P. 1
Tesis - Danilo R. dela Cruz, Jr.

Tesis - Danilo R. dela Cruz, Jr.

4.41

|Views: 37,128|Likes:
Published by danilordelacruz
Tungkol sa mga tula ni Romulo A. Sandoval.
Tungkol sa mga tula ni Romulo A. Sandoval.

More info:

Categories:Types, School Work
Published by: danilordelacruz on Aug 03, 2008
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as DOC, PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

03/22/2013

pdf

text

original

Kung Anong Bigkas, Siyang Bigwas: Isang Pagbasa sa Kanta sa Gabi ni Romulo A.

Sandoval (1950-1997)

Iniharap sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) Unibersidad ng Pilipinas – Diliman Ikalawang Semetre, 2008

Biilang katuparan sa kahingian sa kursong Araling Pilipino 200 sa ilalim ni Jimmuel C. Naval, Ph.D.

Ni Danilo R. dela Cruz, Jr. MARSO, 2008

LIHAM NG PAGTANGGAP

Ang pag-aaral na pinamagatang Kung Anong Bigkas, Siyang Bigwas: Isang Pagbasa sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval (1950-1997) ay iniharap sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), UP-Diliman bilang pagtupad sa huling kahingian ng kursong Batsilyer ng Arte sa Araling Pilipino, ay tinanggap ni:

______________________________ Jimmuel C. Naval, Ph.D. Tagapayo

Tinanggap bilang pagtupad sa huling kahingian ng kursong Batsilyer ng Arte sa Araling Pilipino ni:

______________________________ Vina Paz, Ph.D. Tagapangulo, DFPP

PASASALAMAT

Mapalad ang mga taong hiningan ko ng tulong upang maisagawa ang pag-aaral na ito. Kung may kapangyarihan lamang ako, maaari kong pagbigyan at tuparin ang tatlong kahilingan nina:

Jimmuel C. Naval, na matiyaga at matalinong gumabay sa akin bilang tagapayo sa buong proseso ng pag-aaral na ito;

Herminio S. Beltran, na nagsalaysay tungkol kay Mulong mula 1967 hanggang 1997;

Mykel Andrada, ang aking kritik, na bagamat limitado na ang panahon upang mabusisi nang husto ang pag-aaral na ito ay hindi nagkulang ng sasabihin sa aming engkuwentro sa mismong araw ng presentasyon;

Virgilio S. Almario, Romulo P. Baquiran, Jr., Alice Guillermo, Patrick D. Flores, Rosario Torres-Yu, Ma. Josephine Barrios, Rene Villanueva, at iba pang naging guro ko sa unibersidad, na kahit basa ang chalk ay gumuhit ng mga makabuluhang bagay-bagay sa blackboard ng aking isipan;

Ariel N. Valerio, na nagbigay ng panghabambuhay na pagkakaibigan at numero unong kritiko ng aking mga akda (pati ng tesis na ito), gawi at gawa.

Gil O. Mendoza, Danilo J. Flores, Arnold A. Altamira, John Anthony A. Concepcion, Chrysler R. De Guzman, Emerson P. Perez, Reynold Munsayac, Angelo M. Tapales, Zerlac S. Perez, at iba pang UP Alpha Sigma Fraternity brods, na nagpapaalala sa akin hindi natatapos sa unibersidad ang aming pag-aAlay sa Sambayanan at mga unang nakadiskubre ng bisa at kabuluhan ng bula ng serbesa;

Kuya Pablo, Ate Susan, Kuya Boyet, Kuya Rolly, at iba pang masisipag na empleyado ng unibersidad, na aking inabala sa mga panahong hindi sila dapat abalahin;

Danilo, ang aking ama, Luz, aking ina, at mga kapatid na sina Daniel, Dexter, at Rowena, na sa simula’t simula naging lunsaran ng aking mga pangarap at pagsisikap;

Cherie Mae M. Ayongao, aking pag-ibig, na naniwala at nagsabing “Yes… maaari… posible pa ang lahat”; at

UP Ikot (at hindi na ito kailangang ipaliwanag pa).

Ano ang inyong tatlong kahilingan?

Danilo R. dela Cruz, Jr.

NILALAMAN
Pasasalamat Introduksiyon Layunin ng Pag-aaral Kahalagahan ng Pag-aaral Rebyu ng Kaugnay na Pag-aaral Teoretikal na Balangkas Metodolohiya Saklaw at Limitasyon Kabanata I Kung Anong Bigkas, Siyang Bigwas Ibagsak I shall return Kanta sa Gabi Gabi, sa Isang Kapihan Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort Sugat Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw Harana Lamay Ang Kanilang mga Karapatan Araw-araw, Nagpipiyesta ang mga Langaw Sampunit na Langit

Sa Lalaking Nakalugmok sa Hagdanan ng Quiapo Underpass Apatnaraang Matadero Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas Serenata Kay Irma, Matrona Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita Darating ang Papa Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon E Ano Ngayon? Magkwenta Tayo Sandali Ang mga Kriminal Taga sa Bato Byahe Pagka’t Tayo’y Nagmamahal Kredo Kabanata II Kongklusyon at Mga Rekomendasyon Bibliograpiya

Introduksiyon

“Writing is nothing but the representation of speech; it is bizarre that one gives more care to the determining of the image than to the object.” - J.-J. Rousseau, Fragment inédit d'un essai sur les langues

INFANTA, Pangasinan, 1967, binabasa ng isang second year high school student na si Herminio Beltran (kasalukuyang pinuno ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Literature Division) ang bagong edisyon ng isang lingguhang magazine. Manghang-mangha ang binatilyong si Herminio sa isang haiku na nalathala roon. Ani Hermie: “Tungkol iyon sa isang kandilang natutunaw. Very strong ang image. Nakikita, naaamoy at nararamdaman.”1

Ang 17 taong gulang na si Romulo A. Sandoval ang sumulat ng haikung iyon.

Makalipas ang 30 taon: Pebrero 7, 1997, inilunsad sa Kasalo, isang restaurant sa Quezon City na pag-aari ng makatang Tomas Agulto at yumaong Direk Ishmael Bernal, ang libro ng unang koleksiyon ng mga tula ni Sandoval, ang Kanta sa Gabi – 24 orihinal na tula, 12 salin ng mga tula nina Jose Emil Pacheco, Nicolas Guillen, Pedro Shimose, Edmundo Aray, Otto Rene Castillo, at Marco Antonio Flores.

1

Beltran, Herminio, personal na panayam, Cultural Center of the Philippines, Pasay City, 02 Pebrero 2008.

Sa pagkakaalala ng kabataang manunulat at noo’y estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na si Gil O. Mendoza, dumalo sa naturang okasyon ang mga manunulat at kritiko na sina Bienvenido Lumbera, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Teo Antonio, Jun Cruz Reyes, Fidel Rillo, Marne Kilates, Jesus Manuel Santiago, Reuel Molina Aguila, Lilia Quindoza-Santiago at Aida F. Santos. Ayon pa kay Mendoza, naroon din ang ilang kabataang manunulat na miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na itinatag ni Almario noong dekada ‘80 at karamihan sa mga miyembro ng nabuwag na Galian sa Arte at Tula (GAT) na dating kinabibilangan ni Sandoval (ang mananaliksik ang nagbigay-diin sa salitang “nabuwag” dahil marubdob pa ring pinagtatalunan hanggang ngayon kung buhay pa ba ang GAT o hindi na).

Idinagdag din ni Mendoza na naroon din ang mga kabataan at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na nagsisimula pa lamang pumalaot sa larangan ng pagsusulat.2

Pinapasinayahan noong gabing iyon ang produksiyon ni Sandoval bilang makata. “Master poet” ang turing ni Guillermo, ang tanyag na kritiko mula sa hanay ng Kilusang Pambansa-Demokratiko, nang minsang magtaas ng tagay sa harap ng mga manunulat at kritiko sa isang inuman sa PCED sa UP Diliman Campus.

2

Mendoza, Gil O., panayam sa telepono, 22 Enero 2008.

Ayon kay Ariel N. Valerio na siyang huling halal na pangulo ng GAT, ang Kanta sa Gabi ay binubuo lamang ng 36 na tulang orihinal at salin na madugong binuno ni Sandoval sa loob nang mahigit dalawang dekada. Ani Valerio: “Si Mulong ay parang si Walt Whitman na ilang ulit na nirebisa ang Leaves of Grass.”3 Ganoon din umano si Sandoval pagdating sa kanyang mga likha kaya manipis na koleksiyon lamang ang Kanta sa Gabi. Gayon pa man, naroon sa Kasalo nina Agulto at Bernal ang mga tao ng iba’t ibang puwersang pampanitikan upang magpugay sa master poet ni Guillermo.

Maaaring dalawa ang itinuturing na okasyon noong gabing iyon: una nga’y ang pagtatanghal ng kauna-unahang libro ni Sandoval (isang pagdiriwang); at pangalawa’y bilang pagdamay na rin ng mga kakilala, kasama’t kaibigan kay Sandoval na dinapuan ng matinding karamdaman at maaaring ilang araw na lamang ang ilalagi sa mundo (isang pagluluksa). Ang gabing iyon sa Kasalo ay punumpuno ng ironiya o kabalintunaan o ng mga binary sa lengguwahe ng istrukturalismo: pagdiriwang/ pagluluksa; GAT/ LIRA; Gelacio/ Almario;

matandang makata/ kabataang makata; tuwa/ luha; pagsilang/ pagkamatay. Tila napagsanib ni Sandoval ang magkakaibang tao at elemento noong gabing iyon sa Kasalo.

3

Valerio, Ariel N., personal na panayam, UP Diliman, 10 Disyembre 2007.

Kasama si Mendoza sa mga naghatid kay Sandoval sa inuupahang apartment sa Quezon City. Inihiga ng mga ito sa kama si Sandoval na patuloy na nanghihina at saka nagwika si Mendoza: “Tsong, pahinga na kayo. Babalik ako bukas.”4

Pero wala nang babalikan si Mendoza. Kinabukasan ay tuluyan nang pumanaw si Sandoval. At malalaman na lamang natin sa “Narito Ka Sana”, isang tulang isinulat ng kabataang makata na si Alexander Martin Remollino, ang alingawngaw ng Mendoza: pagdadalamhati ng mga kabataang manunulat na tulad ni

Narito Ka Sana ni Alexander Martin Remollino

Kay Romulo A. Sandoval, isang pangunahin at tunay na makata ng sambayanan, 26 Hulyo 1950-8 Pebrero 1997

Hindi na namin itatanong kung nasaan ka ngayon. Matagal na mula nang huli kang bumiyahehindi upang muling bisitahin ang bundok na tinahanan nang dalawang linggo, kundi upang hindi na magbalik kailanman. Iyon ang kahuli-hulihan mong biyahe: ang iyong paglalahong parang tintang nabura ilang oras matapos na mailunsad ang una't huli mong aklat ng mga tula.

4

Mendoza, panayam.

Ang itatanong namin, Ka Mulong, ay kung bakit kinailangang lumisan ka agad. Kailangan pa ang iyong mga kanta sa gabi. Sana'y narito ka at nang maituro mo sa salinlahing ito ng mga makata ng ating bayan na ang itula ang pagkapoot na anak ng pagmamahal ay walang-wakas na pagpapahabagat ng mga bisig sa mga kriminal, walang-wakas na pagpapaapaw ng mga karit mula sa bungo.5

Bilang pahapyaw na pagpapakilala na rin kay Sandoval, sinipi ng mananaliksik ang nakasaad sa pabalat ng Kanta sa Gabi:

Makata ng taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards For Literature-pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa gamit ng wika at imahen, progresibo’t makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata. Siya’y tubong Bauan, Batangas.

Subalit hindi lamang ang mga tala sa itaas ang dahilan kung bakit piniling pagaralan ang mga tula ni Sandoval, ninais pag-aralan ng mananaliksik ang kanyang mga tula dahil napukaw ng paraan ng pagtula ni Sandoval ang interes ng mananaliksik sa mga posibilidad ng wikang Filipino bilang kasangkapan, sibat, at kalasag sa panulaan.
5

Panitikan.com.ph. An Resource Center For Filipino Writers and Readers. <http://www.panitikan.com.ph/poetry/naritokasana.htm>

Ang mga pariralang “sinusuwag ng kombatbuts”, “kambat ng ligasgas”, “basahang kinukulob”, “karsel ng gabi”, “huklubang tagsalat”, “dila ng araw sa bibig ng karbin”, at iba pang napakamalikhain at kakaibang paraan ng pagsasanib ng mga salita sa mga taludturan ay tanging kay Sandoval lamang natagpuan.

Si Sandoval ay katangi-tanging makata ng ating panahon na matagumpay na nagsanib ng anyo at nilalaman tungo sa transpormasyong panlipunan.

Bagamat maaaring kasintalas ng panulat ni Sandoval ang panulat ng iba pang manunulat ng kanyang panahon, may dalawa pang ibang konsiderasyon ang mananaliksik: una, sa kabila ng kamangha-manghang pananaludtod ni Sandoval, halos tila walang nagpupukol ng pansin tungkol sa kanya at sa kanyang mga tula; ikalawa, isa siya sa mga tinig ng pagtutol laban sa balighong kaayusan na nararapat pakinggan lalo’t higit ng mga estudyante at kabataang hindi nararapat makalimot sa kasaysayan ng protesta sa panitikan ng ating bayan.

LAYUNIN NG PAG-AARAL

PANGUNAHING gawain at layunin ng pag-aaral na “Kung Anong Bigkas, Siyang Bigwas: Isang Pagbasa sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval (1950-1997)”

ay mahalaw ang mga kataga/ salita, balangkas/ istruktura, imahe/ larawan at katuturan/ silbi ng mga tula sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval.

Ano, halimbawa, ang mga kataga/ salita, istruktura/ balangkas ng pambungad na tulang Kanta sa Gabi (isinulat ni Sandoval noong 1981)? Ano ang mayroon sa imahe/ larawang “…humalakhak, sa restoran ang Coke at San Miguel...”? Ano ang katuturan/ silbi ng mismong tulang iyon?

Pangalawa sa mga gawain at layunin ng pag-aaral ang pagbibigayinterpretasyon sa mga nahalaw na salita, balangkas/ istruktura, imahe/ larawan, katuturan/ silbi ng mga tula sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval.

Panghuli sa mga gawain at layunin ay iugnay ang mga nabuong interpretasyon/ kahulugan sa pagturing kay Sandoval bilang makata ng sambayananan/ mamamayan na pinagpugayan sa Kasalo noong Pebrero 7, 1997, isang araw bago ang kanyang kamatayan o sa bibig ni Guillermo ay master poet (kahanay ng mga master carpenter, master plumber, magsasaka, at iba pa, na masang pinagpupugayan ng Kilusang Pambansa-Demokratiko).

KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL

LABING-ISANG taon na ang lumipas mula nang pumanaw si Sandoval subalit halos walang nailimbag na mga pag-aaral tungkol sa kanya at kanyang mga

akda.

Maliban

sa

website

na

http://romulosandoval.blogdrive.com

na

nagtatanghal sa mga akda ni Sandoval (marahil ay bilang pagpupugay na rin ng gumawa ng website), undergraduate thesis ni Mayo Uno Martin at masteral thesis ni Jovita Zarate ay wala nang ibang mahahalaw na materyal ang mga mag-aaral na tulad ko upang basahin nang malaliman ang naturang makata. Mahalaga ang pag-aaral na ito sa pag-aambag sa materyal patungkol kay Sandoval at sa kanyang mga tula.

Sa unang basa, lumalabas na sabog o chopsuey o pinaghalo-halong mga tula lamang ang Kanta sa Gabi bilang isang koleksiyon. Makatutulong ang pag-aaral na ito sa pagpapalutang ng kaisahan ng mga anyo at nilalaman ng Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval. Kahit manipis na koleksiyon lamang ang Kanta sa Gabi, hindi basta-basta maisasaisantabi si Sandoval bilang mahalagang makata alinsunod sa kasiningan ng kanyang mga taludtod at kahalagahan ng kanyang mga ideyang nakapaloob sa mga taludtod na iyon.

Nakikiisa ang pag-aaral na ito sa pagtatanghal sa mga tula ni Sandoval (o isang pagbibigay-diin na lamang?) bilang bahagi ng mahabang tradisyon ng mga akda ng pakikibaka/ pagtutol na ibinabandila ng Kilusang Pambansa-Demokratiko.

Bilang panghuli, nakikiangkas ang pag-aaral na ito sa agos na patungo sa paglagda kay Sandoval bilang tunay na makata ng sambayanan/ mamamayan. Bukod sa pagsusulat ng mga tula ng pakikibaka/ pagtutol, tuwirang lumahok si

Sandoval sa kilusang masa tungo sa pagbabagong panlipunan at kung gayo’y karugtong ng kasaysayang ito ang kasaysayan ng kanyang panulaan.

REBYU NG KAUGNAY NA PAG-AARAL

SA pag-aaral ng salita, anyo, at nilalaman ng mga tula sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval, hindi naiwasan ng mananaliksik na galugarin ang iba’t ibang kritisismong pampanitikan at mga diskusyon at pag-aaral tungkol sa salita, wika at kahulugan.

Matatagpuan, halimbawa, sa sinaunang akda ni Aristotle na pinamagatang On Interpretation ang pagtatangkang pormal na tanghalin ang panulat o literature bilang representasyon ng mga karanasan ng isang tao at siyang pinag-ugatan ng teoryang mimetiko (mimetic theory) ng pormalistang pagsusuri o paggagad sa realidad alinsunod sa kategorya ni Lumbera:

Spoken words are the symbols of mental experience and written words are the symbols of spoken words. Just as all men have not the same writing, so all men have not the same speech sounds, but the mental experiences, which these directly symbolize, are the same for all, as also are those things of which our experiences are the images.6

6

Aristotle, On Interpretation, (Kessinger Publishing: Montana, 2004). p.1

Sinusugan ni Henry Home sa sanaysay na pinamagatang Elements of Criticism ang pagsisikap ni Aristotle na ilugar ang panitikan at sining bilang “paggagad sa realidad”:

Of all the fine arts, painting only and sculpture are in their nature imitative. An ornamented field is not a copy or imitation of nature, but nature itself embellished. Architecture is productive of originals, and copies not from nature. Sound and motion may in some measure be imitated by music; but for the most part music, like architecture, is productive of originals. Language copies not from nature, more than music or architecture; unless, where, like music it is imitative of sound or motion.7

Bilang karagdagan sa isinusog ni Home sa teorya ni Aristotle, sinabi rin niya na ang mga kataga/ salita ay ekspresyon ng isip at mga kaisipan:

The imitative power of words goes one step farther: the loftiness of some words makes them proper symbols of lofty ideas; a rough subject is imitated by harshsounding words; and words of many syllables pronounced slow and smooth, are expressive of grief and melancholy. Words have a separate effect on the mind, abstracting from their signification and from their imitative power: They are more or less agreeable to the ear, by the fulness, sweetness, faintness, or roughness of their tones.8

Samantala, maraming pahina ang inilaan ni Roman Jakobson sa Lectures on Sound & Meaning upang pag-aralan lamang ang salitang “Nevermore” sa tulang
7 8

Home, Henry, Elements of Criticism, (M. Carey: Philadelphia, 1816). p.5 Ibid.pp.5-6

“The Raven” ni Edgar Allan Poe at napatunayan niyang ang kataga/ salita ay hindi lamang mga walang-malay na pagsasakatawan o panglinggwistikang representasyon ng mga tunog kundi may “semantikong nilalaman” na karapatdapat pag-aralan. Aniya patungkol sa “Nevermore”:

This vocable, which amounts to no more than a few sounds, is none the less rich in semantic content. It announces negation, negation for the future, negation for ever.9

Para naman kay Rev. James Robert Boyd: “(L)anguage is the indispensable instrument of thought... without it reason can not be used by man.”10

Sa pag-aaral na tulad nito, hindi lamang salita o wika ang binusisi ng mananaliksik kundi maging ang kahulugan o silbi ng tula kaya may kiling ang mananaliksik sa mga piling kritiko mula sa hanay ng semiotika, istrukturalismo at Marxismo bilang gabay sa paggalugad sa mga kahulugan o silbi ng mga tula ni Sandoval.

Pero bago pa pumasok ang mga alagad ng semiotika at istrukturalismo, sa “Third Course of Lectures on General Linguistics”, nauna na ang linguist na si Ferdinand de Saussure sa pagtimbang sa halaga ng mga termino at kahulugan ng mga salita:
9

Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Six Lectures on Sound and Meaning” By Roman Jakobson. <http://marxists.org/reference/subject/philosophy/works/ru/jakobson.htm> 10 Boyd, James Robert, Elements of Rhetoric and Literary Criticism, (Harpers and Brothers: New York, 1862). p.307

Where there are terms, there are also values. The idea of value is tacitly implied in that of term. Always hard to keep these two ideas apart… When you speak of value, you feel it here becomes synonymous with sense (meaning) and that points to another area of confusion (here the confusion will reside more in the things themselves)… The value is indeed an element of the sense, but what matters is to avoid taking the sense as anything other than a value.11

Sa sanaysay ni Edel E. Garcellano, “Anti-Semiotics: The Sign of System of Bourgeois Nihilism” na kasama sa kanyang koleksiyon, First Person, Plural:

Semiotics (from the Greek semeion, “sign”, is essentially a structuration or codification, recreating the reality of the text in the reader’s own words, deconstructing the boundaries of the text itself so as to find its other meanings in another text…12

Ang “sign” na tinutukoy ni Garcellano na bahagi ng sinasabi niyang “structuration or codification” ay nilinaw sa History of Structuralism ni François Dosse na bahagi ng proseso ng signifikasyon:

11

Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Third Course of Lectures on General Linguistics” By Ferdinand de Saussure. <http://www.marxists.org/reference/subject/philosophy/works/fr/saussure.htm> 12 Garcellano, Edel E. “Anti-Semiotics: The Sign of System of Bourgeois Nihilism”, First Person Plural (Copyright Edel E. Garcellano: 1987). p. 159

Like language, the social is an autonomous reality (the same one, moreover); symbols are more real than what they symbolise, the signifier precedes and determines the signified.13

Ang proseso ng signifikasyon na tinutukoy ni Dosse at tumutukoy naman sa “structuration or codification” ni Garcellano ay pinalawig ni Roland Barthes bilang isang sistema ng karunungan na tinatawag niyang semiolohiya o pag-aaral ng kahulugan. Ayon sa Elements of Semiology ni Roland Barthes:

The sign is therefore a compound of a signifier and a signified. The plane of the signifiers constitutes the plane of expression and that of the signifieds the plane of content. Within each of these two planes, Hjelmslev has introduced a distinction which may be important for the study of the semiological (and no longer only linguistic) sign. According to him, each plane comprises two strata: form and substance; we must insist on the new definition of these two terms, for each of them has a weighty lexical past. The form is what can be described exhaustively, simply and coherently (epistemological criteria) by linguistics without resorting to any extra-linguistic premise; the substance is the whole set of aspects of linguistic phenomena which cannot be described without resorting to extra-linguistic premises.14

Ang halaga ng kataga/ salita bilang batayang yunit ng kodifikasyon at ng isang katawan ng karunungan ay sinusugan ni Gerrard Genette, ang may-akda ng

13

Dosse, François, History of Structuralism, (University of Minnesota Press: Minnesota, 1997) p. 28 14 Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Elements of Semiology” By Roland Barthes. <http://www.marxists.org/reference/subject/philosophy/works/fr/barthes.htm>

Structuralism and Literary Criticism, na binuod John Lye, profesor ng Brock University:

Genette is at pains to point out that structuralism is not just about form, but about meaning, as linguistics is about meaning. It is a study of the cultural construction or identification of meaning according to the relations of signs that constitute the meaning-spectrum of the culture.15

Subalit para sa mananaliksik, tinutukan nang higit hindi lamang ang pagtatampok sa kahulugan kundi maging ang silbi o halaga ng kahulugan. Para kanino? Sa mga nagsusulong ng semiotika at istrukturalismo, maaaring sabihin na pangalawa lamang ang kahulugan. Mas mahalaga para sa mga ito ang mga kumbensiyon at moda ng signifikasyon upang lumutang ang kahulugan.

Subalit ano ang silbi ng pagpapalutang sa kahulugan? Ito ang isang pangunahing tanong nina Etiene Balibar at Pierre Macherey sa Literature as an Ideological Form na lumabas sa Oxford Literary Journal noong 1978:

It is important to “locate” the production of literary effects historically as part of the ensemble of social practices. For this to be seen dialectically rather than mechanically, it is important to understand that the relationship of “history” to literature” is not like the relationship or “correspondence” of two “branches”, but concerns the developing forms of an internal contradiction. Literature are not each set up externally to each other (not even as the history of literature, social
15

Brocku.ca. Brock University. “Summary of Gerard Genette, Structuralism and Literary Criticism". <http://www.brocku.ca/english/courses/4F70/genette.html>

and political history), but are in an intricate and connected relationship, the historical conditions of anything like a literature. Very generally, this internal relationship is what constitutes the definition of literature as an ideological form.16

Ang pag-aaral sa mga kataga/ salita, kung gayon, ay hindi limitado sa paggagad lamang ng realidad na ipinanukala ni Aristotle. Hindi ito limitado sa pagpapalutang lamang ng kahulugan mula sa mga realidad na ginagagad o kinatawan ng mismong mga salita. Sa halip, ang mga kataga/ salita bilang bahagi ng literatura ay may sinasagisag na mga karunungan (knowledge) at kabatiran (wisdom) na matatagpuan sa larangan ng ideolohiya. Kaya itinanong ni James T. Farrell sa unahan ng “Literature and Ideology”: “What is the relationship between literature and politics? What should that relationship be?”17

Mula sa mga tanong na iyon, naglatag si Farrell ng mga hinuha (hypothesis) na magagamit sa isang sistematikong pag-aaral ng literatura at ideolohiya: “If the writer is not on one side, he is either an open defender of the enemy or else he is giving aid and comfort to that enemy.”18

Sa kahawig na kalakaran dito sa Pilipinas, ito naman ang naging tugon ni Guillermo nang ihaghag ni Allan Popa ng High Chair ang tanong na “what are poets for?”:

16 17

Rice, Philip at Waugh, Patricia, Modern Literary Theory, (Arnold: London, 2001) p.134 Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Literature and Ideology” By James T. Farell. <http://marxists.org/subject/art/lit_crit/works/farrell/litandideology.htm> 18 Farell, ibid.

Ano ang silbi ng mga makata? Bilang isang panlipunang katanungan, dapat itong sagutin batay sa pampulitikang pangangailangan ng ating lipunan sa kasalukuyang panahon. Sa ating lipunang hati ayon sa nagtutunggaliang interes ng mga uring panlipunan, ang pampulitikang batayang ito ng pagsisilbi ng mga makata, gayundin ng mga kabilang sa iba’t ibang uri at sektor ng lipunan, ay umaalinsunod sa ganitong malaking hidwaan. Halimbawa, ang tindig-

pampulitika ng mga makatang binasbasan ang sarili noon pang 1990 bilang "world-class poets" at kailan lang ay nag-aleluyang sila na ang nasa tuktok ng panulaan sa Pilipinas sa bagong dantaon ay nakikinabang sa mga palisiya at programa ng malalaking komprador at panginoong maylupa at burukratang kapitalista tungkol sa imperyalistang globalisasyon at ibayong pagpapatindi ng kalagayang malakolonyal at malapyudal sa ating bansa. Ang mga pinuno ng pangkating ito ay may mahabang kasaysayan ng pangangayupapa sa nangakaraan at kasalukuyang rehimeng pang-estado, ng panlilinlang sa mga bagong makata sa pamamagitan ng mga oportunistang teoryang pampanulaan (tulang pulitikal na walang pinapanigan), pusisyon at pabuya, ng paghihiwalay ng mga makata at kanilang likha sa sariling lipunan batay sa mga latak ng New Criticism na hinimud sa pusali ng Cold War. Sa kabilang banda, ang tindig pampulitika ng mga makata ng pambansa-demokratikong rebolusyon (34 taon na nga ang itinatagal, at mangyayaring tumagal pa) ay akma sa pangangailangan ng mga uring api't pinagsasamantalahan mga manggagawa't magbubukid, kabataan, kababaihan at bata, mababang panggitnang uri, pambansang minorya, atbp. Nasa tula't kilos nila ang dakilang pakikibaka at mithi ng sambayanang Pilipino. Noon lang ikalawang bahagi ng dekada sisenta natutunang itanong ng mga makata sa sarili sa paraang publiko: Ano ang silbi? Sino ang pagsisilbihan? Paano? Mainam ngayong ulitin ang tanong.19

19

Highchair.com. Online Poetry Journal. <http://www.highchair.com.ph/free_assoc_pop-whatarepoets.html>

Pero bago ang monologong iyon ni Guillermo, sa Talks on the Yenan on Art and Literature:

The first problem is: literature and art for whom? This problem was solved long ago by Marxists, especially by Lenin. As far back as 1905 Lenin pointed out emphatically that our literature and art should "serve… the millions and tens of millions of working people.20

TEORETIKAL NA BALANGKAS
ANO ang kataga/ salita? Para kay Aristole, representasyon ang salita ng mental na karanasan ng tao kahit nagkakaiba-iba ang paggamit dito.

Naghain na rin ng sagot sa tanong si de Saussure bilang linguist at propesor sa mga serye ng lektura nito na kinumpirma ni Tony Bennett sa Formalism and Marxism:

For linguistics, once a somewhat recondite area of inquiry, now occupies a central position within the social and cultural sciences. At the level of the method, techniques of analysis deriving from Ferdinand de Saussure’s pioneering work on language have substantially influenced all areas of inquiry where the role of language and culture is seen to be central.21

20

Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Talks on the Yenan Forum on Art and Literature”. http://www.marxists.org/reference/archive/mao/selected-works/volume-3/mswv3_08.htm
21

Bennett, Tony, Formalism and Marxism, (Routledge: London, 2003). p.4

Subalit patuloy pa ring inaampon/ kinukupkop ng salita/ wika ang iba’t ibang kahulugan. Sa likod ng bawat salita’y naroon ang kaisipan at damdamin ng tao. Ano ang nahukay ni Jakobson, halimbawa, sa “Nevermore” ni Poe? Iyon nga ba ang nais na iparating ni Poe? Baka naman ang mismong makatang si Poe ay hindi rin nito alam kung bakit naibulalas ang “Nevermore”? O baka naman ang iba’t ibang mambabasa ay may sari-sariling kahulugan sa “Nevermore” ni Poe? Patong-patong ang kahulugan sa likod ng salita? Ano-ano ang mga kahulugang ito?

Ang pag-aaral na ito, tulad ng nabanggit sa rebyu ng kaugnay na pag-aaral, ay gumagamit ng iba’t ibang paraan ng pagbasa upang makuha ang

pinakamayanang katas ng teksto. Ibig sabihin, maaaring gamitin ang klasikal o romantikong lapit, ang modernista o post-modernistang lapit, ang estrukturalista o post-estrukturulistang lapit, o ang post-kolonyal na lapit kung kailangan upang mas mahagip ang nais sabihin ng makata o ng tula at ang kahulugan ng kanyang mga binigkas at maging ang paraan ng pagbigkas. Sa madaling sabi, ipinagpapalagay ng pag-aaral na ito na ang sariling kabig na “kung anong bigkas, siyang bigwas” ay alinsunod lamang sa mga pamantayan ng pagsusuri ng salita (sa isang banda) bilang isang makabuluhang kaganapan.

Maaaring mabuod nang ganito ang isang bahagi ng teoretikal na balangkas:

Una, na ang isang salita o bigkas o utterance ay hindi salita o bigkas o utterance lamang kundi may kinapapaloobang konteksto, pinagmulang kasaysayan, kolektibong kahulugan.

Ikalawa, ang mga salita o bigkas o utterance ay maaaring bigyan ng iba’t ibang pagbasa at wala alinman sa mga pagbasang ito ang tama o mali ngunit may mga pagbasang mas mayaman kaysa sa iba.

Ikatlo, ang iba’t ibang paraan ng pagbasa ay sadya o di-sadyang nagpapalaya sa teksto sa kasalukuyang bilangguan nito upang mabigyan ng indibidwal at kolektibong kahulugan ng bumabasa.

Batid ng mananaliksik na hindi lamang isyu ng salita o wika ang kinahaharap na suliranin sa pagtalakay sa mga tula sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval, maging ang pagtatampok sa mga kahulugan o silbi ng mga tula ay isang napakaselang gawain. Kinilingan ng mananaliksik ang mga piling kritiko mula sa hanay ng linguistika, semiotika at istrukturalismo (sa kung ano ibig sabihin ng salita at ugnayan ng salita at kahulugan) at Marxismo (ang silbi ng kahulugan sa lipunan at mamamayan).

METODOLOHIYA

MASINOP na kinalap ng mananaliksik ang anumang datos at materyal na may malaking kaugnayan sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval.

Sa pagbibigay-kahulugan sa mga nakalap na datos at materyal, isang bahagi ng metodolohiya ang:

1. Pakikipanayam sa mga awtoridad sa kontemporanyong panitikang Filipino partikular sa panulaan;

2. Pagsasaayos ng mga datos batay sa mga kaugnay na pag-aaral at iba’t ibang batis ng impormasyon; at

3. Pagsusuri sa mga datos batay sa teoretikal na balangkas.

Muli

ring

binalikan/

binasa/

pinag-aralan

ang

iba’t

ibang

kritisismong

pampanitikan tulad ng pormalismo, istrukturalismo at Marxismo. Maging ang mga teorya tungkol sa panitikan at wika na ibinabandila ng Pambansang Alagad ng Sining na si Almario at kritiko mula sa hanay ng Kilusang PambansaDemokratiko na si Guillermo.

Nakahanay sina Guillermo, Lumbera, Almario, at Santos upang kapanayamin sana ng mananaliksik sa pagkokonteksto sa mga problemang inihahain. Subalit sa limitasyon sa panahon at iba pang kadahilanan ay hindi naganap ang panayam. Tanging sina Beltran, Valerio, at Mendoza ang nagbahagi ng salaysay patungkol sa mga tula ni Sandoval at ng kanyang talambuhay.

SAKLAW AT LIMITASYON

SAKLAW lamang ng pag-aaral na ito ang mga tula ni Sandoval na kabilang sa koleksiyong Kanta sa Gabi. Hindi sasakupin ang mga tula ni Sandoval na hindi kasama sa Kanta sa Gabi. Ayon kay Valerio, hawak ng manunulat na si Mari Santiago ang iba pang tula ni Sandoval na hindi kasama sa Kanta sa Gabi at marahil ay kasama rin dito ang mga pinakabagong tula.22

Tanging ang salita, anyo, lengguwahe, nilalaman, kahulugan at silbi ng 24 tula sa Kanta sa Gabi ang tatalakayin sa pag-aaral na ito.

Hindi ito talambuhay ni Sandoval bagamat naghain ng salaysay at kuwento ang kanyang mga kaibigan tungkol sa kanyang buhay bilang kaibigan, makata, at bilang kasapi ng Kilusang Pambansa-Demokratiko.

22

Valerio, panayam.

Hindi rin ito sumasaklaw sa isang yugto ng panulaang Filipino na kinabibilangan ni Sandoval kundi nakatutok lamang sa kalipunan ng mga akda ng isang mahalagang makata ng panahong kanyang kinabibilangan.

Panghuli, hindi sakop ng pag-aaral na ito ang mga salinwika (translations) ng mga tula galing sa iba’t ibang bansa (karamihan ay Latin Amerika) sapagkat una, isinalin ito ng makata mula sa Ingles na hindi rin naman siyang orihinal na wika ng naturang mga tula; at ikalawa, ang pagsasalin ay isa ring larangan ng sining na may sariling kakanyahan at kung gayo’y nangangailangan ng ibang pamamaraan ng pag-aaral.

Kabanata I

KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BIGWAS

PERO bago ito, ilan munang kontradiksiyon sa pabalat ng libro:

Sa tulong ng iba pang kaibigan at kapanalig ni Sandoval, ang Sining sa Komunikasyon, Adbertaysing at Pablising (SIKAP) Publications ng negosyantemakata na si Donato Mejia Alvarez ang tumatayong publisher ng Kanta sa Gabi. One color o monochrome (itim) ang kulay, uring bookpaper ang papel at perfect binding. Maaaring kung kaya ganoon ang kalidad/ specification ng libro ay upang maibaba ang gastos sa paglalathala. Layunin marahil na maibaba rin ang presyo sa mga bookstore nang sa gayon ay maabot ang mas maraming mambabasa. O baka naman bahagi ito ng masalimuot na komputasyon ni Alvarez sa pagiimprenta?

Nangingibabaw ang kulay itim (sinasapawan nito ang mga kulay na puti at abo) sa pabalat ng libro. Nakasulat sa malaking letra at matingkad ang mga salitang “kanta sa gabi” at sa ilalim ay naroon ang buong pangalan ng makata: Romulo A. Sandoval. May apat na kalmot (o mga rehas na bakal?) sa gawing kaliwa ng pabalat. Sa gawing kanan, maaaninag ang nakasalaming lalaki na maaaring si Sandoval.

Ang pagsilang sa sanggol o paglulunsad ng rebolusyon ay maaaring ituring na selebrasyon. Ganoon din sa paglalathala ng unang koleksiyon ng mga tula ni Sandoval. Subalit sa paghagod sa pabalat ng Kanta sa Gabi ay nakalambong ang pagluluksa. Pero isang pagluluksa ba ang Kanta sa Gabi bilang teksto?

O maaaring kaya ganoon ay baka sinalpok lamang ng matinding kalungkutan ang musikerong si Jesus Manuel Santiago na siyang nagdisenyo ng pabalat ng libro dahil marahil sa maagang pagkabatid na kaunting panahon na lamang ang ilalagi sa mundo ng kaibigan at kapanalig sa GAT na si Sandoval at hindi nito isinaalang-alang na ang pagdidisensyo o disenyo ng pabalat ng libro ay bahagi ng pagbuo ng teksto o ng paghahain ng diskurso? Dapat bang makiisa ang mambabasa kay Santiago at maglunoy na rin sa melodrama ng pagpanaw? O baka iba ang gustong awitin ni Sandoval sa kanyang Kanta sa Gabi? Ano ang nais niyang iparinig sa mambabasa? At ano ang maririnig ng mambabasang tulad ko?

NOONG taong 1992, bilang mag-aaral ng panitikang Filipino sa unibersidad at batang manunulat na sumusubaybay rin sa makatang Sandoval, unang nahagip ng mananaliksik ang mga tula ni Sandoval sa mga pahina ng ilang antolohiya ng GAT, sa Sagisag, sa mga isinalibrong mga nagwaging tula sa Palanca at Talaang Ginto. Sa UP Main Library Periodical Section ay inisa-isa ng mananaliksik ang mga pahina ng lumang lingguhang Sagisag sa pagbabakasakali na mayroong nakalathala roong tula si Sandoval. Hinalughog rin ng mananaliksik sa Filipiniana

Section ang mga naturang antolohiya sa itaas. Sustansiya para sa mananaliksik bilang isang batang manunulat (o nagtatangkang magsulat) ang mga tula ni Sandoval. At noong 1997 lamang nahawakan ng mananaliksik ang mga tula ni Sandoval bilang isang koleksiyon nang ilathala ng SIPAT Publications ang Kanta sa Gabi.

Ang buong akala noon ng mananaliksik ay kanyang nauunawaan na ang karamihan sa mga tula ni Sandoval. Nabatid ngayon ng mananaliksik na nagkamali siya dahil nang muli niyang (bilang malaking tipak ng pag-aaral na ito) makalipas ang halos isang dekada, lumalabas ngayon na tila nakikipagbuno ang mananaliksik sa mga salita at kahulugan ng mga tula ni Sandoval.

Ibagsak

ANG salitang “ibagsak” ay binubuo lamang ng pitong letra at nahahati sa tatlong pantig. Pero may kung anong umaalimbukay sa ating isipan at damdamin kapag sinasabi o naririnig natin ang salita: ibagsak!

Hindi ito tungkol sa pagnanais na ibagsak ang bunga ng punongkahoy o bituin dahil maling sabihin na “ibagsak ang mangga!” o di kaya’y “ibagsak ang bituin!”

Mas tumpak na sabihin na “pitasin ang mangga” o kaya’y “sungkutin ang bituin”.

Iba ang nais nating tukuyin kapag sinasabi o isinisigaw natin ang salitang “ibagsak”. Lantad nating tinutukoy ang pagnanais na ibagsak ang isang tiwaling pinuno o isang balighong kaayusan o sistema sa lipunan.

Mas tumpak na sabihin na “ibagsak ang Rehimeng Arroyo!” o di kaya’y “ibagsak ang impyeryalismo!”

Bagamat gasgas na ang paggamit ng salitang “ibagsak”, nanatili pa rin ang bisa o lakas ng salitang ito sa pagtibag o pagbaka sa mga tiwaling pinuno o bulok na kaayusan.

Makapangyarihan ang salitang “ibagsak” ay dahil ito ay kolektibong bigkas ng mamamayan. Isang salitang pinanday ng maraming taong pagkilos at pagmumulat ng mga aktibista at kilusang masa laban sa mga nagdaang pangulo ng bansa at pagbaka sa mga batayang suliranin ng lipunan. Bagamat narito na rin ang mga salitang tulad ng “tsugiin” o “chukchakin”, hindi pa rin mawawala sa bokabularyo ng pagkilos at kamalayan ng taumbayan ang “ibagsak” at mananatili itong epektibo.

I shall return

BATID natin na ang pangungusap na iyon ay namutawi sa bibig ni General Douglas McArthur sa pag-uwi muna nito sa Amerika noong kasalukuyang

nagagapi na ng mga Hapon ang mga puwersang Amerikano at Filipino sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pangungusap na iyon ay balon ng pagasa para sa mga sundalong nakikidigma at pati na rin sa mamamayang Filipino na naliligalig sa pambabayoneta ng mga Hapon. Bumalik si McArthur at ginapi nito ang puwersa ng mga Hapon.

Bagamat hindi naman talaga si McArthur ang solusyon sa digmaang sa totoo lang ay walang kinalaman ang mga Filipino, naka-pogi points sa nag-iisang pangungusap na iyon ang Amerikanong heneral. Nakabuo ng sariling bigkas si McArthur. Ibig sabihin, may isang salita ito at hindi nang-iiwan.

Pero babala ng isa kong fraternity brother, huwag gamitin ang pangungusap na iyon sa konteksto ng inidoro dahil kakaiba ang magiging epekto nito.

Isipin na lamang kung nag-a-I-shall-return o nagma-McArthur ang ebak o dumi matapos itong i-flush sa inidoro.

Ang pag-aaral ding marahil ang pagma-McArthur ng mananaliksik upang tuluyan nang tapusin ang kurso na nabimbin sa loob ng maraming taon dahil sa pagsisikap na maitaguyod ang kanyang pamilya.

Makapangyarihan ang salita. Pansinin na kayang tibagin ang pundasyon ng Palasyo ng nag-iisang salita na na may pitong letra at nahahati sa tatlong pantig

(“ibagsak”). Pansinin din na naka-PR at itinanghal na bayani si McArthur ng dahil lang sa isang pangungusap na iyon na binubuo ng tatlong salita (“I shall return.”).

Ano pa kaya kung ito ay magiging pumpon ng mga salita na bubuo ng mga manipesto o polyeto o dula o kuwento o dagli o awit o tula tulad ng ginawa ni Sandoval sa kanyang Kanta sa Gabi?

Kanta sa Gabi

SA pambungad na tula, ang “Kanta sa Gabi”, na siya ring titulo ng buong koleksiyon, sa pamamagitan ng gagap na paggamit ng mga imahe, ibinibirit ni Sandoval sa kanyang tagapakinig o mambabasa na patuloy ang pagkakamal ng tubo ng mga kompanyang multinasyonal:

Kabuntot ng ngasab ng kas redyister, humahalakhak, sa restoran, ang Coke at San Miguel; sa tuktok ng mga bilding, naghuhuntahan ang GE, Sony, Mitsubishi; sumisinghal sa loob ng mga tangke ang Caltex at Petron:

Kung kaya “kahit walang patid ang ngawa ni Papin” (na siyang Jukebox Queen noong dekada ’80) ay itinuturing ni Sandoval na sementeryo ang siyudad o maaaring tinutukoy din niya rito ang proyektong “Lunsod ng Tao” (City of Man) na

hambog na ibinabandila noon ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Anang makata:

Sa iniaanunsyong “Lunsod ng Tao,” pananahimik ito ng sementeryo. Walang ingay, liban sa gumugulong na piso, paimburnal, Liban sa duguang dura na humalik sa burak.

Bagamat sa tula ay walang aksiyong inihahain si Sandoval, kasing-tinis ng boses ni Imelda Papin na naipahayag ng makata na hindi ang mamamayan kundi ang mga kompanyang multinasyunal ng imperyalistang Amerika ang

pinuproteksiyunan ng burukrata-kapitalista na si Marcos upang lalong mapanitili ang pangungunyapit nito sa puwesto. Ang posisyon sa gobyerno ay isang uri rin ng pamumuhunan.

Gabi, sa Isang Kapihan

Naisulat ang tulang “Gabi, sa Isang Kapihan” isang taon makalipas ang pagkadeklara ng batas militar sa bansa. Mula malayang pagtutol sa balighong kaayusang panlipunan “binibiktima ng tatlong dambuhalang gagamba”, ang nagliliyab na mga kamao ng Sigwa ng Unang Kuwarto ay naging impit na hikbi sa mga liblib na sulok ng lungsod – tulad ng mga kapihan. Subalit “hindi ito panahon ng pagdadalawang-loob, hindi ito panahon ng pag-aatubili’t pagkatakot”

sa kabila ng realidad na nakapiit ang mga pangunahing pinuno ng kilusang masang kundi pinaslang ng ahente ng estado at iniwanang nilalangaw sa mga plasa habang binabansagang “ordinaryong kriminal”.

Ano nga ba itong “tatlong dambuhalang gagamba” na nakabaon sa paglilitis ng makata?

Bago ipataw ng diktador na si Marcos ang batas militar, nalinaw na ng kilusang mapagpalaya ang tatlong saligang suliranin ng lipunang Filipino: imperyalismong US, burukrata-kapitalismo at piyudalismo.

May kahirapang hagilapin ang matalinghagang patutsada ni Sandoval sa tatlong saligang suliranin kung hindi malay o mulat ang bumabasa. Kung lalapatan ng isang pormalistikong pagbasa lamang ang tula, ang halaga ng “tatlong dambuhalang gagamba” ay magagagap lamang bilang pisikal na banta marahil sa mga nagpapalitan ng kuro-kuro sa kapihan o literal na mga gagambang bahagi ng motif sa isang lumang kapihan. Subalit kung aangkupan ng metodo ng “realismong panlipunan”, mapag-uugnay ang historikal na realidad ng lipunang Filipino at ang signipikasyon ng mga senyas na “tatlong dambuhalang gagamba” at sa gayo’y mahahagip ang ubod ng mensahe ng makata.

Kaya sinasabi niyang:

hindi tadhana ni aksidente na sa huli'y ating mapuksa, mapuksa ang libo mang may sapot na pakana: hindi tadhana ni aksidente, kundi batas ng kasaysayan.

At malakas ang loob niyang usigin ang mga nasa kapangyarihan. Ang “atin” sa nabanggit na mga taludtod ay may tiyak na pagtukoy, kung gayon, sa “masang Pilipino” (isang bagong salita sa wikang Filipino nang panahong iyon) na nagbibilang sa mga taong nasa kapihan na lunan ng tula ng makata. Samakatwid, hinihikayat niya hindi lamang ang mga nasa kapihan kundi maging ang inaaping uri (alinsunod sa panlipunang pagsusuri o class analysis ng Kilusang Pambansa-Demokratiko na siyang nagpapanukala ng tatlong saligang suliranin) na walang dapat katakutan sapagkat “hindi tadhana ni aksidente,/ kundi batas ng kasaysayan” ang pagtatagumpay ng kilusang mapagpalaya.

Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort

Diyalektika ng mga uri sa lipunan ang pinapaksa ng tulang “Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort.”

Tulad sa anumang diyalektikal na relasyon, tampok ang tunggalian ng negatibo at positibong mga elemento na siyang nagpapakilos sa isang bagay o kaisipan.

Habang “nagtatayugan, nangagsisilawak/ ang commercial complex, ang hotel at resort,/ ang convention center//” lumiliit naman ang halaga ng lakas-paggawa, ng lupa ng maralita, ng mismong buhay ng sambayanan.

Narito ang isang kuwento:

Pinatalsik ng poong-maylupa sa sukarera, o tulad ng kapwa dustang magbubukid ay kinulimbatan ng tahana’t lupa ng isang higanteng dayong korporasyon;

Kung saan ang mga dating may-ari ng lupa ang siyang naging alipin sa sariling bayan.

Narito ang isa pa:

Sa liyab ng sunog sa isang pabrika sa South Diversion Road, mga manggagawa’y pilit kinapkapan bago palabasin; maraming nagasak; maraming nasawi, tigmak pa ng pawis,

nang mangagsitalon mula sa mataas na mga palapag, at ang inilimos ng kapitalista— ng kapitalistang ayon sa dekreto’y bawal pagwelgahan— ay hindi pa maibili ng abang kabaong.

Kung saan ang mga manggagawang nagpupundar at nagpapalobo sa tubo at puhunan ng kapitalista ay ni walang pambili ng kabaong sa sariling kamatayan.

Kung gayon, ang konsentrasyon ng yaman ng bayan ay nasa mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri na nagsasabwatan upang “tumayog at lumawak” ang kaharian ng mga ito habang nagiging tila lungga na lamang ng daga ang tahanan ng karamihan.

Sa diyalektikal na proseso, ang kaisahan ay magaganap lamang kapag lubos nang nakain ng positibo ang negatibo o ng negatibo ang positibo. Kung ang positibo ay ang sambayanan, kailangang sakupin ng kapangyarihan nito ang negatibong mga dayuhang mamumuhunan at lokal na naghaharing-uri. Walang preskripsiyon ang tula kung paano isasagawa ang eliminasyon ng negatibo ngunit malinaw ang pinagmumulan ng kawalang-katarungan at di-makataong kondisyong dinaranas ng higit na nakararami sa lipunan.

Sugat

Isang tulang napakayaman sa mga simbolohikal na paggamit ng wika ang “Sugat”. Isa itong tulang nakapagpapaluha sa bumabasa kahit hindi nauunawaan ng bumabasa kung bakit naluluha. Makapangyarihan ang mga imaheng ginamit ng makata, naninibasib sa kamalayan – mulat man o hindi – ng sinumang Filipino sapagkat tila karaniwan ang mga larawang ihinahain ng taludturan ngunit bumibigwas ang mismong paraan ng paglalarawan.

Naglalakad ang persona sa tabing-dagat ng Manila de Bay, saanmang bahagi nito makikita ang “breykwater” kung saan “abot-tanaw ang gang ng mga bilding” na nagkakaisang kutyain ang kahirapan sa paligid kaya may “sabwatan ng ngisi’t halakhak/ sa gitna ng paglalamay ng malibag na tagaktak ng pawis”. Malinaw ang “locale” sa pormalistang pagbasa – isang lugar ng lungsod kung saan malinaw ang hambingan ng mayaman at mahirap. Sa materyalistang pagbasa, ito ang tunggalian ng mga uri: “sabwatan ng ngisi’t halakhak” o ang representasyon ng mayayaman na nagkakasundo sa paglait sa mahihirap “sa gitna ng paglalamay ng malibag na tagaktak ng pawis”.

Ang tunggaliang ito ang wumawakwak sa puso ng persona at ang puso ay budhi, kaluluwa, konsensiya na hindi maatim ang lisyang kontradiksiyon ng mayaman at mahirap sa lipunan.

Subalit may tiyak na resolusyon ang tunggalian – tulad sa anumang akda ng tradisyon sa panitikan na tinatawag na “realismong panlipunan” – “tigmakin ka ng sigwang sa iyo’y maglalanggas,/ darangin ng araw na sa iyo’y magpapahilom.”

Samakatwid, hindi lamang kasaysayan ang kakampi ng inaaping uri kundi maging ang kalikasan – buwan (umaampat sa sugat), sigwa (lumalanggas sa sugat), araw (nagpapahilom sa sugat).

Ang sugat na ito ay sugat sa budhi, kaluluwa, konsensiya na nakapaloob sa puso ng tao – isang bagay na wala sa mga nang-aapi kaya may kasabihang ang isang “masamang tao” ay isang “taong walang puso”.

Kung ang naghaharing-uri ay walang puso, sa isang diyalektikal na paghahati ng tunggalian, ang tagumpay ay nasa inaaping uri pagtagal sapagkat aampatin ng buwan ang sugat, lalanggasin ng sigwa ang sugat, paghihilumin ng araw ang sugat.

Ito ang kapangyarihan ng simbolohikal na wika ni Sandoval – ang tila pagkakanlong ng mensaheng ngitngit sa mga karaniwang salita ngunit hayag na paghikayat ng pagkilos laban sa namamayaning kaayusan.

Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw

Bilang ehersisyo ng hermenyutika, maaaring kilalanin muna ang persona (“siya”) sa tulang “Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw” sa pamamagitan ng mga tagapamansag o signifier.

Babad sa dilim, mata siyang nakaiino sa pagwasiwas ng kanilang mga talulot, sumusulak sa liwanag bago sila matimbuwang.

Ang persona/ makata ay isang “mata” na “babad sa dilim” at “nakaiino” (nakapapansin) sa “pagwasiwas ng kanilang mga talulot.”

Sino “sila” na tiningnan ng mata? Marahil, ang mga kapuspalad: “mga lalamunang sa utang ay nagnanaknak,” “mga basahang di malabhan ng habag,” “mga dampang winiwindang ng baston, dolyar, talumpati,” “mga kulumpon ng pighating humahalo sa pinagpupuyatang pait.” Mahalagang tagapamansag ang pariralang “pinagpupuyatang pait” sapagkat tinutukoy nito sa literal na antas ang alak o serbesang tinutungga ng mga tauhan sa tula. Ito rin ang nag-uugnay sa iba pang tauhan: “waterliling nililingkis ng burak,” “mirasol na dinadaklot ng alapaap” at “ang limahid na lalaking minsa’y nalampasan,/ yapak, nakatayong nakapamulsa, matiim na nakatitig/ sa isang blangko, abuhing pader//.”

Nakita silang lahat ng persona/ makata at dinamayan sa “pinagpupuyatang pait” kahiman “siya’y nangangaligkig,/ nangangaligkig sa sulok na sinasalab/ ng alkohol at pulang bumbilya/ habang nagmamadaling-araw//.”

Sa madaling salita, pilit inuunawa ng persona ang kalagayan ng mga babae at lalaking puta sa lansangan at beerhouse ng lungsod at sinubukan niya’y tunggain ang kanilang hapis at dalita.

Subalit napagtanto niyang hindi ito ang solusyon sa problema kaya “habang naglalatag ng banig ang magdamag,/ nais niyang iluwa, kasabay ng latak ng pagkalango,/ ang abo ng ulilang tala:/ lagukin ang liyab/ ng angaw na piko at lingkaw//.”

Katangi-tangi ang tulang ito sa pagkahitik sa mga imahen na nakasiksik sa bawat taludtod. Kipil ngunit may ngitngit ang persona sa sinasapit ng mga tauhang kanyang nakikita – mga taong aligaga “sa pagwasiwas ng kanilang mga talulot, sumusulak sa liwanag/ bago sila matimbuwang.” Ikinamamatay ng mga tauhang nakikita niya ang pagbebenta ng katawan ngunit wala siyang magawa kaya kailangang “lagukin ang liyab/ ng angaw na piko at lingkaw” upang mabago ang kaayusan.

Ang kawalan ay pagkakaroon: ito ang balintuna (paradox) ng tula na epektibong itinudla ng makata mula sa unang taludtod (“Kanila ang karapatang paalisin”)

hanggang sa huling dalawang taludtod (“ang karapatang baklasan,/ baklasan ng hininga.//”) upang isaysay sa mambabasa ang mahabang kasaysayan ng kaapihang dinaranas ng sambayanang Filipino.

Harana

Sa tulang “Harana” ay natatanaw ang Bantayog ng Kagitingan (ang Kagitingan/ ay byoletang umiigtad sa dilim) at dahil dito’y maaaring ituring na ang lugar na tinutukoy sa tula ay isang komunidad sa baybayin na laganap ang paghihikahos. Basahin ang ilang taludtod ng tula:

Huwag kang iingit, mga mata ng Kuya mo’y nagbabala. Granateng talulot, masilakbong kumakawag, ang bawat bubong na dinuduhapang ng putik. Namumutla ang mga kaldero. Bunton ng antak, tiim-bagang ang bawat basahan.

Gutom ang inilalarawan ng linyang “(n)amumutla ang mga kaldero”. Ang ganoong pagsasataludtod ng gutom ay maaari sabihin ng mananaliksik na bahagi ng kanyang sariling kabig na “mga paglalarawan ng tula”. Sa susunod na

tula (“Lamay”) ay papalalimin ang pagtalakay sa kahulugan at pagkakaiba ng “mga paglalarawan ng tula” at “tula ng paglalarawan”.

Inilalarawan din sa tula ang panlilimahid ng lugar na dapat sana’y hindi kung tunay iyong pamayanan ng mga tao:

Sa bungad ng isang tulay, pagdunghap mo sa estero ay may naaninag kang mga langkay ng waterlili, kayakap ang mga layak, bilibid ng langis: sisinghapsinghap sa itim na tubig.

Sa kabila ng nauna nang mga kalunos-lunos sa sitwasyon ay dadagdagan pa ito ng iba’t ibang panganib ng paninirahan sa tabing-dagat:

Isang paslit, nilalangaw na sugat na wari’y ayaw magbahaw, ang may kung anong dinudukwang, sinasagip sa imburnal.

Sunodsunod, nahuhulog ang mga nguyngoy, nahuhulog sa burak.

Kung kaya’t nais niyang lisanin ang lugar kahit pa tila ayaw siyang paalisin nito:

Sa andamyong tinatawid, bawat hakbang ay hikbing ngumangatngat.

Kasunod ng kapatid, nilambungan ka ng apat na anino, mapupusyaw. Sa sinapupunan ng kanyang kabiyak, may dagdag na hiningang pumupusag, handang ipaghele ng alingasaw at silim.

At sinakmal ka ng mistulang lungga, di makaukab sa maninipis na dingding ang lamlam ng bumbilya.

Pero kailangan at kailangan na niyang umalis, bitbit sa dibdib ang mabigat na saloobin:

Ay, nais mong sa kanila ay humingi ng tawad, ngunit ang tanging nausal ay muli’t muli kang babalik: abuhing ibon na may punyal sa tuka. Hanggat ang iyong utak ay gusgusing kalyehon, hanggat ang iyong puso’y pusikit na burumbarong.

Bagamat tila isinakay ni Sandoval ang tula sa nguyngoy ng melodrama ay hindi pa rin maisasaisantabi ang kalangkap na isyung panlipunang gustong busisiin o ipabusisi ng makata. Kumabaga, nagpaka-Lino Brocka o Ishmael Bernal muna sa tula si Sandoval pero hindi niya binitiwan ang anumang kamulatan na kanyang pangunahing sandata.

Lamay

Tulad sa tulang “Kanta sa Gabi”, mahigpit din ang pagtangan ni Sandoval sa mga imahe sa tulang “Lamay” upang ihatid sa dapat na kahantungan ang isang akdang pampanitikan: tumagos sa puso ng mambabasa nang sa gayon ay lalong lumalim ang pag-uusisa nito sa mga balighong kalakaran ng lipunan. Hindi nga ba’t sa pag-uusisa nagsisimula ang pagkamulat na humahantong sa pagkilos? Ito ang tinatawag ng mananaliksik na bahagi ng “mga paglalarawan ng tula” kung saan ang isang tula ay lalong nagkakabisa kung ang itinatampok ay ang mga tunay na realidad ng lipunan na nagpapakislot sa isip at puso ng bumabasa. Kakontra ng “mga paglalarawan ng tula” ang “mga tula ng paglalarawan” kung saan ay pagkukuwadro lamang halimbawa sa bilog na buwan. Sa “mga paglalarawan ng tula” ay lalabas ang tanong na “bakit ganoon?” samantalang sa “mga tula ng paglalarawan” ay “eh, ano ngayon!” Pero ibang pag-aaral na ito na maaaring gawin din ng mananaliksik sakaling papalaring makapasok sa graduate school sa hinaharap.

Pansinin ang “mga paglalarawan ng tula” tungkol sa lamay ng isang obrero “na halos inagnas ng kumukulong kemikal”:

Wala mang mumong nakatalilis sa silo ng mga yayat na daliri, barumbarong iyon na ayaw talikdan ng mga daga at ipis; at ngayon, sapagkat luksa, nagsasayaw ang mapuputlang dila sa punebre ng kape at tinapay.

Maaaring sa mga paunang taludtod na ito ni Sandoval ay mapapa-“bakit ganoon?” na ang mambabasa lalo pa’t kung ipagpapatuloy nito ang pagbasa at makakatagpo ang tatlong huling linya:

Sa bawat tikom na abuhing bibig, bumubukadkad ang mga nagdurugong ngiti, at tumitina, untiunti, sa burak ng gabi.

Ang Kanilang mga Karapatan

Ang tulang “Ang Kanilang mga Karapatan” ay masasabing bahagi ng “panitikan ng sirkumbensiyon” na ipinanukala ni Lumbera. Kipil na kipil ang pighati ngunit hindi makapaghikayat ng pag-aalsa sapagka’t tiyak na pandarahas kundi man

bilangguan o kamatayan ang haharapin ng makata kapag idinugtong niya ang panawagan laban sa pamahalaan. Sa halip, inikutan ng makata ang kaaway upang siluin ng mga talinghaga, kakapit-bisig ang mga mambabasang kapanalig na o hinihikayat pa lamang kumilos laban sa kaaway ng bayan.

Lubhang kaaba-aba ang isang bayang may mga karapatan ngang sinasabi ngunit sa katotohanan ay wala. Karapatan nga bang “baklasan ng hininga”? Saang malayang daigdig naging karapatan ang kamatayan sa halip na pagtatanggol at pangangalaga sa buhay? Walang gayong bansa maliban sa hindi malayang daigdig. Kung gayon, ang mga tao sa bansa ng makata kung tutuusin ay walang kalayaan, walang tunay na mga karapatan. Ang karapatang ito:

ang karapatang pasahurin ng ilang kusing at pagkaraa’y tanggalin sa mga pabrika’t plantang lumalaklak, lumalaklak sa pawis nila’t dugo.

Ay hindi isang tunay na karapatan kundi balintunang karapatang ipinatatanggap ng naghaharing uri bilang tadhana.

Dagdag pa ng makata:

Kanila ang karapatang sumibol, bumulas, mamulaklak sa dilig ng dahop na dulang, sa balabal ng pusali’t alingasaw, sa lilim ng dilim at pamamanglaw.

Ngunit ang mga ito’y hindi rin tunay na mga karapatan kundi kawalan ng karapatang mamuhay sa isang makataong paraan.

Sa pagsasalimbayan ng balintuna, tinahi ng makata ang kasaysayan ng inaaping uri mula sa pananakop ng mga dayuhan hanggang sa pangingibabaw ng mga naghaharing uri sa lipunan kung saan ang tila pagkakaroon ng mga karapatan ay tiyak na kawalan ng mga karapatan. Ang epektibong salimbayan ng negatibo at positibo ay nagpatingkad sa kawalan (absence) ng mga karapatan sa ipinamamaraling pagkakaroon (presence) ng mga karapatang ito. Sa gayon, nagtagumpay ang makata na ipambigwas sa dulo ng kanyang tula ang huling dalawang taludtod -- “ang karapatang baklasan,/ baklasan ng hinginga//” – na kumukurot sa kamalayan at nakapagpapaisip sa mambabasa kung paanong ang pagkakaroon ng mga karapatan ay siya ring kawalan ng mga ito.

Araw-araw, Nagpipiyesta ang mga Langaw

Sa isang lipunang taggutom, lumalabas na mas mapalad pa ang mga langaw kaysa isang paslit. Ito ang tema ng “Araw-araw, Nagpipiyesta ang mga Langaw”.

Sa mga unang hagod ng taludtod ay agad nang naestablis ni Sandoval na ang tula ay tungkol sa kasalatan:

Kumakalam na lamesa ang binahang kalsada at ang buwan, ang buwa’y bingaw na pinggan

Kung kaya’t sinikwat ng isang paslit na may “mga matang kanina pa naglalaway” ang “kanin sa bandehadong sapusapo ng weyter”. Nagulat ang mga nakasaksi sa pangyayari bagamat ayon sa makata, ito’y “napakapangkaraniwang bagay,/ tulad ng pagdaramit ng basahan”. At palagi namang ganito ang siste ng mga taong busog: ang magulat sa pangyayaring karaniwan.

Nabulilyaso ang pagresolba ng paslit sa gutom:

Nanugis ang kutos pero nakailag ang ulo, at ang maliliksing paa’y pinasibad ng silbato.

Habang:

Sa isang ulilang sulok, nagsalusalo ang mga langaw

sa biyaya, sa biyayang maramimarami ding lunok.

Sampunit na Langit

Kung marahas na sinalanta ng Bagyong Milenyo ang mga “bahay” ng mga informal settler (o yaong tinatawag na mga iskuwater), ang tulang “Sampunit na Langit” ay tungkol sa kung ano ang kuwento matapos ang magdamag na pagngangalit ng bagyo para sa isang informal settler na binabanggit ng makata sa kanyang tula.

Nanlilisik pa sa iyong ulirat, ang kidlat ng magdamag, umaalunignig pa ang haginit ng bagyo, at ngayon, Linggo, mga mata mo’y pinag-uulap ng abuhing umaga. At dahil nakaligtas sa force majeure ang taong tinutukoy ng makata, namalas nito paggising sa umaga ang tanawing:

Walang talahib na nakatarak sa papawirin, dito: tanging dawag na nagtikwas na huklubang yero, magrasang posteng sa kalawaka’y nakaamba;

sumpit ng asngaw ng patay na daga

Mapalad man ang taong ito dahil hindi nasawi sa nagdaang bagyo hindi tulad ng maraming taong nilamon ng Milenyo subali’t tila naghihimutok pa rin ito sa langit. Pansinin ang mga linyang “magrasang posteng sa kalawaka’y nakaamba” at:

Sa lambong ng lilang alapaap, Tanaw mo, bagamat nahihilam, ang paghalihaw ng mga gusgusing bisig– salasalabat na unday, laslas, paitaas, ng mga punyal– kung papanong ang mga iyon, bawat isa, ay sabik pumunit ng tigkakapirasong langit.

Sino ang makakapigil dito, siyang walang-wala na ay dinadamba pa ng puwersa ng kalikasan kung saan ay wala siyang kalaban-laban?

Sa Lalaking Nakalugmok sa Hagdanan ng Quiapo Underpass

Isang mabigat na ehersisyo sa “mga paglalarawan ng tula” (na nabanggit na nang mananaliksikko sa mga naunang talata) sa labis na kahirapan ang tulang “Sa Lalaking Nakalugmok sa Hagdanan ng Quiapo Underpass”.

Basahin ang mga linya patungkol sa “lalaking nakalugmok sa hagdanan ng Quiapo Underpass”:

Walang tinag na bulagta, mga mata’y pinid, mistula kang isang bangkay: bukas na ataul ang Underpass, at ang neon sa iyong palibot ay mga kandila na di lumuluha.

Sa ibang saknong:

At kanina, nang sa ulirat ko’y muli kang sumulak, may babaing nakahinto sa iyong harapan– dalamhati na sa iyong pagkaaba ay umaaninaw; at siya kaya’y may maiaamot kahit singko man lang, sambutil na katas na maididilig

sa palad mong nalalanta?

Itinuturing ng mananaliksik na ang “mga paglalarawan ng tula” ay dapat na nakikisangkot ang makata sa pinapaksa nito at tunay na malaking bagay kung nais magpakamakatang-makata. Sa tulang ito, masasabi na tunay na nakisangkot si Sandoval at hindi maitatatwa na ang persona ay ang mismong makata:

Saksi ako: Ako’y saksi’t sa sansaglit na pagitan ng mga paghinga’t ng mga pagkurap, larawan mo’y tumatarak, kumukulo sa dibdib ko’t bungo.

Dahil sa tulang ito, masasabing si Sandoval ay nag-ambag ng isang tunay na larawan ng tunay na buhay sa isip at puso ng mambabasa at hindi siya tulad ng ibang makata na nagkuwadro ng bituin, ng bulaklak, ng paruparo, sa mga inaagiw na aklatan ng unibersidad.

Apatnaraang Matadero

Sa tulang “Apatnaraang Matadero”, pinaghalo-halo ni Sandoval ang limang batayang pandama ng tao sa hindi pangkaraniwang paraan upang makalikha ng nakaliligalig ng epekto mula sa isang pangkaraniwang pangyayari.

Pansinin ang mga halimbawang taludtod kung papaanong ang pang-araw-araw na eksena sa palengke ng karne tuwing madaling-araw ay naitanghal ni Sandoval na hindi ordinaryo:

Ang madaling-raw ay lawit-dila; pugot ang hilera ng mga baka sa palengke ng Farmers, nagnganga ang dibdib at tiyan na hiniklasan ng lamanloob, Andap ng nagbiting hiwahiwang talukap, lalo’t lalong pumupusyaw, ang tanging nakaanag-ag sa pagbulagta ng mga abuhing atungal.

Synaesthesia na isang kasangkapan ng modernong panulaan ang ginamit ni Sandoval sa partikular na tulang ito kung kaya nakita, narinig, naamoy, nahawakan at nalasahan din ng mambabasa ang pinapaksa ng makata. Sa gayon, maging ang mga imaheng tila imposible sa realismo ay nagiging totoo:

Sa ganitong sandali, tambak na gusgusing bungo ang himbing na tinipak ng lamig, humihibik, pabulong, ng ligamgam ng liwayway; ilang hikbi ng relo at nagtatapikan na ang mga gintong halakhak sa kinakalawang na komedor, sa loob ng gusali, isa’t isang nangungumusta ng mga bandehado ng magrasa’t putikang hininga na pinag-aagawan pagkatadtad, at handa na namang maggitgitan, mga uod na tuwina’y naghahasa ng galamay, pasunggab sa duguang bangkete.

Nakita, narinig, naamoy, nahawakan at nalasahan ng tunay na makatang si Sandoval ang hindi nakita, narinig, naamoy, nahawakan at nalasahan ng ordinaryong tao.

Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas

Sa tulang “Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas”, patay na buhay ang turing ni Sandoval sa Ginoo na sa sunod-sunod na pag-alimbukay ng mga imahe ay matutukoy natin na si Marcos:

Lumalangitngit ang alpombrang kalansay, pasan ang pataw ng kanyang mga yabag, yao’t dito, umaalingawngaw, sa mga bulwaga’t pasilyong itinirik ang laksang ngiping nilagas.

Sa balikat ng Ginoo, banayad na lumalapag ang pilak na ibon, sulasok ng mga lamang inuka, payagpag ng dolyar na laging umaaligid sa kanyang ulunan; at ang kamay niyang itim, pinagkukumahog, ay nagkakandarapa sa paglagda sa mga papeles na tumitiyak sa pagdanak, sa makina at araro, ng granateng plema.

Kung naaagnas na bangkay ang Ginoo, bilang karugtong ng pagturing ni Sandoval, sementeryo naman ang Malacañang. Kung bangkay na si Marcos at ang libingan nito ay ang Malacañang, lumalabas na ang pangulo at institusyong pinamamahalaan nito ay walang kakayanang paglingkuran ang daigdig ng buhay na sambayanan. Sa malawak na konteksto, ang kamatayan ni Marcos at ng Malacañang ay kamatayan din ng estado na ayon kay Lenin ay “withering away of the state” o sa talinghaga ni Sandoval ay “pagkaagnas”:

Humuhulas sa luha, nanlalagkit ang mga nilulumot na pader ng kanyang bastyon: sumimsim siya ng ubas, kasalit ng kanyang mga ngisi, habang kumikiwal ang isang uod papalabas ng kanyang bungo.

Serenata Kay Irma, Matrona

Ayon sa salimbibig na mga tala ng mga kapwa ni Sandoval, ang tulang “Serenata Kay Irma, Matrona” ay sinulat ng makata patungkol sa noo’y Unang Ginang Imelda Marcos. Sapagkat hindi maaaring tuwirang bigwasan ang mga nasa poder sa lipunan, paikot muling sinalakay ng makata ang pakay ng kanyang pangungutya gamit ang isang anyong musikal na popular sa kanayunan (“serenatang kumbidahan”) na isinatula ng makata. Isa itong paraan ng pagpapatagos ng mapagpamulat na mensahe sa mambabasa at tagapakinig sa pamamagitan ng kulturang popular.

May tatlong tipo ng kinagawiang serenata sa buong mundo ayon sa Wikipedia:

Sa

panahong

Medieval

at

Renaissance,

ang

serenata

(serenade

o

disambiguation) ay isang komposisyong itinatanghal para sa isang mangingibig,

kaibigan o ibang taong pinaparangalan, kadalasan sa gabi at sa ibaba ng bintana; sa panahong Baroque, ito ay isang tipo ng kantata na itinatanghal sa labas ng bahay, sa gabi, na may kahalong tinig at instrumento; at sa panahong Classical at Romantic, ito ay isang gawain para sa malaking kalipunan ng mga instrumento na may maramihang paggalaw.

Ang serenata na ginamit ni Sandoval sa tulang ito ay mas kiling sa unang tipo ng serenata – sinulat ito upang itanghal sa isang pampublikong lugar; mas malamang, sa ibaba ng bintana ni Irma, Matrona.

Mapapansin sa tula ang madalas na pagbaybay sa Filipino ng mga salitang Ingles – “dir” (dear), “tengkyu” (thank you), “isnabin” (snob) – na nang mga panahong iyon ay laman na ng bokabularyo ng karaniwang tao.

Mapapansin din ang maanghang na panunuya ng tono ng tula sa paksa nito, si Irma, Matrona, na kakaiba sa isang karaniwang serenata na pumupuri sa dalagang hinaharana ng binata.

Kung gayon, malinaw ang tangka ng makatang ibanyuhay (transform) ang serenata o harana sa isang mas makabuluhang tunguhin – ang panlalait, panunuya at panunudyo sa Unang Ginang ng Republika ng Pilipinas.

Hindi maitatanggi ang pakay ng panunuya sa mga taludtod na ito:

Marahil, dir, ikaw ay parating pagod: pa’no’y lahat ng lupalop walang sawang nililibot pagkat mga misyo’y di matapustapos?

Na kung idadagdag sa mga sumusunod na taludtod:

Pasaan ka’t nakaterno (sanlibo lang o regalo?): sa kubeta o sa banyo? Aba’t hila pati trono: hindi na ba maasahan ang sanrekwang gwardyang bang-aw? Sino namang lapastangan ang sisikwat sa pedestal?

O, ilawit, ay, ilawit nakasuot, nakasabit sa daliri, tenga, leeg, buhok, bewang, braso’t dibdib, at bigyan mo ng patunay kwentong-Marya’t kwentong Huwan—

sinasabing kapayakan ng adorno sa katawan.

Ay walang alinlangang bumubuo ng isang katawa-tawang larawan ng Unang Ginang.

Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita

Isang pampanitikang kasangkapan (literary device) ang panunuya (satire) na mahusay na nagamit ni Sandoval sa tulang “Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita” upang pagtahitahiin ang tatlong saligang suliranin ng lipunang pare-parehong may nakatanim na “pasismo” o “karahasang” pinangangasiwaan ng relihiyon.

Pangunahing

tauhan sa

si mga

Senyor dayuhan

Marquez

(burukrata-kapitalista) US) na

na

nakikipagsabwatan “kaututang-dila’t

(imperyalistang na siyang

kanyang

kapintigang-puso”

“nangaghahawak,

nangagmamantini/ sa di karamihang hotel, kondominyum, museyo at parke,/ resort at iba pang istablisimyento.”

Ang sistemang ito ay pinananatili ng isang kulturang pyudal: “Dapat lang ay sundin, tulad ng maamong kordero o kambing,/ ang mga tuntunin,/ batas sa

paggawa; halimbawa’y huwag/ mag-uunyo’t mag-aaklas/ lalo ngayong inaakit,/ binibingwit/ ang kapital at negosyo,/ turista at dolyar, pati na ang piso//.”

Pinadaloy ng makata ang panunuya sa mga burukrata-kapitalista, imperyalistang US at mga panginoong-maylupa sa pamamagitan ng mala-bibliyang pagbasa sa isang ebanghelyo upang bigyang-diin ang papel ng relehiyon sa pagpapanatili ng mapaniil at mapang-aping kaayusan.

Bagamat paulit-ulit na sinasabi sa tulang malaya na at walang nang-aapi o nagsasamantala sa sambayanan, kabaligtaran nito ang malinaw na katotohanan:

Malaya na kayo, malaya na kayong kung ilang siglo ay nagtiis na busabos at hikahos: malaya na kayo’t di na nakabaon, di na nakapangaw sa mga sakahan at mga pilapil; di na kayo magdidildil ng nilugaw at ng asin habang tinutungga ng poong-maylupa ang pawis n’yo, dugo’t luha.

Ang “malinaw na katotohanang” ito ay wala sa tula kundi nasa kolektibong kamalayan at kasaysayan ng lipunang Filipino at makukuha lamang ang halaga ng panunuya sa pamamagitan ng historikal at materyalistang pagbasa sa akda.

Sa isang pormalistang pagbasa, masasabing ekselente ang paggamit ng makata sa mga kasangkapang pampanitikan (literary device) na irony at paradox subalit gagahulin ang metodong ito upang tukuyin ang mga batayang tunggalian sa lipunang dulot ng mga saligang suliranin.

Gayon din, kung hermenyutika lamang ang gagamitin, ang mga tagapamansag ay may tendensiyang lumutang sa alapaap at makabuo ng mga construct na taliwas sa buod ng panunuya.

Halimbawa, maaaring basahin ng pormalista at hermenyutika na ang “tatak ng pag-unlad na inilalagda/ sa ngalan ng bansa//” ay siya ngang layon ng tula kaya ito pinadaan sa isang relihiyosong anyo ng ebanghelyo.

Subalit sa isang historikal at materyalistang pagbasa, tiyak na mahahagip at mahahatak sa lupa ang nakalutang na mga tagapamansag upang malikom ang mahalagang mensahe ng tula na humihikayat sa mambabasang imulat ang mga mata sa kasinungalinang kanilang nararanasan. Bagamat walang tiyak na moda ng pagsalunga o preskripsiyon ng pagtutok ang tula, iniiwan nito sa mambabasa

kung ano ang gagawing mga hakbang. Bilang panunuya, ibinigay ng makata sa mambabasa ang pagkakataon upang ang mga ito naman ang maghalakhakan at libakin ang mga nasa kapangyarihan na nag-aakalang hindi batid ng sambayanan ang ginagawang panlilinlang ng mga ito.

Naisulat ang tula sa isang panahon ng kasagsagan ng paniniil ng estado. Subalit sa halip na mapipi, mapanlikhang ginamit ni Sandoval ang kanyang mga kasangkapan at kalasag bilang makata upang isulong ang layuning

pagpapamulat sa taumbayan. Walang katumbas ang pagkilos ng isang malay na sambayanan tungo sa transpormasyong panlipunang layon ng kilusang mapagpalaya na siyang kinasasangkutan ng makata nang mga panahong iyon.

Darating ang Papa

Mataas na antas ng hipokrisiya ng gobyerno ni Marcos at ni Imelda ang matutunghayan sa tulang “Darating ang Papa”. Bagamat nakakubli ang pagtukoy kina Marcos at Imelda (tandaan na 1980 naisulat ni Sandoval ang tula at hindi pa naaalis noon ang batas militar), lulutang ang mga imahe nina Marcos at Imelda sa pagitan ng mga taludtod lalo na sa mga maalam sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.

Bagamat isa sa mga naging kasangkapan ni Marcos ang mga bold film upang supilin ang pag-aalsa ng taumbayan. Anumang gawain ng pagtakas sa realidad

ay suportado o may basbas ni Marcos sa panahon ng pamumuno nito. Ano’t sa pagdating ng Papa ay bigla nitong ipinatigil ang pagpapalabas ng mga bold film?

Humahalimuyak ang ulat: ipagpapaliban ng mga produsyer ang pagbibilad ng bold na pelikula

Si Imelda bilang Minister of Human Settlement noon ay talamak na nagpairal ng mga kosmetikong paglutas sa mga problema ng lungsod at mga tao rito, tulad halimbawa, ng isyu sa iskuwater at pabahay. Tulad ng inartipisyal na “culture” ng Unang Ginang, artipisyal din ang naging tugon nito sa mga batayang pangangailangan ng tao.

Inatasan ang mga Metro Aide na walsin, muli’t muli, ang mga libaging kalansay sa bangketa, kulapulan ng berde ang mga galising damo.

At upang lalong matiyak nina Marcos at Imelda na ngingiti na “abot-tonsura” ang Papa, dapat:

Walang pagdarahop na dapat sumalubong. Walang barbwayr na dapat sumalikop.

At ang mga ito ang hindi nagawa nina Marcos at Imelda, sa tula man o sa totoong buhay.

Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon

May kakaibang paraan ng pagbabadyet sa piso si Sandoval para sa mga taong umaalma ang tiyan sa tulang “Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon”, narito:

P0.15 – belekoy o tsuwinggam P0.50 – dyaryo P0.35 – aspirin

Pero dahil mabigat na siste ang paraan ng pagtula rito ni Sandoval malamang na hindi natin dapat sundin ang kanyang payo bagkus ay labis na mag-alburuto pa sa bumababang halaga ng piso na direktang nakaaapekto sa mga karaniwang tao na hindi sumasapat ang sahod.

P0.15 belekoy o tsuwinggam: hanggang bukas din ‘yang pagpipyestahan, o hanggang susunod pang araw.

P0.50’y walang kasukat na salawal, pero matuwa ka’t bago pa naman ang ‘yong basahan;

buti pa’y ibili ng dyaryo nang makasinghot ng mababangong balita’t anunsyo, gaya ng “Ngayon ay Linggo, maaliwalas ang panahon, hindi babagyo.”

‘Yan kasing lagnat o anumang sakit, dumarating di man hanapin, mag-imbak ng aspirin: P0.35’y tamangtamang gastusin.

At may bonus pang payo si Sandoval upang lalong makatipid:

(‘Yung tsuwinggam nga palang pinapasasaa’y ‘wag itapon: ipanakip sa butas na bubong.)

Ang pagbabadyet o matematikang ito ni Sandoval ay di-seryoso na dapat seryosohin.

E Ano Ngayon?

Sa titulo ay tila walang pakialam ang tulang “E Ano Ngayon?” pero naghihimutok o nakikialam ito sa kolonyal na kaisipan ng mga Filipino:

E ano kung tayo daw ang pangatlo sa mga bansang pag nanaginip ay sa salitang-Amerikano? Kaya ba mabilingmabili ang Mills & Boon?

Naghihimutok o nakikialam ang tula sa maling pagtingin sa mga Filipina bilang produkto:

E ano kung paraiso daw tayo ng magagandang Miss: nakakadalawa nang Miss Universe, tatlong Miss International, dalawang Miss Asia at sangkatutak na Miss Kalamismis at Miss Karinderya? Kaya ba namumutiktik sa turista’t marino ang Ermita, Angeles at Olongapo?

Naghihimutok o nakikialam ang tula sa paglulunsad sa magagandang lugar sa bansa bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno sa larangan ng turismo pero nananatiling gutom ang mga taong nakatira sa magagandang lugar na iyon:

Habang ipinoposter ito ng Ministri ng Turismo, ipinaghahambog, ang mga apo ng mga lumikha nito’y nasa ikailang baitang ng paghihikahos?

Naghihimutok o nakikialam ang tula sa operasyon ng relihiyon, “martial law na nakangiti”, sa diktadurya, sa “ekonomyang minumuta”, at iba pa.

Ang bigkas na “e ano ngayon?” ay naging bigwas na palaban.

Magkwenta Tayo Sandali

Matapos ang kakaibang pagbabadyet sa piso ni Sandoval sa tulang “Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon”, ibang pagkukuwenta naman ang ginawa niya sa tulang “Magkwenta Tayo Sandali”.

Dahil ang sandatahang lakas o militar ay isa sa mga pangunahing aparato ng estado at batas militar ni Marcos, natural lamang na ibigay rito ng diktador ang malaking tipak ng pambansang badyet: “Tauntaon, lumolobo ang kanilang badyet,/ umiimbulog na parang dyet.”

Bukod sa nais mapasaya ni Marcos ang mga heneral at nang hindi mag-alburuto ang mga ito, bahagi rin ng mas malaking plano ng diktador na solidipikahin ang paghawak nito sa poder ng kapangyarihan nang sa gayon ay madepensahan ang kilusang masa na lalong umiigting ang pakikibaka noong 1984, kung kaya:

At walang tigil silang nagririkrut ng mga tauhan, nagdagagdag ng armas at lodyistiks na gasolinang pampaningas

sa lakas nilang aandap-andap. At nagdiploy sila ng mas maraming tropa para ipagtanggol daw ang masa sa mga lugar na yakap ng talahib ang mga panga.

At naglalagay sila ng mga tsekpont kahit sa Metro Manila na kanilang bastyon, hangad daw nilang pigilan ang mga arsonista’t iba pang sabutur.

Bagamat maalam si Marcos (na nagbasa sa mga akda nina Sun Tzu at Machiavelli) sa mga taktika ng giyera at pamumulitika, hindi rin ito umubra sa apoy at lakas ng pakikibaka ng kilusang masa na humantong sa pagpapatalsik dito noong 1986 dahil ito ang natural na kurso ng kasaysayan at pakikibaka ng sambayanan.

Ang mga Kriminal

Taglay ng tulang “Ang mga Kriminal” ang kapangyarihan ng salitang baligtarin ang palalong larawang ipinamamarali ng pamahalaan – ang mga tumututol sa pamahalaan ay mga kriminal – at tila propetang magpamukha sa taumbayan kung sino ang mga tunay na kriminal sa lipunan.

“Tila propeta” sapagkat isang dekada makaraang sulatin ang tulang ito, ang panawagan ng makata na “hayaang dugo’y sumulak sa ating mga ugat,/ maggubat sa apoy/ ang ating mga bungo’t dibdib.//” ay naganap sa kasaysayan ng Pilipinas nang mapatalsik ang diktador at ang kanyang mga alipores – ang tunay na mga kriminal.

Sila ang kriminal at di kailanman Ang libong katawa’t hiningang ipinipiit nila’t pinupugto.

“Ang

libong

katawa(n)”

ng

sambayanang

Filipino

ang

siyang

dapat

makapangyari, ayon sa makata, sapagkat ang “angaw na brasong sa karampot na kriminal/ ay magbubuwal, tatabon, lulunod.//” ang siyang magbibigay ng katarungang panlipunan.

Gaano kalupit, gaano karahas “ang mga kriminal” na ito?

Sa bawat daliring punlo ang kuko, tantuing pawis nati’t luha ang ipinanghihinaw at ipinampapabango.

Kung gayon, makatarungan lamang na gilingin sa kasaysayan ang mga kriminal upang ang dugo naman ng mga ito ang maging “panghinaw” at “pabango” ng inaaping sambayanan.

Taga sa Bato

Ang tulang “Taga sa Bato” ay maituturing na “modelo” o “padron” ng mga tulang tatak-Sandoval sa paraan nito ng paggamit ng wikang Tagalog (hinihungkag, sakbat, nag-ambang itak, nagsisidiklap) na hindi karaniwang mamamasdan sa ibang makata ng wikang ito o maging sa karaniwang taong nagsasalita ng Tagalog.

Gayon din, isa itong “modelo” o “padron” ng sosyalista-realistang panulaan batay sa kaisahan ng anyo at nilalaman. Inilatag ng tula ang mga premise o pagpapalagay sa unang tatlong saknong kung saan ang mga tauhan ay nagtitimpi ng galit upang lagumin ng huling dalawang taludtod ang napiling paraan ng paglutas sa suliranin: “Hangga’t hinuhungkag ang angaw na anglit,/ sa angaw ring bungo’y aapaw ang karit.” Ang sosyalista-realistang panulaan ay laging nagbibigay ng solusyon sa mga ipinagpapalagay na suliranin upang gabayan ang mambabasa nito sa kung ano ang wastong gawin at hindi upang mamulat lamang basta sa realidad tulad ng ginagawa ng mga kritikal na realista.

Malinaw sa tula ang makamagsasakang tunguhin o ideolohiya: “Pagsubsob ng araw, punso na aalsa/ Sa mga pinitak ang buntunghininga.” Ang paggamit ng punso sa metaporikal na antas ay may pinagmulan sa katutubong paniniwala. Bagamat masasabing literal na punso ang tinutukoy ng makata at literal na pag-

alsa nito sa gabi ang unang antas ng interpretasyon. Sa ikalawang antas ng interpretasyon ay hindi na maaaring ipagwalang-bahala ang signipikasyon ng punso sa katutubong paniniwala.

Ang mismong titulo ng tula, “Taga sa Bato,” ay isang katutubong kasabihan na nagmula pa sa mga mito ni Bernardo Carpio at maging ng Katipunan kung saan ang salitang binigkas na panghahawakan habambuhay ay isang sumpang “taga sa bato.”

Kung gayon, ang pampanitikang alyusyon (literary allusion) ng tula sa punso, anglit, karit, bungo, mumo, bato ay hindi maiiwasang maiugnay sa katutubong mitolohiya.

Bagamat hindi isang tula ng Partido, matingkad ang tapang ng tula sa paghamon sa mga namamayani sa kasalukuyang kaayusan sapagkat isang “taga sa bato” ang pangako ng sambayanang “punso na aalsa” ang buntunghininga sa mga pinitak “pagsubsob ng araw” hanggang “sa angaw ring bungo’y aapaw ang karit.”

Byahe

Natalakay sa “Byahe” ang konsepto ng labas at loob.

Tanong ng premyadong kuwentistang si Jun Cruz Reyes: “Bakit ang jeepney driver kapag mamamasada’y sasabihin nito: ‘lalabas na ‘ko’ samantalang kapag nag-oopisina’y sasabihin nito’y ‘papasok na ‘ko’?” Diskusyon sa mga uri sa lipunan ang nais patunguhan ng tanong na iyon na nag-ugat ilang daantaon na ang nakalilipas. Ang mga Espanyol ang nagtulos ng mga muhon upang itakda ang mga sentro (loob) at ang mga gilid-gilid (labas). Nagaganap sa sentro ang komersiyo, pamamahala at kabutihang-asal samantalang sa gilid-gilid namumugad ang mga tulisan, patay-gutom at iba pang lapastangan sa gobyerno. Ginawa ng Espanyol ang pagtutulos ng muhon sa palibot ng sentro upang puksain ang mga nasa gilid-gilid na iniisip ng mga kolonisador na balakid sa pananakop at ganap na tagumpay ng mga ito.

Sa “Byahe”, tahasang sinabi ni Sandoval sa unang linya ng tula na “(p)agpasok din ang paglabas”. Hindi nabago ni Sandoval ang sentro at gilid-gilid nang dahil lamang sa isang linyang iyon pero kung patuloy nating babasahin ang tula at aalamin kung sino ang katatagpuin ng tinutukoy sa tula, maaaring maiba ang pananaw ng mambabasa sa konsepto ng loob at labas, ng sentro at gilid-gilid, ng sibilisado at patay-gutom. Bilang pinakapaborito kong tula sa koleksiyon ni Sandoval, hayaan sana ninyo akong sipiin nang buo ang tula:

Pagpasok din ang paglabas, kaya’t nang tumikom ang pinto ng bahay

matapos kang maghabilin, magpaalam sa mga kasamang iiwan sandali, bumukadkad na mirasol ang mundo sa labas, umigkas na ngiti kahit sinusuwag ng kombatbuts ang bangas na araw: hanging tumatahip, kambat ng ligasgas, ligamgam ng yapos na ang anas na salubong: pumaloob sa ubod niyang nagpupuyos, danasin ang pusag ng utak at puso na sinasalisod ng itim na noo sa aspalto, burak, lansanga’t pilapil: yagit, ipa, kalyo at basahang kinukulob, binubulok sa karsel ng gabi’t huklubang tagsalat.

Sa muling pagpupog ng paa sa lupa, ano na’ng manlagkit sa taing-kalabaw? Ano ba’ng paminsanminsan ay madulas,

tulad ng sinapit ng isang kasamang di nakapanimbang, dumausdos, at tihayang lumagapak sa putik ng pitak? Sa pangil at kukong inalpasang tiktik, ano na nga ang mahindik?

Habang malayo ka sa mga nilisan, naging matalik mong kabigkis-hininga ang mga dinatnan. Ang simula’y sunudsunod na pakilalanan hanggang sumabukay sa balintataw mo, parang bagong bukal na biglang bumulaga sa paglusong-ahon sa burol at patag: hindinghindi natatapos ang pagtuklas, ang paghahalukay at ang paggalugad, muli’t muling sinisino ang bawat masanggi o mabangga ng pandama at sintido. Sapupo ng dampa o sa lilim ng pergola, kumustaha’y tigib ng init at giliw:

sa salimbay ng alyas, ng samutsamot na salaysay, tumitibok na luningning ang mga anino na sa kadawaga’y kailangan magkubli para maitanghal ang dila ng araw sa bibig ng karbin: magtatapas, magkokopra, aktibistang masa, peryodista, kuryer, kadre at gerilya. Anong klase ito ng bato, at itak wari kung umiwa? Kalpi ito, hidni dayap, hindi kalamansi pero kauri din, pinsan ng sinturis, lukban, kahel; Ito nama’y lubilubi, akala mo’y gabi, at kapag naluto’y masarap na laing lalo kung may halong tuyo o tinapa. Alin ang Colt, ang Smith & Wesson? Ito ang armalayt, ang masinggan, at nagpakilatis ang iba pa: grenade launcher, Garand… At ang mga ito’y hindi lang pangalan,

hindi lamang bansag: laman ay ganito ng ganitong balat at kasanib ang hilatsa, lasa, laki, kulay, hugis, tunog, bigat, amoy. Kahit ka pa nakapikit, ipaghalimbawa, bakit malilito ang ilong mo’t ngalangala: kamoteng-bagin ba o kamoteng-kahoy? Si Amado iyon at hindi si Perding: sa bahaw na boses na ang hinihimig ay ang sulak, mithi at pag-asam ng laksang duhaging kapwa anakpawis, sinabi niyang buong-tatag na bukas-makal’wa, itaga sa bato, at atin na’ng lupa’t tubig: minahan, plantasyon, trosoha’t sabana na sagpang ng barbwayr, lawa’t bai na ngayon ay hamig ng dolyar at pisong namamalikaskas sa pulbura; noong Lunes ng linggong nagdaan, umagang-umaga,

pinamunuan niya ang tagumpay na reyd sa kampo ng PC, at ang sona’y kapuluan na nagbunyi.

Walang wakas ang dalawang linggo, munting baryo’y buong bayan: karagatang ilog, duro ngunit tarak, bulong na dagundong, dingas ng amihan at ng hamog, mahinahong alimpuyo sa yungib ng dibdib na agaw-liwanag, naghuhunos na ulirat. Pagbungad mo, lagi, may bagong larangang iyong sinusuong.

Pagka’t Tayo’y Nagmamahal

Sa tulang “Pagka’t Tayo’y Nagmamahal” ay makikita ang lantad na pagkiling ng persona sa uring anakpawis na kanyang minamahal kung kaya’t napopoot siya sa:

…sa pangangalawang—

tulad ng turnilyo—ng obrerong bukal ng ating hininga; sa pangangalirang,

lalo kung gapasan, niyang nagpapala sa mga pinitak; sa pag-uumuga ng buto-at-balat: ang kalabang dukha na ikinadena sa asin at luha.

Tunay ngang nakagagalit kung mababatid na “ang obrerong bukal ng ating hininga” ay lalong ibinabaon sa paghihikahos ng “nang-aapi”. Pero ang galit ay hindi dapat manatiling galit lamang kung kaya:

…sumusubo ang hurno sa utak, ang apoy sa puso’y lipyang tumatalas— paniwala’t pasyang pinapaling lakas na sa nang-aapi’y ukol ipang-aklas.

At narito ang bigwas ng tula:

Napopoot tayo pagkat nagmamahal; nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.

Kredo

Panghuling piyesa sa mga orihinal na akda sa koleksiyon ang tulang “Kredo”. Batid ng persona (o mismong makata) na hindi niya kanyang bakahing mag-isa ang balighong kaayusang namamayani sa lipunan:

Mithing rosas na hinaharap sa lagwertang kasaysayan, at sinong bulaan, sinong bulaan ang magbabadya na mag-isa niyang matatagpas, mag-isa niyang mabubunot ang byoletang kasalukuyan?

Dahil mulat ang tula (o ang makatang sumulat ng tula), gagap ng persona ang malupit na tunggalian ng mga uri sa lipunan at iniwasan ng persona na magpaka-Don Quijote at bakahing mag-isa ang balighong kaayusan:

Subalit di ako nag-iisa, at ayaw kong tayo’y muli’t muling lambungan ng lilang umaga kaya’t kabalyero man o poinsettia ang wumawagayway at sa martsa ng hangin, mirasol o dama de noce man ang sumasagpang,

Pero bilang kakampi ng uring pinagsasamantalahan, heto ang panata ng makata sa kanyang pagtula:

bawat tulang pandayin ko ay piko na di hahayaang pumurol, di hahayaang mangalawang.

Kabanata II

KONGKLUSYON AT MGA REKOMENDASYON

SA lingguwistika ng wikang Filipino, isang batayang panuntunan ang “kung anong bigkas, siyang baybay.” Bilang isang seryosong estudyante ng lingguwistika sa Unibersidad ng Pilipinas noong kanyang kabataan, sinunod ni Sandoval ang panuntunang ito hindi lamang sa mga salitang kanyang ginagamit sa tula kundi maging sa mga kahulugan ng mga salitang ito. Sa gayon, kung sinusunod niya sa paggamit ng mga salita ang panuntunang “kung ano ang bigkas, siyang baybay,” lumikha naman siya ng isang di-binibigkas na panuntunan para sa mga sariling akda sa Kanta sa Gabi – “kung ano ang bigkas, siyang bigwas”. Kung usaping lingguwistika ang “kung anong bigkas, siyang baybay”, usaping politika naman ang “kung ano ang bigkas, siyang bigwas”. Bagamat batid ni Sandoval na isyu ang lingguwistika at gramatika sa proseso ng paglikha ng mga akda, hindi niya hinayaang maging balakid iyon upang makaigpaw ang kanyang politika. Ani Sandoval noong nabubuhay pa siya: “mas mahalaga ang bigas at bala.”

Sa mga nahalaw na salita/ kataga, balangkas/ istruktura, imahe/ larawan at katuturan/ silbi ng mga tula sa Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval, masasabi ng mananaliksik na maaari na rin siyang sumabay sa muling pagtataas ng tagay ni Guillermo upang pagpugayan si Sandoval bilang master poet na kahanay ng

mga master carpenter, master plumber, magsasaka, at iba pang karaniwang tao na masang pinagpupugayan ng Kilusang Pambansa-Demokratiko.

Tunay na dapat ilagda si Sandoval bilang makata ng sambayanan na kabilang sa mahabang tradisyon ng mga tula ng pakikibaka/ pagtutol na isa sa mga ibinabandila ng Kilusang Pambansa-Demokratiko.

Sa proseso ng pananaliksik at pagsusulat ng pag-aaral na ito, nabatid na kulang ang mga nakalimbag na materyal tungkol sa paksa. Sana’y maging mitsa ang munting pag-aaral na ito upang mahiyakat ang mga iskolar at kritiko na gumawa ng malawakang pag-aaral tungkol kay Sandoval at mga akda nito (may mga tula raw si Sandoval na hindi pa nailalathala at maaaring nasa pag-iingat ni Mari Santiago). Nakapanghihinayang din na inaagiw at inaalikabok ang Kanta sa Gabi sa mga publiko at pribadong aklatan. May kapangyarihan ang lahat upang pagpagin ang agiw at alikabok.

Mainam siguro na muling ilathala bilang bago at binagong edisyon ang Kanta sa Gabi ni Romulo A. Sandoval. Sa pagkakataong ito, iminumungkahi na baka naman puwedeng taasan ang mga specification ng libro kapag inimprenta na ito. At sana rin, maging maganda ang disenyo ng pabalat at libro. Iyong tipong nakikibahagi sa mismong diskurso ng makata at hindi hiwalay at lutang na disenyo.

Bibliographiya Aristotle. On Interpretation. Montana: Kessinger Publishing, 2004. Barthes, Roland. Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Elements of Semiology”. [Online] Available http://www.marxists.org/reference/subject/philosophy/works/fr/barthes.htm, January 2008. Bennett, Tony. Formalism and Marxism. London: Routledge, 2003. Boyd, James Robert. Elements of Rhetoric and Literary Criticism. New York: Harpers and Brothers, 1862. De Saussure, Ferdinand. Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Third Course of Lectures on General Linguistics”. [Online] Available http://www.marxists.org/reference/subject/philosophy/works/fr/saussure.htm, January 2008. Dosse, François. History of Structuralism. Minnesota: University of Minnesota Press, 1997. Farell, James T. Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Literature and Ideology”. [Online] Available http://marxists.org/subject/art/lit_crit/works/farrell/litandideology.htm, January 2008. Garcellano, Edel E. “Anti-Semiotics: The Sign of System of Bourgeois Nihilism”. First Person Plural. Copyright Edel E. Garcellano,1987. Guillermo, Gelacio. Highchair.com. Online Poetry Journal. [Online] Available http://www.highchair.com.ph/free_assoc_pop-whatarepoets.html, December 2007. Home, Henry. Elements of Criticism. Philadelphia: M. Carey, 1816. Jakobson, Roman. Marxists.org. Marxist Internet Archive. “Six Lectures on Sound and Meaning”. [Online] Available http://marxists.org/reference/subject/philosophy/works/ru/jakobson.htm Lye, John. “Summary of Gerard Gennette, Structuralism and Literary Criticism". [Online] Available http://www.brocku.ca/english/courses/4F70/genette.html, January 2008. Remollino, Alexander Martin. Panitikan.com.ph. An Resource Center For Filipino Writers and Readers. [Online] Available http://www.panitikan.com.ph/poetry/naritokasana.htm, December 2008. Rice, Philip & Waugh, Patricia. Modern Literary Theory. London: Arnold, 2001.

Mga panayam
Beltran, Herminio. Personal na panayam. Cultural Center of the Philippines, Pasay City, Pebrero 02, 2008. Mendoza, Gil O. Panayam sa telepono. Enero 22, 2008. Valerio, Ariel N. Personal na panayam. UP Diliman, Disyembre 10, 2007.

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->