1. Ang Komunikasyon ay isang proseso. Isang proseso ang komunikasyon
na kinapapalooban ng marami pang proseso. Hindi lamang ito kinasasangkutan ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe. Halimbawa, bago makapagpadala ng mensahe ang isang tao sa ibang tao, kailangang isipin niya muna kung ano ang mensaheng ipadadala niya, paano niya iyong ipadadala, anu-anong salita ang kanyang gagamitin, paano niya iyon isasaayos upang maunawaan, sa anong daluyan niya iyon pararaanin at ano ang inaasahan niyang reaksyon ng pagpapadalhan niya ng mensahe. Ito ang tinatawag na proseso ng encoding o ang proseso ng pag-eencode ng mensahe. Kapag natanggap na ng ibang tao ang mensahe, iisipin niya (tagatanggap) naman kung ano ang kahulugan ng mensaheng iyon, ano ang inaasahang reaksyon mula sa kanya, paano niya iyon tutugunan at sa paanong paraan niya ipadadala ang kanyang reaksyon. Ito naman ang tinatawag na proseso ng decoding o proseso ng pagde-decode ng mensahe. Idagdag pa na ang proseso ng komunikasyon ay hindi maaaring one-way lamang. Ito ay isang prosesong closed-circuit.
2. Ang proseso ng komunikasyon ay dinamiko. Isang filosofer ang minsang
nagsabi na walang taong makatutuntong sa gayon ding ilog nang higit sa minsan. Ano ang ibig sabihin nito? Bawat sandal, nagbabago ang ilog sapagkat dumadaloy ang tubig nito. Tumutuntong mang muli roon ang isang tao, ang tubig na una niyang tinapakan ay umaagos na. hindi na rin siya ang dating taong unang tumuntong sa ilog na iyon dahil filosofikali ay tumatanda na siya. Paano’y tumatanda ang lahat ng tao sa paglipas ng bawat segundo, hindi ba? Gayon din ang komunikasyon. Minsang nangyari, hindi na mauulit. Ulitin man nating muli ang mga salitang una nating tinuran, nag-iiba na ang komunikasyon dahil iba na ang panahon. Paano’y ano mang komunikasyon ay naiinfluwensyahan ng oras, lugar, mga pangyayari at mga taong sangkot sa proseso, kung kaya’t ang komunikasyon ay nagbabago o dinamiko dahil sa influwensya ng pagbabago ng mga ito.
3. Ang komunikasyon ay komplikado. Nagiging komplikado ang proseso ng
komunikasyon dahil sa paraan ng pagtingin ng mga sangkot sa komunikasyon sa isa’t isa. Ito ang tinatawag na persepsyon na hindi laging pare-pareho. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap, halimbawa, ang kanilang komunikasyon ay naiinfluwensyahan ng: a. persepsyon ng isa sa kanyang sarili, b. persepsyon niya sa kanyang kausap, c. iniisip niyang persepsyon ng kanyang kausap sa kanya at d. ang tunay na persepsyon ng kanyang kausap sa kanya. Ang kanyang kausap ay mayroon ding: a. persepsyon sa kanyang sarili, b. iniisip niyang persepsyon niya sa kanyang kausap, c. iniisip niyang persepsyon ng kanyang kausap sa kanya at d. tunay na persepsyon niya sa kanyang kausap. Komplikado, hindi ba? Bunga ng komplikasyong dulot ng mga persepsyong ito, may mga komunikasyong hindi nagiging mabisa at humahantong sa hindi pagkakaunawaan.
4. Mensahe, hindi kahulugan, ang naipadadala/natatanggap sa
komunikasyon. Pansinin muli ang kahulugan ng komunikasyon. Ito ay proseso ng pagpapahatid at pagtanggap ng mensahe, hindi kahulugan. Kapag nagpadala ang isang tao ng mensahe sa pamamagitan ng salita, halimbawa, maaari itong magkaroon ng iba’t ibang pakahulugan. Paano’y ang pagpapakahulugan sa mga mensahe ay nakasalalay sa tumatanggap nito. Halimbawa, kapag narinig mo ang salitang baboy, ano kaya ang kahulugan ng mensaheng iyon sa iyo? Gayon din kaya ang pagpapakahulugan ng iba? Paanong nangyari iyon gayong parehong mensahe naman ang sa inyo’y naipadala at inyong natanggap? Paano’y hindi naman aktwal na kahulugan ang ipinadala at natanggap, mensahe pa lamang. Ang pagpapakahulugan ay depende na sa tumanggap nito.
5. Hindi tayo maaaring umiwas sa komiunikasyon. Kahit pa tayo’y hindi
magsalita, nakikipagtalastasan tayo sa ating kapwa. Pansinin ang dalawang taong nasa loob ng eleveytor, halimbawa. Hindi sila nag-uusap. Nag-iiwasan pa nga sila ng mata. Malinaw nilang naipadadala ang mensahe ng kawalan ng interes sa isa’t isa. Sa hindi pag-imik at pag-iwas ng tingin, kapwa nila naipadala at natanggap ang mensaheng huwag mo akong kausapin! Nagkaroon sila ng komunikasyon, hindi ba? At hindi nila iyon naiwasan! Kung tutuusin, kahit tayo’y nag-iisa, hindi natin maiiwasan ang mag-isip. Anong uri ito ng komunikasyon? Intrapersonal, hindi ba? Lalo na kapag may mga tao sa ating paligid. Hindi man tayo magsalita, sa ating mga kilos, galaw, kumpas at anyo, hindi man sinasadya ay nakapagpapadala tayo ng mensahe sa iba.
6. Lagin may dalawang uri ng mensahe sa proseso ng komunikasyon.
Ang mensaheng ito ay maaaring mauri sa a) mensaheng pangnilalaman o mensaheng panglinggwistika at b) mensaheng relasyunal o mensaheng di- verbal na nagpapahiwatig ng iyong damdamin o pagtingin sa kausap. Halimbawa, habang ang isang tao’y nakikipag-usap sa kaibigan, ang mga sinasabi niya ang mga mensaheng pangnilalaman. Samantala, ang kanyang relaks na pangangatawan, madalas na pagtingin sa kaibigan at lapit o agwat naman ang mga mensaheng relasyunal na nagpapahiwatig na komforable siya sa kausap. Kung gayon, sa proseso ng komunikasyon, dalawang uri ng mensahe ang naipadadala at natatanggap at kadalasan, ang pagpapakahulugan sa mensaheng iyon ay bunga ng influwensya ng isa sa isa.