P. 1
Pitong Bundok ng Haraya by Virgilio S. Almario

Pitong Bundok ng Haraya by Virgilio S. Almario

5.0

|Views: 4,021|Likes:
Sa kaniyang bagong lathalang akda, Pitong Bundok ng Haraya, tinalakay ni Virgilio Almario ang para sa kaniya ay mga landasin tungo sa kritikal na pang-unawa sa panitikan. Iwinangis ng gawa ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan ang mga nasabing daan sa lubos na paggagap ng kalinangan ng wika at panitik. Mula sa diskurso tungkol sa mga tungkulin ng panitikan hanggang sa paglalaro sa salita, bawat tsapter ay naglalayong magbigay- linaw sa pagpapaliwanag ng lalim ng wika at panitikan.
Sa kaniyang bagong lathalang akda, Pitong Bundok ng Haraya, tinalakay ni Virgilio Almario ang para sa kaniya ay mga landasin tungo sa kritikal na pang-unawa sa panitikan. Iwinangis ng gawa ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan ang mga nasabing daan sa lubos na paggagap ng kalinangan ng wika at panitik. Mula sa diskurso tungkol sa mga tungkulin ng panitikan hanggang sa paglalaro sa salita, bawat tsapter ay naglalayong magbigay- linaw sa pagpapaliwanag ng lalim ng wika at panitikan.

More info:

Published by: UST Publishing House on Jun 07, 2011
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

09/05/2013

pdf

text

original

PI TÓN G BUND OK N G HARAYA

PITÓN G BUND OK N G H ARAYA

Virgilio S. Almario

UST PUbliShing hoUSe Manila, Philippines 2010

PI TÓ N G B U N D O K N G H A R AYA Ang Dakilang Komedya ng Pagsalakay sa Talinghaga ng Tula

mINSANG-mINSAN lámANG nadapa ang dalaga at nabásag ang banga. Tatlong ulit lámang nadapa si Kristo paakyat sa Kalbaryo. Ngunit kailangan ng makatang umakyat at bumagtas ng pitóng mataas, matarik, madawag, at mapanganib na bundok bago masapit ang Tabor. Kailangan niyang matiyagang maghintay sa ilalim ng Piedras Platas sa isang hindi matitiyak ni mahuhulaang oras ng pagdatíng ng Ibong Adarna upang humapon sa ituktok ng engkantadong punongkahoy. At sakaling dumatíng ang milagrosang ibon, kailangan niyang lumaban sa matinding antok hábang nakikinig sa pitóng matatamis malalambing na awit ng Adarna. Kailangang hindi siya mahilo sa pitóng ulit ding pagpapalit ng makikintab at kabigha-bighaning balahibo ng ibon tuwing matatapos umawit. Bílang garantiya laban sa antok, alinsunod sa isang ermitanyo, kailangang magbáon siya ng labaha at kalamansi upang maghiwa ng sariling bisig at patakan ng katas ng kalamansi ang sugat tuwing matatapos ang awit. Kailangan niyang manatiling gisíng upang makaiwas sa ipot ng Adarna at hindi maging bato. Pitóng pagkatamis-tamis na awit ng Adarna. Pitóng dukhang hiwa ng labaha sa bisig. Pitóng paghuhunos ng kagila-gilalas na balahibo ng Adarna. Pitóng maantak na patak ng kalamansi sa bisig.
/ 7

8

/

pitong bund ok ng haraya

Kailangan ang pambihirang kapangyarihan kahit sa pag-akyat at pagbagtas lámang sa pitóng bundok. Una sa lahat, payo ng isang matandang pitho sa Silangan, kailangang makilála ang bawat bundok na tulad sa bisig ng isang matalik na kaibigan, o bibig ng isang matagal nang kasintahan, o pugad ng isang nakamihasnang pook. may mga kulay at damdamin ang mga bundok. may bundok na lungtian at may bundok na itim. may palalong bundok at bundok na mapagpalà. Bukod sa totoong iba’t iba ito ng hugis at anyo. may bundok na mataas pa sa tore ng katedral. may bundok na sintaba ng itinaob na higantang kalabasa. may dalawang bundok na tíla kambal na súsong dalaga. At may bundok na simbilis at sintalim ng kidlat. Dumadaloy rin ang bundok. Napatunayan na ng agham na dumadaloy ang bundok. musmos pa’y dapat napansin mo nang kasabay mo itong tumatakbo hábang naglalakbay. may dalawang paraan ang daloy ng haraya. Sa una, nagkakaroon ka ng pangitain at sakâ lumilitaw ang bundok. Sa ikalawa, may natatanaw kang bundok at nagkakaroon ka ng pangitain. Sa una, tatakutin ka ng bundok; sa ikalawa, hahamunin ka. Depende sa iyong kapalaran kung maituturing mong suwerte o malas na sinubaybayan ka ng bundok mula nang matuto kang maghugas ng kamay. At huwag kang magtanong kung magtatagumpay ka sa pinilì mong búhay. Walang nakababatid. Walang baraha o bolang kristal na makatutukoy para sa iyo ng iyong kahihinatnan. Ang totoo, hindi magandang palatandaan kung magtatanong ka. Hindi ka nararapat, lalo’t kung segurista ka. Kulang ka sa espiritu, sa kailangang espiritu ng pakikipagsapalaran. Bakâ higit kang angkop maging manedyer ng kompanya sa seguro o abogado. At sino ang tatanungin mo? Sapagkat tulad ng nasabi na, iba-iba ang bundok. Iba-iba ang hiwaga, iba-iba ang pangganyak, iba-iba ang idinudulot na lawas ng karanasan, at magdaraya kahit ang nasubok na’t naiaklat na palatandaan. Sapagkat dumadaloy ang bundok, dapat asahan ang nagbabago nitóng hubog, bitag, at kariktan alinsunod sa simoy ng panahon, sa síkat ng araw, at posisyon ng mga bituin. Walang konstelasyon o pastulang maaaring pagtiwalaan hábang-panahon.

pitong bund ok ng haraya

/

9

Ang higit na nakapagtataká’y kung bakit ka narahuyong umakyat at tumawid sa pitóng bundok. may haring ama ka bang malubha ang karamdaman at awit ng Adarna ang tangi’t hulíng lunas? may kasintahan ka bang binihag ng aswang? O tulad ng isang makatang Sebwano’y nangarap ka ng isang “bituin ng ating bansa”? Ikaw, babayeng maanyag, bitoon sa akong yuta, Bililhon, putling bulak, angay kang mahalon, Kay sa among puloy-anan ikaw ang manulonda; Takus ka sa paglahud, ug angay sa pagpangga Kay malumo, mahuyang, buutan, mahinapon. O tulad ng isang baliw na makatang Kapampangan ay naglunggating makausap ang Diyos? Kaybat tong akadanta, dapugan teng lira, anti mong upa, king Diyos ing adwan ta, king sala ning dapug, akit te sa lupa. may nagbulong ba sa iyo hinggil sa pitóng gusi ng ginto’t mámaháling hiyas sa tuktok ng Tabor? Naghahanap ka ba ng agimat laban sa kulubot at paglimot? O ang lahat ng ito? Ay! lubha kang sakim, kung gayon, o dinaya ng iyong lunggati kayâ’t patúloy na ipagkakait sa iyo ng bawat bundok. Naging bundok ang bundok dahil sa mga tulad mo. Naging pitó ang bundok dahil sa mga pangangailangan ng mga tulad mo. Iisa lámang ito noong unang panahon. Isang munti’t mababàng bundok na palaruan ng balana. may mariwasang mga supling ng wika na bagaman musmos at ilahas ay nakahaya upang tamasahin ng lahat. may kristal na ilog ng alingawngaw upang masisid ang dagdag na kahulugan ng bawat parirala’t pangungusap. Walang dapat magpaliwanag sa kahulugan kahit ng pinakabagong salita. Tumutubò itong

10

/

pitong bund ok ng haraya

tulad ng damo, lumalago kahit walang nag-aalaga, nanganganak ng bagong kahulugan hábang ginagamit, at kumukúpas sa gunita kung makalimutan. Hanggang may nakaisip magtipon ng bugtong. At may nagtangkang lumagom ng mga salawikain. may umangkat pa ng banyagang liwanag, yaong nag-iisa’t unibersal na liwanag, upang makalikom kahit may bagyo’t may rilim. may nagmungkahi ng oras ng rosas bílang wastong oras ng pamumupol ng bugtong. Nagpaligsahan silá ng katipunan, nagpataasan, hanggang maging bundok at mga bundok na kailangang tingalain ng karaniwang nilaláng, maging bundok at mga bundok na kailangang akyatin upang magkaroon ng kaganapan ang naglunggating matiyak ang kaitaasan. maiipit ka rin sa nag-uumpugang bundok. Bundok na Katutubo at Bundok na Banyaga. Bundok ng Pag-ibig at Bundok ng Yaman. At maninimbang ka sa bulkan ng kumukulông mga damdamin. Kailangan kang tumawid sa danaw ng sagradong pananalig. lumuhod, mapoot. Tumanggap, magtakwil. makilahok, magsarili. magtayô ng duguang tore. magbuwag ng lumang moog. madupilas sa kumunoy ng alingasngas. máligáw. magburá ng bakás. magsúnog ng tulay. másábit sa sápot ng pangamba’t mábítin sa balag ng alinlangan. may sandaling patitigilin ka ng mga luksang mariposa’t sagimsim: Pagsirak liwat han adlaw, Pagwara han kadalumdum; Hin-o la in may kahidlaw Nga ha akon manunumdum. Ngunit kahanga-hangang nagpapatúloy ka sa pag-akyat at sa tíla walang-hanggang paglalakbay. Pinagniningas ka wari ng isang engkantadong mithiin. Nangahas kang makibáka, nangangahas magtagumpay. Ang taluktok ng bawat bundok ang itinakdang karurukan ng búhay. Pinaniwalaan mo’t pinithaya ang gayong karurukan at gayong mga karurukan. Kayâ mo ito pinipilit maratíng. Pinipilit mong akyatin sa kabilâ ng mga hadlang at panganib, sa kabilâ ng mga nanlilisik

pitong bund ok ng haraya

/

11

na karatula’t babalâ, sa kabilâ ng mga nakahandusay at mga nasawi sa daan, sa kabilâ ng maraming nakatúlog at naging bato. Kahit alam mong namamatay ang karurukan. Ibig mong maabot at matikman ang karurukan bago ito mamatay. Kahit alam mong namamatay ang karurukan upang mapalitan ng ibang karurukan. Kahit alam mong dahil sa gayong kaganapan ay pitó o maaaring mahigit pa ang bundok na dapat mong angkinin. Higit pa, kailangan ang pambihirang katangian sa pagsubok ng bundok. Sinubok si Don Juan ng makapangyarihang hari at ama ni Prinsesa maria. Sa loob ng magdamag, kailangang ilipat niya sa tabi ng palasyo ang isang bundok na nása malayò upang mágisíng ang hari sa sariwang simoy at awit ng ibon mula sa bundok. Isang karaniwang nilikha si Don Juan at ni hindi maisip kung paano tutupdin ang pagsubok ng hari. Ngunit mahal ni Prinsesa maria si Don Juan. Sa pamamagitan ng mahika ni Prinsesa maria ay nailipat ang bundok sa tabi ng palasyo sa loob ng magdamag. Kailangang bagtasin ni Humadapnon ang matataas na bundok ng alon sa paghahanap kay Nagmalitung Yawa. Salamat at laging nakasubaybay ang kaniyang mga bantay na tonong. Kinalinga ng mga tonong ang kaniyang paraw upang hindi masindak sa mga bundok ng alon. Ibinulong ng mga tonong ang tumpak na landas upang hindi maligaw si Humadapnon sa dawag ng mga alon. At matagumpay na nilurok ng paraw ni Humadapnon ang lawak at hiwaga ng mga lusaw na bundok na pulá at bundok na itim. Kasinggiting ka ba nina Don Juan at Humadapnon? Ngunit kung sakali, may tutulong ba sa iyong mahika at papatnubay na tonong? Hindi ka maaaring umakyat ng bundok kung mahina ang loob. Hindi ito palakasan lámang ng tuhod. marami nang mahina ang tuhod ang nakagapang paakyat ng gulod. Higit na kailangan ang lakas ng loob. malakas man ang tuhod, hindi makalulundag ng bakod at hindi makaaakyat ng sampalok kung mahina ang loob. maskulado si Kulas ngunit hindi makapaningalang-pugad. Binagtas mo na ba ang landas ng kidlat? Sumakay ka na ba sa nagsasamalong kalakiyan? Ilang ulit ka nang nahulog sa duklay?

12

/

pitong bund ok ng haraya

Natatandaan mo ang punso sa duluhan? Napansin mo iyon nang umumbok na tíla mapulá’t malambot na bukol sa tabi ng sangkumpol na kawayan. Alam mong likha iyon ng mga anay, masisipag ngunit mapaniràng mga anay. Unti-unting tumaas ang tahanang putik ng mga anay. Hanggang maging kapantay ng dibdib mong paslit. At nagsimula kang kabahan. Hindi sapagkat naisip mong libo-libo na marahil ang namamahay doong anay. Hindi sapagkat naisip mong may lihim na itong mga lungga sa ilalim ng lupa at tíla mahahabàng galamay na maaaring ngayo’y nakasúso sa mga haligi ng inyong tahanan at lihim ding kinakain at winawasak ng mga anay ang mga sahig at dingding na kahoy ng inyong tahanan. Hindi. Tuminghas ang mga buhok mo’t balahibo sapagkat nabuo sa utak mong muslak ang imahen ng isang maliit na hukluban, maliit na maliit pa sa iyo, mahahabà ang abuhing buhok at balbas, nakasalakot, nakaupô sa ibabaw ng bahay na putik, at nanlilisik ang mga matáng nakatitig sa iyo. Ang nunò-sa-punso. Kumaripas ka ng takbo papanhik ng inyong tahanan at nagkulubong ng kumot. Ang nunò-sa-punso. may umagang nakakulubong ka ng kumot at sumisilip sa bintana. Sinisilip kung nakaupô ang nunò sa ibabaw ng punso. Ang punso ang unang munti ngunit hindi naluksuhan man lámang na bundok sa iyong búhay. Ngunit totoong nagigimbal ka noon kahit ng bugtong na: Isda ko sa mariveles Nása loob ang kaliskis. Bagaman tahimik na hinahalina ng panaginip kung ilang bundok ang dapat mong akyatin patúngo sa mariveles. Anak ng hiwaga’t taká ang bighani ng pakikipagsapalaran. Pamahiin, itutudyo ng mga tagasiyudad. Bawat bundok kasi ay bunga ng ating sari-sariling kasaysayan at pinagmulang lipunan. Noong araw, kuwento ng iyong ama, may isang malaking punso sa gilid ng malaking landas na nag-uugnay sa inyong nayon at sa poblasyon.

pitong bund ok ng haraya

/

13

Kung bakit tinubuan pa ito ng isang balete. Ni hindi napansin ng mga taganayon ang pagtubò ng balete. Parang namulat na lámang siláng malaking-malaki ang balete, naglawit ang makakapal at marurusing na ugat at baging, at nagsusukal sa talahib, amorseko, makahiya’t kabling-uwak ang paligid. marahil, dahil kinatatakutan niláng tumingin man lámang sa kinaroroonan ng punso. Yumuyuko silá o tumitingin sa ibang dako pagdaan sa pook. Ang totoo, marami sa kanila ang nanggigilid ng landas, sa gilid na kabilâ ng kinaroroonan ng punso, at taimtim na nag-aantanda pagdaan sa punso. Kung gabi, patakbong dumadaan sa punso ang mga batà. lalo na nang mapabalita na nasulyapan ni mang Islaw ang isang kapre na nakasaklalay sa malaking sanga ng balete. may nakasumpong naman ng tikbalang isang gabing maliwanag ang buwan. Kayâ nang lumaon bihira na ang malakas ang loob magpagabi pag-uwi mula sa kabayanan. Nalasing minsan si Ka Bestre at hindi nakauwi ng bahay. Nang hanapin, natagpuan siyang nakabulagta sa isang malaking ugat ng balete at may kagat na tatlong uhay ng amorseko. Ilang araw muna ang lumipas bago nakapagsalita si Ka Bestre. Pinaglaruan daw siya ng tiyanak dahil kahit ano ang gawin niya ay hindi siya makaalis sa pook ng mag-asawang punso’t balete. Ikot lámang daw siya nang ikot hanggang bumagsak sa matinding págod. Dumatíng ang sibilisasyon sa inyong nayon, kuwento pa ng iyong ama, sa pamamagitan ng pambansang lansangan mulang maynila pahilaga. Niluwangan at sinemento ang matandang landas. Ngunit matagal nahinto ang mga pison, buldoser, at greyder pagsapit sa pook ng mag-asawang punso’t balete. Walang nangahas pikuhin ang punso. Walang nangahas labrahin ang punongkahoy. Dumatíng ang inhenyerong nagtataká. Pinagalitan ang kapatas dahil naabála ang konstruksiyon. may dapat sunding kalendaryo ang paglalatag ng haywey pahilaga. malapit na ang tag-ulan. Gayunman, walang piyon na nagnais sumunod sa utos ng kapatas. Nag-init ang ulo ng inhenyero at naibalibag ang bastipol. lumapit sa nagngingitngit na inhenyero ang matandang hilot sa baryo. Nagmungkahi ng paraan.

14

/

pitong bund ok ng haraya

Sa takipsilim din ng araw na iyon, nagtulos ng mga kandilang putî sa paligid ng punso’t balete. Sa atas ng hilot, isa-isa itong sinindihan ng inhenyero. Nagmistulang dambana ang masukal na pook. Pagkatapos, lumuhod paharap sa punso ang hilot. Napaluhod din ang inhenyero kasáma ng naroong mga taganayon at trabahador. Sinimulan ng hilot ang dasal. Nagrosaryo siya’t ang mga naroong saksi. malakas. Waring sumasamo sa mga di-nakikíta ngunit pinaniniwalaang mga espiritung nananahan sa punso’t balete. Nagwakas ang pagrorosaryo sa mga orasyong latin na binigkas nang malakas ng hilot. Orasyon diumano iyong itinuro sa kaniyang ingkong ng dáting kura sa bayan. Orasyon laban sa mga impakto at alagad ng kasamaan. Nanatili siláng nakatayô at hinintay na mamatay ang nalusaw na mga kandila. Kinaumagahan, naghandog ng pitóng putîng manok ang kapatas. Isa-isang ginilitan ang leeg ng pitóng putîng manok at idinilig ang dugo sa punso at sa mga ugat ng balete. Pagkatapos, pinaandar ang buldoser at dahan-dahang sinuro ang kinatatakutang pook sa saliw ng ulit-ulit na Ama Namin ng hilot at mga taganayon. Hindi nagtagal ang trabaho ng buldoser. Umalis nang nasisiyahan ang inhenyero nang umaatikabo ang ingay ng mga pála’t piko at pabalik-balik ang pison sa dáting pugad ng punso’t balete. Nalatagan ito ng graba bago lumubog ang araw. Ginulantang ang nayon ng dalawang malaking balita kinabukasan. Nágisíng daw na sumisigaw ang hilot dahil sa matinding sakít ng tiyan. Gumugúlong ito sa sahig nang masakloluhan ng mga kapitbahay. Inihiga nilá ang hilot sa papag at pinunasan ng mainit na tubig ang tiyan. Subalit mayâ-mayâ’y nagitla silá nang biglang umumbok ang tiyan ng hilot. Umumbok nang umumbok at nagtíla malaking lobo. O tíla tinutubuan ng punso ang tiyan ng hilot. Binuhat nilá ang hilot at isinugod sa ospital sa kapitolyo. Tanghali na nang bumalik ang mga nakadyip na naghatid sa hilot sa ospital. At nakíta daw nilá doon ang inhenyero. Nabangga daw ang minamanehong kotse at sa ospital nalagutan ng hininga. Nagtulos muli ng maraming kandilang putî sa pook ng punso’t balete bago ito binuhusan ng semento.

pitong bund ok ng haraya

/

15

At totoong maraming panganib na naghihintay sa bawat bundok. mga alagad ng dilim na iisa ang hangarin—hadlangan sa anumang paraan ang sinumang mangahas umakyat ng bundok. Nabanggit na ang bagsik ng kapangyarihan ng nunò-sa-punso. At tigib sa punso ang kagubatan, tíla mga patibong sa gitna ng dawag, at namamaga ang paa ng makatapak sa nunò o lumalaki ang bayag ng lumukso sa punso. Paano kung may isang nagsisiksikang hilera ng punso sa iyong daan? Kailangan mo ng pag-ibig at mahika ni Prinsesa maria. Kailangan mo ng pambihirang tulong ng mga tonong. Isa ring malupit na nilaláng ng karimlan ang tiyanak. Narinig mo na ang istorya ni Ka Bestre na hindi makauwi ng bahay dahil pinaglaruan ng tiyanak. Ang bukirin at kagubatan ang higit na mabisà niyang palaruan. maaaring paliguan ka niya ng nakasisilaw na liwanag at hindi mo makikíta ang paligid. lalakad ka nang lalakad nang hindi batid ang tinutúngo. mabuti raw at naisip ni mang Tino na huminto at pumikit. Pagdilat niya ay isang hakbang na lámang ang layò niya sa bingit ng bangin. maaari namang dayain niya ang iyong paningin. Ipakikíta niya ang pook na nais mong puntahan. Waring nása malapit lámang. Subalit hindi mo marating-rating kahit maghapon kang maglakad. Ang turo ng matatanda, maghubad ka ng damit at isuot itong muli nang pabaligtad. Sa gayon, malilito daw ang tiyanak, aakalaing ang likod mo ang harap, at kayâ maibubunyag sa iyo ang tumpak na landas túngo sa nais puntahan. Higit na mabagsik ang laro ng tiyanak na lumilitaw bílang lunggati ng nais paglaruan. Isang mag-asawang walang anak ang nakapulot ng umiiyak na sanggol sa gubat. Tuwang-tuwang iniuwi ng mag-asawa ang sanggol. Ipinagluto ng am at pinakain. Huminto ng pag-iyak ang sanggol at lumigaya ang puso ng mag-asawa. Ngunit biglang ngumiti ang sanggol at laking sindak nilá nang lumitaw ang matutulis at nangingitim nitóng ngipin. Isang binatang mangangahoy ang pinaglaruan ng tiyanak na nag-anyong isang magandang dalagang naliligo sa batis. Walang pangambang lumusong ang binata sa batis upang lapitan ang binibini. Hinabol niya ito sa paglangoy. Hinabol nang hinabol

16

/

pitong bund ok ng haraya

hanggang pulikatin. mabuti’t nasagip siya ng isang pastol na nagtaká nang mapanood siyang lumalangoy nang paikot-ikot sa gitna ng batis. Pinakamuslak ang tikbalang. Para itong musmos na nangungulila. Nais lámang nitóng makipaglaro. maaari ngang matuwa ka pa’t malibáng makipaglaro sa kaniya. Ang problema, hindi ka niya tatantanan. mauubos ang panahon mo sa pakikipagtaguan, mapupudpod ang talino mo sa pag-iisip ng paraan upang hindi ka na niya matagpuan. Samantala, malaking buwisit ang kapre. Dalubhasa sa paninindak kung madilim ang gabi. Biglang lilitaw sa iyo, nakasupalpal ang malaking tabako, at dadakmain ka upang parang bolang ipukol at sapuhin, upang muli’t muling ipukol at muli’t muling sapuhin. mahihilo ka sa kaniyang laro, malulula, masusuká, at bakâ tuluyang himatayin sa ikatlong pagpukol lámang. maaari namang harangin ka niya upang bugahan ng usok ng tabako. At sapat na iyon upang mahilo ka rin at mawalan ng málay. Ang totoo, aalibadbaran ka na sa mabahòng singaw ng kaniyang mabalahibong katawan. marami ding aswang na nag-aanyong halimaw upang hadlangan ang manlalakbay. masagana ang matandang alamat sa mga arketipo ng panganib sa búhay. Isang higanteng baboy-damong may nakar na mga pangil ang sumugod kay lam-ang. Isang dambuhalang tamaraw ang ibinuno ni Baltog. Isang malaking alamid ang nasalubong ni Tuwaang. Tinangay si Sulayman ng ina ng mga banoy. Hinabol kahit si Pilandok ng kuyog ng mababangis na pukyut at lumilipad na ahas na tatlo ang ulo. Walang makababatid sa iaabang na mga sindak ng mababangis na aswang. Kayâ kailangan mo rin ang likot ng isip, ng tumpak na gunita sa aral ng nakalipas, at ng malikhain kung hindi man mahiwagang patnubay upang makapangibabaw sa bawat aswang at panlilinlang. Sinauna. Kaugalian. Iaasik ng mga tagasiyudad. Napakababaw ng kanilang gunita. Napakababaw na’y mapanghiram pa. Napagkakamalan niláng duwende ang tiyanak. Ipipilit niláng Aryan ang asawa ni Terengati. Ngunit ano ang ipagmamalaking kabaguhan ng bundok lungsod? Ang mga nobelang gubat ng kristal at metal? Bungo

pitong bund ok ng haraya

/

17

ng pundidong bombilya? Tiktak ng hininga? Nakaplastik na kamatayan? Nagbibilog at naglalaho ang buwan nang hindi namamalayan ng lungsod. Dumadantay ang silahis sa mga luksang barandilya, baság na bunganga ng inidoro, lungayngay na dila ng sapatos, at puganteng kubakob ng kalikásan. may pormula’t pabrika kahit ang kasukdulan ng hindik at pighati sa lungsod. Nakaplanong tíla gusali ang bawat tugatog at dalisdis. Nakatakda ang trapiko’t ruta ng mga paglalakbay. Sa loob ng ragasa ng sangkatauhan at singasing ng tambutso’t pugon, paano ka hihibik na tulad ng isang gererong nakapugal sa gitna ng gubat na madilim at mapanglaw? Kinakatay niláng parang baboy ang magigiting na mandirigma, Julio madiaga. Ibinebentang parang karne ang mga birhen sa bangketa. Naghahanap ka ng dangal? mis violetas suspiran en la blanca azotea. De vez en vez un rayo los cielos besotea… Todavia en los barres el vino espumajea… Higit kang mapalad kung ipinanganak kang ipis o daga at araw-araw na naglalagalag sa mga laberinto ng túbo’t kanal, tinubuan ng agimat laban sa polusyon at pamatay-kulisap, nakikinig sa tagulaylay ng pundidong bakal, nakikipagsapalaran sa mga nanlalagkit na kusina’t kubeta, nakikinabang sa bulubunduking tambakan ng lumabis sa takaw at pinagsawaan ng layaw. Na ang totoong ibig sabihin, nása lalim at lawak ng iyong gunita ang hindik at gilalas ng haharapin mong bundok. Gayunman, hindi laging nakahihindik na pakikipagsapalaran ang paglalakbay sa pitong bundok. may bundok na nakababagot at panatag na tulad ng rabaw ng disyerto. Ni walang talim ang mga tagaytay at talampas. Nakaaantok ang lawiswis ng kawayan at banayad na lipad ng mga dahong tuyot. malamlam ang araw at maaliwalas ang santinakpan. Tíla banig na nakalatag ang lungtiang kaparangan. Walang itinitibok na panganib ang bawat siko ng daan. Kahit itim na kuting. Pipigilin ka ng diwata ng malamig na lilim upang umidlip

18

/

pitong bund ok ng haraya

ngunit upang makatúlog nang santaon o kahit sansiglo. Parang kumunoy ng ginhawa ang kaniyang oyayi. Napag-iwanan ka na ng panahon paggísing. Isa ring pagsubok ang nakababagot na bundok. Datapwat narito ang balintuna. Kailangan mo ng pitóng bundok, anumang pitóng bundok. Pinalulusog ang haraya mo ng bawat malagpasang bundok. Pinatitimyas ng bawat bitag at panganib, ng bawat gubat at gulod, ang pintig ng puso mo’t utak. Pinasusulak ang dugo sa kaliit-liitang ugat ng iyong katawan, pinag-iinit ang bawat himaymay ng lamán, upang manggilalas sa hindi masasaid na posibilidad ng mundo. Hindi dahil may malaking madlang naghihintay sa iyong matagumpay na pagbabalik. Nakalalango ang kanilang palakpak at papuri. maaaring maging segurista ka at umakyat na lámang ulit-ulit sa napagtagumpayang bundok. Hanggang tumabâ ka sa nalikom na paghanga, matabâng-matabâ at malaking-malaki ang ulo, at hindi na makahakbang paakyat man lámang ng pitóng baitang na hagdan. Ngunit higit mong kinatatakutan ang ibang higit na malupit na kamatayan. mamamatay ka kapag nagunaw ang mga bundok at naging isang kalbo’t panatag na planeta ang iyong búhay. mamamatay ka kapag iisa ang kulay ng katotohanan, kahit iyon ang paborito mong kulay at ibinuhos mo ang sariling dugo sa kapakanan ng gayong kulay. Namatay ka na kapag nasilayan ang hulí’t pampitóng bundok. Ang katawa-tawa’y ang mga manggagaya ng bundok. Dalawa at magkasalungat ang kanilang pangkat. Una, ang napakahilig magbasá at magmemorya sa inilimbag na larawan ng mga bundok mula sinaunang panahon. Parang prutas niláng kinakain ang naturang mga larawan ng bundok, kinakatas sa kalooban, at dalubhasang ikinukuwento na mistulang sarili niláng bundok-bundukan. marami sa kanila ang yumayaman at tulad ng mga obispo’t tindero ng milagro’y sinasamba ng sambayanan. Ikalawa, ang tumatangging lumingon sa pinanggalíngan at ipinagmamalaki ang natuklasang orihinal na bundok. Orihinal na bundok sapagkat wala pang anghel man lámang na nakadalaw bagaman may anino ito ng isang sinaunang anyo na ayaw niláng kilalanin. marami sa kanila ang namamatay nang pulubi at

pitong bund ok ng haraya

/

19

tigib sa upos ng himagsik ang lalamunan laban sa lipunan na palagay nilá’y kumbensiyonal at nabubulok dahil hindi marunong kumilála sa kanilang kadakilaan. Hindi naman kailangang luma o bago ang bundok. Ang mahalaga’y may nakíta ka o napilìng bundok at binagtas mo. Na ang ibig sabihin, may lumitaw na bundok sa búhay mo at tinanggap mo ang hámon upang akyatin ito. Na ang ibig pang sabihin, sa dulo, may lumitaw at inakyat kang pitóng bundok sa iyong búhay. Hindi isa, kundi pitó ang nakaharap mong bundok. Hindi tatlo, kundi pitóng ulit kang nadapa. Hindi ka maaaring tumawad sa kahit kalahati ng isa. Nása ginawa mong pag-akyat at pagbagtas sa bawat isa sa pitóng bundok ang gilalas at dunong, ang bait at parikala, ang hapdi at ligaya, ang katotohanan at kababalaghan, ng iiwan mong halimbawa para sa susunod na manlalakbay. Nása tinamo mong pitóng sugat ang tamis at sarap ng pakikipagsapalaran, ang tunay na kadakilaan ng haraya. Nása sugat na tinamo mo ang sarap. Nása pag-iisa ang kabanalan. Ang mga sugat ng kinakalawang na pakò ang kadakilaan ng resureksiyon, ang mga inuuod na sugat ang tatak ng masugid na sakripisyo. Alam ito ng mga martir at santa. Ang maruming yungib ng pangungulila ang magliligtas sa iyo laban sa alabok ng layaw at rahuyo ng mabababaw na kaligayahan. Alam ito ng mga ermitanyo’t naglalamay sa karimlan. At lubhang nakatatakot ang mga gabing naglalamay ka sa paglikha sa isip ng bundok. At nangangarap kang paglaruan ng mga tiyanak. Ngunit hindi ka makabuo kahit ng sandakot na bundok. Noon pang 1968 ay may isang rebeldeng kabataan (o isang kabataang nag-akalang rebelde siya) na naghudyat ng babalâ laban sa mapanganib na mga laláng at laro ng tiyanak. Ang pakikipaglaro o pakikipagsukatan ng talino’t lakas sa tiyanak, wika niya, “ay isang labanang panghábangbúhay. Ang kalbaryo ay walang katapusan, tulad ng uwak na aalialigid sa ulunan ni Teo S. Baylen o kayâ’y nakapanghihinàng-loob na bisyon ng mikrobyong nagpipiging sa loob ng kaniyang katawan ni Salvador R. Barros. O kayâ’y ang nakikini-kinitang gútom at lamig

20

/

pitong bund ok ng haraya

na titiisin ng tatlong inakay ni Ildefonso Santos.” Subalit ipinahiwatig din niya na isang pambihira’t magandang kapalaran ang mapaglaruan ng tiyanak, lalo’t nakahanda sa mga patibong nitó. Ang higit na masaklap, napakasaklap, ay hindi ka patulan ng tiyanak. Dugtong nga ng kabataan: Dapat pa ring idiin na ang tiyanak ay hindi nagbibiro sa lahat ng makata. Pinipilì lámang nitó ang pinaglalaruan. Ang hindi man lámang laruin ng tiyanak ay patay. Ang hindi man lámang biruin ay walang talino, baog, at kumbensiyonal. Kayâ nga’t maraming kunwari’y pinaglaruan ng tiyanak ang lumalabas na maalam lámang tumugma-tugma at “naglulubid lámang ng buhangin.” maraming mambabalagtas, duplero, at mamumutong na lumilitaw lámang na mahusay magbiláng ng pantig at malawak ang bokabularyo sa “pagbibiláng ng mga bituin.” marami ring nagsasabing nakakíta ng tiyanak ang napatutunayang baliw o kayâ’y nagnanais lámang mapabalita. Kayâ nga’t inuusal ding: “mapalad siláng pinaglaruan.” Sapagkat nagawa niláng akitin ang tiyanak na silá’y paglaruan. Sapagkat may may nasilip na talino at lakas sa kanila ang tiyanak. Ang siste nitó, nawawala lámang din noon ang rebeldeng kabataan sa laberinto ng makinasyon at mekanisasyon at kinutuban lámang hinggil sa paglalaro sa kaniya ng tiyanak. Ni hindi niya tiyak ang sinasabi. O ang ibig sabihin, ni hindi niya tarok ang kabuluhan ng ipinasasabi sa kaniya ng tiyanak. matagal pa, lumipas ang isang dekada, bago niya natanto ang pader at likaw ng kinasadlakang laberinto at matagal pa bago niya naapuhap ang sinulid palayô sa engkanto ng mga banyagang diwata’t dambuhala. Subalit, higit kang mangilabot. mangilabot ka kung hindi ka pinapansin ng tiyanak sa paglalagalag mo sa mga liblib na bukid at mga

pitong bund ok ng haraya

/

21

dukhang eskinita. Nagtatago sa iyo ang buwan at wala kang masilip na bundok. Ibig mo ng dakilang tunggalian at wala kang makaharap na kaaway. Kahit dayaming balyan. Hindi ka makabighani ng kahit gusgusing tikbalang. Napakahalaga ng mga balakyot na aswang at patalim ng liwanag sa kalusugan ng haraya. maaalala mo si mariang Pandakokak: Si mariang Pandakokak Ang aring kakabiyak Kinain pa ng uwak. At nainggit ka pa sa dahas ng karanasan ni mariang Pandakokak. Ibig mo ring magahasa ng uwak. O kahit magahasa ng mga salita, gaya ni elynia mabanglo. mabuntis sa asoge, asupre’t asin, gaya ni Fidel Rillo. Ibig mo ring mabugbog sa unday ng malupit na kapalaran. Gumúlong sa pusali. Tumulay sa ulap. O magbisikleta sa buwan, gaya ni mike Bigornia. mahulog sa bangin. Upang maiba ka sa karaniwan. Upang maiba ka sa karamihan. Ngunit pinagtataksilan ka ng sariling haraya. Pinagkakaitan ka ng pagkakataon. Huwag kang magpatúloy, kung gayon. maraming nabaliw dahil sa labis na paglulunggati ng bundok gayong namumulot lámang ng upos ang haraya sa bundok ng basura.
Ferndale Homes 20 Setyembre 2009

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->