na hindi magbigay ng aginaldo sa inaanak. Kapag nangyari ito at nagkita ang ninong at ang inaanak pagkatapos ng Pasko at tiyak na papawisan ang ninong dahil sa kaniyang pagkukulang. Lalo na kapag sinita siyá ng inaanak sa harap ng ibang tao. Napahiyâ ang ninong. Ngunit hindi rin maganda ang ginawa ng inaanak, dahil ipinahiyâ niya ang ninong. Kung may paggálang siyá sa ninong ay ibubulong na lámang niya ang pagkukulang nitó. Ngunit ang pagtupad sa obligasyon ay diwa ng sumusunod na salawikain: Sa táong may hiyâ Dangal ang salitâ. Sa di-nakasulat na kodigo ng hiyâ, kailangang tupdin ang anumang kasunduan; kung minsan, kahit magbunga ito ng kamatayan. Kayâ pinaparatangang “walanghiyâ” ang walang “isang salitâ” bukod sa hindi sumusunod sa kahit simpleng tuntunin. Sa kabilâng dako, isang kahinaan din ang “mahiyain.” Nagiging palatandaan ito ng malubhang pagpapahalaga sa sarili o pagiging talusaling. Ang tao na “masamâng mapahiyâ” ay napagsasamantalahan ng kapuwa dahil madalîng makuha sa kaunting kantiyaw. May ayaw mapahiyâ at inuubos ang naipong salapi kapag nakantiyawan ng mga kaibigan. May nagdidilim ang paningin at nang-aaway kapag napahiyâ sa tuksuhan kapag nagiinuman. Isang masamâng ugali ang mangutan para sa pista dahil ayaw mapahiyâ sa mga bisita. Samantala, palatandaan naman ito ng matinding inferiority complex. Nakikita ito sa mga batà na nahihiyâng lumahok sa mga paligsahan o gawaing pangmaramihan, umiiyak agad kapag natukso, hindi nagsasalitâ kapag may ibang tao, at iba pa dahil may napakababàng pagtingin sa sarili. Malîng mahiyain ang ayaw sumalungat dahil matanda ang nag-utos. (EGN) (ed VSA)

hóta
Ang hóta ay isang sayaw na nagmula sa Espanya. Natutuhang sayawin ito ng mga Filipino sa kanilang malimit na paglahok sa mga aktibidad ng mga Espanyol. Mabilis at karaniwang nasa batayang kompás na 3/4, maaari rin itong tugtugin at sayawin sa kompás na 2/4 at 4/4. May apat o mas maraming pares ng lalaki at babae ang sumasayaw nito. Sinasayaw ang hota sa pagdiriwang ng mga pista, binyag, at kasal. Rondalya ang malimit na sumasaliw sa pagsayaw ng hota. Ang ritmo ay nabibigyang-diin sa pamamagitan ng pagpadyak at pagpalakpak ng mga mananayaw at ng mga manonood. Maria Clara, maskota o patadyong ang karaniwang suot ng babae, at barong tagalog at itim na pantalon naman ang sa lalaki. Ang hota ay masasabing inampon na ng mga Filipino. Sa katunayan, nagkaroon na ng sariling mga bersiyon ang sayaw na ito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang hota Batangueña, Manileña, Caviteña, de Olongapo, Ecijana, Paloana, Cagayanon, Sarrateña, Laoageña at iba pa ay mga halimbawa nito. Bawat bersiyon ng hota ay may kani-kaniyang katangian. Ang la hota San Joaquin at Moncadeña ay sinasayaw sa saliw ng ritmo ng kawayan; ang hota Echagueña at Ilocana ay karaniwang sinasayaw naman ng bagong kasal; ang hota Bicolana ay ginagamitan ng mapalamuting pamaypay; ang bersiyong Ilokano na hota Zapatilla ay sinasayaw sa tunog ng pagpadyak ng mga babaeng mananayaw; at ang hota Cabungan naman ay isang pagsasalarawan ng ligawan. Ang iba pang bersiyon ng sayaw ay ang sumusunod: ang la hota Concordiana at hota Sevillana sa Iloilo; ang hota kalipay ng Samar; hota Rizal ng Batangas; ang hotabal na hango sa pinagsamang pangalan ng hota at balse ay nagmula sa Camahoguin, Gumaca, Quezon; ang hota Gumaqueña na sinasayaw sa mga pormal na pagtitipon ay nagmula sa Gumaca, Quezon; at ang hota Paloana na nagmula naman sa Leyte. (RCN) (ed GSZ)

Hudhúd
Sa lipunang Ifugaw, ang Hudhúd ay isang mahabang salaysay na patula na karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani, o kapag inaayos ang mga payyo o dinadamuhan ang mga palayan Inaawit din ito kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang táong tinitingala dahil sa kaniyang yaman o prestihiyo. Kinakanta ang Hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang. Hindi nakaugnay sa anumang ritwal ang pagkanta ng Hudhud. Karaniwang umiikot ang kuwento nito sa mga karanasan ng isang pambihirang nilaláng, kadalasan ay si Aliguyon, na kabilang sa uring mariwasa o kadangyan. Ang diin ay nasa pagsuyo at pakikipag-isangdibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan. Ang tema ng pag-ibig at kariwasaan ang nangingibabaw sa Hudhud. Tumatagal nang ilang oras o isang araw ang pag-awit ng Hudhud. Kinakanta ito ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na pinangungunahan ng isang punòng mang-aawit, ang munhaw-e. Ang mga linyang kinakanta ng munhaw-e ang nagdadala ng salaysay. Mga babae ang umaawit ng Hudhud. Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon sa matatanda, hindi ito sumasang-ayon sa tradisyon. Sinasalamin ng Hudhud ang mga paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga Ifugaw, at binibigyang-paliwanag ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Matatagpuan sa Hudhud ang paglalarawan sa mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at ng mga ugnayan ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon. Makikita rito ang paniniwala ng mga Ifugaw tungkol sa mga diyos at espiritu, at kung paano sila dapat makipag-ugnayan sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa Hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Ifugaw. Noong 2001, kinilala ng UNESCO ang Hudhud bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity. (DLT) (ed GSZ)

-Mula sa Stories Filipinos Tell (1976)

Ibalón
Nakamihasnang pamagat ang Ibalón sa salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong. Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang napakaikling anyo nitó (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol. Bahagi ang naturang teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalón sa Kabikulan. Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin ang kuwento ni Handiong. Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy. Sumunod ang kuwento ni Handiong. Bago siya dumating ay punô ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang napakagandang babae. Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong. Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay sa dambuhalang si Rabot, isang nilaláng na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si Cadugnung. (SJ) (ed VSA)
Mula sa Aklat Adarna

Iglesia Filipina Independiente
Ang pagtatatag ng isang simbahang Filipino at hiwalay sa kapangyarihan ng Papa sa Roma ay isa sa bunga ng Himagsikang Filipino at bisà ng naunang kampanya para sa sekularisasyon sa panahon ni Padre Jose Burgos. Sa Cavite pa lámang ay hinirang ni Hen. Emilio Aguinaldo si Padre Gregorio Aglipay bilang pinunò ng kapariang Filipino sa kabilâ ng pagtutol ng noo’y Arsobispo Bernardino Nozaleda ng Simbahang Katoliko. Noong 23 Oktubre 1899 nagpatawag ng kumbensiyon ng mga pari si Aglipay upang organisahin silá bilang pambansang simbahan ng Filipinas. Hindi ito nagtagal dahil sa pagkatálo ng hukbong rebolusyonaryo sa Digmaang Filipino-Amerikano. Gayunman, ipinagpatuloy ni Aglipay ang kampanya sa kabilâ ng kawalan ng taguyod kahit mula sa mga Amerikano. Ipinanganak ang Iglesia Filipina Independiente (Ig·lés·ya Fi·li·pí·na In·de·pen·di·yén·te) sa isang pulong sa Maynila noong 3 Agosto 1901 na ipinatawag ng peryodista’t unyonistang si Isabelo delos Reyes. Naganap ang paghiwalay sa Roma at si Aglipay ang nahalal na Obispo Supremo. Kayâ tinatawag din itong Simbahang Aglipay. Noong Setyembre 1902 nagsimulang manungkulan ang mga paring Filipino ng IFI at noong 18 Enero 1903 opisyal na kinilála si Aglipay bilang Obispo Supremo ng mga natalagang Obispo sa Maynila, Nueva Ecija, Cavite, Cagayan, Isabela, Pangasinan, at Abra. Halos katulad ng Katoliko Romano ang organisasyon ng IFI ngunit hindi kumikilála sa awtoridad ng Papa. (EGN) (ed VSA)

Iglesia ni Cristo
Ang Iglesia ni Cristo (Ig·lés·ya ni Krís·to) o INC ang pinakamalaking relihiyosong organisasyong nagsimula sa Filipinas. Binuo ito ni Felix Manalo noong 27 Hulyo 1914. Itinuturing ng mga kasapi ng organisasyong ito na silá ang tunay na simbahan na itinatag ni Hesukristo. Hindi silá naniniwala sa Santisima Trinidad, isang Diyos sa tatlong persona, ng mga Katoliko at sa pagiging Diyos ni Hesus at ng Espiritu Santo. Sa doktrina ng INC, si Kristo ang nagtatag ng unang simbahan at si Felix Manalo ang huling mensahero na isinugo ng Diyos upang muling buhayin ang simbahan. Sinasabing si Felix Manalo ay nagpalipat-lipat muna sa iba’t ibang relihiyon noong batà pa siyá upang malaman niya ang katotohanan. Dahil sa paglipat-lipat niya ng relihiyon, nakita niya ang kakulangan ng bawat isa. Sinamahan din niya ang mga ateista at agnostiko ngunit hindi pa rin ito sapat upang punan ang mga pangangailangan niyang espiritwal. Hanggang sa dumating ang panahon na nagkulong siyá nang tatlong araw sa isang silid dalá ang Bibliya. Nang lumabas siyá ay baon na niya ang mga turo ng Iglesia ni Cristo. Bilang punòng ministro, itinayô ni F. Manalo ang Iglesia ni Cristo sa Punta, Santa Ana, Maynila. Ang sambahan ng Iglesia ni Cristo ay kilalá dahil sa kakaiba nitóng disenyo. Batay ito sa modernong gotiko at patusok ang bubong at tore ng mga kapilya at gusali. Sumasamba ang mga kasapi dalawang beses isang linggo. Pinaniniwalaan din na nása pagitan ng tatlo hanggang sampung milyong tao na ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo. (IPC) (ed VSA)

Hermogenes Ilagan

(19 Abril 1873–27 Pebrero 1943) Isang bantog na manunulat at direktor ng dulà si Hermogenes Ilagan (Hér∙mo∙hé∙nes I∙lá∙gan), tinaguriang “Ama ng Sarsuwelang Tagalog.” Isinilang siyá sa Bigaa (Balagtas ngayon), Bulacan noong 19 Abril 1873, anak nina Simplicio Ilagan at Candelaria Espinosa, at kilalá sa palayaw na Moneng Ylagan. Tumanyag si Ilagan sa kaniyang dulang Dalagang Bukid na itinanghal sa Teatro Zorrilla noong 1917. Lumibot ito sa iba’t ibang probinsiya at umabot sa 724 ang pagtatanghal. Noong 1919, ito ang naging unang pelikulang Filipino na may ganap na habà, tampok sina Atang de la Rama at Marcelino Ilagan. Noong 1902, itinatag niya ang Compania Lirico-Dramatica Tagala de Gatchalian y Ilagan na siyáng kauna-unahang organisasyon ng mga sarsuwelista sa bansa. Nang lumaon, tinawag ang samahang ito na Compania Ilagan. Isinulat niya at pinamahalaan ang produksiyon ng mga dulang tulad ng Lucha Electoral (Ang Labanang Panghalalan), Dahil kay Ipang, Sundalong Kapitan, Ang Punyal ni Rosa (na kilala ring Panarak ni Rosa), Dalawang Hangal, Despues de Dios el Dinero (Pagkatapos ng Diyos, Pera), Bill de Divorcio (Ang Panukalang-Batas ng Diborsyo), Sigaw ng Bayan, Sangla ni Rita, Isang Uno’t Cero, Kagalingan ng Bayan, Ang Lilo’t Sakim, Venus (Ang Operang Putol), Ang Buhay Nga Naman, Ang Buwan ng Oktubre, Dahil kay Ina, Ilaw ng Katotohanan, at Wagas na Pag-ibig. Hinangaan sa mga dulà ni Ilagan ang husay niyang lumikha at bigyangbúhay ang mga tauhang maaaring magpalungkot, magpasayá, magpaibig, at kung minsa’y magdulot ng damdaming makalipunan sa mga manonood. Sina Leon Ignacio, Hipolitio Rivera, at Lorenzo Reyes ang karaniwang tagapaglapat ng musika sa kaniyang mga awit pansarsuwela. Sinasabing may 100 dulà siyáng naisulat bago namatay noong 27 Pebrero 1943. (JGP) (ed VSA)

ílang-ílang
Ang ílang-ílang (Cananga odorata) ay isang katutubong punongkahoy na may mabangong bulaklak at langis. Mabilis lumaki ang ilang-ilang. Umaabot ng hanggang limang metro ang taas ng punò nito sa loob lámang ng isang taon. Ang punò ng ilang-ilang ay malago, may mga sangang nakalaylay na kinakabitan ng mga dahon nitó. Baluktot ang talulot ng bulaklak nitó kung ito’y murà pa at nakalaylay naman kung ito’y magulang na. Ang dahon nito ay kulay berde na may 20 sentimetro ang habà. Ang prutas nito ay kulay itim na 1.5-2 sentimetro ang habà, malamán, katulad ng oliba at may 12 butó sa bawat prutas. Masasabing napakabango ng halamang ito kung kayâ’t bukod pa sa gamit nito bilang halamang ornamental, karaniwan din itong ginagamit bilang isang natural na sangkap sa paggawa ng mga pabango at sabon. Dahil sagana ito sa katas na napakikinabangan sa paggawa ng pabango para sa komersiyal na produksiyon, mayroon na ring malalaking taniman ng ilang-ilang sa bansa. Bukod sa pabango, may malaking ambag din sa tradisyonal na medisina ang ilang-ilang. Ginagamit ang langis mula sa mga bulaklak nitó bilang panghilot at pampaginhawa sa pagal na katawan. (ACAL) (ed GSZ)

ílog
Isang likás na lawas ng malaking daloy ng tubig ang ílog. Ang mga ilog at ang dagat ang unang nilakbay ng tao upang marating ang ibang lupain. Sa kasaysayang pandaigdig, may mga ebidensiya na isinilang ang malalaking sibilisasyon sa tabi ng dakilang mga ilog. Sa Filipinas, pinatutunayan ng kanilang mga pangalan na maraming pangkatin ang nabuo sa tabi o malapit sa ilog. Kabilang sa maituturing na ganitong “komunidad sa ilog at tubigan” ang Tagalog (taga-ilog), Kapampangan (ka-pampang-an), Ibanag, Subanun, Itawis, Sugbuanon, Tausug. Tubigan pa rin bagaman danaw o lawa ang pinagmulan ng pangalang Maranaw at Magindanaw. Bawat malaking pulô o rehiyon sa bansa ay may malaki at mahabàng ilog, lalo na ang Ilog Cagayan at Rio Grande de Mindanao. Kaiba naman ang mga pangkating nakapangalan sa lupa, gaya ng Igorot (tao ng gulod) at Bukidnon (tagabundok). Nakaugnay dito ang haka ni E. Arsenio Manuel na hindi “ílog” kundi “álog” ang ugat ng pangalang Tagalog. Ang álog sa matandang bokabularyo ay tumutukoy sa kaibabaan. Bahagi ng haka ni E.A. Manuel na bahagi ng mga migratoryong pangkatin na nanirahan sa Cordillera ang mga Tagalog. Bumabâ silá sa panahanang Bulubundukin, kayâ itinuring ng mga naiwang Igorot at Ifugaw na Tagaálog. Silá ang gumawa ng mga panghulíng páy-yo o payáw na matatagpuan pa ang bakás sa Majayjay, Laguna bago muling nagtawid-dagat. (YA) (ed VSA)

Ilog Agúsan
Ang pangalawang pinakamahabàng ilog sa Mindanao at pangatlong pinakamahabàng ilog naman sa buong bansa ang Ilog Agúsan. Kilalà rin ito sa tawag na Rio Grande de Agusan. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng Mindanao, sa mga lalawigan ng Davao at Agusan. Ito ay may habàng 350 kilometro at 10,921 kilometro kuwadradong lawak ng inaagusang tubig. Nagsisimula ito sa timog-silangan ng Davao at umaagos pahilaga sa Look ng Butuan. Kalakhan ng tubig na bumubuhos dito ay nagmumula sa Rehiyong Caraga at ilang bahagi ng Lambak Compostela. Nakapapasok dito ang mga may-katamtamang laking sasakyang pantubig na siyáng nagsisilbing tanging ruta ng transportasyon noong hindi pa natatapos ang kalsadang nag-uugnay sa Butuan at Davao. Ilan sa mga pangunahing bayan na nása pampang ng ilog ay ang Butuan, Cabadbaran, at Buenavista. Ang pinakatampok na bahagi ng Ilog Agusan ay ang Agusan Marsh Wildlife Sanctuary, sa bayan ng Bunawan, na may lawak na mahigit 14,000 ektarya. Idineklara itong isang protektadong lugar noong 13 Oktubre 1996. Ang Agusan Marsh ang nagsisilbing natural na harang sa malaking bulto ng tubig mula sa Ilog Agusan na maaaring magpabahâ sa mababàng kalupaan ng Lungsod Butuan. Tinatayang 15 porsiyento ng yamang tubig tabáng ng bansa ay dito makikita. Ang kalupaan sa palibot ng ilog ay tahanan ng iba’t ibang katutubong minorya gaya ng Magahat, Mamanwa, Manobo, Higaonon, Mandaya, at Bagobo. (AMP) (ed VSA)

Ilog Cagayan
Pinakamahabà at pinakamalaking ilog sa Filipinas ang Ilog Cagayan (Í·log Ka·ga·yán) at matatagpuan sa rehiyon ng Lambak Cagayan sa hilagang-silangan ng Luzon. Dumadaan ito sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Cagayan. Tinatawag din itong Rio Grande de Cagayan. Ang pangunahing daloy nitó’y nása Kabundukang Caraballo sa taas na 1,524 metro at dumadaloy pahilaga nang 505 kilometro patungo sa bunganga nitó sa Lagusang Babuyan malapit sa Aparri, Cagayan. Mga pangunahing sanga nitó ang mga ilog Chico, Siffu, Mallig, Magat, at Ilagan. May malawak na pook tambakang-tubig ito na 27,300 kilometro sa mga lalawigan ng Apayao, Aurora, Cagayan, Ifugao, Isabela, Kalinga, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Quirino. Dinadaluyan ito ng humigit-kumulang sa 53,943 milyong metro kubiko santaon at may reserbang tubig sa ilalim ng lupa na 47,895 milyong metro kubiko. Ang pagbahâ ng Ilog Cagayan at mga sanga nitó kung tag-ulan ay nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian sa mga bayan sa paligid. Kumakalinga ito ng ilang katutubo’t nanganganib na ispesi, lalo na ang isdang tinatawag na lúdong (Cestreaus plicanlis). Nagpaparami ang ludong sa kaitaasan ng Ilog Cagayan sa Jones, Isabela. Sa pagtatapos ng Oktubre hanggang kalagitnaan ng Nobyembre, lumalangoy pababâ ng ilog ang ludong para pawalan ang mga itlog sa bunganga ng ilog malapit sa Aparri. Sa Pebrero, ang mga munting ludong ay nilalambat hábang lumalangoy paakyat ng ilog. Pinatataba ng ilog ang lupain sa Lambak Cagayan na sagana sa mga pananim na gaya ng palay, mais, saging, niyog, sitrus, at tabako. Sinasabing ang pangalan ng pangkating Ibanag ay mula sa Bannag—ang sinaunang pangalan ng Ilog Cagayan. (AMP) (ed VSA)

Ilog Pásig
Isa sa mga pangunahing ilog sa Filipinas ang Ilog Pásig at mahalagang natural na daluyan ng tubig. May kabuuang habà itong 25 kilometro sa dumadaan sa mga siyudad ng Kalakhang Maynila (Mandaluyong, Maynila, Marikina, Makati, Pasig, San Juan, Taguig) at sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal. Nagmumula ang tubig ng Ilog Pasig sa Lawang Laguna at umaagos papunta sa Kanal Napindan, upang dumugtong ito sa Ilog Marikina at magsanga papuntang Ilog San Juan hanggang makalabas papuntang Look Maynila. Tatlong metro ang dating palagiang lalim ng bukanang lagusan nito patungong timog-kanluran mula sa wawa. Bukod dito, may halos 19 na sapa at estero na naglalabas din ng tubig papunta sa ilog. Mababaw at paliko-liko ang iba pang daluyan tulad ng Taguig, Tipas, at Antipolo na madaraanan lamang ng bangka. Makikita rin dito ang maliit na pulo ng Isla de Convalescensia, ang nag-iisang pulong makikita sa kahabaan ng ilog. Maraming silbi ang Ilog Pasig sapul pa sa panahon ng Espanyol. Ito ang pinakapangunahing daluyan ng transportasyon noon at nagsisilbing sentro ng kalakalan sa bansa. Ngunit sa kasalukuyan, nanganganib na tuluyang maging patay na ilog ito dahil sa iba’t ibang polusyong dulot ng mga pabrikang nakatayô sa gilid ng ilog at mga basurang itinatapon dito ng mga tao. Ang mga banlik o siltasyong bumababâ sa ilog mula sa mga nakakalbong bundok ng Luzon ay nakakadagdag din sa pagkasira ng ilog. Iba’t ibang programa na ang inilunsad upang mabuhay na muli ang ilog tulad ng “Piso para sa Ilog Pasig” at “Kapit-bisig para sa Ilog Pasig,” Naglalayon ang mga programang ito na malinis ang ilog at maibalik ang ilog sa katayuan nitóng makabuhay ng mga lamang dagat. Idineklara nang isang protektadong lugar ang tatlo hanggang 10 metro ng lupa mula sa pampang ng ilog at ang lampas sa lugar na ito ay idineklara ring Urban Renewal Areas (URAs). Malaking salapi at pagtutulungan ang kailangan para maibalik ang maalamat na nakalipas ng Ilog Pasig, mula sa awit na “Mutya ng Pasig” hanggang kuwento ni Donya Geronima, at ang mga tagpo sa Noli at Fili ni Rizal. (AMP) (ed VSA)

Ilustrádo
Ilustrádo ang tawag sa mga Filipinong itinuturing na may mataas na pinag-aralan at nakababása at nakapagsasalita ng wikang Espanyol noong siglo 19. Karamihan sa mga napabilang sa uring ilustrado ay mula sa mga pamilyang prinsipalya na yumaman nang buksan ang Filpinas sa pandaigdigang kalakalan noong 1835. Karaniwan, ang mga ilustrado ay nag-aral ng medisina at abogasya sa mga kolehiyo sa Filipinas at Europa. Karamihan din sa mga lider ng Kilusang Propaganda at namuno sa Himagsikang 1896 ay nagmula sa nasabing uri. Ilustrado rin ang katawagang ibinigay ng mga Filipinong nag-aral o nanirahan sa Espanya sa kanilang mga sarili na nagbigkis sa mga Filipinong nasa labas ng bansa. Naging pangunahing ambag ng grupong ito ang paglulunsad ng Kilusang Propaganda na pinamumuan nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, at Graciano Lopez Jaena. Pangunahing layunin ng kilusang ito ang ipaabot sa pamahalaang Espanyol ang pangangailangang magkaroon ng reporma sa Filipinas at pigilin ang pang-aabuso ng mga fraile sa mga Filipino. Kinikilalang ang mga nailimbag at naihayag ng mga ilustrado sa loob at labas ng bansa ay nakatulong nang malaki sa pagmumulat sa mga Filipino na humantong sa kanilang paghihimagsik laban sa kolonyalistang Espanyol noong 1896. (MBL) (ed GSZ)

Retrato ng mga Propagandista

Abdulmari Asia Imao
(14 Enero 1936—) Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura noong 2006 si Abdulmari Asia Imao (Ab·dul·má·ri A·sya Í·maw). Isa siyang eskultor at pintor. Isa rin siyang nangungunang tagapagtaguyod ng sining at kulturang Muslim sa Filipinas. Ang pagiging bihasa ni Imao sa sining ng ukkil o okir (masinsing disenyo ng pakurbang elemento na maaring tumutukoy sa alon, halaman o baging sa Maranaw na ang ibig sabihin ay “umikit”) ang nagsilbing puhunan ng noo’y sumisibol pa lamang na manlilikha. Ang ukkil, sarimanok (mitikong ibon-isda), sari-mosque (halong sarimanok at mga mosque) at sari okir na kaniyang isinakontemporaneo ang sa kalauna’y naging pangunahing paksa ng mga eskultura at pintura ni Imao. Unang solong eksibit niya ay sa Contemporary Art Gallery sa Mabini noong 1960. Noong 1971, isa siya sa kumatawan sa Filipinas sa Seventh Paris Art Biennale sa France. Kabilang sa mga likha niya ang monumento ni Lapulapu sa Luneta at ni Pangulong Elpidio Quirino sa Roxas Boulevard; “Antonio Figafetta Monument” (12 piye) sa Fort San Pedro Cebu City; “Sulu Warriors” (6 piyeng estatwa ni Panglima Unaid, isang lokal na bayani ng Sulu at Kapitan Abdurahim Imao) sa Sulu Provincial Capitol; Amai Pakpak (8.5 piye), “Hero of Marawi” sa Lanao Del Sur; “Sultan Kudarat’s Battle at Tantawan, Cotabato,” brass mural sa PICC; “Sarimanok,” logo ng 1974 Miss Universe; mga pinturang sarimanok Central Bank of the Philippines Museum; Allah Islamic Calligraphy sa Vargas Museum. Noong 1968, itinanghal siyang isa sa Ten Oustanding Young Men (TOYM). Pinagkalooban siya ng Art Association of the Philippines ng gintong medalya para sa eskultura noong 1980. Pinagkalooban din siya ng Gawad CCP para sa Sining noong 1990 at Presidential Merit Award noong 2005. Isinilang siya noong 14 Enero 1936 sa Tulay, Jolo, Sulu kina Jamasali Alih at Asia Juraiya Imao. Ginamit ng pamilya niya ang Imao bílang apelyido sa payo na rin ng isang Imam. Nagtapos siya ng digri sa Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959. Sa pamamagitan ng mga iskolarsyip, nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral sa University of Kansas noong 1962 at sa Rhode Island School of Design, USA. (RVR) (ed GSZ)

inasál
Nagmula sa Espanyol na asar (mag-ihaw) at asado (inihaw), ang inasál ang isa sa pinakapopular na pagkaing Ilonggo. Inihaw na manok ang inasál ngunit higit sa karaniwang inihaw na manok. Ang karne ng manok ay ibinababad muna sa toyo at kalamansi at, kung minsan, sa ketsap na may paminta at kanéla. Ang Manokan Country ay bantog na pook sa tabing-dagat na may hanay ng mga tindahan ng inasál sa Bacolod. Sa ordinaryong restoran o sugbahan ng inasál, maaaring pumilì ng tinuhog na pitso, hita, o pakpak. May tinuhog ding balon-balunan, atay, at puso ng manok. May mga bandehado rin ng talaba at tinuhog na isda. Paborito itong pulutan sa serbesa. Kung nais mabusóg, puwedeng ulamin ang inasál at talaba sa samplatong kanin. Ipinagmamalaki rin ng ilang sugbahan ang sinamák o sariling timpla ng sukà, toyo, sili, bawang, at kung ano-ano pa na bukod-tanging sawsawan sa kanilang inasál. At kung ayaw ng inasál, siyempre nakahanda ang mga restorang Ilonggo sa iba’t ibang klase ng la paz bátsoy katerno ng pútong putî. (GCA) (ed VSA)

Indáy
Ang Indáy ay magiliw na tawag sa mga dalaga at sa batàng babae sa Kabisayaan, katulad ng Nenè o Néneng sa Tagalog at Rosíng sa Pangasinan. Isa sa mga pinakapopular na awit na patungkol kay Indáy ang “Indáy ng Búhay Ko.” Naging pantawag din ito para sa babaeng matapang at hindi umaatras sa away, lalo na sa pelikula. Ilang beses itong naging pamagat ng pelikulang pantasya, gaya ng Ang Tapis Mo Indáy (1951), Si Indáy sa Balitaw (1970), Indáy ng Búhay Ko (1973), Indáy Garutay (1976), Indáy Bote (1985), Indáy, Indáy sa Balitaw (1986), Super Indáy and the Golden Bibe (1988; 2010), Indáy Wanda (2008), Ginamit din ito maging sa telebisyon, gaya ng mga programang Indáy Heart to Heart (2002) at Indáy Wanda (2010). Naging malaganap ring pantukoy sa babaeng kasambahay ang pangalang Indáy. Kalimitan na gáling probinsiya, kahit hindi mula sa Cebu o Bisayas, ang mga pumapasok bilang kasambahay sa Maynila. Naging de-kahong pangalan ang Inday upang tukuyin ang kasambahay na hindi limitado ang kakayahang umunawa. Subalit kamakailan, sa paglawak ng paggamit ng cellphone at internet, umusbong ang panibagong imahen ni Inday. Sa mga mensahe sa text at sa mga sariling blog, nabuo ang serye ng Indáy jokes na nagtatampok kay Indáy na magalíng mag-Ingles at káyang makipagdebate kahit pa sa kanyang mga amo. (JGP) (ed VSA)

Indio
Ang salitâng Indio (ín·di·yó) ang bansag ng mga administrador at kronistang Espanyol sa mga katutubong populasyon ng kanilang mga kolonya, kabilang na ang Filipinas. Noon diumanong dumating si Cristobal Colon o Christopher Colombus sa Amerika ay naisip niyang nakarating siya sa silangan kaya tinawag na Indio (ang mga tinatawag nating Indian ngayon) ang mga nadatnang katutubo. Ang paggamit ng katawagang ito noong panahon ng Espanyol ay karaniwang may halong pag-alipusta sa mga katutubong Filipino. May pahiwatig ito ng pagiging isang nilaláng na mababà ang katayuan sa lipunan, tamad, at mangmang. Maging sa mga batas at mga opisyal na dokumento tulad ng cedula personal ay malinaw ang pagbubukod at paghamak sa mga Indio bilang isang lahi. Noong 1898 lamang ginamit ng mga Espanyol ang salitang “Filipino” para ipantukoy din sa mga Indio at upang himukin silang tumulong at maging matapat sa pamahalaang Espanyol noong panahon ng himagsikan. Bagama’t mababà ang tingin sa mga Indio, naging kapaki-pakinabang sila sa mga kolonisador. Sila ang pangunahing pinagkunan ng mga tributo at iba pang uri ng buwis; naging trabahador na nagtayo ng mga simbahan, gusali at sasakyang-pandagat at tagaputol ng troso; at nagsilbing dagdag na puwersa ng kanilang hukbong sandatahan sa panahon ng mga digmaan at ekspedisyon. (MBL) (ed GSZ)

instruméntong kawáyan
Ang mga instruméntong kawáyan na marahil ang pinakamatanda sa mga uri ng instrumentong pangmusika na ginagamit pa hanggang ngayon. Ang kawayan ay isa sa pinakasaganang halaman sa kapuluan at may iba’t ibang uri, kapal at laki ito na maaaring gamitin sa maraming pangangailangan. Isa sa mahahalagang gamit nito ay bilang kasangkapan sa artistikong ekspresyon at sa mga ritwal. Ang mga instrumentong kawayan ay maaaring uriin ayon sa klasipikasyong Hornbostel-Sachs—mga instrumentong aerophone, idiophone, at cordophone. Ang mga aerophone ay mga instrumentong tumutunog sa pamamagitan ng pag-ihip; ang mga idiophone ay mga instrumentong tumutunog mula sa taginting ng mismong kawayan; at ang mga cordophone ay mga instrumentong tumutunog sa pamamagitan ng paggalaw ng bagting. Kabilang sa mga aerophone ang plawta na ginagamit ng mahigit 62 etnolingguwistikong grupo sa kapuluan. Ilang lokal na tawag sa plawta ay ang paldeng (Isneg, Apayao), siningyop (Bontok), taladi (Ibaloy), tulale (Aklanon), pundag at lantoy (Manobo), bunabon (Mamanwa), insi (Maranao), pulaw (Samal), dagoyong (Higa-onon), at iba pa. Ang mga instrumentong idiophone ay kinabibilangan ng ubbeng (Kalinga), palipal (Ifugao), kopak-kopa (Yakan), abilao (Bontok), patanggu (Isneg), kagul (Maguindanaw at Maranaw), gambang (Samal), at iba pa. At kabilang sa mga cordophone ang zither na may iba’t iba ring katutubong pangalan: kolitong (Bontok at Kalinga), padang (Bagobo), saluroy (Ata), s’ludoi (Tiboli), tangkew (Manobo Agusan), togo (Magindanaw), at iba pa. Ang iba pang instrumentong yari sa kawayan ay Musikong Bumbong ng siglo 19. Ang angklung ay isang pangkat pangmusika na binubuo ng iba’t ibang sukat na mga instrumentong kawayan na inaalog at tumutunog ng tig-iisa lamang tono bawat instrumento. Ang pinakasikat na instrumentong yari sa kawayan ay ang Las Piñas Bamboo Organ na kilala sa buong mundo bilang pinakamatandang organo na ang malaking bahagi ay yari sa materyal na nabanggit. (RCN) (ed GSZ)

-Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Intramúros
Intramúros ang tawag sa lungsod na itinatag ni Miguel Lopez de Legazpi na nasa mismong kinalalagyan ng kuta ni Rajah Soliman sa may bunganga ng Ilog Pasig noong 1571. Ang Intramuros o “sa loob ng mga pader” ang kinikilalang sentro ng pamahalaan, ekonomiya, relihiyon, at edukasyon noong panahon ng Espanyol. Matatagpuan sa 60 ektaryang saklaw nito ang mga pangunahing simbahan, kumbento, eskuwelehan, at gusaling pampamahalaan ng mga kolonisador. Pawang mga Espanyol lamang ang maaaring manirahan sa loob ng nasabing lungsod maliban sa mga Filipinong kutsero, labandera, at kasambahay na nagtatrabaho sa loob ng Intramuros. Sa matagal na panahon, ang Intramuros ang tinatawag na Maynila. Katulad ng mga lungsod sa Europa noong panahong iyon, napapaligiran ang Intramuros ng tubig at pinoprotektahan ng makakapal na pader. May walong puwerta o pintuan ito, kagaya ng Puerta de Parian, Puerta Real, at Puerta Isabel at mga moog na tulad ng San Andres, Sta. Lucia at Santiago na ipinatayo ng mga gobernador-heneral ng Filipinas hanggang 1872. Nakaluklok din sa Intramuros ang Katedral ng Maynila; ang mga simbahan ng San Agustin, Santo Domingo, at San Ignacio; mga gusaling pang-administrasyon kagaya ng Ayuntamiento at Intendencia; at mga eskuwelahan tulad ng lumang Ateneo de Manila, Colegio San Juan de Letran, dating Unibersidad ng Santo Tomas, at Colegio de Santa Isabel. Malaking bahagi ng Intramuros ay nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May programang inilunsad upang muling ayusin o ibalik sa dating anyo ang mga estrukturang nasira ng digmaan at ng pagpapabaya. Ang nasabing lugar ay kasalukuyang isa sa pinakatanyag na pook na pinapasyalan ng mga Filipino at banyagang turista sa Maynila. (MBL) (ed GSZ)

Islám
Ang Islám ay tumutukoy sa relihiyong naniniwala kay Allah bilang natatanging Diyos at kay Mohammad bilang propeta. Nangangahulugan itong “pagsuko kay Allah.” Muslím ang tawag sa tagasunod ng relihiyong ito. Lahat ng kanilang gawain ay iniaalay nila kay Allah at para sa kanila, lahat ng Muslim ay magkakapatid sa isang komunidad. Nagsimula ang pagkalat ng relihiyong Islam sa pagpunta ng mga mangangalakal na Arabe at Persian sa Asia. Sa Tsina sila unang nagpunta. Paglaon, nakarating ang mga mangangalakal na Muslim hanggang Borneo at mula dito hanggang Sulu at Palawan. Kasabay nito ang pagkalat din ng relihiyong Islam. Nanirahan ang mga Muslim sa Jolo noong mga ika-14 siglo o mas maaga pa. Ang mga mangangalakal na Muslim ay nakapagasawa ng mga babeng katutubo at piniling manirahan na dito. Sa kalagitnaan ng ika-14 siglo, dumating ang mga misyonerong Sufi at ginawang Islam ang mga Malay. Dumating ang mga Sufi sa Sulu noong 1381. Ang mga Sufi ay mga Muslim na nakapag-aral, nagturo sa mga katutubo ng makabagong medisina, sining, at nangaral tungkol kay Mohammed. Sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, napabinyag sa Islam pati mga katutubong pinuno at iniayon sa Islam ang kanilang pamamahala—naging sultanato. Sa Sulu, nagsimula ang sultanato noong 1450 at si Sharif-ul-Hasim Ababakr ang naging pinakaunang sultan. Bahagi ng sultanato ang Sulu, Basilan, Borneo, at Hilagang Borneo, gayundin ang Zamboanga. Sa pamamagitan ni Sharif-ul-Hasim, lalong naging mabilis ang pagkalat ng Islam sa silangan at hilagang bahagi ng Mindanao sa pamamagitan ng mga ulama o mga gurong Muslim. Sa huling bahagi ng ika-15 siglo, nagtungo ang mga ulama (sina Sharif Auliya at Sharif Majarajah ayon sa tarsila ng Maguindanao) sa Malabang at Cotobato. Napangasawa ni Sharif Auliya ang anak na babae ng isang katutubong pinuno sa Pulangi at nang magbalik siya sa Arabia, naiwan niya ang kaniyang anak na babae na naging asawa naman ni Sharif Majarajah. Ang ugnayan dahil sa pag-aasawa ang lalong nagpalawak sa komunidad ng Muslim hanggang sa Maguindanao, Buayan, at Butig. Hanggang ngayon, marami sa Muslim ang nananatili sa Sulu at malaking bahagi ng Mindanao. (EGN) (ed VSA)

-Mula sa Aklat Adarna

Ispíker
Ang Ispíker (speaker) ng Mababàng Kapulungan ng Kongreso ang ikaapat na pinakamataas na opisyal ng gobyerno ng Filipinas. Siya ang pinunò ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Filipinas. Katungkulan niyang pamunuan ang mga sesyon, magbigay ng huling desisyon upang resolbahin ang mga usaping lehislatibo, lagdaan ang mga naipasang batas at resolusyon, magpataw ng disiplina sa mga kinatawan, at gampanan ang pangkalahatang administratibong tungkulin ng mababang kapulungan. Sa pagkakataong mabakante ang opisina ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at Pangulo ng Senado, tungkulin ng Ispiker na gumanap bilang Pangulo ng Filipinas at magpatawag ng agarang pambansang halalan. Unang ginamit ang titulong Ispiker sa Kapulungang Komon ng Inglatera noong 1337. Sa Filipinas, sinimulan ang pagtatalaga ng Ispiker nang itatag ng mga mananakop na Amerikano ang Asambleang Filipino (Philippine Assembly) sa bisà ng Philippine Bill ng 1902. Ang Asamblea ang nagsilbing mababàng kapulungan samantalang ang Komisyon sa Filipinas naman ang gumanap na mataas na kapulungan. Si Sergio Osmeña ang unang naging Ispiker ng Asemblea nang pinasinayaan ito noong Oktubre 1907. Siya rin nahalal sa katulad na opisina nang itatag ang unang Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) ng Filipinas sa bisà ng Batas Jones ng 1916. Patuloy na umiral ang opisina ng Ispiker sa lehislatura ng Filipinas mula noong panahon ng Komonwelt hanggang sa kasalukuyan. Kabilang sa mga naging ispiker ang sumusunod: Sergio Osmena (19071922), Manuel Roxas (1922-1933), Quintin Paredes (1933-1935) Gil Montilla (Nob. 25, 1935-Dis. 30, 1938), Jose Yulo (Ene. 24, 1939-Dis. 30, 1940), Benigno S. Aquino Sr. (Okt. 17, 1943-Peb. 2, 1944), Jose Zulueta (Hun. 9, 1945-Dis. 20, 1945), Eugenio Perez (Mayo 25, 1946-Dis. 30, 1953), Jose B. Laurel Jr. (Ene. 25, 1954-Dis. 30, 1957 / Peb. 2, 1967-Abr. 1, 1971), Daniel Z. Romualdez (Ene. 27, 1958-Mar. 9, 1962), Cornelio Villareal (Mar. 9, 1962-Peb. 2, 1967

/ Abr. 1, 1971-Set. 23, 1972), Querube C. Makalintal (Hun. 12, 1978-Hun. 30, 1984) Nicanor E. Yniguez (Hul. 23, 1984-Mar. 25, 1986), Ramon V. Mitra, Jr. (Hul. 27, 1987-Hun. 30, 1992), Jose de Venecia, Jr. (Hul. 27, 1992Hun. 30, 1998 / Hul. 23, 2001-Peb. 5, 2008), Manuel Villar, Jr. (Hul. 27, 1998-Nob. 13, 2000) Arnulfo Fuentebella (Nob. 13, 2000-Ene. 24, 2001), Prospero Nograles (Peb. 5, 2008-Hun. 30, 2010), Feliciano Belmonte, Jr. (Ene. 24, 2001-Hun. 2001 / Hul. 26, 2010-kasalukuyan) (SMP) (ed VSA)

ítik-ítik
Ang ítik-ítik ay isang sayaw na nagsimula sa masiglang pagsayaw ng Sibay sa saliw ng musikang Dejado ni Cayetana (na mas kilala sa palayaw na Kanang) para sa mga bisita sa isang binyagan sa Carmen, Lanuza, Surigao. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagsasayaw ay napansin niya ang nakatutuwang galaw ng mga itik sa paligid na kaniyang ginagad. Dahil nakatawag-pansin ang mga galaw ni Kanang, nagsimula na rin siyang gayahin ng iba pang mga bisita. Sa masayang tagpong ito iniluwal ang mimetikong sayaw na itik-itik. Idinaraos ang sayaw sa saliw ng rondalya. Ngunit kung minsan, maaari ring saliwan ang pagsayaw ng awitan. Narito ang simpleng titik ng awit na sumasaliw sa pagsayaw: (Si itik-itik ang babae at si Aliwaros naman ang lalaki) Itik-itik, diin ka guikan? Aliwaros, sa pandagitan. Itik-itik kinsay uban mo? Aliwaros, ako ra mismo. Itik-itik, nag-unsa ka dinhe? Aliwaros, nagsuli-suli Aliwaros, nagsuli-suli Kon nia ba ikao dinhe. Itik-itik, saan ka nagmula? Aliwaros, diyan sa ilog. Itik-itik, sinong kasama mo? Aliwaros, ako’y nag-iisa. Itik-itik, bakit naririto ka? Aliwaros, nais kong malaman Aliwaros, nais kong malaman Kung naririto ka nga.

Karaniwan, ang mga mananayaw na babae ay nakasuot ng patadyong kapag sinasayaw ito. Barong tagalog o camisa de chino at puting pantalon naman ang suot ng kalalakihan. (RCN) (ed GSZ)

itlóg na pulá
Ang itlóg na pulá ay binúro o ipinreserba sa asin na itlog ng itik. Tinatawag din itong itlóg na maálat dahil sa maalat na lasa nitó. Karaniwan itong kinakain sa agahan. Maaari itong kaining ulam sa sinangag o kayâ bilang sísig Tagalog (katulad ng ensalada)—hinihiwa-hiwa ang itlog at itinatampok, kapalit ng bagoong, sa hiniwang kamatis at sibuyas o sa putat ng mangga. Ganito ang isang paraan ng paggawa ng itlog na pulá. Pumilì ng 12 itlog ng itik o manok. Magpainit ng 12 tása ng tubig sa kaserola. Lahukan ang tubig ng anim na tása ng asin at pakuluin. Pagkatapos, palamigin ang tubig na may asin at isalin sa isang bangâ. Isilid sa bangâ ang mga itlog at lagyan ng pandiin para hindi lumutang. Takpan ang bibig ng bangâ at maghintay ng pitóng araw. Tikman ang isang itlog. Kung hindi pa gaanong maalat, ibabad pa sa loob ng limang araw. Pagkatapos, ilagà ang mga itlog sa loob ng 10 minuto. May mga itlog na maalat ngayong hindi na kinukulayan ng pulá ang balát. Bukod sa Pateros, marami nang bayan sa Filipinas ang may industriya ng pag-aalaga ng itik dahil sa malaganap na pangangailangan ng taumbayan sa mga itlog na ginagawang balút, pénoy, at itlog na pulá. Ang itlog na pulá ay ginagamit ding pampalasa sa bibingka at ibang kakanin gayundin bilang dagdag na palamán sa espesyal na siyopaw. (LJS)(ed VSA)

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->