You are on page 1of 28

DIBORSYO SA PILIPINAS

DAPAT ba o HINDI DAPAT na payagan ang diborsyo sa Pilipinas? ARIEL GARCINELA nagtanggol sa panig ng DAPAT NEBRES MEDEN JANE nagtanggol sa panig ng HINDI DAPAT JERICO MARCELINO namagitan bilang LAKANDIWA

LAKANDIWA (Pagbubukas) Marubdob na pagbati po ang nais kong iparating Sa lahat ng nakikinig dito sa Pag-usapan Natin Narito po kaming muli upang kayo ay aliwin Sa buwanang Balagtasang labanan ng magagaling. Jerico Marcelino po ang lingkod nyong nagpupugay Tubong Ranzo,Ilonggo na sadyang tunay Lakandiwa po ang aking papel ditong gagampanan Tagahatol, tagahusga, tagasaing din po minsan. Araw po ng mga puso sa tuwing buwan ng Pebrero Kaya tungkol sa pag-ibig ang paksa ng pagtatalo: Sa sariling bansa nating mas marami ang Kristyano, Ay dapat ba o di dapat magkaroon ng diborsyo? Batid ko pong kayo mismo'y may sariling panindigan Ngunit pakinggan po natin ang panig na ilalaban Ng Reyna po at ng Hari nitong ating Balagtasan Wag na nating patagalin, sila'y ating palakpakan!

HINDI DAPAT (Pagpapakilala) Inip akong naghihintay na sumapit itong gabi Upang ako'y magpatunay sa makatang katunggali Na di dapat ang diborsyo sa bansang itinatangi Pagkat hindi naayon sa Maykapal at sarili. Kababayang minamahal, tulutan po muna ako Ang sa inyo ay magpugay nang taos sa aking puso Advanced Happy Valentine's Day, diwa nito'y sumainyo Ang lingkod nyong dili't iba, si Meden Jane Nebres

DAPAT (Pagpapakilala) Tulad po ng nararapat, pagbati ko ay tanggapin Isang maligayang oras, pagpupugay kong taimtim Sa matapang na kahamok, ala-Teksas talisain Sa labanang magaganap, tari muna ay hasain. Salungat sa nababatid ng makatang paraluman Nararapat ang diborsyo sa ating bansang tinubuan Handa akong makibaka sa abot ng kakayahan Ariel Garcinela po, sa di pa nakakaalam.

LAKANDIWA Narinig po ninyo kapwa ang dalawang magbabangay Pareho pong nagbabanta; sino kaya'ng mas matibay? Umpisahan na po natin ang unang round ng bakbakan Si Miss Meden Jane nebres muli nating palakpakan!

HINDI DAPAT (Unang Tindig) Sa simula ay pagtibok sa mga puso't damdamin Ng dalisay na pag-ibig sa dalawang magsinggiliw Katugunan din sa utos bago lubos magkapiling Sa simbahan o sa huwes ang dalawa'y bubuklurin. Sa dambana kapwa sila mangangako't manunumpa Habang buhay walang maliw na sila ay magsasama Nagsidalo'y mga saksi, higit na nga ang Lumikha Hindi bagay na malabag sa hirap man o ginhawa. Pag-aasawa'y kasabihang hindi kaning isusubo Na iyong mailuluwa kapag ikaw ay napaso Bago ito ay suungin dapat nating mapagtanto Ang larangan na ganito ay di gawang biru-biro. Likas sa ating Pilipino ang paggalang sa Maykapal Sa aral Niya'y sumusunod, higit na sa kautusan Ang kasal ay itinakda sa banal na kasunduan Na di dapat na humantong sa malagim na hiwalay. Ang sa aki'y pagtatanong, huwag lamang ipagdaramdam Nitong aking katunggaling salungat ang kabatiran

Kapag sinabing Yes, I do ng dalawang ikakasal Di ba't ito'y kahulugang sumpang di dapat maparam?

LAKANDIWA Ang dagundong ng katwiran ni Meden Jane po'y parang lindol Ngunit tila hindi yata nayayanig ang humamon Ngumingit-ngiti lamang si Ariel pong kutis-sanggol Palakpakan din po natin at dinggin ang itutugon!

DAPAT (Unang Tindig) Yes, I do ang magbubuklod sa dalawang ikakasal Nang lubusang mapag-isa at sa buhay magkatuwang Ang bisa ng kasamyento'y hanggang mayrong unawaan At kung ito'y naglaho na, diborsyo ba'y tututulan? Ang bukas na hinaharap ay di natin nababatid Panahon ay nagbabago, parang hanging umiihip Gayon din sa mag-asawa, di ko lahat idinadawit Kung ngayo'y nagkakasundo, may sandaling nawawaglit. Kasalanan pang mas higit ang isang pagkukunwari Kung pagsasama'y di normal, habang buhay ang lunggati Mainam pang maghiwalay pagkat dito ang sarili Ang tanging nilalamangan, sinasaktan na sakbibi. Sa batas ng ating bansa ay may separasyong legal Sa tuntuning kabanalan naaayon ang hiwalay Danga't ito'y itinutulot nang mayroong kasunduan Katunayan pa ring ako ang nasa tamang katwiran. Sa musmos mang pang-unawa ay tukoy ang nagaganap Ang pintas sa pagsasama, sumasapit na lang sukat Pagmamahal naglalaho sa puso ng magkapilas Ang magsama pa sa bubong ay hindi na nararapat.

LAKANDIWA Ang tao, pag nag-aaway, ay mentras pong pinipigil, Lalo lang daw nag-iinit, parang asong nanggigil Kaya sila'y hahayaan ko na hanggang umagahin Kapag meron na pong tumba ay saka ko aawatin.

HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig) Marami ang kaalamang lihis sa katotohanan Katulad ng kahidwa kong di tapat yatang magmahal Katugon ba ay diborsyo kung mayroong sigalutan Ang dalawang magkapilas? Sa wari ko'y hindi bagay. Sa ganang akin ay batik sa malinis na pangalan Ng sino mang mga anak na magulang ay hiwalay Paano niya masasabing sila'y mga mapagmahal Kung mismong ama at ina, sa diborsyo'y nagkawalay. Paano rin sasabihing tapat ka nga kung suminta Samantalang sa asawa'y nilisan mo ang halaga Tiwala ng iyong kapwa mapapawing parang bula Tingin sa iyo ay maliit, hindi ako nangungutya. Sa batas man ay mayroong hiwalay na pinagtibay Ngunit tayo'y may sariling damdamin at kaisipan Na sikaping mapagyaman ang sagradong pagmamahal Sa kabiyak ng iyong puso na tungkuling nakaatang.

DAPAT (Ikalawang Tindig) Hindi lubos na matukoy ng dilag kong katunggali Ang lawak ng kapintasang matatamo ng sarili Halimbawang ang kapilas, nagtaksil at nadiskubre Ang patuloy na magsama ay mayroon pa bang buti? Kapag anak ay sumapit sa tama at wastong gulang Ang respeto'y magbabalik sa nagdiborsyong magulang Marapat din bang pansinin ang paglibak ng lipunan Kaysa maging isang hamak sa sarili pang tahanan? Katapatan sa simula sa mag-asawa'y mapupuna Sa di naglaong panahon tumatabang ang pagsinta Lalo't puso nila kapwa'y nahuhumaling sa iba Sa kanila'y tumatabang ang banal na pagsasama. Hindi man inaasahang ang ganito'y sumasapit Dapat bang ang magkabiyak, patuloy magsamang pilit? Di ba dapat bigyang laya ang kanilang ninanais Na hanapin na sa iba ang pintuho nilang langit?

HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig) Bawat pukol na matuwid nitong aking kahidwaan Ay pawa pong mga lisya, kayhirap maunawaan Hahanguin ko'y talata sa Aklat ng kabanalan Taliwas sa kanyang batid, ganito ang nilalaman: Kapag kasal ay naganap, ang dalawa'y pinag-isa At pirmihang magbubuklod nando'n man ang pagdurusa Ang pinabigkis ng langit sa utos na nakatala Ay hindi na makakalas ng kahit sinong nilikha. Dahil ang tao'y marupok, sa kautusan lumalabag, Iginigiit ang hiwalay ayon din sa nahahayag Ngunit hindi nararapat ang humanap ng ibang liyag Pagka't iya'y pangangalunya, sa Marcos diyes nahahayag.

DAPAT (Ikatlong Tindig) Sa tugon ng kahidwa ko lumilitaw na malinaw Na sadya ngang karapatan ang gawang paghihiwalay Tama nga't pangangalunyang humanap ng ibang mahal Ngunit po ang aming paksa ay kung dapat ang hiwalay. Kung atin pong susuriin sa palakad ng lipunan May batas na hindi hango sa banal na kasulatan Ang nais ko pong tukuyin ay ang annulment ng kasal At iyan ay hindi kaila sa ating mga kaisipan. Tama nga't tayo'y marupok, hindi ako tumututol Pagkat tayo ay nilikhang nasasangkot sa panahon Kapintasan nga ba kaya ang batas na tumutugon Sa hiwalay na nabanggit? Ang sa aki'y pagtatanong.

HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig) Maganda po itong tanong, ngayo'y aking sasagutin Di ba't tao'y kakaiba ang paniwala't adhikain? Ipinagtatanggol ko'y di dapat na iyan ay pairalin Piling panig ko sa paksa, di ba kayang unawain? Ang bansa pong Pilipinas na Perlas ng Silanganan

Ay lupain ng Kristyanong may panalig sa Naglalang Ligaya nga ba ng anak kung sa ama ay susuway? O ama ay matutuwa kung siya'y nilapastangan?

DAPAT Walang anak na naghangad na sa ama'y magsuwail Tayo lang ay nangingilag mga sarili'y dayain Mayroon pa bang katinuan kung pagsasama'y nagdilim Na nilambong halimbawa ng asawang talusaling? Dahil dito'y inuri kong ang hiwalay ay matimbang Kaysa sa habang panahong dangal ay mayuyurakan Kung sakali bang mangilag sa ganitong kapintasan Ang panig kong tinutugon, turing ba ay kasalanan?

HINDI DAPAT Sa hangad yatang magwagi sa laban ng katagisan Naglulubid ng salitang wari ko'y mga paratang Dilat po yata ang mata ngunit tulog ang isipan O baka po kinakapos sa tunay na kaalaman?

DAPAT Ang tanong ko'y maliwanag, ang sagot po ang madilim Ng makatang paralumang lumilihis kung wariin Hindi pa ba nasasapat kaysa nandoon ang hilahil, Mainam pang tumalikod kaysa lugmok sa panimdim?

HINDI DAPAT Sa buhay bang walang wakas ay sino ang tinatanggap? Di ba't iyong sinaktan na at nagpataw ng patawad?

DAPAT Kautusan di po namang mahalin mo ang sarili Ang hiwalay ay dapat lang kung ito'y nakabubuti.

HINDI DAPAT Ang hiwalay ay di dapat sa ating bansang tinubuan!

DAPAT Lakandiwa ang huhusga nang ito'y mapag-alaman!

LAKANDIWA (Paghatol) Lakandiwa ang huhusga kaya ako'y narito na Magpahinga muna kayo at ang bibig ay isara Kayo namang kababayang kanina pa nakanganga Ipabaon sa kanila'y palakpakang pampagana! Mahaba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy, Balagtasa'y may hangganan, at sa dulo ay may hatol: Diborsyo sa ating bansa'y angkop nga ba't naaayon? Ang sagot ni Meden hindi, si Ariel ay Oo'ng tugon. Ani Meden mag-asawa'y sumusumpa sa dambana Walang maliw na pagsinta ang alay sa isa't isa Saksi yaong nagsidalo at gayon din si Bathala Na sila ay magsasama sa hirap man at ginhawa. Di raw kaning isusubo't iluluwa pag napaso Ang kasal ng magsinggiliw na di anya gawang biro Kapag dalwa'y pinagbuklod sa palitan ng Yes I do Kamatayan lang ang pwedeng kumalag sa tali nito. Ang katwiran po ni Ariel, ang lahat ay nagbabago Habang merong unawaan, may bisa ang kasam'yento Ngunit pag sa isa't isa, ang respeto ay naglaho Kaysa anya magkunwari, mabuti pang magdibors'yo. Ginamit na halimbawa'y pag nagtaksil sa sumpaan, Ano'ng silbi raw ng kasal kung iba na'ng minamahal? Higit pa raw tatatanggapin ang pagkutya ng lipunan, Kaysa maging isang hamak sa sarili niyang bahay. Ang katwiran nila'y ganyan, ang sa akin nama'y ito: Ang kasal ay mula sa D'yos, ang diborsyo'y gawang tao Sa bibliya'y nasusulat, ang nagwika ay si Kristo, Pinagbuklod ng D'yos ay wag pagh'walayin nga ng tao.

Kung diborsyo'y hahayaang umiral sa ating bansa Ang pundasyon ng pamilya ay bubuway at hihina Walang saysay ang sumpaan at Yes I do sa dambana Kung sa huli'y p'wede palang mapawalan itong bisa. Ang lahat nga'y nagbabago sa panahong lumilipas Ngunit ang salita ng D'yos kaylan ma'y di kumukupas Mahusay mang mangatwiran ang makatang taga-ranzo, Ang korona ng tagumpay, kay Meden ko igagawad!

ISANG DANGKAL NA GUNITA


Isang-yugtong dula mula sa panulat ni Rafael A. Pulmano

MGA TAUHAN
RICARDO ARSENIA, asawa ni Ricardo UBALDO, Kumpare ni Ricardo MARTIN, Kapitan ng Barangay CURING at TOMAS, mga panauhin nina Ricardo at Arsenia ANONG, kaibigan ni Ricardo Rudy at Ferdie, mga alalay ni Ubaldo Boyet at Nenita, mga anak nina Ricardo at Arsenia 3 armadong lalaki, mga bodyguards ni Kapitan Martin

TAGPO

Kasalukuyan. Pasado alas-singko nang hapon. Sa sala ng tahanan ng mag-asawang Ricardo at Arsenia. May isang mahaba at dalawang maliit na sofa, at isang maliit na lamesa. Sa ibabaw ng mesa ay may isang flower vase na may bulaklak na plastik. Sa gawing kaliwa ay may pinto papasok sa silid, sa gawing kanan naman ay may pinto papalabas ng bahay. Isang metro mula sa kanang pinto ay may bintana.

(Sa pagbubukas ng tabing, makikita si Arsenia, 32 taong gulang, nakasuot ng daster. Abala sya sa paglilinis ng mesa at pag-aayos ng mga bulaklak na naroon. May maririnig na katok sa kanang pinto. Bubuksan ni Arsenia ang pinto, papasok sina Tomas at Curing.)

ARSENIA : Aling Curing, Mang Tomas, kayo pala. Tuloy kayo. TOMAS : Salamat. CURING : Nasabi mo na ba kay Kapitan, ha, Senyang? ARSENIA : Hindi pa ho. Mangyariy napakaagang umalis ng bahay kanina at hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik. Kagabi naman ho ay mukhang pagud na pagod s'ya at halos madaling araw na nang umuwi kaya hindi ako nagkaroon ng tyempong makausap nang maayos. Sandali lang ho at ikukuha ko kayo ng maiinom. CURING : Ku, wag ka nang mag-alala, Senyang. TOMAS : Sya nga, Senyang. Hindi naman kami magtatagal. Gaya ng nabanggit namin sa iyo... ARSENIA : Oho, Mang Tomas. Huwag kayong mag-alala, si Ricardoy walang pinahihindian basta kaya niya. Magkano pa nga ho pala ang kulang ikanyo? CURING : Ang sabi sa ospital, kahit daw tres mil ay mailalabas na namin ang aming apo. TOMAS : Ang mga reseta ng gamot naman ay umabot ng... (Papasok mula sa kanang pinto sina Ricardo, Anong at Rudy.)

ARSENIA : O, eto na pala s'ya. CURING at TOMAS : (Sabay tatayo) Magandang hapon, Kapitan. RICARDO : Magandang hapon din po. Pero hindi pa naman ho Kapitan, Mang Tomas, Aling Curing. TOMAS : Pareho na rin yon, Kapitan. Siguradong panalo ka na sa darating na halalan. CURING : At makaaasa ka sa boto naming mag-asawa, pati na ng mga kamag-anakan namin sa buong Barangay Ipil-ipil, Kapitan. RICARDO : Thank you ho. E, ano ho ba ang atin at napasyal kayo?

ARSENIA : Kagabiy galing na ang mga yan dito. Ang sabi koy baka matagalan ka nang dating kaya pinabalik ko na lang ngayon. RICARDO : Ah, oho. Medyo nagtagal kami kagabi sa pangangampanya sa kabilang ibayo dahil yung isang napuntahan namin ay nagkataong may lamayan. Masagwang itsura kung basta na lang ako magpapaalam agad. ANONG : Tama kayo, Bos. Sayang din ang boto nung patay. RICARDO : Ah, hindi naman... Nga pala, Mang Tomas, Aling Curing, ito ho si Rudy. Kasama ko sa pangangampanya. Si Anong naman ay dati nyo nang kakilala. ANONG : (Sasaludo sa bisita) Dakilang alalay ni Bos Ric, at your service (ididispley ang ngiping bungi) ...with a smile. TOMAS : Este, Kapitan. Nakakahiya man sa iyo ay... (Mapuputol ang sinasabi nito nang makitang may ibinubulong si Arsenia sa asawa. Tatango si Ricardo.) RICARDO : Excuse me ho, at may kukunin lang ako sandali sa labas. (Lalabas sa kanang pinto si Ric.)

CURING : Aling Senyang, talagang nahihiya kami sa iyo at kay Kapitan, kaso e wala na kaming ibang pwedeng lapitan maliban sa inyo. ARSENIA : Okey lang ho, Aling Curing. Ang tahanan namin ay palaging bukas sa mga tulad nyong nangangailangan. CURING : Talagang napakabait nyo. (Papasok mula sa kanang pinto si Ricardo, iaabot kay Arsenia ang isang sobre, na ibibigay naman ni Arsenia sa mga bisita.)

ARSENIA : Eto ho. Pagpasensyahan nyo na ang aming nakayanan. Sanay tuluy-tuloy na ang paggaling ng inyong apo. CURING : Naku, maraming salamat, Kapitan. TOMAS : Hindi na kami magtatagal. Asahan mo ang aming boto sa eleksyon, Kapitan. RICARDO : Salamat din po. (Lalabas sina Curing at Tomas sa kanang pinto.)

ARSENIA : (Sasapuhin ng kanang palad ang noo. Tatalikuran si Ricardo at ibubulalas ang kanina pa pinipigil na damdamin.) Hay, nako... Ano naman kaya ang ilalapit sa atin ng dalawang iyon sa susunod? Abay halos linggu-linggoy narito sila at nanghihingi ng tulong. Kung hindi namatayan ng kamag-anak na walang pampapalibing, kinapos sa pambayad sa matrikula ang pamangkin, may naospital namang apo na hindi makalabas dahil kulang ang pambayad. (Haharap sa asawa.) Hindi ka pa man nuuupo sa tungkulin ay hindi na maubusan ng hinihingi. Paano pa kaya kapag talagang Kapitan ka na ng ating barangay? RICARDO : (Sa halip na sagutin ang tanong ay paiwas na tutugon.) Huwag mong isipin yon. Ang mahalaga ay nakatulong tayo sa kapwa natin. (Uutusan ni Ricardo ang dalawang lalaking kasama.)

Rudy, pakitawag mo nga yung dalawa sa labas. Anong, baka gusto mong magkanaw ng kape para may mahigop tayong mainit-init? ANONG : Yes Bos. Rights away. (Lalabas ang dalawa si Anong sa kaliwang pinto, at si Rudy sa kanang pinto.)

ARSENIA : (Parang walang narinig at mas interisadong mailabas ang nilalaman ng dibdib.) Eh mabuti kung sila lang. Mula nang iproklama mo sa ating mga kabarangay na tatakbo kang Chairman sa taong ito, aba e hindi na tayo maubus-ubusan ng bisita sa bahay. Buti nga kung bumibisita lang. Kaso, pagdidikit ay siguradong may kailangan. Uniporme at bola para sa mga kabataang kasali sa liga ng basketbol. Donasyon para sa pagpapakabit ng poso. Tropeo at medalya para sa timpalak-pangkagandahan ng mga bakla. Pamasahe para sa anak na papagaaralin sa Maynila. RICARDO : Senyang, pagdidiskusyunan na naman ba natin iyan? Di ba bago ko pinasok ang pulitika ay matagal muna nating pinag-usapan ang bagay na ito? ARSENIA : (Parang wala pa ring naririnig.) Isipin mo, bigla na lang dumami ang mga gustong kumuha sa iyong ninong sa kasal, binyag at kumpil. Kahit mga taong hindi natin dating kakilala sa mahigit na tatlumpung taon mula nang akoy maging tao dito sa Ipil-ipil, ay nag-uunahan para kumparihin ka. Aba, mamumulubi tayo nang husto bago ka manalo. (May halong panunuya ang tono ng pagsasalita.) Yun eh, kung mananalo ka nga. RICARDO : Hindi mangyayari yan. Alam mong kaya ako napasubo sa kandidatura ay sa kahihimok na rin ni Kumpareng Baldo... ARSENIA : (Sasaluhin ang sinasabi ng asawa.) ...Na nangakong wala raw tayong gagastusing kahit isang kusing dahil sagot niya lahat ang gastos.

RICARDO : Ganon nga. Basta raw s'ya ang gagawin kong campaign manager, at pagdating sa pera ay wala tayong iintindihin. ARSENIA : (Habang ikinukumpas ang kanang kamay at nakatuon sa mukha ni Ricardo ang hintuturo. Madiin ang bawat salita.) Iyan, iyan pa ang isang nagpapakaba sa dibdib ko. Ang kondisyon na yan. (Hihinga ng malalim si Arsenia, at pagkaraang ilabas ang naipong hangin sa dibdib ay waring maglulubag ang kalooban nito. Sa muling pagsasalita ay mahinahon na ang kanyang tinig.)

Noong unay sang-ayon ako dahil magandang pakinggan. Pero nitong papalapit nang papalapit ang eleksyon ay kung anu-anong masasamang bagay ang naiisip ko tungkol sa iba pang kundisyones na maaari niyang igiit kapag lalo na kapag napaupo ka na sa puwesto. May kutob akong ginagamit ka lamang ni Kumpare para sa kanyang sariling personal na interes, at salapi ang kanyang pinakikilos para makuha ang kanyang talagang gusto. RICARDO : Senyang, aminado naman si Pareng Baldo na matagal na niyang gustong maalis sa puwesto si Kapitan Martin. Iyon talaga ang kanyang motibo kaya pinagkakagastusan niya at pinagbubuhusan ng panahon ang aking kandidatura. (Magsisimulang mag-alab ang damdamin.) Sawang-sawa na ang mga tao sa mga pang-aabusong nagaganap dito sa ating barangay sa ilalim ng pamamalakad ni Kapitan Martin. Hirap na nga sa kabuhayan ang mga tagarito ay nakuha pa rin niyang makapagpatayo ng sabungan sa may kanto, at hindi iilang kalalakihan dito at sa mga kalapit-baryo ang nahuhumaling sa bisyong ito. At saka napansin mo bang nitong mga huling araw ay balik na naman ang huweteng sa ating lugar, gayon na rin ang sakla at iba pang sugal na mahigpit na ipinagbawal ng ating bagong luklok na gobernador? ARSENIA : Hindi lang yan. Palala nang palala ang drug addiction dito sa ating lugar. At ang balita, pag may nahuhuling pusher o user ang pulisya ay si Kapitan Martin pa raw ang lumalakad sa munisipyo para aregluhin ang kaso. Ibig ko na tuloy maniwalang mga tauhan din ni Kapitan ang supplier ng shabu gaya nang madalas napag-uusapan diyan sa tindahan ni Aling Epang. RICARDO : Nakita mo na. Ikaw man ay hindi natutuwa sa kasalukuyang sitwasyon. Sabi nga ni Pareng Baldo, kailangang maalis sa pwesto si Kapitan Martin, at ang eleksyon ang pinakademokratikong paraan para isakatuparan ito, dahil mga taong bayan mismo ang magpapasya para patalsikin s'ya at paupuin naman sa pwesto ang higit na karapat-dapat na mamuno sa barangay. ARSENIA : Yun eh, kung may lakas ng loob ang mga tagarito na patalsikin nga sya sa pamamagitan ng balota. Alam mo namang maraming takot kay Kapitan at sa kanyang mga galamay. RICARDO : Tama ka. Chairman pa lang sya ng barangay, pero daig pa ang kongresista dahil hindi mo makikitang lumalabas sa kalsada nang di napaliligiran ng mga armadong bodyguard. ARSENIA : Pero Ric, talagang kabado ako sa mga kundisyones na maaaring...

(Papasok mula sa kanang pinto sina Ubaldo, Rudy at Ferdie)

UBALDO : (Aalisin ang suot na sumbrero. Magiliw ang ngiti.) Mare, magandang hapon sa inyo. ARSENIA : Magandang hapon ho, Pare. Upo kayo at makapagkape muna. Asan na ba si Anong? Tekat titingnan ko, baka sunog na ang pinapainit na tubig... (Akmang aalis patungo sa kaliwang pinto. Pipigilin s'ya ni Ricardo.) RICARDO : Senyang, mas mabuti pa siguroy lumabas ka muna at bumili ka kina Aling Epang ng tinapay para may mamiryenda sina Pare. ARSENIA : Mabuti pa nga. O sya, iwan ko muna kayo ryan. (Lalabas sa kanang pinto si Arsenia.)

UBALDO : O ano, Pareng Carding, paano ba? Nakapagdesisyon ka na ba? RICARDO : Bigyan mo pa ko ng kaunting panahon para mag-isip, Pareng Baldo. UBALDO : Wala nang panahon para mag-isip nang matagal, Pare. Alalahanin mong tatlong araw na lang ay halalan na. Kelangang kumilos tayo hanggat maaga. RICARDO : Nahihirapan akong magdesisyon tungkol sa gusto mong mangyari. Wala to sa usapan natin nung una. UBALDO : Pare, gamitin mo ang utak mo. Kahit kelan ay di pa nagkaroon ng malinis na halalan sa ating bansa. Nung sumali ka sa pulitika, hindi ka sumali para matalo. Kaya kelangang siguruhin mo ang iyong pagkapanalo, at humanda kang marumihan hindi lamang ang kamay mo, kundi pati ang buo mong pagkatao. Ganyan din ang iniisip at ginagawa ng kalaban mo. Kung babagal-bagal ka at magpapatumpik-tumpik sa iyong pasya, sinasayang mo lamang ang panahon nating dalawa... at ang pera ko! RICARDO : Pero Pare... Ang inaalala koy... UBALDO : Kung inaalala moy baka pumaltos ang aking plano, makinig kang mabuti, Pare. Matagal kong pinag-isipan hanggang sa kaliit-liitang detalye ang bagay na ito. Just let me take care of everything, Pre. RICARDO : Hindi yon, e. UBALDO : E, ano? Ayaw mong masabing mandaraya, ganon ba? (Tatapikin sa kaliwang balikat si Ricardo.) Pareng Carding, wala kang gaanong pagpipilian sa pulitika. Pag nanalo ka, pagbibintangan kang nandaya. Matalo ka naman, pagtatawanan ka at hahamakin lalo na ng mga kontra sa paglahok mo sa pulitika. Anong gusto mo: Masabing nandaya ka, pero panalo naman?

O talo ka na nga, pinagtatawanan pa? FERDIE : Tama si Bos Baldo, Ric. Wag mo na lang pansinin ang sasabihin ng tao. (Hindi kikibo si Ricardo. Nag-iisip na mabuti.)

UBALDO : Ipagpalagay nang manalo ka dahil sa pandaraya, at itoy maging usap-usapan ng lahat. Ang importante rooy nanalo ka at hindi ang usap-usapan ng mga tao. RICARDO : Para sa akin, importante rin ang kanilang sasabihin tungkol sa kin. UBALDO : (Malumanay pero nakahihikayat ang pagsasalita.) Pare, ang utak ng taoy mahirap ispilengin. Ang kanilang memoryay napakaigsi. Pasasaan bat malilimutan din nila ang lahat? Sige nga, ikaw na ang magsabi. Gaano kalaki ang pagkasuklam ng mga taong-bayan sa mga miyembro ng pamilyang nagpasasa sa ilalim ng pamahalaang diktatura matapos na silay mapatalsik sa puwesto? RICARDO : Marami ang nagsasabi na napakalaking krimen ang kanilang nagawa laban sa bayan kaya dapat lamang na sila ay papanagutin sa ilalim na batas. UBALDO : Exactly. Pero ano ang nangyari? Nasaan ngayon ang dating Unang Ginang na sobra ang galit ng mga tao noon? (Hindi makakatiis si Rudy, biglang sisingit sa usapan.)

RUDY : (May halong pang-uuyam ang tinig.) Nandon sa Kongreso. Sa halip na managot sa ilalim ng batas, inihalal pa sya ng tao para gumawa ng batas. UBALDO : Kita mong kalokohan yan, Pare? Hindi ko alam kung mapurol ang utak nating mga botanteng Pilipino... pero isang bagay ang sigurado ako. Napakaigsi ng memorya ng marami sa atin. RUDY : Tama si Bos Baldo, Ric. UBALDO : Basta gawin mo ang gusto mong gawin. Tutal, pag nakuha mo na ang gusto mo, kahit anong sakit ng mga salita pa ang bitiwan ng mga may galit sa iyo, maniwala ka sa akin, Pare...siguradong sa iyo pa rin sila lalapit at maninikluhod sa oras na silay magipit. Itanong mo pa kay Ferdie. Dyan na pumuti ang buhok nyan sa pulitika. Ferdie : Nakow, para ko nang nakini-kinita. (Bigay-todo ang arte sa pagsasadula ng ibat ibang karakter na pinatatamaan.) Kapitan Carding, hu-hu-hu! Ang anak ko poy nasaksak. Kailangan ang dyip para madala sa ospital. (Sisinghot at hihikbi) Kapitan Carding, nasunugan po kami ng bahay. Kelangan po namin ng temporaring matitigilan. (Natataranta at hindi mankadatuto sa sasabihin.) Kapitan, tulungan nyo po ang misis kong manganganak na; Kapitan, ang aming

kalabaw po ay ninakaw; Kapitan, etsetera, etsetera. UBALDO : Tandaan mo to, Pare: Sa pulitika, walang permanenteng kaybigan at wala ring permanenteng kaaway. Meron lamang permanenteng nangangailangan. RICARDO : Pero Pareng Baldo, ang plano moy... UBALDO : Simple at wala kang sabit. Ituloy mo lang ang pagngiti-ngiti, pakaway-kaway, pakikipagkamayan at pakikihalubilo sa mga tao. Magtatrabaho kami sa likod mo. Nakasobre na ang ibibigay natin sa mga gurong itatalaga ng Comelec sa mga presinto. Lahat ng watcher na itotoka ko sa presinto ay panay may baril. Nakatago sa katawan nila, syempre. Pero huwag kang mag-alala, kahit magkabukuhan ay suportado tayo ni Meyor sa parteng ito kaya walang kaso. Simula bukas hanggang sa araw ng eleksyon ay ipagagapang ko na ang mga botante ni Kapitan Martin na alam kong sa kaunting himas at tumpak na presyo ay maaari pa ring makumbinsing bumaligtad sa oras mismo ng pagboto. At magpapakalat ako ng mga armadong tauhan sa paligid ng mga presinto para kung sakaling magkagulo o magkanakawan ng kahon ng balota ay nakasisiguro tayong hindi ka madedehado. FERDIE : Tingin koy tama talaga si Bos Baldo, Kapitan. Saglit lang kayong mababansagang Bad Boy of Ipil-ipil. Gagamit lang kayo ng mga dirty tricks para mapabagsak ang kalaban. Oras na makapuwesto na kayo at kayo na ang hari, aba, e pwede na uli ninyong isuot ang inyong good boy image sa barangay. Makikita ninyo, bayani ang inyong dating sa mamamayan pag nagkataon. UBALDO : (Ikukumpas ang kanang kamay at tatango ng pagsang-ayon.) Nadale mo, Ferdie. Bulls eye! RICARDO : (May alinlangan pa rin.) Sigurado ba talagang mananalo ako sa plano mo? UBALDO : Walang paltos. Yari na rin ang mga balotang may nakasulat na boto para sa iyo. Iyon e, kung mahalata nating medyo tagilid ang laban. Hindi naman katakataka kapag nagkakaroon ng brown out sa panahon ng eleksyon, di ba? RICARDO : At kapag ako na ang Chairman ng Barangay? UBALDO : Good question, Pare. As newly-elected Barangay Chairman, manungkulan ka nang buong husay sa abot ng iyong makakaya. Gamitin mo ang kapangyarihan ng iyong puwesto para matulungan ang ating mga kabarangay. (Magbabago ang tono ng salita, pahiwatig na napakaimportante ng susunod na sasabihin.) Pero Pareng Carding, alalahanin mong hindi ako pulitikong tao. Lalong hindi ako bayani o martir na handang magsakripisyo alang-alang sa bayan. Negosyante ako. RICARDO : Diretsuhin mo na sa punto, Pare. Ano ba talaga ang gusto mong mangyari? UBALDO : Simple lang, Pare. Kailangang magpasa ka at ang Sangguniang Barangay ng ilang mga batas na makabubuti sa mamamayan. Una, ang mga fish pen sa lawa ay kailangang

ipagbawal dahil naaapektuhan nito ang kita ng mga maliliit na mangingisdang taga-baybay dagat na dito lamang umaasa ng ikabubuhay. Ipatupad ang batas na ito, ipademolis ang lahat ng ilegal na palaisdaan sa lawa na sakop ng ating hurisdiksyon. Karamihan sa mga iyan ay pag-aari ng mga maimpluwensyang tao na panay kadikit ni Kapitan Martin. RICARDO : Basta makakatulong sa mga mahihirap, gagawin ko. Ano pa? UBALDO : Pangalawa: Ipagbawal ang lahat ng uri ng sugalan, ipasara ang sabungan, dakpin at ipakulong ang operator ng huweteng at iba pang ayaw sumunod sa ipinag-uutos ng batas. Pangatlo, ipa-raid ang lahat ng bahay aliwan sa ating barangay at ipadakip ang mga dope pushers na bumibiktima sa ating mga kabataan. Ipakulong at parusahan ang mga mahuhuli na tatangging magbago at umiwas na sa mga ilegal na gawaing ito. Malakas ako sa hepe ng pulisiya sa bayan, kaya wala kang poproblemahin sa pagpapatupad nito. RICARDO : Lahat ng yan ay maganda at dapat lang. Kahit di mo hilingin ay handa kong gawin ang aking makakaya para matupad ito. Pero liwanagin mo nga ang sinasabi mong negosyo. Anong kinalaman nito sa pagiging Kapitan ko ng barangay, kung saka-sakali? UBALDO : Oras na gawin mo ang mga nabanggit ko ay marami ang matutuwa sa iyo at tatanghalin kang isang tunay na lider, isang tapat na lingkod at magiting na bayani. Tyak na marami rin ang magagalit sa iyo. Ito yung mga masasagasaan ng iyong mga kautusan at matatapakan ang paa bunga ng mga pagbabagong isasakatuparan mo para sa ikagagaling ng Barangay Ipil-ipil. RICARDO : Ganyan talaga ang aking inaasahan. UBALDO : At oras na mangyari ang gaya ng iyong inaasahan, Pare, kelangang magpakatatag ka. Huwag kang palalasing sa mga palakpak at papuring dulot ng pansamantalang tagumpay, at lalong huwag kang padadaig sa mga patutsada at banta ng iyong mga magiging kaaway. Kasasabi ko lang, at sasabihin kong muli: maigsi ang gunita ng karaniwang tao, halos isang dangkal ang igsi sa hinabahaba ng lubid ng mga magaganda at pangit na alaalang nagsasalimbayan sa loob ng kanyang isipan, kaya madali siyang makalimot. RICARDO : (Maiinip sa haba ng paliwanag ng kausap.) Ang dami mong sinasabi, Pare, pero hindi mo rin sinasagot ang tanong ko. Ano ba talaga ang gusto mo? UBALDO : Relaks ka lang, Pare. Wag kang masyadong high blood at darating din tayo sa parteng yan. Magpapalipas tayo ng kaunting panahon. Pag tapos na ang pista gaya ng pagsasaya ng marami sa mga unang yugto ng Edsa, at pag humupa na ang unos gaya ng malaking pagkagimbal at kaakibat na pagpupuyos ng damdamin nang barilin si Ninoy sa tarmac ng paliparan dalawang mahalagang pangyayaring gumising sa kamalayan ng maraming Pilipinong matagal nanahimik at nahimlay sa ilalim ng Batas Militar saka natin ilulunsad ang ikalawang yugto ng aking istratehiya. RICARDO : Anong istratehiya?

(Papasok si Anong, dala ang apat na tasa ng mainit na kape.)

ANONG : Kape, kape kayo riyan. Kulung-kulo sa init, malinamnam na parang hulog ng langit. (Walang papansin sa dalang kape ni Anong.)

UBALDO : Babalik tayo sa dati, Pare. Business as usual, wika nga. Unti-unti nating luluwagan kung di man gagawing ligal uli ang operasyon ng mga fish pen, pasugalan, paglalako ng droga, maging ang prostitusyon. Natural, ako na ang eksklusibong magmamay-ari ng prangkisa at mamamanihala sa mga nabanggit na negosyo. RICARDO : (Hindi handa si Ricardo sa narinig. Hindi makapaniwala.) Ano? UBALDO : Malaking pera ito, Pare. At huwag kang mag-alala, malaki ang cut mo at ng mga kasamahan mong kagawad ng barangay sa kikitain ng negosyo. Basta siguraduhin mo lang na protektado ang mga interes ko at titiyakin ko naman sa iyo na walang gutom ang pamilya mo sa mahabang panahon. Mabibili mo pa ang mga karangyaang nais mo para sa iyo at sa iyong pamilya. RICARDO : Pero ano na lang ang sasabihin ng mga mamamayan? Ng mga taong naghalal at nagtitiwala sa akin? UBALDO : Ayan ka na naman. Sinabi ko na sa iyong malilimutan din nila ang lahat. Halos araw-araw ay may sumusulpot na mga bagong isyu na maaaring makaagaw ng kanilang atensiyon. Balita tungkol sa isang kongresistang nang-rape ng onse anyos na babae. Mga unggoy na dinapuan ng sakit na nakamamatay na may peligrong makahawa sa tao. Seksing istarlet na nabuntis ng kapwa artista. Pelikulang sa umpisay ilang ulit na ipagbabawal ng mga taga-Censor na maipalabas sa sinehan pero sa bandang huli, kapag sabik na sabik na ang mga tao salamat sa libreng publisidad na nalikha ng kontrobersya na lalo namang pinalaki ng mga taga-media ibibigay din ng Malakanyang ang basbas nito, kaya magmumukha talagang inutil ang mga miyembro ng nasabing lupon. Maniwala ka sa akin, Pareng Carding, hindi mauubusan ng intrigang pag-uusapan ang mga tao. Sakit na ito ng mga Pilipino. Kaya kung nagkataong ikaw ang paksa ng kanilang usapan ngayon at inaaakala mong makasisira ito sa iyong reputasyon, isipin mong pansamantala lamang ang lahat at iyon ay lilipas din. Pabayaan mo sila, Pare. Pagbigyan sila sa kanilang hilig hanggang sa magsawa o mabaling ang pansin sa ibang intriga. Ang importante, Pare, ay kumita tayo ng malaking halaga bago dumating ang susunod na eleksyon. RUDY : (Sisilip sa bintana at makikitang pabalik na si Arsenia. Halos pabulong.) Bosing, dumarating na si Misis. UBALDO : (Parang walang narinig.) Pero kailangan ko ang iyong buong suporta at kooperasyon, Pare. Malaki na ang nagagastos ko sa pangangampanya mo. Kani-kanina lamang ay tatlong libo ang nadale ng mag-asawang Curing at Tomas. Handa akong gumastos hanggang

sa huling oras. Kahit magkano. Pero kailangang tulungan mo akong makabawi sa mga gastos ko pag nasa puwesto ka na. At ngayon ko kelangan ang iyong pasya. RICARDO : Pero Pare, para yatang... (Magpapanting ang tainga at magtataas na ng boses si Ubaldo.)

UBALDO : Hindi ako papayag na mauwi sa wala ang mga pera at panahong pinuhunan ko sa kandidatura mo, Pare. Ang negosyo ay negosyo, at kahit ano pa ang mangyari... RUDY : (Alumpihit at hindi malaman ang gagawing pag-awat kay Ubaldo.) Bosing, ayan na... (Papasok mula sa kanang pinto si Arsenia, may dalang supot ng tinapay.)

ARSENIA : Naku, pasensya na kayo, medyo natagalan ako. Ang daming namimili sa tindahan. ANONG : Ang mahalagay narito na ang tinapay at pwede nang pakanin ang mga bulateng alaga natin. ARSENIA : Ito talagang si Ka Anong, hindi na naging seryoso kahit kaylan. O sige na, Pare. Magmiryenda na muna kayo. (Iaabot ang tinapay.) UBALDO : (Tatanggihan ang alok ni Arsenia.) Salamat na lang, Mare. Ang tutooy hindi na ako magtatagal dahil may aasikasuhin pa ako. May mga taong naghihintay sa akin sa opisina. Pare, maaga uli tayo bukas. Naabisuhan ko na ang mga taga-Purok Singko. Inaasahan nila ang ating pagdalo. RICARDO : O sige, Pareng Baldo. Bukas nang umaga. UBALDO : Rudy, Ferdie? RUDY : Yes Bos. Senyang, Kapitan, tuloy na kami. (Kakaway na lamang ng pamamaalam si Ferdie, tango at kaway ang magiging tugon ng magasawa. Lalabas sa kanang pinto sina UBALDO, Rudy at Ferdie.)

ANONG : Iyan na nga ba ang sinasabi ko noon pa, Kapitan. RICARDO : (Matalas ang ipupkol na tingin kay Anong sabay bulalas.) Anong..! ARSENIA : (Maiintriga.) Ang alin? Anong sinasabi ang ibig mong sabihin, Anong? ANONG : (Iiwas ng tingin kay Arsenia at mabilis na dadampot ng isang tasang kape.) Itong

kape, Aling Senyang. Napatapang yata sa tubig ang kanaw ko. Hindi pinansin ni Mr. Ubaldo Carpio at ng kanyang mga kasama. (Biglang babaguhin ang usapan. Ngingiti, labas ang ngiping bungi.) E, Kapitan. May sasabihin sana ako sa inyo, eh. Pero nakakahiya. ARSENIA : Babale ka? Ikaw talaga, Anong. Araw-araw na lang, ganyan ang dayalog mo sa amin. Para ka naman palaging iba kung magsalita. Magkano ba? ANONG : Singkwenta pesos lang. Pambili ng sankilong bigas, konting ulam at panggastos ni Maria sa bahay. ARSENIA : Etong sandaan, o. Dalhin mo na yan. ANONG : Naku salamat ho, Kapitana. Talagang napakabait ninyo. Makakaasa rin kayo sa boto ng aking pamilya. ARSENIA : Ikaw talaga... RICARDO : Narinig mo, Anong, ang bilin ni Pareng Baldo. Maaga tayo bukas, kaya bago magalas-sais ay dapat nandito ka na. ANONG : Yes, Captain. Always at your funeral service, sir. See you tomorrows. ARSENIA : Hay, nag-ingles na naman po. Sige na, baka namumuti na ang mga mata ni Maria sa kahihintay sa iyo. (Lalabas sa kanang pinto si Anong.)

Magpahinga ka na muna sa kuwarto, Ric. Alam kong pagod ka na, at bukas ay maaga uli ang lakad mo. Kanina pa ako nakaluto ng hapunan. Iyiinit ko na lang. Tatawagin kita kapag nakahanda na. RICARDO : Senyang, kelangan ko talagang magpahinga, pero importanteng mag-usap muna tayo. ARSENIA : Tungkol ba kay Pareng Baldo? RICARDO : Oo. Tama ang hinala mo. Ginagamit lamang ako ni Pare. Ang aking pagkapanalo sa eleksyon ay isa lamang baytang sa mataas na hagdan ng kaniyang pangarap. ARSENIA : Ano ngayon ang balak mo? RICARDO : Ewan ko. Hindi ito ang pangarap ko para sa ating kinabukasan. Ang nais koy isang simple at matahimik na buhay. ARSENIA : Ako man. Talagang ayaw ko ng gulo.

RICARDO : Alam mong ang pagsali ko sa pulitika ay udyok ng isang malinis na hangaring magsilbi sa ating barangay sa pag-aakalang kung hindi ako kikilos ay para ko na ring inamin na ako ay kabahagi ng nagaganap na kabulukan sa ating lipunan, sapagkat ang pananahimik at di pagkibo ay kadalasang katumbas na rin ng pagsang-ayon. Hindi ito ang uri ng lipunang ibig kong magisnan at manahin ng ating lumalaking mga anak at ng mga magiging anak pa nila pagdating ng panahon. ARSENIA : Pero maraming paraan para... RICARDO : Alam ko. Nong unay nasabi kong nakahanda kong isugal ang katahimikan ng ating pribadong pamumuhay at makihalo sa magulong daigdig ng pulitika, kung kinakaylangan, para mabago lang ang takbo ng ating lipunan. Pero hindi ko inaasahan na sa ganito hahantong ang aking mga pangarap. Handa akong magsilbi sa aking kapwa, pero ayaw kong pagamit sa kanino man. ARSENIA : Naiintidihan kita, Ric. RICARDO : (Hahawakan si Arsenia sa magkabilang balikat.) Hindi tayo mayaman, Senyang. Pero hindi naman tayo masasabing mahirap, dahil ang ating magandang pangalan at dignidad ay higit pa sa alin man yaman dito sa mundo. Hindi ang salapi at kapangyarihang bunga ng panunungkulan sa pamahalaan ang habol ko sa aking pagkandidato. At kung dahil lamang sa pulitika ay makokompromiso ang ating katapatan sa Diyos at sa bayan, kahit ngayon mismo ay handa kong iatras ang aking kandidatura at bumalik sa matahimik at simpleng pamumuhay na aking nakasanayan. ARSENIA : Pero paano si Pareng Baldo? Sa palagay mo kaya ay papayag sya na basta ka na lamang umurong sa iyong kandidatura at balewalain ang kanyang ginawa? RICARDO : Hindi nga. Tahasan niyang sinabi kanina na hindi s'ya papayag na mauwi sa wala ang kanyang puhunan at pagod. Kailangan niya ang aking kooperasyon at hinihintay niya ang aking pasya. ARSENIA : Dangan kasiy nagtiwala ka nang husto sa taong yan. RICARDO : Yan ang aking pagkakamali. Nadala ako sa kanyang mahusaay na paliwanag at magandang pakisama. Wala akong kaalam-alam sa tunay na pagkatao ni Pareng Baldo. Ang pagkakilala ko sa kanyay isang taong may kaya sa buhay at lubos na kagalang-galang. ARSENIA : Akala ko bay kasamahan mo s'ya sa Parish Council of the Laity? RICARDO : Oo, at maging sa Adoracion Nocturna. Bukambibig niya ang kahalagahan ng pamumuhay nang ayon sa mga turo ng Bibliya. Ang kanyang donasyon sa mga pagawaing pangsimbahan ay laging malaking halaga at makikita mong sadyang bukal sa kanyang kalooban. Sa mga prayer meeting ay hindi niya nakakalimutang banggitin ang mga dukha at kapuspalad na sa Diyos lamang umaasa, at lagi niyang pinasasalamatan ang Maykapal sa masaganang

pagpapala na kanyang tinatamasa sa kanyang mga kabuhayan. (Mapapailing.) Yun palay pawang ilegal at labag sa utos ng Diyos ang kanyang mga hanapbuhay at s'ya mismo ang bumibiktima sa mga kapuspalad nating mga kabarangay na nararahuyo sa masasamang bisyong pinalalaganap ng kanyang malawak na galamay. At ngayon... ngayon ay gusto niya akong gawing kasosyo at kasangkapan para lalong mapalakas at mapalago ang mga ito. Senyang, naguguluhan ako. Parang hindi ko na alam ngayon kung ano ang nararapat kong gawin. ARSENIA : Tingin koy mabuting kaybigan si Kumpare, pero mapanganib na kaaway. Anong malay natin, baka may mga armado rin syang tauhan gaya ni Kapitan Martin? RICARDO : Meron nga. Sa kanyang bibig na rin nanggaling ang bagay na yan. Pero sa kanya ay hindi ako takot. Ang inaalala ko ay ikaw at ang ating mga anak. Hindi kayo dapat masangkot dito. Nasaan na nga pala sina Boyet at Nenita? Nakauwi na ba sila galing sa eskwela? ARSENIA : Aba, oo nga pala! Nawala sa loob ko ang dalawa. Anong oras na ba? RICARDO : Pasado alas-sais na. Hindi ba dapat ay kanina pa silang bago mag-alas-singko narito? ARSENIA : Malamang na natokahan na namang cleaner sa klase si Boyet. Pero maggagabi na. At bakit pati si Nenet ay wala pa rin hanggang ngayon? RICARDO : (Dudungaw sa bintana.) Ano bang paalam sa yo bago umalis? ARSENIA : Wala naman. Kaya lang... Nako, Ric, kinakabahan ako. Napakarami pa namang durugista ngayon at usung-usong ang pangre-rape sa mga batambatang gaya ng ating anak. Mabuti pa kayay puntahan mo na sa eskwelahan, at kung wala na roon ay ipagtanong mo kina...Ano na nga ba ang pangalan ng kaklase niyang... RICARDO : Oo, alam ko na. Aalis muna ako. (Aktong lalabas si Ricardo, ngunit matitigil dahil sa biglang pagpasok ng tatlong armadong lalaki, kasunod si Kapitan Martin Basco.)

RICARDO : Anong ibig sabihin nito? Sinong kelangan..? Kapitan Martin, kayo pala! Tuloy kayo. Biglaan yata ang inyong pagdalaw? (Hindi tutugon si Kapitan Martin. Ibubuka ang palad, at isa sa mga kasamang lalaki ang magaabot ng makapal na enbelop. Ibibigay ito ni Kapitan Martin kay Ricardo.)

Ano yan? Anong kahulugan nito, Kapitan? KAP. MARTIN : Dalawang milyong piso. Cash. Iatras mo ang iyong pagkandidato.

RICARDO : Binibili nyo ba ako, Kapitan? Binabayaran nyo ba ko? KAP. MARTIN : Hindi. Pero sige. Ayaw ko nang masyadong mahabang usapan. Magkano ba talaga ang presyo mo? (Ipapatong ni Kapitan Martin ang enbelop sa mesa, muling ibubuka ang isang palad, at iaabot sa kanya ng isa sa mga kasama ang checkbook at ballpen. Susulatan ni Kapitan Martin ang tseke.)

RICARDO : Sorry ho, Kapitan. Pagod ako at kailangan kong magpahinga. (Dadamputin ni Ricardo ang enbelop sa mesa at ibabalik kay Kapitan Martin.)

Makakaalis na kayo. KAP. MARTIN : Pagod din ako sa mahabang biyahe, Carding. Ang mabutiy maupo muna tayo. (Muupo si Kapitan Martin, ang lahat ay mananatiling nakatayo. Ibubukas niya muli ang isang palad, at isa sa mga tauhan niya ang mag-aabot ng tabako, isa naman ang dudukot ng layter para sindihan iyon.)

Pasensiya ka na sa akin, Senyang. Gusto ko lang makatulong sa inyong mag-asawa para mabawasan ang inyong sakit ng ulo. Hindi gawang biro ang mapasubo sa pulitika, alam nyo yan. (Hihithitin ni Kapitan Martin ang tabako, nanamnamin iyon nang maigi, at pagkatapos ay ibubuga ang usok na parang kaysarap-sarap ng pakiramdam. Itataktak ang abo ng tabako sa sahig. Tatayo at igagala ang paningin sa loob ng bahay.)

Akala koy madali tayong magkakaintindihan kapag pera ang hinayaan kong magsalita. Hindi pala. (Lalapit kay Senyang.) Si Carding palay kasama ng maraming kakilala ko noong araw na may matatag na paninindigan at banal na prinsipyo. (Iiling.) Tsk-tsk...Sayang, magaganda ang kanilang mga ipinaglalabang prinsipyo, pero ang mga prinsipyong iyon ay kasama na nilang napalibing sa kanilang hukay. RICARDO : Kung naparito kayo para takutin ako, Kapitan... KAP. MARTIN : Hindi kita tinatakot, Carding. Sinabi ko na sa iyo, naparito ako para magbigay ng tulong. RICARDO : Salamat nang marami, Kapitan. Pero dinaramdam ko, hindi ko kailangan ang

inyong tulong. Ipaubaya ninyo sa akin ang pagpapasya tungkol sa aking... KAP. MARTIN : (Itataas nang bahagya ang kaliwang palad para pigilin sa pagsasalita ang kausap.) Bueno, gusto ko lang makasiguro na nagkakaintindihan tayo. Hindi na ako magtatagal. Alam kong gusto mo nang makapagpahinga. (Tatayo si Kapitan Martin, lalapit naman sa may pintuan ang mag-asawa para ihatid ito. Pero hindi aalis sa kinatatayuan ang tatlong alalay ni Kapitan.)

Ah... At siyanga pala. Ang dalawang milyong pisong ibinibigay ko ay paunang bayad pa lamang. Pagkatapos ng eleksyon, pumasyal ka minsan sa opisina at pag-usapan natin ang ilang mga negosyo na puwede nating pagkakitaan. Titiyakin ko sa iyong mas malaki ang magiging parte mo, hindi katulad ng iniaalok sa iyo ng kumpare mot campaign manager na si Mr. Ubaldo Carpio. RICARDO : Wala akong alam sa inyong sinasabi. KAP. MARTIN : Carding, ayaw kong akoy pinararatangan na isang sinungaling. RICARDO : Pero ang sinasabi ninyoy... KAP. MARTIN : Sinasabi koy umatras ka na hanggat maaga, ipaubaya mo sa akin ang pamumuno sa Barangay Ipil-ipil, at kung kailangan mo ng trabaho bukod sa dalawang milyong pisong donasyon ko sa inyong mag-asawa ay pumasyal ka lamang sa aking tanggapan at pagusapan natin ang magiging parte mo sa aking negosyo. May malabo ba sa sinasabi ko? RICARDO : May trabaho ako at hindi ko kailangan... KAP. MARTIN : Bueno, marahil ang kailangan mo konting dagdag na paliwanag. Yang putris na Baldong iyan ay matagal nang kumakalaban sa akin. Takot siyang humarap sa akin sa pulitika dahil ayaw niyang malantad ang kabulukan ng kanyang mabahong pagkatao. Pero kailangan niya ang kapangyarihan at proteksyon ng pulitiko para sa paglago ng kanyang mga iligal na negosyo. Kaya sa halip na tumakbong kandidato, binabayaran niya ang iba upang tumakbo para sa kanya. RICARDO : Hindi ako tumatanggap ng bayad kay Pareng Baldo o sa kanino man para kumandidato. KAP. MARTIN : O sige, sige na. Hindi ka nga tumatanggap ng bayad sa campaign manager mo, pinopondohan lamang niya ang lahat ng gastos mo. Pero matagal ko nang kilala iyang si Baldo. Hindi iyan basta-basta bumibitiw ng salapi nang walang kapalit. Pareho lang kaming mangangalakal, Carding. Mas malaki nga lang ako kung maglagay at mas galante ako kung magbigay ng kaparte. ARSENIA : (Matigas ang pananalita.) Kapitan Martin, ang pasya ng aking asawa ay hindi

ipinagbibili. Utang na loob, umalis na kayo bago ko kayo ipagtulakan at paringgan ng mga salitang hindi nyo kayang sikmurain! (Susunggaban ng isa sa mga alalay ni Kapitan Martin si Arsenia sa buhok.)

ALALAY : Hoy babae, matuto kang rumespeto kay Kapitan. Ayusin mo ang dila mo kung di mo gustong...! RICARDO : Walanghya ka! Bitiwan mong asawa ko! (Susuntukin ni Ricardo ang alalay ni Kapitan Martin, babagsak ito sa lakas ng suntok, magkasabay namang lalapit ang dalawa pang alalay, nakatutok ang baril sa mag-asawa.)

KAP. MARTIN : Hihintayin ko bukas ang iyong pasabi tungkol sa pag-urong ng iyong kandidatura, Carding. Huwag mo nang patagalin ang pag-iisip. Madali akong mainip. Tayo na, mga bata. (Aaktong papalabas ng bahay si Kapitan Martin, kasunod ang tatlong alalay. Pagdating sa may pinto ay titigil.)

Henga pala. Ang dalawang bata ay nasa mabuting kalagayan. Kung gusto nyong makita pa silang buhay ay magsabi lang kayo sa akin. Adyos. ARSENIA : Dyos ko! Ang ating mga anak! Kaya pala hanggang ngayon ay wala pa ang ating mga anak! RICARDO : Talagang mga hayup kayo! Kapag may nangyari sa mga bata ay pagbabayarin ko kayo nang malaki! (Susugurin ni Ricardo si Kapitan Martin. Haharangan si Ricardo ng tatlong alalay ni Kapitan Martin, nakatutok kay Ricardo ang mga baril. Matitigilan si Ricardo, saglit na magkakatitigan sina Ricardo at Kapitan Martin. Bibitiwan ni Kapitan Martin ang tabako at dudurugin iyon sa pamamagitan ng pagyapak. Sa isang hudyat ng kapitan ay pupukpukin ng baril sa ulo si Ricardo ng isa sa mga alalay. Babagsak si Ricardo, walang malay. Hahagulgol ng iyak si Arsenia. Kukunin ng isa sa mga alalay ang enbelop sa mesa. Lalabas sa kanang pinto ang apat.)

ARSENIA : Ric! Dyos ko po, Ric, gumising ka! Utang na loob, Ric... Bumangon ka! Kailangang gumawa ka ng paraan para mabawi ang ating mga anak! Ric! Ric! (Hihilahin ni Arsenia si Ric at ihihiga sa mahabang sofa. May maririnig na katok sa kanang pinto. Iiwan ni Arsenia ang asawa. Papahirin niya ang luha, aayusin ang buhok at damit, at saka bubuksan ang pinto. Papasok sina Tomas at Curing.)

Kayo pala, Mang Tomas, Aling Curing. Tuloy ho kayo. CURING : Magandang gabi sa iyo, Senyang. Aba, bakit parang bagong iyak ka yata? TOMAS : Oo nga. Bakit, may nangyari ba? ARSENIA : Naku, wala ho. (Kukusut-kusutin ang mata.) Napuwing lang ho ako. A, s'ya nga pala. (Tatapik-tapikin ang asawang nasa sofa.) Ric, Ric. Bangon na diyan. Nandito na sina Mang Tomas. (Sa dalawang bisita.) Pasensya na ho kayo, kasi pagud na pagod iyan. Kararating lang kanina. Hindi na nakapag-ayos ng sarili at dito na sa sofa nakatulog. Ric...? (Uungol si Ric, ididilat ang mga mata, kakapain ang batok, at marahang babangon na tila bagong gising.)

TOMAS : Magandang gabi sa iyo, Carding. Pasensiya ka na, naistorbo ka namin sa pagtulog mo. May mahalaga sana kaming sadya ni Curing sa iyo. CURING : Oo nga. Kahiya-hiya man, e... RICARDO : Se...Senyang, hindi ba...kagagaling lang ng mga iyan dito...kanina? Bakit nandito na naman...sila? ARSENIA : Ano bang kagagaling lamang ang pinagsasasabi mo? Kararating lang ng mga iyan dito. (May maririnig na katok sa kanang pinto.)

Teka muna, bubuksan ko lang ang pinto. Aling Curing, Mang Tomas, maupo muna ho kayo. (Bubuksan ang pinto, papasok si Ubaldo.)

Aba, Pareng Baldo, napasyal ka. Tuloy... tuloy ka sa aming munting dampa. UBALDO : Salamat, Mare. Aba, Pareng Carding. Kumusta ba? Napag-isipan mo na bang maigi ang proposisyon ko? TOMAS : Ano bang proposisyon? Mapagkakakitaan ba yan? ARSENIA : Alam nyo Mang Tomas, si Ric ay matagal nang inaawitan nitong si Pareng Baldo na kumandidato sa eleksyon ng barangay captain sa isang taon. TOMAS : O, sa isang taon pa pala yan e. Bakit ba kay layu-layo pay eleksyon kaagad ang

pinag-uusapan ninyo? UBALDO : Maigi na yung hanggat maaga ay kumikilos na. Daig raw ng maagap ang masipag, Mang Tomas. ARSENIA : Hay naku, Pare. Tigilan mo na ang kakukumbinsi mo sa kumpare mo. Alam mo namang kuntento na kami sa tahimik naming buhay, at siguradong pag-aawayan lang namin araw-araw ang bagay na yan oras na magpasya syang pasukin ang pulitika. Di ba Ric? RICARDO : Oo...pero...ang ating anak...? Paano ang ating mga anak? ARSENIA : Andyan sa labas, naglalaro. (Makakarinig uli ng katok sa kanang pinto. Bubuksan ni Arsenia ang pinto, at papasok sina Anong at Kapitan Martin.)

A, kayo pala, Kapitan Martin. Tuloy kayo. Isang malaking karangalan ang pagbisita ninyong ito sa amin. Anong, tuloy ka. ANONG : Nagpasama sa akin si Chairman dito. May mahalaga raw na sadya kay Mang Carding. KAP. MARTIN : Magandang gabi sa inyo. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Alam kong malayo pa ang eleksyon, pero gusto ko sanang... (Mapapatigil dahil may mapupunang kakaiba sa itsura ni Ricardo.) Teka. Carding? Bakit parang namumutla ka? May sakit ka ba? UBALDO : (Tititigang maigi si Ricardo.) Oo nga naman, Pare. Parang kanina ka pa wala sa sarili mo. Saka bakit lagi mong hawak ang batok mo, may masakit ba? RICARDO : (Biglang iaalis ang pagkahawak sa batok.) A...e...kwan, napataas lang at medyo matigas ang nagamit kong unan, itong...gilid ng sofa. (Mapapahawak uli sa batok at hihimasin iyon.) Nabanat yata ang ugat ko. Pa...pasensiya na kayo sa akin. KAP. MARTIN : Bueno... Ang mabuti pa siguroy sa ibang araw na lamang makabalik. Tutal, sa isang taon pa naman ang eleksyon. O... ano, Anong sasabay ka na ba sa akin? ANONG : Aba, oho, Kapitan. Paalam na sa inyo. ARSENIA : Pasensya na ho kayo, Kapitan. Balik na kayo sa ibang araw. (Lalabas sina Kapitan Martin at Anong sa kanang pinto.)

UBALDO : Well, tingin koy kelangan nga ni Pare ang magpahinga, kaya akoy sisibat na rin. Bukas na lang, Pre.

RICARDO : S-s-sige... Pare. (Lalabas si Ubaldo sa kanang pinto.)

TOMAS : Aba, e... aalis na rin kami. Sige na iho, magpahinga ka nat sa ibang araw na lang uli kami papasyal. Senyang... ARSENIA : Sige ho, Mang Tomas, Aling Curing. (Lalabas sina Tomas at Curing sa kanang pinto. Lalabas si Arsenia sa kaliwang pinto, pagkaraan ay muling papasok na may dalang pinggan at kutsara.)

RICARDO : Senyang, ang mga bata? ARSENIA : (Habang ipinapatong ang mga pinggan at kutsara sa mesa.) Kanina mo pa itinatanong ang mga bata. Nasa labas lang sila. Naglalaro. Hindi bat ikaw pa nga ang nagpalabas kanina sa kanila dahil gusto mong makapagpahinga? Nasigawan mo pa nga yung dalawa dahil maingay sila. Sa sobrang pagod moy diyan ka na sa sofa nakatulog. (Ilalakas ang tinig.)

Boyet...! Nenita...! Halina nga kayot gabi na! BOYET at NENITA : (Sa labas ng tanghalan) Opo, Inay! (Lalabas uli sa kaliwang pinto si Arsenia. Tumatakbong papasok sina Boyet at Nenita, magmamano kay Ricardo) BOYET at NENITA : Mano po, Tay. (Papasok si Arsenia mula sa kaliwang pinto, may bitbit na kaldero ng kanin at sandok.)

ARSENIA : Hala sige, tumuloy na kayo sa banyo at magsipaglinis ng katawan. Bilis-bilisan ninyo. Maya-maya lang ay kakain na tayo. (Lalabas sa kaliwang pinto sina Boyet at Nenita. Iuusod ni Arsenia ang maliit na mesa, aalisin ang flower vase. Luluhod sa harap ng mesa at doon maglalatag ng pagkain.)

RICARDO : Senyang, nakapag-isip-isip na ako. Buo na ng aking pasya.

ARSENIA : (Habang nagsasandok ng kanin.) Tungkol na naman ba yan sa eleksyon? Sa iminumungkahi sa iyo ni Pareng Baldo? RICARDO : Oo, Senyang. Naisip kong... ARSENIA : Ric, huwag ka na munang mag-isip. Saka ka na magdesisyon. Pagod ka sa trabaho, kaya ang kailangan sa iyoy magrelaks. (Tatayo at lalabas sa kaliwang pinto.) RICARDO : Pero Senyang... (Papasok uli si Arsenia, bitbit ang mangkok na may ulam.)

ARSENIA : Matagal pa ang eleksyon, Ric, kaya kalimutan mo muna yan. Ang mabuti pa, kumain ka na ng hapunan at pagkatapos ay pumasok ka sa kuwarto at doon mo ituloy ang naputol mong pagtulog kanina diyan sa sofa. (Ilalakas ang tinig.)

Boyet...! Nenita...! Halina ng kayot kakain na! BOYET at NENITA : (Sa labas ng tanghalan.) Andiyan na po, Inay! (Papasok sina Boyet at Nenita mula sa kaliwang pinto. Luluhod sa harap ng mesa ang maganak. Pamumunuan ni Nenita ng pagdarasal bago kumain.)

NENITA : Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen. Basbasan mo po kami, Panginoon, at itong iyong mga kaloob na ngayon ay aming tatanggapin mula sa yong kabutihan, sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen. (Uupo ang lahat at magsisimulang kumain, maliban kay Ricardo, na patuloy pa ring nakaluhod, nakatungo, at taimtim na mananalangin...hanggang sa pagsasara ng tabing.)

You might also like