P. 1
panitikan

panitikan

|Views: 485|Likes:
Published by Jessa Fosgate

More info:

Published by: Jessa Fosgate on Mar 10, 2012
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as ODT, PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

07/30/2013

pdf

text

original

Maikling Kwento:(amerikano) Walang Panginoon

Deogracias A. Rosario

Nang Makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan san g mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isinisiksik niya ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang taynga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahit saan siya magsiksik, kahit na saan siya magtungo, kahit anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang taynga, ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw. “Tapos na ba? Tapos…” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili kung wala na siyang nauulinigang ano mang taginting ng kamapana. “Tapos na. Tapos…” ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina sa paniwalang-paniwalang hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas. “Ngunit. Marcos…” ang baling uli ng matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya’y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na, Marcos, marami kang dapat ipagdasal. Una-una’y ang iyong ama, ikalawa’y ang kapatid panganay, ikatlo’y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita.” Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae. Si Marcos ay hindi kumibo. Samanatalang pinangangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galing sa pagkapiki’t kaya’t nanlalabo pa’t

walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manliliksiik at magaapoy. Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali’t sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita. “Dahil din sa kanila, lalung-lao na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw,” ang kanyang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinakagat niya ang kanyang hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin. Akala ng ina’y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng pusong ito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka’t hindi pa natagalang namamatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos ang lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupuyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig na libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana’y mabunutan siya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak. “Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara,” ang sabi ng ina. “Walang pagsalang masasayahan ka ronn.” “Si inang naman,” ang naibubulaslas na lamang ni Marcos. Iyan na lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ng pagkamatay ni Anita, palibhasa’y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito. “Kung nalalaman lamang ni inang ang lahat,” ang nasasabi niya uli sa

kanayang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita, “disi’y hindi ako itataboy sa kasayahan.” Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagana yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka’t mabuti ang lagay ng tanim nilang palay, nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating na taglay ang utos ng hukumang sila’y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan, at sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka. “Inang, matalom ba ang itak ko?” ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman. “Anak ko!” ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay kapit sa leeg ng anak. “Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?” Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag sa kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasayasayan ng kanilang lupang sinasaka. Ang sabi’y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at wlang sino mamn ang nakikialam sa ano mang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging ano man sa mga gulay na tanim nila sa bakuran. Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay may nagpasukat ng lupa na sinasabing kanila. Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at kaarapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon. Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga

kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa. Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya’y namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng amang nakipagtagpong minsan sa kanya sa loob ng halamanang, isang gabing maliwanag ang buwan. Saka ngayo’y paaalisin naman sila sa kanilang bahay at lupaing binubuwisan? Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa ilog. Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang pamabayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng mga nobela at iabgn akdang kinatututuha niya sa wikang Tagalolg, o kaya’y salin sa wikang ito. Lalo na nang magsimpan siya ng pag-inig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang balang araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang ‘Ang lahat ng tao, kahit hindi magkakulay, ay sadyang magkakapantay,” ay tinatanggap din niya ang palasak na kawikaang “Ang katapat ng langit ay pusalian.” Dahil diyan kaya

kahit bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita. At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi diya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinisundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang Makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita sa kumakamot na sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya’t pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagtikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang. “Marcos, matagal na rin naman kitang iniibig,” ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya’y mailigtas. Tatlumpung araw ang taning ng mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang mga ninuno ay binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. at sakang silang mag-ina ay tinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan? Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulaslas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niyaang kanyang mga kuko. Isang takipsilim nang marinig niya sa kampananaryo ng kanilang simbahan ang malungkot ng agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay. Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si

Marcos ng balita at nang tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawala. Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pangangaw ng lupa sa kanila. At saka noo’y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pagyayaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak. Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng maylupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya’y maari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapuwa’t nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaaalis sila roon, talagang madilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao. “Huminahon ka, anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo.” Hindi na niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak sa matalas. Pakakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinasakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampasan niya ng tanaw ang karagatang ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Ganoong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Ganoong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila’y magbungang

mabuti? Saka ngayo’y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay? Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig nang pagdilam ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina’y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila’y nagsasarili. “Tutungo tayo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak na paris niya.” Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda. “Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?” “Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak, “nalalaglag pa ang dahon sa kanyang kapanahunan.” Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man ay may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak. “Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?” Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos. Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal, na “Walang mang-aalipin kung walang napaaalipin.” Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong–– takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakdal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kanilang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa. “Kailangang maputol ang kalupitang ito!” ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos. “Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos , isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan. “Inihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito, tayo’y magiging malaya,” ang tila wala sa loob na tugon ng anak. Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupaing sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito’y umungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Hanggang di niya nakikitang halos apoy na ang lumalabas sa dalawang mata ng hayop ay hindi niya tinitigilan. Sa gayon ay matulin siyang magtatago upang umuwi sa bayan. Kung dumarating siya’y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila. “Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng

matanda. “Akala ko’y napahamak ka na.” Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa’t isa. Nalalaman din ng matandang babae na lagging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalala ang pag-alis-alis ni Marcos. Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila ay sinisimpang galit sapagka’t bigla na lamang sinibad ang mayamang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilampon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman sa kabilang sungay. Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang may kapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos ng ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala. Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop. Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minute na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala. Tumutugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya’y ang matapang niyang kalabaw.

“Malapad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.

Maikling Kwento: (hapon) Suyuan sa Tubigan
ni Macario Pineda Sumisilip pa lamang ang araw nang kami’y lumusong sa landas na patungo sa tubigan ni Ka Teryo. Nakasabay naming si Ka Teryo. Nakasabay naming si Ka Albina, na kasama ang dalaga niyang si Nati at ang kanyang pamangking si Pilang. Ang tatlo’y may sunong na mga matong ng kasangkapan at pagkain. “Ang Ka Teryo mo’y hindi makalulusong. Masidhi na naman ang kanyang rayuma,” wika ni Ka Albina sa akin. “Kung di nga lamang lubugin ang tubigan naming yaon ay naurong sana ang pasuyo naming ngayon. mahirap ang wala roon ang Ka Teryo mo.” “Maano naman ho iyon,” tugon ko. “Nariyan na naman si Ka Ipyong at si Fermin.” “Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?” tanong ni Ore. “Aanim pa kaming nagkakasabay ngayon.” “Wika ni Ipyong ay baka raw umabot sa dalawampu kayong lahat.” Nilingon ni Pakito ang dalawang dalaga. “Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. Kayraming pagkain marahil,” wika niya. Nagtawa si Nati. Tila nga naman nagpapahiwatig ng malaking gutom ang pananalitang yaon ni Pakito. Si Pilang ay walang imik at tila matamang pinagmamasdan ang landas na tinatalunton. Magaganda ang mga paa ni Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang kanyang banayad na paghakbang. Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang kalakian hanggang maagapay siya kay Nati. “Aling Nati,” wika niyang nakatawa, “ako na ho sana ang pagsunungin ninyo ng matong na iyan.”

Nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si Pastor. “Salamat ho,” tugon niya. “Diyan ho lamang sa araro at kalabaw ninyo ay napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng matong. Nais na ninyong matambak?” “Bakit hindi mo aluking sunungin ang matong ni Pilang?” wika ni Pakito. “Sa Nati ba lamang ang pinahahalagahan mo?” Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor ay halos pagulantang na tumanaw kay Pakito. At lumingon si Ka Albina sa amin–– alangang matawa, alangang magalit ang anyo ng kanyang mukha. Pinamulahan ng mukha ni Pilang ngunit kanit isang ngiti ay wala siyang isinalo sa aming katuwaan. Patuloy ang banayad niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi ang kanyang mga binti sa ibabaw ng putikang landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang nagpapatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin kong tila may malalim na iniisip ang binata ni Ka Inso. Nang kami’y dumating sa tubigang aararuhin ay malapit nang makatapos ng pagtitilad si Ka Ipyong at si fermin. Sa hindi kalayuan ay natanaw naming dumarating sina ka Punso, Ka Imong, Toning, Ilo at Asyong. Sa malayo ay may ilan nang dumarating na hindi naming mapagsiya. Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni Fermin. “Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin,” wika niya sa amin. “Mangyari’y isang buong tag-araw na hindi nilubayan iyan sa kariton,” wika ni Pastor. “Kung sa hininga ko’y hindi ko…” “Mangyari’y nagpagawa naman ng bahay si Fermin,” pagtatanggol ni Pakito. “Hayan nga naman, mayroon na silang bahay!” “Parang bakal naman ang kalabaw na iyan,” wika ni Ore. “At saka matakaw pa. Kupi kasi ang sungay kaya matigas.” “Siyanga,” ayon ni Yoyong. “Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan.” Pinagmasdan ko si Bonita ko. “Paano kaya ang matsora ko? Huwag di

mahirapan ay ayaw nang kumain. Ayaw magtakaw.” “Bayaan mo na,” wika ni Filo, “matakaw rin lamang ng darak.” Nalingunan ko si Pastor na nakaupo sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa pag-aayos ng mga kasangkapang gagamitin. “Huwag na, Pastor,” wika ng dalaga. “Piniritong kamote at kape lamang naman ang ihahain. Kaya na naming ni Nati iyan.” “Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?” tanong ni Pastor. Nang yumuko si Pilang upang hanguin ang iba pang mga kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang binata sa dibdib ng dalaga. Nilingon ko si Ore. Ang binata ay nakaupo at tila ang kanyang guyurang pinagdurugtong lamang ang kanyang nakikita. Mapulang-mapula ang mukha ni Ore. Nang dumating sina Ka Punso ay ang kalabaw ni Asyong na bagong bili an gaming pinagkulumutan. Walang malamang tugunin si Asyong sa aming mga pagtatanong. “Dalawa’t kalahati nga ba iyan, Asyong?” “Mabuti bas a tubigan?” “Tila maliksi! Mainam ang mga baraso.” “Tuyong-tuyo ang mukha.” “May ilalabas ang kalabaw na iyan.” “Hindi naman kubhang malaki, ano?” “Ano kaya, maiharap kaya natin iyan sa kalakian ni Ka Pedro?” “Saan mo nabili, Asyong?” “Sino ang kasama mong pumili?” “Si Punso yata ang kasama niya,” wika ni Ka Imong.” Nilingon naming sa Ka Punso na hindi nakikisalamuha sa aming pagkakagulo sa kalabaw si Asyong. “Hoy, tsip,” wika naming, “kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw ang maytuklas nito, ah.” Nagtawa si Ka Punso. “Paano pa. sa lagay ba’y asin ko na’y lako ko pa?” At nagtawanan kaming lahat. “Halina kayo,” tawag ni Ka Albina sa amin. “Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan.’

Gumawi ako sa dalawang dalagang nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga pinggan ng piniritong kamote. “Maari na ba akong maging serbidor diyan?” wika ko kay Nati. Bigla akong inabutan ni Nati ng isang tasang kape. “Kumain ka na lamang, lalaki ka. Tinawag ka rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor.” Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape at kusa niyang sunapupo ang mapuputing daliri ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng mainit. “Salamat,” wika pa ng saragateng si Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang ngunit hindi siya nagsalita gaputok man. Lumapit si Ore sa aking kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang kape na tinitimplahan ni Pilang ng asukal. Akala ko’y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore ay kay Nati lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at kamote kay Ore. Habang nagkakainan kami ay pasulyap-sulyap ako kina Nati, Pilang, Ore at Pastor. Makailang nagpalitan ng mga makahulugan titig sina Nati at Ore. Si Pastor ay laging kay Pilang nakasulyap. Ang dalaga naman ni Ka Ato ay laging nakatungo sa kanyang ginagawa. Ngunit nang minsang mahuli niyang sa kanya nakatitig si Pastor ay pinamulahan siyang gayon na lamang ng mga pisngi. At dagli niyang inayos ang kanyang saya upang matakpang mabuti ang kanyang binti. Pagkatapos ng kainan ay nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating si Pekto. Nagpapatakbo ng kalabaw ng nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka Gabino. At humihiyaw, “Kaunti na kong mahuli sa pista… kaunti na akong mahuli…” Kaysaya ni Pekto at kayliksi niya sa pag-aangat ng kanyang araro kung nilalampasan niya ang mga pilapil. Si Pekto ang may sabi sa akin ng kung mayroon daw suyuan sa tubugan ay tila may pista ang mga magsasaka. Makisig dangan kasi ang kalakian ni Pekto. Naunang nagpalakad si Ka Punso. At kami’y nagsunud-sunod.

Ikalabinlima ako sa hanay. Ang sinusundan ko’y si Ka Imong. “Huwag muna kayong bubugaw. Bayaan muna nating mag-init-init ang aitng mga kalabaw,” wika ni Ka Imong. Nilingon ko sina Ore at Pastor. Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin. Ang dalawa’y tila nagkakahiyaang hindi ko mawari. Nang tawagin ko ang dalawang dalaga ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang ayos n gaming mga kalabaw. Nakalimang likaw muna kami baggo bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng putik si Pilo ay bumugaw na rin ito. At nang maramdaman ni Asyong at ni Ka Punso ang kulusan sa kanilang likuran ay lumingon ang dalawa. Nakatawa si Ka Punso. Ang kanyang kalabaw ay tila nakikimatyag. Sanay na sanay sa mga katuwaan ng suyuan ang kalabaw na iyon. Si Uwing, sa pagdating ay nagtilad na sa ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. “Aryan a kayo… arya na…” hiyaw niya. Tila ko nakikiita kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping usos si Uwing. Para kong nakikitang ang dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa kanyang pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang mga ngiping pantay-pantay ni Pilang, mapuputi at nagkikislapang anaki’y nakar. Nilingon ko sina Ore at Pastor. Tila nagkakahiyaan pa rin ang dalawa. Binanat ni Ka Punso ang kanyang pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian. Sinutsutan ni Asyong ang kanyang bagong bili. Nagpitikan kami ng aming mg kalabaw. Nagbugawan kami. Nag-umalon ang mga kalamnan ng mga hita ng aming mga katulong. Sumasagitsit ang sudsod kung bungkalin ang malagkit na putik. Halos kumalabog ang lupa kungibaligtad ang lipya. At nagtayo ang mga ulo n gaming mga kalabaw. Tila nahahalata ng aming mga katulong na hindi nila dapat isubo sa kahihiyan ang kanilang mga panginoon. At sa gayon ay medaling natapos ang malaking pitak na nilusungan naming. Gayon man ay mataas-taas na rin ang araw nang kami’y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

“Halina muna kayo,” hiyaw ni Ka Albina. “Magminindal muna kayo bago simulan iyan.” “Nariyan na kami,” hiyaw ni Ka Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian. Sunud-sunod kaming pumitik, nagbugawan kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang mga kalabaw. Sumasagitsit ang tubig, tumitilapon ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya sa liwanag ng araw. Kaysaya ng aming hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang tinig ni Pekto. “Pista… pista ng magsasaka.” Kaning mainit, bukayong niyog at adobong manok an gaming minindal. Nagmamadali tuloy ako ng pagkakalag kay Bonita. Ngunit nang magkakainan na kami ay saka lamang naming napansing sina Pastor, Ore at Tinong pala ay kasalukuyang nagsusubukan sa takaran sa ikatlong pitak. Nauuna si Pastor, sumusunod si Ore, nasa hulihan si Tinong. “Salbaheng talaga iyang si Tinong,” wika ni Ka Punso. “Tiyak na siya ang nagbuyo sa dalawa. Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?” Lumingon si Asyong. “Hindi naman yata. Wala akong napapansin.” Malimit ang hiyaw ni Tinong sa kanyang kalabaw ngunit si Pastor at Ore ay walang imikan. Banat na banat ang kanilang mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng kanilang mga araro, nag-uumalon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanilang mga kalabaw. At sumusubo lamang kami ng pagkain ay nasa malayo an gaming isip at mga mata. Sinulyapan ko ang dalawang dalaga. Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay nakatungong may kung anong inaayos. Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong nagtatakaran. “Noong araw na si Juana ay aking nililigawan ay nagkatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao,” wika ni Ka Punso. “Alam kong nais niyang gumiri kay Juana. Maganda ang kalabaw na taga-Dalig na yaon. Ang gilas ng tindig–– kung masisindakin ka’y sasabihin mong mahirap girian nang ganyun-gayon lamang.” Kumislap ang mga mata ni Ka Punso.

Mangyari pang di di Pekto ang hahabol sa pangyayari. “Ano ang nangyari, Ka Punso?” tanong ng binata ni Ka Gabino. “Nagkahiritan ba kayong mabuti?” “Nahuhuli ako. At sampung likaw na yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko naman ay napapansin kong ibig nang tumigil. Bumubula na ang bunganga. Palagay ko’y abot na ang hingal.” Tinanaw ko ang tatlong nagsusbukan. Naiiwan na si Tinong.

Nagkakabuntunan pa rin ang mga kalabaw nina Ore at Pastor. “Noong nakadadalawampung likaw na kami marahil ay pinalantik ng taga-Dalig ang kanyang kalabaw. Akala niya marahil ay maiiwan na ako.sa pilantik niyang iyon ay akalain ninyong biglang mahiga ang kanyang kalabaw? Kaylalim ng labak na ginawa.” Kaylakas ng halakhak ni Pekto. “At ang kalabaw mo, Ka Punso,” tanong ko, “hindi ba nahihirapan?” Nagtawa nang malakas si Ka Punso. “Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo’y ayaw man lamang tumayo kinabukasang ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama.” Lalong napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa ilong ng isang butil na kaning nanggaling sa bibig ni Ka Punso. Patuluyan nang tumigil si Tinong. Pinanood na lamang niya ang magtatakaran. May labinlimang likaw na ang kanilang nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang dalawa. Napabuntong-hininga ako nang pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula sa kinauupuan naming ay tila ko nakikita ang mukha ni Ore–– kunot ang noo, tiim ang mga ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil ang ugat ng araro at halos magsugat ang kaliwang palad sa pagbanat sa pamitik. Napapaangat ako sa bawat hakbang ng kalabaw ni Ore. Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore ay nakatuon sa likuran ng kanyang kalabaw. At sa wari’y isang malikmatang gumuhit sa balintataw ng aking mga mata ang mga lihim ng dulang nangyari na sa paligid-ligid ng mga tubugang

yaon: si Ka Punso’t si Ka Juana, si Ka Imong at si Ka Marta, si Fermin at si Gundang, si Asyong at si Auring, si…–– mga pasalising tagpo sa malaki’t lalong makabuluhang dula ng buhay. Muling pumilantik si Ore. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si Pastor. Hindi pa siya pumipilantik ay nakadadalawa na si Ore. Nilingon ko si Nati. Ang dalaga si Ka Albina ay napatunganga sa panonood ng pagsusubukan. Si Pilang ay nakatungong naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-pula ang mga pisngi ng dalaga. Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore. Ngunit ang kalabaw nito ay lalong nag-uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa pagsunod sa kalabaw si Pastor. Isang pamitik na ang agwat si Pastor kay Ore. At damak-damak na palayo nang palayo si Pastor. Naghihiyawan kami. Pumilantik si Ore at sinabayan ng isang sutsot. Lalong nag-umalon ang mga kalamnan sa mga hita ng kanyang kalabaw. Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si Ore. Lalong bumilis ang hakbang ng kanyang kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga ay unti-unting umaabot si Ore kay Pastor. Isa pang pilantik. Nag-umunat ang kalabaw ni Ore. Bumubula ang bunganga ng kalakian. Yuko ang ulo at ang lahat ng lakas ay ibinibigay na. Lalo kaming naghiyawan. Lumingon si Pastor. Nakita niyang umaabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor ang kanyang pamitik. Sinutsutan niya ang kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang makalatay na pilantik. Umigpaw ang kalabaw. Lalo namang nag-umunat ang kalakian ni Ore. Mayroon pa kayang ilalabas na lakas ang bumubuntot na kalabaw? At naghiyawan kami nang malakas nang aming makitang pagkatapos ng ilang makalagot-litid na pagpupumilit ay biglang tumigil ang kalabaw ni Ore. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor. “Magkalag muna kayo,” hiyaw ni Ka Punso. “Naghihintay ang pagkain…

Pastor, magkalag muna kayo.” Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kanyang kalabaw. Pagkatapos

masabuyan ng tubig ay nakatawang lumapit sa amin. Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang kalabaw na abut-abot ang paghingal. Inabutan ni Pilang ng pinggan ng pagkain si Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga. “Ore,” hiyaw ko, “halika na. kumain ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa kalabaw mo.” Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore. Mapulang-mapula ang kanyang mukha. At paulit-ulit niyang ikinukuskos ang kanyang mga palad sa kanyang pantalong maong. Malinis na malinis na ang mga palad ni Ore ay kuskos pa rin siya nang kuskos. Naisip ko tuloy: mayroon kayang putik sa kanyang mga palad na siya lamang ang nakakakita? “Talagang matigas ang kalakian ni Pastor,” wika niya. Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor–– kumakain siya sa tabi ng dalawang dalaga. Nang ako’y tumayo upang tunguhin ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si Pilang sa binata–– ilang hakbang ang layo sa karamihan–– doon siya dinulutan ni Pilang. Nakita kong kumislap ang mga ngipin ni Pilang. Ano kaya ang kanyang sinasabi kay Ore? Nang ako’y muling tumanaw mula sa aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na kalabaw ay nakita kong tila naibsan na ng hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang mga binti ni Pilang ay tila lalong pumuputi.

Tula:(kastila)
Bayan Kong Sawi
Francisco Baltazar Sa loob at labas ng bayan kong sawi

kaliluha’y siyang nagngyayaring hari kagalinga't bait ay nalulugami naamis sa hukay ng dusa't pighati. Ang magandang asal ay ipinupukol sa laot ng dagat ng kuya't linggatong; balang magagaling ay ibinabaon at inililibing nang walang kabaong. Nguni ay ang lilo't masasamang loob sa trono ng puri ay iniluluklok at sa bawa't sukab na may asal-hayop, mabangong insenso ang isinusuob. Ang lahat ng ito maawaing langit, iyong tinutunghay ano't natitiis? wala ka ng buong katwiran at bait, pinapayagan pang ilubog ang pait. Datapwat sino ang tatarok kaya sa mahal mong lihim, Diyos na dakila? walang nangyayari sa balat ng lupa, di may kagalingang iyong ninanasa.

(tugma) Ang Tangi Kong Mahal
Kapag andiyan ka napapangiti ako kung ma'y problema'y

dinadamayan mo ako

Ekspresyon ng aking mukha kahit 'di ko man sabihin ito'y iyong nakukuha kung ano'ng aking saloobin

Kahit na minsan nag-aaway tayo at 'di mo ako naintindihan pinapatawad mo pa rin ako

Sa Diyos ako'y nagpapasalamat sapagkat binigay ka sa akin at pinapangako ko, aking Ina habambuhay kiyang mamahalin.

(free verse)

Sarah
Bata pa lang siya'y kumakanta na sumasali sa mga patimpalak, at 'dun panalo siya.

Pagdating sa sayawan ala-Michael Jackson kumakanta habang sumasayaw, at 'dun panalo siya.

Sa pagsikat niya maraming sa kanyang kanta ang kinakanta sobrang mabenta at pagdating sa gantimpala, 'dun panalo siya.

Pagdating sa ugali siya'y hinahangaan at sa mata ng mga tao, 'dun panalo siya.

At kahit sa pagtanda bituin may 'di na magningning ngunit mga kanta'y wala pa ring kupas, at 'dun panalo pa rin siya.

Maikling kwento:(kastila) Kaiingat Kayo
Marcelo H. Del Pilar Di maulatang grasya ang inabot ng kagalang-galang na Augustinong si Padre Jose Rodriguez sa kanyang librito ang pangala'y Kaiingat Kayo! Huwag ninyong sayangin, mga kapatid ko, ang mga hinayang; samantalahin at pakaasahang sumunod lamang kayo sa pangaral ni Padre

Rodriguez, na huwag bumasa ng mga librong pinagturan, ay inyo na ang langit, inyo na ang kaluwalhatiang walang hanggan at sa lagay na aakyat kayo roon sa kataas-taasang bayan, na pinamamayanan ng mga angeles. Sumunod kayo kay Padre Rodriguez at sila lamang ay masakyat kayong may patumbi pa kung iibig. Bihira tayong sapitin ng ganitong biyaya, kaya tularan na natin yaong mag-iingat man at wala ay karit na karit sa burak na tinutuntungan, at pag may ingat na natuklasan ay ipinagpapasalamat, dadakmain ng malaking tuwa at ihahampas ang ulo na pang-ingat at isisilid sa buslo na pinagtipunan ng kanyang mga huli. Sa burak na ating nilalakaran ay huwag din tayong maiinip; nakita na nga natin sa kakarit ang ating mga kapwa Tagalog. Kaya nga, kaiingat kayo! Dalawang librito ang pinalabas ni Padre Jose Rodriguez sa banal na adhikang mapulaan ang kababayan nating si Dr. Rizal; ang isa'y wikang Tagalog at ang isa'y wikang Kastila, tiglalabing-anim na fojas ang bawat isa, ngunit mangkuwalta ang walang indulhensya at ang mga indulhensiya'y tigalang kuwalta, ang pangkat at takal niya ay lumalagay sa isang kuwaltang librito at isang kuwaltang indulhensiya. Marami sa inyo sa bansa ang nakabasa ng nasabing librito at mawawari ninyo ang mahigpit na pagkainggit ni Padre Jose Rodriguez sa ating Dr. Jose Rizal. Ganito ang sabi: “Tingin, mga ginigiliw kong Tagalog, tingna't masdan itong kaawa-awa ninyong Tagalog, na pinupuri ng marami sa inyo na parang walang kaparam sa karunungan, at lalong katampatang sabihin, sa sukat ninyong ipagmakahiya ang gayong kahabag-habag na buhay sapagkat siyang kauna-unahang Tagalog na kusang gumagamit ng kanyang kamay sa pagsulat ng mga katakut-takot

na katampalasahan sa Diyos, sa dating Santa Religion Christiana at sa mga sinasampalatayanan natin. “Bukod pa sa siya'y tampalasan ay hangal pa naman sa madlang bagay sapagkat kung sisiyasatin ang pagkakagawa ng nasabing libro, isip ninyo'y hindi ang kamay na may bait na tuwa, kundi ang paa ng isang mangmang ang isinulat doon; at halos sa lahat ng fojas ay mamamalas na pag ang gumawa'y hangal na hangal sa paghahanay ng masanayong pananalita lalung-lalo na sa wikang Kastila; ang totoong tanging maitatanghal doon ng sinuman ay isang sukab at taksil pagkapoot niya sa ating San Religion at sa España.” Sa mga talatang ito'y mapagwawari natin na wala nang mapang-anyaya rito sa isang buhay na apara kay Dr. Rizal kapag si Padre Rodriguez ang nakapagmaestro sa Panginoong Diyos. Kahit manawari ay makapaghunus-dili rin ang Poong Maykapal at huwag pahibang kay Padre Jose Rodriguez. Mabuti rin ang kilalanin natin ang iyang ipinamamansang hangal ni Dr. Rizal. Sa Ateneo Munisipal na pinamamahalaan ng mga paring Jesuita ay may inilabas na minsan ng isang Comediang Castila na ang pangala'y A Orillas Del Pasig. Malilinis, maririkit at kaaya-aya ang lahat ng berso, na bawat isang pangungusap halos ay naikikintal sa puso nang ikawiwili sa pagdidibosyon sa mahal na Birhen. Di magkamayaw ang pagpupuri ng madlang manonood na noo'y doroon sampu ng si Sr. Arzobispo, na kahit na matanda na ay nakitaan ng malaking galak at pagpupuri sa mga maririnig niyang tula. Natapos ang komedya na iisang akto lamang, pagkasara ng telon ay maingay na hiniling ng taong nanonood ang ipakita ang awtor. May gawa ng komedya. Ngunit sa kahahanap ay roon natagpuan sa patyo ng kolehiyo at naglalaro ng rebentador.

Agad ipinanhik, dinala sa senaryo, binuksan ang telon at diyan nakita ang madla na ang awtor ay isang batang lalabing-apat na taon ang edad na kung tawagin ng mga kasamahan ay si Pepe Rizal. Iyan nga ang sinasabi ni Padre Jose Rodriguez. Anak sa Calamba, probinsiya ng Silangan at buhat sa ginoo't mababait na magulang, ay siyang binata ngayong mag-eedad ng dalawampu at apat hanggang dalawampu at anim na taon: banayad ang asal, hinhing manamit at sa kangino ma'y mahinahon at magalang mangusap. Pagkabata na'y walang inadhika kundi ang masikap na pag-aaral, danga't siya ang lugod at puri nang bata ng naging maestro niya sa Ateneo Munisipal. Nagkaroon sa Maynila ng Licen at Artistico na pinagkakatipunan ng mga litratong Kastila; at sa kaibigang maakit ang marami. Sa pagsulat ng obra ng wikang Kastila ay may kertamen. Pinagbuklod muna ang premyo sa gawa ng Kastila at premyo sa gawa ng tagalog. Pumasok ang Tagalog na si Rizal at nakuha ang premyo sa Tagalog. Nang sumunod na taon ay pinag-isa na ang premyo sa Kastila at Tagalog. Nakipanig ang batang si Rizal sa mga matanda at balitang litrato. Pari at hindi pari, nang pagparis-parisin ang kanilang obra ay napatungo ang premyo sa batang si Rizal, at ang segundo premyo ay sa isang datian at pinakaungos na redactor ng Diario de Manila na si D.N. Puzo. Buhat noo'y sari-saring dalamhati ang kanyang tinanggap sa pag-aaral sa unibersidad, kaya kahit hindi lubhang ginhawa ang kanyang magulang dito ay nagtungo siya sa Espanya at doon nga tinapos ang kanyang pag-aaral, hanggang sa kinaagawan ng Diyos na nalikmo siya at nahibang sa piling ng mga api sa Unibersidad ng Madrid. Kung maalala ninyo ang tumubog na Diariong Tagalog, ay may inilabas

diyang isang artikulo ni Rizal na ang titulo ay “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.” sa nasabing artikulo ay iniaral ni Rizal na katungkulan ng taong pakamahali't giliwin ang tinubuang bayan; alintanganin ang madlang kahirapan sa pagpapala sa kinamulatan ng ating mata, tuloy pagsikapang huwag masinsay munti man sa landas ng katuwiran at karunungan upang maganap aniya ang pagkakasundo at pagkukusang-loob na inaaming mahigpit ni Kristo sa kanyang Ama, buhat ng gabing manalangin nang tigib sa kalumbayan. Ito ang karaniwang aral ni Dr. Rizal, tingnan natin ang kinatha niyang Noli Me Tangere. Ang bait ni Rizal na dili't hubad nang umalis dito ay lalo pang naratnan nang malulanan ng aral na tinanggap sa Espanya at iba't ibang kahariang kusang nilakbay datapuwat munti ma'y di nakalimot sa tinubuang Pilipinas. Nainino niyang ito'y sagana sa ikaaanyo; ngunit kung ikakabit ay naniniig sa pagkalugami at totoong huli, kapag ipinaris sa kapwa mamamayan. At siya nga naman. Huwag na tayong lumayo tingnan na lang natin ang Hongkong na ating kapitbayan, isang islang di pinag-aanihan, maliit at pawang kabaltihan, ngunit mayaman at maginhawang higit dito sa Pilipinas sa pinagaanihan ng palay, asukal, tabako, abaka, kape, kakaw, at iba pang bagay. Pinasiya ni Rizal na ang Pilipinas ay may sakunang hindi lagp, may kanser din iyang nagpapahirap at maantak sa hangin, kaya naisipang kathain ang librong Noli Me Tangere na kung bigong wikang Tagalog ay patay sa salang. Isang hibik wari ang librong ito na ipinag-upanding: baka maawang gumamot, at matutuhan ang ihahatol na lunas sa sakit ng ating mamamayan. Isa sa mga idinadaing ni Rizal ay yaong katampalasanang kahit si Kristo'y hindi nakapagtiis na malintanan ng siya'y nandito pa. Nanaog si Hesus sa lupang gayak sa pagbabata at pagpapatawad, nagbata ng gutom nagbata ng uhaw at madlang siphayo; pinatawad ang

adultera, pinatawad ang tumampal sa kanya at pagkaparipa sa krus ay buong pagpapatawad ang kauna-unahang wikang nabigkas sa kanyang bibig. Ngunit may isang bagay na hindi natiis, ang pangangalakal sa templo ay siya ring inuulit sa Pilipinas. Ang inaasahan ng Espanya na magtuturo sa atin ay walang inaadhika kundi ang bulagin at kalakalin ang ating pananampalataya, ang nagpapanggapng kahalili ni Kristo ay siyang pasimuno ng paglabag kay Kristo at walang di kinakalakal sa loob ng simbahan. Ang sintas, kalmen, kordon at iba pang bagay ay siya raw minamaganda ng mahal na Birhen at ang may suot niyon lamang ang siyang mamahalin ng Inang Diyos, datapuwa't kailangang bayaran sa kanila ang mga kagayakang ito, bagay na nagpapakilala na kinakalakal nila pati ang pag-ibig ng maawaing Birhen. Kinakalakal ang purgatoryo, kinakalakal ang Diyos, na ayon sa kanilang aral ay hindi maaawa sa atin kundi tayo magbibigay ng salapi sa mga saserdote sa lupa. Kung si Judas ay naipagbili minsan si Hesukristo ang mga prayle sa Pilipinas ay ipinagbibili siya araw-araw sa pakyaw o tingi man, sapagkat dito'y pinagkukuwaltahan nila hindi lamang ang buong pagka-Diyos at pagkatao ni Hesus kundi pa naman ang mata ni Hesus, ang puso ni Hesus at iba't ibang pangsangkap na kagalang-galang na katawan ni Hesus. Paligbahasa'y tunay at di paimbabaw ang pagkakristiyano ni Rizal, ay ipinagpipighati niya na sangkalanin ang ngalan ng Poong si Kristo, sa paghalkot ng mga prayle sa ating pinaghirapan kaya nga't isa si Hesus sa madlang idinadaing niya sa kanyang kathang Noli Me Tangere. Nasingaw ang baho ng pangangalakal, at hindi kataka-takangmasabog ang poot ni Padre Jose Rodriguez na isa sa mga maraming nakikinabang sa gayong pamumuhay. Kaya nga kapatid ko, may isusukal ka man sa loob ng librito ni P. Jose ay alintanahin mo na sana at tularan nating yaong naglalakad sa kinasanggang may mahalagang tinutungo na kahit tahulan man ng mga aso ay tuloy pa rin

ang paglakad na di pinapansin ang ingay ng tahulan.

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->