P. 1
Sagisag Kultura Ng Filipinas 004

Sagisag Kultura Ng Filipinas 004

|Views: 3,304|Likes:
Published by F.A. Buenaventura

More info:

Published by: F.A. Buenaventura on Sep 22, 2012
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

05/22/2013

pdf

text

original

Apolinario Mabini

(23 Hulyo 1864-13 Mayo 1903) Madalas bansagan si Apolinario Mabini (A·po·li·nár·yo Ma·bí·ni) bilang “Utak ng Himagsikang Filipino” at “Dakilang Lumpo” dahil sa kaniyang mga akda at naging mahalagang tungkulin noong panahon ng Himagsikang Filipino. Isinilang siyá noong 23 Hulyo 1864 sa Talaga, Tanauan, Batangas. Ikalawa siyá sa walong anak nina Inocencio Mabini, isang maralita, at Dionisia Maranan, isang tindera sa palengke. Namasukan siyá bago natanggap na iskolar sa Colegio de San Juan de Letran noong 1881 at nakapagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1894. Sumapi siyá sa La Liga Filipina at naging aktibo sa Kilusang Propaganda. Nang itatag ang Katipunan, hindi siya sumali dito. Nagkasakit siyá at naging lumpo makaraan ang dalawang taon. Sa pagsiklab ng Himagsikang 1896, pinaghinalaan siyáng Katipunero ng mga Espanyol at dinakip. Dahil maysakit, hindi siyá ibinilanggo kundi ipinadala sa ospital ng San Juan de Dios at nanatili roon hanggang mabigyan ng amnestiya. Nakita niya pagkaraan ang kabuluhan ng layunin ng Katipunan na ibagsak ang pamahalaang Espanyol. Nabalitaan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang galíng niya sa batas kayâ’t hinirang siyáng punòng ministro ng rebolusyonaryong Kongresong Malolos. Siyá ang sumulat ng mga dekreto, manipesto, at iba pang kasulatan para kay Aguinaldo kayâ naituring na “Utak ng Himagsikang Filipino.” Noong Digmaang Espanyol-Amerikano, agad niyang naisip ang epekto nito sa Filipinas at hinulaan niyang sasakupin tayo ng mga Amerikano. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano, kahit isang lumpo ay hindi siyá sumuko. Nahúli man noong 1899, hindi siyá napilit manumpa sa bandila ng Estados Unidos at sa halip ay ipinagpatuloy ang pagsulat laban sa pananatili ng mga Amerikano sa Filipinas. Muli siyáng hinuli at ipinatapon sa Guam. Doon niya natapos ang La Revolucion Filipina, isang pagsusuri sa simula at kasaysayan ng Himagsikang Filipino. Pinayagan siyáng makabalik sa bansa makaraan ang halos dalawang taon. Pagdating niya sa Maynila noong 1903, tinanggihan niya ang alok na trabaho sa itinatayông gobyernong sibil ng Amerikano. Namatay siya sa sakít na kolera noong 13 Mayo 1903 sa Maynila. (PKJ) (ed VSA)

Diosdado P. Macapagal
(28 Setyembre 1910-21 Abril 1997) Nagwaging pangulo ng Republika ng Filipinas noong halalang 1961 si Diosdado P. Macapagal (Di·yos·dá·do Pi Ma·ka·pa·gál), isang anakmahirap na tulad ni Pangulong Magsaysay kayâ tinaguriang “Poor Boy from Lubao.” Tulad ni Pangulong Garcia, isa rin siyáng mahusay na makata sa Pampanggo. Ngunit isa rin siyáng abogado at matagal naglingkod sa pamahalaan. Sa panahon niya inilipat ang Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 tungo sa Hunyo 12. Ama din siyá ng Agricultural Land Reform Law. Isinilang si Macapagal sa San Nicolas, Lubao, Pampanga noong 28 Setyembre 1910 sa magsasakang si Urbano Macapagal at anak ng kasamáng si Romana Pangan. Nagtapos siya ng Associate in Arts sa Unibersidad ng Pilipinas at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Unang asawa niya si Purita de la Rosa, kapatid ng bantog na artistang si Rogelio de la Rosa, at dalawa ang naging anak nila, sina Maria Cielo at Arturo. Muli siyáng nagpakasal kay Evangelina Macaraeg ng Pangasinan at naging anak sina Maria Gloria na napangasawa ni Atty. Jose Miguel Arroyo y Tuazon at naging pangulo din ng Filipinas, at si Diosdado Jr. Topnotcher siyá sa bar noong 1936. Nagtrabaho siyáng abogado hanggang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1949, nagwagi siyáng representante ng Pampanga sa tiket ng Partido Liberal. Muli siyáng nagwagi noong 1953 kahit Partido Nacionalista ni Pangulong Magsaysay ang mayorya. Tumakbo siyáng senador noong 1955 ngunit natálo. Walang nanalong Liberal na senador sa naturang halalan ngunit nakuha niya ang pinakaraming boto sa tiket ng Liberal. Sa halalang 1957, ikinandidato siyáng pangalawang-pangulo ng Liberal at katiket ni Jose Yulo. Natálo si Yulo kay Garcia, ngunit nanalo si Macapagal kay Jose Laurel Jr. ng Nacionalista. Pinaghandaan niya ang eleksiyong 1961 at nagwagi siyá kay Pangulong Garcia. Ngunit naging malaking sakit ng ulo niya ang pangyayaring tig-12 ang Nacionalista at ang Liberal sa Senado. Natálo siyá sa eleksiyong 1965. Hulíng gawain niya ang 1971 Kumbensiyong Konstitusyonal. Pinalitan niya si Pangulong Garcia bilang pangulo ng kumbensiyon hanggang 1972. Nagsulat siyá ng libro nang magretiro. Isa ang Democracy in the Philippines (1976) na isang pagtutol sa diktadura. Namatay siyá noong 21 Abril 1997. (VSA)

Jose M. Maceda
(31 Enero 1917-5 Mayo 2004) Si Jose M. Maceda (Ho·se Em Ma·sé·da) ay isang kompositor, piyanista, etnomusikologo, at iskolar. Kinilala siyá sa kaniyang pagtataguyod ng pangkulturang identidad ng bansa sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa mayamang kasaysayan at kultura ng musika ng bansa. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1997. Bilang kompositor, nagtagumpay si Maceda na palayain ang musikang Filipino sa Kanluraning pagkahon sa konsiyerto, simponiya, sonata atbp. sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa tunay na Filipinong damdamin at sining sa musika. Mula 1963 hanggang 1997, ang mga obrang ito ay panandang bato sa musikang Filipino: “Ugmang-ugma,” gamit ang katutubong instrumento at koro (1963), “Agungan,” para sa mga gong (1965), “Kubing,” tampok ang tinig ng mga lalaki at kawayan (1968), “Pagsamba,” itinatanghal sa isang pabilog na awditoryum (1968), “Cassettes 100” (1971), at “Ugnayan” (1974). Bilang etnomusikologo, malaking bahagi ng kaniyang buhay ay inilaan sa nangunguna at masusing pananaliksik sa kasaysayan at kultura ng musika sa Filipinas at mga bansa sa Timog-silangang Asia, mula pa noong 1953. Itinatag niya ang UP Center for Ethnomusicology bilang pangunahing sentro ng pag-aaral sa kultura ng musika sa bansa at sa daigdig. Nagtamo siyá ng l’Ordre des Palmes Académiques mula sa Pransiya (1978); Outstanding Research Award mula sa UP (1985); John D. Rockefeller Award mula sa Asian Cultural Council sa New York (1987), Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University (1988), at CCP Gawad ng Lahi (1989). Tinanggap din niya ang mga pagkilalang internasyonal na gaya ng Fumio Koizumi Award for Ethnomusicology sa Japan; Nikkei Award sa Tokyo (1997), Fondazione Civitella Ranieri sa Italya; at ng titulong Officier dans l’Ordre National du Mérite at Chevalier de la Légion d’Honneur mula sa pamahalaang Pranses. Ipinangak siya noong 31 Enero 1917 sa Laguna kina Huwes Casto Maceda at Concepcion Montserrat. Nagtapos siyá noong 1935 sa Academy of Music sa Maynila. Ipinadala siyá sa Paris noong 1937 upang kumuha ng karagdagang pag-aaral sa piyano sa Ecole Normale de Musique de Paris. of Chicago, NorthWestern, at Indiana University; at noong 1964, natamo Nag-aral din siyá ng musikolohiya sa Queens College and Columbia ang kaniyang Doctor of Philosophy sa University of California. Pumanaw University sa New York; antropolohiya at etnomusikolohiya sa University si Maceda noong 5 May 2004. (RVR) (ed GSZ)

Macli-ing Dulag
(? -24 Abril 1980) Si Macli-ing Dulag (Mak·li-ing Dú·lag) ay isang pinunò ng tribung Butbut ng mga Kalinga na pinaslang ng mga sundalo noong panahon ng diktadurang Marcos. Isa siyá sa mga kinikilalang bayani ng rehiyong Cordillera. Si Macli-ing ay iginagalang na pangat, o pinunò ng tribu, na ipinagtatanggol ang karapatan ng kaniyang mga kababayan at kanilang pagmamay-ari ng lupa laban sa Chico River Basin Hydroelectric Dam Project ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Noong 24 Abril 1980, ilang sundalo ng Philippine Army ang nagpaulan ng bala sa dalawang bahay sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga. Namatay si Dulag samantalang nakaligtas si Pedro Dungoc, isa pang lider laban sa Chico Dam. Idinadaos taon-taon ang Araw ng Cordillera bilang paggunita sa pagkamartir ni Macli-ing at sa kaniyang mga ipinaglalaban. (PKJ) (ed VSA)

madrása
Ang madrása ay salitâng Arabe (madrasah) para sa anumang uri ng institusyong pang-edukasyon. May mga varyant itong “medrese,” “madarasaa,” “medresa,” madrassa,” “madraza,” “madarsa,” at “medrese.” Literal itong nangangahulugan ng “sa isang lugar para sa pagaaral at pagtatapos.” Sa wikang Arabe maaari itong paaralang pribado o pampubliko, maaaring tumukoy sa pangunahin o sekundaryong paaralan para sa mga Muslim at mga di-Muslim, at maaaring walang kaugnayan sa relihiyon. Sa Filipinas, ang madrása ay tradisyonal na paaralan para sa pag-aaral ng Koran. Ang madáris (anyong maramihan ng madrása sa Arabe) ang pinakamatandang mga paaralan sa Mindanao. Noong 1686 at dumalaw ang Ingles na si William Dampier sa Magindanaw, isa ito sa kaniyang naobserbahan: They have Schools, and instruct their Children to read and write, and bring them up in the Mahometan Religion. Therefore many of the Words, especially in their Prayers, are in Arabick; and many of the words of civility the same as in Turkey; and especially they meet in the Morning, or take leave of each other, they express themselves in the Language. May tradisyon diumano sa isla ng Lugus na dinadalá ng makdum ang mga kabataan sa dalampasigan upang turuan siláng bumása at sumulat sa buhangin at bumilis ang kanilang pagmemorya ng mga taludtod mula sa Koran at mga panalangin. Patunay ang patuloy na paggamit ng Arabe sa iskrip ng mga Muslim sa Mindanao at Sulu at kung paanong sumanib ang kulturang Arabe sa higit na matandang katutubong kultura ng mga Filipinong Muslim hinggil sa tagumpay ng naturang edukasyon. Sa bisà ng DepEd Atas Blg. 51, s. 2004, may madáris na ipinailalim sa estandardisadong kurikulum para sa paaralang elementarya upang maging mga bahagi ng pambansang sistema ng edukasyon. (EGN) (ed VSA)

Angel Magahum

(1 Oktubre 1867-28 Nobyembre 1935) Itinuturing na “Ama ng nobelang Ilonggo” si Angel Magahum (Ang·hél Ma·gá·hum). Sinulat niya ang Benjamin (1907), ang unang nobelang Ilonggo. Ilan pa sa mga sinulat niyang nobela ang Isa ca Bihag (1920, Isang Bihag), Ang Palaabuton (1934, Anuman ang Daratnan), at Gugma at Kabuhi (Pag-ibig at Búhay). Ang mga nobela ni Magahum ay tumatalakay sa karaniwang kaugalian na may halòng pagtalakay sa kasaysayan. Nagsulat din siyá ng mga dulà at maikling kuwento. Nahikayat diumano si Angel Magahum na magsulat ng mga dulà dahil napanood niya ng pagtatanghal ng Gran Compania de la Zarzuela Tagala ni Severino Reyes. Ilan sa sinulat niyang sarsuwela ang Buhi Pa (1904, Buháy Pa), Gugma sang Maluib (1907, Pag-Ibig ng Traydor), at Ang Dungog (1907, Ang Karangalan). Lahat ng mga naisulat na sarsuwela ni Magahum ay isinadula ng Asociacion Fraternidad na siyá rin ang nagbuo, siyá ang naglapat ng musika ngunit iba ang direktor, at itinanghal sa mga paaralan ng Molo, Iloilo. Sumulat din siyá ng mga sugilanon, at pinakatanyag ang koleksiyong Hinugpong nga Malip-ut nga Sugilanon inilathala noong 1935. Nakapagsulat din siya ng iba’t ibang librong pangkasaysayan gaya ng Guerra en Europa, Kinabuhi ni Dr. Jose Rizal (Buhay ni Jose Rizal), Pagbitay kay Pari Burgos, Gomez at Zamora, at Maragtas sang Pilipinas (Kasaysayan ng Pilipinas). Isinulong din ni Magahum ang wikang Hiligaynon. Patunay nitó ang Ang Pagsulat sang Pulong nga Binisayang Hiligaynon-Harayanon (Ang Pagsulat ng mga Salitang Hiligaynon-Harayanon Visayan) at Euponiya sang Pulong nga Hiligaynon (Ang mga Tunog ng mga Salitang Hiligaynon). Ipinanganak si Angel Magahum noong 1 Oktubre 1867 sa Molo Iloilo. Nakapagtapos siyá ng bachiller en artes sa Seminario de San Vicente de Paul. Naging bahagi siyá ng hukbong rebolusyonaryo laban sa mga Espanyol bago siyá nagpakasal kay Carmen Delgado Borromeo, isa sa mga aktres ng kaniyang mga dula. Namatay siyá noong 28 Nobyembre 1935 sanhi ng komplikasyon sa puso. (SJ) (ed VSA)

Simbahan ng Molo

Teresa Magbanua

(4 Nobyembre 1871-Agosto 1947) Si Teresa Ferraris Magbanua (Te·ré·sa Fe·rá·ris Mag·ban·wá) ang nag-iisang babae sa kasaysayan ng Kabisayaan na namunò ng mga mandirigma laban sa mga sundalong Espanyol at Amerikano. Dahil sa kaniyang pakikisangkot sa digmaan sa Panay noong Himagsikang Filipino, binansagan siyang “Joan of Arc ng Kabisayaan,” paalinsunod sa bayaning Pranses na namunò sa pakikibaka laban sa mga Ingles sa Orleans, Pransiya noong 1492. Isinilang si Magbanua noong 1871 sa Pototan, Iloilo sa isang malaki at maykayang pamilya. Sina Juan Magbanua at Alejandra Ferraris ang kaniyang mga magulang, at may apat ang kapatid na babae at apat din ang kapatid na lalaki. Nag-aral muna siyá sa Colegio de San Jose sa Jaro, Iloilo bago nagtapos bilang guro sa Colegio de Santa Catalina sa Maynila. Nagturo siyá sa iba’t ibang bayan sa Iloilo hanggang madestino sa bayan ng Sara at mapangasawa si Alejandro Balderas, isang magsasaka. Nang mag-alsa noong 1896 ang mga taga-Panay sa pamumunò ni Heneral Martin Delgado, agad sumapi sa hukbong rebolusyonaryo si Magbanua. May pag-aalinlangan siyáng tinanggap ng kaniyang amaing si Heneral Perfecto Poblador na pinunò noon ng hilagang sona sa Panay. Malakas kasi ang paniwala noon na hindi bagay o nararapat ang babae sa digmaan. Ngunit naging masugid si Magbanua at hindi naglaon ay ipinakita ang kakayahan sa labanan, lalo sa pagiging asintado sa baril at sa husay sa pangangabayo. Pinamunuan niya ang isang pangkat ng kalalakihan sa Labanang Baryo Yoting, Capiz noong Disyembre 1898 at sumabak din sa Labanang mga Burol Sapong malapit sa Sara, Iloilo. Namatay ang kaniyang mga kapatid na sina Heneral Pascual at Elias Magbanua sa Himagsikan. Sa Digmaang Filipino-Amerikano, napasáma muli si Magbanua sa maraming labanan at gawaing gerilya. Nang isuko ang Panay noong 1900, nilansag niya ang kaniyang pangkat at tahimik na namuhay sa bukid kasáma ang asawa. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbigay siyá ng tulong pinansiyal sa kilusang gerilya sa Iloilo. Nanirahan si Magbanua sa Pagadian, Zamboanga del Sur pagkatapos ng digmaan. Dito pumanaw ang tinatawag ng kaniyang mga kababayan na “Nay Isa” noong Agosto 1947. (PKJ) (ed VSA)

máglalatík
Ang sayaw na máglalatík ay nagmula sa Zapote at Loma ng Biñan, Laguna. Naglalarawan ito ng labanan ng mga Moro at Espanyol sa kanilang pagaagawan sa latik o sapal ng pinaglangis na kakanggata. Gumagamit ng bao ng niyog sa pagsasayaw nito. Sinasayaw ito sa saliw ng rondalya sa batayang kompas na 2/4. Ang ritmo ng pagtatama ng mga bao ay nakatutulong sa pagbibigay-diin sa malakas na bagsak ng kumpas at ritmo. Ang mga bao ay pares-pares na nakasabit sa harap ng dibdib, sa bandang ibaba sa likod ng balikat, sa magkabilang baywang, at sa bandang itaas ng tuhod. May mga bao rin sa magkabilang kamay na itinatama upang lumikha ng tunog sa mga baong nakakabit sa nabanggit na mga bahagi ng sariling katawan at sa mga kapuwa mananayaw. Karaniwang lalaki lamang ang sumasayaw nito na ang suot lamang ay pulang pantalon na nakatupi hanggang tuhod, at ang mga baong nabanggit na nakatali sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang maglalatik ay karaniwang sinasayaw sa pista ni San Isidro Labrador tuwing buwan ng Mayo. Pinaniniwalaang taglay ng sayaw ang disiplina ng katutubong paraan ng pagtatanggol sa sarili kung kaya’t karaniwang ituring ito bilang halimbawa ng sayaw na pandigma o martial dance. (RCN) (ed GSZ)

Ramón F. Magsaysáy
(31 Agosto 1907-17 Marso 1957) Dahil anak-mahirap at may imaheng makamahirap, si Ramon F. Magsaysay (Ra·món Ef Mag·say·sáy) ay tinaguriang “Idolo ng Masa” bago pa magwaging pangulo ng Republika ng Filipinas noong 1953. Naging malaking bentahe niya kay Quirino ang mga matagumpay na kampanya laban sa Pag-aalsang Huk. Ipinagpatuloy niya ang simpleng búhay at katapatan sa bayan. Kayâ isang pambansang pagluluksa ang bigla niyang pagpanaw nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan sa Bundok Manunggal, Cebu noong 17 Marso 1957. Isinilang si Magsaysay sa Zambales noong 31 Agosto 1907 at anak ng panday na si Exequel Magsaysay at Perfecta del Fierra. Hindi rin katangitangi ang kaniyang rekord bilang mag-aaral. Pumasok siyá sa inhinyeriyang mekanikal sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit lumipat sa Jose Rizal Colleges at doon nagtapos noong 1932 ng komersiyo. Ngunit nagbago ang takbo ng búhay niya nang maging mekaniko sa Try Tran Co (Teodoro R. Tanco Transportation Company). Umasenso siyá agad na manedyer at napalakas ang kompanya bago magkadigma. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig siyá sumikat bilang lider ng kilusang gerilya. Tinawag tuloy na Magsaysay Gerilya ang kaniyang yunit at nahirang siyáng gobernador militar ng Zambales. Naging landas ito sa politika. Kumandidato siyá at nagwaging kinatawan ng Zambales noong 1946. Matatapos na kaniyang ikalawang termino nang hirangin siyang kalihim ng tanggulang bansa ni Pangulong Quirino. Ang tagumpay niyá laban sa Pag-aalsang Huk ang umakit sa Partido Nacionalista upang ikandidato siyáng pangulo noong 1953. Napakapopular na pangulo ni Magsaysay. Ngunit pinutol ng aksidente ang kaniyang pamumunò. Napangasawa niya si Luz Banzon ng Balanga, Bataan at nagkaroon ng apat na anak. Isa, si Ramon Jr. ay naging senador. Ang totoo, namaná ng kaniyang kapatid na si Genaro ang paghanga ng bayan at naging senador din, bukod sa patuloy na nagwawagi sa eleksiyong lokal sa Zambales ang apelyidong Magsaysay. May Ramon Magsaysay Foundation din ngayong nangangasiwa sa isang pondo na iginagawad sa mga dakilang Asyano sa iba’t ibang larang ng paglilingkod sa bayan. (VSA)

Mahál na Araw
Ang Mahál na Araw o Semána Sánta ay isang tradisyon ng mga Katolikong Kristiyano bilang pag-alala sa sakripisyong ginawa ni Hesukristo bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang totoo, apatnapung araw ito ng pagdarasal at penitensiya, at tinatawag na Kuwarésma (mula Espanyol na cuaresma). Nagsisimula ito sa Miyerkolés ng Abó o Miyerkoles de Senisa at pinapahiran ang mga deboto sa noo ng tanda ng krus gamit ang abó bilang sagisag ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Pagpapaalala rin ito sa kanila na ang tao ay nagmula sa abó at sa abó rin babalik. Tampok ng Kuwarésma ang sanlinggong Mahal na Araw na nagtatapos sa pagdiriwang ng resureksiyon ni Hesus o Paskó ng Mulîng Pagkabúhay na ginaganap sa araw ng Linggo. Bukod sa pagdarasal, pangunahing mga sakripisyong ginagawa tuwing Mahal na Araw ang pag-aayuno o hindi pagkain ng karne, pagbibigay ng limos, at bisíta iglésya o pagdalaw sa mga simbahan at kapilya. Ilang penitente ang nagpaparusa sa sarili, at ginagaya ang sakripisyo ni Hesus sa pagpapalò sa sarili at sa nagpapasan at nagpapapakò sa krus. Sa panahong ito ginagawa ang pabása o pag-awit sa pasyón at ang pagtatanghal ng senakuló. (IPC) (ed VSA)

maharliká
Maharliká ang tawag sa mga kasapi ng nakakataas na uri sa pre-kolonyal na lipunang Filipino. Maaaring nagmula ang uring ito sa pag-iisang-dibdib ng isang miyembro ng umiiral na naghaharing pamilya at ng miyembro ng pamilyang naalis na sa puwesto, o kaya’y ng miyembro ng isang nabihag na pamilya na nakipagsundo para mapanatili sa kanila ang ilang pribilehiyo. Nakakahalubilo ng mga maharlika ang mga datu sa ilang gawain, at bagama’t hindi nila kailangang magbayad ng buwis, inaatasan silang tumulong sa karaniwang gawaing pangkomunidad tulad ng pagtatanim sa bukid at pakikipagdigma. Malimit silang maglaan ng serbisyo para ipagtanggol ang kanilang datu kapalit ng pribilehiyong makibahagi sa biyaya ng pakikidigma. Katulad ng mga timawa na ganap ding malaya, hindi sila maaaring bilhin o ibenta at mayroon din silang karapatang mamili ng datu na kanilang pagsisilbihan. Ngunit kung ang isang maharlika ay lilipat ng pagsisilbihang datu, kailangan niyang magbayad sa datu na napagpasiyahan na niyang iwan. (MBL) (ed GSZ)

makabáyan
Ang báyan ay isang sinaunang konseptong politikal. Mula dito sumilang noon pa ang mga konsepto ng namamáyan, mamamayán, at bayáni. Ngunit ang konsepto ng makabáyan ay isinilang lámang sa panahon ng paghihimagsik laban sa kolonyalismong Espanyol. Nagmula ito sa pagkakabit ng unlaping “maka-“ sa ugat na “báyan.” Ang “maka-“ bilang pambuo ng pang-uri ay nagsasaad ng pagkiling o pagpanig, kayâ ang makabáyan ay tumutukoy sa nagmamahal, nagtataguyod, at nakahandang magtanggol sa kapakanan ng sariling bayan. Maaari itong itapat sa patriyótikó (patriotico) ng Espanyol at mahigpit na kaugnay ng paglinang sa pag-ibig sa tinubuang lupa na nagbunsod sa Himagsikang 1896. Paano ba maging makabáyan? Sang-ayon sa tinatawag na Kartilya ng Katipunan (popular na tawag sa “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na sinulat ni Emilio Jacinto), pangunahing tungkulin ng makabáyan ang pagkilos sang-ayon sa itinitibok ng pag-ibig sa bayan. Nakaugat ito sa pagmamahal ng isang Anak ng Bayan sa kaniyang dangál—ang mataas at matibay na pagpapahalaga ng tao sa kaniyang sarili, at pagmamahal sa kapuwâ. Para kay Jacinto, ito ang mga bukal ng paghahangad ng kalayaan at pagiging demokratiko at makatarungan. Kung mahal mo ang sarili mo at kapuwâ mo Filipino, hindi ka papayag na maapi. Maghihimagsik ka kapag may humamak sa iyong karapatan. Sa kabilâng dako, ito ang patnubay mo upang igálang ang dangál ng kababayan at ipagtanggol ang puri ng kababaihan, anak, at mga mahinà sa lipunan. Ang pag-ibig sa dangal ay nangangahulugan din ng pamumuhay para sa isang “banal at malaking kadahilanan,” pagkakaroon ng hiyâ, “di napaaapi at di nang-aapi,” at “marunong magdamdam at marunong lumingap sa baying tinubuan.” Nagbabago ang moral na sandigan ng makabáyan sa pana-panahon. Nadadagdag ang higit na kailangan ng bayan mula sa mamamayan bukod sa matapat na pag-ibig sa bayan. Basahin at suriin ang mga tungkulin ng isang makabagong Filipino sa kasalukuyang “Panatang Makabáyan.” (VSA)

Francisco Makabulos
(17 Setyembre 1871-30 Abril 1922) Si Francisco Makabulos (Fran·sís·ko Ma·ka·bú·los) ay isang heneral ng rebolusyonaryong hukbo sa Tarlac noong Himagsikang 1896, at tagapagtatag ng isang pansamantalang pamahalaan sa Gitnang Luzon sa panahong ito. Isinilang siyá noong 17 Setyembre 1871 sa La Paz, Tarlac kina Alejandro Makabulos ng Lubao, Pampanga at Gregoria Soliman. Naging tinyente mayor at kabesa de barangay siyá sa kaniyang bayan. Pagkatapos maging kasapi ng Katipunan noong 1896 sa pamamagitan ni Ladislao Diwa, inorganisa niya ang unang pangkat ng mga Katipunero sa kaniyang bayan. Isa rin siyá sa mga pumirma sa Konstitusyong Biyak-na-Bato at “Francisco Soliman” ang kaniyang inilagda. Pagkaraan ng Kasunduang Biyak-na-Bato, hindi siyá sumáma kay Hen. Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Nilansag niya ang kaniyang pangkat noong 14 Enero 1898 ngunit pagkaraan lámang ng tatlong buwan ay muling kumilos para ipagpatuloy ang pakikidigma sa mga Espanyol. Sinabi niyang “laban sa kagustuhan ng sambayanan” ang Kasunduang Biyak-naBato. Ang itinayô niyang pamahalaang rebolusyonaryo ay may tinatawag na “Konstitusyong Makabulos” ang saligang-batas na ginawa noong 17 Abril 1898 ng isang pagtitipon ng mga rebolusyonaryong mamamayan sa Tarlac. Dahil pinamunuan ni Francisco Makabulos ang pagtitipon at pagsulat ng saligang-batas, karaniwan itong ipinapangalan sa kaniya. Noong Setyembre 1898, pagkaraang bumalik ni Aguinaldo, isa si Makabulos sa nahirang na 12 brigadyer heneral ng rebolusyonaryong pamahalaan. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano, nakipaglaban siyá sa Pampanga at Tarlac. Isa siyá sa mga kapanalig ni Hen. Antonio Luna at sinasabing malamang na kasámang napatay sa Cabanatuan, Nueva Ecija kung natanggap agad niya ang sulat ni Luna para magkita silá roon. Sumuko si Makabulos sa mga Amerikano noong 15 Hunyo 1900. Kasáma siyá sa pagtatatag ng Partido Federal ngunit pagkaraan ay lumipat sa Partido Democrata. Nahalal siyang konsehal, bise-presidente, at pagkaraan ay presidente sa kaniyang bayan. Pumanaw siyá noong 30 Abril 1922. (PKJ) (ed VSA)

Malacañang
Ang Palasyo ng Malacañang (Ma·la·kan·yáng) ang opisyal na tahanan at opisina ng Pangulo ng Filipinas. Sinisimbolo nito ang kapangyarihang pampanguluhan ng bansa. Matatagpuan ang Malacañang sa Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila at nakatayô sa pampang ng Ilog Pasig. Dito nanirahan ang lahat ng naging pinunò ng bansa mula kay Gobernador Heneral Rafael de Echague noong 1863, maliban kay Heneral Emilio Aguinaldo, hanggang kasalukuyan. Ang malaking bahay-na-bato sa pampang ng Ilog Pasig ay ipinatayô ni Don Luis Rocha noong gitnang bahagi ng 1700. Si Don Rocha ay isang negosyanteng Espanyol at ang kaniyang bahay-na-bato ay ginamit na bahay-pahingahan. Noong 16 Nobyembre 1802, ipinagbili ni Don Rocha ang bahay-na-bato kay Koronel Jose Miguel Formento sa halagang isang libong piso. Ipinagbili naman ng Koronel ang bahay sa pamahalaang kolonyal ng Espanya noong 22 Enero 1825 sa halagang limang libong piso. Ginamit na bakasyunan ng gobernador-heneral ang bahay-na-bato kung tag-araw. Noong 1863, sinira ng isang malakas ng lindol ang palasyo ng gobernador heneral sa Intramuros. Kayâ nagpasiya ang pamahalaang kolonyal na gamitin ang Malacañang bilang opisyal na palasyo at tirahan ng pinunò ng kolonya. Sinasabing ang pangalang Malacañang ay mula sa katagang “May lakan diyan” na nangangahulugang tirahan ito ng mataas-na-tao sa lipunan. Marami ang ginawang pagbabago sa palasyo mula nang ito’y bilhin ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. Niluwangan ang azotea, nagtayô ng mga bagong gusali sa paligid, at pinaganda pa ang hardin. Pinalaki naman ng mga Amerikano ang nasasakupang lupain ng palasyo at nagtayô rin ng bagong gusali. Nanirahan sa Palasyo ng Malacañang ang labingwalong gobernador-heneral ng Espanya at labing-apat na gobernador sibil ng Estados Unidos. Si Pangulong Manuel L. Quezon ang unang Filipinong pinunò na nanirahan dito noong 1935. (SMP) (ed VSA)

Malakás at Magandá
Noong unang panahon, sang-ayon sa alamat ng paglikha ng mga Tagalog, may langit lámang at may dagat. At may isang ibong lilipad-lipad. Isang araw, napagod ang ibon sa kalilipad ngunit wala itong mapagpahingahan. Nag-isip ito ng paraan. Pinagálit nitó ang dagat at umalon ito ng pagkataastaas hanggang langit. Nagálit ang langit at naghagis ng mga bato sa dagat. Nagkaroon ng lupa at ito ang dinapuan ng ibon. Nagmahalan ang simoy dagat at simoy lupa at nanganak ng isang piraso ng kawayan. Bumagsak ang kawayan sa dagat at tinangay ng alon sa dalampasigang pinamamahingahan ng ibon. Nagálit ang ibon nang matumbok ng kawayan ang paa nitó at tinuka nang tinuka ang kawayan. Mula sa isang biyas ng kawayan ay lumabas si Malakás, ang unang lalaki. Mula sa ikalawang biyas ay lumabas si Magandá, ang unang babae. Sina Malakás at Magandá ang unang mga tao sa daigdig. Silá ang saksi sa pagsilang ng mga halaman at punongkahoy, pagtaas ng mga gulod at bundok, at pagdami ng mga hayop at isda. Tinamasa nilá ang kagandahan ng kalikasan. Binigyan nilá ng pangalan ang mga hayop, isda, at halaman. Nang lumaon, tinawag ng lindol ang lahat at tinanong kung dapat maging mag-asawa sina Malakas at Maganda. Sumang-ayon ang lahat. Ikinasal ng liwanag at simoy ang dalawa at nagkaroon ng maraming anak. Nagpunta sa iba’t ibang dako ang mga anak nina Malakas at Maganda. Sa kanila nagmula ang mga lahi ng sangkatauhan. (EGN) (ed VSA)
-mula sa Seven Golden Cities of the Sun (1981)

maliputó
Kilalá rin ang maliputó sa tawag na talakítok na nabibilang sa pamilya Carangidae. May limang uri ng maliputó na matatagpuan sa Filipinas at ang mga ito ay nása grupo ng Caranx at Carangoides. Matatagpuan ito sa Indo-Pasipiko, silangang baybayin ng Aprika, hilaga hanggang timog ng Japan, at timog hanggang hilaga ng Australia. Ang Caranx ignobilis ang pinakakilaláng uri ng maliputó May katawan at ulo ito na malaginto at may tiyan na kulay pilak. Pinoprotektahan ang mga mata nitó ng naaaninag na taba ng talukap. Kadalasang kulay abo at itim ang mga palikpik nitó, kulay dilaw o itim ang buntot, at maaaring may kaliskis ang dibdib. May apat hanggang walong tinik sa harapan ng palikpik sa likod ng maliputó at may isang tinik ito sa may hulihan bahagi. Mahabà ang palikpik sa likod samantalang may dalawang magkahiwalay na tinik ang palikpik nitó sa may puwitan. Payat at magkahiwalay ang buntot. Kadalasang makikita ito sa mabuhangin at mabatong lugar tulad ng bahura. Pumapasok din ang isdang ito sa mga ilog at nangingitlog sa mababaw na bahagi ng dagat at sa mga bahura. Naginginain ang mga matatandang maliputo ng mga hayop at isda sa mga bahura tuwing gabi. Dahil ito sa kanilang maliksing paglangoy sa gabi o tuwing takipsilim. Sa araw naman, pagiling-giling na nagtititipon ang mga maliputó at dahan-dahang nagkakawan sa labas ng bahura. Ang pinakamalaking naitalâ ay may habàng 1.7 metro at may bigat na higit sa 60 kilo. Nahuhúli ang isdang ito sa pamamagitan ng pante at pukot. Sa Filipinas, katutubo ang maliputó sa Lawang Taal kayâ kailangang paigtingin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga regulasyon para mapabuti ang kalidad ng tubig sa lawa. Ayon sa kasalukuyang pag-aaral, maaari nang paitlugin ang isang maliputó habang nakakulong. (MA) (ed VSA)

malmág
Ang malmág o Philippine Tarsier (Tarsius syrichta o Carlito syrichta), ay isang uri ng unggoy na nanganganib nang mawala. Sa Filipinas lámang ito matatagpuan. Makikita ang malmág sa timog-silangang bahagi ng Filipinas, lalo na sa Bohol, Samar, Leyte, at sa Mindanao. Miyembro ito ng 45 milyon nang taóng pamilya Tarsiidae, na kinuha ang pangalan sa pahabâ nitóng tarsus (ankle bone) o buol. Napabalitang nakita rin ang malmag sa Sarangani, ngunit maaaring ibang subspecies iyon. Maliit lámang ang malmag, may sukat itong 85-160 milimetro (3.35-6.30 pulgada) ang taas, kayâ ito ang pinakamaliit na uri ng unggoy. Mahirap itong makita dahil sa kaliitan. Ang lalaking malmag ay tumitimbang lamang ng 80-160 gramo (2.8-5.6 libra). Mas maliit ang mga babaeng malmag. Ang isang matandang malmag ay kasinlaki lamang ng kamao ng isang tao. Kagaya ng ibang tarsier, nakapirmi ang mga matá ng malmag sa bungo, hindi ito naigagalaw. Sa halip, isang adaptasyon sa leeg nitó ang nagpapahintulot na maigalaw nitó ang bilugang ulo nang 180 digri. Napakalalaki ng mga matá ng malmag, pinakamalaki ito sa proporsiyong matá-sa-katawan sa lahat ng mammalia. Napakalinaw tuloy ng paningin sa gabi. Nokturnal ang malmag. Ang malalaking tainga ng malmag ay mabilis na naikikilos kayâ napakatalas din ng pandinig. Maraming programa nang ginawa ng pamahalaan upang mailigtas ang malmag sa pagkaubos. Ang mga unang hakbang ay sinimulan noong 1988 sa isang pag-aaral upang tukuyin ang mga pangangailangan sa tirahan ng unggoy na ito. Ginawa ito sa Corella, Bohol ng Parks and Wildlife Bureau (PAWB) sa tulong ng Wildlife Conservation International. Sinundan ito ng Philippine Tarsier Project ng Kagawaran ng Kaligiran at Likas Yaman (DENR) sa Rehiyon 7. Noong 30 Hulyo 2001, nilagdaan Batas blg. 9147, na kilala rin sa tawag na Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Ito ay para sa konserbasyon at proteksiyon ng mga yamang gubat kasama na ang mga tirahan ng malmag, at pag-uutos na isáma ito sa talaan ng mga pangunahing species sa Filipinas. (SSC) (ed VSA)

málong
Ang málong ay isang tradisyonal na “tubo palda,” may iba’t ibang kulay na telang koton, at iba’t ibang disenyong heometriko o okkir. Tinatawag itong “tubo palda” dahil bawat piraso ng damit, lalo na ang nabibili sa kasalukuyan, ay pinutol na tila túbo. Ang málong ay kamag-anak ng sarong ng mga tao sa Malaysia, Brunei, at Indonesia at karaniwang damit ng Muslim sa anyong panabi. Ang málong ay maaaring palda para sa kalalakihan at kababaihan. Bukod sa damit, ginagamit itong kumot, tabing, bedsheet, bihisan, duyan, banig ng panalangin, at iba pang mga layunin. Ang isang bagong panganak ay ibinabálot sa isang málong. Kapag namatay, ibinabálot siyá sa isang málong. Ang málong ay ginagamit sa malalaking pista at isinusuot ito upang ipakita ang paggálang. Ang gawang-kamay na málong ay mula sa sinaunang habihan ng Maranaw, Magindanaw, at Tiboli. Ang estilo ng málong ay maaaring magpahiwatig ng panliping pinagmulan ng manghahabi, tulad ng landap ng Maranaw. Ang gawang-kamay na málong ay mahal kayâ ang pang-araw-araw at modernong málong ay gawa sa koton at sintetikong sinulid mula sa mga pabrika ng tela. (RBT) (ed VSA)

Andrés Málong

(sirka 1660) Si Andrés Málong ang namunò ng pag-aalsa sa Pangasinan laban sa mga Espanyol noong 1660-1661. Lumaki si Malong sa Binalatongan, Pangasinan at naging isang maestre de campo. Noong 15 Disyembre 1660 nanguna siyá sa isang pangkat na pumatay sa alguacil mayor ng Lingayen. Mabilis na dumami ang kaniyang pangkat at nang salakayin nilá ang nayon ng Bagnotan ay sinasabing mahigit apat na libo silá. Kumalat ang pag-aalsa sa buong lalawigan. May dalawang buwan lamang tumagal ang pag-aalsa ngunit itinuturing na mahalaga ito dahil sa dami ng mga sumámang Filipino. Ipinahayag ni Malong ang sarili na Hari ng Pangasinan at ginawang konde ang kaniyang ayudanteng si Pedro Gumapos. Pagkatapos, nagpadalá siyá ng mga ulat sa Ilocos at Cagayan na nag-uutos sa lahat na kumilala sa kaniyang kapangyarihan at mag-alsa laban sa mga Espanyol. Pati si Francisco Maniago ng Pampanga ay pinadalhan niya ng ganitong sulat at sinabihang sasalakayin kapag hindi umanib sa kaniya. Binigyan niya ng anim na libong tauhan si Melchor de Vera at itinalaga sa Pampanga. Binigyan naman niya si Gumapos ng tatlong libong tauhan at inutusang kunin ang Ilocos at Cagayan. Sa kabila ng maraming sundalong itinalaga sa dalawang ayudante ay may natira pa sa kaniyang dalawang libong tauhan. Nagpadalá ng sundalo ang pamahalaang Espanyol sa ilalim nina Heneral Felipe de Ugalde at Heneral Francisco de Esteybar. Bago magtapos ang Enero 1661, sunud-sunod ang naging pagkatalo ng mga rebelde hanggang mapilitang magtago sa bundok si Malong at ilang tauhan. Noong 6 Pebrero 1661, nadakip si Malong sa kubong pinagtataguan kasáma ang inang si Beata Santo Domingo. Dinalá si Malong sa Lingayen at doon pinatay. (PKJ) (ed VSA)

malunggáy
Ang malunggáy (Moringa oleifera) ay ang pinakakaraniwang itinatanim at inaalagaang uri ng genus Moringa, na siya lámang genus sa pamilya Moringaceae. Makitid o payat ang punò ng malunggay, nakatungo ang mga sanga, at tumataas nang mga 10 metro. Sa karaniwang pag-aalaga nitó, pinuputol ang punò upang maging isang metro lámang ang taas at nang lumago muli ang mga sanga at dahon nitó, at upang madalîng maabot ng kamay ang mga ito. Ang mga muràng bunga na tinatawag na “drumstick” ay kinakain na parang berdeng bataw at may lasang hawig sa asparagus. Inaalis ang mga buto sa magulang na bunga at kinakain na parang kagyus o kadyos. Maaaring inihaw ang luto sa mga buto. Ang mga bulaklak ay iniluluto rin upang kainin at may lasang kabute. Niyayadyad naman ang mga ugat nitó upang gawing pampalasa sa pagkain. Malaki ang halagang nutriyon ng malunggay. Masustansiya ang mga dahon ng Moringa, mayroon itong beta-carotene, bitamina C, protina, iron, at potassium. Iniluluto ang mga dahon at ginagamit na parang spinach. Karagdagan rito, tinutuyo ang ma dahon, pinupulbos, at ginagamit bilang pampalasa sa mga sabaw at sawsawan. Ang murungakai, na gáling sa malunggay, ay kilalá sa Tamil Nadu at Kerala bilang gamot sa iba’t ibang sakit. Ginagamit rin ito bilang aphrodisiac. Ang punò ng malunggay ay mayaman sa calcium at phosphorus. Malaking tulong ang nagagawa ng mga dahon ng malunggay sa pagpaparami ng gatas ng ina sa panahon ng kaniyang pagpapasuso. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang isang kutsarang pinulbos na tuyong dahon ng malunggay ay nagbibigay ng 14% protina, 40% calcium, 23% iron at maraming bitamina A na kailangan ng isang sanggol mula isa hanggang tatlong taóng gulang. Ang anim sa kutsara ay magbibigay ng lahat ng pangangailangan sa calcium ng isang babae sa panahon ng kaniyang pagbubuntis at pagpapasuso. Ang mga buto ng Moringa ay nagbibigay ng 38–40% langis (na tinatawag na ben oil dahil sa mataas na konsentrasyon ng behenic acid). Ang langis na ito ay malinaw, walang amoy, at hindi nasisira sa matagal na panahon. Pagkatapos makuha ang langis, ang sapal ay maaaring gamitin bilang abono. Sa ibang bansa, ang balát ng punò, dagta, ugat, dahon, buto, at bulaklak ay ginagamit sa tradisyonal na panggagamot. Sa Jamaica, ang dagta ng malunggay ay pinagkukunan ng asul na tina o pangkulay. (SSC) (ed VSA)

Miguel Malvar
(27 Setyembre 1865-13 Oktubre 1911) Si Miguel Carpio Malvar (Mi·gél Kár·pi·yó Mal·vár) ang karaniwang ipinalalagay na hulíng heneral na sumuko noong Digmaang FilipinoAmerikano. Siyá ang umakò sa responsabilidad ng pamumunò ng hukbong Filipino pagkatapos madakip si Emilio Aguinaldo. Isinilang siyá noong 27 Setyembre 1865 sa Santo Tomas, Batangas kina Tiburcia Carpio at Máximo Malvar, isang mariwasang magsasaka. Naging mahilig din si Malvar sa pagsasaka at unang nakilala bilang mahusay na komersiyante. Nang makaipon, bumili siyá ng lupain sa Bundok Makiling at sa Santo Tomas na pinatamnan ng dalandan. Sinasabing naging matagumpay ang kaniyang pagsasaka at ipinangalan pa sa kaniya ang uri ng dalandan na ikinalat niya. Naging gobernadorsilyo siyá sa Santo Tomas at agad nakilaban nang sumiklab ang Rebolusyong Filipino. Noong 31 Marso 1897 ay hinirang siyáng tinyente-heneral ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pagkatapos, naging komandante heneral siyá para sa lalawigan ng Batangas. Siyá ang hulíng nagsuko ng armas pagkatapos ng Kasunduang Biyak-na-Bato. Sumunod siyá kay Aguinaldo sa Hong Kong pagkaraan ng isang taon. Nang bumalik siyá sa Filipinas noong 15 Hunyo 1898 ay may dala siyáng dalawang libong riple. Nagtayô muli siyá ng hukbo sa Batangas, Mindoro, at Tayabas (Quezon ngayon) at naging komandante heneral para sa Katimugang Luzon. Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano ay nahirang siyáng brigadyer heneral at nangasiwa sa mga pagtatanggol sa Katimugang Luzon. Magiting na ipinagtanggol ng kaniyang pangkat ang mga bayan ng Pagsanjan, Pila, at Santa Cruz sa Laguna. Nang manghinà ang buong hukbong Filipino, naglunsad ng kilusang gerilya si Malvar sa paligid ng Bundok Makiling. Nang madakip si Aguinaldo, ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa mga Amerikano hanggang noong 16 Abril 1902. Pagkaraang sumuko, namuhay siya nang tahimik at nagbalik sa pagsasaka at pagnenegosyo. Namatay siyá sa Maynila noong 13 Oktbure 1911. May ilang historyador at kongresista ding nagpapanukalang hirangin si Malvar bilang ikalawa sa talaan ng mga Pangulo ng Filipinas, ngunit hindi ito kinikilala ng pamahalaan sa kasalukuyan. Ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Batangas. (PKJ) (ed VSA)

mamamayán
Ang mamamayán ay kasapi ng politikal na pamayanan o komunidad. Bilang kasapi ng pamayanan, pinagkakalooban siyá ng Saligang Batas ng mga natatanging karapatan at pribilehiyo na hindi natatamasa ng isang dayuhan. Kabilang sa mga pribilehiyo ng mamamayán ang karapatang bumoto at mahalal, magmay-ari ng lupain sa Filipinas, at magtapos ng propesyon. Ang isang tao ay ituturing na kasapi ng pamayanang Filipino kung siyá ay mamamayán na nang pagtibayin ang Konstitusyong 1987. Itinuturing ding mamamayan ang indibidwal batay sa kapanganakan o sa pagpapairal ng batas pagkamamamayan ng Filipinas. Kinikilála ng batas sa Filipinas ang dalawang prinsipyo ng pagkamamamayan. Sa prinsipyo ng jus sanguinis, ang pagkamamamayan ng magulang ay sinusunod ng anak. Ibig sabihin, kung parehong Filipino ang mga magulang, ang anak ay Filipino rin kahit isilang siyá sa ibang bansa. Ang prinsipyo naman ng jus soli ay nagtatakda ng pagkamamamayan batay sa lugar ng kapanganakan. Kung ang isang batà ay isinilang sa Estados Unidos, ituturing siyáng mamamayán ng nasabing bansa ayon sa prinsipyong jus soli. Subalit kung ang mga magulang niya ay parehong Filipino, mananatili pa rin siyáng mamamayán ng Filipinas ayon sa prinsipyo ng jus sanguinis. May dalawang uri ng mamamayáng Filipino: ang katutubo at naturalisado. Katutubong mamamayán ang turing sa isang indibidwal kung ang mga magulang niya ay kapuwa Filipino. Ang mga isinilang bago ang 17 Enero 1973; may inang Filipina; at pinilì ang pagkamamamayang Filipino ay itinuturing ng batas na katutubo. Ang isang dayuhan ay maaaring maging naturalisadong mamamayán ng Filipinas sa pamamagitan ng proseso ng naturalisasyon. (SMP) (ed VSA)
Mga komyuter sa LRT

manananggál
Isang katutubong uri ng aswang ang manananggál. Karaniwang ilarawan ito na isang magandang babae na naihihiwalay ang pang-itaas na bahagi ng katawan hanggang baywang upang lumipad at naiiwan ang pang-ibabâng bahagi ng katawan sa lupa. Sinasabi rin na gumagalà sa himpapawid ang manananggál kapag kabilugan ng buwan at ang hinahanap na biktima ay buntis. Naaamoy nitó kahit napakalayò ang sanggol sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao. Alinsunod sa mga kuwento, umaaligid muna sa tahanan ng buntis ang manananggál. Mapapansin ito kapag nakarinig ng tunog na “Wak! Wak!” Na sinasabi ring huni ng tila paniki nitóng alaga, at kayâ tinatawag ang alaga na “wakwák.” Kapag natiyak na natutulog nang mahimbing ang maganak sa bibiktimahing tahanan ay lumalapag ang manananggál sa bubong. Gumagawa ito ng butas sa bubong upang silipin ang buntis at upang doon ihulog ang dila nitó na nagiging tila isang mahabàng sinulid. Sinasabing sumusuot ang sinulid sa púsod ng buntis at sinisipsip ng manananggál ang fetus. Kung minsan, sinusungkit nitó pati atay at puso ng biktima. Kailangang makabalik ang manananggál sa kalahating katawan bago magumaga dahil malulusaw ito sa sinag ng araw. Sinasabi rin na hindi naman maibabalik ang lumilipad na bahagi kapag binudburan ng asin o binuhusan sukà ang pang-ibabâng bahagi. Malimit na naiiwang patayô ang pangibabâng bahagi sa gitna ng sagingan. Mahirap itong makita dahil mukhang pinutol na punò ng saging lámang. (EGN) (ed VSA)

-Mula sa Aklat Adarna

Vicente S. Manansala
(22 Enero 1910-22 Agosto 1981) Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1982 si Vicente S. Manansala (Vi·sén·te Es Ma·nan·sá·la). Bahagi siya ng tinaguriang “Thirteen Moderns.” Gaya ng iba pang modernista, pinili ni Manansala na ipakita ang sining gaano man kapangit ang tema o kaligirang kinapapalooban ng kaniyang mga paksa. Protesta ang mga obra niya sa klasikong Amorsolo. Ang kaniyang unang solong eksibisiyon ay ginanap sa Manila Hotel noong 1951. Nakilala siya sa estilong kubismong naaaninag (transparent cubism)–ang kaniyang mga pigura sa kanilang pinakapayak na hugis heometriko ay nanatiling nakikita sa kanilang kabuuan. Binigyan ng bagong buhay ni Manansala ang kubismo sa pamamagitan ng paggamit sa mga karaniwang kaligirang Filipino at mga katutubong tema sa konteksto ng nagbabagong kalungsuran. Makikita ang ganito sa Jeepneys, Calesa, Planting of the First Cross, Sinigang, Pila sa Bigas, Barong-barong at A Cluster of Nipa Hut. Naging bantog din ang kaniyang obrang nagtatampok sa mga tindera sa Quiapo na nakasuot ng belo. Si Manansala rin ang may likha sa lampas-táong mural sa pader na matatagpuan sa bulwagan ng Philippine Heart Center. Tumanggap siya ng karangalan sa kaniyang Barong-barong noong 1950 sa eksibisyong ginanap sa Manila Grand Opera House. Tumanggap din siya ng 1963 Republic Cultural Heritage Award at 1970 Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila. Isinilang siya noong 22 Enero 1910 sa Macabebe, Pampanga kina Perfecto Q. Manansala and Engracia Silva. Ikinasal siya kay Hermenegilda Diaz at biniyayaan ng isang supling. Sa murang gulang na 15 ay nag-aral siya sa ilalim ng pangangasiwa ng pintor na si Ramon Peralta sa paggawa ng mga signboard at billboard. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas, sa School of Fine Arts noong 1930. Nagpatuloy siya ng kaniyang pag-aaral sa Ecole de Beaux Arts sa Montreal, Canada at ilan pang pamantasan sa Estados Unidos at France. Naging ilustrador din siya para sa Philippines Herald at Liwayway at lay-out artist para sa Photonews at Saturday Evening News Magazine noong dekada 1930. Namatay siya noong 22 Agosto 1981. (RVR) (ed GSZ)

mandalâ
May panahong mahahabà at makakapal ang dayami ng pananim na palay kayâ matagal at yugto-yugto ang pagpapatuyo sa ginapas bago bayuhin. Ang unang yugto ay ang háya, o ang paghahalayhay sa ginapas na palay sa ibabaw ng pilapil. Kapag bahagyang natuyo, ang mga haya ay binibigkis. Ang mga binigkis ay itinutumpok sa binalimbíng, pinakamaliit na paraan ng tumpok sa mga binigkis at tinawag na gayon dahil katulad ng pinutol na bunga ng balimbing ang pinaghaharap na mga ulo ng apat na binigkis. Pagkaraan, pinagsasáma ang mga binalimbing upang bumuo ng mataas na sípok. Sa wakas at kapag tuyo na ang mga butil, hinahakot muli ang mga sipok upang bumuo ng isang mala-higanteng tumpok ng lahat ng binigkis. Ito ang tinatawag na mandalâ, na kung anihan ay tila matabang tore sa gitna ng kabukiran. May sinusunod na sistema sa paggawa ng mandalâ. Una, pumipili ng pook na bahagyang mataas kaysa ibang bahagi ng bukid. Upang kahit umulan ay hindi basta mababasâ ang paa ng mandalâ. Nililinis ang nahirang na pook at pinapatag. Ito ang tinatawag na “pátyo” (mula sa Espanyol na pateo) at sa gitna nitó itinatayô ang mandalâ. Ang estruktura ng mandalâ ay tila dinobleng sipok. May panloob na sipok at tila ubod ng mandalâ. Pagkaraan, iniikiran ito ng panlabas na halayhay hanggang sa taas na kailangan upang matipon ang lahat ng binigkis. Ang hulíng palapag ay tila balikat at nakahalayhay patingala ang mga uhay. Sakâ pinuputungan ito ng tinatawag na “pauló.” Ang pangwakas na palapag at ang paulo ay garantiya upang hindi makapasok ang tubig sa loob ng mandala kapag umulan at hábang hinihintay ang paglipat ng trilyadora. Ang paggiik ng trilyadora ay isang malaking pangyayari. Karaniwang maghapon at magdamag ang paggiik sa isang mandalâ. Naiipon ang maraming tao sa patyo sa ganitong pagkakataon. Bukod sa mga trabahador ng trilyadora, tagasahod ng balde, tagapagsako, tagapagkamada ay may mga nagmamasid na magsasaka. May tindahan ng pagkain at inumin. May namamagpag o mga tao na nagtitiis ng gilik sa ginikang ibinubuga ng trilyadora at nililinis ito para sa mga butil na natirang nakakabit pa sa mga uhay. Kung gabi’t malapit nang matapos ang paggiik at matuos na maganda ang ani ay nagkakaroon ng pagdiriwang. Nagpapainom ang may-ari ng bukid. (DRN) (ed VSA)

Mang
Ang Mang ay varyant ng Mamà, pantawag na magálang sa isang hindi nakikilálang lalaki, bagaman sa kaso ng Mang ay kailangang kakilála ang tinatawag o tinutukoy dahil kailangang idugtong sa pantawag ang pangalan nitó. Halimbawa ng gamit ng Mamà, “Saan po, Mamà, ang daan papunta sa bayan?” Halimbawa ng gamit ng Mang, “Saan po, Mang Teban, ang daan papunta sa bayan?” Katulad ito ng Ale at Aling na pantawag ng paggálang sa babae. Ang una ay ipinantatawag sa sinumang babae na hindi kakilála. Samantala, ang ikalawa ay laging sinusundan ng pangalan ng tinatawag: Aling Rosing, Aling Maria. Maraming ganitong sinaunang pantawag ng paggálang sa nakatatanda. Halimbawa ang Bápa at Ba para sa amain. Nag-iisa ang Bápa, ngunit kasunod ng Ba ang pangalan ng tinawag: Ba Martin, Ba Tomas. Higit na pleksible ang Kakâ at Kâ dahil maaaring gamitin sa nakatatandang lalaki o babae: Ka Berto, Ka Maria. Huwag ding kalimutan ang Mánong at Mánang mula sa Ilocos. Bukod pa rito ang pantawag na Kúya, Díko, Sangkó para sa nakatatandang kapatid na lalaki at ang Ate, Ditsé, Sansé para sa nakatatandang kapatid na babae. Ngunit napalitan na ang Mang at Ale ng Mister at Miss ngayon sa dila ng mga modernong tagalungsod. Ang nakatutuwa, para yata hindi masyadong magmukhang matanda, tinatawag na Kuya o Ate ang sinumang nais tukuyin kahit wika nga’y gurang na. (EGN) (ed VSA)

manggá
Ang manggá ay isang prutas na kabilang sa genus na Mangifera, na binubuo ng maraming bungang kahoy na tropiko sa pamilya Anacardiaceae. Katutubo ang mangga sa bansang India na pinagmulan nitó at kumalat sa buong mundo. Ang Mangifera indica ay ang uri ng mangga na pinakamaraming itinatanim at inaalagaan sa buong tropikong lugar sa mundo. Ang mangga ang pambansang prutas ng Filipinas, India, at Pakistan. Maraming varayti o lahi ng mangga, iba’t iba ang kulay ng bunga, at iba’t iba rin ang lasa kapag hinog na. Ang mga bunga ay maaaring mahinog sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Karaniwang matamis at may napakasarap na lasa ang bunga ng hinog na mangga. Lumalaki ang punò ng mangga nang 35-40 metro (115-130 piye) ang taas. Nabubuhay ito nang matagal na panahon. May mga punò ng mangga na namumunga pa kahit na ito ay mahigit nang 300 taon. Ginagamit rin ang mangga sa maraming menu o lutuin. Ang maasim at hilaw na mangga ay ginagamit sa preparasyon ng chutneys, athanu, pickles, o maaaring kainin nang may kaunting asin, sili, at soy sauce. Ang hinog na mangga ay kailangan rin sa preparasyon ng maraming uri ng curry. Sa ibang bansa, pinatutuyo at dinidikdik ang hilaw na mangga upang gumawa ng moramba at amchur. Hihihiwa nang maninipis ang mga pisngi ng hinog na mangga, tutuyuin, at pagkatapos ay ipapakete upang gawing export bilang pinatuyong mangga o dried mangoes. Sa Filipinas, kinakain ang hilaw na mangga kasama ng bagoong, o isasawsaw sa patis o sa asin. Gamit rin ang mangga sa paggawa ng mga nektar, inuming katas, o bilang pampalasa sa sorbetes. Maraming sangkap na halagang nutrisyon ang mangga. Mayaman ito sa mga phytochemicals, bitamina A, C, E, K at B6, at mga mineral tulad ng potassium at copper. Taglay rin ng mangga ang maraming amino acid na kailangan ng ating katawan. Naglalaban sa palengke kung alin ang mas matamis sa mangga mulang Guimaras o mulang Pangasinan o mulang Zambales. (SSC) (ed VSA)

Manila by Night
Pelikula ang Manila By Night (1980) na isinulat at idinirehe ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula Ishmael Bernal. Tampok dito ang mga artistang sina Charito Solis, Gina Alajar, Rio Locsin, Alma Moreno, Bernardo Bernardo, at Cherie Gil. Isang modernong paglalahad ng iba’t ibang naratibo ang pelikula, na nagkukrus ng mga landas sa huli upang mailahad ang nakakarimarim na imahen ng Maynila sa loob ng isang gabi. Natipon dito ang ilang personaheng kumakatawan sa buhay-Maynila: isang putang nagkukunwang nars, ang kinakasama niyang taksi drayber, at ang kalaguyo nitóng weytress. Sa kabilang bandá, may isa pang putang kasal sa isang dáting pulis—at may anak siláng nalulong sa droga dahil sa isang sigàng lesbiyana. Ang lesbiyanang ito’y umiibig sa isang bulag na masahista na may dalawang anak sa pagkadalaga. Itong masahista naman ay nangangarap na makarating sa Saudi Arabia. Kontrobersiyal itong pelikulang dahil ipinagbawal na maipalabas ng Board of Censors at ng dáting Unang Ginang Imelda Marcos. Upang maipalabas ito, napilitan ang prodyuser na putulan ito ng halos 30 minuto. Pinalitan din ang pamagat nitó at naipalabas na City After Dark. Kinikilala ang pelikula bilang isa sa pinakamahusay na likha ni Bernal. (LJS) (ed VSA)

Manila Times
Ang Manila Times (Ma·ní·la Tayms) ang pinakamatandang diyaryong nakasulat sa Ingles sa Filipinas. Ang unang tagapaglathala nito ay si Thomas Gowan, isang Englishman na may ilang panahon nang naninirahan sa Filipinas, para sa mga sundalong Amerikano sa bansa. Dalawang beses itong pansamantalang nagsara, ngunit muling nagbukás at patuloy na lumalabas. Noong 10 Oktubre 1898, inilabas sa isang boletin na may pamagat na The Manila Times ang unang press cable na natanggap sa Filipinas. Ibinalita nitó ang kumperensiya sa Paris upang wakasan ang Digmaang EspanyaEstados Unidos. Nagpatuloy ito ng araw-araw na pagbabalita noong 14 Marso 1930. Ngunit ipinasiya ng mga anak ni Don Alejandro Roces na ipagpatuloy ito. Binili nilá ang imprenta ng Tribune-Vanguardia-Taliba at nagtayô ng korporasyon, ang The Manila Times Publishing Co., Inc. Naging pinakamalaking peryodikong pambansa ang Manila Times pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muli itong nagsara noong 23 Setyembre 1972 nang ipataw ang batas militar sa Filipinas. Nagbukas na muli ito noong 5 Pebrero 1986, ngunit ibinenta ito kay John Gokongwei. Napilitan si Gokongwei na ibenta ito kay Mark Jimenez nang idemanda ang diyaryo ng noon ay Pangulong Joseph Estrada dahil sa ibinalita nitó na “ang pangulo ay naging di sinasadyang ninong ng isang maanomalyang transaksiyon.” Noong 8 Agosto 2001, pormal nang naupô bilang publisher at may-ari ng Manila Times si Dante Ang. (AEB) (ed VSA)

E. Arsenio Manuel

(1909-Disyembre 2003) Espiridion Arsenio Manuel (Es·pi·rid·yón Ar·sén·yo Man·wél) ang buong pangalan ni E. Arsenio Manuel, pangunahing antropologo, at itinuturing na “Ama ng Makabagong Pag-aaral ng Polklor sa Filipinas.” Ang mahigit kalahating siglong pananaliksik niya ay ginugol sa dokumentasyon ng pangkating lumad sa Gitnang Mindanao, pagrekord at pagsasalin ng tatlong epikong-bayan, at mga saliksik sa kasaysayan, panitikan, at linguwistika. Isinilang si Manuel sa Santo Domingo, Nueva Ecija. Nagtapos siyá sa University of Manila noong 1935, nagmaster sa University of the Philippines noong 1954, at nagdoktorado sa University of Chicago noong 1969. Naglingkod siyáng propesor sa UP hanggang magretiro. Kabilang sa mga gawad niya niyang tinanggap ang 1989 CCP Gawad para sa Sining, ang 1991 National Social Scientist Award, at ang 2000 Dangal Alab ng Haraya mulang National Commission for Cultrure and the Arts (NCCA). Ipinakilála niya sa madla ang epikong-bayang Tuwaang at Agyu. Bukod sa mga pagsusuring antropolohiko, itinuturing na mahalagang saliksik niya ang apat na bolyum na Dictionary of Philippine Biography (1955-1970), Tayabas Tagalog Fragments from Quezon Province (1958), A Survey of Philippine Folk Epics (1963), A Lexicographic Study of Tayabas Tagalog in Quezon Province (1971), Documenting Philippinesian: An Inquiry into the Ancestry of the Filipino People (1994). Itinaas niya ang pamantayan sa saliksik hinggil sa polklor ng Filipinas. Kayâ wika ng parangal sa kaniya ng NCCA, kahit ang designasyon sa kaniya bilang “Ama ng makabagong Pag-aaral ng Polklor sa Filipinas” ay hindi sapat upang “itanghal ang esensiya” at kabuluhan ng kaniyang mga trabaho. Namatay siyá noong 2003. (EGN) (ed VSA)

maratabát
Isang salitâng Arabe ang maratabát at “paggálang” ang ibig sabihin. Sa mga Filipinong Muslim, lalo na sa mga Maranaw at Tausug, katumbas ito pag-iingat sa dangál at mataas na pagpapahalaga sa sarili. May varyant itong malatabát at maatabát sa Magindanaw. Malimit itong maipagmalî ng mga di-Muslim sa rído o pagpapatayan dahil sa higantihan. Totoo na nauuwi sa marami nang pagkakataón ang maratabát sa rído ngunit hindi dahil kailangan ang rído para mapairal ang maratabát. Ang maratabát ay isang kodigong moral na gumagabay sa tao kung paano niya dapat tingnan ang sarili, ang kaniyang pamilya, at iba pang tao sa komunidad. Kapag sinunod niya ang tuntuning moral ay maaari niyang asahan na sundin din ito ng iba para sa kaniya. Ngunit kung hindi niya iginálang ang tuntunin ay wala siyáng karapatang manghingi ng paggálang sa iba. Nagiging batayan ito ng mabisàng pamamalakad sa lipunan at ng katumpakan sa bawat kilos ng tao. Kung hindi mabuti ang pamamalakad ng datu, hindi niya maaasahan ang pagsunod sa kaniya ng sambayanan. Kung hindi iginagálang ng ama ang kaniyang mga tigulang nang anak ay hindi kailangang igálang siyá ng mga ito. May kaugnay idn itong konsepto ng tindég o pangangalaga sa wastong posisyon sa lipunan. Sa gayon, may inaasahang pagpapahalaga ang prinsesa mula sa karaniwang tao. Mahigpit din itong kaugnay ng hiyâ. Kapag napahiyâ o hindi nasunod ang tindég, kailangang kumilos ang napahiyâ upang ibangon ang dangal. Ito ang pinagmumulan ng rído. (EGN) (ed VSA)

Ferdinand E. Marcos

(11 Setyembre 1917-28 Setyembre 1989) Sa ngayon, si Ferdinand E. Marcos (Fer·di·nánd E Már·kos) ang may pinakamahabàng panahon ng panunungkulan bilang pangulo ng Republika ng Filipinas. Nagwagi siyang pangulo sa halalang 1965 at muling nahalal noong 1969. Ngunit bago matapos ang administrasyon niya ay nagdeklara siyá ng Batas Militar noong 1972 at nagpairal ng diktadura hanggang 1986. Isinilang si Marcos noong 11 Setyembre 1917 sa Sarrat, Ilocos Norte kina Mariano Marcos at Josefa Edralin. Hinahangaan siyá sa katalinuhan. Sa Unibersidad ng Pilipinas siyá nagtapos mula mataaas na paaralan hanggang abogasya at lagi siyang nangunguna sa klase. Nagtapos siyáng cum laude noong 1939 at nagkamit ng President Quezon Award sa kaniyang tesis. Sumikat din siyá bilang magalíng na abogado at bayani sa digmaan. Hábang nagrerepaso para sa bar ay ipiniit siyá dahil sa hablang pagpatay kay Julio Nalundasan. Siyá ang nagtanggol sa sarili sa hukuman. Ang resulta, naabsuwelto siyá sa kaso at nanguna pa sa bar. Nagwagi siyang kongresista noong 1949, 1953, at 1957. Sa panahong ito niya nakilála ang Binibining Maynila na si Imelda Romualdez at pinakasalan. Tatlo ang anak nilá: sina Imee, Ferdinand Jr. (Bongbong), at Irene at dalawa sa kanila ang aktibo sa politika. Naging senador siyá noong 1959 at naging pangulo ng Senado pagkaraan ng eleksiyong 1961. Tinalo niya si Macapagal sa eleksiyong 1965, muling nahalal noong 1969, at nagdeklara ng Batas Militar noong 1972 para diumano supilin ang lumalalang pambansang krisis. Nagpatuloy ang krisis kahit inalis niya ang Batas Militar noong 1981. Noong 21 Agosto 1983, bumalik sa Filipinas si Benigno (Ninoy) Aquino Jr., ang kinikilálang pangunahing lider oposisyon, at pinatay sa tarmac ng Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport ngayon). Lumikha ito ng higit na kaguluhan. Napilitang tumawag si Marcos ng halalan noong 7 Pebrero 1986 at nakalaban niya si Corazon (Cory) C. Aquino, biyuda ni Ninoy. Ang malubhang dayaan sa halalan ay sinundan ng isang kudeta noong Pebrero 22 na tinangkilik ng taumbayan at naging tinatawag na People Power sa kahabaan ng EDSA (Epifanio de los Santos highway). Tumakas patungong Hawaii si Marcos at ang pamilya noong Pebrero 25. Doon na siyá iginupo ng matagal nang karamdaman noong 28 Setyembre 1989. (VSA)

Maria Clara
Pangunahing tauhang babae sa nobelang Noli me tangere ni Jose Rizal si Maria Clara (Mar·yá Klá·ra). Tawag din ito sa isang estilo ng kasuotang pambabae. Maituturing namang klasika ang “Awit ni Maria Clara.” Sa nobela, nakapag-aral sa Maynila, kakaiba si Maria Clara sa mga kababatang babae. Ipinamumulseras lamang niya ang rosaryo. Hindi niya nilulubos tapusin ang misa. Minsa’y hinagkan niya ang rebulto ni San Antonio sa pananabik sa kasintahan. Sa dulo pa ng nobela ay sinunggaban niya ang nobyo sa ulo at tatlong ulit na hinagkan sa labì. Isa ring siyang anak sa pagkakasala, bagaman sa dulo lámang niya nalaman na hindi siyá anak ni Kapitan Tiago at sa halip ay anak ni Padre Damaso. Ang kasuotang “maria clara” ay itinuturing na isa sa mga pambansang kasuotang pambabae. Manipis na tela na gaya ng sedang husi, pinya, at sinamay ang blusa nitóng puspos ng pinong borda. May katerno itong kuwadradong panyuwelo na itinupi nang patatsulok, ibinabalabal sa balikat na ang magkabilang dulo’y pinaglalapat ng alpiler sa dakong dibdib. Ang maluwang na palda ay karaniwang hanggang sakong ang habà at sunod ang dibuho sa pinakahulíng moda. Ang “Awit ni Maria Clara” ay isinulat ni Rizal ang mga titik at inawit ni Maria Clara sa kabanata ng pangingisda sa lawa. Pinaglalaruan nitó ang pag-ibig sa ina at pag-ibig sa Inang Bayan.
Kay tamis mabuhay sa sariling bayan At napapangiti ang mata pagtingin. Lahat kaibigan sa silong ng araw, Buhay kahit simoy na buhat sa parang, May ina ka bang nagmahal? Aliw ang mamatay, umibig ay banal. Dahil ako’y nalulumbay, Huwag akong hahanapan Ng ina kong akin lamang! May sarili ka bang bayan? Dahil ako’y nalulumbay, Kay tamis mamatay kung dahil sa Huwag akong hahanapan bayan, Ng bayan kong akin lamang! Lahat kaibigan sa silong ng araw; Lason kahit simoy para sa sinumang Maalab na halik sa labi’y kasaliw Magmula sa dibdib ng ina paggising; Walang bayan, walang ina’t nagmamahal. Ang hanap ng bisig siya ay yapusin,

Guhit ni Vicente Manansala

Ang siniping salin sa Filipino ay salin ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. (MIM) (ed VSA)

Paz Marquez-Benitez
(3 Marso 1894-10 Nobyembre 1983) Nakatampok na tagumpay ni Paz Marquez-Benitez (Paz Mar·kés Be·ní·tes) bilang kuwentista ang “Dead Stars” na nalathala noong 20 Setyembre 1925 sa Philippines Herald at itinuturing na unang makabagong maikling kuwento sa Ingles. Isa siyá sa kauna-unahang babaeng nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, nagturo ng panitikan sa naturang unibersidad, at naging guro at impluwensiya ng mga kabataang manunulat sa Ingles na gaya nina Manuel E. Arguilla, Salvador Lopez, Paz Latorena, Loreto Paras (Sulit), Bienvenido Santos, Arturo B. Rotor, Francisco Arcellana, at Jose Garcia Villa. Noong 1928, tinipon niya ang mga akda ng kaniyang mga estudyante at pinamatnugutan ang kauna-unahang antolohiya ng mga akdang Filipino sa wikang Ingles, ang Filipino Love Stories. Ipinanganak siyá noong 3 Marso 1894 at anak ng mga gurong sina Gregorio Marquez at Maria Jurado ng Tayabas, Quezon. Nagpakasal siya sa isa ring iginagalang na guro, si Dekano Francisco Benitez, at nakaroon silá ng apat na anak. Namatay siyá noong 10 Nobyembre 1983. Bukod sa panitikan, kinikilála rin ang ambag niya sa edukasyon at sa usaping pangkababaihan. Naging katuwang na tagapagtatag siyá ng Philippine Women’s University kasáma nina Clara Aragon, Concepcion Aragon, Francisca Tirona Benitez, Carolina Ocampo Palma, Mercedes Rivera, at Socorro Marquez Zaballero. Noong 1919, itinatag niya ang Woman’s Home Journal ang kauna-unahang magasing pangkababaihan sa bansa. Katuwang rin siyá ng kaniyang asawa sa pagbuo ng Philippine Journal of Education, isang magasin na itinatag para sa mga pampublikong guro. Nang mamatay ang kaniyang asawa noong 1951, tumigil siyá sa pagtuturo at itinuon ang kaniyang panahon sa pamamahala at pamamatnugot ng nasabing magasin. (JGP) (ed VSA)

19 na Martír ng Aklan
Itinuturing na mga unang bayani ng Aklan sa panahon ng Himagsikang Filipino ang 19 na Martír (1897) na pinatay ng mga Espanyol sa Kalibo noong 23 Marso 1897. Noong Enero 1897, pinabalik ni Andres Bonifacio ang dalawang Katipunero na sina Francisco del Castillo (kilala rin bilang Francisco Castillo) at Candido Iban sa kanilang lalawigan ng Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Bisayas at mangalap ng mga bagong kasapi. Mula Cebu si Castillo samantalang si Iban ay isinilang sa Malinao, Aklan. Nagkakilala ang dalawa sa Australia bilang mga maninisid ng perlas. Dito nagwagi si Iban sa loterya. Ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa Katipunan, at ginamit ang salaping ito upang makabili ng imprenta. Kasama si Albino Rabaria ng Batan, Aklan, pinasimulan nina Castillo at Iban ang kilusang mapanghimagsik sa Aklan. Naging sentro ang Lilo-an sa Malinao ng grupo ni Iban. Si Castillo ang namuno sa isang sandugo sa Lagatik (ngayon ay New Washington) noong 3 Marso 1897. Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban at dinala sa Kalibo. Ilang daang Katipunero, sa pamumuno ni Heneral Castillo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni kapitan munisipal Juan Azaragal. Hinimok ni Castillo si Azaraga na lumabas ngunit pinaputukan ang heneral at namatay. Umurong ang mga nag-alsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinunò ng puwersang Espanyol sa Bisayas, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung sumuko. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumili siya ng 19 na inakalang lider, pinahirapan at binaril sa madalingaraw ng Marso 23. Kinaladkad ang mga bangkay nila sa liwasang bayan upang huwag pamarisan. Ang labinsiyam na martir ay sina Roman Aguirre, Tomas Briones, Domingo de la Cruz, Valeriano Dalida, Claro Delgado, Angelo Fernandez, Benito Iban, Candido Iban, Simon Inocencio, Isidro Jimenez, Catalino Mangat, Lamberto Mangat, Valeriano Malinda, Maximo Mationg, Simplicio Reyes, Canuto Segovia, Gabino Sucgang, Francisco Villorente, at Gabino Yonsul. Siyam sa kanila ang mula sa Kalibo, apat mula Malinao, at anim mula Lagatik. (PKJ) (ed VSA)

13 Martír ng Bágumbáyan
Ang 13 Martír ng Bágumbáyan ay pinatay ng mga Espanyol sa Bagumbayan (bahagi ng Rizal Park ngayon) noong 11 Enero 1897 sa kasagsagan ng Himagsikang Filipino. Magkakaiba ang mga kalagayan nila sa buhay pero itinaguyod nilang lahat ang rebolusyonaryong kilusan sa Filipinas. Sila ay sina Numeriano Adriano, abogado; Domingo Franco, mangangalakal at propagandista; Moises Salvador, propagandista; Francisco L. Roxas, industriyalista; Luis Enciso Villa-Real, industriyalista at lider-sibiko; Jose Dizon, Katipunero; Benedicto Nijaga, tenyente ng hukbong Espanyol at Katipunero; Geronimo Cristobal Medina, kabo sa hukbong Espanyol at Katipunero; Antonio Salazar, mangangalakal; Ramon A. Padilla, empleado at propagandista; Faustino Villaruel, negosyante at Mason; Braulio Rivera, Katipunero; at Eustacio Mañalak. Dinakip ang labintatlo pagkaraang sumiklab ang Himagsikan noong Agosto 1896. Marami sa kanila ay mga Mason at mga kasapi ng Katipunan at/o La Liga Filipina. Ikinulong sila, pinahirapan, at inusig ng mga Espanyol sa paratang na pagtataksil at sedisyon. Matapos ang pakunwang paglilitis, hinatulan silang barilin sa Bagumbayan. (PKJ) (ed VSA)

15 Martír ng Bíkol
Ang Labinlimáng Martír ng Bíkol (Quince Martires de Bicol) ang pinagsama at malaking alay ng rehiyon para sa Himagsikang Filipino. Sa labinlima, labing-isa ang binaril sa Bagumbayan (bahagi ng Rizal Park ngayon) noong 4 Enero 1897. Namatay ang apat pa habang nakabilanggo sa Filipinas o destiyero sa isla ng Fernando Po malapit sa Kanlurang Afrika. Ang labinlima ay sina Padre Gabriel Prieto, Padre Severino Diaz, Padre Inocencio Herrera, Manuel Abella, Domingo Abella, Ramon Abella, Camilo Jacob, Tomas Prieto, Florencio Lerma, Macario Valentin, Cornelio Mercado, Mariano Melgarejo, Leon Hernandez, Mariano Araña, at Mariano Ordenanza. May edad 60 ang pinakamatanda sa pangkat (Manuel Abella), samantalang edad 25 naman ang pinakabatà (Domingo Abella). Sa pagsiklab ng Himagsikang 1896, lihim na nagpulong ang mga Bikolano upang itaguyod ang Katipunan. Naghigpit sa pamamalakad ang mga Espanyol na nakatalaga sa Bicol. Kasáma sa napaghinalaang tumutulong sa Katipunan ang labinlimang Bikolano, na halos lahat ay mga Mason. Dinakip ang mga ito at pinarusahan. Isang bantayog para sa labinlima ang itinayô sa plasa ng Lungsod Naga noong 1923. (PKJ) (ed VSA)

13 Martír ng Cavite
Ang 13 Martír ng Cavíte (Trece Martires) ay binitay ng mga Espanyol noong 12 Setyembre 1896 sa harap ng Plaza de Armas, malapit sa San Felipe, Lungsod Cavite. Napaghinalaan ang labintatlo na kabilang sa nagbalak ibagsak ang mga Espanyol nang mag-alsa ang mga taga-Cavite sa pamumunò ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 31 Agosto 1896. Dinakip silá, ikinulong, madaliang nilitis, at hinatulan ng kamatayan. Ipinalalagay na namatay dahil sa makabayang layunin, ang labintatlo ay sina Maximo Inocencio, Jose Lallana, Eugenio Cabezas, Maximo Gregorio, Hugo Perez, Severino Lapidario, Alfonso de Ocampo, Francisco Osorio, Antonio San Agustin, Luis Aguado, Agapito Conchu, Victoriano Luciano, at Feliciano Cabuco. Matapos barilin, sáma-sámang ibinaón ang mga bangkay sa sementeryo ng mga Katoliko sa Caridad, Cavite. Pitó sa mga bangkay ang nailipat sa magkakahiwalay na nitso at ang iba ay nanatiling sáma-sáma sa iisang libingan. Isang monumento ang itinayô sa Lungsod Cavite bilang alaala sa kanila. Ipinangalan sa pangkat ang Lungsod Trece Martires, Cavite; ang labintatlong barangay ng bayan ay nakapangalan din sa mga martir. (PKJ) (ed VSA)

Masíno Intáray
Ipinagkaloob kay Masíno Intáray at sa Basal and Kulilal Ensemble ng Makagwa Valley, Brookes Point, Palawan ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 1993. Kinilala ang kanilang kaalaman sa panitikan at musikang Palawan na patuloy nilang ibinabahagi lalong-lalo na sa mga kasapi ng kanilang komunidad. Magkakawing ang kultura ng Palawan at ang kalikasan. Para sa kanila, walang nagmamay-ari ng lupa, dagat, kalangitan, at ng mga elemento ng kalikasan. Dahil dito, lahat ay ibinabahagi sa buong komunidad. Makikita ito sa tambilaw at tinapay, ang dalawa sa mga pinakamahalaga nilang ritwal. Ang una ang sama-samang pagluluto ng bigas at pagbabahagi ng kanin. Isinasagawa rin dito ang pag-aalay kay Ampo’t Paray, ang Panginoon ng Palay. Samantala, ang tinapay ay tawag sa seremonya ng paginom ng alak na gawa sa bigas. Sa mga okasyong katulad ng mga nabanggit tinutugtog ang basal o gong ensemble. Ito ang gumigising at nagbibigaybuhay sa magdamagang pagdiriwang ng tinapay. Ang musika rin ng mga gong ang tulay upang makaulayaw ng mga Palawan ang Dakilang Diyos nilang si Ampo at si Ampo’t Paray. Bukod sa mga instrumentong musikal, bahagi rin ng basal ensemble ang tarak, ang sayaw ng mga dalagang mabilis na pumadyak nang paurong-sulong sa kolon banwa (malaking bahay) habang hawak ang mga dahon ng gabe sa magkabilâng kamay. Sa kabilâng dako, ang halimbawa ng kanilang panitikan, ang kulilal at bagit, ay naririnig din sa mga pagdiriwang. Lirikong tula tungkol sa marubdob na pag-ibig ang kulilal. Sinasaliwan ito ng kusyapi kung lalaki ang tumutugtog at pagang o kawayang sitara kung babae. Kusyapi rin ang sumasaliw sa bagit, ang instrumental na musikang gumagaya sa ritmo, galaw, at tunog ng mga hayop, insekto, dahon, at iba pang mga bagay na pangkalikasan. Bilang makata at musiko, dalubhasa sa mga nabanggit na sining si Masino. Bukod dito, mahusay din siya sa pagtugtog ng aroding (alpang pambibig) at babarak (plawta), at sa pagbigkas ng kanilang mga tultul (epikongbayan), sudsungit (kuwento), at tuturan (mito at mga turo ng kanilang mga ninuno). Sa pamamagitan ng mga talentong ito, naipapahayag at naituturo niya, kasama ng Basal and Kulilal Ensemble, ang kanilang sining at panitikan sa kanilang komunidad lalong-lalo na sa mga nakababatà nilang kasapi. (GB) (ed GSZ)

masjíd
Ang masjíd, may varyant na masyíd sa Magindanaw, ay isang salitâng Arabe na nangangahulugang pook ng pagsamba. Mula sa Pranses ay tinawag itong mosque (mosk) sa Ingles. Ito ang bahay dalanginan ng mga Muslim o ang “bahay na pinahintulutan ni Allah upang maitayô at maparangalan doon ang Kaniyang ngalan.” Kinikilala ito bilang natatanging simbolo ng Islam. Ang unang masjid ay itinayô sa Mecca, sa lugar na pumapalibot sa Kaaba, ang pinakabanal na lugar ng mga Muslim. Ngunit ang modelo ng pinakaunang masjid ay nagmula sa patyo ng bahay ng Propetang Mohammed sa Medina, na itinayô noong 622 AD. Ilang taon matapos ang kamatayan ni Mohammed, naging importanteng simbolo ito at palatandaan na hawak ng mga mananakop na Muslim ang isang pook. Ang mga masjíd noon ay simple lámang ang estruktura ngunit nang lumaon ay naging mas malaki at nadagdagan ang mga bahagi nito, kabilang ang minbar at mihrab. (RBT) (ed VSA)

Ang Sultan Hadji Hassanal Bolkiah Masjid sa Lungsod Cotabato

máya
Ang máya (Lonchura atricapilla) ay isang maliit na ibon, 11-12 sentimetro ang habà, na tinatawag na Black-headed Munia o Chestnut Munia sa wikang Ingles. Matatagpuan ang ibong ito sa Filipinas at sa ibang bansa katulad ng Bangladesh, Brunei, Cambodia, Tsina, India, Indonesia, Laos, Malaysia, Burma, Nepal, Singapore, Taiwan, Thailand, Vietnam, at Hawaii. Kilala rin ito sa tawag na máyang pulá upang makilala ang kaibhan nitó sa kayumangging maya o Tree Sparrow. Tinawag na máyang pulá ang Lonchura atricapilla dahil sa puláng balahibo nitó sa likurang ibabâ ng katawan na makikita lámang kapag ito ay lumilipad. Ang ibong ito ang dating pambansang ibon ng Filipinas bago pinalitan ng banoy o Philippine eagle noong 1995. Langkay-langkay ang mga ito kung lumipad at magkakasama kapag dumapo sa mga punongkahoy. Karaniwang ang pagkain ay mga butil o maliliit na buto ng halaman. Malimit makita ang mga maya sa bukirin, parang at mga damuhan. Gumagawa ito ng pugad na hugis pabilog at yari sa damo, mga talahib o matataas na damo, at nagbibigay ang babaeng máya ng 4 hanggang 7 maliliit na putîng itlog. Sa pangkalahatan, maingay ang máya, subalit marami ang naniniwala na umaawit lamang ang mga ito kapag naririnig natin ang maingay na paglipad. Ang mga máya ay mabibilis kung lumipad, ngunit kapag nása ibabâ, ay palakad-lakad sa lupa. Ang paglakad na ito ay isang anyo ng panliligaw ng lalaking máya at bahagi ng isang ritwal na kinapapalooban ng pagtaas ng ulo, pagtuwid ng dibdib, pagbukang bahagya ng bagwis, at pagtaas ng buntot. (SSC) (ed VSA)

Mayníla sa mga Kukó ng Liwánag
Pelikula ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag (1975) sa direksiyon ni Lino Brocka, iskrip ni Clodualdo del Mundo, at sinematograpiya ni Miguel de Leon. Ilan sa tampok na aktor sa pelikula sina Bembol Roco, Hilda Koronel, Lou Salvador, at Tommy Abuel. Hango ito sa nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes na isinerye sa Liwayway noong 1966 hanggang 1967. Tungkol ang kuwento sa binatang mangingisdang si Julio Madiaga na lumuwas sa Maynila para hanapin ang kasintahang si Ligaya Paraiso na nagtrabaho sa lungsod. Sa kaniyang paghahanap ay naranasan niya ang iba’t ibang uri ng kaapihan. Nang matagpuan niya ang kasintahan, nalaman niyang nasangkot ito sa prostitusyon at ngayo’y asawa at may anak sa isang Tsino. Malungkot ang kinahinatnan ng kanilang binalak na pagtakas sa sawing kalagayan. Kinikilala ng mga batikang kritiko ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag bilang isa sa pinakamahusay at importanteng pelikulang Filipino. Ilan sa mga nakamit na gantimpala ng Maynila sa mga Kuko ng Liwanag ang Best Picture, Best Director, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Actor, at Best Supporting Actor sa FAMAS noong 1976. (YA) (ed VSA)

mestíso
Ang salitang mestíso (mestizo) ay tumutukoy sa mga anak ng magasawang magkaiba ang lahi. Noong panahon ng Espanyol, ito ang naging taguri sa anak ng Espanyol o Tsino na ama at ng inang Filipina (o India) o ang kabaligtaran nito. Hindi ipinagbabawal ang pagsasama ng magkaibang lahi. Sa katunayan, kinilala ang mga mestiso bilang isang natatanging sektor ng lipunan simula pa noong 1750. Gayunman, higit na mababà pa rin ang tingin sa kanila kompara sa mga anak ng parehong Espanyol o Tsino. Dahil dito, mas iniuugnay ang mga mestiso sa grupo ng mga Filipino o Indio kaysa mga lahing Espanyol o Tsino. Karamihan sa mga mestiso bago ang siglo 19 ay mga “Mestizo de Sangley” o mga produkto ng ugnayang Tsino at Filipino. Di tulad ng mga mestisong Espanyol, karamihan sa mga mestisong Tsino ay madaling nakakahalubilo sa mga katutubong Filipino. Dumami lamang ang mga mestisong Espanyol pagsapit ng siglo 19 nang buksan ang Filipinas sa pandaigdigang kalakalan at mapadali ang paglalakbay mula sa Espanya matapos buksan ang Kanal Suez. Noong gitnang bahagi ng siglo 19, marami na sa mga mestiso ang yumaman, nagmay-ari ng lupa, nakapag-aral at nagkaroon ng posisyon sa pamahalaan. Dahil sa hangaring tumaas ang pagkilala sa kanila sa lipunan, at bilang pakikiisa sa ibang inaaping sektor, naging aktibo ang mga mestiso sa usapin ng sekularisasyon ng mga parokya, sa Kilusang Propaganda, at sa Himagsikang 1896. Dahil dito, marami sa ating mga bayani, kagaya ni Dr. Jose Rizal, ay nagmula sa mga lahing mestiso. (MBL) (ed GSZ)

Mestizos en traje de fiesta ni Jose Honorato Lozano

misyonéro
Tinatawag na misyonéro (mula sa Espanyol na misionero) ang kasapi ng orden o korporasyong relihiyoso sa Simbahang Katoliko. Malaki ang ginampanang tungkulin ng mga ito sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano at pagtatatag at pangangasiwa ng kolonyang Espanyol sa Filipinas. Si Fray Andres de Urdaneta ang nakatuklas ng rutang pabalik mulang Cebu patungong Mexico noong Hunyo-Oktubre 1565. Ito ang sinundan pagkatapos ng mga barko’t galeon na na naghatid ng mga tao, sundalo, at materyales para sa pagsakop ng Filipinas. Anim na Agustino (ordeng ipinangalan kay San Agustin) ang unang kasáma sa ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 at nagpalaganap sa Cebu, Panay, at sa hilaga ng Maynila hanggang Ilocos. Sumunod ang mg Pransiskano (ordeng itinatag ni San Francisco ng Assissi) noong 1577 at nagpalaganap sa mga pook timog ng Maynila hanggang Bicol. Dumating ang mga Heswita (Compañia de Jesus o ordeng itinatag ni San Ignacio de Loyola) noong 1581 at nagpalaganap sa Samar-Leyte, Cebu, Bohol hanggang Mindanao. Dumating ang mga Dominiko (ordeng ipinangalan kay Santo Domingo de Guzman) noong 1587 at ang mga Rekoleto noong 1606. Ang mga unang misyonero ang unang sumulat ng bokabularyo, gramatika, at mga saliksik pangkultura sa kanilang destinong lalawigan o rehiyon. Silá ang nagtayô ng mga unang pamayanang kolonyal at ng mga unang simbahan at mga paaralan. Sila din ang nagpasok ng mga kaalamang pang-agham at pang-inhenyeriya mulang Europa. Gayunman, naging kapuna-puna ang lubhang pakikialam ng mga naging kura paroko sa politika at ang hindi pagbibigay ng pantay na karapatan sa mga paring Filipino o paring sekular nitóng ika-19 siglo. Nauwi ito sa kilusan para sa sekularisasyon, at isa sa malaking usaping tinuligsa ng mga Propagandista sa pangunguna nina Rizal at Plaridel. (VSA)

Antonio J. Molina
(26 Disyembre 1894-29 Enero 1980) Si Antonio J. Molina (An·tón·yo Mo·lí·na) ay isang kompositor, konduktor, violoncellist, guro, at istoryador ng musika. Kinilala siya bilang “Dekano ng mga Filipinong Kompositor.” Kasama nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago, si Molina ay bahagi ng triumvirate ng mga kompositor na nagtaguyod at naglinang ng musikang Filipino. Kaunaunahan siyáng Pambansang Alagad ng Sining sa Musika na ginawaran noong 1973. Bilang kompositor, mahigit 300 ang nilikha ni Molina para sa orkestra, koro, chamber music, solo, instrumental, at sariling bersiyon ng klasikong sonata. Ang malaking bahagi nito ay gumamit ng katutubong musika. Nailathala ang unang komposisyon niya noong 1913 na pinamagatang “Lamentos de mi Patria.” Ang pinakabantog na komposisyon niya ay ang “Hating Gabi,” isang harana sa saliw ng biyolin at piyano. Habang nása UP, nilikha niya ang “Era La Penumbra,” “Kung sa Iyong Gunita,” “Cantilena Romantica,” “Ave Maria,” “Scherzo in D major,” “Efipania de las Rosa,” at “No Adayuca.” Ngunit hinangaan niya si Claud Debussy at ang impresyonistang estilo nito na ginamit niya sa “Pandangguhan” noong 1951. Matagal siyáng naging guro ng musika sa UP, University of Santo Tomas Conservatory of Music at Centro Escolar University. Nagkamit siyá ng sumusunod na pagkilala at karangalan: Honorary Doctorate in law mula sa CEU (1953); Republic Cultural Heritage Award (1965 at 1972), Dean Emeritus, CEU (1970); UP Conservatory Alumni Award; Phi Kappa Beta Award (1972); at Patnubay ng Sining at Kalinangan Award (1979). Isinilang siyá noong 26 Disyembre 1894 sa Quiapo, Maynila kina Juan Molina at Simeona Naguit. Ang kaniyang ama ay isang inspektor sa adwana ng gobyernong Espanyol sa Maynila at tagapagtatag ng makasaysayang Molina Orchestra. Nag-aral siyá sa San Juan de Letran at nagtapos ng Bastilyer sa Sining noong 1909. Nag-aral siyá ng musika at natamo ang diplomang pangguro noong 1923 para sa violoncello sa UP Conservatory of Music. Ikinasal siyá kay Pilar Siauinco at nagkaroon ng apat na supling— kabilang na sina Antonio Maria Jr. na isa ring kompositor at konduktor, at Exequiel na isang jazz artist at peryodista. Namatay si Pilar noong 1957 at matapos ang walong taon ay muling nag-asawa siya kay Carmen Serrano, dati niyang mag-aaral sa CEU. Namatay siya noong 29 Enero 1980. (RVR) (ed GSZ)

Salínta B. Mónon
Para sa pagpapanatili ng kaakuhan at kasiningan ng mga Bagobo sa pamamagitan ng patuloy niyang paghahabi ng kanilang tradisyonal na telang tinatawag na inabal, nang ang sining na ito ay nanganganib nang maglaho, pinarangalan ng Gawad Manlilikha ng Bayan si Salínta B. Mónon ng Bansalan, Davao del Sur noong taong 1998. Tinagurian siyang pinakahuling tagahabing Bagobo dahil patuloy na naglalaho ang mga katulad niyang gumagawa ng sining na ito. Kinikilala ang kaniyang mga likha dahil sa mataas na kalidad at komplikado nitong mga disenyo. Dala ng kahusayang ito ang kaalaman niyang hindi pa napapantayan ng sinuman. Sinasabing tanging sulyap ang kailangan ni Salinta Monon upang mabatid ang klase ng disenyo at ang identidad ng humabi ng inabal. Matagal at komplikado ang sining na ito, kahit para sa isang katulad ni Salinta Monon. Inaabot siya ng tatlo hanggang apat na buwan bago matapos ang telang may sukat na 3.5 metro x 42 sentimetro o katumbas ng isang paldang yari sa abaka. Sa kabila nito at sa presyong siya na mismo ang nagnagtatakda, hindi nawawalan ng mga nais bumili ng kaniyang mga likha. Isinilang noong 19 Disyembre 1920, maaga siyang natutong humabi. Sa murang edad na 12, hiniling na niya sa inang si Saray Barra na ituro sa kaniya ang sining ng kanilang mga ninuno. Mula noon, ginugol na niya ang buhay sa paghahabi. Hindi naging hadlang ang pag-aasawa sa kaniyang sining. Sa mga pagkakataong kailangan niyang tapusin ang isang produkto, hindi muna siya nakikihalubilo sa kaniyang pamilya. Nang pumanaw ang kaniyang asawa, naiwan sa kaniya at sa lima nilang anak ang lupang sinasaka nito. Ito at ang kinikita niya sa paghahabi ang kanilang ikinabuhay. Kaakibat ng pagkilalang kaniyang tinanggap ang responsabilidad na isalin ang kaniyang kaalaman sa ibang miyembro ng kaniyang komunidad. Pumanaw si Salinta Monon sa edad na 91 noong 4 Hunyo 2009. (GB) (ed GSZ)

monopólyo
Ang monopólyo (mula sa Espanyol na monopolio) ay isang sistemang pang-ekonomiya ng pagkontrol sa isang produkto at palitan ng kalakal sa isang pook. Maaaring isang tao o pangkat ang nabibigyan ng legal at ganap na pribilehiyong masarili ang isang serbisyo o suplay ng kalakal at makinabang dito. Itinuturing itong masamâng patakaran sa loob ng ekonomiyang laissez faire o nagpapatupad ng malayang kalakalan. Ipinatupad ang mga monopólyo sa Filipinas noong panahon ni Gobernador Heneral Jose Basco y Vargas ng kolonyalismong Espanyol. Ninais niyang makapagsarili ang pananalapi ng kolonya na hanggang sa panahon niya ay umaasa sa tulong mulang Mexico. Nagpasimula siyá ng mga industriya’t bagong pananim pang-agrikultura ngunit mahinà pa rin ang kita ng gobyerno. Itinatag niya ang monopolyo sa tabako noong 1 Marso 1782 at kinontrol ang sapilitang pagtatanim ng tabako sa Ilocos, Nueva Ecija, at Marinduque. May takdang sakahan para sa tabako at gobyerno ang bumibili ng lahat ng dahong anihin. Nagkaroon din ng monopolyo sa paggawa ng alak, pulbura. at kahit sa paglalaro ng baraha. Gumanda nga ang kita ng gobyerno sa tabako. Dahil dito’y sumikat ang abanong Maynila. Ngunit nagdulot naman ito ng lalong paghihirap ng mga magsasaka, korupsiyon ng mga taong gobyerno, at ismagling. Ipinag-utos mismo ng Hari na ipatigil ang monopolyo sa tabako noong 25 Hunyo 1881 ngunit tumagal nang ilang taón bago ipinatupad sa Filipinas. (GCA) (ed VSA)

Severíno Montáno
(3 Enero 1915 - 12 Disyembre 1980) Si Severíno Montáno ay isang mandudula, makata, direktor, aktor, at organisador ng teatro. Siyá ang nagtatag at nag-organisa ng Teatrong Arena noong 1953 sa Philippine Normal College (PNC), at pinangunahan ang Kilusang Balik sa Barrio, habang siyá ay Dekano para sa Instruksiyon ng PNC noong dekada 70. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 2001. Ang Teatrong Arena bilang pagtatanghal na lumiligid sa kanayunan ay nakaabot sa mga baryo ng may 47 probinsiya sa Filipinas. Ipinalabas ng Arena ang mga akda ni Montano na “Sabina,” “The Ladies and The Senator,” at “Parting at Calamba.” Nagsanay din ito sa pamamagitan ng programa ni Montano para sa mandudula, direktor, aktor, teknisyan, at tagadisenyo. Ilan sa mga akda ni Montano ay ang The Love of Leonor Rivera (trahedya na may dalawang yugto), My Morning Star (historikal na trahedyang tatlong yugto), But Not My Sons Any Longer (trahedyang dalawang yugto), Gabriela Silang (historikal na trahedyang may tatlong yugto), The Merry Wives of Manila (komedya sa tatlong bahagi), Rock of My Refuge (drama sa tatlong yugto), My Brother Cain (trahedya sa tatlong yugto), “The Incorrigible Mother” (komedya sa isang yugto), at iba pa. Ipinanganak siyá noong 3 Enero 1915 kina Dionisio Montano at Maria Medina sa Laoag, Ilocos Norte. Sa kolehiyo, naging pangulo siyá ng UP Dramatic Club noong 1931, at nagtapos ng Batsilyer ng Siyensiya sa Edukasyon, medyor sa Ingles noong 1932. Nagtungo siyá sa Estados Unidos noong 1940 para sa iskolarsyip sa Unibersidad ng Yale para sa masterado sa Fine Arts medyor sa pagsulat ng dula. Sinulat niya ang kaniyang dulang “Sabina,” sa palihan ng mga mandudula ng Yale University. Naging propesor si Montano sa American University sa Washington D.C. na pinagtapusan din niya ng M.A. Economics (1948) at doktorado sa pamamahala at pampublikong administrasyon (1949). Ginawaran si Montano ng Gawad Patnubay ng Kalinangan mula sa Lungsod Maynila (1968), Presidential Award for Merit in Drama and Theater (1961), the Citizen’s Committee for Mass Media Award (1967 at 1968), at ng Gawad Pamulinawen (1981). (RVR) (ed GSZ)

Miguela Montelibano
(8 Mayo 1874-16 Abril 1969) Sinasabing si Miguela Montelibano (Mi·gé·la Mon·te·lí·ba·nó) ang kaisaisang kilalang babaeng sarsuwelista sa kaniyang panahon. Nakapagsulat siya ng pitóng sarsuwela at ilang komedya sa wikang Ilonggo na nailathala sa La Panayana. Nagtayô siyá ng isang pangkat pandulaan at tuwing taginit, naglilibot ang grupo ni Montelibano sa mga bayan ng Negros upang itanghal ang mga sarsuwela at komedya. Ang mandudula ang siyá ring naging direktor ng produksiyon. Ilan sa mga komedya niya ang Santa Genoveva, Locura del Amor at Maria, at La Reina del Bosque. Ilan sa mga sarsuwela ang Cailo nga Tapalan (Kawawang Ipinain), Cusug sang Imul (Ang Lakas ng Mahihirap), Ang Dalanguhanon sang Malalison (Ang Panaginip ng Suwail), Filipinas, Ang Olipon sa Iyo Agalon (Filipinas, Ang Alipin ng Kaniyang Amo), Mainawon (Maawain) at Masubu nga Camatuuran (Ang Malungkot na Katotohanan). Lahat ng mga nasabing sarsuwela ay isinadula, liban sa Filipinas. Sa mga naisulat na sarsuwela ni Miguela Montelibano, makailang beses itinanghal ang Kailo nga Nagtalang (Ang Minalas na Naglayas) sa mga plasa ng Negros Occidental. Sa nasabing sarsuwela, naghiwalay ang magasawang Elena at Francisco dahil napatunayang tama ang hinala ni Elena na may ibang babae si Francisco. Pinalayas ni Elena si Francisco sa bahay at pumunta si Francisco sa bahay ni Rosita, ang kaniyang kabit. Nang malaman ni Rosita na may pamilya siyáng nasira dahil sa pakikiapid, nagsumamo siyáng balikan ng lalaki ang kaniyang asawa at iniwan din niya ang lalaki. Sinabi ni Vidal, kaibigan ni Francisco, kay Elena na nag-iisa na sa búhay si Francisco at maysakít. Sa simula’y hindi pinansin ni Elena ang sinabi ngunit nagbago ang kaniyang loob at pinatawad si Francisco bago ito namatay. Ipinanganak si Miguela Montelibano sa Silay, Negros Occidental noong 8 Mayo 1874. Nakapag-aral siyá sa Colegio de Sta. Ana sa Iloilo bago pumunta sa Jordan, Guimaras upang pangasiwaan ang asyendang naiwan ng kaniyang ama. Nang 25 taóng gulang na siyá, nagpakasal siyá kay Isabelo Segura, isang mestiso na isang kawani ng gobyerno at may-ari ng isang maliit na negosyo. Namatay si Miguela Montelibano noong 16 Abril 1969. (SJ) (ed VSA)

Monuménto
Ang Andres Bonifacio National Monument—mas kilalá bilang Monuménto—ang pangunahing palatandaan at simbolo ng Lungsod Kalookan at matatagpuan sa hilagang dulo ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at ng Abenida Rizal. Ang dambana para sa pambansang bayani at tagapagtatag at Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio ang obra maestra ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal Guillermo Tolentino. Noong 1930, itinaguyod ang isang timpalak para sa disenyo ng monumento ni Bonifacio. Ang likha ni Tolentino ang nahirang na nagwagi. Pinasinayaan ang Monuménto noong 30 Nobyembre 1933 sa pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio. May taas na 45 talampakan ang pylon o tore ng Monumento. Nakahápon sa tuktok ang may-bagwis na pigura ng tagumpay. Kinakatawan ng oktagonong paanan ng pylon ang unang walong lalawigang nag-aklas laban sa pamahalaang Espanyol, at para na rin sa walong sinag sa watawat ng Filipinas. Ligid ang pylon ng 23 estatwang gawa sa tanso. Ilan sa mga pigura ang kina Bonifacio, Emilio Jacinto (Utak ng Katipunan), at Gomburza (Padre Gomez, Padre Burgos, Padre Zamora), pati na rin ang sa ilang di-kilaláng Katipunerong sumisimbolo ng Sigaw ng Pugadlawin. (PKJ) (ed VSA)

Monuméntong Legázpi at Úrdanéta
Bantayog ng paggunita kina Miguel Lopez de Legazpi (Mi·gél Ló·pez de Le·gáz·pi) at Andres de Urdaneta (An·drés de Úr·da·né·ta) na matatagpuan sa gilid ng Intramuros sa Manuel A. Roxas Boulevard, Maynila. Ang dalawa ay mga manlalakbay na Espanyol na magkasamang naglayag sa ekspedisyon patungong Filipinas noong 1564. Ang paglalakbay na ito ang nagbukas sa kapuluan sa pananakop ng mga Espanyol at sa pagtuklas sa pinakamahusay na ruta sa Karagatang Pasipiko pabalik sa kanluran. May hawak na nakabalumbong dokumento si Legazpi at may hawak na krus ang paring si Urdaneta at sumasagisag na magkatulong na gawain ng estado at ng simbahan sa pagsakop ng mga Espanyol sa Filipinas. Nakatuntong ang dalawa sa isang angkla, ang sagisag ng ginawa nilang pagtawid ng karagatan. Itinayô ang monumento noong 1912 at gawa sa bronse at granito. Nang bombahin ang Intramuros noong 1945 ay himalang hindi napinsala ang monmento. (VSA)

moriones
Ang moriónes (mor·yó·nes) ay isang paraan ng pagdiriwang tuwing Mahal na Araw sa Marinduque. Ang moryónes ay mga lalaki at babae na nakasuot ng maskara’t helmet at damit na katulad ng mga sundalong Romano noong panahon ni Kristo. Bilang dula, ang moryónes ay isang komédya hinggil sa paghahanap, pagdakip, at pagpugot ng ulo kay Longhíno. Buong linggo ng Mahal na Araw, ang moryones ay pumaparada paikot-ikot sa poblasyon upang kunwa’y hanapin siyá. Si Longhino ay isang Romanong centurion na bulág ang isang matá. Ayon sa alamat, sinibat ni Longhino ang tagiliran ni Hesus hábang nakapakò sa Krus. Ang dugo mula sa tagiliran ni Hesus ay tumalsik sa kaniyang bulág na matá at naibalik nitó ang kaniyang paningin. Pinaniniwalaan din na dahil dito’y nagbago ang pananaw ni Longhino bilang isang Romano at naging Kristiyano. Tuwing Linggo ng Pagkabúhay, isinasadula sa mga bayan ng Boac, Gasan, Santa Cruz, Buenavista, at Mogpog sa Marinduque ang pagpugot sa ulo ni Longhino. Ang morion ay tawag sa helmet na may mataas na palamuting balahibo ng mga sundalong Europeo noong ika-16 siglo. (IPC) (ed VSA)

Móro
Karaniwang tawag ang Móro sa mga Muslim sa Filipinas. Bunga ito ng gayong pagtawag sa kanila ng mga Espanyol sa panahon ng kolonyalismo. Nagmula naman ito sa pangalan ng pangkating Muslim na sumakop sa Espanya at iba pang pook sa Europa noong 711. “Móro” ang pangkalahatang itinawag ng mga Espanyol sa ang totoo’y mga Berber, pinaghalòng mga Itim at mga Arabe mulang Hilagang Aprika. Ang pangalang “Móro” ay nagmula sa isang maliit na kahariang Maure sa Aprika, tinawag na Maurisi ng mga Griyego at Mauri ng mga Romano. Nagmula naman sa “Móro” ang mga pang-uring moréno para sa kutis na medyo maitim at morísco para sa kakaibang katangian ng kulturang iniwan ng mga Muslim sa Granada. Unti-unti lámang nabawi ng mga Kristiyano ang mga lupaing Espanyol sa kampanyang tinawag na Reconquista. Noong 1212, nabawi ng koalisyon ng mga Kristiyanong hari ang Gitnang Iberia. Ngunit nanatili ang kahariang Móro sa Granada hanggang noong 1492 na magwagi ang hukbo ng magasawang Fernando II ng Aragon at Isabela I ng Castilia—ang unang hari at reyna ng nabuong Espanya. Taglay ng pagtawag na “Móro” sa mga Muslim sa Filipinas ang prehuwisyong Espanyol sa dati niláng mananakop. Itinuturing naman itong sagisag ng hindi pagsuko sa kapangyarihang kolonyal lalo ng kilusang nag-aadhika para sa isang “Bangsa Móro” sa Mindanao at Sulu. (EGN) (ed VSA)
Mga Morong Tausug (1900)

muláwin
Ang muláwin ay isang uri ng malaki at matigas na punongkahoy na likás sa Filipinas, Indonesia, at Malaysia. Vitex parviflora ang siyentipikong pangalan nitó. Kasama ang punòng ito sa pamilya Verbenaceae. Malapit na kamag-anak ito ng lagundi (Vitex negundo). Tinatawag rin itong molave (na isang korupsiyon sa pangalang mulawin noong panahon ng Espanyol) o tugas. Nabubuhay ang punòng ito kahit sa tuyong lugar. Ang katamtamang sukat ang punò nitó ay 120 piye ang taas. Napakatigas at mabigat ang kahoy. Muràng dilaw hanggang matingkad na pulá at kayumanggi ang kulay ng kahoy nitó. Dahil sa tigas ng kahoy nitó, ginagamit ito sa mga mahahalagang konstruksiyon, paggawa ng barko, muwebles, kabinet, kahoy sa pag-ukit, at bilang pansahig sa bahay. Sa probinsiya ng Sarangani, dalawa ang likás na uri ng muláwin. Ang isa ay kilalá sa tawag na “tugas babae” at ang pangalawa ay tinatawag na “tugas lanhan” na ang ibig sabihin ay malangis. Ang tugas babae ay may malalapad na dahon at may tuwid na punò, samantalang ang tugas lanhan ay may maliliit na mga dahon at may nakabaluktot o palikulikong mga sanga. Ang una ay karaniwan nang matatagpuan sa hilagang bahagi ng probinsiya, at ng hulí ay marami sa katimugang Sarangani. (SSC) (ed VSA)

multó
Mula sa salitang Espanyol na muerto na nangangahulugang patay, ang multó ay pinaniniwalaang kalululuwa ng táong namatay na muling nagbabalik at nagpaparamdam sa mundo ng mga buhay. Ilan sa mga dahilan ng pagbabalik ng kaluluwa ay upang makapaghiganti, maghatid ng mensahe, at upang tapusin ang mga hindi naisagawang misyon noong nabubuhay pa lalo’t kung ang nagmumulto ay dumanas ng biglaan at di makatarungang pagkamatay tulad ng aksidente, pagkakasakit, pagpatay o pagpapakamatay. Maraming nabuo at lumaganap na kuwentong may kaugnayan sa multo. Karaniwang ginagamit ang mga kuwentong multo bilang panakot sa mga batàng ayaw sumunod sa tagubilin ng magulang. Sa konteksto ng kulturang popular, tulad ng mga panooring nakakatakot sa telebisyon at pelikula, nagsisilbi rin itong anyo ng pang-aliw at negosyo. Ilan sa mga popular na larawan ng multong ipinapalabas sa telebisyon ang mga kaluluwang duguan, madreng nakalutang, katawan ng isang taong pugot ang ulo, white lady, at iba pa. Laganap din ang mga kuwentong multo o katatakutan tuwing panahon ng Undas—Araw ng mga Patay atAraw ng mga Kaluluwa. Napagkukuwentuhan ng mga pami-pamilya at magkakaibigan kung paanong nagparamdam sa kanila ang kaluluwa ng mga pumanaw nang mahal sa buhay. Bukod sa konsepto ng kaluluwang nagbabalik, nagsisilbi ring isang ekspresyon ang multo upang tukuyin ang hindi kanais-nais na karanasan o kasaysayan ng isang indibidwal o lipunan gaya halimbawa sa pariralang “multo ng nakaraan.” (SABP) (ed GSZ)

Fé del Mundo

(27 Nobyembre 1911-6 Agosto 2011) Si Fe del Mundo (Fe del Mún·do) ang tinaguriang “Dakilang Lakambini ng Pedyatriyang Filipino.” Dahil sa kaniyang walang pagod na pagsisikap, naitatag sa bansa ang iba’t ibang institusyon at ospital na nangangalaga sa kalusugan ng mga batàng Filipino. Naging batayang panuntunan rin ang kaniyang mga pag-aaral sa pagpapalaganap ng pagbabakuna sa sanggol upang maiwasan ang mga nakamamatay na sakit. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1980. Unang sinaliksik ni del Mundo ang mga sakít na polio-myelitis, rubella, rubeola, at varicella. Noong dekada 50, wala pang mabisang lunas sa mga sakít na ito sa Filipinas. Ang resulta ng kaniyang mga pananaliksik ang naging batayang panuntunan upang ipatupad ang malawakang pagbabakuna sa mga kabataang Filipino. Bukod sa pananaliksik, nangampanya din siyá upang paunlarin ang pagbibigay ng kalingang pangkalusugan sa mga komunidad. Pinangunahan niya ang pagsasanay ng mga hilot at manggagawang pangkalusugan sa komunidad. Inimbento rin ni del Mundo ang isang katutubong incubator na gawa sa kawayan. Malaki ang naitulong nito sa pagligtas sa mga sanggol na isinilang na kulang sa buwan at mga batàng may jaundice. Upang matupad ang pangarap para sa isang modernong ospital ng mga batà, ipinagbili niya ang kaniyang mga ari-arian at ipinatayô ang Children’s Medical Center, ang kauna-unahang ospital ng mga batà sa Filipinas. Nagturo din siyá ng pedyatriya sa Far Eastern University at University of Santo Tomas. Ang kaniyang aklat na Textbook on Pediatrics ay batayang aklat at ginagamit hanggang sa kasalukuyan. Isinilang si Fe del Mundo noong 27 Nobyembre 1911 sa Maynila at anak nina Bernardo at Paz del Mundo. Naging valedictorian siyá ng Kolehiyo ng Medisina sa UP at nagpatuloy ng mataas na pag-aaral sa Estados Unidos sa tulong ng iskolarship na ibinigay ni Pangulong Manuel Quezon. Natapos niya ang masterado sa Bakterolohiya sa Boston University hábang nagsasanay sa Harvard Medical School at Massachusetts Institute of Technology. Ipinagluksa ng marami ang kaniyang pagyao noong 6 Agosto 2011. (SMP) (ed VSA)

munisípyo
Tumutukoy ang munisípyo (mula sa Espanyol na municipio) sa pamahalaang bayan o sa tanggapang panggobyerno ng isang munisipalidad. Noong panahon ng Espanyol unang ipinakilála ang munisipyo at mauugat ang kasaysayan nitó sa pagsisikap na maitatag ang isang sistema ng pamamahala mula sa maliliit na barangay o nayon hanggang pamahalaang pambansa. Bawat kalipunan ng magkakadikit na nayon noon ay inoorganisa sa isang pueblo o bayan. Ang matatag at mapayapang pueblo ang naging munisipalidád at pinangasiwaan mula sa isang gusali na tinatawag na munisípyo sa ilalim ng isang gobernadorsilyo. Malimit na ang gusali ng pamahalaan at ang pamahalaang lokal mismo ay tinatawag na munisípyo. Ang munisipyo bilang espasyong arkitektural o gusali ng pamahalaan ay may mga opisina para sa iba’t ibang sangay ng pamamahala. Dito makakukuha ng mga legal na sertipiko’t lisensiya na may kinalaman sa pagiging residente sa munisipalidad na kinabibilangan. Dito rin isinasagawa ang mahahalagang funsiyon ng pamamahala—mulang pagdedesisyon sa malalaking isyung-pambayan hanggang sa mga sibil na kasal. Sinasabing maaaring ang pinakamatandang munisipalidad sa buong Filipinas ay ang Unisan sa Quezon, na itinatag noong 1591. Ang munisípyo ayon sa Local Government Code ng 1991 ay isa sa mahahalagang sangay ng pamamahalang bayan na pinahahalagahan ang awtonomiya—ang tatlo pa ay ang barangay, probinsiya, at lungsod. Sa nasabi ring batas itinadhana ang mga halal na pinunò ng bayan: Mayor (méyor) o alkalde ang may pinakamataas na katungkulan at katuwang niya ang Vice Mayor (vays méyor) o bise alkalde. Karaniwang may Sangguniang Bayan ang isang munisipyo, binubuo ng mga halal na konsehal, at katuwang sa paggawa ng mga tuntunin at batas ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Mayroon ding anim na uri ng munisipalidad sang-ayon sa pangkabuuang kita ng mga ito. (LJS) (ed VSA)

músang
Ang músang (sa Ingles: civet, civet cat) ay maliit na mammal na madalîng mahutok ang katawan o may malambot at magaang na indayog ng katawan. Karamihan sa mga hayop na ito ay may pagkakahawig sa pusa na arboryal o naninirahan sa mga punongkahoy, at katutubo sa mga tropikong pook ng Aprika at Asya. Nakalilikha ang músang ng halimuyak na tanging nagmumula sa kanila. Nokturnal ang hayop na ito. Tumitimbang ang músang ng 1.4-4.5 kilo (3-10 libra, at may sukat na 17-28 pulgada (43-71 sentimetro) ang habà ng katawan (hindi kasama ang mahabàng buntot). Ang pinakakilaláng músang ay ang African civet (Civettictis civetta) na ayon sa nakatalâng kasaysayan ay pinagkukunan ng halilmuyak na ginagamit sa komersiyal na produksyon ng pabango. Ang babae at lalaking músang ay kapuwa nakakapaglabas nitó mula sa kanilang perineal gland. Matatagpuan ito sa pagitan ng anus at vulva sa babae o sa pagitan ng anus at scrotum sa lalaki. Upang makuha ang mahalimuyak na likidong ito, kailangang patayin ang músang at alisin ang gland, o kayâ ay kayurin ang halimuyak mula sa gland ng isang buháy na hayop. Ang hulíng paraan ng koleksiyon ang malimit gawin ngayon. Nabahala ang mga grupong nagtatanggol sa mga karapatan ng hayop, tulad ng World Society for the Protection of Animals, dahil sa pagkolekta ng halimuyak sa musang. Itinuring nila na isang kalupitan ito sa mga hayop. Sa ngayon, nabawasan na ang pagpatay ng musang upang makuha ang halimuyak.May natuklasan ding pamalit na sintetiko sa mahalimuyak na likidong ito. Sa Sri Lanka, ang Asian palm civet ay tinatawag na Uguduwa o Kalawedda. Ang Kopi Luwak, na kilala rin sa pangalang caphe cut chon (fox-dung coffee) sa Vietnam at kape alamid sa Filipinas, ay isang uri ng kape na ginawa mula sa mga seresa ng kape (coffee cherries) na kinain at bahagya nang natunaw sa sistemang pantunaw ng Asian Palm Civet. Kinokolekta ito mula sa mga dumi o tae ng musang. Tinutunaw ng musang ang laman ng mga seresa ng kape, ang buto ay nahahaluan ng mga ensaym sa tiyan, na nagpapabuti ng amoy at lasa ng kapeng ito. May 1000 libra lámang ng kape alamid ang nakakarating sa mga pamilihan taon-taon. Ang isang libra (0.45 kilo) ay nagkakahalaga ng $600, o $100 kada isang tasa ng kape sa ibang panig ng mundo. (SSC) (ed VSA)

músikóng bumbóng
Ang musiko o propesyonal na manunugtog ng instrumentong pangmusika ay kilalang grupo sa iba’t ibang Kristiyanong lugar sa kapuluan noong panahon ng Espanyol. Sa katunayan, ang banda de metal (brass band) ay pinagkakapitaganang pag-aari ng ibang fraile. Sa pagtatangka ng mga katutubo na isa-Filipino ang mga institusyong pinamamahalaan ng mga mananakop, gaya ng simbahan, gobyerno, wika, at sarili, sinikap nilang bumuo ng isang grupong pangmusika na magpapakita ng husay ng mga katutubo sa pagtugtog. Dito isinilang ang músikóng bumbóng na pinasimulan ng mga makabayang rebolusyonaryong Filipino noong siglo 19 sa pagsisimula ng labanang Filipino-Espanyol. Sa pagtatatag ng musikong bumbong, sinikap na lumikha ng mga instrumentong yari sa pinakasaganang halaman na ginagamit na rin bilang instrumentong pangmusika bago pa man dumating ang mga Espanyol— ang kawayan. Mula sa kawayan ay hinubog ang mga instrumentong katulad ng trumpeta, plawta at tambol. Maaaring hindi nito matutularan ang lakas at taginting ng tunog ng tunay na banda de metal, ngunit sa pagbuo ng musikong bumbong ay napatunayan ng mga Filipino ang kanilang pagkamalikhain sa pag-angkin ng konseptong kanluranin tungo sa makabayang layunin. Matingkad itong pinapatunayan ng kanilang pangunahing piyesa—ang martsang Veteranos de la revolucion. Sinasabing ang mga miyembro ng St. Anthony Original Bamboo Band ng Tonsuya, Malabon ng Rizal ang ikaapat na henerasyon ng musikong Katipunero na nagtatag ng musikong bumbong noong 1896. Malayo man ang panahong pinagmulan, nabubuhay ang tradisyon dahil sa patuloy na pagsisikap ng mga musikong kaanak ng pasimuno ng pangkat. (RCN) (ed GSZ)

Eduardo Mutuc
Ipinagkaloob kay Eduardo Mutuc (Ed·wár·do Mú·tuk) ng Apalit, Pampanga ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2005. Para sa paglalaan niya ng kaniyang buong buhay sa paglilok ng mga retablo, altar, karosa, at iba pang mga relihiyoso o sekular na likhang-sining gamit ang pilak at kahoy. Sa mga bahay at simbahan matatagpuan ang kaniyang mga likha. May maliliit tulad ng mga kerubin at mayroong umaabot nang 40 talampakan. Isa sa mga una niyang nililok ang tabernakulo sa parokya ng Fairview sa Lungsod Quezon na ipinagawa ni Monsignor Fidelis Limcauco. Edad 29 nang magpasiya si Mutuc na maglilok. Isa siyang magsasaka noon na nais maragdagan ang kaniyang kinikita dahil sa lumalaking pamilya. Dahil batid niyang hindi marami ang oportunidad para sa isang nakapagtapos lamang ng elementarya, nagsumikap siya sa napiling sining bagaman batid niyang tatlong piso lamang ang karagdagang maiuuwi niya sa pamilya araw-araw. Isang taon siyang sumailalim sa gabay ng mga dalubhasa sa paglililok. Pagsapit ng kaniyang ikalimang taon, isang kaibigan ang nagturo sa kaniya ng silver plating. Isa itong sining ng pagguguhit ng disenyo, paglililok ng molde nito sa kahoy, paghuhulma ng nagawang disenyo sa plantsang metal, at pagtutubog sa disenyo sa kumukulong pilak. Karaniwang ginagamit ang silver plating sa paglikha ng mga dahon na pilak at ginto upang magsilbing dekorasyon sa mga santo at iba pang mga palamuti sa simbahan noong panahon ng mga Espanyol. Nilisan niya ang pagawaan ng muwebles nang matutuhan ang bagong sining. Kasama ng isa pang kaibigan, nagpatayô sila ng sariling pagawaan. (GB) (ed GSZ)

mutyâ
Ang salitang mutyâ ay mayroong ilang pakahulugan: (1) perlas, (2) ang pinakatatangi o musa, sinta o irog, at (3) anting-anting. Sa unang pakahulugan, ang orihinal na kahulugan ng mutya. Ito ang ibig sabihin ng pagtawag sa Filipinas bilang Mutya ng Silangan. Higit na naging karaniwan ang pangalawang pakahulugan—ang mutya bilang pinakatatangi, sinta, o irog. Sa ganitong diwa, ikinakabit ang mutya sa imahen ng babaeng minamahal. Sa tula o awit ng isang mangingibig, ang mutya ay sinusuyo, hinaharana, dinadambana. Ngunit maaari rin itong tumukoy sa babaeng pinagkaitan ng tunay na pagibig o bayang tinanggalan ng kalayaan gaya ng nangyari sa kundimang “Mutya ng Pasig” na kinatha ni Deogracias Rosario sa musika ng kompositor na si Nicanor Abelardo. Ang naturang awitin ay naging inspirasyon naman ng pelikulang may gayunding pamagat. Nauwi sa kasawian ang kapalaran ng karakter na si Chedeng, ang mutya (reyna ng pista) sa kanilang bayan. Bagaman sa pelikula ay nalunod sa Ilog Pasig si Chedeng dahil sa kalupitan ng kaniyang asawa, nananatiling buhay ang kaniyang kaluluwa. Siya’y nagmulto upang iparinig ang hinagpis sa kaniyang malulungkot na awitin gaya na mahihiwatigan sa sumusunod na saknong: Ang lakas ko ay nalipat, Sa puso’t dibdib ng lahat; Kung nais ninyong ako’y mabuhay, Pag-ibig ko’y inyong ibigay. Ginagamit din ang salitang mutya bilang taguri sa diwata o diyosa ng mga bukal, ilog, lawa, at karagatan o di kaya’y tagapangalaga ng isang lunan. Ang mga diwatang ito ay maaaring magbigay ng anting-anting sa masuwerteng nilikha. Ang ganitong anting-anting ay tinatawag ding mutya. (SABP) (ed GSZ)

nága
Ang nága (Pterocarpus indicus) ay isang napakahalagang punongkahoy sa Filipinas dahil sa tibay, bigat, at mataas na kalidad nitó. Kilalá rin ito sa pangalang asanâ, o angsanâ, bagaman nakalulungkot na naging popular sa binaluktot na bigkas na nárra noong panahon ng Espanyol. Ito ang pambansang punongkahoy ng Filipinas at ang panlalawigang punongkahoy ng Chonburi at Phuket sa bansang Thailand. Matatagpuan ito sa maraming lugar sa ating bansa, kadalasan sa mga pangunahing kagubatan at kapatagan. Malaki itong punongkahoy, maaaring tumaas nang 25 metro o higit pa. Ang mga dahon ay may 15 hanggang 30 sentimetro ang habà, may mababangong bulaklak na kulay dilaw at may 1.5 sentimetro ang habà. Mula Pebrero hanggang Mayo ang pamumulaklak ng nága sa Filipinas, Borneo, at Malay peninsula. Itinuturing na napakahalaga ng nága dahil sa magandang kahoy na karaniwan nang ginagamit sa konstruksiyon at paggawa ng mga muwebles. Ang mahahalagang bahagi ng marimba, isang instrumentong pangmusika, ay gawa sa kahoy na naga. Hindi gaanong inaanay at binubukbok ang kahoy nitó na tila amoy rosas. Nagbibigay rin ang kahoy nitó ng mga tina o sangkap pangkulay tulad ng narrin at santalin na ginagamit pangkulay ng mga katutubo. Ang mga bulaklak ay kinukunan ng pulut-pukyutan (honey), samantalang ang magulang na dahon ay maaaring gamitin bilang gugo o shampoo. Ginagamit din ang mga murang dahon nitó sa pagpapagaling ng ulcer, bungang araw, at sa pagpapahinog ng pigsa. Mayroong kemikal sa nakukuha sa Pterocarpus indicus. Ito ay ang kino, isang bagay na parang pandikit. Kilalang-kilala ang kino sa kultura ng Malay bilang gamot sa pagtatae at disinterya. Puwede rin itong gamitin bilang astringent para sa proteksiyon ng balát at mga panloob na bahagi ng katawan. (SSC) (ed VSA)

Jose Ma. Nava
(31 Hulyo 1891–14 Enero 1954) Kilalá si Jose Ma. Nava (Ho·sé Ma Ná·va) hindi lámang bilang pangunahing sarsuwelista sa wikang Ilonggo at peryodista kung hindi maging sa kilusang manggagawa sa Kanlurang Bisayas. Labintatlong gulang pa lámang ay binuo niya ang Progreso Infantil, isang organisasyong nagsasadula ng mga bodabil sa wikang Espanyol. Sa taón ding iyon, kasáma ang kaniyang kapatid na si Mariano, sumali silá sa Sociedad Lirico-Dramatica. Naging aktor siyá at kasáma sina Antonio Salvador at Narciso Bantegui, binuo nilá ang NaSalBanti Company na umikot upang magtanghal sa mga bayan ng Negros Occidental. Ilan sa mga sarsuwelang naisulat ni Nava ay ang Si Luding, Si Datu Palaw, Carnaval, Anak sang Yawa (Anak ng Demonyo), Ang Kulintas nga Saway (Ang Tansong Kuwintas), Pasion ni Cristo, at Buhi nga Bangkay (Buháy na Bangkay). Nagsimula ang buhay-peryodista ni Nava nang maging manunulat siyá sa El Tiempo, isang lokal na diyaryo sa wikang Espanyol at kalaunan ay naging patnugot. Nang magsara ang El Tiempo noong 1922, sinimulan niya ang sariling pahayagang La Prensa Libre sa taón ding iyon. Kasáma si Vicente Ibiernas, kababatà ni Nava, itinatag nilá ang unang organisasyong pangmanggagawa na Union Obrera de Iloilo noong 1917. Matapos ang 11 taon, itinatag at pinamunuan niya ang Federacion Obrera Filipina noong 1928 na nagkaroon ng mahigit sa 200,000 miyembro. Isinilang si Jose Ma. Nava sa Lungsod Iloilo at anak nina Mariano Nava, tubòng-Binondo, at Estefa Nuñal na isang Ilonggo. Nag-aral siyá sa Iloilo Central School, Iloilo High School at sa Iloilo Normal School bago siyá nag-aral ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas hábang nag-aaral din ng fine arts sa naturang institusyon. Naging asawa niya ang soprano ng grupong NaSalBanti na si Adela Carañeta. Nang mamatay si Carañeta hábang ipinapanganak ang kanilang ika-11 anak, nag-asawang muli si Nava kay Adelina Aldeguer at nagkaroon ng siyam na anak. Namatay si Nava sa sakit sa puso sa Manila Sanitarium noong 14 Enero 1954. (SJ) (ed VSA)

Calle Real, Lungsod Iloilo

Marcel M. Navarra
(2 Hunyo 1914-28 Marso 1984) Tinagurian si Marcel M. Navarra (Mar-sél Na-vá-ra) na “Ama ng Modernong Maikling Kuwentong Sebwano.” Ipinanganak siyá noong 2 Hunyo 1914 sa isang mahirap na pamilya sa Tuyom, Carcar, Cebu ngunit matiyagang binása ang anumang babasahín hanggang matutong sumulat. Umaabot diumano sa sandaan ang maikling kuwento naisulat niya. Una siyáng nakilála nang magwagi sa timpalak sa magasing Bisaya ang kuwentong “Ug Gianod Ako” (At Inaanod ako) noong 1937. Bago ito, nalathala sa Cebu Advertizers ang kaniyang unang tula noong 1930 hábang nilathala naman sa Nasud ang kaniyang unang kuwento noong 1931. Kinikilala rin ang kaniyang kuwentong “Paingon sa Bag-ong Kalibutan” (1947, Tungo sa Bagong Mundo) at “Ang Hunsoy Sunsungan Usab” (1954, Ang Hungkag na Hunsoy). Sinikap niyang mamuhay sa pamamagitan ng pagsulat. Naging editor siyá ng Bisaya sa Maynila sa mga taóng 1938-1941. Bumalik siyá sa Cebu sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naging patnugot siyá ng Lamdag noong 1947, naging bahagi ng Bulak noong 1948, at ng Republic Daily noong 1948-1952. Bumalik siyá sa Maynila at naging editor muli ng Bisaya hanggang 1972. Namatay siya noong 28 Marso 1984 sa bayang kaniyang sinilangan. (JGP) (ed VSA)

Jerimias Elizalde Navarro
(22 Mayo 1924-10 Hunyo 1999) Si Jerimias Elizalde Navarro (Dye·ri·mí·yas E·li·zál·de Na·vá·ro) ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal noong 1999. Isa siyang pintor, eskultor, dibuhista, ilustrador, tagadisenyong grapiko, manlilikha ng print, collage, at iba pang mixed media. Bahagi siya ng kilusang modernismo at kapanabayan nina Vicente Manansala, H.R. Ocampo, Arturo Luz, at ng kaniyang dating maestro na si Carlos Francisco. Una siyang nagtanghal ng solong eksibisyon noong 1954 sa Philippine Art Gallery. Noong 1995, itinanghal naman sa Metropolitan Museum ng Maynila ang retrospektibo ng kaniyang mga likha sa loob ng 45 taon. Masusulyapan sa eksibisyong ito ang saklaw at pagkakaiba-iba ng kaniyang mga likha, at natatanging husay niya sa napakaraming disiplina ng sining biswal. Ang paglalangkap ng inspirasyong Asyano sa kaniyang mga likha ay paglihis sa karaniwang paghalaw mula sa kanluraning estetika ng maraming Filipinong manlilikha. Karaniwang mababanaag ang sining at kulturang Balinese at estilong Shibui ng mga Hapones sa ilan niyang obra. Kinikilalang pangunahin sa kaniyang mga likhang mixed media ang I’m Sorry Jesus, I Can’t Attend Christmas This Year (1965), Homage to Dodjie Laruel (1969, koleksiyon ng Ateneo Arts Gallery), A Flying Contraption for Mr. Icarus (1984, Lopez Museum). Ang The Four Seasons (1992, koleksiyon ng Prudential Bank), isa pang pangunahing obrang oleong abstrak na may apat na panel, ay mahalagang halimbawa ng paggamit niya ng kulay na sagad ang igting at hitik sa mga hugis. Kinatawan ni Navarro ang Filipinas sa Sao Paolo Biennale sa Brazil noong 1969 at 1971. Nagkamit ng Unang Gantimpala ang kanyang Baguio sa ikalawang Watercolor Exhibition ng Art Association of the Philippines noong 1952. Isinilang siya sa Antique noong 22 Mayo 1924 sa mag-asawang sina Emiliano Navaro at Paz Elizalde. Napangasawa niya ang alagad ng sining ding si Virginia Ty. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ng batsilyer ng fine arts noong 1951 at nag-aral sa Arts Students League sa New York, Estados Unidos noong 1953. Naging guro rin siya sa UST at sa Randwick University sa Sydney, Australia. (RVR) (ed GSZ)

Nazaréno
Ang Nazaréno ay tumutukoy sa tagasiyudad ng Nazaret, sa Galilea o sa imahen ni Hesukristong may suot na kulay moradong damit. Ngunit sa Filipinas, tumutukoy ito sa pista ng Itím na Nazaréno sa Quiapo, Maynila tuwing ika-9 ng Enero. Libo-libo ang debotong lumalahok sa prusisyon ng imahen dahil sa pinaniniwalaang himala nitó. Ang imahen ay kasinlaki ng tao at mula Mexico. Dinala ito ng mga pari ng Ordeng Recoletos sa simbahan sa Bagumbayan at inilipat sa Intramuros. Noong 1787, ipinag-utos ni Basilio Sanco Junta y Rufina, Arsobispo ng Maynila, ang paglilipat ng imahen mula Intramuros patungo sa simbahan sa Quiapo. Ilang kalamidad na rin ang nalagpasan ng imahen ng Itim na Nazareno. Naisalba ito nang masúnog ang simbahan ng Quiapo noong 1791 at 1929; nakaligtas ito nang bombahin ang Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa pinsalang dulot ng mga kalamidad sa imahen, isang replika ang ginagamit sa mga prusisyon. (IPC) (ed VSA)

Fr. Bienvenido F. Nebres
(15 Marso 1940—) Si Fr. Bienvenido F.Nebres (Byén·ve·nído Ef Néb·res) ay kinikilálang mahusay na alagad ng matematika, edukador, at administrador. Makabuluhan ang kaniyang naging ambag sa pagpapaunlad ng pag-aaral ng matematika at inhenyeriya sa Filipinas. Dahil sa kaniyang walang sawàng pagsusulong ng repormang pang-edukasyon at pagsisikap na maiangat ang kalidad ng pag-aaral ng matematika at agham, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 27 Hulyo 2011. Isang tanyag na matematisyan si Nebres at ang tanging Filipinong dalubhasa sa Lohika ng Matematika. Ang kaniyang mga pananaliksik ay tumatalakay sa kahalagahan ng pagpapaunlad ng pag-aaral sa matematika. Nilinang niya ang mga teorya ng infinitary logics at inilapat ito sa praktikal na aplikasyon ng pagsusuri at alhebra. Pinamunuan ni Nebres ang pagtatatag ng Mathematical Society of the Philippines, Southeast Asian Mathematical Society, at ang Engineering and Science Education Project ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya. Tumulong siyá sa pagtatayô ng Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development at itinulak ang pag-oorganisa ng PhD Consortium sa iba’t ibang pamantasan. Bilang isang edukador, pinamunuan niya ang pagtatayô ng Ateneo Center for Educational Development, Pathways to Higher Education, at Synergeia Foundation. Ang mga institusyong ito ay kasalukuyang nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at sa Kagawaran ng Edukasyon upang paunlarin ang kalidad ng pag-aaral sa pampublikong paaralan sa mga lalawigan. Isinilang si Nebres sa Lungsod Baguio noong 15 Marso 1940 at lumaki sa Bacnotan, La Union. Nag-aral siyá ng pagpapari sa San Jose Seminary ng Vigan at sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte at Master sa Pilosopiya sa Berchmans College, Jesuit Scholasticate. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral sa Stanford University mula 1965 hanggang 1970 at nakapagtapos ng master sa Siyensiya at doktorado sa Matematika. Bumalik siyá sa Filipinas upang magturo, nanungkulang dekano ng Paaralan ng Arte at Agham sa Ateneo de Manila University (1973-1980), rektor ng Loyola House of Studies (1980-1982), superyor ng mga Heswita sa Filipinas (1983-1989), pangulo ng Xavier University (1990-1993), at pangulo ng Ateneo de Manila University sa loob ng labingwalong taon (1993-2011). (SMP) (ed VSA)

Jose Nepomuceno

(15 Mayo 1893-1 Disyembre 1959) Madalas bansagan si Jose Nepomuceno (Ho·sé Ne·po·mu·sé·no) bilang “Ama ng Pelikulang Filipino” sapagkat siyá ang kauna-unahang prodyuser ng mga pelikulang Tagalog. Siyá ang prodyuser, direktor, sinematograper, at manunulat ng kauna-unahang pelikulang Filipino na may ganap na habà, ang Dalagang Bukid, na kauna-unahan ding silent film sa bansa at ipinalabas noong 1919. Batay ang pelikula sa sarsuwelang may gayunding pamagat nina Hermogenes Ilagan at Leon Ignacio. Dalawa pa sa mahahalagang pelikulang ginawa ni Nepomuceno ang Ang Tatlong Hambog (1926), na nagpalabas ang kauna-unahang halikan sa pinilakang tabing; at Ang Punyal na Ginto (1933), ang unang Tagalog na talkie o pelikulang nilapatan o may kasámang tunog. Bukod sa paggawa ng pelikula, si Nepomuceno rin ang nakatuklas at nagsanay sa maraming artista, direktor, at teknisyan sa nagsisimulang industriya ng pelikulang Filipino. Isinilang siyá noong 15 Mayo 1893 sa Quiapo, Maynila, nag-aral sa San Beda College at nagtapos ng Painting at Electrical Engineer. Naging retratista muna siyá sa sariling aral at sikap at binuksan niya ang isa sa mga tanyag na estudyo noon, ang Electro-Photo Studio Parhelio. Siyá rin ang unang retratistang Filipino ng kumuha ng retrato sa gabi. Sinimulan ni Nepomuceno ang kaniyang karera sa pelikula noong 1917. Noong 1940, siyá ang kauna-unahang prodyuser ng mga komersiyal para sa sine. Pagkatapos ng ilang dekada ng pangunguna sa industriya, naglakbay siya pa-Estados Unidos upang pag-aralan ang color film, ngunit inatake sa puso at isinakay sa barkong ospital. Pumanaw siyá noong 1 Disyembre 1959 bago naipamahagi sa Filipinas ang mga napulot na kaalaman. (PKJ) (ed VSA)

Rafael “Paeng” Nepomuceno
(30 Enero 1957—) Si Rafael Nepomuceno (Ra·fa·él Ne·po·mu·sé·no) ay maituturing na pinakamagaling na manlalaro ng bowling hindi lamang sa Filipinas kundi sa buong mundo. Siya rin ang nag-iisang atleta sa bowling sa buong mundo na tumanggap ng prestihiyosong International Olympic Committee (IOC) President’s Trophy. Nanalo na rin siya ng mahigit sa 100 torneo, kasama na ang apat na World Cup of Bowling (1976, 1980, 1992, at 1996), gayundin ng dalawang pandaigdigang titulo—ang World’s Invitational Tournament noong 1984 at World Tenpin Masters Championship noong 1996—at ng gintong medalya ng Asiad. Mas kilala sa pangalang Paeng, si Nepomuceno ay napabilang sa Guinness Book of World Records dahil sa pagkapanalo ng pinakamaraming Bowling World Cup at bowling tournament e (118 kampeonato), at pagiging pinakabatàng nanalo ng Bowling World Cup sa gulang na 19. Siya rin ang tanging atleta na nagawaran ng mga titulo sa Amerika, Europa, Asya, Middle East, at Africa. Si Paeng din ang atletang Filipino na binigyan ng pinakamatataas na gawad ng tatlong presidente ng Filipinas: Presidential Medal of Merit (1984) mula kay Pangulong Ferdinand E. Marcos; Philippine Legion of Honor (1999) mula kay Pangulong Joseph E. Estrada, at Order of Lakandula with Class of Champion for Life (2008) mula kay Pangulong Gloria MacapagalArroyo. Isinilang si Paeng noong 30 Enero 1957. Anim na talampakan at dalawang pulgada ang kaniyang taas at kaliwete kung magpagulong ng bola. Pangalawa siya sa pitong anak nina Angel Nepomuceno at Teresita Villareal (dating Bb. Pilipinas noong 1951-1952). Kasal siya kay Saira R. Puyat, tagapangasiwang direktor ng AMF Puyat Bowling Center sa buong Filipinas. Isa si Paeng sa matatagumpay na atletang naglagay sa Filipinas sa mapa ng larong bowling at ng palakasan sa mundo. Patuloy pa rin siyang aktibo sa paglalaro, pagtuturo at pagpapalaganap ng bowling hanggang sa kasalukuyan. (RGA) (ed GSZ)

ngangà
Ang ngangà ay nguyáing karaniwang binubuo ng búyo (na bunga ng punòng palmang Areca catechu) at apog (na madalas na nanggagaling sa tahong) na binalot sa ikmo (Piper betel) o dahon ng litlit (Piper retrofactum). Pinaniniwalaan ng mga sinaunang mandirigma na nakapagpapalakas ang pagnganganga. Mahalagang bahagi rin ito ng ugnayang pangkomunidad at panlipunan sa bayang Filipino sapagkat ang pag-aalay nitó sa ibang tao ay ginagawa sa importanteng mga okasyong gaya ng pagsilang ng sanggol, panliligaw, kasal, pagpapagaling ng maysakit, at kamatayan. Marami rin sa mga Filipinong naninirahan sa kabundukan ng Cordillera ang ngumunguya ng nganga dahil nakapagpapainit ito ng katawan. Kayâ naman hindi nakapagtatakang karaniwang may espesyal na sisidlan pa sila para sa bitbit na nganga na kadalasan ay nakasabit sa kanilang baywang. Sa mga Maranaw, Magindanaw, Bagobo, at Tausug naman sa Mindanao, kapuwa ginagamit ang nganga bilang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay at sangkap ng mahahalagang ritwal. Pinakalaganap sa bansa ang pagnganganga noong bago matapos ang panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Noon, itinuturing na kabutihangasal ang mag-alok ng buyo sa mga bisita sa bahay, o magbigay nito bilang regalo o pabáon sa mga bibiyahe. Nailarawan pa ni Jose Rizal sa Noli Me Tangere ang alok na sigarilyo at buyo sa mga táong papasok sa bahay ni Kapitan Tiago. Gayunman, ang mahalagang papel ng nganga sa mga epikong-bayan (hal., sa Hudhud ng mga Ifugaw at Ullalim ng mga Kalinga), kuwentong-bayan, at alamat ang magpapaalala ng malalim na ugat nito sa kalinangan ng bansa. Kilala rin ang nganga sa tawag na hitsó sa Sebwano at Bikol, malám-on sa Hiligaynon, máman sa Kapampangan, mám-on sa Waray, gágalén sa Pangasinan, at bamà sa Maranaw. (GAC) (ed GSZ)

nílad
Ang nílad ay isang halamang palumpong na 3 metro (10 talampakan) ang taas na malimit matagpuan sa mga aplayang mabuhangin o sa mga lugar na maraming bakawan. Kilalá rin ito sa tawag na nila sa Malay o chengam sa Singapore. Ang pangalang siyentipiko ay Scyphiphora hydrophyllacea. Ang mga dahon ay malalapad na may hugis patak at mayroong magkasalungat na ayos ng mga ugat. Balót ng animo barnis ang mga búko at mga muràng dahon. Hugis túbo o pahabâ ang mga bulaklak ng nilad na may apat na umbok na kulay rosas. Nakakumpol ang mga ito nang makapal o siksikan. Ang mga bunga ay hugis patambilog (elliptic) at may malalim na guhit o tagaytay (ridge) na magiging kayumanggi ang kulay at gumagaan ang timbang kapag hinog na. Ang matingkad na kulay kayumangging punò ng nilad ay maaaring gamitin sa pagbubuo ng maliliit na gamit na yari sa kahoy. Gamot sa sakít ng tiyan ang katas na gáling sa dahon nito. Ang mga bulaklak ay maaaring gamitin bilang panlinis at pampaputî ng mga damit. Hango sa salitâng nilad ang Maynila, ang kapital na lungsod ng Filipinas. Ayon sa kasaysayan, ang pampang ng Look Maynila ay nababalot ng napakaraming nilad noong unang panahon. Ang lugar ay tinawag na “Maynila” na ang ibig sabihin ay “mayroong nilad.” Ang pangalan ng halaman naman ay gáling sa salitâng Sanskrit na ang ibig sabihin ay “punò ng indigo.” (SSC) (ed VSA)

nínang, nínong
Mula sa pinaikling Espanyol na madrina/padrino, tinatawag na nínang o nínong ang tao na nahilingang kinatawan ng isang bibinyagan, kukumpilan, o ikakasal sa simbahang Katoliko. Nagiging tila pangalawang ina o ama ng bininyagan, kinumpilan, o ikinasal ang kaniyang nínang o nínong. Kayâ tinatawag ding “inaama” o “iniina.” Inaasahan sa isang responsableng nínang o nínong ang pagbibigay ng patnubay sa inaanak, pagtulong kung kailangan, at lalo na kung maulila sa mga magulang. Dahil dito, kaugalian noon na hilinging maging nínang o nínang ang isang kamag-anak o totoong kaibigan ng magulang. Bahagi ito, ayon sa mga sosyologo, ng sistemang kumpadre o compadrazgo na umiral sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ang pagiging magkumpadre o magkumadre ay isang paraan ng pagpapalawak sa ugnayang magkamag-anak. Kapag naging matalik ang ugnayang magkumpadre ay halos magturingan siláng magkapamilya. Sa politika, isang paraan naman ito ng paglikom ng kapangyarihang pampolitika sa isang bayan o lalawigan. Naging palatandaan ng korupsiyon sa naturang kaugalian ang paghiling na nínang o nínong ang isang mayaman o makapangyarihan, kahit hindi kakilála, o ang pag-imbita sa napakaraming nínang at nínong sa isang binyagan o kasalan. (GCA) (ed VSA)
Retrato ng isang binyagan.

niyóg
Ang niyóg (Cocos nucifera) ay punongkahoy na miyembro ng pamilya Arecaceae (palm family). Ito lámang ang tanggap na species sa genus na Cocos. Ang terminolohiya ay maaaring tumukoy sa buong halaman o sa bunga. Kilalá ang niyog na isang halaman na maraming gamit kayâ tinawag na “Tree of Life” dahil nagagamit ng tao ang iba’t ibang bahagi nitó. Bahagi ng pang-araw-araw na pagkain ang niyog. Ang endosperm na kilaláng laman na nakakain ay maaaring tuyuin upang maging kopra. Puwedeng gamiting pamprito ang langis ng niyog, o maaari namang sangkap sa paggawa ng sabon at kosmetik. May mga pananaliksk sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na nagpapatunay na ang langis ng niyog ay magagamit sa isang angkop na proseso upang maging virgin coconut oil. Nagtataglay ito ng maraming katangiang medisinal. Ang tubig ng niyóg ay ginagamit bilang isang inumin. Dito sa Filipinas at maging sa ibang bansa, popular na ang pagpoproseso nitó bilang inumin at itinuturing na napakabuting pampalit sa sopdrink. Puwede rin itong iproseso para maging alkohol. Pinapaasim ang tubig ng niyog sa pamamagitan ng permentasyon upang maging nata de coco. Ang bunót at mga dahon ay gamit sa iba’t ibang dekorasyon at adorno, sa paggawa ng basket, lubid, sombrero, at walis, sa mga kagamitang pangkusinang tulad ng mangkok, sandok, at iba pa. Maaari ring gamitin ang mga bao ng niyog pagkatapos na magamit na ang laman bilang direktang panggatong o gawing uling. Ang gatâ ng niyog ay ginagamit sa iba’t ibang preperasyon ng pagkain, tulad ng laing, ginataan, bibingka, ube halaya, pitsi-pitsi, palitaw, buko taón. Nabubúhay ang niyog sa mabuhanging lugar, at kahit sa mga lugar pie, at marami pang iba. Gumagamit ang coconut jam ng gata at asukal na na malapit sa tubig tabsing. Kailangan nitó ang matingkad na síkat ng muscovado. Ang isang uri o variety ng niyog na tinatawag na makapunô araw, regular na pag-ulan, at mataas na halumigmig. (SSC) (ed VSA) ay gamit sa paggawa ng isang popular at masarap na minatamis. Sa rehiyon ng Ilocos, pinupunô ang magkabaak na bao ng diket (minatamis na kanin) at nilalagyan ng liningta nga itlog (kalahating nilagang itlog) ang ibabaw. Ang ritwal na ito ay tinatawag na niniyogan, isang pag-aalay na ginagawa para sa mga namatay ng mga kamag-anak at ninuno. Kasama rin dito ang palagip, isang panalangin para sa mga yumao. Bukod sa Filipinas, nagtatanim ng niyog sa mahigit na 80 bansa sa mundo. Ang kabuuang produksiyon ay tinatáyang nása 61 milyong tonelada kada

nobéla
Mula sa Italyanong novella, inimbentong anyong pampanitikan sa tuluyan ang nobéla na karaniwang isang mahabà at masalimuot na salaysay ng mga magkakaugnay na pangyayari. Umusbong ito sa Filipinas noong hulíng bahagi ng ika-19 na dantaon ngunit namulaklak sa unang hati ng ika-20 dantaon. Tinatawag itong nobéla sa Tagalog, Bikol, Iluko, at Kapampangan, kung minsan, kathâng-búhay, at sugilánon naman sa Ilonggo at Sebwano . Bagaman banyagang anyo, mauugat ito sa katutubo at pasalitâng panitikan, lalo na sa mga épikóng-báyan, at sa mga didaktiko’t moralistang salaysay na dinalá ng mga Espanyol na gaya ng pasyón at ng mga métrikó románse. May mahabà’t matimyas na na pantasya’t kababalaghan mula sa mga alamat at kuwento ng mga bayaning-bayan hanggang sa pakikipagsapalaran ng mga prinsipe’t prinsesa ng mga awit at korido. Marikit na halimbawa naman ng didaktikong akdang tuluyan ang Urbana at Feliza (1864) at Si Tandang Basio Macunat (1865). May espiritung realista na ang nobéla nang lumitaw alinsunod sa Ninay ni Pedro Paterno noong 1885, at lalo na sa mga dakilang Noli me tangere (1887) at El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal. Ang halimbawang ito sa realismo ang ituturing na higit na makabuluhang paraan ng pagnonobéla sa nakaraang mahigit sansiglo. Sa ganito ibinubukod ng mga kritiko ang pagsulat ng gaya nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Iñigo Ed. Regalado, Lazaro Francisco, Stevan Javellana, Juan C. Laya, Ramon Muzones, Macario Pineda, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Bienvenido Santos, Kerima Polotan, Andres Cristobal Cruz, Liwayway E. Arceo, Rosario Guzman-Lingat, Benjamin C. Pascual, Wilfrido Nolledo, Constante C. Casabar, Edgardo M. Reyes, Efren Reyes Abueg, Rogelio Sikat, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Abdon Balde Jr., at marami pa. (VSA)

nobéna
Mula sa Espanyol na novena o pagsisiyam, ang nobéna ay isang panatang Kristiyano na kailangang gawin nang ulit-ulit sa loob ng siyam na araw. Malimit na isinasagawa ito sa paraan ng pagrorosaryo, pag-eestasyon, o pagsisimba nang siyam na araw. Ang nobéna ay isang sakripisyo para sa katuparan ng isang kahilingan o isang paraan ng pasasalamat sa tinamong magandang kapalaran. May nobena ng preparasyon, tulad ng Simbang Gabi na paghahanda sa Pasko. Mula dito ang nobenáryo (may baryant na “lubináryo”) at tumutukoy naman sa siyam na araw na paghahanda para sa isang pista ng patron. Karaniwang ginagawa ang nobenáryo sa pamamagitan ng misa araw-araw. Sa ibang pook na mariwasa, nagdaraos ng mga programa’t paligsahan sa naturang siyam na araw upang magkaroon ng pinakamalaking pagtatapos sa kapistahan. Bakit siyam na araw? Sinasabing mula ito sa Banal na Kasulatan, may impluwensiya ng kaugalian ng maririwasang Griyego-Romano na ipagluksa ang namatay nang siyam na araw bago magdiwang. Sinasabi rin sa Bagong Tipan na matapos mamatay si Kristo ay nagdasal si Maria at mga apostoles nang siyam na araw at nagtapos sa pagbabâ ng Espiritu Santo. May pasiyam din ang mga Filipino pagkatapos ilibing ang patay. Sinauna ba ito o Kristiyano? (EGN) (ed VSA)

Noli me tangere
Nobelang isinulat ni Jose Rizal ang Noli me tangere at nalathala noong 1887 sa Berlin, Germany. Ang pamagat ay salitâng Latin na nangangahulugang “Huwag akong hawakan” (Juan 20-17). Tinutukoy nitó ang tila kanser na sakít ng pamahalaan at simbahan na makirot munting di-masalíng. Ipinahahayag nitó ang doktrina ng nasyonalismong Filipino at pagbabanyuhay ng sambayanang Filipino. Sa nobela, nagbalik sa Filipinas ng pangunahing tauhang si Juan Crisostomo Ibarra mula sa kaniyang pag-aaral sa Europa at naisip magbukás ng makabagong paaralan sa bayan ng San Diego. Kaugnay nitó ang pagbuhay sa pag-ibig sa kababatàng si Maria Clara at pag-aalaga sa libingan ng ama. Binigo siyá ng magkasanib na lakas ni Padre Damaso, ang lihim na ama ni Maria Clara at lihim na nagpakana upang mamatay sa piitan ang ama ni Ibarra, at ni Padre Salvi, na may lihim na pagnanasa kay Maria Clara. Sinikap ni Padre Damaso na ipakasal si Maria Clara sa isang Europeo. Nagtatag naman ng isang kunwa-kunwariang pag-aalsa si Padre Salvi at ipinasigaw na lider nitó si Ibarra upang mapiit sa Maynila. Kaugnay nitó, nilikha ni Rizal ang ibang tauhang biktima ng korupsiyon at kawalang-katarungan, gaya nina Pilosopong Tasio, Sisa at mga anak, ang guro, ang mga tulisan, at Elias, gayundin ang mga karikatura ng kasipang kolonyal na gaya ni Donya Victorina at Donya Consolacion, at labis na relihiyosidad na gaya nina Hermana Rufa at Hermana Penchang. Si Elias ang naging tagapagligtas ni Ibarra sa mga panganib. Sa dulo, itinakas si Ibarra ni Elias sa piitan ngunit hinabol silá ng patrulya sa lawa. Tinamaan si Elias at inakalang si Ibarra ang nahulog sa lawa. Dahil sa pangyayari, pinilì ni Maria Clara na magkulong sa kumbento. Ang nobelang ito at ang karugtong na El filibusterismo (1891) ay nagpaalab sa damdaming makabayan at naging mitsa ng Himagsikang Filipino. Sa kabilâng dako, pinatindi nitó ang poot kay Rizal ng mga fraile at sanhi ng pagdakip sa kaniya, pagpapatapon, at pagbitay. (MIM) (ed VSA)

Ramón A. Obúsan

(16 Hunyo 1938-21 Disyembre 2006) Si Ramón A. Obúsan ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 2006. Isa siyáng koreograpo, mananayaw, artistikong direktor, at iskolar ng sayaw. Malawakan at malalimang sinaliksik at itinala ni Obusan ang mga katutubong kultura ng mga etnikong pangkat sa Filipinas. Naglakbay siyá sa buong Filipinas upang mabatid, unawain at pag-aralan hindi lámang ang kanilang mga ritwal at kaugalian, awit, musika at sayaw, kundi maging ang buhay ng mga táong nagsasagawa ng mga ito. Sinikap niyang maging higit na makatotohanan ang mga pagtatanghal ng katutubong sayaw sa pamamagitan ng paggamit ng mga tunay na kasuotan, awtentikong musika at aktuwal na mga galaw, sa entablado o saanmang espasyo nagtatanghal. Gumawa rin siyá ng koreograpiya at nagdirihe ng mahigit sa 100 malikhaing produksiyon sa telebisyon, pista ng sining, pelikula, natatanging pagtatanghal, parada at paligsahan. Noong 1971, itinatag niya ang Ramon Obusan Folkloric Group (ROFG) na nakalahok at nagwagi sa maraming internasyonal na pagtatanghal at paligsahan. Sa kaniyang mga likha, pinakanatatangi ang mga ganap na pagtatanghal gaya ng Kayaw (1968 at 1974), isang makatotohanang paglalarawan sa mga ritwal ng mga tribu sa Kordilyera sa pamamagitan ng sayaw at musika; Vamos a Belen (1998-2004), antolohiya ng mga tumutugtog, umaawit at sumasayaw na mga pastol patungo sa sanggol na si Hesus; at Noon Po sa Amin, isang tableaux ng kasaysayan ng Filipinas gamit ang awit, sayaw at drama. Isinilang siyá noong 16 Hunyo 1938 sa Legaspi, Albay kina Praxedes Obusan at Josefina Arevalo. Nagtapos siyá ng kursong marine biology at cultural anthropology mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kaniyang bahay sa Lungsod Pasay ay nagsilbi ring isang museong naglalaman ng malawak na koleksiyon ng mga artifak, katutubong instrumentong pangmusika at iba pang sagisag pangkultura. Nagsisilbi rin itong lagakan ng mga kagamitan at kasuotan sa produksiyon, at sanayan at tirahan ng mga kasapi ng ROFG at maging ng mga kasapi ng iba pang pangkat ng sayaw. Namatay siyá noong 21 Disyembre 2006. (RVR) (ed GSZ)

Geminiano T. de Ocampo
(16 Setyembre 1907-2 Setyembre 1987) Si Geminiano T. de Ocampo (He·mín·yá·no Ti de O·kám·po) ang tinaguriang “Ama ng Makabagong Optalmolohiya” sa Filipinas. Kilalá siyá bilang isa sa pinakamahusay na optalmologo ng bansa, mananaliksik, imbentor, manunulat, at lider sibiko. Pinangunahan niya ang pagtatatag ng kaunaunahang ospital ng matá sa Filipinas at naging susi sa pag-oorganisa ng Philippine Ophthalmological Society at Philippine Eye Research Institute. Bilang isang imbentor, nagdisenyo siyá ng bagong instrumento na tinaguriang de Ocampo corneal dissector. Siyá rin ang unang siruhano na nagpasimula ng corneal transplantation sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1982. Isa sa pinakamahalagang saliksik na kaniyang pinamunuan ay ang Case Report on Neovasculogenesis of the Retina, Perivasculitis, and Plevitis Retina na nalathala noong 1944. Sinulat rin siyá ng isang komprehensibong ulat na pinamagatang Blindness During the Japanese Occupation in the Philippines. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtungo si de Ocampo sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang mas mataas na pagsasanay. Dito niya natutuhan ang makabagong paraan ng corneal transplantation at sinimulang gamitin sa Filipinas. Inimbento rin niya ang de Ocampo corneal dissector na nagpadalî ng proseso ng pagtitistis sa matá. Pinasimulan niya ang pagtatayô ng De Ocampo Eye Hospital noong 1952, ang kauna-unahang ospital ng matá sa Filipinas. Malaki rin ang naging kontribusyon niya sa pagsususog ng Republic Act 343 upang mapalakas ang mga patakaran sa pagbibigay ng matá ng mga yumao na. Dahil sa batas na ito, maraming Filipino ang nailigtas mula sa tuwirang pagkabulag. Isinilang si de Ocampo noong16 Setyembre 1907 sa Malolos, Bulacan at anak nina Juan de Ocampo at Vicenta Tiongson. Nakatapos siyá ng Medisina sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1932 at nagpakadalubhasa sa optalmolohiya. Hábang naglilingkod sa iba’t ibang ospital sa Maynila ay nagtuturo rin siyá sa unbersidad. Napakaraming karangalan at pagkilala ang iginawad sa kaniya ng gobyerno ng Filipinas at mga pribadong institusyon, kabilang ang Republic Heritage and Cultural Award for Science (1961), Distinguished Service Medal (1965), Jose Rizal Award for Excellence (1968), Distinguished Medical Alumnus ng UP (1971), Ayala Award for Medical Science (1974) bago yumao noong 2 Setyembre 1987. (SMP) (ed VSA)

Hernando R. Ocampo

(28 Abril 1911-28 Disyembre 1978) Isa si Hernando R. Ocampo (Er·nán·do Ar. O·kám·po) sa mga radikal na Modernistang pintor ng Filipinas. Noong bago magkadigma, miyembro siyá ng 13 Moderns na itinatag ni Victorio Edades, at naging sikat na katrio ng reo-realistang sina Vicente S. Manansala at Cesar Legazpi na naging mga Pambansang Alagad ng Sining lahat. Ipinahayag din siyáng Pambansang Alagad ng Sining (postumo) noong 1991. Nagsimula siyá sa pagtatanghal ng mapapait na larawan ng lipunang Filipino sa matitingkad na kulay. Pagkuwan, nakadevelop siyá ng isang uri ng abstraksiyon na mistulang liwanag, bituin, at ulan sa kumikilos at maningning na kulay. May nagsabing ang kaniyang sining “ay mga abstraktong komposisyon ng mga anyong biyolohiko na tila kumikislot, kumikinig, lumiliyab, at nagsasanga-sanga.” Ipinanganak si Ocampo noong 28 Abril 1911 sa Sta. Cruz, Maynila kina Emilio Ocampo at Delfina Ruiz, na kapuwa ilustrado. Luimipat silá sa Maypajo, Kalookan. Nag-aral siyá ng abogasya, sa amuki ng ama, ngunit nahilig sa malikhaing pagsulat. Kasáma siyá sa Veronicans ng mga manunulat sa Ingles. Ngunit nagsulat din siyá sa Filipino at malimit malimbag sa antolohiya ang kaniyang kuwentong “Bakya.” Gayunman, higit siyáng pinarangalan bilang pintor. Noong 1948, kinatawan niya ang Filipinas sa Sports Art Exhibition sa Victoria at Albert Museum sa London. Noong 1950, inalok siyáng maging iskolar sa sining Pranses sa Paris at noong sumunod na taon ng grant ng Smith-Mundt sa Estados Unidos, ngunit kapuwa niya tinanggihan ang mga ito. Kabilang sa mahalagang pintura niya ang Ina ng Balon, Calvary, Slum Dwellers, Nude with Candle and Flower, Man and Carabao, Fiesta, Easter Sunday, at pinakapopular ang Genesis na naging huwaran ng disenyo sa telon ng Cultural Center of the Philippines Main Theater. Naitanghal ang kaniyang pintura sa Washington, New York, London, at Tokyo. Nagawaran naman siyá ng Republic Cultural Award noong 1965, Patnubay ng Sining at Kalinangan noong 1969, Diwa ng Lahi noong 1976. Namatay siyá sa sakit sa puso noong 28 Disyembre 1978. (EGN) (ed VSA)

OFW
OFW (o·ef·do·bol·yu) ang pinaikling tawag sa mga Overseas Filipino Workers, mga manggagawang Filipino na nagpupunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Silá ang tinaguriang mga “bagong bayani” ng bansa. Umaabot na sa mahigit siyam na milyon ang bilang nilá na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at nagtatrabaho bilang mga domestic helper (DH) o kasambahay, mga manggagawa sa konstruksiyon, mga propesyonal na ineempleo sa mga ospital, barko, hotel at restoran, eskuwelahan, at sa mga kompanyang nása serbisyo, impormasyon, at teknolohiya. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas at National Statistics Office, noong 2008 ay nakapagtala ng 16.4 bilyong dolyar ang naipadaláng remitans ng mga OFW na pumasok sa bansa. Kumakatawan ito sa 11.4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa, kayâ ang taguri sa kanilang mga “bagong bayani” ay pagkilala sa malaki niláng kontribusyon sa ekonomiya ng Filipinas. Karamihan sa mga OFW ay mga propesyonal na walang makuhang trabaho sa loob ng Filipinas o mga nagtatrabaho na pero maliit lámang ang tinatanggap na kita. Kadalasang tumatagal ang kontrata ng trabaho sa pagitan ng tatlong buwan hanggang dalawang taon o higit pa. Tinatayang nása 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga OFW ang mga “undocumented” o ilegal na nagtatrabaho sa ibang bansa. Pumapasok silá sa isang bansa bilang mga turista at doon naghahanap ng trabaho. Sa ganitong sitwasyon, dumarami ang mga manggagawang Filipino na nagiging biktima ng mga pang-aabuso ng mga amo nilá. Nagsimula ang labor export program (LEP) ng gobyernong Filipinas noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos upang makontrol ang panlipunang kaguluhan at bahagi ng mga pagbabagong idinidikta ng gobyernong Amerikano sa estruktura ng ekonomiya ng bansa. Layunin nitó na maibsan ang problema ng kawalan ng trabaho at mabawasan ang pangungutang ng gobyernong Filipinas. Nagresulta ito sa maramihang paglikas ng mga manggagawa, propesyonal man o bihasang manggagawa, papuntang ibayong-dagat lalo na sa mga bansa sa Gitnang Silangan at mga karatig bansa sa Asia. Napakalaki ngayon ng konsentrasyon ng mga OFW nasa Saudi Arabia. (AMP) (ed VSA)

ókir
Salitâng Maranaw ang ókir (may varyant na ókkir) para sa úkit at tinatawag ding úkkil ng mga Tausug. Tinutukoy nitó ang makurba at malantik na mga disenyo sa paglilok ng kahoy, na binabarnisan o pinipintahan sa sarisaring kulay. Nililikha din ang naturang disenyo sa tanso. Pangunahing mga disenyo ng ókir ang anyo ng sarimanók, nága, at páko rábong. Ang sarimanók ay estilisadong anyo ng isang ibon na may imahen ng isda sa tukâ. Ang nága ay estilisadong anyo ng mitikong ahas o dragon. Ang pako rabong ay tila abstraksiyon ng sumisibol na pakô. Ang mga naturang disenyo ay iniuukit sa panólong, ang nakaungos na tahilan ng sahig ng torógan, gayundin sa iba pang panloob na tahilan at poste. Ang naturang disenyo ng ókir ay ginagamit din sa paghabi ng tela, sa mga inukit na pantanda sa puntod, mga kahoy at tansong kahon, at sa puluhan ng mga patalim.(LJS) (ed VSA)

Simeon Ola

(2 Setyembre 1865-14 Pebrero 1952) Si Simeon Arboleda Ola (Sim·yón Arboléda Ó·la) ay magiting na lider ng mga rebolusyonaryo sa Bikol noong panahon ng Espanyol at Amerikano, at isa sa mga hulíng sumuko. Isinilang siyá noong 2 Setyembre 1865 sa Guinobatan, Albay kina Vicente Ola at Apolonia Arboleda. Pumasok siyá sa seminaryo upang mag-aral ng pilosopiya, ngunit nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, tumigil siyá ng pag-aaral at lumahok sa Katipunan. Naging pinunò siyá ng mga rebelde sa kaniyang bayan. Dahil sa kaniyang matagumpay na pananambang sa mga kaaway, hinirang siyáng kapitan ni Heneral Vito Belarmino, ang pangkalahatang pinunò sa Bicol. Nang dumating ang mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa kabila ng pagsuko ni Heneral Belarmino noong 1901. Namundok siyá, tinipon ang natitirang mga kawal na Filipino na hindi sumuko, at naging pinakamataas na pinunò sa Bicol. Nagkasakit siyá sa bundok at nahimok ng mga kamag-anak at kaibigang sumuko noong 25 Setyembre 1903 kay Koronel Harry H. Bandholtz. Dalawang buwan pagkaraan, nilitis siyá at hinatulang mabilanggo nang 30 taon. Nakalaya lámang siyá nang bigyan ng amnestiya ni Gobernador Heneral William Howard Taft ang lahat ng bilanggong politikal. Naging presidente (alkalde ngayon) siyá ng Guinobatan mula 1910 hanggang 1917 at nagsagawa ng maraming pagbabago sa kaniyang bayang sinilangan. Namatay siyá noong 14 Pebrero 1952 at inilibing sa Guinobatan. Isang monumento ang inialay kay Ola sa Lungsod Legazpi, at ipinangalan din sa kaniya ang tanggapang rehiyonal ng kapulisan. (PKJ) (ed VSA)

Luz Olivéros-Belárdo
(3 Nobyembre 1906-12 Disyembre 1999) Si Luz Olivéros-Belárdo ang natatanging alagad ng pytho-chemistry sa Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral hinggil sa kemikal na komposisyon ng mga katutubong halaman sa bansa ay nagbigay daan sa paglikha ng mga medisinang herbal, natural na pampalasa, pabango, pestisidyo, at panggatong na langis. Siyá ang tumuklas ng 40 bagong mahahalagang langis mula sa katas ng mga halaman. Nagsagawa rin siyá ng masinsing pag-aaral kung paano magagamit ang enzymes ng papaya bilang botanikal na gamot. Ipinakita niya na maaaring gumawa ng natural na sabon gamit ang langis ng niyog. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1987. Napukaw ang interes ni Belardo sa mga halamang gamot dahil sa obserbasyon niya sa ginagawang panggagamot ng mga albularyo. Napansin niya na halaman ang pangunahing ginagamit ng mga ito. Una niyang pinag-aralan ang mga kemikal at parmasiyutikal na katangian ng halamang tanglad. Nadiskubre niya na nagtataglay ito ng mahalagang kemikal na may kakayahang labanan ang pagtaas ng presyon ng dugo. Mula noon, sunod-sunod na ang ginawa niyang pananaliksik sa iba’t ibang halamang gamot sa Filipinas. Siyá ang unang siyentista sa Timog Silangang Asia na nagsagawa ng kemikal na pag-aaral sa halamang sitsirika. Natuklasan niya na mayaman ito sa alkaloid, fatty acid, at mahalagang langis na maaaring gamiting panglunas sa maraming uri ng sakit. Isinilang si Luz Olivares Belardo noong 3 Nobyembre 1906 sa Navotas, Rizal at anak nina Aurelio Oliveros at Elisa Belarmino. Natapos niya ang batsilyer sa Siyensiya sa Parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 at master sa Parmasiyutikong Kemistri noong 1933. Nakuha niya ang doktorado sa Parmasiyutikong Kemistri sa University of Connecticut noong 1954. Bumalik kaagad siyá sa Filipinas upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa Philippine Women’s University at magsagawa ng mga pananaliksik. Noong 1995 ay natuklasan niya na ang katas ng langis mula sa dahon ng halamang papua ay mabisàng panlaban sa peste. Nagamit ito ng mga lokal na kompanya ng pestisidyo upang lumikha ng natural na pamatay peste. Yumao siyá noong 12 Disyembre 1999. (SMP) (ed VSA)

OPM - Original Pilipino Music
Ang Original Pilipino Music o OPM ay isinilang sa panahon ng Batas Militar. Noong dekada 1970, ang industriya ng musika ay hindi pumapabor sa mga lokal na musiko at higit na pinapaboran ang pagsasahimpapawid ng popular na musikang dayuhan. Ang musikong nagbigay-daan para sa pagkilala sa OPM ay ang bandang Juan de la Cruz, na binubuo nina Joey “Pepe” Smith, Mike Hanopol, at Wally Gonzales. Nakilala silá lalo na sa kanilang awit na “Ang Himig Natin.” Ang titik ng awit ay paglalarawan sa kalagayan at mithiin ng musikong Filipino sa panahong iyon at paghamong magkaisa upang maitanghal ang kakayahan ng mga lokal na musiko. Sa panahon ding ito, tinangkang palaganapin ang kamalayang pangkultura ng mamamayang Filipino. Itinayo ang Folk Arts Theater, Makiling High School for the Arts, Philippine International Convention Center, at mas nauna pa rito, ang Cultural Center of the Philippines. Noong 1975, ang Broadcast Media Council na B75-31 ay naglabas ng isang resolusyong nag-uutos sa lahat ng estasyong panradyo na may programang pangmusika na magpatugtog ng isang musikang Filipino bawat oras. Sa panahong ito, nagsimula nang bumenta ang OPM na kinabibilangan ng musika nina Sharon Cuneta, Rico J. Puno, Nonoy Zuñiga, Leah Navarro, Celeste Legaspi, Florante, Mike Hanopol, at mga grupong Apo Hiking Society, Hotdog, VST & Co. Noong 1978, nagsimula rin ang Metro Manila Popular Music Festival o Metropop, isang tagisan ng husay sa paglikha ng kanta na naglalayong iangat ang musikang Filipino. Dito nagwagi ang Anak ni Freddie Aguilar na kinilala hindi lámang sa Filipinas kundi sa Asia at Europa. Sa Metropop din isinilang ang bagong henerasyon ng kompositor—sina Ryan Cayabyab, Vehnee Saturno, Louie Ocampo, Odette Quesada, Heber Bartolome, Gary Granada at iba pa. Sa panahon ng OPM ay umusbong ang iba’t ibang genre ng musikang Filipino. Kabilang dito ang Pinoy folk, na kinakatawan ng grupong Asin; disco music tulad ng “Annie Batungbakal” at “Bongga ka Day!” rock tulad ng “Laki sa Layaw” at “Nosi Balasi”; at inspirational gaya ng “Lift Up Your Hands,” at “Lead Me Lord.” (RCN) (ed GSZ)

orasyón
Mula sa Espanyol na oracion na maaaring tumukoy sa “talumpati” o “dasal,” ang orasyón ay isang kaugaliang Kristiyano na huminto sa ginagawa pagsapit ng takipsilim, lumuhod o humarap sa gawing simbahan, para manalangin. Inihuhudyat ito ng mabagal na pagtugtog ng batingaw sa simbahan pagsapit ng ikaanim ng gabi. Ang tugtog ng kampana at ang oras ng pagtugtog ay tinatawag ding orasyón. Ang panalangin ay karaniwang nauukol sa pagpapasalamat sa tinamong biyaya sa nagdaang maghápon. Pagkatapos magdasal, nagsisipagmano ang nakababatà sa mga nakatatanda sa paligid. May matandang paniwala na kahit ang mga butiking bahay ay sumasamba sa orasyón. Bunga ito ng pangyayaring totoong bumababâ sa lupa ang mga butiki at tila humahalik sa lupa kapag sumisimsim ng lamig o hamog. Orasyón din ang tawag sa maikling dasal na pinaniniwalang mahiwaga dahil nakapagpapagalíng sa maysakit o nakapagliligtas sa panganib. Isa itong kasangkapan sa panggagamot ng albularyo at ibinubulong-bulong kapag may ginagamot. Inuusal din itong tila agimat kapag inaakalang nása bingit ng panganib. Walang nakaiintindi sa orasyón sapagkat malimit na pinaghalò-halòng salitâng Latin, Espanyol, at katutubo. Ipinamamana naman ito ng matanda sa pinilìng kabataan. Nag-ugat diumano ito sa mga pariralang Latin sa pasyon at sa mga sermon noon ng pari sa wikang Latin at Espanyol na tinatandaan ngunit di-naiintindihan ng mga Filipino. May pinaniniwalaang sinambit ni Kristo at kayâ walang katulad ang ibinibigay na bisà. Isang halimbawa ang sumusunod:”Jesucristo maria bedreno et curo tenaman, Amen” na ginagamit upang manghinà ang kaaway. Gayunman, may iba pang ritwal itong kailangang gawin upang maging epektibo. Sinasabi ring may kontraorasyón sa bawat orasyón. (LJS) (ed VSA)

Orasyon ni Carlos V. Francisco

Orgánong Kawáyan ng Las Piñas
Ang Orgánong Kawáyan ng Las Piñas o Las Piñas Bamboo Organ ay idineklara ng Museong Pambansa ng Filipinas bilang Pambansang Kayamanang Pangkultura noong 11 Marso 2004. Sinimulang buuin ito hábang ginagawa ang simbahan ng Las Piñas sa pagitan ng 1816 hanggang 1821. Itinanghal din ang obrang ito ni Padre Diego Cera bilang kaunaunahang organo sa buong mundo na yari sa kawayan (85 porsiyento ang kawayan at 15 porsiyento ang bakal). Gumamit din si Padre Cera ng naga, kamagong, at mulawin bilang kahon at para sa pagbuo ng mekanismo at suporta ng instrumento. May kabuuan itong 1,031 túbo, bagaman hindi lahat ay tumutunog, at 129 sa mga ito ay gawa sa metal. Ang mga túbong nangangailangan ng tunog ng trumpeta ngunit hindi káyang gawin ng kawayan ay ginamitan ng metal na may taginting at tunog ng trumpeta. Nahirapan si Padre Cera sa paggamit ng kawayan. Para tumibay ang kawayan, mahigit isang taon niyang ibinabaón sa buhanginan sa pampang ng dagat ang mga kawayang napili. Maraming pinagdaanang kalamidad ang organo. Sa lindol noong 1829, bumagsak ang bubong ng simbahan ng Las Piñas at nabasa ng ulang ang instrumento. Noong 1863, dahil sa malakas na lindol, labindalawang túbo nitó ang nasira at kalahati nitó ay hindi na maaaring komponehin. Noong 1863 at 1872, pinalitan ang mga nasirang túbo ng organo. Noong 1880, pumutok ang Bulkang Taal at kasámang niyanig ang simbahan ng Las Piñas. Isang malakas na bagyo ang bumayo sa Kamaynilaan noong 1882 at muling nadamay ang organo. Ang isa sa mga malakihang pagsisikap na isaaayos ang organo ay nangyari noong 1973 hanggang 1975. Dinala ito sa Germany noon, sa gawaang Klais Orgel-bau sa siyudad ng Bonn. Ang pagbabalik sa Filipinas ng organo ay naging malaking pagdiriwang bilang pagbabalik ng makasaysayang artifact ng bansa. Naging sentro ito ng taunang pagdiriwang na tinatawag na International Bamboo Organ Festival. Dito, dumadalo ang mga tanyag na organista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, gayundin ng iba pang lokal na musiko upang magtanghal ng mga likhang ginagamitan ng organo. (RCN) (ed GSZ)

óro, pláta, máta
Isang pamahiin sa pagtatayo ng bahay na may hagdan ang óro, pláta, máta na nangangahulugang “ginto, pilak, kamatayan.” Ayon dito, maaaring itakda ang kapalaran ng bahay at ng mga mananahan dito sa pamamagitan ng bilang ng mga baitang ng hadgan. Kailangan umanong bilangin ang bawat baitang, mula itaas patungong ibabâ, gamit ang mga salitâng ito (unang baitang: oro, pangalawang baitang: plata, pangatlong baitang: mata, pang-apat na baitang: oro, hanggang sa maubos ang mga baitang). Sinasabi ng pamahiin na magdadala ng labis na suwerte kung sa oro tatapat ang huling baitang. Sapat na pamumuhay naman ang kumakatawan umano sa plata. Samantala, dapat daw iwasan ang mata sapagkat nangangahulugan ito ng kamatayan o kayâ’y kamalasan sa pamilya. May mga gumagamit din ng oro, plata, mata sa pagbibilang naman ng hakbang patungo sa isang espasyo o lugar. Sa paglalakad, halimbawa, pinapayuhang magdasal ang mga batàng natatapos sa mata ang huling hakbang upang makontra ang kamalasang maaari umanong idulot nitó. Ang Oro, Plata, Mata ay tumutukoy din sa isang klasikong pelikulang Filipino na idinirihe ni Peque Gallaga noong 1982. Tungkol ito sa dalawang elitistang pamilya at sa dahan-dahang pagkawasak nitó sa ilalim ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gitna ng hidwaan, ang mga pamilyang ito ay nakikidigma rin sa sari-sarili nilang konsepto ng nakasanayang pamumuhay. Ayaw nilang tanggapin ang di-maiiwasang pagkawala ng kanilang kayamanan kayâ lumipat silá sa isang liblib na asyenda at doon namuhay sa paraang nakaugalian nila. Ngunit dahil sa tindi ng giyera, napilitan din nilang iwan ang asyenda at magtungo sa bundok. Dito, dinanas nila ang marahas na paghihiganti ng isa sa mga dati nilang napagmalupitang utusan. Ang pagbabago sa estado ng buhay ng dalawang pamilya ay nakapadron sa prinsipyo ng oro, plata, mata–pamumuhay sa luho, pagkawala ng mga ito, at paghihirap. (BVN) (ed GSZ)

Leonor Luna Orosa-Goquinco
(24 Hulyo 1917-15 Hulyo 2005) Isang baylerina, koreograpo, at manunulat si Leonor Luna OrosaGoquinco (Le·o·nór Lú·na O·ró·sa-Go·kíng·ko). Kinilala sa pagdudulot niya ng pagbabago sa katutubong sayaw—ang pagsasáma-sáma ng samotsaring anyo at elemento ng sayaw sa iisang malikhaing pagtatanghal. Pinaikli, pinabilis, at pinag-ibayo niya ang mga katutubong sayaw at sa proseso, ang sayaw na dati-rati ay itinatanghal lámang sa malalaking bukás na lugar ay maaari nang maitanghal sa entablado ng teatro. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 1976. Itinatag ni Orosa-Goquingco ang Filipinesca Dance Company noong 1958. Ang obrang Filipinescas: Philippine Life, Legend, and Lore in Dance (1960) ay kalipunan ng mga sayaw na pumapaksa sa mga kaugaliang Filipino noong panahong bago dumating ang mga Espanyol hanggang sa kontemparaneo. Hinangaan ito di lámang ng mga manonood at kritiko sa Filipinas kundi maging ng daigdig. Isang epikong sayaw ito, pagsasáma ang musika, kasaysayan at kultura. Ang ilan pa sa kaniyang mahahalagang obra ay ang “Vinta!” (1940), “The Magic Garden” (1958), “The Clowns” (1957), “Balet Variations” (1982), at “Aubade” (1986). Nagsulat din siyá sa sagisag-panulat na Cristina Luna. Sinulat niya ang kasaysayan ng sayaw sa Filipinas, A Great Philippine Heritage: Dances of the Emerald Isles (Ben-Lor Publishers, 1980), at ang isang dulang may isang yugto, “Her Son, Jose Rizal: a Theater Piece” (New Day Publishing, 1991). Kabílang sa mga parangal niya ang Patnubay ng Sining at Kalinangan Award (1961); Rizal Centennial Award (1962); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award at Republic Cultural Heritage Award (1964); Presidential Award of Merit (1970). Isinilang siyá noong 24 Hulyo 1917 sa Jolo, Sulu kina Sixto Orosa at Severina Luna, kapuwa doktor. Nakatatandang kapatid siyá ng kritikong si Rosalinda Orosa. Ikinasal siyá kay Benjamin Goquingco na isang inhenyero at biniyayaan ng tatlong anak, dalawa ay mga mananayaw. Nagtapos siyá na summa cum laude sa Batsilyer ng Siyensiya sa Edukasyon sa St. Scholastica’s College at kumuha ng karagdagang pag-aaral sa teatro, drama, at musika sa Columbia University at Teachers College sa New York, USA. Namatay siyá noong 15 July 2005 sa cardiac arrest. (RVR) (ed GSZ)

Sergio S. Osmeña

(9 Setyembre 1878-19 Oktubre 1961) Nanungkulang pangulo ng Komonwelt si Sergio S. Osmeña (Ser·hi·yó Is Os·mén·ya) nang mamatay si Pangulong Manuel L. Quezon sa Estados Unidos at hanggang mapalaya ang Filipinas sa wakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pangyayaring ito ay itinuturing na bahagi ng malungkot na kapalaran ni Osmeña sa politika. Isa siyáng matagumpay na lider mulang Cebu, matalinong abogado, mahusay na estadista, ngunit kung bakit laging nauunahan sa posisyon ni Quezon. Naging magkamag-aral silá ni Quezon sa Letran. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, nakatagpo niyang muli si Quezon nang mag-aral siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kapuwa silá pumasá sa bar noong 1903 at siyá ang pinakamataas sa pagsusulit. Sa Asamblea, nahigitan niya si Quezon at siyá ang nahalal na ispiker, ang unang lider Filipino na humawak ng gayong mataas na tungkulin. Hinawakan niya ang tungkulin sa loob ng 15 taon (1907-1922). Ngunit nang itayô ang Lehislatura at magkaroon ng Senado o Mataas na Kapulungan, si Quezon ang naging pangulo nitó. Isinilang si Osmeña sa Cebu noong 9 Setyembre 1878. Sa buong pagaaral niya sa kolehiyo ng Seminario de San Carlos ay nangunguna siyá hanggang magtapos ng gawaing sekundarya. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano ay nagtayô siyá ng isang peryodikong naging bantog sa pagtalakay ng mga usaping makabansa. Nahirang siyáng piskal ng Cebu noong 1903, nagwaging gobernador noong eleksiyon ng 1906, at nagbitiw upang kumandidato sa Asamblea. Kasáma niya si Quezon sa itinayông Partido Nacionalista at naging mayorya sa Asamblea. Una niyang maybahay si Estefania Chiong Veloso at nang mamatay ito ay muli siyáng napakasal kay Esperanza Limjap. Anak niya sa unang asawa si Sergio Osmeña Jr. na naging isang pambansang politiko din. Sa Liberation, kasáma siyá sa hukbo ni Hen. Douglas MacArthur na dumaong sa Leyte noong 20 Oktubre 1944. Si Osmeña ang nag-asikaso sa rekonstruksiyong pambansa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong eleksiyong 23 Abril 1946, tinálo siyá ni Manuel A. Roxas sa pagkapangulo. Umuwi siyá sa Cebu at doon binawian ng búhay noong 19 Oktubre 1961. (VSA)

oyáyi
Ang oyáyi ay awit pampatulog ng batà o sanggol. Isa ito sa pinakamatandang halimbawa ng awit ng mga Filipino. Mayaman ang tradisyon ng ganitong awit sa Filipinas. Patunay nitó ang iba’t ibang tiyak na halimbawa ng oyayi sa maraming etnolingguwistikong pangkat sa bansa. Kabilang dito ang “Hili na” (Tagalog), “Huluna” (Tagalog), “Caturug, Caturug” (Bikol), “Duayya” (Iloko), “Tambayo na Ogao” (Pangasinan), “Anak nga Walay Palad” (Sebuwano), “Tingkatulog” (Boholano), “Katurog na Entoy” (Waray), “Pamuwa sa Bata” (Bukidnon), “Lingon” (Bilaan), at iba pa. Ngunit bukod sa pagiging awit na pampatulog sa sanggol, mahihiwatigan din sa oyayi ang karanasan at kaugalian ng iba’t ibang mamamayan sa Filipinas. Halimbawa, sa “Angngiddue” ng mga Gaddang, makikita ang pagsisikap ng ina hindi lámang sa pag-aalaga ng kaniyang anak, kundi sa paghahanap ng ikaubuhay nitó: Aru, aru maturog caadua Se inang namamaet Imam so idang nga Battung Take si macaalap si isira iadung. (Aru, aru, humele ka na nagpunta sa ilog ang iyong ina para manghuli ng isda na ipapakain sa kanyang mga anak). Gayundin ang ipinahihiwatig ng mas popular na oyayi ng mga Sebuwano, ang “Ili-ili, Tulog Anay.” (RCN) (ed GSZ)
Mag-ina sa Tabi ng Duyan ni Nestor Leynes

paaralán
Mula sa salitâng-ugat na “áral,” na nangangahulugang “pagkatuto o pagkaalam sa isang bagay,” ang paaralán ay pook o gusali na pinapasukan ng mga batà at kabataan upang matuto ng iba’t ibang kaalaman at kasanayan. Karaniwang inilalarawan ito na mababàng gusali na may bandilang nakawagayway. Bunga ang simbolo ng pangyayari na kapag sinabing “paaralán,” karaniwang ang tinutukoy ay batayang edukasyon, o ang mababàng paaralan at mataas na paaralan na karaniwang tumatagal nang 10 taón sa sistema ng paaralang publiko na pinasimulan ng mga Amerikano. “Kolehiyó” (colegio) ang tawag kapag ang tinutukoy ay mga kursong maghahanda sa estudyante sa isang propesyon. Noong panahon ng mga Espanyol, ang paaralán ay tinawag na sa Espanyol na escuela o ang Filipino nitóng “eskuwelahan.” Lumitaw ang anyong Filipino dahil ang Espanyol na escuela ay kapuwa tumutukoy sa paaralan at sa mag-aaral. Ang panimulang pag-aaral ay karaniwang sa isang kuwarto sa parokya ng simbahan na pinamahalaan ng kura paroko. Pitóng taón ang edad ng batang nagsisimula ng pag-aaral, na tatanggapin lamang kapag naipakitang naaabot niya ng kanang kamay na nakapatong sa ulo ang kaniyang kaliwang tainga. Espanyol ang wikang panturo at pribado ang mga paaralan noon. Nang lumaon, nagkaroon ng mga colegio na nagbibigay ng batayang edukasyon hanggang sekundarya. Sa programang K-12, na inilunsad nitóng Hunyo 2011, sinisimulan ang batayang edukasyon sa kindergarten. Sa antas na ito tinuturuang magbasa, magsulat, at magkuwenta ang mga batà na inaasahang nakakabása na pagtuntong ng unang baitang. Dinaragdagan din ng dalawang taón ang mataas na paaralan upang makaagapay sa pandaigdigang pamantayan ng batayang edukasyon. (AEB) (ed VSA)

Paaraláng Gabaldón
Tumutukoy ang Paaraláng Gabaldón sa mga gusaling pampaaralan na itinayô noong rehimeng Amerikano at may disenyong maaliwalas at angkop sa tropikong klima—may tig-iisang palapag, bahagyang nakaangat sa lupa, maluwag na silong, gawa sa kahoy at kongkreto, matataas ang kisame, may mga silid-aralang nakahilera sa isang panig ng bukas na galeriya, may mga bubong na gawa sa nipa, at may malalaking bintanang nilapatan ng kapis at nagbibigay ng mainam na bentilasyon para sa mga silid. Ipinangalan itong uri ng gusali kay Assemblyman Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija, ang sumulat ng Act No. 1801 ng 1907, mas kilalá bilang Gabaldon Act, na naglaan ng isang milyong piso sa pagpapatayô ng mga gusaling pampaaralan sa buong arkipelago. Naghanda ang pamahalaan ng mga disenyong tutularan ng mga ipatatayông gusali, likha ng Amerikanong si William Parsons, isang arkitektong tumutulong noon sa Bureau of Public Works. Bago matapos ang 1916, halos limandaang paaralang Gabaldon ang naitayô na sa bansa, at nakapag-ambag ang mga ito ng halos dalawang libong silid-aralan para sa paglago ng pampublikong edukasyon ng mga Filipino. Daan-daan pa ang naitayô hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pagtatapos ng panahon ng mga Amerikano. Kinikilála ngayon ang mga paaralang Gabaldon bilang pamana ng lahi, at nitóng nakaraang dekada ay inilunsad ng ilang sangay at yunit ng pamahalaan ang kampanya upang pangalagaan at ibalik sa dáting anyo ang natitira sa mga gusali. (PKJ) (ed VSA)

Mariano Proceso Byron Pabalan
(2 Hulyo 1862-1 Enero 1904) Itinuturing na “Ama ng Sarsuwelang Kapampangan” si Mariano Proceso Byron Pabalan (Mar·yá·no Pro·sé·so Báy·ron Pa·ba·lán) at higit sa lahat, dahil sa Ing Managpe (Ang Tagatagpi o ang áso sa dula ni si Managpe), ang itinuturing na unang sarsuwela sa Kapampangan at sa anumang wikang katutubo sa Filipinas. Itinanghal ito sa Teatro Sabina sa Bacolor noong 13 Setyembre 1900, may musika ni Amado Guetierrez David, at isinaaklat ni Cornelio Pabalan Byron noong Mayo 1909. Sa Ing Managpe, iniisip ni Juana na hiwalayan ang asawang si Diego dahil sa suspetsang may ibang babae ito. Pruweba niya ang isang panyong natagpuan sa ilalim ng sopa. Dumating si Sianang, ang kasambahay ng mag-asawa at sinabing kaniya ito at nangakong aayusin (o tatagpian) ang gulo ng mag-asawa. Nang umalis na si Juana, dumating si Pablo, isa ring kasambahay at lihim na kasintahan ni Sianang. Hábang nagpapalitan silá ng matatamis na salitâ ay dumating bigla si Diego at nagtago sa ilalim sopa si Pablo. Nang itanong ni Diego kung ano ang sanhi ng kaluskos sa bahay, sinabi ni Sianang na ang ásong si Managpe ang sanhi. Ngunit, biglang nabahing si Pablo at nabisto ang magkasintahan. Hábang pinagagalitan ni Diego ang mga kasambahay, umuwi si Juana at siyá namang napagalitan ni Don Diego dahil sa kawalan ng kaayusan sa bahay sanhi ng pagseselos nitó. Natapos ang dula na humihingi ang mga tauhan ng paumanhin sa magulong kinahinatnan ng kanilang búhay. Isinilang sa Bacolor, Pampanga si Mariano Pabalan noong 2 Hulyo 1862, anak nina Potenciano Pabalan at Dorotea Byron, at namatay noong 1 Enero 1904. Nag-aral siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas at nang bumalik sa kaniyang bayan ay nagtayô ng paaralan at nagturo ng Espanyol, Latin at Ingles. Naging bahagi rin siya ng mga unang diyaryong Kapampangan at naging Katipunero. Si Ambrosia Linagco ang kaniyang naging asawa na taga-Bacolor din. Nakasentro sa problemang pampamilya at kaugalian ng mga Kapampangan ang karamihan ng mga akda ni Pabalan maliban sa Ing Bakulud Kanitang Ya Ing Junio 4, 1898 (Ang mga Naganap sa Bacolor noong Hunyo 4, 1898). Sa mga sarsuwelang Alang Utang a e Sana Mibayaran (Walang Utang na Hindi Nabayaran) at Ding Amazonas (Ang mga Amasona) ay siyá mismo ang naglapat ng musika. (SJ) (ed VSA)
Tagpo sa isang sarsuwela

pabítin
Ang pabítin ay isang tradisyonal na larong pambatà sa mga pista at pagdiriwang. Karaniwang yari ito sa kawayang pinagsalit-salit upang makabuo ng isang malaking parisukat at nagsisilbing sabitan ng mga bagay o premyong maaaring makamtan ng mga batàng lalahok sa laro. Ang parisukat ay ibinibitin ngunit may tali na hinihila ng isang tao pataas at pababâ. Sa laro, tinitipon ang mga batà sa ilalim ng pabítin upang magunahang hablutin ang mga nakasabit na salapi, pagkain, o laruan. Itinataas o ibinababâ naman ang pabitin upang sabikin ang mga naglulundagan pang kalahok. Paramihan at pagalingan sa paghablot ng mga nakabitin ang mga batà hábang nagpapalakpakan at naghahalakhakan ang mga magulang na nanonood. (IPC) (ed VSA)

páge
Isang isda ang páge na maiuugnay ang katangian sa pating. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Pasipiko, at Indian. Matatagpuan ang kilaláng uri nitó na kabilang sa pamilya Dasyatidae, tulad ng Neotrygon kuhlii at Pastinachus sephen sa Filipinas. Karamihang may isa o higit pa sa isang matinik na tusok o kagat sa buntot ang isang páge na ginagamit nitóng pananggalang sa mga kaaway. Medyo pipî ang katawan ng isang páge na may mga matá sa ibabaw at isang bibig na nása tagiliran. Ginagamit ng páge ang pang-amoy sa paghahanap ng pagkain. Humihinga ang isdang ito sa pamamagitan ng isang maliit na butas sa likod ng matá at ipinansasalok ito ng tubig na ibinubuga naman mula sa hasang. Walang palikpik sa buntot ng páge pero mahabà ito at hawig sa isang latigo. Nagdudulot ng matinding sakit sa sinumang tamaan ang buntot ng page dahil sa tusok nito sa buntot na binabalutan ng manipis na balát na punô ng lason. Ang pinakamalaking naitalâ ay may habà at lapad na apat na metro. Sa lahat ng mga páge, kakaiba ang Neotrygon kuhlii dahil sa mamulámuláng kayumanggi nitóng balát at may mga matá sa likod na matitingkad na asul sa gitna at mga nakakalat na itim na batik. Maputî ang tiyan nitó samantalang ang nguso ay maikli at malapad. May kapansin-pansing bílog na kulay itim at putî sa may buntot na kasinlaki ng katawan nitó. (MA) (ed VSA)

pagmamáno
Nakaugat ang pagmamáno sa Espanyol na máno o kamay, at tumutukoy sa kaugaliang humalik sa kamay ng iginagálang o minamahal. Sa mga pamilyang Kristiyano, inaasahan itong maging ugali ng isang kabataan o nakababatà kapag nakatagpo ang magulang o nakatatandang kamaganak. Isinasagawa rin ang ganitong pagbibigay-gálang sa pari at mataas na opisyal sa komunidad. May panahong humahalik din ang binata sa kamay ng kasintahan o kahit sa napupusuan pa lámang, bagaman ang ganitong paraan ng paghalik ay higit na kauri ng pagsamba sa Birhen kaysa pagmamano sa iginagálang. Ang totoo, ang paghalik sa kamay ay hindi lámang pagbatì at kailangang may kalakip na paghingi ng bendisyon. Sa gayon, sinasagot ito ng pari ng pagbabasbas ng tanda ng krus o ng karaniwang “Kaawaan ka ng Diyos.” Ang ganitong paghingi ng bendisyon ay nagaganap din kapag paalis para sa isang paglalakbay ang isang kabataang miyembro ng pamilya o sa katulad na okasyon. Sa kasalukuyan, higit na karaniwang pagpapahayag ng paggálang ang pagyukod. Sinasabing pinairal ng mga kura ang pagmamáno upang patingkarin ang kanilang awtoridad sa mga sakop. Gayunman, may palatandaan na isa itong sinaunang paraan ng pagbibigay-gálang sa Filipinas. Sa matatalik at modernong magkaibigan o magkamag-anak, nauso na ang béso-béso (mula sa Espanyol na béso o halik) o pagdidiit ng mga pisngi, isang gawaing tiyak na mula sa Kanluran. (YA)(ed VSA)

Guhit ni Joanne de Leon

pagóda
Pagóda ang karaniwang tawag sa matayog na templong Tsino. Sa Filipinas, ang pagóda ay pataas na estrukturang isinasakay sa pinagdatig na mga bangka upang iprusisyon sa ilog. Nakatampok sa pagóda ang krus o imahen ng birhen ng pagdiriwang. Sa Bocaue, Bulacan, halimbawa, ginaganap tuwing unang Linggo ng Hulyo ang pagóda bilang pag-alaala sa Mahál na Krus sa Wawâ na natagpuan diumanong lumulutang sa Ilog ng Bocaue dalawandaang taón na ang nakakaraan. Bahagi ng pagdiriwang ang siyam na araw na pagnonobena. Sa kapistahan, isinasadula ang pagkatagpo sa Krus mula sa Ilog at isinasakay ito sa pagoda kasunod ang prusisyon ng makukulay na bangka. Isa rin sa mga katangian ng pagdiriwang ang pagbabasaan ng mga tao sa gitna ng prusisyon. Noong 2 Hulyo 1993, mahigit sa 300 tao ang nalunod sa isang trahedya nang lumubog ang sinasakyang pagoda ng mga debotong sumáma sa parada. Lumubog ang pagoda sapagkat masyadong maraming tao ang sakay. Iniligtas naman ni Sajid Bulig ang apat na batàng nalulunod kapalit ang kaniyang búhay. Siyá ay naging bayani at inspirasyon sa maraming kabataan. Dahil sa trahedya ay natigil ang pagpuprusisyon sa ilog mula 1994 hanggang 1999. (IPC) (ed VSA)

Fluvial Procession ni Dominador Castañeda

Pagóng at Matsíng
Isang napakapopular na kuwentong pambata ang “Ang Pagong at ang Matsing” mula sa isang popular ding bersiyon nito sa panitikang bayan. Una itong nalathala noong 1889 sa Trubner’s Oriental Record sa London at isinulat sa Ingles ni Jose Rizal. Bago ito, noong 1885, isinulat ito ni Rizal sa Espanyol sa album ni Paz de Tavera at may kasamang mga ilustrasyon. Nagsimula ang kuwento sa pagkakatagpo ng pagong at ng matsing ng isang punòng saging sa may ilog. Pinaghatian nila ito at itinanim ang kani-kaniyang bahagi. Napunta ang bahaging may ugat sa pagong at ang bahaging may dahon sa matsing. Ngunit dahil ang bahaging walang ugat ang napunta sa matsing, madali itong namatay. Ang itinanim naman ng pagong ay nabuhay at nagkabunga. Ngunit hindi káyang akyatin ng pagong ang punòng saging. Nag-alok ang unggoy na akyatin ang punò para sa matsing. Ngunit pagkaakyat sa punò, mag-isang kinain ng matsing ang bunga ng saging. Nagalit ang pagong at para makaganti, nilagyan niya ng tinik at susong paitan ang punò ng saging. Nang bumaba ang matsing sa punò ay natusok siya at nagkasugat. Umupo siya sa isang bao ng niyog na pinagtataguan pala ng pagong. Galit na nagbantang papatayin ng matsing ang pagong. Una, nagbanta itong itatapon sa apoy ang pagong. Kunwaring natuwa ang pagong dahil magiging mapula raw siya. Kayâ hindi iyon itinuloy ng matsing. Pangalawa, nagbanta itong pipitpitin ang pagong. Muling nagkunwaring natuwa ang pagong dahil dadami raw siya. Kayâ hindi na naman iyon itinuloy ng matsing. Pangatlo, nagbanta itong itatapon ang pagong sa ilog. Nagkunwaring takot ang pagong. Malulunod daw siya at mamamatay. Sa gayon, tuluyan na ngang itinapon ng matsing ang pagong sa ilog. Gaya nang inaasahan, lumangoy lamang ang pagong sa ilog dahil doon siya nakatira at namumuhay. (GSZ)

Isa sa mga guhit ni Rizal.

pahiyás
Ang pahiyás ay isang uri ng palamuti sa pista ni San Isidro Labrador tuwing ika-15 ng Mayo sa bayan ng Lucban, Quezon. Naging tawag na rin ito sa naturang pagdiriwang. Si San Isidro Labrador ay patron ng mga magsasaká kayâ pasalamat sa isang masaganang ani ang mga dekorasyong prutas, gulay, at pakô sa harapang dingding. Pangunahing pang-akit na palamuti ang kíping o pagkaing gawa sa giniling na bigas, hinuhubog na malalaking dahon at bulaklak, kinukulayan, at isinasabit sa paligid ng harapang bintana ng mga tahanan. Nagkakaroon din ng parada ng mga kalabaw na may hilang kareta o kariton ng mga ani ng magsasaká. Sa Pulilan, Bulacan ang pista ni San Isidro ay tinatampukan ng parada ng mga kalabaw na may mga palamuting bulaklak, tunay man o gawa sa papel de-hapón. May mga kalabaw na tinuturuang lumuhod at nagiging pang-akit ng madla’t turista ang pagluhod ng mga ito sa gitna ng patyo ng simbahan. (IPC) (ed VSA)

pakbét
Tinatawag kung minsan ang Kailukuhan na “bayan ng pinakbet.” Dahil tiyak na lutuing Ilokano ang pakbét o pinakbét, isang lutuing gulay na katulad ng bulanglang bagaman may tatak ng saluyot, malunggay, at katuray, at ng timplang bagoong. Ngunit ang pakbét ay sari-sari na sang-ayon sa hilig kahit ng mga Ilokano. Isang dayuhan sa Laoag ang nag-ulat sa mga sumusunod na sahog: mga muràng talong, mga muràng ampalaya, bulaklak ng kalabasa, katuray, okra, luya, kamatis, mga piraso ng bagnet, at bagoong monamon. Unang inihalayhay sa pusod ng mataas na palayok ang bagnet, kamatis, at luya. Pagkaraan, ipinatong ang mga gulay. Sakâ binuhusan ng kalahating boteng bagoong, tinakpan ang palayok, at nilakasan ang init ng apoy sa loob ng 10 minuto. Napansin din niyang naglabas ng alak na duhat sa hapunang insarabásab (inihaw na liyempo) at pakbét. Klas! Gayunman, mahalaga ang kaniyang payo na huwag hahaluin ang gulay hábang niluluto. Sa halip, dalawang beses inaalog ang palayok para magkasundo ang mga sahog sa loob. Kailangan diumanong hindi “masira” ang lasa ng gulay at huwag sumobra ang luto. Kung bagá sa Italyano, nais ng mga Ilokano ang kanilang pakbét al dente. (DRN) (ed VSA)

pakikisáma
Napakasaklap mapagsabihang “walang pakikisáma.” Parang napakasamâ mong tao. Ang pakikisáma, sa gayon, ay isang mabigat na hálagáhang moral at nagpapataw ng malaking tungkulin sa isang tao upang maging katanggap-tanggap sa kaniyang lipunan. Itinuturing itong halos kakambal ng pakikipagkapuwâ at nagiging batayang pamantayan sa pagpapakatao. Ang ibig sabihin, nasusúkat ang halaga o katangian ng isang tao alinsunod sa husay niyang makisáma—ang paggamit ng angkop na ugali, wika, at kilos upang maging mahusay na kapatid, kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, kanayon, o kamag-aral, katrabaho, at kababayan. Sa pamantayan ng pakikisáma ay walang puwang ang pagiging indibidwalista at pagtatrabahong mag-isa, dahil maaaring mapagkamalang “mayabang,” “suplado,” o “sirâ ang ulo.” Dahil sa unlaping “ka-“ sa mga pinakikisamáhan, sinasabing ang hálagáhang ito ay nakaugat sa wastong paggálang sa kapuwâ o sa pagtuturing sa ibang tao na kapantay at bahagi ng sarili. Sa gayon, hindi dapat sumalungat ang lunggati at pangarap ng tao sa karapatan at kalayaan ng kapuwâ. Sa halip, nakadaramá lámang siyá ng dalisay na kaligayahan at tagumpay kapag naibabahagi niya ito at nagiging kaligayahan at tagumpay din ng iba. Ngunit isang magandang halimbawa ang pakikisáma hinggil sa wastong pagtimbang sa tradisyonal na hálagáhan. Hindi ito absoluto. Manapa, nalalakipan lagi ng pasubali at hanggahan. Kayâ ang bulág na pagsunod ay kapahamakan. Higit na kailangan ang maingat na pagtimbang sa sitwasyon at sa paggamit ng nararapat na hálagáhan o ng angkop na pagpapahalaga sa isang hálagáhang panlipunan. Wika ng isang salawikain: “Ang pagsasabi nang tapat/Ay pagsasámang maluwat.” Isang paliwanag ito sa halaga ng katapatan lalo na sa kaibigan. Ngunit payo din ng isa pang tula: “Sa bulag ka magtiwala;/ Mag-ingat din sa may dila.” Tinutukoy naman nitó ang kahinaan ng maraming tao, lalo na ang hinggil sa pag-iingat ng personal na lihim. Ang ibig sabihin, kailangang maging napakaingat din sa pagpilì ng kaibigan. Maraming nagaganap na krimen dahil sa hindi wastong pakikisáma. Nagiging sanhi din ito ng nepotismo at pandaraya. May “marunong makisáma” na ginagamit ito para sa pansariling interes at pakinabang. (EGN) (ed VSA)

pakô
Ang pakô, tagábas, elétso, o kaliskis-ahas (fern sa Ingles) ay isang klase ng halaman na may iba’t ibang kaurian. Nabubúhay ito sa tabi ng ilog at sapà. Ginagamit sa ngayon ang tagabas para sa pag-aayos ng mga bulaklak para sa kasalan at iba pang pagdiriwang. May isang uri ng tagabas na nakakain at kilala rin ito sa tawag na pakô na karaniwang ginagawang ensalada o talbos sa ginataang isda, suso o kuhol. Kabilang ang pakô sa 12,000 species ng halaman sa ilalim ng grupong Pteridophyta. Kaiba sa lumot, mayroong xylem at phloem ang pakô. Mayroon itong mga dahon, katawan, at mga ugat. Nakapagpaparami ito sa pamamagitan ng mga spores dahil wala itong mga buto at bulaklak. Nakadepende ang búhay ng pakô sa mycorrhizal fungi. Maraming pakô ang inaalagaan para sa halamang pandekorasyon, bilang kasama ng ibang pinagputol-putol na sanga ng ibang halaman, at ang iba ay sadyang bilang halamang pambahay. Ang ibang species ng pakô ay ginagamit na panlinis sa mga lupang may kontaminasyon. Napatunayan na magaling na gamitin ang pakô upang alisin ang mga kemikal na tulad ng arseniko sa lupa. Maraming pananaliksik upang tuklasin pa ang kapasidad ng pakô na linisin ang mga polusyon galing sa mga kemikal sa hangin. (SSC) (ed VSA)

páko rábong
Isang sinauna’t katutubong anyo ng artistikong disenyo ng mga Maranaw ang páko rábong. Tumutukoy ang pakô, o piyako, sa marikit na motif sa ukit na kinopya ang salimbayan-pilipit na disenyo ng dahon ng nasabing halaman. Literal na kahulugan ang pako rabong ang “sumisibol o yumayabong na pakô.” Madalas na katulad ng disenyo nitó ang tila umiikid na usbong at kumikiwal na tangkay ng dahon ng pakô. Madalas na ginagamit ang pako rabong sa mga bordadong damit at mga telang inilaladlad bilang palamuti sa loob ng bahay. Idinidesenyo rin ito sa mga ginto at pilak na alahas. Sa kulturang Maranaw, sinasabing kalalakihan ang madalas na umuukit ng pako rabong, dahil mga heometrikong disenyo ang nakamihasnang idinidisenyo ng kababaihan. (LJS) (ed VSA)

paksíw
Paksíw o pinaksíw ang isang lutuin upang magtagal nang kahit sanlinggo ang pagkain. Sa isda, pinakukuluan ito sa palayok na may sukà, luya, at siling habâ (siling pansigang). Kahit anong isda, malaki’t maliit, ay puwedeng ipaksíw. Kung malaki, gaya ng tambakol at tanige o tanggingge, maaaring putol-putulin bago isilid sa palayok. Tatlong putol malimit ang bangus: may parteng buntot, may parteng ulo, at parteng gitna na gusto ng marami dahil may tiyang matabâ. Para mas pakinabangan ang paksíw na ayungin, payo ng tula ni Jose F. Lacaba ay huwag munang lantakan ang maliit na lamán ng isda: Ganito ang pagkain ng paksíw na ayungin: bunutin ang palikpik (para sa pusa iyan at ang matirang tinik) at ilapit sa labi ang ulo, at sipsipin ang mga matáng dilát; pagkatapos ay mismong ang ulo ang sipsipin hanggang sa maubos ang katas nitó. Gayunman, kung umuulan, talagang napakasarap kumain ng paksíw, katerno ng ginisang munggo, at may sawsawang patis. Sa Angono, espesyal na paksíw ang dinilawang kanduli. Pinapaksiw muna ang kanduli sa sukà, luya, at paminta. Ngunit hindi ito kinakain agad. Itinatago nang ilang araw para higit na lumasa. Kapag nakaupô na para kumain ang lahat ay sakâ iginigisa ang kanduli sa bawang, sibuyas, kamatis, talong, sitaw, at dahon ng alagaw. Kung sa bagay, “pinatatanda” din ang paksiw na letson para higit na lumambot at sumarap. (LJS)(ed VSA)

pakyáw
Ang salitâng pakyáw ay pakyáw sa mga wikang Bikol, Hiligaynon, Iluko, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, Tausug, at Waray at may iisang kahulugan. Tumutukoy ito sa komersiyo ng pagbili o pagbibili nang maramihan o lahatan. Pakyó ito sa Kapampangan, at tinatawag ding tingób sa Sebwano at Hiligaynon, tigdà sa Waray, at lansákan sa Tagalog. Ngunit mula ang pakyáw sa “pak kaw” ng wikang Tsino: ang “pak” ay pagtali-taliin o pagsamá-samáhin at “kaw” ay dalhin o ideliver. Ang pakyáw ang kabaligtaran ng tingî. Ang namamakyaw—tawag sa bumibili nang pakyáwan—ay may layuning tumubò nang malaki sa pamamagitan ng pagkontrol sa suplay ng isang produkto. Halimbawa, may namamakyaw ng mangga at pinipresyuhan na ang ani ng isang manggahan kapag maliit pa ang mga bunga sa punongkahoy. Bahagi ng panganib sa ganitong negosyo ang posibleng pagdating ng bagyo o peste. May pamamakyaw namang maituturing na hoarding—ang bawal na pagiimbak ng kailangang produkto. Namamakyaw ang namamakyaw ng palay sa anihan ngunit sa napakamúrang halaga dahil kailangang-kailangan ng mga magsasaka ang salapi. Itinatago sa kamalig o bodega ang pinakyaw na palay at inilalabas kapag tag-ulan at napakataas na ang presyo ng bigas. (GCA) (ed VSA)

pálay
Isang halamang damo ang pálay (oryza sativa) at may bungang butil na pangunahing pagkain sa Filipinas. Pangwalo sa pinakamalaking prodyuser ng pálay san buong mundo ang Filipinas bagaman isa din ito sa pinakamalaking importer ng bigas. Naitalâ ng bansa noong 1973 ang rekord na ani dahil nakapag-export ito ng 90,000 tonelada ng bigas at may tatlong-buwang reserba sa bodega. Isa sa pinakamatandang halaman ang pálay. Ang pag-aalaga nitó ay itinuturing na isang mahalagang hakbang sa pagsúlong ng búhay ng tao. Kinain ito ng higit na maraming tao kaysa alinmang halaman sa kasaysayan. May dalawang espisi ito: ang Oryza sativa na itinatanim sa buong mundo, at ang Oryza glaberrima na itinatanim sa Kanlurang Aprika. Sinasabing umaabot sa 112,000 ang uri ng binhi ng pálay at nakaimbak ang pinakamalaking koleksiyon nitó sa International Rice Research Institute (IRRI) na nása Los Baños, Laguna. May dalawang paraan ng pagtatanim ng pálay sa Filipinas. Pinakamabisà ang paglilináng. Pinatutubigan ang bukid, inaararo, sinusuyod, hábang pinalalaki ang binhi sa punlaan na inililipat sa linang sa akmang panahon. Ikalawa ang pagbabakál na ginagamit sa bakoód o mataas na lupain. Nililinis ang gagawing bukid, nagtutundos sa lupa sa pamamagitan ng matulis na kahoy at tinatawag na pambakál, at inihuhulog ang binhi sa bawat butas. Itinuturing na isa sa kagila-gilalas na inhinyeriya ang páyyo o payáw—bukiring inukit at paakyat sa kabundukan—na matatagpuan sa Cordillera. Ang aning butil ng pálay ay binabayo upang lumabas ang putîng laman o bigás. Ang bigas ay iniluluto upang maging kánin. Gayunman, ginigiling din ang bigas upang maging likidong galapóng at ginagawang kakanín. Maraming púto at súman na gawa sa bigas. May alak-bigas din, gaya ng tápuy. Bukod dito ang mga produktong panggatong, pataba, gawgaw at arina, lubid, walis, banig, sako, at pagkain ng hayop. Ang balát ng butil o ipá ay nagagamit na panggatong at pataba. Ang balát na pino ang pagkadurog sa kiskisan ay nagiging darák at pagkain ng baboy at ibang alagang hayop. Ang dayámi o natuyong uhay ng pálay ay tinitipon bilang pagkain ng kalabaw at báka bukod sa ginagawang papel at ibang gamit na pang-industriya. (SSC) (ed VSA)

palayók
Ang palayók ang pinakapopular at katutubong likhang-kamay sa paghubog ng luad. Pangkalahatang tawag ito sa sisidlang bilóg ang tiyan, may leeg na higit na maliit sa katawan, at may bibig na bahagyang nakausli palabas. May pantakip ito na lápat na lápat sa bibig ng palayók, at kailangang gayon upang makulob nang husto ang init sa loob kapag ginagamit sa pagluluto. Ang palayók ay katibayan na ang pottery o paghubog ng luad ay isang sinaunang Gawain sa Filipinas. Ang mga piraso ng palayók sa mga Yungib Tabon sa Palawan at sa mga Yungib Kalanay sa Masbate ay napakatatanda na at tinatayàng ginawa sa pagitan ng ikalawang milenyo B.C. at 1,000 A.D. Napansin din ng mga arkeologo ang natatanging mga marka sa rabaw ng ilang piraso at nangangahulugang ninanais na ng sinaunang magpapalayók na gamitan ito ng sining at gamiting pandekorasyon at panritwal. Isang magandang halimbawa nitó ang Palayók Calatagán. Naging limitado ang gamit ng palayók sa panahon ng kaldero at higit na matibay na gamit sa pagluluto. Gayunman, may tradisyonal na mga kusinerang higit na nagtitiwala sa linamnam ng niluto sa palayók. Bukod sa sinaing, higit diumanong napananatili ng luad ang sarap ng mga sangkap, lalo na sa sinigáng, paksíw, bulangláng, laswá, at pinakbét. (YA) (ed VSA)

Palayók Calatagán
Ang Palayók Calatagán (Pa·la·yok Ka·la·ta·gan) ay isang kakaiba’t sinaunang palayok na nahukay sa isang pook arkeolohiko sa Talisay, Calatagan, Batangas noong 1960. Parang karaniwang palayok ito na may taas na 12 sm at lapad na 20.2 sm, at may pabilog na hugis, ngunit naiiba dahil sa iniukit na mga titik baybayin sa palibot ng balikat nitó malapit sa bibig. Umaabot sa 39 ang iniukit na sinaunang titik. Hindi pa natatapos ang pagbása sa kahulugan ng nakasulat sa palayok. May mga iskolar na naniniwalang ito ay dasal o pag-aalay at ginamit ang palayok upang sunugin sa loob nitó ang isang bagay na hindi pa rin natutukoy. Ayon naman kay Juan R. Francisco, na nag-aral tungkol sa Palayok Calatagan, mahirap matukoy kung saan nagsisimula at nagtatapos ang teksto dahil tuloy-tuloy ito sa palibot ng palayok. May pagkakatulad ang nása palayok sa katutubong mga titik sa pagsulat ng mga Mangyan at Tagbanwa. Gayunman, kailangan pa ng mas masusing pag-aaral upang lubusang maunawaan ang kahulugan ng nakasulat. Mahalaga ang pagkakatuklas sa Palayok Calatagan kasama ng iba pang kagamitang seramiko mula sa Thailand at Tsina na nakarating sa Filipinas noong ika-15 siglo. Isa itong materyal na patunay na maunlad na ang sistema ng pagsulat ng mga katutubo bago pa man dumating ang mga Espanyol. Sa katunayan, sa obserbasyon ng mga dayuhang sina Fray Pedro Chirino at Fray Francisco Colin noong umpisa hanggang kalagitnaang bahagi ng 1600, halos lahat ng mga mamamayan sa Maynila ay marunong sumulat at bumása sa baybayin. Napalitan ang katutubong baybayin ng alpabetong Romano na ipinagamit sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Gayunman, ang mga relikyang katulad ng Palayok Calatagan ay nagpapaalaala sa atin sa ating sinaunang kabihasnan. (JM) (ed VSA)

paléngke
Pook o sentro ng kalakalan at pamilihan ang paléngke para sa pamamahagi ng pagkain at iba pang produktong kinokonsumo at kailangan ng mga tao. Mula ito sa salitâng Mehikano na palenque at kasingkahulugan ng Espanyol na mercado o pamilihan. Sa buong bansa, may makikitang pampublikong palengke sa bawat bayan na karaniwang pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan na siyáng nagpapaupa ng mga puwesto sa mga tindera at komersiyante. Karaniwan itong natatagpuan sa gitna ng poblasyon at nagsisilbing panghikayat sa pagtatatag ng tindahan at kalakalang pribado sa pali-paligid. Isa sa pinakamalaking palengke sa bansa ay makikita sa Divisoria Nasasakop nitó ang tatlong lugar sa Maynila, ang Binondo, Tundo, at San Nicolas. Nagsimulang maging sentro ito ng kalakalan noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Dahil sa pagbabawal sa mga diKristiyanong Tsino na manirahan at magnegosyo sa Intramuros, nagtayô ang mga komersiyanteng Tsino ng sarili niláng lugar para makapagtinda sa Binondo hanggang umabot ito sa kabuuan ng Divisoria. Naging masigla ang kalakalan dito dahil nandirito ang estasyon ng tren, ang Tutuban Central Station, na pangunahing nagiging bagsakan ng mga produktong gáling sa iba’t ibang bahagi ng bansa. May panahon ding sa Divisoria ang mga estasyon ng bus patungong mga probinsiya sa hilaga at timog ng Maynila. Bilang pagkilála sa malaking kontribusyon ng mga lokal na pamilihan sa ekonomiya ng bansa, idineklara ang ikatlong linggo ng Mayo bilang National Public Market Week sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 175. Nababago ngayon ang tradisyonal na kahulugan ng palengke dahil sa pagbubukás ng mga naglalakihang supermarket at groseri na pinapatakbo ng mga malaking negosyante. (AMP) (ed VSA)

palosébo
Ang palosébo ay isa sa pinakakaraniwang laro tuwing may pista o may espesyal na pagdiriwang sa isang bayan sa Filipinas. Ang palosebo ay hango sa dalawang salitang Espanyol—palo o poste at sebo o grasa. Sa larong ito, bawat kalahok na karaniwa’y mga batang lalaki ay nagtatangkang akyatin ang tuktok ng tagdang kawayan upang makuha ang gantimpala. Bago itayo ang mahabàng kawayan, isang maliit na sisidlan ang itinatali sa dulo na karaniwang naglalaman ng laruan o salapi. Kung minsan, isang banderita ang isinasabit sa dulo at ang makakukuha nito ang magkakamit ng gantimpala. Bukod sa paglalagay ng premyo, may iba pang paghahandang ginagawa sa kawayan. Pinakikinis ito para hindi masaktan ang aakyat dito. At pinapahiran din ito ng mantika o iba pang padulas. Dahil dito, lalong humihirap at nagiging hámon para sa kalahok ang pag-akyat at pag-abot sa pinakamataas na dulo ng kawayan. Maaaring nagsimula ang larong ito noong panahon ng mga Espanyol, nang ipakilala ng mga mananakop sa kulturang Filipino ang pagdiriwang ng pista para sa mga patron. Sa larong ito, nasusubok ang husay sa pag-akyat at lakas ng mga kamay, bisig, binti, paa, at halos ang buong katawan ng kalahok. Kailangan din ng tiyaga, pagiging maparaan, at determinasyon sa larong ito. (GB) (ed GSZ)

Guhit ni Robert Alejandro

pamahaláan
Ang pamahaláan ay isang organisasyon na daluyan ng pamamahala at kapangyarihan ng estado. Kilalá rin ito sa tawag na gobyérno (gobierno) mulang Espanyol at government mulang Ingles. May dalawang pangunahing uri ng pamahalaan: Pambansa at Lokal. Ang kapangyarihan ng isang pambansang pamahalaan ay sumasaklaw sa buong teritoryo ng estado samantalang ang kapangyarihan ng lokal na gobyerno ay nalilimitahan ng umiiral na batas. Maaari lámang itong mamahala at tumupad ng kapangyarihan sa mga naitalagang seksiyon o dibisyon ng pambansang teritoryo kagaya ng lalawigan, munisipalidad, lungsod, barangay, at iba pang dibisyon na maaaring itakda ng batas. Dahil ang kapangyarihan ng mamamayan ang nananaig sa isang demokratikong estado, ang buong pamahalaan ay may absolutong pananagutan sa mamamayan. Kaiba ito sa mga awtokratikong pamahalaan na nagpapatupad ng kapangyarihan batay sa nais ng pinunò o grupo ng mga pinunò at walang pananagutan sa mamamayan. Sa mga demokratikong lipunan, nagkakaroon ng iba’t ibang anyo at sistema ang pamahaláan. Maaari itong maging pampanguluhan o parlamentaryo. Sa pampanguluhang sistema ng gobyerno, ang pamamahala at kapangyarihan ay dumadaloy mula sa opisina ng pangulo katuwang ng kaniyang administratibong gabinete. Sa parlamentaryong sistema, ang direktang pamamahala ay ipinatutupad ng parlamento. Bumubuo ang batasan ng isang pamahalaang gabinete upang magsilbing tagapagpaganap. Naging makiling sa sistemang pampanguluhan ang mga pamahalaang pambansa ng Filipinas mula sa Republikang Malolos at hanggang kasalukuyan. Halos ganap ang kapangyarihang ibinigay kay Pangulong Emilio Aguinaldo ng Konstitusyong Malolos. Ang kasalukuyang sistema ay nabuo mula sa pamahalaang Komonwelt na itinatag ng mga Amerikano. Naghahati sa kapangyarihan ang tatlong pambansang sangay ng pamahalaan sa pangunguna ng Pangulo ng Filipinas, Kongreso, at Kataas-taasang Hukuman. (SMP) (ed VSA)

pamahíin
Ang pamahíin ay kalipunan ng mga paniniwalang ginagamit ng maraming tao bilang gabay hindi lamang sa mga pang-araw-araw na gawain kundi maging sa mahahalagang pasiya. Ang mga paniniwalang ito ay maaaring nakasalig sa kaugalian, relihiyon, at palagay ng mga grupo ng tao, o kayâ naman ay bunga ng simpleng pagkakataón, at maaari rin namang nakabatay sa siyentipikong tuklas. Kayâ naman ayon sa mga pag-aaral sa pamahiin, kadalasan ay masasalamin sa mga paniniwalang ito kung ano ang pinahahalagahan ng mga Filipino, gayundin kung paano tayo nakaaangkop sa mga bagay na hindi natin agad na maipaliwanag. Kadalasan din itong tinatawag na superstisyon o kayâ naman ay paniniwalang-bayan (folk belief). Tinatawag itong aríya at mantalà sa Kapampangan, isnán, pahíim, at tagalhí sa sinaunang Tagalog. Samantala, bilang pagpapatunay sa pagsandig natin sa sinaunang paniniwala, tinatawag ring aníto ang pamahiin sa Bikol, Hiligaynon, Ilokano, at Tagalog. Iba-iba ang sakop ng pamahiin sa bansa. Narito ang ilang halimbawa. Hinggil sa pag-ibig: Huwag magregalo ng panyo dahil ikaiiyak lamang niya ito; hinggil sa pagkain: May bibisitang babae sa tahanan kapag may nalaglag na kutsara, lalaki naman kapag tenedor ang nalaglag; hinggil sa batà: Hindi tatangkad ang batang palaging nalulundagan; hinggil sa pagbubuntis: Ibigay sa isang buntis ang anumang nais upang hindi malaglag ang bata; hinggil sa sakit: Huwag matulog nang basâ ang buhok dahil maaaring ikabaliw; hinggil sa pera: May darating na pera sa tuwing makakakita ng malaking gagamba sa loob ng tahanan; hinggil sa tahanan: Maiging magsimulang magpatayô ng bahay sa kabilugan ng buwan; hinggil sa kulay: Lapitin ng aksidente ang mga pulang kotse; hinggil sa numero: Malas ang numerong 13; at hinggil sa hayop: masamâng babala kapag may tumawid na itim na pusa sa daraanan . (GAC) (ed GSZ)

pamanhíkan
Isang matandang kaugalian ang pamanhíkan hinggil sa paghingi ng pahintulot na makasal ang magkasintahan. Sa isang itinakdang araw, isinasáma ng lalaki ang kaniyang magulang sa tahanan ng kasintahan upang “mamanhik” o “makiusap” sa magulang ng babae na pahintulutan siláng makasal. Sa okasyong ito ay pinag-uusapang mabuti ang lahat ng kailangang ihanda kapag sumang-ayon ang magulang ng babae, mula sa takdang araw ng kasal, dote kung hilingin, mga ninong at ninang, kasuotan, at kahit ang pagkaing ihahanda. Ngunit inaasahan o bahagi ng tradisyon na hindi agad sumang-ayon ang magulang ng babae. Bahagi din ng tradisyon na hindi tahasang manghingi ng pahintulot ang magulang ng lalaki. Nagkakaroon muna ng mapagpahiwatig na mga palitan ng pahayag upang maiwasan ang pagkapahiyâ, lalo na kung inaakalang estrikto ang magulang ng babae o ayaw pa ng mga ito na magasawa ang anak. Sa gayon, malimit na nagsasáma ang partido ng lalaki ng tagapamagitan—isang tao na iginagálang sa komunidad, halimbawa’y ang kapitan ng barangay, o isang matalik na kaibigan ng ama ng babae. Ang igting ng nabanggit na suliranin sa pamanhíkan ay naisadula ni Macario Pineda sa kuwentong “Kung Bagá sa Pamumulaklak.” Nag-usap ang magkabilâng panig hinggil sa pamumulaklak at pagpitas ng mangga ngunit hinggil sa paghingi ng kamay ng babae ang tunay na tinutukoy. Sa isang pangkatin sa Mindanao, ang pamanhíkan ay isang ritwal na pinanonood ng komunidad. Umaarkila ng mga makata ang magkabilâng pamilya at ang mga makata, sa pamamagitan ng makukulay na taludtod, ang nagtatawaran sa kaukulang dote at handaan na dapat pagkagastusan sa kasalan. (EGN) (ed VSA)
retrato nina Marie Casas at JP dela Torre

Pambansâng Aklátan
Ang Pambansâng Aklátan o The National Library (TNL) ay nagsisilbi sa mga mag-aaral, iskolar, at mananaliksik. Nagtataglay ito ng mahigit isa’t kalahating milyon ng koleksiyong libro, manuskrito, mga magasin at pahayagan, disertasyon, mga lathalain ng pamahalaan, iba’t ibang mapa, at mga retrato. Layunin ng pambansang aklatan na payabungin ang intelektuwal na pag-unlad ng mga Filipino sa pamamagitan ng pagbabasá. Pinangangasiwaan nitó ang lahat ng pampublikong aklatan sa buong bansa. Tungkulin ng Pambansâng Aklátan ang pagtitipon at pangangalaga sa mga babasahín at iba pang materyales na Filipiniana at paunlarin ang serbisyo ng mga aklatan sa Filipinas. Tinutulungan ng pambansang aklatan ang mga lokal na pamahalaan na maisaayos ang sistema ng aklatan at pagbibigay ng impormasyon. Nagsasagawa rin ito ng tuloy-tuloy na pananaliksik upang maitaas ang kalidad ng pamamahala sa mga aklatan. Ang Museo-Biblioteca de Filipinas na itinatag ng mga Espanyol noong 1891 ang maituturing na kauna-unahang aklatang pambansâ subalit binuwag ito nang sakupin ng Estados Unidos ang Filipinas. Ang kalakhan ng koleksiyon ng Biblioteca ang nagsilbing batayan sa pagtatayô ng seksiyong Filipiniana ng aklatang pambansâ noong panahon ng pamamahala ng mga Amerikano. Ang kasalukuyang pambansang aklatan ay itinatatag noong 5 Marso 1901 mula sa ipinagkaloob na koleksiyon ng American Circulating Library. Sa bisà ng Batas Pampubliko Blg. 1935, pinag-isa at pinagsáma ang lahat ng aklatan ng pamahalaan sa tinatawag na Philippine Library. Ang institusyong ito ay naging Philippine Library and Museum noong 1916 subalit pinaghiwalay ang aklatan at ang museo noong 1928. May gusali ang Pambansâng Aklatan sa Kalye T. Kalaw, katabi ng Rizal Park, Maynila. (SMP) (ed VSA)

Pambansâng Áwit
Ang musika ng Pambansâng Áwit ng Filipínas ay nilikha ni Julian Felipe at may orihinal na pamagat na “Marcha Filipina Magdalo.” Nang hirangin ang awit bilang opisyal na himno ng Republika ay pinalitan ito ng pamagat at ginawang “Marcha Nacional Filipina.” Wala itong titik nang gamitin sa okasyon ng pagdedeklara ng Unang Republika ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Ang bánda ng San Francisco de Malabon ang inatasang tumugtog nito sa pagkompás ni Felipe. Ang musika ay nasa batayang kompás na 2/4 at nasa tunugang C Mayor. Noong 1924, ang orihinal na manuskrito ng musika ay opisyal na binili ng gobyerno mula kay Felipe sa halagang apat na libong piso. Ang mga titik naman ng Pambansang Awit ng Filipinas ay nagsimula bilang isang tula sa Espanyol na isinulat ni Jose Palma. May pamagat itong “Filipinas” at inilathala sa unang anibersaryo ng La Independencia noong 3 Setyembre 1899. Nang lumaon, ginawa na itong opisyal na titik ng himno. Noong dekada 20 unang nagkaroon ng salin sa wikang Ingles at ginawa nina Camilo Osias at Mary Lane at may titulong Philippine Hymn. Inilimbag ang salin at musika sa 1924 edisyon ng Progressive Music Series na pinamatnugutan ni Horatio Parker. Noong dekada 40, lumitaw ang diiilang salin sa Tagalog ng titik ng himno. Noong panahon ng pananakop ng Hapon sa Filipinas, opisyal na isinalin ang titik sa Tagalog sa titulong Diwa ng Bayan. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagkaroon ng hiwa-hiwalay na pagsasalin sina Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Carballo at naging batayan ng pinalaganap na bersiyong naging popular sa tawag na “O Sintang Lupa.” Noong 26 Mayo 1956, bumuo ng isang komite para lumikha ng isang bagong bersiyon ng awit sa wikang Filipino. Nasa komite ang mga kinatawan ng Pangasiwaan ng Edukasyon, Kawanihan ng Publikong Paaralan, Kawanihan ng Pribadong Paaralan, Unibersidad ng Pilipinas, mga samahang pampanitikan, at Philippine Constabulary Band. Sa pangangasiwa ng Direktor ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang resulta ay inilabas sa Executive Order No. 60 noong 19 Disyembre 1963. Dito, ang awit na may pamagat na “Lupang Hinirang” ay ipinaturo sa mga paaralan at ipinagamit sa mga gawain ng pamahalaan. (RCN) (ed GSZ)

Pambansâng Komisyón pára sa Kultúra at mga Sining
Ang Pambansâng Komisyón pára sa Kultúra at mga Sining o National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pangkalahatang ahensiya para sa paggawa ng patakaran, pag-uugnayan, at paggagawad ng tulong tungo sa pag-iingat, pagpapaunlad, at pagpapalaganap ng mga sining at kultura ng Filipinas. Nagsimula ito bilang Presidential Commission on Culture and the Arts na itinatag noong 1987 ni Pangulong Corazon C. Aquino. Naging NCCA ito noong 1992 nang pagtibayin ng Kongreso ng Filipinas ang Batas Republika 7356. Pangunahing tungkulin ng NCCA na magbalangkas ng mga patakaran na magpapaunlad ng sining at kultura sa bansa. May apat na subkomisyon ito na binubuo ng mga boluntaryong manggagawa at alagad ng sining sa iba’t ibang larang ng mga sining, pamánang pangkultura, at disimenasyon. Pinag-uugnay din nitó ang mga ahensiyang pangkultura sa pamamagitan ng isang Kalupunan ng mga Komisyoner, na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Kagawaran ng Batayang Edukasyon, Kagawaran ng Turismo, Mababà at Mataas na Kapulungan ng Kongreso, National Archives, National Library, National Museum, National Historical Commission of the Philippines, Komisyon sa Wikang Filipino, Cultural Center of the Philippines. Nagdudulot ito ng mga grant at tangkilik bilang tagapangasiwa ng National Endowment Fund for Culture and the Arts (NEFCA). Sinasalamin ng sagisag ng NCCA ang muling pamumulaklak ng kultura at sining sa Filipinas. Ang Alab ng Haraya na kinakatawan ng apoy at insensaryo ay nagsisilbing sagisag ng kadakilaan ng katutubong kultura ng bansa. Bilang pagtalima sa mga pangunahing tungkulin nito, naglulunsad ang ahensiya ng mga proyekto para sa iba’t ibang disiplina ng sining. Tinutulungan din nito ang mga organisasyong pangkultura, lokal na gobyerno, pribadong sektor, at ibang ahensiya ng pamahalaan na makapaglunsad ng proyektong pangkultura. Itinataguyod ng NCCA ang paglalathala ng mga aklat at publikasyong pangkultura upang mapaunlad ang kamalayang makasining. Ang NCCA ay isang nagsasariling ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Opisina ng Pangulo ng Filipinas. Direkta itong nagbibigay ng ulat sa Pangulo at sa Kongreso ng Filipinas. (SMP) (ed VSA)

Pambansâng Komisyóng Pángkasaysáyan ng Filipínas
Ang Pambansâng Komisyóng Pángkasaysáyan ng Filipinas o National Historical Commission of the Philippines ang sangay ng gobyerno na nagpapanatili at nangangalaga sa mga makasaysayang pamána ng lahing Filipino. Itinataguyod nito ang paglinang at pagpapalaganap ng kasaysayan ng Filipinas at mga pangkulturang pamana. Upang makamit ang mga layunin, nagpapatupad ang komisyon ng mga proyektong pananaliksik at pinangangasiwaan nito ang mga makasaysayang lugar. Isa sa pangunahing tungkulin nito ang paglalathala ng mga sulatin ng mga pambansang bayani at iba pang dakilang Filipino. Ang pinakaunang ahensiya sa Filipinas na nangalaga sa mga makasaysayang pamána ay ang Philippine Historical Research and Markers Committee (PHRMC). Itinatag ito noong 23 Oktubre 1933 sa bisà ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 451. Marami pang mga komite at komisyong pangkasaysayan ang naitatag mula 1937 hanggang 1962. Kabílang sa mga ito ang The Philippine Historical Committee (1937), The Jose Rizal National Centennial Commission (1954), Rizal Presidential Committee (1962), at ang National Heroes Commission (1962). Itinatag ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan o National Historical Commission noong 1965 sa bisa ng Batas Republika Blg. 4368. Binuwag ng batas na ito ang Pangkasaysayang Komite sa Filipinas at Pambansang Komisyon ng Bayani upang makonsolida ang isang komisyong mangangalaga at magtataguyod ng kasaysayan ng bansa. Noong 24 Setyembre 1972, nilikha ang National Historical Institute sa bisa ng Pampanguluhang Kautusan Blg. 1. Sa kasalukuyan, sa bisa ng Batas Republika Blg. 10086 noong 12 Mayo 2010, ang National Historical Institute ay binigyan ng dagdag na kapangyarihan, binago ang komposisyon ng kalupunan, at ginawang National Historical Commission of the Philippines. (SMP) (ed VSA)

Pambansâng Muséo ng Filipinas
Itinatag ang Pambansâng Muséo ng Filipinas o National Museum of the Philippines noong 1901 upang magsilbing tagapangalaga ng kasaysayang kultural, likás na agham, at agham panlipunan ng bansa. Ang neoklasikong gusali ng lumang Kongreso sa Kalye Padre Burgos sa tabi ng Liwasang Rizal, malapit sa Intramuros, Lungsod Maynila ang nagsisilbing pangunahing gusali ng Pambansang Museo. Sa gusaling ito matatagpuan ang National Art Gallery, samantalang matatagpuan ang Museo ng Lahing Pilipino (mga dibisyon ng antropolohiya at arkeolohiya ng Pambansang Museo) sa katabing gusali sa Agrifina Circle na dáting opisina tahanan ng Kagawaran ng Pananalapi. Bahagi ang dalawang gusali sa disenyo ng arkitektong Amerikanong si Daniel Burnham para sa kapitolyo ng Maynila. Sinimulang ipatayô ang gusali ng lumang Kongreso noong 1918 ayon sa disenyo nina Ralph Harrington Doane at Antonio Toledo upang maging tahanan ng Pambansang Aklatan ng Filipinas. Noong 1926, pinagpasiyahang gawin itong gusali ng lehislatura ayon sa pagbabago sa plano ni Juan Arellano. Nasira ang gusali noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nang maayos ay nagsilbing tanggapan ng Kongreso, Pangalawang Pangulo, Senado, Sandiganbayan, at Ombudsman. Inilipat ito sa Pambansang Museo noong 1998 at ipinahayag bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan (National Historical Landmark) noong 2010. Ilan lamang sa mga pag-aaring yaman ng Pambansang Museo ang bantog na pinturang Spoliarium ni Juan Luna, ang Tapayang Manunggul, at ang mga artifact na naiahon mula sa lumubog na galeong San Diego. Bilang isang organisasyon, ang Pambansang Museo ay pinangangasiwaan ng isang direktor na nása ilalim ng Kalupunan ng mga Gobernador (Board og Governors) at ulo ng isang network ng mga museo sa buong Filipinas. Nangangasiwa din sa mga paghukay na arkeolohiko at ibang eksplorasyon sa iba’t ibang pook ng bansa. (PKJ) (ed VSA)

Pambansâng Párke ng Hundred Islands
Ang Pambansâng Párke ng Hundred Islands (hán·dred áy·lands) ay pangkat ng mga pulo na nása Lungsod Alaminos sa lalawigan ng Pangasinan. Binubuo ito ng 124 pulo kapag káti at nakakálat sa Golpong Lingayen. Pinaniniwalaang dalawang milyong taon na ang mga ito. Tatlo ang isinaayos na para sa mga turista, ang Islang Quezon, Islang Gobernador, at Islang Children. Ang totoo, mga sinaunang korales ang mga pulo at lumitaw dahil sa pagbabâ ng nibel ng tubig dagat. Ang tila kabuteng hubog ng mga pulo ay dulot ng unti-unting pagkain ng tubig sa lupa’t bato. Isang saliksik ang nag-ulat na makikita sa ilang pulo ang bayawak, matsing, lumba-lumba, alamid, at ilang uri ng pagong. Dinadayo ito ng mga turista para mamangka, maglangoy, mag-scuba, at manood ng mga pulo. Ayon sa isang alamat, ang mga pulo ay bunga ng kasakiman. Noong araw, namatay ang hari sa pook na kinalalagyan ng Hundred Islands at naiwan ang magandang prinsesa na si Liglioa. Dalawang sakim na datu ang naghangad sa kaharian at sa prinsesa. Idinaan nila sa isang malaking labanan sa dagat ang kanilang hangarin. Pagkatapos ng labanan, natigib ang dagat ng mga nakalutang na bangkay at mga taob na bangka. Sa malaking himala, nanatiling nakalutang sa dagat ang mga ito. Pagtagal, naging parang mga bato ang mga ito, tinubuan ng damo at halaman, at naging ang mga pulo sa Hundred Islands ngayon. (LJS)(ed VSA)

Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa
Napabílang ang Puerto Princesa Subterranean River National Park o Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa (Pu·wér·to Prin·sé·sa) noong 1999 sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO dahil sa kamangha-manghang pagkabuo ng limestone karst at sa mahabàng ilog nitong naglalagos sa paanan ng bundok. Matatagpuan ito sa bulubundukin ng Saint Paul sa Hilagang-Kanluran ng Lungsod Puerto Princesa, sa Palawan. Kilala rin ito bilang St. Paul’s Subterranean River National Park o St. Paul’s Underground River. Itinanghal ang pambansang parkeng ito bilang isa sa New Seven Wonders of Nature noong 28 Enero 2012.

Bukod sa pagiging isang kamangha-manghang tanawin, ang parke ay isa ring mahalagang lugar sa pangangalaga ng saribuhay. Matatagpuan dito ang isang biyolohikong komunidad ng magkakaugnay na organismo mula bundok hanggang dagat. Ang kabundukang sakop nito ay nababálot ng mahigit 90% ng malalaking karst o di-regular na pormasyon ng mga batongapog. Matatagpuan din dito ang malagong kagubatan ng naglalakihang mga punongkahoy. May bakawan, damong dagat, tangrib, at makapal na lumot ang paligid na malapit sa dalampasigan. Ang pangunahing panghalina ng parkeng ito ay ang St. Paul’s Underground River Cave na may 24 kilometro ang haba. Bahagi nito ang Cabayugan River na 8.2 kilometro ang haba. Natatangi ang ilog na ito dahil tumatagos ito sa isang yungib bago tuluyang dumaloy sa South China Sea. Namumukod ang yungib na ito dahil sa malalaking pormasyon ng stalactites at stalagmites at sa pagkakaroon ng mga silid ng yungib nito. Matatagpuan din sa parkeng ito ang mga nanganganib na mga espesye ng hayop gaya ng Palawan Peacock Pheasant, dugong, bayawak at pagongdagat habang pangkaraniwan namang matatanaw ang Palawan tree shrew, Palawan porcupine, Palawan stink badger at iba’t ibang uri ng isda, hipon at ahas. (RVR) (ed GSZ)

Pambansâng Sinúpan ng Filipínas
Ang National Archives of the Philippines ay kilalá rin sa tawag na Pambansâng Sinúpan ng Filipínas. Ang opisyal na pangalan nitó ay Records Management and Archives Office at ito ang sangay ng gobyerno na may katungkulang pangalagaan at panatilihing nása mabuting kondisyon ang mahahalagang dokumentong pangkasaysayan at pangkultura ng Filipinas. Nasa pangangalaga ng Pambansang Sinupan ang mahigit 60 milyong dokumento mula noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol hanggang sa kasalukuyang Republika. Mahalagang layunin nitó na mapanatili ang mga pangunahing dokumentong pinagkukunan ng impormasyon hinggil sa kasaysayan ng Filipinas, kultura, at pamanang Filipino. Nang sakupin ng mga sundalong Amerikano ang Inramuros noong 13 Agosto 1898, maraming mahalagang dokumentong pinangalagaan ng mga Espanyol ang nasira. Ginamit ng mga mananakop na sundalo na panggatong, sulo, o pansapin ang mga natagpuang kasulatan, papeles, at dokumento. Napigil lamang ang malawakang paninira matapos malagdaan ang Kasunduang Paris ng mga gobyerno ng Espanya at Estados Unidos. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, itinatag ang Opisina ng Sinupan upang maayos na mapangalagaan ang mga dokumentong naiwan ng mga Espanyol. Si Señor Manuel de Iriarte ang namahala sa konsolidasyon ng mga sinupan sa gusali ng Intendencia. Noong 21 Oktubre 1901, ang maliit na opisina ay naging ganap na Kagawaran sa Sinupan sa bisa ng Batas Blg. 273 ng Komisyon sa Filipinas at ang mga natipong dokumento ay inilipat sa Ayuntamyento. Ang sinupan ay napailim sa pamamahala ng Aklatang Pambansa noong 1916 at pagkaraa’y napailalim naman sa Kawanihang Panloob. Muli itong ibinalik sa Aklatang Pambansa noong 1928 at pinangasiwaan naman ng Pambansang Asamblea noong 1935. Inilipat ito sa Insular Ice Plant sa Plaza Lawton noong 1938 at pagkaraa’y inilagak naman sa Kagawaran ng Bilangguan sa Maynila noong 1941. Maraming beses pang nagpalipatlipat ang sinupan sa iba’t ibang lugar at opisina mula 1953 hanggang 1967. Matapos ang mahigit isang siglo, ang National Archives of the Philippines ay pormal na naitatag bilang isang opisyal na sangay ng pamahalaan sa bisà ng Batas Republika 9470. (SMP) (ed VSA)

Pambansâng Watâwat
Ang Pambansâng Watâwat ay unang iwinagayway sa Kawit, Cavite noong 12 Hunyo 1898 bilang simbolo ng ating kalayaan mula sa pananakop. Si Marcela Mariño de Agoncillo, isang babaeng may pagmamahal sa bayan na may talento sa pananahi, ang pinakiusapan ni Hen. Emilio Aguinaldo na gawin ang watawat. Ang disenyo nitó ay nagmula sa masuring diskusyon at pag-aaral ni Aguinaldo kasáma ang iba pang mga pinunò, at tinawag nilá itong “Ang Araw at Mga Bituin.” Ang bawat kulay, hugis, at disenyo ng watawat ay may simbolong kaakibat. Ang putîng triyanggulo sa kaliwa ay sumasagisag ng pag-asa sa pagkakapantay-pantay, ang asul na kulay sa itaas ay sumisimbolo ng kapayapaan, katotohanan, at hustisya, hábang ang puláng kulay sa ibabâ ay nangangahulugan ng pagmamahal sa bayan at kagitingan. Ang araw sa gitna ng putîng triyanggulo ay may walong sinag na kumakatawan sa unang walong probinsiya na lumaban sa Espanya: Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, at Batangas. Hábang ang tatlong bituin sa bawat sulok ng tatsulok ay kumatakatawan sa tatlong pangunahing pulô sa ating bansa: ang Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang paggawa sa unang watawat ay inabot ng limang araw upang matapos. Kasáma ni Agoncillo ang kaniyang anak na babae na si Lorenza, at ang pamangkin ni Dr. Jose Rizal na si Herbosa de Natividad sa pagtahi. Ang mga telang kanilang ginamit ay nagmula pa sa Hong Kong. Noong 23 Agosto 1907, pagkatapos sumuko ni Aguinaldo sa awtoridad ng Estados Unidos, ang “Flag Law” ay ipinatupad. Ito ay nagsasaad na ang paggamit ng watawat ng Filipinas ay ipinagbabawal kahit saan. Ikinalungkot ito ng mga Filipino at ipinagprotesta. Ipinaglaban nilá ang karapatan sa paggamit ng ating watawat. Naibalik ang dangal at respeto nitó nang aprobahan ni Gobernador-Heneral Francis Harrison ang pagpapawalangbisà ng Flag Law at ipinatupad ang “Flag Day” noong 30 Oktubre 1919. Simula noong araw na iyon ay maaari na muling gamitin ang watawat sa mga pampublikong lugar. Gayunman, ang ipinagdiriwang ngayong “Flag Day” ay mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12. (LN) (ed VSA)

Guhit ni Fernando Amorsolo

Pámulináwen
Ang Pámulináwen ay isang awiting-bayan ng mga Ilokano. Ang awit ay ukol kay Pamulinawen, isang magandang babaeng may matigas na puso na parang bato. Kahit gaano kasugid ang lalaki sa panunuyo sa kaniya ay di niya ito pinapansin. Nasa batayang sukat na 2/4, ang musika ay nasa mayor na tonalidad. Mabilis ang kompas nito at nasa estilong polka. Narito ang isang bahagi ng titik ng awit, gayundin ang literal na salin nito: Lalaki: Pamulinawen, pusok indenganman Pamulinawen, may pusong bato, makinig: Toy umas-asog a agrayo ita sadiam Ang abang lalaking ito na sumasamo sa iyo, Panunotem man, dika paguintutulngan Tandaan at huwag kalimutan, Toy agayat, agrayo ita sadiam. Ang nagmamahal na laging sa iyo’y nangangarap. Babae: Uray no mano karutap ti pagbatayam Kahit umakyat ka pa sa hagdan A gumaw-at kaniak Upang ako’y maabot, Dikanto kanaen a magaw-atnak Huwag isiping akoy magiging iyo Ta azucena ak a napnuan dayak. Dahil ako’y isang magandang bulaklak.

Inareglo ang awit ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika. Ang likha ni Maestro Lucio D. San Pedro ay para sa apatang boses na unang inilimbag noong 1969 sa kalipunang Mga Tinipong PanabayangAwiting Pilipino nina C. Maceda at C. Bautista. Muli itong lumabas sa The Choral Works of Lucio D. San Pedro na inilimbag ng UP Concert Chorus noong 1975. Ang areglo naman ni Maestra Lucrecia Kasilag ay para sa tatluhang boses sa mataas na tono ng babae o koro ng mga bata. (RCN) (ed GSZ)

panatà
Ang panatà ay isang matapat o mataimtim na pangako o debosyon. Karaniwang namamanata ang mga Filipino upang humiling ng pabor mula sa Diyos o mga santo sa langit. Halimbawa, kung may sakit ang isang tao, namamanata siya upang hilingin ang kaniyang paggaling o ang paglunas sa sakit ng isang kapamilya at iba pang mahal sa buhay. Ang kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila tuwing Enero ay isang matingkad na halimbawa ng pamamanata. Libo-libong mamamayan ang nakayapak na nagtutungo sa Simbahan ng Quiapo upang lumahok sa prusisyon para lamang masilayan ang Mahal na Poon. Nakikipagsiksikan sila, kung minsa’y nakahandang masaktan, mahawakan, o makalapit sa imahen ng Nazareno. Tuwing Semana Santa, masasaksihan din ang isa pang pambihirang pagpapamalas ng masidhing panata. Mula sa paglalakad nang walang sapin sa paa sa mainit na kalsada, paghampas sa sarili, hanggang sa aktuwal na pagpapapako sa krus, ang mga deboto ay dumaraan sa proseso ng paglilinis ng kalooban upang maging karapat-dapat sa katuparan ng kahilingan. Bukod sa kontekstong panrelihiyon, ang pamamanata ay maikakawing din sa pagpapahayag ng pagmamahal sa bayan. Isinabatas ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagbigkas ng “Panatang Makabayan” sa mga paaralan noong 1955. Hanggang sa kasalukuya’y patuloy na binibigkas ito ng mga estudyanteng Filipino sa kanilang mga eskuwelahan kasunod ng pag-awit sa “Lupang Hinirang” hábang nakaharap sa watawat ng Filipinas. Bagaman madalas bigkasin sa wikang Filipino, ang “Panatang Makabayan” ay may bersiyon din sa iba pang wika sa Filipinas at maging sa wikang Ingles. (SABP) (ed GSZ)

Panatàng Makabáyan
Ang Panatàng Makabáyan ang panunumpa sa watawat na binibigkas ng mga estudyante pagkaraang awitin ang Pambansang Awit. Ang pagbigkas ng panunumpa sa watawat ay pagkilála sa pagkabansa ng Filipinas at pagpapakita ng paggalang sa watawat bilang sagisag ng kalayaan ng bansa. Layunin nito na pag-alabin ang diwang makabayan ng mga kabataang Filipino upang maglingkod silá nang tapat sa bayan at maging mabuting mamamayan. Unang ipinatupad ang pagbigkas ng Panatàng Makabáyan sa mga paaralang publiko at pribado noong 11 Hulyo 1955 sa bisà ng Kautusuang Pangkagawaran Blg. 8 ng Kagawaran ng Edukasyon. Ang Kautusan ay pagtalima sa isinasaad ng Batas Republika Blg. 1265 na pinagtibay noong 11 Hunyo 1955. Binago at pinasimple ang ilang linya ng Panatàng Makabáyan noong 9 Nobyembre 2001 sa bisà ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 54 s.2001. (SMP) (ed VSA) Narito ang bagong bersiyon ng Panatang Makabayan: Iniibig ko ang Filipinas, aking lupang sinilangan, tahanan ng aking lahi; kinukupkop ako at tinutulungang maging malakas, masipag at marangal. Dahil mahal ko ang Filipinas, diringgin ko ang payo ng aking magulang, susundin ko ang tuntunin ng paaralan, tutuparin ko ang tungkulin ‘ ng mamamayang makabayan: naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal nang buong katapatan. iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Filipinas.

pandánggo
Ang sayaw pandánggo ay batay sa sayaw na fandango ng mga Espanyol. Ang sayaw ay mabilis at masaya sa batayang kompás na 3/4. Karaniwan itong sinasayaw sa saliw ng awit at gitara. Maaari rin itong tugtugan ng bandurya. Ang mga mananayaw ng pandanggo ay tinatawag na pandanggera kung babae, at pandanggero naman kung lalaki. Karaniwang sinasayaw ito sa kasalan, panahon ng pagtatanim ng palay, binyag, pista at kahit Mahal na Araw. Ang kilalang pandanggo sa ilaw ay nangangailangan lamang ng tunog ng palakpak ng mga manonood upang isaliw sa sayaw na ito. Ngunit ang nakagawiang musika ng pandanggo ay likha ni Col. Antonino Buenaventura. Kasama si Francisca Reyes Aquino sa grupong nakadeskubre ng sayaw, ang UP President’s Committee on Dances and Folk Songs. Ang iba’t ibang bersiyon ng sayaw ay karaniwang nakapangalan sa lugar na pinagmumulan nito, sa mga gamit na mahalaga sa sayaw, sa okasyon at sa paniniwalang panrelihiyon ng lugar. Isang halimbawa ng pandanggo na nakabatay sa lugar ay ang pandanggo sa Ivatan na nagmula sa Batanes, isang sayaw pangkasal na sinisimulan ng lalaking kapareha. Sa sayaw na ito, ibinibigay ng lalaking bagong kasal ang kaniyang gala o regalong pangkasal sa asawa. Ang pandanggo Rinconada naman na paboritong sayaw sa Bicol ay ipinangalan sa distritong Rinconada ng Camarines Sur at karaniwang sinasayaw ng kabataan at matatanda tuwing Kapaskuhan. Ang mga sayaw na ipinangalan sa kagamitan sa pagsasayaw ay ang pandanggo sa ilaw, pandanggo sa sambalilo, at pandanggo sa tapis; ang nakabatay sa okasyon at paniniwala ay pandanggo sa kasalan na ang pakay ay bigyan ng payo ang bagong kasal, at ang pandangguhan sa Kuwaresma na may kasamang awit na ang titik ay nakabatay sa Bibliya o pasyon at iba pang aklat panrelihiyon. Isinasayaw rin ang pandanggo bilang alay sa Poong Mahal na Santa Cruz ng Batangas. (RCN) (ed GSZ)

pangálay
Ang pangálay ay isang sayaw ng papuri para sa mga bisita, kamaganak o kaibigan ng mga Tausug, Samal, Badjaw, at Jama Mapun. Maaari ring gamitin ito bilang ekspresyong espiritwal, at sa iba pang ritwal na may kinalaman sa pasasalamat at paghilom. Tampok na sayaw rin ang pangalay sa mga pagdiriwang ng mararangyang kasal sa Sulu. Sa kasong ito, ang mahuhusay na mananayaw ng pangalay ang inaatasang sumayaw hábang idinaraos ang kasayahan. Ang kulintangan, gabbang, at agung ang karaniwang saliw ng pangalay. Ang pangalay ay sinasabing sinasayaw na bago pa man dumating ang Muslim at Espanyol sa kapuluan. Ang batayang galaw nito ay hango sa mga tradisyonal na sayaw ng Sulu at Tawi-tawi. Itinuturing itong sayaw ng buong komunidad. Mataas o mababà mang miyembro ng lipunan, lalaki man o babae, ay maaaring sumayaw nito. Para sa sayaw, ang mga babae ay nagsusuot ng biyatawi, o masikip na blusa, at sawwal, maluwag na pang-ibabâng tila pantalon, na pinapatungan ng siyag. Ang mga lalaki naman ay nagsusuot din ng sawwal kapu, masikip na bersiyon ng sawwal. Karaniwan ding nagsusuot ng janggay, pahabâng kuko na gawa sa metal ang mga babaeng mananayaw. Ang mayayaman naman ay gawa sa ginto o pilak ang ginagamit na janggay. May mga uri ng pangalay na may iba’t ibang hakbang, saliw, at iba pang elemento. Ang bulah-bulah ay sayaw ng Samal-Badjaw na ginagamitan ng bulah o pamalakpak na gawa sa kawayan. Sa halip na instrumento ang saliw, ang lunsay naman ay sinasayaw sa himig ng mga mang-aawit. Ang magjuwata at magpugot ay mga sayaw na ritwal na nagpapaalis ng espiritu. (RCN) (ed GSZ)

pangángaluluwá
Pananapatan sa bisperas ng Undás o Araw ng mga Patay ang pangángaluluwá. Kadalasang grupo ng mga batà o kayâ’y kabataan ang gumagawa nito. Tumatapat sila sa mga bahay, gaya ng ginagawa sa harana at karoling, at sa pamamagitan ng pag-awit ay nagkukunwari silang mga kaluluwang naligaw mula sa purgatoryo. Ang mga napupuntahang bahay ay inaasahang mag-aabuloy ng mga kakanin o kayâ’y maliit na halagang mabibitbit ng mga “kaluluwa” pabalik sa mundo ng mga patay. Kakambal ng pangangaluluwa ang paniniwala sa pamahiing nabubuksan ang pintong naghihiwalay sa mundo ng mga buháy at mga patáy kapag sumasapit ang Todos los Santos. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing nakababalik umano sa lupa ang kaluluwa ng mga yumao tuwing Araw ng mga Patay. Ang panandaliang pagbisita ng mga pumanaw ay sinasalubong sa pamamagitan ng pagluluto ng iba’t ibang uri ng kakaning gawa sa malagkit o kayâ’y mga lamang-ugat tulad ng kamote at ube. Itinuturing ang mga ito bilang átang o pagkaing handog para sa mga kaluluwa at espiritu. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang suman, biko, halaya, puto, at iba pa. Nagsisilbi umano itong pabáon sa mga naglalakbay na kaluluwang gutóm at sabík sa panalangin at pag-alaala. Sinasalamin ng pangangaluluwa ang pananalig ng mga Filipinong mayroon pang búhay pagkatapos ng kasalukuyang pag-iral ng tao sa lupa. Naniniwala rin ang kalakhan na nananatiling magkaugnay ang búhay at ang kaluluwa ng mga pumanaw. Ang pangangaluluwa ay mistulang pagsasadula ng mga paniniwalang iyon: ang mga bahay na tinatapatan ang sumisimbolo sa mga táong buháy, samantalang kinakatawan naman ng mga nangangaluluwa ang mga yumaong nagkakaroon ng saglit na pagkakataóng bumalik sa lupa sa panahon ng Undas. (BVN) (ed GSZ)

pangát
Mag-ingat dahil may tatlong uri ng pangát o pinangát, depende sa kausap. Sa maraming Tagalog, kasingkahulugan ito ng paksíw. Sa Kabikulan, pangát ang popular na tawag sa láing. Ang natatanging pangát ay pagluluto ng pinakuluang isda. Ngunit may pampaasim. Bago iluto ang isda sa pinakulong kaunting tubig ay inihuhulog muna sa palayok ang mga hiniwang kamyas at kamatis. May nagdadagdag pa ng sibuyas at nagwiwisik ng toyo. Ngunit bukod sa kamyas at kamatis ay ginagamit ding pampalasa sa pangát ang hinog na sampalok. Sa pangát na sinampalukan ay bawal ang toyo. Mga munting isda, sariwa, at hindi makaliskis ang mainam ipangát. Halimbawa’y sapsap, salay-salay, pampano, hasa-hasa, talakitok, at tulingan. Iyong magkakasiya sa palayok. Tandaang kaunti lámang ang tubig na pinakuluan. Hindi mahalaga ang sabaw. Ang mahalaga’y tumiim sa isda ang pampaasim ngunit sa paraang hindi nawawala ang sariwang linamnam ng isda. (LJS)(ed VSA)

Pangúlo ng Filipínas
Ang Pangúlo ng Filipínas ang pinunò ng estado at pinunò rin ng pamahalaan ng Republika ng Filipinas. Pinamumunuan niya ang sangay tagapagpaganap ng gobyerno, pinangangasiwaan ang iba’t ibang kagawaran sa pamamagitan ng kaniyang gabinete, at tumatayông pangkalahatang pinunò ng sandatahang lakas ng Filipinas. May kapangyarihan siyáng humirang at mag-alis ng mga kalihim ng kagawaran at ibang hirang na opisyal sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ang iba pang kapangyarihan at mga tungkulin ng Pangúlo ng Filipinas ay malinaw na nakasaad sa Saligang-Batas. Sinumang mamamayang Filipino ay maaaring maging Pangúlo kung makakamit niya ang mga kalipikasyong itinakda ng Saligang-Batas. Maaari lámang maging Pangúlo ang isang Filipino kung siyá ay katutubong mamamayan; rehistradong manghahalal ng Filipinas; nakababása at nakasusulat; may gulang na hindi kukulangin ng 40 taón sa panahon ng halalan; at nakapanirahan sa bansa sa loob ng 10 taón bago kumandidato. Direktang halal ng mamamayang Filipino ang Pangúlo sa pamamagitan ng isang pambansang halalan. Ang isang kandidato sa panguluhan na nagkamit ng pinakamaraming boto ang hinihirang na bagong Pangúlo ng Filipinas. Ipinoproklama siyá ng pinagsanib na Kongreso ng Filipinas at pinasusumpa sa harap ng mamamayan. Ang Palasyo ng Malacañang ang kaniyang opisyal na tirahan at opisina. Ang kaniyang suweldo ay itinatakda ng batas at hindi maaaring bawasan o dagdagan sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Alinsunod sa Konstitusyong 1987, nagsisilbi ang halal na Pangúlo ng Filipinas sa loob ng anim na taón. Hindi na siyá maaaring mahalal muli pagkatapos ng kaniyang panunungkulan. Isang malaking pagbabago ito sa panahon ng panunungkulan noon ng Pangúlo na apat na taón at maaaring kumandidatong muli. (SMP) (ed VSA)

pansít
Nagmula ang pansít sa mga salitâng Hokkien na pian-e-sit na anumang mabilis lutuin ang ibig sabihin. Ngunit sa Filipinas, tumutukoy lámang ito sa minasang arina’t itlog, pinatuyô, inirolyong manipis, at sakâ hinimay na tila mga mahahabàng hibla. Kapamilya nitó ang noodle sa Ingles, ramen sa Niponggo, at ispagheti sa Italyano. Maraming uri pansit na Filipino: may gawa sa minasang itlog, ang pansít kantón; minasang galapong ng bigas, ang pansít bíhon; minasang munggo, ang pansít sótanghón; minasang arina, ang pansít míswa; minasang trigo, ang pansít míki. Malimit din itong iginigisa, pansít gisádo, na may kasámang gulay at pampalasang kintsay. Mula sa naturang uri ay lumitaw ang mga imbensiyong lutuin sa Filipinas. Pinakamatanda ang masabaw na pansít mámi, na sinasabing inilalakò noon sa mga kalye ng siyudad at meryenda ng mga trabahador. Matatabâ ang hibla ng pansít lómi. Masabaw na sotanghon ang pansít langláng sa parti nina Isagani. Modernong imbensiyon ang pansít malabón, ipinangalan sa pinagmulan nitóng bayan noon ng Malabon, na binubuo ng mapuputing pansít na galapong at nahihiyasan ng talaba, pusit, tahong at tulya, at hipon o sugpo. Sa mga pook na malayò sa dagat, mas paborito ang pansít luglúg na may salsa ng dinikdik na ulo ng hipon at karne at mga sahog na ginisang bawang, pritong tokwa, nilagang itlog, dinurog na sitsaron, tinapa, at halabos na hipon. Sa Iloilo, ang la paz bátsoy ay pansít na may sabaw at nilahukan ng mga lamang-loob ng baboy. Ang pansít mólo ay wanton na may hipon at hinimay na manok. SaLucban, ang pansít habháb ay tinawag na gayon dahil orihinal na hinahabhab, katulad ng gawain ng baboy, sa platong dahon ng saging. Hindi maaaring walang pansít sa birthday party ng tradisyonal na pamilyang Filipino. May banal na paniwalang sagisag ang mahabàng hibla ng pansít para sa mahabàng búhay. Mabuhay ang pansít! (YA)(ed VSA)

Simbahang Paoay
Kilala rin bilang Simbahan ng San Agustin, ang Simbahang Paoay (Sim·bá·hang Pá·way) ay matatagpuan sa Bayan ng Paoay, Ilocos Norte. Isa ito sa apat na simbahang baroque ng Filipinas na napabilang sa talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na halimbawa ng pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artesanong Tsino at Filipino.” Itinayô ang panulukang bato ng simbahan noong 1704 at ang pundasyon ng kampanaryo nito noong 1793. Nabuo ang simbahan noong 1894 sa pamumunò ni Padre Antonio Estavillo at pormal na pinasinayaan noong Pebrero 1896. Yari ito sa batong korales, ladrilyo, kahoy, at mga dagta ng punongkahoy. Ang estilong baroque ay nilangkapan din ng impluwensiyang Gotiko at oryental gaya ng makikita sa patsada, gablete, at mga ukit sa pader nito. Ang simbahang ito ay may 24 na kontrapuwerteng nagsisilbi ring pananggalang sa lindol. Kayâ naman kinikilala rin ang Simbahang Paoay na Earthquake Baroque Church ng Filipinas. Ilang beses nang bahagyang nawasak ng lindol ang simbahan—noong 1706, 1827, 1865, at 1885— ngunit nananatili itong nakatayô hanggang sa kasalukuyan. Ang tatlong palapag na kampanaryo ng Simbahan ng Paoay ay sadyang inihiwalay sa estruktura ng simbahan upang hindi ito makapinsala sakaling bumagsak ito. Ayon sa kasaysayan, dating Bombay ang tawag sa Paoay dahil ipinapangalan noon ang nayon sa pinagmulan ng mga unang nanirahan dito na pinaniniwalaang mula sa Bombay, India. Ang orihinal na pamayanan ay nasa Callaguip (ngayon ay isang baryo na lamang ng Paoay). Dahil sa patuloy na salakay ng mga pirata at Moro, lumipat sa karatig na pook ang mga tao. Nagmagandang-loob ang mga unang nanirahan ng karatignayon ng Batac na makipisan na lamang sa kanila ngunit tinanggihan ito at sinabing “Maka-paoay kami”—na ang ibig sabihin sa Iluko ay mamumuhay sila nang di-umaasa sa iba. Ikinasamâ ito ng loob ng mga taga-Batac at ginamit naman ang Paoay bilang pangalan ng bayan. (RVR) (ed GSZ)

papaítan
Ang papáit ay kulay berde at mapait na katas ng naimbak na damo sa bituka ng kambing. Ang papaítan, sa gayon, ay lutuin sa kambing na hinahaluan ng papait. Ang pinakapopular ay ang kilawén (ang kiniláw ng mga Ilokano). Ang sinúnog na balát ng kambing at ang karne sa ilalim nitó ay hinihiwa sa maliliit na piraso. Pagkatapos ay nilalamas ito sa papait. Ang sangkutsár ay may sabaw. Ang kambing ay kinakatay at tinatadtad ang lamán, lamang-loob, bagà, at puso. Pagkatapos, iniluluto ito sa kumukulong papait, na may sangkap na sukà, asin, luya, at paminta. Kasabihan sa Ilocos na pag nakahigop ka ng mainit na sabaw ng sangkutsar ay malilimot mo ang iyong biyenan. Ang sangkutsar ang higit na kilaláng papaítan sa labas ng Kailukuhan. Ang hindi mahilig sa kambing ay karne’t bituka ng báka ang iniluluto sa papait. Siyanga palá, may kilawen ang mga Ilokano na walang papait. Inaalis ang balát at lamán lámang ng kambing ang tinatadtad. Pagkatapos, inilalamas ito sa utak ng hayop (Ang pagkain ng utak ay popular sa Hilagang Luzon.) at sinangkapan ng sukà, toyo, asin, at kaunting asukal. Bilang arte, inihahanay sa ibabaw ang mga hiniwang atay. Ginagawa ring kilawen ang karne ng báka at kalabaw. (DRN)(ed VSA)

paputók
Bahagi ng mga pista’t pagdiriwang, lalo na ng Bágong Taón, ang maingay na paputók. Isang tradisyon itong dalá ng mga Tsino, bagaman ang paglikha ng ingay sa pamamagitan ng tambol, pakakak o torotot, at pagkalampag ng kasangkapan ay isang katutubong gawain noon kapag may eklipse. May paniwala ang mga ninunong Filipino na kinakain ang buwan o araw ng isang dambuhala at nagsasagawa silá ng ingay upang matákot ang dambuhala at mailuwa ang kinain. Ang paputók ay hindi laging kauri ng sumasabog na rebentadór. Maaari itong isang pailaw na tingting ng lúsis o isang pinalilipad na kuwítis. Kilala ang bayan ng Bocaue, Bulacan bilang sentro ng bilihan ng paputók. Dito matatagpuan ang iba’t ibang klase ng paputok mula sa pinakamaliit, pinakamalaki, pinakamaingay, pinakamahabà, at pinakamarami ang pailaw; mula sa tumitilamsik na “watusi” hanggang sa malakas na “bawang” at sa nakabibinging “sinturon ni hudas,” “superlolo,” at “sawá.” Dahil sa maraming pinsala, bawal ang malalakas na paputók sa Bágong Taón ngunit hindi mapigil ang industriya sa Bocaue at kahit ang pagpapaputok ng baril bunga ng pagyayabang at paglalasing. (IPC) (ed VSA)

paralúman
Isang mahalagang kasangkapan sa paglalakbay-dagat ang paralúman. Noong panahong walang kómpas, ito ang ginagamit ng mga magdaragat upang matututuhan ang wastong direksiyon sa paglalayag. Isang malaking imbensiyon ito mula sa pagtitiwala sa pagbása ng mga simoy at mga bituin. Paano kung maunos? Paano kung natakpan ng ulap ang Talà sa Hilaga? Ayon sa isang matandang bokabularyo: “PARALUMAN pp. aguja de marear.” Ang paralúman ay may tila karayom na nagtuturo ng patutunguhan. Sa tulang “Magdaragat” (1926) ni Jose Corazon de Jesus ay ginamit itong katumbas ng pag-asa ng dukha sa gitna unos sa búhay: May isang ilaw kang tila natatanaw, Paraluman waring nar’on sa daungan, Yao’y munting parol ng kapwa mo lunday Kung hipan ng hangi’y lumubog-lumitaw. Nakasaad din sa naturang bokabularyo na ang may hawak na paralúman ay tiyak na hindi maliligaw. Ang kabuluhang ito ang batayan ng makabagong gamit sa salitâng ito sa pagtula upang ipantukoy sa isang musa o reyna ng kagandahan. Para sa makata, ang kaniyang musa ay isang patnubay sa búhay, isang kariktang higit pang susundin niya kaysa Talà sa Hilaga. Ganito ang gamit ni Jose Corazon de Jesus sa “Mayroon Pa Rin” (1929) hinggil sa kaniyang minamahal: Kung ako’y bulág na, sa tinig mo lámang Masusunda kita, mutyang paraluman, Sapagkat ang iyong gintong lalamuna’y May kaibang tinig sa lahat ng bagay. Ang tinig lámang ng irog niya ay tila paralúman dahil masusundan niya kahit mabúlag siyá. (EGN) (ed VSA)

párang sábil
Párang sábil ang tawag sa mga patulang salaysay ng mga Tausug ng arkipelago ng Sulu. Ang parang sabil din ay katumbas ng epikong-bayan sa wikang Filipino. Mula ito sa dalawang salitang Tausug: ang perang na nangangahulugang digmaan o kayâ’y espada at sabil na nagmula sa sabilullah, ibig sabihin ay “sa pamamaraan ni Allah.” Kung kayâ masasabing ang kahulugan ng parang sabil ay “lumaban gamit ang espada ayon sa kagustuhan ni Allah” o kayâ “pakikidigma ayon sa kagustuhan ni Allah”. Ang parang sabil ay hindi gaanong hawig sa darangan ng Maranaw at epiko ng Magindanaw. Isang dahilan ang heograpiya: nasa arkipelago ng Sulu ang parang sabil ng Tausug samantalang nasa isang malawak na lupain ang mga Maranaw at Magindanaw. Kadalasan, ang parang sabil ay kinakanta tuwing gabi, lalo na kapag may kasayahan ang komunidad. Umaabot itong kantahin sa pitó hanggang sampung gabi, depende sa bilis ng tagakanta. Hábang kinakanta ang parang sabil, sinasabayan ito ng gabbang, isang instrumentong gawa sa kawayan na kawangis ng xylophone. Isang litaw na tema ng parang sabil ay ang pakikipagdigma ng mga Tausug sa mga dayuhang mananakop, lalo na ang mga Espanyol at mga Amerikano. Sa Parang Sabil ni Abdulla at Putli Isara noong Panahon ng Espanyol, kinanta ni Indah Annura kung paanong ipinaghiganti ng mga kapuwa Tausug ang dangal ni Putli Isara na niyurakan ng isang sundalong Espanyol. Sa Kissa Parang Sabil ni Panglima Hassan, ibinahagi naman ang kadakilaan ng bayaning Tausug na si Panglima Hassan ang pagtatanggol nitó sa Sulu na naging sanhi ng kaniyang kamatayan sa Bud Bagsak, isang bundok sa Sulu. Sa mga parang sabil ng Tausug, ipinapakita nitó ang ilang sentral na kamalayan ng Tausug, gaya ng maratabat (karangalan) at sipug (kahihiyan). (SJ) (ed VSA)

Parián
Tinatawag na Parián ang lugar sa may baybayin ng Ilog Pasig na naging tirahan ng mga manggagawa at mangangalakal na Tsino sa pahintulot ni Gobernador-Heneral Gonzalo Ronquillo. Sa isang lumang bokabularyo, nakasaad na ang “parian” ay isang plaza o bukás na pook na ginagamit para sa pagbili at pagbibili ng paninda. Itinalaga ang nasabing lugar para sa mga Tsino dahil sa pangamba ng mga Espanyol na ang dumaraming mga Tsino na namamalagi sa Maynila ay mag-aklas laban sa kanila kasama ang mga Filipino. Itinayô ang unang Parian noong 1581 at matapos ng dalawang taón ay inilipat ito sa dating Jardin Botanico (ngayo’y Mehan Garden). Binubuo ito ng siyam na bloke ng mga tinadahan sa may silangang bukana ng Intramuros at hilagang bahagi ng Pasig. Palaging may kanyon mula sa Intramuros na nakatutok sa nasabing lugar bilang paniniguro at paghahanda ng mga Espanyol sakali mang mag-aklas ang mga Tsino. Lahat ng mga Tsino na nais magtinda ng kanilang produkto sa Intramuros ay kailangang dumaan sa Puerta del Parian. Ang Parian ang naging pangunahing merkado ng mga Tsino. Daan-daang mga negosyo ang nakatayô dito na nagbebenta ng iba’t ibang produkto gaya ng telang seda, gamot at pagkain, at serbisiyo tulad ng pagsasatre, pagaaalahas at pagpipinta. Hindi naglaon, ang Parian ang naging pangunahing pinagmumulan ng mga produkto na inaangkat ng mga mangangalakal na Espanyol na kalahok sa Kalakalang Galeon at dinadala sa Acapulco, Mexico. Ang unang Parian ay itinayô noong 1581 o 1583. Ilang ulit din itong nasunog—noong 1588, 1597, 1603, 1629, 1639, at 1642. Ang hulíng pagkasunog ng Parian ay naganap noong 1869. Pagkatapos nitó ay pinahintulutan na ang mga Tsino na manirahan sa mga pook kagaya ng Binondo, Santa Cruz, at San Nicolas. (MBL) (ed GSZ)

Ang pinto ng Parian sa Intramuros Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Párkeng Pandágat ng Tangríb ng Tubbatáha
Ang Párkeng Pandágat ng Tangríb ng Tubbatáha ay napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Kinikilala ang parke bilang isang “napakahusay na halimbawa ng isang napakalinis na tangrib na may kagila-gilalas na 100-metrong nakatindig na bakod, malawak na lawa at dalawang pulo ng tangrib.” Matatagpuan ito sa kalagitnaan ng Dagat Sulu sa munisipalidad ng Cagayancillo at sa Timogsilangang bahagi ng Lungsod Puerto Princesa sa Palawan. Kasáma ang Hilaga at Timog na Tangrib, may 32,200 ektarya ang lawak ng parke. Isang natatanging halimbawa ito ng kulumpon ng tangrib na may napakaraming species pandagat. Mayroon itong mahigit 300 uri ng tangrib na kumakatawan sa mahigit 90% ng iba’t ibang uri ng tangrib sa Filipinas. Nagsisilbi rin itong santuwaryo ng mahigit sa 500 species ng isda at lamáng-dagat. Ang Hilagang Pulong Munti ay pinamumugaran ng mga nanganganib nang species ng ibon at pinangingitlugan ng mga pagong. Mahalaga ang ecosystem ng Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha hindi lámang para sa Filipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Matatagpuan ito sa Coral Triangle na binibigyan ng espesyal na atensiyon ng mundo. Nagsisilbing lunsaran ang lugar ng mga pag-aaral tungkol sa pangangalaga ng ecosystem at biodiversity o saribuhay. Ang Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha ay itinatag noong 11 Agosto 1988 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 306 ni Pangulong Corazon Aquino. Sa bisà naman ng Presidential Decree 705, napabilang ito sa mga pinangangalagaang lugar sa Filipinas. Kailangang kolektibong isagawa ang pangangalaga sa parkeng ito upang mapanatili ang kasalukuyang napakalinis na kalagayan nitó para sa kapakinabangan ng mga susunod na salinlahi. (RVR) (ed GSZ)

paról
Ang paról ay salitâng Espanyol mulang faról na isang ilawan. Sa Filipinas, tumutukoy ito sa isang uri ng palamuti, tradisyonal na hugis bituin ni David sa simbolong Hebrew, na sumasagisag sa malaking talà na tumanglaw sa kapanganakan ni Hesus. Ang bituin ng Betlehem ay gumabay din sa Tatlong Hari upang matagpuan ang sabsabang sinilangan ni Hesus. Bahagi ito ng tradisyon ng Pasko. Isinasabit ang paról sa mga bintana ng bahay at sa mga poste sa kalsada bilang pagpapaalala sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko. Ang tradisyonal na paról ay yari sa patpat ng kawayan at binalutan ng makulay na papel dehapón. Nilalagyan ito ng ilaw sa loob at ng mga “buntot” sa dulo ng mga tulis ng bituin. Nitóng kamakailan, iniuso sa Pampanga ang mga higanteng paról na may de-koryenteng ilaw, metal ang tadyang, at kapís o salamin ang pambálot. Ang limang sinag ng bituin ay naging sapin-saping talulot ng bulaklak, bukod sa pangyayaring may gumagawa na ng iba’t ibang hugis at simbolo ng Pasko. Sa Lungsod San Fernando, Pampanga ay may taunang“Giant Lantern Festival” at bumibida ang mga higanteng parol na may taas na 15 metro at ginagamitan ng hindi hihigit sa 16,000 na bombilya. (IPC) (ed VSA)

paróla
Toreng gabay ang paróla at may ilaw na sinisindihan upang pumatnubay sa mga magdaragat lalo na sa gabi. Mula ito sa sa salitang Espanyol na farola. Sinasabing itinayô at pinailaw ang kauna-unahang paróla sa Filipinas noong 1846 sa hilagang bahagi ng Ilog Pasig pagkapasok sa Maynila, samantalang ang pinakamatanda’t ginagamit pang paróla ay nasa Bagacay Point sa Liloan, Cebu, na unang nagliwanag noong 1874. Nang wala pang mga paróla, sinasabing may mga giya na pinapuwesto sa mga simboryo o sa tuktok ng mga punongkahoy upang maging gabay para sa mga magdaragat. Ngunit noong siglo 19, naipakilála ang paróla dahil na rin sa pag-unlad ng komersiyo at pag-usbong ng kalakalang galeon. Madalas na gawa sa ladrilyo o bato, hugis poligono o silindriko ang disenyo ng mga ito na mayroong de-koryente o kemikal na mulaan ng liwanag na ligíd ng salamin. Noong panahon ng Amerikano, sinimulan ang pagpapaayos sa ilang paróla upang makasabay ito sa kontemporaneong teknolohiya. Ilan sa kilalá at lumang paróla sa bansa ang nása Isla ng Capul sa Samar, ang nása Cape Engaño sa Corregidor, ang nása Cape Bojeador sa Ilocos Norte, at ang nása Isla Jintotola sa Masbate. (LJS) (ed VSA)

Parola sa Camiguin

Parólang Kábong Bojeador
Matatagpuan ang Parólang Kábong Bojeador (bo·hé·a·dór) o Cape Bojeador Lighthouse sa buról na Vigia de Nagparitan sa Burgos, Ilocos Norte at nakabantay sa Tangos ng Bojeador at Dagat Timog-Tsina (Dagat Kanlurang Filipinas). Sa taas na 65 talampakan (20 metro), ang parola ang isa sa pinakamataas sa buong bansa. Idinisenyo ang paróla ni Magin Pers y Pers noong 1887 at tinapos ni Guillermo Brockman. Pinailaw ito sa unang pagkakataón noong 1892 at gumagana pa rin hanggang sa kasalukuyan. Sa loob ng mahigit isang siglo, nagsisilbi itong gabay sa mga sasakyang-dagat na papunta sa mga kalapit na pantalan ng Salomague sa Ilocos Sur (87 kilometro ang layò mula sa parola) at Currimao sa Ilocos Norte (60 km). Sa kasalukuyan, ang parola ang hudyat sa mga internasyonal na barkong pumapasok sa karagatang Filipino upang mag-ingat sa mabatong baybayin ng Bojeador. Nagsisilbi din itong himpilan para sa mga sasakyang-dagat na patungo sa Karagatang Pasipiko at sa Babuyan Channel. Yari sa tisa at hugis-oktagono ang tore ng parola at may putong na tansong kupola. Bilang isang tanyag na pook panturista, nakabukás sa publiko at ginawang museo ang isang bahagi ng parola. Ipinahayag ang Paróla ng Kábong Bojeador bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark) noong 2004 at bilang Pambansang Yamang Pangkultura (National Cultural Treasure) noong 2005. (PKJ) (ed VSA)

pasalúbong
Isang matandang kaugalian ang pag-uuwi ng pasalúbong kapag bumalik mula sa isang paglalakbay o pangingibang-bayan. Ang pasalúbong ay anumang bagay—pagkain, damit, kagamitan, sobenir, at katulad—mula sa pinuntahan at inilaang ibigay sa “sasalúbong” o mga inaasahang daratnang kamag-anak o kaibigan. Ngunit naisiste ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario (1995), hindi kaugalian kundi batas ang pasalúbong. Mahirap umuwi nang walang dalá kahit kendi sa pamangkin. Maliban kung tunay kang kuripot. Pinansin nga ni Almario si “pasaherong Filipino” na madalîng makilála dahil sangkaterba ang hand carried pagsakay ng eroplano. May backpack na, may mga nakasakbat pa sa dibdib, at tatlong maleta ang bitbit. Kung hindi padalá ay pasalúbong ang mga iyon. May batas din sa pantay-pantay na pasalúbong. Para walang inggitan. Para walang lumitaw na paborito. Bagaman isang magandang sining ang paunang pagpapabalita na isang sorpresa ang dalá-dalá. May ipinababalot pa sa magandang pakete ang kahit munting laruan para sa bunso o mumurahing panyo para sa lola upang maipagmalaki na totoong hindi niya nakalimutan at totoong pinag-isipan ang ipinasalúbong. Ang kuwentong “The Mats” ni Pambansang Alagad ng Sining Francisco Arcellana ay hinggil sa pananabik ng pamilya sa pasalúbong na iuuwi ng ama mula sa lalawigan. Ginawa kasing tungkulin ng ama sa kuwento na mag-uwi ng anumang bagay na katangi-tangi mula sa pook na kaniyang binibisita. Sa gayong paraan, ang pag-uuwi ng pasalúbong ay isang edukasyon sa mga anak hinggil sa mga bagay na hindi nilá nakikita sa lungsod. Ito ang sikolohiya ngayon sa mga tindahan ng pasalúbong sa mga airport at estasyon ng bus. May nakatanghal na mga kakanin, tinapay, likhang-kamay, at sari-saring tinda na dagliang madadampot ng sinumang gipit sa oras at nakalimot bumili ng pasalúbong. (EGN) (ed VSA)

pasikíng
Ang pasiking ay tradisyonal na habing basket na may dalawang tali ((malimit na piraso ng yantok) na maaaring isuot sa magkabilâng balikat upang dalhin sa likod ang naturang sisidlan. Kinikilála itong gawa ng mga taga-Hilagang Luzon, partikular na ang mga pangkating Ifugaw, Buklalot, Kalanguya, at Bago. Isang pang-araw-araw na pangangailangan ang pasikíng sapagkat ginagamit ito sa paghakot ng aning palay. May iba’t ibang laki ang mga pasiking, depende sa gamit at bumubuhat. Kadalasang ginagamit ang pasikíng ng kalalakihan sapagkat sinusunong ng mga babae ang kanilang dalahin. May panahong naging popular itong kapalit ng backpack ng mga estudyante sa Lungsod Baguio at ginaya hanggang sa Kamaynilaan. (LJS) (ed VSA)

pasiyám
Isa sa mga nakaugaliang ritwal sa patay ng mga Kristiyanong Filipino, lalo na ng mga Katoliko, ang pasiyám. Ito ay ang paghahandog ng siyam na araw ng panalangin at nobena para sa kaluluwa ng yumao simula sa araw ng kaniyang pagkakalibing. Dito, sama-samang nagdarasal ang mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala ng namatay para sa payapa at tahimik na pagtawid ng espiritu nito sa kabilang-buhay. Natatapos sa isang salusalo kasama ng mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala ng namatay ang huling gabi ng pasiyam. Ginagawa ito dahil may paniniwala ang mga Katolikong Filipino na sa ikasiyam na araw pa lamang nakatatawid patungo sa kabilâng mundo ang kaluluwa ng yumaong kaanak. Sa Filipinas, karaniwang hindi nagwawakas sa pasiyam bagkus ay tumatagal pa ng isang buong taón ang yugto ng pagluluksa ng mga naiwang kapamilya. Sa panahong ito, ang pamilya ng yumao ay hindi nagdaraos ng anumang personal, pampamilya, at pangkomunidad na pagdiriwang tulad ng kasal, binyag, kaarawan, at iba pa. Kadalasan din ay naglulunsad ng isa pang araw ng paggunita at pagdarasal para sa kaluluwa ng namatay 40 araw matapos ang kaniyang kamatayan, at gayundin sa unang anibersaryo ng pagkawala nito. Sa panahong ito pa lamang makapagbababâng-luksa ang mga kamag-anak ng pumanaw. Sa literal na pagpapakahulugan, ang pasiyam o pagsisiyam ay pagsasagawa (ng isang bagay) sa loob ng siyam na araw. (BVN) (ed GSZ)

Paskó
Ang Paskó (mula sa Espanyol na pascua) ay isang mahalagang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesukristo tuwing ika-25 ng Disyembre. Pagmamahalan at pagbibigayan ang dalawa sa mahahalagang mensahe ng kapaskuhan sa Filipinas. Tinatawag din itong “pista ng mga batà” dahil tampok ang pagbibigay ng agináldo (aguinaldo) sa mga musmos, lalo na sa kamag-anak at inaanak. Sinasabing pinamahabà at pinakamakulay ang Paskóng Filipino. Nagsisimula ito tuwing ika-16 ng Disyembre at nagtatapos sa unang Linggo ng Enero sa pinagdiriwang ng pagdalaw ng Tatlong Hari kay Hesus sa sabsaban. Ang hudyat ng pagsisimula ng kapaskuhan ay ang siyam na araw na Simbáng Gabí (o Misa de Gallo). Bukod sa panatang pagsisimba, kinagigiliwan ng mga deboto ang pagkain ng bibingká at púto bumbóng at paghigop ng salabát. Nakapahiyas din kahit sa mga dampa ang isang paról at nagdaragdag ng belén (imaheng nagtatanghal sa tagpo ng pagsilang ni Hesus sa isang sabsaban sa Bethlehem) sa mga altar. Sapagkat pamana ng kolonyalismong Espanyol ang Kristiyanismo, nagmula sa mga Espanyol ang tradisyon ng parol, belen, aginaldo, at Misa de Gallo. Ngunit nadagdagan na ito ng konsepto ng Santa Claus at dekorasyong Christmas tree mula sa mga Amerikano. Gayunman, ang masaganang paghahandá ay maituturing na mula sa pasalámat, dahil nagkataón na ang pagdiriwang ng Pasko ay katapát ng panahon ng anihan sa Filipinas. (IPC) (ed VSA)

pasmá
Ang pasmá ay isang uri ng karamdaman na nakaugat sa pagkawala ng balanse ng init at lamig ng katawan. Ang salitang “pasma” ay Espanyol ngunit sa katutubong konsepto ng mga Filipino, ito ay sakit na hindi pa nalalapatan ng siyentipikong paliwanag hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa matatanda, ang biglaang paglalantad ng pagód o kayâ’y nainitang katawan sa malamig, tulad ng tubig at hangin, ay nakapagdudulot ng pasma. Sa gayong mga pagkakataón daw kasi ay nagugulat ang kalamnan ng katawan na nagdudulot ng paninikip o kayâ’y pag-urong ng mga ugat. Karaniwan umanong palatandaan ng pasma ang labis-labis na pagpapawis ng mga palad at talampakan, di-mapigilang panginginig ng mga kamay at paa, pamamanhid ng mga pasmadong bahagi ng katawan, at paninigas o pamamaga ng mga ugat. May mga panganib sa kalusugan ding iniuugnay sa pasma tulad ng malubhang lagnat at sipon na tumutuloy sa pagpalya o hindi maayos na paggana ng baga at utak. May mga ulat din tungkol sa pasmang dumeretso sa pagkasira ng ugat na nagdulot ng pagkabulag. Ang mga ito ang dahilan kung bakit nakaugalian ng mga Filipino na imungkahing magpahinga muna bago maligo, maghilamos, o bago pumasok sa isang airconditioned na silid lalo na kung galing ang isang tao sa nakapapagod o kayâ’y mainit na gawain tulad ng pagtatrabaho sa bukid, mahabàng paglalakbay, pag-eehersisyo, pagpaplantsa, pagluluto, at iba pa. Kung susuriin, malaki ang pagkakahawig nito sa paniniwala ng mga Tsino sa konsepto ng qi o ang mismong enerhiyang bumubuhay sa katawan. Anila, ang pagpapanatili ng qi (maaaring sabihing pagpapanatili ng buhay) ay nakasandig sa pagiging balanse ng yang o init at yin o lamig sa katawan ng tao. (BVN) (ed GSZ)

Pásong Tírad
Ang Pásong Tírad ay isang makitid na lagusan sa Bundok Tirad na bahagi naman ng kabundukan ng bayan ng Concepcion (Gregorio del Pilar ngayon), Ilocos Sur sa may kanlurang bahagi ng Cordillera. May taas itong 1300 metro na natatakpan ng mga ulap tuwing maulan. Dahil sa tarik nito, hindi makikita ng sinumang paakyat ng paso ang mga nakatuntong dito. Dahil sa estratehiko nitong posisyon, pinili ni Heneral Gregorio del Pilar ang nasabing lugar upang harangin at gulatin ang pangkat ng Amerikanong nais hulihin si Pangulong Emilio Aguinaldo na tumatakas nang pahilaga. Inutusan niya ang kaniyang 59 piling kawal na maghukay sa tatlong level ng paso. Dito, maaari nilang barilin at tapunan ng bato ang mga paakyat na Amerikano. Noong 2 Disyembre 1899, ginulat nina del Pilar ang 500 sundalong Amerikano na pinamumunuan ni Major Peyton C. March. Nahirapan ang mga Amerikano na masupil sina del Pilar dahil sa kasikipan at katarikan ng nasabing paso. Sa kasamaang-palad, nalaman ng mga Amerikano, sa tulong ng isang lalaking nangangalang Januario Galut, ang tanging daan papunta sa itaas ng Pasong Tirad sa mismong likuran nina del Pilar. Sumalakay ang puwersang Amerikano sa pamamagitan ng daang ito. Pagkatapos ng ilang oras na pagsalakay ay dalawa na lamang ang natira sa puwersa ng mga Filipino at kasama si del Pilar sa mga nasawi. Matapos ang labanan, nakuha ang talaarawan ni del Pilar. Narito ang isang bahagi nito: “Ibinigay sa akin ni Heneral ang lahat ng tauhan na maaring ilaan sa akin at inutusan niya ako na ipagtanggol ang paso. Nauunawaan ko kung gaano kabigat ang ipinagagawa sa akin, pero pakiramdam ko, ito ang pinakamaluwalhating sandali ng aking buhay. Wala nang sakripisyo ang hihigit pa sa gagawin ko para sa aking mahal na bayan.” (MBL) (ed GSZ)

Labanang Tirad Pass ni E. Cruz

pastílyas
Ang pastílyas ay matamis na pamana ng kolonyalismong Espanyol. Lumaki sa pamilyang mestiso si Carmen Guerrero Nakpil at matimyas na bahagi ng kaniyang gunita ng Pasko ang “nagtutumayog na mga castillo (mistulang monumento ng mga minatamis), pastillas na binalot sa napapalamutihang papel de-hapon, bagong tálop na tamales at lahat ng mga paraan ng pagkekendi at bon-bons. Itinanim nang sapilitan ang mga ito sa ating isip.” Sa Filipinas, ang pastílyas (mula sa Espanyol na pastilla+s) ay kending gawa sa gatas. May matigas at may malambot na uri. Pinakapopular ngayon ang uri ng malambot na pastílyas, na tinatawag ding pastílyas de-létse, na gawa sa gatas na kalabaw sa bayan ng San Miguel de Mayumo, Bulacan. Bago ang lahat, tinawag na “mayùmo” ang bayan, na nangangahulugan ng “matamis’ sa Pampanggo, dahil bantog ito noon sa mga minatamis na bungangkahoy at sa pastilyas. Isang sining sa San Miguel de Mayumo ang nakagarapong minatamis na santol, dayap, suha, o kundol na may inukit na bulaklak, pangalan ng may-ari o pagbati sa pinaghahandugan. Bordado ang tawag sa ganitong minatamis dahil tila ibinorda ang bulaklak at mga titik sa piraso ng prutas. Malimit na nakahanay ang mga garapon ng bordadong prutas sa estante ng platera at inilalabas lámang kung pista. Isa ring sining sa bayan ang palamuting pambálot ng pastílyas na may “buntot” na nagtatanghal ng ginupit na disenyo ng tanawin, pangalan, o pagbati. Inihahanay ang mga pastilyas sa isang prutera sa gitna ng mesa at nagiging pang-akit ang mga nakalaylay na “buntot” na hitik sa iba’t ibang disenyo. (YA)(ed VSA)

pasyón
Ang pasyón (pasion) ay tulang pasalaysay ng buhay, kamatayan, at mulingpagkabuhay ni Hesukristo. Sa kabuuan, ang pasyon bilang isang likhang pampanitikan ay pangunahing nagtatampok sa salaysay ng paghihirap ni Hesus. Bilang isang tula, ang anyo ng saknong ng pasyon ay binubuo ng limang taludtod, katulad ng quintilla ng mga Espanyol, ngunit may isahang tugma at bawat taludtod ay may sukat na wawaluhin. Nakabatay sa pasyon ang dulang senákuló na itinatanghal din kung Mahal na Araw. Itinuturing na unang patulang pasyon sa Filipinas ang Mahal na Passion ni Jesukristong Panginoon Natin na Tola (1703) Gaspar Aquino de Belen, isang makatang taga-Rosario, Batangas na naglingkod sa imprenta ng mga Heswita. Inilathala ito karugtong ng salin niya sa Recomendacion del alma, isang manwal hinggil sa paghahabilin ng kaluluwa ng naghihingalo. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasyon ni Aquino de Belen at sumasaklaw lámang sa huláng yugto ng sakripisyo ni Kristo sa Kalbaryo. Ang naging popular at mahabàng pasyon ay ang Casaysayan nang Pasiong Dapat Ipag-alab nang Sinomang Babasa (1882) na kilala rin sa tawag na Pasyong Pilapil at Pasyong Henesis. Itinuring itong Bibliya ng mga Kristiyano sa panahong nakalimbag lamang ang Bibliya sa Latin at hindi ipinababasa sa mga katutubong binyagan. Inaawit ito tuwing Kuwaresma at kayâ naisasaulo noon ng marami. (CLS) (ed VSA)

patadyóng
Ang patadyóng ay isang uri ng katutubong sáya o piraso ng damit pangibabâ ng babae. Karaniwang parihabâ ito at isinusuot na tila nakabálot ang pang-ibabâng bahagi ng katawan hanggang kalahati ng binti samantalang ibinubuhol ang pang-itaas na mga dulong sulok sa baywang. May saliksik si Norberto Romualdez (1925) na mula ito sa sinaunang patadlóg sa Kabisayaan gaya ng mahihiwatigan sa salitâng-ugat nitóng “tadlog” na nangangahulugang “tuwid.” Tila tinabas ito nang patuwid kapag suot ng babae. Isang ordinaryong pang-araw-araw na sáya ito ng mga babae noon at may pang-itaas na maluwag na kamísa. Ang patadyóng ay may pababago sa kulay at disenyo at padron. Gaya noong mga taóng 1920 na nausong terno ang kamísa na nilagyan ng mga borda sa dibdib at manggas at ginamitan ng mamahaling tela. Naging katerno ng naturang kamísa ang mahabà’t nakasayad sa sahig na sáya. Gayunman, may mga nagsuot ng kamísa na patadyóng ang katerno upang higit na magaang kumilos. (EGN) (ed VSA)

pawíkan
Pawíkan ang tawag sa mga pagong na matatagpuan sa dagat. Makikita ang mga ito sa mga maiinit at malalamig na karagatan. Sa Filipinas, limang uri ng pawíkan ang maituturing na nanganganib, gaya ng Chelonia mydas, Dermochelys coriacea, Eretmochelys imbricate, Lepidochelys olivacea, at Caretta caretta. Makikilála ang pawíkan sa pamamagitan ng malaking talukab, na maaaring kulay berdeng oliba, dilaw, maberdeng kayumanggi, o itim. Malaki ang itaas ng talukap ng matá ng isang pawíkan. May pangkaraniwang bibig at panga ito na ginagamit sa pagkain. Nagbabago ang temperatura ng katawan ng isang pawikan ayon sa kaligiran. May isang pares lamang ito ng bagà at kailangang huminga bawat minuto kapag lumalangoy. May napakalakas na palikpik ang pawíkan na ginagamit sa paglalakbay ngunit wala itong kakayahang paurungin ang katawan para itago ang ulo at paa sa loob ng talukab. Kadalasang makikita ang pawikan sa mababaw na baybay, sa bunganga ng ilog, at maging sa look. May mangilan-ngilan rin naman sa mga ito na nakikipagsapalaran sa karagatan. Halimbawa nitó ay ang Chelonia mydas na maaaring maglakbay ng 1,300 milya sa buong Atlantiko samantalang ang Dermochelys coriacea naman ay káyang umabot sa layòng 3,000 milya. May kani-kaniyang paraan ng pagtulog, pagkain, pag-aasawa, at paglangoy ang bawat uri ng pawíkan sa dagat. Bumabalik ito makalipas ang 25-30 taón kung saan ito ipinanganak para mangitlog. Ginugugol ng lalaking pawikan ang buong buhay nitó sa karagatan samantalang bumabalik naman ang babaeng pawikan sa baybayin para mangitlog. Ang mga itlog na nása buhangin ay napipisa sa loob ng 40-60 araw. Dahil sa mabilis na pagkaubos, may ipinatupad na mga batas sa Filipinas na nagbabawal ng pangangalakal, panghuhúli, at pangongolekta ng pawikan. (MA) (ed VSA)

payyó
Payyó ang tawag ng mga Ifugaw sa ipinagmamalaki nilang rice terraces: mga hagdan-hagdang taniman ng palay na inukit sa gilid ng mga bundok. Bagama’t walang tiyak na siyentipikong batayan, may mga nagpapanukala na 2,000 taón na ang edad ng mga payyo. May mga nagsasabi rin na kung pagdudugtong-dugtungin ay liligid ang mga ito sa kalahati ng mundo. Sa ano’t anuman, kamangha-mangha ang pag-ukit at pagkakabit sa mga gilid ng bundok at pati na rin ang sistema ng irigasyon na nilikha ng mga sinaunang Ifugaw. Dahil dito ay kinikilala ang mga payyo bilang palatandaan ng henyong Ifugaw sa inhenyeriya. Ang mga payyo ng Ifugaw ay nakatala sa World Heritage List ng UNESCO. Ang mga payyo sa Banaue ang pinakatanyag sapagkat ang mga ito ang karaniwang nakikita ng mga turistang bumibisita sa Ifugao o kinukunan ng retrato ng mga potograpo at nalalathala sa iba’t ibang publikasyon. Gayunman, marami pang kamangha-manghang payyo na matatagpuan sa mga bayan ng Mayoyao, Hungduan, at Kiangan. Sama-sama, ang mga payyo ng Ifugaw ay itinuturing ng pamahalaan bilang Pambansang Kayamanang Kultural ng Filipinas. Isang buong kulturang umiinog sa palay ang ikinatatangi ng lipunang Ifugaw. Ang ang pinakamahalaga nilang mga baki (ritwal) ay may kinalaman sa pagtatanim, pag-aalaga, at pag-ani ng palay. Sa kaligirang ito ay makikita kung gaano kahalaga ang kanilang mga payyo. Gayunman, sa kasalukuyan ay peligroso ang lagay ng mga ito. Marami ang sinira ng mga kalamidad na tulad ng bagyo at lindol, at marami ang unti-unting gumuguho dahil sa kapabayaan. Malaking problema ang kawalan ng sapat na pondo sa pag-aalaga ng mga payyo, ngunti malaki ring problema ang bagong henerasyon ng mga Ifugaw na walang sapat na interes sa pagpapatuloy ng mga tradisyonal na kaugaliang kaugnay ng pangangalaga sa mga payyo. Dahil sa masaklap nitong kalagayan, noong 2001 ay nalagay sa List of World Heritage in Danger ang mga payyo. (DLT) (ed GSZ)

pensiyonádo
Ang pensiyonádo ay mula sa salitâng Espanyol na pensionado, na nangangahulugang tao na nakatanggap ng libreng pag-aaral. Ito ay programa ng pamahalaang Amerikano para sa libreng pagpapaaral ng mga kabataang Filipino bilang bahagi ng kampanyang “build character” o paghubog ng karakter ng mga Filipino upang ihanda ang mga ito sa pamamahala sa sarili. Sinimulan ang programa noong 1903 sa mungkahi ni W. A. Sutherland, isa sa mga kalihim ni Gobernador Heneral William Howard Taft. Ang mga napilìng iskolar o pensiyonádo ay ipinadadalá sa mga unibersidad ng Estados Unidos. Nilayon ng programa na mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa, ngunit ang totoo ay nilayon ding maindoktrinahan ang mga pensiyonádo sa buhayAmerika. Nang simulan ang pagpapadalá ng mga pensiyonádo sa Amerika, binigyan ni Taft ng priyoridad ang mga estudyanteng bukod sa matalino ay kabilang sa mahusay at tinitingalang pamilyang Filipino. Pinatira silá sa mga pamilyang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at pag-uwi ay binigyan ng mga posisyon sa gobyerno. Nagkaroon ng mga pagbabago sa mga patakaran sa pagpilì–nang una’y mga tapos ng hayskul ang maaaring lumahok sa programa; sa kalaunan, mga undergraduate at nagtapos na ng kolehiyo ang pinipilì at may karanasan na sa kanilang larangan, na kadalasan ay sa serbisyo sa gobyerno. Noong 1938, ang mga pensiyonádong ipinadalá sa Amerika ay kinabilangan ng matataas na pinuno ng gobyerno. Binuo ng mga pensiyonádo ang Philippine-Columbian Association. Kabilang sa mga kilaláng pensiyonádo sina Jorge Bacobo, Antonio de las Alas, Camilo Osias, Francisco Delgado, at Conrado Benitez, na lumikha ng pangalan sa edukasyon sa Filipinas. (AEB) (ed VSA)

People Power
Naging pandaigdigang pangalan ang People Power (Pí·pol Pá·wer) para sa mapayapang pag-agaw ng kapangyarihan ng pamahalaan at mula sa halimbawa ng tinatawag na Pag-aalsang EDSA noong 1986. Ang buong pangyayari ay isang malawakang pagkilos sa mga paraang hindi gumagamit ng dahas at humantong sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand E. Marcos at pagbabalik ng mga demokratikong institusyong pampolitika. Nagsimula ang organisadong pagkilos laban sa diktadurang Marcos noong 1983 at paslangin si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., pangunahing lider ng Oposisyon, nang umuwi ito mulang destiyero sa Estados Unidos. Nagkaroon ng mga rali’t demostrasyon at tinawag itong “Dilaw na Rebolusyon” dahil nagsuot ng damit na kulay dilaw at nagsasabit ng dilaw na laso at nagsasabog ng dilaw na kompeti ang mga nagpoprotesta. Dahil sa lumaganap na protesta at pagbagsak ng ekonomiya ay napilitang tumawag ng madaliang halalan o Snap Elections si Marcos. Inilaban ng Oposisyon kay Marcos ang biyuda ni Ninoy Aquino na si Corazon “Cory” Aquino. Magulo at nagkaroon ng malaganap na dayaan ang eleksiyon ng 7 Pebrero 1986. Muling tumindi ang mga protesta sa loob at labas ng bansa. Isang pangkat ng kabataang militar, ang Reform the Armed Forces Movement (RAM), ang nagplano ng kudeta. Itinuloy ito noong Pebrero 22 kasama sina Juan Ponce Enrile at Hen. Fidel A. Ramos na nagbitiw sa kanilang mga tungkulin sa pamahalaang Marcos. Tinangkilik ng mga Corista at ng Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin ang kudeta. Dumagsa ang nakikisimpatiyang libo-libong tao sa kahabaan ng EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) at hinarap ang mga tangke’t sundalong ipinadalá ni Marcos para sugpuin ang rebelyon. Nagmistulang malaking pista ang lahat at sinundan ng buong mundo. Noong umaga ng 25 Pebrero magkasunod nanumpa bilang Pangulo ng Filipinas si Cory sa Club Filipino sa Greenhills at si Marcos sa Malacañang. Ngunit dinagtagal, napilitang tumakas sakay ng helikopter ang pamilya Marcos dahil sa bantang pagsalakay sa Malacañang ng mga rebelde. Ang People Power ay Filipinas ay sinasabing naging modelo ng ibang mapayapang himagsikan sa Silangang Europa at ibang pook. (VSA)

Pépe and Pilár
Aklat sa panimulang pagbása ang Pépe and Pilár na ginamit ng mga magaaral sa unang baitang noong dekada 40 at 50. Nakasulat ito sa Ingles ngunit Filipino ang awtor, di tulad ng mga naunang aklat sa Filipinas na sinulat ng mga Amerikano at nagpapakita ng buhay-Amerikano. Ang aklat ay tungkol sa mga batàng sina Pepe at Pilar na kapuwa nása unang baitang ng pag-aaral, sa kanilang ásong si Bantay, at sa pang-araw-araw na búhay ng karaniwang Filipino nang mga panahong iyon. Nagsisimula ang aklat sa “I am Pepe. I am Pilar.” Isang buong henerasyon ng mga Filipino ang nag-aral ng panimulang pagbása gamit ang aklat na ito. (AEB) (ed VSA)

perokaríl
Ang perokaríl (mula sa Espanyol na ferrocaril) o “daambakal” sa Filipino ay linya ng riles na tinatahak ng tren, na siya namang serye ng mga kotse (railroad car”) na sakay ang mga pasahero at/o mga kargamento at hinahatak ng lokomotibo. May ilang estasyong dinadaanan ang isang ruta o linya ng perokaril na hinihimpilan ng tren upang magsakay o magbabâ ng mga pasahero at kagamitan. Sa kasalukuyan, binubuo ang sistemang daambakal sa Filipinas ng mga perokaril ng Philippine National Railways sa Kamaynilaan at Bikol, at ang dalawang light rail o rapid transit system ng Kalakhang Maynila, ang Manila Light Rail Transit System (LRT-1 at MRT-2) at Manila Metro Rail Transit System (MRT-3). Inilatag ang unang daambakal sa Filipinas ng Ferrocaril de ManilaDagupan, na itinatag noong 1875 ng pamahalaang Espanyol. Noong 1892, binuksan ang linyang mula Tutuban sa Maynila tungong Dagupan sa Pangasinan; may habà itong 195 kilometro. Pagsapit ng pamahalaang Amerikano, pinangalanan ang kompanyang daambakal bilang Manila Railroad Company. Noong 1931, pinasinayaan ang rutang “Bicol Express,” at bago matapos ang dekada ay nabuo ang perokaril mula Dagupan hanggang Legaspi sa Albay. Winasak ng Ikawalang Digmaang Pandaigdig ang pampublikong transportasyon ng Filipinas, kabilang na ang mga daambakal; mula sa 1,140 kilometro ng ruta bago ang digmaan, 452 kilometro na lamang ang natira. Noong dekada 50, nagpalit ng pangalan ang kompanya bilang Philippine National Railways (PNR). Bago magtapos ang siglo, maraming bahagi ng daambakal ang napabayaan. Sa kasalukuyan, dalawang linya na lamang ng PNR ang tumatakbo, ang Commuter Express sa Kalakhang Maynila at ang Bicol Express mula Tutuban hanggang Naga sa Camarines Sur. Binuksan ang unang linya ng Manila Light Rail Transit System (LRT) sa publiko noong 1984. Inabot ng halos dalawang dekada bago buksan ang ikalawang linya noong 2003. Tinatahak ng LRT-1 (Yellow Line) ang rutang Baclaran-North Avenue, samantalang ang MRT-2 (Purple Line) ay Recto-Santolan. (PKJ) (ed VSA)
Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

PETA
Iaang organisasyon ang Philippine Educational Theater Association (PETA) ng mga alagad ng sining, guro, at manggagawang pangkultura na nagnanais baguhin at paunlarin ang lipunan gamit ang teatrong Filipino. Itinatag ni Cecile Guidote ang PETA noong Abril 1967. Sa tulong ni Teodoro Valencia, naging tanghalan nitó ang isang bahagi ng guho ng Fort Santiago at tinawag na Dulaang Raha Sulayman, isang teatrong walang bubong at may entabladong nakapaikot sa mga manonood. Unang malaking pagtatanghal sa Dulaang Raha Sulayman ang Bayaning Huwad, salin ni Wilfredo Pascua Sanchez ng Straw Patriot ni Virginia Moreno. Mula noon, regular na nagtanghal ito ng mga dula, magkahalòng salin ng mga bantog na dulang banyaga (Shakespeare, Brecht, Chekhov, Goldini) at mga likha ng mandudulang Filipino. Halimbawang matagumpay ang Larawan (1969) salin ng A Portrait of an Artist as a Filipino ni Nick Joaquin, Ang Paglilitis ni Mang Serapio (1970) ni Paul Dumol, Halimaw (1971) ni Isagani Cruz, Paraisong Parisukat (1974) ni Orlando Nadres, Juan Tamban (1979) ni Malou Jacob. Sa panahon ng Batas Militar, pinamunuan ito ni Lino Brocka at ipinagpatuloy ang pagbuo ng isang komunidad ng alagad ng dulaan na bukod sa nagtatanghal ay nagdaraos ng palihan at seminar sa iba’t ibang pook, nagtatayô ng ibang pangkat ng teatro, at nag-ambag ng mga talino sa radyo, telebisyon, at pelikula. Noong 16 Setyembre 2005, binuksan sa madla ang bago nitóng tahanan, ang Theater Center sa Eymard Drive, Barangay Kristong Hari, Lungsod Quezon sa pamamagitan ng Palasyo ni Valentin ni Mario O’Hara. (EGN) (ed VSA)

Philippine Airlines
Ang Philippine Airlines (Fil·i·pín Eyr·layns) o PAL ang flag carrier o pangunahing eroplanong pampasahero ng bansa, bukod sa ang una at pinakamatandang airline sa buong Asia. Ang mga pusod ng mga operasyon nito ay nasa Ninoy Aquino International Airport sa Kalakhang Maynila at Mactan-Cebu International Airport sa Kalakhang Cebu. Noong 1941 itinatag ang PAL ng isang pangkat ng mga negosyante sa pamumunò ni Andres Soriano. Sa taón ding iyon naganap ang kaunaunahang paglipad ng PAL gamit ang isang Beechcraft Model 18 NPC-54 mula Maynila patungong Baguio. Hindi malaon ay binili ito ng pamahalaan. Noong 1946, ang PAL ang unang airline sa Asia na tumawid ng Karagatang Pasipiko sa isang paglipad mula Maynila patungong Oakland, California (na may paghimpil sa Guam at Hawaii). Sinimulan ng PAL ang paglipad sa Europa sa sumunod na taón. Noong 1951, pinaupahan ng PAL ang isang eroplano nitó sa Japan Airlines at naging simula ng pagkatatag ng pambansang tagapaglipad ng mga Hapones. Napabilang ang PAL sa panahon ng mga jetplane noong dekada sisenta. Nabili rin ito ng pribadong sektor mula sa pamahalaan, ngunit bumalik muli sa pamahalaan noong 1977 sa panahon ng diktadurang Marcos. Naging saksi ang mga sumunod na taón sa paglago ng PAL, at noong 1992, ibinenta ito ng administrasyong Aquino sa pribadong sektor. Noong 1995, nakuha ni Lucio Tan ang kontrol ng kompanya, at sinimulan niya ang isang programa ng malawakang modernisasyon na may hangaring gawing isa sa pinakadakilang tagapaglipad ng Asia ang PAL. Naudlot ito sa pagtama ng 1997 krisis pinansiyal sa Asia, at mula sa ambisyong umakyat sa tuktok, mabilis na bumulusok ang lakas ng PAL. Noong 1998, nagsara ang PAL at naging unang Asyanong airline na dumanas ng gayon. Hindi nagtagal, nagbukas muli ang PAL, at noong 2000 ay nagtalâ ng kita sa unang pagkakataón pagkatapos ng anim na taón. Sa kasalukuyan, ang Airphil Express (dáting Air Philippines at PAL Express) ang nagsisilbing kapatid na kompanya ng PAL at sagot nitó sa lakas ng karibal na Cebu Pacific Air sa mga ruta sa loob ng Filipinas. (PKJ) (ed VSA)

Philippine Deep
Ang tunay na pangalan ng Philippine Deep (Fí·li·pín Dip) ay “Philippine Trench.” Kung minsan, tinatawag din itong “Mindanao Deep.” Ang trench o trintsera ay isang paghahambing sa pahabâng paghukay ng mga sundalo sa lupa bilang tanggulang militar. Sa heolohiya, ang trintsera ay tumutukoy sa mahabà, makitid, at napakalalim na hiwa sa pusod ng karagatan. Ang Philippine Deep o Philippine Trench ay matatagpuan sa silangan ng Filipinas, umaabot sa 1,320 kilometro ang habà at 30 kilometro ang lapad, mula sa gitna ng isla ng Luzon patungo sa timog-silangan hanggang isla ng Maluku sa Indonesia. Ang pinakamalalim na pook nitó ay ang Galathea Depth na may 10,540 metro (34,600 piye). Ito ang pinakamalalim na pook sa bansa at ikatlo ang lalim sa buong mundo. Ang Philippine Trench ay bunga ng pagbabangga ng mga platong tektoniko sa ilalim ng lupa. Katabing-katabi ng Philippine Trench sa hilaga ang tinatawag namang East Luzon Trench. (AMP) (ed VSA)

Philippine General Hospital
Ang Philippine General Hospital (PGH) ang pambansang pagamutan na pag-aari ng pamahalaan. Binuksan ang ospital noong 1 Setyembre 1910 upang maglingkod sa nakararaming mahihirap na nangangailangan ng abot-káyang serbisyong pangkalusugan. Pangunahing layunin ng PGH ang pagbibigay ng mahusay na kalingang pangkalusugan sa mamamayang Filipino, sanayin at paunlarin ang kakayahan ng mga propesyonal sa sektor ng kalusugan, manguna sa pananaliksik upang mas mapataas ang kalidad ng pagbibigay ng serbisyo, at makatulong sa pagbalangkas ng mga pambansang patakarang pangkalusgan. Nang pasinayaan ang PGH noong 1910, mayroon itong 330 kama para sa mga pasyente. Mula sa araw ng pagkakatatag nitó, naging tuloy-tuloy ang pagpapaunlad sa mga pasilidad ng ospital at pinalawak pa ang mga gusali. Nagdagdag ang pamunuan nitó ng dalawang pabelyon (1922), bagong gusaling imbakan (1925), mga silid-tistisan at isang bulwagan (1926), bagong pabelyon sa mga maysakit na tipus (1928), at Cancer Institute (1938). Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mayroong kabuuang 850 kama para sa mga pasyente. Pinalakas ang gawaing pananaliksik at pagsasanay sa PGH noong 1947 nang ginawa itong ospital na sanayan ng mga mag-aaral sa medisina at narsing ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, sinasanay ng PGH ang halos 160 mag-aaral ng medisina sa UP at mahigit 80 interna taóntaón. Labinsiyam ang klinikal na departamento ng ospital na may kanikaniyang espesyalisasyon. (SMP) (ed VSA)

Philippine Normal University
Ang Philippine Normal University (PNU) ay pambansang sentro para sa edukasyong pangguro alinsunod sa bisà ng Batas Republika 9647. Philippine Normal School (PNS) ang pangalan nitó nang itatag noong 1 Setyembre 1901 bilang institusyon para sa sa mga guro; naging Philippine Normal College (PNC) noong 1949 at noong 26 Disyembre 1991 ay naging Philippine Normal University alinsunod sa Batas Republika 7168. Kaagad binuksan ang paaralang tulad ng PNU noong panahon ng Amerikano dahil sa malaking pangangailangan sa mga guro. Noon pang 21 Enero 1901 ay pinagtibay ang Education Act No. 34 na nagtatayô sa Department of Public Instruction upang mangasiwa sa nais itaguyod na pambansang paaralang publiko. Sa unang dalawang dekada, dalawang taóng pangkalahatang programang pansekundarya lámang ang itinuro sa PNU. Ngunit noong 1928, naging junior college ito na may dalawang taóng kurso para sa mga tapos ng mataas na paaralan. Noong 1949, nagkaroon ito ng apat-na-taóng kursong Bachelor of Science in Elementary Education na may espesyalisasyon sa edukasyong elementarya, home economics, at iba pa. Binuksan ang paaralang gradwado noong 1953. Noong 1972, nagkaloob na ang PNC ng doktorado sa edukasyon at sa pilosopiya. Ngayon ay may apat na kampus ang unibersidad sa Agusan del Sur, Isabela, Negros Occidental, at Quezon. Bahagi ng programang pagpapahusay sa edukasyong pangguro ang pagiging aktibo ng unibersidad sa pagdevelop ng kurikulum, at paghahanda ng teksbuk at manwal ng guro sa elementarya at sekundarya sa buong bansa. (AEB) (ed VSA)

Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Philippines Free Press
Ang itinuturing na pinakamatandang lingguhang magasin sa wikang Ingles ay unang nalathala bilang peryodiko. Ngunit noong 29 Agosto 1908, ipinasiya ni R. McCulloch Dick, isang peryodistang Scottish, na muli itong buháyin bilang isang lingguhang magasin sa dating pangalang Philippines Free Press. Si Dick ang reporter, editor, at pabliser ng magasing may 16 pahina sa mumurahing papel. Noong 1925 at lumakas ang benta, kinapalan ang magasin at naglathala ng mga maikling kuwento. Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasáma na ni Dick bilang manunulat sa magasin sina Leon Ma. Guerrero, Leon Ty, Filemon Tutay, Federico Calero, Jose G. Reyes, Teodoro Locsin Sr., at iba pa. Sumikat din ang editoryal kartun sa unang pahina na guhit ni Esmeraldo Izon. Ipinasara ito ng mga Hapones ngunit lalong lumakas nang lumabas pagkatapos ng Liberation. Sinundan ng madla ang tapang nitóng lumahok sa mga usaping pampolitika. Namatay noong 1960 si Dick ngunit nagpatuloy ang magasin hanggang mapunta sa pamumunò ni Teodoro Locsin Sr. Bukod sa politika, naging tampok ang gawaing pampanitikan sa magasin ng naging Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin at mga manunulat na Gregorio Brillantes at Jose F. Lacaba. Lumitaw itong problema nang magkaroon ng welga ang mga empleado at kasáma ang mga naturang manunulat sa umalis sa publikasyon. Ipinasara ang magasin sa panahon ng Batas Militar at kasáma sa mga ipiniit na peryodista si Locsin. Lumabas itong muli noong 1886 bago idaos ang Snap Elections at si Teodoro (Teddy Boy) Locsin Jr. ang editor. Muli itong ipinasara kamakailan. (EGN) (ed VSA)

pilandók
Ang pilandók (Tragulus nigricans) o Philippine Mouse-deer sa wikang Ingles, ay kilalá rin sa tawag na Balabac Mouse Deer. Ito ay matatagpuan lámang sa maliliit na isla ng Balabac, sa timog-kanlurang Palawan. Itinuturing itong subspecies ng Greater Mouse-deer (T. napu). Kahit na tinatawag na Philippine Mouse-deer, hindi ito kabilang sa pamilya Cervidae, ngunit miyembro ng pamilya chevrotain. May kulay itong itim o kayumangging balahibo na may mga guhit ng kulay putî sa may dakong leeg at dibdib. Payat ang mga binti nitó. Ang lalaki ay walang mga sungay tulad ng isang tunay na usa, Ginagamit nitó ang matatalas na mga ngipin, na katulad sa mga aso, bilang pananggalang sa sarili o sa pakikipaglaban para sa teritoryo. Ang pilandok ay isang nokturnal na hayop at mahilig mapag-isa, kumakain ito ng maliliit na dahon, mga bulaklak, at iba pang mga pananim sa kagubatan. Kung araw, nasa gubat ito at hindi gaanong gumagalaw. Sa mga kuwentong-bayan sa Filipinas, binibigyang buhay ng pilandok ang isang tuso at mapanlansing hayop. Sa isang kuwentong Maranaw, nakumbinsi ng pilandok ang isang prinsipe na ibigay sa kaniya ang isang bag na may lamang ginto. Nanganganib na mapuksa ang pilandok dahil sa pagkawala at pagkasira ng kanilang tirahan sa kagubatan, panghahanting, at hindi matigil na kalakalan ng mga mababangis na hayop. (SSC) (ed VSA)

Gregorio del Pilar
(14 Nobyembre 1875-2 Disyembre 1899) Si Gregorio del Pilar (Gre·gór·yo del Pi·lár) ang binansagang “Bayani ng Pasong Tirad” at pinakabatàng heneral sa Himagsikang Filipino. Ipinanganak siyá noong 14 Nobyembre 1875 sa San Jose, Bulacan, Bulacan. Ang ama niyang si Fernando H. del Pilar ay kapatid ni Marcelo H. del Pilar, at bagama’t angkan ng mayamang Gatmaitan ay nása sangang mahirap ang kaniyang pamilya. Matagal na niyang nais sumapi sa Katipunan ngunit hindi tinanggap dahil masyadong batà. Gayunman, nagsilbi siyáng tagapagdalá ng mensahe at tagapagkalat ng mga akdang mapanghimagsik. Nang sumiklab ang Himagsikang Filipino, tumakas palabas ng Maynila si Goyo (palayaw niya) at tinanggap na ring kasapi ng Katipunan. Unang nakilála ang kagitingan ni Goyo sa Labanang Kakarong, isang lugar sa Pandi, Bulacan, noong 1 Enero 1897. Dahil dito’y nabigyan siyá ng ranggong tinyente. Kinagulatan siyá sa pag-asinta ng rebolber. Sa kaniyang kahusayan sa pakikidigma ay itinaas ang ranggo niya sa tenyentekoronel. Kabilang siyá sa lumagda sa Konstitusyong Biyak-na-Bato at sa maliit na pangkat na isináma ni Aguinaldo sa Hong Kong kaugnay ng pansamantalang kapayapaan. Kasáma rin siya ni Aguinaldo nang bumalik sa Filipinas. Sa Cavite, hinirang siyá ni Aguinaldo bilang “diktador ng Bulacan at Nueva Ecija.” Sa loob naman ng madalîng panahon, nakabuo siyá ng batalyon at napasuko niya ang mga Espanyol sa Bulacan at Nueva Ecija. Itinaas siyá ni Aguinaldo sa ganap na heneral at noong inagurasyon ng Kongresong Malolos ay pinanguna siyá sa paradang militar. Kasáma ni Aguinaldo si Goyo sa pag-urong mula sa Bayambang, Pangasinan hanggang makarating sila sa Ilocos Sur. Noong 1 Disyembre 1899, ipinasiya niya, kasáma ang maliit na pangkat ng kawal na Filipino, na harapin ang mga tumutugis na Amerikano sa Pasong Tirad. Ipinagtanggol nila ang paso upang magkaroon ng panahon ang pangkat ni Aguinaldo na makalayô. Kasama si Goyo sa mga nagbuwis ng buhay sa labanang iyon bago nakuha ang Pasong Tirad. Ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Ilocos Sur at ang Fort Del Pilar, tahanan ng Philippine Military Academy sa Lungsod ng Baguio. (PKJ) (ed VSA)

Marcelo H. del Pilar
(30 Agosto 1850-4 Hulyo 1896) Pangunahing lider ng Kilusang Propaganda, dakilang makata’t manunulat, si Marcelo H. del Pilar (Mar·sé·lo Eyts del Pi·lár) ay tagapagtatag at editor ng Diariong Tagalog at naging ikalawang editor ng La Solidaridad. Bantog din siyá sa sagisag-panulat na Plaridel. Sa bantayog ng pagkilos para sa pambansang kalayaan, nása unang hanay si Plaridel sa piling nina Rizal at Bonifacio. Isinilang siyá noong 30 Agosto 1850 sa Cupang, Bulacan, Bulacan sa isang mariwasang pamilya nina Don Julian Hilario at Blasa Gatmaitan. Idinagdag niya sa pangalan ang apelyidong “del Pilar” ng kaniyang lola bilang pagsunod sa Batas Claveria noong 1849. Kapatid niya si Padre Toribio na pinarusahan at ipinatapon sa Marianas dahil sa hinalang kasabwat sa motin sa arsenal ng Cavite noong 1872. Nag-aral siyá sa Colegio de San Jose at nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) noong 1880. Noong Pebrero 1878, pinakasalan niya ang pinsang si Marciana del Pilar at nagkaanak silá ng pito bagaman sina Sofia at Anita lámang ang lumaki. Estudyante pa lámang ay aktibo na siyá sa mga usaping pampolitika. Naging puspusan ang kaniyang pagkilos bilang repormista noong 1882. Itinatag niya kasáma ang isang Espanyol ang bilingguwal na Diariong Tagalog. Ginamit niya ang husay sa pagtula at pagtatalumpati para batikusin ang gobyernong kolonyal sa pamamagitan ng duplo at pagsasalitâ sa sabungan at pista. Naglathala siyá ng satirikong polyetong Dasalan at Toksohan na ipinamudmod sa simbahan kung Linggo. Noong 1888, nag-organisa siyá kasáma nina Doroteo Cortes, Jose Ramos, at Juan Zulueta ng mga demostrasyong kontra-fraile at nagrurok sa petisyon noong Marso 1 para sa pagpapatalsik ng mga fraile sa Filipinas. Bago siyá ipahúli, lihim siyáng umalis patungong Espanya noong 28 Setyembre 1888. Pagdating sa Barcelona, agad siyáng nagtrabaho para sa pagtatatag ng samahang repormista, ang La Solidaridad, na naglathala noong 15 Pebrero 1889 ng diyaryong La Solidaridad. Sa isyung Nobyembre 15, pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang editor ng peryodiko at inilipat niya ang lathalaan sa Madrid. Dumanas ng lubhang hirap ang kaniyang pamilya dahil sa kaniyang gawain. Dumanas din siyá ng hirap sa paghawak ng La ng diyaryo noong 15 Nobyembre 1895 at namatay ng tuberkulosis noong Solidaridad. Sinasabing may panahong sa namumulot lámang siyá ng upos 4 Hulyo 1896. Inilibing siyá sa sementeryo ng mga pulubi sa Barcelona. sa bangketa bilang pampalipas ng gútom. Naipalabas niya ang hulíng isyu (VDN) (ed VSA)

píli
Ang píli (Canarium ovatum), ay isa sa 600 species ng halaman sa pamilyang Burseraceae, na katutubo sa Malesia, isang makasaysayan at heograpikong rehiyon na malapit sa Timog-Silangang Europa. Ang genus na Canarium ay mula sa “kenari,” isang salitâng bernakular sa mga isla ng Moluccas sa Indonesia. Maganda ang punongkahoy na Canarium ovatum, pantay pantay ang mg sanga at dahon, madagta ang kahoy, may taas na 20 metro, ngunit hindi basta naitutumba ng malakas nga hangin. Katulad sa ibang halaman, ang polinasyon ng mga bulaklak ng píli ay ginagawa ng mga insekto. Madalas mamulaklak ang píli ngunit matagal mahinog ang mga bunga. Isang uri ng drupe ang bunga ng píli, 4-7 sentimetro ang habà, 2.33.8 sentimetro ang diyametro, at tumitimbang ng 15.7- 45.7 gramo. Ang balát (exocarp) ng bunga ay makinis, payat, makintab, at nagiging kulay ube kapag nahihinog na; ang sapal (mesocarp) ay mahibla, malaman, at kulay berdeng dilaw. Ang matigas na talukap o shell (endocarp) ang nangangalaga sa embriyo. Ang isang dulo ng bunga ay patulis, samantalang ang kabilâng dulo ay pulpol. Ang cotyledon o embriyo ay nasa 4.1-6.6% ng buong bunga at binubuo ng 8% carbohydrate, 11.5-13.9% protina, at 70% tabâ . Kahit na inaalagaan ang pili bilang halamang ornamental sa maraming bansang tropiko, dito lámang sa Filipinas nagpoproseso ng buto ng pili sa komersiyal na antas. Ang sentro ng produksiyon ay sa rehiyon ng Bikol (mga probinsiya ng Sorsogon, Albay, at Camarines Sur), katimugang Tagalog, at silangang Bisayas. May 300 hektaryang lupain ang nataniman ng 60,000 punò ng pili sa Negros Occidental. Noong 1977, napatalâ na nag-eksport ang Filipinas ng hindi kukulangin sa 3.8 tonelada ng buto ng píli sa Guam at Australia. (SSC) (ed VSA)

Pinaglabánan
Makasaysayang pook sa San Juan, Metro Manila ang Pinaglabánan. Dito naganap, noong 29 Agosto 1896, ang unang sagupaang bahagi ng Himagsikang Filipino. Nagsimula ang labanan nang iniutos ni Bonifacio na salakayin ang polvorin o imbakan ng pulbura’t armas ng mga Espanyol na binabantayan ng 100 sundalong Espanyol at Filipino sa may San Juan. Sinugod ng 1,000 Katipunerong salat sa armas at karanasan ang himpilan ng mga Espanyol at Filipinong sundalo nang ikaapat ng umaga. Paulit-ulit na napigilan ng mga tagapagtanggol ang pagsalakay ng mga Katipunero. Nang mapatay ang kanilang pinunò ay nagtago ang mga sundalo ng rehimeng Espanyol sa El Deposito, isang lumang reserba ng tubig para sa Carriedo. Dito nila hinintay ang pagdating ng ika-70 rehimyento mula sa Maynila na binubuo ng mga Filipinong sundalo sa ilalim ni Heneral Bernardo Echaluce. Matapos ang ilang oras, bago magtanghali, dumating ang ika-70 rehimyento sa kabila ng pagtatangkang hadlangan ang nasabing puwersa ng mga Katipunero ng Santa Ana, Mandaluyong, Santolan, at Pandacan sa ilalim ni Sancho Valenzuela. Matapos ang pagkamatay ng 80 nilang kasama, dagliang nagsitakas ang mga Katipunero patungong Ilog Pasig. Doon sila inabangan ng mga kalaban na pumaslang sa 50 at nakadakip ng 240 Katipunero, kasama si Sancho Valenzuela. Pagkatapos ng sagupaan, dagliang idineklara ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang batas militar sa walong probinsiya sa Luzon. Matapos ang limang araw, nasentensiyahan at pinabaril si Valenzuela at apat pang pinunò bunga ng kanilang paglahok sa nasabing labanan. Bilang paggunita sa nasabing makasaysayang labanan, itinayô noong 1973 ang Dambana ng Pinaglabanan, isang bantayog na nása anyo ng isang babaeng nakatindig na tila lalaban at dalawa pang nakalugmok na anyo. (MBL) (ed GSZ)

Macario Pineda
(10 Abril 1912-2 Agosto 1950) Isang batikang mangangatha sa wikang Tagalog si Macario Pineda (Ma·kár·yo Pi·né·da). Unang nagsulat si Pineda sa wikang Ingles. Ang kaniyang unang kuwento, ang “Five Minutes” ay nailathala sa Graphic. Nagpatuloy man siya sa pagsulat sa Ingles, higit na nakilala ang kaniyang mga kuwento sa Tagalog. Noong 1937, ang kaniyang kuwentong “Walang Maliw ang mga Bituin” na nailathala sa Mabuhay ay napiling isa sa sampung pinakamahuhusay na kuwento ng taón. Nakapaglathala rin siya ng mga akda sa Liwayway, Malaya, Bulaklak, Ilang-ilang, Daigdig, at Sinag-tala. Ang kaniyang mga kuwento ay kakikitahan ng maingat na karakterisasyon at mahusay na paraan ng pagsasalaysay. Hinahangaan siya sa paggamit ng katutubong kulay at mahusay na kaalaman sa idyoma at tradisyonal na kostumbre ng mga Filipino. Laging napapabilang ang kaniyang mga akda sa antolohiya ng pinakamahuhusay tulad ng Ang 25 Pinakambuting Maikling Kathang Pilipino ng 1943 (1944) at ng Maikling Kuwentong Tagalog, 1886-1948 (1949) na pinamatnugutan ni Teodoro A. Agoncillo. Sumulat din si Pineda ng mga nobela, bilang aklat o bilang de-serye. Kabilang sa mga nobelang ito ang Halina sa Ating Bukas (1946), Ginto sa Makiling (1947), Mutyang Tagailog (1947-1948), Langit ng Isang Pagibig (1948), at Isang Milyong Piso (1950). Nagsulat din siya ng mga kolum para sa mga magasing Daigdig at Liwayway. Ipinanganak si Macario Pineda noong 10 Abril 1912 sa Malolos, Bulacan sa mag-asawang sina Felisa de Guzman at Nicanor Pineda, na kilalang mambabalagtas. Napangasawa niya si Avelina Reyes at nagkaroon sila ng pitong supling. Nagtapos siya ng sekundarya sa Bulacan High School, at pagkaraan, nagtrabaho bilang klerk sa munisipyo. Naging ingat-yaman din siya ng mga bayan ng Meycauayan, Pandi at Bigaa. Namatay siya noong 2 Agosto 1950. (GSZ)

pinípig
Bahagi ang pinípig at pipígan ng romantikong alaala kapag anihan sa kanayunan noon. Nagtitipon ang mga taganayon kung gabi sa patio at sa tanglaw ng isang malaking sigâ ay idinadaos ang pipígan. Nagtitipon silá upang magpasalamat sa masaganang ani. Humahalimuyak sa paligid ang binusáng mga butil ng murà pang malagkit.Dalawang maskuladong lalaki ang may hawak na halò at magkaharap sa lusóng. Ibinubuhos sa lusóng ang tostadong malagkit at salimbayang binabayó ng halò ng dalawang lalaki. Sinasaliwan ang pagbayó ng masiglang tugtog ng gitara at awit ng mga binata’t dalaga. Pinípig ang pinitpit na bigas mula sa binayóng mga murang butil ng malagkit. Malinamnam itong kukutin kapag mainit pa’t bagong hango sa lusóng. Dili kayâ, inihahanda itong ginatan, at pinagsasaluhan ng mga dalaga’t binata hanggang abutin ng hatinggabi at antukin ang nagsisintahan. Dúman ang tawag na kulay lungtian at espesyal na pinipíg. Hinahaluan ito ng gata at isinisilbing pampalamig. Ngayon, ang pinípig ay inihahalò sa haluhalo o pampalasa sa cookies. May nabibiling nakaempakeng pinípig at tinatawag na rice crispies para gamitin sa nabanggit na mga layunin. Ang mga pabrika ng sorbetes ay nagtitinda ng pinipig crunch, isang uri ng papsikel na may bálot na karamelo at natutudlingan ng malulutong na butil ng pinípig. (DRN)(ed VSA)

Tomás Pinpín
Itinuturing si Tomás Pinpín na “Ama ng Paglilimbag” sa Filipinas dahil siyá ang unang tanyag at kinikilálang manlilimbag na katutubo nang ipasok ang imprenta ng mga Espanyol. Ipinalalagay na isinilang siyá sa loob ng mga taóng 1580 at 1585 sa Abucay, Bataan at naging katulong sa limbagan doon ng mga Dominiko. Inimprenta ni Pinpin ang aklat ni Padre Francisco Blancas de San Jose na Arte y Reglas de la Lengua Tagala (Sining at mga Tuntunin ng Wikang Tagalog) noong 1610. Bukod dito, ipinangalan din sa kaniya ang paglilimbag sa Vocabulario Tagalog (1613) ni Fray Pedro de San Buenaventura, Relacion Verdadero del Insigne y excelente Martyrio (1623) ni Fray Melchor de Manzano, Virgen San Mariano (1623) ni Fray Juan de los Angeles, Relacion de Martirio (1625) di-kilala ang awtor, Relacion Verdadero y Breve de la Persecucion y martyrios (1625) ni Fray Diego de San Francisco, at marami pang iba. Bukod sa mahusay na tagaukit ay kailangang mahusay siyá sa wikang Espanyol upang mapagkatiwalan ng gayong trabaho. Ngunit higit pa rito, si Pinpin ay isang makatang ladíno, ibig sabihin, nakatutula sa wikang katutubo at sa wika ng mananakop na mga Espanyol. Ipinakita niya ito sa kaniyang aklat na Librong pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang Castila (1610), ang unang limbag na aklat na sinulat ng isang Filipino. Ganito ang unang pangungusap sa pambungad niyang tula sa libro: Anong dico toua como no hede holgarme con hapo,t, omega la mañana y tarde dili napahamac que no salió en balde itong gaua co aqueste mi lance. Tulad ng pamagat, may layuning magturo ng wikang Espanyol ang aklat. Ngunit isang kahali-halinang bahagi nitó ang mga tila awit na ehersisyo sa talahulugang Tagalog at Espanyol. Ang totoo, nilimbag ang aklat ni Pinpin ng kaniyang kapuwa manlilimbag na si Diego Talaghay. (VSA)

pintakási
Itinatawag ngayon ang pintakási sa pagdaraos ng espesyal na pasabong kung Linggo o may kapistahan. Naiiba ito sa karaniwang pasabong dahil maaaring magtagal nang tatlong araw. Ngunit iba ang sinaunang kahulugan ng pintakási. May haka nga na mula ito sa pinaghugpong na “pinipintuhò” at “kinakási” dahil malapit sa dalawang naturang salitâ ang orihinal na kahulugan. Sa isang matandang bokabularyo, nakalista ito at may kahulugang “procurador, intercesor, abogado.” Sa maikling salitâ, tagapamagitan o hingian ng tulong. Sa sinaunang lipunan, ang pintakási ang maharlika na nagbibigay ng tulong at malasákit sa nagigipit na tauhan o miyembro ng barangay. Tinatawag ding poón ang naturang hingian ng tulong, gaya ng pangyayaring tinatawag na “poón” ng alipin ang kaniyang panginoong maharlika. Sa panahon ng kolonyalismo, isinalin ang tungkuling ito sa patrong santo o santa ng relihiyong Kristiyano. Pati ang titulong poón ay isinalin sa mga patron. Bawat bayan ay may hinihirang na patron. Halimbawa, itinakdang patron ng buong Filipinas si San Miguel. Tungkulin ng bayan na ipagdiwang ang araw na itinakdang kapistahan ng kanilang patron. Sa gayon, ang “pamimintakási” ay pagsamba at pagpaparangal sa isang patron. Ginagamit din ito ng mga makata upang magpugay sa kanilang musa o minamahal. Nakatutuwa na idinadaan ang gayong pagsamba ng mga sabungero sa pamamagitan ng pagsusugal. (EGN) (ed VSA)

pistá
Ang pistá (mula sa Espanyol na fiesta) ay isang malaking pagdiriwang bilang paggunita sa isang mahalagang araw, karaniwang sa kaarawan ng patron ng baryo o bayan. Bahagi ng pagdiriwang ang prusisyon, parada, paligsahan at palaro, sayawan, kainan, programang kantahan, palabas na dula, at pagnonobena sa ngalan ng patron na ipinagdiriwang. Ayon sa kasaysayan, ang pistá ay bahagi ng sinaunang pasalámat para sa pangangalaga ng mga diwata at espiritu ng mga ninuno. Isinalin ito ng mga Espanyol sa pagdiriwang ng mga santo”t santang patron ng Simbahan. Tradisyonal na gawaing pampista noon ang misa, nobena, prusisyon, at handaan. Nadagdag na kasayahan ang mga parada, palaro, at palabas. Nagiging magarbo ito kapag todo ang paghahanda sa mga tahanan, paligsahan sa maarteng parada, paramihan ng bánda ng musiko, at patalbugan sa magastos na programa’t palabas. Tinangka itong ipagbawal dahil magastos para sa isang bansang naghihikahos, ngunit hindi nasawata. Naging kasangkapan ang pistá sa patuloy na pag-iingat ng tradisyonal na dulang komédya, tradisyonal na pagkain, laro, at sining, at ibang kaugaliang Filipino. Nagiging pang-akit naman ngayon sa mga turista ang iniimbentong mga sayáw panlansángan (street dancing), na nilalahukan ng mga barangay at institusyon sa bayan at isinasáma sa parada. (IPC) (ed VSA)

plása
Mula sa Espanyol na plaza, maraming kahulugan ang plása. Karaniwang tumutukoy ito sa “liwasang bayan” o “patyo ng simbahan.” Tumutukoy din ito sa malawak na espasyong ginagamit na pook-palaruan o pasyalan. Mahalaga ang plása dahil ito ang naging sentro ng mga gawaing pangmadla—tulad ng mga politikal at relihiyosong pagtitipon at pangyayaring pangkasiyahan. Bukod sa huntahan para sa mga gawaing pampubliko, espasyo rin ito ng disiplina na maaaring pangyarihan ng mga pampublikong bitay o pagpaparusa. Simboliko ito dahil sentro ng isang bayan. Kadalasang dito itinatayô ang mahahalagang panulukang bato tulad ng mga monumento o memoryal. Una itong ipinakilála sa bansa sa paghahari ni Felipe II. Sa kaniyang dekreto, binigyan ng diin ang pagtatalaga ng isang plaza complex na binubuo ng isang pangunahing plása, ng munisipyo, at ng isang katedral o simbahang pinamamahalaan ng Simbahang Katoliko. Wika nga, ang plása ang puso ng kapangyarihang Espanyol noon sa bawat bayan at lalawigan. Ito ang pinagsisimulan ng poblasyon at ng mga daan patungo sa mga nayon. (LJS) (ed VSA)

Pláza Miránda
Ang Pláza Miránda ay ang liwasang-bayan sa harap ng Simbahan ng Quiapo, Maynila. Ipinangalan ito kay Jose Sandino y Miranda, Kalihim ng Tesorerya ng Filipinas noong 1853-1854. Tanyag na pook ito na pinagpapahayagan ng patakaran o pagkilos na inihihingi ng pagsangayon ng mga mamamayan. Malimit na mga usaping pambansa ang paksa ng sinumang tao o grupong nagtutungo rito upang magpahayag. Kapag may hakbang na ipinapanukala, naging bukambibig tuloy ng ilang pinunò ng pamahalaan ang ganito: “Maipagtatanggol ba natin iyan sa Plaza Miranda?” Naging kilala lalo ang Plaza Miranda sa pagbombang naganap dito noong 21 Agosto 1971, isang taón bago ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar. Sa pangyayaring ito, hinagisan ng dalawang granada ng isang dikilalang tao ang platapormang pinagdarausan ng proklamasyon ng mga kandidato sa pagkasenador at alkalde ng Maynila ng Partido Liberal. Halos lahat ng mga kandidatong nasa entablado ay nasugatan, lalo na si Senador Jovito Salonga, na napinsala ang isang mata at tainga, at si Ramon Bagatsing na nawalan ng binti. Matapos ang pagbomba, ibinalitang 9 na tao ang nasawi at 120 ang nasugatan. Pinagbintangan ng oposisyon si Pangulong Marcos na nagpakana ng pagbomba. Sinisi naman ni Marcos ang mga Komunista sa nangyari. May mga kuro-kuro pang ginamit ng dating pangulo ang naganap na kaguluhan upang suspindehin ang writ of habeas corpus na nagpahintulot sa gobyerno na panatilihin ang mga bilanggo sa piitan kahit wala pang isinasampang kaso sa mga ito, at tuluyang ideklara ang Batas Militar. (MBL) (ed GSZ)

Plaza Miranda (1930)

Pascual H. Poblete
(17 Mayo 1857 – 5 Pebrero 1921) Isang pangunahin at napakasipag na peryodista, makata, at tagasalin si Pascual H. Poblete (Pas·kwál Pob·lé·te) at aktibo mulang panahon ng Kilusang Propaganda hanggang panahon ng Amerikano. Nagsulat siya sa Espanyol at sa Tagalog at naging tagasalin sa dalawang wika. Ipinanganak si Pascual H. Pascual noong 17 Mayo 1857 sa Naic, Cavite. Sina Francisco Hicaro at Maria Poblete ang kaniyang magulang ngunit ginamit niya ang apelyido ng kaniyang ina para maging apelyido niya. Nang matapos makapag-aral sa Liceo de Manila, nag-aprendis siyáng peryodista sa La Ocenia Española. Sampung taón siyáng naglalathala ng sanaysay at kolum sa naturang diyaryo. Noong 1882, tinanggap niya ang anyaya ni Marcelo H. del Pilar na maging patnugot ng seksiyong Tagalog ng Diariong Tagalog. Noong 1 Setyembre 1888, itinayô niya at pinamatnugutan ang Revista Popular de Filipinas. Naging editor at tagasalin din siyá ng Revista Catolica de Filipinas mulang 14 Oktubre 1888 bukod sa ipinundar ang Patnubay ng Catolico. Noong 1 Hulyo 1890, inilathala niya ang El Resumen, isang pahayagang liberal at tumalakay ng mga repormang panlipunan at pampolitika. Sinundan ito ng El Bello Sexo noong Enero 1891. Naging katulong na editor siyá ng Ang Pliegong Tagalog noong 1896. Dahil sa naturang mga aktibidad, dinakip siyá pagsiklab ng Himagsikang 1896 at idinestiyero sa Espanya at sa Aprika. Pagbalik noong 1899, ipinagpatuloy niya ang pagsusulat bukod sa hayagang gawaing pampolitika. Itinatag niya ang El Grito del Pueblo at ang Ang Kapatid ng Bayan, na naging pahayagan ng Partido Nacionalista at nabuhay noong 1899 hanggang 1907. Noong 1909, isinalin niya ang Noli me tangere, ang unang salin ng nobela ni Rizal sa Tagalog. Isinalin din niya ang Conde ng Monte Cristo, at ang ibang mga akda ni Rizal. Sinulat din niya ang dulàng El Amor Patrio na ipinatigil ng mga Amerikano, ang nakatutuwang tulang pasalaysay na Ang Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado, at ang awit na ang Buhay ni San Vicente Ferrer. Kasáma sina Isabelo de los Reyes at Gregorio Aglipay, itinatag nilá ang Iglesia Filipina Independiente at isinulat ang tinatawag ngayong Pasyong Poblete. Namatay siyá sa atake sa puso sa Maynila noong 5 Pebrero 1921. (SJ) (ed VSA)

Ronald Allan K. Poe
(20 Agosto 1939-14 Disyembre 2004) Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula si Ronald Allan K. Poe (Ro·nald á·lan Key Po) noong 2006. Isa siyang premyadong actor, direktor, prodyuser, manunulat, at isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Filipino. Higit siyang kilala sa pangalang Fernando Poe Jr. o FPJ bilang aktor at Ronwaldo Reyes bilang direktor. Binansagan din siyang “Hari ng Pelikulang Filipino.” Bilang direktor, itinampok ni FPJ sa kaniyang mga pelikula ang kuwento ng mga karaniwang tao—ang kanilang buhay at pangarap, ang kanilang kaapihan, pakikibaka at katubusan. Bilang aktor, kinatawan naman niya ang maliliit na tao—simple, mahinahon, mapagkumbaba, matulungin sa kapuwa, may pananampalataya, nagtitiis ng pagkaapi ngunit lumalaban at nagiging bayani kapag umabot na sa sukdulan ang kawalang katarungan at paglapastangan sa sarili, kapuwa, at bayan. Makikita ito sa mga pelikulang Apollo Robles (1961), Batang Maynila (1962), Mga Alabok sa Lupa (1967), Batang Matador at Batang Estibador (1969), Ako ang Katarungan (1974), Tatak ng Alipin (1975), Totoy Bato (1977), Asedillo (1981), Partida (1985), Ang Probinsyano (1996) at Ang Pagbabalik ng Probinsyano (1998). Bilang direktor na si Ronwaldo Reyes, nakapagdirihe siya ng siyam na pelikula, kabilang ang Alupihang Dagat (1975), King (1978), Tatak ng Tundo (1978), Ang Padrino (1984), Ang Panday (1981), Ang Pagbabalik ng Panday (1982), Ang Panday, Ikatlong Yugto (1983), at Ang Panday IV, Ikaapat na Aklat (1984). Nagtamo si FPJ ng mga karangalan bilang pinakamahusay na aktor sa FAMAS para sa mga pelikulang Mga Alikabok sa Lupa (1967), Asedillo (1971), Durugin si Totoy Bato (1979), Umpisahan Mo, Tatapusin Ko (1983), at Muslim Magnum .347 (1986). Dahil sa limang parangal na ito, iniluklok siya sa FAMAS Hall of Fame. Isinilang si FPJ noong 20 Agosto 1939 sa Maynila kina Fernando Poe Sr., isang aktor at prodyuser at Elizabeth Kelly. Kabiyak niya ang sikat ding aktres na si Susan Roces. Nagsimulang magtrabaho si FPJ sa industriya ng pelikula bilang mensahero. Una siyang lumabas sa pelikula bilang stuntman. Nabigyan siya ng pagkakataóng magbida, sa edad na 14, sa Anak ni Palaris. Ngunit higit siyang nakilala sa pelikulang Lo Waist Gang (1957). Nilabanan niya sa pagkapangulo ng Filipinas si Gloria MacapagalArroyo noong 2004 at namatay noong 14 Disyembre 2004. (RVR) (ed GSZ)

polo y servicios

Ang polo y servicios (pó·lo i sér·ví·syos) ay tumutukoy sa sistema ng sapilitang paggawa noong panahon ng Espanyol na ipinataw sa mga katutubong Filipino simula noong siglo 17. Lahat ng mga katutubong lalaki na may edad na 16-60 taón ay obligadong maglaan ng 40 araw na serbisyo sa pamahalaang kolonyal taón-taón. Dahil sa patakarang ito, ang mga polista o mga sapilitang trabahador ay nagamit ng mga awtoridad upang magtayô ng mga simbahan, tulay at tanggulan, at magtrabaho sa mga minahan, magputol ng mga troso, tumulong sa pagbuo ng mga sasakyang-pandagat at magsilbing pandagdag na puwersa ng mga Espanyol sa kanilang mga digmaan at ekspedisyon. Maraming dinanas na paghihirap ang mga Filipino dahil sa patakarang ito. Bukod sa kakulangan sa pagkain at suweldo, nagagamit pa ang serbisyo ng

mga polista sa personal na paraan ng mga punòng-bayan at mga pari. Higit pa rito, napapabayaan minsan ng mga polista ang kanilang mga taniman at alagang hayop. Dahil dito, nakaranas ng hirap at gutom maging ang kanilang mga pamilya at nababawasan pa sila ng kakayahang magbayad ng inaasahan sa kanilang buwis at tributo. Ang mga gobernadorsilyo, kabesa de barangay, at matatandang lalaki ay hindi na kailangang maglaan ng ganitong uri ng serbisyo. Ang mga nagnanais na huwag mapasailalim ng polo y servicios ay kailangan namang magbayad ng falla para maabsuwelto sa nasabing obligasyon. Sa huling bahagi ng siglo 19, ginawa na lang na 24 na araw ang paninilbihan ng isang polista. (MBL) (ed GSZ)

prinsipálya
Prinsipálya (principalia) ang tawag sa grupo ng mga mayaman at makapangyarihan sa mga bayan noong panahon ng Espanyol. Sinasabi na ang prinsipalya ay mula sa angkan ng mga datu at ng kanilang mga pamilya na naging tagapagpalaganap ng mga patakaran ng mga Espanyol kapalit ng mga pribilehiyo. Ang mga kasapi ng nasabing grupo ay tinatawag na principal o pangunahing mamamayan ng bayan. Mula lamang sa nasabing grupo napipili o naihahalal ang mga gobernadorsilyo, kabesa de barangay, tenyente mayor, juez de policia, juez de sementeras o tagapangalaga ng pampublikong lupain, taniman at hayop, at mga mahistrado, guro, kuwadrilyero, sarhento, at kapitan. Ang pagkakaroon ng monopolyo ng prinsipalya sa lahat ng matataas na posisyon sa mga bayan noong panahong iyon ang maaaring pinagmulan ng kasalukuyang sistema ng patuloy na paghawak ng matataas na tungkuling pampolitika ng iilang pamilya. Kasabay nito, maaari ring ang karanasan ng prinsipalya sa pagpapatakbo ng kanilang mga pamayanan ang nagpalaganap ng mga konsepto at gawaing pampolitika gaya ng pagmamana ng posisyon at paghahalinhinan ng ilang opisyal sa mga katungkulan na siya ring maoobserbahan sa kontemporaneong lipunang Filipino. (MBL) (ed GSZ)

punyál
Ang maikling patalim, gamit mang sandata o para sa pang-araw-araw na gawain, ay karaniwang tinatawag na punyál. Katulad nitó bagaman may naiibang hugis ang tinatawag namang balaráw. May mahalagang gamit ito sa mga sinaunang ritwal, lalo na pagtarak sa leeg ng alay na baboy at paggilit sa leeg ng handog na manok sa dambana. Punyál din ang gamit sa paghiwa ng bisig sa sandugo, gaya ng ginanap na kasunduan ng pagkakaibigan nina Miguel Lopez de Legazpi at Sikatuna sa kasaysayan at sa masagisag na panunumpa ng mga sumasapi sa Katipunan. Kawikaang gamit din ito sa pagsusumpaan ng magsing-ibig, gaya ng paglalarawan sa awit na “Sa Lumang Simbahan” sa magkasintahang lumuhod sa harap ng altar at “may hawak na punyal.” Isang bago ngunit maalamat na imbensiyon ang balisóng sa Batangas, isang uri ng punyál na naititiklop ang puluhan upang itago ang talim kapag hindi ginagamit. Dahil sa katangiang ito ay tinatawag din itong “de-tiklop.” Samantala, tinatawag din itong “beyntenuwebe” (mula sa Espanyol na veinte y nueve, 29) dahil sa alamat na ang dalubhasa sa paggamit nitó ay maaaring tumálo sa hanggang 29 kalaban. Pangunahing kabuhayan ang paggawa ng balisóng sa mga baryo ng Balisóng at Bule sa Taal, Batangas. Isang sining ang husay sa pagbúnot at bilis sa pagbubukás ng puluhan nitó, gayundin ang mga hakbang sa paggamit nitó sa pakikipaglaban. (YA)(ed VSA)

pútong
Ang pútong (pu.tong) ay anumang kasuotan, karaniwang tela, para sa ulo. Sa sinaunang tao, ang pútong ay maaaring nagsimula para sa praktikal na gamit. Maaaring pantakip ito sa ulo laban sa init, ulan, at proteksiyon laban sa anumang babagsak mula sa itaas. Naglalagay ng pútong noon ang nag-iigib upang higit na mainam ang pagbalanse ng sinusunong na banga hábang lumalakad. Ganoon din ang silbi ng tela sa ilalim ng sunong na bilao o bakul, lalo’t mabigat ang nilalaman. Ngunit ang tunay na pútong ay simbolo ng karangalan, gaya ng pagsasabing “pútong na korona” para sa hari o para sa lakambini ng pagdiriwang. Para sa mga Muslim ang pútong ay nagsisilbing palatandaan na sila ay Muslim. Ang karaniwang kulay ng pútong na ginagamit ng mga Muslim na lalaki ay itim o anumang may iisang kulay. Samantala, ang pútong ng kababaihang Muslim ay may iba’t ibang kulay at disenyo na nagsisilbi ring palamuti sa kanilang katawan. (RBT) (ed VSA)

Guhit ni Jose Honorato Lozano

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->