You are on page 1of 17

ALAMAT NG SAMPAGITA

Noon, lahat ng halaman ay may pinagmamalaking kayamanan tulad ng masarap ng


bunga o bulaklak na marikit, mabngo at may kakaibang ganda. Maliban sa isa.

Ang Sampagita ay parating naging tampulang ng katatawanan sa hardin. Parati


siyang inaapi ng mga kasamang halaman.

Madalas na pagmamayabang ng Santan, "Ano ang iyong silbi? Salat ka na sa ganda,


wala pang bulaklak na ipagmamalaki. Hindi tulad ko na biniyayaan ng makukulay
na bulaklak. Ako'y nakakawili."

Kutya naman ng Milegwas, "Oo nga, pangit ka na, wala pang bangong kahali-halina.
Amuyin mo ko, ang sarap ng samyo, ang tamis, ang bango. Mahalaga ako sa mga
tao sapagkat ako ang parating inaalay sa kanilang mga Santo."

"Ako rin," gatong pa ni Rosas. "Di ba't sadyang ako'y napakaganda? Ang mga
bulaklak ko, pula, puti man o dilaw, sikat na panregalo sa mga dalaga. E ikaw para
saan ka? Hindi ka dapat sa amin sumasama."

Tawanan ang mga magandang mga halaman. Araw-araw, ganito ang kanilang
usapan. Isang araw, hindi na makapagtimpi ang kawawang Sampagita. Nagtangis,
nakiusap, nagmakaawa sa mabait na Bathala. "Panginoon, bakit naman ganoon?
Ano nga ba ang silbi ko? Ako'y abang halaman lamang."

Narinig ng Bathala ang wangis ng naaping Sampagita. Awang-awang nagwika, "Iha,


tumigil ka na sa pag-iyak, bibiyayaan kita bulaklak na kaiingitan nila." Dumakot siya
ng mga bituin sa langit at saka ito dinurog. Bawat isa nito ay kanyang hinalikan
bago isinaboy sa humihikbing Sampagita.

Ang bawat bituin ay naging munting puting bulaklak na sadyang napakatamis ng


samyo. Ang kanyang mga bulaklak ay naging paborito ng mga tao, pangkuwintas sa
mga dalaga at bisita at pang-alay sa mga Santa.

Nahigitan ng Sampagita ang lahat ng nngungutyang halaman. Siya pa ang


tinanghal na pambansang bulaklak ng bayang sinisinta.
ALAMAT NG SAGING

May isang prinsesang napakaganda; kaya ang tawag sa kanya ay Mariang


Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat; doo’y
maraming magaganda’t mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay
nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga bulaklak na
katangi-tangi ang ayos. Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng
isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang
Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe
naman pala’y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng
loob.

Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang


prinsipe. Palibhasa’y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na
ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.

Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng


mabangong halamanan ng prinsesa.

“Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni’t ang mga bulaklak doon
sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango; walang makakatulad dito
sa inyo.”

“Bakit, saan ba ang inyong kaharian?”

“Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-
lupa.”

Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya


napilitang magtanong si Mariang Maganda. “Mangyari’y…” at hindi na nakuhang
magpaliwanag ang prinsipe.

“Mangyari’y ano? Ano ang dahilan?” ang tanong ng prinsesang punung-puno ng


agam-agam.

“Dapat an akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko
sanang isama kita, nguni’t hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo.
Kaya paalam na irog.”

“Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?”

“Sisikapin ko Mariang Maganda,” ang pangako ng prinsipe. Nang malapit ng


maghatinggabi, dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay
sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako
ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.

Kaginsa-ginsa’y biglang napatindig ang prinsipe. “Kailangang umalis na ako,


Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako
makababalik sa amin. Diyan ka na subali’t tandaan mong ikaw rin ang aking
iniibig,” at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.

Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya
ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at
naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa,
kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang
mga kamay.

Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya.


Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa’y
nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman.
Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang
mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang saging sa daigdig.
ALAMAT NI MARIANG MAKILING
Si Mariang Makiling ay isang dalaga, hindi tumatanda, nakatira sa magandang
bundok Makiling sa pagitan ng provincias ng Laguna at Tayabas, subalit walang
nakaka-alam kung saan talaga o kung paano siya namamahay. Sabi ng iba, nakatira
siya sa isang magandang palacio na napapaligiran ng mga jardin. Ang sabi naman
ng iba, nakatira siya sa
isang dukhang dampa na gawa sa karaniwang kawayan at mga dahon ng nipa.

Matangkad si Mariang Makiling at mahinhin. Ang kutis niya ay makinis,


kayumangging kaligatan, sa bigkas ng mga Tagalog. Malaki at itim ang kanyang
mga mata, mahaba at makapal ang buhok, at maliliit ang mga kamay at paa, at
mala-candela ang mga daliri. Sa madling salita, siya ay maniwaring isang diwata,
parang isinilang sa maputlang sinag ng buwan sa ibabaw ng Pilipinas, pasulpot-
sulpot sa pagitan ng mga punong kahoy sa gubat ng Makiling. Ang diwa niya ang
namamayani sa bundok subalit siya mismo ay bihirang makita ng mga tao.

Paminsan-minsan, natatanaw siya ng mga mangangahoy (cazadores, hunters) sa


dilim ng Viernes Santo (Good Friday), kapag namumundok sila upang humuli ng usa
(ciervos, deer). Nakatayo raw si Mariang Makiling sa gilid ng mataas na bangin,
walang katinag-tinag habang umaalon ang kanyang buhok sa ihip ng hangin. Kung
minsan daw, nilalapitan daw sila, binabati nang tahimik bago lumalayo at naglalaho
sa dilim ng gubat. Walang naglalakas-luob na kumausap, sumunod o magmanman
man lamang sa kanya.

Karaniwang lumalabas si Mariang Makiling pagkaraan ng bagyo (borrasca, storm) at


lumiligid sa mga bukid, binubuhay muli ang mga nasirang halaman at itinatayo uli
ang mga natumbang punong kahoy, at ibinabalik ang dating ayos ng lahat. Pati ang
mga ilog ay bumabalik sa kanilang takdang landas at agos. At lahat ng sira mula sa
bagyo ay naglalaho sa bawat madaanan niya.

Mabuti ang kaluoban ni Mariang Makiling. Dati-rati, pinahihiram niya ang mga
mahirap ng damit, at pati alahas, para sa mga kasal, binyagan at fiesta. Tanging
kapalit na hinihingi niya ay isang puting-puting dumalaga, batang inahen na hindi
pa nangingitlog. Paminsan-minsan, lumilitaw siya sa anyo ng isang karaniwang
taga-bukid at tinutulungan ang mga matatandang babae sa pagpulot ng mga
panggatong (leñas, firewood ). Pagkabigkis at pasan na ng matandang babae ang
mga kahoy, isinisingit nang lihim ni Mariang Makiling sa bigkis ang pira-pirasong
ginto, barya (monedas, coins), pati mga alahas ( joyas, jewels).

Minsan, ayon sa cuento, isang mangangahoy ang nakakita ng baboy damo.


Kumaripas ang hayop sa mga sukal at tinik ng gubat habang walang tigil na
humabol ang lalaki, na nagka-galos-galos sa mga tinik. Biglang-bigla, narating nila
ang isang maliit na kubo. Takbo at nagtago ang baboy damo sa luob. Natigilan ang
lalaki, lalo na nang lumabas ang isang magandang dalaga.

“Sa akin iyong baboy damo,” sabi ni Mariang Makiling sa lalaki, “at hindi mo dapat
hinabol. Subalit nakikita kong ikaw ay pagod na pagod, at sugatan. Pulos dugo ang
iyong mga bisig at binti. Halika sa luob, magpahinga ka at kumain. Gagaling ka,
tapos maaari ka nang umuwi.”

Napukaw ang lalaki sa alindog ni Mariang Makiling. Pumasok siya sa kubo at,
walang imik, kinain lahat ng lugaw na hinain. Masarap at kaiba sa lahat ng natikman
niya. Naramdaman niyang napawi ang kanyang hapo, gumaling ang kanyang mga
sugat at bumalik ang kanyang lakas. Binigyan siya ni Mariang Makiling ng ilang
piraso ng luya (jingibre, ginger).

“Ibigay mo ito sa iyong asawa,” sinabi niya sa lalaki na, utal pa rin, ay yumuko
lamang bago umalis. Isinuksok ng lalaki ang mga luya sa luob ng kanyang salakot
(sombrero de hoya, palm leaf hat). Habang pauwi, pabigat nang pabigat ang mga
luya kaya dinukot niya ang ilang piraso at itinapon. Kinabukasan, nagulat silang
mag-asawa nang nakitang kumikinang ang ‘luya’ na naging lantay na ginto (oro
puro, pure gold) ang mga ito. Laking hinayang nila sa mga ‘luya’ na naitinapon
pauwi.

Hindi laging mabait si Mariang Makiling sa mga mangangahoy. Minsan,


pinaparusahan niya ang mga ito.

Isang hapon, 2 mangangahoy ang pauwi mula sa bundok, kasama ang kanilang
mga aso at pasan-pasan ang nahuling usa at baboy damo. Nasalubong nila ang
isang matandang babae na humingi ng limos. Hindi na binigyan, itinaboy pa nila
ang matanda na nagbanta,

“Isusumbong ko kayo sa may-ari niyang mga hayop!”

Humalakhak ang 2 lalaki bago nagpatuloy pauwi. Nakababa na ang araw pagdating
nila sa paanan ng bundok at, sa dilim, narinig nila ang sigaw mula sa malayo:
“Nanduon sila!”

Sinundan ito ng mas malayong sagot, “Duon sila! Duon!”

Hindi naunawaan ng 2 mangangahoy subalit tumaas ang tenga ng kanilang mga


aso, umungol at tumabi sa kanila. Pagkaraan ng ilang saglit, narinig uli nila ang mga
sigaw, mas malapit, mula sa gilid ng bundok. Umingit-ngit sa takot ang mga aso,
ibinaba ang mga buntot sa pagitan ng mga paa, at kumaripas ng takbo. Tumakbo
na rin ang 2 mangangahoy, lalo na nang umalingawngaw uli ang mga sigaw,
malapit na malapit na! Sindak sila sa bilis ng mga humahabol!

Umabot ang 2 mangangahoy sa sapang Bakal at, sa takot, binitawan ang dalang
usa at baboy damo at umakyat sa isang punong kahoy habang patuloy na tumakas
ang mga aso. Sa isang kisap-mata, dumating ang mga humahabol - mga
dambuhalang halimaw pala! Sinakmal ng mga ito at kinain ang usa at baboy damo.
Ilang minuto lamang, naubos at tumakbo uli ang mga halimaw pabalik sa bundok.
Isa sa mga mangangahoy, mas matapang, ay bumaril sa mga halimaw subalit
mintis!

Wala kahit isang nakatuklas sa mga magulang ni Mariang Makiling, o kung mayruon
siyang mga kapatid o ibang kamag-anak. Ang mga nilalang na tulad niya ay
maniwaring lumilitaw na lamang, tulad ng mga bato na tinatawag ng mga Tagalog
na “mutya.”
Wala ring naka-alam ng tunay niyang pangalan, basta tinawag na lamang siya ng
mga tao na “Maria” dahil karaniwang pangalan ito ng mga Pilipina, at “ng Makiling”
dahil duon sa bundok na iyon siya laging nagpapakita. Hindi raw siya pumasok sa
kabayanan ( pueblo, town) kahit minsan, o sumali sa anumang pagdiriwang sa
simbahan.

Hindi siya nagbago ng anyo. Ang 5 o 6 na anak-anakan ( generations) na nakakita


sa kanya, laging sabi ay bata, maliksi at dalisay si Mariang Makiling. Subalit ngayon,
marami nang taon na hindi siya nakikita, kahit anino ay hindi na aninaw sa Makiling,
kahit na sa liwanag ng buwan. Ngayon, ang mga kasal at iba pang pagdiriwang ay
hindi na nakikitaan ng mga alahas ni Maria, wala nang tumatanggap ng handog na
yaman.
Naglaho na si Mariang Makiling. Sabi ng iba, kasalanan daw ng mga tao sa
kabayanan na ayaw magbayad ng puting dumalaga. Ni hindi raw ibinalik ang mga
hiniram na alahas at mga damit.
Subalit sumbong ng iba, nagalit daw si Mariang Makiling dahil tinatangkang agawin
ng mga hacenderos ang lupain sa bundukin.

ALAMAT NG MACOPA
Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing
tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan.
Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang
mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at
pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong


kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng
kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang
nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan,


naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang
malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila
ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas
ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila
at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit
nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong


panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong
ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang
kanilang sapitin!

Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto.
Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan
sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.

Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan -
ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang
nakakaalam kung saan ito naroroon.
Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon
nang buong dangal.

Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan.


Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin
sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga
alagang hayop.

Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao.
Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto
at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng


mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at
maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga
bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.

"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.

Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa
maraming kopa, doon sa makopa."
Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.
ALAMAT NG LANSONES
Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete,
lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang
nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang
nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin
ang asawa ay napangiti.

Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang


buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang
mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya.
Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin.
"Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming
pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si
Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam
niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.

Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y
lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay
biglang napahinto si Edna.

"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng
lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang
halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya
malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin
ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa
pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni
Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.
"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng
asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga
labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit
tinigasan niya ang kanyang loob.

Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan


ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa
bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."

Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang
maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi
sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang
duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng
pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.

Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni


Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang
dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong
hinahaplos ang noo ng maysakit.

Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang
nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng
maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-
kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok
na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang
ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang
larawan ng kamatayan.

Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay


mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng
kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang
katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.

Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas
ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.

"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang
halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal
ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata.
Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon
ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.

Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong
liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong
iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak
ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na
waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo
ang bungang iyong hawak."

Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason.
Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi.
"Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y
kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.
Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones.
Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi
ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay
hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang
katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang
makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.

ALAMAT NG PINYA
Matamis at masarap ang nasabing prutas lalo na kapag katamtaman ang
pagkahinog. Maraming nagsasabi na ito raw ay magaling na pantunaw lalo na
kapag bagong kain tayo. Kung bakit maraming mga mata at kung bakit pinya ang
tawag sa kanya ay malalaman nating sa ating alamat.

Sa isang malayong pook ng lalawigan don nakatira ang mag-inang si Aling Osang at
si Pina na kaisa-isang anak. Palibhasa bugtong na anak, hindi ito pinagagawa ng ina
at sa halip siya ang nagtatrabaho ng lahat ng gawaing bahay. Ang katuwiran ng ina
ay "maliit pa naman si Pina." Marahil ay paglumaki na ay gagawa rin siya. Kung
kaya ang gawain ni Pina ay maglaro, maligo, magbihis at matulog. Si Pina ay lumaki
sa layaw dahil na rin kay Aling Osang.

Nais na sana ng ina na turuan ang anak na gumawa, ngunit naging ugali na nito ang
katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak,
palibhasa'y ina kaya matiisin. Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang
gumagawa.

Hanggang isang araw si Aling Osang ay nagkasakit at halos na nakahiga na lamang.


"Naku! ang nanay ko, bakit ka nagkasakit?" ang tanong ni Pina. "Ewan ko nga ba,"
ang wika ng ina, sabay utos na kung puwedeng ipaglugay nito ang nanay. Sinunod
naman nito ang utos ng ina at sa ilang saglit ay inihain na ito ni Pina, ngunit
mamait-mait sapagkat ito'y sunog. Ganun pa man ay natuwa na rin ang ina pagkat
kahit papaano siya'y napagsilbihan ng anak.

Tumagal ang sakit ni Aling Osang ngunit nagrereklamo na si Pina na pagod na raw
ito sa paglilingkod sa ina.

Isang umaga, si Pina'y nagluto at maghahain na lamang ito ngunit hindi makita ang
sandok. "Saan kaya naroroon ang sandok?" ang sambit nito.

"Hanapin mo, naririyan lamang yan," ang sagot ng ina.

"Kanina pa nga ako hanap ng hanap eh ! Talagang wala!" ang muling sabi ng anak.

"Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata ng makita mo ang


hinahanap mo! ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga," ang sabi naman ng
ina.

"Marami naman kayong sinisermon pa" ang wika ng anak sabay panaog. Marahil ay
hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog.

Lumipas ang mga oras ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Nawala siya na
parang bula na naglaho at walang nakakita sa kanya kahit kapitbahay. Ilang araw
ang nakaraan sa tulong at awa ay gumaling na si Aling Osang. Hinanap ng ina ang
anak ngunit talagang hindi na nakita.

Isang araw, sa may bakuran ay mataman na nagwalis si Aling Osang. Laking gulat
niya ng makita nito ang tumubong halaman sa malapit sa kanilang tarangkahan.
Dinilig niya ito at inalagaan araw-araw. Di nagtagal at nagkaroon ng bunga.
Napansin niya ito at tila maraming mata. tuloy naalala nito ang sinabi niya sa
kanyang anak. At bigla na lang nawala ang kanyang maal na anak ng mga
sandaling iyon.

ALAMAT NG BULKANG MAYON


Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang
Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa
Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.”

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu


at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga
nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian.
Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo
ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging
kanya pagdating ng araw.

Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni


Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman
subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang
dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa
batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang
kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya,


mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!”

“Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!”

“Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang
bulaklak at ako’y masisiyahan na!”

Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at


ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.

“Maaari bang kita’y makitang muli?”

At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.

“Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!”

“Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang
malaman!”

“Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!”

Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang
at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan,
matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang
kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.

Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib.


Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si
Daragang Magayon.

Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita
makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!”

Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama.


Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”

Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si
Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa
duruwangawan at naghihintay.

Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay
Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan – kainan at sayawan.

Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.

“Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya.

“Hindi maaari!” tugon ni Kauen.

Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit


si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.
Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo
upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay
tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng
katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.

Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak
na magkasama sa isang hukay.

Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay
tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis.
Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.

ALAMAT NG BULKANG TAAL


Mayroon isang Datu na bukod na kapita-pitagan ang kanyang reputasyon, mabuti
siyang pinuno, maayos at maganda ang pamamalakad sa kanyang nasasakupan.
Datu Balinda ang tawag sa kanya. Ang kanyang balangay ay matatagpuan din ang
balangay ng Batangan.

Isang nililiyag na anak na babae ang madalas pagtuunan ng Datu. Bukod sa kaisa-
isa lamang, magigiliw ka sa taglay nitong katangian. Maganda, mayumi at mahinhin
si Taalita at mapagmahal sa sariling tradisyon at kultura. Prinsesa Lita o Taalita ang
tawag sa kanya, na ang kahulugan ay Taal sa Tagalog at puspos ng ugaling
kinagisnan.
Masasabing si Prinsesa Taal ay mahahalintulad sa pausbong na bulaklak na wala
pang nakakadapong bubuyog upang higuping ang tamis ng kanyang pagmamahal.
Ang kanyang kutis ay sariwa at humahalimuyak.

Dahil ang tirahan nila ay malapit sa lawa, nakahiligan ng Prinsesa Taal ang
mamangka pagmalapit ng lumubog ang araw sa Lawa ng Bunbon. Dahil siya ay
isang Prinsesa, tinatanuran siya ng kanyang alipin at mga abay.

Mayroon isang pagkakataon, pagkatapos mamangka ay luhaang humarap si


Prinsesa Taal sa kanyang ama na si Haring Balinda:

“Ama kong Datu, mapatawad po sana ninyo ako. Mayroon po akong kasalanan na
nagawa. Pagkagalit ay huwag mo sanang magawa.”

“Anak, bakit ka umiiyak ano ba ang nagawa mong pagkakamali?”

“Mahal kong ama, nahulog po ang singsing ko sa lawa habang ako’y namamangka,”
sagot ni Prinsesa Taal, na animo’y nahihintakutan.

“Ano! Dapat ay nagging maingat ka. Iyan na lamang ang bagay na nagpapaalala sa
amin ng iyong ina n gaming pagmamahalan. Ilan ninuno na natin ang napasali-salin
sa singsing na iyan. Saksi iyan ng aming sumpaang binigkis ng nasira mong ina.”

“Alam ko pong napakahalaga ng singsing na iyan. Minahal at pinakaingat-ingatan


ko ang singsing na iyan gaya ng pagmamahal ko sa aking ina,” sagot ni Prinsesa
Taal na lumuluha.

Lumuhod si Prinsesa Taal sa harap ng ama.

“Anak, tumayo ka at huwak ng lumuha. Naguguluhan lamang ako sa narinig kong


balita sa narinig k mula sa iyo. Alam mo ban a ang singsing na iyan ay ibinilin pa sa
aki8n ng iyong ina bago siya namatay. Sinabi niya sa akin na ipagkaloob ko saiyo
tanda ng kanyang pagmamahalat pag-alala sa iyo!”

“Tumahan na anak at ang pagkagalit ko’y kinalimutan ko na,” paamong wika ng


Datu.

Niyakap ng Datu si Taal, na halos mapaiyaksa sandaling iyon.

“Huwag ka ng mabalisa, hahanap tayo ng magagaling lumangoy upang sisisrin ang


nahulog mong singsing. Maibabalik rin ang singsing at maisusuot sa daliri mo,”
paliwanag ng Datu.

“Salamat ng marami po, Ama ko,” ako po’y nagagalak sa pang-unawa ninyo.”

Ilang sandali pa ang lumipas. ” Anak, hindi ba dapat ika’y mag-asawa na. Nasa
tamang edad ka na para lumagay sa tahimik. Matanda na rin ako at kailangan ko
ang isang matapang na Datu na siyang hahalili sa akin. Kailangan mo rin ng
makakasama pag ako’y lumisan na,” pakiusap ng Datu.

“Siya pong mangyayari Ama ko,” Sagot ng Prinsesa.

Nagpaanunsyo kaagad ang Datu saanmang dako upang ipahayag ang kanyang
nilalayon. Ipinaalam sa madla na kung sino ang makakakuha sa singsing ang
nahulog sa sa Lawa ng Bunbon ay siyang mapapangasawa ng ng mayuming
prinsesa.Ang balitang ito ay agad kumalat saanmang dako ng kapuluan. Maraming
dugong bughaw ang dumating mula sa iba’t ibang lugar. Kasama rito ang mga
Morong Datu myla sa Jolo at Tawi-tawi. Hindi rin nagpahuli ang angkan ni Bukaneg
mula sa Kabisayaan at Kabikulan. Hindi rin nagpadaig ang Kapampangan at
dumating si Dau Pisot upang subukan ang kapalaran. Sa sinamang palad walang
sinuman ang nagtagumpay upang maibalik ang singsing ng prinsesa.

Marami ang araw ang lumipas sa paghihintay ng mag-ama. Pagkainip ang kanilang
naramdaman.

Di kalaunan may isang Datu, ang humingi ng tulong sa mga anito. Panalangin
tulungan siyang masisid ang nawawalang singsing mula sa Prinsesa. Datu Mulawin
ang ngalan ng laslaki at nagmula siya sa Nasugbo.

Matiyaga niyang nilusong ang Lawa ng Bunbon. Mula umaga hanggang hapon.
Walang tigil sa paglangoy.

Habang sa pagsisisd ni Datu Mulawin ay may nahuli siyang buteteng laot na malaki
ang tiyan.Nagtaka ang lalaki dahil sa maliit na butete ay malaki na agad ang tiyan
nito. Ginwa niyang hiwain ang tiyan nito upang malaman ang laman. Ngunit laking
gulat niya ng matagpuan doon ang nawawalang sinsing ng Prinsesa. “Isang himala
ito!’ laking tuwa ni Datu Mulawin. “Ito kaya ang tugon sa panalangin ko at
magandang hangarin sa Prinsesa Taal?.”

Kaya’t ang pangako ng Pinunong Datu ay nangyari.Agad ipinakasal si Prinsesa Taal


kay Mulawin. Nagdiwang ang buong balangay.Mayroon sayawan at kantahan.Lahat
maligaya sa nangyaring okasyon. Ang pagsasama ng mag-aswa ay nasaksihan ng
boung balangay ang magagandang pamamalakad ni Datu Mulawin at masayang
masaya si Prinsesa Taal sa piling ng asawa.

Subali’t ang pagsasama ay hindi lagi masaya. Madalas ay may problema ring
dumadating na siyang nagiging balakid sa pagsasama.

Isang gabi, Maliwanag ang sikat ng buwan, namasyal ang mag-asawa. Ang gabing
iyon ang simula ng gulo sa kanilang pagsasama.

Mayroon isang matandang nuno pala an gang nagmamay-ari ng Lawa ng Bunbon.


Matagal niyang sinusubaybayan ang takbo at pangyayari sa palasyo masayang
pagsasama ni Datu Mulawin at Prinsesa Taal. Ang matandang nuno pala ay ay
naiinggit sa sarap ng buhay sa palasyo at masayang pagsasama ng mag-asawa.

Nang gabi ring iyon ay namangka ang mag-asawa sa lawa. Habang sumasagwan si
Datu Mulawin, siya naming kumakanta ang Prinsesa kasabay ang tugtog ng
kumintang.

Nang Makita ng Prinsesa ang magandang bulaklak ng lotus, dahil nabighani ito, pilit
niyang inabot. Sa kasamaang-palad ang prinsesa ay nahulog at limubog. Bilis
naman tinalon ni Datu Mulawin ang asawa upang sagipin. Subalit, kapwa sila
lumubog. Lumubog sila dahil sa kapangyarihan ng matandang nuno na binalak
silang mapinsala.

Ang mga alipin na nakakita sa pangyayari ay agad ibinalita sa tagaroon. Marami


ang nagtangkang sisisrin ang dalawa upang Makita ang bangkay. Ngunit nabigo
silang lahat.

Mula noon, may isang pulo ang lumitaw sa gitna ng Lawa Bunbon. Ang tawag nila
rito ay Bulkan Taal. Pangalang ibinigay ng Datung pumalit kay Mulawin. Tanda na
rin ito para laging maalala si Datu Mulawin at Prinsesa Taal.

ALAMAT NG MANGGA
Noong araw ang mga punong manggang tanim ni Tandang Isko ay pare-pareho
lamang ang bunga. Ito’y maliliit at ang tawag dito ay “pahutan”. Matamis kapag
hinog, kaya gustong-gusto ng mga bata ang pahutan.

Marami ang natutuwa kapag panahon ng pamumunga, dahil ang matandang may-
ari ay hindi maramot. Minsan, may magandang dalagang sa manggahan ni Tandang
Isko ay dumaan. Kusang loob na inalok ito ng mga hinog na mangga ni Tandang
Isko. Sa kasiyahan ng binibini ay itinanim nito ang mga buto ng pahutan sa bukid at
sa paanan ng bundok.

Agad tumubo ang dalawang buto at pagkaraan lang ng ilang araw ay ganap na
itong isang puno. Labis na nagtaka si Tandang Isko sa pagkakaroon ng punong
mangga sa hangganan ng bukid at sa ibaba ng batuhang bundok. Balak sanang
putulin ng matanda ang dalawang puno, subalit sa tuwing siya ay lumalapit, wari’y
may bumubulong ng…

“HUWAG PO! HUWAG MO AKONG PATAYIN.”

Dala rin ng panghihinayang kaya hinayaan na lang nitong lumaki at lalong lumago
ang dalawang puno ng mangga. Malaking pakinabang tuloy ito sa mga magsasaka
at kalabaw na roon ay sumisilong.

Ang madalas magpahinga sa punong manggang nasa bukid ay si Kalabaw, kaya


nagkaroon sila ng pagkakataong magkausap palagi ng puno.

“Hulog ka ng langit sa akin, punong mangga. Dati-rati’y init sa katanghaliang tapat


ay aking tinitiis, subalit nang ikaw ay sumibol, pagal kong katawan ay binigyan mo
ng ginhawa. Kaya kapag sa iyo ay may nagtangkang pumutol, humanda sila sa
sungay kong matutulis.”

“Salamat sa iy, Kalabaw at ako ay iyong ipagtatanggol. Noon pa man ay


hinahangaan ko na ang iyong kasipagan, kasisigan at kalakasan,” nahihiyang wika
ng mangga.

Hindi nagtagal, sa dalas ng kanilang pag-uusap ay nagkaintindihan ang kalabaw at


ang punong mangga.

Samantala, nagkaroon na rin ng kagustuhan ang punong manggang nasa paanan


ng bundok at ito ay si “manggang pahutan” na malapit sa kanyang kinatutubuan.

Sa panahon ng paglilihi ni Pahutan ay palaging sumisilong sa lilim niya ang isang


magsasakang may dalang “piko” at ewan kung bakit gustong-gusto ng mangga na
titigan ang piko.

Sumapit ang araw ng pamumulaklak at pamumunga parehong pinausukan at


inalagaan ni Tandang Isko ang magkahiwalay na puno. Ang lahat ng mga punong
mangga ay pawang nagbunga.

Nang bumalik ang matanda upang anihin ang mga bunga ng mangga, ito ay
lubhang nagulat. Ang dalawang puno na hiwalay sa karamihan ay magkaiba ng
hugis at laki ng kanilang mga bunga. Hindi maisip ni Tandang Isko kung bakit
nagkaganoon.

Muli, ang magandang dalaga ay nagbalik, at…

“Sapagkat ang malalaking mangga ay bunga ng pagkakaunawaan nina Kalabaw at


Pahutan kaya tatawagin itong Manggang Kalabaw. Bagama’t magkawangis sa laki
ang mga bunga nila ng kabilang puno ay may pagkakaiba pa rin sa hugis at sa
anilang sukat. Dahil ipinaglihi ito sa piko, kaya makikilala ito sa tawag na Manggang
Piko.”

“Binibini, paano mo nasabi ang bagay na iyan?”

“SAPAGKAT AKO ANG DIWATA NG MGA PRUTAS”, ngumiti ang dilag at biglang
nawala.

Ang sinabi ng diwata ay paulit-ulit ding ikinukuwento ni Tandang Isko sa mga


namimili ng mangga. Datapuwa’t hindi na mahalaga iyon kahit pahutan, manggang
kalabaw o manggang piko basta ag mga ito ay pare-parehong mangga:

Pusong bibitin-bitin mabangong amuyin, Masarap kainin, lalo na’t hinog.


ALAMAT NG MAKAHIYA
Ang mag-asawang Mang Dondong at Aling Iska ay mayaman at may kaisa-isang
anak. Mahal na mahal nila ang labindalawang taong gulang na si Maria. Napakabait
at masunuring bata si Maria. Sa kabila ng magandang katangiang ito ni maria, ang
pagkamahiyain ay kaakibat ng kanyang katauhan. Ayaw niyang makipag-usap sa
ibang tao kung kaya’t nagkukulong lamang siya sa kanyang silid para lamang
makaiwas sa mga tao.

Si Maria ay may taniman ng mga magagandang bulaklak. Ang kaniyang mga


bulaklak ay sadyang napakagaganda kung kaya’t ang mga ito ay kilalang-kilala sa
kanilang bayan.

Isang araw, ang kanilang bayan ay pinasok ng mga bandido. Pinapatay nila ang
bawa’t masalubong at kinukuha ang anumang mahahalagang bagay. Sa takot na
mapahamak si Maria, itinago siya ni Mang Dondong at Aling Iska sa bunton ng mga
halaman. Si Aling Iska ay nagtago sa loob ng kabahayan, samantalang si Mang
Dondong ay nakahandang salubungin ang pagdating nga mga bandido.

“Diyos ko! Iligtas mo po ang aking anak.” Dasal ni Aling Iska.

Nang walang anu-ano’y bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Si Mang Dondong
ay walang nagawa nang pukpukin siya sa ulo ng mga bandido. Nagtangkang
tumakas si Aling Iska nguni’t tulad ni Mang Dondong, siya rin ay nahagip at nawalan
ng malay-tao. Naghalughog ang mga bandido sa buong kabahayan. Matapos
samsamin ang mga kayamanan ng mag-asawa ay hinanap nila si Maria nguni’t sila
ay bigong umalis. Hindi nila natagpuan si Maria.

Nang matauhan ang mag-asawa, ang kanilang anak na si Maria ang agad nilang
hinanap. Patakbo nilang tinungo ang halamanan. Laking lungkot ni Aling Iska ng
hindi matagpuang ang anak. Nang walang anu-ano’y may sumundot sa paa ni Mang
Dondong. Laking pagtataka niya nang makita ang isang uri ng halaman na mabilis
na tumitikom ang mga dahon.

“Anong uri ng halaman ito? Ngayon lang ako nakakita nito!” Ang may
pagkamanghang sabi ni Mang Dondong.

Tinitigang mabuti ng mag-asawa ang halaman, at doon nila napagtanto na ang


halamang iyon ay dili-iba’t si Maria. Ginawa siyang halaman ng Diyos upang
mailigtas sa mga bandido.

Hindi mapatid ang pagluha ni Aling Iska at laking pagkagulat na muli ni Mang
Dondong na bawa’t patak ng luha ni Aling Iska, ito ay nagiging isang maliit at bilog
na kulay rosas na bulaklak.

Magmula noon, ang halamang iyon ay inalagaang mabuti ng mag-asawa sa


paniniwalang ito ang kanilang anak. Tinawag nila itong Makahiya, tulad ng isang
katangian ni Maria.
References:

http://tl.answers.com/Q/Halimbawa_ng_alamat

http://jaypeeonline.net/asides/alamat-ng-saging/

http://buklat.blogspot.com/2009/09/ang-hiwaga-ni-maria-makiling.html

http://www.pinoyhenyo.com/pahinge_man_po_ako_ng_mga-
20081002183113476.html

http://jaypeeonline.net/asides/alamat-ng-bundok-mayon/

http://jaypeeonline.net/asides/alamat-ng-bundok-taal/

http://www.gintongaral.com/?p=125

http://www.gintongaral.com/?p=272

You might also like