Professional Documents
Culture Documents
Sa Nayon
Kung ang hanap mo ay ligaya sa buhay
Sa libis ng nayon doon manirahan
- Awit Tagalog
KUNG ang buhay ng baranggay ay mangisda, ang buhay ng nayon ay magsaka. Sa libu-
libong taon bago dumating ang mga Espanyol, natutong magtabi-tabi ang mga
baranggay at maging mga nayon dahil kailangan ang maraming tao sa pagtanim,
pagpatubig at pag-ani ng palay. Habang dumarami ang tao, natuto ring magpalawak ng
mga bukid at ng mga patubig [irrigation]. Sa paglawak ng mga bukirin at pagdanak
ng mga tao, nagkaroon ng mga bagong gawi, napalago ang ugnayan ng mga tao-tao
upang magkaisa sa pamamahala ng patubig, pag-aari ng lupa at pamumuhay sa loob at
labas ng nayon.
Sa daig karamihang bahagi ng kapuluan, nabalot ang buhay ng mga tao sa pagsasaka.
Dalawang ulit sa bawat taon, nagkakasama-sama ang mga taga-nayon, babae, lalaki,
matanda, bata, maharlika at alipin, timawa at catalonan. Una, sa ginaw ng hangin
ng hilaga, bandang Enero, itinatanim ng mga babae at ng mga paslit ang palay,
inihahanda ng mga lalaki ang mga bukid, inaayos ang mga sirang pilapil at landas-
tubig, at nilulunod ang lupa. Pag-usbong ng binhi, nagsasaka paulit-ulit ang mga
lalaki, naghahatid ng pananghalian ang mga babae at mga paslit, hanggang malibing
at maagnas ang mga damo, hanggang malusaw at maging putik ang mga bukid.
Itinutumpok sa iba't ibang bahagi ng bukirin ang binhi, darating ang mga babae,
pati mga dalagita, dadakot-dakutin ang binhi at yuyuko maghapon, araw-araw,
hanggang matamnan ang buong putikan habang nakapaligid ang mga lalaki, pati mga
binatilyo, nakangisi, magilas, tumutugtog, umaawit, nagsasayaw, tumutula, nang-
aaliw at nanliligaw.
Pagkaraan ng 3 buwan, nagkakasama uli, umaawit at nagkakasiyahan, nagliligawan
uli, habang inaani ang palay. Nagdiriwang pagka-imbak, nagkakatay ng baboy at
manok ang mga maharlika, tuloy-tuloy ang awit at sayawan, tulaan, pagluluto at, sa
lumang kasabihan, "namamantikaan na naman ang hasang-hasang" na kainan ng lahat sa
nayon. Ang pagdiriwang, pagdating ng mga Espanyol, ay pinangalanang fiesta ng
krus, fiesta ng bayan, flores de Mayo atbp, ngunit libo-libung taon nang gawi ng
mga taga-nayon. Nauulit ang pagsasama-sama pagkaraan ng tag-ulan, itatanim ang
pang-2 palay sa taon, na inaani sa simoy ng papalamig na hanging amihan, at
nagdiriwang muli ang mga nayon, pagdiriwang na ginawa ng mga Espanyol na 5 linggo
ng Pasko, habang hinihintay muli ang pag-init ng hanging hilaga, nang sisimulan
ang isa na naman sa mahigit 4,000 taon ng pagsasaka. Mabigat ang gawain, mahirap
at mapanganganib ang buhay sa nayon, ngunit magiliw na nagkakasama-sama ang lahat
sa paulit-ulit na ligawan at
kasiyahan, at sa haba ng panahon ng pagnanayon, natutong magkaisa ang marami sa
hirap at ginhawa.
Natuto ring makipagpatayan.
Dahil laging may imbak na palay sa nayon na maaaring nakawin ng sinumang dayuhan,
salat o minalas sa pagsasaka, nabagyo, nasunugan o na-peste, o nainggit lamang at
naging gahaman. Dahil hindi na maaaring tumakbo na lamang sa gubat at magtago sa
mga mandarambong, iwanan ang palay na ikabubuhay sa susunod na 6 na buwan. Dahil
ang mawalan ng palay ay mamatay, natutong sumagupa ang mga taga-baranggay.
Makipagpatayan. Nuong bagong salta ang mga Espanyol, inulat ni frayle Pedro
Chirino na bawat baranggay ay may kani-kaniyang sandatahan na laging handang
makipagsagupaan sapagkat laganap ang bakbakan, kahit na ng mga magkakalapit na
baranggay. Panay daw ang tambangan, dambungan, nakawan, dukutan ng tao at patayan.
Ang puno ng nayon ay tinawag na datu, lakan, rajah, gat o ka, batay sa kung ano
ang parangal ng mga kapantay o nakatataas, at kung kailan hiniram ang parangal
mula sa Indonesia at Malaysia. Karaniwang anak o kamag-anak ng nakaraang pinuno,
pinagkakamalan silang hari ngayon ngunit ang kanilang pumumuno ay hindi paghahari
at, gaya ng baranggay, ay batay sa pag-sang-ayon ng mga pinamumunuan. Ang pag-
sang-ayon, gaya uli sa baranggay, ay batay naman sa giting at dunong ng pinuno.
Aninag ito sa hayag ng mga Espanyol nang unang dumating nuong 1521, kilala at
iginalang si Rajah Humabon ng mga Sugbuanon at iba pang mga Visaya sa pali-
paligid, kahit na 800 lamang ang tauhan niya sa Cebu, kasama na ang mga babae at
mga musmos.
Gaya ng mga pinuno ng baranggay na inalalayan ng mga magiting, ang mga pinuno ng
nayon ay inalalayan ng mga pinuno ng mga kalapit na baranggay na tinaguriang
maharlika, hiram na taguri mula sa kaharian ng Sri Vishaya sa Indonesia, na
humiram naman mula sa India. Uli, pinagkamalan silang "nobility" ng mga Espanyol,
ngunit sila ay mga kakampi lamang [allies] sa sama-samang pagtanggol o pagdambong
sa ibang nayon o baranggay.
Hintay muna: Bakit mali ang akala ng Espanyol na hari si Rajah Humabon? Di ba
talagang hari siya? At hindi ba nobles ang mga maharlika?
Ang hari ay dapat may sapat na yaman at kapangyarihan, 800 lamang ang mga ka-
baranggay ni Humabon, pati na ang mga babae at mga musmos. Malamang 100 o higit
pang pamilya, malaki para sa isang baranggay at maituturing nang nayon ngunit
malayo sa pagiging kaharian. Ang kamalian maniwari ay batay sa akalang si Humabon
ang "rajah" ng buong pulo ng Cebu, ngunit siya na rin ang naghayag kay Magellan na
kapantay lamang siya ng mga datu sa paligid. Ang nakapaliit na pulo ng Mactan ay
may 2 datu. Ni hindi kayang gapiin ni Humabon ang munting baranggay ni Lapu-Lapu .
Hindi siya hari.
Tungkol naman sa nobility: Ito ang pamunuang sapin ng lipunan [ruling classes] na
binubuo ng hari [panginoon ng malawak na lupain] at ng mga sumumpa ng pananalig at
pagsisilbi sa kanya, at nagmula sa uri ng pamahalaang tinawag na feudalism na
umiral sa Europa nuong nakaraan. Napahabang paksa ito - sabihin na lamang na ang
paghiram ng taguring maharlika, gaya ng hiram sa taguring "rajah", ay hindi angkop
sa kalagayan sa Pilipinas nuon. Hindi hari ang datu kahit gamit niya ang pangalang
"rajah", at ang mga sandatahang alalay ng datu ay hindi matatawag na mga lakan
[nobles], at lalong hindi sila maharlika [royalty] kahit iyon ang itinawag nila sa
mga sarili. Ang mga kakampi ni Humabon, gaya ni Zula, ay ganuong na nga lamang -
mga kakampi [allies]. Pinuno rin ng kani-kanilang bara-baranggay, masasabing sila
ay oligarchs at ang kampihan nila ay sapian [alliance, federation], at ang uri ng
pamahalaan nila, kung nagkaroon sila ng pagkakataong makapagbuo, ay matatawag na
oligarchy, hindi
feudalism. [Marami sa Manila ang magsasabi na ito na nga ang pamahalaan ng
Pilipinas sa kasalukuyan.]
At lahat sila, ang mga pinuno, ang maharlika, ang mga alipin, ay nakasalalay sa
mga timawa, ang mga pangkaraniwang mamamayan na bumubuo ng "katawan" ng lipunan.
Ang huli at pinakamalaking sapin ng lipunan ng mga taga-nayon. Gaya rin sa
kasalukuyan, sa kanilang pakikipag-isa o pagtiwalag nabubuhay o nasasalanta ang
baranggay at nayon. Tuusin ang karanasan ni Magellan: Nilusob nila ang mga taga-
Ladrones, nagtakbuhan ang mga tao. Nang sunugin nila ang baranggay, nagalit ang
mga tao, nilusob sila ng 50 paraw na maaaring magsakay ng mga 30 sandatahan. Kaya
mahigit 1,000 tao ang lumusob, tumalilis sina Magellan kahit may kanyon sila sa 3
barko. Nang lumusob sila sa Mactan , sumagupa sa halip na tumakbo ang mga katutubo
dahil galit sa paggagahasa ng mga Espanyol. Talo si Magellan.
Ang "timawa" ay kaugnay sa tawag na "tao", "tawu", "kama" at "me-a" o "meya" sa
iba't ibang wika ng mga Tagapulong Timog [Austronesians]. Sa urian ng sapinan ng
lipunan [social classes or hierarchy] ng mga tagapulo nuong unang pasok ng mga
Espanyol, walang angkop na taguri sa mga timawa maliban sa hindi-sila-maharlika-
hindi-sila-alipin. Katunayan, may mga salaysay na ni hindi binanggit ang mga
timawa, tinagurian na lamang na "tao" [people]. Sa ibang salaysay, pinagkamalan
silang mga malaya [free men], ngunit batay rin ito sa karanasan sa Europa at,
bagaman at hindi alipin ang mga timawa, hindi angkop ang kahulugan ng free men
upang tagurian sila ng ganuon. Hindi rin angkop ang turing na middle class na
ginagamit ng ilan sa kasalukuyan, batay wari sa pag-iisip na - maharlika [upper
class] sa itaas, alipin [lower class] sa ilalim, timawa sa gitna, e di middle
class! Malinaw!
May kahulugan ang middle class na hindi angkop sa kalagayan ng mga timawa nuon at
ngayon. Sa ibang sabi, hindi angkop na tawaging timawa ang kasalukuyang middle
class.
Hintay muna: May mga timawa pa ba hanggang ngayon? Di ba tawag lang 'yon sa mga
matakaw at hindi marunong kumain nang mahusay? Hindi ba feudalism ang gawi sa
Pilipinas nuon? Ano ba ang middle class at hindi puwedeng gamitin?
May katuturan sa mga sumunod na pangyayari sa Pilipinas, ngunit pasikut-sikot ang
magiging paliwanag kaya pauna na ang mga madaling sabi:
Tatalakayin ang kahulugan ng middle class sa nararapat, sa mga panghuling yugto
tungkol sa kasalukuyang paghanapang-buhay [economy] ng Pilipinas.
Ang mga timawa ang tinatawag na ngayong "bakya crowd" o, kung ayaw makasakit,
ang mga "masa". At walang ugnay kung paano kumain. Tatalakayin din sa mga huling
yugto.
Feudalism: Ang anumang pamahalaan sa kapuluan nuon ay pang-baranggay o pang-
nayon [village chieftains] lamang, maliban sa kaharian ng Tausug at ng Maguindanao
sa Mindanao. Kung ihahambing sa pamahalaan sa ibang bayan, masasabing sapian ng
mga makapangyarihan [oligarchy] ngunit higit na angkop sabihing kampihan lamang
[alliance or league] ng mga baranggay at nayon.
Ngayon, ang mga nais umiwas sa mahabang urian ng nakaraang lipunan at paghanapang-
buhay [economy] sa Europa, pitikin itong Ang Ika-3 Kaharian upang lumaktaw sa
susunod na yugto. Salamat po.
Upang maunawaan ang dahilan ng pagkakamali ng mga Espanyol, sinadya man o hindi,
at upang maunawaan ang sinadya nilang gawin sa Pilipinas sa susunod na 300 taon,
kailangang talakayin ang piraso ng kasaysayan sa Europa nuong bago magpanahon ni
Felipe 2, ang kasaysayan ng feudalism [bigkas: fiYU-dalisim]. Ito ang katagang
binuo ng mga abogado ng hari, una sa England, nuong bandang 1500 upang ipangalan
sa mga iba-iba at hiwa-hiwalay na lipunan na nagsisimula nuong magtipon-tipon sa
mga bagong kaharian. Hinawi ito sa tawag sa baka ["vieh" sa Aleman, "vaca" sa
Espanyol, "beef" sa English] na sukat ng yaman nuon sa Alemanya o Germany. Tawag
na naging "fief" [bigkas: FIF], isang bagay na may halaga na nuong panahong iyong
pulos magsasaka ang tao sa Europa, ay karaniwang nangangahulugang bukid o sakahan.