P. 1
Kanya-Kanyang Rizal sa Pinilakang Tabing: Pagbasa sa mga Hulagway ng Buhay at Kontribusyon ni Dr. Jose Rizal sa Pelikulang Pilipino

Kanya-Kanyang Rizal sa Pinilakang Tabing: Pagbasa sa mga Hulagway ng Buhay at Kontribusyon ni Dr. Jose Rizal sa Pelikulang Pilipino

|Views: 929|Likes:
Published by Atoy Navarro
Kanya-Kanyang Rizal sa Pinilakang Tabing: Pagbasa sa mga Hulagway ng Buhay at Kontribusyon ni Dr. Jose Rizal sa Pelikulang Pilipino
Kanya-Kanyang Rizal sa Pinilakang Tabing: Pagbasa sa mga Hulagway ng Buhay at Kontribusyon ni Dr. Jose Rizal sa Pelikulang Pilipino

More info:

Published by: Atoy Navarro on Dec 30, 2011
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

11/04/2012

pdf

text

original

KANYA-KANYANG RIZAL SA PINILAKANG TABING: PAGBASA SA MGA HULAGWAY NG BUHAY AT KONTRIBUSYON NI DR.

JOSE RIZAL * SA PELIKULANG PILIPINO
Atoy M. Navarro Introduksyon Hindi kalabisang sabihin na ang buhay at kontribusyon ni Dr. Jose Rizal ang isa sa pinakapopular na paksa at protagonista sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino (Dormiendo, 1999). Simula pa sa kamusmusan ng pelikulang Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon, hinalina na ang mga alagad ng sining at tagatangkilik ng mga ito ng pagtatalaban ng kasaysayan at pelikula. Maituturing na tuwirang bunga nito ang pelikulang Rizaliana o tradisyong Rizalismo (Flores, 1998; Santillan, 1998) bilang larangan ng pangkasaysayang pelikula. Ngunit paano nga ba maaaring pag-aralan, suriin, at unawain ang pelikulang Rizaliana bilang produkto ng pagtatalaban ng kasaysayan at pelikula? Sa puntong ito, mainam munang magkaroon ng paglilinaw sa ilang kategorya at konsepto. Salaysay hinggil sa nakaraan na may saysay para sa sinasalaysayang salinlahi ang kasaysayan. Bunga ito ng pagtatalaban ng kalikasan ng kasaysayan bilang makabuluhan at kaparaanan sa kasaysayan bilang makatotohanan. Samantala, pagpapahayag, pagsasalaysay, at pagtatala naman ng karanasan, kaisipan, kamalayan, damdamin, halagahin, layunin, at tunguhin ng sangkatauhan ang pelikula bilang sining na kinakatawan ng malikhain at nilikhang akdang audio-biswal na may mga partikular na elemento ng anyo, nilalaman,
*

Papel na unang binasa sa Talakayan Hinggil sa Buhay at Akda ni Dr. Jose Rizal, Gusaling NCAS, UP Los Baños, Laguna, 3 Disyembre 2005. Bahagyang nirebisa para sa Rizal 150.

2

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda

at wika. Produkto ito ng ugnayan ng akda (likhang pelikula), may-akda (prodyuser, direktor, manunulat, artista, sinematograper, at iba pa), at tagatangkilik; at ugnayan ng ekspresyon at persepsyon na resulta naman ng mga panlipunang konteksto (Navarro, 2004). Tuntungan ang ganitong pagpapakahulugan, masasabing bagamat may kanya-kanyang kakayahan at katangian ang kasaysayan at pelikula, may mga pagkakataong malinaw na makikita ang ugnayan ng dalawang ito gaya sa pagsasapelikula ng kasaysayan sa bisa ng pangkasaysayang pelikula. May mga pelikulang gumagamit ng kasaysayan bilang konteksto samantalang may mga pelikulang pagtatangkang maging tuwirang representasyon ng mga pangkasaysayang panahon, pook, at tao (Navarro, 2004). Matutukoy na halimbawa ng mga pagtatangkang maging tuwirang representasyon ng kasaysayan ang pelikulang El Fusilamiento de Dr. Jose Rizal [Ang Pagbaril kay Dr. Jose Rizal] (Yearsley, 1912) at Jose Rizal (Diaz-Abaya, 1998) samantalang matutukoy namang halimbawa ng kasaysayan bilang konteksto ang pelikulang Noli Me Tangere (Gross, 1915) at Bayaning Third World (De Leon, 1999). Sa pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa ng mga pangkasaysayang pelikula, mahalagang maipakita ang pagtatalaban -- pagkakaugnay at pag-uugnay ng mga ito sa partikular na paksang pangkasaysayan. Gayundin, dahil sa akdang pansining ang mga ito, kasaysayan bilang konteksto man o tuwirang representasyon ng kasaysayan ang mga pangkasaysayang pelikula, hindi makatwirang pag-aralan, suriin, at unawain lamang ang mga ito ayon sa pamantayan ng makabuluhan at makatotohanan sa kasaysayan kundi kinakailangang batay rin sa pamantayan ng malikhain sa sining (Navarro, 2004). Ngunit higit sa lahat, mahalagang makapaghawan din ang pag-aaral, pagsusuri, at pagunawa ng mga pangkasaysayang pelikula ng makabago at makapagpabagong talastasan na nagpapalawak at nagpapalalim sa saklaw kapwa ng kasaysayan at pelikula bilang lunan ng kontradiksyon (Flores, 1999) at sandata laban sa kumbensyon (Del Mundo, 1999b) tungo sa kolektibong transpormasyon. Maaaring magawa ito sa pamamagitan ng pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawang tekstwal, kontekstwal, at/o intertekstwal. Tekstwal sapagkat pinapahalagahan ang anyo, nilalaman, at wika ng mga pangkasaysayang pelikula ayon sa pamantayan ng kasaysayan at sining. Kontekstwal sapagkat tinitingnan ang pagkakasalasalabat ng masasalimuot na lunan kapwa ng kasaysayan at pelikula kabilang na ang: a) konteksto ng akda ayon sa partikular na kapookan at paksang

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

3

pangkasaysayan na binibigyang representasyon ng pangkasaysayang pelikula; b) konteksto ng mga may-akda na lumikha ng pangkasaysayang pelikula sa isang partikular na kapookang pangkasaysayan; at c) konteksto ng mga tagatangkilik na patuloy na nagpapakahulugan sa pangkasaysayang pelikula sa kani-kanilang kapookang pangkasaysayan. Samakatwid, maaaring suriin ang konteksto ng akda, may-akda, at/o tagatangkilik na hinubog at humubog sa pagkalikha ng pangkasaysayang pelikula sa aktwal, dinamiko, at proaktibong lunan ng mga ito. At intertekstwal sapagkat tinutuntungan ang pagpapalitaw at pagbibigay ng ugnayan sa teksto at konteksto ng partikular na pangkasaysayang pelikula sa iba pang tekstong pangkasaysayan at pansining (Navarro, 2004). Ngunit bukod sa pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawang tekstwal, kontekstwal, at/o intertekstwal, kinakailangang isaalang-alang din ang pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawang sabtekstwal na tinitingnan naman ang mga pinipi at tagong tinig ng pangkasaysayang pelikula. Ito ang tatangkain nating panimulang gawin sa pagbasa sa mga hulagway o imahen ng buhay at kontribusyon ni Rizal sa pelikulang Pilipino. Labinlimang pangkasaysayang pelikula sa himig at hugis ng pelikulang Rizaliana simula 1912 hanggang 1999 ang ating panimulang pag-uukulan ng pansin. Pag-uugat ng Pelikulang Rizaliana sa Maagang Panahon ng Pelikulang Pilipino Mauugat ang pagturing sa buhay at kontribusyon ni Rizal bilang paksa at protagonista sa pangkasaysayang pelikula sa maagang panahon ng administrasyon at gobiernong Amerikano nang iprinoklama si Rizal bilang pambansang bayani ng Philippine Commission noong 1912 (Dormiendo, 1999). Sa taong ito, humigit-kumulang 15 taon matapos ipalabas ang kauna-unahang banyagang pelikula sa Pilipinas, dalawang Amerikanong mangangalakal ang nag-unahan sa pagpapalabas ng pinakaunang pangkasaysayang pelikula tungkol kay Rizal. Matapos marinig na gumagawa ng pangkasaysayang pelikula tungkol kay Rizal ang karibal sa negosyong si Edward Gross, minadali ni Albert Yearsley, may-ari ng mga sinehan-teatrong Empire at Majestic sa Manila, ang pagsasapelikula ng mga huling oras ni Rizal. Nauna lang ng isang araw sa takilya ang El Fusilamiento de Dr. Jose Rizal [Ang Pagbaril kay Dr. Jose Rizal] (Yearsley, 1912) na binigyang-direksyon ni Yearsley ayon sa panulat ng historyador na si Austin Craig. Kinuhanan ang pangkasaysayang pelikula ni Yearsley sa Cementerio del Norte sa

4

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda

loob ng isang gabi lamang. Tumagal ang 600 pulgada ng negatibo o rolyo ng pelikula ng 20 minuto na nagmistulang dokumentaryong pelikula. Tinulungan ng Gran Compania de la Zarzuela Tagala ni Severino Reyes ang Motion Pictures Company ni Yearsley upang malikha ang nasabing pangkasaysayang pelikula (Del Mundo, 1998; Dormiendo, 1999; Flores, 1998; Santillan, 1998; Sotto, 2000). Samantala, sunod na inilabas nina Gross, Charles Martin, at Harry Brown ang La Vida de Jose Rizal [Ang Buhay ni Jose Rizal] (Gross, 1912). Si Gross ang nagtatag ng Rizalina Photoplay Company, kung saan mahalagang bahagi nito ang Molina-Benito Dramatic Troupe na nakabase sa Teatro Zorilla. Ang kanyang kompanya ang gumawa ng naturang pelikula na tumalakay sa mahahalagang yugto sa buhay ni Rizal mula sa kanyang kabataan sa Calamba, Laguna hanggang sa kanyang kamatayan sa Bagumbayan, Manila (Santillan, 1998). Sinasabing binuhusan ng pera ang pangkasaysayang pelikulang ito na gumastos ng P25,000 at gumugol ng 5,000 pulgada ng negatibo para sa apat na bahaging may kabuuang 22 eksena (Flores, 1998). Ginampanan nina Honorio Lopez, popular na manunulat sa Tagalog, ang papel na Rizal at Titay Molina, maybahay ni Gross at tanyag na artista sa sarswela, ang papel naman ni Maria Clara (Dormiendo, 1999). Nagdaos ng premiere night ang pangkasaysayang pelikula at regular na naipalabas ito sa Grand Opera House. Sinasabing nagbayad ang mga manonood mula 20 sentimos hanggang piso para makapanood ng pangkasaysayang pelikula (Flores, 1998). Sinasabing kapwa pumatok sa takilya ang mga pangkasaysayang pelikula ng magkaribal na sina Yearsley at Gross (Del Mundo, 1998; Santillan, 1998). Pagkaraan ng tagumpay ng dalawang pelikula sa Manila, maraming alok na natanggap ang mga prodyuser para ilabas ang mga ito sa probinsya (Flores, 1998) kung kaya’t nagpatuloy sina Yearsley at Gross sa paggawa ng mga pelikula. Sa dalawa, si Gross ang nakagawa ng mas maraming pelikula kabilang na ang Noli Me Tangere (Gross, 1915) at El Filibusterismo (Gross, 1916) na ginampanan din ni Molina bilang Maria Clara (Del Mundo, 1998; Santillan, 1998; Sotto, 2000). Mahalagang banggitin na bagamat tunay na makaluma ang produksyon, halimbawa na sa paggamit ng kurtina ng entablado sa mga interior set o hindi paggamit ng make-up kung kaya’t nagmukhang maiitim ang mukha ng mga artista sa telon, pinagtibay naman ng mga pangkasaysayang pelikulang ito ang paggamit sa sining ng sarswela, kasama na ang mga popular na artista nito, sa praktis ng produksyong

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

5

pampelikula na susundan ng mga Pilipinong manlilikha ng pelikula (Del Mundo, 1998). Mahalagang tukuyin din na nilikha ang mga pangkasaysayang pelikulang ito sa panahong puspos ang propaganda ng mga Amerikano sa pagdambana kay Rizal bilang pambansang bayani na naging instrumento kapwa ng komersyalisasyon-komodipikasyon at pasipikasyon hindi lamang kay Rizal kundi sa sinasakop na sambayanang Pilipino. Kaya’t hindi kataka-takang hindi kontrobersyal ang mga hulagway ng buhay at kontribusyon ni Rizal sa mga pangkasaysayang pelikulang ito na nagpatampok sa kumbensyon at makinis na salaysay sa loob ng hawla na grandiosong salaysay ng kabayanihan. Hindi nagtagal sa paggawa ng pelikula ang mga Amerikanong mangangalakal tulad nina Yearsley at Gross dahilan sa matinding kompetisyon mula sa mga dayuhang pelikula mula sa Amerika at Europa. Sa pag-alis ng mga Amerikanong mangangalakal, nabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong ganap na pumasok sa paglikha ng pelikulang Pilipino (Santillan, 1998). Itinatag ni Jose Nepomuceno, bumili ng mga kagamitan ng kompanya ni Gross at kinikilalang litratistang may-ari ng Electro-Photo Studio Parhelio, ang Malayan Movies noong 1917. Matapos ang dalawang taon, itinanghal ng “Ama ng Pelikulang Pilipino” ang Dalagang Bukid, ang kauna-unahang “pelikulang Pilipino” batay sa sarswela ni Hermogenes Ilagan at Leon Ignacio at kinatampukan nina Honorata (Atang) de la Rama at Marcelino Ilagan. Itinuturing din ang pelikulang ito bilang prekursor ng pelikulang musikal (Del Mundo, 1998; Santillan, 1998). Natagalan bago gumawa ng pelikulang Rizaliana si Nepomuceno. Ngunit matapos ang mahigit isang dekada, nilikha niya ang Noli Me Tangere (Nepomuceno, 1930) na batay sa popular na nobela ni Rizal. Umaalingawngaw pa rin ang impluwensya ng sarswela na pinagtibay ng wikang Tagalog na kumatawan sa sinasabing “katutubong pagtutol” (Del Mundo, 1998) ng pelikulang Pilipino sa kolonyalismo at kumbensyong Amerikano sa pelikula. Gayumpaman, nanatili ang pangkasaysayang pelikulang ito sa kumbensyon at makinis na salaysay ng dinadambanang nobela ni Rizal.

6

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda
Pagpapatuloy ng Pelikulang Rizaliana sa Ginintuang Yugto ng Pelikulang Pilipino

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinasabing isa sa unang industriyang bumangon ang pelikulang Pilipino na nagbigay-daan sa “unang ginintuang yugto ng pelikulang Pilipino.” Ito ang panahon kung kailan namayagpag ang Big Three na studio sa larangan ng paggawa ng pelikulang Pilipino: Sampaguita Pictures, LVN Pictures, at Premiere Productions. Habang nakilala ang Sampaguita sa mga pelikulang batay sa komiks at melodrama, nakilala naman ang LVN sa pelikulang katatawanan at kostyum. Sa pelikulang bakbakan naman napatanyag ang Premiere (Santillan, 1998). Sa ganitong konteksto ng pelikulang Pilipino, binigyang-buhay ni Gerardo de Leon ang isa sa mga karakter ng nobela ni Rizal. Nilikha niya ang Sisa (De Leon, 1951) sa ilalim ng Premiere Productions na kinatampukan ni Anita Linda para sa pangunahing tauhan. Tatak De Leon o “Manong,” na kinilala bilang “Maestro ng Pandaigdigang Pelikula” (Sotto, 1998), malinaw ang karakterisasyon at naturalistiko ang pagganap sa pangkasaysayang pelikulang ito. Mahusay rin ang pagkakahanay ng disenyo at materyal at dramatiko ang paglalaro ng liwanag at dilim. Ngunit higit pa sa mga ito, natatangi ang pangkasaysayang pelikulang ito dahilan sa paglagpas nito sa kumbensyon at makinis na salaysay ng dinadambanang nobela ni Rizal. Sapagkat gahol sa salaysay kay Sisa ang nobela ni Rizal, nagkaroon ng kaunting kalayaan si De Leon na nakapaghabi ng mga salaysay na nagpatampok sa mga hulagway ng trahedya ng isang babae, asawa, at ina na humantong sa kabaliwan –– hindi nalalayo sa trahedya ng bayan noong panahon ni Rizal. Kasagsagan ng mga pagtatalong klerikal at nasyonalistiko kaugnay kay Rizal, binigyang-direksyon naman ni Ramon Estrella ang panulat ni Magtanggol Asa na lumikha ng tatlong oras na pangkasaysayang pelikula na nagsalaysay sa buhay at kontribusyon ng pambansang bayani. Pinamagatang Ang Buhay at Pag-ibig ni Dr. Jose Rizal (Estrella, 1956), kinatampukan ito ni Eddie del Mar bilang Rizal at prinodyus ng Balatbat and Bagumbayan Pictures (Dormiendo, 1999; Flores, 1998; Santillan, 1998). Bagamat isa sa mga pangunahing direktor si Estrella noon, hindi naging mabisa ang pangkasaysayang pelikulang ito na natali sa kinamihasnang kaalamang pinalamutian lamang ng mga datihan nang salaysay tungkol sa mga pag-ibig ni Rizal.

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

7

Sa sentenaryo ng kapanganakan ni Rizal, nagpatuloy ang pelikulang Rizaliana sa bisa at husay ni De Leon. Magkasunod na nilikha ang Noli Me Tangere (De Leon, 1961) at El Filibusterismo (De Leon, 1962) na prinodyus ng Bayanihan/Arriva Pictures (Flores, 1998). Mahusay ang naging pagtatagpo ng dinamikong estilong biswal ni De Leon at obra maestrang nobela ni Rizal (Dormiendo, 1999). Katapatan sa panahon, pook, at tauhan ng nobela ni Rizal ang naging panuntunan ni De Leon na nagpakitang-gilas sa epektong pamproduksyon. Patunay sa pagkilala sa bisa at husay ng mga pangkasaysayang pelikulang ito, nakuha ng Noli mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) ang mga sumusunod na gawad: Pinakamahusay na Pelikula; Pinakamahusay na Direktor (Gerardo de Leon); Pinakamahusay na Lalaking Artista sa Suportang Pagganap (Oscar Keesee bilang Padre Damaso); at Pinakamahusay na Babaeng Artista sa Suportang Pagganap (Lina Cariño bilang Sisa). Nakuha naman ng El Fili mula sa FAMAS ang mga sumusunod na parangal: Pinakamahusay na Pelikula; Pinakamahusay na Direktor (Gerardo de Leon); Pinakamahusay na Salaysay (Jose Rizal); Pinakamahusay na Dulang Pampelikula (Adrian Cristobal, Jose Flores Sibal, at Gerardo de Leon); Pinakamahusay na Sinematograpiya (Mike Accion); Pinakamahusay na Tunog (Luis Reyes); at Pinakamahusay na Musika (Tito Arevalo) (Santillan, 1998). Sandigan ang pagpapakitang-gilas sa epektong produksyon, matagal na mananatiling pamantayan ng klasikong pelikulang Rizaliana ang mga pangkasaysayang pelikula ni De Leon. Pag-unlad ng Pelikulang Rizaliana sa Harap ng Sentenaryo ng Pelikulang Pilipino Natagalan bago nasundan ang mga pelikula ni De Leon ng mga ambisyoso at grandiosong pelikulang Rizaliana. Sa harap ng pagdiriwang ng sentenaryo ng Katipunan (1992), Himagsikang Pilipino at Pagkamartir ni Rizal (1996), Pelikulang Pilipino (1997), at Independensya ng Pilipinas (1998), nilikha ang pinakamaraming ani ng pelikulang Rizaliana. Sa direksyon at panulat ng batikang alagad ng sining na si Eddie Romero, pinondohan ng Cultural Center of the Philippines ang 13 bahaging pelikulang pantelebisyon na Noli Me Tangere (Romero, 1992) na lingguhang ipinalabas sa ABC Channel 5 (Dormiendo, 1999). Pagtatangkang matapat na isapelikula ang nobela ni Rizal, naging maingat ang pangkasaysayang pelikulang ito sa paglalarawan ng panahon, pook, at tauhan ng nobela na maihahalintulad sa mga

8

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda

pangkasaysayang pelikula ni De Leon. Pinanatili ang pinapalagay na mensahe at wika ng nobela sa kabila ng intensyong gawing popular ito sa mga manonood na kabataang estudyante at sambayanang Pilipino na maaaring tingnan ng ilan bilang kontradiksyon. Sinundan ang pangkasaysayang pelikula ni Romero ng itinuturing na pinakasinaliksik na pelikulang Rizaliana, ang Jose Rizal – Ang Buhay ng Isang Bayani (Nolasco, 1996). Binigyang-direksyon ni Butch Nolasco mula sa panulat ni Bernand Capino ang pangkasaysayang pelikulang ito na ginastusan ng P2.6 na milyon at prinudyos ng Ateneo de Manila University-Bookmark sa paggabay ng historyador na si Noelle Felice Rodriguez. Itinala ng pangkasaysayang pelikulang ito ang buhay at panahon ni Rizal mula sa kanyang kapanganakan sa Calamba, Laguna hanggang sa kanyang kamatayan sa Bagumbayan, Manila. Gumamit ang pangkasaysayang pelikulang ito ng iba’t ibang teknikang pangdokumentasyon gaya ng pagsasalaysay at rekreaksyon upang tangkaing sapulin ang pinakamahahalagang bahagi ng buhay at panahon ni Rizal. Makinis ang pagkakahabi ng pagkukuwento sa karaniwang wika sa bisa ng tagapagsalaysay (Joonee Gamboa); pagganap para sa mga pangunahing tauhan (Pen Medina bilang Jose Rizal, Connie Lauigan Chua bilang Teodora Alonzo, Ernie Cloma bilang Francisco Mercado, at Wylie Casero bilang Paciano Rizal); at pagtatampok sa mga orihinal na aklat, gunita, at liham mula sa iba’t ibang aklatan at sinupan (Dormiendo, 1999). Produkto ng ganitong pagtatangka ang mga hulagway ng “mas totoong tao” na Rizal bilang anak, kapatid, kabataang estudyante, kaibigan, mangingibig, alagad ng sining, manunulat, at bayani. Sa kabila ng mga ito, kapansin-pansin din ang pag-iwas ng pangkasaysayang pelikulang ito sa mga kontradiksyon at kontrobersyang bumabalot sa mga hulagway ng buhay at kontribusyon ni Rizal lalo na kaugnay ng Himagsikan at usapin ng Retraksyon. Sumasayapak sa pagtatangkang maitampok ang “mas totoong tao” na Rizal, prinodyus naman ng Mov-Pix International Pictures ang Rizal sa Dapitan (Aguiluz, 1997). Sa bajet na P5 milyon, binigyangdireksyon ni Tikoy Aguiluz ang pangkasaysayang pelikulang ito na nagsalaysay sa pagkakaeksilo at pananagumpay ni Rizal sa Dapitan sa Hilagang Mindanao sa loob ng apat na taon. Inilarawan ang iba’t ibang aspeto ng pagkatao ni Rizal na mahusay na ginampanan ni Albert Martinez. Ipinakita ang Rizal na guro at siyentipiko lalo na sa harap ng mga kabataang estudyante; Rizal na malapit sa pamilya lalo na sa ina at mga kapatid na babae; at Rizal na nagmahal kay Josephine Bracken na ginampanan naman ni Amanda Page (Dormiendo, 1999). Bagamat kapansin-pansin ang kawalan ng bajet at lohistika lalo na sa disenyong

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

9

pamproduksyon at sinematograpiya, kapuri-puring inusisa ng pangkasaysayang pelikulang ito ang kontrobersyal na relasyon ni Rizal kay Bracken na may implikasyon hindi lamang sa mga hulagway ni Rizal kaugnay ng kababaihan kundi pati sa usapin ng paninindigan sa harap ng usapin ng Retraksyon. Likha ng isa sa pangunahin at tagapangunang babaeng direktor sa Pilipinas at prinodyus ng higanteng kompanyang pantelebisyon na pinasok na rin ang pelikula, maituturing ang Jose Rizal (Diaz-Abaya, 1998) bilang pinakaambisyoso at grandiosong pelikulang Rizaliana ng kontemporanyong panahon. Ginastusan ng humigit-kumulang P80 milyon ng GMA Films na may karagdagang pondo mula sa National Centennial Commission, ang pangkasaysayang pelikulang ito na binigyang-direksyon ni Marilou Diaz-Abaya at sinulat nina Ricky Lee, Jun Lana, at Peter Ong ang itinuturing na pinakamagastos na pelikulang Pilipino sa kanyang panahon (Dormiendo, 1999). Pinakakontrobersyal din ito na naghati sa mga kritiko at tagatangkilik. Habang kinilala ito ng STAR Awards ng Philippine Movie Press Club (PMPC), Gawad URIAN ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, at FAMAS, pinuna naman ng mga kinikilalang historyador at kritikong pampelikula ang Jose Rizal. Kinilala ang kahusayang teknikal nito lalo na sa larangan ng disenyong pamproduksyon at sinematograpiya. May humanga rin sa pagtatangka nina Diaz-Abaya na hamunin ang nosyon ng bayaning sigurado sa sarili na sinasabing nagresulta sa “mas totoong tao” na Rizal. Marahil ito ang tinukoy ni Diaz-Abaya na pag-unawa kay Rizal hindi sa antas pulitikal kundi sa antas sikolohikal (Ongkeko, 1999). Samantala, pinuna naman ito sa mga faktwal na interpretasyon at pagkakamali at trivialisasyon hindi lang sa mga ideya at kontekstong pulitikal ni Rizal lalo na sa Himagsikan kundi pati na sa pagtrato kay Bonifacio (Dormiendo, 1999). Ngunit higit pa rito, pinuna ang pagiging kasangkapan nito para bigyang-puwang ang ilang tinig habang pinipigil at pinatatahimik naman ang ibang tinig (Del Mundo, 1999) at pagiging tagapagpatibay nito ng imahinasyon sa pagbubuo ng bansa ng pulitikang ilustrado na nagiisang-tabi sa taumbayan (Flores, 1999). Kung tutuusin, bagamat hindi matatawaran ang mga pagtatangka ng mga pangkasaysayang pelikulang Noli Me Tangere (Romero, 1992) at Jose Rizal – Ang Buhay ng Isang Bayani (Nolasco, 1996) sa maingat na paglalarawan ng panahon, pook, at tauhan sa akda at buhay ni Rizal; at ang mga pagtatangka ng mga pangkasaysayang pelikulang Jose Rizal – Ang Buhay ng Isang Bayani (Nolasco, 1996), Rizal sa Dapitan (Aguiluz, 1997), at Jose Rizal (Diaz-Abaya, 1998) sa pagtatampok sa “mas totoong tao” na Rizal; masasabing pangunahing

10

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda

kahinaan ng mga ito ang hindi pagpapalitaw ng mga kontradiksyon at patuloy na pagpapatalo sa kumbensyon ng kasaysayan at pelikula. Sa diwa ng tunguhing makabago at makapagpabagong talastasang nagpapalawak at nagpapalalim ng saklaw kapwa ng kasaysayan at pelikula, lumalamang ang mga pangkasaysayang pelikulang Sisa (O’Hara, 1999) at Bayaning Third World (De Leon, 1999). Isang malinaw na kakaibang pelikulang Rizaliana, prinodyus ng Regal Entertainment-Good Harvest Films sa bajet na P3 milyon ang “pito-pitong pelikula” na Sisa sa direksyon at panulat ni Mario O’Hara na kinatampukan nina Aya Medel bilang Sisa at Gardo Versoza bilang Rizal. Inilarawan si Sisa hindi lamang bilang piksyonal na tauhan sa nobela ni Rizal kundi bilang mangingibig at asawa ng bayani, ina ng anak nilang si Basilio, at kaisang-kaluluwa (Dormiendo, 1999). Sa harap ng mga pagtatangkang gawing “mas totoong tao” si Rizal, hinihigitan pa ito ng pangkasaysayang pelikulang ito sa pamamagitan ng pagtatangkang gawing “mas totoong tao” hindi lamang si Rizal kundi ang tauhan ng kanyang nobelang si Sisa. Walang takot ang imahinasyon ng pangkasaysayang pelikulang ito na hamunin ang hangganan ng kinasanayang rasyonalidad (Flores, 2002), kalabanin ang ginagawang pagsasalamangka ng mga makapangyarihan sa kasaysayan (Guieb, 2002), at likhain ang panibagong piksyon (Datuin, 2002). Inuugat ang imahinasyong ito sa katutubong kulturang umaalingawngaw sa mga awitin ng dulang moro-moro na mapapansin sa pangkasaysayang pelikulang ito. Pinalalim ang kontekstong panlipunan ng dementia ni Sisa bilang hinubog ng kolonyal na opresyon na magagamot lamang ng panlipunang pagbabago kung kaya’t iniiwasan ang tendensyang tingnan ito bilang disorder na neurolohikal at saykayatrikal (Flores, 2002) at pailalim na isinusulong ang pagkilos para sa panlipunang pagbabago. Bagamat mukhang biktima, hindi nagpagapi si Sisa na siya pa ngang dumalaw kay Rizal –– sa panaginip –– sa piitan ilang oras bago ito bitayin. Si Sisa mismo ang gumising kay Rizal, nagpaalala sa kanya ng kanyang tungkulin bilang mitsa ng pagkamulat at patuloy na paghihimagsik ng taumbayan (Datuin, 2002). Malinaw rito ang pagpapalitaw ng mga kontradiksyon at pakikipagtalo sa kumbensyon ng kasaysayan at pelikula. Maituturing na kaliga ng Sisa ang Bayaning Third World sa direksyon ni Mike De Leon at panulat ni Clodualdo del Mundo na prinodyus ng Cinema Artists Philippines. Hindi sapat na pagsalasalabatin ang buhay ni Rizal at tauhan ng kanyang akdang si

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

11

Crisostomo Ibarra na kapwa ginampanan ni Joel Torre kundi pinasalimuot pa ng pagsalasalabat ng pagtatalo sa pananaliksik sa paggawa ng pelikulang Rizaliana ng direktor na ginampanan ni Ricky Davao at manunulat na ginampanan ni Cris Villanueva. Paksa ng pangkasaysayang pelikulang ito ang paghahanap ng direktor at manunulat sa “totoong Rizal.” Napagpasyahan ng direktor at manunulat na manaliksik sa tatlong isyung pinaniniwalaan nilang salalayan ng kabayanihan ni Rizal: pagtingin sa Himagsikan, relasyon kay Josephine Bracken, at usapin ng Retraksyon. Kinapanayam ng direktor at manunulat ang anim na tauhang sina Teodora Alonzo na ginampanan ni Daria Ramirez, Paciano Rizal na ginampanan ni Joonee Gamboa, Josephine Bracken na ginampanan ni Lara Fabregas, Narcisa Rizal na ginampanan ni Cherry Pie Picache, Trining Rizal na ginampanan ni Rio Locsin, at Padre Balaguer na ginampanan ni Ed Rocha. Nalito sa magkakasalungat na testimonya, nagpasya ang direktor at manunulat na harapin mismo si Rizal sa kanyang piitan. Sa huli, kaharap ang monumento ni Rizal sa Luneta, napagtanto ng direktor at manunulat na hindi makakagawa ng pelikulang Rizaliana kasi hindi nagbibigay ng konsistent na mga hulagway kahit na ang mga dokumento tungkol kay Rizal. Sinasabing hindi tulad ng mga komersyal na pelikulang Pilipino, wala pang pelikulang tulad ng Bayaning Third World. Hindi katulad ng karaniwang palabas na nais lamang umantig ng damdamin, pinupukaw ng pangkasaysayang pelikulang ito ang kaisipan ng tagatangkilik sa pamamagitan ng pagkwestyon sa kabayanihan ng puno ng kontradiksyong si Rizal at tahasang pagsalungat sa kinagisnang kumbensyon ng anyo, nilalaman, at wika ng kasaysayan at komersyal na pelikulang Pilipino (Del Mundo, 1999a; Tiongson, 2000-2001). Konklusyon Sa pagbaybay natin sa kasaysayan ng mga pelikulang Rizaliana, humantong tayo sa dalawang pangkasaysayang pelikula na hinahamon hindi ang pagiging “makatotohanan” ng kinasanayang opisyal na kasaysayan kundi ang pagiging “makabuluhan” ng makabago at makapagpabagong kasaysayan na patuloy na binubuo at hinuhubog ayon sa kanya-kanyang pangangailangan. Nawa’y patuloy itong katawanin sa mga susunod pang pelikulang Rizaliana. Higit sa lahat, kanya-kanyang Rizal, hindi para sa indibidwalistikong interes at kapritso kundi bilang hamon sa mga tagatangkilik na lumikha ng makabago at makapagpabagong talastasan

12

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda

kapwa sa kasaysayan at pelikula na kinakalaban ang mga kontradiksyon at kumbensyon tungo sa kolektibong transpormasyon. Sanggunian Aklat at Artikulo Datuin, Flaudette May (2002). Katawan, Tahanan, Kasaysayan: Mga Ideolohiya at Tema sa mga Pelikula ng Dekada Nobenta. Nasa Patrick Flores (patnugot), Sampúng Taóng Sine; Philippine Cinema 1900-1999. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 53-56. Del Mundo, Clodualdo (1998). Native Resistance: Philippine Cinema and Colonialism 1898-1941. Quezon City: De La Salle University Press, Inc. Del Mundo, Clodualdo (1999a, Setyembre). Conversations with Mike de Leon. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 1 (1), 62-64. Del Mundo, Clodualdo (1999b, Setyembre). Nasaan ang Saysay sa Kasaysayan? (O Paano Ba Dapat Isapelikula ang Kasaysayan?). Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 1 (1), 6-9. Dormiendo, Justino (1999, Setyembre). Desperately Seeking Rizal. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 1 (1), 19-22. Flores, Patrick (1998). Ang Pinilakang Himagsikan. Nasa Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo (mga patnugot), Wika, Panitikan, Sining, at Himagsikan. Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 183-196. Flores, Patrick (1999, Setyembre). Plotting the People Out. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 1 (1), 10-13. Flores, Patrick (2002). Limits. Nasa Patrick Flores (patnugot), Sampúng Taóng Sine; Philippine Cinema 1900-1999. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 47-49. Guieb, Eli III (2002). Sa Loob at Labas ng Bayang Sawi: Mga Salamangka mula sa Itaas, Mga Pagtutuwid mula sa Laylayan. Nasa Patrick Flores (patnugot), Sampúng Taóng Sine; Philippine Cinema

Samu’t Saring Pagbasa kay Dr. Jose Rizal

13

1900-1999. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 50-52. Navarro, Atoy (2004, Mayo). Kasaysayan at Pelikula: Panonood-Pelikula sa Pagtuturo ng Kasaysayang Bayan. Balitang ADHIKA 6 (1), 56. Bahagyang nirebisa at muling inilathala sa Atoy Navarro, Alvin Campomanes, at John Lee Candelaria (mga patnugot), Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan. Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 2008, 133-138. Ongkeko, Ellen (1999, Setyembre). Interview: Direk Marilou DiazAbaya. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 1 (1), 44-54. Santillan, Neil Martial (1998). Ang Himagsikang Pilipino sa Pinilakang Tabing (1912-1970): Isang Panimulang Pag-aaral. Nasa Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo (mga patnugot), Wika, Panitikan, Sining, at Himagsikan. Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 155-182. Sotto, Agustin (1998, Hunyo 17-23). The Life and Art of Gerardo de Leon. Nasa Clodualdo del Mundo (patnugot), Kasaysayan at Pelikula; 100 Years of Cinema in the Philippines. Manila: National Centennial Commission (NCC), Presidential Management Staff (PMS) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), 10-15. Sotto, Agustin (2000, Marso-Agosto). The American Pioneers of the Philippine Cinema. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 2 (1), 5-9. Tiongson, Nicanor (2000-2001, Setyembre-Pebrero). Bayaning Third World: Against the Popular Grain. Pelikula; A Journal of Philippine Cinema 2 (2), 65-67. Pelikula Aguiluz, Tikoy (1997). Pictures. Rizal sa Dapitan. Mov-Pix International

De Leon, Gerardo (1951). Sisa. Premiere Productions. De Leon, Gerardo (1961). Noli Me Tangere. Bayanihan/Arriva Pictures.

14

Ang Bayani Bilang Buhay na Akda
El Filibusterismo. Bayanihan/Arriva Cinema Artists

De Leon, Gerardo (1962). Pictures. De Leon, Mike (1999). Philippines.

Bayaning Third World.

Diaz-Abaya, Marilou (1998). Jose Rizal. GMA Films. Estrella, Ramon (1956). Buhay at Pag-ibig ni Dr. Jose Rizal. Balabat and Bagumbayan Pictures. Gross, Edward (1912). La Vida de Jose Rizal [Ang Buhay ni Jose Rizal]. Rizalina Photoplay Company. Gross, Edward (1915). Noli Me Tangere. Rizalina Photoplay Company. Gross, Edward (1916). El Filibusterismo. Rizalina Photoplay Company. Nepomuceno, Jose (1930). Noli Me Tangere. Malayan Movies. Nolasco, Butch (1996). Jose Rizal – Ang Buhay ng Isang Bayani. Ateneo de Manila University-Bookmark. O’Hara, Mario (1999). Sisa. Regal Entertainment-Good Harvest Films. Romero, Eddie (1992). Philippines. Noli Me Tangere. Cultural Center of the

Yearsley, Albert (1912). El Fusilamiento de Dr. Jose Rizal [Ang Pagbaril kay Dr. Jose Rizal]. Gran Compania de la Zarzuela Tagala at Motion Pictures Company.

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->