P. 1
2009 Sanaysay Kontra-Gahum

2009 Sanaysay Kontra-Gahum

|Views: 2,301|Likes:
sanaysay hinggil sa wikang pambansa
sanaysay hinggil sa wikang pambansa

More info:

Published by: David Michael San Juan on Jun 09, 2012
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as DOC, PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

12/30/2012

pdf

text

original

1

“KONTRA-GAHUM: Ang Lahatang-Panig at Kapit-sa-Patalim na Pag-unlad at Pagsulong ng Wikang Pambansa Mula sa Panahon ng Kolonyalismo Hanggang sa Bungad ng Ikalawang Milenyo” ni David Michael M. San Juan (Lahok na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Gawad Surian sa Sanaysay 2009 ng Komisyon sa Wikang Filipino/KWF) “Limot na ba ninyo na may isang lupang/laon nang panahong nakatanikala? Limot na ba ninyong tayo’y may bandila/na may isang araw saka tatlong tala? Nawala na rin ba sa inyong gunita/na tayo’y mayroong katutubong Wika? Itong Wikang ito’y bigay ni Bathala/at likas na yaman ng bayang kawawa; Kung ang mamahali’y Ingles at Kastila/Mabuti pang tayo’y mamatay nang bigla.” - “Wikang Ingles Laban sa Wikang Kastila” (Piyesa sa Balagtasan na sinulat ni Florentino Collantes noong Pebrero 1928)

Kung literal na ilalapat ang prediksyon ni Florentino Collantes tungkol sa kahihinatnan ng bansang nagpapakalunod sa mga wikang banyaga, hindi kalabisang sabihing naghihingalo na ang Pilipinas. Nasa estadong in articulo mortis na ito, sabi nga ng mga Romano. Sisinghap-hinghap ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga Pilipino. Isang kahig, isang tuka. Patay-gutom sa sarili nilang bansa. Kayod-kalabaw ngunit walang pambili ng sabaw. Alipin ng dayuhan, busabos ng Kanluran. Nakatanikala ang leeg, ang paa, ang kamay at maging ang dila. Namamasasa sa

2

karangyaan at kayamanan ang iilan habang walang makain ang nakararaming taumbayan. Manaka-nakang sumasambulat ang tila walang katapusang armadong hidwaan sa maraming bahagi ng kapuluan. Ito ang Pilipinas sa kasalukuyan: isang naghihingalong bayan na

nangangailangan ng agarang lunas. Ang ganitong kalunus-lunos na sitwasyon ay bunga ng kawalan ng pambansang identidad ng mga Pilipino bunsod ng gahum o hegemonya ng mga pwersang Kanluranin sa wika, kultura, edukasyon at ekonomya ng bansa. Tila isang kahon ni Pandora ang gahum ng wikang dayuhan sa bansa na bahagi lamang ng mas malawak na saklaw ng lahatang-panig na Amerikanisasyon ni Juan de la Cruz. Ngunit, gaya rin ng kahon ni Pandora, mula sa miserableng kalagayan ng ating sisinghap-singhap na republika ay matatagpuan natin ang isang mumunting pag-asa. Isang munting titis na sa mga nagdaang panaho’y naging sanlibo’t isang sulo ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at pagkakaisa. Isang dakilang pakikibakang pinagbuwisan ng dugo, pawis at di kawasang hirap, pagod at pagsisikhay ng sambayanang Pilipino mula sa Panahon ng Kolonyalismo hanggang sa bungad ng Ikalawang Milenyo: ang lahatang-panig at kapit-sa-patalim na pag-unlad at pagsulong ng wikang pambansa bilang pwersang pambuo ng kamalayang pambansa at makabansa, sa kabila ng mapaminsalang gahum ng mga impluwensyang kanluranin. Sistematikong Pagbubura ng Kamalayang Pambansa at Makabansa: Ang Tatlong Siglong Gahum ng Krus at Espada Sa buong panahon ng pananakop ng mga Kastila, binura ng mga kolonyalista ang pagkakataon ng mga indio na makahubog ng pambansa (national) at

3

makabansang (nationalist) kamalayan mula sa kalat-kalat na mga pulong binubuo ng mga nagsasariling barangay. Tatlong daan at tatlumpu’t tatlong taon ng pang-aalipin ang nagpalala sa parokyalismo at pagkakanya-kanya ng iba’t ibang pangkat-etniko sa Pilipinas. Sumiklab ang mga pag-aalsa sa mga linyang sektoral, etniko at personal sa unang 100 taon pa lamang ng paghahari ng mga Espanyol ngunit maagang bahagi na ng ika-19 na siglo nang unti-unting sumibol ang binhi ng kaisipang nasyonalismo sa Pilipinas. Hindi makasunod ang Las Islas Filipinas sa liberal at demokratikong padron ng pagbubuo ng kamalayang pambansa at makabansa na itinakda ng Panahon ng Pagkamulat o Age of Enlightenment sa Europa dahil sa sistemang kolonyal na nagpataw ng mapanikil na hegemonyang may aspektong sosyo-kultural at pulitikal. Sa dami at salimuot ng aksyong mapanupil na dinanas ng mga indio sa kamay ng mga Kastila, kakapusin sa pagpapaliwanag maging ang Prison Notebooks ng Italyanong sosyalista na si Antonio Gramsci, kung saan detalyadong nilinaw ang iba’t ibang aspekto at mga pamaraan ng pagpapataw ng hegemonya sa kultura, pulitika at ekonomya. Sinunog ng ilang misyonero ang mga malamanuskritong balakbak ng puno at kawayang bumbong na kinasusulatan ng katutubong panitikan na diumano’y “gawa ng diyablo.” Binura ang konsepto ng maunlad at nagsasariling sibilisasyong Oryental na maaari sanang nakapagbanyuhay malaon sa unti-unting paghuhugis ng kamalayang makabansa at pambansa. Itinuring ng mga conquistador na mababang uri at ignorante ang nakararaming katutubong mamamayan ng kapuluan na kakatwang binansagan nilang indio. Ipinagkakaloob lamang ang edukasyon sa nakaririwasang uri gaya ng mga

4

ilustrado at principalia. Ang mga pahayagan at palimbagan ay pawang kontrolado ng mahigpit na sensurang masugid na kaaway ng sentido komun, kasiningan, liberalismo at kalayaan sa pamamahayag. Ginamit ang batobalani ng krus at ang dahas ng espada upang sawatahin ang anumang pagtatangka ng mga indio na magpahayag ng hinaing na maaaring mag-anyong pambansa at makabansa kapag nagkasabay-sabay at nahinuha ng balana na may kolektibo pala silang iniisip, nararamdaman at ipinakikipaglaban bilang isang lahing binibigkis ng dugo at pag-ibig sa kalayaan. Sapagkat nanatiling nakakulong sa daigdig ng nobena, tributo at sensura ang kamalayang indio, hindi kataka-takang nanatiling parokyal at makitid ang pagkaunawa ng mga Pilipino sa diwa at kahulugan ng nasyonalismo, lalo pa sa implikasyong lingguwistiko nito. Sa mga huling dekada na lamang ng kolonyalismong Espanyol umalingawngaw sa Pilipinas ang panawagang “Liberté, Égalité, Fraternité” ng mga makabayan sa mga sumisibol na estadong-nasyon sa Europa gaya ng Pransya. Ang Papel ng Kilusang Propaganda at Katipunan sa Pagbubuo ng Pambansang Kamalayan at Pagsibol ng Konsepto ng Pambansang Wika Kinailangan pa ang mga kagimbal-gimbal na pakikialam ng garrote sa kapalaran ng mga bayaning martir na gaya nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos Jacinto Zamora at Dr. Jose Protacio Rizal – bukod pa sa noong una’y Eurosentrikong Kilusang Propaganda ng mga Pilipinong ilustrado – upang mapukaw, mapatining at tuluyang magkahugis ang nasyonalismong Pilipino sa anyo ng kilusang repormista (na malao’y naging rebolusyunaryo) na naghahangad ng pambansang kalayaan mula sa at pagkakaisa laban sa mga kolonyalistang Espanyol. Ang dakilang pakikibakang ito’y kinatatampukan ng namumuong konsensus sa hanay ng mga pinamumunuan ng

5

Katipunan, ang kauna-unahang rebolusyunaryo at pambansang organisasyong naglalayong mapalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila, ukol sa

pangangailangan sa isang wikang magbubuklod sa sambayanan habang winawasak nito ang mga tanikalang malaon nang sumasakal sa kalayaan ng bansa. Bunsod ng konsensus na ito, halos lahat ng manipesto at pahayag ng Katipunan ay isinulat sa wikang Tagalog – ang wika ng kabisera at mga kanugnog-probinsya – partikular ang rebolusyunaryong manipesto ni Andres Bonifacio na pinamagatang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog.” Sa manipestong ito, ginamit ni Bonifacio ang salitang Tagalog upang tukuyin, di lamang ang pangkat etno-lingguwistikong Tagalog sa Luzon, kundi ang lahat ng mga indio na karamiha’y “taga-ilog,” o pawang nakatira sa mga pamayanang malapit sa kailugan. Nilinaw ni Bonifacio ang dimensyong lingguwistiko at kultural ng hegemonyang Kastila sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pre-kolonyal na literasi sa katutubong wika ng mga sinaunang Pilipino, na naglaho o kaya’y lumabnaw bunsod ng pagdatal ng kolonyalismo: “bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog.” Sa huli’y ipinanawagan ni Bonifacio di lamang ang rebolusyong magwawasak sa pisikal na tanikala ng pagkaalipin, kundi maging sa mga mental na kandadong humahadlang sa pagsibol ng malayang bansa, pagkabansa at kamalayang makabansa: “...panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan...ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na

6

pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.” Sa pahayag na ito’y binibigyang-diin ng Supremo ng Katipunan ang mahigpit na pangangailangan sa pagbuo ng pambansang kamalayan na sinikil at di pinayagang makasibol sa mahigit tatlong daang taong hegemonya ng mga Kastila. Panimulang katuparan ng pangarap ni Bonifacio ang pagpapatibay ng Konstitusyon sa Biak-na-Bato, Bulacan (1897) sa isang probisyong nagpapahayag sa wikang pambansa ng bago at nakikibaka pa ring republika: “Ikawalong Utos: Ang wikang tagalog ay siyang mananatiling wika ng Republika.” Nauna pa sa konstitusyong ito’y ipinahayag na ng propagandistang martir at pambansang bayani na si Rizal, sa pamamagitan ni Simoun, ang kahalagahan ng wikang pambansa sa pakikibaka laban sa kolonyalismo at para sa kalayaan: “Nilimot ninyong lahat ang katotohanang habang pinananatili at pinangangalagaan ng mga mamamayan ang kanilang wika, pinananatili at pinangangalagaan din nila ang tanda ng kanilang kalayaan, gaya rin ng pagpapanatili at pangangalaga ng tao sa kanyang kalayaan habang kanyang pinanghahawakan ang sarili niyang paraan ng pag-iisip.” Sa kontekstwalisasyon ng pahayag ni Rizal sa El Filibusterismo at ng probisyong pangwika ng Konstitusyon ng Biak-na-Bato, malinaw na makikita ang koordinasyon at paghuhugpong ng kaisipang repormista ng Kilusang Propaganda at ng ideolohiyang rebolusyunaryo ng mga Katipunero sa paninindigang ang pagbubuo ng makabansa at pambansang kamalayan ay may dimensyong lingguwistiko sa anyo ng pagpapasibol at paglilinang ng isang wikang pambansang magbubuklod sa madla. Antiklimaktikong naudlot ang pagpapasibol ng wikang pambansa ng mga Pilipinong rebolusyunaryo – na malao’y nagtagumpay sa pagpapalayas sa mga Kastila

7

– sa pagdaong ng isang bagong lahing dayo sa ating dalampasigan. Sa simula’y ikinubli nila ang motibong agawin ang matamis na kalayaang bagu-bago pa lamang nalalasap ng sambayanan. Higit na mapaminsala at puno ng balakid ang tatahaking landas ng mga Pilipino sa patuloy na pakikibaka para sa pambansang kalayaan at pagkakaisa, kasama na ang pagkakaroon ng wikang pambansang magbubuklod sa taumbayan laban sa gahum ng mga bagong mananakop. Siling Labuyo, Edukasyong Alkansya at Tanikala sa Dila: Ang Wikang Katutubo sa Mga Unang Dekada ng Hegemonya ng Amerika Muling nabalam ang dapat sana’y natural na pagsibol at pag-unlad ng kamalayang pambansa at makabansa sa Pilipinas bunsod ng panibago at mas malalimang kolonisasyon. Kaiba sa mga Kastila, nilubos ng mga Amerikano ang paghubog sa mga Pilipino ayon sa kanilang pag-iisip at pagkatao. Kung paglalaruan ang dalawang kontemporaryong salitang pang-agham, maaaring tawaging

psychological cloning ang prosesong inilapat ng mga bagong mananakop sa mga indio. Sa isip, sa salita at sa gawa, nilutong little brown Americans ang lumitaw na produkto ng mga paaralang itinayo at pinamahalaan ng mga kampon ni Uncle Sam. Sinimulan ang psychological cloning sa pamamagitan ng sapilitang pagpapagamit ng wikang Ingles sa lahat ng mga paaralan. Ganap na ipinagbawal at ginawang tila krimen ang pagsasalita sa wikang bernakular. Ayon sa kwento ng yumaong si Aling Bebang (Genoveva Edroza-Matute), sa panahon ng mga Amerikano’y hinihiya sa pamamagitan ng pagpapasuot ng dambuhalang karatulang “I was caught speaking in the vernacular” ang sinumang mahuling gumamit ng wikang katutubo sa kampus. Walang habas din ang pagsusubo

8

ng siling labuyo ng mga maestrang balintunang nakabaro’t saya pa mandin, sa mga sawimpalad na batang kulang ang alam na Ingles kaya obligadong manaka-nakang bumulong o maghayag sa bernakular. Marahil, sa panahong ito rin nabuo ang maling

konsepto ng labis na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Kayhirap nga namang mahalin sa simula ng isang wikang nagdulot ng literal na anghang at hapdi sa iyong batang labi. Upang ganap na maisakatuparan ang Amerikanisasyon ng mga Pilipino, ginamit ng mga gurong Thomasite at ng mga gurong Pilipino na kanilang sinanay ang pamaraang kinutya ng Brazilianong edukador na si Paulo Freire sa katawagang banking education, edukasyong “alkansya” o dili kaya’y “suksok-hugot” sa simpleng turing. Pangangabisote at basa-bigkas sa tahasang pagtukoy: kung anong sabihin ng guro ay siya ring uulitin, bibigkasin, isusulat at muling uulitin, bibigkasin at mememoryahin ng mga tila lorong mag-aaral. Samakatwid, ang “edukasyong alkansya” (banking education) ay gumagamit ng metodong “nagsusuksok” lamang ng kaalaman sa kukote ng mga mag-aaral (ang inaakalang “dapat isipin”) sa halip na ganap na linangin ang kaisipan ng estudyante upang matuto itong lumikha, magproseso at umunawa ng kaalaman (ang proseso kung paano mag-isip). Nakatutuwang balikan sa puntong ito ang Klase sa Pisika ni Padre Millon (sa El Filibusterismo ni Jose Rizal). Tila halos walang pinagbago ang makalumang pamamaraan ng mga prayleng Kastila at ng mga gurong Thomasite – maliban sa pagpapatumpik-tumpik ng una na ituro ang kanilang wika sa mga Pilipino – batay na rin sa pangungumpisal ni Bonifacio Sibayan (dating pangulo ng Philippine Normal College) ukol sa edukasyon na kanyang tinamo sa kamay ng mga Amerikano. Halimbawa, sa pag-awit ng mga kantang Ingles, paulit-

9

ulit na memorisasyon ani Sibayan ang pangunahing layunin. Mistulang muling paglalarawan sa sistemang “suksok-hugot” ang pagbabahagi ng karanasan ni Sibayan ukol sa monolinggwal na edukasyon sa panahon ng mga Amerikano: “We were immersed in English...The Philippine immersion described here was practically forced on us...Failure to learn English for understanding the subject matter of the various subjects meant failure in school...Immersion in English meant committing to memory many poems, maxims and retelling stories that we read.” Kasabay ng sapilitang pagpapagamit sa wikang Ingles at mistulang pagkitil sa mga wikang katutubo, tahas at marahas na sinupil ang nag-aalab na damdaming makabayan at kamalayang pambansa ng sambayanan na pamana ng Katipunan at ng nasawing Unang Republika. Ipinagbawal ang pagtatanghal ng watawat at ng iba pang simbolo ng nasyonalismo. Tiniktikan ang mga makabayang sarswela na may mensaheng pulitikal at kung minsa’y pailalim na nananawagan ng tuluy-tuloy na pakikipaglaban sa mga bagong mananakop, gaya ng “Kahapon, Ngayon at Bukas” ni Aurelio Tolentino, “Hindi Aco Patay” ni Juan Matapang Cruz, “Ing Anac Ning Katipunan” ni Juan Crisostomo Sotto at “Tanikalang Guinto” ni Juan Abad. Paulit-ulit na inaresto at ibinilanggo ang maraming manunulat, mandudula at maging ang mga artista sa mga “subersibong sarswela.” Kahit ang mga pahayagang makabayan na naglilimbag sa wikang Español gaya ng El Renacimiento ay ipinasara dahil sa paglalathala ng mga artikulong tumutuligsa sa mga Amerikano at nagpapalaganap ng nasyonalismo. Sa pagtuturo ng kasaysayan, talambuhay nina Abraham Lincoln, George Washington at Benjamin Franklin ang tinalakay sa loob ng mga paaralan. Binansagang bandido at tulisan ang mga makabayang gaya nina Macario Sakay na nagpatuloy sa

10

pakikibaka para sa pambansang kalayaan sa kabila ng pagsuko ng mga ilustrado sa mga bagong mananakop. Binura sa memorya ng maraming henerasyon ng mga little brown American ang dakilang pakikipaglaban ng mga Katipunero na rumurok sa pagtatayo ng magiting ngunit agad-ding-nabuwal na Unang Republika sa Pilipinas at sa Asya: ang unang matagumpay na pagtatangkang buklurin ang mahigit 7,000 pulo ng bansa sa isang malaya at nagsasariling pamahalaan na dapat sana’y nakapagpasibol sa minimithing pambansa at makabansang kamalayan na kinakailangan din sa pagpapanatili ng kalayaang pampulitika at sa pagkamit ng kaunlaran sa ekonomya. Sa madaling sabi, binura ng bagong kolonyalismo ang kasisibol pa lamang na kamalayang makabansa at pambansa ng mga Pilipino. Ipinalit ang kamalayang Amerikanisado sa pamamagitan ng edukasyong monolinggwal sa Ingles at distorted na pagtuturo ng kasaysayan. Sa prosesong ito ng pinaghalong banking education at psychological cloning, matagal na panahong humina ang ningas ng sumisibol na nasyonalismo. Tila maglalaho na ang ningas nang dumating ang panibagong sulong tatanglaw sa mahabang landas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at pagkakaisa na mapatitibay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng wikang pambuklod sa madla. Ang Talibang Ahensyang Responsable sa Kultibasyon ng Wikang Pambansa Ikalabindalawa ng Enero 1937 nang ihayag ang pagbubuo ng Institute of the National Language sa bisa ng Commonwealth Act No. 184. Magsisilbing tagalinang ng lupang tatamnan ng wikang pambansa ang ahensyang ito na sa kasaysayan ay ilang beses pang magbabanyuhay bago maging Komisyon sa Wikang Filipino sa kasalukuyan. Pinili ang pitong mamamayan para katawanin ang pitong lingguwistikong

11

pangkat sa Pilipinas sa bagong-tatag na instituto: sina Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte Visayan), Santiago Fonacier (Ilocano), Filemon Sotto (Cebu Visayan), Casimiro Perfecto (Bicol), Felix Rodriguez (Panay Visayan), Hadji Butu (Moro) at Cecilio Lopez (Tagalog). Mabilis na nanaliksik at kumilos ang instituto. Batid nilang ang pagbubuo ng wikang pambansa ay napakahalaga sa pagbubuo ng kamalayang pambansa at makabansa na sa panahong iyon (at mukhang hanggang ngayon) ay hilaw, mabuway at mahina pa sa isip at puso ng nakararaming Pilipino. Ikasiyam ng Nobyembre 1937 nang lagdaan ng mga kasapi ng instituto ang resolusyon na naghahayag ng rekomendasyon na piliin ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas – ang wikang pinakamaunlad sa aspekto ng istruktura, mekanismo at literatura bagamat pangalawa lamang noon sa dami ng mamamayang gumagamit nito sa buong kapuluan bilang kanilang unang wika. Ang Panibagong Binhi: Wikang Pambansang Batay sa Tagalog Pormal na iniluwal ng Executive Order (EO) No. 134 ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon ang wikang pambansang batay sa Tagalog noong Disyembre 30, 1937, alinsunod sa rekomendasyon ng Institute of the National Language na may komposisyong multilinggwal. Isang buwan bago ang paglagda niya sa makasaysayang EO, inilahad ni Quezon ang kahalagahan at pangangailangan na magkaroon ng wikang pambansa ang mga Pilipino: “...many of the difficulties or defects now existing here are due to the fact that we have not a common national language of our own. The desire to imitate everything alien...is due to an evil – to the lack of a real national soul. A national soul cannot exist where there is not a common language. We shall never have any

12

genuine national pride until we have a language of our own. We shall always have that sign of inferiority.”

Ang Kamusmusan ng Wikang Pambansa: Usad-pagong na Pagsulong Katulad ng iba pang yugto sa pag-unlad nito, ang lehislatibong pagsilang ng wikang pambansa ay maituturing na kapit-sa-patalim: mabagal ang pag-usad sapagkat laging hinahadlangan, parang rumaragasang tubig na laging ibinibilanggo ng mapaniil na prinsa ngunit malao’y sumasambulat din sa kabila ng lahat ng pagpigil at pagsansala rito. Katunayan, tatlong taon muna ang lumipas mula nang ihayag ni Quezon ang pagsilang ng wikang pambansang batay sa Tagalog bago ito naging isa sa wikang opisyal ng Pilipinas sa pamamagitan ng Commonwealth Act No. 570 na nilagdaan noong Hunyo 7, 1940. Hindi rin retroactive o agaran ang implementasyon ng batas na ito: kailangan pang hintayin ang “pagsasauli” ng kalayaan ng Pilipinas na itinakda sa Hulyo 4, 1946. Isa sa mga itinakdang kundisyon ng Batas Tydings-Mc Duffie – na naglalaman ng diumano’y “pagsasauli” ng kalayaan ng Pilipinas – ang pagpapanatili ng Ingles bilang pangunahing wika ng edukasyon. Malaking kabalintunaan na ang wikang pambansang batay sa Tagalog ay itinuturing na isa sa mga “wikang opisyal” ngunit Ingles pa rin ang wikang ipinalalaganap sa mga paaralan at ito rin ang wikang higit na ginagamit, katuwang ng Español, sa mga opisyal na transaksyon, komunikasyon at korespondensya ng pamahalaan. Sa buong panahon ng pagiging direktang Amerikanong kolonya ng Pilipinas hanggang sa maging bahagi na ito ng tinaguriang Commonwealth, tinangkang sansalain ng mga Amerikano ang pagsilang ng ating wikang pambansa. Umaasa silang

13

sa pag-aantala sa opisyal na paggamit ng wikang pambansa ay patuloy na mararahuyo ang mga Pilipino sa wika, kultura, produkto at sibilisasyong Amerikano. Nais nilang ipagpatuloy at palalimin pa ang Amerikanisasyon ng mga binansagang brown Americans. Mismong si Gobernador Heneral William Cameron Forbes ang naghayag ng ganitong layunin sa pagtuturo at pagpapanatili ng Ingles: “...it is believed that with the acquisition of knowledge of the English language...the development and assimilation of the Filipino people will be greatly advanced.” Ngunit bigo sila sapagkat gaya ng damong ligaw, habang tinatagpas, lalong lumalago ang wikang pambansa. Sa gitna ng pangingibabaw ng Ingles na naghahangad ng asimilasyon ng mga Pilipino sa sistemang Norte Amerikano, nagpupumiglas ang mga makabayan upang patuloy na itaguyod ang isinasantabi at inaapi-aping wikang pambansa. Pag-igpaw ng Musmos na Wikang Pambansa sa Larangang Administratibo Sa pamamagitan ng EO No. 263 na nilagdaan noong Abril 1940, pinagtibay ni Quezon ang pagpapalimbag sa diksyunaryo at balarila ng wikang pambansa. Itinakda rin ng kautusang ito ang opisyal na pagtuturo ng wikang pambansa sa paaralang pribado at publiko. Upang ganap na maipatupad ang panimulang pagpapaturo ng wikang pambansa sa mga paaralan, naglabas ng isang kautusang pangkagawaran ang kalihim ng Instruksyong Pampubliko noong Abril 8, 1940. Nilalaman ng kautusang ito ang panimulang pagtuturo ng wikang pambansa simula Hunyo 19, 1940 bilang asignaturang pinaglalaanan ng 40 minuto bawat araw sa ikaapat na taon ng mga pribado at publikong hayskul at bilang sapilitang asignaturang pandalawang semestre sa mga “paaralang normal” sa Pilipinas. Inilabas naman ng Kawanihan ng Edukasyon ang Bulitin Blg. 26 noong Nobyembre 15, 1940 upang imungkahi ang pagkakaroon ng

14

isang kolumna (pitak o column) o seksyon ng wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan. Gayunman, nanatiling dominanteng wika sa edukasyon at pamahalaan ang wikang Ingles sa kabila ng mga kautusan na nagtataguyod sa opisyal na paggamit ng wikang pambansa. Halimbawa, sa kabila ng “mungkahi” ng Kawanihan ng Edukasyon ukol sa pagkakaroon ng kolumna sa wikang pambansa, isinalaysay ni Aling Bebang ang patuloy na panggigipit sa musmos pang wikang pambansa. Aniya, may mga pagkakataon na mas malaki pa ang seksyong Español kaysa sa kolumna ng wikang pambansa sa opisyal na pahayagang pang-estudyante ng Philippine Normal College na noo’y halos purong Ingles. Marami pang mababasang anekdota ukol sa kapit-sapatalim at araw-araw na mumunting pakikibaka ng mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa laban sa gahum ng Ingles sa awtobayograpikal na nobelang “Walo at Kalahating Dekada ng Isang Buhay” ni Aling Bebang. Kakatwang kinailangan pa ng wikang pambansa ang di inaasahang ayuda ng panibagong pangkat ng mga manlulupig na mas marahas at mas walang pakundangan kaysa sa mga nauna, upang patuloy na umiral at sumulong habang pinagliliyab ng digma’t kaguluhan ang buong bayan. Kontribusyon ng Kaaway: Pagsigla ng Panitikan sa Wikang Pambansa Sa kabila ng di mabilang na kalapastanganan ng hukbong Hapon na nanakop sa Pilipinas at sa malaking bahagi ng Timog Silangang Asya, maituturing na isang positibong kaganapan ang pagbubukang-liwayway ng Imperyo ng Araw sa Perlas ng Silangan para sa noo’y musmos pa nating wikang pambansa. Libu-libong

mamamayang Pilipino ang marahas na pinaslang, ginutom, ginahasa at inalisan ng

15

dangal ng bagong hukbong mananakop ngunit sa larangan ng edukasyon at panitikan, binuhay nila ang aandap-andap na titis ng nasyonalismo sa wika. Sa paghahangad nilang mahikayat ang mga Pilipino na lumahok sa pangarap na Greater East Asia CoProsperity Sphere ng mga Hapon (isang euphemism sa Imperyo ng Araw), nagsagawa ng kudetang pangkultura ang tinaguriang “mga sakang” sa kanilang pananakop. Ibinando nila sa madla ang tunggaliang Kanluran versus Silangan upang paimbabaw na ipangalandakan na sila’y kaibigan at hindi kaaway ng mga kapwa Asyanong pinipilit lukuban ng watawat ng Pulang Araw. Ganap na ipinagbawal ng mga Hapon ang paggamit ng wikang Ingles sa mga paaralan at ipinalit ang mga katutubong wika bilang wikang panturo, pati na ang Niponggo, bagamat hindi rin nagka-ugat sa Pilipinas ang huli bunsod na rin ng maikling hegemonya ng mga Hapones. Sa bisa ng Executive Order No. 10 ni dating Pangulong Jose P. Laurel, ipinahayag ang pagpapaturo ng wikang pambansa sa lahat ng mga publiko at pribadong paaralan mula antas elementarya hanggang sa tersyarya. Upang lalo pang palaganapin ang wikang pambansang batay sa Tagalog sa pamamagitan ng pagtuturo nito sa mga di-Tagalog, itinayo ng republikang “inisponsor” ng mga Hapon ang Tagalog Institute noong 1944. Hinikayat ng mga Hapon ang mga Pilipino na magsulat gamit ang wikang pambansa ukol sa mga paksang sumasalamin sa katutubong kultura at pamumuhay. Kinontrol din nila ang mga pahayagan sa pamamagitan ng ahensyang mala-Comite de Censura noong panahon ng mga Kastila, ang Manila Shimbunsya. Bunga ng paghihigpit sa paggamit ng Ingles, ang Tribune at Philippine Review na lamang ang pinayagang umiral sa matamang pagsubaybay at matalas na sensura ng Shimbunsya

16

sa mga pahayagang Ingles na namayagpag bago ang digmaan. Maging ang mga batikang manunulat sa Ingles ay napilitang umakma sa tila makabayang patakarang pangwika ng mga Hapon. Sa tangkilik ng Shimbunsya, sumigla ang panitikan sa wikang pambansa. Nagkaroon ng mga patimpalak sa pagsulat at nangibabaw ang babasahing Liwayway na nagtampok ng mahuhusay na katha ng mga manunulat sa wikang pambansa. Tinipon sa mga de-kalibreng antolohiya ang pinakamahuhusay na kwento sa wikang pambansa. Bunsod ng mga pagsusumikap na ito pabor sa wikang pambansa, ang panahon ng Hapon ang itinuturing na “Ginintuang Panahon ng maikling kwentong Tagalog.” Sa halip na psychological cloning, cultural indigenization sa lambong ng Oryentalismo ang itinuro ng mga Hapon sa mga Pilipino. Sa maikling panahon, nagtagumpay ang mga bagong mananakop na palakarin ang sambayanan sa landas ng pagtuklas sa sarili at pagsalok sa katutubong batis ng mga karanasan, karunungan at kaalaman upang epektibong magamit ang wikang pambansa bilang behikulo ng kamalayang pambansa at makabansa. Bunsod ng lantad at aktibong pagpapalaganap ng mga Hapon sa cultural indigenization na kahit paano’y sumasalansang at bumabasag sa Amerikanisasyon ng mga Pilipino, hindi kataka-takang maging ang mga bayani at beterano ng Rebolusyon ng 1896 na kagaya ni Heneral Artemio Ricarte ay naging makiling sa mga Hapones, bukod pa sa mga kasapi ng Kilusang Sakdalista na pinamunuan ng anti-Amerikanong manunulat sa Tagalog at organisador ng mga magsasaka na si Benigno Ramos. Balintunang winasak ng mga Hapon ang kabuhayan, tahanan, taniman at negosyo ng mga Pilipino, ngunit nakatulong sila nang malaki sa pagbuhay sa nabalam

17

na proseso ng pagbuo ng kamalayang pambansa: ang pagtuklas ng pambansa at makabansang identidad. Munti man, positibo sa wikang pambansa ang tagumpay ng mga Hapon sa isa sa mga deklaradong layunin nila sa pagsakop sa Pilipinas: “to eradicate the old idea of the reliance upon the Western nations, especially upon the United States and Great Britain, and to foster a new Filipino culture based on the selfconsciousness of the people as Orientals.” Ngunit, sa pagwawakas ng digmaan, ang pagkatalo ng mga Hapon ay magsisilbi ring panibagong takipsilim ng opisyal at aktwal na pamamayagpag ng wikang pambansa. Sa Panahon ng “Malayang” Republika: Panunumbalik ng Opisyal na Hegemonya ng Ingles at Hakbang-hakbang na Martsa ng Wikang Pambansa Sa halip na samantalahin ang pagkakataon upang ideklara ang ganap na kalayaan ng Pilipinas sa mga dayuhan at simulan ang mahabang proseso ng pagbubuo ng bansa, pagkabansa at kamalayang pambansa at makabansa, muling niyakap ng mga Pilipino ang mga mananakop na Amerikano na binansagan pa nilang “liberator” ng bansa sa kabila ng katotohanan na sa halos buong panahon ng Hapon, ang iba’t ibang pangkat ng mga gerilyang Pilipino gaya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Bundok Arayat, Pampanga ang naging mabangis na tagapagtanggol ng kalayaan ng Pilipinas. Samakatwid, muling nagpatuloy ang Amerikanisasyon ng mga Pilipino sa wika, kultura, ekonomya at pulitika sa anyaya na rin ng mga namamalikmata at nagagayuma yatang Pilipino. Tinalakay ni Amado V. Hernandez sa nobelang “Mga Ibong Mandaragit” ang epekto ng muling pagyakap ni Juan de la Cruz sa inaakalang mapagpala gayong mapanikil at tusong kamay ni Uncle Sam.

18

Sa panunumbalik ng Estados Unidos sa Pilipinas, muling ibinalik ang opisyal na hegemonya ng Ingles sa edukasyon. Sa pamahalaan, patuloy rin ang opisyal na paggamit sa wikang Ingles bagamat sa papel, ang wikang pambansa na batay sa Tagalog ay isa ring “wikang opisyal.” Nanatili ang ganitong sitwasyon sa kabila ng “pagsasauli ng kalayaan” ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. Sa kabuuan, patuloy na nagkaroon at nagkakaroon pa rin ng aktibong pakikisangkot at kung minsa’y pakikialam ang mga tagapayong Amerikano sa pagbabalangkas ng mga patakaran ng malayang republika na dati’y isang direktang kolonya. Gayunman, sa pagpupunyagi ng mga naliliwanagang Pilipinong opisyal, unti-unting mailalatag ang mga saligan upang ganap na maging wikang opisyal na rin ang wikang pambansa, sa kabila ng malakas na gahum ng Ingles at daluyong ng patuloy na Amerikanisasyon. Panandang bato ang Bulitin Blg. 9 ng Kawanihan ng Edukasyon na inilabas noong Nobyembre 21, 1946. Ang memorandum na ito’y nag-aatas sa pagkakaroon ng “panimulang aralin sa wikang pambansa ng Pilipinas para sa mga gurong di-Tagalog” na magbubunsod upang kanilang maituro nang maayos ang wikang pambansa sa mga mag-aaral sa elementarya. Wikang “Pilipino” para sa Sambayanang Pilipino Sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na inilabas ng Kalihim ng Edukasyon noong Agosto 13, 1959, itinalaga ang pormal na pagtawag sa wikang pambansa bilang “wikang Pilipino.” Ito’y isang napakahalagang simbolikal na kaganapan. Sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan, nabibigyang-diin ang papel ng wika sa pagbuo ng pambansang identidad. Sa panahong “wikang pambansang batay sa Tagalog” pa ang tawag sa wikang “Pilipino,” laganap at maingay ang protesta

19

ng mga rehiyunalistang ayaw sa Tagalog. Kahit paano, nabawasan bagamat ‘di tuluyang naglaho ang protesta ng mga rehiyunalista dahil higit na mas tunog-pambansa ang “Pilipino” kaysa “wikang pambansang batay sa Tagalog.” Unti-unti, aktwal na nagiging simbolong pambuklod sa madla ang wikang pambansa. Dalawang Dekadang De-Amerikanisasyon: Aktibismo sa Wika at Pulitika Sa pagsapit ng Dekada Sisenta, sumibol, yumabong at hitik na nagkabunga ang mga binhi ng nasyonalismo na itinanim ng mga makabayang guro, akademista at propesor sa mga paaralan, lalo na sa mga pamantasan sa pambansang rehiyong kabisera. Sa mga dambuhalang protesta sa Kamaynilaan, narinig ang mataginting na tinig ng mga estudyanteng naghahangad ng nasyonalismo sa edukasyon, pulitika at ekonomya. Taglay nila ang mga plakard sa wikang bernakular at isinigaw ang mga islogan sa wikang pambansa, halimbawa’y ang walang kamatayang “Imperyalismo, ibagsak!” na hanggang ngayo’y naririnig pa rin sa buong kapuluan sa gitna ng libulibong kabataan at mamamayang nakataas ang kamao para sa nasyonalismo. Isang kabalintunaan na ang lahat ng ito’y epekto o kaya’y inspirado ng maimpluwensyang intelektwal na sa wikang Ingles nagsulat, si Renato Constantino. Sa pamosong sanaysay na “The Miseducation of the Filipino” na nalathala noong dekada 60, nilinaw ni Constantino ang papel ng Estados Unidos sa sistematikong pagbubura ng kamalayang pambansa at makabansa sa mga henerasyon ng Pilipinong hinubog sa mga paaralan na Ingles lamang ang wikang panturo at kulturang Amerikano lamang ang niluluwalhati. Tinibag ni Constantino ang argumento ng mga maka-Ingles sa mahusay na paggamit din ng wika ni Shakespeare sa pagpapalaganap ng “bagong kasaysayan” na nagbibigay-diin sa nasyonalismo. Tinukoy rin ni Constantino ang

20

pagkapalaasa ng mga Pilipino sa mga Amerikano sa usapin ng ekonomya bilang kakambal na problema ng pagsandig sa wikang dayuhan. Pinakamariing batikos ang inihayag ni Constantino sa mga elite na maka-Ingles na namamayani sa pulitika ng bansa sa kabila ng kabiguan nilang makipagtalastasan sa masa: “Now we have a small group of men who can articulate their thoughts in English, a wider group who can read and speak in fairly comprehensible English and a great mass that hardly expresses itself in this language. All these groups are hardly articulate in their native tongues...The result is a leadership that fails to understand the needs of the masses because it is a leadership that can communicate with the masses only in general and vague terms.” Para kay Constantino, ang pagpapataw ng Ingles sa edukasyon ang simula ng misedukasyon at pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Samakatwid, upang makawala sa de-Amerikanisasyon, humulagpos sa misedukasyon at makabuo ng makabansang kamalayan at pambansang kakanyahan, kailangang linangin ang wikang pambansa bilang dominanteng wikang panturo. Tumugon kahit paano ang pamahalaan sa panawagang de-Amerikanisasyon ng mga aktibistang nasyunalista sa akademya. Sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 24 na nilagdaan noong Nobyembre 14, 1962, inutos ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagpapalimbag ng mga sertipiko at diploma sa “Pilipino” na may maliliit na English subtexts. Inutos naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nilagdaan noong Oktubre 24, 1967 ang pagpapangalan sa Pilipino ng lahat ng gusali at tanggapan ng pamahalaan. Sinundan pa ito ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187 noong Agosto 16, 1969 na “nag-aatas sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan na

21

gamitin ang Wikang Filipino hangga’t maaari sa Linggo ng Wikang Pambansa at pagkaraan nito, sa lahat ng opisyal na komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan” sapagkat ang “Pilipino ay isang mahalagang sangkap ng nasyonalismo na makapagbubunsod sa ating bayan ng ibayong kaunlaran, katiwasayan at pagkakaisa.” Sa bisa naman ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 304 na nilagdaan noong Marso 16, 1971, pinalawak ng pamahalaan ang tungkulin, kapangyarihan at kasapian ng Institute of the National Language. Samantala, naglabas ng Memorandum Sirkular Blg. 172 ang kalihim tagapagpaganap noong Marso 28, 1968 upang iatas ang

“mahigpit na pagtalima sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96, Serye ng 1967 at ang paggamit ng Pilipino sa official letterheads at sa mga panunumpa sa tungkulin ng lahat ng pinuno ng pamahalaan.” Inilabas naman noong Agosto 5, 1968 ang Memorandum Sirkular Blg. 199 na nagtatagubilin sa may-insentibong pagdalo ng mga kawani ng gobyerno sa mga seminar sa wikang “Pilipino” at sa iba pang katulad na aktibidad ng Institute of the National Language. Pinag-aawayan pa ng mga taumbayan at ng mga akademista ang masasamang bunga ng diktadura sa panahon ni Marcos, ngunit, sa usapin ng pagtataguyod sa wikang pambansa, maraming makabayan at tagapagtaguyod ng wikang pambansa ang magbibigay-pugay sa mga positibong hakbang na isinagawa ng administrasyong Marcos. Ikalabing-anim ng Marso 1973 nang ihayag ang opsyonal na paggamit ng wikang “Pilipino” bilang wikang panturo o medium of instruction sa ikatlong baitang ng elementarya pataas, “sa mga asignaturang mas madaling matututuhan sa

pamamagitan ng wikang pambansa.” Pinalawak pang lalo ang opisyal na paggamit ng

22

Filipino bilang wikang panturo sa pamamagitan ng “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Edukasyong Bilinggwal” na nilalaman ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 na inilabas noong Hunyo 19, 1974 ng “Ministri ng Edukasyon at Kultura.” Itinatadhana nito ang magkahiwalay na paggamit ng “Pilipino” at Ingles bilang mga wikang panturo. Alinsunod sa memorandum na ito, ang wikang Pilipino ang siyang itinalagang wikang panturo sa asignaturang Araling Panlipunan, Edukasyon sa Wastong Pag-uugali, Edukasyong Panggawain, Edukasyong Pangkalusugan at Edukasyon sa Pagpapalakas ng Katawan. Bunsod ng patakarang bilinggwalismo sa edukasyon, malaking igpaw pasulong ang kinamtan ng wikang pambansa sa buong kapuluan. Hene-henerasyong mga Pilipino ang sumailalim sa de-Amerikanisasyon, pangunahin sa pamamagitan ng kanilang edukasyong bilinggwal na nakatuon sa pagpapasibol at pagsulong ng nasyonalismo, samakatwid baga’y ang pagbuo ng kamalayang pambansa at makabansa. Dekada Otsenta at Nobenta: Dalawampung Taon ng Filipinisasyon Bunsod ng makasaysayang Unang Rebolusyon sa Edsa noong 1986, nagkaroon ng bagong Saligang Batas ang ating republika. Isa sa mga pinakamainit na usaping pinagtalunan ng mga delegado sa kumbensyong konstitusyunal ay ang usapin ng wikang pambansa. May ilang rehiyunalista na nagnanais ng unibersal na dulog sa pagpili ng wikang pambansa: ang amalgamasyon o paghahalu-halo ng talasalitaan mula sa iba’t ibang wika ng Pilipinas. Maalab ding nakipagtagisan ng talino ang mga ultra-konserbatibo na nagpanukala namang Kastila ang dapat maging wikang opisyal. Pinakamasugid na kalaban ng mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa ang mga delegadong Amerikanista. Gayunman, dahil sa magigiting na tagapagtanggol ng wikang

23

pambansa na nagmula sa iba’t ibang rehiyon at nagsasalita ng iba’t ibang wika, nanaig ang konsensus na ang wikang pambansa ay wikang Filipino na ang nukleyo ay ang wikang Pilipino, sa pasubaling ito’y patuloy na lilinangin salig sa mga umiiral na mga katutubong wika sa Pilipinas at handa ring humiram ng mga salitang banyaga. Sa pagpapalit ng pangalan mula “Pilipino” tungong “Filipino” ganap na napatahimik na ang protesta ng mga rehiyunalista. Hindi simpleng pagpapalit ng titik ang nangyari: testamento ito na ang wikang pambansa ay hindi na lamang sa Tagalog nakasandig, sapagkat wala namang “F” sa Abakadang Tagalog. Ang pagbabanyuhay ng Pilipino na naging “Filipino” ay pagyakap ng wikang pambansa sa iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas na may mga tunog na wala sa Tagalog. Samakatwid, ang wikang pambansa ay nagiging “pambansa” na ngang talaga. Ang wikang Filipino’y sumusulong na rin bilang aktwal na wikang opisyal ng Pilipinas. Upang lalong pasiglahin ang paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksyon, komunikasyon at korespondensya ng gobyerno, nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 noong Agosto 25, 1988. Lalo ring pinatibay ng administrasyong Aquino ang patakarang bilingguwalismo sa edukasyon sa

pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 53, serye ng 1987. Malalaking tagumpay at pagsulong din ang kinamtan ng wikang Filipino sa mass media. Sa dalawang magkasunod na dekadang ito’y nauso ang paggamit ng Filipino sa mga public affairs at news program. Naging panggabi na lamang (at ngayon nga’y sa ilang channel na lamang matatagpuan) ang mga programang balita sa telebisyon. Pinasimulan ng programang “Batibot” at sinundan ng “At Iba Pa,” “Hiraya Manawari” at

24

“Bayani” ang pagtatangka ng mga makabayang TV producer na tumulong sa deAmerikanisasyon ng mga Pilipino. Tatlong henerasyon ng mga kabataang Pilipino ang patuloy na makagugunita kina Pong Pagong, Manang Bola, Kikong Matsing at Kuya Bodji – ang mga tauhang pantapat ng mga de-Amerikanisadong Pilipino sa Sesame Street, kay Barnie at kay Dora the Explorer. Hindi rin malilimot ng mga henerasyong ito ang mga isina-Filipinong cartoons kagaya ng “Huck Finn,” “Tom Sawyer,” “Julio at Julia,” “Si Mary at Ang Lihim na Hardin,” “Mga Munting Pangarap ni Romeo,” “Cedie,” “Voltes V” at napakarami pang iba. Bagamat sa unang sipat ay banyagang kultura ang nilalaman ng mga cartoon na ito, masasabing nakatulong pa rin ito sa proseso ng de-Amerikanisasyon ng mga Pilipino. Kumpara sa mga henerasyong isinilang sa huling bahagi ng dekada nobenta, ang mga isinilang sa maagang bahagi ng dekada otsenta hanggang sa simula ng dekada nobenta ay pawang higit na may kakayahang makipagtalastasan sa wikang Filipino. Talagang malaking tulong ang mga Filipinisadong mga programa sa telebisyon na namalasak sa kanilang panahon. Ang popularisasyon ng mga radyo-dramang Tagalog na talaga namang sinubaybayan ng masang Pilipino sa buong kapuluan ay nakapag-ambag din sa pagsusulong ng wikang Filipino. Katunayan, masasabing mas malaki ang papel ng radyo sa Filipinisasyon ng mass media, sapagkat noong mga panahong iyon, hindi pa gaanong maraming Pilipino ang may telebisyon ngunit walang dudang halos bawat tahanan mula Forbes Park hanggang sa kasuluk-sulukang isla ng bansa na may naninirahang Pilipino ay may radyo. Sa dalawang dekada ring ito sumulong ang Filipinisasyon ng mga dyaryo. Bagamat napako sa mga tabloid ang Filipinisasyon ng

25

print media, malaking tagumpay ang pag-ungos ng mga pahayagang Filipino sa bilang ng mga mambabasa ng mga Ingles na broadsheet. Lubos na naging maningning sa panahong ito ang pagsulong ng wikang Filipino sapagkat sa dekadang ito’y naipasa ang Batas Republika Blg. 7104 na nagtatadhana ng paglikha ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang pangunahing ahensya ng gobyerno na nangangalaga sa patuloy na pagpapaunlad at pagtataguyod ng paggamit ng wikang pambansa at ng iba pang mga wika sa Pilipinas, kagaya ng hinalinhan nitong Institute of the National Language. Sa Bungad ng Ikalawang Milenyo: Ang Pagbura sa Tagumpay ng Filipino Sa kasamaang-palad, ang mga tagumpay ng wikang Filipino sa mga naunang dekada ay tila baga binubura ng mga pagtatangkang muling ipataw ang Ingles sa mga Pilipino. Sa nakaraang kongreso, muntik nang maisabatas ang kalagim-lagim na bangungot na tinatawag na An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in Philippine Schools (House Bill/HB No. 4701). Ipinasa ito ng mga kongresista ngunit hindi nakasama sa prayoridad ng mga senador ng republika kaya’t inaasahang muling tatangkaing mailusot hanggang sa ito’y ganap na maging batas sa mga susunod pang panahon, kung hindi magigising sa mahimbing na pagtulog ang mga makabayan at mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino. Bago pa ang HB 4701, lumitaw ang isa pang dokumentong tila lason sa wikang Filipino at mga wikang bernakular, ang Executive Order/EO 210. Pagpuksa sa Filipino at mga dayalekto pabor sa lalo pang pagpapatibay ng paggamit ng wikang Ingles sa edukasyon ang pangunahing layunin ng HB 4701 at EO 210 kung pakasusuriin.

26

Balintunang ang EO 210 ay may pamagat na “Establishing the Policy to Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System,” ngunit higit nitong pinapaboran ang Ingles laban sa Filipino at mga dayalekto ng Pilipinas. Matutunghayan sa unang seksyon ng EO 210 ang ganitong utos: “...English should be used as medium of instruction for English, Math and Science from at least the Third Grade. The English language shall be used as a primary medium of instruction, in all public institutions of learning at the secondary level. As a primary medium of instruction, the percentage of time allotment for learning areas conducted in the English language in high school is expected to be not less than seventy percent (70%) of the total allotment for all learning areas...” Kahawig ito ng sinasabi sa Seksyon 4 ng HB 4701 na may layunin na “...to make the education of the young aligned with the requirements and realities of business life and competitive in the global environment by strengthening, enhancing and developing the use of the English language as the medium of instruction in all levels of education, from the preschool to the tertiary level.” Nilalaman din ng HB 4701 ang mga probisyong nagbibigay-prayoridad sa Ingles bilang wika ng interaksyon sa paaralan, wika sa mga publikasyong pang-estudyante at wika sa mga eksaminasyon sa gobyerno. Mahihinuhang sa papel, nanunumbalik na naman ang gahum ng Ingles bilang dominanteng wikang panturo. Pulis Pangwika: Makapili/Gestapong Maka-Ingles sa Kampus Ngunit kung sisipatin ang karanasan ng mga nasa pribadong paaralan, ang HB 4701 at EO 210 ay hindi na kailangan para sabihing namamayagpag na/pa rin ang Ingles. Sa buong panahon ng patakarang bilingguwalismo sa edukasyon sa antas elementarya hanggang sekundarya na sinimulan noong dekada 70 at lalo pang

27

pinatibay noong dekada 80 (bagamat pinalitan naman sa elementarya ng kautusang pabor sa mother language instruction nitong Hulyo 2009), naging maka-Ingles pa rin ang mga pribadong paaralan sa Pilipinas. Halos lahat ng mga pribadong paaralan mula antas pre-elementarya hanggang sa tersyarya ay nagpapaligsahan sa pahigpitan sa kani-kanilang English-only Campaign, sa layuning makaakit ng mas maraming estudyante mula sa mga nakaririwasang uri at makapagpanggap na international school upang mabatobalani naman ang dumaraming Koreano at iba pang Asyanong dumarayo sa bansa para mag-aral. Sa aming paaralan, nitong Hulyo 2009 ay lumikha na rin ng spy network ang English Department upang manmanan ang mga estudyanteng nagsasalita ng wikang hindi Ingles (Filipino, Koreano atbp.). Nagrekrut sila ng dala-dalawang estudyante sa bawat klase na magsisilbing tiktik ng kani-kanilang seksyon. Lingguhang iuulat sa kanilang English teacher ang mga pangalan ng mga estudyanteng nahuling nagsasalita ng Filipino at iba pang wikang hindi Ingles habang nasa loob ng kampus. Pinagtatalunan pa ng mga guro sa English Department kung anong dulog o approach ang susundin: pagpaparusa sa mga nahuling nagsasalita ng wikang di Ingles sa pamamagitan ng pagbabawas ng puntos o pagbibigay ng insentibo sa mga estudyanteng nananatiling tapat sa Ingles sa pamamagitan ng pagdaragdag ng puntos. Kagulat-gulat ngunit totoong habang tumatagal, ang digmaang pangwika sa Pilipinas, partikular sa mga pribadong paaralan, ay unti-unting lumalalim at nagkakaroon ng mga dimensyong tila lumalabag na sa karapatang pantao. Ano na nga ba ang nangyari sa wika bilang karapatang pantao? Sa mga darating na panahon, kapag nagpatuloy ang mga pulis pangwika sa kanilang di katanggap-tanggap na pamamaraan, baka idulog na

28

rin sa United Nations ang paglabag sa karapatang pangwika, bukod pa sa iba pang karapatang pantao na malaon nang sinasalansang at isinasantabi.

Hegemonya ng Ingles sa mga Larangang Makapangyarihan Ayon kay Bonifacio Sibayan, isang dahilan kung bakit sa kabila ng mga tagumpay ng Filipino ay hindi pa rin ito maging dominante sa lahat ng larangan ay sapagkat ang mga controlling domain o mga larangang makapangyarihan kagaya ng tatlong sangay ng pamahalaan ay pinangingibabawan ng Ingles. Mula sa panahon ng Commonwealth hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nakapangibabaw ang wikang pambansa sa mga controlling domain. Kakatwa na tuwing eleksyon, wika ng masa – ang mga bernakular, Filipino kapag sa mga patalastas – ang ginagamit ng mga kandidato sa mga posisyong pambansa para mangampanya. Hindi maiwasang maalala ang mga kontemporaryong halimbawa: “Anak, itabi mo. Ako papadyak.” “Ganito kami sa Makati, ganito sana sa buong Pilipinas.” “Ang nanggaling sa mahirap, tumutulong sa mahirap.” Ngunit kapag pinansin ang mga batas at kautusang inakda ng nakararaming pulitiko (kasama na ang tatlong presidentiable na pinatutungkulan sa mga naunang pahayag), kapansin-pansing Ingles ang karamihan sa mga ito. May mga pagkakataong isinasalin ang mga batas sa Filipino, ngunit iyon ay sa pasubaling ang Ingles ang masusunod kapag may pagtatalo o conflict sa kahulugan ng orihinal at ng salin. Ang orihinal na mga pasya ng Korte Suprema ay laging nakasulat sa Ingles, bagamat kapuri-puri ang ginawa ni Punong Mahistrado Reynato Puno na pagtatatag ng isang entidad sa ilalim ng Korte Suprema na ang pangunahing layunin ay isalin sa wikang pambansa ang mga mahahalagang pasya ng hukuman. Ang mga

29

hearing sa Senado at Kongreso ay karaniwang sa Ingles din. Kahit ang taunang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ay halos Ingles din ang kabuuan, maliban sa mangilan-ngilang pahayag. Paano nga ba lubos na susulong ang wikang Filipino kung mismong ang mga nasa pamahalaan ay bantulot sa paggamit nito? Binhing sa Baler Nag-Ugat, Sa Buong Bansa’y Patuloy na Lumalaganap Sa kabila ng kabiguan ng wikang Filipino na makapangibabaw sa mga controlling domain, nananatiling sumusulong at umuunlad ang ating wikang pambansa. Sa larangan ng internet, milyun-milyong artikulo na ang mababasa ukol sa at kaugnay ng ating wikang pambansa. Sa pamamagitan ng Google search, matutunghayan ang mga sumusunod na paksa at ang bilang ng mga online na artikulong ukol dito: Wikang Filipino (283,000); Tagalog (267,000); Filipino Dictionary (2,500,000); Wikang Pambansa (93,000) at Filipino Language (11,500,000). Sa Wikipedia, ang

pinakapopular na online encyclopedia, kasama pa rin sa nangungunang wika sa daigdig na may pinakamaraming artikulong online ang “Tagalog.” Masikhay rin ang pagsusumikap ng mga tagapagtaguyod ng Filipiniana.net sa paglalagay sa internet ng mga e-book (librong nasa .pdf format/nababasa sa pamamagitan ng kompyuter at karaniwang libreng naida-download) ng mga nobela at iba pang akdang pampanitikan sa Tagalog at Filipino. Sa telebisyon, halos lahat ng palabas sa mga nangungunang istasyon ay Filipino ang gamit na wika. Kamakailan ay sinimulan ng Channel 5 ang Filipinisasyon ng mga banyagang cartoons na gaya ng Sponge Bob Square Pants. Ang mga teleserye at patok na soap opera gaya ng “May Bukas Pa” at “Zorro” hanggang sa mga kinababaliwang “Asianovela” gaya ng “Hana Yuri Dango,” “Meteor Garden,” “Kim Sam

30

Soon” at “Jewel in the Palace” ay pawang kinubkob na rin ng Filipinisasyon. Bunsod ng paglaganap ng Filipino sa mass media, lalo na sa telebisyon, halos 100% ng mga mamamayan ng Pilipinas ang may kakayahang makipagtalastasan sa Filipino. Malaking pag-igpaw ito sa halos 20% lamang ng populasyon na nagsasalita ng Tagalog sa panahon na pagtibayin ng administrasyong Quezon ang wikang pambansang batay sa Tagalog. Bihira sa mga advertisement ang gumagamit ng Ingles sapagkat batid ng mga advertiser na Filipino na ang wika ng masa. Sa pahayagan, halos 4 na milyon ang pinagsama-samang sirkulasyon ng mga Filipinong tabloid kumpara sa kulang-kulang 2 milyon na readership ng mga Ingles na broadsheet. Sa pamahalaan, naging mabunga ang eksperimental na paggamit ng Filipino sa deliberasyon ng mga korte sa ilang lugar sa Luzon gaya ng Malolos, Bulacan. Tuloy rin ang pangangampanya ng mga pulitiko sa pamamagitan ng mga patalastas na wikang Filipino ang pangunahing gamit. Sa larangan ng pananaliksik, dumaraming mananaliksik sa iba’t ibang larangang labas sa wika, panitikan at agham panlipunan ang gumagamit na rin ng wikang Filipino sa pagsulat ng mga artikulo, pag-aaral, sarbey, tesis at disertasyon. Kalakaran na rin ang pagkakaroon ng abstrak sa Filipino ng mga pananaliksik na Ingles ang gamit. Kapansin-pansin din ang pagsigla ng leksikograpiyang Filipino na makikita sa pagdami ng mga nabuong glosaryo at diksyunaryo sa iba’t ibang larangang gaya ng nutrisyon, agrikultura, pangingisda, pananahi, pagbabangko, kompyuter, matematika, bayolohiya at iba pa na matatagpuan sa Pambansang Aklatan, at sa aklatan ng mga pamantasan sa pambansang rehiyong kabisera.

31

Ngunit, hindi lamang sa Pilipinas sumusulong ang Filipino. Sa dami ng mga Pilipinong migrante sa halos bawat bansa, hindi kataka-takang kumakalat na rin ang wikang Filipino sa buong daigdig. Ayon sa Wikipedia, sinasalita ito ng significant na bilang ng minorya sa Australia, Bahrain, Brunei, Canada, Guam, Hong Kong, Japan, Kuwait, Malaysia, Northern Mariana Islands, Palau, Qatar, Saudi Arabia, Switzerland, United Arab Emirates, United Kingdom at United States of America. Kinikilala ito bilang opisyal na minority language sa Canada, Guam, Hong Kong, Malaysia, United Kingdom at United States. Sa kabuuan, ang Filipino ay ika-53 sa buong mundo sa dami ng taong nagsasabing ito ang kanilang unang wika. Sa aktwal, mahigit 90,000,000 ang nakagagamit nito bilang una o ikalawang wika – bilang na sapat upang makasama ito sa unang 20 wika ng daigdig. Sa Estados Unidos, marami-rami nang paaralan ang may kursong Philippine Studies na sumasaklaw rin sa pagtuturo ng Filipino sa mga magaaral. Sa St. Petersburg State University ng Russia, isa sa pinakamalalaking unibersidad sa daigdig, isang departamento ang patuloy na nananaliksik ukol sa at nagtuturo ng wikang Filipino sa mga estudyanteng Ruso. Sa dami ng mga migranteng Pilipinong manggagawa sa Dubai at Hong Kong, mistulang “ikatlong wika” sa mga lugar na iyon ang Filipino. May halos 10 milyong Pilipinong trabahador sa iba’t ibang bansa at parami nang parami ang permanente nang naninirahan sa mga bansang kanilang pinuntahan, kaya praktikal para sa mga dayuhan na pag-aralan ang wikang Filipino. Nagiging wikang internasyunal na rin ang Filipino. Ang binhing itinanim ng isang pangulong buhat sa Baler ay nagka-ugat na at patuloy na lumalaganap sa buong bansa at maging sa ibayong dagat sa kabila ng patuloy na panananalasa ng mga ignoranteng kabalyerong maka-Ingles sa Pilipinas.

32

Kahit ginigipit, kahit sinisikil, kahit isinasantabi, kahit minamaliit, kahit kapit-sa-patalim ay lahatang-panig na sumusulong ang wikang Filipino, mula pa noong Panahon ng Kolonyalismo hanggang sa kasalukuyan, sa bungad ng Ikalawang Milenyo, at inaasahang magpapatuloy pa ito sa paglago sa mga panahong darating.

Mga Sanggunian: Abad, Melania L. 2007. Neoliberalistang Pagpaplanong Pangwika: Tungo sa Komodipikado at Episyenteng Pagpapahayag (sa “Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines”). Atienza, Monico M. at Constantino, Pamela C. (mga editor). 1996. Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. UP-Sentro ng Wikang Filipino, Lunsod ng Quezon. Constantino, Pamela C. (editor). 2005. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. UP-Sentro ng Wikang Filipino at Sanggunian sa Filipino, Lunsod ng Quezon; at Pambansang Komisyon para sa Sining, Lunsod ng Maynila. Constantino, Renato. 1982. The Miseducation of the Filipino. Foundation for Nationalist Studies, Lunsod ng Quezon. Cronico, Rolando C. 2002. Daynamik ng Pagpaplanong Pangwika Noong Ika8 at Ika-9 na Kongreso ng Pilipinas. National Commission on Culture and the Arts, Rizal. Cruz, Isagani. 2001. Kung Bakit sa Wikang Filipino Lamang Dapat Ituro ang mga Sabjek sa Lahat ng Lebel ng Edukasyon sa Filipinas (sa “TALISIK...”)

33

__________________________. 2006. Split-Level Americanization: A Case Study of McDonaldized Philippines (papel na binasa sa “International Conference on the United States and the Pacific Islands: Culture, Science, Politics”). Okinawa, Japan. [masisipat sa http://criticplaywright.blogspot.com/2006/12/split-levelamericanization-case-study.html] Derbyshire, Charles (tagasalin). 2005. The Reign of Greed (salin ng El FIlibusterismo ni Jose Rizal). Project Gutenberg Ebook. http://www.gutenberg.org/files/10676/10676-h/10676-h.htm] Espiritu, Clemencia C. (editor). 2001. TALISIK: Opisyal na Dyornal Sentro ng Kahusayan sa Filipino, Philippine Normal University (Vol. 1 Bilang 1). Lunsod ng Maynila. Espiritu, Clemencia C. at Fortunato, Teresita F. (mga editor). 2006. [masisipat sa

Guro: Mula Tsok Hanggang Internet (Aklat-Parangal kay Nenita R. Papa). Pambansang Samahan sa Linggwistikang Filipino. Fonacier-Bernabe, Emma. 1987. Language Policy Formulation,

Implementation and Evaluation in Philippine Education (1565-1974). Linguistic Society of the Philippines, Maynila. Freire, Paulo. 1985. The Politics of Education: Culture, Power and Liberation. Trans. Donaldo Macedo. Massachusetts: Bergin and Garvey Publishers, Inc. Gullas, Eduardo et al. 2006. House Bill/HB No. 4701 (An Act to Strengthen and Enhance the Use of English As the Medium of Instruction in Philippine Schools).

34

Komisyon sa Wikang Filipino. 1998. Wikang Filipino sa Larangang Akademiko: Kolokyum ’96, ’97, ‘98. Lunsod ng Maynila. __________________________. 1998. Gawad Surian sa Sanaysay: Gantimpalang Collantes (1992-1998). Lunsod ng Maynila. __________________________. 2005. English-Tagalog Dictionary (6th Edition). Lunsod ng Maynila. Licuanan, Patricia B. 2007. Language and Learning (talumpati sa “CEO Forum on English-Philippine Business for Education”). Asian Institute of Management. [masisipat sa http://www.quezon.ph/wp-

content/uploads/2007/04/licuanan-speech-1.pdf] Lumbera, Bienvenido. 2005. Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura ito ng Globalisasyon? (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”). Lumbera, Bienvenido et al. (mga editor) 2007. Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines. IBON Foundation, Inc. Lunsod ng Quezon. Macapagal-Arroyo, Gloria. 2003. Executive Order (EO) 210, Series of 2003. (nasa “Apendiks” ng “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”). Merriam and Webster Bookstore, Inc. 1986. Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (Bilingual Edition). Lunsod ng Maynila. Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining. 2000. Gabay sa Pagsasalin. Lunsod ng Maynila. Puno, Reynato S. 2008. Talumpati sa Supreme Court Forum on Access to Justice. Court of Appeals, Manila.

35

Santiago, Erlinda M. et al. 1989. Panitikang Filipino: Kasaysayan ar Pagunlad: Pangkolehiyo. National Book Store, Lunsod ng Mandaluyong. Sibayan, Bonifacio. 1991. Becoming Bilingual in English In a Non-English Environment. (sa Focusschrift in Honor of Joshua Fishman on his 65th Birthday: Bilingual Education, Volume I). Tiamson-Rubin, Ligaya et al. 2001. Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas. Rex Book Store, Lunsod ng Quezon. __________________________. 1993. Intelektwalisasyon at Istandardisasyon ng Filipino sa Agham Panlipunan (sa Gawad Surian sa Sanaysay: Gantimpalang Collantes: 1992-1998). Villafuerte, Patrocinio V. at Bernales, Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at Praktika. Mutya Publishing House, Lunsod ng Malabon. _____________________________________et al. 2009. Panitikan ng Pilipinas:

Historikal at Antolohikal na Pagtalakay. Mutya Publishing House, Lunsod ng Malabon. Zabolotnaya, Natalia V. 2006. Philippine Linguistics Studies in Russia (seminar paper: 9th Philippine Linguistics Congress). Department of

Linguistics, University of the Philippines. Lunsod ng Quezon. web.kssp.upd.edu.ph/linguistics/plc2006/papers/FullPapers/III-A3_Zabolatnaya.pdf]

[masisipat sa

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->