P. 1
Walang Iwanan Sa Bayan Ni Juan

Walang Iwanan Sa Bayan Ni Juan

4.0

|Views: 222|Likes:
Published by Amos Tarana

More info:

Published by: Amos Tarana on Jul 07, 2009
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as DOC, PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

07/08/2009

pdf

text

original

Walang Iwanan sa Bayan ni Juan

~Yuri Cipriano~ Bago pa man ako nagpasyang mangibang bansa ay binulabog muna ako ng pagdadalawang isip matapos makita sa telebisyon ang kampanya ng ABS-CBN na may islogang ‘Walang Iwanan sa Bayan ni Juan’. Batid ko na hindi naman tahasang sinasabi sa islogan na iwasan na ang pangingibang bansa, ngunit para bang nagmumungkahi ito na ang pangingibang bansa ay ‘pang-iiwan’ sa Inang Bayan na sa kasulukuyan ay baon sa utang, kahirapan at pagpapahirap. Malakas pa naman ang talab sa damdamin ng salitang ‘walang iwanan’. Hindi nga ba’t ang mga nang-iiwan ay maituturing na traydor, walang pagmamalasakit at walang pagdamay o pakisama? Ang mga iniwanan ay mistula namang kawawa, malungkot at nag-iisa lang na dumaranas ng hirap at pagpapahirap. Ang ating kalinangan ay nagtuturo rin sa atin ng kahalagahan ng pagsasamasama. Kaya nga’t makikita sa pang-araw-araw na buhay ng mga pinoy ang pananatiling pagsasama-sama ng buong pamilya. Maging sa mga magkakaibigan ay buhay na buhay ang pagpapahalaga sa pagsasama-sama. Ang pagsasama-sama ay masasabing lakas din upang panibaguhin ang lipunan. Masasalamin ito sa pangalan pa lang ng samahang itinayo ni Andres Bonifacio, ang Katipunan – nagtitipon o nagsasama-sama para sa isang makabuluhang pambayang layunin. Pati na sa EDSA 1 at 2 ay masasalamin ang kakayahang magsama-sama ng mga Pilipino upang panibaguhin ang Bayan ni Juan. Nakakapag-isip tuloy na baka nga itong pangingibang bansa ng mga OFW ay isang malinaw na pagsasantabi sa pinapahalagahang kalinangan ng mga Pilipino – ang pagsasama-sama sa hirap at ginhawa. Nabubuo tuloy ang katanungang: Iniiwan ba talaga ng OFW ang Bayan ni Juan? Malamang nga na iniiwan ng isang Pilipino ang Bayan ni Juan kung siya ay nagpapasasa sa ginhawa sa ibang bansa samantalang ang kanyang iniwang bayan naman ay naghihingalo na dahil sa sobrang paghihirap. Malamang na pang-iiwan nga na matatawag kung ang isang Pilipino na nangibang bansa ay nagpapalit na ng kanyang nasyonalidad at pinili nang manatili sa ibang bansa at doon na mamuhay panghabang panahon. Pang-iiwan din sigurong maituturing kung ang isang Pilipino na nangibang bansa ay wala nang pakialam sa mga pangyayari sa Pilipinas at sinasabing: Naku, ang Pilipinas, wala nang pag-asa iyan. Kaya’t magkanya-kanya na lang tayo! Sa halos isang taon ko nang pananatili sa labas ng Pilipinas, batay sa aking karanasan at sa karanasan ng aking kapwa OFW, ay nakita kong ang mga OFW ay hindi naman nagpapasasa sa ginhawa, nanatili at taas nuo pa rin ito sa kanyang pagka-Pilipino, laging sumusubaybay at nagmamalasakit sa mga kaganapaan sa bansa, naniniwalang makakaahon pa rin ang bansa sa kahirapan at nag-aatubili o kaya’y nangangarap na sa huli ay makauwi pa rin sa Pilipinas at sa Bayan ni Juan manatili hanggang sa huling hininga.

Batay sa mga nabanggit, masasabi ko na ang OFW ay hindi nang-iiwan. Bagkus, sa pamamagitan ng kanyang natatanging kakayahan, ay lakas-loob na nagpasyang makiisa sa kahirapang dinaranas ng kanyang bayan. Hindi nga naman hamak na madali ang buhay sa ibang bansa. Ang mga OFW, katulad ng karamihang Pilipino sa Bayan ni Juan, ay nanatiling nagtitiis sa gutom dahil sa pagtitipid, nagsisiksikan sa maliit na kuwarto, nakikibaka sa sari-saring karahasan, nagtitiis sa dahas ng sobrang init at lamig, at nagsisikap na makaahon sa buhay mahirap. Ang pakikiisa ng OFW sa paghihirap ng sambayanang Pilipino ay may natatanging katangian. Sapagkat ang kanyang pakiisang ito ay nagnanais na panibaguhin ang buhay ng kanyang mga minamahal kahit na nga siya ay malagay sa kapahamakan. Ang OFW ay nagpasyang umako sa lahat ng hirap at pagtitiis sa ibang bansa guminhawa lang at magkaroon ng katuparan ang mga pangarap ng kanyang mga mahal sa buhay sa Bayan ni Juan. Ang buhay ng isang OFW sa ibang bansa na puno ng hirap at pagtiis ay hindi lang nagpapaginhawa para sa kanyang sariling pamilya kundi pati na rin sa buhay ng bansa. Hindi nga ba’t ang kanyang remittances ay ang siyang nagdurugtong sa hininga ng ating bagsak na ekonomiyang pinapalala ng korupsyon? Kung walang OFW na pikit matang nakikipagsapalaran sa buhay at kulturang hindi niya kinalakihan, ano na kayang nangyayari sa ngayon sa Bayan ni Juan? Ang islogang ‘Walang Iwanan sa Bayan ni Juan’ ay makapaghamon sana sa bawat Pilipino na tukuyin kung sinu-sino ba talaga itong mga taong ‘nang-iiwan’. Magtulak sana sa bawa’t isa sa atin upang suriin kung sino ba talaga itong mga taksil sa bayan, kung sino ba talaga itong mga makasarili at tumatalikod sa kagalingan ng mamamayan, kung sino ba talaga itong walang malasakit -- nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sa dinaranas na paghihirap ng karamihan, at kung sino ba talaga itong patuloy na nagpapahirap sa taong bayan. Sa ngayon, isang bagay lang ang sigurado ko: Ang may malay na Bagong Bayani ay hindi nang-iiwan. Siya ay patuloy na nakikibahagi sa pagpasan ng kahirapan at pagpapahirap na dinaranas ng kanyang mga kababayan kahit na ikapapahamak, maranasan lang ng lahat ang kaginhawaan. Ika-27 Hunyo 2009 (Araw ng Ina ng Laging Saklolo) Al Satwa, Dubai United Arab Emirates ----------------------------Kung sa tingin ninyo ay makabuluhan at makatotohanan ang sanaysay na ito, maaari lamang na iboto sa Pinoy Expats Blog Award (PEBA): http://www.pinoyexpatsblogawards.com/ at hanapin ang “Anino at Liwanag”. Pakibahagi na rin ng akdang ito sa iba pang kaibigan sa Pilipinas at sa mga kaanak/kaibigan/kakilalang OFW sa buong mundo. Para sa mga puna, ang may-akda ay maaaring makaugnayan sa kayhiwaga@yahoo.com. Maaari ring bisitahin ang kanyang blog para sa iba pang akda sa http://amostarana.blogspot.com.

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->