You are on page 1of 3

WALANG PANGINOON Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw. "Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalangpaniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas. "Ngunit, Marcos" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae. Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy. Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita. "Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin. Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita.

Si Deogracias A. Rosario ay isinilang sa Tondo, Maynila noong Oktubre 17, 1894. Nagsimulang magsulat noong 1915 sa Ang Demokrasya. Taong 1917 naman ng magsimula siyang sumulat sa Taliba. Naging Pangulo siya ng Samahang Ilaw at Panitik, Kalipunan ng mga Kuwentista at Kalipunan ng mga Dalubhasa ng Akademya ng Wikang Tagalog. Siya ang kinilalang Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog. Ayon sa mga kritiko, siya ang nagbigay ng tiyak na anyo sa maikling katha bilang isang uri ng kathang pampanitikan. Nakita sa kanyang mga akda ang palatandaan ng paghihimagsik sa kinamulatang tradisyon ng maikling kuwento. Sa ginawang pagsusuri ni Dr. Genoveva Edroza Matute, guro at kwentista sa mga akda ni Deogracias A. Rosario ay ganito ang kanyang sinabi: "Kadalasang ginagamit niya (Deogracias A. Rosario) bilang pangunahing tauhan ang mga alagad ng sining, bohemyo at kabilang sa mataas na lipunan; maliban sa ilan, iniiwasan niyang gumamit ng mga tauhang galing sa masa; at paulit-ulit na lumilitaw sa kanyang mga akda ang mga tauhang galing sa ibang bansa, ngunit sa pagbabalik sa tinubuang lupa ay nagiging makawika at makabayan". Ang ilan sa kanyang mga akda ay Ako'y Mayroong Isang Ibon, Ang Dalagang Matanda, Manika ni Tadeo, Aloha, Bulaklak ng Bagong Panahon at iba pa. Ang pinaka-obra maestra ni Rosario ay ang Aloha na kasama sa katipunang 50 Kwentong Ginto ng 50 Batikang Kwentista. Binawian ng buhay si Deogracias A. Rosario sa gulang na 42 noong Nobyembre 26, 1936. Talambuhay ni Deogracias A. Rosario Ipinanganak noong 17 Oktubre 1894 sa Tondo, Maynila, si Deogracias A. Rosario ay ang Ama ng Maiikling Kwentong Tagalog sa bansa. Sumusulat din siya sa ilalim ng mga alyas na Rex, Delio, Dante A. Rossetti, Delfin A. Roxas, DAR, Angelus, Dario at Rosalino. Isa nang manunulat sa gulang na 13, una siyang nagsulat para sa Ang Mithi, isa sa tatlong naunang pahayagan sa bansa na nakatulong nang husto sa pag-unlad ng maikling kwentong Tagalog.

You might also like