You are on page 1of 10

Ang Sining ng Sinematograpiya sa Pelikula

Isa sa mga pinakapopular na libangan ng Pilipino ang panonood ng pelikula.


Bilang mag-aaral ng Filipino, angkop ding makita nating hindi lamang basta bahagi ng
tinatawag nating mass media ang pelikula, kundi isa rin itong uri ng panitikan na hindi
nalalayo sa kwento, dula, o nobela. Sa panitikan, kinakailangan nating alamin kung ano
ang banghay, tauhan, tagpuan, simbolo, tema at iba pang sangkap ng kuwento upang
maging gabay natin sa pagsuri nito at tuluyang pagkawili rito. Gayundin, mahalagang
may alam din tayo nang kaunti sa mga sangkap ng pelikula upang makapagbigay din
tayo ng karampatang pagsusuri at matamo ang isang mas mataas na antas ng
pagkawili sa pelikula.
Isang mahalagang sangkap ng pelikula ang sisilipin natin: ang sining ng
sinematograpiya.

Ang Sining ng Sinematograpiya


Sa sinehan, posibleng marinig natin mula sa ating katabi. “Ang ganda ng
sinematograpiya ng pelikula!” Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Tinutukoy ba niya ang
ganda ng mga kuha, ganda ng lokasyon, o ang linis at kinis ng pagkakagawa?
Sa sinematograpiya, dalawang mahalagang bagay ang binigyang-tuon. Ang una
ay ang pag-iilaw, at ang ikalawa ay ang paggalaw ng kamera. Ang dalawang bagay
na ito ay pinagbubuti upang maging angkop sa sitwasyon o eksena. Kapag nakatulong
ang pag-iilaw ang kamera sa ikagaganda ng pagkakakuha ng eksena, masasabi nating
tunay ngang mataas ang kalidad ng sinematogropiya ng pelikula.
Narito ang halimbawa ng mga paraan kung paanong ang pag-iilaw ay
nakagaganda sa isang eksena o kuha:
Kung nais nating magpakita ng masayang eksena, kailangan natin nag
maliwanag at sapat na ilaw. Sa kabilang banda, kung nais natin ng malungkot na
eksena, diliman natin nang kaunti ang ilaw. Kung nais nating madagdagan ng higit na
pananabik sa eksena, kailangang gamitan natin ng contrast. Kapag sinabi nating
mataas ang contrast ang ilaw, “mas maliwanag ang puti at mas madilim ang itim.”
Halimbawa sa mga pelikulang pinanonood nating horror at suspense, kapag
ordinaryong pag-uusap lang ang mga tauhan, hindi gaanong kailangan ang contrast.
Ngunit kapag hinahabol na ng multo o anumang kababalaghan ang bida, o kung sila
ang humahabol sa maligno, kailangan ng contrast sa pag-iilaw upang higit na magdulot
ng pananabik sa manonood.
Sa paggamit ng kamera, mahalagang matutuhan natin ang ilang terminolohiya
upang makita natin kung paano natin ito magagamit upang mapaganda ang kinukunan.
Ang unang grupo ng mga terminolohiya ay may kinalaman sa layo ng kamera sa
kinukunan, ang ikalawa ay patungkol sa posisyon ng kamera, at ang huli ay ang
paggalaw mismo ng kamera.

Layo ng Kamera sa Kinukunan


1. Extreme Long Shot. Sa pamamagitang ng kuhang ito sa distansyang mga 150
talampakan o pataas, nakikita ng manonood ang buong kapaligiran. Halimbawa,
kuha ng buong Singapore sa gabi, kuha ng isang lugar na sinalanta ng tsunami,
o kuha ng isang isla. Sa kuhang ito, hindi gaanong mahalaga ang mga tauhang
kasali sa kuha, ang mahalaga ay ang kinukunang lokasyon.

2. Long Shot. Mga 20 hanggang 150 talampakan naman ang layo ng kamera sa
kinukunan. Nakikita pa rin ang kapaligiran, ngunit may ilang detalye ng mga
tauhan ang nakikita. Halimbawa kung sa Singapore sa gabi, maaari na tayong
tumuon sa isang kalye upang makita ang mga taong may pinagkakaguluhan sa
labas ng isang gusali. Sa lugar na sinalanta ng tsunami, kita natin ang ilang mga
pamilya sa kanilang pansamantalang silungan. Sa isla, maaari nating kunan ang
dalampasigan kung saan maraming tao ang naliligo. Sa pamamagitan ng
kuhang ito higit na nakikita natin ang ugnayan ng mga tauhan sa lugar o tagpo.
Sa panonood natin ng dula sa entablado, laging parang long shot.

3. Medium Shot. Nakatuon naman ang kuhang ito sa isa o dalawang tao nang
may sapat na layo upang makilala ang mga tauhan. Ito ang kadalasang kuha na
ginagamit sa mga pelikula. Nakikita pa rin ang bahagi ng paligid, pero higit na
nabibigyang-puwang na ng kuhang ito ang kilos at pananalita ng mga tauhan.
Sa pangkaraniwang pagsasalaysay ng kuwento, ito ang madalas na ginagamit.

4. Close-up. Sa kuhang ito nang higit na malapit, kita ang buong mukha
halimbawa, higit na nakikita ang mga tagong emosyon ng mga tauhan upang
higit na maunawaan ng manonood ang kanyang nararamdaman, nasasaisip , at
nasasaloob. Ito ang isang kalamangan ng pelikula sa dula. Katawa-tawa kung
ang isang manonood ay tumuntong sa entablado at lapitan ang isang
gumaganap upang higit na masuri kung ito’y natatawa, naiiyak, ninenerbiyos, o
napopoot!

Posisyon ng Kamera
1. Eye Level. Ginagamit ito sa karaniwang pag-uusap ng mga tauhan sa eksena.
Kapag gusto nating makasunod ang mga manonood sa normal na takbo ng
pangyayari sa kuwento ito ang madalas gamitin.
2. High Angle. Sa posisyon ng kamerang ito, mataas sa karaniwan (level) ang
kamera at nakatungo sa kinukunan. Ang isang pang tawag sa ganitong eksena
ay bird’s eye view.
3. Low Angle. Kabaligtaran lang ito ng high angle. Mas mababa sa karaniwan ang
kamera at nakatingala naman sa kinukunan. Worm’s eye view naman ang pang-
tawag dito.
Sa panitikan, katumbas ng punto de bista ang posisyon o anggulo ng
kamera. Halimbawa, kausap ng ama ang kanyang limang taong gulang na anak
habang sila’y kumakain ng hapunan. Upang ipakita natin ang normal nilang pag-
uusap, eye level ang posisyon ng kamera. Kung nais nating Makita ang reaksyon
ng anak habang nagsasalita ang ama, high level ang gagamitin. Sa parehong
paraan, kung nais nating makita ang damdamin ng ama habang kinakausap ang
anak, sa punto de bista ng anak, low angle ang gagamitin.

Paggalaw ng Kamera
Sa isang banda, unang dalawang grupo, hindi pa gumagalaw ang kamera –
nakaposisyon lang. sa ikatlong grupong ito ng mga katawagang pansinematograpiya,
pagagalawin na natin ang kamera.
1. Tilt. Ito ang pagtingala (tilt-up) o pagtungo (tilt down) ng kamera mula sa isang
posisyon. Halimbawa, nais nating ipakita ang isang katatapos lang sa kolehiyo
na naghahanap ng trabaho sa Makati. Titigil siya sa kalsada sa tapat ng isang
mataas na gusali. Bago siya tuluyang tumawid, titingnan ang hawak niyang
diyaryo upang tiyakin kung iyon nga ang kanyang dapat puntahan. Mula sa punto
de bista ng ating tauhan maaaring mag-tilt-down ang kamera upang Makita ang
nakasulat sa diyaryo. Makikita niya na nasa ika-26 na palapag ang opisinang
kanyang tutunguhin. Titinagala siya at titingnan kung gaano kataas ang gusali.
Magti-tilt-up naman ang kamera mula sa ibabang bahagi ng gusali, pataas sa
inaakala niyang 26th Floor.
2. Pan. Kung ang tilt ay pagtingala o pagtungo ng kamera, ang pan naman ay ang
paglingon ng kamera nang pakaliwa (pan left) o pakanan (pan right). Balik tayo
sa ating tauhang namamasukan sa trabaho. Desidido na siya ngayong umakyat
sa ika-26 na palapag. Natural, tatawid siya. Upang hindi siya masagasaan,
kailangan niyang lumingon kung may sasakyang dumaraan. Pan left tapos pan
right.
3. Zoom. Ito naman ang kakayahan ng kamera na mula sa malayo ay lumapit sa
kinukunan sa pamamagitan ng paggalaw ng lens o lente ng kamera. Zoom in
ang tawag dito. Ang kabaligtarang paglayo mula sa malapitang kuha, ay
tinatawang namang zoom out. Balik uli tayo sa eksena kanina. Marahil kung
simpleng tilt down lang sa diyaryo, hindi talaga makita ang nakasulat na “26th
Floor.” Kailangan sigurong mag-zoom-in.
4. Dolly. Ang kuhang ito ay hawig sa zoom pero hindi lang lente ang gumagalaw.
Mismong ang kamera ang lalapit o lalayo sa kinukunan. Mukhang katawa-tawa
kasi ang tawa sa isang aparatong de-gulong kung saan “nakasakay” ang kamera
upang mapadali ang paglapit (dolly-in) o pagalayo (dolly out) nito sa kinukunan.
Sa punto-de-bista naman ng manonood, kung nais nating makita ang pagiging
desidido ng ating bida, maaaring mag-dolly-in ang kamera mula sa pinto ng
gusali palapit sa ating bida.
5. Parallel/Travelling/Track. Gumagalaw din ang buong kamera upang sumunod o
sumabay sa kinukunan. Iba’t iba ang tawag depende kung paano dinadala o
inilalakbay ang kamera. Sundan na natin sa pagtawid ang ating bida, hanggang
sa makapasok siya sa pinto ng gusali. Gamitan natin ng parallel o traveling shot.
Nakita natin kung gaano kainteresante ang mundong ginagalawan ng isang
sinematograpo. Marami tayong natutunang bagong terminolohiya o katawagang
ginagamit ng mga batikan nating sinematograpo tulad ni Romy Vitug. Magaling ka
dapat sa pag-iilaw o sa paggamit ng kamera kung nais mong maging sinematograpo.
Pero tandaang ang higit na ikagagaling niya ay hindi ang magamit niyang lahat ang iba’t
ibang uri ng pag-iilaw at paggamit ng kamera, kundi ang magamit niya ang mga ito
upang mabisang maipahayag ang damdamin ng eksena o tagpo sa pelikula.
Kaunti lamang sa atin ang maaaring maging sinematograpiya ngunit halos lahat
tayo ay manonood ng pelikula. Sa pamamagitan ng karagdagang kaalamang ito, higit
nating masusuri ang mga pelikulang pinanonood natin, at sana, higit din natin itong
kawilihan. Sino’ng makapagsasabi, baka ang mga paborito nating kuwento, dula, o
nobela ay maisapelikula natin balang araw. Mahuhusgahan pa natin kung ang katabi
natin sa sinehan na nagsabing. “Ang galing cinematography, ‘no?” ay nagmamarunong
lang o tunay na alagad ng sining ng puting tabing.

Pahina 268-270
Pag-eedit sa Pelikula
Ang pag-eedit sa pelikula ay ang proseso ng pagpili, pagsasaayos at paglalapat
ng nakunang materyal sa film upang maipalabas o maipahayag ang isang tao, bagay o
pangyayari sa pinaka dramatiko at pinakamabisang paraan.
May kinikilalang tatlong manunulat ang pelikula. Ang una ay ang manunulat ng
kuwento o iskrip, ang ikalawa ay ang direktor, at ang ikatlo at huling manunulat ay ang
editor. May tatlo ring yunit ang pelikula – ang shot, scene at sequence. Kuha o shot ang
tawag sa basic unit ng pelikula. May simula ang isang kuha at natatapos ito sa
pamamagitan ng cut o pagputol. Ang sce5ne o eksena upang makagawa ng isang
sequence o isang mahalagang pangyayari sa pelikula. Shot ang pinagkakaabalahan ng
direktor. Kaya nga madalas siyang nagsasabi ng “Cut” Samantala sa editing room
naman “nagsusulat” ang editor. Siya ang pumipili, nagbubungkos, nakatatagpi ng mga
kuha upang mabuo ang mga scene at sequence at tuluyang mabuo ang biswal na
kuwento ng pelikula.
Anu-ano ang mga isinasaalang-alang ng editor sa kanyang “pagsusulat?” May
tatlong elemento ang kanyang pinaglalaruan – oras o panahon, ritmo, at ugnayan. Sa
pagpapaliwanag natin sa elementong ito, tunghayan din natin ang ilang terminolohiyang
ginagamit sa pag-eedit ng pelikula.

Oras o Panahon
Magsimula tayo sa isang pagsasanay. Paano mo maipapakita ang eksenang ito
sa pamamagitan lamang ng pitong kuha?
Araw-araw sa loob ng sampung buwan, umuupo si Pedro sa bench sa labas ng
silid-aralan, pinanonood ang mga taong nagdaraan.
Ang pagsasanay na inyong ginawa ay isang maliit na halimbawa ng proseso ng
pag-eedit. Bilang editor, kinokontrol mo ang panahon – pinahahaba ito o pinaiikli.
Halimbawa sa mga pelikulang may boksing tulad ng Rocky ni Sylvester Stallone,
Hurricane ni Denzel Washinton, o Ali ni Will Smith, alam nating tatlong minuto ang
bawat round. Kung may laban ay tumagal ng 15 rounds, hindi ipapakita ito sa loob ng 3
laban x 15 round x 3 minuto = 135 minuto. Dalawang oras at 15 minuto na iyon! Paano
na ang ibang bahagi ng kuwento ng boksingero? Kailangang piliin kung alin ang paiikliin
at pahahabain. Halimbawa, sa huling laban ng boksingero, maaaring limang minuto
lamang ang screening time nito – isang minuto sa unang 14 na round at apat na minuto
sa huling round.
Paano nagagawa ang pagpapaikli ng oras? Sa pamamagitan ng simpleng
pagputol o cut, o paggamit ng ilang transitional device tulad ng fade. Fade in ang tawag
sa unti-unting pagpasok ng imahen mula sa itim o puti. Fade out naman ang tawag sa
unti-unting pagkawala (o pagkupas) ng imahen papunta sa itim o puti. Kapag nag-fade
out ang isang imahen sabay fade in ng isa pa, ang tawag dito ay dissolve o cross-fade.
Maaari ring gumamit ng paggalaw ng kamera. Halimbawa, kuha sa malungkot na si
Pedro na nakaupo sa labas ng silid-aralan sa simula ng pasukan, tilt sa langit, pagtilt
muli pababa, may mga kasama na siya at masaya silang gumagawa ng parol, anim na
buwan na ang nakaraan.
Paano naman pinahahaba ang oras? Isang simpleng halimbawa ay ang
paggamit ng slow motion. Ngunit may ilang mas artistiko at dramatikong pamamaraan.
Kasabay ng kuha ng pagsuntok ni Rocky sa kanyang kalaban, ipakikita ang reaksyon
ng manonood, lalo na ang kanyang trainer at asawa, bago bumalik muli sa aksyon. Sa
totoong buhay sabay itong nangyayari, ngunit sa pelikula maaaring ipakita ang
magkakasunud-sunod na imaheng ito na hindi ka magtataka kung sabay nga itong
nangyayari o hindi.

Ritmo
Sa pelikula may internal at may external na ritmo. Ang internal na ritmo ay
patungkol sa bilis o bagal ng galaw ng mga kinukunan sa isang kuha. Halimbawa kung
ang eksena ay habulan, inaasahan nating mabilis ang internal na ritmo ng kuha. Sa
kabilang banda, ang eksenang romantiko tulad ng ligawan o suyuan ay natural na may
mabagal na internal na ritmo. Ang external na ritmo ay patungkol naman sa haba o ikli
ng pananatili ng isang kuha o shot sa screen. Ang pangkalahatang tuntunin ay ito:
paglaanan ng mas mahabang oras ang mas mahalagang kuha o eksena. Tunghayan
nating muli ang huling round ng laban ni Rocky. Dahil mas mahaba ang oras na inilaan
dito kaysa sa mga naunang round.
Ang ritmo ay nakukuha sa lamang sa pamamagitan ng pagtatantiya, na
nakabatay naman sa karanasan at pandama. Parang laging isinaisip ng editor ang
manonood at aking manonod?” o “Nagagawa ko bang maramdaman ng aking
manonood ang kapanabikan, kasiyahan, takot o kalungkutan na dapat niyang
nadarama?” Iyan ang paglalaro sa ritmo.

Ugnayan
Laging isinasaalang-alang ng editor ang mga ugnayan ng magkakasunud-sunod
na kuha o eksena, magkakasunod na tunog, pagkakasabay ng isang kuha o imahe sa
tunog o musika. Ginagawa ito ng editor upang maipakita ng contrast o kaibhan,
paralelismo, o simbolismo.
Gumawa tayo ng palasak na bahagi ng kuwento upang makita ang mga
tinutukoy na ugnayan. May isang mga 17 taong gulang na lalaki na tawagin nating Lito
na hirap na hirap na sa pagtutulak ng karitong kakaunti pa ang laman. Isusunod dito
ang larawan ng nagmamaneho ng magarang kotse ng kanyang paa. Dahil pinagsunod
ang dalawang larawang ito nakita natin hindi lamang ang kanilang pagkakatulad kundi
lalo na ang kanilang kaibhan. Sa pagpapatuloy ng kuwento may naipakitang
pagkakatulad kundi lalo na ang pangyayari o paralelismo sa kanilang buhay. Naiisip ni
Lito ang liit ng kanyang kikitain na kulang pa sa pambili ng gamot para sa kanyang
ama’t inang laging nag-aaway kaya’t wala ng panahon para sa kanya. Napadpad si Lito
sa labas ng restawran at nakapamulot siya sa basura ng itinapong pagkain. Kinain niya
ito at nagbigay ito ng ginhawa sa kanyang kumakalam na sikmura. Isusunod dito ang
kuha kay Joey na nagpapakalasing sa isang bar kasama ang barkada, maingay ang
tugtugan. Pauwi na si Lito at umuulan na ngunit kahit paano masaya siya dahil may
maiuuwi siyang supot ng pansit para sa kanyang ina. Pauwi na rin si Joey, lasing.
Masisilaw si Joey dahil may trak na sasalubong sa kanya. Masisilaw din si Lito. Tunog
ng pag-init ng gulong at pagbangga ng kotse sa kariton. Kuha ng sumambulat na supot
ng pansit. Kuha ng umiikot pang gulong ng tumaob na kotse. Dissolve sa umiikot pa
ring gulong na tumaob ding kariton. Lalong lumakas ang ulan. (Anu-anong simbolismo
ang ginamit upang ipahiwatig ang nangyari?) Maririniig ang malungkot na theme song
ng pelikula. Credits.
Nakikita ba ninyo sa ating palasak na kuwento ang mga ugnayang napaigting
kaya’t nagkaroon ng tension sa pagsusunod-sunod ng mga kuha at eksena? Maganda
ba ang pag-eedit ng isang palasak at gasgas na kuwento? Napili, naiayos, at nailapat
ba ang mga kuha at eksena sa pinakamabisa at pinakadramatikong paraan?
Pahina 277
Panunuring Pampelikula
Narito ang ilang mungkahi sa pagsulat ng panunuring pampelikula:
1. Sumulat ng isang pambungad na kiliti sa interes ng iyong mga mambabasa.
Magkaroon ng isang pagkiling sa mga mambabasag kabataan. Tandaang sila
ang maaaring humubog ng industriya ng pelikulang Pilipino.
2. Isalaysay ang buod ng kuwento ng pelikula sa pamamaraang biswal. Sa
pagsalaysay ng buod, ipakilala ang mga tauhan at ilagay sa panaklong ang mga
nagsiganap.
3. Suriin ang kuwento. Malinaw ba ang daloy ng kuwento? Kapani-paniwala ba ang
pagkakasunud-sunod ng pangyayari. Mainam na suriin sa bahaging ito ang
dulang pampelikula (screenplay) o iskrip. Makatotohanan ba ang mga diyalogo
ng mga tauhan? May mga pahayag ba ang mga tauhan na hindi ninyo
malilimutan?
4. Suriin ang pagkakaganap ng mga tauhan. Tandaang ang mahusay na pag-arte
ay yaong hindi mo napapansing umaarte. Mapaniniwala ng artista ang
manonood na ganoon talaga ang nangyayari sa kanyang ginagampanang
tauhan.
5. Suriin ang mga aspetong panteknikal. Gamitin ang inyong kaalaman sa
sinematograpiya at pag-eedit na natutunan ninyo sa huling dalawang aralin:
a. Mabisa ba ang gamit ng kamera at pag-iilaw upang maipahayag ang
kuwento?
b. Hindi ba nakababagot ang pelikula – patunay na mahusay ang pag-
eedit?
c. Nakatulong ba ang paglalapat ng tunog at musika upang higit na
madama ang dapat madama sa iba’t ibang bahagi ng pelikula?
6. Suriin ang mga ipinapakitang mga pagpapahalaga sa kabataan. Humihimok ba
ito sa kabataan na may gawin para sa ikaaangat ng kalagayan ng lipunang
Pilipino?
7. Wakasan ang inyong pagsusuri sa pamamagitan ng paglalagom ng
pangkalahatang bisa ng pelikula sa inyo. Magbigay ng panghuling mungkahi
kung dapat bang panoorin ito o hindi.

You might also like