You are on page 1of 24

DAHIL SA ANAK

ni Julian Cruz Balmaceda

Mga Tauhan ng Dula

ARKIMEDES
CRISTOBAL
MANUEL
RITA
SIDORA

Tatlong batang lalaking sunod- sunod ang laki

I. Ang pangyayaring ibinubuhay ng dula ay maipapalagay na maaaring mangyari


kahit saan, at kahit kailan sa panahong ito.
II. Ang kaliwa’t kanang binabanggit sa dula ay dapat pakahulugang kaliwa’t kanan
ng manonood.
__________________
Ang sino mang gaganap ng papel ng Sidora ay kailangang maging mataba kaysa
karaniwan.

Lalong mabuting kung may talagang sanggol na magagamit, ngunit kung wala’y
isang maynika na lamang.

DAHIL SA ANAK
Ang ayos ng tanghalan ay loob ng isang bahay-mayaman. Mapagkikilalang ito’y
isang bahay sa una dahil sa mga kasangkapang gamit. Ipalalagay din na ang
namamahay ay may ugaling kakahapunin, at mapaniwalain sa mga utos ng
pananampalataya.Sa dakong kaliwa ng nanonood ay naroon ang silid ng maybahay. Sa
dakong kanan ay may mga bintana, At sa dulong kanan ay isang pintong patungong
labas. Sa dulong kaliwa ay may isa ring pintong patungo sa isang panig ng looban ng
bahay. Pagkaangat ng tabing ay makikitang nangakaupo at nag-uusap ang magpinsang
si Don Arkimedes at Don
Cristobal.

Unang Tagpo
Si Don Arkimedes ( suot pambahay) at Si Don Cristobal ( suot panlakad).

CRISTOBAL- Liwanagin mo ang ating pinag-uusapan, primo, at kung makukuro mo ang


magiging hangga’y maaaring magbago ka ng isipin at palagay.

ARKIMEDES- Ang lagay ba’y naparito ka upang ipagtanggol ang walang-hiyang


iyan…?
CRISTOBAL- Isipin mo, primo, na ang tinatawag mong walang-hiya ay tunay mong
anak …. Ang bugtong mong anak na iniwan sa iyo ng nasira ….

ARKIMEDES- (Titindig at magpapahalata ng kapootan) ….Primo….iya’y hindi ko na


anak , mula sa mga sandaling iya’y maka-isip na gumawa ng napakalaking kasalanang
gaya ng kanyang ginawa… siya’y hindi ko na anak… Siya’y hindi karapat-dapat na
magtaglay ng aking apelyido… Kahiya-hiya…! Karima-rimarim…! Isang malaking batik
iyan sa lahi ng mga Lakambayan… Oo, walang patawad ang kanyang ginawa…

CRISTOBAL- Huwag mong ipasupil sa iyong puso ang iyong isip…Ang nangyari sa
inyong mag-ama’y nangyayari sa lahat…

ARKIMEDES- Nagkakamali ka, primo…hindi nangyari, kailanman sa aming lahi ang


bagay na iyan … Oo talagang walang-hiya, walangturing….walang….

CRISTOBAL- Dahan- dahan…

ARKIMEDES- Hindi, hindi ako makapagdahan-dahan, kapag naglalagablab ang aking


isip sa galit …Oo… walang pinag-aralan, bastus…

CRISTOBAL- Baka ipalagay tuloy ng mga kapitbahay na ako’y siya mong minumura at
tinutungayaw…

ARKIMEDES- Ano ang mawawala sa akin …? Pintasan ako ng buong bayan … pulaan
ako ng lahat… pagtawanan ako ng kahit sino… walang kailangan …Hindi ba’t ngayo’y
pinagtatawanan na ako, pinupulaan at pinipintasan ng bala ng nakakikilala sa akin…?

CRISTOBAL- Natatalastas ko ang iyong ikinagagalit . Oo, hindi kita sinisisi … sa


palagay ko’y may matwid ka, datapwat lahat ay may kanyang hangganan …Ang ginawa
ng iyong anak ay isang bagay na di kataka-takang gawin ng kabataan ngayon … dahil sa
kakapusan ng pagkukuro sa mararating…

ARKIMEDES- Primo… alam mo na kung gaano ang pagtatangi ko sa iyo, kaya kung
pinahahalagahan mo ang ating parang magkapatid na pagsasama ay hinihiling kong
huwag na nating pag-usapan ang bagay na iyan… (palipas.) Sapagka’t makakain mo
bang gawin sa iyo ng itinuturing mong bugtong na anak pa naman na ikaw ay dalhan ng
isang apong ni di man lamang nagdaan sa simbahan ? kung sa bagay ,tayong lahat ay
naging ama… ang aking ama ay naging ama rin … ang ama ng aking ninuno ay naging
ama rin …ang ama ng…

CRISTOBAL- Oo, ang ama ng iyong ninuno …ay naging ama rin.

ARKIMEDES-Ngunit ni isa ma’y di nagkaroon ng kapangahasang gaya ng


kapangahasang ginawa ng aking’mabait’ na anak…Sayang , sayang ang
pagkakapagpaaral ko sa hayop na iyan…Oo, sayang…! Walang education…
CRISTOBAL- Ikaw rin ang masisisi sa nangyaring iyan at hindi ang anak mo lamang …
Pinalaki mo sa malabis na layaw ang iyong anak . Nalimutan mo ang sabi ni Florante na---
Ang laki sa layaw ,
karaniway hubad
Sa hatol at mun’t sa
aral ay salat…

ARKIMEDES- Nakita mo na? Sa bibig mo na rin nagmumula ang pagbibigay-sisi sa


magulang, dahil sa kagagawan ng anak… saka ngayon ay ikaw ang mamamagitan upang
huwag kong pansinin at alintanain ang kanyang kaalibughaan…?

CRISTOBAL-Dapat mong malaman, Primo, na ako man ay nagdadamdam din sa


nangyari, kaya’t kinausap ko si Manoling at sinabi ko sa kaniya na ang kanyang ginawa
ay pangit… napakapangit…!

ARKIMEDES-Kapangit-pangitan…!ang sabihin mo.

CRISTOBAL-Oo, Pangit pa sa dilang pangit…ngunit ano ang sinabi niya sa akin? “Tito
Cristobal”, ang sabi niya… “Ang nangyari ay nangyari na at hindi na natin maiuuli pa sa
rati. Hindi ko maaaring itapon sa lansangan ang aking anak …” At kung ang ginawa ng
iyong anak, ay gaya ng ginagawa ng iba na ayaw kumilala sa laman ng kanyang laman, at
sa dugo ng kanyang dugo…ano ang sasabihin mo?

ARKIMEDES-Lalo ko siyang mapapatay… Kung may pitong buhay man siya’y uutasin
kong lahat…

CRISTOBAL- Mangyari pa… kaya ngayon, si Manoling ay wala ng paraang magagawa


kundi ang magpasan ng tungkulin ng isang ama… at ang sabi nga niya: “ ang nangyari’y
nangyari na” At saka’t sa ibig mo, primo… agwelo ka na … isang bagong Arkimedes ang
sumilang sa iyong angkan na siyang magpapakilos ng daigdig ….

ARKIMEDES- Agwelo?

CRISTOBAL-Mangyari, may apo ka na … at di apo sa pakinabang kundi apong tunay…


isang apong magdadala ng iyong pangalan… Arkimedes Lakambayan. Junior …

ARKIMEDES- Iyan ang hindi maaari.

CRISTOBAL- Kung ayaw ka ng ‘Junior ‘ ay tatawagin nating Arkimedes Lakambayan,


II , nalalaman mo bang ipinanganak ang iyong apo ng mismong araw ng iyong ika-50
kumpleanyos?

ARKIMEDES-Basta kung ayaw kong ipamana sa kaniya ang aking ngalan at apelyido ,
ay ano ang kanyang magagawa? Maiaalis baga sa aking ipagkait ko ang aking pangalan
sa iba?
CRISTOBAL-Diyan ka nagkakamali. Isang katutubong karapatan ng iyong apo na
gamitin ang pangalang sa kaniya’y ukol. Iyan ang kayamanan mong maaaring kunin sa
iyo ng iba sa harap-harapan, at ikaw ay di makakikibo. At saka isa pa: Kasalanan ba ng
iyong apo na ang maging ama niya’y si Manuel, at ikaw ang maging nuno?

ARKIMEDES- Matanong kita : sino ang kamukha ng bata?

CRISTOBAL-Ikaw sa isang dako…

ARKIMEDES- Ano ang ibig mong sabihin?

CRISTOBAL- Kamukha mo sapagkat kung makasigaw ay abot sa kapitbahay.

ARKIMEDES-Demonyo…!

CRISTOBAL- At kung tumawa..walang iniwan sa kanyang agwela sa ina.

ARKIMEDES- Sa ina? Sa ina ni Rita? Ang labandera?…Isang butil na lamang upang


kalusin ang salop… Oo….Iyan pa nga ang hindi ko malunok-lunok. Papasok sa silong ng
bubong ng aking tahanan ang isang anak lamang ng labandera…! Pasasaan ka, oo pasasaan
ka?

CRISTOBAL- Diyan ka nagkamali ng panukat, primo. Kilala ko ang ina ni Rita. Oo,
labandera nga, ngunit ikaw ma’y hahanga sa babaeng iyon noong nabubuhay….Sa
kaniyang sariling pagsisikap at sa likod ng di kakaunting pagtitiis, kahit gapang ,
iginapang ang pagpapaaral sa kaniyang bugtong na anak, si Rita nga, at una ang Diyos, si
Rita’y nakatapos sa Normal School at nakapagturo sa paaralang bayan… Datapwat diyan
siya nakilala ng iyong anak…Namatay ang kaniyang ina, at si Rita’y naiwan sa piling ng
kaniyang tia, na halos sunod-sunod na parang organo ang mga anak. Si Rita’y naalis sa
pagtuturo, mula sa sandaling makilala ng mga pinuno ng paaralang bayan ang kaniyang
kalagayan… at ngayo’y mag-ina silang sasagutin ng iyong anak…

ARKIMEDES- Samakatuwid, ang Ritang iyang anak ng labandera’y….

CRISTOBAL- Isang babaeng malinis , maypuri, maydangal…at maliban sa munting


batik na nilikha ng kalikutan at kagandahang lalaki ng iyong anak…ay walang
maisusurot sa kaniya ang makasalanang lipunan ng mga tao.

ARKIMEDES- Di kung gayon ay mag-iisang buwan na ang anak?

CRISTOBAL- Oo, isang buwan at labintatlong araw…

ARKIMEDES At hindi pa nabibinyagan?

CRISTOBAL-Hindi pa, sapagkat ang ibig nila’y magpakasal muna bago pabinyagan ang
iyong apo…
ARKIMEDES-O, ay ano ang kanilang ginagawa? Bakit di pakasal kung pakakasal, at
pabinyagan ang bata, upang lumaking moro at simaron…

CRISTOBAL- Kung sa bagay kapwa nangasagulang maging si Manuel , maging si


Rita…ngunit palibhasa’y ibig ni Manuel na mahugasan ang kaniyang pagkakasala , kaya
ang hinihintay ay ang iyong pahintulot…

ARKIMEDES- Pahintulot? Aanhin pa ang pahintulot? Nang siya ba’y magtayo ng


‘templo’ ay nangailangan ng aking pahintulot ? Komporme na akong siya’y mag-asawa ,
kung ibig niya, upang mailigtas sa kasalanan ang kaniyang walang malay na anak…
ngunit kung ako pa ang magiging alkagwete na magbibigay ng pahintulot… ay iyan ang
hindi maaari.Sinabi mong sila’y maylayang pakasal…. Aber… pakasal sila,at tapos ang
kwento. /Palipas/ Hind ko sinisisi ang bata … ang sinisisi ko ko’y ang ama’t ina … kaya
kung ibig nila’y pakasal sila, kahit makasanlibo at ako’y di kikibo , sapagkat sinabi ko sa
iyo na malaon nang nayari ang aking pasiya: ako’y walang anak. Ako’y nagkaroon ng
isang anak na suwail, at ang suwail na yao’y malaon ko nang ipinagtulos ng kandila.

CRISTOBAL- Bueno…. Kung mag-uulit tayo ng salitaan ay hindi na kita sasagutin.


Naganap ko na ang aking tungkulin : “ Ang paalaala’y gamut sa taong nakalilimot….”
anang kasabihan. Napaalaalahanan na kita, ngunit kung ikaw ang nagkukusang lumimot
sa iyong tungkulin, ay wala akong magagawa.

ARKIMEDES- Pinasasalamatan kita , pinsan… ngunit bago ka umalis , ay utang na loob


sa iyo, kung makikita mo si Manoling, sabihin mo lamang na ibig ko siyang makausap.
Kapag sa unang tanungan namin ay di sumagot sa akin ng tama … o nasirang Manoling
siya o ako’y hindi na si Arkimedes…

CRISTOBAL- Oo, nariyan lamang si Manolo …. Tatawagin ko. (tutungo sa may pinto at
babalik) Ngunit ang paalaala ko lamang sa iyo … Huwag mong kalilimutang si Manoling
ay iyong anak.

ARKIMEDES- Nalalaman ko. Oo… hindi ko kalilimutan na siya’y aking anak…

CRISTOBAL- At hindi mo dapat pagbuhatan ng kamay…

ARKIMEDES- Bakit ko pagbubuhatan ng kamay?

CRISTOBAL- Nakikilala kita … kapag nagdidilim ang iyong isip ay gumagawa ka ng di


mo nalalaman….

ARKIMEDES- Oo, nalalaman ko….

CRISTOBAL- At isaisip mo na ikaw man, at ako man , ay nagdaan din tayo sa


kabataan….

ARKIMEDES- Pero, tatawagin mo ba, o ako ang tatawag…..?


CRISTOBAL- Oo, ako ang tatawag… Ay, Arkimedes…. Arkimedes!
(Papasok sa pintong kanan , samantala’y yao’t dito sa buong bahay si Arkimedes
na bulong ng bulong at kumpas ng kumpas.)

Ika-II Tagpo
Si Arkimedes at si Manuel

MANOLO- Papa! (Magalang na tutungo ang ulo)

ARKIMEDES (Anyong dadaluhungin ni ARKIMEDES. Si Man., ngunit mapapaurong.)


Kaunting lamig , Arkimedes … Hindi mo dapat ulilahin ang isang walang malay na
sanggol.

MANUEL- Sabi sa akin ni Tio Cristobal na tinatawag daw ninyo ako.

ARKIMEDES-Oo, tinatawag kitang walanghiya… iyon, hindi ba sinabi sa iyo ng Tio


Cristobal mo?

MANUEL- Mahigpit pa sa roon ang napansin ko sa kaniyang mga sinabi.

ARKIMEDES- At inuulit ko sa iyong mukha… walang ….(Akmang pagbubuhatan ng


kamay, ngunit muling magpipigil , samantalang ikinakanlong ni Manuel ang kanyang
mukha
sa dalawang bisig) Huwag kang magulat . Hindi kita sasaktan….

MANUEL- At bakit ako magugulat…. Saktan man ba ninyo ako ay ano’t ako’y
magugulat. Kung kayo sana’y hindi ko kilala….

ARKIMEDES- O, ngayon ay ano ang iyong gagawin ? Ano ang lagay ng bata ? May
ngipin na ba? Tumatawag na ba ng lo…ng Papa?

MANUEL- Hindi pa, walang malay pa ang bata… sasambuwan pa…

ARKIMEDES- Sa akala mo ba’y mabuti na ang iyong ginawa na ako’y handugan mo ng


isang apo sa gulang kong ito? Hindi ka ba nakukutyang tawag-tawagin ako ng ‘lolo’ ng
balana?

MANUEL- Hindi ba’t balang araw ay tatawagin ding kayong lolo ng inyong apo,gaya ng
pagtawag ko ng ‘lolo’ sa inyong ama?

ARKIMEDES- Oo, ngunit naghintay ako ng tatlumpong taon bago ko hinandugan ng


isang apo ang aking ama…. At isang apong isinunod ko sa lahat ng hinihingi ng
simbahan at ng katutubong ugali ng lahi ng mga Lakambayan…. Ngunit ikaw …. Sa
gulang mong iyan…. Dadalawampu’t dalawang taon ka pa… sukat mong magawang
dulutan ako ng isang apong galing sa tabing bakod….?

MANUEL- Papa ang aking anak ay….

ARKIMEDES- Oo, walang kasalanan….

MANUEL- At di anak sa tabing bakod.

ARKIMEDES- Gayon nga ang tawag sa mga anak sa labas ng matrimonyo.

MANUEL-Mali ang ganyang tawag…. Tumututol ako!

ARKIMEDES- Marunong ka nang tumutol…. Padre de familia ka na nga…. May


independencia ka na … at kaya pala nagdaan ang singkad na siyam na buwan ng di mo
man lamang naipagtapat sa akin. Ang templo lamang ni Solomon ang niyari sa loob ng
pitong taon nang walang katog….Akala ko pa naman ay napakabait kang bata….
Ipinagmamalaki kita sa iba… Sinasabi kong madalas : Tingnan ninyo si Manuel
dalawampu’t dalawang taon na’y wala pa sa loob ang pag-aasawa, at sabi ko pa nama’y
‘magmamana sa ama’ .Ngayon , gaano karami ang taong napagsabihan kong ikaw ay sa
akin magmamana? Hindi mo ba ikinahihiya iyang matala sa pardon ng simbahan na ang
anak mo’y sumilang sa labas ng bakuran ng Iglesia?

MANUEL_ Papa… (Akmang sasagot)

ARKIMEDES- Hintay ka , huwag kang sumagot … Bayaan mong akong matapos . Ano
ang sasabihin ng tao na kung kayo’y ikasal ay namumulot na ng pera ang iyong anak sa
lansangan …. O kaya’y may dala ng singsing at aras na pangkasal?

MANUEL- Pakinggan ninyo ako sandali…

ARKIMEDES- Sinabi ko nang huwag kang sasagot. Ako’y nakikilala mo na. Iisa akong
magsalita. Sa loob ng tahanang ito ay walang kaloobang masusunod kundi ang kalooban
ko lamang, at ngayon, yayamang di mo nagunita na ikaw ay may isang amang dapat
sanggunian at pagtanungan , mula ngayo’y wala kang ama…. Mula sa mga sandaling ito
ay sarili mo na ang dapat mong sundin …. (Palipas. Mauupo sa isang silya si ARKIMEDES.
At mapapansing nagpupuyos sa galit at habag ng loob . Si Man. Ay di makakibo.) Ngayon,bakit
di ka magsalita?

MANUEL- Ngayon, narinig kong lahat ang inyong sinabi. Hindi ko maiaalis sa inyo na
tayo’y magkaiba ng palagay. Mapapanaingahan ba ninyo akong ilang saglit?

ARKIMEDES- Magsalita ka… Magsalita ka…

MANUEL-Ipinagtatapat ko sa inyo na ang pag-iibigan namin ni Rita ay dalisay, wagas


at….
ARKIMEDES- Pag-iibigang labag sa mabuting kaugalian…

MANUEL- Labag man o hindi sa ipinapalagay ninyong ‘mabuting kaugalian’ ngunit ang
katotohanan ay minamahal ko siya at ako’y kaniyang minamahal din naman. At tawagin
man ng daigdig na ang aking anak ay anak sa ligaw, anak sa tabing bakod, datapwat sa
harap ng Diyos,siya’y aking anak…. Dugo ng aking dugo, at laman ng aking laman….
Nalalaman kong ako’y may malaking utang na dapat kilalanin sa inyo, alang-alang sa
inyong pagkakapagsakit na ako’y mapalaki, mapag-aral at matutong makakilala ng aking
mga pananagutan sa buhay…. Dahil sa mga halimbawang iyang ipinakita ninyo sa akin,
kaya naman natatakal ko kung gaano ang bigat ng aking sagutin sa aking
anak….at…. (Makailang hahadlang sa pagsasalita si ARKIMEDES. Ngunit di
bibigyang panahon ni Man. na makasagot.) sapagkat si Rita’y nakikilala kong hindi ko
ikahihiyang tawaging asawa sa harap ng tao’t sa harap ni Bathala, at di ko ikabababa na
ang aking abang pangalan ay ipamana sa aking anak; at yayamang natupad ko na ang
aking tungkulin sa inyo at kayo’y nagpakilala sa akin ng inyong di na mababawing
pasiya….. ay ako ang nagsasabi sa inyo ngayon , na upang huwag ninyong masabing
kayo’y magkaroon ng isang apong ‘ anak’ sa ligaw ‘ , o sa tabing bakod…. O kung sa
ano man ninyo ibig ihawig …. Ay ako na ngayon ang nagsasabi sa inyo na mula sa mga
sandaling ito’y lilisanin ko ang tahanang ito,…. Ang tahanang itong kinakitaan ko ng
unang liwanag, ang tahanang itong kinatanggapan ko ng unang halik ng aking ina….
At…. Sa tulong ng aking sariling lakas ay mabubuhay ko rin ang aking mag-ina, at
madulutan ko balang araw ng isang tahanang dakila at marangal……

ARKIMEDES- Manuel…! Hindi ka makaaalis sa bahay na ito….ngunit hindi sa anak


labandera lamang….Matitiis ko ang lahat,ngunit di ko mapapayagang ikaw ay pakasal sa
babaeng iyan…. Oo, magdadaan ka sa aking bangkay, bago makitang ikaw ay dumulog
sa dambana na hatid ang anak ng isang labandera….

MANUEL- Iyan ang hindi maaari…. Pakakasalan ko si Rita sa ayaw man kayo at sa
ibig…

ARKIMEDES- Ano ang sinabi mo?

MANUEL- ang inyong narining … Ipinangako kong siya’y pakakasalan ko, at ako’y
isang lalaking marunong tumupad sa kaniyang salita….(Matigas ang salita)

ARKIMEDES- Tingnan mo Manuel …. Ang kaharap mo ay ang iyong tunay na ama , at


hindi ka dapat maglakas ng tinig….Gunitain mong ikaw ay aking anak….

MANUEL- Opo, at ang ipinagtatanggol ko ay ang karapatan ng aking anak….

ARKIMEDES- Dito’y walang ama kundi ako lamang … ako lamang ang masusunod .

MANUEL- Papa … Ipagpatawad ninyo sa akin na ito ang kauna-unahang pagsuway ko


sa inyo….
ARKIMEDES- Tingnan mo Manuel …. Ako’y di katandaan , ang mga bisig ko’y
magagamit ko pa , kung kailangan … Huwag mong piliting pagbuhatan kita ng kamay…

MANUEL- Ano man ang gawin ninyo sa akin ay hindi ko hahadlangan …. Hindi ako
magtatanggol sa sarili sapagkat ako’y inyong anak… ngunit kung ako’y titirhan ninyo ng
buhay …. Ay pakakasal din ako sa babaeng aking minamahal….

ARKIMEDES- Manuel….! (Galit na galit)

MANUEL- Papa……

(Akmang susunggaban ni ARKIMEDES si Man at siyang pagsungaw sa pinto ni


Cristobal.)

Ika-III Tagpo
Sila rin at si Cristobal

CRISTOBAL- Pero….nangawawalan na ba kayo ng isip, at ibig ninyong malaman ng


sambayanan ang nangyayari sa loob ng tahanang ito?

MANUEL- Ako ay wala ng sinasabing kahi’t ano …Nasabi ko na ang lahat ng dapat
kong sabihin.
(Mauupo sa isang sulok)

ARKIMEDES- Oo, wala ka nang masabi…. Ngunit ako’y marami pa, datapwat ako ay di
na magsasalita … Ako’y nagpapasalamat sa Diyos at ako’y binigyan niya ng isang anak
na suwail at walang turing … Pakasal ka , mag-asawa ka,yayamang ito ang iyong
hinahangad … datapwat inuulit ko sa iyo na para sa akin ay wala na kong anak at ikaw ay
wala nang ama…. Ako’y iisang mangusap… Paalam! (Walang kibong aalis upang
huwag ipahalata ang kaniyang pagdaramdam)

Ika-IV na tagpo
Si Cristobal at si Manuel

MANUEL- Tio Cristobal….

CRISTOBAL- Ano, Manuel….

MANUEL- Nakita ba ninyo?

CRISTOBAL- Oo, pinagmamasdan ko kayo mula roon sa labas.

MANUEL- Narinig ba ninyo ang aming salitaan?

CRISTOBAL- Oo, ang lahat.


MANUEL – Tinupad ko ang inyong bilin, ngunit walang nangyari…

CRISTOBAL –Talagang ang iyong ama’y masyadong matigas… Nasaan sina Rita?

MANUEL- Nariyan po sa kabilang bahay. Sinabi kong ako’y hintayin , at siya’y


tatawagin ko, matapos kong makausap ang aking ama. Malaki ang aking pag-asang
mapapalambot ko rin ang bakal na puso ng aking ama, ngunit ako’y nabigo…. Nasayang
ang lahat ng aking pagmamatigas. Walang mangyayari kundi ang kaming mag-ama’y
magkatikisan din sa wakas.

CRISTOBAL- Hindi pa rin … Ako’y may pag-asa pang totoo yung kasabihang …. “
Walang hindi matutupad pag taos ang paghahangad.”

MANUEL- Ngunit hindi sa aking ama. Para sa kaniya, ay yaong kaniyang kalooban
lamang ang dapat masunod. Siya’y namihasa na sa ganiyan , at ako’y tanak na sa
kaniyang ugali. Kayo man, lahat ng diplomasya ninyo’y hindi tumalab.

CRISTOBAL- Hindi ko pa itinutustos ang aking pisi, Manuel. Tawagin mo si Rita.

MANUEL- Tawagin ko si Rita? Baka kayo nabibigla….! Hindi ba ninyo kilala ang aking
ama? Ibig ba ninyong maghalo ang balat sa tinalupan? Kung saka-sakaling alipustain at
murahin sa aking harap si Rita, masusukat baga ninyo kung hanggang saan matatapos
ang aking pagtitiis? Iyan po ang hindi maaari , Tio Cristobal.

CRISTOBAL- Kung hindi mo susundin ang sinasabi ko … ay hindi na ako


manghihimasok sa iyong asunto. Sa palagay mo ba’y hindi ko nalalaman ang aking
ginagawa?

CRISTOBAL-Tawagin mo ….

MANUEL-At kung….?

CRISTOBAL- Ako ang bahala.

MANUEL- (Tutungo sa dakong kaliwa…. Ngunit mapapatigil) Tio Cristobal … naalaala


ko pala, na kasama ni Rita ang kaniyang tia . Kilala ninyo siya. Alam ninyo ang kaniyang
ugali. Sa kaniyang pagtitinda ng gulay sa palenke , di ba ninyo nalalamang pati pulis at
alkabalero’y nilalabanan? Kung iyan ay kaharap at saka lait-laitin ng aking ama si Rita ,
makukuro kaya ninyo kung gaano kalaking gulo ang ibubunga?

CRISTOBAL- Bueno, ako ‘y nakaisip ng isang paraan upang maayos ang gusot na ito ,at
nalalaman ko kung saan ako lalabas .Hindi ako papasok nang di ko nalalaman ang aking
lalabasan. Basta tawagin mo si Rita , pati ang kaniyang tia, at ako ang bahala ….
Nalimutan mo na ba yaong kasabihang …” Ang simulan sa maigi’y natatapos sa
mabuti.”…. Manuel … bata ka pa nga … alalahanin mo yaong kasabihang
“Magpakadunong ng bata, magtatanong sa matanda…?"
MANUEL- Pero (atubili)

CRISTOBAL- Tawagin mo, o ako ang tatawag?

MANUEL- (Hindi sasagot, tutungo sa bintana, bubuksan at may susutsutan ,


pagkatapos ay kakawayan) Sabihin ninyo kay Rita na parito na siya…. (Makikitang
kasama si Aling Sidora) Naku po … kasama ang tia… Tio Cristobal… simula na ng
malaking eskandalo!

CRISTOBAL- “ Hindi natututong lumangoy ang sa tubig ay di lulusong …”

MANUEL- Pero ano ang inyong gagawin?

CRISTOBAL- Bayaan mong kausapin nila ang iyong ama.

MANUEL- Bathala…. Ibig ba ninyong bukas na bukas din ay malathala sa mga


pahayagan na dito’y nagkaroon ng isang malaking alingasngas?

CRISTOBAL- Ang ibig ko ay ang tumahimik ka at bayaan mong ako ang magtapos ng
salitang ito.

MANUEL- Pero….

CRISTOBAL- Ikaw bay’ walang tiwala sa akin?

MANUEL- Kung sa bagay po ….. ngunit…..

CRISTOBAL- Anong ngunit….

MANUEL- Kilala ko po ang henyo ng aking ama….

CRISTOBAL- Bago mo makilala ang ama mo , ay nakilala ko na muna.

MANUEL- Narito na sila….

Ika –V tagpo
Si Cristobal, si Manuel , at si Rita na halos itulak na sa pinto upang pumasok si Sidora,
at tatlong batang lalaki na sunod sunod ang laki. ( Ito’y mga anak ni Sidora na pawang
marurumi ang damit , magugulo na gaya ng ugali ng mga batang lalaki sa lansangan.)

SIDORA- (Sa loob) Pumasok ka… ano ang ikatatakot mo? Hindi mo ba nalalaman at
kasama mo ako ? Akin na ang bata…..! (Kukunin ang bata.)

RITA- Magandang araw po….


SIDORA- Bigyan kayong lahat ng magandang araw. Narito pala kayo mang Tobal?

CRISTOBAL- Opo, opo aling Sidora…. Naririto ako (Kay Rita) Ano Rita? Ano ang
nasa loob mo?

RITA- Ano po ang ibig ninyong isaloob ko ? Hanggang doon sa bahay nina Aling Tasya
ay dinig na dinig ko ang pagmamatigas ng nuno ng aking anak. Dinig na dinig ko ang
kaniyang salitang “sa loob ng tahanang ito’y di niya mapapayagang tumuntong ang anak
ng isang labandera.” Kasalanan po ba ng aking ina ang siya’y matutong kumita ng
ikabubuhay namin sa pamamagitan ng paglalabada? Sa palagay marahil ay ako’y isang
babaeng lansangan….! (iiyak)

CRISTOBAL- Huwag kang umiyak. Wala ka pang dapat itangis.

MANUEL- Rita….!. (Lalapitan)

SIDORA- Ano ang iniiyak mo? Hindi mo nalalaman at ako’y naririto? Ano…? At sa
akin baga’y maaari iyang kahambugan ng kahit sinong ulo ng yaman sa lupa? Ako’y
isang maggugulay lamang, ngunit ipagbabababa ko ng pasan ang sabihing ang gulay ko’y
lanta at walang katas…. Maaari ba sa akin ang kaululan ng mga mayaman? Ipagpatawad
ninyo, Mang Tobal, hindi kayo ang tinutukoy ko…. Nagsususulak lamang ang dugo ko
kung marinig kong sa ami’y may inaapi.

CRISTOBAL- Nalalaman ko , aling Sidora.

SIDORA- Salamat po Mang Tobal (Magkakagulo ang bata at sisigawan ni Sidora)


Huwag kayong magugulo…..Pagbabalian ko kayo ng buto…. Nakita ninyo…. Mga
hampaslupa!

CRISTOBAL- Huwag ninyong pansinin , aling Sidora . Talagang ganyan ang mga bata.
Tayo man nama’y naging bata rin.

SIDORA-Ngayon ano ang ating gagawin ? Bakit tayo naparito? Tayo ba’y pahuhula?
A…a… sa akin ay hindi maaari iyan . Akoy sumama rito upang lutasin ang isang
matandang salitaan. Hindi ko mapapayagan na si Rita’y mamalaging walang asawa, at
ang anghelitong ito’y mawalan ng ama …. Iyan ang hindi ko mapapayagan…..

MANUEL- Tia Sidora….

SIDORA- Tse….! Hala ako’y hindi mo pa tia….. ayoko ng tiang hilaw…. Hanggang
hindi ko nakikitang kayo’y nakaluhod sa harap ng pari, nalagyan kayo ng belong gaya ng
inilagay sa akin noong ihatid ko sa altar ang nasirang si Turadyo…. Hindi kita
kinikilalang manugang…. Oo, tandaan mo. Kapag ang iyong amang si Don Kimedes ay
umasta- astang gawin sa akin ang gaya ng ginawa niya sa iba…. Ay nasirang Kimedes
siya…. Oo, itaga mo sa bato! Hahawakan ko siya sa petserang ganito….(Ang hahawakan
ay si CRISTOBAL) at pag sa isang tanong ko’t nagkamali siya ng sagot… Makapagtitirik
ka na ng kandila kay Sambastiyan at makapagpaparasal ka na ng siyam na gabi….

MANUEL- (kay CRISTOBAL) Nakita na ninyo?

CRISTOBAL- Ngunit hindi tayo darating sa bahaging kakailanganin pa ninyong lukutin


ang damit ni Arkimedes.

SIDORA- May swerte pa rin siya kapag nagkataon, sapagkat pag siya’y nagkamali ng
deklarasyon …. Ay, San Arkelaw….

CRISTOBAL- Huwag kayong mag-alala …. Malulutas natin sa mahusayan ang salitaang ito.
Nang walang ingay, walang alingasngas, at walang gulo.

SIDORA- Para sa kin …. Pareho ang ito’y matapos sa masamaan o sa mabutihan …


Kung ibig niya ang masamaan… sang-ayon ako. Naghahanap lamang ako ng damay
ah…. Dapat nyong malaman na sasambagol na lamang ang hindi ko pa napapasukian…
Nalalaman ba ninyo ang nangyari sa akin isang araw doon sa palengke…? Iyong pulis na
numero 13 ay lumapit sa akin at ako raw ay wala sa akin lugar … hinawakan ko sa baluta
at saka ko binasahan ng ordenanza numero uno at… ano ang nangyari? Pues ang pulis na
yaon ay hindi nakilala ng kaniyang asawa.

RITA- Tia …. Tumahimik kayo, at kahiya-hiya ….

SIDORA- At bakit ako tatahimik ? Binigyan ba ako ng Diyos ng bibig upang itikom ko
sa habang panahon? Kung iyong nasira kong asawa,na hayop pa sa lalong hayop, hindi
niya nagawang isara ang aking bibig kung ayaw ako… Ah, kung ibig nilang mapasaing
sa hindi oras ay subukin nila si Sidora…. Ipagtanong ninyo sa buong bayan, sa palengke,
sa sabungan , sa simbaham …. May makapagsasabi sa inyong si Sidora’y nangupete sa
kaharap….?

CRISTOBAL- Pero, Aling Sidora …. Kailangan nating tapusin ang salitaang ito.

SIDORA- At akala ba ninyo’y naparito ako upang makinig lamang ng kwento? Hindi ako
aalis sa bahay na ito nang hindi maliwanag ang salitaan …. O ito’y may ama … o
nasirang Kimedes siya….

CRISTOBAL- Ngunit nalalaman ba ninyo yaong kasabihang: “Marunong man daw ang
matsing ay napaglalangan din”?

SIDORA- At sino ang Matsing?

CRISTOBAL-Yao’y kasabihan lamang … Huwag kayong magagalit, Aling Sidora: ako


po’y may naiisip na paraan na inaasahan kong magtatagumpay, kung ang tulong ninyo’y
hindi ninyo ipagkakait.

SIDORA-Tulong….? Mangyari pa! Ngunit bagay-bagay….


CRISTOBAL- Kayo po ba Aling Sidora , ay nakalabas na sa komedya noong araw?

SIDORA- Ho…? Komedya ang sinabi ninyo?

CRISTOBAL- Opo , Komedya… Tayo’y magtatanghal ng isang komedya, at tayong


lahat ang gaganap….

SIDORA- Malabo iyan…. Anong komedya ang pinagsasabi ninyo ….

CRISTOBAL- Ang Ibig kong sabihin, yayamang ang pinsan kong si Arkimedes ay hindi
natin mapasukan ng katwiran sa ulo ay dadaanin natin sa ibang paraan….

SIDORA- Kung sa akin …. Kung di pumasok sa kaniyang ulo ang katwiran,ay…. Sa


bunganga niya ay doon ko isusungalngal….

CRISTOBAL- Iyan ang ibig kong sabihin,ngunit sa isang paraang hindi niya
mapapansin….

SIDORA- Ah…. Salamangka ang inyong gagawin…

CRISTOBAL- Sa salamangka man o sa ano man …. Ay hinihingi ko ang tulong ninyo…


at saka ni Rita.

RITA- Kayo po ang bahala, ako’y susunod sa inyong maiibigan.

SIDORA- Kung gayon ay … manonood ako sa inyong komedya o salamangka…. Hala,


magsalita kayo , kung ano iyang nasa butse ninyo….

CRISTOBAL- Ganito po; ikaw Manuel ay manaog muna. Huwag kang paabot dito sa
pagbabalik ng iyong ama…. At kayo, kung narito na siya … ay matigas ninyong sabihin
sa kaniya, na ayaw na kayong si Rita’y pakasal pa kay Manuel…..

RITA- Ano ang sinabi ninyo?

MANUEL- Tio Cristobal….!

SIDORA- Aha… gayon? Ha? Gayon pala ang gagawin ninyong komedya o
salamangka…. Baka kayo’y hindi ko matantiya Mang Cristobal….!

CRISTOBAL- Huwag kayong mabibigla…. Nalalaman ko ang aking gagawin. Basta


ikaw ,Manuel, ay sumunod sa aking sinasabi. At pagkatapos ng mga ilang minuto, kung
inaakala mong nakapag-palitan na ng mga ilang salita rito, ay pumanhik ka o magbalik
ka,at sabihin mo sa iyong ama na matapos mong mapag-isip ang lahat, ay nakuro mong
ikaw ay di nga dapat pakasal kay Rita….
SIDORA- Demonyo! …. Anong klase bang pag-aayos ang nalalapa? Nasisira ang aking
isip.

MANUEL- At hindi ko masasabi ang gayon sa aking ama. Hindi pa nasisira ang aking
isip.

RITA- Don Cristobal….

SIDORA- Itaga ninyo sa bato , Mang Tobal …. Iyan ang hindi maaari …. Ako ang
nagsasabi … Tandaan ninyo…. (parang nagbabala)

CRISTOBAL- Huwag sana kayong mangagulat sa aking gagawin. Lahat tayo’y


nakakakilala sa ugali ni Arkimedes. Matigas ang ulo at walang katwiran. Kapag inyong
kinontra ay hindi kayo magkakasundo. Sang-ayunan ninyo nang sang-ayunan at kaipala’y
mapapaniwala ninyo sa kabaligtaran ng kanyang kinukuro. Pag sinabi niyang puti,
sabihin ninyong puti nga, kahit itim at magkakasundo kayo.

SIDORA- Magkakasundo nga, ngunit sino ang agrabyado?

CRISTOBAL- Sino pa kundi siya rin…

MANUEL- At kung….?

CRISTOBAL- Manaog ka na Manuel …. Hala sumunod ka sa akin.

MANUEL-Nauunawaan ko na ang ibig ninyong sabihin, Tio Cristobal

SIDORA- Hala, sige manaog ka na …. At pag ang salamangkang ito’y pumaltos …


dalawang kabaong ang ipakuha mo….

CRISTOBAL- Hindi ninyo kakailanganin ang kabaong aling Sidora…

MANUEL- At yaon ba lamang ang aking sasabihin?

CRISTOBAL- Oo, yaon lamang ay labis pa.

MANUEL- Kung gayon ay susunod ako. (Hahagkan ang kaniyang anak) Toto… anak
ko…. Maniwala ka sa Lolo Tobal . (Alis)

Ika-VI na Tagpo
Sila rin , maliban lamang kay Manuel

SIDORA- Ngayon, ano naman ang aming gagawin, Ginoong Direktor ng komedya….?
CRISTOBAL- Kayo’y walang dapat gawin. Ikaw, Rita ay huwag magpapahalata ng
kalungkutan. Ipakilala mong ikaw ay hindi nalulungkot sa kaniyang pagtanggi, bagkus
ipamukha mo sa kaniya na ang klase lamang niyang iyon ay hindi mo ibig maging
biyanan….

SIDORA- At sasabihin ko sa kaniya na kung ang pagmumukha lamang niyang iyon ay


hindi ko babalaihin … hindi ba?

CRISTOBAL- Tama, tamang tama…. Iyan ang ibig ko sa babae!

SIDORA- At sasabihin ko pa, na kung ang pag-ayaw niya ay sampu, ako’y sampong
makasampo…..

CRISTOBAL- Ito ang sinasabi kong komedya… Lahat kayo’y lalabas sa komedyang
iyan… kayo, Aling Sidora ang Kontrabida…

SIDORA- Magaling akong kontrabida sa drama noong aking kabataan…

RITA- Ngunit… aywan ko po kung matutupad ko nang maayos ang aking papel, Don
Cristobal.

CRISTOBAL- Alang-alang sa iyong anak, ay liliwanagan ng Diyos ang iyong pagiisip at


matututo kang gumanap nang maayos ng iyong papel. Hala, buhayin mo ang iyong loob,
Iha itago mo muna ang iyang mga luha mo, Anak…..

SIDORA-A kapag dumarag-darag sa iyo, ay daragan mo rin….. Hitsura niyang mga


taong iyan ang hindi mo madaragan….

RITA- Bahala na……! Bathala, Patnubayan mo po ako, Alang-alang sa aking anak…

CRISTOBAL- (lalapit sa may pinto). Lakas-loob Rita…. Alisto, aling Sidora…


Nalalaman na ba ninyo ang inyong gagawin?

RITA- opo.

SIDORA-Saulado ko na.

CRISTOBAL-At ako… ang inyong publiko. (Patikad na lalabas. Pagkaraan ng ilang


saglit, ay darating si Arkimedes.)

Ika-VII Tagpo
Si Rita, si Sidora at si Arkimedes

ARKIMEDES- (Pagkakita sa dalawa.) Aba Rita…. Aling Sidora, Narito kayo?


RITA- Opo, kami nga’y naririto….

SIDORA- At ito man….(Ipakikita ang batang kaniyang kalong , pagkakita sa kaniyang


mga anak na nagtutulungan sa mga silyon , ay pagsisipain at palalayasin.) Hala mga
hampaslupa … panaog…! (Ang mga bata’y nagsisi-alis)

ARKIMEDES- Ano ba iyan…. Lalaki o babae?

SIDORA- Lalaki, ngunit hindi magmamana sa kaniyang nuno…pagkat walang nunong


pagmamanahan…

ARKIMEDES- At bakit po naman kayo napadako rito?

RITA- Upang makipag-usap sa inyo….

SIDORA- At…. Ito ay upang makilala ang kaniyang…. Ang ibig kong sabihin ay
makilala ang hindi niya nuno.

ARKIMEDES- At tila po, kung di ako namamali , ay may hinahanap kayo sa bahay na
ito… Maaari ko po bang malaman kung ano … at kung sino?

SIDORA- Ito…(Si Rita) ay naghahanap ng isang asawa…. At ito… (ang bata) ay


naghahanap ng isang ama…Nalalaman ba ninyo?

ARKIMEDES- Pwes,ang asawang sinasabi ninyo, at ang amang inyong binabanggit ay


hindi dito nakatira. Hindi ko siya nakikilala…. Kung ang ibig ninyong sabihin ay ang
aking anak… Pwes, ako’y walang anak…. Kamamatay lamang….

RITA- Kami po’y….

ARKIMEDES- (Hahadlangan) Sinabi ko nang namatay na. Wala akong anak. Tapos….

SIDORA- Napapansin ko na talo pa pala ninyo ang babae. Ibig ninyo’y pakyawing lahat
ang pagsasalita. Pwes iyan ang hindi maaari, habang narito si Sidora…. Ako ang
magsasalita, at sa aki’y walang makapag-papaalis…

ARKIMEDES- Baka nalilimutan ninyong kayo’y naririto sa aking bahay?

SIDORA- Baka nalilimutan ninyong ang bibig ko’y nasa aking mukha….Pwes, maupo
kayo , at kayo’y mapapagod sa pakikinig. Maupo kayo…. Sinasabi kong kayo’y
maupo….
(Anyong lalapitan)

ARKIMEDES-Pwes, mauupo ako, ngunit ako’y maraming gagawin . Hindi ako


makapagtatagal.
SIDORA- Makatatagal kayo, at makatatagal kayo …. Ikaw Rita ay maupo rin…
(Mauupo si Rita)

ARKIMEDES- Hala… hindi ba ninyo nalalamang may halaga sa akin ang aking
panahon?

SIDORA- At ano sa palagay ninyo…. Sa amin ay walang halaga ang panahon? Aba…
baka kayo’y nadidiliman ng pag-iisip ay iaamuki ko sa inyo na kayo’y magbaon ng
malaking pagtitiis sa pagdinig sa akin. Hangga ngayo’y di pa ako nagsisimula.

SIDORA- Pues, Don Kimedes…. Marahil ay nasa-isip ninyo na ang mga hampaslupang
ito,ako at saka ito…. (Si Rita) …at ito… (ang bata) … ay naparito upang maglumuhod sa
inyo at umiyak-iyak…Pues, nagkakamali kayo…kami’y mahirap… ngunit kami’y di
makapagpapalimos ng asawa at ng ama … kayo ay nakikilala namin … para sa inyo, ang
mahihirap na gaya namin ay di mga tao, kundi mga yagit lamang na titisud-tisurin sa
daan … Pues … hindi, ang yagit ay sumasama sa alikabok , at pag-ihip ng hangin ay
siyang makakapuwing sa inyo…. Nalalaman ba ninyo?

ARKIMEDES- Pero …. (Anyong sasagot)

SIDORA- Hintay muna kayo … hindi pa ako nagsisimula. Pues Don Kimedes …Bakit
ninyo sinapantaha kailanman, at bakit pumasok sa isip ninyo ang paniniwalang si Rita…
ang ulilang anak lamang ng isang labandera…. ay mag-aasawa sa anak ng dambuhala sa
yamang si Don Kimedes? Sinong tulig ang nagpasok sa inyong isipan ng bagay na iyan?

ARKIMEDES- (Akmang titindig at sasagot)

SIDORA- Huwag kayong kikilos … sinasabi ko sa inyo. Maupo kayo at kayo’y walang
dapat gawin kundi ang makinig. Ako’y hindi pa nagsisimula hanggang ngayon. Ngunit
sinasabi ko sa inyo, at ito’y hindi balitang kutsero, Don Kimedes…. na nang malaman
naming ayaw na ayaw kayong maging balae ng isang nasirang labandera at ng isang
maggugulay lamang sa palengke…. Ay isinumpa na namin ,na kahit ninyo ipagduruhan
ang inyong anak na si Manuel …. Ay hindi namin tatanggapin . Inyo na ang inyong anak…
at kayo’y walang manugang na aalalahanin.

ARKIMEDES-Ngunit….(itututro ang bata)

SIDORA- Ito, ito’y huwag ninyong alalahanin . Palalakihin ko. Tuturuan ko ng


edukasyong bagay sa kaniya. Ito’y isang batang walang ama… at sa akala ba ninyo ay
kasalanan ng batang ito ang siya’y magkaroon ng isang nunong sa halip na lagyan sa
dibdib ng isang puso, ang napalagay ay isang tipak ng batong Maykawayan?

ARKIMEDES- (Hindi na makatiis) , Pues, aling Sidora… ako naman ang magsasalita….

SIDORA- Hindi pa ako tapos..


ARKIMEDES- (Parang hindi pansin ang sagot sa kanya) at dapat ninyong malaman, na
di kakaunting pagtitimpi at pagbibigay-loob ang aking ginawa mula pa kangina…at…

SIDORA- Pues, nahuli na kayo… Basta nabalitaan naming ayaw kayong maging asawa
ni Manuel si Rita… pues ayoko rin…

ARKIMEDES- (kay Rita) Tunay nga bang ayaw kang maging asawa ni Manuel?

SIDORA- Sumagot ka…(kay Rita)

RITA- Tunay po.

ARKIMEDES- Bakit? Maaari ko bang malaman ang sanhi?

SIDORA- Sapagkat…. Ayaw siya.. ano pang sanhi ang ibig ninyong malaman. Kaya
itago na ninyo ang inyong anak… isilid sa baul … lagyan ninyo ng apog, asinan ninyo at
nang hindi mabulok…

ARKIMEDES- Ano bang apog ang sinasabi ninyo… Kung di lamang kayo babae aling
Sidora… (May pagbabala)

SIDORA- At kung kayo lamang ay… (May pagbabala rin)

RITA- Tia Sidora… /May pagsamo/

ARKIMEDES- Pues, hindi mangyayari ang sinasabi ninyo… Sa aming lahi ay ang padre
de familia ang sinusunod… hindi maaari ang kagustuhan ng aking anak … Ano ang
palagay ninyo? Matitiis ko bang magkaroon ako ng isang anak na binatang ama , at ng
isang apong walang nuno….? Ano ang palagay ninyo sa akin? At ito? (Si Rita)

SIDORA- Sa maliwanag na sabi , ay dalagang ina… ano pa?

ARKIMEDES- Iyan ay sa inyong palgay lamang.

SIDORA- Pues, sa lahi naman namin ay ang kaibigan ko lamang ang masusunod.
Ipakasal ninyo ang inyong anak kahit sa anak ng tupa… at mabuti pa. Pero kay Rita hindi
maaari, hindi…

ARKIMEDES- Maaari…

SIDORA- Hindi maaari…

ARKIMEDES- Ako ang nagsasabing maaari….

SIDORA- Ako ang nagsasabing hindi maaari….


ARKIMEDES- Aling Sidora… kung kayo lamang ay may-salawal…

SIDORA- At ano ang palagay ninyo… wala akong salawal? At ano at?--- (Ipakikita ang
salawal. Dapat malaman na ang salawal na gamit ni Aling Sidora ay mahaba, salawal
lalaki) Hindi ba ito salawal? Ngayon , ano ang gusto ninyo?

ARKIMEDES- Pasalamat kayo’y hindi naging lalaki….

SIDORA- At kung ako’y naging lalaki …. Tarantado din ang labas kong gaya ng
maraming lalaki riyan…

ARKIMEDES- Ang pakakasal ay hindi kayo, Aling Sidora, Siya ang makasasagot. (kay
Rita)

RITA- Sinabi ko na po… (Matigas) Hindi ako makapagpapalimos ng asawa….

SIDORA- Nakita na ninyo? Pues, ito ay aking pamangkin. At kayo, kayo… (Lalapit na
parang dadakmain si ARKIMEDES. Ibibigay ang bata kay Rita, at tila naglililis pa ng
manggas.)

RITA-Tia Sidora… (May pagsamo)

ARKIMEDES- Makapananaog na kayo sa aking bahay….

SIDORA- Ako, manaog ako? O eto ang iyo…. (Lalapitan at susunggaban si


ARKIMEDES,Ngunit parang may sumumpong na sakit at biglang mapapaupo sa isang
silya… at magpapapadyak.)

RITA- Tia Sidora…. (Lalapit) kaunting tubig….

Ika VIII Tagpo


Sila rin at si Cristobal na may dalang tubig sa isang bote.

CRISTOBAL- Ano ang nangyari?

ARKIMEDES- Kami ay nagkakaroon ng isang mainitang pag-uusap. Samantala


kinukumbinsi kong pumayag silang si Manuel at si Rita’y makasal ay nagpakatanggi-
tanggi… Sa akala mo ba Cristobal, ay maaatim kong magkaroon ng isang manugang sa
labas at isang apong hindi nabasbasan ng Simbahan?

RITA- Tia Sidora…

SIDORA- (Pasigaw) Walang hiya… oo walang hiyaaaa!

ARKIMEDES- Mabuti pa’y dalhin mo sandali roon sa kwarto at nang maginha-


ginhawahan…. Paamuyin ng eter… (Lalapitan ang bata at kukunin kay Rita, at ibibigay
naman nito upang maalalayan si Sidora. Si Sidora’y ititindig ni Rita at Don Cristobal,
upang ipasok sa silid.)

Ika IX na tagpo
Si Arkimedes na hawak ang bata

ARKIMEDES- Sasabihin ni Cristobal na hindi ko raw ito kamukha… (Lalapit sa isang


salamin) Pues, walang iniwan…. Ang mata, ang ilong, ang bibig… ang tainga…pues,
isang totohanang Arkimedes… Pues… hindi maipagkakaila …. Paglaki nito at makikita
sa daan lahat na’y magpihong may malaking taling sa batok … gaya ng lahat ng
Lakambayang lalaki… Titingnan ko… (Itataob ang bata sa kaniyang mga hita at
titingnan ang batok. Darating si Manuel)

Ika-X Tagpo
Si Arkimedes at si Manuel at maya-maya’y sina Rita, Sidora at Cristobal

MANUEL- Papa…

ARKIMEDES- Ang ama…

MANUEL- Ano ang inyong ginagawa?

ARKIMEDES- Wala, iniimbestiga ko lamang kung ito’y may nunal sa batok.

MANUEL- Mangyari pa …. Kasinglaki ng lalabing animin

ARKIMEDES- A… Ang marka ng pabrika…

MANUEL- Narito ba ang ina niyan?

ARKIMEDES- At ano ang palagay mo… Makakalakad ba ito nang nag-iisa?

MANUEL- Nakausap ba ninyo?

ARKIMEDES- At pati ang kanyang simarong tia … si Sidora.

MANUEL- At ano ang sinabi ninyo, at ano naman ang sinabi nila sa inyo?

ARKIMEDES- Pues,gaya ng dapat kong sabihin, datapwat ang iyong magiging tiyang-
biyenan ay walang ginawa kundi gusutin ang salitaan ,at ani mo’y isang artilyerang di
mahapayang-gatang.

MANUEL- Pues, Papa … wala na kayong dapat alalahanin. Matapos kong matakal sa
aking isip ang inyong mga sinabi kangina, ay niyari ko sa loob ko na ako’y huwag nang
pakasal kay Rita… Para sa akin ay lalong mahalaga ang isang ama kaysa ilan mang
asawa… Ang ilan mang asawa at anak ay madaling makita, ngunit ang isang ama ay
hindi na.

ARKIMEDES- (Buong pagtataka) Ano ang sinabi mo?

MANUEL- Ang narinig ninyo, papa. Buhat ngayo’y hindi na kayo tatanggap sa akin ng
sama ng loob…. Sa tahanang ito’y walang masusunod kundi ang inyong kalooban,
habang kayo’y buhay… ako’y nakakaisip na magpari.

ARKIMEDES- Magpapari ka? Lalagutin mo ang tanikala ng magmamana sa pangalang


Lakambayan? Nauulol ka ba?

MANUEL- Kangina po, ay oo, nauulol ako papa… ngunit ngayon ay maliwanag na ang
aking isip.

ARKIMEDES-Na hindi mo na pakakasalan si Rita? Na ikaw ay magpapari?


Ano,nawawala na ba ang iyong huwisyo? Magagawa mo bang iwan sa lansangan ang
isang sawing palad na babae at ang isang walang malay na anak? Iyan ba ang mga
halimbawang nakita mo at natutuhan sa tahanang ito? Sa iyo ba’y ginawa ko ang bagay
na iyan? Mag-isip ka … Kung ikaw ay pinabayaan kong walang ama… ano ang sasabihin
sa iyo ng tao?…

MANUEL-Pues, anak sa ligaw…

ARKIMEDES- Oo, iyan… anak sa ligaw…pues, sa akin ay hindi maaari iyan. Sa loob ng
tahanang ito ay walang masusunod kundi ang aking kalooban. Pakakasal ka kay Rita,
bibinyagan ito ng Arkimedes din, at ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito. Nalalaman
mo ba?

MANUEL- Iyan po ang hindi maaari…

ARKIMEDES- Maaari, at…. Maaari… ako ang may sabi…

MANUEL- Papa… (kunwariy nagmamakaamo)

ARKIMEDES- Tse… (Titingnan ang bata) Arkimedito….! (Susungaw sa pinto si


Sidora)

SIDORA- Isidorito….!

ARKIMEDES- Sinasabi ko nang ang pangalan nito ay Arkimedito at sa loob ng tahanang


ito ay ang kalooban ko lamang ang masusunod…

SIDORA- Isid….
ARKIMEDES- Ah…a… ang nerbiyos, kumare … baka umatake na naman… Arkimedito
… Pues, kumare… kailangan kong sabihin sa inyo na si Manuel at si Rita ay ipakakasal
ko sa loob ng madaling panahon, sa ayaw kayo’t sa ibig… at dito…dito…opo dito…
nalalaman ba ninyo… At ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito… Ito ang eredero
unibersal ng lahat ng aking kayamanang dumating na, dumarating at darating pa…

SIDORA- At ako….?

ARKIMEDES- Kayo ay kailangang-kailangan ko… sa bahay na ito ay walang babae…


isang babaeng …

SIDORA- Isang babaeng…. may salawal, hindi po ba? (Lalabas na parang akay ni Don
Cristobal si Rita)

CRISTOBAL- Primo, ano ang iyong pasya…

ARKIMEDES- Tapos na. Ang kailangan na lamang ay ang pagsang-ayon ni Rita….

CRISTOBAL-Naayos ko na rin. Napapayag ko siyang alang-alang sa iyo’y sumang-ayon


na siyang pakasal kay Manuel…. Dahil sa Anak….

ARKIMEDES- Siyanga ba…? Dahil sa Anak?

RITA- Opo…

ARKIMEDES- Mabait kang bata… karapatdapat kang ina…

CRISTOBAL- Pues, ako ang inaama sa kasal…

SIDORA- At ako ang madrina…

ARKIMEDES- O …. (Kay Rita) Narito ang iyong anak…. Ang pangalang niya ay
Arkimedes…

SIDORA- Isidoro…

ARKIMEDES- Arkimedes…

SIDORA- Bueno,porke ito ay lalaki ay magpaparaya na ako ngunit ang unang babaeng
lumitaw …ay ako naman ang bahala … pangangalanan ko ng Sidora, at tuturuan kong….

ARKIMEDES- Magsuot ng salawal….

CRISTOBAL- Nakita na ninyo ang bias ng komedya… (kay Sidora)


SIDORA- At ano naman ang masasabi ninyo sa pagkakaganap ko sa aking papel… may
himatay pa… ano ha?

CRISTOBAL- Superior….!

ARKIMEDES- (Kay Manuel) Hoy ikaw…ano ang ginagawa mo? (Imumustrang lapitan
siRita)

MANUEL-Rita…

RITA- Manuel… (Magyayakap)

ARKIMEDES- Sinasabi ko nang sa bahay na ito … ay walang masusunod kundi ang


aking kalooban. (Darating na naghahagaran ang mga anak ni Sidora at sumisigaw ng
“Nanay,nanay…” at hahagarin ng hampas ni Sidora.)

SIDORA- Mga kalabaw … na ito ah…. (Sa paghahagaray ibababa ang pambungad na
---

Tabing

You might also like