You are on page 1of 19

ALAMAT NG LANSONES

Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti. Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan. Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna. "Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at Hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones. "Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob. Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang." Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit. Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon

ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan. Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak. Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan. "Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan. Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak." Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil. Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.

ALAMAT NG MACOPA
Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman. Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya. Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot. Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan. Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto. Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba? Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto. Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman. Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan. Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa. Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto. GaGanito pala sa labas. MaMamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. AAyoko na sa labas.Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito. Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

ALAMAT NG PINYA
Matamis at masarap ang nasabing prutas lalo na kapag katamtaman ang pagkahinog. Maraming nagsasabi na ito raw ay magaling na pantunaw lalo na kapag bagong kain tayo. Kung bakit maraming mga mata at kung bakit pinya ang tawag sa kanya ay malalaman nating sa ating alamat. Sa isang malayong pook ng lalawigan don nakatira ang mag-inang si Aling Osang at si Pina na kaisa-isang anak. Palibhasa bugtong na anak, hindi ito pinagagawa ng ina at sa halip siya ang nagtatrabaho ng lahat ng gawaing bahay. Ang katuwiran ng ina ay "maliit pa naman si Pina." Marahil ay paglumaki na ay gagawa rin siya. Kung kaya ang gawain ni Pina ay maglaro, maligo, magbihis at matulog. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil na rin kay Aling Osang. Nais na sana ng ina na turuan ang anak na gumawa, ngunit naging ugali na nito ang katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak, palibhasa'y ina kaya matiisin. Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang gumagawa. Hanggang isang araw si Aling Osang ay nagkasakit at halos na nakahiga na lamang. "Naku! ang nanay ko, bakit ka nagkasakit?" ang tanong ni Pina. "Ewan ko nga ba," ang wika ng ina, sabay utos na kung puwedeng ipaglugay nito ang nanay. Sinunod naman nito ang utos ng ina at sa ilang saglit ay inihain na ito ni Pina, ngunit mamait-mait sapagkat ito'y sunog. Ganun pa man ay natuwa na rin ang ina pagkat kahit papaano siya'y napagsilbihan ng anak. Tumagal ang sakit ni Aling Osang ngunit nagrereklamo na si Pina na pagod na raw ito sa paglilingkod sa ina. Isang umaga, si Pina'y nagluto at maghahain na lamang ito ngunit hindi makita ang sandok. "Saan kaya naroroon ang sandok?" ang sambit nito. "Hanapin mo, naririyan lamang yan," ang sagot ng ina. "Kanina pa nga ako hanap ng hanap eh ! Talagang wala!" ang muling sabi ng anak. "Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata ng makita mo ang hinahanap mo! ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga," ang sabi naman ng ina. "Marami naman kayong sinisermon pa" ang wika ng anak sabay panaog. Marahil ay hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog. Lumipas ang mga oras ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Nawala siya na parang bula na naglaho at walang nakakita sa kanya kahit kapitbahay. Ilang araw ang nakaraan sa tulong at awa ay gumaling na si Aling Osang. Hinanap ng ina ang anak ngunit talagang hindi na nakita. Isang araw, sa may bakuran ay mataman na nagwalis si Aling Osang. Laking gulat niya ng makita nito ang tumubong halaman sa malapit sa kanilang tarangkahan. Dinilig niya ito at inalagaan araw-araw. Di nagtagal at nagkaroon ng bunga. Napansin niya ito at tila maraming mata. tuloy naalala nito ang sinabi niya sa kanyang anak. At bigla na lang nawala ang kanyang maal na anak ng mga sandaling iyon.

ALAMAT NG SAMPAGUITA
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila. Noo'y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno. Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin. Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila'y tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita -- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang. Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila'y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak. "Sabihin ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang pagnanakaw." Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong datu," ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno."Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan. Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang

mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin. Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito'y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo'y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo. Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan. Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga'y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak. Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa kita!" ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi, maraming talulot at ang iwing bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon. Sa di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapospalad - Si Delfin at si Rosita. Samantala.... Ang kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging "Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

ALAMAT NG BAYABAS
Noong unang panahon, may isang sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat. Sobra sa lupit ang nabanggit na pinuno na tinatawag sa pangalang Sultan Barabas. Marami na siyang pinapatay. Hindi na rin mabilang ang pinakulong niya sa piitan. Laging nangangamba ang mga tao na sa maliit na pagkukulang ay napakalaking parusa ang ipataw sa kanila. Matanda man o bata ay takot na takot kapag nababanggit ang pangalang Sultan Barabas. Para sa nakararami ang Barabas ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan. Hindi lamang malupit si Sultan Barabas. May kayabangan din siya. Gusto niyang yumuyuko ang mga tao kapag ipinatatawag niya. Nais niyang isipin ng lahat na lagi siyang nakatataas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit laging nakasubsob sa ulo niya ang makinang na korona. Ang nabanggit na korona ay laging suot niya saan man siya magpunta. Kahit sa pagtulog ay mahigpit na yakap-yakap pa rin niya ang koronang lalong nagpapayabang sa katauhan niya. Nangunguna rin sa kasakiman si Sultan Barabas. Ang malawak na hardin niya na pinamumungahan ng ibat-ibang prutas ay hindi niya pinapapasukan kaninuman. Gugustuhin pa niyang mangabulok ang mga makopa, mangga, at chesa na bunga ng mga puno kaysa sa ipamigay sa sinumang maralitang kumakalam ang tiyan. Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan. Ayaw na ayaw ng Sultan na gabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman sa kanyang mga nasasakupan. Isang mangingisda noon ang minalas na hinatinggabi sa panghuhuli ng isda. Sapagkat walang awa sa kapw pinadakip ni Sultan Barabas ang mangingisda, at pagkatapos ay patiwarik na ilublob ito sa tubig, at ipinakulong pa ni Barabas ang pobre. Nakarating sa asawa ng mangingisda na isang magdadaing ang balitang pagpaparusa at pagpapakulong. Dali-dali itong nagpunta. Kahit alam niyang natutulog pa ang Sultan at pinuntahan niya at kinatok ang tirahan ng pinuno. Galit na galit na nagising ang Sultan. Itinanong ng mayabang na pinuno kung sino siya. Sinabi ng kumakatok na magdadaing na asawa siya ng mangingisda at naroon sya upang makiusap na pakawalan ang ikinulong. Nagkibitbalikat lang ang gahaman. Nang malaman ng Sultang ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa ay nakaisip ng paraan ang tuso. Lalo itong naggalit-galitan. Ipinatawag niya ang mga kawal at ipinakagat sa mga langgam ang kaawa-awang magdadaing bago ito ipinakulong sa piitan. Kahit nakakulong ay natutuwa ang mag-asawa sapagkat sila ay muling nagkita. Upang maging mga produktibong alipin ng Sultan, ang bawat isdang mahuhuli ng mangingisda ay pinalalagyan agad ng suka kaagad sa magdadaing. Bagamat maligaya ang mag-asawa na kahit mga alipin ay magkasama, sumasagi rin sa kanila ang kalungkutan kapag naaalala nila ang tanging anak na naiwan sa kanilang tahanan. Hindi alam ng mag-asawa na habang wala sila sa tirahan may mga ada namang nagbabantay sa kaisa-isa nilang mahal sa buhay na kahit totoy na totoy pa lang sa kamusmusan ay marunong na ring manindigan. Saan po ba naroon ang tatay at nanay ko? Nasa kaharian sila ni Sultan Barabas. Pinarusahan sila at ipinakulong sa mga kasalanang hindi nila dapat pagdusahan.

Tulungan po ninyo ako. Gusto ko po silang makawala sa kulungan. Nang nakita ng mga ada na lumuluha ang kaisa-isang anak ng mangingisda at magdadaing ay naawa sila. Nang gabi ring iyon ay inilawan nila ang daan ng inosenteng bata papunta sa kaharian. Ang mahimbing na pagtulog ng Sultan ay lubhang nagambala ng malakas na katok ng bata sa pintuan ng kaharian. Sino ka at sa ganitong oras ng gabi ay kumakatok ka sa palasyo ko? Gutum na gutom na ako. Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo. At bakit ka sa akin hihingi ng pagkain mo? nag-aalborotong tanong ng Sultan. Pinasisid mo sa dagat ang ama kong mangingisda. Ang ina ko naman ay pinagdadaing mo. Sila ang dahilan kaya marangyang-marangya ang iyong mesang kainan. Hindi ikaw ang nagpagod upang mangisda at magdaing. Mga magulang ko ang iyong inalipin. Sa anumang kanilang itinanim, sila ang may dapat anihin! Aba napakaliit mong bata ka, akala mo kung sino ka. Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat igalang? nangangalog ang babang sigaw ng gahaman. Napansin ng bata ang makinang na koronang naiwan ng Sultan sa higaan. Tinakbo niya ito at isinuot at nang-iinsultong nagwika ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng lider na mabuti sa tao. Masama ka ipinakulong mo ang ama at ina ko. Ngayon ako naman ang habulin mo at ipakulong mo, nang-iinis na nagtatakbo sa loob ng palasyo ang bata. Sa sobrang galit ng Sultan ay hinabol niya nang hinabol ang musmos. Hindi maabut-abutan ng sukab ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada. Nakarating ang habulan sa malawak na harding kinatatamnan ng maraming punungkahoy. Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan at ikinatumba nito. Noon din ay namatay ang Sultang walang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan. Sa lugar na kinatumbahan inilibing ang Sultan. Ang kamatayan ng ganid na dapat sana ay ipinagluksa ay ikinatuwa pa ng marami. Ang humaliling Sultan ay kakaiba sa namatay. Tinitimbang niyang mabuti ang bawat paratang sa sinumang nagkakasala. Hindi rin siya padalus-dalos sa pagpapataw ng parusa. Sinisikap niyang magbigay ng isang makatarungang pagpapasiya sa kaso ng sinumang nasasakupan niya mahirap man o mayaman. Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan. Sapagkat totoong makatarungan, pinalaya at tinulungan ng bagong Sultang makapamuhay nang matiwasay ang mangingisda at magdadaing. Binigyan niya ng karapatan ang inosenteng bata na malayang makapupunta sa hardin upang makapamitas ng prutas na kanyang piliin. Ipinagdiwang ng lahat ang panunungkulan ng makatarungan Sultan. Isang araw na naglilibot sa hardin ng palasyo ang bagong Sultan ay nakatawag ng pansin niya ang isang halamang tumubo sa pinaglibingan kay Barabas. Pinadiligan niya ito sa mga hardinero at ipinaalagaan arawaraw. Ilang taon din ang nakaraan at naging malaking puno ang halaman. Nagtataka ang Sultan nang mamunga ang puno sapagkat mukha itong ulo ng tao na may korona sa tuktok.

Si Barabas yan! sigaw ng mga tao. Nang tikman nila ang bunga ay nagulat sila. Pagkapait-pait! Kasimpait ng ugali ni Barabas! Ilang araw lang ang lumipas ay lumaki na ag mga bunga ng berdeng prutas, Nang kagatin ng mga bata ay napangiwi sila. Pagkaasim-asim! Kasing asim ng mukha ni Barabas! Hindi nagtagal, ang mga berdeng bunga ay dumilaw at naging hinog na. Napangiti ang lahat nang pitasin ang mga bunga at kagatin. Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas! Magmula noon, tinawag na Barabas ang berdeng prutas na may nakapatong na korona. Minsang nanungkit ng berdeng prutas ang ilang paslit na bata at tanungin ng mga nakatatanda kung ano ang tawag sa nabanggit na bunga ay sabay-sabay silang nagsisagot na, Barabas, Barabas, Bayabas! At diyan nagsimula ang alamat ng Bayabas.

SAKSI

Ikaw nga'y dapat kong mahalin nang labis at ukulang tangi ng aking pagibig, pagka t natunayang ikaw y isang langit na di dadalawin ng mga panganib.

Nananalig akong napakadalisay ng iyong pag-ibig sa ating suyuan, kaya't ang puso ko'y nagpapakatibay hanggang sa sumapit ang dakilang araw.

Pagaaralan ko, hanggang makakaya na ikaw'y malagak sa tuwa't ginhawa, pagiingatan kong huwag kang magdusa kung na sa sa akin ang iyong ligaya.

Kaya't aking irog: Ikaw'y pumanatag; at kung sakali mang tayo'y mabagabag ay huwag magtak sa Sangmaliwanag pagka t ang langit ma y nagaalapaap..!

TAO
Bakit ba ang taoy nagkakandarapang humabol sa takbo ng kanyang orasan? Maitatayo ba sa iisang iglap ang sariling Roma? Ang nag-uunahang mga matang haling sa ambrosyat katas ng Eden, ay Adang sa salay pasasa.

Anot nagpipilit: pusoy nag-aalpas gayong sa simula ng kanyang pagpitlag ay nakagapos na at nakukuralan ng batas ng Diyos, ng sangkalikasat ng lipunan niyang di kayang malabag?

Ano bang paglaya, at nagkukumagkag sumunod sa bills ng mga sandali? Saan ba hahantong ang hakbang at tik-tik kundi sa landasing mabako, maikli? Sukat na ang dulot ang pinaka-abang ay ang kamatayang tuwat nanginginig magsawa sa apdo ng malansang tanan? Oo nga, bakit ba nais makadaong sa kabilang buhay, gayong di pa tukoy ng sagwan ng tao kung saan naroon?
Ang tulang ito ay akda ni V. C. Suarez.

BUGTONG
May isang dalagang may buwan sa dibdib, may tala sa noo na kaakit-akit, nang aking makitay natutong humibik, nabinhi sa puso ang isang pag-ibig.

May isang binatang may luha sa mata, may tinik sa puso at tigib ng dusa, ang binatang ito nang iyong makita nakaramdam ka rin ng rnunting ba1isa

May isang babaing matigas aug puso, sa ano mang taghoy, hindi kumikibo, kapag nag-iisa, luhay tumutulo may lihim na awa sa namimintuho...

May isang lalaking matibay aug dibdib, sa bayo ng dusay marunong magtiis; ma-gabi, ma-araw walang iniisip kundi makarating sa pinto ng langit. Itoy isang bugtong na may-kagaanan, ngunit pusta tayo, di mo matuturan, ang dalihan ay di sa hindi mo alam kundi sa ugaling matimpiing tunay. Ngunit balang araw di mo matitiis na di ipagtapat ang laman ng dibdib, ang bugtong ko naman sabay isusulit na ang kahuluga'y tayo sa pag-ibig.
Bugtong ni Iigo Ed. Regalado

SA AKING MGA KABABATA


(Jose Rizal)

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig Sa kanyang salitang kaloob ng langit, Sanlang kalayaan nasa ring masapit Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan Sa bayan, sa nayo't mga kaharian, At ang isang tao'y katulad, kabagay Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita Mahigit sa hayop at malansang isda, Kaya ang marapat pagyamaning kusa Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin Sa Ingles, Kastila at salitang anghel, Sapagka't ang Poong maalam tumingin Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati'y huwad din sa iba Na may alfabeto at sariling letra, Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa Ang lunday sa lawa noong dakong una.

MAY MGA TUGTUGING HINDI KO MALIMOT


O may mga tugtog na nagsasalita, malungkot na boses ng nagdaralita; pasa-bahay ka na ay nagugunitat parang naririnig saanman magsadya.

Langitngit ng isang kaluluwang sawi, panaghoy ng pusong nasa pagkalungi; laging naririnig sa bawat sandali ang lungkot ng tugtog na mapawi'y hindi. Ikaw bagay daing ng nakaligtaan? Ikaw bagay hibik ng pinagtaksilan? Matutulog ako sa gabing kadimlan ay umuukilkil hanggang panagimpan. Oo, mayrong tugtog iyang mga byoling tila sumusugat sa ating panimdim; bawat isang taoy may lihim na daing, pinakakatawan sa byoling may lagim.

Sa lahat ng gabi sa aking pag-uwi, kung akoy hapo na na makitunggali, ang bawat tugtugiy kaluiwa ng sawi akoy dinadalaw sa bawat sandali.

May isang tugtuging hindi ko malimot, kinakanta-kanta sa sariling loob.; hiniram sa hangin ang lambing at lamyos, awit ng ligayang natapos sa lungkot.
Ang tulang ito ay akda ni Jose Corazon de Jesus

ANG DALAGANG PILIPINA


(J. Santos)

Ang dalagang Pilipina, parang tala sa umaga Kung tanawin ay nakaliligaya May ningning na tangi at dakilang ganda Maging sa ugali, maging kumilos mayumi, mahinhin, mabini ang lahat ng ayos Malinis ang puso maging sa pag-irog may tibay at tining ng loob

Bulaklak na tanging marilag, ang bango ay humahalimuyak Sa mundo'y dakilang panghiyas, pang-aliw sa pusong may hirap. Batis ng ligaya at galak, hantungan ng madlang pangarap. Iyan ang dalagang Pilipina, karapat-dapat sa isang tunay na pagsinta.

SA UGOY NG DUYAN
(Lucio San Pedro)

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw Nang munti pang bata sa piling ni Nanay Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw Nang munti pang bata sa piling ni Nanay Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal Awit ng pag-ibig ako'y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing Ang bantay ko'y tala Ang tanod ko'y bituin Sa piling ni Nanay Langit ang buhay Puso kong may dusa Sabik sa ugoy ng duyan mo Inay Sana narito ka Inay

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw Nang munti pang bata sa piling ni Nanay Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal Awit ng pag-ibig hang ako'y nasa duyan.

BAKYA MO, NENENG

(Levi Celerio)

Bakya mo, Neneng, luma at kupas na Ngunit may bakas pa ng luha mo, Sinta; Sa alaala'y muling nagbalik pa Ang dating kahapong tigib ng ligaya.

Ngunit, irog ko, bakit isang araw Hindi mo ginamit ang bakya kong inalay? Sa wari ko ba'y di mo kailangan Pagkat kinupasan ng ganda at kulay.

Ang aking pag-asa'y saglit na pumanaw Sa bakya mo, Neneng, na di pa nasilayan. Kung inaakalang 'yan ang munting bagay, Huwag itapon, aking hirang, Ang aliw ko kailan man.

SAMPAGUITA

Sampaguita mutyang halaman Bulaklak na ubod ng yaman Ikaw lang ang siyang hinirang Na sagisag nitong bayan. At ang kulay mong binusilak Ay diwa ng aming pangarap Ang iyong bango't halimuyak Sa tuwina ay aming nilalanghap. O bulaklak na nagbibigay ligaya Aking paraluman mutyang Sampaguita Larawang mistula ng mga dalaga Tanging ikaw lamng Ang hiraman ng kanilang ganda. Ang 'yong talulot na kay ganda Mga bubuyog nililigiran ka Kung sa dalagang sinisinta Araw gabi'y laging sinasamba.

BAYAN KO
(Jose Corazon de Jesus)

Ang bayan kong Pilipinas Lupain ng ginto't bulaklak Pag-ibig ang sa kanyang palad Nag-alay ng ganda't dilag. At sa kanyang yumi at ganda Dayuhan ay nahalina Bayan ko, binihag ka Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad Kulungin mo at umiiyak Bayan pa kayang sakdal dilag Ang di magnasang makaalpas! Pilipinas kong minumutya Pugad ng luha ko't dalita Aking adhika, Makita kang sakdal laya!

You might also like