P. 1
Sagisag Kultura Ng Filipinas 005

Sagisag Kultura Ng Filipinas 005

|Views: 4,896|Likes:
Published by F.A. Buenaventura

More info:

Published by: F.A. Buenaventura on Sep 22, 2012
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

05/20/2013

pdf

text

original

Manuel Luis Quezon

(19 Agosto 1878-1 Agosto 1944) Si Manuel Luis Quezon (Man·wél Lu·wís Ké·zon) ang unang pangulo ng pamahalaang Komonwelt at itinuturing na “Ama ng Wikang Pambansa” dahil sa pagpapahayag niya sa Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa. Siyá ang unang pangulong Filipino na nagtira sa Malacañang at nanungkulan hábang nása Estados Unidos dahil sa Pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isinilang si Quezon noong 19 Agosto 1878 kina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina sa Baler, Tayabas (Aurora ngayon). Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, sumapi siyá at naging medyor sa hukbo ni Heneral Tomas Mascardo. Bumalik siyá sa pag-aaral pagkatapos ng digmaan at nagtapos ng abogasya. Naglingkod muna siyáng piskal bago kumandidato’t nagwaging gobernador ng lalawigan ng Tayabas. Ikinasal siyá sa kaniyang pinsang si Aurora Aragon Quezon. Nagbitiw siyáng gobernador nang magkaroon ng eleksiyon para sa Asamblea ng Filipinas. Nagwagi siyá at naging majority floor leader. Si Sergio Osmeña ang naging ispiker ng kapulungan, at ito ang simula ng pagsasáma’t pagtutunggali sa politika nina Quezon at Osmeña. Naging resident commissioner siyá sa Kongreso ng Estados Unidos at itinuturing na tagumpay niya ang pagpapatibay sa Batas Jones. Ipinangangako ng batas ang dagliang pagbibigay ng kasarinlan ng Filipinas. Nagpatuloy siyá sa paglalakad ng kasarinlan hanggang mapagtibay ang Batas Tydings-McDuffie na nagtatadhana ng pansamantalang pamahalaang Komonwelt. Nahalal siyáng pangulo ng Komonwelt noong 1935. Inilíkas ang pamahalaan sa Estados Unidos sa buong panahon ng Pananakop ng mga Hapones at doon namatay si Quezon noong 1 Agosto, 1944. Dahil sa mga ginawa niya para sa mga mahirap sa lipunan, tinawag si Quezon na “Ama ng Katarungang Panlipunan.” Itinaguyod naman niya sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal ang isang Wikang Pambansa batay sa isang katutubong wika at pinagtibay ang batas na nagtatatag sa National Language Institute na nagsuri at nagpasiya sa Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa, kayâ tinawag siyáng “Ama ng Pambansang Wika.” Kaugnay nitó, ang pagdiriwang ng Araw ng Wikang Pambansa ay itinapat sa kaniyang kaarawan tuwing Agosto 19. (VSA)

Carlos Quirino
(14 Enero 1910-20 Mayo 1999) Si Carlos Quirino (Kár·los Ki·rí·no) ay isang iskolar at historyador. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikang Pangkasaysayan noong 1997. Ang panitikang pangkasaysayan ay idinagdag na larangan sa parangal na Pambansang Alagad ng Sining noong 1997 sa ilalim ng Pangulong Fidel Ramos at si Quirino ang unang ginawaran ng naturang pagkilala. Unang naging bantog ang pangalang Carlos Lozada Quirino bílang manunulat ng talambuhay ni Pangulong Manuel L. Quezon sa Quezon Man of Destiny noong 1935. May-akda ng maraming sanaysay at talambuhay, mga aklat niya ang Lives of the Philippine Presidents (1952), Magsaysay of the Philippines (1958), Maps and Views of Old Manila (1971), The History of Philippine Sugar Industry (1974), Filipinos at War: The Fight for Freedom from Mactan to EDSA (1981), at Who’s Who in Philippine History (1995). Natatangi rin at umani ng papuri ang kaniyang aklat na Philippine Cartography. Nagsilbi siyáng direktor ng National Library noong 1961 sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal. Tagapagtatag siyá, curator, at direktor ng Ayala Archives (Ayala Musuem ngayon). Isinilang noong 14 Enero 1910, si Quirino ay supling ng doktor na si Jose A. Quirino, isang nangungunang gynecologist, at ni Dolores Lozada, apo ni Ramon Lozada na nagmula sa Espanya. Nagtapos siyá ng hay-iskul sa De la Salle at kursong Batsilyer sa Sining sa Peryodismo sa University of Wisconsin. Tatlong beses siyáng ikinasal. Una kay Peggy Dawson, isang Amerikana, ikalawa kay Nena Bowen, at pinakahuli kay Liesl Commans, isang mestisang Aleman-Espanyol. Ang kasal sa kanilang tatlo ay nagbunga ng anim na anak: sina Cory, Carlitos, Cecil, Denden, Caloy, at Ritchie. Pumanaw siyá noong 20 Mayo 1999. (RVR) (ed GSZ)

Elpidio R. Quirino
(16 Nobyembre 1890-20 Pebrero 1856) Pumalit na pangulo ng Republika ng Filipinas si Elpidio R. Quirino (El·píd·yo Ar Ki·rí·no) noong 17 Abril 1948 nang biglang mamatay si Pangulong Manuel A. Roxas. Ipinagpatuloy niya ang mga sinimulang gawaing pambansa ni Roxas, bukod sa inasikaso ang mga industriya. Tinagurian siyáng “Ama ng Industriyalisasyong Pambansa” dahil sa mga ipinatayô niyang planta, gaya ng NASSCo drydock, planta ng abono, Iligan Steel, hydro-electric sa Lanao at sa Ambuklao, Benguet, pabrika ng semento sa Bacnotan, La Union, at marami pa. Gayunman, malaking problema ng kaniyang administrasyon ang Pag-aalsang Huk at ang maalingasngas na dayaan sa eleksiyon ng 1949. Isinilang si Quirino noong 16 Nobyembre 1890 sa Vigan, Ilocos Sur kina Mariano Quirino at Gregoria Rivera. Naglingkod muna siyáng klerk sa Senado bago kumandidatong kinatawan at nanalo noong 1919. Ikinasal siyá kay Alicia Syquia ng Vigan noong 16 Enero 1921. Tatlo sa mga anak niya at si Alicia ang pinatay ng mga Hapones noong 1945. Sa unang kandidatura niya bílang senador ay tinálo siyá ni Isabelo de los Reyes. Muli siyáng kumandidato noong 1925 at nagwagi. Muli siyáng nagwaging senador noong 1931 ngunit nagbitiw upang kumandidatong delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Napiit siyá sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones. Noong Hunyo 1945 ay nagmiting ang Kongreso at nahalal si Roxas na pangulo ng Senado at si Quirino bílang protempore. Ito ang simula ng kombinasyon nilá na nagwagi sa halalang pampanguluhan noong 1946. Dahil hindi malinaw ang tungkuling ng pangalawang-pangulo, nahirang siyang kalihim ng pananalapi at sakâ kalihim ng suliraning panlabas. Dahil sa Pag-aalsang Huk ay hinirang niyang kalihim ng tanggulan si Ramon Magsaysay. Nagtagumpay ito sa pagpapahupa ng rebelyon ngunit lubhang naging popular kayâ inamuki ng Partido Nacionalista na maging kandidatong pangulo sa halalang 10 Nobyembre 1953. Nang matálo sa halalan, namahinga si Quirino sa bahay sa Novaliches at doon namatay noong 20 Pebrero 1956. (VSA)

Eduardo A. Quisumbing
(24 Nobyembre 1895-23 Agosto 1986) Kinikilála si Eduardo A. Quisumbing (Ed·wár·do Ey Kí·sum·bíng) na pinakamahusay na botaniko at taksonomista ng Filipinas. Siyá ang nagsulat ng librong Medicinal Plants of the Philippines na naging batayang sanggunian sa pag-aaral at pananaliksik ng mga halamang gamot sa bansa. Siyá ang tinaguriang ama ng pag-aaral ng mga orkidya at natatanging Filipinong dalubhasa sa orkidolohiya. Dahil sa pagsisikap niyang mapaunlad ang siyensiya ng botanika sa Filipinas, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1980. Bílang isang botaniko, una niyang pinag-aralan ang pag-uuri ng iba’t ibang pamilya ng saging. Sinuri niya kung paano ito lumalaganap at namumunga. Gumawa siyá ng pagsubok sa proseso ng pagpapalahi ng saging. Ang kaniyang pag-aaral ay ginagamit pa rin ngayon ng industriya ng saging sa bansa. Si Quisumbing ang unang Filipinong nagsaliksik sa mga uri ng paminta at nakalalasong halaman sa Filipinas. Ito ang naging daan sa pagsusulat niya ng Medicinal Plants of the Philippines. Ang librong ito ay naglalaman ng komprehensibong impormasyon tungkol sa 858 uri ng halamang gamot. Eksperto si Quisumbing sa pag-aaral ng mga orkidya sa Filipinas. Ginugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang búhay sa paghahanap at pagkilála sa mga orkidya. Matagumpay niyang naitalâ ang 900 uri ng orkidya at tinuklas ang 58 uri ng katutubong orkidya na makikita lámang sa Filipinas. Si Quisumbing ay isinilang noong 24 Nobyembre 1895 sa Sta. Cruz, Laguna at anak nina Honorato Quisimbing at Ciriaca Arguelles. Natapos niya ang Batsilyer sa Agrikultura sa UP noong 1918 at nagpatuloy ng pag-aaral sa University of Chicago mula 1921 hanggang 1923. Dito niya natapos ang master sa Siyensiya at doktorado sa Botanika. Si Quisumbing ay isa ring administrador. Pinangasiwaan niya National Museum at nanguna sa restorasyon ng Pambansang Herbarium. Ang Herbarium ay mayroong mahigit 300,000 uri ng halaman bago ang Ikalawaang Digmaang Pandaigdig subalit nawasak ito pagkatapos ng digmaan. Halos dalawang dekada ang ginugol ni Quisumbing sa pagtatayông muli ng Herbarium. Namatay siyá noong 23 Agosto 1986. (SMP) (ed VSA)

ráha
Ang ráha ang pinakamakapangyarihang datu ng isang bayan na binubuo ng mula apat hanggang sampung barangay. Ang salitang ito ay nanggaling sa India at nakarating sa Filipinas mula sa Indonesia at Malaysia. Malimit din itong ginagamit bilang katawagan ng paggalang sa mga pinuno ng sinaunang lipunang Muslim sa Filipinas. Bago dumating ang mga mananakop na Espanyol, kabílang ang Cebu, Maynila, Tundo, Sulu, at Cotabato sa mga lugar sa Filipinas na may mga pamayanang napapailalim sa isang raha. Ilan sa mga raha na nakaharap ng mga Espanyol ay sina Raha Sulayman ng Maynila at Raha Tupas ng Cebu. Kagaya ng datu sa mga barangay, ang raha ay may kasámang konseho ng mga nakatatanda na katuwang niyá sa iba’t ibang aspekto ng pamamahala. Bagaman umiiral ang ganitong konseho na nagbibigay ng payo tungkol sa pamamahalang pamayanan, ang kapangyarihan ng raha sa lahat ng aspekto ng pamumuhay sa bayang sakop niyá ay ganap. Sa isang ulat, halimbawa, tungkol sa raha ng Tundo, sinasabing lahat ng pamayanang sakop niyá ay nagbibigay ng tributo at nag-aalay ng iba’t ibang uri ng paglilingkod sa kaniya. Maging ang mga mangangalakal na Tsino na dumaraan sa teritoryo niyá ay nagbabayad para maidaong ang kanilang mga sasakyang-pandagat. Bukod dito, nabibili ng raha ang mga produkto ng mga mangangalakal na Tsino sa kalahati lámang ng halaga nitó at may monopolyo siyá sa pagtitinda ng mga nasabing produkto sa mga mamamayang nakatira sa mga barangay na kumikilala sa kaniyang kapangyarihan. (MBL) (ed GSZ)

Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Honorata de la Rama (Atang de La Rama)
(11 Enero 1902-11 Hulyo 1991) Hinirang si Honorata de la Rama (O·no·rá·ta de la Rá·ma) bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro/Musika noong 1987. Mas kilala bilang Atang de la Rama, napatanyag siyá bilang “Reyna ng Sarsuwela at Kundiman.” Unang umani si Ka Atang ng pambansang pagkilala sa natatanging pagganap niyá sa sarsuwelang Dalagang Bukid na itinampok kapuwa sa teatro at pinilakang-tabing. Naging paborito siyá ng madla sa kasuotang balintawak at pag-awit ng “Nabasag ang Banga.” Mula noon, mahigit 50 sarsuwela sa Espanyol, Tagalog, Pampanggo, at Iluko na ang pinagbidahan ni Ka Atang. Pinakatanyag sa mga ito ay ang Alamat ng Nayon (1920), Ararong Ginto, Ang Mestiza, Paglipas ng Dilim, Sundalong Mantika, Anak ng Dagat, Mga Kamag-anak, at Sa Bunganga ng Pating. Ngunit sa mga ito, walang makapapantay sa tagumpay na naabot ng Ang Kiri na itinanghal nang mahigit 700 beses at Dalagang Bukid na sinasabing may pinakamaraming bilang ng pagtatanghal sa kasaysayan ng dulaang Filipino. Ipinakilala rin niyá ang kundiman sa mga dayuhang manood sa Hong Kong, Shanghai, Tokyo, at Estados Unidos na mayroon ding malalaking komunidad ng mga Filipino. Isinilang siyá noong 11 Enero 1902 sa Pandacan, Maynila, pinakabatà si Ka Atang sa apat na magkakapatid na maagang naulila. Pinalaki siyá sa Gagalangin, Tundo ng kapatid na si Pastora Matias at asawa nitó na si Leon Ignacio, isang kompositor. Si Maestro Ignacio ang kalauna’y lilikha ng Dalagang Bukid, ang sarsuwelang maglulunsad ng karera ni Atang sa sarsuwela. Nagtapos siyá ng Bachelor of Science in Pharmacy sa Centro Escolar, at kumuha ng mga voice lesson kina Victorino Carreon ng Quiapo, Soprano Galia Arellano, Nelli Farnerie, at Isang Tapales. Nagpatuloy siyá ng kaniyang pag-aaral sa New York noong 1925 sa Royal Dramatic Theatre Academy. Ikinasal siyá sa naging Pambansang Alagad ng Sining na si Amado V. Hernandez. Namatay si Ka Atang noong 11 Hulyo 1991. (RVR) (ed GSZ)

Ramadán
Ang Ramadán ay malaking panahon ng pangingilin ng mga Muslim tuwing ikasiyam na buwan sa kalendaryong Islam. Sa buong panahon ng pangingilin ay kailangang mag-ayuno sa pamamagitan ng pag-iwas kumain at uminom mula pagsikat ng araw hanggang paglubog ng araw.. Ang pag-aayuno ay ginagawa para maturuan ang isang tao na magsakripisyo, magpakakumbabâ, at maging mapaghintay. Panahon din ito ng araw-araw na pagdarasal. Humihingi ng patawad para sa kanilang mga kasalanan ang mga Muslim, nagdarasal para sa kanilang kaligtasan, at laban sa masamâng espiritu sa araw-araw. Nililinis din nilá ang kanilang sarili sa pamamagitan ng disiplina at kawanggawa. Nagtatapos ang Ramadan sa Eid ul-Fitr o Hari Raya Puasa. (RBT) (ed VSA)

ramí
Ang ramí ay uri ng tela na mula sa himaymay ng halamang may gayon ding pangalan. Ang halaman ay tinatawag ding amíray (Boehmeria nivea), isang namumulaklak na halaman sa pamilyang Urticaceae at katutubo sa silangang Asia. Ito ay palumpong, matagal ang búhay, at lumalago sa taas na dalawang metro; ang mga dahon ay hugis puso, 7-15 sm ang habà at 6-12 sm ang lawak, at puti sa gilid. Ito ay nagbibigay ng isang kulay-pilak na hitsura. Ang dahon nitó ay palagiang lungting magulang sa ibabaw at maputîng balahibuhin sa ilalim, matulis sa magkabilâng dulo, malapad at may kakapalan at humahabà nang buhat sa pitó hanggang 16 sm. Ang ramí ay karaniwang inaani dalawa hanggang tatlong beses sa isang taón. Kung maganda ang kondisyon ng paglago ay maaari itong anihin nang anim na beses. Ang ramí ay ginagamit upang makabuo ng isang tela na tinatawag na mechera, na ginagamit para sa mga kamiseta at bestidang angkop para sa mainit na klima. (RBT) (ed VSA)

Dolóres A. Ramírez
(20 Setyembre 1931—) Tanyag na biochemical geneticist at isa sa pinakamahusay na plant breeder ng Filipinas, itinaguyod ni Dolóres Ramírez (Do·ló·res Ra·mí·rez) ang pagpapaunlad sa teorya at praktika ng henetika sa pamamagitan ng pagtuturo, aktibong pananaliksik, at pagsisikap na mapabuti ang mga patakaran sa agham at teknolohiya. Dahil sa kaniyang ambag sa pagpapaunlad ng siyensiyang pang-agrikultura, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Marso 1997. Batid ni Ramirez ang halaga ng henetika sa pagpapaunlad ng produksiyon ng pagkain sa Filipinas. Dahil dito, nagsagawa siyá ng mga komprehensibong saliksik sa cytogenetics ng palay, saging, tubó, mais, iba’t ibang butil, at mga palamuting halaman. Dahil dito, lumalim ang kaalaman ng mga magsasaka at plant breeders hinggil sa tamang pagpilì at paghahalò ng mga binhi upang mapahusay ang lahi ng kanilang tanim. Ang pag-aaral niyá hinggil sa iba’t ibang biochemical markers ay nagamit upang salain ang mahuhusay na uri ng binhi at butil. Si Ramirez ay kilalá rin bilang mahusay na edukador at manunulat. Bilang guro, ipinakilála niyá sa mga mag-aaral ang makabagong paraan ng pagsusuri ng henetika. Nagsilibi siyang punòng patnugot ng The Philippine Agriculturist sa loob ng isang dekada at kagawad ng patnugutan ng Philippine Phytopathological Journal at Philippine Journal of Crop Science. Isinilang si Ramirez noong 20 Setyembre 1931 sa Calamba, Laguna at anak nina Augusto Ramirez at Leonor Altoveros. Natapos niyá ang Batsilyer sa Agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños noong 1956. Nagtungo siyá sa Estados Unidos bilang iskolar ng Rockefeller Foundation hanggang makapagtapos ng master sa Cytogenetics sa University of Minnesota noong 1958. Natapos niyá ang doktorado sa Biochemical Genetics sa Purdue University noong 1963. Bumalik kaagad siyá sa Filipinas upang magturo sa UP at ipagpatuloy ang pananaliksik sa plant breeding at cytogenetics ng mga halaman. Noong 1995, kinilála siyá ng pamantasan bilang isang ganap na University Professor, ang pinakamataas na antas na maaaring makamit ng isang guro. (SMP) (ed VSA)

Fidél V. Rámos
(18 Marso 1928-) Mula sa pagiging heneral at kalihim ng tanggulang bansa, nagwagi noong 1992 upang maging pangulo ng Republika ng Filipinas si Fidél V. Rámos. Naupô siyá kasabay ng matinding krisis pangkabuhayan sa buong mundo. Sinagot niyá ito sa pamamagitan ng “Philippines 2000” o isang bisyon para sa hinaharap at nagtatanghal sa kaniyang katangian bilang isang mahusay na tagabalangkas ng malawakang programa. Isinilang siyá noong 18 Marso 1928 sa Lingayen, Pangasinan at anak nina Narciso Ramos, isang peryodista, politiko, at diplomata, at Angela Valdez. Isa siyáng Protestante (Simbahang Methodist) at kayâ kauna-unahang pangulo na di-Katoliko. Nang maging kongresista ang ama, lumipat silá sa Maynila at nag-aral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas. Pagkatapos ng digma, nag-aral at nagtapos siyá sa US Military Academy sa West Point, pumasok sa hukbo, at kasáma sa PEFTOK (Philippine Expeditionary Force to Korea) noong 1952. Ikinasal din siyá kay Amelita (Ming) Martinez noong 1953 at nagkaroon ng limang anak. Naging heneral siyá noong 1971 at sa sumunod na taon ay naging hepe ng Konstabularya. Sinamahan niyá ang dáting kapangkat na si Koronel Gregorio (Gringo) Honasan at sundalong RAM (Reform the Armed Forces Movement) sa isang kudeta noong 22 Pebrero 1986. Nang pumalit na pangulo ng Filipinas si Tita Cory ay naglingkod si Ramos na pangkalahatang punò ng hukbong sandatahan at kalihim ng tanggulang-bansa. Tinawag din siyáng “Tabako” dahil sa abano na laging nakasubò sa kaniyang bibig bagaman hindi siyá naninigarilyo. Sa eleksiyong 1992, nagwagi siyáng pangulo laban sa ibang mga kandidatong pinangunahan ni Senador Miriam Defensor Santiago. Nanumpa siyá noong 30 Hunyo 1992 at nanungkulan hanggang 1998. Inilunsad niyá ang “Philippines 2000” na isang malawakang pambansang programa para sa pagsúlong. Pinangunahan niyá ang “rekonsilyasyon” upang mapaghilom ang hidwaang pampolitika, ang pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo publiko, ang malawakang elektripikasyon laban sa malubhang brownout noong 1994, at ang pagsagot sa hámon ng “globalisasyon.” Matapos manungkulang pangulo, ipinagpatuloy ni Pangulong Ramos ang paglahok sa mga usaping pampolitika. (VSA)

Claro M. Recto Jr.
(8 Pebrero 1890-2 Oktubre 1960) Si Claro Mayo Recto Jr. (Klá·ro Má·yo Rék·to) ay isang makabansang estadista, manunulat sa Espanyol at Ingles, at itinuturing na “Ama ng Konstitusyong 1935.” Siyá rin ang hulíng mahistrado ng Korte Suprema na hinirang ng presidente ng Estados Unidos. Isinilang siyá noong 8 Pebrero 1890 sa Tiaong, Tayabas (ngayon ay lalawigan ng Quezon) kina Claro Recto at Micaela Mayo, kapuwa mula sa maykáyang pamilya. Batà pa siyá nang lumíkas patungong Lipa, Batangas ang kaniyang pamilya. Nagtapos siyá ng batsilyer sa sining sa Ateneo de Manila noong 1909 at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1913. Pumasok siyá sa politika noong 1919 nang mahalal na kinatawan ng Batangas sa Lehislatura ng Filipinas. Dalawang beses pa siyáng muling nahalal at naging lider ng minorya sa Mababang Kapulungan noong 1922 at 1925. Naging senador siyá noong 1931 at nahalal na delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934. Naging pangulo siyá ng kumbensiyong ito hanggang matapos ang Konstitusyong 1935. Noong 1935, hinirang siyang katulong na mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas pero nagretiro pagkaraan ng dalawang taon. Dalawang beses muli siyáng naging senador, noong 1949 at 1953, at noon siyá nagsimulang tumanyag bilang masigasig at makabansang oposisyonista na tumuligsa sa patakarang panlabas ng Filipinas. Noong 1957 din siyá kumandidato bilang pangulo ng bansa ngunit hindi nagwagi. Isa siyáng mahusay na makata. Kinilala ang kaniyang malikhaing talino nang manalo sa isang paligsahang pampanitikan ang kaniyang dulang may isang yugto na La Ruta de Damasco (1914). Isa pa niyáng dula ang nagwagi ng premyo, ang Solo Entre Las Sombras (1917). Bukod dito, maraming naging mahahalagang talumpati at sanaysay sa Espanyol at Ingles si Recto na naglalarawan ng kaniyang mga makabansang pananaw sa politika at kabuhayan. Ilan sa mga ito ang lumabas sa My Crusade (1955). Namatay siyá sa sakit sa puso noong 2 Oktubre 1960 hábang nása Roma, Italya. Inilibing siyá sa Cementerio del Norte sa Maynila. Bilang pagpapahalaga sa kaniya, ang daang Azcarraga sa Maynila ay pinangalanang Abenida Claro M. Recto. (PKJ) (ed VSA)

Iñigo Ed. Regalado
(19 Marso 1888-26 Hulyo 1976) Si Iñigo Ed Regalado (In·yí·go Ed. Re·ga·lá·do) ay isang pangunahing makata at mangangatha sa Tagalog. Sa mga unang taon ng 1900, sumulat si Regalado sa mga pahayagan tulad ng Ang Mithi, Pagkakaisa, Watawat, at Pliegong Tagalog. Naging patnugot dn siyá ng mga magasing Ilang-ilang at Liwayway. Naging konsehal din siyá ng Maynila nang ilang termino. Labingwalong taóng gulang lámang si Regalado nang sulatin niyá ang kaniyang unang nobela, ang Madaling-araw, na nasundan ng marami pa. Nakapaglabas din siyá ng mga koleksiyon ng mga tula tulad ng Damdamin at Bulalakaw ng Paggiliw, at maikling kuwento gaya ng “Sa Laot ng Kapalaran.” Nakapagsulat din siyá ng libretto, tulad ng Hinilawod (1970) at mga isahing-yugtong dula gaya ng Isang Panyo Lamang, Mahiwagang Tao at Sa Bundok. Sumulat din si Ragalado ng malawakang pag-aaral tungkol sa nobela, ang “Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog,” at ibinahagi niyá ito sa isang talumpating itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa. Isinilang si Iñigo Ed. Regalado noong 19 Marso 1888 sa Sampaloc, Maynila. Anak siyá nina Iñigo Corcuera Regalado, isa ring sikat na manunulat, at Saturnina Reyes. Napangasawa niyá si Leonisa Bonus. Nag-aral si Regalado sa Escuela Municipal de Sampaloc. Nang mamatay ang kaniyang ama, sinuportahan niyá ang sariling pag-aaral. Nagtapos siyá ng bachiller en artes sa Liceo de Manila, at bachiller en leyes sa La Jurisprudencia. Nag-enrol din siyá sa University of the Philippines School of Fine Arts. Dito ay naging guro niyá si Fabian de la Rosa at naging kaklase sina Fernando Amorsolo at Guillermo Tolentino. (GSZ)

rehiyón
Ang rehiyón (mula sa Espanyol na región) ay isang panheograpiko at pang-administratibong paghahati-hati ng mga kalupaan upang epektibong maorganisa at mapamahalaan ang iba’t ibang mga lalawigan. Sa kasalukuyan, ang Filipinas ay binubuo ng 17 rehiyon; walo sa Luzon, tatlo sa Visayas, at anim sa Mindanao. Napapaloob dito ang may 79 na lalawigan. Nagsimulang ipinaloob ang mga lalawigan sa mga rehiyon noong 24 Setyembre 1972 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1 na nagsasaad na ang mga lalawigan ng bansa ay pinangkat sa 11 rehiyon bilang bahagi ng Integrated Reorganization Plan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ang 11 rehiyong ito ay ang mga sumusunod: Ilocos (Rehiyon 1), Lambak Cagayan (Rehiyon II), Gitnang Luzon (Rehiyon III), Timog Katagalugan (Rehiyon IV), Bicol (Rehiyon V), Kanlurang Bisayas (Rehiyon VI), Gitnang Bisayas (Rehiyon VII), Silangang Bisayas (Rehiyon XIII), Kanlurang Mindanao (Rehiyon IX), Hilagang Mindanao (Rehiyon X), Katimugang Mindanao (Rehiyon XI). Mula noong 1975, nagkaroon na ng mga pagdadagdag at paglilipatlipat ng mga lalawigan sa bawat rehiyon partikular na sa mga lalawigan ng Mindanao. Idinagdag ang rehiyon ng Gitnang Mindanao noong 19 Setyembre 2001 at tinatawag ngayong SOCCSKSARGEN. Noong 23 Enero 1976, binuo ang Rehiyon ng Kalakhang Maynila na kalaunang pinalitan naman ng pangalang National Capital Region o NCR. Hábang ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ay binuo bilang isang rehiyon noong 1 Agosto 1989. Binuo rin bilang isang bagong rehiyon ang Cordillera Administrative Region (CAR) noong 23 Oktubre 1989. Ang Rehiyong Caraga ay nabuo naman bilang ika-13 rehiyon ng bansa noong 23 Pebrero 1995. Samantalang ang rehiyon ng Timog Katagalugan ay hinati sa dalawang rehiyon, Rehiyon IV-A (CALABARZON) at Rehiyon IV-B (MIMAROPA), noong 17 Mayo 2002 sa bisa ng Executive Order No. 103. Ang Katimugang Mindanao ay tinatawag na ngayong Rehiyon ng Davao, hábang ang Hilagang Mindanao ay Zamboanga Peninsula. (AMP) (ed VSA)

rekádo

Kasabihan ang “husto sa rekádo” kapag kompleto sa anumang aksidenteng masadlak sa kapuluan ng Filipinas. Sinundan siyá ng iba pang pangangailangan ang isang usapan, pagdiriwang, o kahit talumpati ng manlalakbay na Espanyol hanggang maitatag ni Miguel Lopez de Legazpi panauhing pandangal. Nagmula ang hambingan sa putaheng kompleto sa ang kolonyang Espanyol na Maynila ang sentro. sangkap na pampalasa o rekádo (mula sa Espanyol na recado). Pangunahing rekádo mulang mga pulô ng Moluccas , na tinawag tuloy “Mga Sang-ayon sa kasaysayan, paghahanap ng rekádo ang isa sa mga motibo ng Isla ng Rekádo,” ang pinulbos na balát ng punòng kanéla (Cinnamomum paglalakbay sa Silangan ng mga kongkistador mulang Europa. Nahaling zeylanicum), pinatuyông bulaklak ng punông klábo (Syzygium aromaticum diumano ang mga Europeo sa mga pinatuyông sangkap mulang Asia na syn. Eugenia aromatica), butó ng laging-lungting nuéz moskáda o iniuwi ng mga krusero bukod sa mga biyaherong nakarating hanggang India nutmeg (Myristica fragrans), gayundin ang báwang, pamintá, at lúya. at Tsina. Hindi laging maaasahan ang mga karabana ng mga merkaderong Ang maganda, dinalá naman ng mga Espanyol ang kanilang lawrél at tumatawid ng disyerto’t mapanganib na lupain. Sa gayon, ginamit ng mga oréganó na paboritong sangkap sa kanilang adobo. Siyempre, doble-doble kongkistador ang umunlad na agham ng nabegasyon upang maghanap ng na ngayon ang mga sangkap na dahon at pulbos sa modernong kusinang bagong ruta. Naghahanap ng gayong ruta si Hernando Magallanes nang Filipino. (EGN) (ed VSA)

Repórma sa Lupà
Ang Repórma sa Lupà ay tumutukoy sa legal na pagbili ng pamahalaan sa malalawak na lupaing sakahan upang ipamahagi sa mga magsasaka. Isinasagawa ito sa tulong ng mga batas sa repormang agraryo. Nagsimula ang problema sa lupa noon pang panahon ng pananakop ng Espanyol nang ipatupad ang sistemang engkomiyénda (encomienda) noong 1570. Inangkin ng iilang pamilya, at maging ng mga fraile, ang malalawak na lupaing sakahan. Ang problemang ito ay hindi nalutas hanggang sa panahon ng Republikang Malolos. Sa panahon ng Amerikano, ipinatupad ang Philippine Bill of 1902 na nagtatakda ng ilang kondisyon sa pamamahagi ng publikong lupa. May ilang batas din higgil sa pagpapaupa ng lupa gaya ng Land Registration Act ng 1902 (Act No. 496), na nagsasaad ng tamang rehistrasyon ng mga titulo sa ilaim ng Torrens System; at Rice Share Tenancy Act ng 1993 (Act no. 4054) na nagsasaayos sa relasyon ng may-ari ng lupa at mga kasamá sa taniman ng tubó. Hindi natapos ang problema sa pagkakaroon ng batas. Sa panahong ito mahigit sa 400,000 magsasaka ang walang titulo dahil sa ginawa ng mga Espanyol at dahil sa kanilang ignoransiya sa batas. Nagresulta ito ng mas malaking gulo sa lupa. Sinikap itong harapin ng mga naging pangulo ng Filipinas. Sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal, naipasa noong 8 Agosto 1963 ang Agricultural Land Reform Code (R.A. No. 3844). Layon nitóng mabigyan ng sari-sariling lupa ang mga magsasaka ngunit hindi naipatupad.Sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, sa panahon ng Batas Militar, nagkaroon ng Presidential Decree No. 27 o Tenant’s Emanicipation Act noong 21 Oktubre 1972. Nagkaroon ng malawakang paglilipat ng mga lupa sa mga kasamá. Sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino, nagkaroon ng Comprehensive Agrarian Reform (CARP). Layon ng CARP na maipamahagi ang higit sa apat na milyong ektarya ng lupa sa loob ng sampung taon. Pero hindi pa rin ito naipatupad ng Department of Agrarian Reform noong 1989. Sa mga sumunod na pangulo, sina Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapaga-Arroyo, walang malinaw na batas o utos tungkol sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. (EGN) (ed VSA)

Repúblikáng Malólos
Ang Repúblikáng Malólos ay tumutukoy sa pamahalaan na lehitimong itinatag pagkaraang mapagtibay ng Kongreso ng Malolos ang Konstitusyon noong 29 Nobyembre 1898. Pinasinayaan ito sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan noong 23 Enero 1899. Nakaayon ang Republika ng Malolos sa republikanong sistema ng pamahalaan na may tatlong sangay—ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura—na may pantay-pantay na kapangyarihan. Si Hen. Emilio Aguinaldo ang hinirang ng Kongreso bilang Pangulo ng Republika, at naging mga Kalihim ng kaniyang gabinete sina Apolinario Mabini (Panlabas), Baldomero Aguinaldo (Digma) Teodoro Sandiko (Panloob), Gracio Gonzaga (Kawanggawa) at Mariano Trias (Pananalapi). Matapos manumpa sa loob ng simbahan, inihayag ni Aguinaldo na ang mga Filipino ay malaya na’t napapaloob sa ilalim ng batas at may bansa na kapantay ng ibang nasyon sa mundo. Ideneklara din niya ang pagpapatawad sa mga bilanggong Espanyol na hindi kasama sa regular na hukbo na kanilang nakatunggali at ang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga dayuhan na magnegosyo sa Filipinas. Maligayang sinalubong ng mga Filipino mula sa Luzon hanggang sa mga isla ng Bisayas ang pormal na pagtatatag ng nasabing Republika. Sa kasamaang-palad, ganap na sumiklab ang Digmaang Filipino-Amerikano noong 4 Pebrero 1898 na siyang naging umpisa ng tuluyang pagbagsak ng Unang Republika ng Filipinas. (MBL) (ed GSZ)

retáblo
Isang malaking eskultura ang retáblo na karaniwang nakapahiyas sa likod ng altar ng mga lumang simbahang Katoliko. Mistula itong malapad na dingding, karaniwang yari sa kahoy, nahahati sa mga nitso na kinalalagyan ng mga imaheng relihiyoso, o mga palamuting relyebe. May herarkiya sa pagpupuwesto ng lilok sa mga nitso. Depende ito sa kahalagahan ng bawat santo sa bayang kinatatayuan ng simbahan. Madalas na nása gitna at pinakataas na bahagi ang santong patron ng bayan. Karaniwan namang nása gilid at pinakamatataas na antas ng nitso ang mga santo ng ordeng panrelihiyon ng simbahan. Natatangi ang mga retáblong matatagpuan sa Filipinas. Tulad ng mga modelong retáblo sa Europa, malakas ang impluwensiya ng arkitekturang Baroko. Ngunit mahihiwatigan ang pag-iral ng katutubong talino sa naging mga disenyo at anyo ng pigura. Anupa’t isang pagsusuri ngayon ang naganap na pagsasanib ng Europeo at katutubo sa mga lumang retáblo. Magandang suriin sa ganitong paraan ang mga detalye ng Retablo Mayor de Iglesia de Santa Cruz sa Maribojoc, Bohol, at ikompara sa Retablo Mayor de Iglesia de Santa Catalina de Alejandria sa Tayum, Abra, at sa iba pang retáblo sa Filipinas. (RPB) (ed VSA)

Isabélo de los Réyes

(7 Hulyo 1864-10 Oktubre 1938) Si Isabélo de los Réyes ay isang peryodista, lider obrero, politiko, at kinikilalang “Ama ng Unyonismo sa Filipinas.” Dahil sa kaniyang mga isinulat at aktibismong pang-obrero, itinuturing din siyáng “Ama ng Sosyalismong Filipino.” Isa siyá sa mga nagtatag ng kauna-unahang malayang simbahang Filipino, ang Iglesia Filipina Independiente o Simbahang Aglipay. Isinilang siyá noong 7 Hulyo 1864 sa Vigan, Ilocos Sur kina Elias de los Reyes at ang kilaláng makatang Ilokana na si Leona Florentino. Matapos mag-aral sa seminaryo ng Vigan, pumasok siyá sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos ng batsilyer sa sining. Nagpakadalubhasa siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas sa batas sibil, batas penal, at mga wikang banyaga. Bilang peryodista, itinatag niyá ang pahayagang El Ilocano noong 1889 at inilathala noong 1894 ang El Municipio Filipino. Naging patnugot din siyá ng Lectura Popular noong 1890. Pinaghinalaan siyáng kasapi ng Katipunan at dinakip ng mga Espanyol noong Enero 1897. Pagkaraan ng dalawang buwan ay ipinatapon siyá at ikinulong sa bartolina ng Castillo de Montjuich sa Barcelona, Espanya. Dahil sa Kasunduang Biyak-na-Bato, nakalaya siyá noong 14 Disyembre 1897. Pagbalik niyá sa Filipinas noong 1 Hulyo 1901, naging aktibo siyá sa kilusan sa paggawa. Itinatag niyá ang Union Obrera Democratica, ang unang unyon ng mga manggagawa sa bansa, at nahalal na tagapangulo nitó. Noong 3 Agosto 1902, pinamunuan niyá sa tulong ni Pascual H. Poblete ang pagtatatag ng isang simbahang malaya mula sa Santo Papa at Simbahang Romano Katoliko, ang Iglesia Filipina Independiente. Hinirang niyá ang kapuwa Ilokanong si Gregorio Aglipay upang maging unang obispo nitó. Naging aktibo naman siyá sa politika at noong 1905 ay itinatag niyá ang Partido Republicano. Nahalal siyáng konsehal ng Maynila (1912-1919) at naging senador ng Ilocos (1922-1928). Nang magkasakit sa puso noong 1929, ipinasiya niyáng mamahinga na lámang at tumiwalag sa politika. Namatay siyá noong 10 Oktubre 1938. (PKJ) (ed VSA)

Severíno Réyes
(11 Pebrero 1861-15 Setyembre 1942) Si Severíno Réyes ay isang mandudula, direktor, at mangangatha. Kinikilala siyá bilang “Ama ng Sarsuwelang Tagalog.” Unang dula na isinulat ni Reyes ay ang R.I.P. (1902). Naging mapanuri ito sa komedya, ang anyong pandula na popular noon. Kasunod nitó, isinulat at idinirihe niyá ang Walang Sugat, isang naging bantog na sarsuwela. May naitalang 26 sarsuwela at 22 dramang naisulat si Reyes. Kabílang sa mga sarsuwelang ito ang Minda Mora (1904), Filipinas para los Filipino (1905), Ang Pagbibili ng Pilipinas sa Hapon (1906), Ang Bayani ng Puri (1922) at Ang Puso ng Isang Pilipina (1923). Ilan naman sa mga dramang naisulat niyá ang Sigalot ng mga Filipino at Americano 1898 (1910) at Ang Sigaw ng Balintawak (1911). Inorganisa rin niyá ang Gran Compania de la Zarzuela Tagala noong 1902 para itanghal ang kaniyang mga dula sa mga teatro ng Maynila at iba pang entablado sa mga kalapit na lalawigan. Nang nagbukas ang Liwayway noong 1923, si Reyes ang naging unang patnugot nitó at sinasabi na lumaki ang sirkulasyon ng magasin dahil sa kaniyang seryeng Mga Kuwento ni Lola Basiang. Mga kuwento ito ng kababalaghan at hango sa mga lumang alamat at metriko romanse na naging popular noong panahon ng Espanyol. Bukod sa ipinalibro noong 1975 at 1976, ginamit din ito na serye sa radyo. Isinilang siyá noong 11 Pebrero 1861 kina Rufino Reyes, isang eskultor, at Andrea Rivera. Napangasawa niyá si Maria Paz Puato at nagkaroon sila ng 17 anak. Una siyáng nag-aral kay Catalino Sanchez, at nagtapos ng sekundarya at ng batsilyer sa sining sa Colegio de San Juan de Letran, at pilosopiya at literatura sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nang sumiklab ang digmaan noong 1896, inaresto siyá ng mga Espanyol at ikinulong sa Fort Santiago. Ngunit nakalaya rin siyá dahil sa husay niyáng mag-Espanyol. (GSZ)

Francisca Reyes-Aquino
(7 Marso 1899-21 Disyembre 1983) Si Francisca Reyes-Aquino (Fran·sís·ka Ré·yes A·kí·no) ang pinakaunang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw nang igawad sa kaniya ang karangalang ito noong 1973. Kilala rin siyá bilang Francisca ReyesTolentino at Kikay. Kinilala ang kaniyang natatanging pagpapahalaga sa katutubong sayaw na Filipino. Isang lakbay-saliksik na sinuportahan ng Unibersidad ng Pilipinas ang nagbunga ng pagkakatuklas niyá ng tinikling mula sa Leyte. Sa pamamagitan din ng lakbay-saliksik na ito natipon ang 38 katutubong sayaw at 33 awit na mula sa Mindanao at Mountain Province. Sinundan ito ng marami pang mabungang pananaliksik na nakapagtala ng 33 karagdagang sayaw at awit. Inilathala niyá ang mga ito sa iba’t ibang pag-aaral at naging inspirasyon ng mga guro at mananayaw. Naging susi rin siyá sa pagkakatatag ng mga grupong may kinalaman sa katutubong sayaw—ang U.P. Folk Song-Dance Troupe (1937); Filipiniana Dance Troupe (1945); at Philippine Folk Dance Society (1949). Sa loob ng mahigit 45 taon, umani siyá ng mga karangalan gaya ng Honorary Doctorate sa Boston (1954), Republic of the Philippines Award of Merit; Honorary Doctorate mula Far Eastern University (1959); UNESCO Cultural Award (1959); Rizal Pro-Patria Award (1961); at pagkilala mula sa UP Department of Physical Education. Ipinanganak siyá noong 7 Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan kina Felipe Reyes at Juliana Santos. Ikinasal siyá kay Ramon Tolentino Jr., Katuwang na Direktor ng UP Department of Physical Education, noong 1934 at biniyayaan ng isang anak na babae na si Celia. Labindalawang taon matapos pumanaw si Ramon, muli siyáng nag-asawa at ikinasal kay Serafin Aquino, ang naging Kalihim-Ingat Yaman ng Philippine Amateur Athletic Federation, noong 1947. Nagtapos siyá ng B.S.E. noong 1924 sa UP. Natapos din niyá ang digring master sa nasabing unibersidad noong 1926. Ang kaniyang tesis ay isang koleksiyon na pinamagatang Philippine Folk Dances and Games na inayos para sa mga guro sa P.E. sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Itinanghal ito bilang mahalagang kontribusyon sa larangan ng Physical Education at mapagkukunan ng impormasyon para sa isang larangang di-gaanong napahahalagahan sa bansa. Namatay siyá noong 21 Disyembre 1983. (RVR) (ed GSZ)

Lucresia Faustino Reyes-Urtula
(29 Hunyo 1929-4 Agosto 1999) Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 1988 si Lucresia Faustino Reyes-Urtula (Luk·rá·sya Faw·stí·no Ré·yesUr·tu·lá). Kinikilala siyáng koreograpo at direktor sa teatro at telebisyon. Siyá rin ang tagapagtatag ng The Bayanihan Dance Company of the Philippines. Ang Singkil ang pinakilalang obra sa koreograpiya ni Urtula. Sa kaniyang mga obra na ibinatay niyá sa malawakang pananaliksik, nilinang at dinalisay ni Urtula ang mga sayaw na hango sa kultura ng iba’t ibang katutubong tribu sa bansa upang umangkop sa kontemporaneong manonood ng teatro. Itinatag ang Bayanihan Folk Arts Center at ang sangay nitóng Bayanihan Philippine Dance Company mula sa Filipiniana Folk Arts Group ng Philippine Women’s University noong 1957. Mabilis na nakilala ang bagong tatag na grupo noong 1958 Brussels World Exposition. Ang repertoire ng Bayanihan ay pangunahing binubuo ng mga kuwentong isinasalaysay sa pamamagitan ng mga sayaw. Bukod sa Singkil, itinatangi rin ang kaniyang pagbuo sa Indarapatra; Pagdiwata, Tagubil, Tadok, Salidsid, Diw-diwan, Ug-gayam, at Sound of Wings na mula sa pinagsáma-sámang mga kuwentong-ibon sa Filipinas. Umani ng papuri at pagkilala ang kaniyang mga obra at nagsilbing inspirasyon ang mga ito sa maraming indibidwal upang magbuo rin ng kani-kaniyang grupong pansayaw. Sumunod sa mga yapak niyá sina Amelia Hernandez na bumuo ng Ballet Folklorico de Mexico at Alvin Ailey na nagtatag ng American Dance Theater. Ipinanganak siyá noong 29 Hunyo 1929 sa Iloilo kina Koronel Leon S. Reyes, ng Philippine Constabulary na kalaunan ay naging Brigadier General at Antonia Faustino, isang nars. Napangasawa niyá si Dalmacio Urtula, isang negosyante. Nagtapos siyá ng kursong Edukasyon major in Physical Education sa Philippine Women’s University. Dito ay nagturo si Urtula at dito rin niyá sinimulan ang kaniyang karera sa katutubong sayaw na umabot sa mahigit na tatlong dekada. Namatay siyá noong 4 Agosto 1999. (RVR) (ed GSZ)

Jose Rizal

(19 Hunyo 1861-30 Disyembre 1896) Pambansang bayani at itinuturing na pinakadakilang Filipino si Jose Rizal (Ho·se Ri·zál). Sa buong buhay niyá, sinikap niyáng maging huwaran ng mga kababayan. Ginawa niyá ang pinakamagalíng na maaari niyáng gawin sa iba’t ibang larangan ng Filipinolohiya, sining, agham, at teknolohiya. Kakikitahan ng pinakamataas na antas ng kasiningan ang kaniyang mga tula, nobela, dula, sanaysay, pintura at eskultura. Isang doktor, dinayo ng mga pasyente mula sa iba’t ibang bansa ang kaniyang mga klinika sa Hong Kong at sa Dapitan, Zamboanga del Norte. Ipinamalas niyá sa Dapitan ang pagiging arkitekto, inhenyero, magsasaka, at imbentor. Mahusay siyáng atleta lalo na sa eskrima. Nag-aral siyáng magsalitâ at magsulat sa iba’t ibang wika. Isinilang si Jose Rizal noong 19 Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Pampitó siyá sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Dahil pinaghihinalaang filibustero ang Mercado, ginamit niyá ang apelyidong Rizal nang mag-aral siyá sa Maynila. Batà pa’y kinakitahan na siyá ng katalinuhan. Sa Ateneo Municipal sa Maynila, tumanggap siyá ng mga medalya ng karangalan sa pag-aaral at pagsusulat. Pinakamataas na marka ang natanggap niyá nang magtapos noong 1876 ng batsilyer sa sining (katumbas ng mataas na paaralan). Kumuha siyá ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas hábang nag-aaral ng pagiging agrimensor sa Ateneo. Huminto siyá sa mga kursong ito nang sa gulang na 21 ay lihim siyáng magpunta sa Europa.Tinapos niyá ang medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa Espanya noong 1885. Itinuring siyáng gabay ng Kilusang Propaganda at aktibong nagsulat sa diyaryong La Solidaridad. Noong 1889, ipinalathala niyáng muli nang may anotasyon sa London, England ang bihira nang matagpuang librong Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Antonio de Morga na unang nalathala sa Mexico noong 1609. Bago iyon, nalathala na ang kaniyang nobelang Noli me tangere (1887) sa Berlin, Germany. Sinundan ito ng nobelang El filibusterismo (1891) na ipinalimbag sa Gent, Belgium. Isiniwalat ng kaniyang mga nobela ang kabulukan ng pamamahalang Espanyol sa Filipinas at ang mga kahinaan ng simbahang Katoliko hábang naglalatag ng mga kaisipang pampolitika ukol sa pagpapalakas ng diwang makabayan. Pagbalik sa Filipinas noong 1892, dinakip siyá at ipinatapon sa Dapitan. Upang matapos ang destiyero, nagboluntaryo siyáng maglingkod bilang manggagamot sa Cuba noong 1896, taón ng pagsiklab ng Himagsikang

Filipino. Muli siyáng dinakip sa kalagitnaan ng paglalakbay, kinasuhan ng panghihikayat ng rebelyon, at binitay noong umaga ng 30 Disyembre 1896. Ang kamatayan ni Jose Rizal ay lalong nagsilbing liwanag sa mga kababayan na ipagpatuloy ang rebolusyon tungo sa pambansang kasarinlan at pagbubuo ng nasyon. (MIM) (ed VSA)

Paciano Rizal
(9 Marso 1851-13 Abril 1930) Heneral ng rebolusyonaryong hukbong Filipino at kuya ni Jose Rizal si Paciano Rizal (Pas·yá·no Ri·zál). Isinilang siyá noong 9 Marso 1851 sa Calamba, Laguna at panganay sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Sa Colegio de San Jose sa Maynila, naging guro niyá si Jose A. Burgos, paring Filipino na aktibo sa sekularisasyon ng simbahang Katoliko sa Filipinas. Napalapit siyá sa pari at nagsilbing mensahero nitó. Tinuligsa ni Paciano ang pagbitay sa Gomburza. Bunga nitó, hindi siyá pinayagang kumuha ng eksamen sa paaralan. Dahil sa nangyari, nagpalit siyá at si Jose ng apelyido mulang “Mercado” tungong “Rizal.” Huminto siyá sa pag-aaral at bumalik sa Laguna. Tinulungan niyá ang matanda nang ama na pamahalaan ang ari-arian ng pamilya. Naging mahusay siyáng agrikultor at negosyante. Siyá halos ang naging pangalawang ama ng kanyang mga kapatid. Alang-alang sa Kilusang Propaganda, nangalap siyá ng suskrisyon sa Laguna at Batangas para sa Diariong Tagalog na pinamamatnugutan ni Marcelo H. del Pilar. Siyá ang umamuki kay Rizal para mag-aral sa Espanya noong 1882 at patuloy na tagapagbalita hinggil sa nangyayari sa Filipinas. Isa na dito ang tungkol sa kaso ng asyenda ng mga Dominiko sa Calamba. Inangkin ng mga prayle ang lupaing matagal nang sinasaka ng mga taga-Calamba. Nang tumanggi siláng magbayad ng buwis, ipinatapon silá sa Mindoro. Isang taon doon si Paciano. Siyá ang unang nagsalin ng Noli me tangere, bagaman nawawala ang manuskrito ng kaniyang salin. Nang dakpin si Rizal noong 1896, ibinilanggo din si Paciano. Tatlong araw siyáng pinahirapan upang idawit ang kapatid sa Katipunan. Hindi siyá umamin. Siyá mismo’y naging heneral ng Himagsikan pagkatapos bitayin si Rizal. Napasuko niyá ang mga Espanyol sa Sta. Cruz, Laguna. Sumunod siyá sa tigil-putukan nang lagdaan ang Kasunduang Biyak-naBato noong 1897. Nang muling sumiklab ang digmaan makaraan ang ilang buwan, ipinagpatuloy niyá ang laban sa larangan ng Laguna. Limampu’t anim na ang edad niyá noon. Nagkasakit siyá ng malarya at nadakip ng mga bagong kalabang Amerikano noong 1900. Nanatili siyá sa kaniyang bukirin sa Los Baños, Laguna hanggang sa mamatay noong 13 Abril 1930 sa gulang na 79. (MIM) (ed VSA)

Alejandro R. Roces
(13 Hulyo 1924-23 Mayo 2011) Si Alejandro R. Roces (A·le·hán·dro Ar Ró·ses) ay isang manunulat ng maikling kuwento at sanaysay, peryodista, at opisyal ng gobyerno. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003. Ang kaniyang maikling kuwento na “We Filipinos are Mild Drinkers” ay nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng maikling kuwento ng University of Arizona. Isa siyáng manunulat na komiko at kinilala siyáng ganito dahil sa kaniyang mga akda sa Of Cocks and Kites (1959) at Something to Crow About (2005). Nilaman naman ng kaniyang Fiesta (1980) ang mga pistang Filipino. Nagsimulang lumabas noong dekada 1950 ang kaniyang pitak sa peryodiko na tinawag niyáng “Roses and Thorns” sa pahayagang Daily Mirror at nagpatuloy sa Manila Times at sa Philippine Star. Naging Kalihim ng Edukasyon siyá sa ilalim ng administrasyon ng Pangulo Diosdado Macapagal, pangulo ng Manila Bulletin, at tagapangulo ng Lupon sa Review at Klasipikasyon ng Pelikula at Telebisyon. Nagkamit siyá ng Tanging Parangal ng Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas Para sa Sining (1990); Gawad Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila (1970) at Gawad Diwa ng Lahi (1988); Gawad Rizal Pro Patria. Siya ay isinilang noong 13 Hulyo 1924 kina Rafael Roces and Inocencia Reyes. Siyam siláng lalaking magkakapatid, at siyá ang ikanim. Nanirahan sila sa Sta Cruz, Maynila sa panulukan ng Oroquieta at Zurbaran. Si Irene Viola ang kaniyang napangasawa, apo ni Maximo Viola na naglimbag ng nobelang Noli \me tangere sa Alemanya. Silá’y nagkaroon ng isang anak na si Elizabeth. Nagtapos siyá ng elementarya at hay-iskul sa Ateneo de Manila University, ng Batsilyer sa Sining sa Literatura sa State University of Arizona, at ng master sa Far Eastern University na pinaglingkuran niyá bilang propesor at dekano ng Instituto ng Sining at Letra. (RVR) (ed GSZ)

Eddie Sinco Romero

(7 Hulyo 1924—) Si Eddie Sinco Romero (É·di Síng·ko Ro·mé·ro) ay direktor ng pelikula, manunulat ng iskrip, at prodyuser. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula noong 2003. Akdang Eddie Romero na itinuturing na klasiko ang trilohiya hinggil sa pagkatao ng Filipino: Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon? (1976), Aguila (1981) at Kamakalawa (1981). Ang pelikulang Ganito Kami... ay pagsasalaysay sa pagkakatuklas ng isang batáng probinsiyano sa identidad ng Filipino gamit ang kaniyang karanasan sa paglalakbay mula sa kanayunan patungong Maynila. Kasaysayan ng bansa mula Republikang 1898 hanggang sa pagtatapos ng rehimeng Marcos ang Aguila. Samantala, ang Kamakalawa ay satira sa prehistorikong lipunan ng bansa. Noong 1992 itinanghal ang isang seryeng pantelebisyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas na idinirihe at isinulat ni Romero, ang 13-episodyong Noli me tangere. Nagsimula siyá sa pelikula bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit naging ganap na direktor lámang pagkaraan ng digma. Ang Kamay ng Dios ng Sampaguita ang una niyáng idinirihe. Ang Buhay Alamang (1952) naman ang unang iprinodyus ni Romero sa pamamagitan ng Eddie Romero Productions. Nagdirihe din siyá ng mga pelikula para sa ibang bansa gaya ng The Day of the Trumpet (1957); The Scavengers (1958); Man on the Run (1959); The Raiders Of Leyte Gulf (1963); The Beast Of The Yellow Night (1971); Beyond Atlantis (1973); at A Case Of Honor (1988). Ginawaran siyá ng Papal Award bilang Direktor ng Pelikula ng Dekada 1971-1980 sa Catholic Mass Media awards (CMMA), at ng limang FAMAS, katayuang Hall of Fame, para sa mga isrip ng Buhay Alamang, Aguila, Passionate Strangers, Durugin si Totoy Bato, at Ang Padrino. Ipinanganak si Eddie Romero noong 7 Hulyo 1924 at supling nina Pilar Sinco na isang guro at Jose E. Romero na dating Kongresista, kalihim ng Edukasyon, at embahador sa London. Si Carolina Gonzales ang kaniyang napangasawa at biniyayaan silá ng tatlong anak. Nakapag-aral siyá sa Mababang Paaralan ng Dumaguete, Ateneo de Manila, Unibersidad ng Pilipinas High School, at sa Unibersidad ng Silliman sa Dumaguete. May Batsilyer ng Sining siyá sa Unibersidad ng Pilipinas, Associate in Arts (prelaw) mula sa Silliman University, at doktorado sa Humane Letters mula sa Foundation University ng Lungsod Dumaguete. (RVR) (ed GSZ)

Norberto Romualdez Sr.
(6 Hunyo 1875-4 Nobyembre 1941) Si Norberto Romualdez Sr. (Nor·bér·to Rom·wál·dez) ay isang abogado, mambabatas, hukom, at naging Mahistrado ng Korte Suprema. Subalit higit siyáng kinikilala ngayon dahil sa mga nagawa niyá sa pagtataguyod ng isang wikang pambansa. Ipinanganak siyá noong 6 Hunyo 1875 sa Burawen, Leyte. Isa siyá sa mga unang nagtaguyod ng isang wikang mauunawaan sa buong bansa. Noong 1935, at bilang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal, nangampaniya siyá para sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa batay sa isang katutubong wika. Pagkaraan ng kumbensiyon at mahalal siyá sa Pambansang Asamblea, siyá ang bumuo ng batas para sa pagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa. Isa rin siyáng mananaliksik pangkultura at may-akda ng Bisayan Grammar (1908); Tagbanwa Dialect (1914); Philippine Orthography (1921); La Literatura y Artes Filipinos (1923). Marami din siyáng saliksik sa katutubong musika tulad ng Filipino Musical Instruments and Airs of Long Ago (1931). Lider din siyá ng kapisanan ng mga manunulat at nagmamahal sa wikang Waray, kasáma si Jaime C. de Veyra na naging unang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa. Ikinasal siyá kay Mariquita Marquez noong 9 Setyembre 1899 at naging anak sina Amparo, Milagros, Carmen, Loreto, Jose, Norberto Jr., at Francisco. Bukod sa politiko, naglingkod din siyáng hukom (1913-1919), propesor ng batas (1919-1920), at mahistrado sa Korte Suprema (19211932). Naglingkod naman siyáng kinatawan ng Leyte hanggang noong 1938 at kandidato sa pagkasenador ng Partido Nacionalista nang bawian siyá ng buhay noong 4 Nobyembre 1941. (GSZ)

Carlos P. Romulo

(14 Enero 1898-15 Disyembre 1985) Isang manunulat, peryodista, propesor, sundalo, embahador, at burukrata si Carlos P. Romulo (Kárlos Pi Ró·mu·lo). Ginawaran siyá ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1982. Sa mahabàng karera ni Romulo bilang opisyal ng gobyerno ay kabílang ang kalihim ng Public Information and Public Relations sa gabinete ni Pangulong Manuel L. Quezon, Washington DC (1943-1944); residenteng komisyoner ng Filipinas sa Estados Unidos (1944-1946); pinunò ng Philippine Mission sa Estados Unidos (1945-1954); kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, gabinete ni Pangulong Elpidio Quirino (19501952); embahador ng Filipinas sa Estados Unidos, (1952-1953, 19551962); kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (1962-1968); ministro ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas; at kasapi ng Batasang Pambansa. Naging kinatawan din siyá sa pagbubuo ng United Nations (UN) at naging Asyanong pangulo ng Pangkalahatang Asamblea nitó noong 1949. Apat na ulit siyáng naglilingkod na pangulo ng UN Security Council, makalawa noong 1957, sumunod noong 1980 at noong1981. Isa rin siyáng peryodista at nagkamit ng Premyong Pulitzer ng mga Amerikano. Sumulat siyá ng umaabot sa 18 mga aklat, kabílang ang nobelang The United; ang awtobiyograpiyang I Walked with Heroes; ang alaala niyá sa digmaan sa I Saw the Fall of the Philippines, Mother America, at I See the Philippines Rise. Ginawaran siyá ng Hukbo ng Estados Unidos ng Purple Heart at Silver Star para sa kaniyang serbisyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagkamit din siyá ng Republic Cultural Heritage Award (1965) at Rizal Pro Patria Award (1971). Isinilang siyá noong 14 Enero 1899 sa Camiling, Tarlac kina dating gobernador Gregorio Romulo at Maria Peña. Ikinasal siyá nang dalawang ulit, una kay Virginia Llamas, at ikalawa kay Beth Day. Nag-aral siyá sa Manila High School at nakuha niyá ang kaniyang Batsilyer sa Sining sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1918 at ang kaniyang Master of Arts sa Columbia University noong 1921. Namatay siyá noong 15 Disyembre 1985. (RVR) (ed GSZ)

rondálya
Ang rondálya (ron∙dál∙ya) ay isang grupong pangmusika na binubuo ng mula walo (maliit na comparza) hanggang 30 o mas maraming instrumento. Ipinakilala ito noong panahon ng Espanyol at nahahalintulad ito sa mga grupong pangmusika sa Espanya at Mehiko—estudiantina at murza. Ang tipikal na rondalya ay binubuo ng piccolo bandurya (maliit), bandurya, laud, octavina, gitara, at bajo de uñas. Nahahati sa dalawang uri ang mga instrumento ng rodalya—may kuwerdas at perkusyon. Ang mga instrumentong may kuwerdas ay ang bandurya, laud, octavina, gitara (may anim na kuwerdas), at báho (sa kasalukuyan ay may gumagamit ng de-koryente na bajong gitara sa halip na doble báho o double bass ng kanluraning orkestra). Ang perkusyon ay binubuo ng tambol (dalawang uri—báho at snare), pompiyang, marimba, tamburin, kastanetas, batingting na triyanggulo, at tom-tom. Ang rondalya ay karaniwang tumutugtog sa mga pagtitipon, pista, at pagdiriwang ng kaarawan sa ilang probinsiya. Sa ngayon, dahil sa pagsusumikap ng National Music Competitions for Young Artists o NAMCYA ay napapanatiling buháy at may mataas na kalidad ang pagtugtog ng rondalya sa kapuluan, lalo na sa mga publikong paaralan. Ang pandaigdigang pista para sa mga instrumentong may kuwerdas na pinamumunuan ng Sentro ng Etnomusikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ay nakatulong sa pag-aangat ng kalidad at kamalayan ukol sa katutubong grupong pangmusikang ito. (RCN) (ed GSZ)

Fabian de la Rosa

(5 Mayo 1869-14 Disyembre 1937) Mahusay na pintor si Fabian de la Rosa (Fab·yán de la Ró·sa) at unang direktor na Filipino ng UP School of Fine Arts (1927-1928). Nakalikha siyá ng mahigit sa 1,000 obra sa buong buhay niyá bilang pintor. Kabílang sa mga kilaláng obra niyá ang Transplanting Rice, Marikina Road, at Fishermen’s Hut. Isinilang siyá sa Paco, Maynila noong 5 Mayo 1869 at ikalawang anak nina Marcos de la Rosa at Gregoria Cueto. Una niyáng guro sa sining sa gulang na 10 taon ang kaniyang tiya na si Mariana de la Rosa. Nagaral siyá sa Escuela de Bellas Artes y Dibujo at nagtungo sa Europa para doon magpakadalubhasa. Nakapagtanghal siyá ng mga obra sa Ateneo de Madrid. Napangasawa niyá si Gorgonia Tolentino ngunit hindi nagkaanak. Namatay siyá sa sakít sa atay noong 14 Disyembre 1937 sa Quiapo, Maynila. Ginawaran si de la Rosa ng Lungsod Maynila ng gawad na Patnubay ng Sining at Kalinangan noong 1968. Sang-ayon sa kritikong si Aurelio S. Alvero, may tatlong yugto ang pagunlad ng sining ni de la Rosa: pang-akademya, pagtuon sa atmospera, at pagtuon sa kulay. Kasáma sa unang yugto ang Transplanting Rice na nagwagi ng unang gantimpala at The Death of General Lawton na nagwagi ng gantimpalang bronse sa International Exposition of St. Louis (1904) sa Missouri. Kasáma sa ikalawang yugto ang mga obrang El kundiman, 1930 at Marikina Road. Kasáma naman sa ikatlong yugto ang Fishermen’s Hut na pumapaksa sa tanawin ng Isla Balut, Tundo. Ilan pa sa mga obra niyá ang Landscape With Dark Trees, 1927; La pintura, 1926; La bordadora, ca 1926; at View of Sta. Ana. (RPB) (ed VSA)

Deogracias Rosario
(17 Oktubre 1894-26 Nobyembre 1936) Si Deogracias Rosario (Dé·yo·grá·syas Ro·sár·yo) ay isang mangangatha, mamamahayag, at makata. Kinikilala siyá bilang “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog.” Unang naging aktibo si Rosario sa larangan ng pamamahayag. Naging bahagi siyá ng pahayagang Ang Demokrasya noong 1912 at ng satirikong magasing Buntot Pagi noong 1914. Noong 1917, naging reporter siyá ng Taliba at pagkaraa’y naging katuwang na editor nitó. Sumulat din siyá sa Pagkakaisa ng Bayan at ng Photo-News (ngayo’y Liwayway). Pinamunuan din niyá ang iba’t ibang samahang pampanitikan at pangwika. Isa siyá sa itinuturing na cuarteto ng Ilaw at Panitik, at naging pangulo pa nitó, gayundin ng Kalipunan ng mga Kuwentista, at Kalipunan ng mga Dalubhasa ng Akademya ng Wikang Tagalog. Ngunit mas nakilala si Rosario sa mga naging ambag niyá sa larangan ng maikling kuwento. Itinuturing na unang maikling kuwento sa Tagalog ang kaniyang akdang “Kung Ipaghiganti ang Puso” na inilathala sa Liwayway noong 21 Marso 1924. Ilan pa sa mga kinikilalang mahuhusay niyáng kuwento ang “Aloha” (1932), “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (1932) at “Greta Garbo.” Ang mga kuwento niyá ay napabilang na sa mga antolohiya ng pinakamahuhusay na akda. Nakapagsulat si Rosario ng mahigit sa 80 maikling kuwento, dalawang maikling nobela, dalawang de-seryeng nobela, at maraming personal na sanaysay, artikulo, at tula na inilathala sa Photo-News. Nagkaroon din si Rosario ng kolum sa Taliba—ang “Mga Sulyap na Pang-Sabado ni D.A.R.” na nagtampok ng mga rebyu ng aklat at mga ulat tungkol sa mga pangyayari sa larangan ng panitikan. Ipinanganak siyá noong 17 Oktubre 1894 sa Tundo, Maynila sa isang mahirap na pamilya. Nag-aral siyá sa Manila High School (ngayo’y Araullo). Nagsimula siyáng magsulat sa napakabatà ng edad na 13. Namatay siyá noong 26 Nobyembre 1936. (GSZ)

Casimiro V. del Rosario
(13 Hunyo 1896-15 Setyembre 1982) Si Casimiro V. del Rosario (Ka·si·mí·ro Vi del Ro·sár·yo) ang itinuturing na “Dekano ng Pisika sa Filipinas.” Kilalá ang kaniyang kadalubhasaan sa larangan ng pisika, meteorolohiya, at astronomiya hindi lámang sa Filipinas kundi sa iba’t ibang panig ng daigdig. Isa rin siyá sa mga pilìng siyentista ng daigdig na unang nagpakadalubhasa sa pisikang nuklear. Malaki rin ang naitulong ni del Rosario sa pagpapaunlad at modernisasyon ng Phillipine Weather Bureau. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Mayo 1982. Nása Estados Unidos pa ay marami na sa kaniyang siyentipikong ulat at pananaliksik ang nalathala sa mga internasyonal na jornal at kinilála ng mga pangunahing institusyon sa agham at pisika. Sinulat niyá ang sumusunod: “Velocity Distribution Among Thermionic Electrons” (1927), “High Voltage Electrical Discharge in Very High Vacuums” (1928), “Emission of Electrons Under Intense Electric Fields” (1929), “Effect of Radioactive Radiation on Euglena” (1929), at “Wavelengths of Very Soft X-Rays from Heavy Elements” (1932). Bagaman maraming oportunidad sa Estados Unidos, pinilì niyáng magbalik-bayan upang maglingkod. Bumalik siyá sa bansa noong 1933 at nagpatuloy ng pagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging punòng administrador siyá ng Philippine Weather Bureau nang sakupin ng bansang Hapon ang Filipinas. Nagsilbi siyá ng palihim sa kilusang gerilya upang labanan ang mga mananakop. Pinamunuan niyá ang pagtatatag ng Guerilla Weather Station sa Bulacan at nagdisenyo siyá ng mga teleskopyong maaaring gamitin ng mga gerilya sa gawaing paniniktik at depensa. Pagkatapos ng digmaan, nawasak ang pasilidad ng Philippine Weather Bureau at nasúnog ang mahahalagang talâ, ulat, at dokumento. Sa loob lámang ng ilang taon ay matagumpay niyáng napamunuan ang muling pagtatatag ng Weather Bureau at pagsasanay ng mga bagong kawani. Isinilang si del Rosario noong 13 Hunyo 1896 sa isla ng Bantayan, Cebu at anak nina Pantaleon del Rosario at Venita Villacin. Nag-aral siyá sa UP at nakatapos ng Batsilyer sa Arte at Inhenyeriya. Nagpatuloy siyá ng pagaaral sa Yale University hanggang matapos niyá ang masterado sa Pisika. Nakuha niyá ang doktorado sa Pisika sa University of Pennsylvania. Nagretiro siyá at yumao noong15 Setyembre 1982. (SMP) (ed VSA)

Arturo V. Rotor
(7 Hunyo 1907-9 Abril 1988) Isa sa pangunahing kuwentista sa Ingles si Arturo Rotor (Ar∙tú∙ro Ro∙tór). Ngunit isa rin siyáng doktor, siyentista, at musikero. Kilala siyáng espesyalista ng mga allergy at isa sa mga nakatuklas sa isang sakít sa atay na pinangalanang Rotor Syndrome, kayâ siyá ang nag-iisang Filipinong nababanggit sa mga aklat pangmedisina. Hábang nagbabakasyon naman sa kabundukan ng Caraballo, nadeskubre ni Rotor ang isang species ng orkidya na ipinangalan sa kanya, ang vanda merrillii, var. Rotorii. Isinilang si Rotor sa Sampaloc, Maynila noong 7 Hunyo 1907 at anak ng mag-asawang guro. Hábang nása ikaapat na taon sa sekundarya, sa gulang na 18, nailimbag ni Rotor ang kaniyang unang maikling kuwento na “The Great Leveller” at nagwagi ng ikatlong gantimpala sa isang paligsahan ng pagsulat ng maikling kuwento. Halos pinagsabay-sabay ni Rotor ang pag-aaral niyá ng medisina sa UP School of Medicine at musika sa UP Conservatory of Music, pag-aaral ng pagsulat ng maikling kuwento sa ilalim ni Paz Marquez-Benitez, pagtuturo ng piyano, pagiging miyembro ng UP Writers’ Club, at pagiging patnugot ng magasing Herald. Nakilála si Rotor sa mga maikling kuwentong naisulat mula 1934 hanggang 1937. Itinuturing siyáng isa sa pinakamahusay na manunulat sa wikang Ingles sa panahon ng Commonwealth at mahusay na modelo sa paggamit ng teknik na the fifth act sa pagkukuwento. Naging koleksiyong The Wound and the Scar (1937) ang mga kuwento niyá. Inilathala din niyá ang The Men Who Play God (1983) at Confidentially, Doctor (1965). Ipinagpatuloy ni Rotor ang espesyalisasyon sa medisina sa Hopkins Memorial Hospital, USA. Nagturo siyá sa UP College of Medicine at naging direktor ng Postgraduate School of Medicine sa Philippine General Hospital hanggang sa kaniyang pagreretiro noong 1961. Naglingkod din siyá bilang kalihim tagapagpaganap kay Pangulong Manuel Quezon at naging bahagi ng puwersa ni Heneral Douglas MacArthur na dumaong sa Leyte noong 1944. Naglingkod siyá sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa Leyte at Samar. Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong 1966, ginawaran si Rotor ng Republic Cultural Heritage Award for Literature in English. (JGP) (ed VSA)

Manuel A. Roxas

(1 Enero 1892-15 Abril 1948) Si Manuel A. Roxas (Man·wél Ey Ró·has) ang maituturing na hulíng pangulo ng Komonwelt dahil nagwagi siyá sa halalan ng 23 Abril 1946 at unang pangulo ng kasalukuyang Republika ng Filipinas pagkatapos igawad ng Estados Unidos ang kasarinlan sa Filipinas noong 4 Hulyo 1946. Gayunman, maikli ang kaniyang panunungkulan dahil noong 15 Abril 1948 ay namatay siyá sa atake sa puso pagkatapos magtalumpati sa Clark Field, Pampanga. Ngunit tinapos din ng kamatayan ang isang makulay at walang-humpay na pag-akyat sa tagumpay ng isang lider politiko. Isinilang si Roxas sa Capiz (Lungsod Roxas ngayon), Capiz noong 1 Enero 1892 kina Gerardo Roxas at Rosario Acuña. Nag-aral siyá ng batas sa Unibersidad ng Pilipinas at nanguna sa pagsusulit sa bar noong 1913. Pinakasalan niyá si Trinidad de Leon ng San Miguel, Bulacan. Isa sa dalawang anak nilá, si Gerardo Roxas, ang magiging bantog ding politikong pambansa. Kumandidato siyáng gobernador ng Capiz at pagkaraan, noong 1922 kinatawan sa Asamblea. Napansin siyá ni Quezon at tinangkilik. Naging ispiker siyá ng Mababàng Kapulungan noong 1922-1923. Pagkatapos, naging aktibo siyá sa mga delegasyon patungong Estados Unidos upang maglakad ng kasarinlan. Kumandidatong delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal si Roxas at nanalo. Sa halalang 15 Nobyembre 1935 para sa Komonwelt muling nagkaisa sina Quezon at Osmeña at nagwaging pangulo at pangalawangpangulo. Hinirang ni Quezon si Roxas na kalihim sa pananalapi at direktor sa National Economic Council. Naiwan siyá sa Filipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at lumahok sa mga labanan sa Corregidor, Bataan, at Mindanao. Muntik na siyáng mapatay nang madakip sa Mindanao. Napilitan siyáng makiisa sa mga Hapones ngunit patuloy na kumilos sa pangkating gerilya. Sa halalan noong 23 Abril 1946, tinálo ni Roxas si Osmeña sa pagkapangulo. Bahagi ng mga naisagawa niyá bago namatay ang reparasyon o bayad-pinsala sa mga sinalanta ng digma at ang karapatang parity. Naipatayô din niyá ang Rehabilitation Finance Corporation na naging Development Bank of the Philippines (DBP) gayundin ang Central Bank of the Philippines na Bangko Sentral ng Pilipinas ngayon. (VSA)

San Lorenzo Ruiz

(sirka 1600-29 Setyembre 1637) Tinatawag ding San Laurentius Ruiz de Manila o San Lorenzo Ruiz de Manila, siyá ang unang Filipino na martir at sinasambang santo sa Simbahang Katoliko Romano. Ang simbahan sa Binondo ang kaniyang pangunahing dambana. Nagkaroon siyá ng beatipikasyon sa Maynila noong 18 Pebrero 1981 at ng kanonisasyon sa Roma noong 18 Oktubre 1987, kapuwa sa pangunguna ng Papa John Paul II. Siyá ang kaunaunahang beatiko sa labas ng Roma, dahil isinagawa ito ng Papa John Paul II nang dumalaw sa Filipinas. Ipinanganak si Lorenzo Ruiz (Lo·rén·zo Ru·wíz) sa Binondo, Maynila at anak ng isang mag-asawang Tsino at Tagala. Naglingkod siyáng sakristan sa kumbento, tinuruan ng mga Dominiko, at naging miyembro ng Cofradia del Santisisimo Rosario. Ikinasal siyá kay Rosario, isang Tagala, at nagkaroon ng tatlong anak. Noong 1636, napagbintangan siyáng pumatay sa isang Espanyol at napilitang tumakas sakay ng isang barko, kasáma ang tatlong paring Dominiko, sina San Antonio Gonzalez, San Guillermo Courtet, at San Miguel de Aozaraza, isang paring Hapones na si San Vicente Shiwozuka de la Cruz, at isang Hapones na si San Lazaro ng Kyoto. Panahon iyon ng pag-usig ng pamahalaang Tokugawa sa mga Kristiyano. Dinakip sina Ruiz, ibinilanggo sa Nagazaki, at noong 27 Setyembre 1637 ay pinarusahan. Ang parusa ay tinatawag na horca y hoya sa Espanyol. Ibinibitin nang patuwad sa ibabaw ng isang balon ang pinarurusahan, ngunit nakawawala ang isang kamay upang makasenyas siyá kung nais magbago ng pananampalataya. Wika diumano ni Ruiz, “Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung ako man ay may sanlibong búhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kaniya.” Tiniis niyá ang parusa hanggang mamatay sa pagkaubos ng dugo at pagkainis noong 29 Setyembre 1637. (EGN) (ed VSA)

sabláy
Tulad ng karaniwang kahulugan ng salitâng ito, ang sabláy ay isang piraso ng damit na ipinapatong sa isang balikat at tumatawid sa dibdib hanggang baywang. Pampalamuti ang karaniwang pangunahing layunin ng pagsusuot nitó. Sa panahong ito lámang ang suot sa katawang pangitaas ng lalaki, ang sabláy ay nagsisilbing alampay o sinasabitan ng mga gamit at palatandaan ng pagkalalaki. Noon pa, itinutupi nang pahabâ ng mga babaeng Muslim ang malong at ginagamit na pamatong sa balikat. Ginugupit ng iba ang isang tela nang pahabâ sa lapad na 8 pulgada at ito ay ginagamit bilang pampalamuting sabláy. Ang mga tao sa iba’t ibang komunidad ay ginagamit ang sabláy bilang pampunas sa pawis o bilang sapin sa kamay kapag nagbubuhat ng mga bangka at iba pang mga karga. Sa modernong panahon, bahagi ang sabláy ng moda sa kasuotan. Gayunman, katangi-tangi ang naging paggamit dito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang bahagi ng pormal na kasuotan sa pagtatapos. Iniwaksi ng UP ang tóga at nakagisnang kasuotang Kanluranin sa mga seremonya ng gradwasyon. Ipinalit ang barong tagalog para sa lalaki at anumang pormal na bestida para sa mga babae. Ngunit kailangang magsuot silá ng sabláy na may opisyal na kulay ng unibersidad. Bukod sa layuning higit na maging maginhawa ang kasuotan ng mga guro’t mag-aaral, ang pagsusuot ng sabláy ay napapatnubayan ng adhikaing makabayan. (RBT) (ed VSA)

Alonzo Saclag
Ipinagkaloob kay Alonzo Saclag (A·lón·zo Sak·lág) ng Lubuagan, Kalinga ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taóng 2000. Para sa kaniyang natatanging kaalaman sa sayaw at itinatanghal na sining ng mga Kalinga gayundin sa kaniyang sigasig upang tumaas ang kamalayan at pagpapahalaga dito ng kaniyang kapuwa Kalinga at maging ng mga ibang Filipino. Hindi pormal na nakapag-aral si Saclag sa mga instrumentong musikal gayundin sa mga sayaw na kaakibat ng kanilang mga ritwal. Sa kabila nitó, sa pamamagitan ng matamang pagmamasid at karanasan, at higit sa lahat, ng ibayong pagnanais na matutuhan ang mga sining na ito, nagawa niyáng maging dalubhasa dito. Patuloy niyáng pinagsumikapang maisalin ang lahat ng kaniyang mga kaalaman. Binuo niyá ang Kalinga Budong Dance Troupe, ang pangkat ng kabataang lalaki at babae na nag-aaral ng sayaw at musika ng kanilang mga ninuno. Bahagi ng kanilang mga aktibidad ang pagtatanghal sa iba’t ibang lugar upang itaguyod ang kanilang kultura. Nagtatanghal din siyá maiikling dula at iba pang malikhaing presentasyon sa mga paaralan upang maparangalan at maipagdiwang ang halagáhan ng mga Kalinga. Nangampanya siyá at pinahintulutan ng mga administrador ng mga eskuwelahang pagsuotin ng tradisyonal na kasuotang Kalinga ang mga batà sa mahahalagang pagdiriwang tulad ng gradweysiyon at Unang Komunyon. Bahagi ng kaniyang plano ang maglaan ng isang lugar na mapagtatanghalan ng kagalingan at kasiningan ng mga Kalinga. Sinimulan na niyá ito sa pamamagitan ng pagbili ng lupa at pagpapatanim ng mga punò bilang paghahanda. Kapiling ni Saclag sa pagpapalaganap at patuloy na pag-iral ng kulturang Kalinga ang kaniyang kabiyak na si Rebecca at ang siyam nilang anak. (GB) (ed GSZ)

ságing
Ang botanikong pangalan ng saging ay Musa sapientum. Ito ay kabilang sa pamilya ng mga halamang Musaceae. Ito ang pinakamalaking halaman na namumulaklak at may malambot na mga sanga. Ang saging ay madalas na napagkakamalan bilang isang punongkahoy ngunit ang higit na angkop ay isang malaking halamang-damo (herb). Bagaman ito ay tumutubò na sa mga bansang tropikal, ito ay nagmula sa Timog-silangang Asia. Ang katawan nitó ay tinatawag na pseudostem o mala-tangkay. Ito ay malambot at matubig. Ang kulay ng katawan nitó ay kulay berde, at ang saging ay tumataas hanggang sa 7 metro. Ang mga dahon nitó ay tumutubò nang paikot sa katawan. Ito ay wangis sa dahon ng abaka. And pagkakaiba nitó ay sa dulo ng mga dahon. Ang dahon ng saging ay pabilog ang dulo ng dahon samantalang ang sa abaka ay patulis. Kaiba din ang ilalim na parte ng mga dahon nitó sa abaka. Sa abaka, ang kabila ay makintab at madulas ang ibabaw at ilalim kompara sa saging na ang ilalim na bahagi nitó ay may parang pulbos at hindi ito makintab at madulas tulad ng sa ibabaw na parte nitó. Ang prutas nitó ay isa sa paborito ng mga Filipino. Makikita ito sa buong bansa at dinadala din sa ibang bansa upang ibenta. Ang mga pinakakilalang uri ng saging sa ating bansa ay ang lakatan, latundan, saba, senyorita, lagkitan, at ang iniluluwas sa ibang bansa ay Cavendish. Isa sa maituturing na pinakamasustansiyang prutas ang saging. Nagtataglay ito ng bitamina A, B, at C, minerals ng iron at potassium. Madaming gamit ang saging. Ang pinakapunò nitó ay ginagamit na tarakan ng mga bulaklak o palamuti sa mga kasayahan. Ang mga dahon naman nitó ay ginagamit na kainan at pambalot. Sa pagkain naman, ang puso ng saging ay iginugulay at ginagataan. Ang mga prutas naman ginagawang panghimagas o meryenda. Masasabi talaga na kasáma sa kultura ng mga pagkaing Filipino ang saging. (SAO) (ed GSZ)

sakáda
Naging tampok na balita ang kaawaawang búhay ng mga sakáda noong dekada 70. Ito ang tawag sa mga nandarayuhang manggagawa sa mga asyendang tubuhan sa Negros Occidental. Mula ito sa Espanyol na sacar na “kunin” o “tanggalin” ang ibig sabihin. Tinatáya noon na may 25,000 sakáda sa Negros Occidental at karamihan sa kanila’y mula sa mga kalapit lalawigan ng Antique, Negros Oriental, Cebu, Capiz, at Iloilo. Dahil malubhang kahirapan, dumadayo silá sa mga pataniman ng tubó at nagtitiis sa napakaliit na bayad samantalang mistulang alipin sa pagtatrabaho at busabos na tirahan. Malimit pang binibiktima silá ng mga kontratista na bumabawas sa napakaliit na niláng kíta at isinusubò silá sa mabigat na obligasyon. Isang pelikula ang ginawa noong dekada 70 kaugnay ng mga pagbubunyag sa masaklap na kapalaran ng mga sakáda. Naging paksa din at imahen ang sakáda sa mga pintura, lalo na ng mga pintor na taga-Negros. (GCA)(ed VSA)

Macario L. Sakay
(3 Enero 1870-Setyembre 13, 1907) Si Macario de Leon Sakay (Ma·kár·yo de Le·yón Sá·kay) ay liderKatipunero at pangulo ng Republikang Tagalog, isang pamahalaang rebolusyonaryo na itinatag niyá upang ipagpatuloy ang pakikibáka laban sa mga Amerikano. Isinilang siyá sa Tundo, Maynila noong 3 Enero 1870 at anak-mahirap. Diumano, isa siyáng barbero at sastre. Naging manggagawa rin siyá sa talyer ng kalesa at gumanap sa mga komedya. Noong 1894, sumapi siyá sa Katipunan at naging matalik na kaibigan ni Andres Bonifacio. Naging pangulo siyá ng Dapitan, isa sa pinakamalakas na konseho sa kilusang mapanghimagsik. Noong 1896, pagkaraan ng labanan sa Pinaglabanan, isa siyá sa mga pinunò ng Katipunerong naglagi sa kabundukan ng Marikina at Montalban. Sa Digmaang Filipino-Amerikano, naglingkod siyáng lihim na muling tagapagbuo ng Katipunan sa Maynila. Nadakip siyá at nakalaya lámang nang magpahayag ng amnestiya ang pamahalaang Amerikano noong Hulyo 1902. Nagtatag siyá ng mga pangkating gerilya sa Timog Katagalugan, lalo na sa mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas. Lumakas ang kaniyang pangkat at noon niyá ipinahayag ang Republikang Tagalog na siyá ang pangulo at si Francisco Carreon ang pangalawang pangulo. Ang Republikang Tagalog ay may sariling saligang-batas, bandila, sistema ng pagkolekta ng buwis, at regular na hukbo. Noong 1905, sa tulong ni Dominador Gomez, isang pinagtitiwalaan niyáng lider manggagawa noon, ay nakumbinsi siyáng sumuko. Nangako ang mga Amerikano, sa pamamagitan ni Gomez, na bibigyan ng amnestiya ang lahat ng tauhan ni Sakay. May pangako rin noon ang mga Amerikano na bubuuin ang Pambansang Asamblea kung magkakaroon ng ganap na katahimikan. Kasáma ang kaniyang mga heneral ay bumabâ si Sakay mula sa himpilan sa Tanay, Rizal. Gayunman, sa isang piging sa Cavite ay bigla at pataksil siyáng hinuli, ikinulong, at madaliang nilitis. Noong Setyembre 13, 1907, binitay siyá at ang isang matapat niyáng heneral na si Lucio de Vega. May ilang historyador na kumikilala kay Sakay bilang isa sa mga Pangulo ng Filipinas, ngunit hindi ito kinikilala ng pamahalaan. Noong 2008, isang rebulto ni Sakay ang pinasinayaan sa Plaza Morga sa Tundo, Maynila. (PKJ) (ed VSA)

Sakdál
Isang kilusan ng mga magsasaka ng Katagalugan na itinatag ni Benigno Ramos noong 1930 ang Sakdál. Bagama’t nag-umpisa ito bilang pahayagan na kumikiling sa interes ng mga “mahina, mahirap, at inaapi,” ang mabilisang pagdami ng mga kasapi nitó, na tinatawag na Sakdalista, ang nag-udyok kay Ramos na gawin itong isang partidong pampolitika noong 1933. Naniniwala ang mga Sakdalista na ang sistema ng edukasyon, ang mga base militar ng mga Amerikano, ang pagpapaloob ng Filipinas sa malayang kalakalan, at ang paghawak ng Simbahan at ng iilang Filipino at banyaga sa yaman ng bansa ang mga pangunahing sanhi ng kahirapan ng nakararami. Isinulong ng samahan ang pagpapababà ng buwis, reporma sa lupa at ang pagtutol sa lahat ng mga patakaran ng Partido Nacionalista ni Pangulong Manuel L. Quezon. Noong 1934, nagpatakbo at nagpapanalo ang Sakdal ng mga kandidato para sa mga posisyon ng gobernador, kinatawan, at konsehal sa mga lalawigang Katagalugan sa ilalim ng plataporma ng pagtutol sa Batas Tydings-McDuffie at ng pagtatatag ng Komonwelt. Sa gabi ng 2 Mayo 1934, dalawang linggo bago idaos ang plebisito ukol sa Konstitusyon ng Komonwelt, sabay-sabay na nilusob at pansamantalang napasakamay ng mga Sakdalista ang mga munisipyo ng 14 na bayan sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Cavite, Tayabas (Quezon) at Bulacan. Gayunman, ang nasabing pag-aalsa, na nagresulta sa pagkamatay ng 100 miyembro, ay dagliang nasupil ng mga awtoridad. Hindi naglaon ay tuluyang nanghinà ang nasabing grupo lalo na matapos lumisan si Ramos patungong Japan. Bagama’t nabigo ang Sakdal sa kanilang mga layunin, inamin ng isang ulat ng mga Amerikanong nagsiyasat sa pangyayari na ang nasabing pagaalsa ay nakaugat sa masamâng kalagayang sosyo-ekonomiko ng Filipinas. (MBL) (ed GSZ)
Benigno Ramos (1942)

salabát
Masakít ba ang lalamunan? Inuubo? Ihahatol noon ng matatanda, uminom ng mainit na salabát. Ang samyo lámang ng salabát ay nakapagpapagaan sa puso’t diwa, nakapagpapaginhawa sa maraming iniisip na suliranin. Gayunman, paborito itong inumin ng mga nagsisimbang gabi. Pagkatapos ng misa, nagkukumpulan ang mga puyát na deboto sa mga ponda ng kakanín para kumagat ng bibingká o púto bumbóng at lumagok ng mainit na salabát. Ang salabát ay nilagàng inumin tinimplahan ng luya. Napakasimpleng gawin. Magsálang ng isang kaserolang tubig at hulugan ng mga piraso ng luya. Depende ang dami ng luya sa ninanais na “tapang” ng salabát o sa ninanais na epekto kung sadyang mabigat ang katawan. Puwede ring pabanguhin sa tulong ng pandan. Bilang inuming pampasigla, maaari itong lagyan ng pampalasang mga piraso ng mansanas o kahel. Ang lalong pampalusog ay timplahan ito ng pulut-pukyutan sa halip na asukal. (YA) (ed VSA)

salakót
Tradisyonal na pútong sa ulo ang salakót at pananggalang sa init ng araw o bugso ng ulan. May hubog itong pabilóg, pabalisungsong, at may malapad na pardilya. Karaniwang yari ito sa kinayas na kawayan, nitò, yantok, o dahon ng sasâ at masinsing nilála. Sa gitna ng pang-ilalim na rabaw nitó ay may tinatawag na baát—tila koronang nilálang kawayan o yantok at isinusukat ang luwang alinsunod sa laki ng ulo ng magsusuot. Nagbabago ang disenyo, gamit, at sagisag ng salakót alinsunod sa panahon at sa layunin ng nagsusuot. May iba’t ibang uri ng salakót mulang Luzon hanggang Mindanao. Ang tinatawag na “tapisan” ng mga Tiruray at Magindanaw ng Cotabato ay yari sa uway na masinsing nilála at may disenyo ng itim na nitò. Sa Quezon, may salakót na yari sa nilálang sayubak o balát ng punòng saging at may patigas na yantok o nilapát na kawayan. Noong ika-19 siglo, nauso ang salakót na may palamuting hugis bituin o bulaklak sa tuktok. Gawa sa dinikdik na takupis ng tipay ang mga naturang disenyong heometriko. May salakót namang may nakapalawit na baryang pilak at nakapaikot sa gilid. Ang tali ng salakót na nakasakbat sa babà ng nagsusuot upang hindi tangayin ng hangin ay nilalagyan din ng palamuti. May tali na yari sa pinagkabit-kabit na baryang pilak. Ang salakót ay bahagi ngayon ng sagisag sa karikatura ni Juan dela Cruz, ang imahen ng ordinaryong Filipino. Nakasuot siyá ng barong tagalog, may pantalong alanganin ang habà, nakatsinelas, at may suot sa ulo na salakót. (DRN) (ed VSA)

salambáw
Isang uri ng estrukturang pangisda ang salambáw na maaaring nakapirme sa may baybaying-dagat. Isang lambat ito na nakasakay sa isang balsang kawayan. Ang dáting tawag dito ay panság. Maaaring ibabâ o itaas ang salambaw sa pamamagitan ng kamay o motor. Kadalasang gawa ang isang salambaw sa lambat na hugis kuwadrado na nakapahalang at bahagyang nag-aanyong súpot o bulsa sa gitna. Nakatali ang lambat na ito ng lubid, kawayan o alambre sa apat na sulok. Ang apat na sulok ay pinagdudugtong ng tali o poste ng kawayan sa gitnang itaas na may ikinakabit ding isa pang tali. Sa pamamagitan ng taling ito na nakakabit sa poste, maaaring batakin pataas o pababâ ang lambat sa tubig. Ang laki ng matá ng lambat ay naaayon sa laki ng isdang balak hulihin. Iba’t iba ang laki ng salambaw pero ang pangkaraniwan sukat nitó ay 1x1 metro hanggang 4 x 4 metro. Mas pabilog ang hugis ng maliliit na lambat. Hindi ito nakakabit sa poste at ginagamitan lámang ng kamay. Nakatayô naman ang poste ng malalaking lambat sa isang ikutan na may pabigat na bato o semento para madalîng batakin. Upang mahúli ang mga isda, ibinababâ ang lambat sa tubig hanggang umabot ito sa ilalim. Pagkatapos, hinahagisan ng pagkain ang loob nitó na nagsisilbing pain para lumapit ang mga isda. Hábang nanginginain ang mga isda, mabilis na binabatak paitaas ang lambat. Padas o batàng samaral ang kadalasang uri ng isda na nahuhúli sa pamamagitan ng salambaw. (MA) (ed VSA)

Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

salapî
Ang salapî (o péra mula sa Espanyol) ay ang midyum o instrumento ng palitan na tinatanggap ng lahat ng tao. Nagbibigay daan ang salapi upang malaman ang tunay na halaga ng isang presyo o produkto na batayan ng palitan. Ito ang ginagamit upang makabili ng mga produkto at serbisyo. Ito ay nása anyo ng sensilyo o barya, perang papel, bonds, at utang. Nagpapanatili ito ng halaga ng bagay o serbisyong nauugnay o nailaan para dito. Ang halaga ng pera ay maaaring tumataas (implasyon) at bumababâ (depresyon). Ang ating mga ninuno ay gumagamit na ng salapi sa anyo ng produkto, metal, at alahas sa pakikipagpalitan bago pa dumating ang mga mananakop. Ang unang baryang natuklasan sa Filipinas ni Dr. Gilbert Perez ay ang tinatawag na penniform gold barter ring. Ito ay maliit na hugis singsing na gawa sa ginto, halos may sukat lámang ito na kalahating pulgada at isa sa mga sinaunang salapi sa bansa. Tinatayàng ginamit itong pamalit kalakal noong ika-8 hanggang ika-14 na siglo. Ang natagpuang mga piraso nitó sa bansa ay nagkakaiba-iba sa laki at kapal, bukod sa maaari rin itong ginamit bilang palamuting hikaw ng ating mga ninuno. Natagpuan sa Cebu at Leyte ang mas malalaking tipo ng gintong singsing na ito at ang karamihan ay sa Laguna at Rizal. Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, dahil sa kakulangan ng barya sa sirkulasyon, inilabas noong 1728 ang barílya (barilla), ang unang barya na ginawa sa ating bansa at may halagang isang sentimo. Nagkaroon ng mga baryang síngko para sa limang sentimo, diyés para sa sampung sentimo, beynte-singko para sa dalawampu’t limang sentimo, at singkuwenta para sa limampung sentimo. Ang unang gamit ng salapì ay para sa baryang may halagang limampung sentimo o kalahating piso. Ang El Banco Espanol-Filipino de Isabella II ang kauna-unahang bangko sa Filipinas na nagpalabas ng unang salaping papel at tinawag itong pesos fuertes, na may kahulugang malakas na piso. Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, naranasan ng bansa ng pinakamataas na implasyon dahil sa pagpapalabas ng napakaraming salapi sa sirkulasyon, kayâ nawalan ng halaga ang salapi. Itinuring itong laruang salapi at tinaguriang mickey mouse money. (AMP) (ed VSA)

saláwikaín
Ang saláwikaín ay isang maikling tula na nagbibigay ng aral sa buhay. Karaniwan, isang pangungusap lámang ito na hinahati sa dalawang taludtod. Karaniwan ding gumagamit ng pipituhin o wawaluhing sukat, may isahang tugma, at may talinghaga ang mga sinaunang salawikain. Ang salawikain ay isang di-tuwirang paraan ng pagpapaabot ng isang mahalagang panuntunan sa búhay. Halimbawa, ang salawikaing “Ang katakatayak/sukat makapagkati ng dagat,” ay maaaring nagpapahiwatig ng kabuluhan ng pagtitiyaga sa pagganap ng anumang gawain o tungkulin. Sa “Matibay ang walis/palibhasa'y magkabigkis,” idinidiin ang kahalagahan ng sáma-sámang pagkilos. Sa salawikaing “Aanhin pa ang damo/kung patay na ang kabayo,” itinataguyod ang kahandaan sa mabilisan at kagyat na pagtulong sa nangangailangan. Ang bisa ng salawikain ay nása paggamit ng talinghaga. Dahil ang pangangaral ay hindi tuwirang sinasabi kundi idinadaan sa paggamit ng talinghaga, ang pinapaabutan ng aral ay siyá mismong tumutuklas ng mensahe upang magamit sa kaniyang pang-araw-araw na buhay. Ang salawikain ay tinatawag ding aramiga o sasabihan sa Bicol; panultihon o pagya sa Sebwano; humbaton o hurubaton sa Ilonggo at Capiznon; pagsasao sa Ilokano; kasebian sa Pampango; diparan sa Pangasinense; salawikain, sawikain, at kasabihan sa Tagalog; dayhuan, puplongan at patitgo-on sa Waray; hueobaton at bilisadon sa Aklanon; unoni sa Ibanag; pananahan sa Ivatan; memos an baba, oloran, at tongong sa Isinay; lalenut sa Gaddang; basahan sa Bukidnon; panonggelengan sa Manobo; pananaroon sa Maranao; masaalaa at pituwa sa Tausug. Ang hadith naman ng mga Tausug ay itinuturing na sagradong mga kasabihan na nagmula kay Muhammad at nakasulat sa Arabe. (GSZ)

Mas matibay ang walis kapag magkakabigkis.

Guhit ni Elmer Borlongan

Juan S. Salcedo Jr.
(29 Setyembre 1904-25 Oktubre 1988) Kilala si Juan S. Salcedo Jr. (Hu·wán Es. Sal·sé·do) bilang taliba ng pampublikong kalusugan at nutrisyon sa Filipinas. Ginugol niyá ang malaking bahagi ng kaniyang buhay sa pananaliksik upang maitaas ang kalidad ng kalusugan ng mamamayan. Pinangunahan niyá ang mga pambansang kampanya upang supilin ang paglaganap ng sakit na beriberi, malarya, at tuberkulosis. Bilang pagkilála, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Hulyo 1978. Si Salcedo ang namunò sa malawakang pagsasaliksik upang malipol ang sakit na beriberi sa Filipinas. Pinamunuan din niyá ang isang pambansang pagkilos laban sa malarya. Sinimulan niyá ito sa pagbabakuna sa mga batà at pagbuo ng mga pangkat na lilipol sa mga lamok na may daláng sakit. Ang pagbubuo ng mga sentrong pangkalusugan sa kanayunan ang isa sa pinakamalaking ambag ni Salcedo sa pagpapaunlad ng pampublikong kalusugan. Bilang kalihim ng Departamento ng Kalusugan noong 1950, sinimulan niyá ang pag-oorganisa ng tinatawag na Rural Health Unit. Si Salcedo ay kilalá rin bilang isang mahusay na administrador at guro. Mula 1945 hanggang 1947, naging direktor siyá ng Philippine Relief and Rehabilitation Administration at kinatawan sa United Nations ng naturang ahensiya. Siyá ang unang direktor ng Institute of Nutrition na lumao’y naging Nutrition Foundation of the Philippines. Noong 1950, itinalaga siyá ni Pangulong Elpidio Quirino bilang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan. Naging tagapangulo rin siyá ng National Science Development Board noong 1963. Isinilang si Salcedo noong 29 Setyembre 1904 sa Pasay, panganay na anak nina Juan Salcedo Sr. at Felipa Sanchez. Nagtapos siyá ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas at naging kapitan ng Medical Corps ng hukbong katihan ng Filipinas. Nag-aaral siyá sa Estados Unidos nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Natapos niyá ang master sa Biochemistry sa Columbia University noong 1943 at nagpatuloy ng mataas na pagsasanay sa pampublikong kalusugan sa Johns Hopkins University. Nakasáma siyá nina Heneral Douglas MacArthur at Pangulong Osmeña sa pagbalik sa Filipinas noong Oktubre 1944. (SMP) (ed VSA)

Salígang-Batás ng Filipínas
Ang Salígang-Batás ng Filipínas ang kataas-taasang batas ng bansa at batayan ng lahat ng batas at opisyal na kautusang maaaring pagtibayin ng Kongreso at Pangulo. Kalipunan ito ng mga nasusulat na patakarang dapat sundin ng buong bansa. Itinatakda ng Salígang-Batás ang mga bagay na dapat gawin ng estado at pamahalaan para sa mamamayan; at ang mga tungkulin ng mamamayan sa estado at pamahalaan. Isinasaad din nitó ang mga bagay na hindi dapat gawin ng pamahalaan. Ang “salígang-batás” ay salin ng konstitusyón (constitucion o constitution) sa Espanyol o sa Ingles. Sa kalakhan, ang lahat ng naging salígang-batás ng Filipinas ay naglalarawan ng mga karapatan ng mamamayan at mga pananagutan ng pamahalaan. Itinatakda nitó ang anyo ng pamamahala sa Filipinas at paano pipiliin ang mga pinunò ng bansa. Inilalahad din ng konstitusyon ang mga pangkalahatang patakaran ng estado at ang mga tungkulin at gawain ng mga pangunahing sangay ng gobyerno. Ang salígang-batás din ang batayan ng pagbubuo ng mga lupong konstitusyonal. Ang Konstitusyong Biyak-na-Bato at Konstitusyong Malolos ang mga unang salígang-batás sa Filipinas. Ito ang naging legal na batayan sa pagiral ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ang Konstitusyong 1935 ang naging batayan ng Pamahalaang Komonwelt na pinamunuan nina Pangulong Manuel Quezon at Pangulong Sergio Osmeña. Ginamit rin ito ng malayang Republika ng Filipinas mula 1946 hanggang 1972. Nilusaw ang Konstitusyong 1935 nang magdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos ng Batas Militar noong 1972. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1973 na binalangkas ng isang Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1971. Nang malansag ang pamamahala ni Marcos noong 1986 ay kasabay ding nilusaw ang Konstitusyong 1973. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1987 na umiiral hanggang sa kasalukuyan. (SMP) (ed VSA)

The Signing of Constitution ni Jose V. Pereira Konstitusyong 1935

sáling-pusà
Tinutukoy ng sáling-pusà (sá∙li na pú∙sa) o sálimpusà ang isang batà na hindi totoong kasali sa isang larong pambatà. “Nakikilaro” lámang o kunwa’y kasáma sa laro ang batà—tumatakbo pagtakbo ng mga naglalaro, lumulundag paglundag ng iba, tumatawa pagtawa ng iba, o sumusulat pagsulat ng iba. Nais man niyáng mapabilang sa mga manlalaro ay hindi puwede dahil maaaring hindi pa niyá káyang gampanan ang pisikal na pangangailangan ng laro, o kulang pa siyá sa kasanayang bumása o bumilang, o napakabatà pa niyá. Hinahayaan naman siyáng “makipaglaro” dahil sa awa ng iba o bilang bahagi ng kaniyang pagsasanay. Ginamit sa pormal na edukasyon ang sáling-pusà upang tukuyin ang batà na kulang pa sa kailangang edad ngunit nais nang pumasok sa unang baitang ng pag-aaral. Malimit na pinagdadalá siyá ng sariling upuan kapag pinayagang maupô sa loob ng silid-aralan. Pinagdadalá rin siyá ng kuwaderno, lapis, papel, at ibang gamit ng mag-aaral. Paglaon, ginamit na ang sáling-pusà para tukuyin at tuyain ang sinumang hindi totoong kasali sa isang gawain. Tinatawag din siyáng sáling-ket (mula sa cat ng Ingles para sa pusa). O kung minsan, pinagtatawanang sáling-kétket. (JGP) (ed VSA)

sampagíta
Ang sampagíta (Jasminum sambac) ay isang uri ng hasmin na may maliliit at mababangong puting bulaklak. Ang likas na pagtubò nitó ay katulad ng isang baging ngunit dahil mas gusto ng mga nag-aalaga nitó na manatiling mababà ang punò, lagi itong tinatabas. Ang mga dahon nitó ay maliliit, pabilog, kulay berde at makintab. Itinakda ito bilang Pambansang Bulaklak noong 1 Pebrero 1934 ni Gobernador Heneral Frank Murphy. Dahil sa anyo nitó, lalo na ng mga bulaklak nitó—puti, hugis bituin, maliit, at mabango—itinuturing itong sagisag ng pagiging tapat, dalisay, at payak. Madalas itong gamiting palamuti. Tinutuhog ang mga bulaklak nitó sa may tangkay at ginagawang kuwintas. Isinasabit ito sa mga turista, panauhing pandangal, o sa mga magsisipagtapos na mag-aaral. Ginagawa rin itong dekorasyon sa mga sasakyan. Ginagamit din ito bilang alay sa mga santo at palamuti sa simbahan. Tampok na bulaklak din ito sa mahahalagang okasyon tulad ng Flores de Mayo at mga prusisyon. Sa ibang mga bansa na may tanim ding sampagita o kahalintulad nitó, nagagamit din ang mga bulaklak nitó bilang tsaa. Nagiging sangkap din ang matamis at mahalimuyak na katas ng bulaklak nitó sa paggawa ng pabango. Ginagamit din ang mga bulaklak o dahon nitó sa paggawa ng gamot para sa lagnat, ulcer, at pamamaga ng mata. Ito ay sinasabing nagmula sa bansang India at kumalat sa buong Asia at iba pang mga karatig bansa. Namumulaklak ito sa panahon ng tag-init at namumunga ng maliliit na itim na madalas makikita sapagkat inaani agad ang mga bulaklak nitó. Mahigit sa dalawang daan ang species ng Jasminum at isa na dito ang ating pambansang bulaklak. Mainam sa pagtubò ng halamang sampagita at pamumulaklak nitó kung ito ay direktang nasisinagan ng araw. (SAO) (ed GSZ)

San Miguel Beer
Itinatag noong 1890 ang La Fabrica de Cerveza de San Miguel, ang kaunaunahang pagawaan ng serbesa sa buong Timog-silangang Asia. Sa loob ng ilang dekada, naging paborito ang San Miguel Beer ng mga manginginom ng serbesa sa buong Filipinas. Noong 1914, ang San Miguel Beer ay ipinagbibili na sa Shanghai, Hong Kong, at Guam. Noong 1948, may pabrika na ang San Miguel sa Hong Kong. Inumpisahan ng negosyanteng si Don Enrique de Ycaza ang La Fabrica de Cerveza de San Miguel sa pamamagitan ng isang gawad ng Hari ng Espanya sa loob ng 20 taón. Binuksan niyá ang pabrika noong 29 Setyembre 1890 sa 6 Calzada de Malacañang (Aviles ngayon) at nása distrito ng San Miguel, Maynila. Ipinangalan sa distrito ang pabrika. May dalawang seksiyon ito: isa para sa produksiyon ng sorbetes, at isa para sa paggawa ng serbesa. Ngayon, ang San Miguel Beer ang tampok na produkto ng kompanya at isa sa 10 pangunahing serbesa sa buong mundo. Mula sa orihinal na de-bote, ang San Miguel Beer ay ipinagbibili ring de-lata at may iba’t ibang uri at lasa. Samantala, ang San Miguel Corporation ay pumasok na sa ibang negosyo, kabilang na ang nakaempakeng pagkain, at isa sa pinakamalaking 10 kompanya sa Filipinas. (LJS)(ed VSA)
Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Lucio D. San Pedro
(11 Pebrero 1913-31 Marso 2002) Ginawaran ng Pambansang Alagad ng Sining sa Musika si Lucio D. San Pedro (Lú·syo Di San Pédro) noong 1991. Isa siyáng mahusay na kompositor, konduktor, at guro. Isa sa bantog na obra ni San Pedro ay ang “Sa Ugoy ng Duyan” noong 1943. Orihinal na nilikha para sa isang paligsahan, ang inspirasyon ay nagmula sa oyayi ng kaniyang ina noong siyá ay batà pa. Ipinagawa niyá kay Levi Celerio ang lirika nang magkita ang dalawa sa barko. Samantala, ang komposisyong “Lahing Kayumanggi” noong 1961 na para sa isang bándang simponika ang nagpatampok sa taguri sa kaniya bilang malikhaing makabayan. Ilan pa sa kaniyang mga obra para sa orkestra ay ang “The Devil’s Bridge” (1937), “Malakas at Maganda Overture” (1938), “Ang Palabas Bukas” (1979) at “Visayan Fantasy” (1984); para sa musikang koro: “Easter Cantata” (1950), “Sa Mahal Kong Bayan” (1950), at “Alamat ng Lahi” (1998); Musika na may lirika: “Lulay” (1943), “In the Silence of the Night” (1947), “Diwata ng Pag-ibig,” (1957) at “The Last Testament” (1987); Musika para sa Banda: Overture in Bb major “The Voyage” (1935), “Victory in Parade” (1943) at “Angononian March” (1979). Kabílang sa mga karangalan niyá ang Republic Cultural Heritage Award (1962); Professor Emeritus mula sa UP College of Music (1979); Tanglaw ng Lahi Award mula sa Ateneo de Manila University (1982); Signum Meriti Medal mula sa De La Salle University (1983); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila (1984); Asean Award for Music (1990); Ph.D. in Humanities ng UP (1991). Ipinanganak siyá noong 11 Pebrero 1913 sa Angono, Rizal kina Elpidio San Pedro at Soledad Diestro. Ikinasal siyá kay Gertrudes Diaz at may limang anak. Nagtapos siyá noong 1932 sa Unibersidad ng Pilipinas Conservatory of Music sa dalawang kursong Composition at Conducting at karagdagang pag-aaral sa Juilliard School of Music. Naging guro siya sa St. Scholastica’s College, La Concordia College, Philippine Women’s University, Santa Isabel College, St. Paul College, St. Joseph’s College, Centro Escolar University, at sa UP Conservatory of Music. Namatay siyá noong 31 Marso 2002 dahil sa atake sa puso. (RVR)(ed GSZ)

Sandíganbáyan
Ang Sandíganbáyan ay isang natatanging hukuman na lilitis sa mga kriminal at sibil na kaso ng katiwalian na ginawa ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan at opisyal ng mga korporasyong pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno ng Filipinas. Itinatag ito noong 11 Hunyo 1978 sa bisà ng Kautusang Pampanguluhan Blg. 1486 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos. Nilikha ang Sandíganbáyan bilang pagtalima sa atas ng Konstitusyong 1973. Sa kasalukuyan, binubuo ito ng isang punòng hukom at 14 katuwang na hukom. Nahahati ang Sandíganbáyan sa limang dibisyon. Bawat dibisyon ay binubuo ng tatlong huwes. Ang unang tatlong dibisyon ng hukuman ay nakahimpil sa Maynila; ang ikaapat na dibisyon ay nása Lungsod Cebu; at sa Lungsod Cagayan de Oro sa Mindanao ang himpilan ng ikalimang dibisyon. Mahalagang tungkulin ng Sandiganbayan na pangalagaan ang integridad ng mga pampublikong opisina. Pinapapanagot nitó ang mga tiwaling opisyal at kawani na lumalabag sa batas laban sa korupsiyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Nang magsimulang gumanap ng tungkulin ang Sandíganbáyan noong 12 Pebrero 1979, mayroon lámang itong isang dibisyon na binubuo ng tatlong hukom. Si Kgg. Manual M. Pamaran ang unang naging Punòng Hukom nitò kasáma sina Kgg. Bernardo P. Fernandez at Kgg. Romeo M. Escareal bilang mga katuwang na hukom. Taóng 1981 nabuo ang ikalawang dibisyon at ang ikatlo nama’y nilikha noong 1982. Binago ang saklaw at kapangyarihan ng Sandíganbáyan ayon sa Batas Republika Blg. 7975 at Blg. 8249. Batay sa bagong batas, ang espesyal na hukuman ay lilitis lámang ng matataas na opisyal ng pamahalaan. Dinagdagan din ang mga dibisyon at komposisyon ng buong hukuman upang mapagsilibihan ang Visayas at Mindanao. (SMP) (ed VSA)

sandugô
Ang sandugô ay isang ritwal ng mga sinaunang Filipino na tanda ng kapatiran at pagkakaibigan. Karaniwan itong ginagawa ng mga pinunò ng dalawang pangkat na nagkakasundo. Ang magkabilang panig sa nasabing seremoniya, ang magkasandugo, ay umiinom ng ilang patak ng dugo ng isa’t isa na nakahalo sa alak. Sa kasaysayan ng Filipinas, ang pinakakilalang naitalâng pagsasandugo ay ginanap nina Miguel Lopez de Legazpi at Rajah Sikatuna ng Bohol noong 1565. Ang nagsasandugo ay nagmimistulang magkapatid at, kung gayon, nangangako silang tutulungan at ipagtatanggol ang isa’t isa hanggang kamatayan. Bilang patunay ng kanilang kapatiran, mayroong mga magkasandugo na nagbibigay sa isa’t isa ng katawagan. Maaari rin silang maghati o magpalitan ng mga bagay tulad ng damit at maging ng kasintahan. Sa mga pagkakataóng malayo sila sa isa’t isa, maaari silang mangako na hindi sila titikim ng isang partikular na inumin o pagkain hanggang sa sila ay magkitang muli. Ang pagpasok sa isang sandugo ay nakatutulong sa pagtigil o pag-iwas sa mga away at sa pagkakaroon ng kapayapaan. Ang kahalagahan ng sandugo ay mababatid sa karanasan ng mga Espanyol na nag-umpisang dumating sa Filipinas noong siglo 16. Marami sa kanilang mga pinunò, simula pa kay Magellan, ay nakipagkasundo sa iba’t ibang datu, lalo na sa mga pamayanan sa Bisayas. Tinawag itong pacto de sangre sa Espanyol. (MBL) (ed GSZ)

Sandugo ni Napoleon Abueva.

santakrúsan
Isang uri ng masayáng prusisyon ang santakrúsan at ginaganap sa buwan ng Mayo. Nása kasaysayan ng pinagmulan nitó ang paliwanag kung bakit ito masayáng prusisyon at kung bakit ginaganap lámang ito tuwing Mayo. Nakaugat ito sa konsepto ng Santa Cruz o Banal na Krus sa pananagisag na Kristiyano. Ito ang kahoy na pinagpakuan kay Hesus at pinakatampok na sagisag ng Kristiyanismo. Wika nga sa kauna-unahang dalít na inilathala ni Fray Francisco de San Jose (1605): O Diablong manunuboc ang dilang aral mo,y, buctot, houag cang sumumoc sumoc, cami’y’ hindi natatacot, At ang aming tinotongcod ang sandatang Santa Cruz pinapacoan cay Jesus, (na sa tauo, ay tumubos.) Ang karaniwang prusisyon para sa Banal na Krus ay dapat na kasintaimtim ng ibang prusisyong Katoliko. Ngunit hindi gayon ang santakrúsan dahil sa istoryang nakaugnay dito. Sinasabing ipinahanap ni Emperatris Elena, ina ni Emperador Constantino, ang Banal na Krus at nagkaroon ng malaking pagdiriwang nang makita ito. Sa tradisyonal na dulang panrelihiyon, ito ang paksa ng komedyang tibág na itinatanghal kung Mayo. Dumanas ng hirap at mga digma ang hukbo ni Elena sa paghahanap sa krus. Sa dulo’t matagpuan ang krus, pumapasok ang nagtatanghal at manonood sa simbahan upang idaos ang misa. Pagkatapos ng misa, sumusunod ang prusisyong santakrúsan na isang pagbubunyi sa Banal na Krus. Sa santakrúsan ngayon, may mga tinatawag na sagála (mula sa Espanyol na zagala) o mga dalaga na binihisang tila mga reyna, bagaman pinakatampok ang Reyna Elena na karaniwang may damit na putî, may korona, may hawak na munting krus, at may konsorteng Constantino. Ang mga sagála ay maaaring kumatawan sa mga birtud na Kristiyano o sa mga babaeng tauhan sa Bibliya. May mga sagála ngayong sagisag ng mithiing Filipino. May umiilaw na mga tagahanga’t kamag-anak sa bawat sagála (at paramihan ito ng umiilaw), may nagrorosaryo, ngunit kung magarbo ang prusisyon ay may bánda ng musiko at sagana sa mga kuwitis at paputok. (EGN) (ed VSA)

Sánto Níño
Ang imahen ng Sánto Níño (Sán·to Nín·yo) o representasyon ng sanggol na Hesus ang pinakamatandang imaheng Kristiyano na natagpuan sa Filipinas. Ito ang Santo Niño na patron ng Cebu. Ayon sa kasaysayan, nang dumating sa Cebu si Hernando Magellanes noong 1521 ay nagpabinyag sa Kristiyanismo si Rajah Humabon at ang maybahay at binigyan ng Kristiyanong pangalan na Haring Carlos at Reyna Juana. Bilang simbolo ng pagkakaibigan, inihandog ni Magallanes kay Reyna Juana ang isang imahen ng Santo Niño na yari sa kahoy at iniukit ng isang artesanong Flemish. Noong 1565, sinúnog ng mga alagad ni Miguel Lopez de legazpi ang malaking bahagi ng Cebu at isang himala ang hindi pagkasúnog ng imahen ng Santo Niño kayâ itinuring itong banal na patron ng mga tagaCebu. Isang simbahan para sa Santo Niño ang itinayô noong 28 Abril 1565 sa pangunguna ni Padre Andres de Urdaneta. Ito ngayon ang Basilica del Santo Niño at siyáng permanenteng kinalalagakan ng imahen. Hindi lámang ang Sinulog ng Cebu ang nagpapakita ng debosyon sa mahal na Santo Niño. Tuwing buwan ng Enero ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas ang pista bilang pagpaparangal sa sanggol na si Hesukristo. (IPC) (ed VSA)

Ildefónso P. Sántos Jr.
(5 Setyembre 1929—) Si Ildefónso Páez Sántos Jr. ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 2006. Tinagurian siyáng “Ama ng Modernong Arkitekturang Landscape sa Filipinas.” Sa mga nása larangan ng pagdidisenyo, mas kilala si Santos sa tawag na IP. Higit niyáng pinili ang bumalik at pakinabangan sa Filipinas ang kaniyang kaalaman at kahusayan sa kabila ng posibilidad na maging kasosyo siyá ng isa sa pinakamalaking kompanya sa arkitekturang landscape sa Estados Unidos. Ipinakilala niyá sa bansa ang mga bagong teknik ng pagsasámasáma ng mga damo, halaman at palumpong hanggang sa makatuklas siyá ng sariling komposisyong magiging tatak IP. Naging bantog ang likha ni IP na mailalarawan bilang pagtatagpo ng malalambot at matitigas na mga elemento tulad ng matutunghayan sa Makati Commercial Center na may pagsasanib ng landscape, puwente, at eskultura. Lumikha siyá ng daan-daang pampublikong espasyo, parke, hardin, liwasan, plasa, at tagpuang panlabas. Kasáma rito ang Caliraya Lake Resort sa Laguna; hardin ng Paco Park; mga natatanging hardin sa Luneta; labas ng Ayala Malls; mga likha sa mga nangungunang hotel sa Kamaynilaan (kabilang ang Manila Hotel, Manila Mandarin Hotel, Hotel Nikko Manila, Sheraton at Westin Philippine Plaza); at mga tanawin sa Malacañang, Club Filipino, Burnham Park, Mehan Garden, at Nayong Pilipino. Si IP ay anak ni Ildefonso P. Santos na isang tanyag na guro, tagasalin, at makata at ni Asuncion Paez. Isinilang siyá noong 5 Setyembre 1929 at lumaki siyá sa Malabon. Nag-aral siyá ng kursong Pre-Med sa Unibersidad ng Pilipinas, ngunit kumuha ng kursong arkitektura sa Letran at kalaunan ay nagtapos ng Batsilyer sa Agham ng Arkitektura sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1954. Ikinasal siyá kay Amparo Romulo. Pagkaraa’y kumuha siyá ng ikalawang titulo at programang Master sa Arkitektura sa University of Southern California. Naging draftsman siyá sa isang kompanya sa arkitekturang landscape sa California. Dito nagsimula ang kaniyang panghabambuhay na pag-ibig sa larangan. (RVR) (ed GSZ)

Alfrédo C. Sántos
(15 Agosto 1900-11 Abril 1990) Si Alfrédo C. Sántos ang tinaguriang “Ama ng Pananaliksik sa Natural na mga Produkto sa Filipinas.” Naghanap siyá ng mga alternatibong pamalit sa mga inaangkat na alkaloid upang maging mas múra ang produksiyon ng gamot sa bansa. Nagsagawa siyá ng mga siyentipikong pag-aaral sa katangian at estruktura ng phaeanthine at phaeantharine, mga alkaloid mula sa katas ng katutubong halamang gamot sa Filipinas. Siyá ang may-akda ng Philippine Plants and Their Contained Natural Products: Biological and Pharmacological Literature Survey. Dahil sa kaniyang pagsisikap, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 10 Hulyo 1978. Noong 1930, matagumpay na tinukoy at naihiwalay ni Santos ang alkaloid na phaeanthine mula sa punò ng kalimatas. Ang punòng ito ay katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa mga kagubatan. Ginagamit ang katas ng balát nitó bilang lunas sa sakit na conjunctivitis. Nagawa rin ni Santos na makakuha ng alkaloid na anonaine mula sa katas ng punòng anonas at suaveoline mula sa halamang súsong kalabaw. Ang mga alkaloid ay pangunahing ginagamit sa paggawa ng gamot. Hindi nakalimutan ni Santos ang pagtuturo. Nagturo siyá sa Kolehiyo ng Parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas sa loob ng mahigit 45 taón at nagsilbing tagapayo ng Research Center for Natural Sciences sa Unibersidad ng Santo Tomas. Aktibong kalahok rin siyá sa mga imbestigasyon at gawaing pananaliksik ng Institute of Science and Technology at National Research Council of the Philippines. Isinilang si Santos noong 15 Agosto 1900 sa Santo Tomas, Pampanga. Nagtapos siyá ng batsilyer at master sa Parmasyutikal na Kemistri sa UP. Noong 1925, nagtapos siyá ng doktorado sa Parmasya sa UST. Ipinadalá siyá ng UP sa Germany upang magpakadalubhasa sa pag-aaral ng alkaloid. Nag-aral siyá sa Westfalische Wilhelms Universitat sa Muenster, Germany bilang Traveling Fellow ng gobyerno ng Filipinas. Noong 1929, siyá ang naging kauna-unahang Filipino na doktorado sa alkaloidal chemistry. Namatay siyá noong 11 Abril 1990. (SMP) (ed VSA)

Francisco O. Santos
(3 Hunyo 1892-19 Pebrero 1983) Si Francisco Santos (Fran·sís·ko O Sán·tos) ay kilalá sa kaniyang natatanging pananaliksik hinggil sa kalagayan ng nutrisyong Filipino at pag-aaral sa pang-agrikulturang kemistri. Sinuri niyá ang mga sangkap kemikal ng karaniwang pagkain sa Filipinas at sinukat ang taglay nitóng bitamina at mineral. Itinaguyod niyá ang pagtatanim ng gulay at prutas sa bakuran ng mga tahanan upang may pagkunan ang pamilyang Filipino ng malulusog na pagkain. Dahil sa kaniyang kahanga-hangang dedikasyon na mapaunlad ang kalidad ng pagkaing Filipino, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (posthumous) noong 1983. Naniniwala si Santos na ang pag-unlad ng isang bansa ay pangunahing nakasalalay sa malusog na mamamayan. Nakompirma ni Santos na ang talbos at dahon ng kamote ay nagtataglay ng mga pangunahing bitamina at maaaring gamitin upang maiwasan ang sakit na beriberi. Bukod dito, naghanap siyá ng mga tradisyonal na gulay, butil, at prutas na mayaman sa bitmina B at C. Natuklasan niyá na ang taglay na bitamina at mineral ng toge, abokado, okra, duhat, at malagkit na bigas ay makasasapat upang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan sa sustansiya ng isang Filipino. Isang tanyag na edukador at administrador din si Santos. Mahusay niyáng napamunuan ang Kolehiyo ng Agrikultura noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Filipinas. Nagsilbi siyá sa UP Los Baños ng 45 taón. Dahil sa kaniyang pagpupunyagi, naitatag ang Institute of Nutrition noong 1948. Ang ahensiyang ito ang naging Food and Nutrition Research Institute ngayon. Isinilang si Santos noong 3 Hunyo 1892 sa Calumpit, Bulacan at anak nina Miguel Santos at Maria Alvarez. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte at Master sa Biochemistry sa UP. Ipinadalá siyá ng pamantasan sa Yale University upang kumuha ng doktorado sa Biochemistry. Nagbalik siyá sa UP upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa Kolehiyo ng Agrikultura. Matapos ang pagreretiro noong 1959, ipinagkaloob sa kaniya ng pamantasan ang titulong Professor Emeritus sa Pang-agrikulturang Kemistri. Namatay siyá noong 19 Pebrero 1983. (SMP) (ed VSA)

Lópe K. Sántos
(25 Setyembre 1879-1 Mayo 1963) Si Lópe K. Sántos ay pangunahing manunulat at makata, lingguwista, at lider manggagawa. Noong 1900, nagsimula si Santos bilang peryodista sa iba't ibang diyaryo hanggang maging editor ng Muling Pagsilang, Lipang Kalabaw, at iba pa. Nakapagsulat si Santos ng sampung tomo ng mga tula. Kasáma sa mga itinuturing na mahahalagang koleksiyon niyá ang Puso at Diwa (1908), Mga Hamak na Dakila (1945), Ang Diwa ng mga Salawikain (1953), at ang tulang pasalaysay na Ang Pangginggera (1912). Sa anim na nobela niyá, tampok ang Banaag at Sikat (1906), na may diwaing sosyalista. Isa rin siyáng kritiko ng panitikan. Kabílang sa pinakamahahalaga niyáng kritisismo ang “Peculiaridades de la poesia Tagala” (1929), “Tinging Pahapyaw sa Kasaysayan ng Panitikang Tagalog,” “Ang Apat na Himagsik ni Balagtas” (1955). Malaki rin ang naging ambag ni Santos sa pagtataguyod ng wikang pambansa. Naging direktor siyá ng Surian ng Wikang Pambansa at awtor ng Balarila ng Wikang Pambansa na naging opisyal na teksbuk sa pagtuturo ng wikang Tagalog. Naging aktibo rin si Santos sa politika. Naging gobernador siyá ng Rizal, unang gobernador ng Nueva Vizcaya, at senador ng ika-12 distrito. Bilang senador, inakda niyá ang Araw ni Bonifacio at mga batas para mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa. Kasáma rin siyá ni Isabelo de los Reyes na nagtatag ng Union Obrera Democratica (1902). Naging pangulo rin siyá ng Union del Trabajo de Filipinas, tagapagtatag at pangulo ng Congreso Obrero. Ipinanganak siyá noong 25 Setyembre 1879 sa Pasig, Rizal. Anak siyá nina Ladislao Santos at Victoria Canseco (nang lumaon, babaybayin ni Santos ang Canseco gamit ang titik K). Napangasawa niyá si Simeona Salazar. Maagang natuto si Santos ng pag-iimprenta sa kaniyang amang nagtatrabaho sa isang imprenta. Nag-aral siyá sa Escuela Normal Superior de Maestros at Escuela de Derecho sa Maynila at natamo ang kaniyang batsilyer sa sining mula sa Colegio Filipino. Namatay siyá noong 1 Mayo 1963. (GSZ)

Perla Dizon Santos-Ocampo
(25 Hulyo 1931-29 Hunyo 2012) Si Perla Dizon Santos-Ocampo (Pér·la Dí·zon Sán·tos O·kám·po) ay kilala sa kaniyang mahahalagang kontribusyon sa pagsusulong ng kapakanan ng pedyatriyang Filipino, pagpapaunlad ng edukasyong medikal, at pagtataguyod na mapabuti ang kalusugan ng mamamayan at mga batà. Ang kaniyang pananaliksik sa sakit na pagtatae ay nagbigay daan sa paglikha ng Super Oral Rehydration Solution (ORS). Sinuri ni Ocampo ang epekto ng malnutrisyon at tumulong siyá sa pagbalangkas ng mga wastong paraan upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga batà. Dahil sa makabuluhang ambag niyá sa pagpapaunlad ng siyensiyang pangkalusugan sa bansa, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 30 Marso 2011. Isang pinag-aralan ni Ocampo ay ang malalâng epekto ng malnutrisyon sa kalusugan ng mga batàng Filipino. Ginamit ng pamahalaan ang resulta ng kaniyang pag-aaral upang buuin ang mga patakarang gagabay sa pangangasiwa ng nutrisyon ng mga batà. Mahigit isandaang siyentipikong ulat at artikulo ang inilathala ni Ocampo sa iba’t ibang lathalaang medikal. Pinagsikapan ni Ocampo na mapaunlad ang sistema ng edukasyong medikal sa Filipinas lalo na sa larangan ng pagkalinga sa mga batà. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, napaunlad ang mga programang medikal ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila at nadagdagan ang bilang ng mga eksperto at espesyalista sa pedyatrya. Pinangunahan niyá ang pagtatatag ng National Institutes of Health, National Graduate School for Health Sciences, at National Tele-health Center. Si Dr. Perla Santos Ocampo ay isinilang noong 25 Hulyo 1931 sa Lungsod Dagupan, Pangasinan. Nag-aral siyá ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas at ganap na naging doktor noong 1955. Nagpatuloy siyá ng pagsasanay sa pedyatriya sa Philippine General Hospital at sa Case Western Reserve University sa Cleveland, Ohio. Matapos magsanay sa Estados Unidos, nagbalik siyá sa Filipinas upang magturo at magpakadalubhasa sa pedyatriya. Nagsilbi rin si Ocampo bilang tagapangulo ng National Academy of Science and Technology ng Filipinas. Namatay siyá noong 29 Hunyo 2012. (SMP) (ed VSA)

sarimanók
Mitikong ibon ng mga Maranaw ang sarimanók at kilaláng likha at simbolo ng kanilang sining. May makulay na mga pakpak, balahibo at mahabàng buntot ang sarimanók, at nása mga tuka o kuko ang kagat o saklot na pigura ng isang isda. Madalas na idisenyo bilang pigura sa maadornong ókir, sinasabing simbolo ng suwerte ang sarimanok. Pinaniniwalaang nagmula ito sa maalamat na ibong Maranaw na tinatawag na itotoro. Ang ibon ay tagapamagitan sa daigdig ng mga espiritu. May paniwala ding nagmula ang sarimanok sa Islamikong alamat. Nakita diumano ni Muhammad ang isang manok sa unang antas ng pitóng saray na langit. Napakalaki nitó kayâ umaabot ang palong sa ikalawang saray ng langit. Ginigising ng tilaok nitó ang lahat ng nilaláng maliban sa tao. Araw na ng paghuhukom kapag hindi na ito tumilaok. Ayon sa isa pang alamat, dinagit ng tandang na isa paláng makisig na binata ang anak na babae ng datu at hindi na nakita pang muli. Upang hindi malimutan ang kaniyang mahal na anak, nagpagawa siyá ng mga replika ng ibon na tinawag na sarimanók. Ayon sa kaugalian, hindi itinatanghal nang mag-isa ang sarimanók. Dapat na lagi itong kasáma ng mga bandera at iba pang simbolo ng kapangyarihan. Ngunit hindi na ito mahigpit na nasusunod dahil madalas makita ang sarimanók na waring isang ordinaryong kasangkapan sa bahay. (RPB) (ed VSA)

sarì-sarì istór
Ang sarì-sarì istór (mula sa Ingles na store) ay isang maliit na tindahan sa Filipinas na nagbebenta ng mga pagkain at produktong tingi, lalo na ang mga pangunahing pangangailangan sa mga tahanan. Karaniwang makakikita ng mga sarì-sarì istor sa bawat komunidad o barangay. Isa itong maliit na negosyong pantahanan, kung kayâ’t halos sa bawat kalye o maliit na pamayanan ay mayroon nitó. Kung minsan pa nga, halos magkakasunod ang mga tindahan sa iisang lugar. Kumbinyente at praktikal ang mamili sa mga sarì-sarì istor. Bukod sa karaniwang mayroon nitó malapit sa sariling bahay, puwede ring makabili nang tingi o paisa-isa o papira-piraso lámang. Bagaman maaaring mas mahal nang kaunti kaysa bumili sa palengke o groseri, tiyak na walang masasayang dahil ang binibili ay iyon talagang kailangan lámang. Marami ring naeengganyong magtayô ng sarì-sarì istor dahil nagsisilbing dagdag na kita ng pamilya at maliit lámang ang puhunan. Tinatangkilik naman ito ng mga mamimili dahil mas abot-káya nila ang bumili nang tingi o paisa-isang piraso lámang. At dahil karaniwang kapitbahay lámang ang may-ari ng tindahan at magkakilala ang mga mamimili at may-ari ng tindahan, umiiral din ang sistema ng pagpapautang. Bukod sa pagiging isang negosyo, ang sarì-sarì istor ay karaniwan ding nagiging daluyan ng impormasyon sa isang pamayanan. Dito nakapagtatanong ang mga dayong may hinihanap na tao o bahay sa komunidad. Dito rin nasasagap ang iba’t ibang balita may kinalaman sa búhay-búhay ng mga naninirahan sa paligid ng tindahan. Kayâ naman, karaniwan nang makakita ng mga bangko at umpukan ng tao sa harap ng sarì-sarì istor. (AMP) (ed GSZ)

sarsuwéla
Mula sa salitâng Espanyol na zarzuela, tinatawag na sarsuwéla ang dula na may isa hanggang limang yugto, hinggil sa mga kuwento ng pagibig at suliraning pampamilya, at tinatampukan ng mga awit at sayaw. Tinatawag din itong dulàng hinoníhan, dulàng inawítan, dráma-liríko, at operéta. May ulat na ipinakilála at kinagiliwan ang zarzuela sa Filipinas sa pamamagitan ng dulang Jugar con fuego (Maglaro ng Apoy) na itinanghal ng grupo ni Dario Cespedes sa Maynila noong mga taóng 1879 at 1880. Nang buksan ang Teatro Zorrilla noong 1893, itinuring na itong tahanan ng mga zarzuela; bagama’t itinanghal ang mga zarzuela sa iba’t ibang panig ng bansa. Nakagiliwan ito ng mga edukado’t mariwasang nasuya na sa komédya at naghahanap ng bagong aliwan. Naging pagkakataón ang naturalisasyon ng zarzuela tungo sa sarsuwéla upang itanghal ang pangyayaring higit na tungkol nagaganap sa kasalukuyan sa lipunang Filipino. Isinulat sa Kapampangan ang unang sarsuwéla. Ang maikling dulàng “R.I.P.” ni Severino Reyes, na ipinalabas noong 1902 at tumutudyo tungkol sa dapat na ilibing na bangkay ng komédya, ang hudyat ng lubos na pananaig ng sarsuwela bilang bagong pambansang teatro. Tinangkilik ng madla ang mga orihinal na sarsuwéla na gaya ng Walang Sugat (1902) ni Severino Reyes; Alang Dios (1902, Walang Diyos) ni Juan Crisostomo Soto sa wikang Kapampangan; Nating (1908) ni Valente Cristobal sa wikang Ilonggo; Natakneng a Panagsalisal (Dakilang Tunggalian) ni Mena Pecson Crisologo, sirka 1911, sa wikang Iluko. Noong mga taóng 1920, napabantog ang mga grupo ni Severino Reyes na Gran Compania de la Zarzuela Tagala at ni Hermogenes Ilagan na Compania Ilagan. Sa grupo ni Ilagan nakilála naman si Atang de la Rama na tinaguriang reyna ng sarsuwéla. Kabilang sa nilabasan niyá ang mga popular na Dalagang Bukid (1919) ni H. Ilagan at musika ni Leon Ignacio, Paglipas ng Dilim (1920) ni Precioso Palma at musika ni L. Ignacio, at Ang Kiri (1926) ni Servando de los Angeles at musika ni L. Ignacio. (JGP) (ed VSA)
Pagtatanghal ng isang sarsuwela

sawsáwan
Sabi ni Gilda Cordero Fernando (1992), napakahilig ng mga Bulakenyo sa sawsáwan. Kuwento niyá, kapag may nagtanong na “Ano ang ulam?” ay tiyak na kasunod ang “Ano ang sawsáwan?” Maidadagdag na isa itong pambansang hilig sa pagkain. Bawat putahe sa mesa ay nangangailangan ng mga platito ng sawsáwan dahil may kani-kaniyang kombinasyon at timpla ng bawat uri ng sawsáwan ang kumakaing Filipino. Apat ang pinakapayak at katutubong uri ng sawsáwan: sukà, patís, héko, at bagoóng. Ngunit pinaghahalò ang mga ito alinsunod sa panlasa ng kumakain. Ipinasok ng Tsino ang toyò. Nadadagdagan din ang batayang sawsáwan alinsunod sa ulam. Ganito ang karaniwang dagdag at kombinasyon. Sa paksiw na isda, may nagdadagdag ng kamatis at sibuyas. Sa pritong isda, kamatis at bagoong na alamang. Puwede ring buro at atsarang mangga. Sa sitsaron, sukà, kamatis, bagoong na alamang, at bawang. Sa pindang, sukà at siling labuyo. Sa nilagàng manok, patis at dayap. Sa potsero, hiniwang kamatis na ginisa sa bawang, sibuyas, at asin. Sa okra, sukà, asin, at paminta. Sa nilagàng talong at ibang gulay, bagoong na ginisa sa bawang na may kamatis at sibuyas. Sa pansit malabon, patis at kalamansi. Sa pansit gisado, toyo at kalamansi. At marami pang iba. Kung sa bagay, marami nang Amerikanisado ang nagtataktak sa platito ng bote ng kétsap basta may nakaharap na pritong ulam, lalo’t pritong manok. At huwag magulat kung itaktak nilá’t ilamas sa kanin ang ketsap.

saynéte
Mula sa sainete ng mga Espanyol, ang saynéte ay isang maikling dula na kadalasang ginagawang intermisyon ng mahahabàng dula, gaya ng komedya. Dahil sa naturang tungkulin, tinatawag din itong entremes o intermedio. Malimit din itong masayá at mapagpatawa. Maaari itong ikompara sa mga tinatawag na iskít (mula sa Ingles na skit) na nakatatawa at isinisingit sa mga programang pang-estudyante. Isang unang naiulat na saynete ay ang Cuadros Filipinos na sinulat ni Francisco de Entrala at itinanghal noong 1882. Pinagalit nitó diumano ang mga nakapanood dahil itinuring itong isang “pagkutya sa lahat ng matatawag na Filipino.” Panahon ito ng mga pagtatanghal na nagsisimula nang tumalakay sa mga bagay na pang-Filipinas at “usaping Filipino,” gaya ng Republica…domestica (1878) hinggil sa “costumbres manilenses” na sinulat nina Federico Casademunt at Regino Escalera at ang maikling sarsuwelang Junto al Pasig (1880) ni Rizal. Ngunit nakasulat sa Espanyol ang mga nabanggit. Higit na una at nakasulat sa wikang katutubo ang mga saynéteng isinisingit sa mga komédya. Isang magandang halimbawa ang La India elegante y el negrito amante na sinulat ni Francisco Balagtas. Tungkol ito sa isang Ita, si Kapitan Toming, na umibig at nanligaw kay Menangge na isang Tagala. Nabigo si Toming dahil maitim ang balát ngunit sa nakatatawang paraan ay naitanghal ni Balagtas ang usapin ng diskriminasyong panlahi noon at ngayon. (VSA)

Guhit ni Don Salubayba

Senádo
Ang Senádo ang mataas na kapulungan ng Kongreso ng Filipinas. Batay sa Saligang Batas ng 1987, bubuuin ito ng 24 senadór na pamumunuan ng Pangulo ng Senado. Ang mga kasapi nitó ay direktang halal ng mamamayang Filipino sa pamamagitan ng isang pambansang halalan. Katungkulan ng Senado na gumawa ng batas at maglunsad ng mga imbestigasyong makatutulong sa pagbalangkas ng bagong batas o pagsususog sa mga umiiral na. Mayroon itong 39 permanenteng komite at iba’t ibang pansamantalang komite. Ang buong kapulungan ng Senado ay nagsisilbing espesyal na pampolitikang hukuman kapag ang Pangulo ng Filipinas o mga Hukom ng Kataas-taasang Hukuman ay itiwalag (impeachment ang katawagan sa Ingles) ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Ang binhi sa pagtatag ng Senádo ay sinimulan ng mga mananakop na Amerikano. Nang mapagtibay ang Batas Jones ng 1916, isinilang din ang unang Senádo ng Filipinas na gumanap ng tungkulin bilang mataas na kapulungan ng Kongreso. Pansamantalang nabalam ang pag-iral ng Senádo nang itatag ang Pamahalaang Komonwelt sapagkat ang Saligang-Batas ng 1935 ay nagtakda ng isang lehislaturang may isahang kamara. Nang itatag ang malayang Republika ng Filipinas noong 1946, nanatiling umiiral ang Senádo bilang mataas na kapulungan. Muling nilusaw ito sa Konstitusyong 1973 ngunit muling ibinalik makaraang maratipikahan ang Saligang-Batas ng 1987.
Ang sumusunod ang naging mga pangulo ng Senado: Manuel L. Quezon (19161935), Manuel A. Roxas (Hul. 9, 1945-Mayo 25, 1946), Jose D. Avelino (May 25, 1946-Peb. 21, 1949), Mariano Jesus L. Cuenco (Peb. 21, 1949-Dis. 30, 1951) Quintin B. Paredes (Mar. 5-Abr. 17, 1952), Camilo O. Osias (Abr. 17-30, 1952 at Abr. 17-30, 1953), Eulogio A. Rodriguez, Sr. (Abr. 30, 1952-Abr. 17, 1953; Nob. 30, 1953-Abr. 5, 1963), Jose C. Zulueta (Abr. 30-Nob. 30, 1953), Ferdinand E. Marcos (Abr. 5, 1963-Dis. 30, 1965), Arturo M. Tolentino (Ene. 17, 1966-Ene. 26, 1967), Gil J. Puyat (Ene. 26, 1967-Set. 23, 1972), Jovito R. Salonga (Hul. 27, 1987-Ene. 1, 1992), Neptali A. Gonzales (Ene. 1, 1992-Ene. 18, 1993; Ago. 29, 1995-Okt. 10, 1996; Ene. 26-Hun. 30, 1998), Edgardo J. Angara (Ene. 18, 1993Ago. 28, 1995), Ernesto M. Maceda (Okt. 10, 1996-Ene. 26, 1998), Marcelo B. Fernan (Hul. 27, 1998-Hun. 28, 1999), Blas F. Ople (Hun. 29, 1999-Hul. 12, 2000), Franklin Drilon (Hul. 12-Nob. 13, 2000 at Hul. 23, Hul. 23, 2001-

Hul. 24, 2006), Aquilino Q. Pimentel, Jr. (Nob. 13, 2000-Hun. 30, 2001), Manuel Villar (Hul. 24, 2006-Nob. 17, 2010), Juan Ponce Enrile (Hul. 26, 2010-Kasalukuyan) (SMP) (ed VSA)

senákuló
Maituturing na isang sanga ng komédya ang dulàng senákuló bagaman natatangi dahil hinggil lámang sa hulíng yugto ng búhay ni Hesukristo at itinatanghal lámang kung Mahal na Araw. Mula ito sa salitang Espanyol na cenaculo, ang tawag sa pook o silid na pinangyarihan ng Hulíng Hapunan. Tulad ng pasyón, may mga pook na isang panata ng komunidad ang pagtatanghal at pagganap sa dulàng ito. Tulad sa komédya ang mga katangian ng senákuló, mula sa paggamit ng makukulay na kasuotan, mga diyalogong patula, hanggang sa paggamit ng kababalaghan. May mga iskrip na hinalaw lámang sa pasyón ang diyalogo. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ito iba’t ibang paraan ng pagtatanghal, mula sa mga payak na pagsasadula sa Marinduque hanggang sa mas magarbong produksiyon sa Cainta, Rizal. Nagkaroon din ng iba’t ibang interpretasyon at nilangkapan ng napapanahong mensaheng panlipunan tulad ng Bagong Kristo (1907) ni Aurelio Tolentino na nagtatampok ng isang Kristo na isang lider-manggagawa, ang Christ (1977) ng Babaylan Theater Group na ukol naman sa isang magsasaka, may ararong naging krus, at inaapi ng kaniyang panginoong may-lupa, ang aktibistang Kalbaryuhan sa Maynila na si Juan de la Cruz ang Kristo. Ang senákuló ay tinatawag ding pasion y muerte o pitóng wikà sa Bulacan, Pampanga, Pangasinan, at Rizal, tanggál sa Camarines Sur, taltál o pagtataltál sa Guimaras at Negros Occidental, sentúryon at hudyúhan sa Paete, Laguna. (JGP) (ed VSA)

Séntrong Pangkultúra ng Filipínas
Ang Séntrong Pangkultúra ng Filipínas o Cultural Center of the Philippines (CCP) ang pambansang sentro sa paglinang ng kultura at sining pagtatanghal sa Filipinas. Nilikha ito sa bisà ng Executive Order 30 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1966. Pormal na pinasinayaan ang CCP noong 10 Setyembre 1969 sa pamamagitan ng halos tatlong buwang pagdiriwang na tinampukan ng pagtatanghal ng epikong Golden Salakot: Isang Dularawan. Ginawang pampublikong korporasyon ang CCP ayon sa Presidential Decree No. 15 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong 15 Oktubre 1972. Sa kasalukuyan, ito ay nakapailalim sa Opisina ng Pangulo ng Filipinas at kabílang sa kaanib na ahensiya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining. Pangunahing tungkulin ng Cultural Center of the Philippines ang pagtataguyod at paglinang ng kultura at sining ng Filipinas. Layunin ng CCP ang pagtatatag ng isang pambansang tanghalan, pambansang bulwagan ng musika, tanghalan para sa sining biswal, at iba pang pasilidad na maaaring gamitin sa pagpapaunlad ng sining. Saklaw din ng institusyong ito ang paglinang ng talento ng mga artista, pagpapalaganap ng kulturang pambayan, at pag-oorganisa ng mga grupong pangkultura. Ang CCP ang permanenteng tahanan ng Tanghalang Pilipino, Ballet Philippines, Philippine Ballet Theater, The Ramon Obusan Folkloric Group, at Bayanihan Philippine Folkloric Group. Kinakatawan naman ng sining sa musika ang mga grupong Philippine Philharmonic Orchestra, UST Symphony Orchestra, Philippine Madrigal Singers, at National Music Competitions for Young Artists Foundation (NAMCYA). Itinataguyod ng CCP ang pagpapalaganap ng edukasyong pangkultura sa buong bansa sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kumperensiya, workshop, at eksibisyon sa iba’t ibang probinsiya at rehiyon. Matatagpuan sa tinatawag na CCP complex ang iba’t ibang tanghalan, bulwagan, galeri, at museo. Kabílang dito ang Tanghalang Nicanor Abelardo, Tanghalang Aurelio Tolentino, Tanghalang Francisco Balagtas, Tanghalang Huseng Batute, Tanghalang Manuel Conde, Bulwagang Juan Luna, Bulwagang Fernando Amorsolo, at ang CCP Museum. (SMP) (ed VSA)

sibát
Ang sinaunang sibát ay isang mahabàng piraso ng kahoy o kawayan na may tulis ang isang dulo at inihahagis upang patamaan ang isang bagay na nása malayò. Ginagamit ito ng mangangaso sa pagtudla ng hinahabol na hayop, halimbawa’y usa o baboy-damo, ng mangingisda sa pagsaksak ng isda sa ilalim ng tubig, at ng nais sungkitin ang prutas na nása tuktok ng mataas na punongkahoy. Sandata rin ito sa labanan. Nang matuklasan ang gamit ng metal, naging bakal ang tulis ng sibát, at paglaon ay pati ang tagdan o hawakan nitó. May sibát na magkasanga ang dalawa o tatlong tulis sa tinatawag na salapáng. Ito ang sagisag ng diyos ng karagatang si Neptuno. Karaniwan ding gamit ng mangingisda ang salapáng para humuli ng higit na malaking isda sa dagat. May salapáng na nakakurbang palukong ang hugis ng mga tulis at gayon ang salapáng na ginagamit ng mga magsasaka sa pag-iipon at pagdadalá ng dayami at damo. Dahil marahil sa sagisag ng diyoses, isang simbolo ng kapangyarihan ang sibát. Sa gayon, ang pahayag na “nabalì ang sibát” ay talinghaga para sa paghinà ng isang awtoridad. Nagpapahiwatig din ang sibát ng bilis. Kayâ may kawikaang “sumibát” para sa mabilis na pagtakas. Sa isports, may paligsahan sa lakas maghagis ng sibát na tinatawag na javelin. Isang paligsahan ito na nagmula sa sinaunang Olimpiyada ng mga Griyego. (GCA) (ed VSA)

Sierra Madre
Pinakamahabàng hanay ng kabundukan sa buong Filipinas ang Sierra Madre (Si·yé·ra Mád·re). May habàng 960 kilometro, matatagpuan ito sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, at Quezon. Ang karaniwang lapad nitó ay 35 kilometro at ang karaniwang taas naman ay 2,000 metro. Ang pinakamataas na bahagi ng Sierra Madre ay ang Bundok Anacuao. Mas matarik ang mga bundok na nakaharap sa Karagatang Pasipiko samantalang katamtaman ang taas ng mga nakaharap sa Lambak ng Cagayan at kapatagan ng Gitnang Luzon. Kagubatan ang malaking bahagi nitó na 1.4 milyong ektarya at kumakatawan sa 40 porsiyento ng kagubatan sa buong bansa. Maraming uri ng hayop at halaman ang nabubuhay sa kagubatan ng Sierra Madre, karamihan ay tanging sa bansa lámang makikita at nanganganib nang maubos. May mahigit isang libong katutubong Dumagat ang naninirahan sa mga baybayin at paanan ng Sierra Madre at nabubuhay sa pamamagitan ng pangangaso at pagtatanim. Ang kabundukan ng Sierra Madre ang isa sa mga pangunahing nagaambag sa ekonomiya ng bansa dahil sa mga watershed o natural na imbakan ng tubig na nagsusuplay ng tubig pang-irigasyon sa mga palayan ng Gitnang Luzon at Lambak Cagayan, gayundin, ng malinis na inumin at koryente na ginagamit ng Metro Maynila .Ang Northern Sierra Madre Natural Park ay binuo noong 1997, ang pinakamalaking natural na parke sa Filipinas na may mahigit 476,000 ektaryang lawak ng kalupaan. Walumpung porsiyentong bahagi nitó ay kalupaan hábang ang nalalabíng 20 porsiyento ay mga baybaying-dagat Ang parke ay tahanan ng may 240 uri ng ibon at 78 sa mga uring ito ng ibon ay di na makikita pa sa ibang bahagi ng bansa. Narito rin ang halos 60 porsiyento na uri ng halaman na makikita sa Filipinas. Noong 2001, idineklara ito ng pamahalaan na isang permanenteng protektadong lugar. (AMP) (ed VSA)

Gabriela Silang
(19 Marso 1713-29 Setyembre 1763) Si Maria Josefa Gabriela Cariño Silang (Ma·rí·ya Ho·sé·fa Gab·ri·yé·la Ka·rí·nyo Sí·lang) ang unang Filipinang namunò ng isang paghihimagsik noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siyá ang asawa ni Diego Silang at nagpatuloy ng pag-aalsa ng mga Ilokano nang mamatay ang asawa. Ipinanganak siyá noong 19 Marso 1731 sa Santa, Ilocos Sur. Sinasabing inampon siyá ni Padre Tomas Millan, vicar general ng lalawigan, na pinakasalan siyá noong siyá ay 20 taóng gulang. Maaga siyáng nabiyuda sa unang asawa at napangasawa niyá si Diego noong 1757. Walang ulat kung nagkaroon sila ng anak. Si Diego ang naging pinunò ng pag-aalsa sa Ilocos laban sa mga Espanyol mula 1762 hanggang 1764. Nang sakupin ng mga Ingles ang Maynila noong 1762, nakita niyá ang pagkakataón upang makapag-alsa ang mga Ilokano laban sa mga Espanyol. Nahati ang puwersa ng mga Espanyol sa pakikipaglaban sa mga Ingles sa Maynila at sa pangkat ni Silang sa Ilocos. Naagaw nina Diego ang mga bayan sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur at nagpahayag siyá ng paglaya ng mga mamamayan sa pagsasamantala ng pamahalaang Espanyol. Gayunman, isang kaibigan ni Diego, si Miguel Vicos, ang nahimok ng mga Espanyol na magtaksil. Sa pamamagitan ni Vicos ay napatay si Diego noong 1763. Ipinangako ni Gabriela sa asawa bago ito mamatay na pamumunuan ang nasimulang pag-aalsa. Nagpakita siyá ng gilas bilang pinunò at marami siyáng nakamit na tagumpay sa mga labanan sa Santa at Vigan sa Ilocos Sur. Ngunit sa dami ng kaaway, natalo ang kaniyang pangkat sa kalaunan. Nadakip siyá sa Abra at binitay sa Vigan noong 29 Setyembre 1763. Nagsilbing inspirasyon si Gabriela sa isang samahang nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, ang GABRIELA (General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership, and Action). Matatagpuan din sa sentrong distritong pangkalakaran ng Lungsod Makati ang isang monumento ni Gabriela Silang. (PKJ) (ed VSA)

simbáhan
Isang banal na estruktura ang simbáhan, karaniwang malaki at may kapasidad maglamán ng mahigit sandaang tao na dumalo sa misa at iba pang gawaing panpanampalataya. Sa mga Katoliko, ang simbáhan ang sentro ng isang parokya. Mas maliit ang kapílya (capilla) o bisíta (visita) na naglilingkod sa pangangailangan ng nayon o barangay. Mas malaki naman ang katedrál (catedral) ng arsobispado. May habilog na arkitektura ang tinatawag na basiliká (Latin, basilica). Naipantutukoy din ito sa mismong organisasyon sa pagsampalataya, gaya ng “simbahang Katoliko” o “simbahang Protestante.” Inuuri din ang mga simbáhan alinsunod sa arkitektura, gaya ng tinatawag na simbáhang romanésko, simbáhang gótikó, at simbáhang baróko na itinayô sa iba’t ibang panahon sa Europa. Ang salitâng “simbáhan” ay nalikha sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, mula sa katutubong sambá at sambáhan. Tumutukoy ang una sa pagtatanghal ng pagsampalataya at ang ikalawa sa pook para sa gayong pagsampalataya. Walang ulat na gumagawa ng malaking bahay para sa sambáhan. Idinadaos ang sinaunang sambá sa alinmang itinuring na banal na pook—isang yungib, paligid ng isang malaking punongkahoy, o isang tanging bahagi ng bakuran at bukid. Ang sambá ay ginawang símba katapat ng Espanyol na misa at ang sambáhan ay ginawang simbáhan katapat ng Espanyol na iglesia. Gayunman, may sekta ngayong bumabalik sa sambá at sambáhan. Patuloy naman ginagamit ng mga unang pagsampalataya ang témplo. Sa mga Muslim, masjíd (na may varyant na masyíd) ang tawag na pook sa pagsamba at pananalangin. (YA)(ed VSA)

Simbáhang Barasoain
Matatagpuan sa Lungsod Malolos na may layòng 42 kilometro mula sa Kalakhang Maynila, ang Simbáhang Barasoain (Ba·rás·wa·ín) ay tahanan sa mga Katolikong mananampalataya noon pang panahon ng mga Espanyol. Halaw mula sa simbahan ng Barasaoin sa Navarra, Espanya, ipinatayô ito noong 1859 ng mga misyonerong Agustino. Sa simula, isa lámang itong bisita o kapilya ng simbahang Malolos subalit nang kinalaunan (1859) naging ganap itong isang parokya na independiyente sa nasabing bahay-sambahan. Binubuo ito ng dalawang estruktura—ang kumbento at ang mismong simbahan. Payak ang simula ng Simbahang Barasoain. Noong 1816, hábang ito ay nása pamamahala at ilalim ng simbahan ng Malolos, ipinatayô ni Padre Melchor Fernandez, kura-paroko sa nabanggit na simbahan, ang isang ermita na naging pansamantalang kapilya ng Barasoain. Nang ito’y magsarili noong 1859 at maitalaga bilang unang kura-paroko si Padre Francisco Arriola, ipinatayô ang kumbento. Samantala, sa panahon ni Padre Francisco Royo ipinatayô ang simbahang gawa sa bato noong 1871 hanggang 1878 upang palitan ang pansamantalang kapilya, bagaman ito ay dagliang nasira dulot ng sunog. Noong 1885 sa ilalim ng pamamahala ng sumunod na kuraparoko na si Padre Juan Giron ipinagawa ang kasalukuyang estruktura ng simbahan. Pagkalipas ng apat na taón, ipinatayô ni Padre Martin Arconada ang tore at isinaayos ang kumbento. Naging mahalaga ito sa kasaysayan ng Filipinas. Dito naganap ang unang pagtitipon ng mga miyembro ng Kongresong Malolos gayundin ang botohan para sa pagpili ng mga opisyal nitó noong 15 Setyembre 1898. Nahalal si Pedro Paterno bilang presidente ng kongreso. Dito din binalangkas ng mga miyembro ng kongreso ang KonstitusyongMalolos. Sa kasalukuyang panahon, muling naging makasaysayan ang Simbahang Barasoain nang piliin ito ng Pangulong Joseph “Erap” Estrada bilang lugar ng kaniyang panunumpa bilang halal na presidente ng Filipinas. (LN) (ed VSA)

Simbáhang Katólikó
Ang Simbáhang Katólikó ay isang Kristiyanong simbahan na kumakatawan sa Santo Papa sa Vaticano, Roma. Pinaniniwalaang hindi lámang ang pisikal na estruktura ng simbahan ang tinutukoy dito; higit pa rito ay ang pagsasáma-sáma ng mga tao sa isang pananampalataya sapagkat ang mga tao ay itinuturing ding simbahang itinayô ni Hesukristo sa pamamagitan ni San Pedro, ang unang Sánto Pápa. Ang salitâng “katólikó” (catolico) ay nangangahulugang “pangkalahatan,” dahil ang simbahang itinayô ni Hesukristo ay para sa lahat. Ang Simbahang Katoliko ay kumakatawan sa kalahati at pinakamalaki (mahigit isang bilyon) sa total na populasyon ng mga Kristiyano. Mula sa pamumunò ng Santo Papa, may pumunuan itong binubuo ng mga kardinal, arsobispo, obispo, at mga pari. Ang obispo ang pinunò ng isang diyosésis at ang mga pari ang nangangasiwa sa mga parókya. Itinuturo nitó ang katunayan ng Santisíma Trinídad—na may isang Diyos at may tatlong Persona—at si Hesus bilang Diyos Anak. Pinalalaganap din nitó ang kabanalan ng mga Sakraménto mula sa binyag, kumpil, pangungumpisal, at hanggang sa kasal o pagpapari. Malaking trabaho ng mga misyonerong kasapi ng iba’t ibang ordén o korporasyóng relihiyóso ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. (IPC) (ed VSA)

Unang Misa sa Filipinas ni Fernando Amorsolo

Simbáhang Miag-ao
Ang Simbáhang Miag-ao (miyág-aw) ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na naitala sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Ang simbahan ay matatagpuan sa bayan ng Miag-ao, sa Iloilo. Kinilala ang simbahan dahil sa “pambihirang estilong arkitektural nito na pag-aangkop ng Baroque Europeo sa Filipinas ng mga artesanong Tsino at Filipino”. Itinayô noong 1787 ni Fray Francisco Maximo Gonzales, isang misyonerong Agustino, ang simbahan ay simbolo ng daan taóng kultura at pamumuhay ng mga nanirahan sa Miag-ao. Sinasabing may dalawang maaaring pinagmulan ang tawag na Miag-ao, sa miagos (mi·yá·gos), isang ilahas na halamang noo’y mayabong na tumutubò sa lugar, at sa miyagaw (mi·yá·gaw). Ayon sa kuwento, tinanong ng mga Espanyol ang pangalan ng lugar ngunit inakala ng Negrito na ngalan niya ang tinatanong at sinabing Miyagaw. Ang pagsasakatutubo ng disenyong Baroque ay mababanaag sa pinakaharap ng simbahan na pinalamutian ng pintura ng mga punò ng niyog, bayabas, at papaya. Yari ito sa tabriya, isang uri ng batong-mina mula sa Bundok Igrabas, ilang kilometro mula sa kabayanan. Makikita rin dito ang napapagitnaang rebulto ni Sto. Tomas ng Villalon, ang santong patron ng simbahan, ng mga rebulto ni St. Henry at ng Santo Papa at kani-kaniyang sagisag sa kanilang ulunang bahagi. Ang tinubog sa gintong retablo ang nagbigay naman ng dagdag na kinang sa payak na interyor nito. Hindi nakapagtatakang nakapanatili ang Simbahang Miag-ao sa loob ng ilang dantaon dahil sa pagkakayari nitong parang kuta. Nakabaón ng anim na metrong lalim, ang mga pader ay isa’t kalahating metro ang kapal at triple naman nito ang pagkakayari sa mga haligi na sumusuporta sa buong estruktura. Ang simbahan ay nagsilbi ring tanggulan noong panahon ng digmaan. Sa bisà ng Presidential Decree No. 260 noong 1 Agosto 1973, ginawaran ng makasaysayang pananda ang Simbahang Miag-ao. (RVR) (ed VSA)

Simbáhang San Agustín
Ang Simbáhang San Agustín ang pinakamatandang simbahang bato sa Filipinas. Matatagpuan ito sa Kalye Hen. Luna at Calle Real sa Intramuros, Maynila. Idinisenyo ng Espanyol na si Juan Macias, ang simbahan ay mas naunang nakilala bilang Inglesia de San Pablo. Isa ito sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Intsik at Filipino.” Unang itinayô ito noong 1571 nang ideklara ng mga Espanyol ang Maynila bilang kabesera ng bansa. Ang simbahan na yari lámang sa pawid at kawayan noon ay nasira agad nang lusubin ni Limahong ang Intramuros noong 1574. Nang muling itayô ito noong 1583, gumamit na ng kahoy, at nang muling idisenyo ito noong 1599, gumamit na ng bato. Taóng 1606 nang matapos ang konstruksiyon ng simbahan. Sinasabing ang plano at disenyo ng simbahan ay ayon sa inaprobahan ng Royal Audencia ng Mexico. Gayunman, mahigpit na isinaalang-alang ang kalidad ng materyales na gagamitin sa pagtatayô at sa kalagayan ng panahon sa bansa. Dahil dito, sa kabila ng mga pinagdaanan nitóng mga sunog, mga lindol (na naganap noong 1645, 1754, 1852, 1863, at 1880) at pagbomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Simbahan ng San Agustin ang tanging estrukturang itinayô noong siglo 16 na nananatili hanggang ngayon. Bukod sa pagiging isang mahalagang pamanang pang-arkitektura, saksi rin ang simbahan sa mga makasaysayang yugto ng Filipinas. Matatagpuan sa loob nitó ang mga labí ni Miguel Lopez de Legaspi, ang Espanyol na mananakop na nagtatag ng Lungsod Maynila. Sa sakristiya naman nitó nilagdaan noong 1898 ang kasunduan sa pagsuko at pagpapasakop ng Maynila sa mga Amerikanong mananakop. Dito rin ginanap noong 1953 ang Kauna-unahang Plenaryo ng Konseho ng Filipinas. Noong 1973, ang monasteryo nitó ay ginawang lagakan ng mga relikya at iba pang likhang sining na mula pa noong siglo 16. (RVR) (ed GSZ)

Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Simbáhang San Sebastián
Ang Basilica Minore de San Sebastián, mas kilala bilang Simbahang San Sebastián, ay isang basilika ng Simbahang Romano Katoliko na matatagpuan sa Plaza del Carmen, Quiapo, Lungsod Maynila. Tanyag ito bilang nag-iisang simbahang gawa sa bakal sa buong Asia, at bilang nagiisang Neo-Gotikong simbahang bakal sa bansa at sa Asia. Ito ang luklukan ng Parokya ng San Sebastian at ng Pambansang Dambana ng Ating Ina ng Bundok ng Carmelo. Pinagsáma ng arkitektong Espnayol na si Genaro Palacios ang mga estilong Neo-Gotiko at Earthquake Baroque sa paglikha ng disenyo ng simbahan. Ginawa at inangkat ang bakal na ginamit sa pagpapatayô ng basilika mula sa Belhika. Sinimulang itayô ang simbahan noong 1888 at binasbasan ng Arsobispo ng Maynila noong 1891. Tampok sa mga bakal na haligi, dingding, at kisame ng simbahan ang pinta ni Lorenzo Rocha at kaniyang mga mag-aaral; ang mga kumpesyonal, pulpito, altar, at limang retablo ay idinisenyo ni Lorenzo Guerrero; at ang mga estatwa ng mga banal na tao ay lilok ni Eusebio Garcia. Noong 1973, ipinahayag ang San Sebastian Church bilang isang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark). Noong 2006, isinama ng UNESCO ang simbahan sa tentatibong talaan ng mga posibleng World Heritage Site. (PKJ) (ed VSA)

Simbáhang Sánta María
Ang Simbáhang Sánta María, na kilala rin bilang Simbahang La Asuncion De La Nuestra Señora ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na kabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO. Kinilala ang simbahang ito dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Tsino at Filipino.” Matatagpuan ito sa Santa Maria, Ilocos Sur. Itinayô ang simbahan ng mga paring Agustino. Ang simboryo ay ginawa noong 1810 at natapos makalipas ang isang taón. Ang simbahan at kumbento ay nása itaas ng isang burol kung kayâ’t nagbibigay ito ng panoramikong tanawin sa mga karatig-bayan at tabing-dagat. Mayroong mahigit 80 hagdang-bato mula sa paanan ng burol paakyat sa simbahan. Gaya ng iba pang simbahang itinayô sa panahon ng pananakop ng Espanyol, ang patsada ng Simbahang Santa Maria ay napagigitnaan ng dalawang malalaking haligi at ang buong estruktura ay sinusuportahan ng iba pang matataas at malalapad na mga haliging semento. Natatangi naman ang mamula-mulang kulay ng simbahan dahil yari ito sa adobe. Nakatayô sa bandang gilid ng simbahan ang nakahiwalay na kampanaryo na yari sa bato at parang isang pagodang Tsino na may patongpatong na hugis oktagonal na papaliit ang sukat pataas. Sa harap naman ng simbahan ay makikita ang kumbento na nakadugtong sa pamamagitan ng tulay na bato. (RVR) (ed GSZ)

sinarapán
Ang sinarapán o Mistichthys luzonensis ay isang uri ng biyâ na kilalá sa buong mundo bilang pinakamaliit na komersiyal na isda. Nabibilang ito sa pamilya Gobiidae. Sa Filipinas lámang ito natatagpuan at katutubo sa rehiyon ng Bikol. Kadalasang matatagpuan ang sinarapan sa probinsiya ng Camarines Sur, lalo na mga lawa ng Buhi, Bato, Katugday, at Manapao. Nanganganinag ang katawan nitó. Hubad ang ulo nitó pero nababalutan naman ng mga kaliskis ang katawan nitó. May 23-24 na kaliskis na nása hanay pahabâ samantalang anim naman ang nása pahalang.May makikitang apat na tinik sa likod. May karaniwang habàng 12.5 sentimetro ang isang sinarapan at ang pinakamalaking naitalâ ay 2.5 sentimetro. Nahuhúli ang isdang ito sa pamamagitan ng sakag at sarap. Malinamnam at masarap na pagkain ang sinarapan (kayâ ito ang tawag sa isdang ito) at itinuturing na pinakaimportanteng pinagkukunan ng kabuhayan ng mga naninirahan sa lawa. Naitalâ rin ang isdang ito sa Guinness Book of World Records bilang pinakamaliit na isdang kinakain ng tao. Nanganganib na mawala ang sinarapan dahil sa labis na pangingisda at ang pagpapasok ng mga isdang nagmumula sa ibang lugar. Ayon sa pag-aaral, maaaring ang pagpasok ng isdang tilapya sa Lawang Buhi ang naging dahilan ng pagkaubos ng sinarapan dito. (MA) (ed VSA)

singkában

Sang-ayon sa isang matandang bokabularyo, ang singkában ay “labores en las cañas.” Isang sining ito ng pagkayas at pagpapalamuti sa kawayan upang maging isang arko na ipinahihiyas sa pintuan ng bakuran o tahanan bilang pambatì sa panauhin. May palatandaan na isang sinaunang kaugalian ang paggawa ng singkaban kapag may pagdiriwang. Ang kaugaliang ito ang ipinagpatuloy sa poné o puní (mula sa Espanyol na componer)—ang dekorasyong arkong kawayan o pinilipit na kamuning na tinutusukan ng mga bulaklak, at ipinupuwesto sa pintuan at altar ng bisita’t simbahan kung pista at Kuwaresma.

tangere ang ganitong palamuting singkában bilang isang kaugalian sa pista ng San Diego. Bahagi na ito noon sa gayak ng mga pista, kasal, at malaking pagtitipon sa maraming pook sa Filipinas. Nakunan ng retrato ang singkában na itinayô sa harap ng Casa Real sa inaugurasyon ng Unang Republika ng Filipinas sa Malolos noong 21 Enero 1899. Gawa ito sa kawayan, kahoy, at pinintahang tela upang magmukhang pader na tisa, mistulang isang arc d’triumph o arko ng tagumpay, para sa pumaradang hukbo at lider ng Kongreso sa pangunguna ni Pangulong Emilio Aguinaldo.

Nangunguna ngayon ang Bulacan sa pag-iingat ng sining ng singkaban. Isang malaking pagbabago ang paggawa ng singkában bilang malaking Bukod sa paligsahan sa tradisyonal na kinayas na kawayan, may nagarkong gawa sa kawayan na ipinupuwesto sa lansangan o sa bungad ng eeksperimento din sa paggamit ng punò ng saging at ibang materyales. patyo ng simbahan kung may pagdiriwang. Binanggit ni Rizal sa Noli me (VSA)

singkíl
Ang singkíl ay isa sa pinakapopular na sayaw na nagmula sa katimugan ng Filipinas. Ang pangalang singkil ay galing sa kadenang suot sa bukongbukong ng mga taga-Mindanao na may gayon ding katawagan. May tatlong pangunahing mananayaw dito na gumaganap bilang prinsesa (Gandingan), prinsipe (Darangan), at babaeng nagsisilbing tagapayong ng prinsesa. Hawak ng prinsesa ang pamaypay at makukulay na panyong gawa sa sutla. Ang malikhaing galaw at maneobra ng mga ito sa kamay ng prinsesa at ang mahusay na pag-iwas niyá sa nagpipingkiang kawayan ang tampok ng sayaw. Katulad ng iba pang mga sayaw na Magindanaw, hindi magkaparehang sumasayaw ang babae’t lalaking mananayaw ng singkil. Karaniwan itong sinasaliwan ng kulintangan o grupong pangmusika ng mga gong. Hango sa epikong-bayan na Darangan ang naratibo ng sayaw na singkil. Sa epiko, kinuha ng mga diwata si Prisesa Gandingan at dinala ito sa isang gubat. Dito, dumaraan si Prinsipe Darangan upang maghanap ng mapupusuang prinsesa. Lilindol sa loob ng gubat, at magbubungguan ang mga punò at bato na isinasalarawan ng pingkian ng mga kawayan sa sayaw. Kaakit-akit at mahinhin ang pag-iwas sa mga ito ni Prinsesa Gandingan, at sa pagkakataóng ito’y makikita siyá ng Prinsipe na siyá namang susunod sa mga hakbang ng pag-iwas sa mga punò at bato. Ang sayaw ay ginagawa sa gitna ng isang magkahanay na pares ng kawayan na may nakapatong na isa pang magkakrus na pares ng kawayan. Ang ritmo ng pingkian ay regular kompara sa ritmo ng tinikling na isa ring sayaw sa kawayan na pabilis naman nang pabilis. (RCN) (ed GSZ)

sinigáng
Marami ang nagsasabi na ang sinigáng ang hiyas ng katutubong lutuing Filipino dahil sa malikhaing paggamit dito ng mga dahon at prutas na pampaasim. Tóla o tinóla ito sa mga Bisaya. Tulad ng bulangláng, isang lutuing gulay ito na may sabaw. Pangunahin sa gulay ang kamátis, kangkóng, sélerí, sibúyas, labanós, at gábe. Maaaring isigang ang karne ng baboy at báka, manok, isda’t hipon. Nása timplang asim at sa pampaasim ang katangian ng sinigáng. Ang sinampalúkang manok ay may muràng dahon ng sampalok. Ginagamit din ang hilaw na bunga at ang bulaklak ng sampalok. Ginagamitan ng bunga ng kamyas o katas ng kalamansi’t dayap ang sinigáng na isda’t hipon. Paborito sa Pampanga at Bulacan ang sinigáng sa bayabas. Pansigang sa Bisayas at Mindanao ang maasim na bunga ng batwan. Sa San Miguel, Bulacan ay ipinansisigang ang dahon ng alibangbang. May gumagamit din ng bunga ng sinigwelas. Kung nagmamadalî, may nabibili na ngayong nakapaketeng pampaasim sa sinigáng. Ikinatutuwa din ito ng mga Filipino na nása ibang bansa, lalo’t taglamig. Iba raw ang lasa ng tunay at sariwang pampaasim? Kung natatabangan, ang sagot ng matakaw, nariyan naman ang sawsawang patis. (GCA)(ed VSA)

sipà
Ang sipà ang isa sa pinakakaraniwang laro ng mga batàng Filipino. Mula sa Mindanao, nag-umpisa itong sumikat noong panahon ng Amerikano. Karaniwang iniuugnay sa sépak takráw, ang sipa ay nilalaro ng dalawang pangkat ng manlalaro, sa loob o laban man, sa isang kort na sinlaki ng laruan ng tennis. Ang bawat pangkat ay binubuo ng isa o dalawang manlalaro. Ang layunin ng laro ay sipain ang bolang yari sa yantok mula sa sariling kort patungo sa kabila, at balikan, nang dumadaan sa ibabaw ng net sa gitna. Ang bolang yantok ay may 9-10 sentimetro ang laki. Ang palaruan naman ay may habàng 20 metro at may lapad na 6, 8, o 10 metro ayon sa dami ng manlalaro. Pasalungat ang pagtutuos ng puntos, ibig sabihi’y binibilang ang kamalian o paggawa ng bawal ng manlalaro sa bawat pangkat. Ang pangkat na may mas mababàng puntos ang mananalo. May nalinang na ibang bersiyon ng sipa. Isa na rito ay ginagamitan ng pinagsamang goma o tingga na may itinaling maikling straw bilang palawit. Ang laruang ito ay sinisipa ng mga lalaki gamit ang panloob na bahagi ng kanilang paa, at ng mga babae gamit naman ang panlabas na bahagi ng kanilang paa. Binibilang ang puntos batay sa dami ng magkakasunod na sipang magagawa ng bawat manlalaro nang hindi nahuhulog ang laruan sa lupa. (GB) (ed GSZ)

Guhit ni Brian Vallesteros

siréna
Isang mitolohikal na nilaláng ang siréna na anyong babae mulang ulo hanggang baywang na may buntot ng isda sa halip na mga paa. Naiibang bahagya ang pantawag dito sa ibang bansa ngunit bahagi ito ng kultura ng maraming bayan sa buong mundo. Karaniwang itinuturing na tagapangalaga ng karagatan gayundin ng mga hayop at halamang naninirahan dito ang mga sirena. Gayunman, itinuturing din silang sanhi ng pagkamatay o pagkawala ng maraming mangingisda at bangkero. Ayon sa mga kuwento, lubhang nakahuhumaling ang tinig o awit ng sirena, dahilan upang makalimutan ng mga mangingisda ang kanilang gawain kung hindi man napapatalon sila sa tubig na kanilang ikinalulunod. Hindi naman nakapagtatakang isisi sa mitolohikal na nilaláng ang ganitong trahedya. Ang agos ng dagat o lawa ay palaging nakasalalay sa klima at lagay ng panahon, at anumang suliraning dulot nitó ay karaniwan nang ipinaliliwanag sa pamamagitan ng kababalaghan lalo na sa kanayunan. Ayon sa mga biyologong pandagat, ang mga pinaniniwalaang nakikitang sirena ng mga mangingisda ay maaaring mga dúgong (Dugong dugon). Ang dugong ay isang erbiborong mammal na tubig-alat na may katawang hugis torpedo, isang pares ng hugis-sagwan na pangkampay, at buntot na parang sa dolphin. Ano’t anuman, masasalamin sa sirena ang makulay na haraya ng mga Filipinong lubos na naiimpluwensiyahan ng malalawak na anyong tubig na nakapaloob at nakapalibot sa bansa. Makatitiyak táyo na hábang kapuwa yumayabong ang pagpapahalaga at lumalalâ ang pagpapabaya sa karagatan ay mananatili ang sirena sa imahinasyon ng mga Filipino. (GAC) (ed GSZ)

sítsarón
May kahawig diumanong cortezas de piel sa Espanya, ngunit ang pangalan at gamit ng sitsarón ay higit na nagpapahiwatig ng pinagmulang chicharrón ng Mexico. Tinutukoy nitó ang sitsaróng balát ng baboy. Gayunman, hindi na kasáma at orihinal na Filipino ang sitsaróng bitúka at sitsaróng bulaklák, at lalo na ang bagnét ng mga Ilokano. Ang sitsarón ay kinakaing ulam sa kanin anumang oras. Ngunit isinasawsaw din ito sa sukàng may siling labuyo at pulutan sa pag-iinuman. Mapanganib na katuwaan sa inuman ang magkaternong sitsarón at balút sa bawat tungga ng hinyebra o lambanog. Ganoon din ang ginagawa sa bagnét. Gayunman, ang kumunat nang sitsarón ay malinamnam na pansahog sa ginisang munggo. Ang bagnét ay ipinampapalasa din sa pakbet. Mumurahin ang inilalakòng maninipis na sitsarón sa parke’t estasyon ng bus. Medyo matigas din ang sitsaróng balát ng kalabaw. Ang totoong mamahalin at inihahain kung pista ay ang sitsaróng hamonádo—malaking hiwa ng kuwadradong sitsaróng may lamán. Samantala, ang sitsaróng Cebu ay maliliit na piraso, maputla ang kulay, at masarap kukutin dahil hindi nangangailangan ng sawsawan. (DRN)(ed VSA)

siyókoy
Mitolohikal na nilaláng na pandagat ang siyókoy na anyong lalaki, nababalot ng kaliskis ang buong katawan, may lamad sa pagitan ng mga daliri sa kamay at paa, may mga palikpik sa iba’t ibang bahagi ng katawan at mga biyas, at may hasang na gamit na panghinga sa tubig. Itinuturing na lalaking katuwang ng sirena ang siyokoy, ngunit kaiba sa sirena, pinaniniwalaang mas nakakatakot ang mga siyokoy dahil sa kanilang itsura na karaniwang may matatalas na ngipin at dahil sa pamiminsala sa mga sasakyang-dagat at pananakit sa mga mandaragat. Dahil sa pangit na anyo ng siyokoy ay itinuturing na pagkutya ang matawag na “siyokoy.” Sa katunayan, isang kritiko sa wika ang umimbento ng tinatawag niyáng “salitâng siyokoy” at ang ibig niyáng sabihin ay mga salitang banyaga sa kasalukuyang wika na hindi maayos ang pagkakahiram. Malimit na bunga ito, ayon sa kaniya, na pagkalito sa paghiram ng anyong Espanyol ngunit nalalagyan ng sangkap na Ingles gaya sa “imahe” na hindi imagen mula sa Espanyol at hindi rin image mula sa Ingles, gayundin ng “pesante” na hindi paisano sa Espanyol at hindi rin peasant sa Ingles. Nais ng kritiko na pagbutihin ng mga edukadong Filipino ang paghiram kapuwa sa Espanyol at sa Ingles upang hindi maiwasan ang pagdami ng “salitang siyokoy.” (GAC) (ed GSZ)

Guhit ni Manuel de Jesus

Juan Crisostomo Soto
(27 Enero 1867-12 Hunyo 1918) Pangunahing mandudula, peryodista, at makata sa Kapampangan si Juan Crisostomo Soto (Hu∙wán Kri∙sós∙to∙mó Só∙to), at kilalá rin sa alyas niyáng “Crissot,” isang aknonim na kinuha sa mga unang pantig ng kaniyang mga apelyido. Nagsimula siyá bilang manunulat para sa mga progresibong pahayagang tulad ng La Independencia, El Liberal at La Publicidad. Mula 1906 hanggang 1917, pinamatnugutan naman niyá ang ilang publikasyong Kapampangan tulad ng Ing Balen na siyá ang nagtatag, at Ing Alipatpat na nagtampok ng kaniyang salin ng Noli me tangere ni Rizal sa wikang Kapampangan. Bilang isang makata, nagwagi ang kaniyang “Lira, Dalit at Sinta” ng unang gantimpala sa pagdiriwang ng araw ni Rizal sa San Fernando noong 1917. Ang nag-iisa niyáng nobela, ang Lidia (1907), ay unang nalimbag na serye sa pahayagang Ing Imangabiran na kaniya ring pinamatnugutan. Humigit-kumulang 50 sarsuwela at drama ang naisulat ni Soto ngunit hindi naingatan ang karamihan. Nagsimula siyá sa pagsulat ng mga dulang halaw sa mga banyagang akda tulad ng Ing Singsing a Bacal (mula sa El anillo de hierro). Higit siyáng nakilála sa kaniyang mga akdang makabayan, tulad ng Sigalut at Balayan at Sinta (Bayan at Pag-ibig), na kapuwa naisulat sa loob ng kulungan, ng Ing Paniu nang Sitang (Ang Panyo ni Sitang), at ng Ing Anac ning Katipunan (Ang Anak ng Katipunan). Ang Alang Dios (Walang Diyos) ang pinakabantog niyáng dulà at unang itinanghal sa Teatro Sabina noong 16 Nobyembre 1902. Si Soto mismo ang nagdirihe ng Compania Sabina para sa kaniyang mga dula at tinugtog ng Orquesta Palma ang musika batay sa mga komposisyon nina Amado Gutierrez, Pablo Palma, Dionisio Andres, Jose Estella. Isinilang si Soto noong 27 Enero 1867 at panganay sa tatlong anak nina Santiago Soto, may-ari ng mga palayan at dating alguacil mayor ng Bacolor, at Marcelina Caballa, isang mananahi. Hindi niyá natapos ang pag-aaral sa Maynila dahil nahilig magsulat at pagkuwa’y lumahok sa hukbo ni Heneral Tomas Mascardo sa Himagsikang 1896. Una niyáng naging asawa si Julia Amaida at nagkaroon silá ng anim na anak. Nang mamatay si Julia noong 1903, pinakasalan naman ni Soto si Rosario Palma at nagkaroon silá ng apat na anak. Yumao si Soto noong 12 Hunyo 1918. Bilang parangal, ipinangalan sa kaniya noong 1926 ang Crissótan, ang bersiyon ng balagtásan sa Kapampangan, na unang itinanghal sa isang bahay sa Santa Cruz, Maynila at nilahukan nina Lino Dizon at Nicasio Dungo, at ni Amado Yuzon bilang lakandiwa. (JGP) (ed VSA)

Vicente Sotto
(18 Abril 1877-28 Mayo 1950) Isang kontrobersiyal na manunulat, peryodista, at politiko ang dating senador na si Vicente Yap Sotto (Vi∙cén∙te Yap Só∙to). Tinagurian siyáng “Ama ng Wika at Panitikang Sebwano.” Naging makulay ang karera niyá bilang peryodista’t politiko dahil sa kaniyang paninindigan para sa Himagsikang Filipino at laban sa pananakop ng mga Amerikano. Isinilang siyá sa Cebu noong 18 Abril 1877 at anak nina Marcelino Sotto at Pascuala Yap. Nag-aaral pa lámang siyá nang komersiyo sa Unibersidad ng Santo Tomas nang sumiklab ang Himagsikang 1896 at kailangang umuwi siyá sa Cebu. Nang makapasá siyá sa bar noong 1907 ay naharap na siyá sa maraming usaping politikal. La Justicia ang unang peryodiko niyáng itinatag noong 1899 at ipinasara ng mga Amerikano dahil sa pagpanig sa Republikang Malolos. Itinayô niyá noon din ang El Nacional na ipinasara din at ipiniit pa siyá sa Fort San Pedro. Noong 1901, itinatag niyá ang Ang Suga, ang unang diyaryong Sebwano sa Kabisayaan. Noong 1903, nanalo siyáng presidente ng Cebu sa kabilâ ng pangyayaring abalá siyá sa kasong kidnapping sa Maynila. Bago matapos ang taón, napilitan siyáng manirahan sa Hong Kong. Itinayô niyá doon noong 1911 ang bilingguwal na The Philippine Republic. Umuwi si Sotto noong 1914, dinakip ngunit binigyan ng pardon ni Gobernador F.B. Harrison. Noong 1934 nagwagi siyáng delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1946, nagwagi siyáng senador at pinangunahan niyá ang pagsusúlong ng “Press Freedom Law,” na kilalá rin bilang “Sotto Law,” na naging Batas ng Republika Bilang 53 noong 1946. Ang kaniyang daglîng “Maming” na nalathala sa unang isyu ng Ang Suga (16 Hunyo 1901) ang itinuturing na unang maikling kuwento sa wikang Sebwano. Sinulat din niyá ang itinuturing na unang kontemporaneong dulà sa wikang Cebuano, Ang Paghigugma sa Yutang Natawhan (Ang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan), na itinanghal sa Teatro Junquera sa Cebu noong 1 Enero 1902. Katuwang ang manunulat na si Juan Villagonzalo at lingguwistang Amerikanong si Carlos Everett Conant, inilimbag ni Sotto ang isang diksiyonaryong Cebuano-Ingles na naglalaman ng 5,500 salitâ. Ang iba niyáng katha ay tinipon sa Mga Sugilanong Pilipinhon (Mga Kuwentong Filipino) noong 1929. Namatay siyá noong 28 Mayo 1950. (JGP) (ed VSA)

Spoliarium
Itinuturing na obra maestra ni Juan Luna ang Spoliarium (Is·pol·yár·yum) na sinimulang ipinta noong 1883 at natapos noong Marso 1884. Isa itong oleo sa kambas na may sukat na 4.22 metro x 7.675 metro. Tinapos ni Luna ang pintura sa loob nang walong buwan. Noong Mayo 1884, itinanghal ito sa Exposicion de Bellas Artes sa Madrid at ginawaran ng gintong medalya. Salitâng Latin ang spoliarium na tumutukoy sa pinakamababàng palapag ng koliseo ng mga Romano. Dito ang tambakan ng mga talunan at namatay na gladyador. Sa spoliarium din silá hinuhubdan ng sandata at kalasag. Ito mismo ang itinatampok na eksena sa Spoliarium ni Luna: ang masaklap na hantungan ng talunan. Nása gitna ng pintura ang mga bangkay ng gladyador na hinahatak ng mga sundalong Romano. Nása kaliwang bahagi ang mga manonood sa tagpo. Nakaabang ang ilan hábang nakatitig sa mga bangkay. Isa sa mga sundalong may hatak na katawan ang hinaharangan ang isang manonood gamit ang kaniyang braso. Sa kanang bahagi ng pintura, makikita ang isang matandang lalaking may tangang sulo. Malapit sa kaniya ang isang babaeng nakahandusay sa sahig at umiiyak. Marami ang nagpapakahulugan sa obra, kabílang na sina Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena, bilang sagisag ng kalunos-lunos na kalagayan ng mga Filipino sa ilalim ng mga Espanyol. Naging bahagi ang Spoliarium ng mga pagtatanghal sa Roma, Madrid, at Paris. Noong 1885, binili ito ng pamahalaang-panlalawigan ng Barcelona sa halagang 20,000 peseta. Dumaan ang pintura sa mahabàng siklo ng pagkasira, restorasyon, at paglipat sa iba’t ibang museo. Sa kasalukuyan, nakatanghal ang obra maestra sa Pambansang Museo kasáma ng ibang pintura ni Luna. (RPB) (ed VSA)

sublí
Ang sublí ay isang uri ng panata ng pasasalamat para sa Mahal na Poong Santa Krus na, ayon sa isang banggit noong bandang 1595, ay sinasabing naghimala sa bayan ng Alitagtag, Batangas. Ang kahoy na ginamit sa pagbuo ng poon ay pinaniniwalaan ding nagmula sa isang mahimalang punongkahoy na may hugis krus. Nilagyan ito ng mukha ng araw na may mga sinag. Ang subli ay nakapaloob sa isang pamamanata na may tatlong bahagi: ang kambulong, subli, at pandangguhan. Ang kambulong ay ang pagpapahiwatig ng pagtanggap sa pagdating ng Poong Santa Krus. Ang subli ay isang uri ng sayaw na may kahalong awitan sa saliw ng instrumentong perkusyon. Hango ang subli sa dalawang salita—“subsob” at “bali”, kung kayâ’t ang anyo ng mananayaw nitó ay nakasubsob at animo’y bali ang katawan. At ang pandangguhan ay ang pag-awit at pagsayaw ng pandanggo sa saliw ng gitara, biyolin, at tambol. Ang mga titik sa awit ng subli ay karaniwang kinakanta sa magkakaparehong tono o punto. Maaari itong awitin ng isang babae o dalawang grupo ng kababaihan sa pasagot na estilo. Ang kababaihan ay nakasuot ng balintawak na may tapis at panyo. Nakasuot din sila ng sombrero na yari sa bule. Ang kalalakihan naman ay nagsusuot ng barong tagalog at kulay pulang pantalon. Ang musika ng nakagawiang pagdaraos ng subli sa mga paaralan ay likha ni Juan Silos, Jr. Ito ay mabilis at nása batayang kompás na 2/4. Itinatanghal ang subli tuwing ikatlong Linggo ng Mayo, kung kailan natagpuan ang Poon. Idinaraos din ito bilang pasasalamat at panalangin sa kaarawan, gradwasyon, at paggaling sa karamdaman. (RCN) (ed GSZ)

sukì
Sukì ang turing sa tao na matagal at palagian nang bumibili ng isang produkto o sa isang tindahan. Dahil dito, inaasahan din niyá ang pribilehiyong tulad ng táwad at diskuwento. Mula ito sa wikang Tsino na “siak” isang tao na kakilála at madalas makita at “khe” na mamimíli o kostumer. Bukod sa táwad, bahagi ng maaaring ibigay na pribilehiyo sa sukì ang unahin sa pagsisilbi kapag maraming bumibili at ang lalong mainam, ang karapatang mangutang. Sa malalaking palengke, isang taktika ng mga tindera ang pagtawag na “Sukì! Sukì!” sa sinumang nagdadaan upang mahalinang huminto at tumingin sa paninda. Kasunod nitó ang garantiya na bibigyan ng dikaraniwang diskuwento, iyong mas mababà kaysa ibinibigay ng ibang tindahan, at pag-asikaso. Karaniwang taktika naman ng bumibili na ipaalalang isa siyáng “sukì” upang mabigyan ng gayong karapatan sa pinasok na tindahan. (GCA)(ed VSA)

Mula sa Aklat Adarna

Samaon Sulaiman
Ipinagkaloob kay Samaon Sulaiman (Su·má·on Su·láy·man), gayundin sa mga Kutyapi Artist ng Maganoy, Maguindanao, ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong 1993 para sa kaniyang natatanging kasiningan at dedikasyong patuloy na tugtugin ang kutyapi sa panahong hindi na ito ginagamit sa maraming bahagi ng Mindanao Sa larangan ng musika, kakaunti lámang sa mga komunidad pangkultura ng Filipinas ang maipapantay sa mga Magindanaw. Ang kahusayan nila sa pagtugtog ng kutyapi ay maikokompara sa mga musikero mula sa Silangan at Hilaga. Mayroong iba’t ibang disenyo, hubog, at laki ang kutyapi.Tinatawag ito sa iba’t ibang pangalan ng iba’t ibang komunidad pangkultura tulad ng kotapi (Subanon), fegereng (Tiruray), faglong (Bilaan), hegelong (Tiboli), at kuglong o kudlong (Manobo). Ang kutyapi ng mga Magindanaw ay isa sa mga pinakamahirap tugtugin sa mga tradisyonal na instrumentong Filipino. Pangunahing dahilan ito kung kayâ’t hindi nahihikayat ang mga nakababatàng henerasyong pagaralan ito. Bagaman dadalawa lámang ang kuwerdas, komplikado itong tutugtugin. Hábang ang unang kuwerdas ay lumilikha ng regular at monotonong tunog, ang pangalawa ay nagtataglay naman ng naigagalaw na fret na nagbibigay ng melodiyang maaaring tugtugin sa dalawang pentatonikong eskala. Labintatlong taóng gulang lámang si Samaon Sulaiman nang matutuhan niyá ang pagtugtog ng kutyapi mula sa kaniyang tiyuhin. Ngayon, siyá na ang kinikilalang maestro at guro ng instrumentong ito sa Libutan at sa iba pang barangay sa bayan ng Maganoy. Naipamamalas niyá ito sa lawak ng musikang kaniyang tinutugtog tulad ng dinaladay, linapu, minuna, binalig, at iba pang porma at estilong nagpapakita ng kapinuhan at sensibilidad na malilikha ng naturang instrumento. Mahusay rin si Samaon Sulaiman sa pagtugtog ng kulintang, agung, gandingan, palendang, at tambul. Bukod sa pagiging musikero, kilala rin siyáng barbero sa kanilang komunidad at isang imam sa masjid sa Libutan. (GB) (ed GSZ)

Raha Sulayman
(sirka 1550-sirka 1588) Si Raha Sulayman (Rá·ha Su·lay·mán) ang kinikilalang unang bayani ng Maynila para sa pagtatanggol niyá ng kaniyang kaharian laban sa mga mananakop na Espanyol. Mula sa angkan ng mga maharlikang Muslim sa Borneo, si Sulayman ang pinunò ng Maynila nang maunlad pa itong pamayanang Muslim. Tumanggi siyáng pasakop sa mga Espanyol sa pamumunò ni Martin de Goiti noong Mayo 1570. Sa pamamagitan ng amaing si Lakandula na pinunò ng Kaharian ng Tundo, nakipagkaibigan siyá sa mga Espanyol pero lihim na pinaghanda ang mga tauhan niyá. Nang mapatunayan niyáng ibig talagang manakop ng mga dayuhan, sinalakay ng kaniyang pangkat ang barko ni Goiti sa Look Maynila. Bilang ganti, pinatay ng mga Espanyol ang mga tauhan niyáng naiwan sa himpilan at sinunog ang pamayanan. Pinaghandaan niyá ang pagbabalik ng mga Espanyol. Noong Mayo 1571, nagbalik ang mas malaking hukbong Espanyol kayâ nangalap siyá ng mga tauhan sa Hagonoy, Macabebe, at iba pang barangay sa Pampanga. Natalo sila sa Labanang Ilog Bangkusay at may palagay na pagkatapos niyon, pinalitan niyá ang pangalan at ginawang Agustin de Legazpi. Nakatulong niyá si Magat Salamat, anak ni Lakandula, sa pagbuo ng hukbo laban sa mga Espanyol. Tinangka nilang pag-isahin ang mga barangay ng Tundo, Pandacan, Polo, Catangalan, Castilla, Taguig, Candaba, Navotas, Maysilo, Bulacan, Tangos, at Cuyo. Natuklasan ng mga Espanyol ang balak, dinakip siyá at kasáma ang ibang pinunòng katutubo ay binitay noong 1588. Ipinangalan kay Raha Sulayman ang isang liwasan sa Malate, Maynila. (PKJ) (ed VSA)
Guhit ni Vicente Zalameda Ganir

sulibáw
Ang sulibáw ay pangalan ng pangkat pangmusika ng Ibaloi. Ito rin ang pangalan ng pangunahing tambol sa pangkat. Ang terminong ito ay kombinasyon ng dalawang konsepto—ang suli (ang idea ng paulit-ulit) at baw (ang onomatopeikong tunog ng tambol). Bilang pangkat pangmusika, ang sulibaw ay binubuo ng dalawang patag na gong, dalawang tambol, at isang pares ng barang bakal. Ang kombinasyong ito ay pawang naiiba sa mga nakagawian ng mga taga-Cordillera. Ang isa sa dalawang gong ay tinatawag na pinsak, na ginagamit sa pagtugtog ng paulit-ulit na prase ng ritmo, at ang ikalawa naman ay ang kalsa, na siyá namang instrumento sa pagtugtog ng improbisasyon. Gamit ang istik, pinapalo sa loob na bahagi ang pinsak at kalsa, hábang hawak sa kaliwang kamay ng mga musiko ang gong. Ang pangunahing tambol, sulibaw, at ikalawang tambol, kimbal, ay ginagamit sa pagtugtog ng paulit-ulit na padron ng ritmo. Ang sulibaw ay may tonong mas mataas nang kaunti kaysa sa kimbal at tinutugtugan ito sa pamamagitan ng mabilis na pagpalo ng dalawang kamay. Ang mga tambol na ito ay kakaiba kompara sa iba pang tambol na matatagpuan sa bansa—balingkinitan, hugis balisuso, may taas na 70 sentimetro at may lapad na 10 sentimetro ang ibabaw. Ang pares naman ng barang bakal ay tinatawag na palas na tinutugtugan ng paulit-ulit na padron ng ritmo na naiiba sa pinsak. Tinutugtog ang sulibaw sa mga pagdiriwang ng peshit na idinaraos ng mga mayaman sa komunidad. Sinasaliwan ito ng sayaw sa pangunguna ng mga bantog na Ibaloi. Ang bilang ng lambong na nakasabit sa kanilang balikat sa pagsasayaw sa peshit ay simbolo ng kanilang mataas na estado sa lipunan. Sa ritwal na ito, pinangungunahan ng musikong may hawak ng kalsa ang pagbuo ng pabilog na linyang umiikot nang pakanan. (RCN) (ed GSZ)

sultán
Ang titulong sultán ay may iba’t ibang kahulugan sa kasaysayan. Ang orihinal na kahulugan nitó bilang pangngalan sa wikang Arabe ay “lakas,” “kapangyarihan,” “pamamahala,” at “diktadura.” Ginagamit ito noon upang tumukoy sa makapangyarihang gobernador sa ilalim ng kalípa o sa ganap na kapangyarihan ng isang pinunò bagaman hindi umaangat sa pangkalahatang kapangyarihan ng kalípa. Nakaulat na si Mahmud Ghaznawi (namunò noong 998-1030) ang unang nagkatitulong sultán. Paglaon, sultán ang naging karaniwang tawag sa mga hari ng Turkong Ottoman at mga haring Ayyubid at Mamluk sa Ehipto. Paglaon pa, itinawag ito sa di-gaanong malakas na pinunò. Sultán ang tawag sa mga lider ngayon ng maharlikang pamilya sa Morocco, sa mga pinunò ng Oman at Brunei, at sa mga pinunò ng ilang estado sa loob ng pederasyong Malaysia. May mga titulong sultán ang mga lider Muslim sa mga probinsiya ng Sulu, Maguindanao, at Lanao. Hangga’t maaari, sang-ayon kay Cesar Adib Majul (1973) inuugat sa angkan ng Propetang Muhammad ang pinipilìng sultán. Alinsunod ito sa doktrinang Sunni na ang imam o pinunò sa pananampalataya ay kabilang sa pamilya ng Propeta at ginamit noong bahagi ng mga kalipikasyon ng kalípa. Gayunman, dahil sa paghinà ng institusyong kalípa at paglakas ng iba’t ibang sultanato nitóng ika-12 siglo ay nagkaroon ng tunguhing ituon ang pamumunò ng kalípa sa gawaing panrelihiyon at kilalanin ang kapangyarihang militar at pampolitika ng sultán. Hindi tahasang ipinahahayag ang ugat sa Propeta ng mga naging sultan sa Sulu, Maguindanao, at Lanao. Ngunit ipinapaloob ang ganitong adhika sa mga tarsila. May mga sultán na nagpapatawag sa titulong gaya ng amir ul-mu’minin na reserbado lámang noon sa isang kalípa. May sultán ng Sulu na ipinabibigkas ang pangalan sa khutbah kapiling ng dasal sa Propeta at sa unang apat na kalípa. (EGN) (ed VSA)

Mula saPhilippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

súman
Sa lahat ng kakaning púto, ang súman diumano ang pinakamadalîng gawin. Hindi ito kailangang ibabad, gilingin, o paalsahin. Ang bigas o ugat ng kamoteng-kahoy ay ibinabalot sa dahon at sakâ pinakukuluan. Pinakapopular ang parihabâng súman sa íbos (tawag sa dahon ng niyog ang ibos) at súman sa líhiyá (pinakuluan sa tubig na may lihiya). Kapuwa bigas na malagkit ang gamit sa naturang suman ngunit nakabalot sa dahon ng saging ang hulí. Ang súmang murwékos ay medyo kulay granate at may latik. Kamotengkahoy naman ang gamit sa túpig at iniihaw ito sa Hilagang Luzon. May budbód kábog sa trigo ang Cebu at Dumaguete. Sa Sorsogon, gumagawa ng súman sa kalabasa. Nakaugalian na ng mga deboto sa Antipolo ang pagbili ng súman sa ibos at manggang hinog upang himagasin. May hakà na nagmula ang súman sa paraan ng pagbabáon ng kanin noon. Tinutungkos ng ating mga ninuno ang kanin sa dahon na hugis puso para dalhin sa paglalakbay. Samantala, isang sining ang pagbálot ng dahon ng niyog sa súman sa ibos. Kailangang mag-umpisa sa maingat na pagpilas ng dahon sa tingting nitó. Pagkatapos, maingat na iniikid ang dahon sa tingting upang magmukhang túbo at doon isinisilid ang pinaghalòng bigas, gatâ, asin, at kung minsan, anis. Isinasara ang túbo at itinatali ang suman sa iba pa bago ihulog na kumpol-kumpol sa kumukulong tubig. (LJS) (ed VSA)

Sumúroy
(c. 1650) Si Juan Ponce (o Juan Agustin) Sumúroy ay pinunò ng pag-aalsa sa Samar laban sa mga Espanyol noong kalagitnaan ng ika-17 siglo. Walang gaanong ulat tungkol sa buhay ni Sumuroy liban sa anak siyá ng isang babaylan sa Ibabaw (ngayo’y Palapag) sa hilagang-silangan ng Samar. Ipinalalagay na lumaki siyá sa tabing-dagat kayâ mahusay sa paglalayag. Bilang bangkero ay maganda ang kaniyang kabuhayan bukod sa hindi siyá pinagbabayad ng buwis ng mga Espanyol. Gayunman, kapalaran na nagpulong sa kanilang bahay ang mga manggagawa upang idulog ang kanilang suliranin sa kaniyang ama. Diumano’y sapilitang pinapupunta ng mga Espanyol ang mga manggagawa sa Cavite upang gumawa ng mga galeon at barkong pandigma. Binalak ng mga manggagawa na umakyat na lámang sa bundok, kasáma ang kanilang pamilya, at doon na manirahan. Iminungkahi naman ni Sumuroy na dapat mag-alsa ang mga manggagawa at nagprisinta pa siyáng maging pinunò. Pumayag ang mga manggagawa at kahit kulang sa armas at kahandaan ay sinimulan nila ang pag-aalsa noong 1649. Bagama’t hindi napasuko ng mga Espanyol si Sumuroy, hindi nagtagal ang pinamunuan niyáng pagaalsa nang patayin siyá ng kaniya mismong tauhan noong Hulyo 1650. Inihandog ng nagtaksil ang ulo ni Sumuroy sa mga Espanyol. (PKJ) (ed VSA)

súnduk
Ang súnduk ay palatandaang panlibingan ng mga Badjaw. Isang piraso itong pabilóg na kahoy na itinitirik sa ibabaw ng puntod ngunit ang kahoy ay may ukit at disenyo na nagtatanghal sa katutubong sining ng mga eskultor na Badjaw. Malimit na ang imahen ng súnduk ay batay sa imahen ng isang bangka o hayop at may mga disenyong heometriko at bulaklakin alinsunod sa tradisyong Muslim. Bukod sa súnduk, ang puntod ng Badjaw ay naliligid ng bakod na tinatawag na kúbul. Sinasabing pinagtataguan ito ng ilang mahalagang bagay na personal na gamit ng yumao. (RBT) (ed VSA)

sungkâ
Isa sa mga sikat na laro sa Filipinas ang sungkâ (sung·kâ, súng·ka). Nilalaro ito ng dalawang tao na nakaharap sa kahoy na parihabâ na may pitong butas o ang pitong bahay sa bawat hilera ng manlalaro. Mayroon ding mas malaking butas-imbakan sa magkabilâng dulo ang sungka. Karaniwang ginagamit ang sigay bilang ang bagay na inihuhulog sa mga “bahay.” Nagsisimula ang laro sa paglalagay ng pitong sigay sa bawat bahay ng magkaharap na hilera. Sa unang ikot, pumipili ng isang bahay ang bawat manlalaro. Kukunin nila ang mga sigay at ihuhulog ito sa bawat bahay na madaraanan ng kanilang pag-ikot. Ang pag-ikot sa paghuhulog ay pakanan. Sa simula ay magkasabay na tumitira ang dalawang manlalaro. Ihuhulog nang isa-isa sa bawat bahay kasáma ang butas-imbakan. Ang nilalampasan lámang sa paghuhulog ng sigay ay ang butas-imbakan ng kalaban. Sa tuwing may laman pa ang bahay na pinaghulugan ng pinakahuling sigay na hawak ng manlalaro, kukunin niyá ang lahat ng sigay sa bahay na ito at ipagpapatuloy ang paghuhulog sa bawat bahay na dinaraanan. “Mamamatay” lámang ang isang manlalaro kung may nag-iisang sigay na mahuhulog sa blangko o walang lamáng bahay. Hábang ang isang natitira ay magpapatuloy hangga’t hindi pa “namamatay.” Uulitin muli ang proseso. Sa pagkakataón namang napupunta ang huling sigay sa sariling hilera, mamamatay ang manlalaro subalit maaari niyáng kunin ang mga sigay sa katapat na bahay ng kalaban at ilalagay ito sa butas-imbakan. Subalit kung sa blangkong bahay sa hilera ng kalaban nahulog ang huling sigay, mamamatay ang manlalaro nang hindi makakukuha ng sigay. Ang manlalarong makaiipon ng mas maraming sigay sa sariling butas-imbakan at makapagpablangko sa isang bahay o “makasusunog” o makapapatay sa bahay ng kalaban ay ang idedeklarang panalo sa laro. Sa salitâng Arabe, ang sungka ay tinatawag na larong “mancala” na ang kahulugan ay bilangin at pulutin. Isa rin itong variant ng congklak o congkak ng mga taga-Indonesia, Brunei, Singapore, at Malaysia. Sa Filipinas, batà man o matanda ay nilalaro ang sungka. Ipinagpapalagay na nakapagpapatalas ng isip o memorya, nakatutulong sa pagtuturo ng konsentrasyon, at nakapagpapahusay sa matematika ng mga sinaunang Filipino ang larong sungka. (CLS) (ed VSA)

sútukíl
Isang inimbentong bagong salitâ ang sútukíl mula sa pinagsámang unang pantig ng tatlong salitâng Sebwano tungkol sa pagluluto: “Su” (mula sa sugbâ o ihaw), “tu” (mula sa túla o nilagà), at “kil” (mula sa kiláw). Nauso ito mula sa karatula ng mga restoran na nag-aalok ng naturang mga lutuin sa Cebu. Wala naman talagang putaheng sútukíl. Ang ibig lámang sabihin, ang mga isda at lamáng-dagat na ibinebenta sa restoran ay maaaring iluto sa tatlong nabanggit na paraan. May iba ring putahe na mabibili, gaya ng gambas. Samantala, ang mga sariwang isda, tahong, hipon, at alimango ay karaniwang nakahaya sa eskaparate. Ipinagbibili ito ng kilo-kilo sa kakain, kayâ mas makatitipid kung barkada o pamilya ang magsusutukil. Ang mga restorang sutukil ay matatagpuan sa tabing ilog o dalampasigan sa Lungsod Lapulapu sa isla ng Mactan, malapit sa Dambanang Lapulapu, bukod sa iba pang pook sa Lungsod Cebu. Garantisadong higit na múra ang nilutong lamáng-dagat sa mga kainang sutukil kaysa mga restorang aircondioned sa loob ng siyudad. Ipinapayo ding magbayad nang cash dahil may dagdag diumanong 5% paggamit ng kredit kard. (DRN)(ed VSA)

súyod
May dalawang súyod sa búhay ng mga taganayon noon. Una, ang súyod na pansuklay ng buhok. Ikalawa, ang súyod na pandurog ng tiningkal sa inararong linang. Ang súyod sa buhok ay suklay na may matitigas at pinong ngipin at ginagamit upang ipanlinis ng ulo’t buhok. Maliit lámang ito, halos kasinlapad ng kamao, upang madalîng hawakan ng tagsuyod at upang hindi ito mahirapan sa ulit-ulit na paghagod sa iba-ibang bahagi ng ulo at ibang anggulo ng buhok. Karaniwang bagong paligo, o higit na tiyak, bagong gugò o shampoo ang ulong sinusuyod. Karaniwang layunin din ng ulit-ulit na paghagod sa pamamagitan ng súyod ang pag-aalis ng kuto sa buhok at pati kuyumad sa anit. Ang súyod na kasangkapan sa pagsasáka ay kawangis ng súyod sa buhok bagaman higit na napakalaki, may mga bakal at matutulis na ngipin, may balangkas at kahoy na hawakan, at hinihila ng kalabaw. Ginagamit itong pandurog ng mga inararong tiningkal at panlinis ng damo’t ibang yagit sa linang. Sa ulit-ulit at paikot-ikot na pagpapadaan ng súyod sa isang pitak ay magkasabay na nadudurog at napapatag ang lupa at nalilikom ang dumi. Itinataktak sa pilapil ang mga yagit na naipon sa mga ngipin ng súyod. Pagkatapos ng pagsusuyod ay nakahanda na ang linang para tamnan. (DRN) (ed VSA)

tabáko
Ang botanikong pangalan ng tabáko ay Nicotiana Tabacum. Ito ay kabílang sa pamilya ng mga halamang Solanaceae. Ang mga dahon nitó ay katamtaman ang laki at kulay berde. Ito ay tumataas ng hanggang dalawa at kalahating metro at may bulaklak na bahagyang kulay rosas. Ito ay isang produktong pang-agrikultura. Lahat ng bahagi nitó ay may taglay na nikotina at hábang gumugulang ang halamang ito ay lalong tumataas ang konsentrasyon ng nikotina. Ang mga dahon nitó ang nagagamit at maaari ding kainin. Ginagamit itong sangkap sa gamot at sangkap sa pamuksa ng peste. Sa ngayon, ito ay nagagamit bilang panlibang na gamot para sa ilan sa pamamagitan ng paggawa ditong sigarilyo, pagnguya, at pagsinghot ng usok mula dito. Ang dahon nitó ay nagagamit namang panlunas sa ubo at hika. Kadalasan, ginagamit din ito bilang panlunas sa sakít sa balat at kasukasuan. Ang mga pinatuyong dahon nitó ay pangunahing sangkap sa paggawa ng sigarilyo. Ang nasisinghot na usok mula dito ay maaaring makaadik. Ang dami at bilis ng pagkonsumo ng nikotina ay direktang nakaaapekto sa pag-iisip ng gumagamit nitó at maaaring magdulot ng adiksiyon. Kahit ang kaunting dami nitó ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo at pagbilis ng tibok ng puso. Kapag marami naman ang paggamit, maaaring dumeretso sa utak kayâ nararapat na limitado ang paggamit nitó. Ang tabako ay isang taunang halaman at inaani sa malawakang lupain. Dahil sa sistemang monopolyo na pinairal noong panahon ng Espanyol, isa ang tabako sa pinahintulutang itanim sa maraming pook sa Luzon. Hanggang ngayon, may mga bukirin sa Ilocos at Cagayan na taniman ng tabako. Ang mga buto nitó ay itinatanim nang deretso sa lupa. Matapos anihin ito, itinatabi ito upang unti-unti itong ma-oxidize. Pagkaraan ay iniempake para sa susunod na hakbang sa pagproseso nitó. (SAO) (ed GSZ)

tabò
Karaniwang kasangkapan ang tabò sa banyo, kusina, o batalan ng tahanang Filipino. Ang totoo, napakaraming Filipino ang mamomroblema kapag walang tabò. Ginagamit ito sa pag-iipon at paglilipat ng tubig, paghuhugas, paliligo, pagdidilig ng halaman, at siyempre, paglilinis ng sarili matapos dumumi. Karaniwan ngayong isang sisidlan itong may puluhan, yari sa plastik, at may laking mabubuhat nang madalî sa isang kamay. Ngunit isang sinaunang kasangkapan ito at báo ng niyog, bumbong ng kawayan, o malaking talukab ang ginagamit na tabò noon. Ang di-karaniwang pagmamahal sa tabò ay ipinahayag ni Lope K. Santos sa isa niyáng tula: Aanhin ang sarong ginto Na nakatutuyo ng dugo; Mahanga ang sarong tabò, Nakasasariwa ng puso. Sinasabing ang paggamit ng tabò bilang tatak ng kalinisan ay dulot ng pagkakaroon ng malalaking pamayanan sa panahon ng kolonyalismo. Naging problema ang sanitasyon at pagtatapon ng dumi. Dahil sa malimit na pagkalat ng kolera, disenterya, malarya, at ibang peste ay puspusan ang ginawang kampanya ng mga Amerikano tungkol sa kalusugan at sanitasyon. Malaking bahagi ng kampanya ang malinis na kubeta at wastong paghuhugas ng ari at mga kamay pagkatapos dumumi. Sa kabilâ ng sinasabing makabagong “kulturang de-papel” (gaya ng napkin at toilet paper) ay de-tubig pa rin ang paglilinis ng maraming Filipino. Hahanap at hahanap pa rin silá ng tabò bago maupô sa inidoro. (LJS) (ed VSA)

táka
Ang táka ay ang sining ng paglikha ng mga pigurin mula sa dinurog na papel. Tinatawag ding táka ang mga likhang tila manyika at anyo ng dalagang Filipina, kalabaw, manok, at iba pa. Nagsisimula ang paglikha sa paggawa ng isang moldeng ukit sa kahoy ng pigurin. Pagkatapos, binabalutan ito ng dinurog na papel na ibinabad sa nilutong gawgaw o almirol. Ang papel ay lumang diyaryo o anumang nagamit nang papel. Kayâ papier mache (“dinurog na papel”) ang tawag ng mga Pranses sa prosesong ito. Pinatutuyo ang papel na nakabálot sa molde. Kapag natuyo, binibiyak ito upang alisin sa molde, pagdidikiting muli, patutuyuin, at sakâ pipintahan at lalagyan ng palamuti. Ang sining-bayang ito ay popular na gawain ng komunidad sa Paete, Laguna. Sinasabing si Maria Bague, isang residente ng Paete, ang lumikha ng kauna-unahang táka noong 1920. Naging maunlad ang paggawa ng táka noong panahon ng Amerikano dahil sa paglago ng industriya ng pahayagan. Naging higit na mabuting alternatibo ang táka sa kahoy bilang ukit. (LJS) (ed VSA)

taklóbo
Ang taklóbo (Tridacna gigas) ang pinakamalaking uri ng kabibe na nabibilang sa pamilya Tridacnidae. Namamalagi ito sa ilalim ng dagat. Likás na matatagpuan ito sa Filipinas, Australia, Indonesia, Japan, Thailand, Palau, Papua New Guinea, at Micronesia. Ang malawakang pangongolekta ng taklóbo ang dahilan kung kayâ kasáma ito ngayon sa talaan ng mga nanganganib na uri ng hayop sa buong mundo. Madalîng makilála ang taklóbo dahil sa laki at habà nitó. Napakakapal ng talukap o balát nitó at ang dalawang bulba ay may tig-isang pares ng 4-5 tatsulok na nakausli paloob. Kulay kayumanggi ang mata nitó at may maliliit na mala-asul-berdeng bílog lalo na sa gilid. Makikita ang hasang nitó sa may parang túbo na ginagamit sa panghigop ng pagkain. Lumalaking mabilis ang taklóbo dahil kinakain nitó ang mga pagkaing nagmumula sa mga halamang algae na naninirahan sa loob nitó. Bilang kapalit, binibigyan ng taklobo ang mga algae ng isang ligtas na lugar at pagkakataóng maabot ng síkat ng araw para magpatuloy ang photosynthesis. Ginagamit din ng taklóbo ang túbong panghigop ng tubig upang salain ang mga nagdaraang maliliit na hayop. Maaari nang mangitlog ang isang taklóbo pagsapit ng 9-10 taóng gulang. Isang popular na pagkain ang taklóbo. Malimit din itong kolektahin para gamiting materyales sa paggawa ng mga estruktura. May mga pagsisikap na sa kasalukuyan upang tumaas ang populasyon ng taklóbo tulad ng paglalagay muli sa mga baybayin na kilaláng tirahan ng mga ito. (MA) (ed VSA)

talinghagà
Ang talinghagà ay isang mahalagang sangkap ng katutubo at ng modernong pagtula. Karaniwan, ang sangkap na ito ay iniuugnay sa bahaging mahirap maunawaan sa isang tula. Itinuturing itong pinakamahalagang sangkap ng tula at siyáng buod ng pagtula. Sa matandang diksiyonaryo nina Noceda at Sanlucar, ibinigay ang dalawang kahulugan ng talinghaga: “misterio: metafora” at “tayutay.” Sa unang pakahulugan, ang talinghaga ang itinuturing na salik na nagbibigay ng hiwaga at palaisipan sa tula. Sa pangalawang pakahulugan naman, iniuugnay ang talinghaga sa “bulaklak ng dila” at “paglalaro ng salita.” Ayon kay Virgilio S. Almario na siyáng sumulat ng mahabâng pag-aaral tungkol sa paksa, ang talinghaga ang utak ng paglikha at disiplinang gumagabay sa haraya at sa pagpili ng salita. May panloob at panlabas na puwersang pumapanday sa talinghaga. Ibig sabihin nitó, kailangan muna ang isang pangyayari na labas sa katauhan ng tao (bagaman maaari ring kaugnay ito ng katauhan niyá), at pagkatapos, kailangang hubugin ang karanasang ito ng haraya o anumang panloob na lakas ng makata para maipahayag ang isang bago at pinaigting na anyo ng karanasan. Ang salita mismo ay maituturing na bunga ng pananalinghaga. Ang salita ay nagiging sagisag ng natutuklasang katotohanan tungkol sa kaniyang karanasan. Halimbawa, ang salitâng “nalagutan ng hininga” ay kapuwa naglalarawan sa kamatayan at nag-uugnay sa hininga at búhay ng tao. Ang salitâng “lalawigan,” na itinutumbas ngayon sa probinsiya, ay may dáting kahulugang pook na walang panganib o taguan. Kung gayon, ang gamit ng salitâng lalawigan ngayon ay nagiging angkop na pagturing sa isang pook na itinuturing na pahingahan at pinagmumulan ng kapanatagan at kalusagan. Ang patalinghagang gamit ng mga salita ang siyáng diwa ng pagtula. Sa pamamagitan ng talinghaga, pinaiigting sa tula ang natatanging gamit ng wika. Ang makata ay gumagamit ng nakasanayan at lumilikha ng bagong talinghaga upang ipahayag ang kabatirang natuklasan niyá sa karanasang kaniyang itinutula. (GSZ)

talísay
Ang botanikong pangalan ng talísay ay Terminalia catappa at kabílang ito sa pamilya ng mga halaman na Combretaceae. Ito ay isang malaking punongkahoy na may malalaking dahon. Karaniwan itong umaabot ng 35 metro ang taas. Ang prutas nitó ay may katamtamang laki, magaan na parang cork. Ang mga bulaklak nitó ay maliliit na kulay puti at mala-dilaw na puti. Pinatutubò at inaalagaan ito bilang halamang ornamental dahil sa katangian nitóng magbigay ng lilim at dahil na rin sa kagandahan ng yabong nitó. Ito ay kadalasang makikita sa malapit sa mga tubigan tulad ng tabing dagat. Ang mga ginagamit na bahagi ng halamang ito ay ang kahoy at ang prutas nitó. Sinasabing lasang almond ang prutas kapag sapat na ang pagkahinog nitó. Ang punòng ito ay sinasabi din na napakahalaga sa komunidad na nakatira sa baybayin. Nagbibigay ito ng kabuhayan, pagkain, at proteksiyon para sa mga tagabaybayin. Ang malawak na pagkalat ng mga ugat nitó ay nagsisibing proteksiyon sa pagguho ng lupa sa komunidad lalo na at malapit ito sa katubigan. Ang mga punò naman nitó ay nagsisilbing materyales para sa paggawa ng mga kasangkapan para sa mga tahanan pati na rin para sa iba pang dekorasyon. Ginagamit din ito sa paggawa ng maliliit at malalaking bangka. Ito ay maaaring paramihin at itanim sa pamamagitan ng buto. Mabilis itong tumubò, hindi maselan, at mabilis kumapal ang dahon. Nakagagamot din ito. Ipinanggagamot sa ketong ang pinaghalòng dagta ng muràng dahon at ang mantika ng buto nitó. Ang prutas naman nitó ay nagakagamot sa sakit ng ulo. (SAO) (ed GSZ)

Talóng Aliwagwág
Itinuturing na pinakamataas at isa sa pinakamagandang talon ng Filipinas ang Talóng Aliwagwág. Matatagpuan ito sa Barangay Aliwagwag, 25 kilometro mula sa kabayanan ng Cateel, Davao Oriental at may 360 kilometrong layò mula sa siyudad ng Davao. Natatangi ang Talóng Aliwagwag sa pagkakaroon nitó ng 84 talón na bumubuo sa halos sandaang tila hagdanan ng rumaragasang tubig. Ang mga hagdan ay may taas na mula 6 hanggang 110 talampakan. Ang isang hagdan nitó ay may sukat na 72 talampakan hábang ang isa pa ay may sukat na 67 talampakan. Tinatayang may 13 lagaslasan ang dadaanan bago marating ang pinakapaanan ng talon. Kung pagmamasdan sa malayò, ito ay mistulang hagdan patungo sa langit. Ayon sa mga eksperto, tinatayang aabutin ng dalawang araw na paglalakad bago makarating sa pinakadulo ng talon. Ang tubig nitó ay pumupunta sa Ilog Cateel at lumalabas sa Karagatang Pasipiko. Sa kabuuan, ang talon ay may 1,110 talampakan na rumaragasa at may 20 metrong lapad ng bagsak ng tubig. Ang lugar na ito ay punô ng mga tropikal na bulaklak na nanganganib nang maubos sa Filipinas. Kamangha-mangha rin ang pormasyon ng malalaking batong makikita rito. Narito rin ang isdang sawugnun at sinasabing katutubo sa Cateel. Bukod sa kahanga-hangang kagandahan ng talon, nagsisilbi rin itong pangunahing pinagkukunan ng malinis na tubig ng Ilog Cateel. Naparangalan ito bilang pinakamalinis na ilog sa Rehiyon XI. Ang kagubatang kinalalagyan ng Talong Aliwagwag ay sinasabi ring libingan ng mga Mandaya. Idineklara na itong isang protektadong lugar ng pamahalaan ng Filipinas. (AMP) (ed VSA)

Talóng Maria Cristina
Ang Talóng Maria Cristina (ta·lóng mar·yá kris·tí·na) ang pangalawa sa pinakamataas na talon sa Filipinas. Ang lawak nito ay 98 metro at ang taas ay 320 talampakan. Matatagpuan ito sa Lungsod Iligan, sa lalawigan ng Lanao del Sur sa Mindanao. Ang Lungsod Iligan ay tinaguriang “Siyudad ng mga Maharlikang Talon” dahil sa matatagpuan dito ang may 23 talon. Ang Talong Maria Cristina ay bahagi ng Ilog Agus. Kilala rin ito bilang “kambal na talon” dahil sa isang malaking batong nasa tuktok ng daluyan ng tubig nito na nagiging dahilan ng paghihiwalay ng bumabagsak na agos at lumilikha ng anyong tila dalawang magkadikit na talon. Isa ito sa pinakatanyag at kahanga-hangang lugar na panturismo ng bansa. Ang Talong Maria Cristina ang pangunahing pinagmumulan ng koryenteng pinadadaloy sa Mindanao. Walumpung porsiyento ng elektrisidad ng Mindanao ang nagbubuhat sa talon sa pamamagitan ng Agus IV Hydroelectric Plant na nasa pangangasiwa ng National Power Corporation. Ang plantang ito ang kumokontrol sa pag-agos ng tubig sa lawa at 90 porsiyento ng tubig ng lawa ang ginagamit para operasyon ng planta. Ang pagtatayô ng plantang pang-elektrisidad dito noong 1952 ay nagbunsod ng mabilis na urbanisasyon ng Iligan. Nagmula ang pangalan ng talon sa alamat ng dalawang magkapatid na nagngangalang Maria at Cristina na parehong inibig ng anak ng isang sultan. Hindi alam ng magkapatid kung sino sa kanila ang tunay na iniibig ng binata. Umibig na ang nakababatang si Maria sa binata, at dahil sa labis na kalungkutan dulot ng kawalang katiyakan sa pag-ibig, nagpunta siya sa tuktok ng talon at nagpakamatay. Nang matuklasan ni Cristina ang sinapit ng kapatid, nagpakamatay rin ito sa pamamagitan ng pagtalon mula sa tuktok ng talon. Nalaman ng binata ang nangyari sa magkapatid at nang matagpuan niya ang mga katawan nito, inilibing niya ang mga ito sa ibaba ng talon at ipinangalan ang talon sa minahal niyang magkapatid—Maria Cristina. (AMP) (ed GSZ)

Talóng Pagsanjan
Isa sa mga bantog na talón ang Talóng Pagsanjan (Pag·sang·hán) at nangungunang paboritong destinasyon ng mga turista sa Filipinas. Kilala rin ito sa lokal na pangalan nitóng Talong Magdapio at may taas na 318 talampakan. Nagmumula ang tubig ng talon sa Ilog Balanac at Ilog Bumbungan. Ito ay matatagpuan sa hanggahan ng mga bayan ng Cavinti at Lumban sa Laguna, ngunit mas sa bayan ng Pagsanjan nagmumula ang mga bangkang papunta sa talon. Dinadayo dito ang abentura ng shooting the rapids—pagsakay sa bangkang walang katig upang sumuba sa malalakas na puwersa ng agos ng ilog sa pagitan ng mga matalim na bato. May matataas na bangin sa paligid at kakikitahan ng magagandang halamang gubat tulad ng orkidya, pakô, at mga baging. Ang bangka ay iminamaniobra ng dalawang bihasang bangkero na nása magkabilang panig ng bangka. Mahigit isang oras ang aabutin bago marating ang kaakit-akit at rumaragasang lagaslasan ng talon at halos kalahating oras lámang ang pabalik dahil sa mabilis na bulusok ng bangka pababâ ng ilog. Sa likod ng talon matatagpuan ang tinatawag na Kuweba ng Diyablo, ipinangalan dahil sa hugis ng bunganga ng kuweba na mukhang isang diyablo. Ang pinakaibabâ o tiyan ng talon ay isang malaking natural na lawang paliguan. Idineklara ang Talong Pagsanjan bilang isa sa mga pambansang parke ng bansa sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 392 noong 29 Marso 1939 at Proklamasyon Bilang 1551 noong 31 Marso 1976 at mayroong 152.62 ektaryang sakop ng lupain. Subalit noong 10 Pebrero 2009, naghain ang Sangguniang Bayan ng Cavinti ng isang resolusyon na palitan ang pangalan ng Talong Pagsanjan, at tawagin itong Talong Cavinti. Batay sa resolusyong ito, ang sikat na talon ay matatagpuan sa loob ng teritoryal na pamamahala ng bayan ng Cavinti at hindi ng bayan ng Pagsanjan. (AMP) (ed VSA)

taludtód
Ang taludtód ay tumutukoy sa isang linya ng mga salita sa tula. Taludturan o saknong naman ang tawag sa isang pangkat ng mga taludtod na sumusunod sa isang padron ng tugma at sukat. Sa panulaang Tagalog, maituturing nang pinakamaikling taludtod ang sumusunod na salawikaing may sukat na aapatin: Kung di ukol Di bubukol. Ngunit may ulat na ang karaniwang sukat ng katutubong tulang Tagalog ay pipituhin at wawaluhin. Pinakamaikli ring taludturan ang may dalawahang taludtod na may isang tugma. Narito ang dalawang halimbawang bugtong: Bumbong kung liwanag kung gabi ay dagat. Isang bugtong na bata di mabilang ang diwa. Narito naman ang mga halimbawa ng salawikain: Mayaman ka man sa sabi dukha ka rin sa sarili. Sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan. Sa ngayon, marami nang mas mahabàng sukat ang taludtod. Pinakapopular ang hiram na sukat na lalabindalawahin. Marami na ring bilang ng taludtod sa isang saknong. Pinakapopular ang aapatin at lilimahing taludtod ngunit may gumagawa ng saknong na may walo hanggang sampung mga taludtod. Ang taludtod ay isang uri ng disiplina para sa makata. Para itong molde na dapat niyáng pagkasiyahan ng nais niyáng sabihin. (GSZ)

tamaráw
Ang tamaráw (Bubalus mindorensis) o Mindoro Dwarf Buffalo sa wikang Ingles, ay isang maliit na mammal na kasáma sa pamilya Bovidae. Matatagpuan lámang ito sa isla ng Mindoro sa Filipinas. Ito lámang ang hayop na miyembro ng pamilya Bovidae na endemiko sa ating bansa. Noong una, makikita ang tamaraw sa halos lahat ng lugar sa Mindoro, mula sa kapatagan hanggang sa kabundukan. Ngunit isang hayop ito ngayong nanganganib nang mawala. Salungat sa karaniwang paniniwala at klasipikasyon noong una, ang tamaraw ay hindi isang subspecies ng ating lokal na kalabaw, na mas malaki, o ng isang karaniwang water buffalo. Kakaiba sa kalabaw, mas mabuhok ito, mas maputla ang mga marka sa mukha, hindi ito mahilig sumáma sa kawan o grupo, at mas maiikli ang mga sungay na ang hugis ay parang letrang V. Ang habà ng katawan ay 2.2 metro (7.2 piye) at ang buntot ay may sukat na 60 sentimetro (24 pulgada). Tumitimbang ang tamaraw ng 180-300 kilo (400-660 libra). Ang mga binti at hita ng tamaraw ay maiikli. May mga kulay putîng marka sa kanang mga paa at sa dakong loob ng mga unahang paa. Ang mga markang ito ay kapareho ng mga marka sa hayop na Anoa (Bubalus depressicornis). Dahil sa patuloy na pagdálang ng populasyon ng tamaraw, maraming batas at mga organisasyon ang ginawa para sa konserbasyon ng hayop na ito. Noong 1936, ang Commonwealth Act No. 73 ay ginawa na nagbabawal sa pagpatay, pangangaso, o maging pagsugat sa isang tamaraw, maliban na lámang sa akto ng pag-atake ng tamaraw at bilang pagtataggol sa sarili o dahil sa mga kadahilanang siyentipiko. Ang paglabag ay may katumbas na parusang malaking multa at pagkabilanggo. Noong 1979, isang atas ang pinirmahan na nagbuo ng isang komite na talagang tututok sa konserbasyon ng tamaraw. Nakapagpalahi sa loob ng pagkakabihag ang pananaliksik ng isang tamaraw noong 1999. Tinawag itong “Kali.” Ngunit sa kabila ng hangaring mapigilan ang patuloy na pagdálang ng mga tamaraw, at sa halip maparami ito, napaulat noong 2007 na nása 300 na lámang ang bilang ng hayop na ito. (SSC) (ed VSA)

Tamblót
(c. 1622) Si Tamblót ay isang babaylan na naging lider ng pag-aalsa sa Bohol laban sa mga Espanyol noong 1621. Walang gaanong ulat tungkol sa búhay ni Tamblot bukod sa pagiging babaylan ng Barrio Tupas, Antequera, Bohol. Inibig ni Tamblot na bumalik sa dáting pananampalataya ang mga kababayan. Napaniwala naman niyá ang maraming Boholano, lalo sa bayan ng Malabago, na sa tulong ng mga sinaunang anito at diwata ay magtatagumpay ang kanilang pag-aalsa. Sinasabing umabot sa 2,000 ang sumáma sa kaniya. Nilusob nilá at sinunog ang mga simbahan bukod sa pinatay ang nahuling mga misyonerong Espanyol. Nagpadala si Don Juan Alcarazo, alkalde-mayor ng Cebu, ng mga sundalo sa Bohol. Noong 1 Enero 1622, nilusob ng mga sundalo ang kampo ni Tamblot sa bundok. Kasáma si Tamblot sa mga napatay at nahinto ang pag-aalsa. Sinunog at binura ng mga Espanyol ang bayan ng Malabago mula sa mapa. Ang dalawang bolo sa watawat panlalawigan ng Bohol ay kumakatawan sa dalawang Boholanong nag-alsa laban sa mga dayuhan, sina Tamblot at Dagohoy. (PKJ) (ed VSA)

Isabelo Tampinco
(19 Nobyembre 1850-20 Enero 1933) Pangunahing eskultor at mang-uukit si Isabelo Tampinco (I·sa·bé·lo Tam·pín·ko) at dinadakila sa paggamit ng katutubong imahen sa kaniyang mga obra sa kahoy. Itinaguyod niyá ang katutubong estilong Filipino sa sining pandekorasyon. Gumamit siyá sa kaniyang mga disenyo ng anyo ng bunga (palmera) para sa mga haligi, dahon ng anahaw at saging sa mga detalye, at salá-salá (banig) para sa mga arko at patsada. Ginamit din itong mga disenyo sa paglikha ng kuwadro, bintana, arko, at muwebles. Isinilang siyá noong 19 Nobyembre 1850 kina Leoncio Tampinco at Justa Lacandola na kabílang sa angkan ni Raha Lakandula ng Tundo. Bagaman hindi mariwasa ang kaniyang pamilya, nakapag-aral siyá sa Escuela de Artes y Oficios sa ilalim ng mga gurong Agustin Saez at Lorenzo Rocha. Mayroon siyáng negosyo sa sining sa kalye Hidalgo at nagtuturo na sa Escuela de Artes y Oficios nang sumiklab ang Himagsikan. Patuloy niyáng nilinang ang kaniyang estilo hanggang yumao noong 20 Enero 1933. Itinuturing na pinakamahusay na obra ni Tampinco ang mga ukit sa kahoy na ginamit sa Simbahan ng San Ignacio (na nasunog noong mga 1930). Inilahok niyá sa proyekto ang mahigit sa 50 artesanong nakatulong niyá sa paglikha ng mga pigura ng santo, punòng altar, haliging may adorno, nakaarkong kisame, via crucis, at iba pang ukit sa loob ng simbahan. Inilarawan ito bilang “monumentong katumbas ng alinman sa mundo” at “walang kapares” sa “kaakit-akit na likhang-diwa, maadornong ukit, at kaisahan sa sining.” Natunghayan ang ilan pang obra niyá sa Simbahang Santo Domingo sa Intramuros, altar sa simbahan ng Laoag, Ilocos Norte at Mangaldan, Pangasinan (bagaman pawang nasunog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig). Makikita ang mga obrang Tampinco sa Malacañang, Ayuntamyento, at Ateneo de Manila. Tumanggap si Tampinco ng maraming gawad, kabílang ang ginto at pilak na medalya sa Exposicion General de las islas Filipinas (1887) gintong medalya sa Exposicion Universal de Barcelona (1888), at ginto at pilak na medalya sa Lousiana Purchase Exposition sa Estados Unidos (1904). (RPB) (ed VSA)

tampípi
Isang sinaunang sisidlan, parihabâ, tila pinagtaklob na kahon, at yari sa materyales na masinsing nilála ang tampípi. Kung matigas ay gawa na nilálang mga nilapát na kawayan o yantok. Kung malambot na tila banig, may patigas itong kahoy o makapal na tela sa loob. Karaniwang sisidlan ito ng damit at ibang mahalagang personal na gamit para sa mahabà o matagal na paglalakbay. Wala itong susian, karaniwang ginagapos paikot ng sintas o sinturon, at dinadalá nang pakipkip hábang lumalakad. Ang tampípi ang maleta noon ng mga biyahero. Tatak ito ng sinauna. Kayâ sa mga pelikula ay karaniwang itanghal ang isang probinsiyano na tatangatanga sa lungsod at mahigpit na kipkip ang kaniyang tampípi. Wari bang nása tampípi ang kaniyang buong búhay. (YA) (ed VSA)

tanagà
Ang tanagà ay isa sa mga halimbawa ng maikling katutubong tula sa Filipinas. Ayon sa Vocabulario de la lengua tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ito ay itinuturing na mataas na uri ng tula dahil hitik sa talinghaga. Nagbigay din ng mga halimbawa ng tanaga ang naturang bokabularyo. Batay sa mga halimbawang ito, ang tanaga ay isang tula na may apat na taludtod, pipituhin ang sukat ng bawat taludtod, at isahan ang tugma. Ang paksa ay tungkol sa mga obserbasyon sa buhay. Ang saknong ay karaniwang binubuo ng dalawang dadalawahing taludtod na nakapagsasarili bilang pahayag na nagbibigay ng aral. Kung minsan naman, nakasentro ang saknong sa iisang idea o kalipunan ng mga imahen na nagsasaad ng isang damdamin o kaisipan. Ang tanaga ay nahahawig sa salawikain sa tinig at tema. Gayunman, ang tanaga ay itinuturing na nagpapahayag ng mas matinding damdamin at mas malalim na kabatiran tungkol sa buhay. Mas matalinghaga rin ito. Ang tanagang nakarating sa atin ngayon ay sumusunod din sa mas mahigpit na estruktura kung ikokompara sa salawikain na mas pabago-bago ang estruktura. (GSZ)

tandíkan
Ang tandíkan (Polyplectron napoleonis) ay isang ibon na may katamtamang laki, may sukat na 50 sentimetro ang habà. Kilalá ito sa tawag na Palawan Peacock Pheasant sa wikang Ingles. Sa Palawan lámang matatagpuan ang ibong ito. Mahirap makita ang ibong ito sa loob ng kagubatan. Maingat at mabilis itong lumalayò kapag nakaramdam ng kaaway. Ang pagkain nitó ay prutas, mga buto ng halaman, insekto, at iba pang maliliit na hayop. May anim na uri ng peacock pheasant sa ibang lugar sa Timogsilangang Asia subalit ang tandíkan ang pinakamaganda at may kaakit-akit na kombinasyon ng mga kulay. Ang lalaking tandíkan ay kaiba sa babae. Mas kaakit-akit ang lalaking tandikan. May makintab na kulay bughaw na palong na laging nakatayô. May 2 hanggang 3 tahid sa bawat paa. Ang mga palamuting kulay sa balahibo ay kalimitang makináng, samantalang ang babae ay kulay kape lámang at walang tahid. Mas maliit ang katawan ng babae. Sa pagliligawan, ang mga lalaking tandíkan ay nagsasayaw sa hawan na lugar at ang pinakamagaling magsayaw ang siyáng papansinin ng babaeng tandíkan. Karaniwang dalawa lámang ang iniitlog ng babaeng tandikan. Isang endangered species o nanganganib nang mawala ang tandíkan. Nanganganib na maubos ang populasyon nitó dahil sa pagkasirà ng kagubatan at sa panghuhuli ng tandíkan upang ibenta sa mga tindahan ng eksotikong hayop. (SSC) (ed VSA)

Tánodbáyan
Ang Tánodbáyan ay isang natatanging tanggapan na may tungkuling tumanggap at magsiyasat ng mga sumbong at paratang laban sa mga tiwaling kawani at opisyal ng pamahalaan. Saklaw din ng tanggapang ito ang pag-iimbestiga sa mga tiwaling opisyal ng mga korporasyong ari at kontrolado ng gobyerno. Kung kinakailangan, nagsasampa ang Tánodbáyan ng kriminal o sibil na kaso sa Sandiganbayan upang usigin ang mga nagkasala. Sa kasalukuyan, kinikilála ang tanggapang ito bilang Opisína ng Ombúdsman ayon sa Batas Republika Blg. 6770 s.1989. Ang Ombudsman ay institusyong nagmula sa mga bansang Scandinavia. Pinangangalagaan nitó ang kapakanan ng mga mamamayan upang maipagtanggol silá laban sa mga tiwali at nagmamalabis na opisyal at kawani ng pamahalaan. Ang Ombudsman ay nagsilbing epektibong instrumento ng karaniwang mamamayan upang maipahayag ang kanilang mga hinaing laban sa katiwalian. Ang prinsipyong ito ang sinusunod ng tanggapan ng Tánodbáyan. Nilikha ang tanggapan ng Tanodbayan noong 11 Hunyo 1978 sa bisà ng Kautusang Pampanguluhan Blg. 1486 at 1487. Naaayon ang Kautusang ito sa diwa ng Konstitusyong 1973 na nag-uutos sa pagtatatag ng isang natatanging tanggapan ng Ombudsman. Pinalawak at pinatatag pa ng Saligang-Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Tánodbáyan. Ginawang nagsasarili ang tanggapan at malaya mula sa iba pang sangay ng pamahalaan. Binigyan din ng kalayaan sa pananalapi ang Opisina ng Ombudsman. Higit sa lahat, ang paghirang sa Punòng Ombudsman at kaniyang mga kinatawan ay hindi na mangangailangan ng kumpirmasyon ng Kongreso. Maaari lámang siláng tanggalin sa katungkulan sa pamamagitan ng proseso ng impeachment. Nilalayon nitó na protektahan ang tanggapan ng Tánodbáyan laban sa panggigipit at impluwensiya ng anumang sangay ng pamahalaan. Nais ng Saligang-Batas na magampanan ng Ombudsman ang kaniyang mga tungkulin nang walang pangingimi at agam-agam. (SMP) (ed VSA)

Táong Tabón
Ang Táong Tabón ay tumutukoy sa bao ng bungo ng isa sa pinakamatandang tao sa Filipinas na pinaniniwalaang isang babae. Nahukay ang kaniyang labí noong 1962 ng mga kinatawan mula sa Pambansang Museo ng Filipinas sa pangunguna ni Robert Fox. Si Táong Tabón ay isang Homo sapiens sapiens o “Modernong Tao” na may gulang na tinatáyang 20,000 taón. Isa siyá sa mga sinaunang tao na nakarating sa kapuluan sa pamamagitan ng mga tulay na lupa. Bukod sa bungo, natagpuan din ang panga, ngipin, at binti ng tao sa kuweba ng Tabón sa Lipoon Point, Palawan. Mahalaga ang kuweba sa pag-unawa sa sinaunang kalinangang Filipino. Ipinangalan ito sa ibong “tabón” o Megapode at naglalaman ng mayamang ebidensiya ng nakaraang pamumuhay sa lugar. Kasáma sa mga nakita sa arkeolohikong paghuhukay mula 1962 hanggang 1970 ang mga kasangkapang bato na pinaniniwalaang ginamit sa pangangalap at paghahanda ng pagkain na karaniwang ibon, paniki, baboy, at usa. Sa ibang bahagi ng kuweba natagpuan ang mga banga at palayok na may iba’t ibang hugis, laki, at disenyo na naglalarawan ng kasanayan at kamalayan ng mga katutubo. Batay sa mga nahukay na mga materyal na labí, nanahan ang mga sinaunang tao sa mahabà at magkakaibang panahon sa kuweba mahigit 20,000 taón na ang nakalilipas. (JM) (ed VSA)

Tapáyang Maítum
Ang Tapáyang Maítum ay tawag sa natuklasang 29 tapayan noong 1991 na may mga takip na hugis at mukhang tao at natagpuan sa yungib ng Ayub sa Pinol, Maitum, Saranggani. Ipinangalan ang mga tapayan sa pangalan ng munisipyo. Ang mga tapayang nilikha noong Panahong Metal ay ginamit sa pangalawang paglilibing. Sa mga sisidlang ito inilipat ang mga labí ng yumao mula sa orihinal nitóng libingan. Ang ganitong kaugalian tungkol sa mga patay ay laganap sa Timog-silangang Asia. Ang bawat isa sa 29 tapayan ay natatangi—may payak, may madisenyo, may butás-butás, at may napipinturahan, na karaniwang pulá at itim. Ang mga takip na animo’y ulo ng tao ay naglalarawan ng iba’t ibang emosyon— kasiyahan, kalungkutan, at kapanatagan. May mga tapayang may ngipin at mayroong bungi. Bukod sa mga ito, may natagpuan ding mga sisidlan na may braso, tenga, dibdib ng babae, at/o pusod. Mahalaga ang mga Tapayang Maitum sa paglalarawan sa mayamang kultura sa arkipelago bago ang pananakop ng mga Espanyol. Kasama ng mga tapayan ang iba pang sinaunang kagamitan sa kuweba ng Ayub, katulad ng mas maliit na mga palayok at mga kagamitang yari sa salamin at kabibe na ginawang alahas. Patunay lamang ang lahat ng ito sa mataas na antas ng kasanayan at pagkamalikhain ng sinaunang mga Filipino. (JM) (ed VSA)

Tapáyang Manunggúl
Ginamit ang Tapáyang Manunggúl sa pangalawang paglilibing. Ang sekundaryong paglilibing ay ginagawa sa pamamagitan ng paglilipat ng labí ng namatay mula sa orihinal na kinalalagyan nitó patungo sa bago. Ito ang dahilan kung bakit noong natagpuan ang tapayan noong 1962 sa kuweba ng Manunggul sa Lipuun Point, Palawan ay mga buto ng yumao ang laman nitó. Sinasabing napakahusay na likhang-sining ng Tapayáng Manunggúl at halimbawa ng katutubong kamalayan tungkol sa kabilâng-buhay. May mga disenyong kurba sa balikat nitó malapit sa bibig na animo’y alon na pininturahan ng hematayt kayâ kulay pulá. Ang takip ay may nililok namang pigura ng bangka na may lulang dalawang tao. May nakaukit na mukhang may matá, ilong, at bibig sa harapan ng bangka na disenyo ng mga tradisyonal na sasakyang pandagat sa Sulu, Borneo, at Malaysia hanggang sa kasalukuyan. Nása unahan ng dalawang sakay ang tao na nakatiklop ng paekis ang dalawang kamay sa dibdib. Isa itong kaugaliang Filipino ng pagsasaayos ng bangkay. Nása likuran naman ang bangkero na sumasagwan. Pinaniniwalaang inihahatid nitó ang kaluluwa ng yumao. Kung susuriin ang mga pigura, pareho siláng may tali sa ulo, isang katutubong kaugaliang bahagi ng paglilibing. Nakalarawan sa takip ang paniniwala ng mga katutubong Filipino tungkol sa daigdig ng mga kaluluwa at sa kamatayan. Karaniwan nang inilalarawan ang paglalakbay sa tubig bilang pamamaraan upang makarating sa kabilâng-buhay. Ginamit sa gayon ang tapayan bilang sisidlan ng labí ng yumao at bilang palamuti sa magiging tirahan niya sa kabilang mundo. Ang pottery o paggawa ng palayok, banga, at tapayan mula sa luad ay isang malaganap at sinaunang sining sa buong Filipinas. Itinuturing na Pambansang Kayamanang Pangkultura ang Tapáyang Manunggúl. (JM) (ed VSA)

tápsilóg
Isang makabagong putahe ang tápsilóg. Ngunit naging napakapopular ito dahil tunay na nakabubusog na almusal sa napakamúrang halaga. Mamahalin pa ang lasa dahil sa kombinasyon ng tápa, sinangag, at estrelyadong itlog at siyá mismong pinaghanguan ng pangalan nitó: tap (mula sa tápang karne ng baboy) + si (mula sa sinangag)+ log (mula sa itlog). Malimit na may kasáma itong atsarang kinudkod na hilaw na papaya. Nagmula ito, ayon sa isang ulat, noong 1983 sa isang maliit na kainan, ang Sinangag Plaza, sa gilid ng Ermita Food Plaza sa kalye Adriatico, Malate, Maynila. Ang orihinal na pangalan nitó’y tápa-sinangág-itlóg pero nahirapan ang tagasilbi kayâ lumitaw ang pinaikling alyas. Noong 1984, nag-isip ang pangasiwaan ng SM Food Court ng pagkaing masarap pero mura. May nagmungkahi ng goto na may tokwa’t baboy at dito isinilang ang Goto King. Pero dahil kailangan pa ang ibang putahe ay ipinasok ang tápsilóg sa listahan ng ipinagmalaking “Pinoy Deli Meals.” Ngayon, nadagdagan din ang tapsilog ng ibang kombinasyon, gaya ng lósilóg (longganisa-sinangag-itlog), bángsilóg (bangus-sinangag-itlog), dángsilóg (danggit-sinangag-itlog), córnsilóg (corned beef-sinangagitlog). May ulat din na ang Sinangag Plaza ay naging Sinangag Pa Rin. (LJS)(ed VSA)

tarsila
Nagmula sa Arabeng silsilah—tanikala o kawil—ang tarsila ay dimaiiwasan at pinagtitiwalaang dokumento sa pag-aaral at pag-ugat sa pinagmulan ng mga sultan at pamilyang maharlika sa mga pangkating Muslim sa Filipinas. Iniingatan itong tila pamánang hiyas ng mga pamilyang maharlika dahil siyáng kinokonsulta kapag may suliranin sa tagapagmana. Sang-ayon kay Cesar Adib Majul (1973), isa itong nakasulat na kronolohiya ng kasaysayan ng pamilya, mula sa tagapagtatag, asawa, mga anak, mga anak ng mga anak, at hanggang sa wakas na kasalukuyan ng salaysay. Maituturing diumano na matanda ang tarsila na nakasulat sa wikang Malayo; gayundin, maibabatay ang gulang nitó sa hulíng binanggit na pangalan kung may dagdag na ebidensiya hinggil sa kaniya. Bukod sa mga tarsila, itinuturing din ni Majul na dagdag na ebidensiya ang mga khutbah at kitab. Ang khutbah ay isang sermon o orasyon na binibigkas sa mga pagdadasal kung Biyernes at dakilang pista ng Id ulFitr at Id ul-Adha. Lahat ng khutbah ay may dasal para sa Propeta at may kaugaliang magdagdag ng mga dasal para sa mga Kasáma niyá pati na sa unang apat na kalipa at sa kasalukuyang pinunòng Muslim. Ang kitab ay isang munting aklat o mga talâ na naglilista ng mga nagdaang sultan bukod sa kanilang katangian at ginawa. Tatak ng kapangyarihan ang magpagawa ng kitab. Samantala, mahirap diumanong ipaalis ang pangalang binabanggit sa khutbah. (EGN) (ed VSA)

táwad
May iba’t ibang kahulugan ang táwad o pagtáwad sa iba’t ibang sitwasyon. Maaari itong isang pagsisikap na makaligtas sa inaasahang parusa, gaya ng paghingi ng patawad ng nakagawa ng mabigat na kasalanan. Maaari itong higit na magaang paghingi lámang ng paumanhin dahil sa di-sinasadyang munting kasalanan. Ngunit maaari namang isang pagmaliit ito sa kakayahan o katangian ng isang tao, gaya ng sinasabing “mapagmalaking” ugali ng mariwasa at maharlika noon. Ngunit isang pambansang ugali diumano ang paghingi ng táwad o pagtáwad sa larangan ng bilihan. Sa Maynila, naging kasabihang múra sa “Dibi” (Divisoria) at “Il de Tuls” (Ilalim ng Tulay sa Quiapo) dahil malaking magpatawad ang mga tindahan. Sa negosasyon ng táwad ay laging ipinalalagay na mataas ang “túring” ng tindera. Sa gayon, karaniwang taktika ng pagtawad ang paghingi ng kalahati sa itinuring na presyo. Kasunod nitó ang sining ng pagtatawaran. Ibababâ nang kaunti ng tindera ang kaniyang turing; itataas naman nang kaunti ng kostumer ang unang tawad. Hanggang magkasundo silá sa presyong malimit na nása gitna ng túring at ng táwad. Ang totoo, nangangailangan ito ng di-karaniwang tiyaga at pasensiya sa panig ng tindera at ng kostumer. Ang sabi, sa Filipinas lámang makatatagpo ng bumibili sa groseri o mall at tinatawaran ang price tag ng binibili. (DRN) (ed VSA)

tawílis
Ang tawílis (Sardinella tawilis) ay isdang nabibilang sa pamilya Clupeidae. Nag-iisang uri ito ng Sardinella na matatagpuan sa tubig tabáng at katutubo sa Filipinas. Maliit na isda ang tawilis. Katulad ng ibang miyembro ng pamilya Clupeidae, ang katawan ng tawilis ay siksik patagilid at tinatakpan ang tiyan nitó ng mga matigas na takip na hawig sa kaliskis. May isang triyanggulong palikpik sa likod nitó nguni’t walang tinik sa likod at puwit. Matulis at magkahiwalay ang buntot. Ang kalaykay sa hasang ay payat, mahabà, at marami. Naitalâng ang pinakamalaking tawilis ay may sukat na 15.2 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay 27.3 gramo. Kumakain ang isdang ito ng mga hayop na tulad ng kopepod. Sa tuwing kumakain, ibinubuka ng tawilis ang bibig hábang lumalangoy, at pagkatapos, sinasalà nitó ang pagkain mula sa tubig sa pamamagitan ng kalaykay sa hasang. Sa Filipinas, katutubo ang tawílis sa Lawang Taal, Batangas. Noong unang panahon, bahagi ang Taal ng Look Balayan. Dahil sa magkakasunod na pagputok ng bulkan noong ika-18 siglo, nagsara ang lawa mula sa dagat kung kayâ naging tubig tabáng ito. Ang Ilog Pansipit ang koneksiyon ng lawa sa dagat. Nagkakawan ang tawílis sa paligid ng lawa. Kakaunti ang impormasyon tungkol sa pagpaparami ng tawílis. Ang populasyon sa Taal ay naitalâng nangingitlog mula Abril hanggang Hulyo kung ang tubig ay mainit. Ang pante, pukot, at sudsod ang puwedeng gamitin sa panghuhúli ng tawílis. (MA) (ed VSA)

teátro
Tumutukoy ang teatro (te∙á∙tro) sa espasyo o estruktura na pinagdarausan ng mga pagtatanghal na tulad ng dula at pelikula. Tinatawag din itong dulàan kapag itinayô para sa pagtatanghal ng dulà at sinehán kapag para sa pagpapalabas ng pelikula. Ang pangangailangan sa isang teátro ang isang ikinaiba ng pagtatanghal ng dulà na ipinasok ng mga Espanyol sa mga sinaunang ritwal at palabas kapag may pagdiriwang. Sa simula, ang teátro ay pansamantalang entabládo o platapórma na itinatayô sa plasa o sa isang maluwang at bakanteng pook kapag pista. Sa ganito itinanghal ang mga unang komédyang pangmadla. Gayunman, nagkaroon ng mga gusaling inilaan para sa pagtatanghal sa mga lungsod kaugnay ng pag-unlad ng kabuhayan. Sa Maynila nagtayô ng mga teátro para sa komédya sa unang yugto ng ika-19 siglo. Sa kalagitnaan ng naturang siglo, nagkaroon ng mumurahing teátro (teatro popular) para sa ordinaryong mamamayan at ng higit na mamahalin at maginhawa ang upuang teátro para sa mga mariwasa at mga banyaga na naghanap din ng ibang uri ng aliwan bukod sa komédya. Sa mga bagong teátro ipinalabas ang zarzuela, opera, sirko, at mga dayuhang mang-aawit at musikero bago sumiklab ang Himagsikang 1896. Sa ika-20 itinayô ang mga teátrong pampelikula. Sa panahon ding ito nagkaroon ng mga espesyal na dulàan, gaya ng nakabukás at walang dingding na Arena Theater, ang entabladong nakapaikot sa mga manonood sa Rajah Sulayman Theater, at ang lumilibot sa mga paaralan na UP Mobile Theater. Nagkaroon din ng mga teatrong airconditioned at eksperimental na teátro sa lansangan. Nagpatuloy naman ang mga entabladong kawayan at kahoy sa lalawigan kung pista. (JGP) (ed VSA)

Trinidad Tecson
(18 Nobyembre 1848-28 Enero 1928) Si Trinidad Perez Tecson (Tri·ni·dád Pé·rez Tek·són) ay babaeng bayani ng Himagsikang Filipino at kilala bilang “Ina ng Biyak-na-Bato.” Isa siyá sa iilang kababaihan na humawak ng armas at nakipaglaban kasáma ng mga kalalakihan sa rebolusyon. Binansagan din siyáng ina ng Red Cross sa Filipinas para sa kaniyang paglilingkod sa mga kasámang Katipunero. Isinilang siyá noong 18 Nobyembre 1848 sa isang mariwasang angkan sa San Miguel de Mayumo, Bulacan. Mga magulang niyá sina Rafael Tecson at Monica S. Perez. Bukod sa maganda, hinangaan siyá ng kalalakihan sa tapang at paghawak ng sandata. Nag-aral siyá ng eskrima at sinasabing minsang pasukin ang kaniyang bahay ng mga guwardiya sibil para maginspeksiyon ay nilabanan niyá ang mga ito. Ilan sa mga sundalo ang kaniyang nasugatan at nahabla siyá. Labinsiyam na taóng gulang siyá nang mapangasawa ni Sinforoso Desiderio. Hindi nagtagal ang buhay ng kaniyang unang asawa pati ang kanilang dalawang anak. Pagsiklab ng Himagsikan, sinasabing kasáma siyá sa hukbo ni Heneral Mariano Llanera sa pagpapalaya ng San Miguel. Nang magtayo ng isang bahay para sa mga maysakit at sugatan sa Biyak-na-Bato ay siyá ang nangasiwa nitó. Dahil dito kayâ tinawag siyáng Ina ng Biyak-na-Bato. Nang lusubin ng mga Espanyol ang Biyak-na-Bato ay matagumpay niyá itong ipinagtanggol kasáma ng pangalawang asawang si Julian Alcantara at ilang katulong. Muntik na siyáng mamatay sa isang madugong labanan sa San Miguel; nasugatan siyá sa kanang hita sa labanan sa Zaragoza, Nueva Ecija. Sa ikalawang yugto ng Himagsikan, sumáma siyá sa pangkat ni Heneral Gregorio del Pilar sa pagkuha sa bayan ng Bulacan at sa pangkat ni Heneral Isidoro Torres sa pagpasok sa Calumpit. Nakarating siyá hanggang Zambales sa pakikipaglaban sa mga Amerikano hanggang magkasakit sa págod at ipagamot sa Maynila. Pagkatapos ng digmaan, namatay ang kaniyang ikalawang asawa at itinuon niyá ang atensiyon sa negosyo sa Nueva Ecija. Namatay siyá noong 28 Enero 1928 sa Philippine General Hospital. Nakahimlay ang kaniyang mga labí sa Cementerio del Norte. (PKJ) (ed VSA)

térno

Mula sa Espanyol na térno, tawag sa damit na may tatlong piraso, ang térno ay naging makabago’t karaniwang tawag sa traje de mestiza noong ika-19 siglo. Ang traje de mestiza ay karaniwang may blusang may maluwang na manggas (pinakanamumukod ang tinatawag na butterfly sleeves), may sáya na sayád sa lupa ang habà, at kapares na pañuelo o alampay. Sa mga bahaging ito naglalaro ang naging ebolusyon ng térno bilang mamahaling kasuotang pambabae sa bungad ng ika-20 siglo. Gayunman, binabakas sa libro nina Salvador Bernal at Georgina R. Encanto (1992) ang kasuotan mula sa sinaunang saplot pambabae at sa mga pagbabagong idinulot ng kolonyalismong Espanyol.

May ulat na sarong ang karaniwang kasuotang pang-ibabâ ng mga babaeng katutubo, na naging ina ng patadyóng at sáya. Dahil karaniwang manipis ang tela, pinatungan ito ng tápis, na malimit ay may matingkad na kulay. Malaki din ang pagbabago ng sinaunang barò hanggang magkaroon ng manggas at blusang itinatago ang buong pang-itaas na bahagi ng katawan. Mahahalata sa bagay na ito ang paghihigpit ng Simbahan. Nagbago ang tela at disenyo ng lumang balabal hanggang maging panyuwelo. Anupa’t bukod sa impluwensiyang Europeo, tila mamahaling bersiyon ang térno ng payak na báro’t sáya. Dagdag na dingal ang mamahaling telang húsi (jusi) at pinya. Nagkaroon din ito ng iba’t ibang disenyo. Isa na ang balintawák, isang payak na térno, at naging paboritong kasuotan sa pista at sa mga piknik sa Antipolo. (YA) (ed VSA)

Thomasites
Pangkalahatang tawag ang Thomasites (Tó·ma·sáyts) sa mga gurong Amerikano na dumating sa Filipinas mula 1901. Bunga ito ng pangyayaring nakasakay sa bapor US Army Transport Thomas ang pinakamalaking bilang ng gurong Amerikano—509 gurong (368 lalaki at 141 babae)— na dumating sa Maynila noong 23 Agosto 1901. Sinaklaw ng tawag na Thomasites pati ang naunang 48 gurong sakay ng Sheridan na dumating noong Hulyo 1901, gayundin ang sumunod pang mga pangkat na ipinadalá. Noong 1902, umaabot sa 1,074 ang mga gurong Amerikanong idinestino sa iba’t ibang pook sa Filipinas. Karaniwang 540 ang ibinibigay ng mga historyan na bilang ng mga gurong sakay ng bapor Thomas, ngunit ito ay maaaring suma total ng 509 guro, 14 batà, 4 nars at 13 asa-asawa ng mga guro. Nang dumating ang mga Thomasites noong 1901, naghihintay na ang 4,000 estudyante sa 29 paaralan. Masasabing sa kanila nagsimula ang edukasyong publiko. Marami sa kanila ang nagsiuwi matapos ang unang kontrata, ngunit higit na marami ang nanatili sa bansa nang maraming taón pa. May 100 sa kanila ang nanatili sa Filipinas hanggang kamatayan. Ang hulíng Thomasite, si Mary E. Polley na dumating lulan ng Thomas, ay yumao sa Lungsod Pasay noong 1953. Si A. V. H. Hortendorp, na unang itinalaga sa Samar at Zambales, ay nanatili sa bansa matapos ang maraming taón ng pagtuturo, at itinatag ang Philippine Magazine. (AEB) (ed VSA)

tibág
Ang tibág ay dulàng panrelihiyon na hinggil sa paghahanap ng krus na pinagpakuan kay Hesus. Maituturing itong isang sanga ng komédya bagaman nakaukol lámang sa naturang istorya. Nakabatay ito sa maalamat na paghahanap ni Reyna Elena, ina ni Emperador Constantino, sa mahimalang krus ni Hesukristo. Inuuntol ang dula ng pakikipaglaban sa mga humaharang na hukbong Muslim at ng pagsunod sa mga malîng impormasyon kung nasaan ang krus. Tinatawag itong “tibág” dahil sa kakaibang pagtatanghal nitó. Karaniwang nagtatayô ng tatlong bundok-bundukan ng lupa sa plasa o harap ng simbahan. May nakabaóng mga krus sa tatlong bundok, mga krus na kumakatawan sa tatlong krus na ginamit sa Kalbaryo. Isa-isang huhukayin o “titibagin’ ang tatlong bundok. Siyempre, ang hulíng bundok ang maglalamán ng awtentikong krus ni Hesukristo at mapatutunayan ito ng isang himala. Isang piláy o bulág ang hahalik sa krus at makalalakad o makakakita ito. Magbubunyi ang lahat sa tagumpay. Isinusunod sa dulà ang santakrúsan, ang prusisyon upang ipagdiwang ang tagumpay ni Reyna Elena. Ngayon, ginaganap ang santakrúsan tuwing Mayo kahit walang pagtatanghal ng tibág. Ang prusisyon ay naging paligsahan din ng magagandang dilag, tinatawag na sagála, at pinakatampok ang Reyna Elena na may konsorteng Constantino. Sa Nueva Ecija, ang komédyang tinatawag na arákyo ay tungkol sa naturang paghahanap sa krus. (VSA)
Santakrusan sa Lucena

Edith L. Tiempo
(22 Abril 1919-21 Agosto 2011) Si Edith L. Tiempo (É·dit El Ti·yém·po) ay isa sa pinakamahusay na makata, mangangatha, kritiko, at guro ng panitikan sa wikang Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1999. Noong 1962, itinatag niyá kasáma ang asawang si Edilberto K. Tiempo ang Silliman Writers Workshop ng Unibersidad ng Silliman sa Lungsod Dumaguete at magkatuwang nila itong pinamahalaan. Ang palihang Silliman para sa mga manunulat ay ang una sa Filipinas at sa buong Asia. Ang kaniyang mga nobela ay A Blade of Fern (1978); His Native Coast (1979); The Alien Corn (1992); One, Tilting Leaves (1995); The Builder (2004); ang mga libro ng tula ay The Tracks of Babylon and Other Poems (1966); The Charmer’s Box (1992); Beyond, Extensions (1993); at, Marginal Annotations (2001); at ang kaniyang libro ng mga kuwento ay Abide, Joshua and Other Stories (1964). Nagwagi siyá ng Gantimpalang Carlos Palanca para sa kaniyang tula at maikling kuwento sa Ingles (1967, 1951, 1955), at natanggap ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1988. Nagwagi rin siyá ng Gawad CCP sa nobelang Native Coast noong 1978. Isinilang si Tiempo noong 22 Abril 1919 sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Siyá ay isang Gaddang, grupong etniko mula sa hilagang Luzon, na kaniyang ipinagmamalaki. Mga magulang niyá sina Salvador T. Lopez, na isang awditor sa gobyerno, at si Teresa Cutaran. Nagtapos siyá ng hayiskul sa Bayombong at kumuha ng kursong pre-law sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa UP niyá nakilala ang kaniyang asawa na si Edilberto. May dalawa silang anak, isa sa mga ito ay si Rowena Tiempo-Torrevillas na isa ring makata at mangangatha. Sa Silliman University sa Lungsod Dumaguete niyá nakamit ang kaniyang digring BS Education, medyor sa Ingles, magna cum laude, noong 1947. Ang kaniyang master ay nakuha niyá sa State University of Iowa (1949), at ang doktorado sa University of Denver sa Colorado, USA (1958). Namatay siyá noong 21 Agosto 2011. (RVR) (ed GSZ)

tikbálang
Mitolohikong nilaláng ang tikbálang na may ulo, mahahabàng binti at hitang hawig kabayo, at katawan at mga kamay na hawig ng sa tao. Gaya ng kapre, pinaniniwalaang naninirahan ang matatangkad na tikbalang sa malalaking punò, gaya ng balete, at nakikitang nakaupo sa pinakamataas na sanga ng punongkahoy. Sabi-sabi ng matatanda na sa tuwing sabay na umuulan at umaaraw ay may tikbalang na ikinakasal. Kaya may tugmang pambata na ganito ang sinasabi: Umuulan-umaaraw ‘Kinakasal ang tikbalang. Karaniwan namang isinisisi ang pagkawala ng mga biyahero, lalo na sa kagubatan at kabundukan, sa panlilinlang ng tikbalang. Pinaniniwalaan ding sa gabi, lalo na sa kabilugan ng buwan, ay naghahanap ng dalagang mabibiktima ang tikbalang na kaniyang aanakan para lalong dumami ang kaniyang uri. Hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit ang tikbalang bilang panakot ng di-iilang nakatatanda sa mga batàng maiingay at malilikot. Mahihiwatigan sa mga kuwentong ito na ang mga pananakot sa tikbalang ay bahagi rin ng pangangailangang mapangalagaan ang kapakanan ng kababaihan lalo na kung gabi at nása delikadong lugar sila, at matiyak na pinananatili ng mga musmos ang mabuting asal. (GAC) (ed GSZ)

Mula sa Aklat Adarna

tilápya
Tilápya ang panlahatang tawag sa mga isdang nabibilang sa grupo ng mga cichlid na katutubo sa kontinente ng Aprika. Sa nakalipas na siglo, malawakang inaalagaan ang tilápya sa maiinit na lugar sa Asia at Karagatang Pasipiko. Madalî itong mangitlog, mabilis na lumaki, at may kakayahang mabúhay sa mahinàng kalidad ng tubig. Masiksik ang katawan ng tilápya at bahagyang palapad na may mahabàng palikpik sa likod. Maraming tinik ang harapan ng palikpik sa likod. Kadalasan, may malalapad na patayông guhit sa gilid ng katawan. Lumalaki ito hangang 60 sentimetro at may bigat na higit sa apat na kilo. Kumakain ang isdang ito ng iba’t ibang klase ng hayop at halaman sa tubig. Maaaring mabúhay ang isdang ito sa tubig tabáng o alat. Di tulad ng ibang isda, madalîng alagaan at mangitlog ang tilápya dahil sa kakayahan nitóng mabúhay sa lugar na may mataas na temperatura at alat, mababàng oxygen level, at mataas na ammonia level. May iba’t ibang uri ng tilápya at dalawa sa mga ito ang pinakapopular— ang tilápyang Mozambique o Oreochromis mossambicus at tilápyang Nile o Oreochromis niloticus. Ayon sa ulat, isa ang tilápyang Nile sa kaunaunahang isda na inalagaan mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas. Ang tilápyang Mozambique naman ang unang uri ng tilapya na ipinasok sa Filipinas mula sa bansang Thailand noong 1950. Dinála dito ang tilápyang Nile noong 1972. Sa kasalukuyan, pumapangalawa ang produksiyon ng tilápya sa Filipinas sa bangus bilang pangunahing isdang inaalagaan sa mga palaisdaan at iba pang tubigan. Maraming bumibili dahil sa malasang laman at múrang halaga. (MA) (ed VSA)

timawà
Ang timawà ay isa sa tatlong saray panlipunan ng mga katutubong Filipino bago dumating ang mga mananakop na Espanyol. Sila ang kumakatawan sa panggitnang uri sa lipunan, nása pagitan ng datu at maharlika at ng mga alipin. Sila ang nakararaming miyembro ng mga barangay. Tinatawag din silang timagua sa ibang mga ulat ng mga Espanyol. Malalaya silang mamamayan na hindi nagbabayad ng buwis sa kanilang datu. Kapalit ng pribilehiyong ito, nag-aalay sila sa datu ng mga serbisyo gaya ng pagtatayo ng bahay, paggaod ng bangka, at pakikidigma. Bilang kapalit, nakatatanggap din sila ng proteksiyon laban sa mga kaaway at ng tulong gaya ng pagkakataóng lumahok sa kalakalan, manghiram o magpautang ng pera, mamili ng alipin, at gumamit ng lupa na nasasakop ng kanilang barangay. Bagama’t napapailalim sila sa kapangyarihan at proteksiyon ng isang datu, malaya ang isang timawa na mamili ng amo na kaniyang pagsisilbihan. Sinasabing nagmula ang nasabing mga timawà sa mga anak ng datu at ng kaniyang mga timawang asawa at alipin. Ang iba naman ay mga dating alipin na pinalaya o matitimawà sa pamamagitan ng paninilbihan o pagbayad ng ginto sa kanilang amo. Gayunman, sa wika ngayon ay nagbago ang kahulugan ng timawà. Panguri ito ngayon para sa tao na matakaw at parang gutóm na gutóm. Marahil, bunga ito ng pangyayari na noong panahon ng Espanyol ay nalansag ang sinaunang kaayusang panlipunan. Sa pangyayaring ito, nawalan ng halaga at hanapbuhay ang mga timawa at naging pakainin ng lipunan. (MBL) (ed GSZ)

tinálak
Ang tinálak ay isang uri ng telang gawa sa himaymay ng abaka. Ito ay ekslusibong hinahabi ng mga Tiboli sa Timog Cotabato at Mindanao at isa sa maituturing na tampok na habing gumagamit ng abaka sa buong mundo. Ang tinálak ay hindi lámang isang ordinaryong tela para sa mga Tiboli. Ito ay nagsisilbing simbolo ng katayuan ng isang Tiboli sa lipunan at ginagamit na simbolo ng kanilang mainit na pagtanggap sa sinumang panauhin. Gumagamit ang mga Tiboli ng isang tina na nagmula sa mga gulay at mga natural na kulay mula sa mga kahoy upang ipangkulay sa tela. Malimit na ginagamit ang mga kulay na pulá at itim. Ang kulay na pulá ay sumisimbolo sa katapangan, pag-ibig, at pangako samantalang ang kulay itim ay sumisimbolo ng kahirapan, pakikipaglaban, at tiyaga. Ang mga disenyo ng tela ay iba-iba at walang katulad. Walang anumang disenyo na sinusunod ang mga Tiboli. Bago maghabi, wala rin siláng iginuguhit na anumang disenyong susundin. Pinaniniwalaan niláng ang disenyo ng kanilang tinálak ay ayon sa mga disenyong napanaginipan nilá at kanilang namana mula sa kanilang mga ninuno. May mga ritwal din at pamahiin kaugnay ng tinálak. Halimbawa, ipinagbabawal sa mga babaeng manghahabi ang pakikipagniig sa kanilang mga asawa bago humabi. Ipinagbabawal ding humabi nitó ang sinumang may buwanang dalaw. Pinaniniwalaang makaaapekto ang mga ito sa kalidad at disenyo ng tinalak. Ginagamit din itong pantakip para sa ligtas na panganganak. Mahalagang kayamanan ang kaalaman sa paghahabi ng tinálak para sa mga babae. Ang tela mismo ay itinuturing na mahalagang kayamanan ng pamilya at ipinamamana sa araw ng mga kasal. (RBT) (ed VSA)

tinápay
Ang tinápay ngayon ay katumbas ng pan sa Espanyol o bread sa Ingles at tumutukoy sa anumang pagkaing arina na inihurno at pinaalsa. Ngunit mula ito sa isang katutubong salitâ, ang tápay, na tumutukoy sa isang kimpal ng kanin na ginagawang pangási (alak mula sa bigas). Mula rin sa tápay ang tapáyan o malaking banga na pinagbuburuhan ng pangási. Pinakapopular na tinápay at halos kakompetensiya ng kanin ang pándesál. Sa kabilâ ng malakas ding benta ng pan amerikáno (bread loaf) ay pándesál pa rin ang almusal ng taganayong nagtitipid at walang bigas. Kung may pándesál, may panaderya o pagawaan at tindahan ng tinápay. Dito mabibili ang iba pang tradisyonal na tinapay ng bayan: pan de-limón o pan de-létse, mónay, mamón, biskótso, galyétas, sinampálok, at kung minsan, ang mas espesyal na ensaymáda. Sa malalaking panaderya sa Iloilo o sa Quezon, nakagarapon o nakabalde ang oháldres, bróas, meréngge, barkílyos, at iba pang bagong tinapay. Dinadayo ang inípit ng Malolos. Higit namang ninanais ang lutong bahay na empanáda para sa mas manipis at malutóng na masang pabalát at mas katakam-takam na palamán. Espesyal at itinuturing pang milagroso ang sanikulás na ipinangalan kay San Nicolas ng mga Pampanggo. Na katulad din ng ginawa sa araró sa Pakil kapag pista ng Birhen ng Turumba. Kinortehan ang tinapay na imahen ng Birhen at kinakain ng mga deboto pagkatapos magsayaw at sumigaw ng: “Turumba! Turumba!/ Marianga!/ Matuwa táyo’t magkanta!/ Sumayaw ng Turumba.” Hindi naman maipagkakaila na inaagawan ng kliyente ang tradisyonal na tinapay ng inihatid ng Amerikanisasyong mga dónat, cookies, pies, at fruit cakes. (YA) (ed VSA)

tingî
Sa pamilihan, tingî ang tuwirang pagbibili ng paninda sa mga mamimíli sa paraang paisa-isang piraso. Isang matandang Tagalog ito at maganda ang kahulugang itinalâ sa isang lumang bokabularyo: “comprar con moderacion” at “dar o gastar moderadamente.” Ang pagbili nang tingî ay may kalakip na pagpipigil at pagtitipid at laban sa pagiging bulagsak. Ang pagtitinda nang tingian, sa gayon, ay sagot sa biglaan at maliitang pangangailangan. Tinuligsa ito ni Nick Joaquin (1988) bilang tatak ng “pamanang pangmaliitan” (heritage of smallness) at tulad ng sari-sari istor ay sagisag ng pagkukulang sa dakilang pangarap ng mga Filipino. Dito lámang daw marahil sa Filipinas may buy and sell ng isang istik ng sigarilyo, kalahating ulo ng bawang, o sampahid ng pomada. Samantala, tinuligsa din noon ang pangyayaring kontrolado ng mga banyaga ang negosyong tingian sa bansa. Kayâ noong 24 Hunyo 1954, sa kabilâ ng malaking kampanya ng mga komersiyanteng dayuhan, ay pinagtibay ang Batas ng Republika Blg. 1180 o “Retail Trade Nationalization Act” upang protektahan ang mga negosyanteng Filipino. Pangunahing tadhana ng batas ang sumusunod: “Walang tao na hindi isang mamamayan ng Filipinas, at walang kapisanan, sosyohan, o korporasyon na may puhunang hindi ganap na pag-aari ng mga mamamayan ng Filipinas, na maaaring lumahok nang tuwiran o di-tuwiran sa negosyong tingian.” Patunay na dahil isang pambansang ugali ang tingî, isang malaking negosyo ang tingian kayâ dapat alagaan ng batas. (YA) (ed VSA)

tiniklíng
Ang tiniklíng ay isa sa pinakakilalang katutubong sayaw ng Filipinas. Nagmula ang sayaw sa Leyte. Mabilis at nása batayang kompás na ¾ ang musika nitó. Ang maingat na pag-iwas ng babae’t lalaking mananayaw sa nagpipingkiang kawayan ay halaw sa masigla ngunit mahinhing pag-iwas ng ibong tikling sa patibong na inilalatag ng mga magsasaka sa kanilang palayan. Ang tiklíng (gallirallus torquatus), bagama’t inspirasyon sa sayaw na ito, ay isang pesteng kumakain ng mga hinog na palay sa mga taniman. Ang mga patibong ay may dalawang silbi—panghuli sa tikling upang gawing ulam at pampigil sa mapanirang pagkain ng tikling sa palay na malapit nang anihin. Sa sayaw, ang mga mananayaw ang tikling at ang mga nag-uumpugang kawayan ay kumakatawan sa mga patibong. Sadyang maaaring makasakit ang sayaw—kapag naipit ang paa ng mga mananayaw na babagal-bagal tumalon bilang pag-iwas sa patibong. Ang ritmo ng sayaw ay bumibilis hábang bumibilis din ang pingkian ng mga kawayan. Kailangan ng lakas ng loob at konsentrasyon ng sino mang susubok sumayaw nitó. Balintawak at patadyong ang karaniwang suot ng kababaihan sa pagsayaw ng tinikling. Barong tagalog naman at isang uri ng kulay pulang pantalon ang suot ng kalalakihan. Nakapaang sinasayaw ang tinikling. Karaniwang rondalya ang sumasaliw sa sayaw. (RCN) (ed GSZ)
Guhit ni Fernando Amorsolo

Manuel Tinio
(7 Hunyo 1877-22 Pebrero 1924) Si Manuel Bondoc Tinio (Man·wél Bón·dok Tín·yo) ay pinakabatàng heneral ng Rebolusyonaryong Hukbong Filipino at namunò sa pagpapalaya sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon sa kamay ng mga Espanyol. Isinilang siyá noong 7 Hunyo 1877 sa Licab, Aliaga, Nueva Ecija kina Mariano Tinio at Silveria Misadsad Bundoc. May tatlo siyáng babaeng kapatid. Ang angkan ng mga Tinio ay may dugong Tsino at isa sa mga mariwasang pamilya sa Gitnang Luzon. Nagtapos siyá ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran noong 1898. Nang taon din iyon, sumapi siyá sa Katipunan. Sa gulang na 19 taon ay nahirang siyáng heneral ng hukbong mapanghimagsik. Isa siyá sa mga kasáma ni Heneral Emilio Aguinaldo nang ipatapon sa Hong Kong noong 1897 at nanatili roon hanggang sa sumiklab ang Digmaang FilipinoAmerikano. Nagbalik siyá sa Filipinas, at namunò sa mga rebolusyonaryo sa La Union, Ilocos Norte, Abra, at Cagayan. Kasabay nitó ang pagkahirang sa kaniya bilang tagapamunòng heneral ng mga rebolusyonaryo sa Hilagang Luzon. Sumuko siyá sa mga Amerikano noong 8 Mayo 1901 pagkaraan ng isang labanan sa Sinait, Ilocos Sur. Nahalal siyáng gobernador ng Nueva Ecija noong 1907, at nahirang na direktor ng paggawa (1909) at direktor ng lupain (1913). Nagtamo rin siyá ng tagumpay bilang negosyante. Namatay siyá sa sakit sa atay noong 22 Pebrero 1924 at inilibing sa Cabanatuan. Kadugo niyá ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Rolando Santos Tinio, pati ang atletang si Beatriz “Bea” Lucero. (PKJ) (ed VSA)

Rolando S. Tinio
(5 Marso 1937-7 Hulyo 1997) Iginawad nang postumo ang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Panitikan noong 1997 kay Rolando S. Tinio. Isa siyáng mahusay na direktor sa entablado, makata, manunulat, tagasalin, at aktor. Bilang direktor sa teatro, pinayaman niyá ang estetika ng dulaan sa pagpapasiglang muli sa mga tradisyonal na anyong pandulaan gaya ng sarsuwela, gayundin sa pagpapakilala sa kanluraning teatro sa pamamagitan ng kaniyang pagsasalin ng mga klasikong dulang Griyego, Shakespeare, at iba pang modernong dula. Kabílang sa mga ito ang Kiri (1974); Tito Vanya (1976); Hamlet (1979); Pangarap sa Isang Gabi ng Gitnang Tagaraw (1980); Caligula (1981); Romeo at Julieta (1981); Ang Halaga ng Pagiging Masigasig (1982); Sopranong Kalbo (1987), at Medea (1988). Sumulat din siyá ng sariling dula, gaya ng May Katwiran ang Katwiran, at mga panunuring pampanitikan. Bilang makata, kasáma ang matalik na kaibigan at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera, ipinakilala nila ang Modernistang pagtula na makikita sa kaniyang mga librong Sitsit sa Kuliglig (1972), Dunung-Dunungan (1975), at Kristal na Uniberso (1989). Nakapaglabas din siyá ng kalipunan ng mga tula sa Ingles, ang Trick of Mirrors (1993). Isinilang si Tinio noong 5 Marso 1937 sa Gagalangin, Tundo, Maynila sa mag-asawang Dominador Tinio at Marciana Santos. Ikinasal siyá kay Ella Luansing, artista sa teatro, telebisyon at pelikula, at biniyayaan sila ng dalwang anak, sina Antonio at Victoria. Nagtapos siyá sa Lakandula Elementary School at Letran High School. Dalawang taon siyáng nag-aral ng pre-law sa Letran College ngunit lumipat sa University of Santo Tomas Faculty of Arts and Letters. Sa huli siyá nagtapos ng Pilosopiya. Nagpatuloy siyá ng kaniyang pag-aaral sa State University of Iowa ng Master sa Fine Arts, malikhaing pagsusulat, Kumuha rin siyá ng karagdagang kurso sa Theater Arts sa Bristol University noong 1968 sa tulong ng isang iskolarsyip mula sa British Council. Naging guro rin siyá ng Ingles, Filipino, at Sining Panteatro sa Pamantasan ng Ateneo de Manila mula 1958 hanggang 1975. Namatay siyá noong 7 Hulyo 1997. (RVR) (ed GSZ)

Tiwi Hot Spring
Ang Tiwi Hot Spring (Tí·wi Hat Is·príng) ay isang napakaaktibong pook ng mainit na mga bukal sa bayan ng Tiwi, sa lalawigan ng Albay. Ang bumubula at amoy asupreng tubig sa bukal ay ginagamit sa mga paliguan at languyan. Dinarayo ito hindi lámang dahil sa paliligo kundi dahil din sa magandang epekto sa kalusugan ng mainit na tubig. Isa rin itong pinagkukunan ng tinatawag na lakas heotermal. Ang mainit na bukal ay ginagamit sa pagpapatakbo ng isang napakalaking plantang heotermal na binuksan noong 11 Enero 1979. Umaabot na sa halos 300 megawatts ang nagagawang koryente dito simula pa noong 1981. Bukod dito, mayroon ding 15 balon ng bukal na pinagkukunan ng mainit na singaw para makagawa rin ng koryente. Isa ito sa pangunahing plantang heotermal na pinagkukunan ng elektrisidad na ginagamit sa Luzon. Ang sulak ng init ay ginagamit din sa paggawa ng iba’t ibang uri ng asin mula tubig-alat. Makikita rin dito ang Tiwi Springs National Park, tatlong kilometro mula sa kabayanan ng Tiwi. Nakapaloob sa parke ang Lawang Naglagbong, isang kumukulong lawa ng asupre, na nása Barangay Naga at marami pang mainit na bukal na tinayuan ng mga resort. Sumabog ang bulkang lawang ito noong 1982. (AMP) (ed VSA)

tiyának
Mitolohikong lamáng-lupa ang tiyának na pinaniniwalaang nagmula sa mga sanggol na namatay nang hindi pa nabibinyagan. Nababago-bago ng tiyanak ang anyo nitó, halimbawa, bilang nakatatakot na nilaláng at sanggol na walang kamuwang-muwang. Sinasabing marami nang nangawalang tao ang nalinlang ng iyak ng tiyanak na nag-anyong sanggol. Gaya ng maraming mitolohikong nilaláng sa Filipinas, ang tiyanak ay nagmula sa katutubo at Asyanong paniniwalang naimpluwensiyahan ng Kristiyanismong dala ng mga Espanyol. Maiuugat ang mito ng tiyanak sa panganganak ng mga babae, yugtong pinakamaselan ang buhay ng isang ina at ng kaniyang sanggol. Hitik ang mitolohiya ng Asia sa mga lamáng-lupang nagmula sa nangamatay na ina at sanggol sa panahon ng panganganak. Nang sakupin ng mga Espanyol ang bansa, isa sa mga pamamaraang kolonyal ang kumbersiyon ng mga Filipino sa Kristiyanismo. Pangunahing isinagawa ito sa pamamagitan ng sakramento ng binyag. Samakatwid, ang pagbibinyag sa mga sanggol pagkasilang na pagkasilang ng mga ito ay isang gawaing mahigpit na itinuro ng mga paring Espanyol. Ang paglabag dito ay magdudulot ng kapahamakan. Sa ganitong kondisyong pangkasaysayan nabuo ang paniniwala sa tiyanak. Hindi lámang bahagi ng mitolohiya ang tiyanak, bahagi na rin ito ng kulturang popular. Sa katunayan, ilang pelikulang Filipino na ang nagtampok sa tiyanak gaya ng Tianak (1953), Tiyanak (1988), Juan Tanga, Super Naman, at ang Kambal na Tiyanak (1990), at Tiyanaks (2007). Maging sa napakasikat na online na larong Ragnarok ay itinatanghal na rin ang mga mitolohikong karakter ng Filipinas gaya ng tiyanak. (GAC) (ed GSZ)
Mula sa Aklat Adarna

Tódos Los Sántos
Ang Tódos Los Sántos ( All Saints’ Day sa Ingles) ay pagdiriwang tuwing unang araw ng Nobyembre sa Filipinas upang gunitain ng mga buháy ang kanilang mga yumaong mahal sa búhay. Tinatawag din itong Undás at sa salin na Araw ng mga Patáy. Bisperas sa lámang ay dagsa ang mga tao sa sementeryo upang maglinis ng mga libingan o puntod. Sa naturang araw, tigib ang sementeryo sa mga nagaalay ng bulaklak, nagtutulos ng kandila, at nagdarasal para sa mga kaluluwa ng kanilang kamag-anak. Binabantayan ang mga puntod maghápon at hanggang gabi. Nagiging okasyon din ito para sa reunyon ng magkakamag-anak. Isang kaugalian para sa panahong ito ang pangangáluluwá. Sa mga gabi bago ang Undás, may mga grupo na tumatapat sa mga tahanan at humihingi ng limos. Nagkukunwa siláng mga kaluluwang naligaw mula sa langit at nanghihingi ng awa, gaya sa ganitong karaniwang dalít nilá: Kaluluwa kaming tambing Sa Purgatoryo nanggáling Doon po ang gawa namin Araw-gabi’y manalangin. Kung kami po’y lilimusan Dalî-daliin mo lámang Bakâ kami mapagsarhan Ng pinto sa kalangitan. May mga saragate na ninanakaw ang manok ng bahay na ayaw magbigay ng limos. (GCA) (ed VSA)

Aurelio V. Tolentino
(13 Oktubre 1867-5 Hulyo 1915) Isang mandudula, makata, at mangangatha, si Aurelio Valenzuela Tolentino (Aw∙rél∙yo Va·len·zwé·la To∙len∙tí∙no) ang sumulat ng Kahapon, Ngayon at Bukas (1903), isang drama simbolika at pinakasikat sa mga dulang sedisyoso noong panahon ng Amerikano. Isa siyáng Kapampangan ngunit sumulat sa mga wikang Kapampangan, Tagalog, at Espanyol. Aktibo siyáng Katipunero at kasáma ni Bonifacio sa kuweba ng Pamitinan noong 10 Abril 1895 sa isang lakaran para sa kalayaan. Bukod sa naturang drama simbolika, itinuturing ding makabuluhan ang kaniyang dulang Bagong Cristo (1907) dahil sa paksang manggagawa. Ang kaniyang nobelang Ing Buak nang Ester (1911) sa Kapampangan ay may saling Ang Buhok ni Ester (1914015). Nása Tagalog din at Kapampangan ang Maring (193 at 1914). Nása Espanyol naman ang komedyang La Venganza de Robdeil (1891) at ang sarsuwelang Rizal y los dioses (1901). May mga tula siyáng tinipon sa Dakilang Asal (1907). Isinilang siyá noong 13 Oktubre 1867 sa Guagua, Pampanga kina Leonardo Tolentino at Petrona Valenzuela. Isang sastre, sapatero, mandudula, at direktor ng mga komedya ang kaniyang ama. Nang mamatay ang kaniyang ama, itinigil niyá ang pag-aaral, bumalik ng Guagua, at nagturo sa isang pribadong paaralan. Minsan, ininsulto siyá ng isang Espanyol at napagbuhatan niyá ito ng kamay. Upang hindi maaresto, nilisan niyá ang Guagua at nagtrabaho sa Tundo bilang klerk. Sa panahong iyong niyá nakilala si Andres Bonifacio. Siyam na ulit na nakulong si Tolentino; una noong pagsiklab ng Himagsikang 1896. Nakulong sa pangalawa at ikatlong pagkakataon si Tolentino dahil sa pagsusulat niyá sa La Independencia (1898) at La Patria (1899), at sa Filipinas, na pahayagang siyá mismo ang nagtatag. Noong 1903, sumáma siyá sa mga puwersang rebolusyonaryo ni Artemio Ricarte ngunit muling naaresto. Si Tolentino rin ang nagtatag ng Katimawan noong 1910, ang kaunaunahang kooperatiba ng mga manggagawa sa bansa, at El Parnaso Filipino, isang paaralan na nagtataguyod ng wika, panitikan at kulturang Filipino. Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon silá ng apat na anak. Namatay siyá noong 5 Hulyo 1915. (JGP) (ed VSA)

Guillermo E. Tolentino
(24 Hulyo 1890-12 Hulyo 1976) Si Guillermo Estrella Tolentino (Gil·yér·mo Es·trél·ya To·len·tí·no) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura noong 1973. Siyá ay isa sa mga nangungunang Filipinong eskultor at itinuturing na kampeon ng klasisismo sa sining Filipino. Unang umani ng pambansang pagkilala ang husay ni Tolentino bilang eskultor sa kaniyang likhang Bantayog ni Bonifacio na matatagpuan sa gitna ng rotonda sa Lungsod Caloocan na ngayon ay mas kilala bilang Monumento. Tampok sa bantayog na ito ang tableau ng mga pigurang yari sa tanso na nagsasadula ng pinakamaiigting na yugto at hulagway ng Himagsikang 1896. Nagtapos sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas si Tolentino. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral ng eskultura sa Beaux Art School sa New York City. Matapos ang dalawang taon ay nagtungo siyá sa Europa at nag-aral sa Royal Academy of Fine Arts sa Rome. Dito siyá naglunsad ng unang solo exhibit, kasáma ang obrang Saluto Romano. Nagwagi rin ng ikalawang karangalan ang obra niyáng Four Horsemen of the Apocalypse sa isang paligsahan sa eskultura sa Rome. Bumalik siyá noong 1925 sa Filipinas at naging propesor sa School of Fine Arts ng UP. Naging Direktor siyá nitó noong 1953 hanggang sa kaniyang pagreretiro bilang Professor Emeritus noong 1955. Sa panahong ito nilikha ni Tolentino ang Oblation bilang parangal sa mga bayani ng bansa. Pigura ito ng hubad na kabataang lalaki na nakadipa at nakatanaw sa itaas. Naging simbolo ito ng kalayaan at pananagutang pang-akademya para sa pamayanan ng UP. Marami pa siyáng ibang nilikhang dakilang pigura at dahil dito’y tinanggap niyá ang mga parangal na tulad ng Rizal Pro-Patria Award (1961); Patnubay ng Sining at Kalinangan para sa Eskultura ng Lungsod Maynila (1963). Isinilang si Tolentino noong 24 Hulyo 1890 sa Malolos, Bulacan kina Isidro Tolentino at Balbina Estrella. Ikinasal siyá kay Paz Raymundo at nagkaroon sila ng pitong anak. Naging kamag-aral, kaguro sa UP, kaibigang matalik at tagapagtanggol niyá si Fernando Amorsolo. Namatay si Tolentino noong 12 Hulyo 1976 sa edad na 86. (RVR) (ed GSZ)

Teodulo M. Topacio Jr.
(30 Nobyembre 1924—) Kinikilála si Teodulo Topacio Jr. (Te·ó·du·ló To·pás·yo) sa kaniyang mahahalagang pananaliksik sa sakit na leptospirosis. Dahil sa kaniyang pag-aaral, nakumpirma ng mga dalubhasa ang pagkakaroon ng bakteryang leptospira sa Filipinas at kung paano ito naisasalin mula sa mga alagang hayop tungo sa mga tao. Dahil sa kaniyang pagsisikap na masupil ang leptospirosis at mapaunlad ang industriya ng paghahayupan sa bansa, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 30 Abril 2009. Ang leptospirosis ay isang uri ng impeksiyon na dulot ng bakteryang leptospira. Inaatake ng bakterya ang lamáng-loob ng biktima at maaaring makamatay. Sa mga alagang baboy, ang sakit na ito ay nagdudulot ng biglaang aborsiyon at pagkabaog ng mga bulugan. Natuklasan ni Topacio na maaaring painumin ng antibiyotiko ang mga apektadong hayop upang mapigilan ang mga komplikasyon at maiwasan ang impeksiyon. Kilalá ang husay ni Topacio sa larangan ng veterinary medicine. Naging tagapayo siyá ng mga proyekto at programa ng World Health Organization, UN Food and Agriculture Organization, at Asian Development Bank sa larangan ng paghahayupan. Nagturo siyá sa Kolehiyo ng Beterinarya sa Unibersidad ng Pilipinas at nagsilibing dekano nitó noong 1964-969. Malaki ang naitulong ni Topacio sa pagpigil ng Foot and Mouth Disease sa Filipinas. Pinangunahan niyá rin ang pagbalangkas sa Philippine Animal Health Code, isang panuntunang batas na mangangalaga sa kalusugan ng mga hayop sa bansa. Isinilang siyá noong 30 Nobyembre 1924 sa Lungsod Maynila. Nakapagtapos siyá ng kursong Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas at naging ganap na beterinaryo noong 1951. Nag-aral siyá sa Estados Unidos bilang isang iskolar ng US-AID noong 1955-1963. Nagsanay siyá sa Cornell University at New York State Veterinary College at nagtapos ng master sa Siyensiya sa Michigan State University at doktorado sa Veterinary Medicine sa Purdue University. (SMP) (ed VSA)

torógan
Bahay ng datu at pamilya nitó ang torógan sa Maranaw. Ito ang pinakamalaki sa mga bahay na matatagpuan sa teritoryo ng isang sultanato sa ilalim ng datu, palatandaan ng rangya, dangal, at pagiging pinunò. Wala itong dibisyon at sáma-sámang naninirahan dito ang mga kasapi ng pamilya ng datu. Nása dakong harapan ng torógan ang makipot na bintanang ang kuwadro’y nauukitan ng okir. Mababà nang kalahating metro ang bahaging kusina na lugar para sa pagluluto at pagkain. Patulís ang tuktok ng bubong at malapad sa bahaging ibabâ na tulad ng salakot. Yari sa tabla ang mga dingding at ang buong estruktura ay iniaangat ng mga haliging yari sa punongkahoy at mga dalawang metro ang taas. Nakausli ang ilang tabla ng sahig upang maging panólong na nása dakong harapan ng torogan. Napapalamutian ng ókir ang sahig, panolong, bintana, at iba pang bahagi nitó. Idinisenyo itong bahay para maging matatag laban sa lindol. Nakalitaw lámang at hindi nakabaón sa lupa ang mga haligi. Bukod sa pagiging tirahan ng datu, ginagamit din sa pagtitipon ng komunidad ang torógan. Ginaganap dito ang mga kasalan, lamayan, pulong, at mga paglilitis. Dito rin pinatutuloy ang mga panauhin. (RPB) (ed VSA)

Eugene Torre
(4 Nobyembre 1951—) Si Eugene Torre (Yu·dyin Tó·re) ang unang chess grandmaster sa Asia. Itinuturing siyáng pinakamahusay na manlalaro ng chess o ahedres ng Filipinas noong dekada 1980 kasunod ng mga unang kampeon sa chess na sina NM Ramon Lontoc, IM Renato Naranja, IM Rodolfo Tan Cardoso, at ang yumaong GM Rosendo Balinas, Jr. Isinilang siyá noong 4 Nobyembre 1951 sa Lungsod Iloilo at batà pa’y hinasa na ng ama sa paglalaro ng ahedres. Labimpitong taon pa lámang si Torre nang makasáma siyá sa Olympics noong 1970 sa Siegen, Germany bilang manlalarong katuwang ng ikalawang Philippine International Master na si Renato Naranja. Pagkaraan ng dalawang taon, siyá na ang humawak ng unang puwesto sa Skopje Olympiad, at napanatili niyá ito sa loob ng dalawang taon pa hanggang doon sa Majorca, Spain. Noong 1972, naging bahagi ng kasaysayan ng larong chess sa Filipinas ang pagkapanalo niyá kay Anatoly Karpov, ang kinikilalang pandaigdigang kampeon sa chess noon. Sa edad na 22 noong 1972, napanalunan niyá ang medalyang pilak sa World Chess Olympiad na ginanap sa Nice, France. Naabot niyá ang 2520 na mataas na puntos ng ELO. Pumasok si Torre sa Candidates Matches para sa World Championship noong 1984. Pampitong puwesto naman ang natamo niyá sa 1988 Greece Olympiad. Sa loob ng halos apat na dekada ng paglalaro ng chess, naitalâ ni Torre ang 85 panalo, 104 tabla, at 34 talo. Kaisa-isa siyáng Filipinong manlalaro ng chess na nakaabot sa mataas na puntos na ELO 2600. Sa ilang panahon ng kaniyang karera bilang manlalaro ng chess, 19 na sunod-sunod na Chess Olympiads ang sinalihan niyá na nilampasan ang dáting rekord na 18 na tangan ni Heikki Westerinen. Noong 2006, sumali si Torre sa 2nd San Marino International Chess Open. Sa torneong ito natamo niyá ang ikapitong puwesto na pinakamataas na puwestong nakamit ng isang Filipino sa puntos na 2612 na may katumbas ring 1,000 euro. (RGA) (ed GSZ)

tosíno
Matandang paraan na ang inasnan at pinatuyông karne. Tinatawag itong pindáng at ginagawa noon ng mga Agta sa karneng baboy-damo, usa, at kahit kalabaw. May alamat pa na dahil mahirap humanap ng asin sa bundok, hinihigaan ng Agta ang karne upang mapitpit at upang maasnan ng kaniyang pawis. Mas makabago ang tosíno sa pag-iimbak ng karne. Naghahalò muna ng asin, asukal, at salitre at doon ibinababad ang mga piraso ng karne. Kung karneng baboy, mainam na may kasámang tabâ ang bawat piraso dahil mahusay sumipsip ng sangkap ang tabâ. Ang asin at asukal ang nagdudulot ng manamis-namis at maasim na linamnam sa tosíno. Ang salitre ang pampapulá. Bagaman ngayon ay pinalitan na ng break powder ang salitre. Hiniram sa Espanyol na tocino ang pangalang tosíno. At sa mga Espanyol, ang tocino ay katumbas ng bacon sa Ingles. Sino ang magsasabing bacon ang ating tosíno? (GCA) (ed VSA)

trambiyá
Ang trambiyá (tranvia sa Espanyol at tram sa Ingles) ay isang uri ng sasakyan na gumagamit ng riles o daambakal na kadalasan ay nása gitna ng mga lansangan ng lungsod. Hindi tulad ng tren, na nagdadalá ng tao at kargamento, mga pasahero lámang ang sakay ng trambiya. Ang mga sinaunang trambiya ay hinihila ng kabayo, at sa mga sumunod na panahon ay pinatatakbo ng singaw, kable, koryente, at gasolina. Sa Maynila, naging laganap ang mga trambiya noong simula ng siglo 20. Nawasak ang sistemang trambiya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at mula noon ay napalitan na ng mga dyipni, bus, at makabagong sistema ng perokaril tulad ng LRT at MRT. Itinatag sa bungad ng siglo 20 ang Manila Electric Railroad and Light Company o MERALCO, na kilala ngayon bilang Manila Electric Company. Ito ang naging ikalawang kompanya ng koryente sa Filipinas pagkatapos ng La Electricista na nagsimula noong 1892. Noong 1904, kapuwa nakamit ng Meralco ang Compañía de los Tranvías de Filipinas, na siyáng nangangasiwa ng mga de-kabayong trambiya ng Maynila, at ang La Electricista. Sa taóng din iyon sinimulan ang paggawa sa de-koryenteng linya ng tren. Noong 1905 pinagana ang unang trambiya sa kalye Escolta, na noon ay ang sentro ng kalakalan ng lungsod. Pinalago ng MERALCO ang sistemang trambiya nitó at nagkaroon ng 170 na streetcar noong dekada beynte. Mula 1903 hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, 52 milya ng riles pantrambiya ang matatagpuan sa Maynila, ngunit naging malaki ang pinsala ng mga ito at kinailangang tanggalin. Napalitan ang trambiya ng mga dyipni at iba pang uri ng pampublikong transportasyon, ngunit sa paglubha ng trapiko sa pagsapit ng ika-21 siglo, kinailangan muli ang isang sistemang makapagsasakay ng libolibong pasahero. Binuksan ang unang linya ng Manila Light Rail Transit System (LRT) sa publiko noong 1984, at ang ikalawang linya noong 2003. Binuksan naman ang Manila Metro Rail Transit System (MRT) noong 1999. (PKJ) (ed VSA)

tráysikél
Ang tráysikél (o “motorized tricycle” sa Ingles at “traysikol” sa Sebwano) ay maituturing na karibal ng dyipni bilang pinakapopular na uri ng pampublikong transportasyon sa Filipinas. Matatagpuang pumapasada ang traysikel sa halos lahat ng daanan sa bansa, maliban na lámang sa malalawak na highway at iba pang mahahalaga’t siksikang kalye. Sa maliliit na siyudad at bayan, lalo sa kanayunan, ang traysikel ang pinakaginagamit na sasakyang pampasahero. Nag-iiba-iba ang ayos at laki ng mga traysikel sa iba’t ibang bayan sa Filipinas, ngunit ang madalas nitóng anyo ay isang “sidecar” na nakakabit sa kanan ng motorsiklo. Isa o dalawang pasahero ang maaaring umupo sa likuran ng drayber ng motorsiklo, samantalang tatlo hanggang pitong katao naman ang nása sidecar. Halimbawa, karamihan ng traysikel sa Kamaynilaan ay nakapagsasakay lámang ng tatlong pasahero sa sidecar; sa Dumaguete, apat; sa Kalibo, pito, sapagkat mas malaki nang bahagya ang sidecar doon at may nakausling ekstensiyon sa likuran. Mas mura ang pamasahe ng traysikel kaysa taxi ngunit mas mahal kaysa dyipni. Organisado ang mga may-ari at drayber ng traysikel sa mga TODA (“Tricycle Operators and Drivers Association”) ng kani-kanilang komunidad. Madalas, pintado ang mga traysikel sa kulay ng kanilang TODA. Halimbawa, puti sa pula para sa Cordillera Toda, bughaw sa puti para sa Banqa (Banaue-Quezon Avenue) Toda, at puti sa lungti para sa Galas Toda. Maihahalintulad ang Filipinong traysikel sa mga auto rickshaw, threewheeler, at tuk-tuk na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng Asia. (PKJ) (ed VSA)

trumpó
Isang larong pambatà ang trumpó na karaniwang nilalaro ng mga batàng lalaki. Ang katawan nitó ay yari sa kahoy at maaaring biluhaba, bilóg, o kono, at may nakausling pakò na siyáng nagpapaikot dito. Para mapagalaw at mapaikot ang trumpo, gumagamit ng pisi na nilagyan ng pinitpit na tansan ang isang dulo. Ang tansan ang nagsisilbing pansagka upang hindi mabitiwan ng manlalaro ang pisi. Binibilutan ng pisi mula sa pakò hanggang sa kalahati ng kahoy at pinakakawalan upang umikot ang trumpo. May ilang paraan ng paglalaro ng trumpo. Sa unang paraan, maaaring lumahok ang apat na manlalaro. Ang layunin ng laro ay mailabas sa iginuhit na bilog ang trumpo ng tayâ. Sakali’t hindi ito magawa, may pagkakataóng makaganti ang tayâ sa pamamagitan ng pagsilò sa trumpo ng kalaban. Kapag nangyari ito, magkakapalit sila ng posisyon, magiging tayâ naman ang may-ari ng nasilòng trumpo. Sa ibang paraan, nagkakaroon naman ng paligsahan sa patagalan ng pag-ikot o magandang pagbagsak ng trumpo sa lupa. Sinasabing matanda na ang laruang ito. Ito ang tinatawag na bembix sa akdang Mga Ibon ng mandudulang Griyego na si Aristophanes, at strobilos sa Ang Republika ng pilosopong Griyego na si Plato. Sa Filipinas, mababakas na gamit ito ng mga sinaunang Ifugaw, Hanunuo Mangyan, at Bagobo dahil sunod ito sa matandang anyo na patulis ang dalawang dulo at ang katawan ay sapád. Nababanggit na nilalaro ito ni Wigan, pangunahing tauhan sa epikong-bayan ng mga Ifugaw. (GB) (ed GSZ)
Mula sa Stories Filipinos Tell (1976)

Tsíno
Tumutukoy ang Tsíno (mula sa Espanyol na chino) sa wika, kultura, at tao na may lahing mula sa Tsína (China). Isang higit na popular na tawag ang Intsík, ngunit mainam iwasan dahil malimit na gamitin ito nang may bahid ng mapanghamak na layunin. Katulad ito ng nakamihasnang pagtawag na “Móro” sa lahat ng Muslim at pamana ng gayunding mapanghamak na pagtukoy noon ng mga kolonyalistang Espanyol sa sinumang Muslim. Tinatawag ding “Sángley” ang mga Tsino, at nagbuhat diumano ito sa “seng-li” na nangangahulugang makipagkalakalan. Marahil, ito ang sinasabi ng mga mangangalakal na Tsino noon kapag dumaong silá sa Filipinas. Ibig nilang makipagpalitan ng kalakal. Ang nahuhukay ngayong kagila-gilalas na bilang at uri ng porselana’t luad na tapayan at banga ay pruweba ng sinauna’t matalik na kalakalan ng mga Filipino at mga Tsino. Sa Intramuros, sa panahon ng pananakop, bukod sa mga Sangley ay naging mahalagang manggagawa ang mga Tsinong mason, panday, karpintero, panadero, kusinero, manlilimbag, barbero, labandero, at tindero. Natigib ang parian sa mga serbisyong ito at lumigwak hanggang sa ibayo ng Pasig at sa pook na sinasakop ng Chinatown ngayon sa Maynila. Malaking bahagi ng kulturang Filipino ang nakaugat sa Tsino. Tsino ang mga katawagan ng paggalang na gaya ng ate, sanse, kuya, sangko, at diko; at kaipala kahit ang kaugnay na mga hálagáhang pampamilya, gaya ng malakihang pagkakamag-anak. Namihasa na rin ang panlasang Filipino sa pagkaing Tsinong lumpiyâ, pansít, siyópaw, hopyà, tókwa, at napakarami pa. Malaking bahagi ng bokabularyo ng mga wika ng Filipinas ay mga salitâ mulang Tsino, bukod sa hindi maikakaila ang impluwensiyang Tsino sa sining na gumamit ng talinong Tsino noong panahon ng Espanyol. (VSA)

Mula sa Memories of Philippine Kitchen

tsunámi
Ang tsunámi ay magkakasunod na alon na may dalang mga bugso ng tubig na kadalasang umaabot sa 100 talampakan ang taas papuntang kalupaan. Ang mataas na pader ng tubig na dala nitó ay nagdudulot ng malawakang pinsala sa oras na tumama ito sa mga baybaying-dagat. Ang terminong ito ay mula sa salitang Hapon na “tsu” (baybayin) at “nami” (alon). Ang dambuhalang alon ng tsunami ay nagmumula sa malakas na pagyanig na nagaganap sa kailaliman ng karagatan. Kapag ang hanggahan ng mga plato sa sahig ng dagat ay nagkaroon ng biglaang pagbaba at pagtaas, nagbabago ang galaw ng tubig sa ibabaw nitó at mag-uumpisang gumulong ang mga alon na siyáng nagiging tsunami. Umaabot ng halos 500 milya kada oras ang bilis ng takbo ng isang tsunami. Nagkakaroon ng dramatikong pagatras o pagkáti ng tubig mula sa pampang na nagreresulta sa panandaliang paglitaw ng mga dáting lubog na bahagi ng dagat at susundan na ito ng pagragasa ng gahiganteng alon na tumatama sa kalupaan. Karamihan ng tsunami ay nagaganap sa loob ng tinatawag na “Pacific Ring of Fire,” isang aktibong heolohikong lugar na may mga tektonik na paggalaw ng lupa na nagdudulot ng mga lindol at pagsabog ng mga bulkan. Maaari ding pagmulan ng tsunami ang mga pagguho ng lupa at mga pagsabog ng bulkan na nagaganap sa kailaliman ng karagatan. Ang bansang Hapon ang may pinakamaraming naitalâng insidente ng tsunami sa buong mundo. Ngunit ang tsunaming naganap noong 2004 na nagmula sa Karagatang Indian ay isa sa mga pinakamalagim na kalamidad sa kasaysayan ng mundo, na umabot sa mahigit 230,000 katao ang namatay mula sa 14 na bansang nakapalibot sa Karagatang Indian. Noong 11 Marso 2011, nagkaroon ng napakalakas na paglindol na nagmula sa ilalim ng karagatang sakop ng bansang Hapon, sa Oshika Peninsula na bahagi ng Tohoku. Isa ang lindol na ito sa pinakamalakas na naitalâ sa bansang Hapon at panlima sa pinakamalakas sa kasaysayan ng mundo. Nagdulot ito ng tsunami na umabot sa 133 talampakan ang taas at pumatay sa 15,841 mamamayang Hapones. Ayon sa mga opisyal ng Hapon, ito ang pinakamabigat na krisis na tumama sa kanilang bansa na nagdulot ng napakalaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng Hapon. (AMP) (ed VSA)

túbaw
Ang túbaw ay malaking panyo mula sa tradisyonal na habi sa Katimugan ng Filipinas. May iba’t iba itong disenyo, at kumakatawan ng pagkakaiba-iba ng mga pangkating gumagamit. Tila modernong bandana ang gamit nitó. Ngunit may iba’t ibang pamamaraan ng pagtupi ng túbaw at nasasalamin nitó ang pinagmulang kultura ng maysuot. Karaniwang gumagamit nitó ay ang mga Muslim. Kawikaan na ring gamit ito ng nakatatandang henerasyon. Dahil sa mga pagtatanghal na gumagamit ng tradisyonal na kasuotan, isa ang túbaw sa nausong isuot ng kabataang nais ipagmalaki ang katangiang Filipino. (RBT) (ed VSA)

tubó
Ang tubó ay may botanikong pangalan na Saccharum spontaneum. Ito ay kabílang sa pamilya ng mga halaman na Poaceae na mas kilala bilang mga damo. Kabílang sa pamilyang ito ang mais, bigas, at trigo. Ang mga ito ay mga produkto na napakahalaga sa industriya at ekonomiya ng isang bansa. Ang pulo ng Negros ang sentro ng taniman ng mga tubó dito sa Filipinas. Tinatáyang 2/3 ng pangkalahatang tanim ng tubó sa Filipinas ay mula sa Negros. Ito ay ginagamit sa paggawa ng asukal. Isa ang asukal sa mga pangunahing produkto ng Filipinas na ineeksport. May dalawang klase ng tubó na mayroon dito sa Filipinas. Tinatawag na sanduyong ang mga uri ng tubóng may mapupuláng kulay. Tinagurian namang taad ang mga putol ng tubóng itinatanim para makapagpatubò ng bagong halamang tubó. Ang pinakahalaman nitó ay parang kahoy, matigas, matubig, at madaming hibla. Ang katas nitó ay matamis at malinamnam. Sa mga probinsiya, ito ay kinakain kahit na bagong ani pa lámang. Ang mga hibla nitó ay nginunguya at inuubusan ng katas. Sa paraan naman ng pagpaparami ng halamang tubó, may mga buto naman ito, kadalasan ginagamit ang mga pinutol na tangkay nitó at direktang itinatanim ng medyo pahalang sa lupa. Marami pang ibang gamit at pakinabang ang mga tubó bukod sa asukal. May mga inumin na nagagawa mula sa tubó, tulad ng alak na bási. Ang katas nitó ay maraming magandang naidudulot sa katawan. Sinasabing pinapanatili nitó ang temperatura ng katawan lalo na sa mga panahong sobra ang init at naiiwasan ang pagkahilo dahil sa lubhang init ng panahon o heat stroke. Pinalalakas din nitó ang tiyan, bato, at mata. Puwede rin itong gawing “biofuel” upang mabawasan ang paggamit ng “fossil fuel”. Ang Filipinas ay may tinatawag na SRA o “Sugar Regulatory Admission.” Ito ay naglalayon na higit na mapag-aralan ang industriya ng asukal. (SAO) (ed GSZ)

tugmâ at súkat
Sa tradisyonal na pagtula, tumutukoy ang tugmâ sa dulong tugma, o ang pagpapareho ng tunog sa dulo ng dalawa o mahigit pang taludtod. May dalawa itong pangkalahatang uri: ang tugmâng patínig at tugmâng katínig. Ang tugmang patinig ay nagtatapos sa alinman sa tatlo: a, e-i, at o-u. Ngunit dapat ding isaalang-alang sa tugmang patinig ang tuldik: magkasáma ang mga salitâng malumay at mabilis; magkasáma naman ang mga salitâng malumi at maragsa ang bigkas. Samantala, nakamihasnan namang hatiin ang mga titik na katinig sa dalawang uri: ang mga titik na b, k, d, g, p, s, t; at ang mga titik l, m, n, ng, r, w, y. Sa pag-aaral ni Rizal, tinawag niyá ang unang grupo na tugmâng malakás; ang ikalawa nama’y tugmâng mahinà. Sa panulaang Filipino, mahalaga ang magkakatugmang salita hindi lámang sa tunog na nililikha nitó kundi sa pagbibigay-diin sa pahayag ng tula. Karaniwang naipahihiwatig ng isang bihasang makata ang daloy ng kaniyang isip sa pamamagitan lámang ng salansan ng mga susing salitâng pantugma sa loob ng tula. Sa konteksto ng pabigkas na tula, mahalaga rin ang tugmaan bilang kasangkapan sa mabilisang pakikipagtalastasan at pagsasaulo. Sa panig ng madlang tagapakinig, patnubay ang mga pantugmang salita para matandaan at maunawaan niyá ang tula. Ang súkat naman ay ang sangkap ng katutubong tula na tumutukoy sa bilang ng pantig sa bawat taludtod. Isa sa mga unang tumalakay tungkol sa sukat si Gaspar de San Agustin. Aniya, gamitin ang mga sukat na pipituhin at wawaluhin. Nagbigay siyá ng halimbawa ng mga saknong na may tatlo at apat na taludtod bawat isa. Si Rizal, nitóng ika-19 siglo, ang nag-aral sa sukat na lalabindalawahin. Sa pamamagitan ng isang lektura sa Berlin ay tinalakay niyá ang kahusayan ng paggamit ni Balagtas sa lalabindalawahin at sa hati o caesura sa gitna ng lalabindalawahin. Ang hati ay tumutukoy sa bahagyang pagtigil sa pagbigkas sa pang-anim na pantig ng lalabindalawahing taludtod. (GSZ)

Tuláy San Juanico
Kilala bilang pinakamahabàng tulay sa Filipinas ang Tuláy San Juanico (San Hu·wa·ni·kó). May sukat itong 2.16 kilometro at tumutulay sa Kipot San Juanico, ang sinasabing pinakamakitid na kipot sa buong mundo. Pinagdudugtong ng Tulay San Juanico ang Lungsod Tacloban sa pulo ng Leyte at ang bayan ng Sta. Rita sa pulo ng Samar. Ito ang sinasabing dahilan kung bakit hugis letrang /S/ at /L/ ang tulay. Binubuo ng 43 ispan ang Tulay San Juanico. Dahil may taas itong 41 metro mula sa dagat, nakatatawid ang malalaking bangka sa ilalim ng pinakamalaking arko nitó. Sinimulang itayô ang Tulay San Juanico noong 1969. Iginawad ang kontrata sa paggawa nitó sa Construction at Development Corporation of the Philippines (CDCP). Sa tulong ng mga Hapong inhenyero, idinisenyo ng CDCP ang tulay. Pagkatapos ng apat na taón, tagumpay na naitayô ang Tulay San Juanico. Marahil, dahil proyekto ito sa ilalim ng administrasyong Marcos, tinawag ito noong Tulay Marcos. May mga nagsasabing alay ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang tulay sa kaniyang asawang si Imelda Marcos na tubòng Leyte. Sa kadahilanang ito, tinatawag din ang tulay na “Bridge of Love.” Itinuturing ding isa sa pinakamagandang tulay ng bansa ang Tulay San Juanico. Bukod sa natatanging dibuho nitó, kakaiba ang tanawin mula sa tulay. Ilan sa mga ito ang maliliit na pulo at daan-daang uliuli ng Kipot San Juanico. (DRN) (ed VSA)

tulì
Ang tulì ay isang paraan ng pagtistis o pagtanggal o kayâ ay paghiwa sa dulong bahagi ng balat ng uten (organo ng lalaki). Ginagawa ito bilang bahagi ng kinagisnang kaugalian kung hindi ma’y paraan ng kalinisan sa pangangatawan. Tinatawag din itong kúgit sa Ilokano at sonát sa sinaunang Tagalog. Sa ibang kultura, itinuturing itong bahagi ng paniniwalang panrelihiyon, lalo na sa mga Muslim sa Gitnang Silangan at Gitnang Asia at sa mga Kristiyano sa Hilaga at Kanlurang Aprika. Ang pagtuli naman ay itinuturing na kautusan ng Diyos sa relihiyong Hudaismo. Bukod sa Filipinas, malaganap din ang pagtuli sa Estados Unidos, Israel, at Timog Korea. Tinatáyang 30% ng kalalakihan sa buong mundo ang tuli, karamihan sa mga ito ay Muslim. Kadalasang itinuturing na ritwal ng pagbibinata, ang pagtuli ay isinasagawa sa mga lalaking Filipinong nása edad 11-16 sa pamamagitan ng paraang medikal sa mga siyudad o di kayâ’y sa paraang panritwal lalo na sa probinsiya. Itinuturing na mas malinis at sa gayo’y mas ligtas ang unang pamamaraan. Gayunman, dahil sa gastusin, maraming Filipino, lalo na sa kanayunan ang nagtutungo sa mga manunuling kadalasan ay arbularyo o barbero ng bayan sa halip na magpunta sa klinika o ospital. Sa ikalawang pamamaraan, naglulublob muna ang mga batà sa ilog nang isang oras, pagkatapos ay pangunguyain sila ng dahon ng bayabas. Papipilahin ng manunuli ang mga batà at isa-isa siláng tutuliin gamit lámang ang labaha at pamukpok. Papayuhan ng manunuli ang mga batà na tapalan ng nginuyang dahon ang sugat upang mabilis itong maghilom. Bahagi ng pagsubok sa katapangan ng batà ang kakayahan niyáng idura ang nginuyang dahon ng bayabas pagkaraang tuliin. (GAC) (ed GSZ)

turò-turò
May lipunan at kultura na itinuturing na bastos ang magturo ng isang bagay sa pamamagitan ng hintuturo. Hindi ganito sa Filipinas. Mula sa ugaling ito diumano ang negosyong turô-turô. Ang pagturo ay isang paraan ng pagpilì sa mga gusto mula sa hanay ng mga tindang pagkain o sangkap ng pagkain. May tinderong naglalako ng meryendang kakanin at maaaring ituro kung alin ang gustong puto. May ponda ng haluhalo kung tag-init at maaaring ituro ng gustong mga halò. May puwesto ng isaw o pisbol at maaaring ituro ang gustong sawsawan. May tindahan ng tanghalian sa bangketa o palengke at maaaring ituro ang gustong ulam. Ngayon, may mga restoran na turô-turô ang tawag sa kanilang smorgasbord o buffet, lalo’t mga lutuing Filipino ang nakahanay sa hapag. Isang matandang negosyo ang turô-turô. May mga print noong ika-19 siglo si Carl Johann Karuth na naglalarawan sa mga vendor ng pansit, kakanin, at tinapay sa tabing-daan at lilim ng punongkahoy. Sa probinsiya, isang karaniwaang tanawin ang mga tindahang may nakatanghal na mga palayok o kaldero ng ulam para sa mga kapitbahay na natatamad magluto at para sa mga nagdaraan at gutóm nang biyahero. Maaari itong ipabalot o to go. Maaari ding umupô sa bangkô nang nakatalikod sa lansangan at doon lantakan ang adobo, paksiw, o laing na itinuro. (GCA) (ed VSA)

Tuwáang
Tuwáang ang pamagat ng epikong-bayan ng mga Manobo, mga táong nakatira sa hanggahan ng Cotabato, Bukidnon, at Davao, at tungkol sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwáang. Sinasabing may mahigit sa 50 kanta ang mga Manobo tungkol kay Tuwáang. Dalawa sa mga ito ang naitalâ at ipinalathala ni E. Arsenio Manuel, ang Mangovayt Buhong na Langit (Ang Dalaga ng Langit Buhong) at Midsakop Tabpopowoy (Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan). Sa Ang Dalaga ng Langit Buhong, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan ang kararating lámang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay, nagpahinga si Tuwáang malapit sa dalaga, at naikuwento nitó na may isang higanteng binata ng Pangumanon na nais siyáng pakasalan. Nang hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siyá sa kalupaan upang magtago. Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon, pinatay ang mga tao, at hinamon si Tuwáang sa labanan. Natálo ni Tuwáang ang taga-Pangumanon. Sa Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan, naimbitahan si Tuwáang sa kasalan ng Dalaga ng Manawon at ng Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwáang sakay ng gungutan, isang malaking ibon. Nang dumating ang lalaki sa Manawon, minasamâ ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni Tuwáang. Sinabi ni Tuwáang na isa rin siyáng bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata ng Sakadna ang gintong gitara at plawta. Sinagip ni Tuwáang ang binata at siyá na ang nagbigay ng mga ito. Lumabas ang dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang ngangà na magbigay nitó sa mga bisita. Huminto ang mahiwagang lagayan ng ngangà sa tapat ni Tuwáang. Tumabi pa ang dalaga kay Tuwaang. Nagalit ang binata ng Sakadna at hinamon si Tuwáang na maglaban. Matagal ang labanan at nahirapan si Tuwáang bago natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasáma ang dalaga ng Manawon. (SJ) (ed VSA)

Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

tuyô at tinapá
Marahil, pinakamatandang paraan ng pagtinggal sa isda’t lamáng-dagat ang tuyô at tinapá. Ang tuyô ay isdang inasnan at ibinilad sa init ng araw. Ang tinapá o tapá ay isdang idinarang sa usok at init ng apoy. Malaking industriya ang tuyô at tinapá sa mga bayang nakabaybay sa dagat. Ginagawa rin ang mga ito sa karne. Ang tuyô ay búlad sa Bisaya. Pinatutuyô nang buo ang inasnang maliliit na isda, maliban sa popular na danggít na binibiyak na tulad ng dáeng. Idinadaeng ang medyo malalaking isda na gaya ng bangus. Wika nga ng isang Bikolanong bugtong hinggil sa bísang (dáeng): Arin na sira An daing bituka? Alin ang isda na walang bituka? Ipinagmamalaki sa Puerto Prinsesa na hindi gaanong maalat ang kanilang búlad. At huwag isiping pagkain lámang ng mahirap ang tinapá. Maraming lutuin sa tinapá, wika ni Mila S. Enriquez. Pangunahin ang may sabaw na sinampalúkang tinapá at tinapáng may kangkong. Kasunod ang tinapá sa pansít palábok. Ang hinimay na tinapá kasáma ng sibuyas, siling pukinggan, patatas, at itlog ay ginagawang tórtang tinapa. O ang hinimay na tinapá ay iginigisa sa patatas, singkamas, carrot, seleri, at giniling na tinostang manî, at ibinabálot sa lumpiyâng tinapá. Ang tipong pansenyora ay ensaládang tinapá: hinimay na tinapá, wansoy, kamatis, sibuyas, at mga piraso ng manggang pahò. Puwedeng isilbi na may hipon. (YA) (ed VSA)

Ullalim
Ang Ullalim ang epikong-bayan ng mga Kalinga sa Cordillera. Isang bantog na bayani sa naturang epikong-bayan si Banna ng Dulawon. Noong 1974, inilathala nina Francisco Billiet at Francis H. Lambrecht ang ilan sa kaniyang mga pakikipagsapalaran. Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon. Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna. Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma. Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa. Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak. Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa. (VSA)
Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

Ultimo Adios
Sa sunod-sunod na pagdalaw ng mga peryodista, mga pari na nanghihikayat magretraksiyon na siyá, at ng ilang piling kaanak, abaláng-abalá ang hulíng 24 oras ni Jose Rizal sa mundo. Napakahigpit ng bantay at isa-isa lámang ang puwedeng pumasok sa kulungan. Pero binigyan si Rizal ng pluma at papel upang makasulat. Isa-isa niyang sinulatan ang mga magulang, mga kapatid, at ang kaibigang si Ferdinand Blumentritt. Sinulatan niya rin ng inskripsiyon sa Ingles ang librong ibinigay niya sa kaniyang kasuyo nang dalawang taon. Aniya, “To my dear and unhappy wife, Josephine. December 30th 1896. Jose Rizal.” Sa kaniyang kapatid na si Trinidad, inihabilin niya ang lamparilyang de-alkohol na gamit niya sa selda, sabay singit sa wikang Ingles upang hindi maintindihan ng mga guwardiya, “There is something inside.” Isang pirasong papel, masinsing ibinalumbon, ang isiningit ni Rizal sa puwang para sa mitsa ng lampara. Doon niya pinagkasiyang isulat kamay ang isang tula na walang pamagat. May tig-5 linya ang bawat isa sa 14 nitóng saknong. Sa pagtulang Espanyol, ginamit niya ang saknungang quintilla na may sukat na alejandrino at may tugmang dalawahan (abaab). Nakasaad sa tula ang kaniyang hulíng paalam. Bagama’t nasusulat sa wikang Espanyol, hinding-hindi ang mga naghaharing Espanyol ang pinatutungkulan ng tula. Inialay niya ang hulí niyang tula sa kaniyang mga kababayan, mga kababatà, mga minamahal sa búhay, at higit sa lahat, sa ating inang bayan. Lumilitaw ding madaliang iginawa ng mga kopya ang tula. Isa ang nakarating kay Mariano Ponce sa Hong Kong at inilathala noong Enero 1897 sa pamagat na “Mi ultimo pensamiento.” Noong 25 Setyembre 1898, naglabas ng parangal kay Rizal ang La Independencia at muling inilathala ang tula sa pamagat na “Ultimo Adios.” Noong ding araw na bitayin si Rizal ay isang kopya ang napasakamay ni Andres Bonifacio at isinalin niya ito sa Tagalog, ang unang salin ng dakilang tula ni Rizal. Sa ngayon, naisalin na ito sa mga pangunahing wika ng Filipinas at ng mundo. May mga salin ito sa wikang Filipino ng iba’t ibang makata, mula kay Jose Corazon de Jesus, Pascual Poblete, Guillermo Tolentino, at Mario I. Miclat. (MIM) (ed VSA)

Guhit ni Manuel Baldemor

Dioscoro L. Umali
(17 Nobyembre 1917-1 Hulyo 1992) Si Dioscoro Umali (Di·yos·kó·ro U·má·li) ang tinaguriang “Ama ng Siyensiya sa Pagpapalahi ng Halaman sa Filipinas.” Pinangunahan niya ang pinakamahahalagang pananaliksik sa plant breeding upang makalikha ng mas mahusay na uri ng palay, mais, gulay, abaka, niyog, iba’t ibang butil, at palamuting halamang komersiyal. Isa rin siyáng batikang edukador, administrador, lingkod bayan, at itinuturing na kampeon ng maliliit na magsasaka at mangingisda. Dahil dito, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 11 Hulyo 1986. Nagsimula ang seryosong pananaliksik sa pagpapalahi ng halaman sa Filipinas nang itatag ni Umali ang Division of Plant Breeding sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong 1948, sinimulan niya ang paglikha ng iba’t ibang uri ng Doñas. Nagamit ang halamang ito sa buong Asia bilang premyadong palamuti sa loob ng tahanan at mga hardin. Makaraan ang dalawang taon, pinangunahan naman niya ang Abaca Varietal Improvement Program. Nakaliha siya ng hybrid na abaka na may kakayahang lumaban sa karaniwang peste at sakít. Kasabay nitó, sinimulan ni Umali ang pagpapalahi ng iba’t ibang butil ng palay at mais. Si Umali ay maningning na ehemplo ng isang siyentistang may panlipunang malasakit. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, ang mga programa ng Kolehiyo ng Agrikultura sa UP ay tuwirang nagbigay lunas sa mga kongkretong suliranin ng maliliit na magsasaka at mangingisda. Pinalawak niya ang programang ekstensiyon ng UP at pinaunlad ang pagtatatag ng mga panlipunang laboratoryo sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, at Bulacan. Isinilang si Umali noong 17 Nobyembre sa Laguna at anak nina Kapitan Cesario Umali at Edilberta Gana-Lopez. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Agronomiya sa UP noong 1939 at kaagad nagturo ng kemistri at agronomiya. Noong 1946, ipinadalá siyá sa Cornell University bilang isang University Fellow at nagtapos ng doktorado sa Genetics at Plant Breeding noong 1949. Kaagad siyáng nagbalik sa Filipinas upang ipagpatuloy ang pagtuturo at pananaliksik. Ginugol ni Umali ang kaniyang búhay sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Filipinas. (SMP) (ed VSA)

Únang Sigáw
Ang “Únang Sigáw” ang simbolikong unang pagtatagpo ng mga Katipunero upang ipahayag ang Himagsikang 1896 laban sa Espanya. Maitutulad ito sa El Grito ng himagsikan sa Mexico. Isang kontrobersiya hanggang ngayon kung kailan at kung saan naganap ang Unang Sigaw. May panahong ipinagdiriwang ang Unang Sigaw sa Balintawak tuwing Agosto 26. Ngunit binago ito ng saliksik ni Teodoro A. Agoncillo (1956), na nagtakdang naganap ito sa Pugadlawin noong 23 Agosto 1896. Nang malantad ang Katipunan noong 19 Agosto 1896 ay tumakas patungong Kalookan sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Procopio Bonifacio, at ilang pinunò kasabay ang isang pagpapatawag ng pangkalahatang pulong upang pag-usapan ang mga dapat gawin. Itinakda niya ang pulong sa Balintawak sa Agosto 24. Dumating sina Bonifacio sa Balintawak sa hatinggabi ng Agosto 19. Dumating kinabukasan, Agosto 20, si Pio Valenzuela. Noong hápon ng Agosto 21, umalis ang umaabot sa 500 Katipunero, kasáma nina Bonifacio, patungong Kangkong at natulog sa bakuran ni Apolonio Samson. Umalis sila ng Kangkong sa hapon ng Agosto 22 at dumating kinagabihan sa Pugadlawin sa bakuran ni Juan A. Ramos, anak ni Melchora Aquino. Kinabukasan, Agosto 23, doon nilá idinaos ang pulong na nagpasiyang simulan ang himagsikan laban sa Espanya sa Agosto 29. Sa pulong na iyon, tumindig si Bonifacio sa isang plataporma at nagpahayag: “Mga kapatid, nagkaisa táyong ituloy ang himagsikan. Sumusumpa ba kayóng itakwil ang pamahalaang umaapi sa atin?” Sabay-sabay na sumigaw ng “Opo!” ang mga Katipunero. “Kung ganoon,” patuloy ni Bonifacio, “ilabas ang inyong mga sedula at punitin upang patunayan ang ating pasiyang humawak ng sandata!” Inilabas ng mga Katipunero ang mga sedula at pinagpunit-punit. Pagkatapos, naluluha siláng sumigaw: “Mabuhay ang Filipinas! Mabuhay ang Katipunan!” Iyon ang dramatisasyon ng Unang Sigaw, ayon kay Agoncillo. (VSA)

Ang Unang Sigaw sa Pugad Lawin na matatagpuan sa Lungsod Quezon

Unibersidád ng Pilipínas
Ang Unibersidád ng Pilipínas (UP) ang nag-iisang pambansang unibersidad ng Filipinas. Itinatag ito noong 1908 bilang “University of the Philippines” at bahagi ng programa ng kolonyal na pamahalaang Amerikano ng pagtatatag ng bansa at pagbibigay ng sekular na edukasyon sa mga kabataan. Batid ng mga Amerikanong namumuno noon na hindi panghabàng panahon ang programang pensiyonado at kailangang magkaroon ng mahusay na paaralang pandalubhasaan sa bansa. Nagsimula ang UP sa isang maliit na kampus sa Padre Faura, Maynila na nagkaloob ng ilang kurso lámang. Sa paglipas ng mga taón, napatunayan ng UP na nakatupad ito sa layon nang ito ay itatag: maging pangunahing institusyon ng pagkatuto, saliksik, at malikhaing gawain. Bagaman nanatili ang kampus sa Maynila, inilipat noong dekada 50 ang pangunahing kampus ng UP sa Diliman, Lungsod Quezon. Ngayon, tinatawag na itong “Sistemang UP” dahil may mga awtonomong yunit sa iba’t ibang pook at rehiyon sa ilalim ng isang pangkalahatang Pangulo at Kalupunan ng mga Rehente (Board of Regents). Bawat awtonomong yunit ay pinangangasiwaan ng isang Tsanselor (chancellor) at mga kasámang pangalawang tsanselor. Mayroon itong 14 kampus sa buong bansa na may 240 programang di-gradwado at 402 gradwadong programa. Bukod pa dito ang tinatawag na Open University na naghahandog ng mga kurso sa mga estudyanteng hindi maaaring pumasok nang regular sa klase. May pandaigdigang pagkilala ang UP bilang tanging miyembro ng Association of Pacific Rim Universities (APRU), na ang pagiging miyembro ay batay sa nominasyon ng iba pang miyembrong unibersidad. Ito rin ang tanging unibersidad sa Filipinas na miyembro ng ASEAN-European University Network (ASIA UNINET) at isa sa dalawang unibersidad sa Filipinas na kabílang sa ASEAN University Network (AUN). Sa kasalukuyan, ang mga nagtapos sa UP ay kinabibilangan ng 37 Pambansang Siyentista (National Scientist) sa iba’t ibang larang, tulad ng kasaysayan, inhenyeriya, pisika, agrikultura, sikolohiya, medisina, at ibang mga larang pang-agham. Tatlumpu’t apat (34) sa 57 Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) ay nagmula sa UP sa larang ng literatura, sining biswal, musika, teatro, pelikula, at arkiterktura. Nangunguna rin ang mga nagtapos sa UP sa mga pambansang pagsusulit sa batas, akawnting, medisina, dentistri, parmasyutika, social work, nutrisyon, at katulad. Patuloy itong nagdudulot ng mura ngunit mataas ang kalidad na edukasyon. (AEB) (ed VSA)

UP Oblation

Unibersidád ng Santo Tomás
Ang Unibersidád ng Sánto Tomás (UST) ang pinakamatandang unibersidad sa Filipinas at sa Asia. Itinatag ito noong 28 Abril 1611 sa Intramuros, Maynila sa inisyatiba ni Obispo Miguel de Benavides, OP, na nagkaloob ng salapi at ng kaniyang aklatan upang gamitin sa pagtatatag ng kolehiyong seminaryo para ihanda ang mga kabataang lalaki sa pagkapari. Una itong tinawag na Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario, bago naging Colegio de Santo Tomas bilang parangal sa dakilang teologong Dominiko na si Santo Tomas Aquino. Dahil sa lumalaking bilang ng mga estudyante, inilipat ang kampus sa kinatatayuan nitó sa kasalukuyan sa Sampaloc, Maynila, bagama’t patuloy pa ring ginamit ang kampus sa Intramuros hanggang mawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 29 Hulyo 1619, binigyan ng awtoridad ang kolehiyo na magkaloob ng mga titulo sa teolohiya at pilosopiya. Idineklara itong unibersidad ni Papa Inocencio X noong 20 Nobyembre 1645. Napasailalim ito sa monarkiyang Espanyol noong 1680. Noong 1734, binigyan ito ng awtoridad ni Papa Clemente XII na magkaloob ng iba pang mga titulo. Nang paalisin ang mga Heswita sa Filipinas noong 1768, ang UST ang naiwang nag-iisang institusyon ng lalong mataas na pagkatuto. Naging royal universidad real ito noong 1785, universidad pontifico noong 17 September 1902, at noong 1947 ay tinaguriang Katolikong Unibersidad ng Filipinas. Dalawang beses na nagsara ang unibersidad, noong 1898-1899, sa pangalawang yugto ng Himagsikang Filipino at Digmaang Filipino-Amerikano, at noong 19421945 nang gamiting garison ng mga Hapones ang kampus. Dito nagtapos ang mga bayaning tulad nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Marcelo H. del Pilar, Apolinario Mabini, mga naging presidente ng Filipinas, Manuel Luis Quezon, Sergio Osmeña, Jose P. Laurel, Diosdado Macapagal, at maraming naging bantog na propesyonal. (AEB) (ed VSA)

Union Obrero Democratica
Ang Union Obrero Democratica (UOD) ang pinakaunang pederasyon ng mga unyon ng manggagawa sa Filipinas. Itinatag ito noong 2 Pebrero 1902 sa Teatro Variedades sa may Sampaloc, Maynila. Unang balak ng mga empleado ng imprenta na magtatag ng Union de Litografos e Impresores ngunit nakumbinse sila ni si Isabelo delos Reyes na bumuo ng isang pederasyon na maaaring salihan ng iba pang unyon ng manggagawa. Naatasan din si Hermenegildo Cruz, na naging kalihim ng UOD, na isulat ang saligang-batas at ang mga patakaran ng pederasyon. Mahigit sa 300 manggagawa kagaya ng mga trabahador sa pabrika, karpintero at kargador ang dumalo sa unang Kongreso ng UOD. Naging hangarin ng nasabing grupo na isulong ang karapatan ng lahat ng manggagawa para magkaroon ng maayos at ligtas na kondisyon sa mga paggawaan at makamit ang karampatang pasahod. Noong 7 Mayo 1902 ay inapela ng UOD sa mga awtoridad ang pagbalangkas ng patakaran ukol sa takdang oras ng trabaho sa isang araw at sa tamang edad ng isang trabahador. Pagsapit ng Hulyo, nagkaroon ng sunod-sunod na pagwewelga na nagpahinto sa operasyon ng maraming pabrika at korporasyon sa Kamaynilaan. Natigil ito bilang isang organisasyon noong 29 May 1903 dahil sa kawalan ng pondo. Ngunit naging matagumpay ang UOD sa pagpapataas ng sahod ng humigit-kumulang sa 6,000 manggagawa at maaaring naimpluwensiyahan nitó ang pagtatatag ng higit sa 100 kinikilalang unyon sa Filipinas sampung taon matapos itong magsara. Patunay lámang ito na napakahalaga nitó sa pag-unlad ng kilusang manggagawa sa bansa. (MBL) (ed GSZ)

UP Church of the Holy Sacrifice
Ang Church of the Holy Sacrifice (Tserts ov da Hó·li Sák·ri·fáys) ay isang kapilya ng Simbahang Romano Katoliko sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon. Mahalaga ito dahil sa disenyong arkitektural nitó, ang kapilya ang kauna-unahang pabilog na simbahan na may altar sa gitna sa buong bansa, at kauna-unahan ring magtaglay ng bubong na manipis na kongkretong kupola. Produkto ang kapilya ng pagbubuklod ng talino ng limang Pambansang Alagad ng Sining. Kinomisyon ng dáting UP Diliman Chaplain Fr. John Delaney, S.J. ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura Leandro Locsin upang lumikha ng disenyo para sa isang kapilyang bukás ang bentilasyon at káyang maglaman ng sanlibong tao. Tampok naman sa iba’t ibang bahagi ng simbahan ang obra ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal Arturo Luz (ang kaniyang River of Life sa sahig), Vicente Manansala at Ang Kiukok (ang via crucis), at Napoleon Abueva (krusipiho sa gitna ng simbahan na nakasabit mula sa kisame/ kupola, at nakalawit sa marmol na altar). Ang kilaláng inhenyerong si Alfredo Juinio ang nagsilbing structural engineer ng kapilya. Idinaos ang unang misa sa simbahan noong 1955. Ipinahayag itong Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark) at Pambansang Yamang Pangkultura noong 2005. (PKJ) (ed VSA)

Urbána at Felíza
Ang Urbana at Feliza ay pangunahing halimbawa ng epistolaryo, isang uri ng panitikan na nása anyo ng pagpapalitan ng liham. Isinulat ito ni Padre Modesto de Castro, isang kura-rektor ng Katedral ng Maynila at kilala sa kaniyang husay sa pagsulat ng mga sermon. Sa unang limbag ng aklat, mayroon itong pamagat na Pagsusulatan ni Urbana at ni Feliza na pagcacaalaman nang magandang asal na ucol sa pagharap sa capoua tao. Gaya ng isinasaad ng pamagat, ang aklat ay isang patnubay sa wastong pag-uugali at mabuting pakikipagkapuwa. Unang nalimbag ito noong 1864 at nagkaroon ng ilan pang kasunod. Inilathala rin ito sa Iloko at Bikol. Noong 1930, sinabi ni Balmaseda na “paalala” ito sa mga kabataang dinadarang ng bagong kabihasnan; mula noong 1940 hanggang 1960, ipinagamit ito ng Kagawaran ng Edukasyon bilang sanggunian sa pagtuturo ng kagandahang-asal. Sa larangan ng panitikan, itinuturing ang Urbana at Feliza bilang tagapaghawang landas ng akdang prosa sa Tagalog. Natatangi ito kompara sa mga romansa at relihiyosong akda na laganap noon dahil sa malikhaing pagtalakay nitó sa mga usaping panlipunan. Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng liham ng magkapatid na Urabana at Feliza ay may dumaloy na istorya tungkol sa kanilang mag-anak at kasabay nito ay natalakay ang iba’t ibang aspeto ng buhay panlipunan noon. Sinasaklaw nitó ang iba’t ibang aspekto ng buhay: mula pagsilang hanggang kamatayan; mula katawan hanggang kaluluwa; mula pakikipagkapuwa hanggang pagsamba sa Diyos. Makikita rin dito ang pagkaugnay sa katangian ng katutubong panitikan dahil sa paggamit nitó ng mga katutubong imahen bilang analohiya, at ng mga kasabihan para maidiin at tanggapin ang mga aral. Maaaring basahin ang Urbana at Feliza bilang bahagi ng estratehiya ng pananakop ng mga Espanyol sa larangan ng kultura. Sa pamamagitan ng patakarang reduccion, tinipon ang kalát-kalát na komunidad ng mga katutubong Filipino sa mga sentro upang madali silang mapamahalaan ng mga mananakop. Sa mata ng mananakop, ang paglipat ng mga katutubo sa urbanisadong lugar ay nangangailangan din sa pagbabago ng ugali at asal. At tinupad ang pangangailangang ito ng mga akdang tulad ng Urbana at Feliza. (GSZ)

usóg
Sa karaniwang paliwanag, ang usóg ay isang kalagayan ng pagsakit ng tiyan na pinaniniwalaang hatid ng isang táong bumati sa kapuwa lalo na sa isang sanggol. Tinatawag ding batì o bális sa Bikol, ang salitâng usog ay sinasabing mula sa pinaikling salitâng “busóg” o “lusóg.” Maaaring angkop ito dahil ang pagsakit ng tiyan ng isang batà matapos mausog ay dulot ng kabag na sanhi naman ng kabusugan. May ganito na táyong kondisyon bago pa dumating mga Espanyol. Sinasabing sinumang dayo o bisita ay nagdudulot ng kalagayang pagsakit ng tiyan sa isang batà dahil umiiyak ito kapag nakakakita ng isang hindi pamilyar na mukha sa harapan niya. Ang pag-iyak na iyon ay nagdudulot ng pagkakaroon ng hangin sa tiyan kayâ nag-iihit sa pag-iyak ang mga batà. Ang tanging gamot dito, ayon sa matatanda, ay ang paglalagay ng laway sa noo, sa pagitan ng daliri, at sa talampakan ng batàng nausog. Samantala, tinawag naman itong mal de oro nang dumating ang mga Espanyol. Ibig sabihin, sumasakit ang tiyan ng isang tao o batà dahil sa masamâng tingin ng sinumang dayo o bisita. Muli, tanging ang paglalagay lang ng laway ng isang manggagamot ang makalulunas sa sakit ng tiyan na dulot ng usog, bati, o balis. (JCN) (ed GSZ)

útang-na-loób
Isang sinaunang hálagáhang Filipino ang útang-na-loób at tumutukoy sa taimtim na pagpapahalaga ng isang tao sa kaniyang tinanggap na tulong o pabor mula sa iba. Kung totoong taimtim, ituturing niyang obligasyon ang tinanggap na tulong, isang “útang” na dapat bayaran, o isang “útang” laging magdudulot sa kaniya ng imperyoridad sa harap ng nagbigay ng tulong o pabor. Makaaahon lámang siyá sa útang-na-loób kapag “nakabayad” o nakapagdulot ng tulong o pabor sa kaniyang “pinagkakautangan-ngloob.” Magandang hálagáhan ito ngunit maaaring pagsamantalahan ng mariwasa at makapangyarihan upang palagiang apihin ang dukha at mahinà. Dahil sa matagal nang pag-iral, ang útang-na-loób ay isa nang komplikadong kodigo ng ugnayang panlipunan sa bawat barangay, bayan, at kahit lalawigan. Malaking bahagi ng politika ngayon, lalo na’t eleksiyon, ang naiiralan ng pagtanaw at pagpapatanaw ng útang-na-loób. Nagtatanim ng útang-na-loób ang nais kumandidato sa pamamagitan ng kunwa’y pagtulong sa mga mamamayan. Sinisingil niya ito sa pamamagitan ng boto pagdating ng halalan. Umiiral din ito sa ugnayang panginoong-maylupa at kasamá. Inaasahang útang-na-loob sa panginoong-maylupa ang bawat ibigay nitóng tulong sa pangangailangan ng naghihirap na magsasaka kayâ lalong nababaón ang hulí sa utang at kahirapan. (EGN) (ed VSA)

Dátu Úto
Isa sa kinikilálang makapangyarihang pinunòng Muslim at matapang na mandirigma si Dátu Úto (sirka 1860-1888). Anak siyá ni Sultan “Bangon” Marajanun ng Buayan at Tuan Bai Sa Buayan, na kapatid na babae ni Sultan “Untung” Quadratullah ng Magindianaw. Sa pamamagitan ng kasal ng kaniyang magulang ay napag-isa ang dalawang kahariang Magindanaw, ang Sa-ilud (luwasang kapatagan) at ang Sa-Raya (hulòng kapatagan) ng Ilog Pulangi. Ang buong pangalan niya ay Sultan Anwarud-din Uto at napabantog nang pamunuan niya ang pag-aalsa noong mga taóng 1860 na naging sagabal sa absolutong pananakop ng mga Espanyol. Mahalagang tingnan ang búhay ng tulad ni Uto, ani Reynaldo C. Ileto (1971), bilang pagsisikap buuin ang sultanatong Magindanaw pagkaraan ng pamumunò ni Sultan Kudarat, hatiin ito ng mga away at ng panggugulo ng mga Espanyol. Una siyáng nasubok sa nabigong rebelyon ni Datu Maghuda noong 1861 at dito siyá nawalan ng isang matá. Nagsimula ang lahat noong 30 Abril 1861 at nagtirik ng bandilang Espanyol sa kuta ng sultan ng Cotabato. Nag-alsa ang isang puwersa sa ilalim ni Datu Maghuda at noong 1 Nobyembre 1861 ay hinarap ng isang pangkat ng Espanyol. Tinawag din itong Masaker sa Pagalungan, dahil umaabot sa 200 ang namatay. Nabigo man ang rebelyon, sinundan pa ito ng ibang pag-aalsa. Namatay noong 1872 ang kaniyang ama. Pumalit na pinunò ang kaniyang amain, ngunit si Datu Uto ang tunay na naghahawak ng kapangyarihan. Pinakasalan niya si Pajah Putri, anak ni Sultan Qudarat II. Gumawa rin siyá ng alyansa sa ibang mga pinunò at pinangasiwaan ang mga kalakalan sa paligid. Noong karurukan ng kaniyang lakas, sinasabing may 4,000-5,000 alipin siyá at malaking bilang ng armas. Pinagtuonan siyá ng kampanya ng mga Espanyol. Noong Pebrero 1886, sa utos ng gobernador ng Mindanao na si Julio Serena ay winasak ang matandang tahanan ni Datu Uto sa Bakat. Sinundan ito ng mga madugong labanan. Noong ika- 28 ng Marso, sumuko ang kampo ni Datu Uto. Hindi pinakinggan ang kaniyang mga petisyon. Hinarang ang kaniyang mga ruta ng kalakalan. Sa wakas, at sa upat ng mga Espanyol, isa-isang nawala ang mga kapanalig ni Datu Uto. Naglahò siyá noong 1888 at hindi na narinig. (VSA)

Úwang Ahádas
Si Úwang Ahádas ng Lamitan, Basilan ay pinagkalooban ng Gawad Manlililkha ng Bayan noong 2000 para sa kaniyang kahusayan sa pagtugtog ng mga instrumentong Yakan at malalim na kaalaman sa masining na posibilidad at panlipunang konteksto ng mga ito. Malaki ang papel ng musikang instrumental sa buhay panlipunan at pangagrikultura ng mga Yakan. Sa kabila nitó, hindi lahat ng pamilya ay may kakayahang magkaroon nitó. Malaking salapi rin ang kailangan upang mapanatili ang magandang kondisyon ng mga instrumento. Bahagi ng tradisyon ng pamilya ni Uwang Ahadas ang musika. Katunayan, maaga silang hinikayat ng mga magulang na pag-aralan ang mga instrumentong Yakan. Natutuhan ni Uwang na tumugtog ng gabbáng (siloponong kahoy), sinundan ito ng águng, ang kwintángan kayu, at iba pang mga instrumento. Pagsapit niya ng edad 20, naging dalubhasa na siya sa pagtugtog ng mga instrumentong Yakan pati na rin ang kwintangan na batay sa tradisyon ay tinutugtog lámang ng mga babae. Sa kabila ng kaniyang pagkadalubhasa, hindi pa rin sapat para kay Uwang ang naabot. Pinarangap niya ring magturo. Ninais niyang ibahagi sa mga kasáma sa komunidad, lalo na sa mga batà, ang kaniyang natutuhan. At hindi naging hadlang sa kaniya ang paglabo ng kaniyang paningin. Mula sa pagtuturo sa kaniyang anak, nakarating na rin si Uwang lampas sa hanggahan ng bayan ng Lamitan upang maituro ang pagtugtog ng mga instrumentong musikal ng kaniyang mga ninuno. Naniniwala siyang kailangang turuan nang maaga ang mga batà hábang buo pa ang interes niláng matuto at madali pang sanayin ang kanilang mga kamay para sa paghawak ng mga instrumento. Nagsisimula nang magbunga ang kaniyang pagsisikap dahil ang mga naging estudyante niya ay nagiging mga guro na ngayon sa pagtugtog ng mga instrumentong musikal. (GB) (ed GSZ)

vakúl
Ang vakúl ay isang kasuotang tumatakip sa ulo at likurang bahagi ng katawan upang makanlungan laban sa matinding init ng araw. Isinusuot ito ng kababaihang Ivatan kapag nagtatrabaho sa mga halamanan sa mabatong burol ng Batanes. Tradisyonal itong ginagawa ng kababaihan sa barangay Chavayan, isla ng Sabtang. Mula ito sa pinatuyong dahon ng palmang vuyavoy at maninipis na himaymay ng abaka. Inihahalayhay at itinahi ang mga vuyavoy sa abaka. Kapag suot, nása ilalim nitó ang isang sisidlang backpack na may patigas na yantok at tinatawag na yuvuk. Nása yuvuk ang mga gamit sa paghahalaman. (VSA)

Ramón Valéra
(31 Agosto 1912-Setyembre 1972) Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Disenyong Pangmoda si Ramón Valéra noong 2006. Tinagurian siyang “Dekano ng Moda sa Filipinas.” Ang paggawa ng kasuotan ay iniangat ni Valera sa antas ng sining na nagbigay ng inspirasyon sa ilang henerasyon ng manlilikha at nag-ambag sa pagkakaroon ng natatanging disenyo at moda ng mga Filipino. Itinuturing na ambag sa mga pambansang simbolo ang kaniyang likhang terno. Noong dekada 1940, lumikha ng pagbabago si Valera sa baro’t saya, ang kinikilalang pambansang kasuotan ng mga Filipina. Ang nakasanayang apat na pirasong kasuotan na binubuo ng baro, saya o tapis, naguwas, at panuwelo o alampay ay kaniyang pinag-isa. Itinampok niya ang manggas at pinahapit ang baywang. Tinanggal din niya ang kalawit sa likod at pinalitan ng zipper upang isara ang kasuotan. Isinantabi rin niya ang mahabàng alampay na dati’y nakasampay sa balikat at nakatakip sa dibdib. Para sa marami, ito ay mapangahas. Ngunit dahil sa mga kabiyak ng mga prominenteng politikong tumangkilik nitó, gaya nina Gng. Claro M. Recto at Gng. Primitivo Lovina, naging bukás ang bansa sa bagong estilo—ang térno. Natatangi ang mga obra ni Valera sa kahusayan at kasiningan ng pagkakalikha. Bukod sa pagpili ng materyal, pagsasáma-sáma ng kulay, detalyadong beadwork, paggamit ng sequin at iba pang palamuti, elemento, namumukod din ang kaniyang mga likha dahil sa tabas at tahi ng mga kasuotan. Kailangan lámang niyang tingnan at sukatan ang bibihisan at kahit walang padron ay alam na niya ang babagay dito. Isinilang siya noong 31 Agosto 1912 sa isang nakaririwasang pamilya. Ang amang si Melecio Valera na tubòng Abra ay kasosyo ng milyonaryong negosyanteng si Vicente Madrigal. Ang inang si Pilar Oswald ang unang nakapansin sa likas na talino ni Valera. Nag-aral siya sa De la Salle University at Far Eastern University. (RVR) (ed GSZ)

Lydia de Vega-Mercado
(12 Disyembre 1964—) Kilala bilang “Sprint Queen” si Lydia de Vega, ang pinakamabilis tumakbong babae sa buong Asia noong dekada 80. Kinilala ang kaniyang bilis sa distansiyang 100 at 200 metro. Nakamit ni de Vega ang medalyang ginto sa 100-meter dash noong 1982 sa New Delhi Asiad. Naulit ito noong 1986 sa Seoul Asiad. Nag-uwi rin siya ng medalyang pilak para sa 200-meter dash sa Seoul Asiad noon ding 1986. Medalyang ginto rin ang nakuha niya sa takbong 100-meter sa Southeast Asian Games noong mga taong 1987, 1991, at 1993. Dalawang ulit rin niyang napanalunan sa 100 at 200-meter dash ang mga medalyang ginto sa Asian Athletics Championships noong 1983 at 1987. Noong 2001, nanalong konsehal si De Vega sa Meycauayan, Bulacan. Marami sa mga proyektong inisponsor niya sa kaniyang bayan ang may kaugnayan din sa palakasan. Ginanyak niya ang mga tin-edyer na lumahok sa iba’t ibang kompetisyong pampalakasan tulad ng table tennis, taekwondo at basketbol. Nagtatag din siya ng mga libreng sports clinic at torneo. Kasal si De Vega kay Pablo V. Mercado at mayroon silang tatlong anak. Itinataguyod rin niya ang kaniyang may edad nang mga magulang kung kayâ’t tinanggap niya ang trabaho bilang coach ng track and field team sa Singapore at doon siya kasalukuyang naninirahan. (RGA) (ed GSZ)

Jose R. Velasco
(4 Pebrero 1916-24 Enero 2007) Si Jose Velasco (Ho·sé Ve·lás·ko) ay kilalá sa kaniyang husay sa larangan ng pisyolohiya ng halaman. Ang walang pagod niyang paghahanap ng lunas upang malipol ang sakit na pumapatay sa punò ng niyog ang isa sa pinakamahalagang ambag niya sa siyensiyang pang-agrikultura at botaniya. Malaki ang naging kontribusyon niya sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik at bilang edukador at administrador. Kayâ noong 24 Marso 1998, iginawad kay Velasco ang Pambansang Alagad ng Agham. Ang paghahanap ni Velasco ng lunas sa sakit ng niyog na kadang-kadang ang isa sa pinakamalaking pag-aaral na kaniyang ginawa. Noong 1958, nagimbal ang mga magsasaka ng niyog dahil pinapatay ng kadangkadang ang kanilang tanim. Halos lahat ay naniniwalang ang naturang sakit ay dulot ng isang uri ng virus. Subalit hindi kumbinsido si Velasco. Naniniwala siyá na ang kadang-kadang ay mula sa isang elemento sa lupa na nakalalason sa punò ng niyog. Batay sa kaniyang obserbasyon, hindi kumakalat ang sakit nang itanim niya ang isang apektadong punò sa lupang malusog. Napagtibay niya na ang sakit na kadang-kadang ay maaaring bunga ng abnormalidad sa kalidad ng lupa o dulot ng isang rareearth na nakalalason. Isinilang si Velasco noong 4 Pebrero 1916 sa Imus, Cavite. Natapos niya ang Batsilyer sa Siyensiya ng Agrikultural na Kemistri sa UP noong 1940. Nag-aral siyá sa University of California Berkeley at nakuha ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman noong 1949. Kaagad siyáng bumalik sa UP Los Baños upang manungkulan bilang propesor sa pananaliksik, direktor sa pananaliksik, direktor sa instruksiyon, tagapangulo ng Kagawaran ng Botaniya, at patnugot ng The Philippine Agriculturist. Naging komisyoner siyá ng National Institute of Science and Technology at aktibong itinaguyod ang produksiyon ng de-latang gatâ ng niyog gamit ang mga katutubong materyales. Namatay siya noong 24 Enero 2007. (SMP) (ed VSA)

Carmen C. Velasquez
(7 Agosto 1913-16 Oktubre 1994) Si Carmen Velasquez (Kár·men Ve·lás·kez) ay kilalá sa kaniyang mga natatanging pananaliksik hinggil sa parasitolohiya ng mga isdang tropikal sa Filipinas. Natuklasan niya ang 32 bagong species at isang genus ng digenetic trematodes na matatagpuan sa 13 uri ng isdang katutubo sa bansa. Pinag-aralan rin niya ang paraan ng pamumuhay ng mga parasito at paano nakaaapekto ang mga ito sa buhay ng isdang tabang. Iginawad sa kaniya noong 1983 ang Pambansang Alagad ng Agham bilang pagkilalá sa kaniyang natatanging ambag sa larangan ng siyensiya ng parasitolohiya. Sinimulan niya ang pag-aaral sa parasitolohiya ng isda noong hulíng bahagi ng 1930. Siya ang unang nagsaliksik sa Filipinas sa buhay ng monogenetic trematodes na kabílang sa pamilyang Capsalidae. Pinag-aralan rin niya at natuklasan ang mga bagong uri ng digenetic trematodes na matatagpuan lámang sa mga tropikal na isdang dagat at isdang tabang. Upang maging mas masinop ang mga susunod na pag-aaral sa parasite, sinulat niya ang librong Digenetic Trematodes of Philippine Fishes. Isa itong kalipunan ng iba’t ibang pag-aaral hinggil sa parasito ng isda at nagamit na batayang sanggunian sa pag-aaral ng parasitolohiya at pangangalaga ng pangisdaan sa Timog Silangang Asia. Sinaliksik din ni Velasquez ang mga katangian ng parasitong cestodes o bulate na matatagpuan sa bituka ng isda. Nagsagawa siyá ng hiwalay na pananaliksik hinggil sa mga parasitikong copepad na matatagpuan sa hásang at bituka ng bangus, talakitok, banak, tilapya, maya-maya, at iba pang isdang karaniwang kinakain ng mga Filipino. Si Velasquez ay isinilang noong 7 Agosto 1913 sa Bayambang, Pangasinan. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Zoolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, master sa Zoolohiya sa University of Michigan, at doktorado ng Parasitolohiya sa UP Diliman. Nagpatuloy siyá ng pagsasanay sa University of Maryland upang maláman ang mga bagong proseso ng pagkilala at pagtatalâ sa mga parasito. Nagturo siyá ng zoolohiya at parasitolohiya sa UP at naging patnugot ng Asian Fisheries Science Journal at Philippine Science Encyclopedia. Namatay siya noong 16 Oktubre 1994. (SMP) (ed VSA)

Gregorio T. Velasquez
(2 Setyembre 1901-29 Hulyo 1989) Si Gregorio Velasquez (Gre·gór·yo Ve·lás·kez) ang tinaguriang “Ama ng Pag-aaral ng Phycology sa Filipinas.” Siya ang kauna-unahang dalubhasang Filipino na nagsagawa ng komprehensibong pananaliksik sa katangian at gamit ng katutubong Myxophyceae. Nilinaw niya na ang lumot ay maaaring gamiting abono sa mga sakahan at makatutulong nang malaki sa pagpapataba ng lupa. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1982 bilang pagkilala sa kaniyang natatanging kontribusyon sa paglilinang ng siyensiya ng Phycology sa bansa. Ang katutubong Myxophyceae, na karaniwang matatagpuan sa mga kanal, estero, tabing ilog, baybayin, at iba pang matutubig na lugar, ay primitibong organismo na itinuturing na dumi o basura lámang. Sa katunayan, ito’y ihinahanay sa mga uri ng bakterya na kabílang sa pamilya ng Prokaryota o Monera. Subalit ayon kay Velasquez, mahalagang maimbestigahan ang blue-green algae upang mabatid ang mabisàng paraan ng pagkontrol sa paglago nitó. Ginugol ni Velasquez ang mahigit 30 taon upang pag-aralan ang iba’t ibang uri ng Myxophyceae sa Filipinas. Nag-iwan si Velasquez ng natatanging pamana sa pag-aaral ng Phycology sa Filipinas nang ilathala niya ang librong Phycological Research in the Philippines noong 1989. Ang aklat ay naglalamán ng mahalagang impormasyon higgil sa 1,145 species ng algae na matatagpuan sa tubig alat at karagdagang 664 species ng algae na tumutubò sa tubig tabang. Isinilang si Velasquez noong 2 Setyembre 1901 sa Calumpit, Bulacan at anak nina Zacarias Velasquez at Elena Tiongson. Natapos niya ang Batsilyer sa Botaniya noong 1925 at master sa Siyensiya ng Botaniya noong 1931 sa Unibersidad ng Pilipinas, ng ikalawang master sa Siyensiya ng Botaniya noong 1937 at doktorado sa Phycology noong 1939 sa University of Michigan. Nagbalik siya sa UP upang magturo at pangasiwaan ang Kagawaran ng Botaniya. Naging tagapangulo siya ng National Science Research Council, at direktor ng Philippine Science High School. Namatay siya noong 29 Hulyo 1989. (SMP) (ed VSA)

Andrea Veneracion
(11 Hunyo 1928—) Isang propesor ng musika, master at konduktor ng koro, si Andrea Ofilada Veneracion (An·dre·yá O·fi·lá·da Ve·ne·ras·yón) ang kinikilalang internasyonal na awtoridad sa pag-awit na koro. Bumuo at namunò sa UP Madrigal Singers, na ngayon ay ang tanyag na Philippine Madrigal Singers (PMS) at premyado sa buong mundo sa larangan ng pag-awit na koro. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika (1999). Itinatag niya ang PMS noong 1963. Ang madrigál ay paraan ng pagawit na may maramihang tinig at kadalasan ay akapela, na umabot sa kasikatan sa Europa noong ika-16 at ika-17 siglo. Ang PMS o Madz ay unang nakilala sa daigdig sa kanilang pagtatanghal sa 2nd International Choral Festival sa Lincoln Center sa New York (1969) na pinuri ng mga kritiko. May dalawang gawad na ang PMS sa prestihiyosong Grand Prix sa European Grand Prix for Choral Singing (1997 at 2007). Kabílang sila sa dadalawang koro sa daigdig na nagwagi ng dalawang ulit sa European Grand Prix. Ang ikalawang koro ay ang A.P.Z. Tone Tomšic (2002 at 2008) ng Slovenia. Kabílang sa mga tungkuling internasyonal niya ang pagiging pangalawang pangulo ng Asia ng Internasyonal na Federasyon para sa Musikang Koro noong 1990, artistikong Tagapangulo noong 1996 ng International Choral Festival sa Cagliari, Italy at tagapangulo sa International Choral Festival sa Taipei noong 2001. Ginawaran naman siyá ng Araw ng Maynila Award (1981), Parangal Diwa ng Lahi (2002); Director’s Award for Conductor of Best Contemporary Piece, Gorizia, Italy (1989); CCP Gawad sa Sining para sa Musika (1990), at Centennial Honors for the Arts (1999). Ipinanganak siya noong 11 Hunyo 1928 at panganay sa pitóng supling nina Macario Ofilada at Raymunda Careaga. Nagtapos siya sa UP ng Batsilyer sa Musika, medyor sa Piyano at Tinig. Isang mahusay na manlalangoy din siya. Bahagi siya ng koponan ng bansa, unang lumabas ng bansa para sa internasyonal na kompetisyon, para lumahok sa palaruan sa Hong Kong. Si Dr. Felipe Veneracion na isang dentista ang kaniyang asawa, mayroon silang limang anak. (RVR)

Beníto S. Vergára
(23 Hunyo 1934—) Si Beníto Vergára ay tanyag na dalubhasa sa pisyolohiya ng halaman at kilala sa kaniyang malawak na pananaliksik sa pagpapaunlad ng palay. Nagsilbi siyang siyentista, mananaliksik, at administrador ng International Rice Research Institute (IRRI) mula 1961 hanggang 1995. Pinalaganap ni Vergara ang makabagong siyensiya ng pagtatanim at wastong pag-aalaga ng palay sa pamamagitan ng kaniyang popular na librong A Farmer’s Primer on Growing Rice. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 2001. Siyá ang unang nagpaunlad ng palay na maaaring mabuhay kahit baha. Nagsagawa rin siyá ng mga pag-aaral higgil sa pinakamainam ng paraan ng paglilinang ng sakahan, proseso ng pamumulaklak ng palay, at photoperiodism ng mga pananim. Ang mga pag-aaral na ito ay naging batayang panuntunan sa paglikha ng dalawang bagong uri ng komersiyal na palay na may mataas na ani. Ang paglalathala ng librong A Farmer’s Primer on Growing Rice (1979) ang isa sa pinakamahalagang pamána ni Vergara sa agham ng pagsasakahan. Ang aklat na ito ay isang payak na manuskrito na naglalaman ng ilustrasyon at maiikling paliwanag. Nagawang palaganapin ni Vergara ang siyensiya ng pagtatanim ng palay at ilapit ito sa diwa ng karaniwang magsasaka. Bukod sa pananaliksik, si Vergara ay isang mahusay na administrador. Nagsilbi siyáng direktor para sa administrasyon ng IRRI hábang ginagawa niya ang mga pag-aaral sa palay. Isinilang si Vergara noong 23 Hunyo 1934. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Siyensiya ng Botaniya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1955. Nagaral siya sa University of Hawaii at nakapagtapos ng master sa Siyensiya ng Botaniya noong 1959. Nagtungo siyá sa University of Chicago upang tapusin ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman. Matapos mag-aral sa Estados Unidos, nagbalik siyá ng Filipinas upang maging mananaliksik sa IRRI hanggang magretiro. (SMP)

Jose Garcia Villa
(5 Agosto 1908-7 Pebrero 1997) Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1973 si Jose Garcia Villa (Ho·sé Garsí·ya Víl·ya). Isa siyang makata, mangangatha, kritiko, at kabílang sa unang henerasyon ng mga Filipinong manunulat sa wikang Ingles. Kilala sa sagisag panulat na Doveglion, nagpakilala si Villa ng mga bagong pamamaraan sa pagtula. Napatanyag ang tinaguriang tulang kuwit o mga tulang ginagamitan ng bantas ng kuwit sa pagitan ng bawat salita. Nakilala rin ang kaniyang mga tulang may reversed consonance rime scheme. Ang mga pagbabagong ito ay makikita sa mga aklat ng tula niyang Have Come, Am Here (New York, 1942) at Volume Two (New York, 1949). Ngunit estudyante pa lámang ay kontrobersiyal na siya. Ang “Man Songs” (1929), isang serye ng mga tulang erotiko, na nailathala sa UP Collegian at Philippines Herald ay agad na naging kontrobersiyal. Dahil sa pagbásang malaswa ang mga tula, nasuspinde siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtungo siya sa Estados Unidos at doon nagsimulang makilala. Naisáma ang kaniyang “Untitled Story” (1932) sa antolohiya ni Edward J. O’Brien. Pag-uwi sa Filipinas, naging kontrobersiyal ang kaniyang pamimili ng tula at maikling kuwento. Ngunit maraming humanga sa kaniyang pamumuna. Nagkamit siya ng Pro Patria Award para sa panitikan noong 1961, at Heritage Award para sa tula at maikling kuwento noong 1962. Ginawaran siya ng honoris causa ng Far Eastern University noong 1959. Siya ay isinilang noong 5 Agosto 1908 kina Dr. Simeon Villa at Guia Garcia sa Singalong, Maynila. Si Dr. Villa ay nagsilbi bilang Kolonel ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Rebolusyong 1896. Nanatili sa New York si Villa, at paminsan-minsang bumabalik sa Filipinas para magturo o magbakasyon, hanggang sa siya ay pumanaw noong 7 Pebrero 1997 sa ospital ng St. Vincent, Manhattan. (RVR) (ed GSZ)

Pancho Villa
(1 Agosto 1901-14 Hulyo 1925) Unang boksingerong Filipino na naging kampeong pandaigdig, Francisco Guilledo ang tunay niyang pangalan. Inampon siyá ng isang Amerikanong promoter sa boksing at pinangalanang Pancho Villa (Pán·tso Víl·ya) noong 1918. Isinilang siyá noong 1 Agosto 1901 sa Ilog, Negros Occidental kina Rafael Guilledo at Maria Villaruel. Lumaki sa isang asyenda na trabahador ang kaniyang ina at tumutulong sa pag-aalaga ng mga kambing. Naglagalag siya at nakarating ng Maynila. Dito siya sumali sa boksing at pagkaraan lámang ng dalawang taon ay naging kampeon sa dibisyong flyweight ng Filipinas nang talunin niya si “Terrible Pondong.” Nagtungo siyá sa Estados Unidos noong 1922 at doon umani ng maraming tagumpay. Nanalo siyá sa una niyang laban kay Abe Goldstein ng Jersey City noong 7 Hunyo 1922. Pinabagsak din niya si Frankie Genaro noong 22 Agosto 1922. Lalong sumikat si Villa nang matalo niya ang Amerikanong si Johnny Buff (John Lesky) noong 15 Setyembre 1922 sa ika-11 round. Naagaw niya kay Buff ang titulong American flyweight champion. Sinundan pa ito ng panalo niya kay Jimmy “Mighty Atom” Wilde ng Whales sa ikapitong round noong 18 Hunyo 1923 na dahilan upang tanghalin siya bilang bagong kampeong pandaigdig. Noong Setyembre 1924, umuwi siyá sa Filipinas at isang parada sa kalakhang Maynila ang idinaos para sa kaniya. Pagbalik niya sa Amerika ay inilaban siya kay Jimmy McLarnin na ginanap noong 4 Hulyo 1925 sa Oakland, California. Lumaban siya kahit namamaga ang ngipin. Malungkot ang laban dahil natalo siya at namatay sa ospital noong 14 Hulyo 1925 sa edad na 24 taon. Noong 1961, ibinilang siyá ng Ring Magazine sa Hall of Fame, isang talaan ng mga dakilang boksingero sa daigdig. Siyá ang unang Filipinong napabilang dito. Noong 1994, pinarangalan siyáng International Boxing Hall of Fame. Siyá ang ikalawang Filipino na nakatanggap ng ganitong parangal pagkaraan ni Gabriel “Flash” Elorde. Noong 2002, natampok din siyáng ika-59 na pinakamagalíng na boksingero sa listahan ng Ring Magazine’s 80 Best Fighters of the Last 80 Years. (EGN) (ed VSA)

Anthony Villanueva
(18 Marso 1945—) Si Anthony Villanueva (An·to·ní Vil·yan·wé·va) ang unang boksingerong Filipino na nagkamit ng medalyang pilak sa Olympics, pinakamataas na karangalang nakamit ng bansa hanggang sa kasalukuyan sa palarong ito. Noong 1964, nakapasok si Villanueva sa finals ng dibisyong featherweight sa Tokyo Olympics. Labinsiyam na taóng gulang pa lang siyá noon. Nakamit niya ang medalyang pilak sa pagkakatalo niya kay Charlie Brown. Ang kaniyang amang si Jose (Cely) Villanueva ay dati ring boksingero na nagkamit naman ng medalyang tanso sa Olympics noong 1932 sa dibisyong bantamweight. Inabangan ng mga Filipino ang labanan para sa gintong medalya. Ngunit sa kasamaang-palad, mas naging pabor ang iskor sa kaniyang kalabang si Stanislav Stepashkin ng Soviet Union sa kabilâ ng kaniyang malalakas na suntok na nagpadugo sa ilong nitó. Isang kontrobersiyal na split decision ang iginawad ng mga hurado pabor kay Stepashkin. Pagkaraan ng kaniyang panalo, pinasok ni Villanueva ang larangan ng pelikula. Pumirma siyá ng kontrata sa Santiago Productions para sa pelikulang Malakas, Kaliwa’t Kanan katambal ang aktres na si Nida Blanca. Lumabas din siyá sa pelikulang Salonga Brothers na pinagbidahan ni Joseph Estrada, at sa The Pancho Villa Story. Hindi na lumaban sa amatyur si Villanueva pagkaraan ng kaniyang pagkapanalo sa Olympics. Pinasok niya ang propesyonal na mga laban na ginamit ng mga promoter para maengganyo ang maraming manonood dahil sa kaniyan kasikatan. Hindi siyá nagtagumpay at nang lumaon ay unti-unti na ring nalaos. Napabilang si Villanueva sa Philippine Sports Hall of Fame noong 26 Setyembre 1985. (EGN) (ed VSA)

vínta
Ang vínta ay isang uri ng tradisyonal na bangka na ginagawa ng mga Badjaw at matatagpuan sa bahaging timog ng Mindanao. Mayroon itong makukulay na layag na nakaayos nang patayô at mga katig sa magkabilâng gilid. Noong sinaunang panahon, gamit ito sa pakikipagkalakalan at paglalakbay. Dahil ito ay lubhang maliit at mabuway, ginagamit ito sa malapitang paglalakbay lámang at kapag kalmado ang dagat. Sa ngayon, ang mga vinta ay makikita bilang atraksiyon sa baybaying-dagat ng Mindanao lalo na sa mga resort na maraming turista. Pinakamaraming vinta sa Lungsod Zamboanga at sa katunayan, idinaraos dito tuwing Oktubre ang vinta regatta na isang kompetisyon ng karera ng mga vinta. Isa ito sa pinakaaabangang tampok sa pagdiriwang ng Hermosa Festival na pista para sa Nuestra Señora del Pilar. Ang vinta ay itinawag din sa isang uri ng sayaw sa Mindanao dahil ang kilos ng mga mananayaw ay katulad ng galaw ng bangkang vinta hábang bumabalanse sa mga alon. (DRN)(ed VSA)

Wenceslao Q. Vinzons
(28 Setyembre 1910 -15 Hulyo 1942) Si Wenceslao Quinito Vinzons (Wén·ses·law Ki·ní·to Vin·zons) ang isa sa mga unang Filipinong nag-organisa ng paglaban sa mga mananakop na Hapon, lider ng mga gerilya sa Bikol, at isa sa mga namumukod na kabataang politiko bago magkadigma. Isinilang siyá noong 28 Setyembre 1910 kina Gabino Vinzons at Engracia Quinito sa Indan, Camarines Norte. Nagtamo siya ng mataas na karangalan nang magtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1933. Bilang estudyante, naging editor siya ng Philippine Collegian at unang pangulo ng College Editors Guild. Isa siya sa mga nagtatag at naging pangulo ng Young Philippine Party, isang partidong pampolitika na binubuo ng mga kabataan at nagtaguyod sa unang batas para sa kasarinlan ng Filipinas. Nahalal siyang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1934 at sumalungat sa panukalang palawakin ang kapangyarihan ng pangulo ng bansa. Sa edad na 24, siya ang pinakabatàng delegado sa kumbensiyon at pinakabatàng lumagda sa konstitusyon. Siya ang nagpanukala ng tadhana hinggil sa pagpili ng isang wikang katutubo bilang batayan ng Wikang Pambansa. Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtayô siya ng kilusang gerilya sa Bicol at pansamantalang napalaya ang Daet at iba pang bayan sa mga Hapones. Sa tulong ng isang gerilyang nagtaksil sa kilusan, nadakip siya at ang kaniyang ama ng mga Hapon at pinilit manumpa ng katapatan sa mananakop. Tumanggi si Vinzons, at noong 15 Hulyo 1942 ay binitay sa pamamagitan ng bayoneta. Isinunod patayin ang kaniyang ama, asawa, kapatid na babae, at dalawa sa mga anak. Ipinangalan kay Vinzons ang sinilangang-bayan ng Indan sa Camarines Norte, pati ang isang mahalagang bulwagan sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. (PKJ) (ed VSA)

Virgenes cristianas expuestas al populacho
Obrang oleo sa kambas ni Felix Resurreccion Hidalgo ang Virgenes cristianas expuestas al populacho (Mga Birheng Kristiyanong Inilantad sa Madla) at ginawaran ng medalyang pilak sa Exposicion General de Bellas Artes ng Madrid noong 1884. May taas itong 45 pulgada at lapad na 62 pulgada. Nakatanghal sa larawang ito ang dalawang dalagang Kristiyanong halos lastag na hinahamak ng isang pangkat ng kalalakihang Romano. Taglay ng obra ang uso noong konserbatibo at neoklasikong estilo ng pagpipinta. Karaniwang paksa sa estilong ito ang mga eksena mula sa panahon ng mga sinaunang Griyego at Romano, gaya ng Virgenes cristianas. Nagwagi din ng gintong medalya sa naturang timpalak ang Spoliarium ni Juan Luna. Ginawang plataporma ng Kilusang Propaganda ang pagkapanalo nina Hidalgo at Luna. Sa isang pagtitipong isinaayos ni Pedro Paterno upang ipagdiwang ang tagumpay sa eksposisyon na dinaluhan ng ilang mamahayag at politikong liberal ng Espanya, nagtalumpati sina Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena. Tinukoy na sagisag ang mga nagdurusang birhen ng pagdaing ng lahing Filipino sa di-makatarungang kalagayan ng Filipinas sa ilalim ng Espanya. Kasalukuyang nása pangangalaga ng Museong Metropolitan sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang kopya ng obra. Natupok ang orihinal sa isang súnog sa Unibersidad ng Valladolid sa Espanya. (RPB) (ed VSA)

Walâng Súgat
Isang bantog na sarsuwelang may tatlong yugto ang Walâng Súgat (1902) na isinulat ni Severino Reyes (1861-1942). Unang itinanghal ang dulang ito sa Teatro Libertad sa Maynila noong 14 Hunyo 1902 sa ilalim ng direksiyon ni Reyes. Si Fulgencio Tolentino ang gumawa ng musika at gumanap ang mga aktor na sina Hilaria Alvarez, Adriana Nicolas, at Jose Constantino. Naganap ang dula sa panahon ng Himagsikang 1896, at tampok ang kabayanihan ng mga Katipunero laban sa abuso ng mga fraile. Ang magkasintahang sina Tenyong at Julia ang mga pangunahing tauhan ng dula. Inaresto ang ama ni Tenyong na si Kapitan Inggo, na pinaghinalaang rebelde. Bilang paghihiganti at pagtatanggol sa bayan, pinamunuan ni Tenyong ang isang pag-aalsa laban sa mga fraile, dahilan para magkahiwalay sila ni Julia. Hábang nakikipaglaban, nalaman ni Tenyong na ipakakasal si Julia kay Miguel, isang mestisong pamangkin ng isang fraile. Samantala, naghihimutok naman si Julia dahil walang maisip na paraan upang makaiwas sa kasalan. Dumating si Tenyong sa araw ng kasal, naghihingalo, at dalá ng mga kasámang manghihimagsik. Diumano, ang hulí niyang kahilingan ay mapakasal kay Julia. Pinagbigyan naman ni Miguel na pakasalan ni Julia si Tenyong. Ngunit, matapos ang kasalan, bumangon si Tenyong sa kaniyang higaan na lubos na ikagugulat ng mga tao. Ipahahayag niyang wala siyang karamdaman o “walang sugat.” Kinakatawan ni Tenyong ang isang bayaning “namatay” ngunit “muling nabuhay,” na karaniwang tauhan ng mga dulang sumikat nang mga panahong iyon. Pahiwatig ito ng Katipunan, ng Rebolusyon o ng damdaming makabayang hindi namamatay; bagkus, laging umiiral at buháy. Tatlong beses isinapelikula ang Walang Sugat simula noong 1913. Nalimbag din ito sa Ang Dulang Tagalog ni Federico Sebastian. Noong 1970, itinanghal ito ng Zarzuela Foundation of the Philippines ng CCP, sa ilalim ng direksiyon ni Pambansang Alagad ng Sining Daisy HontiverosAvellana. (JGP) (ed VSA)

wáling-wáling
Ang wáling-wáling (Vanda sanderiana), ay isa sa pinakamaganda at pinakapopular na uri o species ng dapo o orkidya (orchid) sa Filipinas. Malaki ang sukat at lubhang makulay ang mga bulaklak nitó. Dahil sa ganda, tinagurian ang Vanda sanderiana na “Reyna ng mga Orkidya” sa Filipinas. Sa katunayan, ginamit ng Philippine Orchid Society (POS) ang waling-waling bilang logo. Namumulaklak ang dapong ito mula Hulyo hanggang Oktubre, sa panahon ng tag-ulan, karaniwan nang tatlong linggo o higit pa pagkatapos ng malakas na pag-ulan. Batay dito, nagdiriwang ng taunang pagtatanghal ng mga dapo ang POS tuwing Agosto upang tumapat sa pamumulaklak ng napakagandang halamang ito. Nabubuhay ang walingwaling sa mga lugar na may sapat na lilim dahil nangangailangan ito ng proteksiyon laban sa matinding sikat ng araw. Ang Vanda sanderiana ay maaaring itanim sa pasô, maaaring ibitin, ilagay sa mga taniman ng pakô, o sa mga patáy na punongkahoy (drift wood). Natuklasan ang waling-waling ni Heinrich Gustav Reicheinback, isang taxonomist na Aleman noong 1882 sa Mindanao. Mula noon, ito na ang pinakahanapíng bulaklak sa Mindanao. Ang pagkatuklas sa halamang ito ay nagbunsod sa paglago ng produksiyon ng iba pang orkidya na may haluang lahi (hybrid), na sa ngayon ay bahagi ng mayamang industriya ng bulaklak sa buong mundo. May banta ng panganib sa patuloy na produksiyon ng waling-waling sa Filipinas. Dahil sa malawakang pagkaubos ng kagubatan sa Davao, Sultan Kudarat at iba pang lugar sa Mindanao, at dahil sa patuloy na pagkuha ng waling-waling para gawing specimen, marami na sa species na ito ang nawala. Sa ngayon, pinaniniwalaan na mas marami pa ang species ng waling-waling sa ibang bansang tulad ng Singapore, Thailand, Hong Kong, at Hawaii. (SSC) (ed VSA)

yakál
Ang yakál (Shorea astylosa) ay isang uri ng matigas na punungkahoy sa pamilyang Dipterocarpaceae. Ito ay endemiko o matatagpuan lámang sa Filipinas, lalo na sa Luzon (Quezon at Camarines), Samar, Mindanao (Zamboanga, Agusan at Davao). Namumulaklak ang yakál sa buwan ng Mayo. Kulay dilaw at mabango ang mga bulaklak nitó. Ang habitat ng punòng ito ay ang mga pangunahing gubat sa mababàng lugar o malapit sa kapatagan. Nanganganib na maubos ang punongkahoy na ito dahil sa walang tigil na pagputol sa mga punò at dahil sa pagkakaingin. Ito ay napakalaking punò, may sukat na 25-30 metro ang taas, 1 metro o higit pa ang diyametro, ang dahon ay may dimensiyong 6.5-12 sentimetro ang habà at 2.5-6.5 sentimetro ang lapad. Napakabigat ang kahoy nitó. May timbang ang yakal na 700 kilo kada isang metro kubiko. Ang kulay ay dilaw hanggang ginintuang pula. Madagta at matigas ang kahoy nitó, karaniwang ginagamit sa mga sahig o pang-ibabaw na bahagi ng mga kasangkapan. Mainam itong gamitin sa mga kasangkapang panlabas ng bahay. Karaniwang gamit rin ang punòng ito para sa pagbubuo ng matataas na kalidad na estruktura tulad ng mga tulay, mga plataporma para sa daungan ng barko, minahan, at marami pang iba. Ang likido na makukuha mula sa balat ng punò ng yakal ay pinaniniwalaang may katangiang makapagpagalíng ng mga tumor. Isang pag-aaral ang isinagawa ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB) tungkol sa paglaki at pagdami ng yakal ((Shorea astylosa) at isang kalapit na species, ang giiso (Shorea guiso). Pinaghambing ang kakayahan ng mga itong mabuhay at lumaki sa iba’t ibang lugar taniman sa loob ng tatlong taon sa Tadao, Pasuquin Experimental Forest. Lumabas sa mga pananaliksik na mabilis ang paglaki at pagdami ng yakál sa lugar na taniman ng punò ng acacia (Acacia mangium at A. auriculiformis). Mas mataas ang mga punò at mas malapad ang diyametro nitó kung ikokompara sa ibang lugar taniman. Malaki ang epekto ng sapat na gubat kanlungan (forest cover) at tingkad ng liwanag (light intensity) sa mga mahalagang katangian ng punongkahoy na ito. (SSC) (ed VSA)

yantók
Ang yantók ay isang uri ng halaman na may sukat mula 250 hanggang 650 metro ang habà ng katawan. Karaniwang makikita ang halamang ito sa Aprika, India, at Timog silangang Asia. Ang yantók ay may mga amlay o tendril sa dulo ng mga dahon upang manguyapit at umakyat sa ibang punò. Ginagawang kasangkapan sa bahay ang yantok. Ang yantók ay tinatawag ding úway o ratán (rattan) na ginagamit sa paggawa ng sandalan ng upuan, duyan, at sisidlan. Dahil sa tibay, ginagamit ito sa paggawa ng tungkod. Ang bunga ng yantók ay naglalabas ng mapuláng dagta o resin na tinatawag na dugo ng dragon (dragon’s blood). Pinaniniwalaang may medisinang katangian ang dagtang ito. Ginagamit din ang resin para ipangkulay ng biyolin Ang yantók ay isang palma, ngunit kakaiba ito sa maraming palma dahil may payat itong katawan, 2–5 sentimetro ang diyametro na may mahahabàng biyas sa pagitan ng mga dahon. Hindi punongkahoy ang yantok, ito ay isang halamang parang baging. Kahawig ito ng kawayan sa unang tingin, ngunit kakaiba sa kawayan, ang katawan nitó ay buo (solid) at hindi hungkag at ang maraming uri ay nangangailangan ng tulong at suporta upang makatayô. Hindi nitó káyang tumayô nang mag-isa. Ngunit ang ibang genera (hal. Metroxylon, Pigafetta, at Raphia) ay katulad ng karaniwang palma, may matatag at tuwid na punò. May banta ng panganib ang labis na paggamit sa yantók. May nag-aani o kumukuha ng yantók na pumuputol ng napakabatàng katawan o sanga. Ang pagpoproseso ay pinaniniwalaang nakapagpaparumi rin ng kapaligiran. (SSC) (ed VSA)

yóyo
Ang yóyo ay isang laruang ikiran na binubuo ng pinagsaklob na dalawang bilog na kahoy, plastik, o metal, pinag-uugpong sa gitna ng isang maliit na piraso ng kahoy o metal, at pinaiikot sa pamamagitan ng pisi. Maaaring matagal-tagal na ring nakalikha at nilalaro ang yoyo. Sinasabing sa isa sa mga paglalakbay ni Jose Rizal sa ibang bansa ay naglaro siya ng yóyo sa iba’t ibang estilo upang aliwin ang mga kasáma niyang pasahero. Nang tanungin siya kung ano ang tawag sa laruang iyon, ipinaliwanag niyang isa itong sandata na ginagamit upang protektahan ang sarili. Ngunit napatanyag at naiparehistro ang patente ng yoyo sa pangalan ni Pedro Flores, tubòng-Ilocos Norte. Isang bellboy sa isang Amerikanong pamilya si Flores na nakipagsapalaran sa Amerika noong 1920. Natuklasan ang yóyo ng kaniyang amo nang umukit si Flores ng isang bilog mula sa kahoy at nilagyan ito ng pisi. Udyok ito na mabigyan ng pagkakalibangan ang anak ng kaniyang amo. Natuwa maging ang mga anak ng kapitbahay ng kaniyang amo. Nakita ng kaniyang amo ang potensiyal ng bagong tuklas na laruan at pinondohan ang naging unang pagawaan ng yóyo noon sa Amerika hanggang sa bilhin ang karapatan ng pagmamay-ari nitó ni Donald Duncan sa halagang $250,000. Sa Filipinas, maging kahoy, plastik, o metal man, ang yóyo ay kinagigiliwan hindi lámang ng batà kundi maging ng matatanda. Iba’t ibang estilo o trick ang ginagawa sa paglalaro nitó at kabílang sa pinakasikat ay ang tinatawag na “walking the dog” at “around the world”. (CLS) (ed GSZ)

Yúngib Callao
Ang Yúngib Callao (Kal·yáw) ang isa sa pinakapopular na pook sa lalawigan ng Cagayan, matatagpuan ito sa mga barangay Parabba at Quibal sa bayan ng Peñablanca, sa itaas ng Ilog Pinacanauan, kalahating oras mula sa Lungsod Tuguegarao. Ipinangalan ito sa ibong kalaw na sinasabing marami dito noon. May tila katedral na pormasyon ng bato ang isang silid ng yungib. May kapilyang itinayô sa bahaging ito. Gayunman may pitóng silid ang yungib. Una ang tinatawag na Aviary Room na may mga bútas na pinapasukan ng liwanag ng araw at may mga ibon. Pook arkeolohiko ang isang bahagi nitó. Pangunahing atraksiyon ang Divine Room na nabanggit nang ginagamit na dalanginan. Madilim ang silid na tinatawag na Dark Room. Ang Cream Room ay may pormasyon ng bato na hugis tatlong tumpok ng sorbetes. Ang Jungle Room ay may mga bato na hugis mga hayop. Ang Sun Room ay pinapasok ng sinag ng araw sa umaga. Isang pagsubok sa lakas ng katawan ang paglusong sa yungib dahil umaabot sa dalawang daang baitang ang dapat lakarin bago marating ang kahanga-hangang mga pormasyon ng bato. Isa pang dagdag na aliwan ang pamamangka sa Ilog Pinacanauan. (GCA) (ed VSA)

Gregorio Y. Zara
(8 Marso 1902-15 Oktubre 1978) Si Gregorio Zara (Gre·gór·yo Zá·ra) ay isang tanyag na Filipinong imbentor, inhenyero, at dalubhasa sa pisikang nuklear. Ibinahagi niya sa mga Filipino ang mga pinakaabanteng kaalaman sa siyensiya at inhenyeriya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik, siyentipikong sulatin, at pagsasanay sa mga nakababatàng siyentista. Subalit mas kilala si Zara dahil sa mga naimbento niyang aparato at makabagong kagamitan. Nakakuha siya ng 30 internasyonal na patent para sa mga ito. Dahil dito, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Hulyo 1978. Napakarami ng mga imbensiyon ni Zara na may praktikal na aplikasyon sa modernong lipunan. Tampok rito ang kaniyang Earth Induction Compass. Ginamit niya ang prinsipyo ni E.V. Appleton hinggil electromagnetic waves upang lumikha ng kakaibang kómpas na maaaring gamitin sa himpapawid. Inimbento niya ang Vapor Chamber na magagamit sa pagaaral ng katangian ng mga radioactive particles. Nag-imbento siya ng iba’t ibang aparato na gumagamit ng enerhiya ng araw. Nilikha niya ang unang Thermo-Solar Energy Machine sa Filipinas na ginagamitan ng katutubong materyal. Matagumpay na gumawa si Zara ng robot na káyang maglakad, magsalita, at sumunod sa utos bagaman ang teknolohiya sa robotika noong panahon niya ay hindi pa gaanong popular. Inimbento niya ang Alcohol Fuel at matagumpay itong nagamit noong 1954 nang paliparin ni Major Henry Meider ang unang eroplano sa daigdig na pinatatakbo ng alkohol. Si Zara ay isinilang noong 8 Marso 1902 sa Lipa, Batangas. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Mekanikal na Inhenyeriya noong 1926 sa Massachusetts Institute of Technology at master sa Siyensiya sa University of Michigan. Nagtungo siya sa France upang ipagpatuloy ang pag-aaral at pagsasanay. Nakuha niya ang doktorado sa Pisika sa Sorbonne University noong 1930. Pinamunuan niya ang Aeronautics Division ng Kagawaran ng Pampublikong Paggawa at Komunikasyon. Hinirang siyang punòng inspektor ng Inspection and Air Regulation Division ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Nagsilbi rin siyá sa National Science Development Board, National Research Council of the Philippines, at UNESCO. Namatay siya noong 15 Oktubre 1978. (SMP) (ed VSA)

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->