P. 1
Ang Game Show Salamin Ng Laro Ng Buhay Ng Pinoy

Ang Game Show Salamin Ng Laro Ng Buhay Ng Pinoy

|Views: 2,506|Likes:
Published by Jezelle Lapid

More info:

Published by: Jezelle Lapid on Aug 18, 2010
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF or read online from Scribd
See more
See less

09/28/2013

Unibersidad ng Pilipinas-Diliman Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya Departamento ng Kasaysayan

Ang Game Show: Salamin ng Laro ng Buhay ng Pinoy

Ipinasa ni Lapid, Jezelle Irish C. 2008-51494

Ipinasa kay G. Gil Gotiangco, Jr. II Propesor

Kasaysayan 114 Pangkalinangang Kasaysayan sa Pilipinas

6 Abril 2010

I.

Pambungad A. Overview ng Pag-aaral

Ang papel na ito ay isang preliminaryong pagsusuri na tatalakay sa game show bilang isang kalinangang Pilipino. Layunin nitong bigyan ng konkretong pakahulugan ang game show, gayundin ang pagtangkang mabigyan ng pagsasalarawan ang game show at kung ano ang dahilan sa likod ng bawat laro at pagsali ng mga Pilipino. B. Metodolohiya Ang mga datos sa pag-aaral na ito ay kinalap sa pamamagitan ng panonood ng mga dokumentaryo hinggil sa game shows, pagpunta at panonood sa mismong programa (immersion), pagsusurvey, at pagkakapanayam ng mga taong sumali na at ilang mga taong bumubuo ng mga piling programang palaro. C. Sakop at Limitasyon Ang papel na ito ay may layuning mabigyan ng pagsasalarawan ang game show at gayundin ang pagpapakahulugan nito at gayundin ang mga kadahilanan sa kung bakit patuloy itong tinatangkilik—ano nga ba ang tunay na laro ng buhay ng bawat manlalaro sa tuwing sasali sila sa mga game show. Wala pang gaanong naisulat tungkol sa game show maliban sa mga banyagang aklat tungkol dito. Gayundin, base sa pananaliksik ng may-akda ay wala pang naging malalimang pananaliksik mula dito maliban sa ilang dokumentaryo at blogs. Naging mahirap din ang pagkuha ng pagkakataong magkaroon ng isang panayam sa ilang miyembro ng mga game show sa ngayon kaya hindi din naging madali ang pagkalap ng impormasyon lalo na kasaysayan nito sa bansa. D. Analisis ng Data Tinatalakay ng papel na ito ang game show bilang isang kalinangang Pilipino na nagpapakita ng laro ng kanyang buhay. Sa umpisa, aakalain natin na pera lamang ang nagtutulak sa mga manlalaro upang sumali sa mga game show. Subalit sa pananaliksik na ito, naipakitang hindi lahat ng tao, hindi lahat ng Pilipino ay naglalaro para sa pera o anumang materyal na bagay. Bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan. Bawat isa ay may kanya-kanyang laro ng buhay. Sa bawat laro ay mayroong pangarap at pag-aasang natutupad kahit pa man, aminin man natin o sa hindi, na pansamantala lamang ang kasiyahang handog ng mga game show.

2

E. Operasyonal na Pagpapakahulugan a. Auditions: Isang pagsubok nang pagpapakita ng talento, kakayahan o husay upang maging kwalipikadong makapaglaro sa isang game show at/o patimpalak. b. Breadwinner: Ang tanging inaasahang sumuporta sa isang pamilya. c. Briefing: Paghahanda sa isang tao sa pamamagitan ng pagdedetalye ng mga mahahalagang bagay bago sumalang sa totoong laban o laro. d. Komersalisasyon: Isang proseso ng pagbebenta sa komersyo ng isang bagay o serbisy e. Manlalaro: Ang kasali sa isang game show. f. Patimpalak: Isang programang naglalayong magpakitang-gilas, galing at husay ang mga manlalaro upang manalo ng nakalaang premyo. g. Premyo: Pabuya sa pagkapanalo. h. Portion: Bahagi ng isang programa. i. Raffle: Bunutan. j. Radyo: Isang gamit-elektrikal na sumasagap ng balita, palabas at mga tugtugings naririnig lamang. k. Staff: Ang iba pang miyembro ng isang programang may sari-sariling katungkulan. l. Stampede: Biglaang takbuhan at tulakan sanhi ng pagkabigla o panic. m. Talent scout: Isang taong ang trabaho’y maghanap ng mga taongmayroong talento at/o kakayahan. n. Telebisyon: Isang gamit-elektrikal na kakikitaan ng mga palabas. II. Historico-Cultural Situationer

A. Laro ng Lahi Sa Paglipas ng Panahon Maituturing na isang salamin ng katauhan ng Pilipino ang kanyang mga laro. Sa matagal na panahong matanda pa sa kasaysayan ay marami nang naging pagbabagong kultural ang naganap sa Pilipinas. Ang mga larong katutubo ay sinasabing dala ng pangkat ng dugong etniko na naunang nanirahan sa Pilipinas bago dumating ang mga Kastila. Magandang suriin ang mga larong iniambag nila sa ating kasaysayan gayundin ng mga larong hinango mula sa mga dayuhan. Bago ang Panahon-Hispanico Ayon sa mga pananaliksik, ang mga negrito ang unang pangkat etnikong nanirahan sa Pilipinas. Mayroon silang larong kunwari ay digmaan ng mga bato. Tinatawag nila itong Bagbagto. Maglalaban ang dalawang pangkat sa tuyong bahagi ng ilog na siyang pinipiling maging larangan ng digmaan dahil doon maraming bato, na siyang nagsisilbing sandata. Nilalaro
3

nila ito sapagkat naniniwala sila na ang pagdanak ng maraming dugo sa may ilog ay magreresulta ng maraming ani ng palay at kamote sa darating na anihan. Sa larong ito, pawang mga lalaki lamang ang kasali. Pinahihintulutan ang paggamit ng kalasag na kadalasan ay ginagawa ng mga nakababatang manlalaro subalit itinuturing itong isang karuwagan. Katakataka man ay walang namamatay dito at kahit na puno ng dugo ang lupa ay walang nagagalit ni naghihiganti. Pagkatapos ng laro, tinutulungan ng mga nanalo ang mga sugatan upang tumayo at magtungo sa albularyo. Sinasabing isang kabalintunaan na ang lalaking nagtamo ng maraming sugat ay siyang binabati, sapagkat naniniwala silang paborito siya ng mga diyos, at sa gayo’y maghahatid sa nayon ng masaganang ani.1 Ang Tinikling naman ay isang larong impluwensya ng mga Indones. Isa itong klasikong halimbawa ng isang sayaw na naging isang laro na naging madalas laruin ng mga tao sa mga kasayahan at mga pagtitipon. Ang mga manlalaro ay tumatalon-talon sa pagitan ng mga kawayan, habang sinisikap na hulihin ng mga humahawak ng kawayan ang mga paa ng una. Ang mahuli ay nakikipagpalit ng lugar sa mga tagahawak ng kawayan.2 Isa ding impluwensyang Indones ang larong Sipa sa Mangis na nangangahulugang “sipain ang lambat”. Dati-rati ay pawang mga maharlika lamang ang naglalaro nito partikular na ng mga manliligaw ng isang prinsesa kung saan ang sinumang matagumpay na makakasipa sa pinakamahalagang kahon sa lambat ang tatanghaling kampeon at siyang mapapangasawa nito. Upang manalo, kailangan ng kakaibang galing at husay sapagkat sa loob ng takdang panahon ay kailangan niyang saluhin ang bola mula sa pagtapon nito sa pamamagitan ng isang paa, at hindi ito dapat bumagsak sa lupa, sipain ang bola patungo sa kahong tinurdula sa mangis o lambat, at kailangang masipa ito ng malakas upang mapatid ang tali ng kahon sa lambat.3 Ang Sepak Tak Rao naman ay isang larong impluwensiya ng mga Malayo na kung saan ipinapakita ang kahusayan sa paggamit ng bolang gawa sa uway.4 Ang larong Tamsing ay isang larong impluwensiya ng mga mangangalakal na Arabe sa mga katutubo kung saan pinapaikot ang mga bao ng mga niyog. Ipinapasok ng bawat manlalaro ang patpat na may habang mahigit kumulang na tatlong talampakan sa butas ng isang bao ng niyog, at paiikutin niya ito hanggang sa marating ng bao ang dulo ng patpat. Upang manalo, kailangang pabilisin ang pagpapaikot-ikot ng hindi malaglag ang bao. Itinitiwalag ang mga manlalarong malalaglagan ng bao.5

1

Iris M. Obsuna. Laro ng Lahi (A Historic Evolution of Philippine Games). Diliman: College of Human Kinetics, University of the Philippines, 1983, 5. 2 Ibid, 9. 3 Ibid, 11. 4 Ibid, 15. 5 Ibid, 20. 4

Mayroon din tayong mga larong may kalinangang hango sa mga Intsik. Sa pagtatapos ng ikalabindalawang siglo, hinamon ng mga Intsik ang kahusayan ng mga Arabe at nagsipag-asawa ng mga katutubo at nagkaroon ng malaking papel sa pangangalakal. Natututo tayo sa kanila ng mga kawili-wiling larong tulad ng Bilaran o paligsahang talikuran. Mayroong dalawang pangkat na maglalaro nito. Sa hudyat ng pinuno ay binubuhat ng unang kalahok sa bawat pangkat ang kasunod niya at patakbong papasanin niya ito patungo sa pangwakasang guhit. Pagdating doon, magpapalit ng papel ang dalawa at paunahan naman bumalik sa pinagsimulan. Kung ang laro ay relay o palitan, kailangan munang kamayan ng kalahok ng tagapasan ang susunod na tagapasan bago magsimulang tunakbo ang huli. Ang unang makakatapos ang siyang panalo.6 Hindi lamang ang mga mangangalakal na Arabo at Intsik ang umimpluwensya sa ating mga laro kundi gayon din ang mga Hindu. Nagsimula ang kalinangan Hindu sa bansa sa katimugan ng kapuluan sa pagitan ng ika-siyam at ikasampung siglo. Isang larong hinango sa kanila ay ang Buno ng Tuhod kung saan ang mga kalahok ay nagpapakitang gilas at lakas sa pagpapatumba ng kalaban. Isa pang larong hinango mula sa kanila ay ang Buhat-Baiwang na nilalaro ng mga kalalakihang magkakapareho ng timbang at laki. Nakahiga lahat na magkakatabi ang mga kalahaok at sa oras na natawag ng pinuno ang kanilang mga pangalan ay tatayo sila at susunggaban ang baiwang ng alin mang kalahok na nakahiga pa din, sisikaping buhatin hanggang sa mapilitang tumayo. Ang sinumang makabuhat ng maraming kalahok ang panalo.7 Isa pa marahil na libangang katutubo ay ang bugtungan kung saan mapapakita din ang talino at husay ng isang tao sa pamamagitan ng paghula sa isang bagay na tinutukoy ng bugtong. Gayundin, mayroon ding pagpapalitan ng mga salawikain. Ang mga larong buno at luksuhan ay ilan lamang din sa paboritong libangan ng mga katutubo na nagpapakita ng kanilang husay pagdating sa mga pisikal na laban. Panahong Hispanico Sa pagpasok ng mga Espanol sa bansa ay gayundin ang pagpasok ng kanilang kalinangang ating tinanggap. Isang larong hinango mula sa kanila ay ang Juego de Anillo o Singsing sa Pisi na siyang nagpakilala din ng mga awit, sayaw at larong Kastila. Sa larong ito, matuling patatakbuhin ng bawat kalahok ang sinasakyang kabayo at sisikaping tuhugin ng kaniyang sibat ang singsing na plata na naksabit sa isang haliging kinakabitan ng pisi. Ang mauunang makakapagkamit nito ang siyang mananalo ng unang gantimpala at ang mga

Iris M. Obsuna. Laro ng Lahi (A Historic Evolution of Philippine Games). Diliman: College of Human Kinetics, University of the Philippines, 1983, 21. 7 Ibid, 24. 5

6

sumusunod at tatanggap ng iba pang gantimpala. Sa kasalukuyan, sa bisikleta na nakasakay ang mga manlalaro.8 Isa pang larong impluwensya din ng mga Kastila ang Arnis o tagisan ng espada. ang unang manlalarong makatama ng kanyang sandata sa katawan ng kaaway o makakapagpalaglag ng espada nito ang siyang magwawagi.9 Ika-dalawampung siglo Nang dumating ang mga Amerikano, natutuhan natin mula sa kanila ang iba’t ibang laro tulad ng Dinoran o hatakan ng kawayan. Nilalaro ito ng dalawang pangkat kung saan habang hawak ang isang dulo ng kawayan, ang bawat pangkat ay magsisikap makatawid sa gitnang linya patungo sa panig ng kalaban, kasabay ang pagtulak sa huli hanggang mapalabas ang mga ito sa linyang sarili nila. Magwawagi ang grupong makapagpapalabas sa kalaban sa kanilang sariling lugar.10 Mayroon din tayong mga larong hinango mula sa mga Ingles. Isa dito ang Basag-Banga kung saan nakapiring ang mga mata ng kalahok habang pinaiikot sa nakahihilong bilis. Pagkatapos niyang umikot ay sisikapin niyang hampasin ang bangang puno ng malamig na tubig gamit ang isang pamalong kahoy. Bagamat mababasa siya ng husto ay mayroon naman siyang gantimpala.11 Sa ngayon, imbes na tubig ay mga pagkain, pera o mga minatamis ang inilalagay dito kung saan kapag nabasag ay mag-aagawan ang lahat sa mga laman. Isa pang larong hinango mula sa Ingles ang Aswang-aswang. Nilalaro ito sa mga lalawigan sa mga gabing maliwanag ang buwan. Ang "taya” ang siyang magiging “aswang” o mangkukulam na tatayo sa labas ng isang bilog. Lahat ng iba pang kalahok ay nasa loob ng bilog. Iikutin ng aswang ang bilog hanggang sa may mahawakan siya na siya namng papalit bilang “taya”.12 Gaya ng iba pang naunang dayuhang dumating sa bansa, mayroon din tayong mga larong hinango mula sa mga Hapones. Isa na dito ang Karera sa niyog. Ang bawat kalahok ay magtatali ng tayakad na niyog sa bawat paa sa pamamagitan ng pagtatali nito sa pagitan ng kanyang hinlalakI at ikalawang daliri sa paa. Pagkatapos ay magsisimula na ang paligsahang pabilisan.13

Ibid. 28. Iris M. Obsuna. Laro ng Lahi (A Historic Evolution of Philippine Games). Diliman: College of Human Kinetics, University of the Philippines, 1983, 31. 10 Ibid, 33. 11 Ibid, 36. 12 Ibid, 37. 13 Ibid.
9

8

6

B. Transpormasyon ng “game” patungong “game show” Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga larong katutubo na ang ilan ay mayroong dayuhang impluwensiya. Subalit kahit anong laro pa man iyon, naghahatid ito ng aliw, at nakakapagpakita ng husay at abilidad. Sa paglipas ng panahon, mula sa konseptong “game” lamang ay naidagdag din ang konsepto ng isang “show” na siya namang patok sa mga Pilipino sa panahong ito. At sa pagbabagong iyon, marami ring aspeto ang nabago, nadagdagan o di kaya ay lalong nalinang. Gayundin, nagkaroon din ng pagbabago sa pagtingin dito. Magandang tingnan muna natin ang pagbabago sa pisikal nitong aspeto—gamit o kasangkapan at kalugaran. Mapapansin na ang mga gamit at kasangkapang pinapanglaro ay nag-iba na. Mula sa mga salitaan tulad ng bugtong at pagalingan sa mga salawikain, bunuan at luksuhan na hindi nangangailangan ng anumang gamit o kasangkapan, nagkaroon ng paggamit ng ilang bagay tulad ng bato, bao ng biyog, bolang gawa sa uri ng damo at iba pang kagamitan sa ilang mga laro. Gayunpaman, may mga laro pa ding nanatili na hindi ginagamitan ng ilang kasangkapan. May ilang larong hango sa banyaga na ginagamitan din ng mga hayop at maaaring mas sopistikadong gamit. Kung tutuusin ay pawang payak lamang ang mga gamit at kung titingnan sa maramihan ay madali lamang makita ang mga ito sa paligid na kung saan likas ang bansa sa iba’t ibang natural na yaman. Masasabi nating kaiba sa mga larong ito ang tinatawag nating game show sa kasalukuyan. Kung payak ang mga kagamitan sa mga laro, taliwas naman ito sa game show— mas abanse ang teknolohiya. Ginagamitan pa ito ng kuryente at gawa sa metal o plastik. Pagdating sa kalugaran, makikitang ang mga palaro ay ginaganap sa isang bakanteng lugar. Ang mga larong tulad ng bugtungan ay hindi naman nangangailangan ng malakihang lugar. Madalas ay sa isang komprtableng lugar na maaaring pagtipunan lamang nagaganap ito at depende sa dami ng manonood ang laki nito. Gayundin, ang mga larong pisikalan ay sa mga malalaking bakanteng lugar ginaganap katulad ng mga bakuran. Sa mga larong nabanggit sa itaas, makikitang kung saan naroon ang mga kasangkapang gagamitin sa paglalaro, nandoon din ito idadaos katulad na lamang ng larong Bagbagto ng mga negrito kung saan naglalaro sila sa tuyong parte ng ilog na mayroong madaming bato at ang lupa ay malawak at makikitang mapagtutuluan ng mga dugong inaasam nila para sa isang maganda at masaganang ani. Noong dumating na ang mga dayuhan partikular pagkatapos ng pagdating ng mga Espanyol, ang mga patimpalak at palaro ay ginaganap na sa plaza. Istruktural ang pagkakagawa nito kung saan ito ay nasa sentro ng isang pamayanan na siyang espesyal na lugar para sa mga

7

kaganapan. Bilang sentro, lahat ng daan ay patungo dito at mas madaling mapuntahan at mapagtipunan ito ng mga tao. Gayundin naman ang kaligiran nito. Taliwas noon na kahit saang lugar na mayroong bakanteng espasyo lamang ginaganap ang laro, sa mga game show, mayroong depinido at permanenteng istruktura na pinagdarausan ng mga game show. Tinatawag ang mga itong studio na siyang “indoor” o sa loob ginaganap at kung saan malamig dulot ng airconditioner at may maayos na mga upuan. Dahil permanente ito, katulad ng plaza, sa mga ganitong patimpalak, alam na ng mga tao kung saan ito gaganapin. Sa mga larong ito, higit pa sa talino ang ipinapakita kundi pinakamahalaga ang abilidad, talento at husay. Bilang premyo o gantimpala, sapat na ang palakpak, paghanga at makilalang dakila sa pagkapanalo sa mga ito, mapagrupo man o indibidwal. Sa kanilang isipan ay ang pagnanais na mapatunayan nila ang kanilang sarili at makuha ang karangalang madadala nila habambuhay. Maliban sa mga larong pangmaharlika, at sa mga larong katulad ng Juego de Anillo na may karampatang gantimpala sa magwawagi partikular na ang kamay ng prinsesa sa una at maaaring materyal ng gantimpala naman sa huli, kapansin-pansing sa karamihan, ang tanging pakay lamang ng mga larong ito, bukod na din sa pagpapamalas ng talento, abilidad at husay, ay ang katuwaan, libangan o di naman kaya’y pampalipas ng oras. Hindi nga maitatanggi na mahilig ang mga Pilipino sa ganitong mga bagay at sa oras na wala naman silang ginagawa o mga panahong nagpapahinga sila mula sa trabaho, dito sila nagiging abala. Subalit bukod sa libangan o pampalipas oras, ang mga palaro ay ginaganap din tuwing may okasyon, halimbawa na lamang ang kapistahan. Sinasabing ang pista ay isang mahalagang bahagi ng buhay Pilipino na kinakabitan ng mga bagay na masaya, makulay at kaiga-igaya. Katulad ng pista at mga palaro tuwing may ganitong okasyon, ang game show ay makulay at masaya din. Ang mga banderitas, ilaw at iba pang palamuti tulad ng bulaklak tuwing may pista ay mayroon ding “counterpart” sa game show. Ang studio ay puno ng iba’t ibang kulay at laki ng mga ilaw, gumagalaw na entablado, mga confetti, at iba pang palamuting sumusunod sa tema ng programa. Ang mga premyo o gantimpala naman sa mga game show sa ngayon ay pawang mga pera at/o materyal na bagay tulad ng kotse, bahay at lupa o di kaya ay “Negosyo Package.” Ito ang mga dahilan kung bakit sumasali ang mga tao sa mga game show. Kung bakit ganito, isang hayag na dahilan ay ang kahirapan. Lalong-lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan mahirap kumita ng pera at isa sa nakikitang solusyon ng mga tao ay pagsali sa mga ganito na may madaliang pera o madaliang pagyaman para sa iilan. Pagdating naman sa “game mechanics”, nakasalalay sa premyo o laro noon ang hirap na pagdadaanan ng manlalaro upang manalo. Halimbawa na lamang ng larong ibinigay sa itaas na
8

Sipa sa Mangis kung saan, ang gantimpala, bukod sa karangalan at masabing maabilidad ang lalaki, ay ang pagpapakasal sa isang prinsesa na kung susumahin ay napakabigat at napakamahalaga. Kaya, ganoon na lamang marahil ang hirap na dadanasin ng isang lalaki upang mapabagsak ang lambat. Isa pang magandang halimbawang ibinigay din sa itaas ay ang larong Bagbagto kung saan, ang kapalit na maganda at masaganang susunod na anihan ay isang malaking bagay at nararapat lamang din marahil na mahirapan ang mga manlalaro upang makamit ito dahil maraming dugong pumatak sa lupa ang kailangan para dito. Subalit, maliban na lamang sa mga game show na nagpapasagot ng mga tanong upang makuha ang premyo, madalas sa karamihan na napapanood at nakikita ko na hindi ganoon kahirap ang mga pagsubok sa mga manlalaro. Ang ikinahirap lamang siguro ay ang dahilang sa dami ng sumasali, lumiliit din ang iyong tiyansang makuha ang premyo. Gayundin, mapapansin na isa pang pagbabago o kaibhan ng mga laro noon sa mga game show sa ngayon ay ang hayag at kalkuladong ang lahat ng aspeto nito katulad na lamang ng bilang ng mga manonood. Noon, ang mga palaro ay limitado lamang sa mga, sabihin na nating, residente ng lugar na pagdadausan at maliit lamang ang bilang kumpara sa malakihang bilang ng mga manonood ng game show. Bunga ito ng teknolohiya kung saan sa tulong ng mga radyo, lalung-lalo na ang mga telebisyon, nakakaabot sa malalayong lugar at sabay-sabay pang napapanood ang mga ito sa iba’t ibang panig ng bansa. Gayundin ay dulot ito ng komersalisasyon. Dahil sa maraming nakakapanood nito, nanaisin ng mga may-ari ng produkto na sa pamamagitan ng tinatawag na “commercial break” ay maendorso ang kanilang produkto. Samakatwid, ang komersyalisasyon ay isang napakalaking salik din sa pagpapalaganap ng ganitong bagay. III. Ang Game Show bilang Salamin ng Laro ng Buhay ng Pinoy Pagpapakahulugan ng Game Show Teknikal na Pagpapakahulugan Mahalagang bigyang pakahulugan ang game show upang mas lalong maintindihan ang konseptong kanina pa tinatalakay sa papel na ito. Dahil isa itong “compound word”, magandang bigyan kahulugan natin ang dalawang salitang bumubuo dito: ang “game” at ang “show”. Pinangahulugan ng The New International Webster’s Comprehensive Dictionary14 ang mga salitang “game” at “show” bilang: “Any contest undertaken for recreation or prizes, played according to rules, and depending on strenght, skill, or luck to win.”
14

New International Webster’s Comprehensive Dictionary, Enclyclopedic ed., s.v. “game”, “show”. 9

“To cause or permit to be seen; present to view; exhibit; manifest; display.” Ayon naman sa The New Lexicon Webster’s Encyclopedic Dictionary15, ang salitang ”game” at “show” ay: “A contest played for sport or amusement according to rules.” “To cause to be seen; to put on view for entertainment.” Binigyan naman ng kahulugan ng Macmillan Dictionary-Thesaurus16 ang salitang “game show” bilang: “A television programme in which people play games or answer questions in order to win prizes.” Ang salitang “game show” naman sa Dictionary of Marketing Terms17 ay: “Radio or television program with a contest format in which the participants selected are celebrities or members of the listening or viewing audience, or a combination of both, who compete against each other or against the house, according to a prescribed set of rules, for some kind of reward.” Pagpapakahulugan ng Staff ng Game Show Pinangahulugan ng nakapanayam ng may-akda na isang assistant producer18 ng isang kilalang game show sa ngayon ang salitang “game show” bilang: “Traditionally, mayroong dalawang grupo na maglalaban sa isang challenge na maaaring unahan sa pagsagot o pagalingan sa mga physical challenges.” “Normally, may kaakibat na premyo; may pinaglalabanan sa question and answer portion, physical challenges.” “Pagpapakitang-gilas para makuha ang goal.” “Pagalingan ng talent.” mga

15 16

The New Lexicon Webster’s Encyclopedic Dictionary, Deluxe ed., s.v. “game”, “show”. “game show” Macmillan Dictionary-Thesaurus. 2010. Macmillan Dictionary-Thesaurus. Marso 26, 2010 <http://www.macmillandictionary.com/dictionary/british/game-show> 17 “game show”Dictionary of Marketing Terms. 2010. All Business A D&B Company. Marso 26, 2010 <http://www.macmillandictionary.com/dictionary/british/game-show> 18 Cathy Soriano (assistant producer-Family Feud) mula sa panayam ng may-akda. Pebrero 18, 2010. 10

Pagpapakahulugan ng Manlalaro Ayon naman sa isang taong sumali na at nanalo sa dating sikat na game show19, para sa kanya, ang “game show” ay: “Isang palabas sa telebisyon na kung saan ang mga taong nakapaloob ay naglalaro ng isang ‘laro’ at may karampatang papremyo sa kung sino man ang mananalo.” Pagpapakahulugan Ayon sa Isinagawang Survey Sa limampu’t anim na survey na napasagutan ng may-akda, lumabas na pinili ng nakararami ang sumusunod na mga kahulugang kabilang sa mga naging opsyon sa pagpapakahulugan ng salitang “game show”: “Isang programang pagpapalaro na tumutuon sa pagsagot sa mga inilaang tanong o pagdaan sa mga pisikal na “pagsubok” na ang kadalasang premyo ay salapi o bagay-materyal.” “Isang programang nagbibigay ng pagkakataon sa tao na maipamalas ang kanyang kakaibang talento, na nilalaanan ng materyal na premyo.” Bagama’t hindi saklaw ng persepsyon at pag-unawa ng karamihan sa mga Pilipino ang mga kinalap na datos sa itaas, makapagsasabi pa din ang mga ito ng kahulugan ng “game show” hindi lamang sa teknikal na aspeto, kundi gayon din ng persepsyon ng mga Pilipino tungkol dito. Kung ilalagom ang kahulugan ng “game show” base sa nakalap na mga datos, ang “game show” ay isang palabas na kadalasan ay sa radio at/o telebisyon at may temang kasiyahan at palaro o pagalingan na nilalahukan ng mga manlalarong maglalaban-laban ayon sa hinihingi ng alituntunin nito upang magkamit ng karampatang premyo o gantimpala sa sinumang mananalo sa pamamagitan ng abilidad,talento, husay, o swerte. Ang Game Show Aktwal na Programa Makulay, masaya, puno ng buhay—ito ang karaniwang tanawing makikita sa tuwing nanonood tayo ng isang game show lalo na sa telebisyon. Sa karamihan ng mga ganitong programa, madalas nag-uumpisa sa isang masayang awiting na minsan naman, sa iba pang uri ng game show ay sabay-sabay na iniindakan ng mga manonood, mga tagapagsayaw na hindi lamang
19

Michael Rosero (mag-aaral) mula sa kanyang naratibo. Enero 2010. 11

magagaling sa sayawan kundi may itsura at talaga nga namang magaganda ang hugis ng katawan na partikular ang mga kababaihan, mga host na kalimitang mga artista o di kaya ay kilalang celebrity at pati mga staff ng programa ay nakikisali din upang lalong madagdagan ang saya. Isa nga itong larawan ng kasiyahan na siyang patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipino. Isang bagay ang kapuna-puna sa pagkakataong ikaw ay makapanood nito ng live. Bukod sa mga host na nakikita sa tuwing gumigiling na ang kamera, mayroon ding mga taong kumakausap sa mga manonood tuwing commercial break o sa mga panahong hindi na nga gumigiling ang kamera. Sila din ang unang makikita at makakausap pagdating sa studio. Sila ang magsasabi sa mga manonood kung ano ang dapat gawin sa oras na tumatakbo na ang programa. Dapat bibo, masaya, nakangiti, pumapalakpak. Sabi pa nga na upang lumaki ang iyong pagkakataong makita sa telebisyon, dapat ay “magpapansin ka sa kamera”. Ang mga sayaw ay iniensayuhan muna bago mag-umpisa ang programa. Mahalaga na sakto ang galaw at kung ano ang dapat gawin ng mga manonood sa isang parte ng programa, ay iyon lamang ang dapat gawin. Mayroon ding mga staff na siyang tumutulong upang ipaalala at ipagawa sa mga manonood ang dapat nilang gawin. Samakatuwid, masasabing hindi isang natural na tagpuan ang isang game show. Maaaring may ibang parte ang programa na natural na nangyayari subalit hindi ganoon pagdating sa pagpapatakbo nito. Sa ganoong mga bagay, masasabing mahalaga ang pag-iimahe sa programa lalo pa’t isa itong uri ng komersalisasyon. Kapag mas masaya, mas maganda ang kalalabasan ng programa at siyang hahatak ng maraming tagapanood na mas mahihikayat na sumali, at gayundin ang mga sponsors na mahihikayat mag-invest sa programa at ipa-endorso ang kanilang mga produkto o serbisyo. Ang Pagsali Hindi marahil katulad ng mga laro noong unang panahon na kadalasan ay mga lalaki lamang ang kasali, sa mga game show, kahit sino ay maaaring sumali. Subalit hindi ito madali gaya ng inaasahan. Kung tutuusin nga, tila mas mahirap pa ang pagdaan sa auditions o screening kaysa ang paglalaro mismo sa tunay na programa. Kahit na maaaring sumali ang kahit na sino, mayroon pa ding mga batayan sa kwalipikasyon. Sa mga game show, hindi maaari ang mga nasa edad pababa ng labingwalo maliban na lamang kung sila ang hinihingi ng programa bilang manlalaro. Gayunpaman, gaya nga ng nasabi, mahirap ang pinagdadaanan sa auditions. Ayon sa salaysay ng isang sumali na at nanalo sa dating game show na Game KNB20, masyado umanong “masalimuot” ang pagsali sa mga game show. Nakakapagod at nakakaubos ng panahon ang proseso nito. Una, sa pamamagitan ng pagti-text ay nagparehistro muna ang isa nilang kaibigan sa programa at tumagal ng maraming buwan bago nabunot sa raffle ang kanyang
20

Michael Rosero (mag-aaral) mula sa kanyang naratibo. Enero 2010. 12

numero. Masasabing swertihan na lang talaga ang labanan upang mabunot ang numero sa libolibong nagpaparehistro at magkaroon ng pagkakataong sumali. At dahil naging maswerte ang kanilang kaibigan, naambunan din sila ng swerte gawa ng kailangang tatlo ang miyembro ng grupo upang makasali. Kinailangan nilang lumiban sa klase upang pumila doon. Patunay na ang pagsali sa mga game show ay isang sugal at sakripisyo makamit lamang ang inaasam na makapaglaro at manalo. At kahit gaano pa man sila kaaga doon, mayroong nauuna pa din sa kanila. Tunay nga na dahil laro ito, kailangang maging maagap at maabilidad. Dumaan sila sa maraming pasikut-sikot na mga proseso katulad ng panonood muna ng isang tunay at live na laro. Ang proseso ng screening o pagsala sa makakapaglaro ay nahahati sa dalawa: (a) isang written exam na kinabibilangan ng general information, current affairs, at tungkol sa mga palabas at artista ng network; (b) pagaantay na muling mabunot ang numero matapos makapasa sa pagsusulit. Masasabing para na ding laro ang proseso ng screening gawa ng kailangan nang gamitin ang talino, abilidad, husay at diskarte upang pumasa dito. Gayundin, higit lalo pagdating sa mga bunutan, ang swerte. Mahalagang malaman ng programa bago isalang ang mga posibleng manlalaro kung magaling ka sa tanungan, lalo na kung ito ang uri ng game show na iyong lalahukan. Bilang isa itong programang napapanood sa buong Pilipinas at maging sa buong mundo, mahalagang maipakita ng mga tao na sila ay bibo sapagkat ang ganoong uri ng manlalaro ay nadadagdag ng aliw at saya. Bahagi din ng screening ang pagtingin sa mga manlalaro kung sila ba ay nakasali na o hindi pa. Hindi pinahihintulutan ng pamunuan ng game show ang umulit sa paglalaro ng dati’y sumali na sa loob ng anim na buwan. Tinitingnan ko ito bilang isang magandang katangiang Pilipino sapagkat ipinapakita nito ang respeto sa iba na mabigyan din ng pagkakataong sumali. Sa oras na sila ay napili sa ikalawang screening, nakatanggap sila ng text na nagsasaad ng schedule ng kanilang laro subalit bago sila isinalang sa mismong tunay na laban, dumaan muna sila sa briefing ng kung ano ang dapat gawin at hindi gawin, at pagpirma ng ilang forms at mga kasulatan katulad ng pag-unawa at pagtanggap ng rules and regulations ng programa. Matapos nito ay isa na namang mahabang pag-aantay ang kanilang pinagdaanan upang maantay na matawag na ang kanilang grupo upang makapaglaro na. Sa araw na iyon ng kanilang pag-aantay ay hindi sila sinwerte. Mabuti na lamang at sinwerte na sila ng bumalik sila sa ibang araw. Ayon sa aking informant, iba daw pala talaga ang pakiramdam sa oras na nasa entablado na’t naglalaro lalo pa at alam nilang maaari silang manalo ng malaking pera. Sa madaling salita, nanalo ang kanilang grupo at naging champion hanggang sa natalo na sila sa sunod nilang naging laban. Pagdating sa premyo, nag-antay sila ng tatlumpung araw

13

pagkatapos maipalabas ang episode ng laro nila sa telebisyon at mayroon pang dalawampung porsyento ng tax na ikinaltas. Sa isang dokumentaryong ginawa ni Kara David sa programa niyang I-Witness na pinamagatang Matalo, Manalo Panalo!21, sinundan niya ang buhay ng ilang residente ng Kalye Pilapil sa Tondo, Maynila kung saan halos lahat ng residente sa kalyeng iyon ay nakasali na sa iba’t ibang patimpalak at game show, maparadyo man o telebisyon. Hindi man sila nananalo sa lahat ng sinasalihan ay tanggap nila iyon dahil may mga araw talaga na swerte at mayroon ding wala nito. Sa kalyeng iyon, isa sa sinamahan niya ang isang grupo ng mga kabataang umarkila pa ng jeep upang lahat sila ay magkasya at makapunta sa audition ng game show noon sa GMA-7 na Hole in the Wall. Gaya ng isang parte ng screening na binanggit sa Game KNB kanina, kailangan din nilang magpakita ng kabibuhan lalo na sa pagpe-perform ng isang cheer na panimula ng mga manlalaro sa game show na iyon. Subalit, sa kasamaang-palad, sa araw na iyon, hindi sila sinwerte. Gayunpaman, anila “manalo o matalo, basta sa harap ng camera, laging panalo.”22 Nabanggit kanina ang “pagpapapansin sa kamera”, isa pang kapuna-puna sa mga game show partikular na sa programang Wowowee, ay ang paghikayat sa mga audience na magpakitang-gilas sa pagsayaw upang makuha sa kanilang portion na Hep Hep Hooray. Sa oras na dumako na sa inyong parte ang kamera, kailangang ibuhos na ang lahat ng galing, karisma at pagpapansin upang mapiling maglaro. Tulad ito ng tiyansa, swerte na dahil minsan lamang kumatok sa pinto, kinakailangang sunggaban ang pagkakataon. Kailangang maging maagap at listo sa mga pagkakataong ito sapagkat maaaring matagal-tagal pa o maaari ding hindi na ito muling maulit. Isa din itong uri ng pagpapakita ng kabibuhan at kasiyahan sapagkat kung ganito ang mga audience, masasabing masaya at kawili-wili sa programang iyon na siyang nais ng tao at lalo pang hahatak ng marami nito. Makikitang ang laro o paligsahan ay hindi nagsisimula sa loob ng studio o sa gitna ng entablado. Kung titingnan, sa paghahanda pa lamang sa pagsali nito ay naglalaro ka na, lumalaban na sa kapalaran sapagkat sa laro, dapat lamang na handa ka, preparado sa lahat ng maaaring mangyari lalo pa’t hindi laging matatalino ang mga nanalo sa bawat laro, kundi ang mga maaabilidad. Ang naging pagsali ng aking informant ay para sa kasiyahan at karanasan lamang at hindi primaryang dahilan ng pagsali ang premyo. Katulad na lamang ni Jen-Jen23, isang dalagang residente din ng Kalye Pilapil. Kahit na maykaya ang kanilang pamilya ay suki naman siya sa iba’t ibang beauty contest at ilang game show. Mahalaga sa kanya ang karanasan at ang
21

Kara David. (2009). Manalo, matalo, panalo! [video]. Nakuha noong Disyembre 28, 2009, mula sa http://www.youtube.com/watch?v=QtywA6s4gmM 22 Ibid. 23 Ibid. 14

pagnanais na mai-enjoy iyon at makitang kagiliwan ng maraming tao. Ikalawa na lamang ang pera. Mayroong iba kasi na halos hanapbuhay na ang pagsali sa gameshow. Isang magandang halimbawa ang Wowowee. Katulad ng nangyari sa Ultra noong unang taong anibersaryo ng programa. Sa sobrang dami ng taong nagnanais na maambunan lamang ng kahit kaunting swerte at grasya ay nagkaroon ng stampede na nagresulta ng kasawian at kapahamakan. Halos buhay na ang nakasalalay, makasali lang at makapasok dito. Marahil ay hindi din sila masisisi. Ang nakikitang imahe ng mga tao, lalo na at hindi madali ang buhay, na ang pagsali sa mga ganitong uri ng programa ay siyang mabilis na paraan, di man yumaman kaagad, upang guminhawa agad ang buhay. Hindi nga ito marahil nakapagtataka sapagkat nawiwili ka na ay magkakaroon ka pa ng pagkakatong kumita ng perang hindi naman basta-basta napupulot sa kung saan-saan. Kung ang iba ay minsan lamang sumasali sa mga palaro at patimpalak, may iba na regular na sa mga ganitong bagay. Mas mainam na katawagan sa kanila ang professional contestants na mayroong iba’t ibang dahilan din kung bakit patuloy ang kanilang pagsali at pagtangkilik sa mga programang ito na gaya ng nabanggit sa itaas ay halos hanapbuhay na nila ang pagsali. Ang mga professional contestants ay mga manlalarong “batak” nasa pagsali sa iba’t ibang game show at patimpalak. Sanay na sila at alam na nila ang mga pasikut-sikot at estratehiya sa pagsali sa mga ito. Kadalasan sa kanila ay ginagawa ng isang hanapbuhay ang pagsali. Ganyan halos ang lahat ng residente ng Kalye Pilapil at isa na dito si Lola Koring, na sa edad na pitumpu’t isa ay hindi pa din nagpapaawat sa pagsali sa iba’t ibang patimpalak ng pagawit mapa-amateur, mapa-telebisyon o mapa-radyo man ito. Hindi niya pinalalagpas ang bawat patimpalak na mabalitaan niya, malayo man o malapit. Nakarating na nga siya hanggang sa Bikol at Pangasinan sa pagsali lamang sa mga ganito. Basta mabalitaan, dadayuhin sa ngalan ng pera lalo na noong panahong siya pa ang breadwinner ng pamilya. Nakakamanghang ang pagsali sa mga programang ito ang ipinambuhay niya sa kanyang pamilya sa loob ng maraming taon. At kahit na mayroon ng sariling trabaho at pamilya ang kanyang mga anak sa ngayon, hindi pa din siya tumitigil dito. Ipinapakita niya na wala sa edad ang talento sapagkat habambuhay ang talento, manalo man o matalo. Kung dati, ang laro ng kanyang buhay ay umiinog sa kaisipan na kailangan niya ito upang kumita para sa pantustos ng pamilya, ngayon, nagbago na iyon. Sa pagsali niya sa mga patimpalak at pagtuntong sa entablado nagkakaroon ng katuparan ang kanyang pangarap na tingalain ng lahat, palakpakan at maging isang bida “hangga’t hindi natatapos ang kanta.”24

24

Kara David. (2009). Manalo, matalo, panalo! [video]. Nakuha noong Disyembre 28, 2009, mula sa http://www.youtube.com/watch?v=QtywA6s4gmM 15

Gaya ng primaryong rason ni Lola Koring sa pagsasali sa mga patimpalak, ganoon din ang rason ng isang grupo ng mga tambay na kabilang sa nasabing dokumentaryo. Pinuno ng kanilang grupo si Mac-mac na halos lahat na yata ng game show ay nasalihan na niya. Basta kung ano ang kailangan ng game show, pag-aaralan niya—“kapag sayaw, sasayaw; kapag kanta, kakanta.” Una siyang sumali noong siya ay nasa mataas na paaralan pa lamang at dahil nawili naging regular na siyang manlalaro at contestant. Aniya, mas mabuti na iyon kaysa ang tumambay maghapon.25 Sa dinami-dami na ng mga game show at patimpalak na kanyang sinalihan, kung susumahin halos nasa isang daang libo na din ang kanyang napanalunan. Hindi nga ganoon kalaki subalit “napakalaking bagay na iyon sa isang magandang simula.” Mula sa kanyang mga napanalunan, nakaipon siya ng maliit na puhunan para sa isang maliit na pagawaan ng motorsiklo. Kung tutuusin, hindi na niya kailangan pang sumali sa mga game show sapagkat mayroon na naman siyang regular na ikinabubuhay subalit iba daw talaga ang pakiramdam kapag nasa harap na ng kamera lalo na’t gustong magpasikat. Pakiramdam niya ay hindi siya isang tambay ng Tondo kundi, katulad ni Aling Koring, isang bidang pinapanood ng maraming tao kasabay ng palakpakan at sigawan. Sa dami ng nagnanais maging artista, mang-aawit, komedyante, o sadya lamang nais magpapansin, interesanteng malaman na sa Kalye Pilapil ay mayroon nang naging isang opisyal na Talent Scout kung saan siya ang naghahanap ng taong maaaring sumali sa iba’t ibang game show o patimpalak. Sagot niya ang lahat ng kanilang gastos—pagkain, pamasahe, costume. Sa loob ng labing-isang taon niya sa hanapbuhay na ito, hindi siya nauubusan ng constestant. Sa kalye pa lang na iyon, hindi na, isipin na lamang kung buong bansa na ang pagpipilian. Masasabing natural na talentado ang Pinoy, ika nga, hindi nauubusan ng talento at ideyang mapagkakakitaan, lalo na sa buhay ngayon kung saan mahirap kumita ng mga halagang ipinamimigay sa mga game show at patimpalak. Sa pagsali sa mga iyon, magkakaroon na ng pagkakataong makita sa telebisyon, kikita pa, lalo na kung susuwertihin, ng malaking halaga.26 Isa sa mga nangarap makilala ay si Dexter, taga-Pilapil din at pinalad maging kabilang sa season ng Starstruck, isang contest sa GMA-7 kung saan naghahanap sila ng mga bagong artista, noong panahong kinunan ang dokumetaryo. Kaibigan niya si Mac-mac at ang mga tropa nito. Sa mga tambay na iyon na mahilig sumali sa mga contest niya natutunang hindi dapat ikahiya ang talento. Sa hirap ng buhay hindi lamang doon kundi sa maraming bahagi ng bansa, ang pagsali sa mga game show ay nangangailangan ng tibay at lakas ng loob na siyang ginamit niya upang pasukin ang mundo ng pag-aartista.27
25

Kara David. (2009). Manalo, matalo, panalo! [video]. Nakuha noong Disyembre 28, 2009, mula sa http://www.youtube.com/watch?v=QtywA6s4gmM 26 Ibid. 27 Ibid. 16

Para sa iba, ang paglalaro sa mga game show at pakikilahok sa iba’t ibang mga patimpalak ay laro upang mawili at maging masaya. Mayroon ngang mga maysakit na manonood talaga ng live. Para sa iba, ito ay pansamantalang pagtakas sa hirap na dulot ng reyalidad gayundin ay isang paraan ng paggaling. Ika nga sa Ingles, “Laughter is the best medicine.” Ganito din ang nadudulot nito sa mga nanonood, lalong higit sa mga sumasali. Sa paglalaro, indak at tuwa nakakalimutan nila ang hirap at kung ano mang problema mayroon sila kahit man lang sa maiksing panahon. Ang pagsali naman para sa iba ay pagkakaroon ng pagkakataong sumikat at makilala. Ang kanilang laro ay para sa pagnanais na maipamalas ang kanilang galing, talento at husay— tingalain at palakpakan, marinig ang hiyawan at paghanga. Gayundin ang laro ng pagnanais na magkaroon ng isang magandang karanasan, i-enjoy ang karanasang iyon lalo na ang makitang kagiliwan ng mga tao. Katulad sila noong unang panahon na ang pinakaaasam nilang premyo ay ang palakpak at pagtingala. Sa mga sumasali sa ngayon, ang pera ay ikalawa na lamang at walang hihigit sa halaga ng premyo ng karanasan. Mayroong namang mga taong ang pagsali sa game show at iba pang patimpalak ay laro upang mabuhay ang kanilang pamilya at mahal sa buhay—ang paglalaro ay pagturing na isang hanapbuhay. Sa bawat pagod at hirap ng pagtitiis makasali lamang sa mga ito, ang umuwing may dalang premyo partikular na ng pera ay ang pinakamahalagang tropeyo ng pagkapanalo. Sa bawat sagot sa tanong, sa bawat tamang galaw at tamang nota, kalakip ang kasiguraduhang may maipanggagastos ang pamilya. Sa bawat laro ng buhay ng mga Pilipino, isa lamang ang nakikitang bagay dito—ang pagasa, pag-asa na sa pagsugal nila at pagsakripisyo, ay ang iba’t ibang minimithi. IV. Konklusyon

Masasabing ganoon na lamang ang pagiging patok at sikat ng mga game show sa ating bansa dahil sa maraming kadahilanan. Ang laro sa game show ay tulad din ng laro ng buhay nating mga Pilipino. May mga araw na swerte tayo, mayroon din namang hindi. Sa bawat laro ay isang pag-asang makamit ang ipinaglalaban na kinakailangan, sa madaming pagkakataon, ang sumugal at magsakripisyo. Maraming naniniwala na madaling paraan ang mga game show para kumita ng malaking pera lalo pa’t hindi madali ang buhay sa ngayon—madaming mahirap at hindi madali ang maghanap ng trabaho’t kumita. Ika nga, “One time bigtime” sa oras na makapaglaro na. Kung tutuusin, wala namang mawawala talaga kung sasali dito. Walang puhunan kundi ang abilidad, diskarte, paniniwala sa Nakatataas para sa maraming Pilipino, at higit sa lahat, ang paniniwala sa swerte. Kahit ano pa ang nais ng manlalaro, hindi marahil mawawala ang paniniwala sa huli.
17

Higit marahil na sa mga nangangailangan talaga ng pera ang paniniwala sa swerte gawa ng bunga ng pagiging mahirap, hindi madali para sa kanila ang makamit ang kanilang pangarap sa buhay—madaming salik ang nagsisilbing hadlang upang makamit ang mga ito. Ang paniniwala sa swerte ay marahil na nag-ugat sa panahon ng mga Espanol kung saan sa kanilang pagdating, nagkaroon ng pagmamalupit at pagkait sa mga Pilipino ng kanilang karapatan. At bunga nito, kailangang umasa ang mga tao sa kanilang angking abilidad, hindi para maging matuwid, kundi para kumita. Ang maambunan ng grasya na dulot ng swerte ay minsan lamang dumating noon (at maging sa ngayon) kaya ganoon na lamang ang pananabik ng mga tao na maranasan ito upang kahit papaano ay guminhawa sila. Kapalit ng pagkapanalo sa mga laro ang premyo. Kung matatandaan, bago dumating ang mga dayuhan, walang konsepto ng materyal na premyo—Hindi talaga hayag sa mga katutubo na sa bawat pagkapanalo ay mayroong pabuya. Sabi nga sa nabanggit na din dito, sapat na ang palakpak at pagtinging ipinupukol ng tao. Kung tutuusin, ang premyo ay isang kolonyal na mentalidad. Sa pagdating ng mga dayuhan, dahil nga sa pinagkaitan ang mga Pilipino ng kaginhawan at karapatan, naging mahalaga na sa bawat pagkapanalo ay nilalaanan ito ng materyal na kapalit na siyang magsisilbing katibayan hindi lamang ng husay at abilidad, kundi pati na din ng isang bagay na pinagkakitaan at siyang kapakipakinabang para sa tao at sa kanyang pamilya. Nabanggit nga sa itaas na madaming nag-iisip na madaling paraan ang game show para kumita ng malaking pera at katulad ng mga taong naniniwala dito ay ang mga Pilipinong tinitignan ang mga game show bilang laro ng buhay upang may ikabubuhay—sa madaling salita, sa bawat pagsali sa mga ito ay ang pag-asang mayroong maiuuwing pantulong sa pamilya. Sila ang mga taong sasali sa anumang game show o patimpalak na maaaring salihan. Hindi naman kasi agad-agad na sa isang pagsali ay gaganda ang buhay, maliban na lamang kung, sabihin na nating milyon na ang napanalunan. Subalit mayroon pa din sa kalye Pilapil na kahit nanalo na ng milyon ay patuloy pa din ang pagsali sa mga ito. Masasabing hindi kasi habambuhay ang pera— nauubos din ito lalo na kung hindi ito nagawang mapalago, halimbawa sa negosyo. Ang pagnenegosyo ang isa sa mga ginagawa ng ibang nanalo sa mga game show. Kumbaga, ginagawang puhunan upang magkaroon ng regular na pagkakakitaan na siyang magandang ugali nating mga Pinoy at lumalabas na dito ang ating pagiging maabilidad. Gaya ng game show, ang paghawak at pagpapaikot ng pera ay nangangailangan din ng diskarte at abilidad sapagkat kung hindi ito mahahawakan ng mabuti, masasayang lamang ang perang pinaghirapan. May ilan pa ding hindi pera o anumang bagay-materyal bilang premyo ang primaryong nais kaya sumasali sa mga game show. Masasabi kong nanatili pa din ang ugali noon na sapat na ang maramdamang natutuwa at tinitingala ng tao dahil sa husay. Ganoon din ang mga taong tanging karanasan, higit sa lahat, ang nais. Sila ang mga taong ang laro ng buhay ay ang pag-

18

asang sa maiksing panahon ay makalimutan ang problema at maging masaya. Sila din ang mga taong ang laro ng buhay ay ang pag-asang sa pagpapamalas ng talento at kakayahan ay makilala. Tunay at hindi nga maaaring maipagkakaila na karamihan sa atin ay nahuhumaling sa gameshow. Sa umpisa, aakalain nating pera lamang ang dahilan at nagtutulak sa mga manlalarong sumali. Marahil ay mahirap nang maalis sa isipan ng nakararami na maaari kang yumaman sa gameshow. Umaabot ba naman sa milyon ang papremyo ng mga naglalakihang game show. Isang hatawan lang, maaaring maging milyonaryo ka na. Subalit sa naging pananaliksik na ito, naipakitang hindi lahat ng tao, hindi lahat ng Pilipino ay naglalaro para sa pera o anumang materyal na bagay. Bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan. Bawat isa ay may kanya-kanyang laro ng buhay. Sa bawat laro ay mayroong pangarap at pag-aasang natutupad kahit pa man, aminin man natin o sa hindi, na pansamantala lamang ang kasiyahang handog ng mga game show.

19

Sanggunian Libro Obsuna, Iris M. Laro ng lahi ( A historic evolution of Philippine games). Diliman: College of Human Kinetics, University of the Philippines, 1983. New International Webster’s Comprehensive Dictionary. Enclyclopedic ed. Chicago: J.G.Ferguson Publishing Company, 1995. New Lexicon Webster’s Encyclopedic Dictionary. Deluxe ed. Danbury: Lexicon Publications Inc., 1995. Internet Video Clips Kara David. (2009). Manalo, matalo, panalo! [video]. I-witness. Nakuha noong Disyembre 28, 2009, mula sa http://www.youtube.com/watch?v=QtywA6s4gmM Online Dictionaries Macmillan Dictionary-Thesaurus. 2010. Macmillan Dictionary-Thesaurus. Marso 26, 2010 <http://www.macmillandictionary.com/dictionary/british/game-show> Dictionary of Marketing Terms. 2010. All Business A D&B Company. Marso 26, 2010 <http://www.macmillandictionary.com/dictionary/british/game-show>

Panayam/Naratibo Cathy Soriano (assistant producer-Family Feud) mula sa panayam ng may-akda. Pebrero 18, 2010. Michael Rosero (mag-aaral) mula sa kanyang naratibo. Enero 2010.

20

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->