P. 1
Sanaysay Buwan Ng Wika2011

Sanaysay Buwan Ng Wika2011

|Views: 3,106|Likes:
Sanaysay/Essay na nakaangkla sa tema ng Buwan Ng Wikang Pambansa 2011
Sanaysay/Essay na nakaangkla sa tema ng Buwan Ng Wikang Pambansa 2011

More info:

Published by: David Michael San Juan on Aug 25, 2011
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

11/07/2015

pdf

text

original

Pedagohiyang Mapagpalaya at Makabansa sa Wikang Pangmadla: Ilaw at Lakas sa Matuwid na Landas ng Demokratisasyong Pampulitika at Pang-ekonomya1

David Michael M. San Juan2

“Kung mapalalaya lamang natin ang malikhaing lakas ng ating sambayanan, makakamtan natin ang isang bansang puno ng pag-asa at puno ng ligaya, puno ng buhay at puno ng pag-ibig — isang bansang di magiging bansa para sa ating mga anak, kundi isang bansa ng ating mga anak.” – Senador Jose “Pepe” Wright Diokno Inihayag ng United Nations sa 2010 Human Development Report (HDR) na nasa ranggong ika-99 ang Republika ng Pilipinas sa talaan ng 169 na bansa sa buong daigdig. Sa payak na pananalita, mahigit kalahati ng daigdig ang nakalalamang sa Pilipinas sa aspekto ng edukasyon, kalusugan at kita. Nasa ika-77 puwesto ang bansa
Sanaysay/Essay para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2011; nakaangkla sa opisyal na temang inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino/KWF: “Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas” Instruktor sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University (DLSU)-Manila; nagtapos ng Bachelor in Secondary Education major in Filipino (magna cum laude) sa Bulacan State University, at Master of Arts in Teaching Filipino sa Philippine Normal University; may ilang yunit sa Master of Arts in International Studies major in European Studies sa DLSU-Manila; kumukuha ng PhD in Southeast Asian Studies sa Centro Escolar UniversityManila; itinanghal na Makata ng Taon 2010 ng Komisyon sa Wikang Filipino/KWF (Unang Gantimpala sa Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Tamayo) at 2009 Mananaysay ng Taon ng KWF (Unang Gantimpala sa Gawad Surian sa Sanaysay); dating officer-in-charge ng Kagawaran ng Filipino sa Mataas na Paaralan ng Colegio San AgustinMakati; co-founder ng BackPackers Media Group, Inc.; board member ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink. (PSLLF) at kontribyutor sa antolohiyang “Rizal ng Bayan.”
2 1

1 sa 35

noong 2000 at ika-66 naman noong 1990. Ang “isang bansa ng ating mga anak” na pinangarap ni Senador Jose Wright Diokno noong dekada 80 ay nananatiling pangarap pa rin sa panahon ng pangulong nangakong dadalhin ang bayan sa “tuwid na landas” ng kaunlaran. Sa gitna ng ganitong pambansang trahedya, ang pagtataguyod ng pedagohiyang mapagpalaya at makabansa sa wikang pangmadla ang

pinakamaliwanag na sulong tanglaw at lakas ng sambayanan tungo sa landas ng kaunlaran sa pamamagitan ng demokratisasyong pampulitika at pang-ekonomya. Sa pagbaybay sa landasing ito, mahalagang linawin kung paano nasadlak sa malakumunoy na kalagayan ang bansang dati-rati’y Perlas ng Silangan sa potensyal at kagandahan. Matinding Paghihikahos ng Sambayanan sa Panahon ng Globalisasyon Tinatayang 70% ng mga Pilipino (o 70 milyong mamamayan) ang nabubuhay nang mas mababa pa sa 42 piso o 1 dolyar bawat araw – ang halagang itinakda ng United Nations na diumano’y kailangan ng isang tao upang mabuhay nang disente. Ang karaniwang student meal sa University Belt ng Metro Manila ay nagkakahalaga ng 30 – 80 piso kaya tiyak na mas malaki na ang aktwal na bilang ng mga Pilipinong dukha kaysa sa isinasaad ng opisyal na estadistika. Halos 70% ng mga Pilipino rin ang nagsabing sila’y “mahirap” batay sa isang survey na isinagawa ng Ibon Foundation noong Abril 2010. Sa pag-aaral naman ng Food and Nutrition Research Institute/FNRI (isang ahensya ng gobyerno) noong 2008, mayroong 4,000,000 batang Pilipino ang malnourished bunsod ng matinding kahirapan. Sa pagtataya naman ng Kalipunan ng Damayang Mahirap (KADAMAY), may 30,000,000 Pilipino ang maituturing na maralitang tagalunsod o urban poor (2008). Malaking porsyento sa kanila ang walang

2 sa 35

sariling bahay at lupa, at wala ring trabaho. Batay naman sa National Statistics Office/NSO (2010), halos 3,000,000 Pilipino ang walang trabaho at mahigit 7,000,000 naman ang kulang sa trabaho o underemployed. Dahil sa kawalan ng sapat na oportunidad na makapaghanapbuhay sa sariling bansa, 4,000 Pilipino ang umaalis sa bansa araw-araw para magtrabaho sa ibayong-dagat ayon sa Philippine Overseas Employment Administration/POEA (2006). Tatlo hanggang apat na OFW bawat araw ang umuuwing “nakakahon” na. Ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay tinatayang mula mahigit 8,000,000 hanggang 10,000,000. Bato, Noodles, Prostitusyon at Surrogate Ulam: Kakaibang Sukatan ng Kahirapan Higit na kagimbal-gimbal ang datos sa mga di karaniwang sukatan ng kahirapan. Iniulat ng Agence France Presse (2008) na 3,000 sa 50,000 residente ng Baseco (isang komunidad ng mga maralita sa Maynila) ang nagbenta ng isang bato nila sa mga dayuhan. Marami ring Pilipino ang nagbebenta ng dugo, ngipin at iba pang bahagi ng katawan dahil sa matinding kahirapan. Bagamat ilegal ang prostitusyon sa bansa, tinatayang may “800,000 prostitute ang nakatira at nagtatrabaho sa Pilipinas. Kalahati sa kanila ang menor de edad” (Yrasuegui at Esselborn, 2008). Tinalakay naman noong Abril 29, 2010 sa ispesyal na edisyon ng Sine Totoo ng GMA 7 ang matinding kagutuman na dinaranas ng maraming Pilipino sa isang episode na pinamagatang “Philippine Agenda: Gutom.” Inilahad nito ang karanasan ng mga pamilyang Pilipino na kumakain ng tira-tirang pagkain mula sa basura (tinatawag na “pagpag” o “kaningbaboy”). Maraming Pilipino na rin ang nagtitiis sa kanin na tinambalan ng “surrogate ulam” gaya ng toyo, kape, mantika ng baboy, asin, pulang asukal, bagoong at iba pa. Ang lumang euphemism sa pagdaralita – “pagdidildil ng asin” – ay literal na nagaganap
3 sa 35

at malaganap na. Tila pinagpala pa nga ang mga nakakakain ng kanin at “surrogate ulam” dahil ayon sa Global Call to Action Against Poverty/GCAP-Philippines (2008), “Para sa maraming mahihirap na pamilya, ang instant noodles na naglalawa sa sabaw ay kumpletong pagkain na.” Ang pagbebenta ng murang noodles ay bahagi na ng isa sa mga programang kontra-kahirapan ng pamahalaan na tinaguriang “Tindahan Natin.” Sa ilalim ng nasabing programa ay tinitiyak ng gobyerno ang pagkakaroon ng access sa murang noodles at bigas ng mga maralita. Kaugnay nito, ayon sa Flour Fortification Initiative (2010), isang internasyunal na network ng mga kumpanya, NGOs at mga akademista, tumaas ng 11% bawat taon ang pagkonsumo ng noodles ng mga Pilipino sa nakaraang 10 taon. Pagdaralita sa Ika-21 Siglo: Resulta ng Mga Modernong “Tanikalang Diyamante” Kung pagtatagni-tagniin ang mga kalat-kalat na estadistikang ito, mahihinuhang habang mabilis na umuunlad ang ibang bansa sa iba’t ibang aspekto (sa antas makroekonomiko man lamang sapagkat ibang usapan pa kung nakarating o nag-trickle down ba sa mga ordinaryong mamamayan ang “progreso” nila), nananatiling mabagal ang pag-unlad ng Pilipinas sa kabila ng lubos na pagyakap ng bansa sa kapitalismo at mga preskripsyon ng huwad na globalisasyon na ipinataw ng mga dayuhan. Inamin ng Puno ng United Nations Information Center sa Maynila na si Therese Debuque na natatalo ang bansa sa digmaan kontra kahirapan: “Mula 1990, ang antas ng matinding kahirapan [sa Pilipinas] ay tumindi sa halip na maibsan.” Samakatwid, bigo ang bansa na kamtin ang kalakhan ng millennium development goals (mga layuning itinakda ng 192 bansang kasapi ng United Nations at mahigit 20 organisasyong internasyunal upang masugpo ang matinding kahirapan sa buong daigdig sa ika-21 siglo).
4 sa 35

Melodramatikong naibuod ng ekonomistang si Alejandro Lichauco – na nagtapos sa prestihiyosong Harvard University – ang kalunus-lunos na kalagayan ng sambayanang Pilipino mula noon hanggang ngayon sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon: “Ito’y isang lipunan kung saan ang mga kabataan ay walang inaasahang magandang bukas; kung saan tinitiis ng mga magulang ang paghihikahos ng kanilang mga anak, at binabagabag sila ng pag-iisip sa madilim na kinabukasan ng kanilang mga anak; kung saan ang mga malalakas ang katawan ay napipilitang iwan ang kanilang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa; kung saan ang mga matatanda at ang mga may-kapansanan ay mag-isang namumuhay nang walang tulong; isang lipunan kung saan ang mga siyentista, guro, alagad ng sining, lingkod-bayan, mga propesyunal at mga sundalo ay walang trabaho kundi man kulang ang sweldo...kung saan ang isinilang nang dukha ay namumuhay sa karukhaan at namamatay ring dukha.” Tuluy-tuloy na ipinatupad ng sunud-sunod na administrasyon ang kapitalismo sa konteksto ng huwad na “globalisasyon” na pumapabor lamang sa ekonomya ng mauunlad at

industriyalisadong bansa at ilang kasosyo nila sa mga bansang Third World. Kung ituturing na propesiya ang ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal, maaaring tawaging bagong “tanikalang diyamante,” ang kapitalistang globalisasyon na ipinapataw sa bansa ng mga pinunong tila mga karilyong pinagagalaw ng pising hawak ng mga dambuhalang bansang kapitalista. “Tanikala” sapagkat patuloy nitong inilulubog sa karukhaan at pagkaalipin ang sambayanan, at “diyamante” sapagkat may mapanlinlang na kislap ang mga huwad na pangako nito na binalot ng mataginting na retorika gaya ng “malayang kalakalan,” “kapatiran ng sangkatauhan” at iba pa.

5 sa 35

Free-for-All Boxing: Lightweights vs. Heavyweights sa Arena ng Globalisasyon Lantad na ang katotohanang “maling daan” ang kapitalismo at “globalisasyon” dahil sa pandaigdigang krisis-pinansyal na nagsimula noong 2008 at patuloy pa ring nananalasa sa numero-unong bansang kapitalista, ang Estados Unidos. Nalugi ang mga dambuhalang pribadong bangko sa Amerika dahil sa kanilang pagiging ganid sa tubo at nakapagmaniobra sila upang makakuha ng bilyun-bilyong dolyar na pondong pansalba sa pagkalugi (bail-out funds) mula sa buwis ng mga mamamayang biniktima ng kanilang pagiging gahaman. Kung talagang episyente ang kapitalismo, bakit kakailanganin pa ng mga kapitalistang korporasyon ang tulong ng gobyerno sa panahong dumanas ito ng pagkalugi? Hindi ba’t “sinolo,” “kinopo” o sinarili ng mga kapitalistang korporasyon ang tubo sa panahong maganda ang negosyo? Bakit sa panahon ng pagkalugi’y nais nilang magpasalba sa pamahalaan at taumbayan? Malinaw kung gayon na hungkag at bangkarote ang padrong kapitalista kung episyente at pangkalahatang kaunlaran ang layunin sapagkat ni hindi nga nito kayang iligtas ang kanyang sarili! Walang ipinag-iba sa payat at naghihingalong linta na di kayang mabuhay sa kanyang sarili – isang parasitikong organismong nakaasa sa kanyang mga sawimpalad na biktima. Mismong ang mga pari sa “sinapupunan ng imperyalismo” ay namulat na sa kahungkagan ng kapitalismo gaya ng ipinakikita sa dokumentaryong “Capitalism: A Love Story” ni Michael Moore. Sa tanong na “Kasalanan ba ang kapitalismo?” nag-aalab ang sagot ni Padre Dick Preston ng Michigan: “...ang kapitalismo sa ngayon ay masama...labag sa lahat ng mabuti...kontra sa kapakanan ng nakararami...kontra sa pagmamalasakit...kontra sa lahat ng mga pangunahing relihiyon. Kapitalismo ang bagay na tinutukoy sa mga banal na kasulatan na di makatarungan. At

6 sa 35

sa Kanyang sariling paraan, bababa ang Diyos at wawasakin ito. Mali ang kapitalismo at dapat itong buwagin.” Higit pang matalas ang depinisyon ni Padre Peter Dougherty sa kapitalismo: “Ito’y imoral. Ito’y obscene. Ito’y nakagagalit!...Ito’y matinding kasamaan.” Binigyang-laman naman ng isang obispo ang dahilan ng gayong mariing pagpuna ng Simbahan sa kapitalismo: “Tila hindi nakapag-aambag ang sistema sa kapakanan ng lahat ng tao at ito ang dahilan kung bakit taliwas ito sa tinuro ni Hesus na nagsabing Pagpalain ang mga dukha, sa aba ng mayayaman...” Ang kapalpakan ng kapitalismo ay awtomatikong nangangahulugan ng kapalpakan ng “globalisasyon” sapagkat kapitalista ang sistemang ipinatutupad ng mga internasyunal na ahensyang promotor nito gaya ng World Trade Organization (WTO), International Monetary Fund (IMF) at World Bank. Sapilitang ipinayayakap ng tatlong ahensyang multinasyunal ang “malayang kalakalan” sa mga bansang nangungutang upang ang mga mahihirap na bansa’y mabitag sa kumunoy ng karukhaan. Lalong yumayaman ang mga mayayamang bansa, at lalo namang naghihirap ang mga mahihirap na bansa. Sa ilalim ng patakaran ng WTO, maaaring tambakan ng halos lahat ng produkto ng mga mayayamang bansang industriyal ang mga pamilihan sa Third World. Hungkag kung gayon ang ipinamamaraling “malayang kalakalan” ng “globalisasyon” at kapitalismo: “malaya” ang mga bansang may malakas na ekonomya na pagsamantalahan ang mga bansang mahihina, at “global” ang saklaw ng kalakalan ngunit hindi global ang pakinabang. Maihahambing sa isang dambuhalang arena ang kapitalistang globalisasyon: “malayang” makilahok ang bawat bansa, ngunit hindi pinaghihiwalay ang mga lightweight at heavyweight, alalaon baga’y isang free-for-all na suntukan kung saan walang rendang bugbugan ang siyang kalakaran.

7 sa 35

Kapitalistang Globalisasyon sa Pilipinas = Organized Plunder Mula sa parity rights, patakarang dekontrol, deregulasyon ng industriya ng langis, pagpapataw ng value-added tax sa mga pangunahing bilihin, kontraktwalisasyon ng mga mangggagawa, pagtatanggal ng taripa (buwis sa mga produktong imported), tuluytuloy na pangungutang sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank, pribatisasyon ng mga pangunahing industriya at public utilities (gaya ng tubig, minahan, tren at kuryente), higit na paghihikahos lamang ang idinulot ng kapitalistang globalisasyon sa mayorya ng mga Pilipino. Sa maagang bahagi pa lamang ng “malayang kalakalan” sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos mula 1909-1941, kitang-kita na ang mga disbentahe ng kapitalistang globalisasyon (na walang iba kundi aplikasyon ng “malayang kalakalan” sa buong mundo) sa mga bansang hindi pa industriyalisado gaya ng Pilipinas. Mahigit 30 taon pagkatapos ng pagsasabatas ng malayang kalakalan noong 1909, walang kahit anong industriya ang naitayo sa bansa. Nanatiling isang bansa ng mga anak-dalitang magsasaka na nag-iimport ng halos lahat ng produkto ang Pilipinas. Hindi nagtapos sa deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Estados Unidos noong 1946 ang “malayang kalakalan.” Sa pamamagitan ng Bell Trade Act na ipinataw sa taon ding iyon, nagpatuloy ang pananalasa ng “malayang kalakalan” sa Pilipinas. Sinundan pa ito ng patakarang dekontrol na ayon mismo sa noo’y Pangulong Diosdado Macapagal ay ipinatupad ng kanyang administrasyon alinsunod sa rekomendasyon ng IMF. Nagdulot ito ng matinding krisis sa mga Pilipino bunsod ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbaba ng halaga ng mga eksport ng Pilipinas. Tuluy-tuloy na ipinatupad ng mga kontemporaryong rehimen mula kay Marcos hanggang kay Ramos ang patakarang “malayang kalakalan” sa utos ng IMF at World
8 sa 35

Bank. Rumurok ang walang habas na pagyakap sa kapitalistang globalisasyon sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos nang ipatupad ang malawakang “liberalisasyon” ng import sa pamamagitan ng lansakang pagbabawas at pagtatanggal sa mga taripa. Naging isang malawak na duty-free zone ang bansa. Nasaid ang koleksyon ng buwis ng pamahalaan kaya’t ipinataw ng administrasyong Ramos ang noo’y 10 porsyento pa lamang na value-added tax upang “bawiin” sa taumbayan ang kitang itinapon nito sa hangin nang tanggalin at/o bawasan ang mga taripa. Bumaha ng imported na produkto na nagbunsod ng pagsasara ng mga maliliit at midyum na negosyong Pilipino. Bunsod nito, sa pagsambulat ng krisis-pinansyal sa Asya sa mga huling taon ng dekada 90, matinding pagdaralita ang dinanas ng sambayanang Pilipino. Daan-daang libong manggagawa ang nawalan ng trabaho at libu-libong maliliit na industriyang Pilipino ang namatay dahil sa patakarang liberalisasyon ng import. Naglaho ang industriya ng gulong, papel, sapatos at kemikal sa Pilipinas at maging ang mga malalaking negosyo gaya ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI), Caltex at Matsushita Electric Philippines ay naapektuhan. Nalugi ang HLI dahil sa pagbaha ng imported na asukal. Isinara naman ng Caltex ang refinery sa Batangas dahil natatalo na ito ng kumpetisyong dulot ng mas malalaking refinery sa ibang bansa. Nagsara naman ang pabrika ng colored TV ng Matsushita Electric Philippines dahil sa pagbababa ng taripa sa mga imported na produkto. Dahil sa pagkamasunurin ng bansa sa IMF at World Bank, ang Pilipinas ang pinakaapektado sa pagsambulat ng krisis-pinansyal sa Asya batay sa mataas na antas ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas (11%) na higit na mataas sa mga karatig-bansa gaya ng Thailand – 5.5%; Malaysia – 5.3%; South Korea – 6% at Indonesia – 8%.

9 sa 35

Pangunahing tagapagmana ni Ramos ang administrasyong Gloria MacapagalArroyo sa pagpapatupad ng kapitalistang globalisasyon. Ipinagpatuloy nito ang patakarang liberalisasyon sa iba’t ibang industriya gaya ng semento na negatibo pa rin sa pangkalahatan ang epekto. “(N)agbigay lamang ng oportunidad ang globalisasyon sa mga korporasyon, partikular sa mga transnasyunal na korporasyon...na palakihin ang kanilang puhunan...at unti-unting maisakatuparan ang monopolisasyon ng industriya...” (Edralin 2003). Nagdulot din ang globalisasyon ng “pagpapaliit ng lakaspaggawa” (downsizing) sa industriya ng semento sa bansa, bagay na nagpahina sa mga unyon at sa kolektibong kakayahan ng mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, at nagpatibay lalo sa kapangyarihan ng mga korporasyon. Pinasimulan din ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang liberalisasyon ng industriya ng asukal sa pamamagitan ng Executive Order No. 857 na nagbigay-pahintulot sa National Food Authority na mag-angkat ng 150,000 metrikong tonelada ng asukal sa kabila ng mariing pagtutol ng mga lokal na prodyuser. Tinatayang 2,000,000,000 piso ang nawalang kita sa gobyerno dahil sa walang-taripang (duty-free) importasyon ng asukal. Hindi rin naprotektahan ng administrasyong Arroyo ang industriya ng sapatos at garment sa bansa. Nahirapang makipagkumpetensya ang industriya ng sapatos sa Marikina sa pagdagsa ng mga murang produkto mula Tsina at tila naghihingalo na rin ang industriya ng garment sa bansa dahil sa pamamayani ng Cambodia, Tsina at Vietnam sa larangang ito (Beerepoot 2008). Nagdulot ng malawakang pagsasara ng mga pabrika at tanggalan sa trabaho ang ganitong sitwasyon. Ilan lamang ang mga ito sa masasamang karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon. Sa

10 sa 35

kasamaang-palad, gaya ng ipinakita sa mga halimbawa, halos lahat ng mga nakaraang administrasyon ay naging sunud-sunuran sa mga dikta ng dayuhan sa ekonomya. Unggoy Mentality: Mula Kay Charice Pempengco Hanggang sa Mga Pinuno Sa pinakasimpleng diskurso, nag-asal-unggoy ang karamihan sa mga pinuno ng Pilipinas sa nakaraang mahigit 100 taon ng “kalayaan” ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay-ayuda sa organisadong pandarambong ng mga dayuhang kapitalistang korporasyon sa sambayanan, kaya hindi pa rin makaahon sa kumunoy ng kahirapan ang bansa. Nang ihayag ni Freddie Aguilar na “unggoy” si Charice Pempengco dahil sa panggagaya sa mga banyagang mang-aawit, maraming Pilipino ang nagalit kay “Ka Freddie.” Hindi matanggap ng mga Pilipino ang katawagang “unggoy” na salamin ng pagiging mangongopya, manggagagad, o ng kulturang pamimirata sa ginagawa ng iba; samakatwid baga’y ang panggagaya sa anumang makitang ginagawa ng mga Amerikanong dinidiyos, na walang ipinag-iba sa isang matapat na alagang unggoy na ginagagad ang bawat kilos ng among tagapagsanay (halaw sa Ingles na kasabihang Monkey see, monkey do). Malibang itakwil ng bansang Pilipinas ang mga dayuhang padrong sosyo-ekonomiko na bigo sa pagluluwal ng kaunlaran para sa sambayanan, mananatili ang mga “depekto” ng ekonomya ng bansa, mga depektong "hiniram" lamang. Magpapatuloy “ang pagkawasak ng inyong pagkamamamayan, ang pagdurog sa inyong lupang tinubuan, ang pagpapataw ng diktadura!” ang pagiging “(i)sang bansang walang sariling diwa, bansang walang laya,” ng Pilipinas, ayon sa propesiya ni Simoun sa ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo.”

11 sa 35

Masa, Ilustrado at Principalia sa Wika at Kultura: Bunga ng Oportunismong Lingguwistiko at Elitismong Pedagohikal ng Kolonyalismong Kastila Ang patuloy na pangingibabaw ng mga dayuhan at ng iilang elite na Pilipino sa kultura, pulitika at ekonomya ng bansa ay isang malinaw na bunga ng halos walang patlang na kolonisasyon ng bansang Pilipinas. Nang sakupin ng España ang kapuluan, naudlot ang dapat sana’y tuluy-tuloy na pag-unlad ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. Unti-unti, makokonsolida sana ang mga baranggay at sultanato sa pamamagitan ng mga digmaan at kasunduan. Unti-unti, mabubuo ang isang bansa sa kapuluang ito. Maaari ngang ituring na bansa ang Sultanato ng Sulu noon dahil sa lawak ng sakop nitong lugar (malaking bahagi ng Mindanao at Sabah). Kung hindi dumating ang mga Kastila, posibleng lumawak pa ang saklaw nito sa Luzon at Visayas. Maaari rin namang may sumulpot na malakas na sultanato o baranggay sa Luzon o Visayas na makikipagsanib-teritoryo (merging) o kaya’y mananakop ng ibang lugar. Sa kabuuan, kung hindi dumating ang mga Kastila, magaganap nang tuluy-tuloy ang natural at historikal na proseso ng pagbubuo ng bansa o nation-building sa Pilipinas. Gamit ang

taktikang divide et impera, sinamantala ng mga Kastila ang pagkakahati-hati ng mga mamamayan sa kapuluan sa mga malalaya at nagsasariling pangkat etno-lingguwistiko upang masakop ang bansa at mapanatili ang gobyernong kolonyal sa mahigit tatlong siglo. Pinanatili ng mga Kastila ang lingguwistikong dibersidad ng mga indio hindi upang turuan sila ng multikulturalismo, kundi sa halip ay upang samantalahin ang kanilang pagkakahati-hati at nang ang mga Kastila ang makapaghari. Hindi tinuruan ng wikang Kastila at hindi rin binigyan ng sistematikong edukasyon ang lahat ng mamamayan. Arbitraryong isinantabi ng mga prayle ang dekreto ng monarkiya na nagtatadhana ng

12 sa 35

pagkakaroon ng publikong edukasyon para sa lahat ng kolonya, kasama na ang malawakang pagtuturo ng wikang Kastila sa mga mamamayan ng mga kolonya. Sa halip, isang elitistang sistema ng edukasyon ang itinayo ng mga misyonerong prayle para sa mga anak ng mga Kastilang administrador (peninsulares na tubongEspaña at insulares na may-dugong Kastila ngunit tubong-Pilipinas). Binigyan din ng ganitong konsesyong pedagohikal ang mga indio sa alta sociedad, ang mga itinuturing na principalia at ang mga ilustrado upang sila’y maging mga Hispanisadong tagapagtanggol at kasapakat ng kolonyalismong Español. Samantala, pasambutsambot na edukasyong primarya sa panimulang pagbasa, pagsulat at pagbibilang, sa pamamagitan ng mga eskuwelahang caton – na karaniwa’y mas mahaba pa ang oras na ginugugol sa katesismo kaysa sa iba pang asignatura – ang pakunswelong alok sa masang indio. Bunsod nito, sumibol ang tinatawag ni Dr. Zeus Salazar na "dambuhalang pagkakahating pangkalinangan." Nanatiling gumagamit ng mga wikang katutubo at semi-edukado kundi man tahas na di edukado ang kalakhan ng masa, habang narahuyo naman sa wikang Kastila at nagkamit ng kumpleto at de-kalidad na kanluraning literasi ang mga principalia at ilustrado. Nahati ang sambayanan bunsod sa linguistic opportunism at pedagogical elitism ng mga Kastila. Hindi kataka-taka na ang rebolusyonaryong pangkat na namuno sa tahas na paghihimagsik laban sa mga Español, ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) ay itinatag ng mga anak-dalitang gaya ng bodegerong si Andres Bonifacio, habang ang marami-raming mga principalia at ilustrado ang nanatiling tapat sa España hanggang sa mga huling sandali ng paghihingalo nito sa kapuluan.

13 sa 35

Kung

hindi

dumating

ang

mga

Español,

wala

sanang

dambuhalang

pagkakahating pangkalinangan ang hahadlang sa mabilis na pagkakaisa at pag-unlad ng ating bansa. Malamang na naging kasing-unlad tayo ng mga bansang gaya ng Norway, Pransya, Gran Britanya, at Estados Unidos. Nagsimula rin sila sa pagkakaroon ng watak-watak na mga munting kaharian at teritoryo na unti-unting nakonsolida sa pamamagitan ng mga kasunduan at digmaan. Nang mabuo na ang kanilang mga bansa, nagkaroon sila ng bentahe dahil mas malaki ang teritoryo, mas maraming likas na yaman, mas maraming manggagawa na epektibong maimomobilisa ng isang sentralisadong pamunuan. Ang mga bansang ito’y umunlad dahil natutuhan nilang pamunuan ang kanilang mga sarili. Natutuhan nilang gamitin ang likas na yaman ng kanilang mga bansa para sa kanilang mga sarili. Nagtayo sila ng mga industriya na nakalilikha ng mga kapaki-pakinabang na produkto mula sa kanilang saganang likas na yaman. Pinaunlad nila ang agrikultura upang mapakain ang lahat ng mamamayan. Sa ilang aspekto, nagagawa na ng bansa ang mga gayong bagay bago dumating ang mga Kastila, ngunit tiyak na maaari pa itong umunlad at sumulong sa lahat ng salik, gaya ng nangyari sa mga bansang binanggit. Sa loob ng 333 taon ng kolonyalismong Español, "nakalimutan" o hindi na natutuhan ng mga Pilipino kung paano mamahala, kung paano bumuo ng bansa, kung paano gamitin ang mga biyaya ng Diyos sa Pilipinas, dahil lahat nga ay kinontrol na ng mga Kastila. Kakatwa ang problema ng Pilipinas sapagkat nang napalayas na ng mga rebolusyunaryo ang mga Kastilang kolonyalista, dumating naman ang mga Amerikanong imperyalista. Magsisimula na sanang muli sa pagtuklas sa sariling pag-unlad ang Pilipinas nang dumating ang Amerika na nakialam din sa pangangasiwa ng gobyerno at lipunan na kung tutuusi’y

14 sa 35

kayang matutuhan ng mga Pilipino sa sariling pagsisikap. Imperyalismong Amerikano ang lalong nagpatibay sa mga "tanikalang diyamante” ng Republikang Pilipino.

Hegemonyang Holistiko sa Imperyalismo: Pagluluto ng Little Brown Americans Sa kabila ng matinding pambubusabos, brutalidad, panloloko at paghihirap na dinanas ng mga Pilipino sa ilalim ng Star-Spangled Banner, marami pa ring pumupuri sa diumano’y kabutihang naidulot ng pananakop ng Amerika. Marami pa rin ang nagsasabing mas mainam pang maging estado tayo ng USA upang makaranas ng diumano’y mga biyaya ng kapitalistang globalisasyon. Ang ganitong pangangayupapa at pagsamba sa mapagsamantalang dayuhan na bumiktima at bumibiktima pa rin sa bansa ay di kataka-taka sapagkat maagang nagsagawa ng hakbang ang USA para kontrolin, manipulahin at lasunin ang isipan ng mga Pilipino. Hegemonyang holistiko ang ipinataw ng imperyalistang Amerikano: hene-henerasyon ang hinubog sa ilalim ng bandilang Amerikano bilang mga little brown Americans na Kano sa isip, sa salita, sa gawa at sa lahat, maliban lang sa kulay ng balat. Pagdaong sa Pilipinas, inatupag agad ng mga sundalong Kano ang pagtuturo sa mga batang Pilipino. Malaon, dumating ang mga gurong sibilyan na tinatawag na Thomasites. Itinayo ng mga Amerikano ang isang pampublikong sistema ng edukasyon sa antas elementarya at sekundarya upang lalong makontrol ang pag-iisip ng mga Pilipino. Sapagkat natuto na sa lingguwistikong kamalian ng mga Español, ipinilit ng mga Amerikano ang pagtuturo ng wikang Ingles upang mas madaling mapasunod ang mga Pilipino at para ilayo sila sa mga katutubong wika na sumasalamin sa kulturang Pilipino. Natatakot ang mga Amerikano na kapag napalapit ang mga Pilipino sa

15 sa 35

kanilang katutubong kultura sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika ay muling mag-alab ang damdaming makabayan nila na maaaring mauwi sa rebolusyon. Itinanim ng mga Amerikano ang binhi ng kolonyal na pag-iisip at linguistic inferiority complex sa pamamagitan ng tahas na pagbabawal sa paggamit ng wikang katutubo sa mga paaralan. Ang mga teksbuk na ipinagamit ay puro papuri sa Amerika. Sa History, buhay ng mga bayaning Amerikano ang itinuturo sa mga Pilipino habang itinatakwil naman ang mga bayaning Pilipino gaya ni Macario Sakay bilang mga “bandido” na di dapat tularan. Ipinagbawal ang pag-awit ng Lupang Hinirang at iba pang makabayang awitin. Ipinataw ang sensura maging sa mga sarswela at pelikula na sa mga unang taon ng pananakop ng Amerika ay ginamit na kasangkapan ng mga makabayan upang papagningasin ang aandap-andap na sulo ng pakikibakang anti-imperyalista ng sambayanang nagsisimula pa lamang makarekober mula sa gerang rebolusyonaryo at anti-kolonyalismo na naipagtagumpay laban sa mga Kastila. Sa kabuuan, cultural purging ang dinaanang proseso ng mga Pilipino sa kamay ng mga Amerikano: tila maruruming mikrobyo’t bulateng pesteng pinilit purgahin ng mga kampon ni Uncle Sam ang sumisibol na identidad ng mga mamamayan. Upang maging ganap ang cultural purging, walang humpay na tinambakan ang mga Pilipino ng mga advertisement na nag-eendorso ng mga produktong Amerikano sa mga pelikula, telebisyon at radyo. Tinuruan silang produktong Amerikano lang ang gustuhin at bilhin. Hanggang ngayon, laganap pa rin ang pagiging utak-imported ng mga Pinoy. Ayaw ng bagkat-bao o panutsa, gusto ay Hersheys! Ayaw ng Hapee, gusto’y Colgate! Ayaw ng sapatos-Marikina, gusto’y Nike! Ayaw ng Sarao, gusto’y Porsche!

16 sa 35

“Demokrasyang Piramidikal”: Alta Sociedad Bilang Balwarte ng Kapangyarihan Tinalbugan ng mga Amerikano ang mga Kastila sa paggamit ng nirebisa at lalo pang pinasahol na taktikang “hatiin sila at pagharian.” Kinuha ng USA ang suporta ng mga Pilipinong elite, ang ilustrado at principalia noong panahon ng Kastila, sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanila ng masasabaw na pusisyon sa gobyerno. Ang mga Pilipinong elite na nagtraydor sa mamamayan ay binigyan ng mga pusisyon sa gobyerno bilang gantimpala sa kanilang pagiging maamong tagasunod ng USA na katulong sa pagpapatahimik ng mga mamamayang anti-imperyalista. Hindi rin pinakialaman ng USA ang mga hacienda ng mga Pilipinong elite para matiyak na susuportahan nilang lagi ang gobyernong kolonyal. Sa mga negosyo at industriya, ginawang kasosyo ang mga elite para sila’y makinabang din sa pamamahala ng USA at kung gayo’y manatili ring matapat sa mga Amerikano. Ipinadala sa Estados Unidos ang maraming anak ng mga pinunong elite upang doon mag-aral na maging Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Hene-henerasyon ng elite na pensionado ang sinanay ng Amerika upang maging taliba ng neokolonyalismo sa pulitika, panitikan, edukasyon, ekonomya at iba pang larangang makatitiyak sa tuluy-tuloy na pagkagapos ng Pilipinas sa tanikalang kanluranin. Lubos na pinagbuti ng Amerika ang pagtuturo ng Ingles sa mga elite sa pamamagitan ng mga pribadong paaralang pinayagang umiral sa tangkilik ng gobyernong kolonyal. Lalong pinaghiwalay ng mga Amerikano ang elite at ang masa sa wika, kultura at sensibilidad upang ang una ay maging masugid na tagapagpatupad ng mga pakatarang makadayuhan, habang ang huli’y nananatiling mangmang at may limitadong partisipasyon lamang sa prosesong elektoral at pagbabalangkas ng mga polisiyang pambansa sa ekonomya at iba pang larangan. Karamihan sa mga

17 sa 35

Hispanisadong elite ay agad nagpalit-wika at nakiayon sa namamayaning kaayusan. Nagpatuloy at lalo pang umigting ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa pagitan ng elite at ng masa. Samakatwid, ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang elitismong pedagohikal at lingguwistikong oportunismo ng mga Kastila, at inilatag ang pundasyon ng “demokrasyang piramidikal,” kung saan ang iilang Ingleserong elite ang nangingibabaw sa mayorya ng mga mamamayang nagsasalita ng wikang katutubo.

Plutokrasya ng Mga Inglesero/a Upang lalong maglaway ang mga Pilipinong elite, nagpa-eleksyon ang USA sa bawat bayang nasakop sa Pilipinas sa taktikang maaaring tawaging political conditioning. Kumbaga sa eksperimento ng Rusong si Ivan Pavlov, ang elite ang aso at ang eleksyon naman ang bell at pagkain. Noong una, ang mga may ari-arian (gaya ng bahay at lupa) lamang ang maaaring bumoto at maiboto. Kahit malaon ay maaari na ring mahalal at maghalal ang mga walang ari-arian at sapat na kita, hindi pa rin sila nakinabang sa eleksyon dahil wala silang panama sa pera ng mga elite. Ang sistema ng eleksyong itinuro ng USA ay halalang nakabatay sa pera at di sa plataporma. Nahihirapang manalo ang walang pera kahit maganda ang kanyang plataporma. Dahil elite lang ang may pera, karaniwang sila lang din ang nahahalal. Bunga nito, sila rin ang pinakamatatapat na kasapakat ng USA, sapagkat kahit paano’y nakakabahagi sila sa kapangyarihan, pera at iba pang resources ng pamahalaan. Sapagkat aral na aral sa Ingles, mula noon hanggang ngayon ay pinanatili at pinananatili ng mga elite ang pangingibabaw ng Ingles sa lahat ng prosesong pulitikal ng bansa. Ingles ang ginagamit sa kalakhan ng mga korte, lalo na sa Korte Suprema.

18 sa 35

Halimbawa, kakatwang ang mga desisyon ng Korte Suprema sa mga mahahalagang usaping pambansa at pangmasa gaya ng reporma sa lupa ay pawang nakasulat sa Ingles. Ang Senado at Kongreso ay nagsasagawa pa rin ng mga pagdinig sa wikang Ingles, kaya magkaroon man ng panahon ang isang anak-dalita na mag-obserba, maliit ang tsansa na maiintindihan niyang ganap ang walang katapusang pagtatalo ng mga senador at mga kongresista. Ang mga batas ng republika ay nakasulat at isinusulat sa wikang Ingles. Mangilan-ngilang mahahalagang batas pa lamang ang nakasalin sa wikang pambansa. Ang mismong Saligang Batas ay nasa Ingles ang orihinal at may kagimbal-gimbal na pasubaling kung magkaroon ng pagtatalo sa kahulugan ng mga probisyon ng Konstitusyon, ang orihinal sa Ingles ang masusunod at hindi ang salin sa mga wikang katutubo! Samakatwid, malinaw na pinatibay at pinananatili ng hegemonya ng Ingles ang plutokrasya sa Pilipinas (ang pamumuno ng masasalaping elite). Bunsod ng pamamayani ng Ingles sa sistemang pampulitika ng bansa, hindi kataka-takang ang maraming makabayan at makamasang probisyon ng Saligang Batas ay nagiging palamuti na lamang. Halimbawa, ayon sa Artikulo II, Seksyon 26 ng Konstitusyon: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Sa kasamaang-palad, hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapasa ang isang enabling law na magpapatupad sa gayong probisyon na naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mas maraming mamamayan na lumahok sa prosesong elektoral bilang mga kandidatong kampeon ng anak-dalita. Nananatiling nakaimbak sa mga inaalikabok na bulwagan ng mga batas na naglalayong makapag-ambag sa demokratisasyon ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya sa bansa ang House Bill 3413 (Anti-Political Dynasty Act) na co-

19 sa 35

authored ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Anakpawis, Kabataan at ACT Teachers Partylist. Laging hinahadlangan ng mayorya sa Senado at Kongreso na pawang Inglesero/Inglesera ang isang batas na babasag sa kanilang monopolyo sa kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya. Tinitiyak nilang Ingles ang diskusyon sa anumang pagdinig upang malito at umuwi na lamang ang mga matitiyagang elemento ng masa na maghahangad makilahok sa pagtataguyod ng mga gayong batas. “Madugong proseso” ang pagpapatupad ng mga repormang pulitikal dahil kontrolado ng pinakamayayamang pamilyang asendero at negosyante na pawang Inglesero ang buong pamahalaan. Mula Batanes hanggang Tawi-tawi, may kanyakanyang kaharian ang mga “political dynasty” sa bansa. Mula noong 1900s hanggang sa kasalukuyan, pinaghaharian ng iilang pamilya ang maraming pambansa at lokal na puwesto at hanggang ngayon, mahirap pa rin ang Pilipinas. Samakatwid, di kalabisang sabihing walang silbi, inutil at hadlang sa pagbabago ang mayorya ng mga pulitikal na dinastiyang may edukasyong kanluranin sa wika, kultura at sensibilidad na malayungmalayo sa katutubong wika, kultura at sensibilidad ng sambayanang naghihikahos. Ang demokratisasyon ng pulitika ay nangangahulugan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa masa. Sa mas malawak na partisipasyon ng mga ordinaryong manggagawa, magsasaka at iba pang mga anak-dalita sa pulitika, laban sa tradisyunal na paghahari ng mga asendero at negosyante, tiyak na hahantong sa tunggalian ng mga interes ang mga labanan sa sangay lehislatibo, hudisyal at ehekutibo ng pamahalaan. Sa ganitong konteksto, natural lamang na hadlangan ng elite ang ganap na demokratisasyon ng pulitika, bagay na hindi maaaring manatiling permanente. Nakasalalay sa tuluyang

20 sa 35

pagwawaksi ng neokolonyal na edukasyon ang pampulitikang kamulatan ng sambayanan na siyang magdadala sa atin sa tuwid na daan ng kaunlaran.

Edukasyong Neokolonyal at Hegemonya ng Ingles: Hadlang sa Kaunlaran Ang kabiguan ng sistemang pang-edukasyon ng bansa na makapag-ambag sa paglinang ng makabayang kamalayan at pambansang kaunlaran ay bunga ng kabiguan ng sambayanan na iwaksi ang mga tanikalang ipinataw ng mga imperyalista. Malinaw na inilalahad ng historikal na pagsusuri ni Renato Constantino (1982) ang pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa bansa: “Hindi lamang natin ginaya ang edukasyong kanluranin, kundi ipinadron natin ang ating edukasyon sa mga pinakamauunlad na bansang kanluranin.” Ang ganitong bulag na adapsyon ng mga kanluraning padron ay tiyak na mabibigo sapagkat likas na magkaiba ang kultura, wika, sensibilidad at sistema ng lipunang Pilipino at ng lipunang kanluranin. Sa edukasyong neokolonyal, malinaw na may hegemonya pa rin ang wikang Ingles sa lahat ng antas ng edukasyon, sa kabila ng pagsibol ng programang Mother Language-based Education at Multilingual Education (MLE). Hindi pa rin ipinawawalambisa ni Pangulong Noynoy Aquino ang Executive Order No. 210 ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, na naglalaman ng napakaraming probisyong maka-Ingles. Mas mahaba pa rin ang contact time sa Ingles kaysa sa Filipino sa ilalim ng DepEd Order No. 90, Series of 2009. Bunsod ng malawak na kultural at sosyo-ekonomikong agwat ng elite na edukado sa Ingles at ng masang Pilipino na Filipino ang gamit, naging isang “lupain ng mga digmaang-sibil, isang republika ng mga ganid at ng mga walang kabusugan” ang Pilipinas, gaya ng propesiya ni Rizal. Sa ganitong diwa, malinaw kung bakit hindi nauunawaan at

21 sa 35

nararamdaman ng mga Ingleserong opisyal ng gobyerno ang sentimyento ng masang Pilipino. Ang lingguwistikong agwat sa pagitan ng dalawang bloke ay lubhang mahirap igpawan kaya hinahadlangan nito ang pagkakaroon ng malaya at mapagmulat na pambansang diskurso sa pagitan ng mga pinuno at mga mamamayan. Hindi isang biro ng tadhana na ang mga nakaraang rehimeng Inglesero/Inglesera ay nabigong intindihin at lutasin ang mga ugat ng mga suliraning sosyo-ekonomiko ng bansa. Halimbawa, sa halip na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pag-akit sa dayuhang puhunan ang pangunahing programang kontra-kahirapan ng mga administrasyon mula noon hanggang ngayon, sa kabila ng pagbababala ng United Nations Conference for Trade and Development (UNCTAD) sa 2011 World Investment Report na hindi dapat umasa ang mga bansang Third World sa dayuhang puhunan dahil madali itong makuha at madali rin itong mawala. Ginagamit na palusot ang adyendang pabor sa dayuhang puhunan upang ipilit ang patuloy na pamamayani ng wikang Ingles sa edukasyon. Sa halip na mga tagapag-ambag sa pambansang kaunlaran, pangunahing eksport ang trato ng gobyerno sa mga estudyanteng pinipilit mag-Ingles sa paaralan para malao’y maging mga manggagawa at mga propesyunal na aalipinin ng mga dayuhan.

Unang Hakbang sa Tuwid na Daan: Ganap na Filipinisasyon ng Edukasyon Upang wasakin ang hegemonya ng Ingles at bigyang-daan ang pedagohiyang mapagpalaya at makabansa, kinakailangan ang ganap na Filipinisasyon ng edukasyon sa lahat ng antas. Nangangahulugan ito na sa pangmatagalan, ang Ingles ay dapat na lamang ituro bilang isang asignatura at hindi na dapat gamitin bilang wikang panturo sa lahat ng antas, gaya ng ginagawa ng mga pinakamauunlad na bansa na nasa

22 sa 35

Scandinavia. Hadlang sa mabisang pagkatuto ang sistema ng edukasyon kung saan ang dominanteng wika ay isang dayuhang wika sapagkat “Sa halip na direktang matuto ang bata sa pamamagitan ng kanyang katutubong wika, kailangan muna niyang imaster ang dayuhang wika, isaulo ang bokabularyo nito, masanay sa mga tunog, intonasyon, at pagbigkas nito, para lamang ibasura ang lenggwaheng ito kapag hindi na siya nagaaral...Ang dayuhang wika ay dapat ituro at mas madaling maituturo kung namaster na ng mga bata ang kanilang katutubong wika…” (Constantino 1982).

Wikang Panlahat: Praktikalidad ng Filipinisasyon sa Panahon ng Globalisasyon Mula 1906, Ingles pa rin ang dominateng wika sa gobyerno at edukasyon, alalaon baga’y “ang wika ng kapangyarihan” o “language of power” kaya nananatiling etse-pwera ang masa sa sistemang pampulitika at hilaw ang pagkatuto ng mga Pilipino. Mabagal ang implementasyon ng pananaliksik ng mga researcher at/o siyentista sa bansa dahil karaniwan, Ingles ang lenggwahe ng pananaliksik pero Filipino o iba pang lokal na wika ang ginagamit ng mga manggagawang katuwang sa pagpapatupad ng pananaliksik. Tiyak na bibilis ang pananaliksik sa bansa kung ganap na isasakatuparan ang Filipinisasyon ng edukasyon: hindi na kakailanganin ng mga interpreter at tagasalin kapag nagtatalakayan ang mga siyentista, manggagawa, magsasaka at iba pang mga simpleng mamamayan na kasangkot sa pagpapatupad ng pananaliksik. Paghambingin ang mga website ng mga unibersidad sa mga bansang nangunguna sa paggamit ng pananaliksik para sa pambansang kaunlaran at kasama sa top 20 ng 2010 Human Development Index ng United Nations: <www.uio.no>; <www.su.se>; <www.uva.nl>; <www.uib.no>), at ang mga website ng mga nangungunang unibersidad sa Pilipinas:

23 sa 35

<www.up.edu.ph>; <www.dlsu.edu.ph>; <www.admu.edu.ph>; <www.ust.edu.ph>. Ang mga website ng mga unibersidad sa Pilipinas, Ingles ang default language at ni walang bersyon sa Filipino, maliban sa kapirasong pahina ng mga Departamento ng Filipino! Samantala, ang mga website ng unibersidad sa mga bansang nasa top 20 ng Human Development Index, wikang katutubo nila ang gamit! Ipinakikita ng pinakahuling resulta ng National Achievement Test (NAT) na ang mga estudyante ay nakakuha ng pinakamatataas na average na marka sa Filipino, bagay na nagpapatunay na dapat na itong gamitin bilang pangunahing wikang panturo. Ayon sa National Statistics Office (2010), sa 17 rehiyon sa buong Pilipinas nangunguna ang Tagalog bilang wikang sinasalita sa 5,389,246 tahanan o 35.32% ng kabuuang 15,256,942 tahanan. Di hamak na mas magkakalapit ang Tagalog at ang iba pang wika sa Pilipinas kaysa sa Ingles at mga wikang katutubo sa bansa. Kung gayon, isang kahunghangan at pagpapatiwakal ang pagpupumilit na panatilihing pangunahing wikang panturo ang Ingles sa Pilipinas. Ang muling pangingibabaw ng Filipino sa edukasyon at iba pang larangan ang susi sa sosyo-kultural at pulitikal na liberasyon ng mga Pilipino gaya ng sinasabi ni Simoun: “...kinalimutan ninyong habang

pinangangalagaan ng sambayanan ang kanilang wika, pinangangalagaan nila ang marka ng kanilang kalayaan gaya ng pangangalaga ng isang tao sa kanyang kalayaan habang pinananatili niya ang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang kolektibong kaisipan ng sambayanan.” Sa pamamagitan ng pagpapalaya ng kamalayang pambansa, mapapalapit ang sambayanan sa tuwid na daan ng kaunlarang pangekonomya. Paano nga ba lalaya ang bansa sa kultural, ekonomiko at sosyo-kultural na dominasyon ng mga dayuhan kung ang mismong dila nito ay nakatanikala? Nilinaw ni

24 sa 35

Simoun ang ugnayan ng paglinang ng pambansang identidad at pagpapaunlad ng bansa: “…Ipakilala ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng inyong sariling katangian, subukin ninyong itayo ang pundasyon ng bansang Pilipinas! Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mabuti! Huwag kayong umasa sa kanila, umasa kayo sa inyong sarili at kumilos!...linangin ang sariling wika, palawakin ang saklaw nito at pangalagaan ang sariling pag-iisip ng sambayanan...magsikhay kayo na maging isang bansa! Sa halip na maging utak-alipin, mag-isip kayo nang malaya...at malaon, kakamtin ninyo ang inyong kalayaan!” Hanggang ngayon, nangingibabaw pa ang mga dayuhan sa ating wika, kultura, pulitika at sa ekonomya, kaya makabuluhan pa rin ang kaisipang ipinahayag ni Jose Rizal sa “El Filibusterismo.”

Pagsasalin: Karagdagang “Tubig” na Pamuno sa Balon ng Katutubong Kaalaman Ang ganap na Filipinisasyon ng edukasyon ay isang radikal na preskripsyong nangangailangan ng pagsasabalikat ng lansakang pagsasalin at/o adaptasyon ng kaalaman sa mga larangan kung saan dominante ang Ingles (gaya ng Siyensya at Matematika). Isang propesor sa De La Salle University si Dr. Feorillo Petronilo Demeterio III (2009) ang nagsalin ng mga konsepto ni Einstein sa Filipino upang patunayan na kaya ng at handa na ang Filipino na maging isang wikang magagamit sa pagdukal ng siyentipikong kaalaman. Isa lamang ito sa sanlibo’t isang pagsisikhay sa intelektwalisasyon ng wikang pambansa na naidokumento na ng mga samahang pangwika gaya ng Sanggunian sa Fililipino (SANGFIL) at Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink. (PSLLF) at ng mga akademikong dyornal gaya ng “Malay” ng De La Salle University na may pinakamataas na download at viewership

25 sa 35

rate sa lahat ng dyornal sa Pilipinas. Bukod sa pagsasalin ng mga tekstong siyentipiko at matematikal, dapat ding pag-ukulan ng pansin ang pagsasalin ng mga akdang klasiko sa daigdig, gayundin ang mga bestseller na aklat sa bawat taon gaya ng ginagawa sa Europa. Upang patibayin ang nasyunalisasyon ng wikang Filipino at ganap na magapi ang rehiyunalismo, dapat ding palawakin pa ang saklaw ng pagsasalin ng panitikan sa bernakular tungo sa wikang pambansa. Kung gayon, isang imperatibo ang pagpapalakas sa Kawanihan sa Pagsasalin ng Komisyon sa Wikang Filipino at ang pakikipag-ugnayan nito sa mga nangungunang unibersidad sa buong bansa tungo sa mabilis at mas mahusay na lansakang pagsasalin. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng sapat na kagamitang panturo para sa isang ganap na Filipinisadong sistemang pang-edukasyon. Tanging ang isang ganap na FIlipinisadong sistemang pangedukasyon lamang ang makapaghuhubog at makalilinang ng “mga mag-aaral na may mapanuri at malikhaing pag-iisip,” “isang henerasyon ng mga mahuhusay at matatalinong mamamayan na magtatayo ng mga industriya, mangangasiwa ng mga negosyo at lilikha ng mga trabaho – na may dignidad – para sa mga mamamayan” sa halip na maging isang bansa lamang ng domestic helpers, construction workers, caregivers, at call center operators, batay sa isang pahayag ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining-Pambansang Komite sa Wika at Salin (2004).

Telebisyon: Mula Idiot Box Tungong Enlightenment Apparatus Mahalaga ang papel na gagampanan ng telebisyon sa paghuhubog ng nasyonalismo ng mga Pilipino at sa lalo pang pagpapalaganap ng wikang pambansa tungo sa tunay na pambansang kalayaan at kaunlaran. Dapat bigyang-diin na malaki

26 sa 35

ang naiambag ng telebisyon sa dalawang dekada ng Filipinisasyon ng midya noong dekada 80 hanggang dekada 90. Mayorya ng mga tahanang Pilipino ay may telebisyon kaya anumang ipalabas ng isang channel ay may matinding impact sa buong bansa. Sa kasamaang-palad, maraming mga palabas sa mga lokal na channel ang hindi gaanong makabuluhan. Sa halip na mga palabas na lumilinang sa kasanayan sa mapanuring pag-iisip, karaniwang mababaw na aliwan o entertainment lamang ang laman ng mga programa sa telebisyon. Karaniwang panghatinggabi pa ang mga matino at seryosong palabas. Primetime ang mga game show na walang ginawa kundi magpa-iyak ng mga kalahok at magpasayaw ng mga babaeng kakapiraso ang damit. Tila “idiot box” na nga ang telebisyon sa Pilipinas. Panahon nang gamitin ang kapangyarihan ng midya sa akselerasyon ng Filipinisasyon ng edukasyon at ganap na pagtataguyod ng wikang pambansa sa iba’t ibang larangan tungo sa pambansang pagkakaisa at kaunlaran. Dapat buhayin ang mga makabayang programang gaya ng “Tatak Pilipino” (isang multiawarded at ngayo’y defunct nang TV magazine program hinggil sa sining at kultura ng bansa na nagsimula noong mga huling bahagi ng dekada 80, kasama sina Jim Paredes ng APO Hiking Society at ang brodkaster na si Gel Santos Relos bilang mga tagapagpadaloy), “Hiraya Manawari” (isang pambatang palabas hinggil sa mga kuwentong may mahika at nagkikintal ng mga pagpapahalaga gaya ng pag-ibig, paggalang, kapayapakan, katapangan, katapatan atbp.), “Sineskwela” (isang palabas na tumatalakay sa mga konseptong siyentipiko sa wikang Filipino), “Bayani” (isang pambatang TV series hinggil sa buhay ng mga bayaning Pilipino, kung saan dalawang bata ang nakapaglalakbay sa panahon upang makilahok sa “paglikha ng kasaysayan). Ang mga ganitong palabas ay tiyak na makapag-aambag sa pagbubuo ng matibay na

27 sa 35

pundasyon para sa Filipinisasyon ng isip, puso at diwa ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Makabayang Panitikan: Pundasyon ng Makabansang Kamalayan Upang mapatibay ang pedagohiyang mapagpalaya at makabayan,

iminumungkahi rin ang pagkakaroon ng asignaturang mandatory na tatawaging Panitikang Makabayan sa antas sekundarya at tersyarya. Hindi na magsisimula sa wala ang mga paaralan dahil ang Unibersidad ng Pilipinas ay matagal nang may Panitikang Makabayan bilang isang elective subject sa ilalim ng Revised General Education Program (RGEP). Sa halip na simpleng elective, dapat maging required subject ito sa ilalim ng General Education Curriculum (GEC). Maaaring saklawin nito ang mga makabayang nobela (“Kangkong 1896” ni Ceres Alabado; “Mga Ibong Mandaragit” ni Amado V. Hernandez; “Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at Ang Kolorum” ni Jose Rey Munsayac; “Dekada 70,” “Gapô” at “Desaparecidos” ni Lualhati Bautista, “Tutubi, Tutubi, Wag Kang Pahuhuli sa Batang Mapanghi” at “Ang Huling Dalagambukid” ni Jun Cruz Reyes), makabayang sanaysay o talumpati (“Ang Lisyang Edukasyon ng mga Pilipino” ni Renato Constantino; “Ang Dapat Mabatid ng Mga Tagalog” ni Andres Bonifacio; “Isang Bansa Para sa Ating Mga Anak” ni Jose W. Diokno; “Talumpati sa ika-111 Taon ng Kalayaan ng Pilipinas” ni Reynato S. Puno) at mga makabayang awitin (“Sa Bayan ni Juan” ni Mike Hanopol; “Kapayapaan” ng Tropical Depression; “Handog ng Pilipino sa Mundo”; “Upan” at “Walang Natira” ni Gloc9). Dapat ding tangkilikin ang mga makabuluhang indie film na naglalahad sa kasaysayan at/o naglalarawan sa kontemporaryong kalagayan ng bansa gaya ng “Sigwa” at “Patikul” ni Joel Lamangan,

28 sa 35

“Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros,” “Mga Munting Tinig,” “Sakay,” “Endo” at marami pang iba. Nilinaw ni Rizal sa Kabanata 20 ng “El Filibusterismo” ang kabuluhan ng pagpapahalaga sa katutubong kultura sa pagpapaunlad ng bansa: “Hindi ba sanlibong beses na mas mainam kung maipakikita natin ang ating mga kostumbre at tradisyon, upang maunawaan natin ang ating mga bisyo at depekto at upang maluwalhati natin ang ating mga positibong katangian?” Sa pamamagitan ng pedagohiyang mapagpalaya at makabayan, mapupukaw ang mga mamamayan na mag-ambag sa pambansang kaunlaran. Pupuspusin ng ganitong proseso ang pagsasanib ng teorya at praktika sa pedagohiya at pagbabagong panlipunan na iminumungkahi ng pamosong edukador na si Paulo Freire sa kanyang obra maestrang “Pedagohiya ng Mga Inapi” (1993) na akmang-akma sa kalagayan ng mga bansang Third World gaya ng Pilipinas.

Pambansang Asembliyang Konsultatibo sa Edukasyon, Pulitika at Ekonomya Anumang reporma’y hindi magiging mabisa kung hindi ito tatanggapin ng sambayanan. Kailangang basagin ang “kultura ng pananahimik” na idinulot ng mahigit sansiglong hegemonya ng Ingles sa diskursong pambansa. Kailangang muling makilahok ang mga mamamayan sa proseso ng pagbubuo ng mga patakarang pambansa at lokal sa edukasyon, pulitika at ekonomya. Napatunayan sa pagtalakay sa sanaysay na ito na ang mga isyung pedagohikal ay karugtong ng mga usaping pulitikal at ekonomiko sapagkat ang elitistang sistemang pulitikal at ekonomiko na

pinangingibabawan ng mga dayuhang korporasyong kapitalista at mangilan-ngilang Pilipinong elite ay bunga lamang ng matagumpay na pagpapataw ng edukasyong

29 sa 35

neokolonyal sa bansa. Sa ganitong diwa, ang pagbubuo ng pedagohiyang mapagpalaya at makabayan sa pamamagitan ng Filipinisasyon ng lahat ng antas ng edukasyon ay magtatagumpay lamang kung kasabay na ipatutupad ang mga repormang sosyo-ekonomiko tungo sa demokratisasyon ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya sa bansa. Sa pagsasakatuparan ng adhikaing ito, kinakailangan ang pagpapatawag ng pambansang asembliyang konsultatibo na pangungunahan ng mga organisasyong “mula sa masa” at “para sa masa” (gaya ng mga people’s organizations at non-government organizations) at ang gagamiting wika’y ang wikang panlahat, ang wikang Filipino. Bilang panimula, ang pambansang asembliyang ito ay dapat magluwal ng isang sistemang pang-edukasyon alinsunod sa pahayag ng makabayang edukador na si Renato Constantino (1982): “Ang edukasyon ng mga Pilipino ay dapat maging edukasyong Filipino. Nakabatay ito dapat sa mga pangangailangan at layunin ng bansa. Ang layunin nito ay di lamang makapagpatapos ng mga mamamayang nakababasa at nakasusulat o nakapagbibilang. Ang pangunahing layunin ay makalikha ng sambayanan na nagpapahalaga at may kamalayan sa kanyang pagkabansa at may layuning pambansa para sa ikauunlad ng pamayanan, at hindi isang anarkikong masa ng mamamayan na sariling kapakanan lamang ang nasa isipan.” Samantala, maaari namang magsilbing padron sa diskusyon ng mga repormang sosyo-politikal ang mga kaisipang ibinandila ng mga makabayang kilusang panlipunan, gaya ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na panawagan ng mga makabayan mula sa panahon ng Partido Republikano ni Obispo Maximo Gregorio Aglipay noong 1930s, ng Alyansang Demokratiko noong 1940s, ng Lapiang Makabansa nina Sen. Claro M. Recto at Sen. Lorenzo Tañada noong 1960s, ng Partido ng Bayan noong dekada 80 at

30 sa 35

ng Makabayang Koalisyon ng Mga Mamamayan (MAKABAYAN) na itinatag noong 2009. Lahat ng mga kilusang ito’y nagmula sa masa at nagsasalita ng wika ng masa. Binigyan at binibigyang-kapangyarihan ng mga kilusang ito ang taumbayan na umugit ng sariling landas na palayo sa neokolonyal na edukasyon, elitistang pulitika at makadayuhang kapitalistang globalisasyon at palapit nang palapit sa mapagpalayang pedagohiya, makamasang pamamahala at ekonomyang maunlad at umaasa-sa-sarili (self-reliant). Katunayan, lahat ng ito’y bahagi ng 10-puntong Pangkalahatang Programa ng MAKABAYAN na ang orihinal ay nasa wikang Filipino, at inaprubahan ng mga delegado mula sa bawat lalawigan ng bansa sa founding assembly nito noong Abril 16, 2009. Sa unang pagkakataon, may pangulo na ng Pilipinas na wikang panlahat ang gamit sa mga mahahalagang talumpati, mula sa inaugural speech hanggang sa State of the Nation Address. Kaylaking tagumpay kung magkakasalubong sa tuwid na landas ang pangulong ito at ang mga kilusang panlipunan na mula noon hanggang ngayon ay gumagamit ng wikang panlahat sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang Pilipino! Harinawang magsilbing titis ang sanaysay na ito sa kanilang pagkakaisa sa pagtataguyod ng isang pedagohiyang Pilipino sa wikang Filipino tungo sa progresibong bagong panahon ng nasyonalismo at kamalayang panlipunan, isang bansang pinaghaharian ng kapayapaan, katarungan at kaunlaran para sa lahat ng mga mamamayan.

Mga Sanggunian: Alave, Kristine. 4M malnourished Filipino children: Rising costs to increase number FNRI. 05 July 2008. Philippine Daily Inquirer.

31 sa 35

<http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view/20080705-146662/4Mmalnourished-Filipino-children> Alexandra, Kreisl. “Malnutrition in the Philippines – perhaps a Double Burden?” Journal für Ernährungsmedizi. 2009. Berlin: Verlagshaus der Ärzte GmbH. < http://www.kup.at/kup/pdf/8113.pdf > Agence France Presse. Desperately poor Filipinos sell kidneys. 18 April 2008. < http://www.abc.net.au/news/stories/2008/04/18/2221064.htm> Bauzon, Camille. RP losing war vs. extreme poverty. 17 July 2010. Manila Times. <http://www.manilatimes.net/index.php/component/content/article/42rokstories/21730-rplosing-war-vs-extreme-poverty> Beerepoot, Niels. Local Outcomes of Globalization: Manufacturing Decline and Labor Response in the Philippine Garment and Shoe Industries. 2008. Quezon City: Philippine Journal of Labor and Industrial Relations. < http://journals.upd.edu.ph/index.php/pjlir/article/viewFile/1545/1492 > Congressional Planning and Budget Department-Philippine House of Representatives. Facts in Figures: May 2006. < http://www.congress.gov.ph/download/cpbd/fnfofw.pdf> Edralin, Divina M. Are the Cement Industry and its Workers Victims of Globalization? 2003. Manila: De La Salle University. <http://www.dlsu.edu.ph/research/centers/cberd/pdf/bus_focus/cement_industry. PDF> Florencio, Cecilia. Food and Nutritional Status of Filipinos and Nutrition Integration. 2003. Quezon City: UP-Diliman.

32 sa 35

< http://www.up.edu.ph/oldsystem/florencio.pdf >. Flour Fortification Initiative. FFI Country Information: Philippines. 2010. < http://www.sph.emory.edu/wheatflour/Philippines.php> Global Call to Action against Poverty (GCAP)-Philippines. Philippine Poverty and Inequality Situation (as of March 2008). < http://www.preda.org/main/archives/research/documents/r09073001.html> Ibon Foundation Inc. Ibon Facts and Figures: Datos sa Isang Sulyap. April-May 2008. ________________. Ibon Facts and Figures (Student Edition): Lessons from Mining Liberalization: Case of Marinduque. September-October 2008. Kalipunan ng Damayang Mahirap (KADAMAY). Batayang Kurso ng Maralitang Lungsod. 2008. < http://www.mediafire.com/?wdity0fmhym > Lichauco, Alejandro. “The International Economic Order and the Philippine Experience.” Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio R. Jose. 1984. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies. ________________. Hunger, Corruption and Betrayal: A Primer on U.S. Neocolonialism and the Philippine Crisis. 2005. Manila: Citizen’s Commitee on the National Crisis. ________________. Nationalist Economics. 1988. Quezon City: Institute for Rural Industrialization, Inc. 250-268; 127-129 ________________. Towards A New Economic Order and The Conquest of Mass Poverty. 1986. Quezon City. Moore, Michael. (director). Capitalism: A Love Story. 2009. USA: Overture Films.

33 sa 35

Nicasio, Nonie. Freddie Aguilar says Charice Pempengco and Arnel Pineda proved that Pinoys are monkeys. 06 July 2009. < http://www.pep.ph/news/22360/Freddie-Aguilar-says-Charice-and-ArnelPinedajust-proved-that-Filipinos-are-%22monkeys%22 > Pomeroy, William. The Philippines: colonialism, collaboration, and resistance. 1992. USA: International Publishers Co., Inc. Rizal, Jose. Political and Historical Writings. 1976. Manila: National Historical Institute, _________. El Filibusterismo. Leon Ma. Guerrero (trans.). 1965. London: Longman Group Ltd.

Salgado, Pedro. Second Edition: Social Encyclicals: Commentary and Critique. 1997. Manila: Lucky Press, Inc. United Nations Development Program. Human Development Report 2010 - 20th Anniversary Edition The Real Wealth of Nations: Pathways to Human Development. November 2010. <http://hdr.undp.org/en/reports/global/hdr2010/chapters/en/> Villegas, Edberto. “Debt Peonage and the New Society.” Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio R. Jose. 2006. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies. _______________. Global Finance Capital and the Philippine Financial System. 2000. Manila: Institute of Political Economy. Yrasuegui, Magnolia at Priya Esselborn. Philippines: Women struggling to achieve sexual equality. 12 January 2009. < http://www.dw-world.de/dw/article/0,,4465029,00.html >

34 sa 35

Constantino, Renato. The Miseducation of The Filipino. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies, 1982. Department of Education. Department Order No. 90, Series of 2009. <http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/issuanceImg/DO%20No.%20 90,%20s.%202009.pdf > Campoamor II, Gonzalo. “The Pedagogical Role of English in the Reproduction of Labor.” Mula Tore Patungong Palengke. Quezon City: IBON Books, 2007. Demeterio, Feorillo. Ang mga Teorya ng Relatividad ni Albert Einstein: Isang Pagsusuri sa Kahandaan ng Wikang Filipino sa Pagtalakay sa mga Paksa ng Makabagong Agham. (in Malay Journal). Manila: De La Salle University, 2009. <http://www.philjol.info/index.php/MALAY/article/view/1004/916 > National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Language and Translation. Kartilya ng Wikang Filipino. 2004 Bienvenido Lumbera et al.(eds.).

<http://www.sawikaan.net/kartilya_ng_wikang_filipino.html > Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Pres, 2000. Freire, Paulo. Pedagogy of the Oppressed. Trans. Myra Bergman Ramos. New Continuum, 1993. York:

35 sa 35

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->