You are on page 1of 3

MAIKLING KWENTO

Ano ang maikling kwento? Ang maikling kwento ay isang anyo ng panitikan na nagsasalaysay nang tuloy-tuloy ng isang pangyayaring hango sa tunay na buhay. Ito'y may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw ng maikling panahon, may isang kasukdulan at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa. Ito ay matatapos sa isang upuan lamang at maaari itong magpakita ng iba't ibang damdamin. Bumabase ito sa buhay ng isang tao at mayroon rin namang kathang isip lamang. Ang maikling kwento ay isang akdang pampanitikan na ang mga pangyayari ay umiinog sa buhay ng mga pangunahing tauhan.

Ang maikling kwento ay mayroong tatlong salik: ang tauhan, tagpuan, at banghay. 1. Tauhan Dito nalalaman kung sinu-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gaganapan ng bawat isa. Sila ang nagiging basehan sa kung anong magiging takbo ng kwento. May tatlong dimensyon na naglalarawan sa isang tauhan. Iyon ay ang pisikal (pisikal na anyo ng mga tauhan), pisiyolohikal (estado sa lipunan ng tauhan), at sikolohikal (mga paniniwala ng tauhan). Ito ay may tatlong uri: a. Bilog - nagbabago ang katauhan b. Lapad - hindi nagbabago ang katauhan c. Protagonista - mabuti/pangunahing tauhan d. Antagonista kontrabida/masamang tauhan
2. Tagpuan Tumutukoy ito sa pook at panahong pinangyarihan ng mga tagpo sa akda. Naglalarawan ito ng ginagalawan o kapaligiran ng mga tauhan. Inilalarawan ito nang buong linaw, pati na ang kaugalian ng mga nasa kapaligiran ay masisinag sa mabisang pamamaraan. Ang kapaligiran kung saan naganap ang

kwento ay nakaaapekto sa pakikipagtunggali at pagpapasiyang ginagawa ng mga pangunahing tauhan. 3. Banghay Tumutukoy ito sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring nagpapaunlad sa suliranin at tunggaliang dadalhin ng mga pangunahing tauhan at kung paano niya ito haharapin. Dapat itong maging maayos at magkakaugnay upang maging matatag at kapani-paniwala. Gaano man

kapayak o karaniwan ang mga pangyayari, ang pagiging kawili-wili nito ay nakasalalay sa makatwirang pagkakasunud-sunod na "magpapadulas sa daloy ng salaysay."

Mga Bahagi at Sangkap: 1. Panimula Sa bahaging ito paaasahin ng may-akda ang mga mambabasa sa isang kawili-wili at kapanapanabik na akda. Humigit-kumulang, ang mga sumusunod ay nakapaloob sa mga unang talata ng akda: a. Pagpapakilala sa mga tauhan - maipabatid ang kanilang pagkatao ng pangunahing tauhan; mapangibabaw ang katangian ng pangunahing tauhan upang magkagiliw sa kanya ang mga mambabasa. b. Pagpapahiwatig ng suliraning kahaharapin ng mga tauhan - kailangang palitawin ang suliranin ng pangunahing tauhan upang maitanim sa isipan ng mga mambabasa na sa kanya iinog ang mga susunod pang pangyayari. c. Pagkakintal sa isipan ng mga mambabasa ng damdaming palilitawin sa kwento - ang lahat ng mga pangyayari at tauhan sa akda ay kailangang isang damdamin lamang ang antigin sa mga mambabasa. d. Paglalarawan ng tagpuan - Sa di-tuwirang pamamaraan, magagawa ng may-akdang madama ng mga mambabasa ang kapaligirang gagalawan ng mga tauhan lalo na ng pangunahing tauhan sa akda; mahalaga ito upang madaling matiyak ng mga mambabasa ang suliraning kahaharapin ng pangunahing tauhan at ang damdaming nasang maantig sa mambabasa. 2. Gitna a. Saglit na Kasiglahan - nagpapakita ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang nasasangkot sa problema b. Tunggalian - ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin; ito ay may apat na uri: tao vs. tao, tao vs. sarili, tao vs. lipunan, tao vs. kapaligiran o kalikasan c. Kasukdulan - pinakamadulang bahagi kung saan makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban

3. Wakas a. Kakalasan - ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan b. Katapusan - ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento; maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo *Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas ng kuwento upang ang mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa palagay nito, ang maaring kahinatnan ng kuwento.

May siyam na uri ng maikling kuwento: 1. Sa kwento ng tauhan inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa. 2. Sa kwento ng katutubong kulay binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng mga tauhan, ang uri ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook. 3. Sa kwentong bayan nilalahad ang mga kwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong bayan. 4. Sa kwento ng kababalaghan pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala. 5. Naglalaman ang kwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak-sindak. 6. Sa kwento ng madulang pangyayari binibigyang diin ang kapanapanabik at mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan. 7. Sa kwento ng sikolohiko ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kwentong bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan. 8. Sa kwento ng pakikipagsapalaran, nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng kwento. 9. Nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa ang kwento ng katatawanan.

You might also like