Professional Documents
Culture Documents
Mga Ugat
Mauugat ang UP SWF noong 29 Mayo 1989, nang aprobahan ng Lupon ng Rehente
ng UP ang UP Patakarang Pangwika. Ginawa ang nasabing patakaran upang
maisakatuparan ang mga probisyong pangwikang nakasaad sa Saligang Batas
noong 1987. Pangunahing itinatakda ng UP Patakarang Pangwika na gamitin ang
Filipino bilang tulay ng pagtuturo sa Unibersidad sa di-gradwadong lebel sa loob ng
makatwirang panahon ng transisyon. Sa nasabing panahon, pasisiglahin ang
paggamit ng Filipino sa pananaliksik, gawaing eksteksiyon, at bilang wika ng opisyal
na komunikasyon. Tatangkilikin din ang paggawa ng mga teksbuk at iba pang gamit
panturo; pauunlarin ang pananaliksik sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas,
habang isinusulong ang pagsasaling-wika.
Habang nasa yugto ng transisyon tungo sa malawakang paggamit ng Filipino,
magpapasimuno ang Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng
UP sa sa pagtuturo ng wika, pananaliksik, at serbisyong ekstensiyon na pawang
itataguyod ng mga yunit ng Edukasyon at Lingguwistika. Itinakda rin sa Patakarang
Pangwika ang pagtatatag ng Sentro ng Wikang Filipino upang suportahan ang mga
gawain ng mga iskolar sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas.
Nang pagtibayin ang Patakarang Pangwika ay naitatag ang UP Sentro ng Wikang
Filipino (UP SWF) na tumulong sa pagsubaybay sa pagsasakatuparan ng
Patakarang Pangwika sa antas ng sistema ng UP. Pagdaka'y naitatag din ang iba
pang sangay nito sa iba pang yunit ng UP, gaya sa Los Baños, Maynila,
Visayas/Iloilo, Mindanao, Baguio, Cebu, at Tacloban.
Dumaan sa yugto ng debolusyon ang UP SWF noong Marso 2001. Itinatag ang UP
Konseho ng Wikang Filipino na sumubaybay sa gawaing pangwika sa antas ng
sistema ng UP. Itinatag ang SWF sa UP Diliman. Ang mga sangay ng UP SWF sa
bawat yunit ng sistema nang malaya ngunit patuloy na nakikipag-ugnay hinggil sa
mga proyekto at gawain sa antas ng UP Konseho ng Wikang Filipino.