(dula) Mga Tauhan ng Dula: Arkimedes Manuel Rita Sidora Cristobal Tatlong batang lalaking sunod-dunod ang laki Maikling Buod:
Ika-VII Tagpo
Si Rita, si Sidora at si Arkimedes
ARKIMEDES- (Pagkakita sa dalawa.) Aba Rita…. Aling Sidora, Narito kayo?
RITA- Opo, kami nga’y naririto….
SIDORA- At ito man….(Ipakikita ang batang kaniyang kalong , pagkakita sa kaniyang mga anak na nagtutulungan sa mga silyon , ay pagsisipain at palalayasin.) Hala mga hampaslupa … panaog…! (Ang mga bata’y nagsisi-alis)
ARKIMEDES- Ano ba iyan…. Lalaki o babae?
SIDORA- Lalaki, ngunit hindi magmamana sa kaniyang nuno…pagkat walang nunong pagmamanahan…
ARKIMEDES- At bakit po naman kayo napadako rito?
RITA- Upang makipag-usap sa inyo….
SIDORA- At…. Ito ay upang makilala ang kaniyang…. Ang ibig kong sabihin ay makilala ang hindi niya nuno.
ARKIMEDES- At tila po, kung di ako namamali , ay may hinahanap kayo sa bahay na ito… Maaari ko po bang malaman kung ano … at kung sino?
SIDORA- Ito…(Si Rita) ay naghahanap ng isang asawa…. At ito… (ang bata) ay naghahanap ng isang ama… Nalalaman ba ninyo?
ARKIMEDES- Pwes,ang asawang sinasabi ninyo, at ang amang inyong binabanggit ay hindi dito nakatira. Hindi ko siya nakikilala…. Kung ang ibig ninyong sabihin ay ang aking anak… Pwes, ako’y walang anak…. Kamamatay lamang….
RITA- Kami po’y….
ARKIMEDES- (Hahadlangan) Sinabi ko nang namatay na. Wala akong anak. Tapos….
SIDORA- Napapansin ko na talo pa pala ninyo ang babae. Ibig ninyo’y pakyawing lahat ang pagsasalita. Pwes iyan ang hindi maaari, habang narito si Sidora…. Ako ang magsasalita, at sa aki’y walang makapag-papaalis…
ARKIMEDES- Baka nalilimutan ninyong kayo’y naririto sa aking bahay?
SIDORA- Baka nalilimutan ninyong ang bibig ko’y nasa aking mukha….Pwes, maupo kayo , at kayo’y mapapagod sa pakikinig. Maupo kayo…. Sinasabi kong kayo’y maupo…. (Anyong lalapitan)
ARKIMEDES-Pwes, mauupo ako, ngunit ako’y maraming gagawin . Hindi ako makapagtatagal.
SIDORA- Makatatagal kayo, at makatatagal kayo …. Ikaw Rita ay maupo rin… (Mauupo si Rita)
ARKIMEDES- Hala… hindi ba ninyo nalalamang may halaga sa akin ang aking panahon?
SIDORA- At ano sa palagay ninyo…. Sa amin ay walang halaga ang panahon? Aba… baka kayo’y nadidiliman ng pag-iisip ay iaamuki ko sa inyo na kayo’y magbaon ng malaking pagtitiis sa pagdinig sa akin. Hangga ngayo’y di pa ako nagsisimula.
SIDORA- Pues, Don Kimedes…. Marahil ay nasa-isip ninyo na ang mga hampaslupang ito,ako at saka ito…. (Si Rita) …at ito… (ang bata) … ay naparito upang maglumuhod sa inyo at umiyak-iyak…Pues, nagkakamali kayo… kami’y mahirap… ngunit kami’y di makapagpapalimos ng asawa at ng ama … kayo ay nakikilala namin … para sa inyo, ang mahihirap na gaya namin ay di mga tao, kundi mga yagit lamang na titisud-tisurin sa daan … Pues … hindi, ang yagit ay sumasama sa alikabok , at pag-ihip ng hangin ay siyang makakapuwing sa inyo…. Nalalaman ba ninyo?
ARKIMEDES- Pero …. (Anyong sasagot)
SIDORA- Hintay muna kayo … hindi pa ako nagsisimula. Pues Don Kimedes …Bakit ninyo sinapantaha kailanman, at bakit pumasok sa isip ninyo ang paniniwalang si Rita… ang ulilang anak lamang ng isang labandera…. ay mag-aasawa sa anak ng dambuhala sa yamang si Don Kimedes? Sinong tulig ang nagpasok sa inyong isipan ng bagay na iyan?
ARKIMEDES- (Akmang titindig at sasagot)
SIDORA- Huwag kayong kikilos … sinasabi ko sa inyo. Maupo kayo at kayo’y walang dapat gawin kundi ang makinig. Ako’y hindi pa nagsisimula hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, at ito’y hindi balitang kutsero, Don Kimedes…. na nang malaman naming ayaw na ayaw kayong maging balae ng isang nasirang labandera at ng isang maggugulay lamang sa palengke…. Ay isinumpa na namin ,na kahit ninyo ipagduruhan ang inyong anak na si Manuel …. Ay hindi namin tatanggapin . Inyo na ang inyong anak… at kayo’y walang manugang na aalalahanin.
ARKIMEDES-Ngunit….(itututro ang bata)
SIDORA- Ito, ito’y huwag ninyong alalahanin . Palalakihin ko. Tuturuan ko ng edukasyong bagay sa kaniya. Ito’y isang batang walang ama… at sa akala ba ninyo ay kasalanan ng batang ito ang siya’y magkaroon ng isang nunong sa halip na lagyan sa dibdib ng isang puso, ang napalagay ay isang tipak ng batong Maykawayan?
ARKIMEDES- (Hindi na makatiis) , Pues, aling Sidora… ako naman ang magsasalita….
SIDORA- Hindi pa ako tapos..
ARKIMEDES- (Parang hindi pansin ang sagot sa kanya) at dapat ninyong malaman, na di kakaunting pagtitimpi at pagbibigay-loob ang aking ginawa mula pa kangina…at…
SIDORA- Pues, nahuli na kayo… Basta nabalitaan naming ayaw kayong maging asawa ni Manuel si Rita… pues ayoko rin…
ARKIMEDES- (kay Rita) Tunay nga bang ayaw kang maging asawa ni Manuel?
SIDORA- Sumagot ka…(kay Rita)
RITA- Tunay po.
ARKIMEDES- Bakit? Maaari ko bang malaman ang sanhi?
SIDORA- Sapagkat…. Ayaw siya.. ano pang sanhi ang ibig ninyong malaman. Kaya itago na ninyo ang inyong anak… isilid sa baul … lagyan ninyo ng apog, asinan ninyo at nang hindi mabulok…
ARKIMEDES- Ano bang apog ang sinasabi ninyo… Kung di lamang kayo babae aling Sidora… (May pagbabala)
SIDORA- At kung kayo lamang ay… (May pagbabala rin)
RITA- Tia Sidora… /May pagsamo/
ARKIMEDES- Pues, hindi mangyayari ang sinasabi ninyo… Sa aming lahi ay ang padre de familia ang sinusunod… hindi maaari ang kagustuhan ng aking anak … Ano ang palagay ninyo? Matitiis ko bang magkaroon ako ng isang anak na binatang ama , at ng isang apong walang nuno….? Ano ang palagay ninyo sa akin? At ito? (Si Rita)
SIDORA- Sa maliwanag na sabi , ay dalagang ina… ano pa?
ARKIMEDES- Iyan ay sa inyong palgay lamang.
SIDORA- Pues, sa lahi naman namin ay ang kaibigan ko lamang ang masusunod. Ipakasal ninyo ang inyong anak kahit sa anak ng tupa… at mabuti pa. Pero kay Rita hindi maaari, hindi…
ARKIMEDES- Maaari…
SIDORA- Hindi maaari…
ARKIMEDES- Ako ang nagsasabing maaari….
SIDORA- Ako ang nagsasabing hindi maaari….
ARKIMEDES- Aling Sidora… kung kayo lamang ay may-salawal…
SIDORA- At ano ang palagay ninyo… wala akong salawal? At ano at?--- (Ipakikita ang salawal. Dapat malaman na ang salawal na gamit ni Aling Sidora ay mahaba, salawal lalaki) Hindi ba ito salawal? Ngayon , ano ang gusto ninyo?
ARKIMEDES- Pasalamat kayo’y hindi naging lalaki….
SIDORA- At kung ako’y naging lalaki …. Tarantado din ang labas kong gaya ng maraming lalaki riyan…
ARKIMEDES- Ang pakakasal ay hindi kayo, Aling Sidora, Siya ang makasasagot. (kay Rita)
RITA- Sinabi ko na po… (Matigas) Hindi ako makapagpapalimos ng asawa….
SIDORA- Nakita na ninyo? Pues, ito ay aking pamangkin. At kayo, kayo… (Lalapit na parang dadakmain si ARKIMEDES. Ibibigay ang bata kay Rita, at tila naglililis pa ng manggas.)
RITA-Tia Sidora… (May pagsamo)
ARKIMEDES- Makapananaog na kayo sa aking bahay….
SIDORA- Ako, manaog ako? O eto ang iyo…. (Lalapitan at susunggaban si ARKIMEDES,Ngunit parang may sumumpong na sakit at biglang mapapaupo sa isang silya… at magpapapadyak.)
RITA- Tia Sidora…. (Lalapit) kaunting tubig….
Ika VIII Tagpo Sila rin at si Cristobal na may dalang tubig sa isang bote.
CRISTOBAL- Ano ang nangyari?
ARKIMEDES- Kami ay nagkakaroon ng isang mainitang pag-uusap. Samantala kinukumbinsi kong pumayag silang si Manuel at si Rita’y makasal ay nagpakatanggi-tanggi… Sa akala mo ba Cristobal, ay maaatim kong magkaroon ng isang manugang sa labas at isang apong hindi nabasbasan ng Simbahan?
RITA- Tia Sidora…
SIDORA- (Pasigaw) Walang hiya… oo walang hiyaaaa!
ARKIMEDES- Mabuti pa’y dalhin mo sandali roon sa kwarto at nang maginha-ginhawahan…. Paamuyin ng eter… (Lalapitan ang bata at kukunin kay Rita, at ibibigay naman nito upang maalalayan si Sidora. Si Sidora’y ititindig ni Rita at Don Cristobal, upang ipasok sa silid.)
Ika IX na tagpo Si Arkimedes na hawak ang bata
ARKIMEDES- Sasabihin ni Cristobal na hindi ko raw ito kamukha… (Lalapit sa isang salamin) Pues, walang iniwan…. Ang mata, ang ilong, ang bibig… ang tainga…pues, isang totohanang Arkimedes… Pues… hindi maipagkakaila …. Paglaki nito at makikita sa daan lahat na’y magpihong may malaking taling sa batok … gaya ng lahat ng Lakambayang lalaki… Titingnan ko… (Itataob ang bata sa kaniyang mga hita at titingnan ang batok. Darating si Manuel)
Ika-X Tagpo Si Arkimedes at si Manuel at maya-maya’y sina Rita, Sidora at Cristobal
MANUEL- Papa…
ARKIMEDES- Ang ama…
MANUEL- Ano ang inyong ginagawa?
ARKIMEDES- Wala, iniimbestiga ko lamang kung ito’y may nunal sa batok.
MANUEL- Mangyari pa …. Kasinglaki ng lalabing animin
ARKIMEDES- A… Ang marka ng pabrika…
MANUEL- Narito ba ang ina niyan?
ARKIMEDES- At ano ang palagay mo… Makakalakad ba ito nang nag-iisa?
MANUEL- Nakausap ba ninyo?
ARKIMEDES- At pati ang kanyang simarong tia … si Sidora.
MANUEL- At ano ang sinabi ninyo, at ano naman ang sinabi nila sa inyo?
ARKIMEDES- Pues,gaya ng dapat kong sabihin, datapwat ang iyong magiging tiyang-biyenan ay walang ginawa kundi gusutin ang salitaan ,at ani mo’y isang artilyerang di mahapayang-gatang.
MANUEL- Pues, Papa … wala na kayong dapat alalahanin. Matapos kong matakal sa aking isip ang inyong mga sinabi kangina, ay niyari ko sa loob ko na ako’y huwag nang pakasal kay Rita… Para sa akin ay lalong mahalaga ang isang ama kaysa ilan mang asawa… Ang ilan mang asawa at anak ay madaling makita, ngunit ang isang ama ay hindi na.
ARKIMEDES- (Buong pagtataka) Ano ang sinabi mo?
MANUEL- Ang narinig ninyo, papa. Buhat ngayo’y hindi na kayo tatanggap sa akin ng sama ng loob…. Sa tahanang ito’y walang masusunod kundi ang inyong kalooban, habang kayo’y buhay… ako’y nakakaisip na magpari.
ARKIMEDES- Magpapari ka? Lalagutin mo ang tanikala ng magmamana sa pangalang Lakambayan? Nauulol ka ba?
MANUEL- Kangina po, ay oo, nauulol ako papa… ngunit ngayon ay maliwanag na ang aking isip.
ARKIMEDES-Na hindi mo na pakakasalan si Rita? Na ikaw ay magpapari? Ano,nawawala na ba ang iyong huwisyo? Magagawa mo bang iwan sa lansangan ang isang sawing palad na babae at ang isang walang malay na anak? Iyan ba ang mga halimbawang nakita mo at natutuhan sa tahanang ito? Sa iyo ba’y ginawa ko ang bagay na iyan? Mag-isip ka … Kung ikaw ay pinabayaan kong walang ama… ano ang sasabihin sa iyo ng tao?…
MANUEL-Pues, anak sa ligaw…
ARKIMEDES- Oo, iyan… anak sa ligaw…pues, sa akin ay hindi maaari iyan. Sa loob ng tahanang ito ay walang masusunod kundi ang aking kalooban. Pakakasal ka kay Rita, bibinyagan ito ng Arkimedes din, at ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito. Nalalaman mo ba?
MANUEL- Iyan po ang hindi maaari…
ARKIMEDES- Maaari, at…. Maaari… ako ang may sabi…
MANUEL- Papa… (kunwariy nagmamakaamo)
ARKIMEDES- Tse… (Titingnan ang bata) Arkimedito….! (Susungaw sa pinto si Sidora)
SIDORA- Isidorito….!
ARKIMEDES- Sinasabi ko nang ang pangalan nito ay Arkimedito at sa loob ng tahanang ito ay ang kalooban ko lamang ang masusunod…
SIDORA- Isid….
ARKIMEDES- Ah…a… ang nerbiyos, kumare … baka umatake na naman… Arkimedito … Pues, kumare… kailangan kong sabihin sa inyo na si Manuel at si Rita ay ipakakasal ko sa loob ng madaling panahon, sa ayaw kayo’t sa ibig… at dito…dito…opo dito… nalalaman ba ninyo… At ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito… Ito ang eredero unibersal ng lahat ng aking kayamanang dumating na, dumarating at darating pa…
SIDORA- At ako….?
ARKIMEDES- Kayo ay kailangang-kailangan ko… sa bahay na ito ay walang babae… isang babaeng …
SIDORA- Isang babaeng…. may salawal, hindi po ba? (Lalabas na parang akay ni Don Cristobal si Rita)
CRISTOBAL- Primo, ano ang iyong pasya…
ARKIMEDES- Tapos na. Ang kailangan na lamang ay ang pagsang-ayon ni Rita….
CRISTOBAL-Naayos ko na rin. Napapayag ko siyang alang-alang sa iyo’y sumang-ayon na siyang pakasal kay Manuel…. Dahil sa Anak….
ARKIMEDES- Siyanga ba…? Dahil sa Anak?
RITA- Opo…
ARKIMEDES- Mabait kang bata… karapatdapat kang ina…
CRISTOBAL- Pues, ako ang inaama sa kasal…
SIDORA- At ako ang madrina…
ARKIMEDES- O …. (Kay Rita) Narito ang iyong anak…. Ang pangalang niya ay Arkimedes…
SIDORA- Isidoro…
ARKIMEDES- Arkimedes…
SIDORA- Bueno,porke ito ay lalaki ay magpaparaya na ako ngunit ang unang babaeng lumitaw …ay ako naman ang bahala … pangangalanan ko ng Sidora, at tuturuan kong….
ARKIMEDES- Magsuot ng salawal….
CRISTOBAL- Nakita na ninyo ang bias ng komedya… (kay Sidora)
SIDORA- At ano naman ang masasabi ninyo sa pagkakaganap ko sa aking papel… may himatay pa… ano ha?
ARKIMEDES- Sinasabi ko nang sa bahay na ito … ay walang masusunod kundi ang aking kalooban. (Darating na naghahagaran ang mga anak ni Sidora at sumisigaw ng “Nanay,nanay…” at hahagarin ng hampas ni Sidora.)
SIDORA- Mga kalabaw … na ito ah…. (Sa paghahagaray ibababa ang pambungad na ---