You are on page 1of 9

Ang Pilipinas sa loob ng Sandaang Taon (The Philippines a Century Hence)

Ang unang bahagi ng sanaysay na ito ay tungkol sa pagsulyap sa nakaraan ng Pilipinas. Dito, ipinakita ni Rizal ang mga pagbabago na naidulot ng pagkasakop ng Pilipinas sa Espanya. Kung saan, ang dating pinuno sa Pilipinas ay napasailalim sa mga dayuhan dahil na rin sa pag-asang pag-unlad mula sa mga mananakop. Unti-unting naisantabi at nalimutan ng mga Pilipino ang kanilang mga katutubong tradisyon, mga awitin, tula at mga paniniwala nang sa gayon ay mayakap ang mga bago at dayuhang doktrina, na sa totoo'y hindi naman nila naiintindihan. Ikinahiya at tinanggihan ng mga Pilipino ang sarili nilang kultura. Hinangaan at pinuri ng mga Pilipino ang anumang bagay na banyaga hanggang sa nagapi ng dayuhan ang kanilang puso at diwa. Lumipas ang mga taon, ang relihiyon ay nagpakitang gilas din kung saan ginamit ang pagsamba sa Diyos upang akitin at sa huli'y pasunurin at mapasailalim ang mga Pilipino sa kagustuhan ng mga dayuhan. Nang makuha ang loob ng mga Pilipino ay itinuring na parang hayop, inalisan ng kaisipan at damdamin at ginawang mga alipin upang pagsilbihan ang mga dayuhan sa ikauunlad ng Espanya. Muling nabuhay ang natutulog na damdamin ng mga Pilipino dahil sa mga pasakit at panghihiya na kanilang naranasan. May ilang damdaming nagising sa katotohanan sa mga kahayupan at paniniil ng mga dayuhan dahil na rin sa patuloy na pag-alipusta at pagsasamantala na untiunti ay gigising sa lahat. Sa bahaging ito makikita ang obserbasyon ni Rizal sa pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Ipinakita niya ang naging epekto nito sa mamamayan at sa mga pinunong Pilipino. Ipinakita ang hindi pantay na pagtrato sa mga Pilipino simula ng mamuno ang mga Kastila. At umaasa si Rizal na magigising at mamumulat ang mga Pilipino sa katotohanan at kasamaan ng mga dayuhan. Ang ikalawang bahagi ay tungkol sa kabiguan ng mga kolonyal na patakaran ng Espanya sa pagpapaunlad sa Pilipinas. Sinabi dito ang kalagayan ng Pilipinas sa tatlong-daang taon na nakalipas simula ng panahong iyon (1889). Para sa mga nagnanais ng kalayaan ng kanyang bansa, ang bayan ay may tiyak na kalayaan noon. Para sa mga nakasaksi naman ng kaguluhan at di pagkakaunawaan, nararapat lamang na tanggapin ng buong pagsang-ayon ang anumang magaganap sa hinaharap. Ayon sa mga liberal na Kastila, ang kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan (1889) ay katulad pa rin ng dati, walang pinagbago subalit para sa mga prayle ay nagkaroon ng pag-

unlad. Ang pamamahala ng mga kastila sa Pilipinas noong una ay hindi madali ngunit nagpatuloy pa rin sila upang mapamahalaan ito. Mayroong pwersang-militar, mabagal na komunikasyon sa pagitan ng Mexico at Espanya at ang paglalakbay ay delikado dahil ang dagat ay pinamumugaran ng mga pirata at mga kaaway ng Espanya. Binanggit din na sa panahong 1889,ang sitwasyon ay mas maigi. Nagkaroon ng mas mainam na organisasyon sa pamunuang sibil at military. Ang komunikasyon ay naging mas madali, mabilis at sigurado. Ang Espanya ay wala nang mga kaaway-panlabas. Ang kanyang pagkasakop sa Pilipinas ay permanente na at humina ang kagustuhan ng mga Pilipino na magsarili. Sinabi ni Rizal na ang Pilipinas ay nanatiling panatag sa simula ng dominasyong Kastila. Ang mga Pilipino at nagiging opisyal ng militar. Ang isang indio ay maaaring maging encomendero at maging isang heneral ng isang hukbo. Wala pang masyadong nagaganap na paninirang-puri at pangiinsulto sa mga tao. Ang mga prayle at ang residencia ay napanatili ang katapatan ng mga Pilipino sa pamahalaang Kastila. Umusbong din ang isang bagong paninindigan ng mga Pilipino sa pamunuan ng Kastila. Lahat ng mabubuting bagay ukol sa pagpapaunlad ng bayan ay nawala. Ang pamahalaan ay napalitan ng pananakot, pagsasamantala at pang-aalipin. Tulad ng unang bahagi, makikita pa rin sa ikalawang bahagi ang pagtingin at pagsusuri ni Rizal sa mga ginagawa ng mga Kastila. Ipinaliwanag dito kung paano ang pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas simula noong una hanggang sa kasalukuyang (1889) panahon nito. Makikita dito ang kalagayan ng mga Pilipino. Masasabing tiningnan din ni Rizal ang magagandang ginawa ng mga Kastila pati na rin ang kasamaan nito. Ang ikatlong bahagi naman ay nagsasaad ng mga radikal at pulitikal na reporma kung mananatiling kolonya ng Espanya ang Pilipinas. Magtatagumpay ang mga reporma sa Pilipinas, kung ang mga pagbabago ay magiging marahas at madugo kung ito ay magmumula sa hanay ng mga karaniwang tao. Kailangang baguhin ang patakarang pulitikal ayon sa pangangailangan ng mga tao. Ang pagreporma ay magiging mapayapa at mabunga kung ito ay manggagaling sa pagkilos ng mga nakatataas. Ang mga pangunahing reporma na kailangang ipatupad ay ang pagkakaroon ng kalayaaan sa pamamahayag upang maipaalam sa pamahalaang Kastila at maging sa buong bansa kung ang mga utos ay naipatutupad ng mga epktibo at mahusay, nakatutulong o hindi sa ikauunlad ng bayan. Kailangan ito ng bansa na ang pamamahala ay nagmumula pa sa isang malayong lugar sapagkat ito ang magsisilbing mata, tenga at boses ng bayan. Ang mga

hinaing ng mga Pilipino ay bihirang makarating sa Espanya at kung maiparating man ay patago pa. Ang kalayaan sa pamamahayag ay maaaring maging panganib sa gobyernong Kastila. Ang "freedom of the press" ay kailangan ng isang pamamahalang nagnanais na magandang reputasyon at karangalan. Kailangan din na magkaroon ng mga Pilipinong kinatawan sa Cortes ng Espanya. Ngunit ito ay maaaring magbigay panganib sa pamahalaang Kastila. Ang mga kinatawang Pilipino ay magiging mapaghimagsik sa Cortes. Maaaring maging "political trimmers" ang mga representante ng bansa. Maaari rin namang maging kagalang-galang, mahalaga at tapat sa kanilang mga tungkulin ang mga kinatawan. Ang mga Pilipinong kinatawan ay sinasabing may amoy "Igorot", kayumanggi ang kulay at pango ang ilong. Bilang ganti naman sa pagkakaroon ng Pilipinas ng kinatawan sa Cortes, ang mga Pilipino ay mananatiling tapat sa gobyernong Espanyol. Ang ilang pangunahing reporma na kailangan pang ipatupad ay ang katarungan ang pangunahing pangangailangan ng isang sibilisado ng bayan. Kung ang mga Pilipino ay nagbabayad ng buwis, nararapat din naman silang bigyan ng karapatan. Ang mga posisyon sa gobyerno ay kailangang punuan sa pamamagitan ng isang "competitive examination" at ang resulta ay nararapat na ihayag sa publiko. Kailangan din ng reporma sa komersiyo, agrikultura, seguridad ng isang indibidwal at ng kanyang mga ari-arian, edukasyon at iba pa. Ang Pilipinas ay mananatili sa Espanya kung ang pagpapatakbo dito ay matuwid at sibilisado subalit kung mananatiling walang pagbabago ay hindi mapipigilan ang mga Pilipino sa pagtamo ng kanyang kasarinlan. Tulad ng pangunahing layuning politikal ng La Solidaridad, ang bahaging ito ang nagpapakita iba't ibang pananaw ni Rizal sa repormang radikal at politikal kung mananatiling kolonya ng Espanya ang Pilipinas. Makikita ang pagiging repormista ni Rizal sa bahaging ito ng sanaysay. Inihain niya ang iba't ibang pagbabago na nais ng mamamayang baguhin at iparating sa pamahalaan ng Espanya. Nagbigay din siya ng mga kadahilanan kung bakit nais nilang magkaroon ng mga ganitong reporma sa Pilipinas. At ang huling bahagi naman ng sanaysay ang nagpapakita ng mga prediksiyon at pananaw sa hinaharap. Sinasabi ang pagkakaroon ng dominasyon ng isang bansa sa isa pang lahi ay hindi pangmatagalan. Ang isa ay maaaring pumayag at sumuko o maaari rin naman bumagsak at magdusa. Isang halimbawa ay ang naganap sa Espanya kung saan ang mga mananakop ay napatalsik din sa huli matapos ang madugo at paulit-ulit na labanan. Ayon

sa siyensiya, ang pamamalagi ng isang panlabas na bagay sa isa pa ay maaaring magbunga ng pagkatuto at pagkaunawa, magdulot ng pagkawasak ng isa o pagkakulong sa kapangyarihan ng isa. Gayundin naman ang Pilipinas ay idedeklara ang kanyang sarili bilang isang malaya at nagsasariling bansa sa mga darating na araw kung patuloy na aalipustahin at mamaltratuhin ang kanyang lahi. Kung ang edukasyon at kalayaan ay patuloy na ipagkakait ng Espanya sa Pilipinas, hahanapin ng kanyang lahi ang mga paraan ng pagsasarili sa ibang bayan. Magkakaroon ng matinding banggaan at labanan sa pagitan ng mga mananakop at mga Pilipino kung saan ito'y magdudulot ng matinding pinsala sa dalawa. Ang mga kahilingan ng Pilipino ay nararapat lamang na ikonsidera ng Espanya kung ayaw niyang isubo sa panganib ang kanyang mga kayamanan maging ang kanyang hinaharap sa Aprika at ang kalayaan sa Europa. Sa panahong nakamit na ng Pilipinas ang kanyang kalayaan isang panibagiong dayuhan ang maaaring magpatuloy sa iniwan ng mga Espanyol. Sinabi rin dito na may isang panibagong dayuhan at pamamahala ang magpapatuloy sa iniwan ng mga Espanyol. Ang Inglatera ay may sapat nang kolonya sa Silangan at hindi nya isasakripisyo ang kanyang imperyo sa India para lamang makuha ang Pilipinas. Ang Alemanya ay hindi isusubo sa panagnib na ikalat ang kanyang mga hukbo sapagkat kapag nagkaroon ng digmaan ay maaari pang maging dahilan ng kanyang pagbagsak. Ang Pransiya ay mas maganda ang hinaharap sa Tonking at Tsina. Ang Olandiya ay kontento na sa Moluccas at Java at mas maigi ang kanyang hinaharap sa Sumatra. Ang Tsina ay magiging maswerte na kung mapapanatili niya ang kanyang kalagayan. Ang Hapon ay nasa sitwasyong delikado sapagkat ang Rusya at Inglatera ay may nasa kanya at sapagkat mas maigi pang ang Korea na lang pagtuunan niya ng pansin. Ang Amerika ay mayroong pagkabahala lalo na sa Pasipiko. Sa huling bahagi, inilahad ni Rizal ang mga pananaw niya sa darating pang mga panahon. Ang ilan dito ay masasabing nagkatotoo at natupad. Makikita ang mahusay na pag-analisa ni Rizal sa mga nangyayari sa bansa. Masasabi natin na sadyang makabayan si Rizal. Hinahangad niya ang pagkakaroon ng kalayaan at pagkakapantay-pantay ng Pilipino sa mga Kastila.

Dahil sa katamaran ng mga Pilipino (The Indolence of the Filipinos)


Ang katamaran ay ang kauntian ng pag-ibig sa paggawa at kakulangan ng sipag ng isang tao. Inihalintulad ito ni Rizal sa isang kanser. Tulad ng kanser, ang katamaran ay unti-unting kumakalat sa buong katawan. Ito ay unti-unting nakakaapekto sa lahat ng parte o aspeto ng ating katauhan. Halos imposible nang magamot ng lubusan at pabalik-balik ito. Dati naman ay hindi ganito katamad ang mga Pilipino. Bago dumating ang mga taga-Europa, mayroon ng pangangalakal na masigla, kahit pati sa mga bansang kalapit ng Pilipinas. Ang mga mandirigma ng Luzon ay nakilahok sa labanan sa Sumatra. Ayon kay Pigafette, noong sinaunang panahon, ang mga katutubo ay nagbubungkal pa ng sariling bukirin upang may ipang-kain. Gumagawa pa ng maraming kasangkapang pandigma at pinag-aralan nila ang wikang Kastila. Maraming mga bagay ang nagiging sanhi ng katamaran ng mga Pilipino. Una, Dahil sa natural na kapaligiran kung saan mainit ang klima.

Pangalawa, pangkaisipang kadahilanan. Kulang na pagbibigay-sigla sa paggawa. At ayon sa mga prayle, higit na pinagpala ang mga mahihirap. Pangatlo, pangkabuhayang kapaligiran bunga ng digmaan, pag-aalsa at pagdarambong. Kung saan, sapilitang pinapagsundalo ang mga Pilipino, naiiwang tiwangwang ang bukid at labis na nakalulunos ang bunga ng mga pangyayari. Pang-apat, ang pamahalaan mismo. Kulang ang paglilingkod sa taong bayan. Tiwali ang mga Pilipino. Walang tulong na ibinibigay sa pagpapaunlad ng kabuhayan. Talamak ang tinatawag ng "padrino" sa paglakad ng papeles o mga pangangailangan. Kulang ang pagbibigay-sigla sa gawaing manwal tula ng sapilitang paggawa, mataas na buwis, walang pangangalaga sa ari-arian, at katwiran at intriga ng mga namumuno. Hindi rin isinasaayos ang pagpapabilis ng pamamaraan ng transportasyon. Panglima, ang kapaligirang panlipunan. Ang mga Kastila ay maluho sa pamumuhay, maraming katulong ngunit mababa ang pasahod, mababang pagtingin sa manwal na gawain at malahari ang pagkilos. Samantalang ang mga Plipino naman ay nalululong sa sugal, maraming pistahan at pag-aambag ng malaki sa simbahan dahil sa maling paniniwala sa relihiyon at pagigng panatiko. Pang-anim, pang-edukasyong pangkapaligiran. Hindi angkop sa pag-aaral ang kapaligiran. Nagkakaroon din ng hindi makataong pagtrato ng nagtuturo at karamihan sa mga paaralan ay nasa kumbento. Ang mga prayle ay walang pagsasanay bilang guro lalo na ang mga nagtuturo. Sadyang nais ng mga prayleng maging mangmang ang mga Pilipino. Kulang ang pagtuturo ng mga magulang sa mga anak. Pagsasaulo ng mga pinag-aralan. At ang pangpito, kamalayang pambansa. Mababa ang moral ng taong-bayan. Mali ang pagpapahalaga. Kulang ng pagtangkilik sa sariling gawa. Kulang ng katangiang-pamumuno sa takot sa mananakop. Walang pagkakaisa. At walang kamalayang pambansa. Pinatunayan ni Rizal sa sanaysay na ito ang pagbibintang ng mga Kastila sa mga Pilipino sa pagiging tamad. Ipinakita ni Rizal na ang mga Kastila ang sanhi ng ganoong kaasalan sapagkat higit pa silang tamad kaysa sa kanilang pinagbibintangan. Hindi sapat na rason para sa katamaran ang pagbabago ng panahon o di kaya'y ang pagbago ng lugar na kinalakihan. Ang katamaran sa Pilipinas ay isang katamarang pinasagwa, lalong lumala habang tumatagal ang panahon. Ang kasamaan ay wala sa pagkakaroon ng katamaran ngunit sa walang-tigil na paghikayat ng ganitong ugali. Ang katamaran ay bunga, at hindi sahi, ng kasamaan. Habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo dapat nawawalan ng pag-asa para sa pagbabago. Hindi dapat ibuntong lahat ng sisi sa mga Pilipino. Ito ang nais na ipakita ni Rizal sa sanaysay na ito.

Liham sa mga taga Malolos


Buod: Sa kanyang liham sa mga kadalagahan ng Malolos na sinulat ng 1889, ipinahahayag ni Jose Rizal ang kanyang papuri at paggalang sa katapangang ipinamalas ng mga ito sa pagsusulong ng karapatan sa edukasyon isang dikaraniwang hakbang sa maraming kababaihan sa kanyang panahon. Ayon kay Rizal, namulat siya sa pananaw na ang kababaihang Pilipino ay katuwang sa layunin para sa ikagagaling ng bayan. Batay sa kanya, ang mithiin ng mga kadalagahan ng Malolos para sa karunungan ay patunay ng pagkamulat sa tunay na kahulugan ng kabanalan - kabanalang nakatuon sa kabutihang-asal, malinis na kalooban at matuwid na pag-iisip. Binibigyang-diin ni Rizal ang tungkulin ng kababaihan bilang dalaga at asawa sa pagbangon ng kanilang dignidad at halaga sa lipunan. Kaugnay nito, inilalarawan niya ang katangian ng kababaihan sa Europa at bilang halimbawa ay pinakita ang babaing Sparta bilang huwaran ng pagiging mabuting ina. Ipinapayo ni Rizal na gamitin ang halimbawang ito upang maitaguyod ang isang anak na marangal at magtatanggol sa bayan. Bahagi rin ng liham ang pagpapa-alala ni Rizal sa lahat na gamitin ang isipang kaloob ng Diyos, upang matukoy ang katotohanan at hindi maging alipin ninuman. Pinupuna ang mga hindi kanaisnais na gawain ng mga prayle, gayundin ang pagiging mulat ukol sa tunay at huwad na relihiyon. Ang payo ni Rizal ay "mulatin ang mata g anak sa pagiigat at pagmamahal sa puri, pagibig sa kapua sa tinubuang bayan, at sa pagtupad g ukol. Ulituliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay". Mga Tala: Ika-17 ng Pebrero 1889 nang isulat ni Jose Rizal gamit ang wikang Tagalog ang liham na ito habang ginagawa ang anotasyon sa aklat ni Morga. Isinulat niya ito sa London, limang araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. del Pilar ang isang mahalagang pangyayari sa bayan ng Malolos. Ayon sa pagsasalaysay, ika-12 ng Disyembre 1888 nang may 20 kadalagahan ng Malolos ang naghain ng petisyon kay Gobernador-Heneral Weyler upang magtayo ng isang "panggabing paaralan." Layunin nila na mag-aral ng wikang Espaol sa ilalim ni Teodoro Sandiko, isang propesor sa Latin. Gayunpaman, hindi sinang-ayunan ni Padre Felipe Garcia, ang kura paroko, ang naturang petisyon. Naging dahilan ito upang hindi rin pumayag ang gobernador-heneral na maitatag ang paaralan. Sa kabila ng pagtutol, hindi dagliang sumuko ang mga kadalagahan sa kanilang layunin. Patuloy silang nanawagan at nang lumaon, pumayag na rin ang pamahalaan na maitatag ang paaralan, bagama't

tumagal lamang ito ng tatlong buwan. Si Seora Guadalupe Reyes ang nagsilbing guro ng mga kadalagahan.

Sa Kabataang Pilipino - Jose P. Rizal


Itaas ang iyong noong aliwalas ngayon, Kabataan ng aking pangarap! ang aking talino na tanging liwanag ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas! Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan magitang na diwang puno sa isipan mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay at dalhin mo roon sa kaitaasan. Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw na mga silahis ng agham at sining mga Kabataan, hayo na't lagutin ang gapos ng iyong diwa at damdamin. Masdan ang putong na lubhang makinang sa gitna ng dilim ay matitigan maalam na kamay, may dakilang alay sa nagdurusa mong bayang minamahal. Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais kagyat na lumipad sa tuktok ng langit paghanapin mo ang malambing na tinig doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap. Ikaw na ang himig ay lalong mairog Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot at mabisang lunas sa dusa't himuntok ng puso at diwang sakbibi ng lungkot Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan matigas na bato'y mabibigyang-buhay mapagbabago mo alaalang taglay sa iyo'y nagiging walang kamatayan. Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles sa wika inamo ni Pebong kay rikit sa isang kaputol na lonang maliit

ginuhit ang ganda at kulay ng langit. Humayo ka ngayon, papagningasin mo ang alab ng iyong isip at talino maganda mong ngala'y ikalat sa mundo at ipagsigawan ang dangal ng tao. Araw na dakila ng ligaya't galak magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas purihin ang bayang sa iyo'y lumingap at siyang nag-akay sa mabuting palad.

You might also like