You are on page 1of 8

Oh Katawan!

Ang Katauhan ng Katawan


Michael Wilson I. Rosero

Sa mga pag-aaral hinggil sa pag-unawa sa kalikasan ng tao, mas nabibigyang-pansin


sa dualismong materyal at espiritwal ang mekanismong panloob ng tao. Mas
nabibigyang-diin ang pananaw-ispiritwal at pilosopikal ang loob at iba pang
konseptong kaugnay at mga pagpapahalagang Pilipino na nagmumula dito. Sa
sulating ito, susuriin ang konsepto ng katawan at tatalakayin ang mga konseptong
nakakabit dito tulad ng kinatawan at pangatawanan na nagpapakita sa katangian ng
katawan bilang isang sosyal at pinakamaliit na panlipunang istruktura.

1.0 Introduksyon
Sa mga pag-aaral na naisagawa upang tuklasin ang hiwaga ng pagiging tao, laging naisasantabi
ang konsepto ng katawan. Mas nabibigyang-pansin sa dualismong tinukoy ni Descartes ang
espiritwal na bahagi ng tao, ang aspektong panloob nito. Nakatuon ito sa pag-unawa sa loob ng tao at
mas nabigyang-diin ang mga konsepto ng kaluluwa, loob, emosyon at iba pang kaugnay na konsepto. Sa
papel na ito, tatalakayin ang materyal na katangian ng tao – ang katawan – at mga kaugnay na
konsepto.
Sa sulating ito, titingnan ang katawan bilang materyal na manipestasyon ng tao, ang
organikong bahagi nito na hindi lubusang maihihiwalay sa konsepto ng loob at kaluluwa na sinasabing
sentral na pinagmumulan ng aksyon na isinasakilos ng katawan. Susuriin din ang katangian at
kalikasan ng katawan na makikita sa mga konsepto gaya ng kinatawan at pangatawanan.
Mangingibabaw dito ang biyolohikal at sosyal na katangian ng katawan.
Lalamanin ng sulating ito ang iba’t ibang pananaw at pagpapakahulugan ng iba’t ibang
pangkat-etnolingwistiko ukol sa kalikasan ng tao na tutuon sa dalawang tinurang dimensyon: ang
katawan bilang aspektong panlabas at kaluluwa, ang panloob nito. Pagkatapos, magpapakita ng ilang
konsepto at/o manipestasyon ng katawan sa lipunan sa iba’t ibang pangkat-etnolingwistiko sa
pamamagitan ng wika. Magpapakita din ang ilang paniniwala ukol sa konsepto ng katawan bilang
pisikal na representasyon ng nasa loob ng tao. Magbibigay din ng mga iba pang pagtanaw sa katawan
mula sa iba’t ibang disiplina ng pag-aaral at mga perspektibo. At sa huli, ilalagom ang mga natipong
ito at iuugnay ito sa konteksto ng lipunan at kulturang Pilipino

2.0 Ang Katauhan ng Tao

Ayon sa mga pag-aaral na nagawa hinggil sa kalikasan ng tao, ang tao ay binubuo ng pisikal
na anyo at espritwal na bahagi. Umiiral ang ganitong pagtanaw sa iba’t ibang relihiyon at pilosopiya.

Ang kaluluwa ang imateryal, di-nakikita at espiritwal na bahagi na siyang nagbibigay-buhay sa


tao at may kakayahang umalis sa kinalalagyan nito. Ang pisikal na katawan na ito ang materyal na
sisidlan o pinamamahayan ng kaluluwa na namamatay o nabubulok kapag umalis na dito ang
kaluluwa.

Hindi rin nalalayo ang pagtanaw ng pilosopiya. Ayon kay Descartes, ang tao ay mayroong
dalawang dimensyon: ang kanyang katawan (body) para sa materyal na dimensyon, at ang kaluluwa
(soul) para sa spiritwal na dimensyon. Ang kaluluwa ay pumapaloob sa katawan (katawan); at sa
bawat bahagi ng katawan, naroroon ang kabuuan ng kaluluwa. Isa pang ideyang inilatag ni Descartes
ang presensya ng “kaluluwa” ay makikita mula sa katawan; sa kilos nito (Peursen, 1966).

Ayon naman sa pag-aaral ni Gng. Paz (2008) ukol sa ginhawa, kapalaran at dalamhati, ang
tao sa mundong ito ay binubuo ng katawan, kaluluwa at kapalaran ang tao. Para sa mga Kankani ng
Hilagang Luzon, ang isang tao ay mayroong awak na tumutukoy sa kanilang pisikal na sarili at ab-
abiik bilang kanilang espiritwal na sarili (Soul and Spirit).

Sa susunod na bahagi, tatalakayin ang dalawang dimensyong bumubuo sa tao, ang panloob,
ang kaluluwa at ang panlabas nito, ang pisikal na katawan.

2.1 Sa Loob: Ang Kaluluwa

Malaki ang pagpapahalagang umiiral sa lipunan at kulturang Pilipino sa kaluluwa at loob ng


tao. Ito ang pinananiwalaang sentral na pinagmumulan ng aksyon ng tao na imateryal at di-nakikitang
bahagi ng tao. Makikita sa iba’t ibang pangkat-etnolingwistiko ang magkakkatulad na konsepto ng
kaluluwa bilang nanananahan sa katawan at nagbibigay-buhay dito.

Para sa mga Ilokano, nananahan ang karma o kakarma sa pisikal na katawan at ito ay nagiging
aningaas sa sandaling lumabas na ito sa pisikal na lalagyan nito. Ganito din ang konsepto ng gimuok ng
mga Bagobo sa Mindanao at kalla ng Mandaya na kung saan ang sandaling pag-alis nito sa pisikal na
katawan ay nagiging sanhi ng pagkakasakit ng tao.

Magkakasakit din ang isang tao kung umalis sa kanyang tabi ang ikarurua ng mga Ibanag na
dulot ng pagkatakot nito sa isang bagay., o para sa mga Hanunuo-Mangyan ang kanilang ikaradwa ay
takot sa mga msasamang espirito kung kaya't umaalis ito at maaring mag-anyong hayop. Subalit para
sa Ibanag ang ikaruruwa ay kasama lamang, nakahiwalay sa kanyang katawan, samantala ang ikararwa
ay nasa loob ng katawan at umaalis lamang (Paz, 2008).

Maliban sa pagiging pinagmumulan ng buhay, may iba pang konsepto ang mga Pangasinense,
na kung saan ang kanilang kadua o karurua ay ang kanilang kambal. Para sa kanila ang tao ay may
dalawang entidad: ang kanyang kakambal at ang life force na nasa loob ng katawan na maaari nating
ihambing sa hininga. Katulad din ng pagiging bantay ng inikadowa ng mga Maranaw sa Mindanao
laban sa iba pang mga espiritong maaring magbigay ng sakit sa kanyang kambal na tao. Mayroon
ding ganito ang mga Maranaw at mga taga-Panay, kung saan ang tonong ay kakambal na espirito ng
tao at medlangaw naman para sa mga Subanen at dungan naman para sa mga Kinaray-a at
Hiligaynon(Paz, 2008).

Para sa mga Hanunuo-Mangyan, ang isang tao ay binubuo ng kanyang laman, buto at
karadwa, tulad ng sa mga Ilocano. Ngunit ayon sa kanilang paniniwala kapag isa sa mga elementong
ito ang umalis sa katawan, magkakasakit o mamamatay din ito. Bukod pa sa pagkakaroon ng isang
kaluluwang bahagi ng isang tao, maaring magkaroon ang tao ng isa pang kakambal sa anyo ng hayop.
Kaugnay nito, ang paniniwala na ang lahat ng lalang ng Maylikha ay may Kaluluwa kahit na ang mga
bato, ilog o iyong iniisip nating walang buhay ay may ab-abiik (Kankanai) din na tulad sa tao (CVRP,
chap1), tulad din ng paniniwala ng mga Bagobo na ang lahat ng bagay, pati kasangkapan na gawa sa
lalang ng Maylikha ay may tig-iisang kaluluwa (Abrera, 2005).

Samantala, sa pagdating ng mga Kastila, lumaganap ang mga aral ng Kristiyanismo. Ayon sa
mga aral nito, ang tao ay may kaluluwa (soul) na siyang mas mahalaga sa kanyang pisikal na katawan.
Ang kaluluwa ang espiritwal na bahagi ng tao na umaalis sa pisikal na katawan ng tao kapag
namamatay ito. Hindi na mapaghihiwalay ang dalawang dimensyong ito ng tao kung kaya naman
mahalaga ang malusog na pangangatawan upang magkaroon ng kaginhawaanang kalooban ng tao
bilang isang pisikal at ispiritwal na nilalang (Paz, 2008).

2.2 Sa Labas: Ang Katawan


Sa dualismong umiiral sa pag-aaral ng kalikasan ng tao, ang katawan ang materyal na aspekto
ng tao na siyang pinamamahayan ng kaluluwa mula pagkasilang hanggang kamatayan ng tao. Ang
panandaliang pag-alis ng kaluluwa sa pisikal na katawan ay nagiging sanhi ng pagkakasakit,
samantalang kamatayan naman ang resulta kung ito ay permanente. Sa kabuuan, masasabing ang tao
ay binubuo ng materyal na dimensyon, ang katawan na organikong bahagi at pisikal na
representasyon ng niloloob ng tao na hindi mahihiwalay sa espiritwal na bahagi.

Sa anatomiya, ang katawan ng tao ay ang buong kayariang pisikal ng isang organismong tao.
Isa itong bagay na maaaring masaktan o mawalan ng buhay. Ito ay may kapasidad na magbago o
mabago, umunlad at tumanda sa paglipas ng panahon. Nagtatapos ang mga tungkulin nito kapag
sumapit ang kamatayan. Kinabibilangan ang katawan ng tao ng ulo, leeg, torso, dalawang braso, at
dalawang binti at binubuo ng iba’t ibang distintong bahagi, at sa kabuuan ng lahat ng ito ay ang
katawan. Sa iba pang aspekto, ang katawan ang pinakamalaking bahagi ng isang bagay na makikita
sa katawan ng puno, at katawan ng liham.

May katulad na konsepto ang iba pang pangkat-etnolingwistiko. Katumbas ng katawan ng


Tagalog ang badan, bago at lawas ng Maranao at makikita ito sa Pembelag so arowak ko badan igira
paetay so taw (Hihiwalay ang kaluluwa mula sa katawan kapag namatay ang tao).Gayundin ang baran
sa wikang Mapun at Yakan na katawan ng isang tao o pangunahing bahagi ng isang bagay. Mayroon
ding kahalintulad na konsepto ang hawak ng Bikolano, lawas ng Hiligaynon, Maranao, baggi ng
Ibanag, bagi ng Ilokano, tubuh/tuboh ng Indones at Malay at awa ng Ivatan.
Sa Diksyunaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban (1973), tinukoy niya na maaaring mula sa
tawo na kung saan galing ang tao, hindi malayong isipin na ang katawan ay nagmula sa ka +tawo
+ han na naging kataw-an. At mula sa kataw-an, ito ay naging katawan. Ang hinuhang ito ay
maaaring mula sa katawuhan/katawhan ng mga taga-Kabisayaan na katumbas ng sangkatauhan
ng Tagalog. Dahil dito, masasabing ang katauhan (personalidad) o pagiging tao ng isang tao ay
naisasalarawan ng kabuuan ng kanyang pisikal na katawan, kasama na rin ang kung anong nasa loob
niya.

2.2.1 Ang Pagiging Kinatawan ng Katawan

Sa sosyolohiya, binigyang-pansin sa mga pag-aaral nina Bryan Turner ang mga tungkuling
itinakda ng lipunan na may kaugnayan sa katawan, partikular sa tinatawag nilang ‘government of the
body’. Ang mga tungkuling ito ay reproduksyon, restreynt, regulasyon at representasyon. Sa
corporeal realism, nakatuon ang pag-aaral sa ugnayan ng katawan at lipunan. Sa pagtanaw na ito,
kinokonseptwalisa ang katawan bilang isang lugar sa istrukturang panlipunan.

Sa kultura at lipunang Pilipino, mayroong konsepto ng kinatawan na nangangahulugang


kahalili, katiwala, representante. Ang isang kinatawan ay isang taong pinili upang maging
tagapagsalita at representasyon ng nakararami o kabuuan ng isang partikular na samahan o grupo ng
mga tao. Ang kinatawang ito ay siyang kapalit ng kabuuan at ibinibigay sa kanya ang kapangyarihan
at katangian ng entidad na kinakatawan o sinisimbulo nito.

Sa diksyunaryong Vocabulario Tagalog, lumabas ang ganitong pagkakahulugan sa kinatawan:


cquinacatau-án: ser tomado cuerpo. Y también: darle su poder. Isa sa naging pakahulugan sa kinatawan ay
ang pagsasakatawan nito sa isang katawan o kabuuan.

Makikita rin ito sa mga kaugnay na konsepto sa ibang pangkat-etnolingwistiko na tinitingnan


ang katawan bilang panlipunang istruktura at sosyal na instrumento ng pakikipag-unayang sosyal.
Mayroong pinakangbégi (mula sa bégi) ng mga Dumagat na termino para sa isang tao na
humahalili o pumapalit sa isang tao. Sa wikang Indones, mayroon sila ng mga sumusunod na
termino na may kaugnayan sa tubuh (katawan). Nariyan ang bersetubuh, makipagtalik,
menyetubuhi, pakikipagtalik, persetubuhan, pagtatalik, mentubuhkan, isagawa, maisagawa o
maisabuhay at pertubuhan, samahan.

Ipinapakita nito ang kapasidad ng pisikal na katawan at ang pagiging sosyal na konsepto nito
na maaaring representasyon, sagisag at maging simbolo ng isang kabuuan. Dahil dito, masasabing
ang katawan ay hindi lamang isang lugar o lokasyon ngunit isa ring maaaring pagmulan ng lipunan at
isang multi-dimensyonal na midyum para sa pagbuo ng lipunan (Hancock, 2000).
2.2.2 Pangatawanan ang Katawan

Isa pang kaugnay na konsepto ang pangatawanan na nangangahulugang pagbibigay ng lahat


ng lakas sa paggawa ng isang bagay. Upang mapangatawanan mo ang isang bagay, dapat na ibigay
mo ang lahat ng iyong makakaya upang maisagawa ito. Sa aspektong ito, ang iyong katawan (kasama
ang nasa loob nito) na iyong kabuuan ang sangkot.

Maliban pa dito, nariyan din ang ispiritwal na bahagi ng katawan na gumagabay sa mga kilos
at gawain ng katawan. Sa kultura at lipunang Pilipino, dapat pangatawanan o panindigan ng isang
tao ang anumang desisyon o kilos na ginawa niya. Nangangahulugan ito ng pagiging tapat at di
pagtalikod sa nasabing gawa.

3.0 Ang Katawan sa Iba’t Ibang Larangan

Isa sa mga naging pagtingin sa pisikal na katawan bilang flexible at pagbibigay-tuon sa


kakayahan nitong mabago o magbago sa pagpasok ng ika-20 dantaon. Ito ay taliwas sa naging
konserbatibong pagtanaw ng relihiyon sa katawan bilang sagradong tahanan ng kaluluwa. Hindi na
tinitingnan ang katawan bilang isang permanenteng entidad; ang mga pagbabagong kinapapalooban
nito ay hindi na lamang natural na prosesong pisyolohikal. Sa pag-unlad ng tao at sa patuloy na
pagsulong ng teknolohiya, nawala na ang linyang naghahati sa kultura (culture) at kalikasan (nature)
sa mga bagay-bagay at naging flexible na ang katawan. Nagbunsod ito ng mga posibilidad para sa
transpormasyon at modipikasyon nito, na kalaunan ay naging estilo na ng pamumuhay at identidad
(Hancock, 2000).

Dahil dito, ang paglaganap ng ideya ng pagpapanatili ng kagandahan/kaayusan ng katawan sa


pamamagitan ng diyeta, ehersisyo at cosmetic surgery ang nagbigay-daan sa lahat ng uri ng commodity at
technique para sa pagpapaunlad ng katawan. Tinitingnan sa kulturang konsumerista ang katawan
bilang isang komersyalisadong entidad na nagiging sentral na tema ng pagkakaroon ng sariling
identidad o pagkakakilanlan. Sa paghina ng umiiral na relihiyosong awtoridad, ang pisikal na katawan
ay naging pokus ng pagkakaroon ng identidad na nakabatay sa pagkonsumo (Shilling, 2005).

Ang posibilidad ng transpormasyon ng sarili at katawan ay umabot na rin sa aspektong


sekswal. Kung dati itinuturing na permanente at di bukas sa modipikasyon, ang pagkakakilanlang
sekswal ay nabago at naging kagustuhan na lamang. Sa kasalukuyan, ang sekswalidad ay isa na
lamang kagustuhan at estilo ng pamumuhay(Hancock, 2000). Sa pagbabago ng pagtanaw sa katawan,
kasabay din nabago ang pagtanaw sa sekswalidad ng tao. Ang pagiging flexible ng katawan ay
makikita rin sa pagiging flexible ng sekswalidad ng tao sa kasalukuyang panahon. Nawala na ang
konsepto ng body-is-destiny sa pag-usbong ng ideya ng peminismo. Hindi na nalilimitahan ng
natural na katawan ang mga maaaring gawin ng isang tao.
Ang lahat ng ito ay nakabatay sa organikong katangian ng katawan, sa pagiging materyal nito
na may kakayahang mabago at magbago sa pagdaan ng panahon at gamit ang mga makabagong
teknolohiya.

Samantala, sa larangan ng penomenolohiya, tiningnan ni Merleau-Ponty (1962) ang katawan


hindi lamang bilang isang bagay, kundi isang permanenteng kondisyon ng karanasan, isang bahagi ng
perseptwal na kabukasan (openness) sa mundo. Itinuturing niya ang katawan na isang daanan
patungo sa mundo, lalagyan ng pagiging kabahagi ng mundo at paraan ng pakikipag-ugnayan sa
mundo. Ayon sa kanya, isang ekspresibong espasyo ang katawan na nagbibigay-halaga sa mga
personal na kilos. Ito rin ang pinagmumulan ng ekspresibong kilos at midyum ng persepsyon ng
mundo.

4.0 Paglalagom

Sa lipunan at kulturang Pilipino, bagama’t hindi madalas na napag-aaralan at laging


natatabunan ng usaping panloob, malaki rin ang papel na ginagampanan ng pisikal na dimensyon ng
tao. Hindi na maihihiwalay ang katawan ng tao sa ispiritwal na dimensyon nito sapagkat ito ang
tahanang nagbibigay-saysay sa pagkakaroon ng kaluluwa ng isang tao.

Sa bawat aspekto ng buhay ng isang tao, magkasama ang mga nasabing dimensyon na siyang
bumubuo sa katauhan ng tao sa bawat kilos na isinasagawa ng tao. Upang mapangalagaan ang mga
ispiritwal na panloob at magkaroon ng kaginhawaan, kailangan ng malusog na pangangatawan. At
upang mapanatili ang mahabang buhay, dapat nasa matiwasay na pagsasama ang dalawang aspektong
ito.

Napatunayan na ang halaga ng aspektong panloob ng tao – ang kaluluwa- bilang sentral na
pinagmumulan ng aksyon at siya ring gumagabay sa mga ito. Pagdating sa pakikipag-ugnayang sosyal
at interpersonal, mahalaga na lahat ng kilos o desisyong ginawa ay mapanindigan at
mapangatawanan. Nangangahulugan ito na dapat gawin ang lahat, sa abot ng makakaya at kapasidad
ng ating katawan at katauhan upang ito ay mapangalagaan. At bilang kinatawan ng isang kabuuan,
ang sangkatauhan, dapat maging responsable din tayo sa bawat kilos natin.
Mga Batis:

Abrera, Ma. Bernadette. 2005.Bangka, Kaluluwa at Katutubong Paniniwala. Retrieved Feb. 24, 2008
fromhttp://www.researchsea.com/html/article.php/aid/1999/cid/5/research/the_soul_bo
at_and_the_boat-soul__an_inq

Almario, Virgilio. 2001. UP Diksyunaryong Filipino. Sentro ng Wikang Filipino: Anvil Publishing
Inc.

Al-Macaraya, Bruce and McKaughan, Howard. 1996. A Maranao Dictionary. Summer Institute of
Linguistics: DLSU Press, Inc.

Collins, Millard A. 2001. Mapun-English Dictionary. Manila: Summer Institute of Linguistics, Inc.

CVRP. Soul and Spirit. Retrieved Feb.24,2009 http://www.crvp.org/book/Series03/III-


8/chapter_i.htm

Dietlinde Behrens. 2002. Yakan-English Dictionary. Manila: Linguistics Society of the Philippines.

Echols, John M. and Shadily, Hassan, ed. (1989). An Indonesian-English Dictionary, 3rd ed. London:
Cornell University Press.

Frase, Meriam and Monica Greco. 1966. The Body: A Reader. London: Routledge

Hancock, Philip et al. 2000. The body, culture and society: an introduction. Philadelphia: Open
University Press.

Headland , Thomasw N. 1974. A Dumagat (Casiguran)-English Dictionary. Canberra: Pacific


Linguistics.

Panganiban, Jose Villa. 1973. Diksyunaryo-Tesauro: Pilipino-Ingles. Manila: Manlapaz Publishing


Company.

Paz, C.J. (ed.). 2008. Ginhawa, Kapalaran at Dalamhati: Essays on Well-being, opportunity/destiny, and
anguish. Quezon City: UP Press.

Petersen, Alan.1953. The Body in Question: A Socio-Cultural Approach. bLondon: Routledge


Peursen, C.A. 1966. Body, Soul, Mind, Spirit: A survey of Body-Mind Problem. London: Oxford University
Press.

Postma, Antoon, ed. 1624. Vocabulario Tagalo: Tagalog-Spanish Dictionary. In: de San Antonio,
Fernando. 2000. Pulong: Sources for Philippine Studies. Manila: Ateneo de Mania
University.

Shilling, Chris. 2005. The body in culture, technology and society. London: SAGE Pulications

Sullivan, Robert E. (O.M.I.). 1986. Maguindanaon Dictionary. Cotabato: Institute of Cotabato


Cultures.

You might also like