You are on page 1of 12

Simula na nang Pagbangon !

(Ikalawang Bahagi nang sulating Kilusan sa Pagbangon nang Pambansang


Dignidad)

Isang taon na ang nakaraan nang unang isa publiko ang konsepto nang Kilusan sa
Pagbangon nang Pambansang Dignidad,Sa loob nang isang taon masasabi nang may
akda na ang pinasimulang sulatin ay nakapagbigay nang inspirasyon kung hindi man ay
bahagyang kalinawan sa mga ibat ibang grupo o samahang naitayo na naglalayong
bigyan nang bagong momentum ang pagkilos nang bayan upang makamit ang tunay na
pagbabago sa ating bansa .Bagamat hiwa-hiwalay at may mga ilang kilalang
personalidad na namumuno ang mga ibat ibang bagong pormasyon o organisasyong
naitayo, ang mga ito ay kakikitaan nang ibayong pagsisikap na kumawala o lagpasan
ang mga tradisyunal, makitid at shortcut na daan para daw akayin sa makabuluhang
landas nang pagbabago ,katinuan at kaunlaran ang buong sambayanan

Ang lantarang pagkahumaling sa panawagang political power grab( digmaang


bayan,armed struggle , insureksyon ,edsa type people power(conspiratorial ), coup detat,
civilian military junta , transitional government ) ay unti unti nang nahuhubaran bilang
suntok sa buwan na panawagan para suportahan nang sambayanang Pilipino sa
kasalukuyang panahon lalupat ang mamamayan ay lagit lagi nang ang katanungang
ipinupukol ay sino at ano ang alternatibong ipapalit sa mga nakaupo at sa sistemang
umiiral .Sa mga pagkilos na ganito, laging nakabuntot ang pangamba nang ordinaryong
mamamayan na mauuwi lang naman sa pagsasalin nang kapangyarihan papunta sa
kamay nang isang grupo o ilang indibidwal ang pagkilos nang taumbayan at sa malaot
madali ay magpapakasasa rin sa yaman at kapangyarihan ang mga makakaupo.Ang
katotohanang hindi kikilos para agawin nang mamamayan ang pampulitikang
kapangyarihan nang walang katiyakan ang pagbabago o patutunguhan ang syang tunay
na dahilan kung bakit sa kabila nang kabulukan nang sistemang umiiral ay atubili pa rin
ang mamamayan na samahan ang sinumang grupo para ang bulok na kaayusan ay
tuluyang ibasura sa kasaysayan .

Dahil ang mapait na katotohanan , mahabang panahon kinaligtaan nang mga


prominenteng samahang masigasig na kumikilos para sa makabuluhang pagbabago na
ang isang bagong sistemang panlipunang ipapalit sa kasalukuyang nabubulok na sistema
ay hindi sisimulan lamang sa mismong araw nang pagka - agaw nang pampulitikang
kapangyarihan. Ang malawak na pwersang nagkakaisa nang mamamayang may
kakayanang magpabagsak sa isang nabubulok na sistema ay hindi parang bulang
susulpot kung saan o tatalimang parang mga sundalong kikilos na muna at saka na
magiisip o magtatanong kung bakit. Ang rekisito na nauunawaan nang mamayan na ang
pagbabagong minimithi ay hindi katulad nang isang magandang pangarap o pangako na
pwedeng matupad o hindi ….pwedeng huwag simulan ngayon o kaya ay maghintay nang
ibang panahon…ang syang salalayan nang isang tunay na pambansang pagkilos na
makapagluluwal sa isang makabuluhang pag unlad o pagbabago nang Lipunan.
Ang pagkahubog nang isang pambansang kamalayan nang mamamayan na may
kahandaang kumilos at magsakripisyo hindi lamang para sa pansariling kagalingan kung
hindi para sa kapakanan nang kapwa at buong bansa ang syang tunay na motibasyong
may kapasidad na tuldukan ang kasalukuyang kahibangan sa kapangyarihan at
kasakiman nang mga kumokontrol sa yaman at pampulitikang kapangyarihan sa
Pilipinas

Ilan sa mga signipikanteng mga bagong grupo o organisasyong natatag ay ang grupo
nang KAYA NATIN na pinangungunahan nang mga tapat at mahuhusay na Chief
Executive na tumatayong ehemplo at inspirasyon nang good and responsive local
leadership at governance sa LGUs. Ang Tulong Barangay Movement na naghihikayat
nang pagbuhay sa kaugalian nang damayan sa Komunidad at Barangay. Ang
Bagumbayan Movement ni Senador Gordon na nanawagan nang pagbabagong buhay
nang mga Pilipino sa pangunguna nang mga bagong tatayong lider nang bansa na may
integridad at kredibilidad. Ang Bagong bihis na Economic at Social Reform Agenda ni
Gen. Almonte na nangangarap nang pagkakaisa bilang isang bansa at pagunlad nang
ekonomiya nang buong bansa sa pamamagitan nang pagpapatupad nang desentralisasyon
nang kapangyarihang pulitikal sa pamamagitan nang federal type of government at
espesyalisasyon sa aspeto nang produksyon sa bawat rehiyon . Ang grassroot based na
Third force coalition na binubuo ni Senator Kiko at mga nasa Kaliwang Pulitika sa
pangunguna nang BAYAN Muna na nagsisikap na makapagbuo din nang platform based
political party kabaligtaran nang umiiral na personality cult sa pulitika , Ang bagong
tatag na Partido lakas nang Masa na iniluwal nang karanasan sa party list nang
SANLAKAS at Partido nang Manggagawa na nagsisikap na makabuo nang partido
nang masang Pilipino o grass root based Political Party na magbabandila nang
platapormang pambayan bilang pantapat sa trapo politics na talamak na kalakaran sa
kasalukuyang electoral system. Ang Moral Recovery Crusade ni Bishop Nilo Tayag na
naghihikayat na tumakbong pangulo si Justice Puno upang pamunuan ang pagbangon
nang moralidad nang mga taong papasok sa Serbisyo Publiko . Ang Kapatiran Party na
nagsisikap na iluklok ang isang GOD centered Political Party Leadership sa bansa . Ang
Movement for Good Governance na naglalayong makatipon ang sampung milyong mulat
na electorate na maghahahalal nang matitinong opisyal nang gobyerno na uupo sa local at
nasyunal na antas at ang pinaka bago ay ang sumisibol na interes na ipinapakita nang
mga grupo nang OFW/Diaspora na seryoso na ring kumilos at tumutulong para makialam
na sa pagbabago at pulitika nang bansa . Ang ilan sa mga tampok na grupong ito ay ang
PPP oP artidong Pandaigdigang Pilipino, ang GFN o Global Filipino Nation at ang WFA
o World Filipino Alliance at Save the Nation Movement na mahigpit ang ugnayan sa
NAFAA ang pinaka malaking pederasyon nang mga Filipino Americans sa Amerika na
ang kasapian ay umaabot nang isang Milyon.

Ang nagaganap na pagsusulputan ang mga organisasyon o pormasyong nabanggit na ay


isang magandang senyales na sumasalamin sa kapasyahan nang marami sa ating mga
kababayan ang nagsisimula nang kilalanin ang kawastuhan nang matiyagaang
pagmumulat , pag oorganisa at pagkilos sa grassroots sa pagsisikap na hanapan nang
solusyon kung papaano makalahok ang pinaka malaking bilang nang mamamayan sa
samasamang pagtugon sa panawagang linisin ang gabundok na basurang nagsabog sa
buong Lipunan. .Malinaw na ngayon na hindi lamang ang mga nakaupo at ang kanilang
mga ginagawang patakaran at batas ang basurang dapat walisin ,kung hindi mismong
ang bawat mamamayan ay may pangangailangang simulang purgahin sa kanyang sarili
at gawi sa pang araw –araw na buhay ang kontaminadong mikrobyong kumapit sa lahat
nang panlipunang aktibidades.Malinaw na na ang panlipunang pagbabago ay hindi
makakayang isulong o ibigay nang iilang tagapagligtas nang hindi desididong kumikilos
at binabago nang taumbayan ang mga pagiisip at gawing bahagi nang bulok na sistemang
panlipunan .

At sa malaot madali…..Unti unti na nating matutuhang papaano mabuo ang isang


malakas na pwersang may kakayanang magdulot nang pagbabago sa loob nang bawat
tahanan , komunidad ,lugar na pinagtratrabahuhan ,kabarangay ,munisipyo, siyudad
,probinsya at bansa.

Paano nga ba natin dapat inuunawa ang kahalagahan nang isang Pambansang
Kamalayan maghahatid nang makabuluhang pagbabago sa bansang Pilipinas

Ang kaganapan nang tunay o makabuluhang pagbabago ay hindi nagaganap sa isang


iglap o pangyayaring aksidente . Ito ay sinasadyang kagustuhan ,pinaghahandaan nang
lakas at tumatantya nang kalagayan para sa tamang tyempo at pagkakataon. .Gaya nang
agos nang tubig nang ilog ito ay may ibat ibang pagmumulan o paghuhugutan at
hahanap at lilikha nang sariling lagusan hanggang marating ang malawak na karagatan.
Sa panimulay mahina at madalang ang agos at may pagkakataon pa ngang akala natiy
tuluyan nang naglalaho. Ngunit sa panahon na nagtatagpo at nagsasama-sama ang daloy
tungo sa iisang direksyon nagagawa nitong anurin maging ang mga datiy balakid upang
mapasama sa daluyong nang malakas na agos kung saan ito mismo ang gagawa nang
paraan upang makagawa nang sariling daluyan.

Sentrong usapin ngayon na nais pag ukulan nang pansin nang may akda ay ang
paghuhubog nang isang pambansang kamalayan na may pagtatangi sa kakayanan at
kagalingan nang mga Pilipino bilang isang lahi. Tanging sa pagkakaroon nang
pambansang kamalayan mabubuo ang pinakamalawak na pagkakaisa o pagbubuklod
nang mamamayang Pilipino tatapos sa mahabang panahon nang pagkakawatak –watak at
pagkakanya-kanya . Kung papaanong ang ibat-ibang magagandang mithiin ay
magsasama-samang kahalintulad nang isang malakas na agos namay kakayanang agusin
at sagasaan ang mga balakid na pumipigil sa pagkakamit nang mga makabuluhang
pagbabago sa lipunan .

Kung papaano at saan tayo dapat magsimula ay sa pag amin natin sa ating sarili na
bagamat tayo ay may sariling konstitusyon, batas, halal na pinuno at teritoryong
kalupaan tayo ay kapus paring matatawag na isang bansang nagkakaisa at tulong tulong
na tumatahak sa kaunlaran at kaayusan bilang isang lahi . Ang pulo-pulong
pagkakahiwalay nang ating lupain…Ang pagkakaiba nang ating mga salita at kaugalian
,ang magkakaibang kinahinatnan sa ibat ibang probinsya nang paglaban nang ating mga
ninuno sa mga mananakop, Ang pagkakaiba nang an gating mga relihiyon at
pananampalataya, ang mahabang panahon na tayo ay sumailalim sa control at
pamamahala nang mga dayuhang mananakop.Ang inter-racial marriages na naganap sa
mga mananakop… Lahat nang ito ay lumikha nang ibat ibang kaisipan at kulturang pilit
nating binubuo pa rin hanggang ngayon upang mahulma sa tina tawag na sariling atin na
Pambansang kamalayan .

Ang ating edukasyon ay binalangkas sa kagustuhan nang bansang amerika upang


kilalanin na ang lahat nang bagay na galling sa kanila ay kilalaning superior at maganda
habang ang lahat nang matatawag nating sariling atin o minana sa ating mayaman na
kultura ay tratuhing kung hindi man inperyor ay primitibo at walang puwang sa mabilis
na pagbabago nang daigdig. Marahil ay wala namang malaking pagtatalo kung ang
mahuhubog nating pambansang kamalayan sa hinaharap ay sumasalamin sa
magagandang katangian na ating natutunan sa mga sumakop sa ating bansa , sa ating
malalapit na mauunlad na kapitbahay sa asya , sa ating muling pagtuklas nang ating mga
katutubong kaugaliang nagtuturo sa atin na respetuhin at huwag abusuhin ang kapwa at
kapaligirang pinagkukunan nang yaman at buhay nang susunod na salinlahi. Sa isyu
naman nang paggalang at pagkilala sa karapatang tao sibilisado na rin naman siguro tayo
at alam na natin na ang karapatang pantao ay isang unibersal na karapatan na dapat
iginagawad sa kahit sinumang indibwal anuman ang lahi ,bansang pinagmulan o kulay
nang balat.

Kung may mga pagbabago mang malilikha ang ating pagsisikap na magkaroon nang
pambansang Kamalayan , ito ay nararapat lamang na positibong makapagluluwal nang
patas na opurtunidad para makamit ang pag-unlad sa kabuhayan nang bawat
mamamayan , pagkilala at paggalang na maibigay ang pantay na karapatang pantao nang
bawat isa, at ang pagtitiyak nang klase nang pampulitikang pamamahala sa bansa at
pagluluklok nang mga Lider na namumuno na ang pangkalahatang kapakanan nang
mamamayan,maayos na pangangalaga at utilisasyon sa likas na yaman at kapaligiran at
may malaking pagtatangi sa paglikha nang maunlad at mapayapang bukas para sa
susunod na salinlahi.

Kung tutuusin ,ang pagsisikap na bumuo nang isang Pambansang Kamalayan ay hindi
nabago sa ating kasaysayan o kaya ay ngayon pa lang nakita nang mga Pilipino ang
kahalagahan .Ang samahang KKK na itinatag ni Boniofacio na pinangunahan nang mga
responsableng ama nang tahanang may pagpapahalaga sa kanilang karangalan at
dignidad ang syang unang nagpatunay nang katumpakan nang paghubog nito . Ang
pagsisiskap nang mga kasapi nang Katipunan na linangin ang kanilang kaisipan upang
sumibol sa kanilang mga puso ang pagmamahal hindi lamang sa kanilang pamilya kung
hindi lalung lalu na sa kapwa at sa bayan ay likas sa isang lahing naghahangad nang
makabuluhang pagbabagong mag aahon sa kanila sa labis nakahirapan at pang aapi. Sa
kanilang mga komunidad at bukirin at lugar na pinagtratrabahuhan, sila ay nag-organisa
kahit palihim.Sa kabila nang kakulangan sa pinansyal pilit nilang pinunuan ang kanilang
hirap na kabuhayan sa pamamagitan nang pagdadamayan at pagtuturingan nang parang
tunay na magkakapatid dahilsila ay nagmumula sa isang lahi at kung saan ang pagdurusa
nang kalingkingan ay damdam nang buong katawan.Ang kakapusan nang kanilang
kaalaman sa organisasyon at edukasyon ay natabunan nang kanilang sinseridad na
hanapan nang solusyon sa pang araw –araw ang mga publemang kinakaharap hindi
lamang nang kanilang organisasyon at mga layunin nang samahan kung hindi maging ang
mga personal na publema at pagbabagong buhay nang bawat kasapi at kanilang
pamilya . Baon ang kalinisan nang kalooban, pananalig sa makatarungang Diyos at
pagmamahal sa kapwa nagpasya silang ibigay ang dunong at lakas sa pagtatanggol nang
kanilang karangalan sa katubusan nang bayan sa kamay nang mga mapagsamantalang
dayuhan at opurtunistang kababayan na nakikipagkutsabahan sa mga mananakop.

Nilantad nila at ipinaunawa sa mga Pilipino ang lantarang panloloko at pagmamalabis


nang mga may tangan nang kapangyarihan at tinuruang kung papaano dapat iniasa sa
sariling mga kamay at pagkakaisa ang katuparan nang mga pagbabagong ninanais
makamtan nang lahat . Sa maliliit na tagumpay na kanilang nagawa sa paglipas nang mga
araw ..nakita nila ang kagyat na pangangailangang purgahin ang sarili mula sa mga
makasarili at hindi magagandang kagawian at pagiisip hanggang umabot sila sa
sukdulang pagkakaunawa na ang kanilang minimithing pagbabago ay hindi
maisasakatuparan nang hindi ipinagtatanggol ang pantay na karapatang iginawad nang
may likha sa lahat nang kanyang nilalang sa daigdig .Anuman ang lahing pinagmulan
anuman ang katayuan sa buhay ang tao ay nilikha nang pantay–pantay . Na ang
namumunong hindi nagiisip at kumikilos para sa interes nang kanyang pinamumunuan ay
hindi dapat umaani nang pagkalinga at pagsunod sa kanyang mga ipinaguutos kung hindi
mas marapat na ibinabasura gaya nang mga kaisipan at kaugaliang nakapaghahatid nang
pagdurusa,pagkakawatak watak at paghihirap.

Kung papaano pinagsikapan ni Bonifacio at nang mga kasapi nang Katipunan na


pagkaisahin at pakilusin tungo sa pambansang katubasan ang bayan nuon ..mas higit ang
pangangailangan na ito ay kamtin din natin ngayon…Kung papaano natin itatayo ang
mga organisasyon ngayon at kung ano ang magsisilbing kapakinabangan nang mga
kasapi sa samahang ating itatayo ay kinakailangan ding tumugon sa aktwal na
pangangailangang magdamayan at magtulungan upang ang kumpyansa sa sama-samang
pagtutulungan at pagbabagong buhay ay mahubog at mapatunayang tumpak hindi
lamang sa pagresolba nang mga pang sector , pang komunidad ,pang lungsod o bayang
usapin kung hind maging sa mga pampersonal at pampamilyang publema sa araw-araw.

Matama nating babantayan at tutulungan ang pagbabagong buhay nang bawat kasapi at
nang kanilang pamilya at lilikha tayo nang mga aktibidad at programang magkinkintal
sa kawastuhan nang simple at marangal na pamumuhay na may dignidad at pagsasa alang
alang sa kapakanan nang kapwa at bayan.

Kung ano ang kalinisan nang kalooban at hangarin para sa lahat nang mga Pilipino nang
mga kasapi nang Katipunan nuon ,sya ring dapat nating taglayin ngayon. Kung anong
hirap at sakripisyong kanilang inalay para sa kapwa at sa bayan ay sya ring katumbas na
sakripisyo at pagmamahal na dapat nating likhain ngayon.

Ang mga organisasyon nang mamamayan sa grassroots na independyente,masinsin


at may malinaw na platapormat programang popular sa bawat antas nang
pampulitikang pamamahala ang binhing pagsisimulan nang Pambansang
Kamalayan sa kasalukuyang panahon .

Hindi dapat maliitin o ipagsawalang bahala ang malaking ambag sa pambansang


pagbabago at inspirasyong naibibigay nang mga kasalukuyang sinsero at tapat na lider
nang mamamayan sa ilang lokal na pamahalaan para sa kabuuang pagsulong nang Good
Governance sa mga Probinsya at Bayang kanilang pinamumunuan . Sa katunayan nais pa
nga nating madagdagan ang mga katulad nila Gov.Among Ed, Gov.GrAce Padaca ,Mayor
Jess Robredo , Mayor Sonya at Mayor Baguilat ang maluklok at mahalal sa mga darating
na eleksyon mula sa pinaka mababa(barangay) hanggang mga pambansang posisyon.

Ngunit ang kaseguruhan lamang na ang kanilang bilang ay patuloy na madadagdagan at


sila ay patuloy na maka pamumuno nang sinsero sa mamamayan ay kung ang mayorya
nang organisadong mamamayan sa mga siyudad bayan at probinsya ay makapagbubuo
nang popular na alternatibong programa na isusulong at yayakapin nang mga progresibo
o alternatibong lider na nabanggit . Sa ganitong hakbangin lamang matitiyak na
sistematikong naitatakwil at mahihirapan nang makapanumbalik ang mga trapong
pulitiko kung saan ang pagkapanalo at pananatili ay nakasalalay sa panlilinlang at pag
gamit nang guns , goons at gold. Sa ganitong maruming paraan kasi tinitiyak nang ilang
oligarkiyang pamilyang kumokontrol sa yaman nang bansa na ang mga mauupong
nanunungkulan sa pamahalaan ay kung hindi man ang kanilang mga sarili o kamag anak
ay mga tapat na naglilingkod sa kanilang kagustuhan o magpapatuloy nang kasalukuyang
kalakarang pumapabor sa makasariling interes.

Ang pagdami nang mga alternatibong kandidato na magmumula sa mga organisasyon


nang mamamayan ang syang tanging epektibong sukatan kung nahuhubog nga natin
ang kamalayan at kasanayan nang mga lider at kasapi nang mga organisasyon mula sa
sa kanilang indibidwal at sektoral na paninindigan tungo sa mas mataas na antas nang
pag unlad Bukod sa higit ang magiging saklaw nang kanilang impluwensya sa
pamamahala, mas nasa mataas na estado sila nang lipunan upang makalikha nang mga
pagbabago at makahikayat pa nang mas maraming kababayan na tutulad sa kanila
bilang mga modelong lider at mamamayan.
.
Ang mga nakaraang halalang naganap sa lokal na pamahalaan gaya nang karanasan ni
Gov. Among Ed. Panlilio, Gov. GracePadaca, Cong. Boy Calalay laban kay Ato Yap
,Mayor Rey Malonzo laban sa mga Asistio, Mayor Joey Marquez laban kay Olivarez at
marami pang naging karanasan ang puwedeng makapag patunay na may mga tamang
pamamaraan at taktika sa eleksyon upang ang guns ,goons and gold ay hind maging
bentahe para manalo. Ngunit wala ring katiyakang ang mga pumalit sa kanila sa puwesto
ay hindi matutulad sa kanilang pinalitan kung walang nagkakaisang puwersa nang
mamamayan ang syang tatangan nang tagumpay.

Sa panahon na napagtagumpayan na nang mga alternatibong kandidato nang taumbayan


ang laban sa trapo mas malaking responsibilidad naman sa pagitan nang mga
organisadong samahan nang mamamayan ang umako nang malaking papel sa pag
rerebisa nang mga umiiral na batas ,pagbabalangkas nang mga makamamamayang
panukala at pagtulong sa pagpapatupad nang mga progresibong batas , programa at
proyekto . Ang bagay na ito ay kinakailangang maging malinaw sa mga alternatibong
kandidato at organisadong mamamayan kahit sa panahon pa lang nang pangangampanya
sa taumbayan . Sisiguraduhin nating ang makintal sa isip nang mga botante na ang
napagtatagumpayan o nakataya sa bawat halalan ay hindi ang pagkakaupo o
pagkapananalo nang alternatibong kandidato laban sa trapo kung hindi ang kawastuhan
nang mga programang pambayan na marapat lamang ipatupad at patuloy na
pagyayamanin ang implementasyon kasama sila sakaling ang kandidatong kakatawan sa
kahilingan at kagustuhan nang mamamayan ang magwagi.

Sa ganitong pamamaraan ,magbabago ang paraan nang pagtrato nang taumbayan sa


arena nang halalan hindi na bilang sirkus na makapagbibigay lang nang pansamantalang
aliw at walang kapakinanbangan para sa pagbabago , kung hindi isang larangan kung
saan naipapahayag ang mga komon na aspirasyon at mithiin nang sambayanan at
napapatunayan ang katumpakan nang sama-samang pagdadamayan upang kamtin ang
pangkalahatang kagalingan ay patuloy na pinauunlad sa pag daan nang panahon. Ang
papel nang taong bayan sa governance ay hindi na lamang malilimita sa pagboto nang
kanilang mga kinatawan o kandidato kapag may eleksyon kung hindi sa lahat nnag
panahon .Ang pagbabasura nang mga elitistang programa at batas upang mapalitan ang
mga ito nang bago at tumugon sa pangangailangan nang mamamayan , ang pagtulong sa
implementasyon nang mga programa at batas ,ang pagsususperbisa sa mga
mahahalagang programa at proyekto at ang pagtatakda nang pagdedesisyon para sa
tamang paggagamitan nang buwis na kanilang ibinabayad.

Ang pinaka maunlad na karanasan na naisagawa namay ganitong pagsisiskap ay ang


bayan nang Naga sa Bicol kung saan mula sa pagiging 4th Class Municipality nitong
nakaraang sampung taon ngayon ay nasa katayuan na bilang isang highly urbanized
component city.Malaking tulong at inspirasyon ang nagawa nang kanilang Mayor na si
Jess Robredo ngunit maging mismo sa kanyang mga pangungusap nanggagaling na ang
mamamayan nang Naga ang tunay na naghatid nang pagbabago sa kanilang Bayan. Mula
sa maraming mahihirap na pamilya nuon ngayon ay ang average per capita income nang
mga pamilya ay umaabot na halos sa 15 libong piso kada buwan. Ito ay sa kabila nang
ang kanilang Mayor nasi Jess Robredo ay hindi kakampi nang nakaupo sa Kapitolyo
nang Probinsya o malapit sa Malakanyang .

Ang pag unlad at pagbabago sa Naga ay nagpatuloy hindi lamang dahil sa pagkakahalal
sa isang mahusay at matinong Mayor kung hindi sa pamamagitan nang pagoorganisa
nang iba-ibang independyenteng organisasyon at samahan sa grassroots kahit tapos na
ang eleksyon. . Nagawa nitong bigyan nang papel at responsibilidad ang mga
ordinaryong mamamayan sa pagtutukoy pagsasagawa at pagbabantay sa tamang
pagiimplementa nang mga makabuluhang proyekto at programa simula sa barangay
hanggang sa pambayang antas . Sa matiyagang paghihikayat at pagpapaliwanang nang
mga lider sa kanilang miyembro na ang pagbabago ay nililikha at hindi kusang dadating ,
natutong umako nang kanya –kanyang responsibilidad ang mamamayan . Unti –unting
nabigyan sila nang kumpyansa sa kanilang sarili at nagsikap silang higit pang
madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagpapaunlad nang kabuhayan at karanasan sa
tamang pamamahala ang kanilang mga komunidad , barangay at bario.

Ang mga proyekto gaya nang pailaw, kalsada , health center, livelihood training center ,
library at multi purpose hall sa mga barrio at Barangay ay naipatayo nila mula sa
kanilang bayanihan nang hindi masyadong nababwasan ang kabang yaman nang
kanilang munisipyo. Isipin na lang natin ang kagaanan sa pamumuhay at pagbabagong
maihahatid nito sa milyong milyong mga Pilipino kung ang karanasan nang siyudad nang
Naga ay magagawa natin sa kalahating bilang nang barangay ,siyudad,munisipyo at
probinsya sa buong bansa.

Ang mahalagang misyon na gagampanan ng mga manggagawang OFW at ang


kanilang mga kapamilya sa pagbangon nang dignidad nang bansa .

Halos magkakahawig ang dahilan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang
lumabas nang bansa.Ito ay ang kakulangan nang opurtunidad o trabaho sa Pilipinas
upang ang kanilang mga mahal sa buhay ay mabigyan nang disenteng buhay at kaunting
kaginhawaan . Isang magandang katangian kasi nang mga Pilipino ang pagpapahalaga at
pagpapakasakit sa kapakanan nang pamilya . Kaya naman kahit malungkot at kadalasang
dumaranas nang diskriminasyon at kaapihan ang magtrabaho at mamuhay sa labas nang
bansa hindi ito alintana nang Pilipino basta kaligayahan at kapakanan na nang kapamilya
ang nakasalalay.

Sa kasalukuyan ay higit kumulang sa 8 milyon nang Pilipino ang matatagpuang


naninirahan o kung hindi man ay naghahanapbuhay sa ibayong dagat hindi natin
maikakaila na ito ay halos sampung porsyento na nang Populasyon natin ditto sa loob
nang bansa . Bilang mga pangunahing inaasahan nang kanilang mga pamilya sa
Pilipinas , masasabi nating napakalaking papel ang dapat gampanan nang ating mga
kababayang nasa labas nang bansa at mga kapamilya nila upang makamit natin kung ano
man ang landas nang kaunlaran at pagbabago na nais nating isulong bilang isang lahi.

Kung masinop lang nating matutuklasan kung papaano magamit bilang puhunan sa
sariling bansa ang karanasan ,sipag, talino bukod pa ang kinikita nang mga kababayan
nating OFWs, malaking opurtunidad na ito para umalwan ang buhay nang marami sa
atin. Nitong taong 2007 lang halos 17 bilyong dolyares na ang kabuuang remittances na
pumapasok sa ating bansa. Kung tutuusin , mas malayong malaki ito sa kabuuang kinikita
nang industriya nang mga yaring produkto na iniexport natin.Ngunit kahit ang mga
remittances na lang ang bumubuhay sa ekonomiya nang bayan , hindi pa rin kakikitaan
nang pagpupursigi ang kasalukuyang mga namumuno sa pamahalaan upang samantalahin
ang pagkakataong ito upang makabangon ang bayan bagkus lalu pa ngang nangungulelat
ang Pilipinas sa buong asya sa kadahilanang wala namang pinupuntahang magandang
direksyon ang mga buwis na ibinabayad nang mamamayan kung hindi ang bulsa nang
mga korupt na pulitiko.Sabihin pang exempted sa income tax ang mga OFws , ang lahat
naman nang gastusin gaya nang kuryente,tubig, ilaw, gasolina ,mga bilihin na
kinukunsumo sa pang araw araw nang mga kapamilya nang OFws ay sobrang taas nang
presyo dahil sa ibat ibang klase nang ipinapataw na buwis nang gobyerno at mga lokal na
pamahalaan . Hindi bat ito ay maliwanag na hokus pokus at pagnanakaw nang harapan
nang animoy mga lintang nasa gobyerno.

Batay sa datos at mga pag aaral na isinagawa kamakailan ,ang pangkaraniwang


pinupuntahan nang kinikita mula sa remittances nang isang OFW ay ang ss. 32 porsyento
ay napupunta sa gastusin nang pamilya,36% ay pambayad sa mga naiutang,10% ay para
sa edukasyon nang mga bata,13% ay pinambili nang mga appliances ,3% pambili nang
bahay at lupa, 5% sa capital sa maliit na negosyo at 1% bilang personal na savings.

Kung ating susurin ang datos ,tatlong bagay ang puwede nating mahalaw ditto. Una ay
ang napakaliit nang tsansang pag-uwi nang isang OFW mula sa mahabang taon na
pagtratrabaho sa ibang bansa , ay may maunlad na syang kabuhayang dadatnan o
pagsisimulan sa Pilipinas.Ikalawa ang malaking pangangailangang mabago ang
pamamalakad nang gobyerno upang sa malaot madali ay magamit ang buwis nang
mamamayan sa paglikha nang mga bagong opurtunidad at trabaho sa bansa upang ang
gastusing pampamilya ay hindi na lang iniaasa sa kapamilyang OFW at Ikatlo ang
pangangailangang magabayan ang mga pamilya nang OFW kung papaano makapag
impok at sinupin para gamitin sa mahahalagang pagkakagastahan lang ang perang
pinadadala nang kaanak..

Sa tatlong kadahilanan iikot ang kahalagahan kung bakit hindi dapat kinakalimutan ang
pangangailangang magpursigi ang mga OFW at kanilang mga pamilya na lumahok sa
pambansang pagbabago . Batid natin ang hirap at sakripisyong ginagawa nang ating mga
kababayan para lamang mabuhay sa disenteng paraan nang may dangal at hindi parang
mga timawa ang kanilang pamilya . Batid natin ang nagbabantang kapahamakan at
panganib sa klase nang kanilang trabaho,lugar na kinalalagyan at ang maaring pagka
wasak nang kanilang mga pamilya dahil sa napipilitang maging abnormal ang takbo nang
kanilang relasyon sa kanilang mga mahal sa buhay .Ngunit ano ang dulo nang kanilang
pagsaskripisyo at paghihirap kalaunan kung hindi mawawaksi ang paglubog nang
kabuhayan at kawalan nang pagiral nang matinong pamamahala sa Pilipinas ? Kaninong
buhay ang magbabago at magiging masaya kung ang mismo nilang mga kaanak ay
trinatrato na rin silang kalakal na padalang pera ang katumbas . Napakasakit at
nakakabaliw siguro ang pagkakataong mistulang ipinagtatabuyan nang mga sariling
mahal sa buhay ang isang OFW para muling umalis nang bansa dahil ubos na ang
kaunting ipon at naisanla na rin o naibenta ang kaunting mga gamit na pinaghirapang
ipundar dahil wala naman talagang opurtunidad na pwedeng pagkakitaan para mabuhay
nang disente ang kanyang pamilya sa Pilipinas.Paano na lang kung sumambulat pa nang
husto ang pandaigdigang krisis sa pinansya na magtutulak sa mga gobyerno nang ibang
bansa na bigyan nang prayoridad ang kanilang sariling mamamayan sa pagtangap sa
trabaho at tuluyan nang pauwiin nang Pilipinas ang mga breadwinner na
OFW?Puwedeng bang ipambili sa palengke at ipampaaral nang anak ang pagsisisi at
himutok sa manhid at lintang gobyerno? Ngayon tanungin natin ang ating mga sarili.
sino at anong sector sa sambayanang Pilipino ang labis labis na
nagsasakripisyo,pinagnanakawan nang lakas at nasa pusisyon para magpupursige para
patinuin ang gobyerno at paunlarin ang bayan? Sino ang lumilikha nang yaman nang
Pilipinas at bumubuhay sa mga lintang may hawak nang kapangyarihan Sino ang may
pagpapahalaga pa sa dangal at dignidad na hindi baleng maghirap at magsakripisyong
malayo sa pamilya mabuhay lang sa disenteng paraan ang kanyang mga mahal sa buhay?

Napalakas na puwersa nang pagbabago ang sabihin na lang natin na 5 na milyon na bread
winner na OFW isama pa ang kanilang mga mahal sa buhay na dumedepende sa kanila.
Kung papaano natin sila dapat organisahin at pakilusin tungo sa direksyon nang
pagbabago ay kung papaano rin natin ipapakita na ang kanilang pagbabago at
pagsasakripisyo ay para sa ikabubuti nang kanilang pamilya hindi sa panandaliang
panahon lang o hanggat kaya nilang magsakripisyo sa abroad kung hindi sa pang
matagalang perspektiba at mas may kaseguruhang pamamaraan. . Mula sa pagbubuo
nang mga OFW cicles na magsisilbing crisis safety net sa mga namumublemang OFW sa
mga lugar na kanilang pinagtratrabahuhan , sisikapin nating ipaunawa din sa kanila ang
pangangailangan na mabago din ang panuntunan nila sa buhay at nang kanilang pamilya.
Kasabay nito, kailangan nilang maunawaan at matuklasan na sila at ang kanilang mga
kapamilya ay may malaking papel para sa pagbabago nang Pilipinas hindi lamang sa
pagpili nang mga matitinong opisyales na uupo sa bawat antas nang pampulitikang
pamamahala kung hindi sa pag likha nang mga kapakipakinabang na opurtunidad na
magpapagaan sa kasalukuyan nilang pasanin.o pag aalala.

Bilang pagtataguyod sa kapakanan nang pamilyang Pilipino may responsibilidad na


pangunahan nang sector nang simbahan ang pagbubuo nang mga OFW family circles sa
mga parishes o kanilang nasaskupan upang sa gayon ay kagyat na maalalyan ang mga
pamilya laluna ang mga anak at asawa nang OFW kung papaano mapapanatiling matatag
at buo ang pamilya sa kabila nang ang ama o ina o isang kaanak ay nasa malayong lugar.
Bukod sa family counseling, sa mga family circles din puwedeng maganap ang mga
maliliit na training pandagdag kabuhayan , lecture sa kahalagahan nang pagtitipid at
pagiimpok , tamang paraan nang pagnenegosyo o pagpasok sa investment aat
kahalagahan nang pagbubuo nang nagkakaisa at nagtutulungang komunidad nang mga
pamilya nang OFW.

Sa panahong buo na at gumagana ang mga OFW family circles sa bawat parokya , ditto
na papasok ang kahalagahan na ito ay maifederate o maitayo bilang alyansa sa antas
siyudad, munisipyo at probinsya.Sa pamamgitan nang pagsasaliksik at pakikipag
kunsulta nang mga tatayong lider nang sector mabubuo ang mga plataporma at
programang may pangangailangang isabatas o ipatupad nang mga lokal na halal na
opisyales nang pamahalaan gaya na lang nang pagkakaroon nang karagdagang
proteksyon at mas mahigpit na regulasyon na magbabawal sa mga recruitment o
placement agencies na sumingil nang mataas na placement fee o nagbabago at nag
bebenta nang kontrata sa ibang employer, insentibo sa binabayad na buwis nang mga
OFW na magtatayo nang maliit na negosyo, ospital at eskuwelahan para sa pamilya at
anak nang OFW…OFW Bank, OFW Families Recreation facilities , OFW treasury
Bonds , OFW cooperative commissaries,OFW local pension plans at marami pang ibang
programa at proyekto. Bukod sa ang ganitong hakbangin ay makapaglilingkod sa
kapakanan nang sector, ang mga pamilya nang OFW ay nasa magandang posisyon upang
maging mapagpasya sa bawat lokal na magaganap na halalan . Hindi rin lalayo sa
hinagap na may malaking posibilidad na dumating ang panahon na may mga konsehal,
mayor ,vicemayor at congressman na rin ang dating mga OFW o kanilang kaanak na
seryosong magpapatupad nang Good and responsive governance sa lokal na antas.

Ang mga propesyunal na Pilipinong piniling makipagsapalaran at


magpakadalubhasa sa ibang bayan at ngayon ay tagumpay na sa kanilang
magandang buhay kasama nang kanilang pamilya.

Subok ang galing at karanasan nang ating mga propesyunal, inhinyero ,architect at
skilled workers sa paggawa nang mga pinaka magagara at matitibay na airport, kalsada
,tulay ,pier at industrial parks. Saan mang panig nang mundo. Ang mga Pilipinong
mananaliksik at imbentor sa larangan nang siyensya at teknolohiya ay isa sa mga
hinahangaan ang husay at talento sa buong daigdig. Mayaman ang ating lupain at
karagatan at may sapat tayong likas na yaman para pasiglahin ang lokal na sariling
industriya at modernong agrikultura na may potensyal na lumikha nang sobra sobrang
pagkain sa hapag kainan nang bawat pamilyang Pilipino.

Ngunit ang masaklap na nangyayari, pinauunlad natin at pinagagaan ang takbo nang
buhay sa ibang bansa ,habang patuloy ang paglubog at pagka- atrasado sa pag unlad ang
ating sariling bayan. Hindi man natin ito kagustuhang mangyari ngunit ito ang patuloy na
magaganap hanggat hindi natin matututunang ituwid ang baluktot na pamamalakad nang
mga namumuno sa atin at pagsikapang tayo nang may natitirang dangal sa ating sarili at
subok ang kahandaang magsakripisyo para sa ating mga mahal sa buhay ang
magpursiging gumawa nang pagbabago.

Nasaan ang mga matatalinong anak nang mga magsasaka at ordinaryong empleyadong
Pilipino na pagkatapos gastusan at pag-aralin mula sa buwis nang mamamayan ay
kinalimutan na ang tungkulin nila sa kapwa at sa bayan? Sino ang nakikinabang sa
kanilang pinaghihirapan ? Sino ang umuunlad at patuloy na nalulubog sa kumunoy nang
kahirapan sa kanilang mga tagumpay na nakakamit sa pang araw-araw at ano ang
kanilang silbi sa bayan at sa susunod na henerasyon nang mga Pilipino.May karapatan pa
ba silang tawagin ang kanilang sarili bilang mga Pilipino? Ano ang maaari nilang
magawang tulong sa pagbangon nang bayan.

Ang pagoorganisa sa labas nang bansa upang mahikayat na bumalik na o kung


hindi man mamaksimisa sa tamang paraan nang pagtulong ang mga Kababayan
nating nagtagumpay na sa kanilang piniling propesyon at linya nang
pagpapakadalubhasa at ang mga organisasyon at samahang sibiko nang mga
Pilipinong pirmihan nang namalagi sa ibayong Dagat.
(hindi pa tapos )
Pangwakas na pahatid….

Tatahak ang sambayanan sa tunay na landas nang pagbabago kung mula sa loob at labas
nang bansa …simula sa bata hanggang matanda , wala sa yaman at karunungang taglay
ay may pangangailangang ipaunawa ang pangangailangan nang pagpapakasakit at
pagsasakripisyo para sa kapakanan nang kapwa at bayan. Kikilos tayo patungo sa
pagbabago kung tatanggapin natin ang tunay na nakakahiya at kalunos lunos na sinapit
nang ating nang iisang bansa at nang napaka pangit na kinabukasang ipamamana natin sa
sa susunod na henerasyon . Wala sa kamay nang iilang pamilya,korup na mga pulitiko at
dayuhang interes na matagal nang nagdedesisyon at nagiisip para sa atin ang maghahatid
nang katinuan at pagpapahalaga sa pambansang kamalayan dito sa ating bayan. Ang
pambansang kamalayan ay mahuhubog bunga nang pagsasama-sama nang ibat ibang
Pilipinong nais bigyan nang katubusan ang kanilang kahirapan ,nais ibangon ang
dinungisang dangal nang ating lahi at hanapan nang positibong tugon ang katanungang
hanggang kailan manantiling ganito ang gobyerno nang mga Pilipino at takbo nang buhay
nang mamamayan sa Pilipinas.Hangang kailan tayong lalakad nang nakayuko habang
kinukutya at tinatawanan nang buong mundo.

You might also like