You are on page 1of 8

ANG PITONG BUHAY

NI ANABELLA:
ANG TAGASALIN BILANG MALIKHAING
MANUNULAT, KRITIKO AT LITERARY
HISTORIAN

ni

ROSARIO CRUZ-
LUCERO
Isang Report ni Benjie Torralba

para kay

G. Michael Coroza
Literary Translation

Buod

Si Rosario Cruz-Lucero ay isang tagasalin ng panitikinag Hiligaynon tungo sa wikang

Filipino. Naatasan siyang magsalin ng isang kwentong pinamagatang Anabella ni Magdalena

Jalandoni mula Hiligaynon tungong Filipino. Ang karanasang ito ang ginamit niyang batayan sa

pagpapahiwatig ng kanyang mga kaisipan ukol sa mga papel na kailangang gampanan ng isang

tagasalin.

Ani Cruz-Lucero, sa unang paghaharap pa lamang sa gawaing pagsasalin ng panitikang

panrehiyon tungo sa Filipino ay mga problema na agad na hinaharap. Sinabi niyang iilan lamang

(minsan nga ay wala pa) ang nagpapakadalubhasa sa pagsasaling ng mga panitikang panrehiyon.

Kadalasan ang mga nagsasalin ay sa paradimong Ingles tungo Filipino o Filipino tungo Ingles

ang ginagalawan.

Dagdag pa ni Cruz-Lucero na pilit pa ngayong pumantay ng panitikang panrehiyon at

makilala rin sa Manila, ng sentro ng kapangyarihang intelektwal. Masyado kasing nagpagtuunan

ng pansin ang pagsasalin ng mga panitikang dayuhan tungo sa Filipino sa mga nagdaang

panahon. Bago pa lamang talaga ang gawaing pagsasalin ng panrehiyong panitikan tungo sa

Filipino.

Samakatuwid, ani Cruz-Lucero, tatlong papel ang kailangang ganapin ng tagasalin:

una’y bilang tagasalin, ikalawa’y bilang tagabuo ng kasaysayang pampanitikan ng kanyang

rehiyon, at ikatlo’y bilang tagapag-ambag sa pagbubuo ng kanon ng panitikan ng Filipinas.

(Cruz-Lucero, p 45)

2
May kinalaman din, ayon sa kanya, ang oryentasyon o ideolohiyang kritikal ng tagasalin,

malay man o hindi, sa pagsasalin ng isang panitikan. Kaya nga kasabay ng paghahabi ng tatlong

tungkulin sa pagpili at paglikha ng salin ng isang panrehiyong panitikan ay ang oryentasyong,

pormalista o peminista o ano pa man.

Kaya nga’t nagkakakulay ang isang salin kahit na ba ang isinusulong nito ay ang

kamalayan ng kasaysayang pampanitikan ng rehiyon. Kaya rin mas lumalawak ang kanon ng

panitikan ng Filipinas dahil maaaring masalin ang isang panitikan gamit ang iba’t-ibang

oryentasyong kritikal ng tagasalin.

Di pa natatapos ang problema sa gawaing pagsasalin dito, sabi ni Cruz-Lucero. Nariyan

pa ang di-katiyakang tatangkilikin at papahalagahan ba ng mga mambabasa ang isasalin. Kaya’t

mahalaga na pag-isipang mabuti kung aling mga panitikan ang isasalin.

At kung halimbawa’y nakapili na nga ng isasalin, haharapin na naman ng tagasalin ang

isa pang problema: ano ba ang estilong gagamitin? Dahil nga di pa rin malinaw ang

pamantayang estetiko o di kaya’y kultural na pagpapahalaga at iba pa, tunay na nakakadagdag

pa ito sa problema ng pagsasalin. Mas lalaki pa ang problema kapag pinag-isipan na kung ang

layunin ba ay iparating ang diwang panrehiyon o pambansa.

Para kay Cruz-Lucero, naging pabor sa kanya ang pagiging mansasalin dahil natulungan

ng disiplina ng pagsasalin ang paraan ng paglikha niya ng sarili niyang kwento. Nasasaalang-

alang niya ang mga estilo at iba pang pamamaraan at kung sa gayung isasalin na ang kanyang

mga likha ay madali lamang ito. Nakagabay sa kanya ang nabanggit din ni Mildred Larson sa

kanyang Overview of the Translation Task na ang sukatan ng matagumpay na pagsasalin ay ang

3
kakayahan nitong magbigay ng impresyon sa mambabasa na hindi salin ang kanyang binabasa

kundi isang sulat orihinal sa kanyang wika.(Cruz-Lucero, p 47).

Pinag-usapan at binigyang halimbawa din ni Cruz-Lucero ang isa pang batayang

konsepto sa pagsasalin: na sa pagsasalin, may natatanggal, may nadadagdag. Sa kagustuhan

kasing makabuo ng tagasalin ng isang malinaw at “madulas” na salin, nabubura naman niya ang

kontekstong cultural ng orihinal na sana ay batayan ng pagkakakilanlan ng rehiyong pinagmulan

ng panitikan. Ang mga mambabasa naman ay wala man lang pakialam para sana maituwid ang

ganitong kabuktutan. Nagiging magkasabwat tuloy ang tagasalin at mambabasa sa paglimot ng

karanasan at kulturang panrehiyon na sinasalamin sana ng orihinal na teksto.

Dahil din naisasalin sa Tagalog, lalong napapagtibay ang kaisipan na mas magaling ang

wikang ito kaysa sa panrehiyong wika. Natatabunan kasi ang pagpapakahulugang nakapaloob sa

orihinal sa pamamgitan ng paglalapat ng kahulugang at kaisipang Tagalog. Sa isang banda, may

kasalanan din ang mambasa dahil marahil ay di rin nila pinahahalagan ang kanilang kultura

kaya’t nagsasawalang-kibo na lamang sila.

Sa isang pangyayari ngang isinalaysay ni Cruz-Lucero, pinagtawanan ng isang makatang

Tagalog ang isang salin niya. Sa halip na magalit ay inisip na lamang niya na ignorante ang

makatang iyon sa kultura at wikang Ilonggo na ginamit niyang batayang wika sa pagsalin. May

mga dahilan kasi si Cruz-Lucero kung bakit isinalin nyang ibang-iba sa inaasahang saling sa

Tagalog dahil gusto niyang maging tapat sa orihinal. Inaamin naman niya na di pwede sa lahat

ng panahon at kadalasan nga ay di talaga dapat literal ang pagsasalin. Inaamin pa niya na may

mga pagkakataong binabawasan o dinadagdagan niya ang orihinal tungo sa wikang pagsasalinan

dahil mas nagiging tapat ito sa diwa at intensyon ng orihinal. Ginagamitan pa niya ng mga salita

4
at katagang mula sa orihinal na wika kahit na may eksaktong katumbas sa Tagalog upang

masanay ang mga di nagsasalita ng orihinal na wika sa tunog ng wikang ito.

Kung talagang suriin, mukha ngang nakakatawa para sa mga Tagalog ang paghahalo at

pagsasali ng wikang orihinal sa pinagsasalinang wika (Tagalog) dahil may maling kaisipan na

pag galing sa probinsya (lalo na Bisaya), nagiging komedya ang panitikan. Kaya nga’t isa pang

problemang nakikita ni Cruz-Lucero sa pagsasalin ay ang pagpapasiya kung kailan pananatilihin

ang orihinal. May pagkakataon kasi na di angkop ang maglapat ng katumbas na salita dahil nga

nawawala na ang orihinal na intensyon ng manunulat.

Paano naman naaapektuhan ng oryentasyong ideolohikal ng tagasalin ang mga gawaing

pagsalin? Malaki ang epekto ng oryentasyong ito. Ayon kay Cruz-Lucero, sa kanyang

karanasan sa pagsasalin ay mas nakikita niya ang mga katangian at kabalintunaan ng mg wika at

nakakabuo siya ng balangkas sa pagsusuri ng kanyang proseso ng pagsasalin. At higit pa dito ay

mas nakikilala niya ang kanyang oryentasyong ideolohikal sa pamamagitan ng mga salitang

ginagamit at pinapahalagahan niya sa pagsalin. Kung tutuusin, dapat iwasan ng tagasalin ang

malay na paglapat ng kanyang sariling ideolohioya sa kaniyang mga isinasalin. Ang dapat na

iniisip ng tagasalin ay ang pagiging tapat sa orihinal ayon sa kanyang sariling pananaw.

Saan pumapasok si Anabella at ang pitong buhay niya na makikita natin sa pamagat ni

Cruz-Lucero? Katulad ng aking nabanggit na, ang kwentong Anabella ang ginamit ni Cruz-

Lucero bilang paglalarawan sa mga kaisipang pagsasaling binanggit niya sa kanyang sanaysay.

Mas nauunawaan natin ang mga punto niya dahil kay Anabella. Sa pagtatapos ng kanyang

sanaysay, muling binabalikan ni Cruz-Lucero si Anabella. Pito ang bersyon ng kwentog

Anabella ni Magdalena Jalandoni. Kaya nga’t sa pamagat ay pito ang buhay ni Anabella.

5
Sinasabi sa sanaysay na ang pitong bersyon ng Anabella ay may kani-kaniyang pagpapahalaga

ng mga nagsalin at mga bumasa nito. Sa katunayan, di na lamang pito ang buhay kundi

kasindami ng mga mambabasang naapektuhan nito. Dahil sa pagpapahalaga, nagkakaroon ng

buhay ang panitikan. Sa bawat isang pagpapahalaga ay nakikita natin na nagkakaroon ng

sariling diwa’t estetikang natatangi sa bersiyong iyon. (Cruz-Lucero, p. 59)

Reaksyon

Ano ba ang aking natutunan o naintindihan mula sa sanaysay?

Nakita ko at napatunayan sa pamamagitan ng sanaysay na ito na tunay na buhay ang

kultura ng pagsasalin sa atin bansa ngayon. Nakakalungkot lamang isipin na di pa gaanong

malawakan ang pagkilos para sa gawaing pagsalin. Ngayon din lamang napagtutuunan ng

pansin ang pagsasalin ng mg panrehiyong panitikan tungo sa Filipino. Kung tutuusin mas dapat

inuna ang gawaing ito dahil dito nasasalamin ang kulturang rehiyonal na mahalaga sa

pagakakakilanlan ng ating bansa. Siguro din ay masyadong na-marginalize ang mga panrehiyong

panitikan sa kadahilanang naghari ang wikang Tagalog nang napakahabang panahon.

Ito pa lamang ay balakid na sa gawaing pagsalin. Nakakadagdag tuloy ito sa mas malaki

pang problemang kinakaharap ng gawaing pagsalin. Nariyan na ang mga desisyon na kailangang

gawin ng tagasalin: 1) alin bang panitikan ang gagamitin; 2) anong layunin ng pagsasalin; 3)

magiging tapat ba sa orihinal o sa wikang pagsasalinan; 4) may idadagdag o ibabawa ba; 5)

gagamit ba ng mga salitang mula sa orihinal. Ilan pa lamang ito sa mga isyu na kailangang

harapin ng isang tagasalin.

6
Isa pa marahil na aking naisip matapos kong mabasa ang sanaysay na ito ay ang

napakalaking responsibilidad ng tagasalin sa mga mambabasa ng panitikan. Alam nating

nalalapatan ng oryentasyong ideolohikal ng tagasalin ang kanyang gawa, malay man o hindi.

May naisulat ngang sanaysay si Bienvenido Lumbera na nagpapalawak ng ideyan ng

responsibilidad na isinusulong ko dito. Ang pamagat ng sanaysay na ito ay ANG WIKA AY

KASANGKAPAN NG MAYKAPANGYARIHAN: Ang Wika Bilang Instrumentong

Politikal.

Di man nagpapahiwatig sa gawaing pagsasalin ang pamagat, mahalaga ang sanaysay na

ito dahil ang wika ang pinakamahalagang bahagi ng pagsasalin. Sa katunayan nabanggit ni

Lumbera ang kasaysayan ng pagsasalin dito sa Pilipinas sa sanaysay na ito. Sinasabi din ni

Lumbera na maaaring kasangkapanin ang wika para maisulong ang mga agenda ng iba’t ibang

grupo. Isipin nyo na lang ang kapangyarihan ng isang mananalin. Maaari niyang isulong ang

isang kaisipang dayuhan o kolonyal sa kanyang salin na walang kamalay-malay ang mga

mambasa na ganito nga ang nangyayari. Siguradong mahuhubog ng panitikan ang pag-iisip ng

mambasa. Sa ganitong paraan ay nagamit nga ang wika ng salin para manlupig.

Sa pagsasalin pa, di lamang sapat na makapagsalin ang isang tagasalin. Kailangan din

may kakayahan siyang maging malikhain – na maaari niyang ipakita ang tunay na kultura at

kaisipan ng taong sumulat ng orihinal. Habang sinusulat niya ang salin, kailangan din niya

maging kritikal – na dapat may saysay pa rin ang mga nasaling panitikan at may logicality ang

mga salita’t pangyayari. Kapag nagawa na niya ito ay naisusulong na rin niya ang isa pang

7
mahalagang papel ng isang tagasalin – ang pagiging literary historian. Sa pagsasalin niya ng

isang panitikan ay nape-preserve niya ang kultura sa pamamagitan ng mga salita.

Isang napakahalagang gawain ang pagsasalin. Ngunit ito ri’y isang napakahirap na

gawain. Kailangan ng isang matinding pagsasanay sa wika ang susuungin ng tagasalin upang

makagawa ng isang salin na tapat.

Sa kahuli-hulihan, nasa mambasa na ang desisyon kung aling salin ang kanyang

pahahalagahan. Sana nga lang ay magkaroon ng isang bukas na pag-iisip at malawak na pag-

unawa ang mga mambasa upang makapamili ng saling pahahalagahan. May paghamon sa mga

mambabasa na wag lamang tanggapin ang anumang salin kundi maging kritikal din.

Mapapatunayan lamang na buhay na buhay ang wika kung pati ang mga mamabasa ay

magkakaroon ng isang aktibong at reaktibong pagtanggap sa mga panitikang isinalin.

You might also like